Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Pagkakatawang-tao | Sipi 111
Oktubre 30, 2020
Ipinapamalas lamang ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang sarili sa ilang tao na sumusunod sa Kanya sa panahong ito kung kailan personal Niyang isinasagawa ang Kanyang gawain, at hindi sa lahat ng nilalang. Naging tao lamang Siya upang makumpleto ang isang yugto ng Kanyang gawain, hindi upang ipakita sa tao ang Kanyang larawan. Gayunpaman, dapat na tuparin Niya mismo ang Kanyang gawain, kaya kinakailangan Niya itong gawin sa katawang-tao. Kapag natapos na ang gawaing ito, aalis na Siya mula sa daigdig ng mga tao; hindi Siya maaaring manatili nang mahabang panahon sa sangkatauhan dahil sa takot na mahadlangan ang darating na gawain. Ang ipinapamalas Niya sa marami ay ang Kanya lamang matuwid na disposisyon at ang lahat ng Kanyang gawa, at hindi ang larawan ng kung kailan Siya dalawang beses na nagkatawang-tao, dahil ang larawan ng Diyos ay maaari lamang maipakita sa Kanyang disposisyon, at hindi mapapalitan ng larawan ng Kanyang nagkatawang-taong laman. Ipinapakita lamang sa limitadong bilang ng mga tao ang larawan ng Kanyang katawang-tao, tanging sa mga taong sumusunod sa Kanya habang gumagawa Siya sa katawang-tao. Ito ang dahilan kung bakit ang gawaing ipinapatupad ngayon ay ginagawa nang lihim. Tulad ni Jesus na ipinakita lamang ang Kanyang sarili sa mga Judio noong ginawa Niya ang Kanyang gawain, at hindi kailanman hayagan na ipinakita ang Kanyang sarili sa ibang bansa. Kaya, sa sandaling nakumpleto Niya ang Kanyang gawain, kaagad Niyang nilisan ang mundo ng tao at hindi nanatili; pagkatapos, hindi Siya, na larawan ng tao, ang nagpakita ng Kanyang sarili sa tao, kundi ang Banal na Espiritu na direktang nagsakatuparan ng gawain. Kapag ganap nang natapos ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, aalis na Siya mula sa mortal na mundo, at hindi na kailanman pang muling gagawa ng anumang gawain na katulad ng Kanyang ginawa noong Siya ay nagkatawang-tao. Pagkatapos nito, ang gawain ay direktang ginagawa lahat ng Banal na Espiritu. Sa panahong ito, halos hindi nakikita ng tao ang Kanyang larawan sa katawang-tao; hindi Niya ipinapakita ang Kanyang sarili sa tao sa anumang paraan, at nananatiling nakatago magpakailanman. May limitadong oras para sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Isinasagawa ito sa isang tiyak na kapanahunan, oras, bansa at sa mga partikular na tao. Ang gawaing ito ay kumakatawan lamang sa gawain sa panahong ang Diyos ay nagkatawang-tao, at ito ay partikular sa kapanahunan; kumakatawan ito sa gawain ng Espiritu ng Diyos sa isang partikular na kapanahunan, at hindi sa kabuuan ng Kanyang gawain. Samakatuwid, hindi ipapakita sa lahat ng bayan ang larawan ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang ipinapakita sa marami ay ang katuwiran ng Diyos at ang Kanyang disposisyon sa kabuuan nito, sa halip na ang Kanyang larawan nang dalawang beses Siyang naging tao. Ang ipinapakita sa tao ay hindi ang isang larawan, ni ang dalawang larawang pinagsama. Samakatuwid, kinakailangang umalis ang laman ng nagkatawang-taong Diyos sa daigdig kapag nakumpleto na ang gawain na kailangan Niyang gawin, sapagkat dumarating lamang Siya upang gawin ang gawain na dapat Niyang gawin, at hindi upang ipakita sa mga tao ang Kanyang larawan. Kahit na ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ay natupad na ng Diyos nang dalawang beses na maging tao, hindi pa rin Niya lantarang ipapamalas ang Kanyang sarili sa anumang bansa na kailanman ay hindi pa Siya nakita. Hindi na kailanman muling ipapakita ni Jesus ang Kanyang Sarili sa mga Judio bilang ang Araw ng katuwiran, ni aakyat Siya sa Bundok ng mga Olibo at magpapakita sa lahat ng bayan; ang nakita lamang ng mga Judio ay ang larawan ni Jesus sa Kanyang panahon sa Judea. Ito ay dahil ang gawain ni Jesus na nagkatawang-tao ay natapos na dalawang libong taon na ang nakakaraan; hindi Siya babalik sa Judea sa larawan ng isang Judio, lalo nang hindi Niya ipapakita ang Kanyang sarili sa larawan ng isang Judio sa alinman sa mga bansang Gentil, sapagkat ang larawan ni Jesus na nagkatawang-tao ay ang larawan lamang ng isang Judio, at hindi ang larawan ng Anak ng tao na nakita ni Juan. Bagama’t ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod na Siya ay muling darating, hindi Niya basta ipapakita ang Kanyang Sarili sa larawan ng isang Judio sa lahat niyaong nasa mga bansang Gentil. Dapat ninyong malaman na ang gawain ng Diyos na naging tao ay ang magbukas ng isang bagong kapanahunan. Ang gawaing ito ay limitado sa iilang taon, at hindi Niya matatapos ang lahat ng gawain ng Espiritu ng Diyos. Ito ay kapareho ng kung paanong ang larawan ni Jesus bilang isang Judio ay maaari lamang kumatawan sa larawan ng Diyos noong gumawa Siya sa Judea, at ang maaari lamang Niyang gawin ay ang gawain ng pagpapapako sa krus. Noong panahon na si Jesus ay nagkatawang-tao, hindi Niya maaaring gawin ang gawain ng paghahatid ng kapanahunan sa isang katapusan o pagwasak sa sangkatauhan. Samakatuwid, pagkatapos Niyang maipako sa krus at matapos ang Kanyang gawain, umakyat Siya sa itaas at magpakailanmang ikinubli ang Kanyang sarili mula sa tao. Mula noon, ang mga tapat na mananampalataya sa mga bansang Gentil ay nakita lamang ang larawan Niya na inilagay nila sa mga pader, at hindi ang pagpapakita ng Panginoong Jesus. Ang larawan na ito ay isa lamang guhit ng tao, at hindi ang larawan na ipinakita ng Diyos Mismo sa tao. Hindi lantarang ipapakita ng Diyos ang Kanyang Sarili sa maraming tao sa larawan nang Siya ay dalawang beses na nagkatawang-tao. Ang gawaing ginagawa Niya sa sangkatauhan ay ang tulutan silang maunawaan ang Kanyang disposisyon. Itong lahat ay ipinapakita sa tao sa pamamagitan ng gawain ng iba’t ibang kapanahunan; natutupad ito sa pamamagitan ng disposisyon na ipinakilala Niya at ang gawaing Kanyang ginawa, sa halip na sa pamamagitan ng pagpapakita ni Jesus. Ibig sabihin, ang larawan ng Diyos ay hindi ipinakilala sa tao sa pamamagitan ng nagkatawang-taong larawan, kundi sa pamamagitan ng gawain na isinasagawa ng Diyos na nagkatawang-tao na may kapwa larawan at anyo; at sa pamamagitan ng Kanyang gawain, ang Kanyang larawan ay ipinapakita at ang Kanyang disposisyon ay ipinapaalam. Ito ang kahalagahan ng gawain na nais Niyang gawin sa katawang-tao.
Sa sandaling ang gawain ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay dumating na sa katapusan, magsisimula na Siyang magpakita ng Kanyang matuwid na disposisyon sa lahat ng bansang Gentil, na magtutulot sa maraming tao na makita ang Kanyang larawan. Ipapamalas Niya ang Kanyang disposisyon at sa pamamagitan nito ay gagawing malinaw ang katapusan ng iba’t ibang uri ng tao, sa gayon ay madadala ang lumang kapanahunan sa ganap na katapusan. Ang Kanyang gawain sa katawang-tao ay hindi napakalawak (gaya nang gumawa lamang si Jesus sa Judea, at ngayon ay gumagawa lamang Ako sa inyo) dahil ang Kanyang gawain sa katawang-tao ay may mga hangganan at limitasyon. Isinasagawa lamang Niya ang isang maikling panahon ng gawain sa larawan ng isang karaniwan at normal na katawang-tao; hindi Niya ginagawa ang gawain ng kawalang-hanggan o ang gawain ng pagpapakita sa mga bayan ng mga bansang Gentil gamit ang nagkatawang-taong laman. Ang gawain sa katawang-tao ay limitado lamang ang maaaring saklaw (gaya ng paggawa lamang sa Judea o sa inyo), at pagkatapos, ang saklaw nito ay maaaring palakihin sa pamamagitan ng gawain na isinasakatuparan sa loob ng mga hangganan na ito. Siyempre, ang gawain ng pagpapalawak ay direktang isasagawa ng Kanyang Espiritu at hindi na magiging gawain ng Kanyang katawang-tao. Sapagkat ang gawain sa katawang-tao ay may mga hangganan at hindi umaabot sa lahat ng sulok ng sansinukob—ito ay hindi nito magagawa. Sa pamamagitan ng gawain sa katawang-tao, isinasakatuparan ng Kanyang Espiritu ang susunod na gawain. Kaya, ang gawain na ginawa sa katawang-tao ay isa sa simulaing isinasakatuparan sa loob ng mga hangganan; ang Kanyang Espiritu ang nagpapatuloy sa gawaing ito, at ginagawa Niya ito sa mas malawak na saklaw.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 2
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Iba pang mga Uri ng Video