Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (1) Ikalawang Seksiyon

Unang Aytem: Akayin ang mga Tao na Kumain at Uminom ng mga Salita ng Diyos at Unawain ang mga Ito, at Pumasok sa Realidad ng mga Salita ng Diyos

Hindi Taglay ng mga Huwad na Lider ang Kakayahan at Abilidad na Arukin ang mga Salita ng Diyos

Ano ba ang isang huwad na lider? Tiyak na isa itong tao na hindi kayang gumawa ng aktuwal na gawain, isang tao na hindi nag-aasikaso sa kanyang mga tungkulin bilang isang lider. Hindi siya gumagawa ng anumang tunay o kritikal na gawain; nag-aasikaso lang siya ng ilang pangkalahatang gawain at ng ilang paimbabaw na gampanin, mga bagay na walang kinalaman sa buhay pagpasok o sa katotohanan. Gaano man karami ang ginagawa niya sa gawaing ito, walang halaga ang paggampan nito. Iyon ang dahilan kung bakit ang gayong mga lider ay itinuturing na huwad. Kaya paano ba talaga makikilatis ng isang tao ang isang huwad na lider? Simulan na natin ngayon ang ating paghihimay. Kailangan munang maging malinaw na ang unang responsabilidad ng isang lider o manggagawa ay ang akayin ang iba sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at makipagbahaginan sa katotohanan sa paraan na mauunawaan ito ng iba at makapapasok sila sa katotohanang realidad. Ito ang pinakamahalagang batayan para suriin kung ang isang lider ay tunay o huwad. Tingnan ninyo kung kaya niyang akayin ang iba sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pag-unawa sa katotohanan, at kung kaya niyang gamitin ang katotohanan para lumutas ng mga problema. Iyon ang tanging batayan para masuri kung ano ang kakayahan at abilidad na mayroon ang isang lider o manggagawa sa pag-arok sa mga salita ng Diyos, at kung kaya niyang akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos na pumasok sa katotohanang realidad. Kung ang isang lider o manggagawa ay may kakayahan na maarok ang mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, dapat niyang lutasin ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa pananalig sa Diyos alinsunod sa mga salita ng Diyos, at tulungan ang mga taong maunawaan ang pagiging praktikal ng gawain ng Diyos. Dapat din niyang lutasin ang mga aktuwal na paghihirap na hinaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos alinsunod sa Kanyang mga salita, lalo na pagdating sa mga maling pananaw nila sa kanilang pananalig o mga maling pagkaunawa nila tungkol sa paggawa sa isang tungkulin. Kailangan din niyang gamitin ang mga salita ng Diyos para lutasin ang mga problemang nagpapamalas kapag humaharap ang mga tao sa iba’t ibang pagsubok at kapighatian, at maakay ang hinirang na mga tao ng Diyos na maunawaan at maisagawa ang katotohanan, at makapasok sa realidad ng Kanyang salita. Kasabay nito, dapat niyang himayin ang iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga tao batay sa mga tiwaling kalagayang nabubunyag sa mga salita ng Diyos, upang makita ng hinirang na mga tao ng Diyos kung alin sa mga ito ang naaangkop sa kanila, magtamo ng pagkakilala sa kanilang sarili at kamuhian si Satanas at maghimagsik laban dito, para matulutan ang hinirang na mga tao ng Diyos na manindigan sa kanilang patotoo, talunin si Satanas, at luwalhatiin ang Diyos sa gitna ng lahat ng uri ng pagsubok. Ito ang gawain na dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Ito ang pinakapangunahin, pinakakritikal, at pinakamahalagang gawain ng iglesia. Kung ang mga taong nagsisilbi bilang mga lider ay may abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos at may kakayahang unawain ang katotohanan, hindi lang nila magagawang unawain ang mga salita ng Diyos at pumasok sa realidad ng mga iyon, magagawa rin nilang gumabay, umakay, at tumulong sa mga inaakay nila tungo sa isang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos at pagpasok sa realidad ng mga ito. Pero ang kakayahang maarok ang mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan ang mismong wala sa mga huwad na lider. Hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos, hindi nila alam ang mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga tao sa iba’t ibang sitwasyon na nalalantad sa Kanyang mga salita, o kung aling mga kalagayan ang nagbubunga ng paglaban, pagrereklamo, at pagkakanulo sa Diyos, at iba pa. Ang mga huwad na lider ay hindi nakakapagnilay-nilay sa kanilang sarili o hindi nila naiuugnay ang mga salita ng Diyos sa kanilang sarili, nauunawaan lang nila ang kaunting doktrina at kaunting regulasyon mula sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos. Kapag nakikipagbahaginan sila sa iba, bumibigkas lang sila ng ilang salita Niya, tapos ay ipinaliliwanag ang literal na kahulugan ng mga ito. At sa paggawa niyon, akala nila ay nakikipagbahaginan na sila sa katotohanan at gumagawa ng aktuwal na gawain. Kung kaya ng isang taong magbasa at magbigkas ng mga salita ng Diyos katulad ng ginagawa nila, iisipin nila na iyon ay isang taong nagmamahal at nakauunawa sa katotohanan. Nauunawaan lang ng isang huwad na lider ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos; sa esensiya ay hindi niya nauunawaan ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, kaya hindi niya kayang talakayin ang kanyang mga kaalaman batay sa karanasan tungkol sa mga ito. Ang mga huwad na lider ay walang abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos; kaya lang nilang maunawaan ang paimbabaw na kahulugan ng mga ito, pero naniniwala sila na iyon ang pag-arok sa Kanyang mga salita at pag-unawa sa katotohanan. Sa pang-araw-araw na buhay, palagi nilang binibigyan ng interpretasyon ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos para payuhan at tulungan ang iba, naniniwala sila na sa paggawa niyon ay gumagawa sila ng gawain, at na inaakay nila ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at pumasok sa realidad ng mga ito. Ang katunayan, kahit na madalas makipagbahaginan nang ganito ang mga huwad na lider sa iba tungkol sa mga salita ng Diyos, hindi nila kayang lutasin ang pinakamaliit na totoong problema, at naiiwan ang hinirang na mga tao ng Diyos na hindi maisagawa o maranasan ang Kanyang mga salita. Gaano man sila kadalas na dumalo sa mga pagtitipon o kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, hindi pa rin nila nauunawaan ang katotohanan, wala pa rin silang buhay pagpasok, at wala sa kanila ang kayang magtalakay tungkol sa kanilang mga kaalaman batay sa karanasan. Kahit na may masasamang tao at mga hindi mananampalataya na nagdudulot ng mga pagkagambala sa iglesia, walang sinumang kayang makakilatis sa kanila. Kapag nakakikita ang isang huwad na lider ng isang hindi mananampalataya o ng isang masamang tao na nagdudulot ng pagkagambala, hindi siya gumagamit ng pagkilatis, bagkus ay nagbibigay siya ng kanyang pagmamahal at payo sa taong iyon, hinihiling sa iba na maging mapagpaubaya at mapagpasensiya sa taong iyon, pinagbibigyan ito habang patuloy itong nagdudulot ng mga pagkagambala sa iglesia. Dahil dito, labis na walang ibinubunga ang bawat aytem ng gawain ng iglesia. Ito ang kahihinatnan ng pagkabigo ng isang huwad na lider na gumawa ng aktuwal na gawain. Hindi kayang gamitin ng mga huwad na lider ang katotohanan para lumutas ng mga problema, na sapat na nagpapakita na hindi nila taglay ang katotohanang realidad. Kapag nagsasalita sila, naglilitanya lang sila ng mga salita at doktrina, at ang tanging sinasabi nila sa iba na dapat isagawa ay mga doktrina at regulasyon. Halimbawa, kapag nagkakaroon ang isang tao ng maling pagkaunawa sa Diyos, sasabihin sa kanya ng mga huwad na lider, “Naipaliwanag na ito lahat ng mga salita ng Diyos: Anuman ang ginagawa ng Diyos, pagliligtas ito sa tao, pagmamahal ito. Tingnan mo kung gaano kalinaw, kung gaano kahayag ang Kanyang mga salita. Paanong mali pa rin ang pagkaunawa mo sa Kanya?” Ito ang uri ng tagubilin na ibinibigay ng mga huwad na lider sa mga tao. Naglilitanya sila ng mga salita at doktrina para manghikayat sa mga tao, pigilan sila, at pasunurin sila sa mga regulasyon. Kahit kaunti ay hindi ito epektibo, at hindi ito makalulutas ng anumang problema. Ang mga huwad na lider ay makakapagsalita lang ng mga salita at doktrina para gabayan ang mga tao, na nagiging dahilan para isipin ng mga tao na ang kakayahang magsalita ng mga doktrina ay nangangahulugang nakapasok na sila sa mga katotohanang realidad. Gayumpaman, kapag sumapit ang isang paghihirap sa kanila, hindi nila alam kung paano magsasagawa, wala silang landas, at ang lahat ng salita at doktrinang naunawaan nila ay nawawalan ng saysay. Ano ang ipinakikita nito? Ipinakikita nito na hindi talaga kapaki-pakinabang o mahalaga ang pag-unawa sa mga doktrina. Ang nauunawaan lang ng mga huwad na lider ay doktrina. Hindi nila kayang makipagbahaginan sa katotohanan para lumutas ng mga problema; walang mga prinsipyo sa kanilang mga kilos, at sa kanilang buhay ay sumusunod lang sila sa ilang regulasyon na sa tingin nila ay mabuti. Ang gayong mga tao ay hindi nagtataglay ng mga katotohanang realidad. Iyon ang dahilan kung bakit, kapag inaakay ng mga huwad na lider ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, walang nagiging tunay na epekto. Nagagawa lang nilang ipaunawa sa mga tao ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, at hindi nila natutulungan ang mga tao na magkamit ng kaliwanagan mula sa mga salita ng Diyos o maunawaan kung anong uri ng mga tiwaling disposisyon ang mayroon sila. Hindi nauunawaan ng mga huwad na lider kung ano ang kalagayan ng mga tao o kung anong disposisyong diwa ang ibinubunyag ng mga tao sa harap ng anumang partikular na sitwasyon, kung alin sa mga salita ng Diyos ang dapat na gamitin para lutasin ang mga maling kalagayan at tiwaling disposisyong ito, kung ano ang sinasabi tungkol sa mga ito sa mga salita ng Diyos, ang mga hinihingi at mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos, o ang mga katotohanan na nakapaloob dito. Walang nauunawaan ang mga huwad na lider sa mga katotohanang realidad na ito. Pinapayuhan lang nila ang mga tao sa pamamagitan ng pagsasabing, “Kumain at uminom pa kayo ng mga salita ng Diyos. May katotohanan sa mga ito. Mauunawaan mo ito kapag mas binasa mo pa ang Kanyang mga salita. Kung hindi mo nauunawaan ang ilan sa mga ito, dapat ka lang mas magdasal, maghanap, at magnilay sa mga ito.” Ganito nila pinapayuhan ang mga tao, at hindi nila malutas ang mga problema sa pagbibigay ng ganitong klase ng payo. Sino man ang nahaharap sa problema at lumalapit para maghanap mula sa kanila, ganoon din ang sinasabi nila. Pagkatapos, hindi pa rin kilala ng taong iyon ang sarili niya at hindi pa rin niya nauunawaan ang katotohanan. Hindi niya malulutas ang sarili niyang totoong problema, o mauunawaan kung paano niya dapat isagawa ang mga salita ng Diyos, at susunod lang siya sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos at sa mga regulasyon. Pagdating sa mga katotohanang prinsipyo ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos o kung aling mga realidad ang dapat niyang pasukin, hindi pa rin niya nauunawaan. Ito ang nagiging bunga ng gawain ng mga huwad na lider: wala ni isang tunay na resulta.

Hinihingi ng Diyos sa mga tao na manamit nang maayos at disente, nang may kagandahang-asal ng isang banal. “Nang maayos at disente, nang may kagandahang-asal ng isang banal”—sampung salita sa kabuuan, pero nauunawaan ba ninyo kung ano ang ibig sabihin ng mga ito? (Alam nating lahat na batay sa doktrina, hinihingi ng Diyos sa mga tao na manamit nang maayos at disente, nang may kagandahang-asal ng isang banal, pero kapag nananamit tayo, hindi natin alam kung paano tatantiyahin kung ano ang maayos o disente.) Tinutukoy nito ang problema ng kung nauunawaan ba ang katotohanan o hindi. Kung hindi ninyo ito matantiya, pinatutunayan nitong hindi ninyo nauunawaan ang mga salita ng Diyos. Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng pag-unawa sa mga salita ng Diyos? Ibig sabihin nito ay pag-unawa sa mga pamantayan sa pagiging maayos at disente na tinatalakay ng Diyos o, sa mas partikular, ang kulay at estilo ng pananamit. Aling mga kulay at estilo ang maayos at disente? Alam ng mga taong may abilidad na makaarok sa katotohanan kung ano ang maayos at disente, at ano ang kakatwa. Kahit na ang ilang damit ay maayos at disente, makaluma naman ang estilo ng mga iyon. Ayaw ng Diyos ng mga makalumang bagay, at hindi Niya hinihingi sa mga tao na gayahin ang mga estilo ng nakaraan o na maging mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Ang ibig sabihin ng Diyos sa “maayos at disente” ay pagkakaroon ng normal na wangis ng tao, pagmumukhang marangal, elegante, at may kapinuhan. Hindi hinihingi ng Diyos sa mga tao na magsuot ng mga kakatwang damit, ni magsuot ng mga sira-sirang damit na parang pulubi, kundi hinihingi Niya sa mga taong manamit nang maayos at disente, nang may kagandahang-asal ng isang banal. Ito ang pag-arok ng mga normal na tao. Pero pagkarinig dito, masyadong nag-alab ang damdamin ng isang huwad na lider, sinabi niya: “Ibinibigay sa atin ng mga salita ng Diyos ang saklaw ng pananamit. ‘Nang maayos at disente, nang may kagandahang-asal ng isang banal’—kung tutuparin natin ang sampung salitang ito, maluluwalhati natin ang Diyos, hindi natin Siya bibigyang-kahihiyan, at titingalain tayo sa gitna ng mga walang pananampalataya. Kaya, ano ang maayos at disente? Ito ay na dapat kayong magsalita at kumilos nang may wangis ng tao, at dapat mayroon kayong kagandahang-asal ng isang banal. Tungkol sa mga banal, sa pangkalahatan ay ang mga sinaunang banal ang tinutukoy natin. Kung gusto nating magkaroon ng kagandahang-asal ng isang banal, dapat nating gayahin ang estilo ng mga sinaunang banal, pero kung maglalakad-lakad kang suot ang mga sinaunang damit, iisipin ng mga tao na baliw ka. Hindi ito naaayon sa prinsipyo ng pagdadakila sa Diyos, pero makahahanap naman tayo ng ilang palatandaan ng mga damit na isinuot ng mga banal kamakailan. Mas maganda ang kapaligirang panlipunan ilang dekada na ang nakakalipas. Mas simple ang mga tao, at mas konserbatibo at maayos manamit. Kung mananamit ka ayon sa pamantayang ito, magiging maayos at disente ka, at magtataglay ka ng kagandahang-asal ng isang banal. Ito ang landas ng pagsasagawa.” Nang malamang nagsusuot ng puting polo at asul na pantalon ang mga tao noong dekada 70 at 80, sinabi niya sa mga kapatid, “Nakita ko ang liwanag sa mga salita ng Diyos. Nagsusuot ang mga tao noong dekada 70 at 80 ng mga damit na medyo maayos at simple. Hindi masasabing kagalang-galang ang mga iyon, pero mukhang mas umaayon ito sa mga hinihingi ng salita ng Diyos, kaya mananamit tayo ayon sa pamantayang ito.” Nanguna ang lider sa pagsusuot nito, at naisip ng lahat na maganda ito, medyo disente at simple. Sinabi ng lider: “Sinabi ng Diyos na huwag magsuot ng mga kakatwang damit. Una sa lahat, dapat na nakabutones ang polo hanggang sa leeg, at dapat ding nakabutones ang mga dulo ng manggas. Hindi dapat nakalitaw ang mga pulso, dapat na nakasuksok sa pantalon ang polo, at dapat ay tagong-tago ang lahat, na walang nakalantad na dibdib o likod. Tingnan ninyo kung gaano ito kaayos at kadisente! Hindi ba’t maayos at disente ito, at hindi ba’t nakaayon ito sa kagandahang-asal ng isang banal, gaya ng hinihingi ng Diyos?” Masyadong nasiyahan ang lider sa damit na suot niya sa mismong sandaling iyon, at kasabay niyon ay hiningi niya sa iba, “Masyadong moderno ang mga damit ninyo, masyadong sunod sa uso. Nagdadala ang mga iyan ng kahihiyan sa Diyos, at ayaw Niya ang mga iyan. Lahat kayo, bilisan ninyo at magsuot kayo ng suot ko, tularan ninyo ako!” Sumunod ang mga taong walang pagkilatis, naghahanap at nagsusuot ng diumano ay maayos at disenteng damit na nakaayon sa kagandahang-asal ng isang banal, at inisip pa nga ng karamihan ng mga tao na mabuti ito. Pero may ilang taong nasuklam sa kanilang puso sa mga makalumang bagay na ito, at naramdamang hindi nararapat ang paggawa nito, at ang pagkaunawang ito sa mga salita ng Diyos ay baluktot. Kahit na hindi masabi nang malinaw ng mga taong ito kung tama ba o maling makinig sa lider at hindi sila naglalakas-loob na bumuo ng mga kongklusyon, isinulong nilang huwag pikit-matang sumunod sa nakararami. Naniniwala silang hindi lubos na tama ang sinabi ng lider, at hindi nila ito sinunod. Tanging ang mga hangal na iyon, ang mga taong iyon na walang abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos, na hindi mismo nakabasa ng mga salita ng Diyos, ang sumunod sa anumang sinabi ng huwad na lider, at ginawa ang anumang ipinagawa sa kanila paanuman ito ipinagawa sa kanila. Sinunod nila ang huwad na lider at tinularan siya, nananamit sa parehong paraan kapag umaalis. Sa tuwing lalabas sila sa gitna ng mga tao, masyado silang nasisiyahan, iniisip nilang “Nananampalataya kami sa Makapangyarihang Diyos, at talagang may kagandahang-asal ng isang banal ang kasuotan ko. Ano ba ang suot ninyo? Ang sagwa, ang moderno, ang buktot naman! Tingnan ninyo kami, wala kaming anumang ipinapakita!” Akala nila ay kahanga-hanga sila. Bukod sa hindi napagtanto ng huwad na lider na maling interpretasyon ito sa mga salita ng Diyos, talagang inakala pa niyang isinasagawa niya ang mga salita ng Diyos at pagpasok ito sa realidad ng mga iyon. Ito ang ginagawa ng mga huwad na lider. Dahil kahit ang pinakasimple at pinakamadaling maunawaan sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, hindi tunay na nauunawaan ng mga huwad na lider kung ano ang tinutukoy ng mga salita ng Diyos, ang mga pamantayang hinihingi ng mga ito, o mga prinsipyo. Kung ganoon ay kaya ba nilang maunawaan ang sinasabi ng Diyos tungkol sa tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, o tungkol sa lahat ng uri ng kalagayan ng tao? Kaya ba nilang tumpak na malaman kung ano ang katotohanan dito? Siyempre, hindi.

Hindi taglay ng mga huwad na lider ang abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos; alam lang nila ang sinabi ng Diyos mula sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos pero hindi nila nauunawaan kung anong mga katotohanan ang ipinapahayag ng mga salita ng Diyos, kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, o kung anong mga katotohanang prinsipyo ang dapat maunawaan ng mga tao. Samakatwid, kapag nagbabahagi sila tungkol sa mga salita ng Diyos, gumagawa lang sila ng ilang literal na interpretasyon ng mga iyon at nagbibigay sa mga tao ng ilang patakaran, ilang panuntunang susundin, ginagamit ang mga ito para patunayang nauunawaan din nila ang mga salita ng Diyos at nakagawa sila ng gawain. Iniisip pa nga ng ilang huwad na lider na malinaw na ang mga salita ng Diyos, na ang mga tao ay palagi lang nabibigo na kainin at inumin ang mga iyon o magsikap. Dahil nakikitang ang lahat ay may mga hawak na aklat ng mga salita ng Diyos, itinuturing nilang kalabisan ang pag-akay sa mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Kaya, kapag nakakakita sila ng mga problema tuwing may mga pagtitipon o habang ginagawa nila ang mga tungkulin nila, pinapadalhan lang nila ang mga tao ng ilang piling sipi ng mga salita ng Diyos, sinasabihan ang mga ito ng mga bagay na gaya ng, “Basahin ninyo ang siping ito ng mga salita ng Diyos”; “Basahin ninyo ang siping iyan ng mga salita ng Diyos”; o “Ito ang sinasabi ng mga salita ng Diyos tungkol sa aspektong ito, at iyon naman tungkol sa aspektong iyon.” Pinapadalhan lang nila ang mga tao ng mga piling sipi ng mga salita ng Diyos, gumagamit ng mapanghikayat na paraan para himukin ang mga tao na basahin ang mga salita ng Diyos, naniniwalang ganito dapat akayin ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at na tinutupad nila ang responsabilidad ng isang lider. Pagkatapos makita ang mga salitang ito, sinasabi ng mga tao, “Nabasa ko na rin ang mga salitang ito ng Diyos; hindi ba’t kalabisan para sa iyo na tipunin ang mga salitang ito para sa akin?” Gayumpaman, iniisip ng mga huwad na lider, “Kung hindi ko ipapadala sa iyo ang mga iyon, hindi mo mahahanap kung nasa aling kabanata o aling pahina ang mga salitang ito. Ni hindi mo nga alam kung sa anong konteksto sinabi ng Diyos ang mga salitang ito. Bilang isang lider, dapat kong akuin ang responsabilidad na ito, ang padalhan ka ng mga salita ng Diyos sa anumang oras, saanmang lugar.” May ilang huwad na lider na, sa pagbuhos ng pagmamahal, ay nagpapadala pa nga sa isang tao ng sampu hanggang dalawampung sipi ng mga salita ng Diyos sa isang araw, para ipakita ang katapatan nila sa gawain nila at ang determinasyon nilang akayin ang mga tao patungo sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ipinapadala sa mga tao ang mga salitang ito ng Diyos, pero nalulutas ba ang mga problema ng mga ito? Natutupad ba nila ang papel na dapat gampanan ng isang lider? Madalas, hindi nila natutupad ang papel na ito, dahil kung kaya ng mga taong maunawaan ang mga salitang ito nang sila lang, hindi na nila kakailanganin ng isang lider. Alam na alam naman talaga ng mga taong madalas magbasa ng mga salita ng Diyos ang mga sipi ng mga salita ng Diyos na ipinapadala ng mga huwad na lider, pero ano ang kulang sa mga tao? Ano ang mga paghihirap at problema nila? Iyon ay, pagdating sa mga isyung may kinalaman sa mga katotohanang ito, kapag nahaharap sa mga paghihirap, hindi makita ng mga tao kung ano ba talaga ang diwa ng mga problemang ito, hindi nila alam kung saan magsisimula para malutas ang mga iyon, at hindi nila alam kung paano pumasok sa mga katotohanang ito—at hindi rin alam ng mga huwad na lider. Kung ganoon, natupad ba nila ang responsabilidad nila sa bagay na ito? Mahusay ba sila sa gawaing pamumuno? Malinaw na hindi nila natupad ang responsabilidad na ito. Halimbawa, kapag nababasa ng mga tao sa mga salita ng Diyos ang tungkol sa pagiging matapat na tao, dahil hindi alam ng isang huwad na lider kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at wala silang kakayahang maarok at maunawaan ang katotohanan, sasabihin nila: “Hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos. Hinihingi sa atin ng Diyos na maging matatapat na tao, at ang ibig sabihin ng pagiging matapat ay pagsasalita nang totoo. Hindi ba’t nasabi na itong lahat ng mga salita ng Diyos: ‘Ang magiging pananalita ninyo ay, “Oo, oo; Hindi, hindi”’ (Mateo 5:37)? Napakalinaw ng mga salita ng Diyos! Sabihin mo lang ang anumang nasa puso mo; napakasimple niyon! Bakit hindi mo ito magawa? Ang salita ng Diyos ang katotohanan, dapat natin itong isagawa. Ang hindi pagsasagawa rito ay paghihimagsik, at inililigtas ba ng Diyos ang mga taong naghihimagsik laban sa Kanya? Hindi.” Pagkarinig dito, tumutugon ang mga tao, “Tama ang lahat ng sinasabi mo, pero hindi pa rin namin alam kung paano maging matatapat na tao. Dahil sa maraming pagkakataon, hindi sinasadya ang pagsisinungaling, o isa itong bagay na ginagawa ng isang tao kapag wala na siyang ibang pagpipilian, at may dahilan sa likod nito. Paano ito dapat lutasin?” Ano ang sasabihin ng huwad na lider? “Hindi ba’t madali itong asikasuhin? Hindi ba’t nilinaw na ito ng mga salita ng Diyos? Ang pagiging isang matapat na tao ay tulad lang ng pagiging isang bata; napakasimple niyon! Kahit ilang taon ka na, hindi mo ba kayang maging tulad ng isang bata? Tingnan mo lang kung paano umasal ang mga bata.” Pagkatapos ay iniisip-isip ng tagapakinig: “Ang mga pangunahing pag-uugali ng isang bata ay pagiging walang-muwang at masigla, palundag-lundag, pagiging immature, at hindi pagkakaunawa sa maraming bagay. Dahil sinabi ng lider, gagawin ko ito sa ganitong paraan.” Kinabukasan, itong taong lampas tatlumpu o apatnapung taong gulang na ay nagtali ng buhok niya sa dalawang maliliit na tirintas, nagsuot ng kulay rosas na headband at mga ipit sa buhok, nagsuot ng kulay rosas na damit, sapatos, at medyas, nagsuot ng puro kulay rosas. Pagkakita rito, sinabi ng lider, “Tama iyan! Maglakad ka na mas parang bata, palundag-lundag. Magsalita ka nang mas inosente na gaya ng isang bata, walang kabuktutan ang mga mata, at may ngiti sa iyong mukha—hindi ba’t pagbabalik ito sa pag-uugali ng isang bata? Ito ang pag-uugali ng isang matapat na tao!” Tuwang-tuwa ang lider, habang ang tingin dito ng iba ay hangal at hindi normal na pag-uugali. Bukod sa hindi nalutas ng huwad na lider na ito ang problema, hindi man lang niya alam kung paano hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, inaakay ang mga tao sa landas ng kahangalan. Kahit sa pinakasimpleng katotohanan ng pagiging isang matapat na tao, hindi alam ng huwad na lider kung paano ito aarukin nang tama at dalisay, kaya pikit-mata na lang siyang nagpapatupad ng mga patakaran, sobrang baluktot itong inaarok na nasusuklam ang mga nakakarinig dito. Ito ang ginagawa ng mga huwad na lider.

Naaarok ng mga huwad na lider ang mga salita ng Diyos sa lahat ng uri ng paraan, nakakaisip sila ng iba’t ibang kakatwa at kakaibang perspektiba. Iwinawagayway rin nila ang bandera ng pagsasagawa at pagsunod sa mga salita ng Diyos, iniuutos sa ibang tanggapin at sundin ang pag-arok nila. Sa madaling salita, ang mga taong tulad ng mga huwad na lider na ito ay madalas na mababaw at baluktot ang pag-arok sa mga salita ng Diyos. Kung gagamit ng espirituwal na termino para tukuyin ito, masasabi nating “wala silang espirituwal na pang-unawa.” Bukod sa baluktot ang pag-arok nila sa mga salita ng Diyos, madalas din nilang iniuutos sa iba na sundin ang mga baluktot na doktrina at patakarang ito tulad lang nila. Samantala, ginagamit nila ang baluktot nilang pag-arok para kondenahin ang mga taong may dalisay na pag-arok sa katotohanan. Dahil walang espirituwal na pang-unawa ang mga huwad na lider na ito, hindi nila sinisiyasat at sinusuri ang mga salita ng Diyos gaya ng ginagawa ng mga anticristo. Sa panlabas, mukhang hinaharap nila ang mga salita ng Diyos nang may mala-aliping saloobin na kumain at uminom at tumanggap. Gayumpaman, dahil sa mahina nilang kakayahan at kawalan nila ng abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos, itinuturing nila ang mga salita ng Diyos na para bang aklat-pampaaralan ang mga iyon, pinaniniwalaang sumusunod ang mga salita ng Diyos sa lohika ng “ang isa dagdagan ng isa ay dalawa, ang dalawa dagdagan ng dalawa ay apat.” Hindi nila alam na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at para makapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, dapat maunawaan ng isang tao kung ano ang tinutukoy ng mga katotohanang sinasabi sa mga salita ng Diyos, at kung ano ang iba’t ibang kalagayan at nilalamang kalakip ng mga katotohanang ito. Kapag inaarok ng iba ang mga salita ng Diyos sa isang masyadong kongkreto at praktikal na paraan, itinuturing nila itong paimbabaw at hindi karapat-dapat pakinggan, sinasabing, “Nauunawaan ko ang lahat ng ito, alam ko ang lahat. Ang sinasabi mo ay malinaw nang naipaliwanag sa mga salita ng Diyos, bakit kailangan mo pa itong sabihin?” Ang totoo, hindi nila alam na ang tinatalakay ng iba ay may kaakibat na partikular na nilalamang may kaugnayan sa mga katotohanang nasa mga salita ng Diyos. Dahil ang mga huwad na lider na ito ay walang espirituwal na pang-unawa at hindi nagtataglay ng abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos, iniisip nilang ang lahat ng katotohanan ay halos magkakapareho, na walang mga partikular na pagkakaiba sa mga isyung tinatalakay ng mga katotohanan; pinaniniwalaan nila na sa kabila ng walang-tigil na pagtalakay sa mga bagay na ito, halos iisang isyu lang ang lahat ng iyon. Ipinahihiwatig ng paniniwalang ito ang isang malubhang problema, at itinatakda nitong hindi kailanman maunawaan ng ganoong mga indibidwal ang katotohanan.

Hindi Kayang Akayin ng mga Huwad na Lider ang mga Tao Patungo sa Katotohanang Realidad

Ngayon, may mga indibidwal na mahusay ang kakayahan at may abilidad na umarok na nagkaroon na ng kaunting karanasan at pagpasok sa mga pangunahing salita ng Diyos at nagtataglay ng kaunting katotohanang realidad, pero kailangan nila ng higit pang partikular na gabay at pamumuno para maging mas pino at detalyado ang pagpasok nila. Mga huwad na lider lang ang hindi nakakaunawa kung ano ang tinutukoy ng mga partikular na detalye ng katotohanan o kung bakit binabanggit ang mga iyon sa ganoong paraan, iniisip nila na ginagawa nitong komplikado ang mga bagay-bagay nang hindi naman kinakailangan o na minamanipula nito ang mga salita. Hindi nila nauunawaan o nalalaman kung paano arukin o danasin ang iba’t ibang aspektong nakapaloob sa katotohanan. Samakatwid, pagkatapos maging mga lider ay kaya lang nilang akayin ang mga tao na kainin at inumin ang mga karaniwang pinagbabahaginang salita ng Diyos, pagkatapos ay talakayin ang ilang doktrina, at ibuod ang ilang paraan ng pagsasagawa ng pagsunod sa mga patakaran, at ang nakakamit ng mga tao sa mga iyon ay ilang mababaw na espirituwal na termino at karaniwang binibigkas na salita at doktrina, patakaran, at islogan lang. Para sa mga bagong mananampalataya, puwedeng kahit papaano ay sumapat sa loob ng isa o dalawang taon ang mga pangangaral ng mga huwad na lider, pero pagkalipas ng isa o dalawang taon, ang mga taong nakaunawa na ng ilang katotohanan ay magsisimula nang makakilatis sa mga pahayag at pamamaraan ng mga huwad na lider. Para naman sa mga taong pundamental na walang abilidad na umarok, kahit paano pa mangaral ang mga huwad na lider, wala silang nararamdaman, wala silang kamalayan, at hindi nila napapagtanto na ang ipinangangaral ng mga lider na ito ay mga salita at doktrina lang, at na ang nauunawaan nila ay mga hungkag na teorya, islogan, at patakaran lang, na talagang hindi ang katotohanan. Batay sa mga pagpapamalas na ito, kaya bang tuparin ng mga huwad na lider ang responsabilidad na “akayin ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at unawain ang mga ito, at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos”? Kaya ba nilang tuparin ang papel na ito? Kaya ba nilang tuparin ang mga responsabilidad nila? (Hindi.) Bakit hindi nila kaya? Ano ang pangunahing isyu? (Ang ganoong mga tao ay walang espirituwal na pang-unawa at hindi kayang arukin ang katotohanan.) Wala silang espirituwal na pang-unawa at hindi nila kayang arukin ang katotohanan, pero gusto pa rin nilang pamunuan ang iba—napakaimposible nito! Ang asahan ang mga huwad na lider na akayin ang mga tao na maunawaan ang mga salita ng Diyos at makapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos ay katulad ng pagtatangkang ipako ang isang gulaman sa dingding—imposible itong mangyari! Halimbawa na lang, ang pagiging matapat na tao: Medyo simple ang mga salita ng Diyos tungkol sa puntong ito, ilang pangungusap lang ang mga iyon, hindi komplikado. Alam ng sinumang may kaunting pinag-aralan kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito. Pero para patunayang kaya nila ang gawain at kaya nilang pamunuan ang mga tao, nagpapaliwanag ang mga huwad na lider batay sa mga salita ng Diyos: “Ano ang kabuluhan ng hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat? Ito ay na ang pagiging matapat na tao ang gustong-gusto ng Diyos. Ang mga walang pananampalataya ay hindi matatapat, hindi sila nagsasabi ng totoo, at pawang mga kasinungalingan at nakakalinlang na salita ang sinasabi nila; ang buong mundo ay isang malaking bayan ng kasinungalingan. Samakatwid, ang unang bagay na iniuutos ng Diyos nang pumarito Siya ngayon ay ang maging matapat ang mga tao. Kung hindi ka matapat na tao, hindi ka mamahalin ng Diyos; kung hindi ka matapat na tao, hindi ka maliligtas, ni makakapasok sa kaharian; kung hindi ka matapat na tao, hindi mo maisasagawa ang katotohanan, at tiyak na isa kang mapanlinlang na tao; kung hindi ka matapat na tao, hindi ka pasok sa pamantayan bilang isang nilikha.” Nauunawaan na ba ninyo ngayon kung paano maging matapat na tao? (Hindi.) Pagkatapos ng lahat ng iyon, hindi pa rin ito malinaw. Pagkarinig dito ng mga bagong mananampalataya, pakiramdam nila ay maganda ang mga salitang ito, isang bagay na hindi pa nila naririnig sa dalawampu o tatlumpung taon nila sa relihiyon. Sinasabi pa nga ng ilan, “Makapangyarihan ang mga salitang ito, ang bawat pangungusap ay karapat-dapat sa isang ‘Amen.’ Napakaganda ng sermon na ito, isa talaga itong sermon ng Kapanahunan ng Kaharian!” Pagkatapos ay nagpapatuloy ang mga huwad na lider: “Hinihingi sa atin ng Diyos na maging matatapat na tao, kaya matatapat na tao ba tayo?” Pinagninilayan ito ng ilan: “Dahil hinihingi sa atin ng Diyos na maging matatapat na tao, ibig sabihin nito ay hindi pa tayo matatapat na tao.” Ang ilan ay nananatiling tahimik, iniisip na, “Itinuturing ko ang sarili kong medyo totoo. Hindi ako kailanman nakikipag-away sa iba, at kapag nakikipagtransaksiyon, hindi ako nangangahas na mandaya ng sinuman. Minsan, kung medyo makakapagsamantala ako, ni hindi ako makatulog sa gabi. Matapat na tao ba ako? Palagay ko ay taong totoo ako, at hindi ba’t pareho ang ibig sabihin niyon sa pagiging matapat na tao?” Sinasabi ng iba, “Likas na hindi ko kayang magsinungaling. Namumula ang mukha ko sa tuwing magsasabi ako ng hindi totoo, kaya malamang na matapat na tao ako, hindi ba?” Pagkatapos ay idinadagdag ng mga huwad na lider, “Matapat na tao ka man, dahil hinihingi sa atin ng salita ng Diyos na maging matapat, kailangang maging matapat na tao ka. Kung kikilos ka ayon sa mga salita ng Diyos, isa kang matapat na tao. Kung ganoon ay makakawala ka sa panlilinlang, sa mga gapos ng madilim na impluwensiya ni Satanas. Sa sandaling maging matapat na tao ka, makakapasok ka sa katotohanang realidad, matutupad mo ang mga tungkulin mo, at makakapagpasakop ka sa Diyos.” Nauunawaan na ba ninyo ngayon kung paano maging matapat na tao? (Hindi.) Pero, natutuwa ang iba: “Makapangyarihan ang mga salitang ito. Amen! Tama ang bawat pangungusap. Wala sa mga ito ang direktang mula sa mga salita ng Diyos, pero lahat ay naarok mula sa mga salita ng Diyos. Mahusay ang pag-arok na ito! Bakit ba hindi ako makaarok nang ganito? Mukhang tunay na karapat-dapat sa titulo ang lider na ito, talagang ginawa siya para sa pamumuno!” Pagkarinig dito ay nagninilay-nilay ang mga taong may kakayahan at katalinuhan: “Hindi mo pa naipaliwanag kung ano ang isang matapat na tao. Paano ba talaga magiging matapat na tao ang isang tao?” Nagpapatuloy ang mga huwad na lider: “Ang ibig sabihin ng pagiging matapat na tao ay hindi pagsisinungaling. Halimbawa, kung nakiapid ka na noon, magdasal ka sa Diyos at magtapat kung ilang beses mo na iyong nagawa, at kung kanino. Kung pakiramdam mo ay hindi mo makita o mahawakan ang Diyos, dapat kang magtapat sa lider, nang nililinaw ang lahat. Ang diretsahang pagtatapat ang pinakapangunahing hinihingi sa pagiging isang matapat na tao. Dagdag pa rito, tungkol ito sa pagpapahayag sa nilalaman ng puso mo, hindi paghahalo ng kasinungalingan sa anumang bagay. Kung paano ka mag-isip tungkol sa anumang bagay, kung anong mga intensiyong mayroon ka, kung anong katiwalian ang ipinapakita mo, kung sino ang kinamumuhian o isinusumpa mo sa puso mo, kung sino ang gusto mong saktan o pagplanuhan ng masama—ang lahat ay dapat na maipagtapat sa mga indibidwal na iyon. Sa paggawa niyon, nagiging bukas at prangka ka, namumuhay sa liwanag. Ito ang kahulugan ng pagiging isang matapat na tao. Dapat na bitiwan ng isang matapat na tao ang kanyang ego; dapat niyang maipakita at mahimay ang mga pinakamasama at pinakamadilim na bahagi ng puso niya.” Pagkarinig dito, nauunawaan na ba ninyo ngayon kung paano maging matapat na tao? (Hindi pa rin.) Kahit pagkatapos makinig, mga doktrina lang ang nauunawaan ng isang tao, hindi mga partikular na pagsasagawa. Sa ganoong pag-arok sa mga salita ng Diyos, inaakay ng mga huwad na lider ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos sa ganitong paraan, at nagbabahagi rin sila sa ganitong paraan, iniisip na sila ang pinakanakakaunawa sa mga salita ng Diyos, ang may abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos, at ang kayang umakay sa mga tao patungo sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ang totoo, ang naiintindihan at ibinabahagi nila ay pawang mga doktrina at islogan lang, walang anumang naitutulong sa mga taong gustong hanapin ang mga katotohanang realidad at unawain ang mga katotohanang prinsipyo. Pero, pinaniniwalaan pa rin ng mga huwad na lider na nagtataglay sila ng mahusay na abilidad na umarok, na may mga pambihira silang kabatiran sa mga salita ng Diyos, at nakatataas sila sa mga karaniwang tao. Nag-iikot-ikot sila na ipinapangaral ang mga doktrina at islogang ito, nagkukumpara pa nga ng iba, madalas na ginagamit ang mga doktrina at islogang ito para makipag-away nang pasalita, at madalas pa ngang ginagamit ang mga iyon para magsermon, magpungos, manghusga, at magkondena ng mga tao. Iniisip nila na sa paggawa niyon ay gumagawa sila ng gawain, na dinadala nila ang mga salita ng Diyos sa tunay na buhay, at inilalapat ang mga salita ng Diyos. Hindi ba’t isa itong nakagugulong bagay? Hindi kayang unawain ng mga huwad na lider ang mga salita ng Diyos, hindi nila kayang akayin ang mga tao patungo sa realidad ng mga salita ng Diyos. Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, kaya lang nilang magbahagi ng ilang salita at doktrina, pero ipinangangaral at ipinangangalandakan pa nila ang mga iyon. Pero ang totoo, wala silang anumang katotohanang nauunawaan sa mga salita ng Diyos. Halimbawa, hindi nila nauunawaan ang ilang magkakatulad na espirituwal na termino o magkakatulad na pagpapahayag, hindi rin nila alam ang pagkakaiba-iba ng mga iyon o kung paano iaakma ang mga iyon sa mga tunay na sitwasyon. Bukod sa pagsunod sa mga patakaran at pagbigkas ng mga salita at doktrina, wala silang tunay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos at hindi nila tunay na isinasagawa ang mga iyon. Samakatwid, malinaw na mismong ang mga huwad na lider ay hindi nakakaunawa sa katotohanan, hindi rin nila kayang akayin ang mga tao na maunawaan ang mga salita ng Diyos at makapasok sa katotohanang realidad. Naipakita na natin ito gamit ang halimbawa ng pagiging isang matapat na tao. Dahil hindi alam kung paano uunawain ang katotohanan ng pagiging matapat na tao, ginagamit na lang ng mga huwad na lider ang pagbigkas sa mga salita at doktrina at pangangaral ng mga islogan, inililihis ang mga hangal at mga taong naguguluhan na iyon na walang espirituwal na pang-unawa, iniiwan silang nalilito. Pagkatapos pakinggan ang mga salita at doktrinang ito, masyado nilang iniidolo ang mga huwad na lider at, pagkatapos sundan ang mga huwad na lider sa loob ng ilang taon, sa huli ay hindi nila nauunawaan kahit ang mga pinakasimpleng katotohanan, hindi sila nagkakaroon ng anumang pagpasok sa mga iyon. Dito na natin tatapusin ang pagbabahaginan natin tungkol sa aytem na ito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.