Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Tatlong Yugto ng Gawain | Sipi 9

Agosto 27, 2021

Ang gawain ng Diyos sa tao ay hindi itinatago sa tao, at dapat malaman ng lahat ng sumasamba sa Diyos. Dahil naisagawa ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas sa tao, dapat malaman ng tao ang pagpapahayag kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya sa panahon ng tatlong yugtong ito ng gawain. Ito ang kailangang gawin ng tao. Ang itinatago ng Diyos sa tao ay yaong hindi kayang magawa ng tao, at yaong hindi dapat malaman ng tao, samantalang yaong ipinapakita ng Diyos sa tao ay yaong dapat malaman ng tao, at yaong dapat taglayin ng tao. Bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ay isinasagawa ayon sa pundasyon ng naunang yugto; hindi ito isinasagawa nang paisa-isa, na hiwalay sa gawain ng pagliligtas. Bagama’t may malalaking pagkakaiba sa kapanahunan at sa gawaing isinasagawa, nasa sentro pa rin nito ang pagliligtas sa sangkatauhan, at bawat yugto ng gawain ng pagliligtas ay mas malalim kaysa sa huli. Bawat yugto ng gawain ay nagpapatuloy mula sa pundasyon ng huli, na hindi tinanggal. Sa ganitong paraan, sa Kanyang gawain na laging bago at hindi kailanman luma, patuloy na ipinapahayag ng Diyos ang mga aspeto ng Kanyang disposisyon na hindi pa naipahayag sa tao kailanman, at palaging inihahayag sa tao ang Kanyang bagong gawain at Kanyang bagong katauhan, at kahit ginagawa ng matatagal nang miyembro ng relihiyon ang lahat para labanan ito, at hayagan itong kinokontra, laging gumagawa ang Diyos ng bagong gawain na layon Niyang gawin. Ang Kanyang gawain ay laging nagbabago, at dahil dito, lagi itong kinokontra ng tao. Kaya lagi ring nagbabago ang Kanyang disposisyon, gayundin ang kapanahunan at mga tumatanggap ng Kanyang gawain. Bukod pa riyan, lagi Siyang gumagawa ng gawaing hindi pa kailanman nagawa dati, nagsasagawa rin ng gawain na sa tingin ng tao ay mukhang salungat sa gawaing ginawa dati, na laban dito. Nagagawa lamang tanggapin ng tao ang isang uri ng gawain, o isang paraan ng pagsasagawa, at mahirap para sa tao ang tanggapin ang gawain, o mga paraan ng pagsasagawa, na taliwas, o mas mataas, kaysa sa kanila. Ngunit ang Banal na Espiritu ay laging gumagawa ng bagong gawain, kaya nga may lumilitaw na sunud-sunod na grupo ng mga eksperto sa relihiyon na kumokontra sa bagong gawain ng Diyos. Ang mga taong ito ay naging mga eksperto dahil mismo sa ang tao ay walang kaalaman kung paanong ang Diyos ay laging bago at hindi kailanman luma, at walang kaalaman tungkol sa mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at, higit pa riyan, walang kaalaman sa maraming paraan kung paano inililigtas ng Diyos ang tao. Dahil dito, hindi lubos na masabi ng tao kung ito ay gawaing nagmumula sa Banal na Espiritu, at kung ito ang gawain ng Diyos Mismo. Maraming tao ang nakakapit sa isang pag-uugali na, kung ang isang bagay ay umaayon sa mga salitang nauna, tinatanggap nila ito, at kung may mga pagkakaiba sa gawain noong araw, kinokontra at tinatanggihan nila ito. Ngayon, hindi ba kayo sumusunod na lahat sa gayong mga prinsipyo? Ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas ay hindi pa nagkaroon ng malaking epekto sa inyo, at may mga naniniwala na ang naunang dalawang yugto ng gawain ay isang pasanin na talagang hindi nila kailangang malaman. Iniisip nila na ang mga yugtong ito ay hindi dapat ipahayag sa masa at dapat bawiin sa lalong madaling panahon, upang hindi matakot ang mga tao sa naunang dalawang yugto ng tatlong yugto ng gawain. Naniniwala ang karamihan na hindi na kailangan pang ipaalam ang naunang dalawang yugto ng gawain, at hindi ito nakakatulong sa pagkilala sa Diyos—iyan ang akala ninyo. Ngayon, naniniwala kayong lahat na tamang kumilos sa ganitong paraan, ngunit darating ang araw na matatanto ninyo ang kahalagahan ng Aking gawain: Dapat ninyong malaman na wala Akong ginagawang anumang gawain na walang kabuluhan. Dahil ipinapahayag Ko ang tatlong yugto ng gawain sa inyo, kailangang maging kapaki-pakinabang ang mga ito sa inyo; dahil ang tatlong yugtong ito ng gawain ay nasa sentro ng buong pamamahala ng Diyos, kailangang magtuon dito ang lahat sa buong sansinukob. Balang araw, matatanto ninyong lahat ang kahalagahan ng gawaing ito. Dapat ninyong malaman na kinokontra ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil sa inyong padalus-dalos na pagtrato sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong pagkontra sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na masuwayin. Matapos masumpungan ang kanilang paniniwala sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko na sumusukat sa mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, na nagkokomento at nagsasalita nang wala sa lugar; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katinuan sa kanila. Hindi ba darating ang araw na itatakwil ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay pinipintasan ang Kanyang gawain, at sinusubukan ding turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paano makikilala ng gayong mga taong wala sa katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang naghahanap at nagdaranas; hindi nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pamimintas ayon sa gusto niya. Kapag mas tumpak ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, mas hindi nila Siya kinokontra. Sa kabilang dako, kapag mas kakaunti ang alam ng tao tungkol sa Diyos, mas malamang na kontrahin nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong likas na pagkatao, at ang iyong pagkatao, ugali at moral na pananaw ang puhunan na ipinanlalaban mo sa Diyos, at habang mas tiwali ang iyong moralidad, kasuklam-suklam ang iyong mga katangian, at mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may mapagmagaling na disposisyon ay mas lalo pang kinapopootan ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ang mga anticristo. Kung hindi naitama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang malalayo sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Tingnan ang iba pa

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

I-share

Kanselahin