Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng mga Pagkaintindi ng mga Relihiyon | Sipi 288
Nobyembre 12, 2020
Sa panahong iyon, ang bahagi ng gawain ni Jesus ay alinsunod sa Lumang Tipan, gayundin sa mga kautusan ni Moises at sa mga salita ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ginamit ni Jesus ang lahat ng ito upang isagawa ang bahagi ng Kanyang gawain. Nangaral Siya sa mga tao at tinuruan sila sa mga sinagoga, at ginamit Niya ang mga hula ng mga propeta sa Lumang Tipan upang sawayin ang mga Fariseong mayroong pagkapoot sa Kanya, at ginamit ang mga salita sa Banal na Kasulatan upang ibunyag ang kanilang pagsuway at sa gayon ay isumpa sila. Dahil kinamuhian nila ang ginawa ni Jesus; sa partikular, karamihan sa gawain ni Jesus ay hindi ayon sa mga kautusan sa Banal na Kasulatan, at, higit pa rito, ang Kanyang mga itinuro ay mas mataas kaysa sa kanilang mga sariling salita, at higit na mas mataas pa kaysa sa mga hula ng mga propeta sa Banal na Kasulatan. Ang gawain ni Jesus ay para lamang sa kapakanan ng pagtubos sa tao at ang pagpako sa krus. Kaya, hindi Niya kailangang higit pang mangusap upang malupig ang sinumang tao. Ang karamihan sa Kanyang mga itinuro sa tao ay mula sa mga salita sa Banal na Kasulatan, at kahit na ang Kanyang gawain ay hindi higit sa Banal na Kasulatan, naisagawa pa rin Niya ang gawaing pagpapapako sa krus. Ang Kanyang gawain ay hindi gawain ng salita, ni para sa kapakanan ng paglupig sa sangkatauhan, sa halip ito ay upang matubos ang sangkatauhan. Gumanap lang Siya bilang handog para sa kasalanan ng sangkatauhan, at hindi gumanap bilang mapagkukunan ng salita para sa sangkatauhan. Hindi Niya isinagawa ang gawain ng mga Gentil, na gawain ng panlulupig sa tao, kundi ang gawain ng pagpapapako sa krus, ang gawain na isinagawa sa mga naniniwala na mayroong Diyos. Kahit na ang Kanyang gawain ay naisakatuparan sa saligan ng Banal na Kasulatan, at ginamit Niya ang mga hula ng matatandang propeta upang isumpa ang mga Fariseo, ito ay sapat na upang matapos ang gawain ng pagpapapako sa krus. Kung ang gawain sa ngayon ay isinasagawa pa rin sa saligan ng mga hula ng matatandang propeta sa Banal na Kasulatan, magiging imposible na kayo ay malupig, dahil ang Lumang Tipan ay hindi naglalaman ng mga ulat ng hindi ninyo pagsunod at ng mga kasalanan ninyong mga Tsino, at walang kasaysayan ng inyong mga kasalanan. At kaya, kung ang gawaing ito ay nananatili pa rin sa Biblia, hindi kayo kailanman susuko. Ang Biblia ay nagtatala lang ng limitadong kasaysayan tungkol sa mga Israelita, isang hindi kayang itakda kung kayo ay mabuti o masama, o hatulan kayo. Ipagpalagay na kayo ay hahatulan Ko ayon sa kasaysayan ng mga Israelita—susundin pa rin ba ninyo Ako katulad ng inyong pagsunod ngayon? Alam ba ninyo kung gaano kayo kasutil? Kung walang binitiwang mga salita sa yugtong ito, magiging imposible ang pagtapos sa gawain ng panlulupig. Dahil hindi Ako pumarito upang maipako sa krus, nararapat Akong magbitiw ng mga salita na hiwalay mula sa Biblia, upang kayo ay malupig. Ang gawain na ginawa ni Jesus ay mas mataas lamang ng isang baitang kaysa sa Lumang Tipan; ito ay ginamit upang simulan ang isang kapanahunan, at upang pangunahan ang kapanahunang iyon. Bakit Niya sinabing, “Ako’y naparito hindi upang sirain ang kautusan, kundi upang ganapin”? Subalit sa Kanyang gawain ay marami ang naiiba mula sa mga batas na isinagawa at mga utos na sinunod ng mga Israelita ng Lumang Tipan, sapagkat hindi Siya dumating upang sumunod sa batas, kundi para tuparin ito. Kasama sa proseso ng pagtupad nito ang maraming praktikal na bagay: Ang Kanyang gawain ay higit na praktikal at totoo, at, bukod pa roon, ito ay mas buhay, at hindi ang bulag na pagsunod sa mga patakaran. Hindi ba pinanatili ng mga Israelita ang Sabbath? Nang si Jesus ay dumating, hindi Siya sumunod sa Sabbath, sapagkat Kanyang sinabi na ang Anak ng tao ay ang Panginoon ng Sabbath, at kapag ang Panginoon ng Sabbath ay dumating, gagawin Niya ang gusto Niya. Siya ay dumating upang tuparin ang mga batas ng Lumang Tipan at upang baguhin ang mga batas. Ang lahat ng naisasagawa ngayon ay batay sa kasalukuyan, ngunit ito pa rin ay umaasa sa saligan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan, at hindi lumalabag sa saklaw na ito. Ang bantayan ang inyong mga dila, at ang hindi pangangalunya, halimbawa—hindi ba’t ang mga ito ang mga kautusan ng Lumang Tipan? Ngayon, ang mga hinihingi sa inyo ay hindi lang limitado sa Sampung Utos, kundi binubuo ng mga utos at batas na may mas mataas na antas kaysa sa mga nauna, ngunit hindi ito nangangahulugan na nabuwag na yaong mga nauna, dahil ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay isinasagawa sa saligan ng yugto na dumating bago ito. Tungkol naman sa pinasimulan ni Jehova sa Israel, kagaya ng pag-utos sa mga tao na maghandog ng mga alay, igalang ang kanilang mga magulang, huwag sumamba sa mga diyos-diyosan, huwag manakit o sumumpa ng kapwa, huwag makiapid, huwag manigarilyo o uminom, at huwag kumain ng mga patay na bagay o uminom ng dugo—hindi ba ito ang bumubuo sa saligan ng inyong pagsasagawa maging sa kasalukuyan? Sa saligan ng nakaraan na ang gawain ay naipapatupad hanggang sa kasalukuyan. Bagama’t ang mga batas ng nakaraan ay hindi na binabanggit, at may mga bagong kahilingan nang ginawa sa iyo, ang mga batas na ito, malayo sa pagkakaalis, ay sa halip naitaas sa mas mataas na katayuan. Ang sabihin na ang mga ito ay naalis na ay nangangahulugan na ang nakaraang kapanahunan ay lipas na sa panahon, samantalang mayroong ilang utos na dapat mong igalang magpakailanman. Ang mga utos noong nakaraan ay isinagawa na, naging katauhan na ng tao, at hindi na kinakailangang bigyan ng natatanging diin ang mga utos na gaya ng “Huwag manigarilyo,” at “Huwag uminom,” at iba pa. Sa saligang ito, inilatag ang mga bagong utos alinsunod sa inyong mga pangangailangan sa kasalukuyan, alinsunod sa inyong tayog, at alinsunod sa gawain sa kasalukuyan. Ang pagtatakda ng mga utos para sa bagong kapanahunan ay hindi nangangahulugan ng pag-alis sa mga utos ng dating kapanahunan, kundi higit pang pagpapataas sa saligang ito, upang maging mas kumpleto ang mga pagkilos ng tao, at higit na nakaayon sa realidad. Kung ngayon ay kailangan lamang ninyo na sumunod sa mga utos at manahan sa mga kautusan ng Lumang Tipan sa parehong paraan tulad ng mga Israelita, at kung kailangan pa ninyong maisaulo ang mga kautusan na ibinigay ni Jehova, walang posibilidad na maaari kayong magbago. Kung kayo ay susunod lang sa yaong kakaunti at limitadong utos o magsasaulo ng di-mabilang na mga kautusan, ang inyong lumang kalikasan ay mananatiling nakatanim nang malalim, at walang magiging paraan upang ito ay bunutin. Kung gayon kayo ay lalo’t lalong magiging masama, at walang sinuman sa inyo ang magiging masunurin. Ibig sabihin, walang kakayahan ang ilang payak na utos o di-mabilang na mga kautusan upang kayo ay tulungang malaman ang mga gawa ni Jehova. Hindi kayo katulad ng mga Israelita: Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan at pagsasaulo ng mga utos, nasaksihan nila ang mga gawa ni Jehova, at inalay lamang ang kanilang debosyon sa Kanya, ngunit hindi ninyo ito nakakamit, at ang ilang utos sa kapanahunan ng Lumang Tipan ay walang kakayahan upang kayo ay mahikayat na ibigay ang inyong mga puso, o na protektahan kayo, kundi sa halip ay gagawin kayong pabaya, at sasanhiin kayong mahulog sa Hades. Sapagkat ang Aking gawain ay ang gawain ng panlulupig, at nakatutok ito sa inyong pagsuway at lumang kalikasan. Ang mabubuting salita ni Jehova at ni Jesus ay malayo sa matitinding salita ng paghatol ngayon. Kung wala ang matitinding salitang iyon, magiging imposible na malupig kayong mga “dalubhasa,” na naging masuwayin na sa loob ng libu-libong taon. Matagal nang nawala ang kapangyarihan sa inyo ng mga kautusan ng Lumang Tipan, at sobrang bigat ng paghatol ng kasalukuyan kaysa sa mga lumang kautusan. Ang pinakaangkop sa inyo ay ang paghatol, at hindi ang mababaw na mga paghihigpit ng mga kautusan, dahil hindi kayo ang sangkatauhan ng pinakaunang panahon, sa halip ay ang sangkatauhan na naging tiwali na sa loob ng libu-libong taon. Ang nararapat na makamit ng tao ngayon ay ayon sa tunay na kalagayan ng tao sa kasalukuyan, ayon sa kakayahan at talagang tayog ng tao sa kasalukuyan, at hindi kinakailangan na iyong sundin ang mga patakaran. Ito ay upang makamit ang mga pagbabago sa iyong lumang kalikasan, at upang maisantabi mo ang iyong mga pagkaintindi.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 1
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Iba pang mga Uri ng Video