Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (17) Unang Seksiyon
Ikalabindalawang Aytem: Agaran at Tumpak na Tukuyin ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Gawain ng Diyos at sa Normal na Kaayusan ng Iglesia; Pigilan at Limitahan ang mga Iyon, at Ituwid ang mga Bagay-bagay; Dagdag pa Rito, Pagbahaginan ang Katotohanan Upang Magkaroon ng Pagkilatis ang Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Gayong Bagay at Matuto Sila Mula sa mga Iyon (Ikalimang Bahagi)
Ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Buhay Iglesia
IX. Pagbubulalas ng Pagkanegatibo
Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan ang mga iyon, at ituwid ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga iyon.” Tungkol sa iba’t ibang paggambala at panggugulo na lumilitaw sa buhay iglesia, nagbahaginan tayo noong nakaraan tungkol sa ikawalong isyu—ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro—at ngayon ay pagbabahaginan natin ang ikasiyam—ang pagbubulalas ng pagkanegatibo. Ang pagbubulalas ng pagkanegatibo ay isang bagay na madalas ding naririnig sa pang-araw-araw na buhay. Gayundin, ang mga kilos o pahayag ng pagbubulalas ng pagkanegatibo ay dapat ding limitahan at pigilan kapag lumilitaw ang mga ito sa buhay iglesia, sapagkat ang pagbubulalas ng pagkanegatibo ay hindi nakapagpapatibay sa sinuman; sa halip, nakaaapekto, nakagugulo, at nagdudulot ito ng kawalan sa mga tao. Samakatwid, ang pagbubulalas ng pagkanegatibo ay isang negatibong bagay, kapareho ng kalikasan sa iba pang mga pag-uugali, kilos, at pahayag na nakagugulo sa buhay iglesia; maaari din itong makagulo sa mga tao at magkaroon ng mga hindi kanais-nais na epekto. Walang sinuman ang makapagpapatibay o makapagbibigay ng mga pakinabang sa iba sa pamamagitan ng pagbubulalas ng pagkanegatibo; magdudulot lang ito ng mga mapaminsalang epekto at maaari din itong makaapekto sa normal na paggampan ng mga tao sa mga tungkulin nila. Kaya, kapag nagaganap sa iglesia ang pagbubulalas ng pagkanegatibo, dapat din itong pigilan at limitahan, hindi dapat kunsintihin o hikayatin.
A. Kung Ano ang Pagbubulalas ng Pagkanegatibo
Tingnan muna natin kung paano dapat unawain at kilatisin ang pagbubulalas ng pagkanegatibo. Paano natin dapat kilatisin ang pagbubulalas ng pagkanegatibo? Alin sa mga komento at pagpapamalas ng mga tao ang pagbubulalas ng pagkanegatibo? Higit sa lahat, ang pagkanegatibong ibinubulalas ng mga tao ay hindi positibo, isa iyong masamang bagay na sumasalungat sa katotohanan, at isang bagay na nanggagaling sa kanilang tiwaling disposisyon. Ang pagkakaroon ng tiwaling disposisyon ay humahantong sa mga paghihirap sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos—at dahil sa mga paghihirap na ito, nabubunyag ang mga negatibong kaisipan at iba pang mga negatibong bagay sa mga tao. Ang mga bagay na ito ay nagmumula sa konteksto ng pagsisikap nilang isagawa ang katotohanan; ito ay mga kaisipan at pananaw na nakaaapekto at humahadlang sa mga tao kapag sinisikap nilang isagawa ang katotohanan, at ito ay lubos na mga negatibong bagay. Gaano man naaayon sa mga kuru-kuro ng tao at gaano man kamakatwirang pakinggan ang mga negatibong kaisipan at pananaw na ito, hindi nagmumula ang mga ito sa pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, lalong hindi kaalamang batay sa karanasan sa mga salita ng Diyos ang mga ito. Sa halip, nagmumula ang mga ito sa isipan ng tao, at hindi talaga kaayon ng katotohanan. Kaya, ang mga ito ay mga negatibong bagay, masasamang bagay. Ang intensiyon ng mga taong nagbubulalas ng pagkanegatibo ay makahanap ng maraming obhetibong dahilan para sa kabiguan nilang isagawa ang katotohanan, para makuha ang simpatiya at pag-unawa ng ibang mga tao. Sa iba’t ibang antas, ang mga negatibong pahayag na ito ay nakaiimpluwensiya at nakapagpapahina sa inisyatiba ng mga tao na isagawa ang katotohanan, at maaari pa ngang magpatigil sa maraming tao sa pagsasagawa ng katotohanan. Dahil sa mga kahihinatnan at masasamang epektong ito, mas nararapat na ilarawan ang mga negatibong bagay na ito bilang masama, salungat sa Diyos, at lubos na mapanlaban sa katotohanan. Ang ilang tao ay hindi makakilatis ng diwa ng pagkanegatibo, at iniisip nila na ang madalas na pagkanegatibo ay normal, at na wala itong malaking epekto sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan. Mali ang ganitong pag-iisip; sa katunayan, napakalaki ng epekto nito, at kung hindi na makayanan ng isang tao ang tindi ng pagkanegatibo niya, madali itong hahantong sa pagkakanulo. Ang katakot-takot na kahihinatnang ito ay sanhi ng walang iba kundi pagkanegatibo. Kaya paano dapat kilatisin at unawain ang pagbubulalas ng pagkanegatibo? Sa madaling salita, ang magbulalas ng pagkanegatibo ay panlilihis sa mga tao at pagpipigil sa kanila na isagawa ang katotohanan; ito ay paggamit ng mga banayad na taktika, ng tila normal na mga pamamaraan, para ilihis ang mga tao at tisurin sila. Nakapipinsala ba ito sa kanila? Talagang lubhang nakakasira ito sa kanila. At kaya, ang pagbubulalas ng pagkanegatibo ay isang bagay na masama, kinokondena ito ng Diyos; ito ang pinakasimpleng interpretasyon ng pagbubulalas ng pagkanegatibo. Kaya ano ba talaga ang negatibong bahagi ng pagbubulalas ng pagkanegatibo? Ano ang mga bagay na negatibo, at malamang na magkaroon ng masamang epekto sa mga tao, at magsanhi ng panggugulo at pinsala sa buhay iglesia? Ano ang kasama sa pagkanegatibo? Kung ang mga tao ay may dalisay na pagkaarok sa mga salita ng Diyos, maglalaman ba ng anumang pagkanegatibo ang mga salitang ibinabahagi nila? Kung ang mga tao ay may saloobin ng tunay na pagpapasakop sa mga sitwasyong inilatag ng Diyos para sa kanila, maglalaman ba ng anumang pagkanegatibo ang kanilang kaalaman tungkol sa mga sitwasyong ito? Kapag ibinabahagi nila sa lahat ang kanilang kaalamang batay sa karanasan, maglalaman ba iyon ng anumang pagkanegatibo? Tiyak na hindi. Tungkol sa anumang nangyayari sa iglesia o sa paligid nila, kung nagagawa ng mga tao na tanggapin ito mula sa Diyos, magkaroon ng tamang pagharap, at magkaroon ng saloobin ng paghahanap at pagpapasakop, maglalaman ba ng anumang pagkanegatibo ang kaalaman, pagkaunawa, at karanasan nila sa nangyayari? (Hindi.) Tiyak na hindi. Kaya, kung titingnan sa mga ganitong aspekto, ano nga ba ang pagkanegatibo? Paano ba ito mauunawaan? Hindi ba’t ang pagkanegatibo ay naglalaman ng mga bagay na may ganitong kalikasan—pagsuway, kawalang-kasiyahan, mga paghihinanakit, at sama ng loob ng mga tao? Ang mga mas malalang kaso ng pagkanegatibo ay kinabibilangan din ng paglaban, paghamon, at maging ng pagprotesta. Ang pagsasabi ng mga komento na naglalaman ng mga elementong ito ay mailalarawan bilang pagbubulalas ng pagkanegatibo. Kaya, kung susuriin ang mga pagpapamalas na ito, kapag nagbubulalas ng pagkanegatibo ang isang tao, may anumang pagpapasakop ba sa Diyos sa puso niya? Tiyak na wala. May anumang kahandaan ba na maghimagsik laban sa laman at lutasin ang pagkanegatibo niya? Wala—wala kundi paglaban, paghihimagsik, at pagsalungat. Kung ang puso ng mga tao ay puno ng mga bagay na ito—kung nasakop na ang puso nila ng mga negatibong bagay na ito—magbubunga ito ng paglaban, paghihimagsik, at paghamon sa Diyos. At kung ganito ang kaso, magagawa pa rin ba nilang isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos? Hindi; ang tanging mangyayari ay mapapalayo sila sa Diyos, mas lalong magiging negatibo, at maaari pa nga nilang pagdudahan, itatwa, at ipagkanulo ang Diyos. Hindi ba’t mapanganib ito? Ang sinumang madalas na negatibo ay may kakayahang magbulalas ng pagkanegatibo, at ang pagbubulalas ng pagkanegatibo ay ang pagsalungat at pagtatatwa sa Diyos; dahil dito, ang mga taong madalas magbulalas ng pagkanegatibo ay may tendensiyang ipagkanulo ang Diyos at iwan Siya sa anumang oras o lugar.
Batay sa kahulugan ng salitang “pagkanegatibo,” kapag nagiging negatibo ang isang tao, lubha siyang nanlulumo at nagkakaroon siya ng masamang pag-iisip. Ang lagay ng kanyang loob ay napupuno ng mga negatibong elemento, wala siyang saloobin ng aktibong pag-usad at pagsisikap na sumulong, at wala siyang positibo, aktibong pakikipagtulungan at paghahanap; higit pa rito, wala siyang ipinapakitang kusang-loob na pagpapasakop, sa halip ay nagpapakita siya ng labis na pagkasira ng loob. Ano ang kinakatawan ng pagkasira ng loob? Kinakatawan ba nito ang mga positibong aspekto ng pagkatao? Kinakatawan ba nito ang pagkakaroon ng konsensiya at katwiran? Kinakatawan ba nito ang pamumuhay nang may dignidad, pamumuhay sa saklaw ng dignidad ng pagkatao? (Hindi.) Kung hindi nito kinakatawan ang mga positibong bagay na ito, ano ang kinakatawan nito? Puwede ba itong kumatawan sa kawalan ng tunay na pananalig sa Diyos, gayundin sa kawalan ng determinasyon at kapasyahang hangarin ang katotohanan at maagap na umusad? Maaari ba itong kumatawan sa matinding kawalan ng kasiyahan at hirap sa pagkaunawa sa kasalukuyang sitwasyon at mga paghihirap ng isang tao, at pag-ayaw na tanggapin ang mga katunayan ng kasalukuyan? Puwede ba itong kumatawan sa isang sitwasyon kung saan ang puso ng isang tao ay puno ng pagsuway, ng pagnanais na tumutol, at ng pagnanais na tumakas at baguhin ang kasalukuyang sitwasyon? (Oo.) Ito ang mga kalagayang ipinapakita ng mga tao kapag hinaharap nila ang kasalukuyang sitwasyon nang may pagkanegatibo. Sa madaling salita, anuman ang mangyari, kapag ang mga tao ay negatibo, ang kawalan nila ng kasiyahan sa kasalukuyang sitwasyon at sa mga isinaayos ng Diyos ay hindi kasingsimple ng pagkakaroon lamang ng mga maling pagkaunawa, hindi pagkaintindi, hindi pagkaarok, o kawalan ng kakayahang dumanas. Ang hindi pagkaarok ay maaaring usapin ng kakayahan o oras, na isang normal na pagpapamalas ng pagkatao. Ang hindi magawang dumanas ay maaaring dahil din sa ilang obhetibong dahilan, pero ang mga ito ay hindi itinuturing na mga negatibo, hindi kanais-nais na mga bagay. Hindi rin magawang dumanas ng ilang tao, pero kapag nahaharap sila sa mga bagay na hindi nila nauunawaan o nakikilatis, o sa mga bagay na hindi nila naaarok o nararanasan, magdadasal sila sa Diyos at hahanapin nila ang Kanyang mga pagnanais, hihintayin nila ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos, at aktibo silang maghahanap mula sa ibang tao at makikipagbahaginan sa mga ito. Gayumpaman, iba ang ilang tao; wala sila ng mga ganitong landas ng pagsasagawa, wala rin silang gayong saloobin. Sa halip na maghintay, maghangad, o maghanap ng taong makakabahaginan, nagkakaroon sila ng mga maling pagkaunawa sa puso nila, nararamdaman na ang mga pangyayari at sitwasyong nararanasan nila ay hindi umaayon sa kanilang mga pagnanais, kagustuhan, o imahinasyon, kaya humahantong sa pagsuway, kawalan ng kasiyahan, paglaban, mga reklamo, pagtutol, pagpoprotesta, at iba pang mga hindi kanais-nais na bagay. Kapag nagkakaroon ng mga ganitong hindi kanais-nais na bagay, hindi na nila masyadong iniisip ang mga ito, hindi rin sila lumalapit sa Diyos para magdasal at magnilay-nilay para magkamit ng kaalaman sa sarili nilang kalagayan at katiwalian. Hindi nila binabasa ang mga salita ng Diyos para hanapin ang mga pagnanais ng Diyos o ginagamit ang mga salita ng Diyos para lutasin ang mga problema, lalong hindi naghahanap at nakikipagbahaginan sa iba. Sa halip, iginigiit nila na tama at tumpak ang pinapaniwalaan nila, nagkikimkim sila ng pagsuway at kawalan ng kasiyahan sa puso nila, at hindi sila makaalis sa negatibo, hindi kanais-nais na mga emosyon. Kapag hindi sila makaalis sa mga ganitong emosyon, maaaring magawa nilang kimkimin ang mga ito at tiisin ang mga ito sa loob ng isa o dalawang araw, pero kapag tumagal na, maraming bagay ang nabubuo sa isipan nila, kabilang na ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, etika at moralidad ng tao, kultura, tradisyon, at kaalaman ng tao, at iba pa. Ginagamit nila ang mga bagay na ito para sukatin, kalkulahin, at unawain ang mga problemang kinakaharap nila, ganap silang nabibitag sa patibong ni Satanas, kaya lumilitaw ang iba’t ibang kalagayan ng kawalang kasiyahan at pagsuway. Mula sa mga tiwaling kalagayang ito, lumilitaw ang iba’t ibang maling ideya at pananaw, at sa puso nila, hindi na makontrol ang mga negatibong bagay na ito. Pagkatapos ay naghahanap sila ng mga pagkakataon para mailabas at maibulalas ang mga bagay na ito. Kapag puno ng pagkanegatibo ang puso nila, sinasabi ba nila, “Puno ng mga negatibong bagay ang kalooban ko; hindi ako dapat magsalita nang walang pakundangan para hindi ko mapinsala ang iba. Kung gusto kong magsalita at hindi ko ito mapigilan, kakausapin ko ang pader, o kakausapin ko ang isang bagay na hindi nakakaintindi ng pananalita ng tao”? Sapat ba silang mabait para gawin ito? (Hindi.) Ano ang ginagawa nila kung gayon? Naghahanap sila ng mga pagkakataon para magkaroon ng tagapakinig na tatanggap ng kanilang mga negatibong pananaw, komento, at emosyon, ginagamit nila ito para mailabas ang iba’t ibang negatibong damdamin nila tulad ng kawalan ng kasiyahan, pagsuway, at sama ng loob mula sa puso nila. Naniniwala silang ang oras sa buhay iglesia ang pinakamagandang oras para magbulalas, at ang magandang pagkakataon para ilabas ang kanilang pagkanegatibo, kawalan ng kasiyahan, at pagsuway dahil maraming tagapakinig at maaaring makaimpluwensiya ang mga salita nila na maging negatibo ang iba, at nakakapagdala ng hindi kanais-nais na mga kahihinatnan sa gawain ng iglesia. Siyempre, ang mga nagbubulalas ng pagkanegatibo ay hindi makapagpigil kahit sa pribado; palagi nilang inilalabas ang negatibo nilang pananalita. Kapag hindi marami ang nakakarinig sa kanila na magbulalas, nawawalan sila ng gana, pero kapag nagtitipon-tipon ang lahat, nagiging mas masigla sila. Batay sa mga emosyon, kalagayan, at iba pang mga aspekto ng mga nagbubulalas ng pagkanegatibo, ang pakay nila ay hindi ang tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan, makilatis kung ano ang totoo, malinawan sa mga maling pagkaunawa o pagdududa tungkol sa Diyos, makilala ang sarili at ang tiwaling diwa ng mga ito, o malutas ang mga isyu ng mga ito ng paghihimagsik at katiwalian para hindi maghimagsik laban sa Diyos ang mga ito o kontrahin Siya kundi magpasakop sa Kanya. Ang pangunahing pakay nila ay may dalawang bahagi: Sa isang banda, nagbubulalas sila ng pagkanegatibo para mailabas ang mga emosyon nila; sa kabilang banda, pakay nilang mahila ang maraming tao sa pagkanegatibo at papunta sa bitag ng paglaban at pagpoprotesta laban sa Diyos kasama nila. Samakatwid, ang pagbubulalas ng pagkanegatibo ay dapat talagang mapigilan sa loob ng buhay iglesia.
B. Ang Iba’t Ibang Kalagayan at Pagpapamalas ng mga Taong Nagbubulalas ng Pagkanegatibo
1. Pagbubulalas ng Pagkanegatibo Habang Nakakaramdam ng Kawalang-Kasiyahan Tungkol sa Pagkakatanggal
Ang mga emosyon at pagpapamalas ng pagkanegatibo ay karaniwang ganito. Matapos Kong magbahagi tungkol sa mga ito, dapat ikumpara ng mga tao ang sarili nila sa mga ito at tingnan kung alin sa mga pag-uugali, komento, at pamamaraan nila sa tunay na buhay ang maituturing na pagbubulalas ng pagkanegatibo, at kung anong mga sitwasyon ang nagdudulot sa kanila na masadlak sa pagkanegatibo, na humahantong sa pagbubulalas ng pagkanegatibo. Sabihin ninyo sa Akin, sa ilalim ng mga karaniwang kaganapan, anong mga sitwasyon ang nagdudulot sa mga tao na maging negatibo? Ano ang mga karaniwang anyo ng pagkanegatibo? (Kapag tinanggal o pinungusan ang isang tao, maaari siyang magkaroon ng kaunting pagkanegatibo sa puso niya.) Ang pagkakatanggal ay isang senaryo, at ang pagkakapungos ay isa pang senaryo. Bakit humahantong sa pagkanegatibo ang pagkakatanggal? (Ang ilang tao, matapos matanggal, ay walang kaalaman sa sarili at iniisip nila na ang katayuan nila ang naging dahilan ng pagbagsak nila. Pagkatapos ay sinasabi nila, “Kung gaano kataas ang lipad, gayon din ang lagapak pagbagsak,” nagsasabi ng ilang negatibong pananaw. Wala silang dalisay na pagkaarok sa pagkakatanggal; masuwayin sila sa puso nila.) Sa kalooban nila, may pagsuway at kawalang-kasiyahan, na siyang mga negatibong emosyon. Nagrereklamo ba sila? (Oo. Pakiramdam nila ay nagtiis sila ng paghihirap at nagbayad ng halaga, na palagi silang nagsusumikap nang husto nang walang nakukuhang anumang magandang kapalit, pero tinanggal pa rin sila. Kaya sinasabi nila, “Mahirap maging lider; malas ang sinumang maging lider. Kalaunan, natatanggal din ang lahat.”) Ang pagpapakalat ng ganitong mga komento ay pagbubulalas ng pagkanegatibo. Kung masuwayin lang sila at hindi nasisiyahan pero hindi naman nila ito ipinapakalat, hindi pa iyon maituturing na pagbubulalas ng pagkanegatibo. Kung mula sa pagsuway at kawalang-kasiyahan ay unti-unting lumalabas ang isang lagay ng loob ng pagrereklamo, at hindi nila kinikilala ang katunayan na may mahina silang kakayahan at hindi nila nagawa ang trabaho, at pagkatapos ay nagsisimula silang makipagtalo gamit ang baluktot nilang lohika, bumubuo ng lahat ng uri ng pahayag, pananaw, palusot, dahilan, paliwanag, pangangatwiran, at iba pa habang nakikipagtalo, kung gayon, ang pagsasabi ng ganitong mga uri ng komento ay maituturing nang pagbubulalas ng pagkanegatibo. Ang ilang huwad na lider, na tinanggal dahil sa hindi paggawa ng tunay na gawain, ay nagkikimkim ng pagsuway at kawalang-kasiyahan sa puso nila, talagang walang anumang pagpapasakop; palagi nilang iniisip, “Tingnan natin kung sino ang maaaring pumalit sa akin bilang lider. Walang ibang mas mahusay kaysa sa akin; kung hindi ko kayang gawin ang gawain, hindi rin nila kaya!” Bakit sila masuwayin? Iniisip nila na hindi mahina ang kakayahan nila at na marami na silang nagawang gawain, kaya bakit sila tinanggal? Ito ang mga iniisip ng mga huwad na lider sa loob-loob nila. Hindi sila nagninilay-nilay para kilalanin ang sarili nila at makita kung talaga bang gumawa sila ng anumang tunay na gawain, kung gaano karaming aktuwal na problema ang nilutas nila, o kung tunay bang naparalisa nila ang gawain ng iglesia. Bihira nilang isaalang-alang ang mga bagay na ito. Hindi nila iniisip na ang isyu ay ang kawalan nila ng katotohanang realidad at ng kakayahang makilatis ang mga bagay-bagay; sa halip, naniniwala silang dahil marami na silang nagawang gawain, hindi sila dapat ilarawan bilang huwad na lider. Ito ang pangunahing dahilan ng pagsuway at kawalang-kasiyahan nila. Palagi nilang iniisip: “Maraming taon ko nang ginagawa ang mga tungkulin ko, bumabangon nang maaga at nagpupuyat araw-araw para kanino? Matapos manampalataya sa Diyos, iniwan ko ang pamilya ko, isinuko ang karera ko, at hinarap ko pa nga ang panganib na maaresto at mabilanggo para magawa ang mga tungkulin ko. Napakaraming paghihirap na ang tiniis ko! At ngayon, sinasabi nilang wala akong nagawang aktuwal na gawain at basta na lang akong tinanggal—lubha itong hindi patas! Kahit na wala akong anumang mga nakamit, nagtiis ako ng paghihirap; kung hindi paghihirap, pagkapagod! Sa kakayahan at abilidad kong magbayad ng halaga sa gawain ko, kung kahit ako mismo ay hindi pa rin maituturing na pasok sa pamantayan at natanggal, sa palagay ko ay halos wala nang sinumang mga lider na pasok sa pamantayan!” Nagbubulalas ba sila ng pagkanegatibo sa pagsasabi ng mga salitang ito? May kahit isang pangungusap ba sa mga ito na nagpapahiwatig ng pagpapasakop? May kahit katiting ba na pahiwatig ng kagustuhan na hanapin ang katotohanan? May anuman bang pagninilay-nilay sa sarili, tulad ng, “Sinasabi nila na hindi pasok sa pamantayan ang gawain ko, kaya saan ba mismo ako nagkukulang? Anong aktuwal na gawain ang hindi ko nagawa? Anong mga pagpapamalas ng isang huwad na lider ang ipinapakita ko?” Pinagnilayan na ba nila ang sarili nila sa ganitong paraan? (Hindi.) Kaya, ano ang kalikasan ng mga salitang ito na sinasabi nila? Nagrereklamo ba sila? Pinapangatwiranan ba nila ang sarili nila? Ano ang layunin nila sa pangangatwiran sa sarili nila? Hindi ba’t ito ay para makakuha ng simpatiya at pag-unawa ng mga tao? Hindi ba’t gusto nilang mas maraming tao ang magtanggol sa kanila, manangis dahil sa dinanas nilang kawalang-katarungan? (Oo.) Kung gayon, kanino sila nagpoprotesta? Hindi ba’t nakikipagtalo at nagpoprotesta sila laban sa Diyos? (Oo.) Ang pananalita nila ay nagrereklamo tungkol sa Diyos, sumasalungat sa Diyos. Ang puso nila ay puno ng mga hinanakit, nang may paglaban at paghihimagsik. Hindi lang iyon, kundi sa pamamagitan ng pagbubulalas ng pagkanegatibo, pakay nilang mas maraming tao ang makaunawa sa kanila, makisimpatiya sa kanila, at magkaroon ng pagkanegatibo na tulad nila, para mas marami pang tao ang magkimkim ng mga hinanakit, ng paglaban, at paghamon laban sa Diyos, o magprotesta laban sa Kanya, tulad nila. Hindi ba’t nagbubulalas sila ng pagkanegatibo para makamit ang layuning ito? Ang layunin nila ay hayaan lang ang mas maraming tao na malaman ang diumano’y katotohanan ng usapin at papaniwalain ang iba na nagawan sila ng mali, na tama ang ginawa nila, na hindi sila dapat natanggal, at na isang pagkakamali ang pagkakatanggal sa kanila; gusto nilang mas maraming tao ang magtanggol sa kanila. Sa pamamagitan nito, umaasa silang maibabalik ang dangal, katayuan, at reputasyon nila. Ang lahat ng huwad na lider at anticristo, pagkatapos matanggal, ay nagbubulalas ng pagkanegatibo sa ganitong paraan para makuha ang simpatiya ng mga tao. Wala ni isa sa kanila ang nakakapagnilay-nilay at nakakakilala sa sarili nila, nakakaamin sa mga pagkakamali nila, o nakakapagpakita ng tunay na pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Kinukumpirma ng katunayang ito na ang mga huwad na lider at anticristo ay pawang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan, at hinding-hindi nila ito tinatanggap. Kaya, pagkatapos mabunyag at matiwalag, hindi nila makilala ang sarili nila sa pamamagitan ng katotohanan at mga salita ng Diyos. Wala pang nakakita sa kanila na nagpakita sila ng pagsisisi o nagkaroon ng tunay na kaalaman sa sarili nila, ni wala pang nakakita sa kanila na nagpakita sila ng tunay na pagtalikod sa kasalanan. Tila kahit kailan ay hindi pa sila nagkamit ng kaalaman sa sarili o hindi pa nila inamin ang mga pagkakamali nila. Kung susuriin ang katunayang ito, ang pagtatanggal sa mga huwad na lider at anticristo ay ganap na angkop at talagang hindi di-makatarungan. Batay sa ganap nilang kawalan ng pagninilay-nilay at kaalaman sa sarili, gayundin sa kawalan nila ng anumang pagsisisi, malinaw na matindi ang anticristong disposisyon nila, at na hindi talaga nila minamahal ang katotohanan.
Ang ilang huwad na lider, pagkatapos matanggal, ay talagang hindi kinikilala ang mga pagkakamali nila, ni hinahanap ang katotohanan o pinagninilayan at kinikilala ang sarili nila. Wala sila ni katiting na puso o saloobin ng pagpapasakop. Sa halip, nagkakamali sila ng pagkaunawa sa Diyos at nagrereklamo na hindi sila tinatrato ng Diyos nang patas, pinipiga ang utak nila para makahanap ng iba’t ibang palusot at dahilan para pangatwiranan at ipagtanggol ang sarili nila. Sinasabi pa nga ng ilan, “Hindi ko kailanman ginusto na maging lider noon dahil alam kong mahirap ang trabahong iyon. Kung mahusay ang paggawa mo, hindi ka gagantimpalaan, at kung hindi ka naman mahusay, matatanggal ka at magkakaroon ka ng masamang reputasyon, itatakwil ng mga kapatid, at ganap na mawawalan ng dangal. Ano ang mukhang maihaharap ng isang tao pagkatapos niyon? Ngayong natanggal na ako, mas lalo akong nakumbinsi na hindi madali ang maging lider o manggagawa; isa itong trabahong mahirap at hindi pinapahalagahan!” Ano ang kahulugan ng pahayag na, “ang maging lider o manggagawa ay isang trabahong mahirap at hindi pinapahalagahan”? May anumang layunin bang hanapin ang katotohanan na ipinapahiwatig dito? Hindi ba’t nangangahulugan ito na kinamumuhian nila ang katunayang isinaayos sila ng sambahayan ng Diyos na maging lider o manggagawa, at ginagamit nila ngayon ang ganitong uri ng pahayag para ilihis ang iba? (Oo.) Ano ang puwedeng maging mga kahihinatnan ng ganitong pahayag? Maiimpluwensiyahan at magugulo ng mga salitang ito ang utak at pag-iisip ng karamihan ng tao, at ang pagkaarok at pagkaunawa nila sa usaping ito. Ito ang kahihinatnang idinudulot sa mga tao ng pagbubulalas ng pagkanegatibo. Halimbawa, kung hindi ka isang lider at maririnig mo ito, magugulat ka, iisipin mo, “Totoo iyon! Hindi ako dapat mapili bilang lider. Kung mapipili ako, kailangan kong mabilis na makahanap ng kung ano-anong dahilan at palusot para tumanggi. Sasabihin kong wala ako ng kakayahan at hindi ko kayang gawin ang gawain.” Ang ilan na mga lider ay maaapektuhan din ng pahayag na ito, iisipin nila, “Nakakatakot naman! Mahaharap din kaya ako sa kalalabasang katulad ng sa kanila sa hinaharap? Kung ganoon ang mangyayari sa mga bagay-bagay, ayaw ko talagang maging lider.” Nagugulo ba ang mga tao sa ganitong mga negatibo at mapaminsalang emosyon at sa negatibo at mapaminsalang pahayag na ito? Malinaw na nagdudulot ang mga ito ng mga panggugulo. Sinuman ang tao, may mahusay o mahina man siyang kakayahan, kapag narinig niya ang mga salitang ito, hindi maiiwasang papasok ang mga ito sa isipan niya, at ookupahin ng mga ito ang malaking bahagi ng isipan niya, at makaaapekto ang mga ito sa kanya sa magkakaibang antas. Ano ang mga kahihinatnan ng pagiging apektado? Hindi matatrato nang wasto ng karamihan ng tao ang usapin ng pagiging lider at pagkakatanggal mula sa pagiging lider, at hindi sila magkakaroon ng saloobin ng pagpapasakop. Sa halip, magkakaroon sila ng puso na palaging nagkakamali ng pagkaunawa at mapagbantay laban sa Diyos, magkakaroon sila ng mga negatibong emosyon tungkol sa isyung ito, at magiging labis na sensitibo at takot sila kapag nababanggit ang isyu. Kapag nagpapakita ang mga tao ng ganitong mga pag-uugali, hindi ba’t nabitag na sila sa mga panunukso at panlilihis ni Satanas? Malinaw na nalihis at nagulo na sila ng pagbubulalas ng pagkanegatibo ng mga tao. Dahil ang mga bagay na ibinubulalas ng mga taong nagbubulalas ng pagkanegatibo ay nagmumula sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao at kay Satanas, at dahil ang mga ito ay hindi pagkaunawa sa katotohanan o ang mga kabatirang batay sa karanasang nakamit sa pagpapasakop sa mga kapaligirang isinasaayos ng Diyos, ang mga nakakarinig sa mga ito ay nagugulo sa iba’t ibang antas. Ang pagkanegatibong ibinubulalas ng mga tao ay nagdudulot ng ilang mapaminsala at nakakabagabag na epekto sa lahat. Ang ilang aktibong naghahanap sa katotohanan ay hindi gaanong mapipinsala. Ang iba naman, na wala man lang anumang lakas na lumaban, ay hindi maiiwasang mabagabag at lubhang mapinsala, kahit na alam nilang mali ang mga salita. Anuman ang sabihin ng Diyos, paano man Niya ibahagi ang usapin, o anuman ang Kanyang mga hinihingi, binabalewala nila ang lahat ng ito at sa halip ay isinasaisip nila ang mga salita niyong mga nagbubulalas ng pagkanegatibo, palaging pinapaalalahanan ang sarili nila na huwag kalimutang maging mapagmatyag, na para bang ang mga negatibong pahayag na ito ang pananggalang nila, ang kalasag nila. Anuman ang sabihin ng Diyos, hindi nila mabitiwan ang pagiging mapagbantay at mga maling pagkaunawa. Ang mga taong ito, na walang pagpasok sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos, at na hindi nakakaunawa sa katotohanang realidad, ay walang pagkilatis sa mga negatibong pahayag na ito, at walang paglaban sa mga ito. Sa huli, napipigilan at nagagapos sila ng mga negatibong pahayag na ito, at hindi na nila matanggap ang mga salita ng Diyos. Hindi ba’t napinsala sila nito? Gaano sila napinsala? Hindi na nila kayang tanggapin o unawain ang mga salita ng Diyos, kundi sa halip ay itinuturing nilang mga positibong bagay ang mga negatibong salita, ang mga salita ng kawalang-kasiyahan, pagsuway, at pagrereklamong sinasabi ng mga tao—itinuturing nila ang mga ito bilang mga personal nilang islogan na isinasapuso nila, at ginagamit ang mga ito bilang gabay sa buhay nila, para salungatin ang Diyos at tutulan ang Kanyang mga salita. Hindi ba’t nahulog sila sa bitag ni Satanas? (Oo.) Hindi sinasadyang nahuhulog sa bitag ni Satanas ang mga taong ito, at nabibihag sila ni Satanas. Gayumpaman, ang mga negatibong pahayag na sinasabi ng mga taong ito tungkol sa ganoon kasimpleng usapin tulad ng pagkakatanggal sa posisyon ay may malalaking epekto sa iba. May ugat na sanhi ito: Iyong mga tumatanggap sa mga negatibong pahayag na ito ay puno na ng mga kuru-kuro at imahinasyon—at maging ng ilang maling pagkaunawa at pagkamapagbantay—tungkol sa pagiging lider. Bagama’t hindi pa buo ang mga maling pagkaunawa at pagkamapagbantay na ito sa isipan nila, matapos marinig ang mga negatibong pahayag na ito, mas nagiging kumbinsido sila na tama ang pagkamapagbantay at ang mga maling pagkaunawa nila; pakiramdam nila ay lalong may dahilan sila para maniwala na ang pagiging lider ay may dalang maraming kasawiang-palad at kakaunting mabuting bagay, at na hinding-hindi sila dapat maging isang lider o manggagawa para maiwasan nilang matanggal o matakwil dahil sa mga pagkakamali. Hindi ba’t lubos na silang nalihis at naimpluwensiyahan niyong mga nagbubulalas ng pagkanegatibo? Kahit ang mga negatibong pahayag lang na sinabi ng isang tao na natanggal, pati na ang mga damdamin niya ng pagsuway at kawalang-kasiyahan, ay maaari nang magdulot ng ganoon kalalaking epekto at pinsala sa mga tao. Ano sa tingin ninyo—isang seryosong isyu ba na puno ng atmospera ng kamatayan ang mga negatibong emosyong ibinubulalas ng mga tao? (Oo, seryoso ito.) Bakit napakaseryoso nito? Dahil ito ay ganap na umaayon sa pagiging masyadong mapagbantay at sa mga maling pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, habang sumasalamin din sa mga kalagayan ng maling pagkaunawa at pagdududa sa Diyos ng mga tao, pati na ang panloob na saloobin nila sa Kanya. Samakatwid, ang mga pahayag na ipinapakalat niyong mga nagbubulalas ng pagkanegatibo ay direktang tumatama sa mga pinakasensitibong aspekto ng mga tao, at ganap na tinatanggap ng mga tao ang mga ito, lubusan silang nahuhulog sa bitag ni Satanas na hindi na sila makaalpas. Mabuti o masamang bagay ba ito? (Masama.) Ano ang mga kahihinatnan nito? (Itinutulak nito ang mga tao na ipagkanulo ang Diyos.) (Itinutulak nito ang mga tao na maging mapagbantay at magkamali ng pagkaunawa sa Diyos, mapalayo sa Diyos sa puso nila, harapin nang negatibo ang mga tungkulin nila, at matakot na tumanggap ng mahahalagang atas. Nagiging kontento na sila sa paggawa ng mga pangkaraniwang tungkulin, kaya naman, napapalampas nila ang maraming pagkakataon na maperpekto.) Maliligtas ba ang gayong mga tao? (Hindi.)
Naglahad si Pablo ng maraming pananaw at nagsulat ng maraming liham dalawang libong taon na ang nakakalipas. Sa mga liham na iyon, marami siyang nasabing panlilinlang. Dahil walang pagkilatis ang mga tao, iyong mga nagbabasa ng Bibliya sa nakalipas na dalawang libong taon ay pangunahing tinanggap na ang mga kaisipan at pananaw ni Pablo habang isinantabi ang mga salita ng Panginoong Jesus, hindi tinanggap ang mga katotohanan mula sa Diyos. Makalalapit ba sa Diyos iyong mga tumatanggap sa mga kaisipan at pananaw ni Pablo? Matatanggap ba nila ang Kanyang mga salita? (Hindi.) Kung hindi nila matatanggap ang mga salita ng Diyos, kaya ba nilang tratuhin ang Diyos bilang Diyos? (Hindi.) Kapag dumating ang Diyos at tumayo Siya sa harap nila, makikilala ba nila ang Diyos? Matatanggap ba nila Siya bilang Diyos at Panginoon nila? (Hindi.) Bakit hindi? Ang puso ng mga tao ay napuno na ng mga mapanlinlang na kaisipan at pananaw ni Pablo, bumubuo ng kung ano-anong teorya at kasabihan. Kapag ginagamit ng mga tao ang mga ito para sukatin ang Diyos, ang Kanyang gawain, ang Kanyang mga salita, ang Kanyang disposisyon, at ang Kanyang saloobin sa mga tao, hindi na sila mga karaniwan at simpleng tiwaling tao kundi mga taong salungat sa Diyos, sinisiyasat at sinusuri Siya, at nagiging mapanlaban sa Kanya. Maililigtas ba ng Diyos ang gayong mga tao? (Hindi.) Kung hindi sila ililigtas ng Diyos, magkakaroon pa rin ba sila ng pagkakataong makatanggap ng kaligtasan? Nagbigay ng pagkakataon sa mga tao ang paunang pagtatakda at pagpili ng Diyos, pero kung pagkatapos ng paunang pagtatakda at pagpili ng Diyos, ang landas na pipiliin ng mga tao ay ang pagsunod kay Pablo, umiiral pa rin ba ang pagkakataong ito para sa kaligtasan? Sinasabi ng ilang tao, “Ako ay paunang itinakda at pinili ng Diyos, kaya sigurado na ako. Tiyak na maliligtas ako.” May batayan ba ang mga salitang ito? Ano ba ang ibig sabihin ng pauna nang itinakda at pinili ng Diyos? Nangangahulugan ito na naging kandidato ka para sa kaligtasan, pero kung maliligtas ka o hindi ay nakadepende sa kung gaano kahusay ang iyong paghahangad at kung tama ang landas na pinili mo. Mapipili at maliligtas ba sa huli ang lahat ng kandidato? Hindi. Gayundin, kung tatanggapin ng mga tao ang mga damdamin, tulad ng pagsuway, kawalang-kasiyahan, at hinanakit, o ang mga komento, kaisipan, at pananaw na ipinahayag ng mga nagbubulalas ng pagkanegatibo, at ang puso nila ay puno at nagtataglay ng mga mapaminsalang bagay na ito, hindi nito ipinapahiwatig na sumasang-ayon lang sila nang kaunti—ibig sabihin nito ay ganap nilang tinatanggap ang mga ito at gusto nilang mamuhay ayon sa mga bagay na ito. Kapag namuhay ang mga tao ayon sa mga mapaminsalang bagay na ito, ano ang nagiging ugnayan nila sa Diyos? Nagiging isa itong antagonistikong ugnayan. Hindi ito ang ugnayan sa pagitan ng Lumikha at ng mga nilikha, ni ang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tiwaling sangkatauhan, at lalong hindi ang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng mga tumatanggap ng kaligtasan. Sa halip, nagiging ugnayan ito sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga kaaway. Kaya, nagiging isang katanungan kung makakatanggap ba ang mga tao ng kaligtasan—walang nakakaalam nito. Ang mga negatibong pahayag ng mga natanggal ay puno ng mga reklamo, maling pagkaunawa, pangangatwiran, at pagtatanggol; nagsasabi pa sila ng ilang bagay na nanlilihis at inilalapit ang mga tao sa panig nila. Pagkatapos marinig ang mga pahayag na ito, nagkakaroon ng mga maling pagkaunawa at nagiging mapagbantay laban sa Diyos ang mga tao, at lumalayo pa nga sila sa Kanya at itinatakwil Siya sa puso nila. Kaya, kapag nagbubulalas ng pagkanegatibo ang gayong mga tao, dapat na silang agarang limitahan at pigilan. Sariling isyu na nila ang kawalan nila ng abilidad na tanggapin ang mga sitwasyong nararanasan nila mula sa Diyos, hanapin ang katotohanan, at magpasakop sa Diyos, at hindi sila dapat pahintulutang makaapekto sa iba. Kung hindi nila ito matatanggap, hayaan silang namnamin at lutasin ito nang paunti-unti. Pero kung nagbubulalas sila ng pagkanegatibo at naaapektuhan at nagugulo ang normal na pagpasok ng ibang mga tao, dapat silang pigilan at limitahan nang maagap. Kung hindi sila mapipigilan at patuloy silang magbubulalas ng pagkanegatibo para ilihis at inilalapit ang mga tao sa panig nila, dapat silang agarang paalisin. Hindi sila dapat pahintulutan na patuloy na guluhin ang buhay iglesia.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.