Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (2) Ikatlong Seksiyon

Ang Masasamang Epekto at Kahihinatnan ng Gawain ng mga Huwad na Lider

Pagdating sa lahat ng paghihirap na nakakaharap ng mga tao sa buhay pagpasok nila, ano ang ginagawa ng mga huwad na lider? Kapag nahaharap ang mga tao sa anumang uri ng kalagayang nakapaloob sa isa sa walong uri ng paghihirap na ito, kaya ba ng mga huwad na lider na tukuyin ito, at gamitin ang mga salita ng Diyos at ang sarili nilang kaalamang batay sa karanasan para lutasin ang mga problema ng mga taong ito? Sa kasamaang-palad, kapag nahaharap ang mga tao sa mga paghihirap, gumagawa lang ang mga huwad na lider na ito ng mga paimbabaw na pagsisikap, nagbibigay lang ng ilang mababaw, malayo sa punto, at walang kaugnayang komento na walang kinalaman sa mga disposisyon at tunay na paghihirap ng mga tao para tugunan ang mga isyu ng mga ito. Halimbawa, madalas sabihin ng mga huwad na lider, “Sadyang hindi mo minamahal ang katotohanan!” Ganito nila sinusubukang lutasin ang tunay na mga paghihirap ng mga tao at ilarawan ang mga diwa ng mga ito. Hindi nila kayang tulungan ang mga taong humanap ng mga sagot sa mga salita ng Diyos kahit para sa isang hindi malubhang isyu o kalagayan, hindi rin nila ito kayang lutasin sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Sa halip, nagbibigay sila ng ilang komento na batay sa doktrina at wala namang kaugnayan, o sinasamantala nila ang problema at pinapalaki ang maliit na bagay para lubusang balewalain ang mga tao nang hindi binibigyan ang mga ito ng pagkakataong magsisi. Sa realidad, kung ang isang tao ay may abilidad na arukin ang mga salita ng Diyos at nagtataglay ng espirituwal na pang-unawa, mahahanap niya ang paglalantad ng Diyos sa walong aspekto ng mga kalagayang ito sa mga salita ng Diyos, hindi ito mahirap. Gayumpaman, dahil ang mga huwad na lider ay walang espirituwal na pang-unawa, mahina ang kakayahan, at walang abilidad na makaarok, idagdag pa ang katunayang ang ilan sa kanila ay masigasig, sabik kumilos, mapagpaimbabaw lang, at nagpapanggap lang na mga espirituwal na tao, hindi talaga nila kayang lutasin ang mga isyu ng ibang tao. Pagdating sa iba’t ibang isyung nakakaharap ng mga tao, papayuhan sila ng mga huwad na lider, sasabihing, “Ganito na kalayo ang inusad ng gawain ng Diyos; bakit naiinggit at nakikipagtalo ka pa rin sa iba? May oras ka ba para diyan? Ano ang silbi ng pakikipag-away tungkol diyan? Hindi ka ba makakaraos nang hindi nakikipag-away tungkol diyan?” “Ganito na kalayo ang narating ng gawain ng Diyos, pero napakasentimental mo pa rin, at hindi mo kayang bumitiw. Sa malao’t madali, ikakamatay mo ang mga damdaming ito!” “Ganito na kalayo ang narating ng gawain ng Diyos, kaya bakit masyado mo pa ring inaalala ang pagkain at pananamit? Hindi mo ba kaya nang hindi nagsusuot ng isang bestida? Hindi ka ba makakaraos nang hindi bumibili ng isang pares ng sapatos na yari sa balat? Dapat ay mas pag-isipan mo ang mga salita ng Diyos at ang tungkulin mo!” “Kapag may nangyayari sa iyo, mas magdasal ka sa Diyos. Anuman ang nangyayari sa iyo, may isang aral: matutong magpasakop sa Diyos at unawain ang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos Niya.” Kaya bang lutasin ng payong ito ang mga tunay na problema? Hindi talaga. Kung hindi ay sinasabi nila, “Ang mga tao ay malubhang nagawang tiwali ni Satanas. Sa pamamagitan ng pagiging sentimental, hindi ba’t naghihimagsik ka laban sa Diyos? Sa pamamagitan ng hindi pagkilala sa sarili mo, hindi ba’t naghihimagsik ka laban sa Diyos?” Anuman ang kasalukuyang problema, hindi alam ng mga huwad na lider kung paano pagbahaginan ang katotohanan para himayin ang diwa o kalagayan ng isang tao, hindi nila kayang makilatis kung paano lumilitaw ang mga kalagayan ng mga tao, at pagkatapos, batay sa mga kalagayan ng mga ito, hindi nila kayang pagbahaginan ang katotohanan para lutasin ang mga isyu ng mga ito, magbigay ng angkop na tulong at panustos. Sa halip, pare-pareho ang palagi nilang sinasabi: “Mahalin mo ang Diyos! Pagsikapan mong gawin ang mga tungkulin mo, dapat kang maging tapat sa Diyos, at mas magdasal kapag nahaharap ka sa mga problema!” “Ang lahat ng bagay ay nakapaloob sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos!” “Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan, hindi puwede iyon. Dapat ay basahin mo pa ang mga salita ng Diyos. Nililinaw ng mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay, pero sadyang hindi minamahal ng mga tao ang katotohanan!” “Nalalapit na ang mga kalamidad, malapit na ang kalalabasan ng lahat ng bagay, at matatapos na ang gawain ng Diyos, pero hindi ka nababalisa. Ilang araw na lang ba ang nalalabi sa tao? Dumating na ang kaharian ng Diyos!” Binibigkas lang ng mga huwad na lider ang mga kasabihang ito na hindi naman nauugnay, hindi kailanman partikular na sinusuri at hinihimay ang iba’t ibang problema, o nagbibigay ng tunay na panustos o tulong sa mga tao. Kung hindi nila hinahanapan ang mga tao ng ilang sipi mula sa mga salita ng Diyos para basahin, nagbibigay sila ng walang kaugnayang payo para pakitunguhan ang mga ito. Ano ang nangyayari sa huli? Sa ilalim ng pinsala ng mga huwad na lider, bukod sa hindi alam ng mga tao ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon, hindi rin nila alam kung ano ang paglalarawan sa sarili nilang karakter, kung anong uri sila ng tao, at kung anong kalikasang diwa ang taglay nila; hindi malinaw sa kanila kung ano ang paglalarawan sa sarili nilang kakayahan, kung may abilidad ba silang makaarok o wala, o kung anong landas ang tinatahak nila. Pinanghahawakan pa rin nila ang mga makamundo at nauusong bagay na minamahal at pinahahalagahan nila sa puso nila, at walang tumutulong sa kanilang unawain, himayin, at suriin ang mga bagay na ito. Ito ang mga kahihinatnan ng gawain ng mga huwad na lider. Kapag lumilitaw ang mga problema, maaaring batikusin nila ang mga tao, basta-bastang kondenahin at akusahan ang mga ito, o bibigyan nila ang mga tao ng mga payo at aral na wala namang kaugnayan, o gagamitin nila ang mga salita ng Diyos para gumawa ng mga pilit, hindi tumpak na paghahambing. Naiisip ng mga nakakarinig sa kanila, “Parang nauunawaan ko ito, pero parang hindi rin—parang puwedeng naarok ko ang sinabi niya, pero puwedeng hindi rin. Bakit ganoon? Tama ang lahat ng sinasabi ng lider, pero bakit hindi ko maalis ang isyung ito sa puso ko? Bakit hindi ako makahanap ng resolusyon sa paghihirap na ito? Bakit ganito pa rin ako mag-isip at gusto ko pa ring gawin ang mga bagay na ito? Bakit hindi ko maunawaan kung nasaan ang diwa at ugat ng isyu? Sinasabi ng lider na hindi ko minamahal ang katotohanan, at inaamin kong hindi nga, pero bakit hindi ako makaalis sa kalagayang ito?” Nagkaroon ba ng anumang epekto ang mga lider na ito? Kahit na nagsalita at gumawa sila, napakagulo ng lahat ng ito, at hindi nito nakamit ang dapat na maging epekto nito. Hindi nila nabigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan ang mga layunin ng Diyos, maihambing ang sarili ng mga ito sa mga salita ng Diyos, tumpak na maunawaan ang mga kalagayan ng mga ito, o malutas ang sariling mga paghihirap ng mga ito. Para naman sa mga tao na hindi nagbabago at walang kahihiyan na hindi talaga tinatanggap ang katotohanan, kapag naririnig nilang taimtim at matiyaga silang pinapaalalahanan ng mga lider na ito, masyado silang naaalibadbaran. Kasabay niyon, inuulit-ulit nila ang mga salitang sinasabi ng mga lider na ito—kapag natapos na ng mga lider ang unang parte, kayang ituloy ng mga tao na ito ang kasunod, at mabilis silang naiinip, sinasabing, “Huwag mo nang ituloy. Naarok ko na ang lahat ng sinasabi mo. Kung magpapatuloy ka pa, mahihilo at masusuka na ako!” Ipinagpapatuloy ng mga lider ang pagsasabi, “Sadyang hindi mo minamahal ang katotohanan. Kung minamahal mo ang katotohanan, mauunawaan mo ang lahat ng sinasabi ko.” Sumasagot sila, “Minamahal ko man ang katotohanan o hindi, napakaraming beses mo nang inulit ang mga salitang ito, wala nang bago sa mga ito, at nagsasawa na akong marinig ang mga ito!” Gumagawa ang mga huwad na lider sa ganitong paraan, mahigpit na sumusunod sa mga patakaran at tumutuon sa mga partikular na parirala, lubusang nabibigong lutasin ang mga tunay na paghihirap ng mga tao. Kung ang isang tao ay may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, sinasabi ng mga huwad na lider na hindi kilala ng taong iyon ang sarili niya. Kung ang isang tao ay may masamang pagkatao, hindi nakakasundo ang mga tao, at walang normal na mga pakikipag-ugnayan sa mga tao, sinasabi ng mga huwad na lider na parehong mali ang taong iyon at ang isa pang taong sangkot, pareho silang sinesermonan, pareho silang sinisisi, sinasabing, “Sige, patas na kayong dalawa ngayon. Kailangan nating maging patas at makatwiran sa mga kilos natin, itrato ang lahat nang pantay-pantay nang walang anumang pagkiling. Ang sinumang nagsasalita nang may katwiran ay nagmamahal sa katotohanan, samantalang ang mga nagsasalita nang wala nito ay dapat nakatikom lang ang bibig, dapat nilang bawasan ang pagsasalita at dagdagan ang pagkilos sa hinaharap. Ang sinumang may sinasabing tama ay dapat na mas pakinggan.” Paglutas ba ito sa problema? Paggawa ba ito ng gawain? Hindi ba’t parang pagpapalubag-loob lang ito sa mga bata at panloloko sa mga tao? Puwedeng mukhang nagpapakaabala ang mga huwad na lider, pero hindi nila kayang lutasin ang mga problema ng sinuman. Gaano kaepektibo ang gawain nila? Walang kabuluhan at katawa-tawa ito! Ito ang mga kilos ng mga walang pananampalataya.

Sa kabuuan ng karanasan ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos, madalas silang nahaharap sa ilang paghihirap, at hindi kayang lutasin ng mga huwad na lider ang alinman sa mga iyon. Ni hindi kayang lutasin ng mga huwad na lider ang mga partikular na malinaw na paghihirap na kayang malutas gamit lang ang ilang salita, at gumagawa rin sila ng malaking komosyon tungkol sa mga iyon at pinapalaki nila ang bawat maliit na isyu. Hindi naman masama ang ilang tao, kaya lang, pagdating sa pagkatao nila, medyo wala silang modo, hindi sila nakakaunawa ng simpleng etiketa, at medyo salaula sila. Tinitingnan ng mga huwad na lider ang maliliit na isyung ito at gumagawa ng malaking komosyon tungkol sa mga ito, hinihikayat ang mga kapatid na pag-usapan sila, punahin sila, at kondenahin sila, na pawang may layuning mag-iwan ng tumatagal na impresyon sa mga taong iyon, para hindi sila mangahas na patuloy na kumilos sa ganoong paraan. Kinakailangan ba ito? Isa ba itong paraan para lutasin ang mga problema? Paggamit ba ito sa katotohanan para lutasin ang mga isyu? (Hindi.) Basta’t walang malalaking isyu sa pagkatao ng isang tao, at hindi masama ang taong iyon at kaya niyang taos-pusong gumugol ng sarili, kung ganoon, sa mga sitwasyon kung saan tumatanggap siya, sapat nang patuloy na gumawa sa kanya, bigyan siya ng mga paalala, tulong, pakikipagbahaginan, at suporta. Kung palaging aasal sa ganitong paraan ang mga tao, may problema sila sa karakter nila o may malupit silang disposisyon, at kung ganoon ay kinakailangan na ng mahigpit na pagpupungos at pagdidisiplina. Kung ayaw nila itong tanggapin, dapat ay masuspende ang tungkulin nila, o dapat silang mapaalis. Hindi ito makilatis ng mga huwad na lider, hindi rin sila kikilos sa ganitong paraan; kapag nahaharap sila sa gayong masasamang tao, tinatrato nila ang mga ito bilang mga kapatid, binibigyan ang mga ito ng tulong at suporta. Paggawa ba ito ng gawain? Paggamit ba ito sa katotohanan para lutasin ang mga isyu? (Hindi.) Ang gawain ng mga huwad na lider ay baligho, parang bata, at katawa-tawa, at walang anuman dito ang umaayon sa mga layunin ng Diyos. Sa lahat ng ginagawa nila, makikita mo na mga karaniwang tao sila, wala silang espirituwal na pang-unawa, at walang-ingat silang kumikilos nang walang mga prinsipyo. Gayundin, hindi nila makilatis o tumpak na maarok ang iba’t ibang paghihirap na kinakaharap ng mga tao sa buhay pagpasok ng mga ito. Dahil dito, ang mga pagtatangka nilang lumutas ay tila masyadong di-pulido, hangal, at tulad ng sa isang karaniwang tao. Naaasiwa at napipigilan din ang mga taong tumatanggap sa tulong nila. Sa paglipas ng panahon, nawawalan pa nga ng pananalig ang ilan, sinasabing, “Napakaraming beses nang nakipagbahaginan sa akin ang lider, kaya bakit hindi pa ako nagbabago? Bakit patuloy akong bumabalik sa dati? Masyado bang mababa ang pagkatao ko, at hindi ba ako maliligtas?” Nagkikimkim pa ng mga pagdududa ang iba, sinasabing, “May mali ba sa espiritu ko? Gumagawa ba sa akin ang masasamang espiritu? Hindi ba ako ililigtas ng Diyos? Hindi ba’t ibig sabihin niyon ay wala na akong pag-asa?” Ito ang mga kinahihinatnan ng gawain ng mga huwad na lider. Sa gawain nila, napagpapalit-palit nila ang mga bagay-bagay, at kumikilos sila sa isang walang kabuluhan, katawa-tawa, hangal, at di-pulidong paraan, na sa huli ay nagreresulta sa hindi agarang pagkalutas sa iba’t ibang paghihirap na kinakaharap ng ilang tao na tunay na naghahangad sa katotohanan. Nagiging sanhi naman ito na lumitaw sa mga taong iyon ang pagkanegatibo at kahinaan, pati na ang ilang kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos at sa gawain Niya. Sinasabi nila, “Napakarami ko nang nabasang salita ng Diyos, kaya bakit hindi malutas ang problema ko? Kaya ba talagang iligtas at baguhin ng mga salita ng Diyos ang mga tao?” Nagkakaroon ng pagdududa ang puso nila, at nakukulong sila sa kalituhan. Samakatwid, kapag gumagawa ng gawain ang mga huwad na lider, hindi sila nagbubunga ng maraming positibong resulta, bagkus ay nagbubunga sila ng napakaraming negatibo at masamang bagay. Bukod sa nabibigo ang gawain nila na pawiin ang mga kuru-kuro, pagdududa, at paghusga ng mga tao tungkol sa Diyos, sa kabaligtaran, pinapalala pa nito ang mga maling pagkaunawa at pagiging mapagbantay ng mga ito laban sa Diyos. Kahit pagkatapos ng maraming taon ng pananalig, hindi pa rin nalulutas ang mga isyu ng mga tao na ito. Habang nililigaw at nililihis sila ng mga huwad na lider, lumalalim ang mga maling pagkaunawa at pagbabantay nila laban sa Diyos. Kung ganito ang nangyayari, kaya ba nilang magtamo ng buhay pagpasok?

Ang pagkaunawa ng mga huwad na lider sa mga positibong bagay na tulad ng katotohanan at ng pagbabago sa disposisyon ng tao ay nakakaimpluwensiya sa mga pananaw at saloobin ng maraming tao sa mga positibong bagay. Isang bagay ito kapag hindi gumagawa ng anumang gawain ang mga huwad na lider—sa sandaling magsimula silang gumawa, umuusbong ang mga paglihis at lumilitaw ang masasamang kahihinatnan. Nagkakaroon ng hindi wastong kapaligiran sa mga iglesiang ito, ibig sabihin, madalas na nakakabuo ng ilang mali at katawa-tawang kasabihan, at hindi nauunawaan ng mga tao roon ang mga espirituwal na terminong madalas na binabanggit sa mga salita ng Diyos o kung paano gamitin ang mga iyon, habang ang mga diumano’y espirituwal na termino at kasabihang madalas sabihin ng mga huwad na lider na ito ay malawak na ipinapakalat saanman sa mga iglesiang ito. Hindi maliit ang epekto ng mga bagay na ito sa mga tao: Bukod sa hindi nakakatulong ang mga ito sa mga tao na magkamit ng mas praktikal at mas tumpak na kaalaman sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, o hindi sila nabibigyang-kakayahang makahanap ng tumpak na landas ng pagsasagawa sa mga salita Niya, sa kabaligtaran, ang totoo ay idinudulot pa ng mga ito na magkaroon ang mga tao ng mas baluktot, teoretikal, at batay sa doktrinang kaalaman sa katotohanan, at kasabay nito, dahil sa mga ito ay mas naguguluhan ang mga tao tungkol sa landas ng pagsasagawa. Sa paggawa niyon, nakakahadlang ang mga huwad na lider sa paningin ng mga tao at nakakaapekto sa dalisay nilang pagkaarok sa katotohanan. Ano ang epekto ng mga huwad na lider sa paggawa ng mga bagay na ito? Anong papel ang ginagampanan nila? Bagama’t medyo kalabisan naman ang paglalarawan sa kanila bilang nakakagulo at nakakagambala, ang pagtawag sa kanilang mga hangal na nagpapakaabala ay hindi talaga kalabisan. Noong kasisimula Ko lang sa yugtong ito ng gawain, may ilang indibidwal Akong nakilala, at habang pinakikinggan Ko silang mag-usap, nagtanong ang isa sa kanila tungkol sa sitwasyon ng isang tao, at biglang sinabi ng isang tao ang mga salitang, “Natupok na siya.” Nang tanungin Ko, “Natupok? Ano ang ibig sabihin niyon?” sumagot ito, “Ang ibig sabihin ng natupok ay natanggal na ang isang tao at siguro ay tumigil na sa pananampalataya.” Sabi Ko, “Medyo malupit ang terminong ito—hindi ito nagbibigay ng anumang kaluwagan sa taong iyon. Kahit kailan ba ay may sinabi Akong gayong bagay? Paanong hindi Ko alam ang tungkol sa terminong ito? Kailanman ay hindi Ko inilarawan ang isang tao sa ganitong paraan, o sinabi na kung titigil ang isang tao sa paggawa ng tungkulin niya o lalayo sa Diyos ay ‘matutupok’ siya. Paano lumitaw ang terminong ito?” Kalaunan, natuklasan Kong nagsimula ang pariralang ito sa isang matandang mananampalataya, isang matandang mapagmarunong. Malawak ang kaalaman niya, matagal na siyang nananampalataya sa Diyos, at may senyoridad siya. Nang sabihin niya ang pariralang ito, hindi gumamit ng pagkilatis ang grupong iyon ng mga naguguluhang tao at napulot nila ito sa kanya, at naging sikat na ang pariralang ito. Sa palagay ba ninyo ay tama ang pariralang ito? May batayan ba ito? Tumpak ba ito? (Hindi, hindi ito tumpak.) Paano natin ito dapat tratuhin? Dapat ba itong pahintulutang magpatuloy sa iglesia? (Hindi, hindi dapat.) Dapat itong ilantad at punahin, at lutasin mula sa ugat nito. Pagkatapos, sa pamamagitan ng pagpuna at paghihimay, hindi na nangahas ang mga naguguluhang taong ito na ipagpatuloy ang pagsasabi rito, pero puwedeng palihim pa rin itong ginagamit ng ilang indibidwal na hindi nasabihan kapag sila-sila lang. Siguro ay iniisip ng mga taong iyon na isa itong napakaespirituwal na pariralang nagmula sa isang “kilalang tao” at naniniwala silang dapat na patuloy itong gamitin. Ginawa na ba ng mga lider ninyo ang parehong mga gawi? Negatibo na ba nilang naapektuhan ang inyong buhay pagpasok, pagbabago sa disposisyon, o ang landas na tinatahak ninyo? (Dati, noong nangangaral ng ebanghelyo, minsang sinabi ng isang huwad na lider, “Nilulupig tayo ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo, kaya kapag nangangaral tayo ng ebanghelyo sa mga relihiyosong tao, kailangan natin silang kausapin gamit ang isang mabagsik na tono, at sermunan sila; saka lang sila malulupig.”) Maaaring makatwirang pakinggan ang pahayag na ito, pero naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Itinuro ba ng Diyos sa mga tao na gawin ito? Sinasabi ba ng salita ng Diyos na, “Kapag malawak na ipinapangaral ang ebanghelyo, dapat kang tumindig at mamahala sa mga tao gamit ang kamay na bakal, gumamit ng paghatol at pagkastigo para malawak na ipangaral ang ebanghelyo”? (Hindi.) Kaya, saan nanggaling ang pahayag na ito? Malinaw na isa itong teoryang galing sa imahinasyon ng isang huwad na lider na walang espirituwal na pang-unawa. Sa panlabas, puwedeng tila hindi problematiko ang pahayag na ito: “Ang buong sangkatauhan ay dapat na sumailalim sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Kung hindi nila ito kayang direktang tanggapin mula sa mga salita ng Diyos, hindi ba nila ito kayang tanggapin nang hindi direkta? Ano’t anuman, iyon ang epektong nilalayong makamit ng mga salita ng Diyos—ang lupigin ang buong sangkatauhan. Hindi ba’t mas makakabuti para sa kanilang matanggap ito sa lalong madaling panahon? Bago kumilos ang Diyos, gagamitin natin ang paraan ng pag-iingat na ito, para magkaroon ang mga tao ng isang uri ng panangga. Pagkatapos, kapag tunay na silang hinahatulan at kinakastigo ng Diyos, hindi maghihimagsik, lalaban, o magkakanulo sa Diyos ang mga taong iyon. Maiiwasan nitong masaktan ang damdamin ng Diyos. Hindi ba’t mabuting bagay iyon?” Sa panlabas, tila tama ang bawat pangungusap, at sa pananalitang batay sa doktrina, parang lohikal ito. Gayumpaman, isa ba itong katotohanang prinsipyo? Ano ang mga tuntuning mayroon ang sambahayan ng Diyos sa pangangaral ng ebanghelyo? Hinihingi ba nitong gawin ito ng mga tao? (Hindi.) Samakatwid, hindi makatwiran ang teoryang ito, at ang taong nagpanukala nito ay isang huwad na lider.

Madalas magkunwari ang mga huwad na lider na espirituwal sila, bumibigkas sila ng ilang parang kapani-paniwalang panlilinlang para iligaw at ilihis ang mga tao. Bagama’t maaaring tila hindi problematiko ang mga panlilinlang na ito sa panlabas, may mapaminsalang impluwensiya ang mga ito sa buhay pagpasok ng mga tao, ginugulo, inililigaw, at hinahadlangan ang mga tao mula sa pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Dahil sa mga huwad na espirituwal na salitang ito, nagkakaroon ng pagdududa at paglaban sa mga salita ng Diyos ang ilang tao, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro, at maging ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos at nagiging mapagbantay sila laban sa Diyos, at pagkatapos ay lumalayo sila sa Kanya. Ito ang epekto sa mga tao ng mga nagpapanggap na espirituwal na kasabihan ng mga huwad na lider. Habang inililigaw at iniimpluwensiyahan ng isang huwad na lider ang mga miyembro ng isang iglesia, nagiging isang relihiyon ang iglesiang iyon, gaya ng Kristiyanismo o Katolisismo, kung saan sumusunod lang ang mga tao sa mga kasabihan at turo ng tao. Lahat sila ay sumasamba sa mga turo ni Pablo, umaabot pa sa puntong ginagamit nila ang kanyang mga salita bilang kapalit ng mga salita ng Panginoong Jesus, sa halip na sumunod sa daan ng Diyos. Bilang resulta, lahat sila ay nagiging mapagpaimbabaw na mga Pariseo at anticristo. Dahil dito, isinusumpa at kinokondena sila ng Diyos. Gaya ni Pablo, itinataas at pinapatotohanan ng mga huwad na lider ang sarili nila, inililigaw at ginugulo nila ang mga tao. Inililihis nila ang mga tao at inaakay sa mga ritwal na panrelihiyon, at nagiging katulad na rin ng sa mga relihiyosong tao ang paraan ng pananampalataya ng mga taong ito sa Diyos, na nakakaantala sa pagpasok ng mga ito sa tamang landas sa pananalig ng mga ito sa Diyos. Palaging inililigaw at ginugulo ng mga huwad na lider ang mga tao, at dahil dito, gumagawa ang mga taong iyon ng samot-saring nagpapanggap na espirituwal na teorya at kasabihan. Ang mga teorya, kasabihan, at pagsasagawang ito ay lubos na salungat sa katotohanan, at walang anumang kinalaman dito. Pero habang inililigaw at inililihis ng mga huwad na lider ang mga tao, ang mga bagay na ito ay itinuturing nilang mga positibong bagay, bilang ang katotohanan. Mali nilang pinaniniwalaan na ang mga ito ang katotohanan, at iniisip nila na hangga’t naniniwala sila sa mga bagay na ito sa kanilang puso at mahusay nilang nasasabi ang mga ito, at hangga’t sinasang-ayunan ng lahat ang mga bagay na iyon, ay nakamit na nila ang katotohanan. Dahil inililigaw ng mga saloobin at pananaw na ito, hindi lamang hindi maunawaan ng mga tao ang katotohanan, kundi hindi rin nila maisagawa o maranasan ang mga salita ng Diyos, lalo na ang magawang pumasok sa katotohanang realidad. Sa kabaligtaran, lalo pa silang napapalayo sa mga salita ng Diyos at lalo pang napapalayo sa pagpasok sa katotohanang realidad. Sa teorya, walang mali sa mga salitang sinasabi ng mga huwad na lider at sa mga islogang isinisigaw nila, tama ang lahat ng iyon. Kung gayon ay bakit wala silang anumang nakakamit? Ito ay dahil napakababaw lang ng nauunawaan at naaarok ng mga huwad na lider. Puro doktrina ang lahat ng ito, na walang kinalaman sa katotohanang realidad sa mga salita ng Diyos, sa mga hinihingi ng Diyos o sa Kanyang mga layunin. Ang katunayan ay lahat ng doktrinang ipinangangaral ng mga huwad na lider ay kulang na kulang sa katotohanang realidad—para maging tumpak, walang kinalaman ang mga iyon sa katotohanan ni sa mga salita ng Diyos. Kaya, kapag madalas na binibigkas ng mga huwad na lider ang mga salita at doktrinang ito, saan ito nakaugnay? Bakit ba palagi silang hindi makapasok sa katotohanang realidad? Ito ay direktang nakaugnay sa kakayahan ng mga huwad na lider. Tiyak na tiyak na ang mga huwad na lider ay may mahinang kakayahan at walang abilidad na maarok ang katotohanan. Kahit ilang taon pa silang sumampalataya sa Diyos, hindi nila mauunawaan ang katotohanan o hindi sila magkakaroon ng buhay pagpasok, at masasabi rin na kahit ilang taon pa silang sumampalataya sa Diyos, hindi magiging madali para sa kanila na pumasok sa katotohanang realidad. Kung hindi matatanggal ang isang huwad na lider, at pahihintulutang manatili sa kanyang posisyon, anong uri ng mga kahihinatnan ang mangyayari? Parami pa nang paraming tao ang mahahatak ng pamumuno niya sa mga relihiyosong ritwal at regulasyon, sa mga salita at doktrina, at sa malalabong kuru-kuro at imahinasyon. Taliwas sa mga anticristo, hindi inaakay ng mga huwad na lider ang mga tao na humarap sa kanila o kay Satanas, pero kung hindi nila maaakay ang hinirang na mga tao ng Diyos sa katotohanang realidad ng mga salita ng Diyos, matatamo ba ng hinirang na mga tao ng Diyos ang pagliligtas ng Diyos? Magagawa ba silang perpekto ng Diyos? Talagang hindi. Kung ang hinirang na mga tao ng Diyos ay hindi makapapasok sa katotohanang realidad, hindi ba’t namumuhay pa rin sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Hindi ba’t mga imoral pa rin sila na nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Hindi ba’t ibig sabihin nito ay mapapahamak sila sa mga kamay ng mga huwad na lider? Iyon ang dahilan kung bakit halos pareho ang mga kahihinatnan ng gawain ng mga huwad na lider at ng mga anticristo. Pareho nilang hindi matutulungan ang hinirang na mga tao ng Diyos na maunawaan ang katotohanan, makapasok sa realidad, at matamo ang kaligtasan. Pareho nilang pinipinsala ang hinirang na mga tao ng Diyos at dinadala ang mga ito sa pagkawasak. Parehong-pareho ang mga kinahinatnan.

Ano ang ilan sa mga mali at nakalilinlang na paniniwala ng mga huwad na lider? Ibuod ninyo ang mga iyon mamaya. Iniiwan Ko sa inyo ang takdang araling ito para makita kung nakikilatis ninyo ang mga iyon. Kahit kailan ba ay nagsabi na ang mga lider sa paligid ninyo ng ilang salita na espirituwal o naaayon sa mga sentimyento ng tao at, sa panlabas, parang tama at naaayon sa katotohanan pero hindi nakakapagtustos para sa buhay pagpasok mo at hindi nakakalutas ng mga aktuwal mong problema? Kung wala kang pagkilatis sa mga salitang ito at pinahahalagahan at isinasapuso mo pa ang mga ito, hinahayaan ang mga itong mangibabaw sa iyo at mag-akay sa iyo sa lahat ng oras, at impluwensiyahan ang mga iniisip at asal mo sa lahat ng oras, hindi ba’t medyo malubha ang mga kahihinatnan nito? (Oo.) Kung gayon ay mahalagang ungkatin ninyo ang ugat ng mga isyung ito, para makita kung anong mga bagay ang mga mali at nakalilinlang na paniniwalang nakakababa sa mga tao hanggang sa puntong nagiging relihiyosong paniniwala na ang pananalig nila sa Diyos, na nagreresulta sa paglaban nila sa Diyos at pagtanggi sa kanila ng Diyos. Halimbawa, ipagpalagay nang sinasabi ng isang tao, “Huwag kang magsikap na maging isang lider. Kung matatanggal o matitiwalag ka pagkatapos maging lider, ni hindi ka magkakaroon ng pagkakataong maging isang karaniwang mananampalataya.” Isa bang mali at nakalilinlang na paniniwala ng mga huwad na lider ang ganitong uri ng pananalita? (Oo.) Ganoon ba? Dapat na mapag-iba ang mga mali at nakalilinlang na paniniwala ng mga huwad na lider mula sa mga mali at nakalilinlang na paniniwala ng mga anticristo; huwag ninyong paghalu-haluin ang mga iyon. Ano ang ibig sabihin ng taong iyon sa pagsasabi ng mga gayong bagay? Anong mga motibasyon ang nakatago sa mga salitang ito? May kahina-hinalang bagay bang nakapaloob sa mga iyon? Malinaw na naglalaman ang mga iyon ng isang panlalansing naglalayong manlihis ng mga tao, ang ibig sabihin ng mga iyon ay na dapat iwasan ng ibang taong magsikap na maging lider, na hindi magiging maganda ang kalalabasan ng paggawa niyon. Ang pakay nila sa pagsasabi nito ay hikayatin ang mga taong talikuran ang ideya na maging isang lider para walang sinumang makikipagkompetensiya sa kanila para sa reputasyon at katayuan, sa gayon ay binibigyang-daan silang mapanatag sa pagiging lider habambuhay. Kasabay niyon, sinasabi nila sa mga tao, “Ganito tinatrato ng sambahayan ng diyos ang mga lider at manggagawa, iniaangat ka nito kapag kailangan ka nito at kapag hindi, sinisipa ka nito papunta sa pinakamababang antas, hindi ka binibigyan ng pagkakataong maging karaniwang mananampalataya man lang.” Ano ang kalikasan ng mga salitang ito? (Paglapastangan sa Diyos.) Anong uri ng tao ang nagsasabi ng mga salitang lumalapastangan sa Diyos? (Isang anticristo.) Nakapaloob sa mga salitang ito ang dalawang masamang intensyon na puwedeng humantong sa dalawang kahihinatnan: Ang isa ay ang pagsasabi sa iba na huwag talagang makipagkompetensiya para sa katayuan, na nagtitiyak na nananatiling matatag ang sarili nilang katayuan; ang isa naman ay ang pagdudulot sa iyong magkamali ng pagkaunawa sa Diyos, tumigil sa pananampalataya sa Diyos at sa halip ay magsimulang maniwala sa kanila. Ito ang pinakalantarang uri ng anticristo. Parang wala kayong abilidad na makaarok; nagsabi na Ako dati ng mga halimbawa nito. Bukod sa pabaya at mahina ang memorya ninyo, wala rin kayong abilidad na makaarok. Ni hindi ninyo kayang kilatisin ang ganoon kalinaw na anticristo. Magsasabi ba ang mga huwad na lider ng mga gayong bagay? Sadya at lantaran ba silang manlilihis ng mga tao at lalaban sa Diyos? (Hindi.) Kahit na sa panlabas ay maaaring tila hindi problematiko ang mga bagay na sinasabi at ginagawa ng mga huwad na lider, ang gawain nila ay walang mga prinsipyo at hindi magtatamo ng mga resulta. Ang mga huwad na lider ay hindi kayang lutasin ang anuman sa mga problema ng mga tao, dalhin ang mga ito sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, o akayin ang mga ito sa harapan ng Diyos. Tama ang lahat ng sinasabi nila, hindi talaga sila nagkulang sa gawain nila, may sigasig at marubdob na damdamin sila, at sa panlabas ay parang may pananalig sila, may kapasyahan, at handa silang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga. Dagdag pa rito, tila pambihira ang pagtitiis nila at nakakapagpursige sila sa kabila ng lahat ng uri ng pagod at paghihirap. Kaya lang ay mahina ang kanilang kakayahan at abilidad na makaarok, at wala silang tumpak na pagkaarok sa katotohanan. Ano ang ginagawa nila tungkol sa kawalan ng abilidad na makaarok na ito? Gumagamit sila ng mga patakaran at doktrina, pati na ng mga espirituwal na teoryang madalas nilang tinatalakay, para lutasin ang problemang ito. Pagkalipas ng ilang taon sa ilalim ng pamumuno nila, lumilitaw sa mga tao ang iba’t ibang uri ng mga doktrina, patakaran, at panlabas na pagsasagawa. Sinusunod ng mga tao ang mga doktrina, patakaran, at pagsasagawang ito, at naniniwala silang isinasagawa nila ang katotohanan at pumapasok sila sa katotohanang realidad, pero ang totoo, napakalayo pa rin nila sa katotohanang realidad! Sa sandaling mapuno, mapangibabawan, at maakay ng mga bagay na ito ang puso ng mga tao, magiging mahirap na ang magkaroon ng resolusyon. Ang bawat isa ay dapat na isa-isang mahimay at masuri para maunawaan ng mga tao ang mga ito. Pagkatapos, dapat na masabi sa mga tao kung ano ang katotohanan, ang mga doktrina, islogan, at patakaran, at kung ano ang tamang pagkaarok sa katotohanan, sa mga tumpak na kasabihan, at sa mga katotohanang prinsipyo. Ang lahat ng ito ay kailangang lutasin nang isa-isa; kung hindi, malilihis at masisira ng mga huwad na lider ang mga taong medyo may mabuting asal, sumusunod sa mga panuntunan, at naghahangad sa espirituwalidad. Ang mga taong ito ay maaaring tila deboto, kayang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga, at nakakapagdasal kapag may mga bagay na nangyayari sa kanila. Gayumpaman, katulad lang ng mga relihiyosong tao, nang bumalik ang Diyos, wala sa kanila ang nakakakilala sa Kanya, wala sa kanila ang kumikilala na gumagawa ulit ng bagong gawain ang Diyos, at nilalabanan nilang lahat ang Diyos. Bakit ganito? Ito ay dahil nalihis na sila ng mga huwad na lider at anticristo—napinsala at nasira na ng mga ito ang maraming taos-pusong mananampalataya ng Diyos.

Ang mga huwad na lider ay nagsasabi lang ng mga salita at doktrina—ang ipinauunawa nila sa mga tao ay doktrina lang at hindi ang katotohanan, at ang ipinapakita nila sa mga tao ay huwad na espirituwalidad lang. Ano ang mga kahihinatnan ng pagsasabi ng mga salita at doktrina? Huwad na espirituwalidad, huwad na pagkaunawa, huwad na kaalaman, huwad na pagsasagawa, at huwad na pagsunod—ang lahat ng ito ay huwad. Paano ba nagsisimula ang “pagiging huwad” na ito? Ito ay dulot ng pagkakaroon ng mga huwad na lider ng baluktot, may kinikilingan, at mababaw na pagkaarok sa katotohanan, at ng ganap na pagkabigo nilang arukin ang diwa ng katotohanan. Binibigyan ng mga huwad na lider ang mga tao ng maraming panuntunan, salita at doktrina, pati na ng ilang islogan at teorya. Hindi talaga nauunawaan ng mga taong iyon ang tunay na mga layunin ng Diyos, at kapag nahaharap sila sa iba’t ibang masalimuot na sitwasyon, hindi nila alam kung paano pangangasiwaan at haharapin ang mga iyon, o kung paano aarukin ang mga layunin ng Diyos. Kaya bang humarap sa Diyos ng mga gayong indibidwal? Kaya ba nilang tanggapin ang Diyos at itigil ang paglaban sa Kanya? Hindi, hindi nila kaya. Samakatwid, napakahalaga sa inyo at kailangan ninyong ibuod ang mga mali at nakalilinlang na paniniwala ng mga huwad na lider at magkaroon kayo ng pagkilatis sa mga iyon. Kapag nagbubuod, mahalagang mapag-iba ang mga iyon sa mga nakalilinlang na paniniwalang ginagamit ng mga anticristo para manlihis ng mga tao. Tungkol naman sa pangalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa—ang maging pamilyar sa mga kalagayan ng bawat uri ng tao, at lutasin ang iba’t ibang paghihirap na may kaugnayan sa buhay pagpasok na nararanasan nila sa tunay nilang buhay—dito na natin tatapusin ang pagbabahaginan natin sa paghihimay sa iba’t ibang pagsasagawa ng mga huwad na lider at sa diwa ng mga isyu sa mga huwad na lider.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.