Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Pagkakatawang-tao | Sipi 102
Setyembre 3, 2021
Hindi kinumpleto ng Diyos sa una Niyang pagkakatawang-tao ang gawain ng pagkakatawang-tao; tinapos lamang Niya ang unang hakbang ng gawain na kinailangang gawin ng Diyos sa katawang-tao. Kaya, upang matapos ang gawain ng pagkakatawang-tao, minsan pang nagbalik sa katawang-tao ang Diyos, na isinasabuhay ang lahat ng normalidad at realidad ng katawang-tao, ibig sabihin, ipinapakita ang Salita ng Diyos sa isang lubos na normal at ordinaryong katawang-tao, sa gayon ay tinatapos ang gawaing iniwan Niyang hindi tapos sa katawang-tao. Sa totoo lang, ang pangalawang nagkatawang-taong laman ay katulad ng una, ngunit mas makatotohanan pa ito, mas normal pa kaysa sa una. Dahil dito, ang pagdurusang tinitiis ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay higit kaysa roon sa una, ngunit ang pagdurusang ito ay resulta ng Kanyang ministeryo sa katawang-tao, na iba sa pagdurusa ng taong nagawang tiwali. Nagmumula rin ito sa normalidad at realidad ng Kanyang katawang-tao. Dahil isinasagawa Niya ang Kanyang ministeryo sa lubos na normal at totoong katawang-tao, kailangang magtiis ng matinding hirap ang katawang-tao. Kapag mas normal at totoo ang katawang-tao, mas magdurusa Siya sa pagsasagawa ng Kanyang ministeryo. Ang gawain ng Diyos ay ipinapahayag sa napaka-normal na katawang-tao, na hindi man lamang higit-sa-karaniwan. Dahil normal ang Kanyang katawang-tao at kailangan din nitong balikatin ang gawain ng pagliligtas sa tao, nagdurusa Siya nang mas matindi pa kaysa sa pagdurusa ng higit-sa-karaniwang katawang-tao—at lahat ng pagdurusang ito ay nagmumula sa realidad at normalidad ng Kanyang katawang-tao. Mula sa pagdurusang napagdaanan ng dalawang nagkatawang-taong laman habang isinasagawa ang Kanilang mga ministeryo, makikita ng isang tao ang diwa ng nagkatawang-taong laman. Kapag mas normal ang katawang-tao, mas matinding hirap ang kailangan Niyang tiisin habang ginagawa ang gawain; kapag mas totoo ang katawang-taong gumagawa ng gawain, mas mabagsik ang mga kuru-kuro ng tao, at malamang na mas maraming panganib ang sumapit sa Kanya. Subalit, kapag mas tunay ang katawang-tao, at mas taglay ng katawang-tao ang mga pangangailangan at ganap na pakiramdam ng isang normal na tao, mas may kakayahan Siyang tanggapin ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Ang katawang-tao ni Jesus ang ipinako sa krus, ang Kanyang katawang-tao ang Kanyang isinuko bilang handog dahil sa kasalanan; tinalo Niya si Satanas sa pamamagitan ng isang katawang-taong may normal na pagkatao at ganap na iniligtas ang tao mula sa krus. At bilang isang ganap na katawang-tao isinasagawa ng Diyos sa Kanyang pangalawang pagkakatawang-tao ang gawain ng panlulupig at tinatalo si Satanas. Ang isang katawang-tao lamang na ganap na normal at totoo ang makapagsasagawa ng gawain ng panlulupig sa kabuuan nito at makapagbibigay ng malakas na patotoo. Ibig sabihin, ang paglupig sa tao ay nagiging epektibo sa pamamagitan ng realidad at normalidad ng Diyos sa katawang-tao, hindi sa pamamagitan ng higit-sa-karaniwang mga himala at paghahayag. Ang ministeryo ng Diyos na nagkatawang-taong ito ay upang magsalita, at sa gayon ay malupig at magawang perpekto ang tao; sa madaling salita, ang gawain ng Espiritu na naging totoo sa katawang-tao, ang tungkulin ng katawang-tao, ay magsalita at sa gayon ay malupig, mabunyag, magawang perpekto, at maalis nang tuluyan ang tao. Kaya nga, sa gawain ng panlulupig maisasakatuparan nang buung-buo ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Ang paunang gawain ng pagtubos ay simula lamang ng gawain ng pagkakatawang-tao; kukumpletuhin ng katawang-taong nagsasagawa ng gawain ng panlulupig ang buong gawain ng pagkakatawang-tao. Sa kasarian, ang isa ay lalaki at ang isa pa ay babae, kaya nakukumpleto ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at naiwawaksi ang mga kuru-kuro ng tao tungkol sa Diyos: Ang Diyos ay maaaring maging kapwa lalaki at babae, at sa totoo lang, ang Diyos ay walang kasarian. Nilikha Niya kapwa ang lalaki at babae, at para sa Kanya, walang pagkakahati ng kasarian. Sa yugtong ito ng gawain, hindi nagsasagawa ng mga tanda at himala ang Diyos, kaya makakamit ng gawain ang mga resulta nito sa pamamagitan ng mga salita. Bukod pa riyan, ito ay dahil ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa pagkakataong ito ay hindi upang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, kundi upang lupigin ang tao sa pamamagitan ng pagsasalita, na ibig sabihin ay na ang likas na kakayahang taglay nitong nagkatawang-taong laman ng Diyos ay sumambit ng mga salita at lupigin ang tao, hindi para magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo. Ang Kanyang gawain sa normal na pagkatao ay hindi upang gumawa ng mga himala, hindi upang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, kundi ang magsalita, kaya ang pangalawang nagkatawang-taong laman ay mukhang mas normal sa mga tao kaysa sa una. Nakikita ng mga tao na totoo ang pagkakatawang-tao ng Diyos; ngunit iba itong Diyos na nagkatawang-tao kay Jesus na nagkatawang-tao, at kahit pareho Silang Diyos na nagkatawang-tao, hindi Sila lubos na magkapareho. Si Jesus ay nagtaglay ng normal na pagkatao, ordinaryong pagkatao, ngunit sinamahan Siya ng mga tanda at himala. Sa Diyos na ito na nagkatawang-tao, ang mga mata ng tao ay walang makikitang mga tanda o himala, walang pagpapagaling ng maysakit ni pagpapalayas ng mga demonyo, ni paglakad sa ibabaw ng dagat, ni pag-aayuno sa loob ng apatnapung araw…. Hindi Niya ginagawa ang kaparehong gawaing ginawa ni Jesus, hindi dahil, sa totoo lang, ang Kanyang katawang-tao ay iba kaysa kay Jesus, kundi dahil hindi ang pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo ang Kanyang ministeryo. Hindi Niya sinisira ang Kanyang sariling gawain, hindi Niya ginagambala ang Kanyang sariling gawain. Dahil nilulupig Niya ang tao sa pamamagitan ng Kanyang tunay na mga salita, hindi na kailangang supilin siya sa mga himala, kaya nga ang yugtong ito ay upang kumpletuhin ang gawain ng pagkakatawang-tao. Ang Diyos na nagkatawang-tao na nakikita mo ngayon ay ganap na isang katawang-tao, at walang anumang higit-sa-karaniwan tungkol sa Kanya. Siya ay nagkakasakit tulad ng iba, nangangailangan ng pagkain at damit tulad ng iba; Siya ay ganap na isang katawang-tao. Kung, sa pagkakataong ito, nagsagawa ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga tanda at himalang higit-sa-karaniwan, kung nagpagaling Siya ng maysakit, nagpalayas ng mga demonyo, o maaaring pumatay sa isang salita, paano matutupad ang gawain ng panlulupig? Paano mapapalaganap ang gawain sa mga bansang Gentil? Ang pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, iyon ang unang hakbang sa gawain ng pagtubos, at ngayong nailigtas na ng Diyos ang tao mula sa krus, hindi na Niya isinasagawa ang gawaing iyon. Kung, sa mga huling araw, nagpakita ang isang “Diyos” na kapareho ni Jesus, na nagpagaling ng maysakit, nagpalayas ng mga demonyo, at ipinako sa krus para sa tao, ang “Diyos” na iyon, bagama’t kamukha ng inilarawang Diyos sa Biblia at madaling tanggapin ng tao, sa kakanyahan nito, ay hindi magiging katawang-taong ibinihis ng Espiritu ng Diyos, kundi ng isang masamang espiritu. Sapagkat prinsipyo ng gawain ng Diyos na hindi kailanman ulitin ang natapos na Niya. Kaya nga, ang gawain ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay iba sa gawain noong una. Sa mga huling araw, isinakatuparan ng Diyos ang gawain ng panlulupig sa isang ordinaryo at normal na katawang-tao; hindi Niya pinagagaling ang maysakit, hindi Siya ipapako sa krus para sa tao, kundi nagsasalita lamang ng mga salita sa katawang-tao, at nilulupig ang tao sa katawang-tao. Ang gayong katawang-tao lamang ang katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong katawang-tao lamang ang maaaring tumapos sa gawain ng Diyos sa katawang-tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Iba pang mga Uri ng Video