Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (2) Ikalimang Seksiyon

Ang mga Huwad na Lider ay Hindi Gumagawa ng Tunay na Gawain o Nag-aasikaso sa Gawain na Marapat Nilang Gawin

Ang ilang huwad na lider ay hindi kayang gumawa ng anumang kongkretong gawain, pero nag-aasikaso sila ng ilang hindi mahalagang pangkalahatang usapin, at iniisip na paggawa ito ng kongkretong gawain, na nasa saklaw ito ng mga responsabilidad nila. Higit pa rito, napakaseryoso nilang inaasikaso ang mga usaping ito at talagang nagsisikap sila nang husto, napakadisenteng isinasakatuparan ang mga ito. Halimbawa, may isang indibidwal sa iglesia na dating nagtatrabaho bilang tagaluto ng tinapay. Isang araw, dala ng kabutihan ng puso niya ay napagpasyahan niyang gumawa ng mga tinapay para sa Akin, at naghanda siyang gawin ito nang hindi ipinapaalam sa Akin ang tungkol dito. Tinanong niya ang mga lider niya kung puwede ito, at sinabi nila, “Sige. Kung masarap ang mga iyon, ihahandog namin ang mga iyon sa Diyos. Kung hindi, puwede nating lahat kainin ang mga iyon.” Nakuha niya ang pahintulot ng mga lider, kaya naging lehitimo at wasto ang gawaing ito, kaya agad niyang tinipon ang mga sangkap at gumawa siya ng isang salang, sinasabing, “Hindi ko alam kung magiging masarap ang mga ito, o kung mabibigyang-lugod ng mga ito ang Diyos, o kung babagay sa panlasa Niya ang mga ito.” Tumugon ang mga lider, “Ayos lang iyan. Isasakripisyo namin ang kaunting oras at kalusugan namin, at makikipagsapalaran kami nang kaunti para sa Diyos. Titikman at susuriin muna namin ang mga iyan para sa Diyos. Kung talagang hindi masarap ang mga iyan at hihilingin namin sa Diyos na kainin ang mga iyan, mayayamot Siya at labis na madidismaya sa amin. Samakatwid, bilang mga lider, may responsabilidad at obligasyon kaming magsakatuparan ng mga pagsusuri tungkol sa bagay na ito. Paggawa ito ng kongkretong gawain.” Pagkatapos, ang bawat pinuno ng grupo na may kaunting “pagpapahalaga sa responsabilidad” ay tumikim sa mga tinapay. Pagkatapos tikman ang mga iyon, nagbigay sila ng komento, sinasabing, “Masyadong mainit ang pugon para sa salang na ito, masyadong mataas ang temperatura, at malamang na magdudulot ang mga ito ng panloob na init—medyo mapait din ang mga ito. Hindi puwede ito! Kailangan nating magkaroon ng responsableng saloobin at gumawa ng isa pang salang at tikman ulit ang mga iyon!” Pagkatapos tikman ang salang na ito, sinabi nila, “Medyo ayos na ang salang na ito. Nalalasahan dito ang mantikilya, ang itlog, at pati ang linga. Talagang karapat-dapat ito sa isang tagaluto ng tinapay! Dahil napakarami nito, at hindi naman kayang ubusin ng Diyos nang mag-isa ang lahat ng ito, maglagay tayo ng 10 o 20 sa isang maliit na garapon, at ihandog sa Diyos bilang patikim. Kung masasarapan ang Diyos sa mga ito, puwede nating ipagpatuloy ang paggawa ng mas maraming salang.” Inabutan nila Ako ng isang garapon, at tinikman Ko ang dalawa sa mga iyon. Para sa Akin ay puwede na ang mga iyon bilang bago sa panlasa, pero hindi angkop bilang pangunahing pagkain, kaya tinigil Ko ang pagkain sa mga iyon. Inakala pa nga ng ilang tao na lutong bahay ang mga iyon ng isang miyembro ng sambahayan ng Diyos, na puno ang mga iyon ng pagmamahal, katapatan, at takot, at may malaking kabuluhan kahit na sakto lang ang lasa ng mga iyon. Kalaunan, isinauli Ko ang garapon ng mga tinapay. Hindi Ako interesado sa mga gayong bagay at wala Akong gana sa mga iyon. Higit pa rito, kung gusto Kong kumain ng mga tinapay, puwede naman Akong bumili ng mga tinapay na may iba’t ibang lasa at mula sa iba’t ibang bansa sa pamilihan nang hindi gumagastos nang malaki. Pagkatapos, sinabi Ko sa kanya, “Ipinagpapasalamat Ko ang paggawa mo niyon, pero pakiusap, huwag mo na Akong igawa nito. Hindi Ko naman kakainin ang mga ito, at kung gusto ko nito, bibili na lang Ako Mismo. Kung kakailanganin naman, gumawa ka na lang kapag hiningi Ko sa iyo; kung hindi Ko sasabihin sa iyong gumawa, hindi mo na ulit kailangang gumawa ng mga ito.” Hindi ba’t sapat na madali naman itong maunawaan? Kung may mabuting asal at masunurin siya, tatandaan niya ang mga salita Ko at hindi na ulit siya gagawa ng mga iyon. Kapag nagsasalita ang Diyos, ang ibig sabihin ng oo ay oo, ang ibig sabihin ng hindi ay hindi, at ang ibig sabihin ng “huwag kang gumawa nito” ay “huwag kang gumawa nito.” Gayumpaman, pagkalipas ng ilang panahon, pinadalhan nila Ako ng dalawa pang garapon ng mga tinapay. Sinabi Ko sa kanila, “Hindi ba’t sinabi Ko sa inyong huwag na kayong gumawa nito?” Tumugon sila, “Iba ang mga ito sa nakaraan.” Tumugon Ako, “Kahit na iba ang mga ito, mga tinapay pa rin ang mga ito. Hindi na talaga kinakailangang gumawa ng anumang tinapay. Hindi Ko ito sinasabi para maging magalang—kung gusto Ko nito, ipapaalam Ko sa inyo. Hindi ba kayo nakakaintindi ng wika ng tao? Huwag na kayong gumawa nito.” Nauunawaan ba ang mga salitang ito? (Oo.) Pero bakit parang laging nakakalimot ang taong gumagawa ng mga iyon? Kung kaya siyang bantayan ng mga lider niya, hindi aktibong nakikipagtulungan sa kanya o hindi siya hinihikayat na gawin ito, at agaran siyang pagbabawalan, maglalakas-loob pa rin ba ang taong gumagawa ng mga tinapay na gawin ito? Kahit papaano man lang, hindi niya ito gagawin nang masyadong mapangahas at walang pakundangan. Kaya, ano ang naging epekto ng mga lider na iyon sa sitwasyong ito? Kinontrol nila ang bawat kaliit-liitang detalye, pinanghimasukan ang lahat ng bagay, at pinangasiwaan ang pagsusuri para sa Akin. Sa sobrang “mapagmahal” nila ay hindi ito mailarawan ng mga salita. Ito ba ang gawaing dapat na ginagawa nila? Walang mga tagubiling gawin ito na nakapaloob sa mga prinsipyo ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi Ko ipinagkatiwala sa kanila ang gampaning ito; kusa itong ginawa ng mga tao, hindi Ko ito hiniling. Kaya bakit napakaaktibong isinakatuparan ng mga lider na ito ang gampaning ito? Isa itong pagpapamalas ng mga huwad na lider: ang hindi pag-aasikaso sa marapat nilang gawain. Napakaraming gampanin sa iglesia na kailangan nilang kumustahin, inspeksiyonin, at isulong, at napakaraming tunay na problemang kailangang lutasin sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan nila sa katotohanan, pero hindi nila ginawa ang alinman sa gawaing iyon. Sa halip, dahil wala silang ginagawa ay nagagawa pa nilang tumikim ng mga tinapay sa kusina para sa Akin. Sa bagay na ito, napakaseryoso nila at nagsikap sila nang husto. Hindi ba’t ito ang ginagawa ng mga huwad na lider? Hindi ba’t napakakasuklam-suklam na nito? Hindi Ko kailanman inasahan na sa paglipas ng ilang panahon, mangyayari ulit ang bagay na ito. Gusto na naman ng taong gumawa ng mga tinapay na magsimulang gumawa ng mga iyon para sa Akin. Partikular Kong sinabi sa isang lider, “Kumilos ka at lutasin mo ito. Kailangan mo itong ipaliwanag nang malinaw sa kanya. Kung gagawin niya ito ulit, ikaw ang pananagutin Ko!” Sa dami ng gawaing dapat gawin sa iglesia, magiging abala sila sa anumang gampanin sa loob ng ilang panahon. Bakit masyado silang walang ginagawa? Narito ba sila para magpataba o magdaldalan nang walang katuturan? Hindi ito ang lugar para sa mga bagay na iyon. Pagkatapos, wala nang balita tungkol sa bagay na ito. Sa sandaling ibinigay Ko ang tagubiling iyon, hindi na nagbigay ng anumang ulat ang lider. Ano’t anuman, wala nang nagpadala ulit sa Akin ng maliliit na tinapay na iyon, na isang malaking ginhawa. Batay sa insidenteng ito, masasabi ba nating hindi inaasikaso ng mga lider na ito ang gawaing marapat nilang gawin? (Oo.) Ni hindi nga ganoon kalubha ang bagay na ito; may mas malulubhang bagay pa.

Madalas Akong bumibisita sa ilang iglesia para tingnan ang mga bagay-bagay, makilala ang mga lider, magbigay ng mga tagubilin para sa ilang gawain, at lumutas ng ilang isyu. Kung minsan, kailangan Kong mananghalian sa mga iglesiang ito, kaya nabubuo ang tanong kung sino ang maghahanda ng pagkain. Sa sobrang responsable ng mga lider ay pumili sila ng isang tao na nagsasabing isa siyang kusinero. Sinabi Ko, “Hindi mahalaga kung isa siyang kusinero; ang mahalaga ay na mas gusto Ko ng simpleng pagkain. Gusto Kong malasahan ang orihinal na lasa ng mga sangkap. Hindi dapat masyadong maalat, mamantika, o matapang ang timpla ng pagkain. Sa taglamig, kailangan Kong kumain ng mainit na pagkain. Isa pa, dapat ay maluto nang mabuti ang pagkain, hindi kulang sa luto, at dapat madali itong tunawin.” Hindi ba’t malinaw Kong ipinaalam ang mga prinsipyong ito? Madali bang makamit ang mga ito? Kapwa madaling tandaan at madaling gawin ang mga ito. Ang isang maybahay na tatlo hanggang limang taon nang nagluluto ay makakaarok sa mga prinsipyong ito at makakagawa ng mga ito. Kaya, hindi na kailangang ipagpilitang maghanap ng kusinero para magluto ng pagkain Ko; sapat na ang isang taong kayang magluto ng pagkaing lutong-bahay. Gayumpaman, sa sobrang “mapagmahal” ng mga lider na ito ay ipinagpilitan nilang maghanap ng “kusinero” para magluto ng pagkain kapag pinapatuloy nila Ako. Bago Ako opisyal na ipagluto ng kusinero, kinailangan muna itong suriin ng mga lider. Paano nila ito ginawa? Pinagluto nila ang kusinero ng isang salang ng mga dumplings at ng isang putahe ng pansit, at pinaggisa siya ng ilang putahe. Tinikman ng lahat ng lider at pinuno ng iba’t ibang grupo ang mga iyon, at nasarapan naman sila sa lahat ng putahe. Sa wakas, hiningi nila sa kusinerong akuin ang trabaho ng pagluluto para sa Akin. Isantabi muna natin ang mga resulta ng pagtikim ng mga lider at ang kalikasan ng mga isyung nasasangkot dito, pag-usapan muna natin ang pagkaing inihanda ng kusinerong ito. Noong unang beses Akong pumunta, naggisa ang kusinero ng ilang putahe, at nasiyahan naman nang husto ang lahat. Noong ikalawang beses, gumawa ang kusinero ng isang salang ng mga dumplings. Pagkatapos kainin ang una, naramdaman Kong may mali—medyo maanghang ito. Sinabi rin ng ibang nasa paligid Ko na medyo maanghang ang mga dumplings, at pakiramdam nila ay nagsisimula nang mamaga ang mga dila nila. Gayumpaman, dahil dumplings lang ang pangunahing putahe, kinailangan Kong ubusin ang mga iyon kahit na maanghang ang mga iyon. Walang makikitang sili sa palaman, kaya binalewala Ko na lang kung anuman ang nagpaanghang dito at inubos Ko ang pagkain Ko. Dahil dito, nagsimulang magka-allergy ang katawan Ko noong gabing iyon. Nagsimulang mangati nang walang-tigil ang maraming parte ng buong katawan Ko, at kinailangan Kong magkamot nang magkamot; nagdugo na ang katawan Ko sa kakakamot bago bumuti ang pakiramdam Ko. Tatlong araw Akong nangati bago unti-unting humupa ang pakiramdam Ko. Pagkatapos ng allergy na ito, napagtanto Kong tiyak na nilagyan ng sili ang mga dumplings; kung hindi, hindi iyon magiging masyadong maanghang. Ipinaalam Ko sa kanilang huwag maglagay ng maaanghang na sangkap tulad ng sili dahil hindi kaya ng katawan Ko ang mga iyon. Gayumpaman, naglagay sila ng marami nito para matugunan ang sarili nilang mga panlasa, na sumobra sa normal na dami; maanghang sa pakiramdam ang pagkain ng mga dumplings na iyon. Ni hindi makuha ng kusinero ang mga tamang sukat sa pagluluto niya, sa dami ng siling nilagay niya ay nakaka-allergy na ito. Kalaunan, sinabi Ko sa kanya, “Huwag na huwag ka nang maglalagay ng maaanghang na sangkap na iyon. Hindi kaya ng katawan Ko ang mga iyon. Kung talagang may anumang pagkatao ka, huwag mo na ulit gagawin iyon. Kung magluluto ka para sa sarili mo, hindi Ako makikialam sa kung ano ang kakainin mo. Gayumpaman, kung magluluto ka para sa Akin, huwag kang maglagay ng ganoon. Sundin mo ang mga pamantayang hinihingi Ko.” Kaya ba niyang gawin iyon? Hindi ba’t dapat ay pinangasiwaan ng mga lider ang gawaing ito? Sa kasamaang palad, walang sinumang nagbigay-pansin dito, at hindi nila ginawa ang alinman sa gawaing dapat nilang ginawa. Sa isang pagkakataon, noong magluluto na ulit ang kusinero, kumuha siya ng kaunting sili para idagdag sa putahe, at nakita siya ng isang taong nasa malapit sa kanya at pinigilan siya. Sa ilalim ng mahigpit na pagsubaybay nito, hindi siya nagkaroon ng pagkakataong idagdag ito. Hindi kayang lutasin ng mga lider ang ganito kaliit na problema—kung gayon, ano ang kaya nilang gawin? Noong nagluluto ang kusinero, napakaaktibo nila sa pagtikim nito. Ilang tao ang pumunta para tumikim. Pangkaraniwang lutong-bahay na pagkain lang ito; ano ang karapat-dapat tikman dito? Mga eksperto ba kayong lahat sa pagluluto? Bigla ba ninyong naunawaan ang lahat pagkatapos ninyong maging lider? Naunawaan ba ninyo ang mga prinsipyo ng kalusugan? Isinaayos ba ng sambahayan ng Diyos na gawin ninyo ito? Kailan Ko ipinagkatiwala o iniatas sa inyo ang pagtikim sa pagkain para sa Akin? Masyado kayong walang katwiran, wala talaga kayong kahihiyan! Ang sinumang may kaunting kahihiyan ay hindi gagawa ng bagay na masyadong lantaran, masyadong kasuklam-suklam, masyadong walang katwiran. Ipinapakita nito na wala talagang kahihiyan ang mga indibidwal na ito—tumikim sila ng pagkain para sa Akin! Hindi ninyo sinusunod o tinutupad ang alinman sa mga prinsipyong sinabi Ko sa inyo. Pinapaluto ninyo sa kusinero ang anumang masarap para sa inyo at nababagay sa mga panlasa ninyo. Pagluluto ba iyon para sa Akin? Hindi ba’t pagluluto iyon para sa sarili ninyo? Ganito ba kayo kumilos bilang mga lider? Sinusunggaban ninyo ang bawat pagkakataon para samantalahin, gamitin ang mga butas, at sinusubukan ninyong magpalakas sa Akin—kung gusto ninyong magpalakas sa Akin, huwag ninyo Akong ilagay sa panganib! Hindi ba’t kawalan ito ng mabubuting katangian? Hindi ba’t pagkikimkim ito ng mga hindi wastong intensyon? Wala silang kahihiyan at nagkikimkim sila ng mga hindi wastong intensyon, pero iniisip pa rin nilang napakatapat nila! May alinman ba sa mga bagay na ito na ginawa nila ang talagang dapat gawin ng mga lider? (Wala.) Wala sa mga ginawa nila ang may anumang pamantayan. Ni hindi nila alam kung anong pagkain ang masustansiya o hindi masustansiya, pero inisip pa nilang puwede silang pumunta rito at gumanap sa papel ng mga eksperto sa kalusugan at pagkain para sa Akin! Sino ang nagtakda na dapat kayong magsagawa ng mga pagsusuri pagdating sa pagluluto para sa Akin? May ganitong pagtatakda ba ang iglesia? Ginawa ba ng sambahayan ng Diyos ang pagsasaayos na ito? Napakaraming lumitaw na butas sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, napakaraming tao ang may mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos at hindi talaga nakakaunawa sa katotohanan, pero hindi ninyo tinugunan ang mga bagay na iyon. Sa halip, ginugol ninyo ang pagsisikap ninyo sa isang napakaliit na aspektong tulad ng pangungusina, tinutupad ang “responsabilidad” ninyo. Mga ganap kayong huwad na lider, mga mapagpaimbabaw kayo! Nasa harapan Ko kayo mismo habang sinusuri ninyo ang mga bagay-bagay—ano ba ang nauunawaan ninyo? Sumangguni ba kayo sa Akin? Ipinapahayag ba ninyo ang sarili ninyong ideya o ang sa Akin? Kung ipinapahayag ninyo ang ideya Ko, at hiningi Ko sa inyo na iparating ito, magiging tama ang ginagawa ninyo. Magiging responsabilidad ninyo ito. Kung ipinapahayag ninyo ang sarili ninyong ideya at hindi ang sa Akin, at ipinagpipilitan ninyong puwersahin ang iba na pakinggan at tanggapin ito, ano ang kalikasan nito? Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t masusuklam Ako rito? Nandoon Ako mismo, at wala silang sinabing ni isang salita para tanungin Ako kung ano ang mga kinakain Ko o kung ano ang mga hinihingi Ko—nagdesisyon lang sila nang wala ang pagsang-ayon Ko, at basta-bastang nagbigay ng mga utos nang hindi Ko nalalaman. Sinusubukan ba nilang kumatawan sa Akin? Pag-aamok ito ng mga huwad na lider na gumagawa ng masasamang bagay, pagkukunwaring espirituwal, pagkukunwaring isinasaalang-alang ang pasanin ng Diyos, at pagkukunwaring nauunawaan ang katotohanan, at gumagawa lang ng mga mapagpaimbabaw na bagay. Hindi ba’t labis-labis na ito? Hindi ba’t labis na itong kasuklam-suklam at kamuhi-muhi? (Oo.) Nagkamit ba kayo ng anumang kabatiran? May natutuhan ba kayong anumang aral mula rito? Lalong nagiging kasuklam-suklam ang bawat bagay na ito, at may isa pang bagay na mas kasuklam-suklam.

Ngayong taglamig, binilhan Ako ng isang mabait na tao ng isang “magandang” pangginaw na coat na gawa sa balahibo ng gansa. Wala sa kulay o sa estilo ng pangginaw na coat ang kagandahan nito bagkus ay nasa mataas na presyo at mataas na kalidad nito; isa itong mamahaling aytem. May isang kasabihan sa mga walang pananampalataya, “Isang balahibo ng gansa na ipinadala mula sa layo ng isang libong milya: maliit man ang regalo, malalim naman ang sentimyento.” Bukod sa may taglay na sentimyento ang pangginaw na coat na ito, talagang napakamahal pa nito. Bago makita ang pangginaw na coat, nabalitaan Ko nang maganda ito at kulay pula, may magandang disenyo, at matibay. Nabalitaan Ko na ang tungkol dito, kaya tiyak na may ilang tao nang nakakita sa aktuwal na aytem na iyon—ibig sabihin, medyo maraming tao na ang nakakita nito, tumantiya sa sukat nito, at nagsuri dito nang mabuti, nagsabi ng mga bagay na tulad ng, “Kilala ko ang tatak na ito,” “Ang ganda ng kulay, napakaganda nito!” “Pagkatapos mo iyang tingnan, dalhin mo rito para makita ko,” at nang ganoon-ganoon lang, kumalat na ang balita. Hindi ko alam kung gaano katagal bago umabot sa Akin ang balitang ito, at malaman Ko nang kaunti ang tungkol dito. Nakikita ba ninyo ang problema rito? Kahit hindi Ko pa mismo nakita ang pangginaw na coat, nakita, napagpasa-pasahan, at naipakita na ito ng maraming ibang tao. Hindi ba’t problema ito? Puwede bang kaswal na tingnan, hawakan, at ipakita ng mga tao ang mga gamit Ko? (Hindi.) Kaninong mga gamit ang puwedeng kaswal na hawakan at tingnan ng mga tao? (Walang sinumang magnanais na mangyari ito, at walang sinumang dapat gumawa nito.) Kung ganoon, hindi ba’t dapat na mas bawal pakialaman ang sa Akin? Sinasabi ng ilang tao, “Bakit dapat maging bawal pakialaman ang mga iyon? Isa Kang kilalang tao. Hindi ba’t palaging nalalantad ang mga pribadong buhay ng mga kilala at sikat na tao? Kung saan sila naglalaro ng isport, kung saan sila nagpapa-beauty treatment, kung kani-kanino sila nakikipag-ugnayan, kung anong mga tatak ang sinusuot nila—hindi ba’t nalalantad ang lahat ng bagay na ito? Bakit hindi dapat malantad ang sa Iyo?” Sikat na tao ba Ako? Hindi Ako sikat na tao, at hindi kita tagahanga. Sino ka ba? Isa kang karaniwang tao, isang nilikha, at isang tiwaling tao. Sino ba Ako? (Ang Diyos.) Hindi Ako isang kilalang tao; hindi Ako obligadong ilantad ang lahat ng bagay sa iyo, iulat ang lahat ng bagay sa iyo, o ipaalam sa iyo ang tungkol sa lahat ng bagay. Kaya, bakit mo hinahawakan ang isang bagay na pagmamay-ari Ko? Hindi ba’t kasuklam-suklam ang paggawa niyon? Inatasan ba kita na tingnan at suriin ang gamit Kong ito? Hindi. Pero nangahas ang ilang tao na garapal na kuhanin at kaswal na tingnan ito, at pagpasa-pasahan pa nga ito. Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang pagpasa-pasahan ito? Obligasyon mo ba ito? Kung hindi ka sumasampalataya sa Diyos, estranghero tayo sa isa’t isa. Kilala kita dahil sumasampalataya ka sa Diyos, pero hindi Ko alam kung kumusta ang iyong pamilya, pang-araw-araw na buhay, o pinansiyal na sitwasyon, at hindi Ako interesadong malaman. Malapit ba tayo sa isa’t isa? Hindi mo Ako malapit na kaibigan, katropa, o kasama. Hindi tayo pamilyar sa isa’t isa, at hindi pa tayo umaabot sa puntong ang lahat ng sa Akin ay dapat maging bukas para tingnan mo. Hahayaan mo bang tingnan Ko ang lahat ng gamit mo, at ipakita ang mga iyon para tingnan at hawakan ng lahat? Kahit kapag nag-uwi ka ng isang bagay galing sa pamilihan, kailangan itong hugasan nang ilang beses para madisimpekta! Hindi ba’t nakakadiri ang mga bagay na kaswal nang hinawak-hawakan ng mga tao? Hindi ba’t nabigo kang tratuhin ang sarili mo bilang tagalabas? Sino ang nag-atas sa iyong inspeksyonin ang pangginaw na coat Ko? Pinagkatiwalaan ba kita? Naghugas ka ba ng kamay bago mo walang-ingat na hinawak-hawakan ang pangginaw na coat Ko? Hindi ba’t masusuklam Ako sa iyo? Malinaw ba ito sa iyo? Bakit masyado kang walang kahihiyan? Masyado kang walang katwiran! Ilang taon ka nang sumasampalataya sa Diyos at napakarami mo nang narinig na sermon; bakit wala kang kahit kaunting katwiran? Ang kaswal na pagbubukas ng mga handog na pagmamay-ari ng Diyos, kaswal na paghawak sa mga damit Niya, sa mga bagay na pagmamay-ari Niya—anong uri ng problema ito? Kapag nakita Kong nabuksan at naitapon na ang balot ng mga aytem na ito, paanong hindi Ako magagalit? Nasusuklam Ako sa mga bagay na ito, at kinamumuhian Ko ang mga taong ito. Ayaw Ko na silang makita ulit, at talagang ayaw Ko nang makisalamuha sa mga taong ito na mas masahol pa sa mga baboy at aso! Tandaan ninyo, ang bawat tao ay may dignidad, at lalo na Ako. Huwag mong pakialaman ang mga bagay na pagmamay-ari Ko; kung hindi, kasusuklaman at kapopootan kita!

Sa panlabas, puwedeng hindi gumawa ng matitinding kasamaan o maging ganap na mga traydor na kontrabida ang mga huwad na lider. Gayumpaman, ang pinakakasuklam-suklam na bagay tungkol sa kanila ay na nakikita nilang may tunay na gawaing dapat gawin pero hindi nila ito ginagawa, alam na alam nilang hindi nila kayang lumutas ng mga isyu pero hindi nila hinahanap ang katotohanan, nakikita nilang nagdudulot ng mga kaguluhan ang masasamang tao pero hindi nila pinangangasiwaan ang mga iyon, at sa halip ay inaasikaso lang nila ang mga panlabas na pangkalahatang usapin. Mahigpit nilang binabantayan at kinokontrol ang mga hindi gaanong mahalagang isyu at maliliit na usapin, pero hindi nila ginagawa ang alinman sa gawaing may kaugnayan sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, o inaalala ang iba’t ibang bagay na sumasalungat sa mga katotohanang prinsipyo. Sa halip, gumagawa lang sila ng gawaing walang kaugnayan sa katotohanan. Mga ganap na huwad na lider ang mga ito. Ang mga huwad na lider ay ganap na ignorante sa mga katotohanang prinsipyong may kinalaman sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Kung ikukumpara sa mga prinsipyo at pamantayan ng mga lider at manggagawa, ang mga huwad na lider ay mga hangal at mangmang. Gaano man kalubha ang mga lumilitaw na problema sa gawain ng iglesia, hindi makita o malutas ng mga huwad na lider ang mga iyon kahit na mangyari ang mga iyon sa mismong harapan nila, at kailangan pang pumunta ng Itaas at ito mismo ang lumutas sa mga problemang iyon. Hindi ba’t mga huwad na lider ang mga taong ito? (Oo.) Mga huwad na lider nga sila. Halimbawa, sa gawaing nakabatay sa teksto ng iglesia, kung aling mga aklat ang nararapat masuri at alin ang dapat maisalin—napakahalagang gampanin ng mga ito para sa iglesia. May anumang prinsipyo ba tungkol sa paraan ng pagsusuri at pagsasalin ng mga aklat? Talagang may mga prinsipyo ang gawaing ito, labis itong nakabatay sa prinsipyo, at kailangan talaga itong partikular na mapagbahaginan at magabayan; pero hindi kayang gawin ng mga huwad na lider ang gawaing ito. Kapag nakikita nilang abala ang mga kapatid sa mga tungkulin ng mga ito, pakunwari nilang sinasabing, “Labis na mahalaga ang gawaing nakabatay sa teksto at ang gawain ng pagsasalin. Dapat ninyong isapuso ang paggawa nang maayos sa gawaing ito, at lulutasin ko ang anumang isyung mayroon kayo.” Kapag talagang may nagbanggit ng isyu, sinasabi ng mga huwad na lider na ito, “Hindi ko nauunawaan ang bagay na ito. Hindi ako bihasa sa pagsasalin ng mga banyagang wika. Magdasal ka sa Diyos at maghanap ka mula sa Kanya.” Kapag may nagbabanggit ng isa pang isyu, nagtatanong, “Hindi kami makahanap ng angkop na mga tao para magsalin ng mga partikular na wika, ano ang dapat naming gawin tungkol dito?” tumutugon ang mga huwad na lider, “Hindi ako bihasa sa bagay na ito. Kayo na mismo ang mangasiwa sa mga ito.” Malulutas ba ang problema sa pagsasabi nito? Naghahanap sila ng palusot at pinagtatakpan nila ang katunayang hindi nila ginagawa ang gawain nila, sinasabing, “Hindi ako bihasa; hindi ko nauunawaan ang propesyong ito,” at sa gayon ay iniiwasan ang problemang dapat nilang lutasin. Ganito gumagawa ang mga huwad na lider. Kapag may nagtatanong, sinasabi ng mga huwad na lider, “Magdasal kayo sa Diyos at maghanap kayo mula sa Kanya; hindi ko nauunawaan ang propesyong ito, pero nauunawaan ninyo ito.” Maaaring tila mapagpakumbaba ito, dahil inaamin nilang hindi nila kaya at hindi nila nauunawaan ang propesyon, pero sa realidad, hindi talaga nila kayang gampanan ang gawain ng pamumuno. Siyempre, ang pagiging lider ay hindi nangangahulugan na kailangan nilang maunawaan ang bawat uri ng propesyon, ngunit dapat nilang malinaw na ibahagi ang mga katotohanang prinsipyo na kailangan upang malutas ang mga problema, anuman ang uri ng propesyon na kaugnay ng mga problemang iyon. Hangga’t nauunawaan ng mga tao ang mga katotohanang prinsipyo, maaaring malutas ang mga problema nang naaayon. Ginagamit ng mga huwad na lider ang “Hindi ako bihasa rito; hindi ko nauunawaan ang propesyong ito” bilang dahilan upang iwasan ang pagbabahagi sa mga katotohanang prinsipyo para sa paglutas ng mga problema. Hindi ito paggawa ng tunay na gawain. Kung patuloy na ginagamit ng mga huwad na lider ang “Hindi ako bihasa rito; hindi ko nauunawaan ang propesyong ito” bilang dahilan upang iwasan ang paglutas ng mga problema, kung gayon ay hindi sila nababagay para sa gawain ng pamumuno. Ang pinakamagandang bagay na dapat nilang gawin ay ang magbitiw at hayaan ang iba na pumalit sa kanilang posisyon. Ngunit may ganito bang uri ng katwiran ang mga huwad na lider? Magagawa ba nilang magbitiw? Hindi. Iniisip pa nga nila, “Bakit sinasabi nilang wala akong ginagawang anumang gawain? Nagdaraos ako ng mga pagtitipon araw-araw, at dahil napakaabala ko ay hindi na ako nakakakain sa tamang oras, at kulang na ako sa tulog. Sino ang nagsasabing hindi nalulutas ang mga problema? Nagdaraos ako ng mga pagtitipon at nakikipagbahaginan ako sa kanila, at naghahanap ako ng mga sipi ng mga salita ng Diyos para sa kanila.” Ipagpalagay nang tinanong mo sila, “May nagsabing hindi sila makahanap ng mga angkop na tagasalin para sa ilang wika. Paano mo nilutas ang partikular na problemang ito?” Sasabihin nila, “Sinabi ko sa kanilang hindi ko nauunawaan ang propesyon, at sinabihan ko silang talakayin at pangasiwaan ito nang sila-sila lang.” Pagkatapos ay tinanong mo sa kanila, “Nakapaloob sa problemang ito ang paggastos ng mga handog at ang pag-usad ng gawain ng iglesia. Hindi sila puwedeng magdesisyon nang sila-sila lang, kailangan ka nila para mangasiwa at humanap ng mga katotohanang prinsipyo para lutasin ito. Ginawa mo ba ito?” Tutugon sila: “Paanong hindi ko ito ginawa? Wala akong naantalang anumang gawain. Kung walang magsasalin sa wikang iyon, dapat ay ibang wika na lang ang isalin nila!” Kita mo, hindi kayang gumawa ng mga huwad na lider ng tunay na gawain pero napakarami pa rin nilang dahilan. Talagang wala itong kahihiyan at kasuklam-suklam! Napakahina ng kakayahan mo, wala kang nauunawaan na anumang propesyon, at wala kang pagkaarok sa mga katotohanang prinsipyo na may kinalaman sa bawat aytem ng propesyonal na gawain—ano ang silbi ng pagiging lider mo? Sadyang hangal ka at walang silbi! Dahil hindi ka nakakagawa ng anumang tunay na gawain, bakit naglilingkod ka pa rin bilang lider ng iglesia? Sadyang wala kang katwiran. Dahil wala ka namang kamalayan sa sarili, dapat mong pakinggan ang mga puna mula sa hinirang na mga tao ng Diyos at suriin kung natutugunan mo ba ang mga pamantayan para sa pagiging lider. Ngunit, hindi kailanman isinasaalang-alang ng mga huwad na lider ang mga bagay na ito. Kahit gaano pa kadami ang naantala sa gawain ng iglesia, at kahit gaano kalaki ang kawalang naidulot sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos sa loob ng maraming taon ng kanilang paglilingkod bilang lider, wala silang pakialam. Ito ang pangit na anyo ng mga tunay na huwad na lider.

Isipin mo kung paano pinangangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang gawain nila—tumutugma ba ito sa sinabi Ko sa iyo ngayon lang? May sinuman bang hindi gumagawa ng tunay na gawain, at kaya mo ba silang kilatisin bilang mga huwad na lider? Kung nakikilatis mo sila bilang mga huwad na lider, magmula sa araw na ito ay hindi mo na sila dapat ituring na mga lider; dapat mo silang tratuhin tulad ng sinumang tao. Ito ang tumpak na prinsipyo ng pagsasagawa. Puwedeng isipin ng ilan, “Ibig bang sabihin nito ay didiskriminahin, mamaliitin, o ibubukod sila dahil mga huwad na lider sila?” Hindi. Hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain, at kaya lang nilang magsabi ng ilang salita at doktrina at ng ilang hungkag na salita para magpaligoy-ligoy at lansihin ka. May isang katunayan itong sinasabi sa iyo, na hindi mo sila mga lider. Hindi mo kailangang hingin ang mga tagubilin nila para sa anumang problema o paghihirap na hinaharap mo sa gawain mo. Kung kinakailangan, puwede ninyo silang lampasan sa pamamagitan ng pag-uulat dito sa Itaas at pagsangguni sa Itaas kung paano ito pangangasiwaan at lulutasin. Naituro Ko na sa inyo ang landas ng pagsasagawa, pero nasa sa inyo na kung paano kayo kikilos. Hindi Ko kailanman sinabing ang lahat ng lider ay paunang itinalaga ng Diyos, na dapat mo silang pakinggan at sundin, at na dapat mo silang pakinggan kahit na makilatis mong mga huwad na lider sila. Hindi Ko kailanman sinabi iyon sa iyo. Ang pinagbabahaginan Ko ngayon ay kung paano kilatisin ang mga huwad na lider. Kapag nakilatis mong huwad na lider ang isang tao, puwede mong tanggapin at sundin ang sinasabi niya kung tama at umaayon ito sa katotohanan. Gayumpaman, kung hindi niya kayang lutasin ang isang problema, at nagpapaligoy-ligoy at nilalansi ka niya, na nakakaapekto sa pag-usad ng gawain, hindi mo kailangang tanggapin ang pamumuno niya. Kung kaya ninyong arukin ang mga prinsipyo nang kayo lang, dapat kayong kumilos ayon sa mga iyon. Kung hindi ninyo maarok, nag-aalangan kayo, o hindi kayo sigurado sa mga prinsipyo, dapat ninyong hanapin ang katotohanan at magtalakayan kayo para pangasiwaan ang problema. Kung hindi pa rin kayo makapagdesisyon pagkatapos itong talakayin, iulat ninyo ang problema sa Itaas at sumangguni sa kanila tungkol dito. Ang lahat ng ito ay magagandang paraan para tugunan ang mga problema—walang mga paghihirap na hindi malulutas.

Tapusin na natin dito ang pagbabahaginan natin ngayon. Paalam!

Enero 16, 2021

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.