Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 330

Agosto 26, 2020

Habang naglalakad ka sa landas ngayon, ano ang pinakaangkop na klase ng pagsisikap? Sa iyong pagsisikap, anong klase ng tao ang dapat mong makita sa sarili mo? Dapat mong malaman kung paano mo dapat harapin ang lahat ng sumasapit sa iyo ngayon, mga pagsubok man ito o paghihirap, o walang-awang pagkastigo at pagsumpa. Dapat mong bigyan ito ng maingat na pagsasaalang-alang sa lahat ng pagkakataon. Bakit Ko sinasabi ito? Sinasabi Ko ito dahil ang sumasapit sa iyo ngayon, sa kabila ng lahat, ay maiikling pagsubok na paulit-ulit na nangyayari; marahil ay hindi mo itinuturing na mabigat sa isipan ang mga ito, kaya hinahayaan mo na lang magdaan ang mga bagay na ito, at hindi mo itinuturing ang mga ito na napakahalagang yaman sa pagsisikap na sumulong. Masyado kang bulagsak! Lumalabas na ipinapalagay mo na isang ulap ang napakahalagang yamang ito na nakalutang sa harap ng iyong mga mata; hindi mo pinahahalagahan ang malulupit na haplit ng ulan na bumabagsak paminsan-minsan—mga haplit na maiikli, at para sa iyo, tila marahan—kundi basta minamasdan mo lang ang mga ito, nang hindi mo sineseryoso, na itinuturing ang mga ito na paminsan-minsang pagkatok lamang. Napakayabang mo! Sa malulupit na pag-atakeng ito, mga pag-atake na katulad ng mga unos na dumarating paminsan-minsan, ipinapakita mo lang na masaya ka; kung minsan malamig pa ang ngiti mo, na naghahayag ng iyong pagwawalang-bahala—sapagkat hindi mo naisip kailanman kung bakit patuloy kang nagdaranas ng gayong “mga kasawian.” Lubha ba Akong hindi makatarungan sa tao? Hinahanapan ba kita ng mali? Bagama’t maaaring hindi kasingseryoso ang mga problema sa pag-iisip mo na tulad ng nailarawan Ko, sa ipinapakita mong pagkakalmado, matagal ka nang nakalikha ng perpektong imahe ng niloloob mo. Wala nang dahilan para sabihin Ko pa sa iyo na ang tanging nakatago sa kaibuturan ng puso mo ay ang magaspang na pagtuligsa at halos hindi mahalatang kalungkutan. Dahil inaakala mo na lubhang hindi makatarungan ang naranasan mong mga pagsubok, nagmumura ka; ipinadarama sa iyo ng mga pagsubok na ito ang kapanglawan ng mundo, at dahil dito, lungkot na lungkot ka. Sa halip na ituring na pinakamainam na proteksyon ang paulit-ulit na paghaplit at disiplina, ang tingin mo sa mga ito ay walang katuturang panggugulo ng Langit, o dili kaya’y angkop na paghihiganti sa iyo. Napakamangmang mo! Walang awa mong itinago sa dilim ang magagandang panahon; oras-oras, itinuring mong pag-atake ng iyong mga kaaway ang magagandang pagsubok at disiplina. Wala kang kakayahang makibagay sa iyong kapaligiran; at lalo nang ayaw mong gawin ’yon, sapagkat ayaw mong matuto ng anuman mula sa paulit-ulit—at para sa iyo ay malupit—na pagkastigo. Hindi ka nagsasaliksik ni nagsisiyasat, basta sumusuko ka na lang sa iyong kapalaran, at tinatanggap ang iyong kinalalagyan. Hindi nabago ng sa tingin mo ay mababagsik na pagkastigo ang puso mo, ni hindi pumalit ang mga ito sa puso mo; sa halip, sinasaksak ng mga ito ang puso mo. Ang tingin mo rito sa “malupit na pagkastigo” ay walang iba kundi ang iyong kaaway sa buhay na ito, at wala kang natutuhan. Masyado kang mapagmagaling! Madalang kang maniwala na nagdaranas ka ng ganitong mga pagsubok dahil napakasama mo; sa halip, iniisip mo na napakamalas mo, at sinasabi mo na palagi kitang hinahanapan ng mali. Sa ngayon, gaano ba talaga karami ang alam mo tungkol sa Aking sinasabi at ginagawa? Huwag mong isipin na likas kang matalino, medyo mas mababa lamang kaysa sa kalangitan ngunit mas mataas kaysa sa lupa. Hindi ka mas matalino kaysa sa iba—at masasabi pa nga na mas hangal ka kaysa sinumang iba pang mga tao sa lupa na may katwiran, sapagkat napakataas ng tingin mo sa iyong sarili, at hindi ka nakaramdam kailanman na mas mababa ka sa iba; tila nahihiwatigan mo ang pinakamaliit na detalye ng Aking mga kilos. Sa katunayan, isa kang tao na walang katwiran, sapagkat wala kang ideya kung ano ang Aking gagawin, at lalo kang walang alam kung ano ang Aking ginagawa ngayon. Kaya sinasabi Ko na hindi ka kapantay ng isang matandang magsasaka na nagtatrabaho sa lupain, isang magsasaka na wala ni katiting na pagkaunawa sa buhay ng tao subalit umaasa sa mga pagpapala ng Langit habang nagbubungkal ng lupa. Hindi ka nag-uukol ng kahit isang segundo para pag-isipan ang iyong buhay, wala kang alam na dapat ipagbunyi, at lalo nang wala kang alam tungkol sa sarili mo. Masyado kang “mapagmataas”!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Natututo at Nananatiling Mangmang: Hindi Ba Sila mga Hayop?

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger