Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 348

Agosto 24, 2022

Noon pa man ay tungkulin Ko na ang pamahalaan ang tao. Bukod pa riyan, ang paglupig sa tao ang itinalaga Ko nang likhain Ko ang mundo. Maaaring hindi alam ng mga tao na ganap Kong lulupigin ang tao sa mga huling araw, o na ang paglupig sa mga suwail sa sangkatauhan ang katibayan na tinalo Ko si Satanas. Ngunit, nang makipaglaban sa Akin ang Aking kaaway, sinabihan Ko na ito na lulupigin Ko yaong mga nabihag ni Satanas at nagawa silang mga anak nito, nagawang matatapat na alipin na nakabantay sa bahay nito. Ang orihinal na kahulugan ng lupigin ay talunin, sumailalim sa kahihiyan; sa wika ng mga Israelita, ang ibig sabihin nito ay lubos na talunin, wasakin, at alisan ng kakayahan na higit Akong malabanan. Ngunit ngayon, kapag ginamit sa inyo, ang kahulugan nito ay lupigin. Dapat ninyong malaman na ang Aking layunin ay ganap na lipulin at pasukuin ang masama sa sangkatauhan, upang hindi na ito makapaghimagsik laban sa Akin, lalo nang hindi magkaroon ng pagkakataon na guluhin o gambalain ang Aking gawain. Sa gayon, pagdating sa tao, ang salitang ito ay nangahulugan na ng paglupig. Anuman ang mga ipinahihiwatig ng salita, ang Aking gawain ay talunin ang sangkatauhan. Sapagkat samantalang totoo na ang sangkatauhan ay dagdag sa Aking pamamahala, para mas tumpak, ang sangkatauhan ay walang iba kundi ang Aking kaaway. Ang sangkatauhan ay ang masama na lumalaban at sumusuway sa Akin. Ang sangkatauhan ay walang iba kundi ang anak ng masama na Aking isinumpa. Ang sangkatauhan ay walang iba kundi ang inapo ng arkanghel na nagkanulo sa Akin. Ang sangkatauhan ay walang iba kundi ang pamana ng diyablo, na tinanggihan Ko nang may pagkamuhi noong unang panahon, na naging kaaway Ko na hindi Ko nakasundo simula noon. Sapagkat ang kalangitan sa itaas ng buong sangkatauhan ay malabo at madilim, wala ni katiting na impresyon ng kalinawan, at ang mundo ng tao ay nalubog sa sukdulang kadiliman, kaya ni hindi makita ng nabubuhay rito ang kanyang nakaunat na kamay na nasa kanyang harapan o ang araw kapag siya ay nakatingala. Ang daan na kanyang tinatapakan, na maputik at puro lubak, ay paliku-liko; nagkalat ang mga bangkay sa buong lupain. Ang madidilim na sulok ay puno ng mga labi ng patay, at sa malalamig at madidilim na sulok ay naninirahan ang mga pulutong ng mga demonyo. At saanman sa mundo ng mga tao paroo’t parito ang mga demonyo nang sama-sama. Ang mga anak ng lahat ng klase ng mga halimaw, na natatakpan ng dumi, ay subsob sa matinding labanan, na ang ingay ay nakasisindak sa puso. Sa gayong mga pagkakataon, sa gayong mundo, sa gayong “paraiso sa lupa,” saan tutungo ang isang tao upang maghanap ng mga kagalakan sa buhay? Saan makakapunta ang isang tao upang mahanap ang kanyang hantungan sa buhay? Ang sangkatauhan, na matagal nang tinatapakan ni Satanas, sa simula pa lamang ay naging isang artistang taglay ang larawan ni Satanas—higit pa riyan, ang sangkatauhan ang sagisag ni Satanas, at nagsisilbing katibayan na nagpapatotoo kay Satanas, nang napakalinaw. Paano makakapagpatotoo sa Diyos ang gayong lahi ng tao, gayong pangkat ng masama’t kasuklam-suklam, gayong supling ng tiwaling pamilyang ito ng tao? Saan galing ang Aking kaluwalhatian? Saan maaaring magsimula ang isang tao na banggitin ang Aking patotoo? Sapagkat ang kaaway, dahil nagawa nang tiwali ang sangkatauhan, ay kinakalaban Ako, naangkin na ang sangkatauhan—ang sangkatauhang nilikha Ko noong unang panahon at pinuspos ng Aking kaluwalhatian at Aking pagsasabuhay—at dinungisan sila. Naagaw nito ang Aking kaluwalhatian, at ang tanging itinanim nito sa tao ay lason na lubhang nahaluan ng kapangitan ni Satanas, at katas mula sa bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Sa simula, nilikha Ko ang sangkatauhan; ibig sabihin, nilikha Ko ang ninuno ng sangkatauhan, si Adan. Pinagkalooban siya ng anyo at larawan, na puno ng lakas, puno ng sigla, at, bukod pa riyan, kapiling ng Aking kaluwalhatian. Iyan ang maluwalhating araw nang likhain Ko ang tao. Pagkatapos niyan, ginawa si Eba mula sa katawan ni Adan, at siya man ay ninuno ng tao, kaya nga ang mga taong nilikha Ko ay puno ng Aking hininga at puno ng Aking kaluwalhatian. Si Adan ay orihinal na isinilang mula sa Aking kamay at siyang kumakatawan sa Aking larawan. Sa gayon ang orihinal na kahulugan ng “Adan” ay isang nilalang na Aking nilikha, pinuspos ng Aking mahalagang lakas, pinuspos ng Aking kaluwalhatian, may anyo at larawan, may espiritu at hininga. Siya lamang ang nilalang, may angking espiritu, na may kakayahang kumatawan sa Akin, taglayin ang Aking larawan, at tanggapin ang Aking hininga. Sa simula, si Eba ang ikalawang taong pinagkalooban ng hininga na ang paglikha ay Aking naitalaga, kaya ang orihinal na kahulugan ng “Eba” ay isang nilalang na magpapatuloy ng Aking kaluwalhatian, puno ng Aking sigla at bukod pa riyan ay pinagkalooban ng Aking kaluwalhatian. Si Eba ay nagmula kay Adan, kaya taglay rin niya ang Aking larawan, sapagkat siya ang ikalawang taong nilalang sa Aking larawan. Ang orihinal na kahulugan ng “Eba” ay isang buhay na tao, may espiritu, laman, at buto, ang Aking ikalawang patotoo gayundin ang Aking ikalawang larawan sa sangkatauhan. Sila ang mga ninuno ng sangkatauhan, ang dalisay at mahalagang kayamanan ng tao, at, nagmula sa una at buhay na mga nilalang na pinagkalooban ng espiritu. Gayunman, tinapakan at binihag ng masama ang supling ng mga ninuno ng sangkatauhan, at isinadlak ang mundo ng tao sa ganap na kadiliman, at ginawa ito upang hindi na maniwala ang supling sa Aking pag-iral. Mas kasuklam-suklam pa ay na, habang ginagawang tiwali ng masama ang mga tao at tinatapakan sila, malupit nitong inaagaw ang Aking kaluwalhatian, ang Aking patotoo, ang siglang ipinagkaloob Ko sa kanila, ang hininga at ang buhay na ibinibigay Ko sa kanila, ang Aking buong kaluwalhatian sa mundo ng tao, at lahat ng dugo sa puso na Aking ginugol sa sangkatauhan. Wala na sa liwanag ang sangkatauhan, at naiwala na ng mga tao ang lahat ng Aking ipinagkaloob sa kanila, at itinapon na nila ang kaluwalhatiang Aking ipinagkaloob. Paano nila maaaring kilalanin na Ako ang Panginoon ng lahat ng nilalang? Paano sila patuloy na maniniwala sa Aking pag-iral sa langit? Paano nila matutuklasan ang mga pagpapamalas ng Aking kaluwalhatian sa ibabaw ng lupa? Paano ituturing ng mga apong lalaki at babaeng ito ang Diyos na pinagpitaganan ng sarili nilang mga ninuno bilang Panginoon na lumikha sa kanila? Ang kaawa-awang mga apong ito ay lubos na “inilahad” sa masama ang kaluwalhatian, ang larawan, at ang patotoong ipinagkaloob Ko kina Adan at Eba, gayundin ang buhay na ipinagkaloob Ko sa sangkatauhan at kung saan sila umaasa sa pag-iral; at, lubos silang hindi nag-aalala sa presensya ng masama, at ibinibigay ang Aking buong kaluwalhatian dito. Hindi ba ito mismo ang pinagmulan ng titulong “basura”? Paano tataglayin ng gayong sangkatauhan, gayong kasasamang demonyo, gayong mga bangkay na naglalakad, gayong mga anyo ni Satanas, gayong mga kaaway Ko ang Aking kaluwalhatian? Babawiin Ko ang Aking kaluwalhatian, babawiin Ko ang Aking patotoo na umiiral sa mga tao, at lahat ng dating Akin at ibinigay Ko sa sangkatauhan noong unang panahon—ganap Kong lulupigin ang sangkatauhan. Gayunman, dapat mong malaman na ang mga taong Aking nilikha ay mga banal na tao na taglay ang Aking larawan at Aking kaluwalhatian. Hindi sila nabilang kay Satanas, ni hindi sila natapakan nito, kundi purong pagpapamalas Ko lamang, malaya sa pinaka-kaunting bahid ng lason ni Satanas. Kaya nga, ipinapaalam Ko sa sangkatauhan na ang tanging nais Ko ay yaong nilikha ng Aking kamay, ang mga banal na Aking minamahal at hindi nabibilang sa anupamang ibang nilalang. Bukod pa riyan, malulugod Ako sa kanila at ituturing Ko silang Aking kaluwalhatian. Gayunman, ang nais Ko ay hindi ang sangkatauhang nagawang tiwali ni Satanas, na nabibilang kay Satanas ngayon, at hindi na ang Aking orihinal na likha. Dahil layon Kong bawiin ang Aking kaluwalhatiang umiiral sa mundo ng tao, ganap Kong lulupigin ang natitira sa sangkatauhan, bilang katunayan ng Aking kaluwalhatian sa pagtalo kay Satanas. Ang Aking patotoo lamang ang tinatanggap Ko bilang pagbubuo ng Aking sarili, bilang layon ng Aking kasiyahan. Ito ang Aking kalooban.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger