Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (13) Unang Seksiyon

Ang pinagbahaginan natin noong huling pagtitipon ay tungkol sa ikalabing-isang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Nagbahaginan tayo tungkol sa responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa at sa gawaing dapat nilang gawin sa pangangalaga sa mga handog. Anong gawain ang dapat gawin ng mga lider at manggagawa sa pangangalaga sa mga handog? (Ang unang gampanin ay ang pangalagaan ang mga ito. Ang ikalawa ay ang pagsusuri ng mga akawnt. Ang ikatlo ay ang subaybayan, suriin, at inspeksiyonin kung naaayon ba sa mga prinsipyo ang iba’t ibang gastusin. Dapat isagawa ang mahigpit na pagsusuri, at kailangang mahigpit na limitahan ang mga hindi makatwirang gastusin. Pinakamainam na maiwasan ang pagwawaldas at pag-aaksaya bago pa man mangyari ang mga ito. Kung sakaling nangyari na ang mga ito, kailangang panagutin ang mga may kasalanan. Hindi lamang dapat maglabas ng mga babala, kundi kailangang maningil din ng kabayaran.) Halos iyon na ang lahat. Ang pangunahing bagay ay pangalagaan ang mga ito, at pagkatapos ay suriin ang mga akawnt, at pagkatapos niyon, subaybayan at inspeksiyonin ang mga gastusin, at gamitin at gastahin ang mga ito nang tama. Matapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa ikalabing-isang responsabilidad, mayroon na ngayong tumpak na pagkaunawa at kaalaman ang mga tao tungkol sa mga handog, at alam na rin nila ngayon ang gawaing kailangang gawin ng mga lider at manggagawa sa pangangalaga sa mga handog, pati na kung paano ginagawa ng mga huwad na lider ang gawaing ito, at ang kanilang mga partikular na pag-uugali sa paggawa nito. Kung ang pagbabahaginan natin ay tungkol man sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa o sa iba’t ibang pag-uugali ng mga huwad na lider, at kung ito man ay pagbabahaginan tungkol sa mga positibo o sa paglalantad ng mga negatibo, ang pangunahing layunin nito ay ang maipaunawa sa mga tao kung paano wastong gawin ang pangangalaga sa mga handog, at kung paano alisin ang mga hindi makatwirang kaugalian sa pangangalaga, paggasta, at pamamahagi ng mga handog. Ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos—mga lider o manggagawa man sila o hindi—ay dapat tumupad sa kanilang responsabilidad sa pangangalaga sa mga handog. Anong responsabilidad ito, kung gayon? Ito ay ang pangasiwaan at agarang iulat ang anumang problemang natuklasan—ibig sabihin, gampanan ang mga tungkulin ng pangangasiwa at pag-uulat. Huwag isipin na “ang pangangalaga sa mga handog ay ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa at wala itong kinalaman sa amin na mga ordinaryong mananampalataya.” Mali ang pananaw na ito. Dahil nauunawaan na ng mga tao ang mga katotohanang ito, dapat nilang tuparin ang kanilang responsabilidad. Sa mga isyung hindi matukoy ng mga lider at manggagawa, o sa mga aspektong mahirap makita, mga lugar na hindi madaling matukoy, kung may sinumang nakakatuklas ng anumang problema ng kawalan ng katwiran o paglabag sa mga prinsipyo sa pangangalaga, pamamahagi, at paggamit ng mga handog, dapat agaran nilang iulat ang mga ito sa mga lider at manggagawa, upang matiyak ang makatwirang pangangalaga, paggamit, at pamamahagi ng mga handog. Ito ang responsabilidad ng bawat isa sa hinirang na mga tao ng Diyos.

Ikalabindalawang Aytem: Agaran at Tumpak na Tukuyin ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Gawain ng Diyos at sa Normal na Kaayusan ng Iglesia; Pigilan at Limitahan ang mga Iyon, at Ituwid ang mga Bagay-bagay; Dagdag pa Rito, Pagbahaginan ang Katotohanan Upang Magkaroon ng Pagkilatis ang Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Gayong Bagay at Matuto Sila Mula sa mga Iyon (Unang Bahagi)

Ngayong natapos na ang pagbabahaginan tungkol sa ikalabing-isang responsabilidad, magpatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan ang mga iyon, at ituwid ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga iyon.” Ano ang pangunahing nilalaman ng responsabilidad na ito? Ito ay pangunahing tungkol sa kinakailangang gawin ng mga lider at manggagawa upang tugunan ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay sa iglesia—pati na rin ang iba’t ibang problema—na gumagambala, gumugulo, at sumisira sa normal na kaayusan ng iglesia. Ano ang unang kailangang maunawaan ng mga lider at manggagawa para epektibong matugunan at malutas ang mga problemang ito, matupad ang kanilang mga responsabilidad, at magampanan nang maayos ang gawaing ito? Ang responsabilidad na ito ay ang “agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia”; ito ang saklaw ng gawaing ito. Kapag may layon at saklaw, nagiging malinaw kung aling mga isyu ang kailangang malutas, at kung anong gawain at mga responsabilidad ang inaasahang isagawa ng mga lider at manggagawa. Sa loob ng ikalabindalawang responsabilidad, ano ang pangunahing hinihingi sa mga lider at manggagawa? Ito ay ang pigilan at limitahan ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, at ituwid ang mga bagay-bagay, habang ibinabahagi rin ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga iyon. Ano ang mga paunang kondisyon na kailangang matugunan upang magawa ito? Kung makakakita ka ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na gumagambala, gumugulo, at sumisira sa normal na kaayusan ng iglesia pero iniisip mo na hindi problema ang mga ito, kung gayon, mayroong suliranin. Ipinahihiwatig nito na hindi mo makilatis ang diwa ng problema, na nangangahulugang hindi mo nauunawaan ang pinsalang naidudulot sa gawain ng iglesia ng paggambala at panggugulo sa buhay iglesia, pati na ang mga kahihinatnan at epekto nito sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Magagawa pa rin ba nang maayos ng mga gayong lider at manggagawa ang gawain ng iglesia? Malulutas ba nila ang mga problema at matutuwid ang mga bagay-bagay? (Hindi.) Kung gayon, ano ang mahalagang puntong dapat pagbahaginan dito? Ito ay na sa pamamagitan lang ng pag-unawa muna sa mga katotohanang prinsipyo makikilatis ng mga lider at manggagawa ang diwa ng iba’t ibang isyu at epektibong masosolusyunan ang iba’t ibang aktuwal na problema. Upang maayos na magawa ang gawain ng iglesia, kailangan munang malaman ng mga lider at manggagawa kung anong mga problema ang karaniwang lumilitaw sa gawain ng iglesia. Pagkatapos, kailangang tumpak nilang unawain, kilatisin, at husgahan ang kalikasan ng mga problemang lumilitaw, kung nakakaapekto ba ang mga ito sa gawain ng iglesia at sa normal na kaayusan ng buhay iglesia, at kung likas bang nakagagambala at nakagugulo ang mga ito sa gawain ng iglesia. Ito ay isang napakahalagang isyu na dapat munang maunawaan ng mga lider at manggagawa. Pagkatapos itong maunawaan, saka lang magiging posible na epektibong malutas ang mga problemang ito, at magawang “pigilan at limitahan ang mga iyon, at ituwid ang mga bagay-bagay” gaya ng binanggit sa ikalabindalawang responsabilidad. Sa pagbubuod, bago lutasin ang isang problema, kailangan mo munang maunawaan kung nasaan ang problema, kung ano ang mga sangkot na kalagayan at sitwasyon, ang kalikasan ng problema, kung gaano ito kalubha, kung paano ito hihimayin at kikilatisin, at kung paano magsasagawa nang tumpak. Ito ang unang kailangang maunawaan ng mga lider at manggagawa. Dahil kailangang maunawaan ng mga lider at manggagawa ang mga bagay na ito, magbahaginan tayo tungkol sa mga ito mula sa iba’t ibang aspekto sa partikular, upang maunawaan ng kapwa mga lider at manggagawa at ng hinirang na mga tao ng Diyos kung paano haharapin ang mga problemang ito kapag lumitaw ang mga ito, kung paano iuugnay ang mga ito sa mga salita ng Diyos, at kung paano gagamitin ang mga katotohanang prinsipyo para malutas ang mga ito. Sa ganitong paraan, kapag nahaharap ang mga lider at manggagawa sa mga suliraning hindi nila kayang lutasin, maaaring harapin ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos ang mga ito nang sama-sama at hanapin ang katotohanan para sa mga solusyon, at kapag nahaharap sa mga isyu ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, maaaring manindigan ang lahat para pigilan at limitahan ang mga ito. Kasabay nito, tungkol sa mga negatibong tao at usapin, maaari silang magsagawa ng hayagang paghihimay, pagkilatis, at paglalarawan, nang sa gayon ay mapigilan, malimitahan, at mapawi ang mga isyung ito sa pinakaugat. Kung gayon, magbahaginan tayo simula sa mga pinakapartikular na isyu.

Ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Buhay Iglesia

Para matukoy ang mga isyung nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia, saang mga aspekto dapat magsimula ang mga lider at manggagawa? Dapat nilang simulan sa pagsusuri sa buhay iglesia para matuklasan ang mga isyung ito. Lahat ba kayo ay may kaunting kaalaman tungkol sa kung aling mga problema ang karaniwang lumilitaw sa buhay iglesia na likas na nagsasanhi ng pagkagambala at kaguluhan? Gaano man karami ang mga tao sa isang iglesia, tiyak na marami-rami ang manggagambala at manggugulo sa gawain ng iglesia. Ano-ano ang mga akto ng paggambala at panggugulong natutuhan ninyo? (Ang palagiang paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan sa mga pagtitipon, nang hindi nakatuon sa mga pangunahing isyu.) (Isa pa, ang nakagawiang pagsasabi ng mga salita at doktrina.) Ang paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan. Halimbawa, kapag nagbabahaginan ang iba tungkol sa kung paano maging tapat sa paggawa ng tungkulin, pag-uusapan naman nila kung paano nila maaalagaan nang maayos ang kanilang asawa at mga anak. Kapag nagbabahaginan ang iba tungkol sa kung paanong ang pagiging tapat sa tungkulin ay nilalayong palugurin ang Diyos at magpasakop sa Kanya, pag-uusapan naman nila ang tungkol sa kung paanong ang pagiging tapat sa tungkulin ng isang tao ay naglalayong magkamit ng mga pagpapala para sa pamilya at mga mahal sa buhay ng isang tao. Hindi ba’t ito ay paglihis sa paksa? (Oo.) Kung hindi ka sasabat sa kanila, magpapatuloy sila nang walang katapusan. Kung lilimitahan mo sila, magagalit sila at magwawala dahil sa kahihiyan, na lalo pang nagpapalala sa kanilang masamang pag-uugali. Ang isyung ito, kung gayon, ay likas na nasa antas ng paggambala at panggugulo, na napakalubha. Bagama’t karaniwang isyu ang paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan, kung obhetibong titingnan, maaari itong makagambala at makagulo sa buhay iglesia. Ito ang unang isyu. Tungkol naman sa ikalawa, ang “pagsasabi ng mga salita at doktrina,” kung ito ba ay maituturing na paggambala at panggugulo ay nakadepende sa bigat ng kaso. Ang ilang tao ay nagsasabi ng mga salita at doktrina dahil wala silang katotohanang realidad; sa sandaling ibuka nila ang kanilang mga bibig, puro salita at doktrina lang ito, mga hungkag na teorya lamang. Gayumpaman, ang layunin nila ay hindi para ilihis ang iba at makuha ang pagpapahalaga ng mga ito. Sa pamamagitan ng mga limitasyon at panghihimok na huwag na itong gawin, magkakamit sila ng kamalayan sa sarili, at pagkatapos nito, mababawasan ang kanilang pagsasabi ng mga salita at doktrina, at hindi na nila hahadlangan ang buhay pagpasok ng mga kapatid. Hindi ito maituturing na paggambala at panggugulo. Gayumpaman, may mga taong sadyang nagsasabi ng mga salita at doktrina nang may intensyon na ilihis ang iba kahit na alam na alam nila na ang sinasabi nila ay mga salita at doktrina. Ang pakay nila sa paggawa nito ay para makuha ang pagpapahalaga ng iba; gusto nilang hikayatin ang mga tao na pumanig sa kanila, at iligaw ang mga ito at makakuha ng katayuan. Napakalubha ng kalikasan nito. Iba ang kalikasan nito kaysa sa simpleng pagsasabi lang ng mga salita at doktrina dahil sa hindi pagkaunawa sa katotohanan. Ang gayong pag-uugali ay bumubuo sa isang paggambala at panggugulo. Ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia ay laganap. Ang mga ito ay hindi lang mga isyu gaya ng pagsasabi ng mga salita at doktrina o paglihis sa paksa. Ano pa ang iba? (Pagpapangkat-pangkat, paghahasik ng alitan, at pagpapahina ng pagiging positibo ng iba.) (Mayroon ding pagbubulalas ng pagkanegatibo, paggawa ng gulo at patuloy na pang-aabala sa mga tao.) (Kapag mayroong mga kuru-kuro ang ilang tao tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, ipinapakalat nila ang mga kuru-kurong ito at nagbubulalas ng kanilang pagkanegatibo, na nagsasanhing lumitaw rin sa iba ang mga kuru-kuro tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain.) Ang mga bagay na iyon ay maituturing nga na mga paggambala at panggugulo. Ang pagpapangkat-pangkat ay isang bagay, ang paghahasik ng alitan ay isa pang bagay, kasama ang pagpapahirap at pag-atake sa mga tao, pagpapakalat ng mga kuru-kuro, pagbubulalas ng pagkanegatibo, pagpapakalat ng walang batayang mga tsismis, at pakikipag-agawan para sa katayuan—ang lahat ng ito ay mga paggambala at panggugulo. Mas higit na malubha ang kalikasan ng mga problemang ito kaysa sa paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan. Mayroon ding isyu na may kaugnayan sa mga halalan. Anong klase ng mga problemang lumilitaw sa panahon ng halalan ang nauukol sa pagsasanhi ng pagkagambala at kaguluhan? Halimbawa, mayroong pagmamanipula sa mga boto—pangangako ng mga benepisyo para makakuha ng mga boto para sa sarili. Isa itong paraan para masira ang isang halalan. At mga palihim na pagkilos—pasikretong iniimpluwensiyahan ang isipan ng mga tao para hikayatin silang pumanig sa isang tao, ilihis sila, at himukin silang iboto ang isang tao. Ang mga ito ay pawang mga isyu na lumilitaw sa mga halalan. Bumubuo ba ang mga ito sa mga paggambala at panggugulo? (Oo.) Ang mga problemang ito ay kolektibong tinutukoy bilang paglabag sa mga prinsipyo ng halalan. Ang isa pang isyu ay ang pagdadaldal tungkol sa mga usapin sa tahanan, pagbubuo ng mga personal na koneksiyon, at pag-aasikaso sa mga personal na usapin. Ang isang tao ay maaaring dumalo sa mga pagtitipon para sa ganitong mga bagay—hindi para unawain ang katotohanan o makipagbahaginan sa mga salita ng Diyos, kundi para asikasuhin ang mga personal na usapin. Malubha ba ang gayong uri ng problema? (Oo.) Katumbas din ito ng pagsasanhi ng pagkagambala at kaguluhan.

Ngayon, ibuod natin ang iba’t ibang isyu ng paggambala at panggugulo na lumilitaw sa buhay iglesia: Una, madalas na paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan; pangalawa, pagsasabi ng mga salita at doktrina para ilihis ang mga tao at makuha ang kanilang pagpapahalaga; pangatlo, pagdadaldal tungkol sa mga usapin sa tahanan, pagbubuo ng mga personal na koneksiyon, at pag-aasikaso sa mga personal na usapin; pang-apat, pagpapangkat-pangkat; panglima, pakikipag-agawan para sa katayuan; pang-anim, paghahasik ng alitan; pampito, pag-atake at pagpapahirap sa mga tao; pangwalo, pagpapakalat ng mga kuru-kuro; pansiyam, pagbubulalas ng pagkanegatibo; pansampu, pagpapakalat ng walang batayang mga tsismis; at panlabing-isa, paglabag sa mga prinsipyo ng halalan. Labing-isa lahat. Ang labing-isang pagpapamalas na ito ang mga isyu ng paggambala at panggugulo na madalas lumilitaw sa buhay iglesia. Kapag namumuhay ng buhay iglesia, kung lumilitaw ang mga isyung ito, kinakailangan na ang mga lider at manggagawa ay tumindig at pigilan ang mga ito, limitahan ang mga ito, at huwag hayaang lumaki ang mga ito nang walang kontrol. Kung hindi kayang limitahan ng mga lider at manggagawa ang mga ito, dapat magsama-sama ang lahat ng kapatid para limitahan ang mga ito. Kung ang taong sangkot ay hindi masama ang pagkatao, at hindi niya sinasadyang magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, kundi sadyang wala lang siyang pagkaunawa sa katotohanan, maaari siyang tulungan at suportahan sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa katotohanan. Kung ang taong nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan ay masama, at maliit lang ang kaso, kung gayon, dapat pigilan at limitahan ang kanyang mga paggambala at panggugulo sa pamamagitan ng pagbabahaginan at paglalantad. Kung handa siyang magsisi, at hindi na magsalita o kumilos sa mga paraang nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, handang maging pinakahamak na miyembro sa iglesia, kayang makinig at sumunod nang tapat, at gawin ang anumang isinasaayos ng iglesia, tinatanggap ang mga limitasyong itinakda ng mga kapatid, kung gayon, maaari siyang pansamantalang manatili sa iglesia. Pero kung hindi siya tumatanggap, at sa halip ay kumokontra at nagiging mapanlaban sa nakararami, kung gayon, dapat isagawa ang ikalawang hakbang—ang pagpapaalis sa kanya. Angkop ba ang pamamaraang ito? (Oo.)

I. Madalas na Paglihis sa Paksa Kapag Nagbabahaginan sa Katotohanan

Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na lumilitaw sa buhay iglesia na likas na bumubuo sa mga paggambala at panggugulo. Ang una sa mga ito ay ang madalas na paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan. Paano ba natutukoy ang paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan? Paano natin malinaw na mahihiwatigan ang mga salita ng pagbabahaginan na lumilihis sa paksa? Madalas ba kayong lumilihis sa paksa sa pagbabahaginan ninyo tungkol sa katotohanan? (Oo.) Hanggang saan dapat umabot ang problemang ito para maituring na isang paggambala at panggugulo? Kung ang bawat pagkakataon ng paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan ay inilalarawan bilang paggambala at panggugulo, hindi ba’t matatakot na ang mga tao na magsalita o makipagbahaginan sa buhay iglesia sa hinaharap? At kung natatakot ang mga tao na makipagbahaginan, hindi ba’t nangangahulugan ito na hindi nila malinaw na naiintindihan ang isyu? (Oo.) Kaya naman, kapag tumpak na natukoy kung anong uri ng paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan ang bumubuo sa paggambala at panggugulo, karamihan sa mga tao ay mapapalaya sa kanilang mga pagpipigil. Dahil nakikitang lumilihis kayo sa paksa kahit sa normal na usapan, lalo pang karaniwan ito kapag nagbabahaginan sa katotohanan. Kaya, kinakailangang makipagbahaginan tungkol dito nang napakalinaw, upang hindi kayo mapigilan. Huwag hayaan ang takot sa paglihis sa paksa at pagiging sanhi ng paggambala at panggugulo na pumigil sa inyo na magsalita at pumigil sa inyong maglakas-loob na makipagbahaginan kahit pa mayroon kayong kaalaman, o—kapag gusto ninyong makipagbahaginan—mapilitan kayong isaalang-alang muna: “Nauugnay ba sa tema ang gusto kong sabihin? Lumilihis ba ito sa paksa? Dapat ko munang ihanda at ibalangkas ang mga iniisip ko bago magsalita, at pagkatapos ay sumunod sa balangkas para hindi ako lumihis sa paksa, anuman ang mangyari. Kung malilihis ako sa paksa, hindi ito magiging kapaki-pakinabang sa sinuman at masasayang lang ang mahalagang oras ng pagtitipon, maaapektuhan nito ang pag-unawa ng mga kapatid sa katotohanan. At kung malubha ito, maaari pa nga itong makagambala at makagulo sa buhay iglesia.” Paano natin dapat tingnan ang isyu ng paglihis sa paksa kung gayon? Una, kailangan nating isaalang-alang kung ang paglihis sa paksa ay nakakabuti sa mga kapatid, at pagkatapos, kailangang malinaw nating makita kung ano ang mga kahihinatnan ng paglihis sa paksa sa buhay iglesia. Sa ganitong paraan, makikita natin nang malinaw na ang paglihis sa paksa ay hindi isang maliit na isyu; sa malulubhang kaso, maaari pa nga itong maging paggambala at panggugulo sa buhay iglesia at sa gawain ng iglesia. Halimbawa, sa isang paksa, naghahanap kayo ng isang sipi ng mga salita ng Diyos para makipagbahaginan sa inyong kaalaman at pagkaarok; o ipagpalagay na, sa isang paksa, nakikipagbahaginan kayo tungkol sa kaalamang nakamit ninyo, sa mga katotohanang naunawaan ninyo, at sa mga layunin ng Diyos na naunawaan ninyo mula sa isang bagay na inyong naranasan; o sabihin nating ang pakikipagbahaginan ninyo tungkol sa isang paksa ay medyo mahaba at hindi ninyo ito malinaw na naipapahayag, ilang beses kayong paulit-ulit na nagsasalita—sa ganitong mga sitwasyon, lumilihis ba kayo sa paksa? Wala sa mga ito ang maituturing na paglihis sa paksa. Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng paglihis sa paksa? Ang paglihis sa paksa ay kapag ang sinasabi ninyo ay may kakaunti lamang o walang kaugnayan sa paksa ng pagbabahaginan, kapag ito ay puro satsat lang tungkol sa mga panlabas na usapin, at hindi nakapagpapatibay sa mga tao kahit kaunti. Iyon ay ganap na paglihis sa paksa. Ngayon, talakayin natin kung ano ang ibig sabihin ng magdulot ng pagkagambala at kaguluhan. Sa kaso ng paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan, anong mga uri ng mga salita at pag-uugali ang bumubuo sa mga paggambala at panggugulo? Ano ang diwa ng problema rito? Paanong nagiging likas na paggambala at panggugulo ang paglihis sa paksa? Hindi ba’t nararapat itong pagbahaginan? Sa sandaling mapagbahaginan ito, mauunawaan ba ninyo kung ano ang ibig sabihin ng paglihis sa paksa? (Oo.) Kung gayon, ibigay ninyo ang inyong mga sagot sa katanungang ito. (Kapag ang pakikipagbahaginan ng isang tao ay tungkol sa mga paksang walang kinalaman sa katotohanan—halimbawa, walang saysay na daldalan at pakikipag-usap tungkol sa mga usapin sa tahanan, at pagtalakay sa mga bagay na may kinalaman sa mga kalakarang panlipunan na gumugulo sa puso ng mga tao, na pumipigil sa kanila na maging tahimik sa harap ng Diyos at magnilay sa Kanyang mga salita—ang pakikipagbahaginang iyon ay lumihis na sa paksa.) Ilang pangunahing punto ang tinutukoy niyon? (Ang isa ay na ang mga paksa ay walang kaugnayan sa katotohanan.) Isa itong napakahalagang punto: ang pagiging walang kaugnayan sa katotohanan. Ang isang punto ay ang walang saysay na kuwentuhan at daldalan tungkol sa mga usapin sa tahanan. Ang isa pa ay ang pagsasalita tungkol sa tradisyonal na kultura, sa moral na pag-iisip ng tao, at sa mga bagay na itinuturing ng mga tao na marangal na para bang ang katotohanan ang mga ito. Ito ay isang problema ng baluktot na pagkaarok; ang lahat ng bagay na ito ay walang kaugnayan sa katotohanan. Halimbawa, sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Ang mga kabataan ay hindi dapat walang mga adhikain.” May isang taong nakikipagbahaginan, “Mula pa sa sinaunang panahon, lumitaw na ang mga bayani sa kanilang kabataan,” o “Ang ambisyon ay hindi limitado sa edad.” O, kapag tinatalakay mo kung paano magkaroon ng takot sa Diyos, nakikipagbahaginan sila: “May diyos sa tatlong talampakan sa itaas mo”; “Kapag kumikilos ang tao, nagmamasid ang Langit”; “Kung malinis ang iyong konsensiya, hindi ka matatakot na usigin nito”; o “Ang puso ng isang tao ay dapat nakatuon sa kabutihan.” Hindi ba’t ito ay paglihis sa paksa? Hindi ba’t ang mga salitang ito ay walang kaugnayan sa katotohanan? Ano ang mga salitang ito? (Mga satanikong pilosopiya.) Ang mga ito ay mga satanikong pilosopiya, at ang mga ito rin ang tradisyonal na kultura ng isang partikular na etnisidad. Ang unang pagpapamalas ng paglihis sa paksa ay kapag ang sinasalitang paksa ay walang kaugnayan sa katotohanan; ito ay kapag nagsasalita ang isang tao ng mga pilosopiya at teorya na itinuturing ng mga walang pananampalataya na tama at matayog, at pilit na iniuugnay ang mga ito sa katotohanan. Iyon ay paglihis sa paksa. Ang paksa ay walang kaugnayan sa katotohanan—ang pagpapamalas na ito ay dapat madaling maunawaan. Ang ikalawang pagpapamalas ay kapag ang mga tinalakay na paksa ay gumugulo sa isipan ng mga tao. Kapag ang katotohanan ay hindi napagbahaginan sa pagtitipon, at ang pinagbahaginan ay tungkol sa kaalaman, iskolarsyip, pilosopiya, at batas, o mga panlipunang penomenon at iba’t ibang komplikadong ugnayan ng mga tao, kung gayon, ito ay gumugulo sa isipan ng mga tao. Ito ay kapag nakikipagbahaginan ang isang tao tungkol sa mga isyung likas na walang kaugnayan at kinalaman sa katotohanan kahit kaunti na para bang ang mga bagay na iyon ay ang katotohanan. Nagsasanhi ito ng kalituhan sa isipan ng iba, at habang nakikinig sila, ang kanilang pag-iisip ay napupunta mula sa pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan tungo sa mga panlabas na usapin. Paano umaasal ang mga taong ito kung gayon? Nagsisimula silang tumuon sa kaalaman at iskolarsyip. Ang panggugulo sa isipan ng mga tao ay likas na isang seryosong bagay. Ang ikatlong pagpapamalas ay kapag ang mga paksang tinatalakay ay nagiging sanhi ng maling pag-unawa ng mga tao sa Diyos, na nagreresulta sa kawalan ng kalinawan tungkol sa mga pangitain. Hindi malinaw sa ilang tao ang katotohanan, pero gusto nilang magpanggap na mayroon silang kalinawan at pagkaunawa. Kaya, kapag nakikipagbahaginan sila sa katotohanan, isinasama nila ang ilang malalim na doktrina sa kanilang sinasabi, pinaghahalo-halo ang mga doktrinang panrelihiyon na kanilang narinig at naunawaan, nagsasalita nang walang basehan at labis-labis. Pagkatapos makinig sa kanila, nawawalan ng kalinawan tungkol sa mga pangitain ang mga tao; hindi nila alam kung anong katotohanan ba talaga ang nilalayong talakayin ng taong iyon. Habang mas nakikinig sila, mas lalo silang naguguluhan at mas lalong nababawasan ang pananalig nila sa Diyos, at maaari pa ngang magkaroon sila ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Hindi lamang basta-bastang umaalis mula sa usapang ito ang mga tao nang walang pagkaunawa sa katotohanan—naguguluhan ang isipan nila. Mayroon itong negatibong epekto. Ito ang bunga ng paglihis sa paksa.

Ang paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan ay naipapamalas sa iba’t ibang paraan, at bawat isa sa mga ito ay likas na nagiging kaguluhan sa buhay pagpasok ng mga tao. Kapag nakinig sa gayong pakikipagbahaginan ang mga tao, hindi lang sila walang malinaw na pagkaunawa sa katotohanan at isang landas ng pagsasagawa. Sa halip, naguguluhan ang isipan nila, lalong nagiging malabo sa kanila ang tungkol sa katotohanan, at nagkakaroon din sila ng ilang maling pakahulugan at nakalilinlang na pagkaunawa. Ito ang epekto at masamang kahihinatnan sa mga tao ng paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan. Ang bawat isa sa tatlong pagpapamalas na ito ay talagang likas na malubha. Halimbawa, ang una ay “ang sinasalitang paksa ay walang kaugnayan sa katotohanan.” Ang pagsasabi ng mga bagay na tila tama ngunit hindi, at ang pagdadala ng mga satanikong bagay, gaya ng kaalaman ng tao, pilosopiya, mga teorya, tradisyonal na kultura, at mga sikat na kasabihan ng mga kilalang tao, sa loob ng iglesia para ipangaral at suriin, ginagamit ang pagkakataon na makipagbahaginan sa katotohanan upang ilihis ang mga tao, ay nagiging kaguluhan sa kanila. Likas itong napakalubha. Kung ang isang taong may pagkilatis ay makikinig sa gayong pakikipagbahaginan, sasabihin niya, “Hindi tama ang sinasabi mo; hindi ito ang katotohanan. Ang sinasabi mo ay tungkol sa moral na pag-uugali at mga kasabihang iniisip ng mga walang pananampalataya na mabuti. Ang mga iyon ay mga pananaw ng mga walang pananampalataya tungkol sa kung paano umasal at makitungo sa mundo, na likas na walang kaugnayan sa katotohanan.” Gayumpaman, walang pagkilatis ang ilang tao, at kapag naririnig nila ang mga maling paniniwala na ito, nakikisabay pa nga sila sa mga ito, at sinusunod nila ang mga ito bilang ang katotohanan. Kung hindi ito pipigilan at lilimitahan ng mga lider at manggagawa sa gayong mga pagkakataon, kung hindi nila ito pagbabahaginan at hihimayin para magkaroon ng pagkilatis ang mga tao, kung gayon, maaaring malihis ang ilan sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ano ang mga kahihinatnan ng pagkalihis? Maniniwala sila na ang mga bagay na ipinangangaral ng mga sikat na tao ng mundong walang pananampalataya, na inaakala ng mga tao na tama, mabuti, at malalim, tulad ng mga katutubong salawikain at mga kasabihan at teorya ng mga sikat na tao tungkol sa pag-asal, ay pawang tama at na ang mga ito ang katotohanan, gaya ng mga salita ng Diyos. Hindi ba’t nalihis sila? Sa panlabas, tila nakikipagbahaginan sila sa katotohanan, pero sa katunayan, may halo itong ilang ideya ng tao at ilan sa mga mapanlihis na pilosopiya ni Satanas, at malinaw na nagiging kaguluhan ito sa mga tao. Kung may isang taong nanlilihis sa mga tao sa pamamagitan ng pagpapalabas na ang pilosopiya ni Satanas at kaalaman ng tao ay ang katotohanan, kung gayon, dapat ilantad at himayin ng mga lider at manggagawa ang usapin, upang lumago ang mga kapatid sa pagkilatis at maunawaan nila kung ano talaga ang katotohanan. Ito ang gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Ang ikalawang pagpapamalas ay “panggugulo sa isipan ng mga tao.” Palaging sinusunggaban ng ilang tao ang pagkakataon na pagbahaginan ang katotohanan upang magsalita tungkol sa mga bagay na tila tama ngunit hindi pala, inaangat ang kaalaman, iskolarsyip, mga kaloob, at talento ng tao. Nagsasalita rin sila tungkol sa mga moral na pamantayan, tradisyonal na kultura, at iba pa. Ipinapalabas nila na ang mga bagay na nagmumula kay Satanas ay mga positibong bagay, ang katotohanan, na nagtutulak sa mga tao na maling paniwalaan na ang mga ito ay dapat isulong, ipalaganap at purihin sa iglesia, at sundin ng lahat; nagiging sanhi ng pagdami ng mga maling paniniwala at maling pananampalataya, na tila tama pero hindi, sa isipan ng mga tao; at nanlilito sa isipan ng mga tao at ipinaparamdam sa kanila na parang wala silang direksiyon, hindi alam kung ano talaga ang katotohanan, o kung paano magsagawa nang tama kapag nahaharap sa mga isyu, o kung aling landas ang tama. Isinasadlak nito sa kadiliman ang kanilang puso. Ito ang kahihinatnan ng pagpapakalat ng mga maling pananampalataya at maling paniniwala para ilihis ang mga tao. Tungkol naman sa ikatlong pagpapamalas, hindi na natin ito pagbabahaginan nang detalyado. Sa pagbubuod, ang ilan sa mga talakayan na lihis sa paksa ay may kinalaman sa kaalaman, ang ilan ay may kinalaman sa mga kuru-kurong pantao, at ang iba ay may kinalaman sa mga moral na mabuting pag-uugali, at iba pa. Pero wala sa mga ito ang may kinalaman sa katotohanan—lahat ay salungat dito. Samakatwid, kapag lumitaw ang mga isyung ito, dapat pigilan at limitahan ng mga lider at manggagawa ang mga ito. Kung pagkatapos marinig ang isang tao na nakikipagbahaginan, bukod sa walang kalinawan ang mga tao sa puso nila tungkol sa katotohanan, ay naguguluhan din sila, ang kanilang dating malinaw na isipan ay nagiging magulo, hindi alam kung paano magsagawa nang tama, kung gayon, dapat pigilan at limitahan ang pakikipagbahaginan ng gayong tao. Halimbawa, sa kanilang pakikipagbahaginan tungkol sa mga katotohanan kaugnay sa normal na pagkatao, sinasabi ng ilang tao: “Ang pinakagusto ng Diyos sa normal na pagkatao ay ang kakayahang magtiis ng paghihirap, hindi mag-imbot ng kasiyahan o kaginhawahan ng laman, tanggihan ang masasarap na pagkain, huwag tamasahin ang dapat tamasahin o kung ano ang inihanda ng Diyos, makapaghimagsik laban sa mga pagnanais ng laman, supilin ang lahat ng pagnanais ng laman, supilin ang katawan, at huwag hayaang masunod ang gusto ng laman. Kaya, kapag nais mong matulog sa gabi, kailangan mong maghimagsik laban sa laman. Kung hindi mo kaya, kailangan mong maghanap ng mga paraan para pigilan ito. Kapag mas malakas ang determinasyon mong maghimagsik laban sa laman, at kapag mas lalo kang naghihimagsik laban sa laman, mas maraming pagpapamalas ng pagsasagawa sa katotohanan at mas higit na katapatan sa Diyos ang napapatunayan na tinataglay mo. Sa tingin ko, ang pinakaprominenteng pagpapamalas ng normal na pagkatao—at ang pinakanararapat isulong—ay ang pagsupil sa katawan, paghihimagsik laban sa mga pagnanais ng laman, hindi pag-iimbot sa kaginhawahan ng laman, at pagiging matipid sa materyal na kasiyahan. Kapag mas matipid ka, mas maraming pagpapala ang maiipon mo sa kaharian ng langit.” Hindi ba’t positibong pakinggan ang mga salitang ito? May mali ba sa mga ito? Kung susukatin ayon sa lohika, mga pananaw, at mga kuru-kuro ng tao, ang mga salitang ito ay papasa sa anumang grupong panrelihiyon o panlipunan; lahat ay magbibigay ng pagsang-ayon sa mga ito at sasabihin na tama ang sinasabi nila, na mabuti at dalisay ang pananalig nila. Hindi ba’t may mga tao sa iglesia na maniniwala rin dito? Kung susukatin ayon sa mga kuru-kuro ng tao, tama ang lahat ng salitang ito—ano ang tama sa mga ito? Maaaring sinasabi ng ilan, “Talaga ngang gusto ng Diyos ang gayong mga tao. Ganoon din Siya matipid na namumuhay.” Hindi ba’t isa itong kuru-kuro ng tao? Nagkikimkim ang mga tao ng ganitong uri ng kuru-kuro, kaya, kung may isang tao na talagang magbibigay ng ganitong uri ng pakikipagbahaginan, hindi ba’t pag-ayon lang ito sa mga kuru-kuro ng nakararami? (Oo.) Kapag tinatangkilik ng mga tao ang ganitong uri ng kuru-kuro, hindi ba’t sumasang-ayon sila sa pananaw ng taong iyon? Kapag sinang-ayunan at tinanggap mo ang pananaw ng taong iyon, hindi ba’t sinasang-ayunan mo ang kanilang mga kilos? Kung gayon, hindi ba’t susubukan mong tularan sila? At kapag nagawa mo, hindi ba’t magiging tiyak na ang landas na susundan mo, ang iyong landas ng pagsasagawa? Ano ang ibig sabihin ng tiyak na? Ibig sabihin ay determinado kang kikilos at magsasagawa ka sa gayong paraan. Sapagkat naniniwala ka sa puso mo na mahal ng Diyos ang gayong mga tao at gusto Niya kapag kumikilos ka sa ganitong paraan, na tanging sa paggawa nito ka lamang magiging isang taong tanggap ng Diyos, isang taong maaaring pumasok sa kaharian ng langit at pagpalain sa langit, na may magandang hantungan, kung gayon, magpapasya kang kumilos sa ganitong paraan. Kapag ginawa mo ang kapasyahang ito, hindi ba’t nagulo at nalihis na ang isipan mo ng ganitong uri ng kaisipan at pananaw? Isa itong katunayan; ito ang kahihinatnan. Ang iyong isipan ay gulong-gulo, at hindi mo man lang ito napagtatanto. May isa pang isyu rito: Sa sandaling maparalisa at magulo ng gayong mga kaisipan at pananaw ang iyong isipan, hindi ba’t nawawalan ka ng kalinawan tungkol sa mga layunin at hinihingi ng Diyos? Hindi ba’t nagkakaroon ka ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at napapalayo ka sa Kanya? Hindi ba’t ipinahihiwatig nito na hindi malinaw sa iyo ang mga pangitain? Pag-isipan mo itong mabuti: Kapag inililigaw ka ng isang kaisipan o pananaw na itinuturing ng mga tao na tama pero mali pala, hindi ba’t nagugulo ang isipan mo? Maaari bang maging malinaw pa rin ang mga pangitain sa puso mo kapag nagkagayon? (Hindi.) Kung gayon, tumpak ba ang kaalaman mo tungkol sa Diyos o isa ba itong maling pagkaunawa? Malinaw na isa itong maling pagkaunawa. Kung gayon, ang nauunawaan at pinaniniwalaan mong tama ay talaga bang ang katotohanan? Hindi—kumokontra ito sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, sumasalungat sa mga ito. Samakatwid, ang ganitong uri ng paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan ay talaga ngang nagiging kaguluhan sa isipan ng mga tao. Dahil itong paglihis sa paksa ay nagdudulot ng matinding kaguluhan sa isipan ng mga tao, masasabi ba na nagdudulot ito ng pagkagambala sa gawain ng Diyos? Itinutulak nito ang mga tao sa mga kuru-kuro at sa pilosopiya at lohika ni Satanas, kaya, hindi ba’t inilalayo nito ang mga tao mula sa presensiya ng Diyos? Kapag nagkakamali ng pag-unawa ang mga tao sa Diyos, kapag hindi nila nauunawaan ang Kanyang mga layunin at hindi sila makapagsagawa ayon sa Kanyang mga layunin at hinihingi, kundi sa halip ay nagsasagawa sila ayon sa lohika ni Satanas at sa mga kuru-kuro ng tao, kung gayon, mas napapalapit ba sila sa Diyos o mas napapalayo sa Kanya? (Mas napapalayo sila sa Kanya.) Mas napapalayo sila sa Kanya. Kaya, hindi ba’t dapat limitahan ang pagbabahaginan sa ganitong uri ng paksa sa mga pagtitipon? (Oo.) Likas na nagiging kaguluhan sa mga tao ang ganitong uri ng paglihis sa paksa, kaya, talaga ngang dapat itong limitahan. Kung hindi ito mapipigilan at malilimitahan, dadami ang mga taong maguguluhan na mahina ang kakayahan at manhid—lalo na, iyong mga walang espirituwal na pang-unawa—na gumagaya at sumusunod sa taong lumilihis sa paksa. Ito ang oras kung kailan dapat tumindig ang mga lider at manggagawa para patigilin ito. Hindi nila dapat pahintulutan ang taong iyon na magpatuloy sa paglihis sa paksa; hindi nila dapat pahintulutan ang paksa ng pagbabahaginan nito na ilihis ang mas marami pang tao at guluhin ang isipan ng mas marami pang tao. Isa itong responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa, isang papel na dapat nilang gampanan.

Tapos na tayo sa ating pagbabahaginan tungkol sa paksa ng paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan. Sunod, ibubuod natin kung gaano kalayo dapat lumihis sa paksa ang isang tao sa kanyang pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan at kung anong mga paksa ang dapat pagbahaginan para maituring na likas itong paggambala at panggugulo. Ang ilang uri ng paglihis sa paksa ay malinaw: Kapag ganap na lumilihis sa paksa ang isang tao, kapag nagsisimula siyang makibahagi sa walang saysay na daldalan o magtalakay ng mga usapin sa tahanan, madali itong makilatis. Halimbawa, kapag nagbabahaginan ang lahat tungkol sa kung paano gawin ang kanilang tungkulin, maaaring may makipagbahaginan tungkol sa kanyang “maluwalhating” nakaraan, ikinukuwento ang kanyang mabubuting gawa o kung paano niya natulungan ang mga kapatid, at iba pa. Walang may gustong makinig dito, at habang mas ginagawa niya ito, mas lalo silang nagiging tutol dito hanggang sa hindi na nila papansinin ang tao. Makakaramdam ng hiya ang tao. Hangga’t kayang kilatisin ng karamihan ang taong ito, hindi siya makapagpapatuloy. Hindi kinakailangan ang malalim na pag-unawa sa katotohanan para makilatis ang ganitong klase ng paglihis sa paksa. Ang walang saysay na pakikipagkuwentuhan, pakikipagdaldalan tungkol sa mga usapin sa tahanan, pagtataas sa sarili, pagpapakitang-gilas, at pagsasamantala sa paksa ng pakikipagbahaginan para ikuwento ang tungkol sa “maluwalhating” nakaraan ng isang tao—ang ganitong uri ng paglihis sa paksa ay madaling makilatis. Sa katunayan, hindi ito nagiging malaking kaguluhan, dahil karamihan ng tao ay nasusuklam sa gayong mga bagay at hindi sila handang pakinggan ang mga ito, at alam nilang nagpapakitang-gilas lamang ang taong ito at hindi nakikipagbahaginan sa katotohanan, na lumihis na siya sa paksa. Maaaring subukan ng grupo na hindi siya ipahiya kapag nagsimula siyang magsalita, pero habang mas ipinagpapatuloy niya, nasusuklam na ang mga tao at ayaw na nilang makinig pa, at pakiramdam nila ay mas mainam pang basahin na lang nila nang kanya-kanya ang mga salita ng Diyos. Kung magpapatuloy ang tao, tatayo sila at aalis. Kapag nakikita ng tao na nagbago ang mga bagay-bagay at na ipinapahiya lang niya ang kanyang sarili, hindi na siya magpapatuloy sa pagsasalita. Anong uri ng paglihis sa paksa ang nakapagdulot na ng masamang impluwensiya sa mga tao, pero hindi pa rin ito makilatis ng mga tao bilang isang negatibong bagay, at sa halip ay itinuturing ang lihis na paksa bilang ang katotohanan at taimtim pa itong pinakikinggan? Ang ganitong uri ng paglihis sa paksa ay maaaring maging kaguluhan sa mga tao, at dapat may pagkilatis ang isang tao sa gayong mga kaso. Magbigay ng halimbawa ng ganitong uri ng paglihis sa paksa. (Kapag ang isang tao ay hindi nagninilay-nilay sa kanyang sarili pagkatapos mapungusan, bagkus ay nakatuon lang ang kanyang pakikipag-usap sa pagiging tama at mali ng isyu, nililito nito ang isipan ng bawat isa. Hindi lang nito pinipigilan ang mga tao na magkaroon ng pagkilatis; sa halip, pakiramdam ng mga tao ay naaayon sa katotohanan ang sinasabi ng taong ito, at na tama ang mga ito. Dahil dito, nahihikayat niyang pumanig sa kanya ang lahat.) Gamit ang dahilan ng pakikipagbahaginan tungkol sa kung paano tanggapin ang mapungusan, ipinagtatanggol at ipinapawalang-sala niya ang kanyang sarili, ipinapaisip sa mga tao na mali ang pagpupungos sa kanya, hinihikayat ang mga tao na pumanig sa kanya at makisimpatiya sa kanya, at dagdag pa rito, hinihikayat niya ang mga tao na hangaan ang kanyang kakayahang magpasakop at tumanggap sa pagpupungos sa ilalim ng gayong mga sitwasyon. Nililihis nito ang mga tao; isa itong halimbawa ng kusa at sadyang paglihis sa paksa, na hindi lamang nagtutulak sa mga tagapakinig na hindi makapagpasakop kapag nahaharap sa pagpupungos, at hindi magawang tanggapin ang pagpupungos at mapagnilayan at makilala ang kanilang sarili, sa halip, nagiging sanhi rin ito na sila ay maging mapagbantay at mapanlaban sa pagpupungos. Ang gayong pakikipagbahaginan ay bigong makatulong sa mga tao na maunawaan ang kahalagahan ng pagpupungos, kung paano dapat taglayin ng mga tao ang wastong saloobin kapag nahaharap sa pagpupungos, kung paano ito tanggapin, at kung paano magsagawa. Sa halip, itinutulak nito ang mga tao na pumili ng ibang paraan sa pagharap sa pagpupungos, isang paraan na hindi ang pagsasagawa sa katotohanan at hindi pagkilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kundi isang paraan na lalong nagtutulak sa mga tao na maging tuso. Ang gayong pakikipagbahaginan ay naglalayong ilihis ang mga tao. Ang paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan ay isang uri ng isyu na lumilitaw sa buhay iglesia. Kung ang ganitong uri ng isyu ay umabot sa antas ng paggambala at panggugulo, dapat kumilos ang mga lider at manggagawa para pigilan at limitahan ito, pagbahaginan at himayin ito, upang ang nakararami ay lumago sa pagkilatis, matuto mula sa karanasan, at matuto ng aral.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.