Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (20) Ikalimang Seksiyon

Hindi tinatrato ng mga huwad na lider ang mga tao batay sa mga salita ng Diyos kundi ayon sa sarili nilang kagustuhan. Kumikilos sila nang walang anumang prinsipyo, ginagawa ang anumang gusto nila. Kapag nakikita nilang ginugulo ng mga anticristo ang iglesia, hindi sila namumuhi sa mga ito. Naniniwala sila na sa pamamagitan ng pagbabasa ng ilang salita ng Diyos sa mga anticristo, malilimitahan ang paggambala at panggugulo ng mga ito. Anong klaseng mga tao ang mga anticristo? Mga diyablo sila, mga Satanas sila! Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, hindi talaga tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan at kaya nilang gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia at guluhin ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Sila ang mga diyablo at Satanas sa tunay na buhay. Umaasa ang mga huwad na lider na mahihimok nila ang mga anticristo na magsisi at magbago ng isip sa pamamagitan ng pagbabasa ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos sa mga ito. Hindi ba’t malaking kahangalan ito? Ang mga taong katulad ng mga anticristo ay hinding-hindi tumatanggap sa katotohanan. Kahit gaano karaming masamang gawa ang gawin nila, hindi nila pagninilayan o kikilalanin ang sarili nila, at kahit gaano karaming pagkakamali ang magawa nila, hindi nila aaminin ang mga pagkukulang nila. Mga buhong sila na nakatadhanang mapunta sa impiyerno, pero iniisip mo na ang pagbabasa ng ilang sipi ng salita ng Diyos at pagbibigay ng ilang panghihikayat ay makakapagpabago sa kanila—hindi ba’t pag-iilusyon ito? Kung napakadali para sa tiwaling sangkatauhan na tanggapin ang katotohanan, hindi na kakailanganing gampanan ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Bakit nagsasalita ang Diyos ng napakaraming salita at nagpapahayag ng napakaraming katotohanan sa Kanyang gawain? Dahil ang pagliligtas sa mga tao ay hindi madali, dahil masyadong marami ang paghihirap ng mga tao at masyadong matindi ang paghihimagsik nila! Ang mga tumatanggap lang sa katotohanan ang maliligtas. Ang mga tutol at namumuhi sa katotohanan ay hindi maliligtas. Gayumpaman, naniniwala ang mga huwad na lider na kung magsasabi sila ng ilang malupit na salita sa mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristo, magsisisi ang mga indibidwal na ito at makikilala ang sarili ng mga ito, at na kung sasabihan nila ito ng mga salita ng panghihikayat at pangpagaan ng loob, magsisisi ang mga ito, at kapag nagkagayon ay magiging determinado ang mga ito na gawin ang mga tungkulin ng mga ito, na maging tapat, at sumailalim sa pagbabago sa disposisyon, na magiging mga masunuring tupa ang mga anticristo. Hindi ba’t hangal na ideya ito? Napakalaking kahangalan nito! Katulad ito ng walang katuturang salita ng isang baliw—paanong magiging ganoon kasimple ang mga bagay-bagay! Mahigit tatlumpung taon nang ginagampanan ng Diyos ang gawain ng paghatol, at gaano kalaking pagkakilala sa sarili at pagbabago ang nakamit na ng mga tao? Iilang tao pa lang ang nagkamit ng ilang resulta. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan, gaano man karaming sermon ang kanilang pinapakinggan, sa pinakamainam, ay nakakaunawa lang ng ilang doktrina. Talagang hindi nagbago ang buhay disposisyon nila, at maging ang mabubuting ugali at mabubuting gawa ay bihirang makita sa kanila. Anong klaseng mga tao ang mga ito? Sila ay mga taong nakikinabang hangga’t nais nila—hinding-hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Nakatuon lang sila sa pagtatamasa ng biyaya ng Diyos at naghahangad lang sila ng mga pagpapala; sila ay walang iba kundi mga nakabihis na hayop! Labis na tiniwali ni Satanas ang mga tao; puno sila ng mga tiwaling disposisyon, at punong-puno ng mga lason ni Satanas ang mga buto at dugo nila. Kung hindi nila matatanggap ang katotohanan, o ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, paano sila tunay na makapagpapasakop sa Diyos? Paano nila magagawa nang tapat ang mga tungkulin nila? Paano sila magkakaroon ng takot sa Diyos at makakaiwas sa kasamaan? Ang pagkamit ba ng kaligtasan ay maaaring maging kasingsimple na gaya ng iniisip ng mga tao? Ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa loob ng libo-libong taon, hanggang sa puntong naging mga diyablo na sila. Ngayon ay pumarito na ang Diyos para iligtas sila, at gaano man karaming salita ang sinasabi Niya, isang napakahirap na gampanin ang gawing mga tunay na tao ang mga taong naging diyablo na. Bukod sa kailangang magpahayag ng Diyos ng maraming katotohanan, kailangan ding gawin ng mga tao ang pinakamakakaya nila para makipagtulungan sa pamamagitan ng paghahangad, pagtanggap, at pagsasagawa sa katotohanan—saka lang sila makakalaya sa impluwensiya ni Satanas at makakamit ang pagliligtas ng Diyos. Minsang sinabi ng Diyos, “Marami ang tinawag, datapuwa’t kakaunti ang nahirang.” Bagama’t maraming tao ang nananampalataya sa Diyos, tanging ang mga tunay na dumaranas sa Kanyang paghatol at pagkastigo, at ganap na nagpapasakop sa Kanyang gawain, ang malilinis at magagawang perpekto. Iyong mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristo na hindi tumatanggap ng kahit katiting na katotohanan, ay tutol sa katotohanan sa puso nila; hindi nila kailanman makakamit ang pagliligtas ng Diyos, at maaari lang silang mabunyag at matiwalag ng gawain ng Diyos. Ang mga huwad na lider ay walang pag-unawa sa gawain ng Diyos. Iniisip nilang ganoon kasimple ang gawain ng pagliligtas ng Diyos sa mga tao, naniniwala sila na sa pamamagitan ng pagbabasa ng ilang salita ng Diyos sa masasamang tao at mga anticristo at pagsasabi ng ilang malupit na salita ng pagpupungos, magsisisi at magbabago ang mga ito, at magiging tapat sa mga tungkulin ng mga ito. Ano ang problema rito? Bukod sa hindi paghahangad sa katotohanan at hindi pagkaunawa sa katotohanan, dahil din ito sa napakahinang kakayahan ng mga huwad na lider; samakatwid, wala talaga silang pagkaunawa sa gawain ng Diyos at kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao. Para makita kung ano ang diwa ng isang tao, kung mayroon man siyang katotohanang realidad, at kung paano siya dapat na tratuhin, kinakailangang isaalang-alang ang kakayahan at saloobin niya sa katotohanan—dapat mong obserbahan kung kumusta ang pagkaarok niya sa katotohanan at kung kaya ba niyang tanggapin ang katotohanan. Kaya, ano ang batayan sa pagsukat kung kayang maarok ng isang tao ang katotohanan? Pangunahin itong nakasalalay sa kalidad ng kakayahan niya at kung dalisay ba ang pagkaarok niya sa mga salita ng Diyos. Ang ilang tao ay umaabot sa edad na limampu o animnapu pero hindi pa rin nila nakikilatis ang diwa at aktuwal na kalagayan ng katiwalian ng sangkatauhan. Iniisip pa rin nila na maganda ang lipunan ng tao at gusto nilang mamuhay nang payapa at matiwasay kasama ang iba. Hindi ba’t labis itong hangal at walang kamuwang-muwang? Kung puwedeng maging mabuti ang lahat ng tao dahil sa pananampalataya sa Diyos, kakailanganin pa ba ang gawain ng Diyos ng paghatol at pagkastigo para iligtas ang mga tao? Hindi inilalarawan ng mga huwad na lider ang iba’t ibang tao batay sa mga salita ng Diyos kundi batay lang sa panlabas na pag-uugali ng mga ito at batay sa mga personal na impresyon ng huwad na lider. Napakamababaw rin ng gawaing ginagawa nila, tulad ng mga batang naglalaro ng bahay-bahayan. Iniisip nila na minsan ay kaya nilang hanapin ang mga tamang salita ng Diyos para ilapat sa isang partikular na sitwasyon, at na ang simpleng pagbabasa ng ilang salita ng Diyos sa mga tao ay makapagpapabago sa mga ito: “Tingnan mo, sa ilalim ng pamumuno at panghihikayat ko, sa pamamagitan ng aking mapagmahal na pagtulong, nagkaroon na ng epekto sa mga tao ang mga salita ng Diyos. Ayaw na nilang maging mga anticristo, at handa na silang baguhin ang mga pananaw nila sa pananampalataya sa Diyos. Hindi na sila makikipag-agawan para sa kapangyarihan at pakinabang, ni magtatatag ng mga nagsasariling kaharian; hindi na nila gagambalain at guguluhin ang gawain ng iglesia, at hindi na nila ililihis ang mga kapatid o kukuhain ang loob ng mga ito!” Kaya mo ba silang limitahan? Hindi mo kailanman malilimitahan ang tunay na masasamang tao na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan. Dahil may diwa sila ng masasamang tao, gumagawa sila ng masasamang gawa anumang oras ng araw o gabi; sa tuwing may pagkakataon sila, gumagawa sila ng kasamaan. Ayos lang ba na hindi mo sila paalisin sa iglesia? Titigil ba sila nang kusa sa masasamang gawa nila? Hindi sila mga tao; sila ay mga diyablo at Satanas! Ilang taon na bang lumalaban sa Diyos ang mga diyablo at si Satanas? Hanggang ngayon, lumalaban pa rin ang mga ito sa Diyos. Ang mga anticristo at lahat ng uri ng masamang tao na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia ay ang mga diyablo at Satanas sa tunay na buhay; sila ang mga kaaway sa tunay na buhay. Maaari ba nilang mabago ang diwa nila dahil lang sa ilang salita mula sa iyo o dahil sa mapagmahal na puso mo? Napakahangal mo! Iniisip mo bang maliligtas mo ang mga tao mula sa kasalanan dahil lang nauunawaan mo ang kaunting doktrina? Kaya mo ba silang iligtas? Nakatadhana na silang mapunta sa impiyerno, pero iniisip mong mababago sila ng ilang magandang salita. Ganoon ba ito kadali? Kung ang mga tao ay napakadaling iligtas, hindi na kakailanganin ng Diyos na magsabi ng napakaraming salita o gumampan ng gawain ng paghatol at pagkastigo. Kakailanganin ba Niyang gumugol ng napakaraming oras at ng napakaraming dugo ng puso Niya para iligtas ang mga tao?

Ngayon, sa iglesia, nabunyag at nabukod-bukod na ang iba’t ibang tao ayon sa kanilang uri. Dapat na maklasipika ang lahat batay sa uri nila, at may mga prinsipyo at atas administratibo sa sambahayan ng Diyos na namamahala sa kung paano tatratuhin at pangangasiwaan ang iba’t ibang uri ng mga tao. May pagtitiis at pagpaparaya, awa at mapagmahal na kabaitan, at matuwid na disposisyon ang Diyos—pero huwag kalimutan na ang Diyos ay may poot at pagiging maharlika rin. Sinasabi ng ilang tao, “Nais ng Diyos na maligtas ang bawat tao at ayaw Niyang mapahamak ang sinuman.” Totoo ito, pero nais ng Diyos na iligtas ang “bawat tao,” hindi ang bawat bagay o bawat diyablo. Kapag nasasadlak sa perdisyon ang mga tao, nakakaramdam ng hinagpis at pighati ang Diyos. Kapag nasasadlak sa perdisyon ang mga diyablo, iyon ang nararapat na wakas at karampatang parusa para sa kanila; hindi nakakaramdam ng pighati ang Diyos para sa kanila. Ito ang disposisyon ng Diyos at ang prinsipyo Niya sa pangangasiwa sa mga tao. Palaging gustong kontrahin ng mga tao ang Diyos, iniisip nila na ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristo ay mga tao rin. Iniisip nila na ang mga palaging nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia ay mga tao rin, na ang mga nakikipag-agawan sa katayuan at nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian ay mga tao rin, at na ang mga palaging nakikisangkot sa kahalayan ay mga tao rin. Isinasama nila sa hinirang na mga tao ng Diyos ang lahat ng indibidwal na ito na sa mga kauri ng mga diyablo. Hindi ba’t katawa-tawa ito? Hindi ba’t salungat ito sa mga ninanais ng Diyos? Dahil ang mga pananaw nila sa mga usapin ay lubos na taliwas sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, ang mga opinyon nila tungkol sa iba’t ibang negatibong personalidad, diyablo, at Satanas ay ganap na salungat sa mga salita ng Diyos, napakalaki ng pagkakaiba. Hindi kailanman tinrato ng Diyos bilang mga tao ang mga diyablong sumusunod kay Satanas. Paano inilalarawan ng Diyos ang mga taong ito? Mga alipin sila ng diyablong si Satanas; mga halimaw sila. Ang mga huwad na lider, dahil sa mabubuti nilang intensiyon at naguguluhang pagmamahal, at dahil hinihimok sila ng sarili nilang pag-iilusyon, itinuturing nila ang mga hindi mananampalataya, diyablo, at alipin na ito ni Satanas bilang mga kapatid. Samakatwid, pinapakitaan nila ang mga ito ng malaking pagmamahal at kabaitan, palaging tinutulungan at sinusuportahan ang mga ito. Bilang resulta, dahil sa suporta, tulong, at pamumuno ng mga huwad na lider sa mga taong iyon, ang tunay na mga kapatid, iyong mga gustong iligtas ng Diyos, ay labis na nababahala; hindi kailanman makapasok sa tamang landas ang buhay iglesia, at ang mga kapatid ay hindi kailanman normal na makakain at makainom ng mga salita ng Diyos at makapagbahaginan sa katotohanan nang hindi nagugulo ng masasamang tao. Hindi ba’t ito ang “nakamit” ng mga huwad na lider? Talagang makabuluhan ang “nakamit” nila: Bukod sa nabibigo silang protektahan ang mga kapatid, binibigyan din nila ng di-nararapat na paggalang at proteksiyon ang masasamang tao at mga anticristong iyon. Hindi ba’t paggambala ito sa gawain ng iglesia? Ang kalikasan ng mga huwad na lider na gumagawa nito ay paggambala, pero iniisip nilang pinananatili nila ang gawain ng iglesia at na tinutulungan at sinusuportahan nila ang hinirang na mga tao ng Diyos. Paano tinitingnan ng Diyos ang mga kilos na ito ng mga huwad na lider? Kinasusuklaman ng Diyos ang mga ito, labis Niyang kinasusuklaman ang mga ito! Hindi gumagawa ng aktuwal na gawain ang mga huwad na lider, sa halip ay nakatuon sila sa pangangalaga sa masasamang tao, kumikilos sila bilang mga alipin ni Satanas. Dahil dito, ang hinirang na mga tao ng Diyos—iyong mga nagmamahal sa katotohanan—ay hindi nakakatanggap ng suporta at pagtustos ng iglesia sa kabila ng pamumuhay ng buhay iglesia, at gusto nilang gawin ang mga tungkulin nila pero hindi tiyak ang seguridad nila. Ganap na walang kaalam-alam ang mga huwad na lider sa mga usaping ito at iniisip nila, “Pantay-pantay ang pagtrato ko sa lahat, kaya bakit kayo nagrereklamo? Ano ba ang dapat kong gawin para masiyahan kayo? Ito ang ibig sabihin ng patas na pagtrato sa mga tao. Sadyang maselan kayo at mahirap kayong mapasaya! Hindi bale, nananagot ako sa Diyos; ginagawa ko ang lahat sa harap ng Diyos!” Hindi ba’t hindi sila tinatablan ng katwiran para makapaglitanya sila ng gayong retorika? Hindi ba’t sukdulan ang kahangalan nila? Tunay ngang hindi sila tinatablan ng katwiran at sukdulan ang kahangalan nila. Araw-araw na tinatalakay ng sambahayan ng Diyos kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, pero hindi kailanman nauunawaan ng mga huwad na lider ang mga salita ng Diyos. Iniisip nila na sinuman ang isang tao, ano man ang diwa niya, at gaano man kasama ang mga nagawa niya, at gaano man kamapaminsala ang pagkatao niya, sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos at sa tulong ng mapagmahal na pagsuporta ng mga tao, sa huli ay magsisisi at magbabago ito. Hindi ba’t maling-mali ang pananaw na ito? (Oo.) Bukod sa pagkakaroon ng labis na nakalilinlang na pagkaarok sa mga salita ng Diyos, nagpapanggap din ang mga huwad na lider na nauunawaan nila ang mga layunin ng Diyos at, sa makitid nilang pananaw at sa pagtupad sa sarili nilang mga makasariling pagnanais, nagpapakita sila ng kabaitan at pagmamahal sa masasamang tao at mga anticristo. At ano ang resulta? Nauuwi sila sa pagtatanggol sa masasamang tao at mga anticristo, nagiging kasabwat ng mga ito, nagbibigay ng mga pagkakataon at lugar para gambalain at guluhin ng mga ito ang gawain ng iglesia at ang buhay iglesia. Samantala, ang mga kapatid na tunay na nangangailangan ng proteksiyon ay binabalewala ng mga huwad na lider, na hindi kailanman nagtatanong sa mga ito, “Ano ang nararamdaman ninyo tungkol sa pagkakaroon ng masasamang tao at mga anticristong ito sa iglesia, at ng mga nagbubulalas ng pagkanegatibo at nagpapakalat ng mga kuru-kuro? Sumasang-ayon ba kayo na manatili sila sa iglesia? Handa ba kayong gawin ang mga tungkulin ninyo at mamuhay ng buhay iglesia kasama sila?” Hindi nila kailanman tinatanong kung ano ang nararamdaman ng mga kapatid tungkol sa mga bagay na ito. Ano sa palagay ninyo—hindi ba’t labis na kasuklam-suklam ang mga gayong lider at manggagawa? Kumikilos sila sa ilalim ng pangalan ng pagiging mga lider at manggagawa, taglay ang mga gayong titulo, pero ang totoo ay ginagawa nila ang gawain ng pangangalaga kay Satanas at sa mga alipin ni Satanas. Nakakalungkot talaga ito! Kung sasabihin mong ang mga gayong lider at manggagawa ay may mahinang kakayahan at hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, maaaring hindi sila makumbinsi. Mararamdaman nilang naagrabyado sila, iisipin nilang abala sila araw-araw at hindi naman tamad, kaya paanong hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain? Pero batay sa mga pagpapamalas nila—dahil nararamdaman nila na parehong mahalaga ang dalawang grupo ng mga tao, iniisip na dapat tratuhin nang pantay-pantay ang parehong grupo, ginagamit ang patas na pagtrato bilang dahilan para payagan ang masasamang tao at iyong mga nanggagambala at nanggugulo na mangibabaw sa iglesia, at hinahayaang magpatuloy ang iba’t ibang masamang gawa sa iglesia—ano ang mga lider at manggagawang ito? Batay sa mga pagpapamalas nila, sa paraan at mga prinsipyo nila ng paggawa, at sa mga motibo nila sa paggawa, malinaw na sila ay mga huwad na lider at mga hangal na magulo ang isip. Tama bang sabihin ito? (Oo.)

Sa lipunan, anuman ang grupo o uri ng mga tao, hindi nila pinag-iiba ang masasamang tao sa mabubuting tao, lalong hindi nila tinatalakay kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao o kung ano ang diwa ng tiwaling sangkatauhan; hindi man lang nila kinikilala ang kaibahan ng mabuti sa masama. Pero sa sambahayan ng Diyos, nakabatay sa mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay; hindi kailanman nagbabago ang katotohanan, at naisasakatuparan ng mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay. Sa iglesia, ibinubunyag ng mga salita ng Diyos ang lahat ng uri ng tao, at sila ay natural na ibinukod-bukod ayon sa kanilang uri. Ang lahat ng uri ng tao ay dapat na pinakamainam na gamitin batay sa pagkatao, mga paghahangad, at diwa nila. Pagkaklasipika ba ito sa mga tao nang batay sa ranggo? Hindi ito pagkaklasipika sa mga tao batay sa ranggo, bagkus ay pagkakategorya sa kanila. Ang bawat tao ay dapat na mabukod-bukod ayon sa kanilang uri—dapat silang ilagay kung saan sila nabibilang. Ang paghahalo-halo ay hindi katanggap-tanggap; ang paghahalo-halo ay pansamantala at may takdang panahon. Halimbawa, kapag pinaghalo ang mga ligaw na damo at trigo, kung ang pagbunot sa mga ligaw na damo ay nakakaapekto sa trigo at maaaring magdulot ng pagkamatay ng trigo, hindi muna dapat bunutin ang mga ligaw na damo. Pero ang hindi pagbunot sa mga ito ay hindi nangangahulugang hindi nakakategorya ang mga ito—kung gayon, kailan dapat bunutin ang mga ito? Sa tamang panahon; ihahanda ng Diyos ang panahon. Ngayon ang panahon para ang bawat isa ay mabukod-bukod ayon sa kanilang uri; kailangang maikategorya ang lahat ng uri ng tao. Kinakailangan ito. Bakit kailangang gawin ang gawaing ito? Mula sa teoretikal na perspektiba, nariyan ang batayan ng mga salita ng Diyos; mula sa perspektiba ng aktuwal na sitwasyon, kailangan itong gawin—may praktikal na halaga ito, at mahalagang gawin ito. Kapag ang pagbunot sa mga ligaw na damo ay hindi nakakaapekto sa trigo, dapat nang bunutin ang mga ligaw na damo at ihiwalay sa trigo. Kung ang mga hindi mananampalataya at masasamang tao—iyong mga ligaw na damo—ay itinuturing bilang mga kapatid, masyado itong hindi patas sa lahat ng kapatid na sinserong gumugugol ng sarili nila para sa Diyos. Sa isang banda, ang mga taong ito ay madalas na magugulo, maiimpluwensiyahan, at mapipinsala ng masasamang tao na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia. Sa kabilang banda, ang ilang tao na may mababang tayog ay hindi nakakaunawa sa katotohanan at sila ay mapipigilan, magiging negatibo at mahina, o matitisod pa nga kapag nakakaugnayan nila ang masasamang taong nanggagambala at nanggugulo. Bukod dito, ang lahat ng ginagawa ng mga nanggagambala at nanggugulo at ang bawat salitang sinasabi nila ay nagdudulot ng ligalig, kaguluhan, at di-maayos na mga sitwasyon. Ang pinakamakatotohanang sitwasyon ay na kapag gumagawa sila ng isang tungkulin o ng ilang gawain, walang ingat silang gumagawa ng masasamang gawa at hindi sila sumusunod sa mga prinsipyo, na humahantong sa napakalaking pag-aaksaya ng lakas-tao, materyal na mapagkukunan, at pinansiyal na mapagkukunan nang walang nakakamit na anumang resulta. Sa huli, ano ang nangyayari? Kapag tinanggal sila, ang lahat ay kailangang magbayad para sa masasamang gawa nila. Ang gawain ay kailangang ulitin, at ang lakas-tao, materyal na mapagkukunan, oras, at ang pinakamahalagang enerhiya na ginugol ng lahat bago natanggal ang mga indibidwal na iyon ay nasayang dahil sa masasamang gawa nila at hindi na mababawi pa. Napakalaki ng negatibong epektong idinulot nila sa gawaing ito! Walang makapagpapasan sa responsabilidad na ito. Kahit na magawa nang maayos ang gawain kalaunan, ang mga naging kawalan noon ay hindi mababayaran ng sinuman. Sinasabi ng ilan na pagbayarin sila ng pera; dapat din itong gawin, pero mabibili ba ng pera ang oras? Mabibili ba ng pera ang oras at lakas ng mga kapatid, o ang sinserong halaga na ibinayad nila? Hindi—walang katumbas na halaga ang mga iyon! Gaano man karami ang mga taong nagdudulot ng paggambala at panggugulo sa iglesia, hindi masusukat ang mga kahihinatnan. Maaapektuhan ang buhay pagpasok ng napakaraming kapatid. Ang kawalan ay malaki at hindi na mababayaran. Mababayaran ba ang kawalan sa buhay ng mga kapatid? Sino ang magbabayad sa kawalan na ito? Kaya, kailangang alisin ang masasamang taong ito. Hindi sila kauri ng mga kapatid na naghahangad sa katotohanan. Kabilang sila sa mga kasabwat ng mga diyablo at ni Satanas, na pumunta sa sambahayan ng Diyos para manggulo at manira. Kung hindi paaalisin sa iglesia ang masasamang taong ito, hindi kailanman masisiguro ang gawain ng iglesia at ang kaayusan ng buhay iglesia. Kahit ilang tao ang bumubuo sa isang partikular na grupo, hangga’t may isang tao sa kanila na nanggagambala at nanggugulo—isang taong walang ingat na gumagawa ng masasamang gawa, hindi kailanman pinapangasiwaan ang mga usapin nang ayon sa mga prinsipyo, hindi kailanman tinatanggap ang mga positibong bagay o ang katotohanan, walang pinapakinggan, at kumikilos nang sutil at basta-basta may katayuan o kapangyarihan man siya o wala, at sa esensiya ay isang buhay na Satanas—ang gayong tao, hangga’t nananatili siya sa iglesia, ay magdudulot, sa malao’t madali, ng malaking kaguluhan at pagkasira sa gawain ng iglesia. Kapag dumating ang araw para paalisin at pangasiwaan siya, gaano karaming tao ang kailangang maglinis ng mga hindi kanais-nais na kinahinatnan at magugulong sitwasyong idinulot niya! Samakatwid, ang pagpapaalis o pagpapatalsik sa masasamang tao at mga anticristong ito ay isang mahalagang gampaning dapat gawin ng mga lider at manggagawa, at hindi ito dapat gawin nang walang ingat. Gayumpaman, nagpapakita ng kabaitan at pagmamahal ang mga huwad na lider sa mga dapat nang paalisin o patalsikin, nagbubulag-bulagan sila sa masasamang gawa ng mga ito, at tinitiis at hinahayaan ang mga ito na tila mga kapatid, at itinuturing pa nila ang mga kapaki-pakinabang sa kanila bilang mga taong may talento at nililinang at ginagamit nila ang mga ito. Anuman ang masasamang bagay na ginagawa ng mga ito, naghahanap ng mga palusot ang mga huwad na lider para patawarin ang mga ito, at binibigyan pa nga ang mga ito ng mapagmahal na pagtulong at pagsuporta. Sa ilang antas, hindi ba’t sadya itong paggambala? (Oo.) Ang mga huwad na lider ay kumikilos ayon sa sarili nilang mga ideya at sa sarili nilang kabaitan at kasigasigan, na sa huli ay nagdudulot sila ng malaking problema sa iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos! Kung hahawak ng kapangyarihan ang masasamang taong ito, ang mga sakuna at kahihinatnang idudulot nila ay hindi masusukat.

May kasalukuyang regulasyon sa sambahayan ng Diyos na sinumang gumagawa ng masasamang gawa, basta’t nagdudulot ito ng kawalan sa sambahayan ng Diyos, kailangan nilang magbayad para dito. Kung napakalaki ng kawalan at malubha ang mga kinahinatnan, malulutas ba ang problema sa pamamagitan lang ng pagbabayad ng pera? May ilang kawalang hindi matutumbasan ng anumang halaga ng pera; hindi na mababawi at maibabalik ang mga ito. Napakahalaga at napakakritikal ng bawat araw ngayon. Kapag lumipas na ang isang araw, maibabalik ba ang oras na iyon? Hindi na rin iyon maibabalik. Bakit natin sinasabing habambuhay na pagsisisihan kapag napalampas ang ilang partikular na bagay? Dahil mismo sa hindi na maibabalik ang oras. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Pinakamainam na makaiwas sa mga problema bago pa man mangyari ang mga ito, sa halip na gumastos ng pera para lutasin ang mga ito pagkatapos mangyari ng mga ito; ito ang pinakamainam na paraan para malutas ang mga problema. “Ang pagsasara sa pinto ng kuwadra pagkatapos makawala ng kabayo” ay huling paraan na. Pinakamainam na maghanda kung paano makakaiwas bago pa mangyari ang mga bagay. Nangangahulugan ito na bago mangyari ang anumang paggambala o panggugulo, ang mga lider at manggagawa ay dapat magkaroon ng malinaw na pagkilatis at masusing pag-unawa sa iba’t ibang uri ng tao sa iglesia, at maingat na obserbahan at agarang arukin ang mga kalagayan, disposisyon, at hangarin ng iba’t ibang uri ng tao, gayundin ang mga saloobin at pananaw nila habang gumagawa ng tungkulin, para matiyak na ang lahat ng kapatid ay may normal na buhay iglesia at kapaligiran para sa paggawa ng mga tungkulin nila. Sa ganitong paraan, makakausad nang maayos ang gawain ng iglesia. Ito ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Siyempre, hindi kayang gawin ng mga huwad na lider ang ganitong gawain; sila ay mga hangal na magulo ang isip at mga taong walang silbi. Ngayon, mayroon silang matalinong ideya: “Ang sinumang hindi sumusunod sa mga prinsipyo at palpak sa gawain ay pagmumultahin! Kung may ginawang mali ang isang anticristo, pagmumultahin siya!” Iniisip nila na ang pagpapataw ng mga multa ang pinakamainam na solusyon at pinakamabuting prinsipyo ng pagsasagawa. Kung malulutas ang lahat ng problema sa pamamagitan ng mga pagmumulta, ano pa ang silbi ng paghahangad sa katotohanan? Bakit tinatawag na huwad ang isang huwad na lider? Dahil hindi niya nauunawaan ang katotohanan, at itinuturing niyang pagsasagawa sa katotohanan ang pagsunod sa mga regulasyon at itinuturing niya bilang katotohanan ang mga salita at doktrinang nauunawaan niya, at kapag nangyayari ang mga bagay-bagay, hinding-hindi niya mahanap ang mga tamang prinsipyo o direksiyon at hindi niya malutas ang ugat ng mga problema. Hindi niya nauunawaan ang mga salita ng Diyos at hindi niya maarok kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng Diyos pero gusto pa rin niyang gumawa at maging lider o manggagawa—napakahangal nito! Sa aspektong ito, ano ang pangunahing pagpapamalas ng isang huwad na lider? Hindi niya makilala ang diwa ng iba’t ibang uri ng mga taong nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, hindi niya makategorya ang mga ito, at tiyak na hindi niya kayang tratuhin o pangasiwaan ang mga ito nang ayon sa mga prinsipyo. Sa isipan ng isang huwad na lider, magulo ang lahat ng ito. Binibigyan niya ng interpretasyon ang mga salita ng Diyos at ang ibig sabihin ng Diyos, batay sa kasigasigan niya at sarili niyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Kasabay nito, ipinipilit niya ang kanyang kabaitan, kasigasigan, at personal na mga imahinasyon at kuru-kuro sa Diyos, naniniwalang naaayon sa katotohanan ang mga ito, naaayon sa mga layunin ng Diyos, at maaaring kumatawan sa ninanais ng Diyos. Dahil dito, umaasa sila sa mga bagay na ito para gumawa at pamunuan ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ito ang pangunahing pagpapamalas ng isang huwad na lider. Dito natin tatapusin ang pagbabahaginan natin sa ikalawang pagpapamalas ng mga huwad na lider.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.