Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 156

Hulyo 27, 2020

Ginagamit ni Satanas ang Siyensya Upang Gawing Tiwali ang Tao

Ginagamit ni Satanas ang pangalan ng siyensiya upang bigyang-kasiyahan ang pagkamausisa ng tao, ang pagnanais ng tao na saliksikin ang siyensiya at siyasatin ang mga misteryo. Sa ngalan ng siyensiya, binibigyang-kasiyahan ni Satanas ang materyal na mga pangangailangan ng tao at kahilingan ng tao na tuluy-tuloy na iangat ang kalidad ng kanilang buhay. Kaya, sa ganitong pagdadahilan, ginagamit ni Satanas ang siyensiya upang gawing tiwali ang tao. Ang paraan lamang ba ng pag-iisip ng tao o ang isipan ng tao ang ginagawang tiwali ni Satanas gamit ang siyensya sa ganitong paraan? Sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay sa ating kapaligiran na ating makikita at ating nakakasalamuha, alin pa sa mga ito ang ginagawang tiwali ni Satanas sa pamamagitan ng siyensiya? (Ang likas na kapaligiran.) Tama. Tila kayo ay lubhang napinsala nito, at labis ding naapektuhan. Maliban sa paggamit ng iba’t ibang natuklasan at mga konklusyon ng siyensiya upang linlangin ang tao, ginagamit din ni Satanas ang siyensiya bilang isang paraan upang isakatuparan ang walang pakundangang pagkawasak at pagsasamantala sa kapaligirang tinitirhan ng tao na ipinagkaloob ng Diyos sa kanya. Ito ay ginagawa nito sa ilalim ng pagdadahilan na kung isasagawa ng tao ang siyentipikong pananaliksik, sa gayon ang kapaligirang tinitirhan ng tao at ang kalidad ng buhay ay bubuti nang bubuti, at idagdag pa na ang layunin ng siyentipikong pag-unlad ay upang tugunan ang patuloy na dumaraming materyal na pangangailangan ng tao at ang kanilang pangangailangang patuloy na iangat ang kalidad ng kanilang buhay. Ito ang pang-teoryang batayan sa pagpapaunlad ni Satanas sa siyensiya. Gayunpaman, ano ang naidulot ng siyensiya sa sangkatauhan? Ano ang bumubuo sa kapaligiran na nakaugnay sa atin? Hindi ba’t ang hangin na nilalanghap ng sangkatauhan ay dumumi na? Ang tubig ba na ating iniinom ay tunay na dalisay pa rin? (Hindi.) Ang pagkain bang ating kinakain ay natural? Ang karamihan nito ay pinalalago gamit ang patabang kemikal at nililinang gamit ang genetikong pagbabago, at mayroon ding mga pagbabagong bunga ng paggamit ng iba’t ibang siyentipikong pamamaraan. Kahit na ang mga gulay at prutas na ating kinakain ay hindi na natural. Hindi na madali ngayon na makatagpo ng isang itlog na natural, at ang lasa ng mga itlog ay hindi na gaya ng dati, dahil naproseso na sa pamamagitan ng tinaguriang siyensiya ni Satanas. Kung titingnan sa pangkalahatan, ang buong atmospera ay nawasak at nadumihan; ang mga kabundukan, mga lawa, mga kagubatan, mga ilog, mga karagatan, at ang lahat ng nasa ibabaw at ilalim ng lupa ay nasira na ng tinaguriang mga tagumpay na siyentipiko. Sa madaling salita, ang buong kapaligirang likas, ang kapaligirang tinitirhan na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ay winasak at sinira ng tinaguriang siyensiya. Bagaman nakamit ng maraming tao ang inaasahan nila pagdating sa kalidad ng buhay na kanilang hinahanap, binibigyang-kasiyahan kapwa ang kanilang mga hangarin at ang kanilang laman, ang kapaligirang tinitirhan ng tao ay talagang nasira at winasak ng iba’t ibang “mga tagumpay” na dulot ng siyensiya. Ngayon, wala na tayong karapatang huminga ng isang hinga ng malinis na hangin. Hindi ba ito ang pagdadalamhati ng sangkatauhan? Mayroon pa rin bang natitirang kaligayahan na masasabing para sa tao, samantalang kailangan niyang manirahan sa ganitong uri ng espasyo? Ang espasyo at tinitirhang kapaligirang ito kung saan nabubuhay ang tao ay, simula’t sapul, nilikha ng Diyos para sa tao. Ang tubig na iniinom ng mga tao, ang hangin na nilalanghap ng mga tao, ang pagkain na kinakain ng mga tao, mga halaman, mga puno, at ang mga karagatan—ang bawat bahagi ng kapaligirang tinitirhang ito ay pawang ipinagkaloob ng Diyos sa tao; ito ay likas, umaandar ayon sa likas na batas na inilatag ng Diyos. Kung walang siyensiya, magiging maligaya sana ang mga tao at matatamasa ang lahat ng bagay sa pinakamalinis nitong anyo ayon sa paraan ng Diyos at ayon sa kung ano ang ipinagkaloob ng Diyos sa kanila na matatamasa nila. Ngayon, gayunpaman, ang lahat ng ito ay nasira at winasak ni Satanas; ang pangunahing tinitirhang espasyo ng tao ay wala na sa pinakamalinis nitong anyo. Subalit walang sinuman ang nakapansin kung ano ang naging sanhi ng ganitong uri ng kahihinatnan o kung paano ito nangyari, at mas marami pang tao ang nakakaunawa at lumalapit sa siyensiya sa pamamagitan ng mga ideya na ikinintal sa kanila ni Satanas. Hindi ba ito lubos na kasuklam-suklam at kahabag-habag? Ngayon na nakuha na ni Satanas ang espasyo kung saan ang sangkatauhan ay umiiral at gayundin ang kanilang kapaligirang tinitirhan at ginawa silang tiwali sa ganitong kalagayan, at sa patuloy na pagsulong ng sangkatauhan sa ganitong paraan, mayroon bang anumang pangangailangan para sa Diyos na wasakin ang sangkatauhang ito? Kung magpapatuloy ang sangkatauhan na sumulong sa ganitong paraan, anong direksyon ang tatahakin nito? (Sila’y pupuksain.) Paano sila pupuksain? Bilang karagdagan sa sakim na paghahanap ng tao para sa katanyagan at pakinabang, patuloy nilang isinasagawa ang siyentipikong pagtuklas at malalimang pagsasaliksik, at pagkatapos ay walang-tigil na kumikilos sa paraang nagbibigay-kasiyahan sa kanilang sariling materyal na mga pangangailangan at mga hangarin; ano kung gayon ang mga kahihinatnan para sa tao? Una sa lahat, wala ng anumang balanseng ekolohikal at, kasabay nito, ang mga katawan ng mga tao, ang kanilang mga sangkap na panloob, ay nadungisang lahat at napinsala ng ganitong kapaligiran na wala sa ayos, at ang iba’t ibang nakakahawang sakit at mga salot ay lumaganap sa lahat ng dako ng sanlibutan. Ito ay isang sitwasyon na wala na ngayong kontrol ang tao, hindi ba tama iyon? Ngayong nauunawaan na ninyo ito, kung ang sangkatauhan ay hindi susunod sa Diyos, bagkus palaging sinusunod si Satanas sa ganitong paraan—ginagamit ang kaalaman upang patuloy na payamanin ang kanilang mga sarili, ginagamit ang siyensiya upang walang-tigil na tuklasin ang hinaharap na buhay ng tao, ginagamit ang ganitong uri ng paraan upang patuloy na mabuhay—nakikilala ba ninyo kung paano ito magwawakas para sa sangkatauhan? (Mangangahulugan ito ng pagkalipol.) Oo, ito ay magwawakas sa pagkalipol: Papalapit nang papalapit ang sangkatauhan sa sarili niyang pagkalipol, paisa-isang hakbang! Ang siyensiya sa ngayon ay tila isang uri ng gayuma na inihanda ni Satanas para sa tao, upang kapag sinubukan ninyong unawain ang mga bagay-bagay ay gagawin ninyo ito nang naguguluhan; gaano man ninyo pakatingnan, hindi ninyo makikita nang malinaw ang mga bagay, at gaano mo man pagsikapan, hindi mo mauunawaan ang mga ito. Si Satanas, gayunpaman, ay ginagamit ang pangalan ng siyensiya upang pasabikin ka at pangunahan kang hawak sa ilong, paisa-isang hakbang, tungo sa kailaliman at tungo sa kamatayan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger