Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 8 (Unang Bahagi)
Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa apat na pahayag ng tradisyonal na kultura tungkol sa moral na asal. Sabihin ninyo sa Akin kung anu-ano ang mga iyon. (“Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” “Isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba,” “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal,” at “Kapag umiinom ng tubig ng balon, huwag dapat kalilimutan kung sino ang naghukay niyon.”) Malinaw ba ang pagkaunawa ninyo kung anu-ano ang dapat na suriin at maunawaan sa bawat pahayag? Ang bawat pahayag sa tradisyonal na kultura ay malapit na nauugnay sa tunay na buhay ng mga tao at kung paano sila gumagawi. Walang duda na may partikular na impluwensya ang mga pahayag na ito ng tradisyonal na kultura sa tunay na buhay ng mga tao at sa paraan ng kanilang paggawi. Ang mga prinsipyo ng mga salita, kilos at paggawi ng sarili ng mga tao sa tunay na buhay ay pangunahing nagmula sa mga pahayag at perspektibong ito ng tradisyonal na kultura. Malinaw na medyo malalim na nakaiimpluwensya at na nakatanim na sa isip ng mga tao ang tradisyonal na kultura. Pagkatapos Kong magbahagi noong huling pagtitipon, mas nagbulay-bulay at nagbahaginan ba kayo? (Nagbahaginan kami at naunawaan namin ang kaunti sa mga pahayag na ito tungkol sa moral na asal, at bahagya naming nabago ang aming mga pananaw at perspektibo sa ganitong mga uri ng bagay, ngunit hindi pa rin lubos ang aming pagkaunawa sa mga iyon.) Isang bahagi ng pagtatamo ng lubos na pagkaunawa ay na kailangan ninyong ibatay ang inyong pagkaunawa sa ibinahagi Ko; ang isa namang bahagi ay na kailangan ninyong umunawa batay sa mga perspektibo na taglay ninyo sa tunay na buhay, pati na sa mga naiisip at ikinikilos ninyo kapag may nangyayari sa inyo. Hindi talaga sapat na makinig lang sa mga sermon. Ang layunin ng pakikinig sa mga sermon ay ang makilala ang mga negatibong bagay sa tunay na buhay, ang mas tumpak na makilala ang kaibahan ng mga negatibong bagay, at pagkatapos ay maunawaan ang mga positibong bagay at magkaroon ng dalisay na pagkaunawa sa mga iyon, upang ang mga salita ng Diyos ang maging batayan kung paano umasal at kumilos sa tunay na buhay. Sa isang aspeto, ang pagkilatis sa mga negatibong bagay na ito ay may epektong nakapagtutuwid sa pag-uugali at pagkilos ng mga tao, yamang naitatama nito ang mga maling ideya, perspektibo, at saloobin ng mga tao sa mga pangyayari at bagay-bagay; bukod doon, sa positibong papel nito, mahihikayat nito ang mga tao na gumamit ng mga tamang paraan at proseso pati na ng mga tumpak na prinsipyo ng pagsasagawa pagdating sa kanilang mga pananaw sa mga tao at bagay-bagay, at sa kanilang pag-uugali at kilos. Ito ang layunin at ang nilalayong epekto ng pagbabahaginan at pagsusuri sa mga pahayag na ito tungkol sa moral na asal.
Dalawang beses na tayo ngayong nagbahaginan tungkol sa mga pahayag tungkol sa moral na asal sa tradisyonal na kulturang Tsino, na pangunahin ay mga kinakailangan para sa moral na asal ng mga tao na mula sa malaking kontekstong panlipunan. Sa perspektibo ng isang indibiduwal, malilimitahan at makokontrol ng mga pahayag na ito ang pag-uugali ng mga tao hanggang sa isang partikular na antas; mula sa isang mas malawak na perspektibo, nilalayon ng mga iyon na lumikha ng mabuting pamantayan ng moralidad ng lipunan, at, siyempre, na tumulong sa mga namumuno na mas mabuting mapamunuan ang mga tao. Kung ang mga tao ay may sariling mga ideya, malayang nakapag-iisip, at nahahanap ang sarili nilang mga moral na pamantayan sa pag-uugali, o kung maaari silang magpahayag ng sarili nilang mga opinyon, mamuhay ayon sa sarili nilang mga ideya, kumilos nang ayon sa palagay nila ay nararapat, at gumamit ng sarili nilang paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay, sa mga tao, sa lipunan nila, at sa bansang tinitirahan nila, walang duda na hindi ito isang magandang bagay o isang magandang tanda para sa mga namumuno, dahil direkta nitong isinasapanganib ang posisyon ng kapangyarihan ng mga ito. Sa madaling salita, ang mga pahayag na ito tungkol sa moral na asal ay pangunahing ipinanukala ng mga diumano’y moralista, intelektuwal, at tagapagturo bilang paraan para magbigay-lugod at magpalakas sa mga namumuno, na ang layunin ay ipakitang magagamit nila ang mga ideya at teoryang ito, pati na ang sarili nilang reputasyon at katanyagan, para paglingkuran ang mga namumuno. Ito ang pangunahing kalikasan ng lahat ng pahayag na ito na tungkol sa moral na asal na pinagbahaginan natin; ang layunin ng mga iyon ay walang iba kundi limitahan ang mga kaisipan, moral na asal, at mga pananaw ng mga tao sa mga bagay-bagay sa isang saklaw ng moralidad na sa palagay ng mga tao ay bahagyang mas mabuti, mas positibo, at mas marangal, upang mabawasan ang alitan sa pagitan ng mga tao, magdulot ng pagkakasundo sa kanilang mga pakikisalamuha, at magdulot ng katahimikan, nang sa gayon ay magbigay-pakinabang sa kapamahalaan ng mga namumuno sa mga tao, at higit pa roon, mapatatag ang katayuan ng uring namumuno, at mapanatili ang pagkakasundo at katatagang panlipunan. Sa gayon, nakuha ng mga taong ito na nagpanukala ng pamantayan ng mga moral na asal ang lahat ng ninanais nila, iyon ay ang mapahalagahan at mailagay ng uring namumuno sa mga importanteng katungkulan. Ito talaga ang landas ng karera na hinahangad at inaasam nila, at kahit pa hindi sila maging matataas na opisyal, kahit papaano, maaalala sila ng mga susunod na henerasyon at maitatala sa kasaysayan. Pag-isipan ninyo—sino sa mga taong nagpanukala ng mga pahayag na ito tungkol sa moral na asal ang hindi iginagalang ng lipunang ito? Sino ang hindi hinahangaan ng sangkatauhan? Maging sa panahon ngayon, sa mga Tsino, itong mga diumano’y intelektuwal, tagapagturo, at moralista, tulad nina Confucius, Mencius, Laozi, Han Feizi, at mga tulad nila, ay nananatiling tanyag, tinitingala, at iginagalang. Siyempre, iilan-ilang pahayag lamang tungkol sa moral na asal ang inilista natin, at ang mga ibinigay na halimbawa ay ilan lamang sa mga tipikal na pahayag. Kahit na nagmula sa maraming tao ang mga pahayag na ito tungkol sa moral na asal, ang mga ideya at perspektibo na ipinapanukala ng mga diumano’y luminaryong ito ay lubos na naaayon sa kagustuhan ng mga namumuno at ng uring namumuno, at lahat ng konsepto nila ng pamamahala at pangunahing mga ideya ay iisa: Ang magbalangkas ng ilang moral na pamantayan ng pag-uugali at mga kilos na dapat sundin ng mga tao upang kumilos ang mga ito nang maayos, mababang-loob na mag-ambag sa lipunan at sa bansa nito, at mabuhay nang mababa ang loob kasama ang mga kapwa nito—iyon lamang talaga. Ang mga ideya at perspektibo nila ay iisa ang layunin, sa alin mang dinastiya o kanino mang tao nagmula ang mga pahayag na ito ng moral na asal: ang paglingkuran ang uring namumuno, at iligaw at kontrolin ang sangkatauhan.
Napagbahaginan na natin ang walong pahayag tungkol sa moral na asal. Ang kalikasan ng walong pahayag na ito ay pangunahin na ang pangangailangan na talikdan ng mga tao ang mga makasarili nilang pagnanasa at ang sarili nilang kalooban, bagkus ay paglingkuran ang lipunan, ang sangkatauhan, at ang sarili nilang bansa, at matamo ang pagiging di-makasarili. Halimbawa, sa alin mang grupo ipinapanukala ang mga pahayag tungkol sa moral na asal na tulad ng “Isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba,” “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal,” at “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” hinihingi ng lahat ng iyon sa tao na magpigil sa sarili—pigilan ang sarili nilang mga pagnanasa at imoral na asal—at magtaglay ng mga kaaya-ayang ideolohikal at moral na perspektibo. Gaano man naiimpluwensyahan ng mga pahayag na ito ang sangkatauhan, at positibo man o negatibo ang impluwensyang iyon, ang layunin ng mga diumano’y moralistang ito, sa maikli at malinaw na salita, ay ang limitahan at kontrolin ang moral na asal ng mga tao sa pamamagitan ng pagpapanukala ng gayong mga pahayag, upang magkaroon ang mga tao ng pangunahing pamantayan kung paano sila dapat umasal at kumilos, kung paano nila dapat tingnan ang mga tao at bagay-bagay, at kung paano nila dapat unawain ang kanilang lipunan at bansa. Kung titingnan ang positibo, ang paggawa sa mga pahayag na ito tungkol sa moral na asal, ay nagkaroon ng papel sa paglimita at pagkontrol sa moral na asal ng sangkatauhan hanggang sa isang partikular na antas. Ngunit kung titingnan ang mga walang kinikilingang katunayan, naudyukan nito ang mga tao na tanggapin ang ilang di-tapat at mapagpanggap na kaisipan at perspektibo, na ginagawang mas mapaminsala, mas tuso, mas magaling magpanggap, at mas limitado sa kanilang pag-iisip ang mga taong naimpluwensyahan at nataniman ng tradisyonal na kultura. Dahil sa impluwensya at pagkatanim sa isip ng tradisyonal na kultura, unti-unti nang tinanggap ng mga tao ang mga maling pananaw at pahayag na iyon ng tradisyonal na kultura bilang mga positibong bagay, at sinamba bilang mga banal ang mga luminaryo at dakilang taong ito na nagliligaw sa mga tao. Kapag nailigaw na ang mga tao, nagiging magulo, manhid, at mapurol ang kanilang mga isip. Hindi nila alam kung ano ang normal na pagkatao, o kung ano ang dapat hangarin at sundin ng mga taong may normal na pagkatao. Hindi nila alam kung paano dapat mabuhay ang mga tao sa mundong ito o kung anong uri ng pamamaraan o mga panuntunan sa pag-iral ang dapat nilang gamitin, lalong hindi ang wastong layunin ng pag-iral ng tao. Dahil sa impluwensya, pagkatanim sa isip, at pati na paglilimita ng tradisyonal na kultura, ang mga positibong bagay, ang mga hinihingi at panuntunan mula sa Diyos, ay nasupil na. Sa diwang ito, sa isang malawak na antas ay matindi nang nailigaw at naimpluwensyahan ng iba’t ibang pahayag tungkol sa moral na asal sa tradisyonal na kultura ang pag-iisip ng mga tao, nililimitahan ang kanilang mga naiisip at inililigaw sila, palayo sa tamang landas sa buhay, at palayo nang palayo sa mga hinihingi ng Diyos. Nangangahulugan ito na habang mas malalim kang naiimpluwensyahan ng iba’t ibang ideya at perspektibo tungkol sa moral na asal sa tradisyonal na kultura, at mas matagal kang natataniman ng mga iyon, mas napapalayo ka sa mga kaisipan, mga adhikain, layon na dapat hangarin, at mga panuntunan sa pag-iral na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao, at lalo kang napalalayo sa pamantayan na hinihingi ng Diyos sa mga tao. Matapos malason, maindoktrinahan, at mataniman ng mga ideyang ito mula sa tradisyonal na kultura, ginagamit ng mga tao ang mga ito bilang mga tuntunin, itinuturing pa nga ang mga ito bilang mga katotohanan, at bilang pamantayan kung paano titingnan ang mga tao at bagay-bagay, at aasal at kikilos. Hindi na pinag-iisipan o pinag-aalinlanganan ng mga tao kung tama ba ang mga bagay na ito o hindi, ni hinihigitan nila ang iba’t ibang pahayag ng tradisyonal na kultura tungkol sa kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan para isipin kung paano sila dapat mabuhay. Hindi iyon alam ni iniisip ng mga tao. Bakit hindi nila iniisip iyon? Dahil napuno at nasakop na ang isip ng mga tao nitong mga moral na kasulatan na ipinangangaral ang kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan. Kahit na maraming tao ang nananalig sa tunay na Diyos at nagbabasa ng Bibliya, nalilito pa rin sila sa pagitan ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan, at ng maraming pahayag tungkol sa moral na asal na nagmumula sa kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan. Itinuturing pa nga ng ilang tao ang marami sa mga pahayag na ito sa tradisyonal na kultura bilang mga kasulatan tungkol sa mga positibong bagay at pinalalabas nilang katotohanan ang mga iyon, ipinangangaral at isinusulong ang mga iyon bilang gayon, at sinisipi pa nga ang mga iyon bilang paraan ng pagtuturo sa iba. Isa itong napakalubhang problema; isa itong bagay na ayaw makita ng Diyos, isang bagay na kinasusuklaman Niya. Kung gayon, makikita ba ng lahat ng tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw ang totoo tungkol sa mga bagay-bagay sa tradisyonal na kultura at malinaw na makikilatis ang mga iyon? Hindi palagi. Tiyak na mayroong ilang tao na nananatiling masambahin at sumasang-ayon sa mga bagay-bagay sa tradisyonal na kultura. Kung hindi lubusang maaalis ang mga satanikong lasong ito, mahihirapan ang mga tao na maunawaan at matamo ang katotohanan. Kailangang maunawaan ng mga hinirang ng Diyos ang isang katunayan: ang salita ng Diyos ay salita ng Diyos, ang katotohanan ay katotohanan, at ang mga salita ng tao ay mga salita ng tao. Ang kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan ay mga salita ng tao, at ang tradisyonal na kultura ay mga salita ng tao. Ang mga salita ng tao ay hindi kailanman ang katotohanan, ni kailanman ay magiging katotohanan ang mga iyon. Ito ay katunayan. Gaano katindi mang nauunawaan ng mga tao ang kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan sa kanilang mga kaisipan at pananaw, hindi mapapalitan ng mga iyon ang mga salita ng Diyos; gaano man napatunayan at nakumpirmang tama ang gayong mga prinsipyo, sa loob ng libo-libong taon ng pag-iral ng tao, hindi magiging mga salita ng Diyos ang mga iyon o mapapalitan ang mga ito, lalong hindi mapagkakamalang mga salita ng Diyos. Kahit pa naaayon ang mga pahayag tungkol sa kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan sa konsiyensiya at katwiran ng mga tao, ang mga iyon ay hindi mga salita ng Diyos, ni mapapalitan ng mga iyon ang Kanyang mga salita, lalong hindi matatawag na katotohanan. Ang mga pahayag at hinihinging may kaugnayan sa kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan sa tradiysonal na kultura ay naglilingkod lamang sa lipunan at sa uring namumuno. Nilalayon lamang ng mga pahayag at hinihinging ito na limitahan at kontrolin ang pag-uugali ng mga tao upang magkaroon ng mas mabuting pamantayan ng moralidad ng lipunan, isa na nakatutulong sa pagpapatibay ng kapangyarihan ng uring namumuno. Natural, gaano ka man kahusay sumunod sa mga prinsipyo ng kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, at hindi ka makasusunod sa Diyos, ni magiging isang katanggap-tanggap na nilikha sa huli. Gaano ka man kahusay sumunod sa mga bagay na ito, kung hindi mo naman nauunawaan ang katotohanan, hindi mo magagampanan ang iyong tungkulin sa isang katanggap-tanggap na antas. Kung gayon ay ano ang magiging tingin sa iyo ng Diyos? Magiging isa ka pa ring hindi mananampalataya at pag-aari ni Satanas. Taglay ba ng isang taong diumano’y may pambihirang moral na kalidad at marangal na etika ang konsiyensiya at katinuan ng normal na pagkatao? Tunay ba niyang matatanggap ang katotohanan? Makasasampalataya ba siya sa Diyos at makasusunod sa Kanya? Hinding-hindi! Dahil ang sinasamba niya ay si Satanas, ang mga diyablo, mga nagkukunwaring banal, at mga huwad na banal na tao. Sa kaibuturan ng kanyang puso at buto-buto, nayayamot at napopoot siya sa katotohanan. Samakatuwid, tiyak na isa siyang taong lumalaban sa Diyos at kaaway Niya. Ang mga taong sumasamba sa diyablong si Satanas ang pinakamapagmataas at may labis na pagtingin sa sarili at walang katinuang mga tao—sila ang mga imoral sa sangkatauhan, na ang mga buto ay puno ng mga satanikong lason, puno ng mga satanikong erehiya at maling paniniwala. Sa sandaling makita na nila ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, namumula ang kanilang mga mata at nanggagalaiti sila sa galit, inihahayag ang kahindik-hindik na mukha ng isang diyablo. Samakatuwid, ang sinumang gumagalang sa tradisyonal na kultura at pikit-matang naniniwala sa mga tradisyonal na maling paniniwala tulad ng kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan ay nayayamot at napopoot sa katotohanan. Hindi siya nagtataglay ng katinuan ng normal na pagkatao kahit kaunti, at hinding-hindi niya tatanggapin ang katotohanan. Ang mga bagay sa tradisyonal na kultura at mga pahayag sa moral na asal ukol sa kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan ay hindi talaga naaayon sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos. Gaano man kaingat isagawa ng mga tao ang mga prinsipyong ito o gaano man nila kahusay na itaguyod ang mga iyon, hindi ito kapareho ng pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Ito ay dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon. Iyon ang katunayan doon. Puno sila ng lahat ng uri ng mga satanikong pagtuturo, at naging kalikasan at diwa na ng mga tao ang “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Gaano mo man gawing magandang pakinggan ang mga iyon, gaano man katayog ang iyong wika, o gaano man kadakila ang iyong mga teorya, hindi maaaring isagawa ang mga pahayag na ito ng tradisyonal na kultura tungkol sa moral na asal. Kahit pa sumunod ka sa bawat panuntunang iniuutos batay sa mga prinsipyo ng kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan sa tradisyonal na kultura, mukha lamang mabuti ang asal mo. Ngunit pagdating sa pananampalataya sa Diyos, pagsunod sa Kanya at pagganap sa iyong tungkulin, at pagiging masunurin sa Diyos, pati na sa iyong saloobin at mga pananaw sa Kanya at sa katotohanan, walang anumang saysay ang mga prinsipyo ng tradisyonal na kulturang ito. Hindi mapipigilan ng mga ito ang pagrerebelde mo, ni mababaligtad ang iyong mga kuru-kuro sa Diyos, ni maaayos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, lalong hindi malulutas ang problema ng pagiging pabaya at walang gana ng mga tao sa pagganap sa kanilang tungkulin. Walang anumang naitutulong ang mga prinsipyong ito sa paglilimita sa tiwaling pag-uugali ng mga tao sa anumang paraan, at pangunahin na hindi mahihikayat ng mga ito ang mga tao na magsabuhay ng normal na pagkatao.
Karamihan sa mga tao, kapag kasisimula pa lang nilang sumampalataya sa Diyos, ay iniisip na napakasimpleng manampalataya. Iniisip nila na ang ibig sabihin ng manampalataya at sumunod sa Diyos ay ang matutong maging mapagpasensya at mapagparaya, maging handang magkawang-gawa, maging handang tumulong sa iba, maging maingat sa kanilang pananalita at pagkilos, hindi maging masyadong mapagmataas, o masyadong malupit sa iba. Pakiramdam nila na kung kikilos sila nang ganito, malulugod ang Diyos, at hindi sila tatabasan at iwawasto habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Kung naglilingkod sila bilang lider o manggagawa, naniniwala sila na hindi sila papalitan o palalayasin. Naniniwala sila na garantisadong magtatamo sila ng kaligtasan. Ganoon ba talaga kasimple ang sumampalataya sa Diyos? (Hindi.) Maraming tao ang ganito ang perspektibo, ngunit sa huli, ang kanilang mga ideya, perspektibo, at ang paraan nila ng paggawi sa buhay ay humahantong lahat sa pagkabigo. Sa huli, ibinubuod ng ilang taong hindi nakaaalam ng tama ang lahat ng bagay sa isang pangungusap: “Naging isa akong kabiguan bilang tao!” Iniisip nila na ang pagkilos bilang isang tao ay nangangahulugang pagsunod sa mga prinsipyo ng kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan. Ngunit matatawag ba iyong pagkilos bilang isang tao? Hindi iyon pagkilos bilang isang tao; pagkilos iyon ng isang demonyo. Doon sa mga taong nagsasabing, “Naging isa akong kabiguan bilang tao,” itatanong Ko, kumilos ka ba bilang isang tao? Ni hindi mo nga sinubukang kumilos bilang isang tao, kaya papaano mo nasasabing, “Naging isa akong kabiguan bilang tao”? Kabiguan ito ng mga tradisyonal na kultural na prinsipyo, tulad ng kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan, na gampanan ang pakinabang ng mga iyon sa mga tao, hindi isang kabiguang kumilos bilang isang tao. Kapag ginagampanan ng mga tao ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ang mga bagay na tulad ng kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan ay talagang walang pakinabang at wala nang kabuluhan. Bago pa nila mamalayan, humahantong na ang mga tao sa paghihinuha na, “Ah, ang kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan—hindi gumagana ang mga iyon! Dati ay iniisip ko na simple lang na kumilos nang maayos, at na simpleng-simple lang din at hindi gaanong komplikado na sumampalataya sa Diyos. Ngayon ko lang napagtanto na labis kong pinasisimple ang pananampalataya sa Diyos.” Pagkatapos makinig sa mga sermon sa loob ng mahabang panahon, sa wakas ay napagtatanto na nilang hindi pupuwede na hindi maunawaan ng mga tao ang katotohanan. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang isang aspeto ng katotohanan, malamang na magkamali sila sa aspetong iyon at maiwasto, mabigo, at mahatulan at makastigo. Ang mga bagay na dati nilang pinaniniwalaang tama, mabuti, positibo, at marangal ay nawawalan ng kabuluhan at nawawalan ng halaga sa harap ng katotohanan. Lahat ng iba’t ibang pahayag tungkol sa kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan ay nagkaroon ng kaunting impluwensya sa mga kaisipan at perspektibo ng mga tao, pati na sa mga sistema at paraan kung paano nila isinasagawa ang kanilang mga gawain. Kung hindi sangkot ang gawain ng pamamahala ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan, at magpapatuloy ang sangkatauhan sa paraan nila ng pamumuhay, sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, ang kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan, na mga bagay na may pagka-positibo, ay magkakaroon ng maliit na positibong papel sa pag-iisip ng mga tao at sa pamantayan ng moralidad ng lipunan at kapaligirang panlipunan. Kahit papaano man lang, ang mga bagay na iyon ay hindi nag-uudyok sa mga tao na gumawa ng kasamaan, pumatay, at manunog, o na manghalay at magnakaw. Gayunpaman, pagdating sa gawain ng Diyos ng pagliligtas ng mga tao, wala ni isa sa mga bagay na ito—kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, o pagiging mapagkakatiwalaan—ang may kaugnayan sa katotohanan, sa daan, o sa buhay na nais ipagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan. At hindi lamang iyon: Kung titingnan ang iba’t ibang ideyang itinataguyod ng mga prinsipyo ng kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan, ang mga hinihingi ng mga iyon sa moral na asal ng mga tao, at ang mga impluwensya at paglilimita ng mga iyon sa moral na asal ng mga tao, wala sa mga iyon ang nagkaroon ng papel sa paggabay sa mga tao pabalik sa Diyos o pag-akay sa kanila patungo sa tamang landas sa buhay. Sa halip, naging malalaking hadlang ang mga iyon na pumipigil sa mga tao na hangarin at tanggapin ang katotohanan. Ang mga pahayag tungkol sa moral na asal na ating pinagbahaginan at sinuri noong nakaraan—huwag mong ibulsa ang pera na iyong pinulot; maging masaya sa pagtulong sa iba; maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba; gantihan ng kabutihan ang kasamaan; ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian; isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba; ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal; kapag umiinom ng tubig ng balon, huwag dapat kalilimutan kung sino ang naghukay niyon—nalinaw naman na natin ang mga iyon sa pagbabahaginan, at kahit papaano ay nauunawaan na ng lahat ang pangkalahatang kahulugan ng mga iyon. Ang katunayan ay na sa anumang aspeto ng moral na asal patungkol ang gayong mga pahayag, nalilimitahan ng mga iyon ang pag-iisip ng mga tao. Kung hindi mo makita kung alin ang gayong mga bagay, at hindi mo malinaw na nauunawaan ang diwa ng mga pahayag na ito, at hindi mo babaguhin ang mga maling pananaw na ito, hindi mo mabibitiwan ang mga pahayag na ito tungkol sa moral na asal, ni maaalis ang impluwensya ng mga iyon sa iyo. Kung hindi mo mabibitiwan ang mga bagay na ito, mahihirapan kang tanggapin ang katotohanan mula sa Diyos, ang pamantayan ng mga salita ng Diyos, at ang mga partikular na hinihingi ng Lumikha para sa moral na asal ng mga tao, at magiging mahirap na sundin at isagawa ang mga salita ng Diyos bilang mga prinsipyo at pamantayan ng katotohanan. Hindi ba’t malubhang problema ito?
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.