Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (1) Ikatlong Seksiyon
Ikalawang Aytem: Maging Pamilyar sa mga Kalagayan ng Bawat Uri ng Tao, at Lutasin ang Iba’t Ibang Paghihirap na May Kaugnayan sa Buhay Pagpasok na Nararanasan Nila sa Tunay Nilang Buhay (Unang Bahagi)
Hindi Nakikita ng mga Huwad na Lider ang Totoo sa mga Kalagayan ng Bawat Uri ng Tao
Ang pangalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay ang maging pamilyar sa mga kalagayan ng bawat uri ng tao, at lutasin ang iba’t ibang paghihirap na may kaugnayan sa buhay pagpasok na nararanasan nila sa tunay nilang buhay. Paano isinasakatuparan ng mga huwad na lider ang gawaing ito? May kakayahan ba sila sa gampaning ito? Himayin natin ang puntong ito. Ang pagiging pamilyar sa mga kalagayan ng bawat uri ng tao—batay sa ano ito naisasakatuparan? Naisasakatuparan ito batay sa pag-unawa sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga tiwaling disposisyon at diwa ng iba’t ibang tao. Para maarok ang mga kalagayan ng iba’t ibang tao, dapat munang maunawaan ng isang tao ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa iba’t ibang kalagayan, tiwaling disposisyon, at tiwaling diwa ng mga tao, at maikumpara ang mga iyon sa sarili nila. Ang uri ng mga disposisyong inilalantad ng Diyos ay tumutukoy sa kung aling uri ng mga tao, kung ano ang pagkatao nila, kung anong uri ng mga pagpapamalas at pagbubunyag ang mayroon sila, at kung ano ang saloobin nila sa Diyos, sa mga salita ng Diyos, at sa tungkulin nila; dapat na maikumpara ang mga kalagayang ito sa mga salita ng Diyos, at sa paggawa niyon, naaarok ng isang tao ang mga kalagayan ng iba’t ibang indibidwal. Samakatwid, ang pagiging pamilyar sa mga kalagayan ng iba’t ibang tao ay unang natatamo batay sa pag-unawa sa mga salita ng Diyos at pagkakaroon ng abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos. Ang mga huwad na lider ay walang abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos, kung ganoon ay kaya ba nilang unawain ang mga komplikadong katotohanan tungkol sa iba’t ibang uri ng taong inilalantad ng mga salita ng Diyos, pati na rin ang iba’t ibang kalagayan at tiwaling diwang nalalantad? (Hindi.) Hindi nila nauunawaan, hindi nila alam ang mga kaugnayang nakapaloob dito, at hindi nila alam ang mga katotohanang nakapaloob dito. Dahil hindi nila taglay ang abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos, ang pag-arok sa mga kalagayan ng iba’t ibang tao—ang napakahalaga at napakaimportanteng bagay na ito—ay isang napakamapanggulo at napakahirap na gampanin para sa mga huwad na lider.
Paano inaarok ng mga huwad na lider ang mga kalagayan ng iba’t ibang tao? Iniisip nila, “Masigasig ang taong ito, makitid ang isip ng isang iyon, mahilig manamit ang isang ito, mahina ang pananampalataya ng isang iyon….” Tinitingnan lang nila ang paimbabaw na penomenang ito, pero hindi nila alam kung ano talaga ang saloobin ng isang tao sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, at kung ano talaga ang kalikasang diwa nito. Halimbawa, may isang tao na may tunay na pananampalataya at masigla sa paggawa ng tungkulin niya, pero naaapektuhan ng mga paghihirap at gusot sa pamilya niya ang mga resulta ng mga tungkulin niya; pagkakita rito ng mga huwad na lider, mali nila siyang babansagan, sasabihing, “Ang taong ito ay isang hindi mananampalataya. Hindi siya makahiwalay sa pamilya niya. Palagi niyang iniisip ang mga anak niya. May ipon siya sa bahay pero hindi niya inihahandog ang mga iyon. Kaya masyadong nakakayamot ang taong ito, at hindi siya magagamit sa mahahalagang gampanin sa hinaharap.” Ang totoo, hindi naman malubha ang isyu ng taong ito; sandali pa lang kasi siyang sumasampalataya sa Diyos at mababaw ang pang-unawa niya sa katotohanan kaya hindi niya makita ang totoo sa maraming bagay. Hindi niya alam kung paano haharapin ang pamilya at mga anak niya, o kung paano pangangasiwaan ang mga ari-arian niya. Nasa panahon pa siya ng pagdarasal at paghahanap, at hindi pa niya nahahanap ang mga tumpak na prinsipyo at paraan ng pagsasagawa. May determinasyon siyang isagawa ang katotohanan, pero kapag nahaharap sa mga gusot at paghihirap ng pamilya, pansamantala siyang nanghihina nang kaunti at hindi nagiging masyadong aktibo sa paggawa ng tungkulin niya. Gayumpaman, kaya niyang tapusin nang taimtim ang gawaing iniatas sa kanya ng iglesia, na isang bagay na hindi kayang gawin ng karamihan ng mga tao. Batay sa kakayahan, pagkatao, at saloobin niya sa katotohanan, isa siyang mabuting tao. Pero hindi ganito ang tingin ng mga huwad na lider dito dahil hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos at hindi nila alam kung paano gamitin ang mga salita ng Diyos bilang pamantayan para sukatin kung ano ang kalikasang diwa ng isang tao, o kung ang kalagayan ng isang tao ay dahil ba sa kalikasang diwa niya o sa pansamantalang kahinaan, o isang isyu ng tayog; hindi nila kayang sukatin ang mga bagay na ito. Ang mga paghihirap na hinaharap ng ganitong uri ng tao ay mga paghihirap na nangyayari sa tunay na buhay at may kaugnayan sa buhay pagpasok—kaya bang pangasiwaan ng mga huwad na lider ang ganitong mga uri ng isyu? Kaya ba nilang lutasin ang mga paghihirap ng mga taong ito? (Hindi.) Dahil hindi kaya ng mga huwad na lider na tumpak na arukin ang mga kalagayan ng iba’t ibang tao at hindi nila kayang tumpak na kilatisin ang mabuti at masama sa kalikasang diwa ng iba’t ibang tao, hindi rin nila kayang tumpak na lutasin ang mga paghihirap at problema ng iba’t ibang tao. Sa kabaligtaran, ang mga tao na kayang magpakaabala sa paggugol ng sarili nila, magtiis ng paghihirap, at magbayad ng halaga, nang umaasa lang sa kasigasigan, pero mahina ang kakayahan at walang abilidad na umarok, ay itinuturing nilang mga pangunahing pakay sa paglilinang, at nagbabahagi sila para lutasin ang mga paghihirap ng mga ito kapag nahaharap ang mga taong ito sa mga iyon. Pero para sa mga taong tunay na may kakayahan at mabuting pagkatao, kapag nahaharap ang mga ito sa mga paghihirap at medyo nanghihina, paano nilulutas at tinutugunan ng mga huwad na lider ang mga iyon? Kapag nahaharap ang mga taong ito sa mga paghihirap at medyo nanghihina lang talaga ang mga ito, ayon sa sitwasyon, dapat silang suportahan at tulungan; dapat na ibahagi sa kanila ng isang tao ang mga layunin ng Diyos—hindi sila dapat na tuluyang balewalain, lalong hindi dapat bansagan. Pero paano nilulutas ng mga huwad na lider ang ganoong mga paghihirap ng mga tao? Sinasabi nila, “Nakarating na sa ganitong yugto ang gawain ng Diyos, pero kumakapit ka pa rin sa asawa mo, sa mga anak mo; pinapapasok mo pa nga ang mga anak mo sa unibersidad at pinahahangad sa kanila ang kanilang mga kinabukasan. Habang palala nang palala ang mga sakuna, may anumang kinabukasan pa rin ba sa mundong ito? Ni hindi mo nga maingatan ang sarili mong buhay, paano mo nagagawang alalahanin ang mga bagay na iyon? Halos tapos na ang gawain ng Diyos, napakabilis ng panahon! Kung hindi mo ganap na itatalaga ang sarili mo, matatawag ka pa rin bang isang nilikha? Isa ka pa rin bang tao?” Tungkol ba talaga rito ang mga paghihirap ng mga taong ito? (Hindi.) Ang dahilan kung bakit medyo mahina ang mga taong ito kapag nahaharap sila sa mga paghihirap ay dahil lang sa mababang tayog nila, hindi dahil hindi nila minamahal ang katotohanan o ayaw nilang gawin ang tungkulin nila. Samakatwid, hindi tumutugma sa kalagayan nila ang sinasabi ng mga huwad na lider; malinaw na isa itong kaso ng maling pagbabansag, hindi pag-arok sa pinakapunto o pinakapangunahing aspekto ng kalagayan nila, hindi pag-arok sa kung ano ang tunay nilang iniisip, kung anong uri sila ng tao, at kung paano sila dapat gabayan at tulungan para malutas ang mga paghihirap nila. Hindi alam ng mga huwad na lider kung paano lutasin ang mga problemang ito. Kaya, paano dapat lutasin ng isang tao ang ganoong mga bagay kapag nangyayari ang mga iyon? Puwede mong sabihing, “Ang isyung hinaharap mo ay isang problemang kinakaharap ng maraming tao. Ang mga taong tunay na kayang iwanan ang mga pamilya nila at buong-pusong igugol ang sarili nila para sa Diyos ay hindi kumikilos dala ng bugso ng damdamin, kundi matagal na panahon nang naghanda. Una, nakaunawa sila ng sapat na katotohanan at tunay silang may determinasyong humiwalay sa pamilya nila, na buong-pusong igugol ang sarili nila sa sambahayan ng Diyos, at masisiguro nilang hindi nila ito pagsisisihan kalaunan—napag-isipan na nila ito nang mabuti. Higit pa rito, sa panahong ito, nagdarasal din sila sa Diyos para sa paghahanda at para magbukas ng daan pasulong, habang patuloy na sinasangkapan ng katotohanan ang sarili nila, binibigyang-daan ang sarili nilang makaunawa ng mas maraming katotohanan, at magkaroon ng mas malaking pananampalataya sa pagsasaisantabi ng lahat ng bagay para buong-pusong igugol ang sarili nila para sa Diyos. Kinakailangan nito ng panahon, pagdarasal, at siyempre, pag-akay at mga pagsasaayos ng Diyos. Kung taglay mo ang determinasyong ito, huwag kang mabalisa. Magdasal ka sa Diyos at tahimik na maghintay, at gagawa ang Diyos ng mga pagsasaayos para sa iyo. Kung ang mga dasal mo at ang determinasyon mo ay umaayon sa mga layunin ng Diyos at makakatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos, kung handa ka na at magpapasakop ka anuman ang gawin ng Diyos at hindi ka nagsisisi, tiyak na magbubukas ng daan ang Diyos para sa iyo. Sa panahong ito, ang dapat gawin ng mga tao ay maghanda at maghintay; ang tanging magagawa nila ay sangkapan ang sarili nila ng katotohanan, unawain ang mga layunin ng Diyos, at hayaang unti-unting lumago ang tayog nila. Kapag naghahanda ang Diyos ng iba’t ibang kapaligiran, kung kaya mong piliing magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos nang walang anumang reklamo, ito ay pagkakaroon ng tayog—anuman ang gawin ng Diyos o paano man Siya magsaayos, makakapagpasakop ka.” Ano ang palagay ninyo sa ganitong uri ng paggabay? (Mabuti ito.) Sa isang banda, tinutupad mo ang responsabilidad mo, tinutulungan mo ang mga taong maunawaan ang mga layunin ng Diyos; at kasabay niyon, hindi mo sila pinipilit nang higit sa abilidad nila, bagkus ay tinatrato mo sila ayon sa tunay nilang sitwasyon. Hindi ba’t paglutas ito ng mga problema gamit ang mga salita ng Diyos? Hindi ba’t paglutas ito ng mga paghihirap na kinakaharap ng mga tao sa tunay na buhay batay sa kalagayan nila? (Oo.)
Sa paggampan ng mga tungkulin nila, may ilang tao na palaging pabaya at hindi nagpapakita ng responsabilidad, palaging umaastang opisyal, at mapagmataas, nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at hindi kayang makipagtulungan sa iba, at nagdudulot ng mga kawalan sa gawain ng iglesia nang hindi nakakaramdam ng katiting na pagkakonsensiya. Pagkatapos makita ang ganoong sitwasyon, sinisimulan ng isang huwad na lider na tugunan at lutasin ang isyu, sinasabing, “Napakahalaga ng papel na ginagampanan ng taong ito sa gawaing ito. Mukhang walang sinumang medyo angkop na pumalit sa kanya, kaya kailangan nating makipagbahaginan sa kanya para lutasin ang mga paghihirap niya.” Sa pagbabahaginan, natuklasan ng huwad na lider na ayaw talagang gawin ng taong ito ang tungkulin niya. Naghahangad siyang makakuha ng mga makamundong bagay, kumita ng pera sa propesyon niya at magkaroon ng magandang buhay, at ang pag-uutos sa kanyang gawin ang tungkulin niya ay itinuturing niyang paghingi ng sobra-sobra sa kanya. Pakiramdam niya, ang paggawa ng tungkulin niya sa sambahayan ng Diyos ay nangangahulugan ng pagiging abala araw-araw, na bukod sa nakakasira sa personal na buhay pamilya niya ay ginagawa rin nitong imposibleng mapanatili ang mga ugnayan sa mga miyembro ng pamilya, at na kung lalabag siya sa mga prinsipyo habang ginagawa ang tungkulin niya, kailangan niyang magtiis ng pagpupungos. Para sa kanya ay masyadong mapait ang ganoong buhay at ayaw niyang mamuhay nang ganoon. Malinaw ang isyu: Ipinapahiwatig ng pag-uugali niya na isa siyang hindi mananampalataya. Pero paano ito hinaharap ng huwad na lider? Iniisip ng huwad na lider, “May talento ang taong ito sa gitna ng mga walang pananampalataya; mahirap makahanap ng taong tulad niya. Naging problematiko na ang kalagayan niya; kailangan kong agad na isantabi ang pinakamatrabahong gawaing hawak ko para makipagbahaginan sa kanya, para tulungan siyang lutasin ito. Paano ito lulutasin? Ang mga salita ng Diyos ang pinakamakapangyarihan; una, babasahan ko siya ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos para lutasin ang pagtanggi niyang gawin ang tungkulin niya.” Sasabihin sa kanya ng huwad na lider, “Ngayong dumating na ang mga sakuna, hindi na makakapamuhay nang maayos ang mga tao. Gusto mo pa ring kumita ng pera sa pamamagitan ng isang propesyon at magkaroon ng simpleng buhay pamilya, pero hindi magtatagal ay magkakagulo na ang buong mundo, at hindi na magkakaroon ng mga simpleng pamilya. Hindi mo ba nakikita ang totoo sa mga bagay na ito? Kailangan mong mas magdasal sa Diyos. Bibigyan ka ng pananalig ng pagdarasal sa Diyos. Kailangan mo ring kumain at uminom ng mas maraming salita ng Diyos. Pagkatapos kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang ilang beses, malulutas na ang problema mo.” Pagkatapos, maghahanap ang huwad na lider ng lima o sampung sipi ng mga salita ng Diyos para basahin at ibahagi sa taong ito. Tutugon ang taong iyon, “Tama na ang pagbabahagi. Nauunawaan ko ang lahat ng salitang ito ng Diyos; mas may pinag-aralan pa ako kaysa sa iyo. Huwag kang magpasikat.” Pagkatapos ng isang buong araw ng pagbabahagi ay walang anumang nalutas. Iisipin ng huwad na lider, “Napakaraming taon na akong gumagawa ng gawain ng iglesia; hindi ako naniniwalang hindi ko malulutas ang problema mo.” Pagsapit ng gabi, agad niyang ipagpapatuloy ang pagbabahagi, “Kailangan mong mahalin at sambahin ang Diyos! May pag-asa kang maging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Hindi madaling dumating ang tungkuling ito; dapat mong pahalagahan ang pagkakataong ito, dahil kung mapapalagpas mo ito, hindi na magkakaroon ng isa pa. Dahil napakaganda ng kakayahan at mga kondisyon mo, hindi ba’t sayang naman kung hindi mo gagawin ang tungkulin mo? Ang isang taong taglay ang mga talento mo ay dapat na maiangat at magamit sa sambahayan ng Diyos; maganda ang kinabukasan mo rito!” Sasabihin ng taong iyon, “Huwag ka nang magsalita. Kung pipilitin mo akong gawin ang tungkulin ko, ganoon pa rin ang magiging saloobin ko. Kung hindi ako pahihintulutang gawin ito, aalis ako agad. Hindi naman ako nagmamakaawang manatili rito!” Sinasabi ng huwad na lider ang lahat ng masasabi niya pero hindi niya mahikayat ang taong ito o malutas ang isyu nito. Bakit ganoon? Ito ay dahil hindi niya nakikita ang totoo sa kung ano ang pangunahing problema ng taong ito. Ang taong ito, kapag ginagawa ang tungkulin niya, ay pabaya sa tuwing maiisipan niya, nandaraya sa tuwing maiisipan niya, at gumagawa nang pabasta-basta kung iyon ang naiisipan niyang gawin; anumang gawain ang gawin niya, iresponsable siya. Ayaw niyang magdagdag ng kaunting pagsisikap o magsabi ng ilan pang salita para lutasin ang ilang isyu, nakakayamot at nakakaabala ito para sa kanya. Malinaw niyang nalalaman kung paano gawin ang tungkulin niya sa paraang pasok sa pamantayan at kung paano kumilos nang angkop pero ayaw niyang magsagawa sa ganitong paraan. Pero, patuloy niyang ginagawa ang tungkulin niya sa sambahayan ng Diyos. Ano ang kalikasan ng sitwasyong ito? Ano ang problema rito? (Pumasok siya na ang intensyon ay magkamit ng mga pagpapala at makipagtawaran.) Pumasok siya nang may ganoong inaasam; ang ganoong mga tao ay kilala bilang mga oportunista. Sinasabi niya, “Nabalitaan kong malapit nang magwakas ang mundo, malapit nang magunaw ang mundo, kaya hindi ko na kailangang pumasok sa trabaho; halos sapat naman na ang kinita kong pera. Mabuti pang pumasok ako sa sambahayan ng Diyos para makalibre sa pagkain at para makakuha ng puwesto para sa sarili ko, para magkaroon ako ng pag-asang makatanggap ng mga pagpapala kalaunan.” Batay sa saloobin at intensyon niya sa paggawa ng tungkulin niya, oportunistiko ang pananampalataya niya sa Diyos; pumasok siya sa sambahayan ng Diyos para manghuthot, hindi dahil sa tunay na pananalig. Masyadong mapagwalang-bahala ang saloobin niya kapag ginagawa ang tungkulin niya. Para magamit siya, kailangan ng iglesia na suyuin siya at makipagnegosasyon sa kanya, gayumpaman, hindi pa rin siya gumaganap nang maayos. Tunay bang magagawa ng isang taong ni wala man lang konsensiya ang tungkulin niya? Nagsasamantala at nanghuhuthot lang siya, isa siyang hindi mananampalataya. Kung titingnan ang kalikasan ng dalawang aspekto ng isyung ito, sa pagsubok na lutasin ito, naarok ba ng huwad na lider ang diwa nito? (Hindi.) Dahil hindi nakita ang tunay na diwa ng isyu, itinuring pa rin niyang isang tunay na mananampalataya ang taong ito, na isa lang itong taong walang pang-unawa sa katotohanan, mababa ang tayog, pansamantalang nanghihina at nangangailangan ng suporta. Mula sa mga perspektibang ito, sinubukan niyang magbahagi at tumulong, para lang masabihan ng, “Tumigil ka na sa pagsasalita. Walang saysay ang mga doktrinang iyon na sinasabi mo. Alam ko na ang lahat ng iyon, mas marami akong nauunawaan kaysa sa iyo. Ilang doktrina ba talaga ang naiintindihan mo? Gaano ba kataas ang pinag-aralan mo? Mas marami pa ang mga aklat na nabasa ko kaysa sa mga pagkaing nakain mo!” Nabunyag na ang kalikasan nito, hindi ba? Naniniwala pa rin ang huwad na lider na gumagawa siya ng gawain, hindi napagtatantong sa katunayan ay isang hindi mananampalataya ang taong ito. Kapag ginagawa ng mga hindi mananampalataya ang tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos, kahit ang pagtatrabaho nila ay hindi pasok sa pamantayan. Dapat bang panatilihin ang ganoong mga tao? (Hindi.) Samakatwid, ito ang prinsipyo sa pagharap sa ganitong uri ng tao sa sambahayan ng Diyos: Kung kaya at gusto niyang magtrabaho, panatilihin siya; kung ayaw niya naman, agad siyang alisin, nang hindi siya hinihimok na manatili o hikayatin siya. Alam ba ng huwad na lider ang prinsipyong ito? Hindi. Itinuturing niya ang mga patay na para bang buhay ang mga ito, pinapakain ang mga ito at binibigyan ng tubig; hindi ba’t kahangalan iyon? Gumagawa lang ang mga huwad na lider ng ganoong mga kahangalan.
Hindi Nalulutas ng mga Huwad na Lider ang mga Paghihirap at Problemang Nararanasan ng mga Tao sa Kanilang Buhay Pagpasok
Sa iba’t ibang sitwasyon, kapag nagbubunyag ang iba’t ibang tao ng iba’t ibang kalagayan at pagpapamalas, palaging hindi naaarok ng mga huwad na lider ang diwa ng mga pagbubunyag na ito at hindi nila kayang lutasin ang mga nagiging problema mula sa mga iyon. Dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, sila ay maling nagbabansag at umaasal nang walang-ingat at mali, pinagkakamalan ang mga tao na panandaliang nanghihina o paminsan-minsang nagiging negatibo bilang mga hindi mananampalataya at mga taong nagkakanulo sa Diyos. Samantala, ang mga taong hindi mananampalataya na sa panlabas ay nagtataglay ng ilang abilidad, na kayang gumawa ng simpleng gawain at magsikap nang kaunti, ay itinuturing nilang mga pangunahing pakay para suportahan. Nahihiya ang mga taong ito na direktang sabihin ang pagtanggi nilang gawin ang tungkulin nila, pero hindi nakikita ng mga huwad na lider ang totoo rito at nagpupursigi silang hikayatin ang mga ito na manatili. Walang ginagawa ang mga huwad na lider kundi mga kahangalan; ginugulo ng masasamang tao ang iglesia, pero nananatili silang bulag dito at hindi nila tinutugunan ang isyu. Hindi ba’t pag-asal ito nang walang ingat at mali? Paano nagsisimula ang pag-asal nang walang ingat at mali ng mga huwad na lider? Wala silang abilidad na arukin ang mga salita ng Diyos at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kaya kapag nahaharap sa iba’t ibang sitwasyon, gumagamit na lang sila ng pinakamabababaw na doktrinang nauunawaan nila, paulit-ulit na inilalapat ang mga iyon sa paraang nagdudulot lang ng mga pagkagambala at kaguluhan. Madalas, bukod sa nabibigo silang lutasin ang mga paghihirap na hinaharap ng mga tao sa buhay pagpasok at bukod sa nabibigo silang suportahan ang mga tao mula sa kahinaan patungo sa kalakasan, idinudulot din nila sa mga tao na magkaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, ipinaiisip sa mga taong ito na sinusubukan silang kuhanin ng iglesia para samantalahin ang serbisyo nila, na para bang walang mga tao na may talento sa sambahayan ng Diyos at hindi ito makahanap ng mga angkop na tao. Ito ang negatibong epektong dulot ng gawain ng mga huwad na lider. Paano ito nangyayari? (Hindi kayang arukin ng mga huwad na lider ang katotohanan, hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at kapag nahaharap sila sa mga sitwasyon, naglalapat lang sila ng mga patakaran.) Hindi nila kayang arukin ang katotohanan, nasasaulo lang nila ang ilang hindi nababagong salita at kasabihan. Wala silang tunay na pang-unawang batay sa karanasan at pagkaunawa sa katotohanan. Kaya, kapag kalaunan ay nagkakaroon ng mga problema, kaya lang nilang magsabi ng ilang walang kalatoy-latoy na parirala: “Mahalin mo ang Diyos”; “Maging matapat ka”; “Maging masunurin at mapagpasakop ka kapag nahaharap sa mga sitwasyon”; “Gawin mo nang maayos ang tungkulin mo”; “Kailangan mong maging tapat”; “Dapat kang maghimagsik laban sa laman”; “Kailangan mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos.” Ginagamit nila ang mga walang kabuluhang doktrina, islogan, at kasabihang ito para palamutian ang sarili nila, at itinuturo din nila ang mga ito sa iba, umaasang maiimpluwensiyahan ang mga ito at magkakaroon ng positibong epekto sa mga ito—pero wala itong nagiging epekto, at wala itong nababago. Samakatwid, ang mga huwad na lider ay walang kakayahang magsakatuparan ng anumang gawain. Dahil ni hindi nila malutas ang mga paghihirap na hinaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos sa buhay pagpasok, kung ganoon ay paano nila magagawa nang maayos ang pamumuno sa iglesia?
Kapag nahaharap ang mga tao sa iba’t ibang paghihirap sa tunay na buhay at hindi nila alam kung paano harapin ang mga iyon, ni kung paano isagawa ang katotohanan, kailangan nilang hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos para lutasin ang mga isyung ito. Kung may isang taong mababa ang tayog na hindi nakakaalam kung paano hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, ni kung paano hanapin ang mga nauugnay na salita ng Diyos, dapat niyang hanapin ang mga taong nakakaunawa sa katotohanan para makipagbahaginan upang malutas ang isyu, habang nagsasanay rin kung paano hanapin ang mga nauugnay na salita ng Diyos at kung paano arukin ang katotohanan. Nangangahulugan ito ng paghahanap sa mga salita ng Diyos kung ano ang mga prinsipyo at hinihinging pamantayan ng Diyos, kung paano binibigyang-kahulugan ng Diyos ang bagay na ito at kung ano ang hinihingi Niya tungkol dito, at kung may anuman bang mga partikular na detalyeng ipinaliliwanag. Kung ang mga salita ng Diyos tungkol sa paksang ito ay medyo simple, nagbubuod lang ng mga prinsipyo nang hindi nagbibigay ng detalyadong mga halimbawa, dapat kang matutong magbulay-bulay. Kung hindi mo ito matukoy sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay, maghanap ka ng mas marami pang tao na makakasama sa pagbabahaginan, makipagbahaginan ka sa mga pagtitipon, at mangapa at maghanap ka sa proseso ng paggawa ng tungkulin mo, nagtatamo ng kaliwanagan at pagtanglaw, at sa gayon ay unti-unting nauunawaan kung ano ang diwa ng kasalukuyang isyu. Panghuli, pumasok ka ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos para makahanap ka ng kalutasan sa mga paghihirap na ito. Halimbawa, may ilang tao na tamad at hindi kailanman nakakaipon ng lakas para gawin ang tungkulin nila; pero banggitin mo ang pagkain, pag-inom, at pagsasaya, at natutuwa at napupuno sila ng sigla, na para bang biglang nabuhayan. Paano nilulutas ng mga huwad na lider ang ganoong mga isyu? May pamamaraan din sila: ang pag-aatas ng mas maraming gampanin sa mga taong ito, hindi sila binibigyan ng oras na mabakante. Kaya bang lutasin ng pamamaraang ito ang problema? May ilang tao na atubiling gumawa ng kahit kaunting gawaing nakaatas sa kanila; gusto lang nilang manghuthot, iniisip na pinakamabuti nang hindi talaga gumawa ng anumang gawain! Ano ang isyu sa mga masyadong tamad na taong ito? May kaugnayan ito sa kalikasang diwa nila, sa kung minamahal ba nila ang mga positibong bagay, at pati na sa mga kagustuhan at paghahangad nila. May ilang tao na may kaunting kakayahan; kung pangkaraniwang tagasunod lang sila na walang anumang pasaning nakaatang sa kanila, wala silang lakas para gawin ang gawain nila at walang anumang interes dito. Gayumpaman, kung, ayon sa kakayahan at sa tungkuling kaya nilang gawin, ay maaatangan sila ng pasanin ng pagiging superbisor, pahihintulutang humawak ng kaunting titulo at umako ng ilang obligasyon, mapupukaw ang interes nila sa gawain. Kung minsan, kapag nagiging iresponsable sila sa gawain nila o nagiging tamad sila, puwede silang mapungusan; minsan naman, puwede silang mabigyan ng kaunting pagpapalakas ng loob at papuri. Kaya, ang mga taong ito, na nagpapahalaga sa reputasyon, na gustong-gusto ng katayuan, at na nasisiyahan kapag binobola, ay nagkakaroon ng lakas para gawin ang tungkulin nila. Kapag iniisip nilang magpabaya, napagbubulay-bulayan nila, “Alang-alang sa katayuan, para sa pasaning dala-dala ko, dapat akong magtrabaho nang maayos.” Sa ganitong paraan, puwedeng bahagyang malutas ang katamaran ng ganoong mga tao. Kapag ang mga huwad na lider ay nahaharap sa ganitong uri ng mga isyung may kinalaman sa pagkatao o sa mga kalagayang may kinalaman sa buhay pagpasok na lumilitaw sa proseso ng paggawa ng tungkulin, masyadong mahirap at komplikadong lutasin ang mga iyon para sa kanila. Hindi nila alam kung paano lutasin ang mga kalagayan at problemang ito, o kung aling mga salita ng Diyos ang gagamitin para sa kalutasang nakatuon sa partikular na isyu. Kadalasan, ang diskarte nila ay hikayatin o suyuin ang mga tao na gumawa nang maayos; kung hindi gagana ang panghihikayat at panunuyo, magagalit na lang sila at pupungusan ang mga ito. Kung hindi gagana ang pagpupungos sa mga ito, magbabasa sila ng ilang sipi ng mababagsik na salita ng Diyos bilang babala, ipinapaalam sa mga tao na dapat umayos ang mga ito. Kung wala pa rin iyong epekto, ang huling opsyon nila ay magsaayos ng isang taong magbabantay at mamamahala sa mga ito. Ang ilang diskarte lang na ito ang mayroon sila, at kung hindi gagana ang mga ito, wala na silang ibang magagawa.
Bilang buod, anuman ang problemang kinakaharap ng mga huwad na lider sa gawain nila, hindi nila makilatis ang diwa ng problema, nahihirapan silang arukin ang mga tunay na kalagayan at pinagmulan ng iba’t ibang tao, at lalong hindi nila nakikita kung nasaan ang ugat ng problema o kung saan magsisimula para lutasin ito sa pinakaangkop na paraan. Wala sila ng mga prinsipyo at pamamaraang ito ng pagharap sa mga problema, kaya hindi kayang lutasin ng gawain ng mga huwad na lider ang iba’t ibang tunay na isyu. Nagagawa lang nilang mangaral ng ilang doktrina, sumigaw ng ilang islogan, sumunod sa ilang patakaran, at iraos ang gawain. Paano magiging mahusay ang ganoong mga tao sa gawain ng pamumuno sa iglesia? Kahit gaano pa sila magsanay o ilang taon pa silang sumampalataya, hindi sila magiging mahusay sa gawain ng pamumuno sa iglesia. Nakakita na ba kayo ng anumang halimbawa nito? (Sa iglesia namin, may taong gumagawa ng tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay na palaging nagbibigay ng mga mapanghusga at nang-aatakeng komento, na nakakaapekto sa paggampan namin sa tungkulin at nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan. Pagkatapos namin itong iulat sa lider, ipinagpilitan lang nito na kilalanin namin ang sarili namin at magpasakop kami sa kapaligirang inihanda ng Diyos, nang hindi nilulutas ang aktuwal na problema, na nakaapekto sa gawain ng iglesia. Nalutas lang ang problema pagkatapos ng pagbabago sa pamumuno.) Isa itong tipikal na pagpapamalas ng mga huwad na lider. Isa itong karaniwang uri ng huwad na lider: ang mga hindi kayang kumilatis ng isang masamang tao o anticristo kapag nakaharap sila ng isa, at nagsasabi sa iba na maging mapagpasensiya at mapagparaya, na matuto mula sa karanasan, at sumunod sa masamang tao o anticristo. Hindi nila kinikilatis ang mga anticristo o masamang tao, wala rin silang ginagawa tungkol sa mga ito. Pagkatapos ng napakaraming pagbabahaginan tungkol sa mga paraan ng pagpapamalas ng mga anticristo, dapat ay magawa nang tukuyin ng lahat ng tao na nakakaunawa sa katotohanan ang ilan sa kanila. Pero nahahanap ba ng mga taong tulad ng mga huwad na lider kung paano tumutugma ang pagbabahaging iyon sa pag-uugali ng isang anticristo? Kaya ba nilang kilatisin ang mga anticristo? (Hindi.) At ano ang ibinubunga ng kawalan nila ng kakayahang kilatisin ang mga anticristo? Posible na agawin ng isang anticristo ang kapangyarihan mula sa kanila, na pahintulutan nilang kontrolin ng anticristo ang iglesia at na, sa huli, ay wala silang gawin habang nagtatatag ang anticristo ng isang nagsasariling kaharian. Kung hindi nila kayang kilatisin ang isang anticristo, imposible nilang tratuhing kaaway ang isang anticristo at ilantad, kilatisin, at tanggihan ito; kung hindi nila kayang kilatisin ang isang anticristo, malamang na tatratuhin nila ang isang anticristo bilang isang kapatid, nang may pagpapasensiya at pagpaparaya, na nagreresulta sa pagkakaluklok ng anticristo sa kapangyarihan sa iglesia at pagkontrol dito. Kaya, ang mga kahihinatnan ng kawalan ng kakayahang kilatisin ang mga anticristo ay malulubha, hindi maubos-maisip sa sobrang kalunos-lunos. Hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang katotohanan; hindi nila kayang kilatisin ang mga diwa ng iba’t ibang uri ng tao. Ang ginagawa lang nila ay mangaral ng mga salita at doktrina at maglapat ng mga patakaran, nang may pagmamahal sa lahat, hinahayaan ang lahat na magsisi, at binibigyan ang lahat ng pagkakataon, maging sino man ang mga ito. Hindi ba’t pamamaraan ito ng kaparian ng relihiyon? Hindi ba’t pamamaraan ito ng mga Pariseo? Kapag nakakaharap ang mga anticristo, kadalasan ay pinipili ng mga huwad na lider na makipagkompromiso at magpaubaya, nakakahanap pa nga ng palusot o dahilan para sabihing ito ay pagtrato sa iba nang may pagmamahal. Kahit nalalamang problematiko at anticristo ang isang tao, hindi sila nangangahas na komprontahin siya, wala rin silang lakas ng loob na kilatisin at ilantad siya; ito mismo ang ginagawa ng mga huwad na lider. Kahit kapag nakilatis na ng ilang kapatid na masama o anticristo ang taong ito, sasabihin pa rin ng mga huwad na lider, “Hindi natin puwedeng husgahan o kondenahin ang mga tao nang ganoon-ganoon lang. Napakasigasig ng taong iyon sa paggugol ng sarili niya at gustong-gusto niyang magbayad ng halaga—hindi siya anticristo o masamang tao. Hindi naman nagiging masama ang isang tao dahil lang sa ilang malupit na salita, hindi ba?” Hindi makita ng mga huwad na lider ang diwa ng mga tao, ni makita ang mga kahihinatnan ng mga kilos ng mga anticristo, nagpapakita pa rin sila ng pagmamahal, pagpaparaya, at pagpapasensiya sa mga anticristo, hinihikayat pa nga nila ang mga anticristo na magnilay, kilalanin ang sarili nila, at tunay na magsisi. Kahit paano pa subukan ng isang anticristo na kilalanin ang sarili niya, puwede bang magbago ang kalikasan niya? Kaya ba niyang tunay na kilalanin ang sarili niya? Talagang hindi. Kahit na ang mga anticristo ay magmukhang tila tumatalikod sa ilang bagay at medyo gumugugol ng sarili sa panlabas, sa loob ay nagkikimkim sila ng mga ambisyon at magarbong pakana. Ang dahilan kung bakit hindi makita ng mga huwad na lider ang tunay na pagkatao ng mga taong tulad ng mga anticristo ay dahil hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang katotohanan, hindi rin nila kayang kilatisin ang iba’t ibang uri ng mga tao. Hindi nila makita ang totoo sa kalikasang diwa ng iba’t ibang tao, hindi rin nila alam kung paano tratuhin o pangasiwaan ang iba’t ibang uri ng tao. Kapag nakikita nilang inilalantad ng iba ang mga anticristo, hindi sila nangangahas na sumali, at mas natatakot pa silang umaksiyon laban sa mga anticristo, nangangambang magagantihan sila kung mapapasama nila ang loob ng mga anticristo. Ang diskarte nila sa mga anticristo ay limitado sa pangangaral ng mga doktrina at mga panghihikayat. Bukod sa hindi kayang kilatisin ang masasamang tao at mga anticristo, hindi rin kayang lutasin ng mga huwad na lider ang iba’t ibang isyung umiiral sa hinirang na mga tao ng Diyos. Pinatutunayan nitong wala talagang pagkaunawa sa katotohanan ang mga huwad na lider; wala silang kakayahang lumutas ng mga aktuwal na problema at imposible nilang maakay ang hinirang na mga tao ng Diyos papasok sa katotohanang realidad. Anuman ang sabihin o gawin ng mga huwad na lider, wala kang maririnig na anumang salita ng liwanag na dulot ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu mula sa kanila, lalong hindi mo makikitang nagtataglay sila ng anumang katotohanang realidad. Samakatwid, walang anumang ibinibigay na pakinabang o tulong ang mga huwad na lider pagdating sa buhay pagpasok ng mga tao; ang kaunting gawaing ginagawa nila ay may kinalaman sa pangangaral ng mga salita at doktrina, pagsigaw ng mga islogan, at paggawa nang pabasta-basta. Lubos silang nabibigo sa pagtupad sa papel na dapat gampanan ng isang lider.
Hanggang dito na lang ang pagbabahaginan natin sa araw na ito. Paalam!
Enero 9, 2021
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.