Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 7 (Unang Bahagi)
Kamakailan, nagbahagi Ako tungkol sa lahat ng uri ng kasabihan mula sa tradisyonal na kultura ukol sa wastong asal. Tungkol sa ilang partikular na kasabihan, marami na Akong naibahagi. Ngayon, may anumang kinalaman ba ang paksa at usaping ito sa katotohanan? (Mayroon.) May nag-iisip ba na tila walang kaugnayan ang paksa at usaping ito sa katotohanan? Kung may nag-iisip ng gayon, mahina talaga ang kakayahan niya at wala siyang ni katiting na pagkilatis. Naging madali bang unawain ang pagbabahagi Ko tungkol sa paksang ito? (Oo.) Kung hindi Ako nagbahagi at nagsuri sa ganitong paraan, mapagkakamalan ba ninyong katotohanan at patuloy na itataguyod ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal na itinuturing ng mga tao na medyo positibo? Una, nakatitiyak Akong ang mga kasabihang ito ay itinuturing ng karamihan sa mga tao na mga positibong bagay, na mga bagay na naaayon sa pagkatao at nararapat na sundin, at na alinsunod sa konsensiya, katwiran, mga hinihingi, mga kuru-kuro, at iba pang gayong bagay na may kaugnayan sa pagkatao. Masasabing bago ang Aking pagbabahagi tungkol sa paksang ito, itinuturing ng halos lahat na positibo at alinsunod sa katotohanan ang iba’t ibang kasabihang ito tungkol sa wastong asal. Matapos marinig ang Aking pagbabahagi at pagsusuri, ngayon ba ay kaya na ninyong tukuyin ang pagkakaiba sa pagitan ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal at ng katotohanan? Taglay ba ninyo ang ganitong uri ng pagkilatis? Sasabihin ng ilan: “Hindi ko matukoy ang pagkakaiba ng mga iyon, ngunit ano’t ano man, pagkarinig sa pagbabahagi ng Diyos, nakikita ko na ngayon na may pagkakaiba ang mga bagay na ito sa katotohanan. Hindi mapapalitan ng mga iyon ang katotohanan, lalong hindi masasabing positibo o ang katotohanan ang mga iyon. Siyempre, imposibleng maituring ang mga iyon na alinsunod sa mga salita at hinihingi ng Diyos o sa mga pamantayan ng katotohanan. Walang anumang kaugnayan ang mga iyon sa mga salita ng Diyos, sa mga hinihingi ng Diyos o sa mga pamantayan ng katotohanan. Sa kabuuan, naaayon man ang mga iyon sa konsensiya at katwiran ng pagkatao, hindi ko na sinasamba ang mga bagay na iyon sa aking puso at hindi ko na itinuturing ang mga iyon bilang ang katotohanan.” Ipinakikita nitong ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura ay hindi na nagsisilbing gabay sa puso ng mga tao. Kapag naririnig ng mga tao ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal, hindi mamamalayan na tutukuyin nila ang pagkakaiba ng mga ito sa katotohanan at, sa pinakamalubhang kaso, tatanggapin nila ang mga ito bilang bagay na sinasang-ayunan ng konsensiya ng mga tao. Gayunpaman, alam nilang iba pa rin ang mga kasabihang ito sa katotohanan at na talagang hindi mapapalitan ng mga ito ang katotohanan. Sa sandaling maintindihan ng mga tao ang diwa ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal, ititigil na nila ang pagturing sa mga ito bilang katotohanan at ang pagsunod, pagsamba, o paghahangad sa mga ito bilang gayon—ito ang nakakamit na batayang epekto. Ngayon, anu-ano ang positibong epekto ng pagkaunawa sa lahat ng ito sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan? Tiyak na magkakaroon ito ng positibong epekto, ngunit nakasalalay ang tindi ng epektong iyon sa antas ng pagkaunawa mo sa katotohanan o sa kung gaano karaming katotohanan ang nalalaman mo. Sa pagsasaalang-alang sa mga puntong ito, malinaw na talagang kinakailangang suriin ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura na itinataguyod ng mga tao at na naaayon sa kanilang mga kuru-kuro. Kahit papaano man lang, ang magiging epekto ng pagsusuring ito ay matutulungan ang mga taong magtamo ng dalisay na pagkaarok sa katotohanan at mapipigilan na mawalan ng saysay ang kanilang mga pagsisikap o na tumahak sila sa maling landas sa kanilang paghahangad sa katotohanan. Ang mga ito ang magiging epekto.
Noong nakaraan ay pinagbahaginan at sinuri natin ang apat na kasabihan tungkol sa wastong asal, tulad ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot,” “Maging masaya sa pagtulong sa iba,” “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” at “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan.” Ngayon, patuloy tayong magbabahaginan tungkol sa ibang kasabihan. Maraming detalyadong pahayag na ipinanukala ang tradisyonal na kulturang Tsino tungkol sa wastong asal—sa alin mang panahon o yugto ng kasaysayan orihinal na ipinanukala ang mga pahayag na ito, ang lahat ng ito ay naipasa-pasa na hanggang sa kasalukuyan at matibay nang nag-ugat sa puso ng mga tao. Sa paglipas ng panahon at sa unti-unting paglitaw ng mga bagong bagay, maraming bago at iba’t ibang pahayag tungkol sa wastong asal ang ipinanukala ng tao. Ang mga pahayag na ito ay pangunahing mga kahilingan para sa moral na karakter at pag-uugali ng mga tao. Medyo malinaw na ba sa inyong lahat ang apat na kasabihan tungkol sa wastong asal na pinagbahaginan natin noong nakaraan? (Oo.) Ngayon, ipagpatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa susunod na kasabihan: “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian.” Ang ideya na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian ay isa sa mga klasikong pamantayan sa tradisyonal na kultura ng Tsino para husgahan kung ang isang tao ba ay moral o imoral. Kapag kinikilatis kung ang pagkatao ng isang tao ay mabuti o masama, at kung gaano katuwid ang moralidad ng kanyang asal, isa sa mga pinagbabatayan ay kung sinusuklian ba niya ang mga pabor o tulong na natatanggap niya—kung siya ba ay isang tao na buong-pasasalamat na sinusuklian ang kabutihang natanggap o hindi. Sa tradisyonal na kultura ng Tsina, at sa tradisyonal na kultura ng sangkatauhan, itinuturing ito ng mga tao bilang mahalagang pamantayan ng moralidad. Kung hindi nauunawaan ng isang tao na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian, at siya ay walang utang na loob, kung gayon, siya ay itinuturing na walang konsensiya at hindi nararapat na makaugnayan, at dapat siyang kasuklaman, itaboy, at tanggihan ng lahat. Sa kabilang banda, kung nauunawaan ng isang tao na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian—kung siya ay tumatanaw ng utang na loob at sinusuklian ang mga pabor at tulong na natatanggap niya sa abot ng kanyang makakaya—itinuturing siya na isang taong may konsensiya at pagkatao. Kung ang isang tao ay nakatatanggap ng mga pakinabang o tulong mula sa ibang tao, pero hindi niya ito sinusuklian, o nagpapahayag lang siya ng kaunting pasasalamat dito sa simpleng “salamat” at wala nang iba pa, ano ang iisipin ng ibang taong iyon? Mababahala kaya siya tungkol dito? Iisipin ba niya, “Ang taong iyon ay hindi nararapat na tulungan, hindi siya mabuting tao. Kung ganoon ang reaksiyon niya kahit labis ko siyang tinulungan, wala siyang konsensiya o pagkatao, at hindi nararapat na makaugnayan”? Kung muli niyang makasasalamuha ang ganitong uri ng tao, tutulungan pa rin ba niya ito? Hindi niya ito gugustuhin man lang. Sa katulad na mga sitwasyon, hindi ba ninyo pag-iisipan kung dapat ba kayong tumulong o hindi? Ang aral na matututuhan ninyo mula sa dati ninyong karanasan ay, “Hindi ko pwedeng tulungan ang kung sino lang—kailangan nilang maunawaan na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian. Kung sila ang tipong walang utang na loob na hindi ako susuklian sa tulong na ibinigay ko sa kanila, mas mabuti pang huwag na akong tumulong.” Hindi ba’t iyon ang magiging pananaw ninyo sa usaping ito? (Oo.) Sa pangkalahatan, kapag tumutulong ang mga tao sa iba, ano ba mismo ang iniisip nila tungkol sa kanilang naging pagtulong? May mga partikular ba silang ekspektasyon o hinihingi sa taong kanilang tinutulungan? May nagsasabi bang, “Tinutulungan kita nang walang inaasahang kapalit. Hindi ko ninanais na may anumang matamo mula sa iyo. Nararapat lang kitang tulungan kapag nahaharap ka sa mga paghihirap, at tungkulin ko ito. May kaunting kaugnayan man tayo sa isa’t isa at mababayaran mo man ako sa hinaharap o hindi, ginagawa ko lang ang pangunahin kong tungkulin bilang isang karaniwang tao at hindi ako hihingi ng anumang kabayaran. Hindi mahalaga sa akin kung babayaran mo ako o hindi”? May mga tao bang nagsasabi ng gayong mga bagay? Kahit pa may gayong mga tao, gawa-gawa lang ang mga iyon at hindi tumutugma sa mga katunayan. Napakaraming gawa-gawang magiting na tauhan sa mga nobelang pangkasaysayan ng Tsina at mas kathang isip pa ang mga bayaning inimbento ng bansa ng malaking pulang dragon sa makabagong lipunan. Bagaman umiral nga ang mga taong iyon, ang mga kwentong tungkol sa kanila ay inimbento lamang. Sa pagtingin dito batay sa mga katunayang ito, ngayon ba ay malinaw na sa inyo ang pinagmulan ng kasabihang “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” ang pamantayang ito para sa paghatol sa wastong asal ng mga tao, at kung kanino ito hinango? Marahil ay hindi pa rin ito masyadong malinaw sa ilang tao. Sa tiwaling sangkatauhang ito, ang lahat ng tao ay may kung anong mithiin at partikular na ekspektasyon sa lipunan ng tao. Ano ang kanilang ekspektasyon? “Kung ang lahat ay magbibigay ng kaunting pagmamahal, magiging magandang lugar ang mundo.” Dagdag pa sa ekspektasyong ito, umaasa rin ang mga taong masusuklian at mababayaran sila para sa mga mapagmahal nilang puso at sa halagang kanilang binabayaran. Sa isang banda, maaaring ito ay isang materyal na kabayaran, gaya ng regalong pera o ng isang materyal na gantimpala. Sa kabilang banda, maaaring ito ay isang espirituwal na kabayaran—ibig sabihin, pagdadala ng espirituwal na katuparan sa mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng gantimpala upang mapatibay ang kanilang reputasyon na nagkakaloob ng titulong gaya ng “huwarang trabahador,” “huwaran sa kabutihan,” o “huwaran sa moralidad.” Sa lipunan ng tao, halos lahat ay may ganitong uri ng ekspektasyon sa lipunan at sa mundo—lahat sila ay umaasang maging mabuting tao, tumahak sa tamang landas, at tumulong sa mga nangangailangan, nagbibigay-daan sa mga taong makamit ang kanilang tulong at makakuha ng mga partikular na pakinabang. Umaasa silang maaalala ng mga taong nakatatanggap sa tulong nila kung sino ang nagbigay nito, at kung paano nakinabang ang mga ito rito. Siyempre, umaasa rin silang kapag sila na mismo ang nangailangan, mayroon ding tutulong sa kanila. Sa isang banda, kapag may nangangailangan ng tulong, umaasa siyang may ilang taong magpapakita ng mga mapagmahal na puso sa mga ito; sa kabilang banda, umaasa siyang kapag nalagay sa kagipitan ang mga taong nagpakita ng mga mapagmahal na puso, makukuha rin ng mga ito ang tulong na kinakailangan ng mga ito. May ganitong uri ng ekspektasyon ang mga tao sa lipunan at sa mundo—ang totoo, ang pinakalayon nila ay ang mamuhay ang sangkatauhan sa isang nagkakasundo, payapa, at matatag na lipunan. Paano ba nabuo ang ekspektasyong ito? Ang ekspektasyong ito at ang kaugnay na pahayag ay[a] natural na nabuo dahil hindi ligtas at masaya ang pakiramdam ng mga tao sa ganitong uri ng kapaligiran ng lipunan. Sa gayon, sinimulan ng mga taong suriin ang wastong asal ng isang tao at ang karangalan ng kanyang karakter batay sa kung sinusuklian niya ang kabutihan ng iba o hindi, at ang kasabihang “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” na isang pamantayan sa pagsusuri sa wastong asal ng mga tao, ay nagmula sa sitwasyong ito. Hindi ba’t medyo kakatwa kung paano nabuo ang kasabihang ito? (Oo.) Sa kasalukuyang panahon, hindi hinahanap at tinatanggap ng tao ang katotohanan, at naging tutol siya sa katotohanan. Ang mga tao ay nasa magulong kalagayan at, sa kabila ng pamumuhay sa piling ng isa’t isa, hindi malinaw sa kanilang lahat kung anong mga responsabilidad ang dapat nilang isakatuparan, kung anong mga tungkulin ang nararapat nilang gampanan, at kung ano ang posisyong dapat nilang akuin at kung ano ang dapat nilang maging pananaw kapag tinitingnan ang mga tao at bagay. Dagdag pa rito, hindi malinaw sa mga tao kung ano ang mga responsabilidad at tungkulin nila sa lipunan at hindi sila tiyak kung mula sa anong paninindigan o perspektiba nila dapat tingnan at harapin ang lipunan. Wala silang tumpak na paliwanag at kongklusyon sa lahat ng bagay na nagaganap sa mundo at hindi nila nahahanap ang tamang landas ng pagsasagawa na magdidikta kung paano sila aasal at kikilos. Dahil nahaharap sa isang lalong nagiging mapanglaw, nakatatakot na mundong puno ng pag-aaway, ganting pagpatay, digmaan at ng lahat ng uri ng hindi patas na pagtrato, sabik at puno ng pag-asang hinihintay ng mga tao ang pagparito ng Tagapagligtas. Gayunpaman, wala silang interes sa katotohanan at walang aktibong naghahanap sa Diyos o sa Kanyang gawain. Kahit pa marinig nila ang mga pagbigkas ng Diyos, hindi nila hinahanap, lalong hindi nila tinatanggap ang mga iyon. Ang mga tao ay pawang namumuhay sa kalagayang walang magawa at nadarama na lubhang hindi makatarungan at ni hindi ligtas ang lipunan. Ang lahat ng tao ay lubhang nasusuklam sa lipunang ito at sa mundong ito at puno ng poot sa mga iyon, ngunit sa kabila ng pagiging puno ng poot, umaasa pa rin silang isang araw ay bubuti ang lipunan. Ano ba ang itsura ng isang bumuting lipunan para sa kanila? Nakikita nila sa kanilang isipan ang isang lipunang walang pag-aaway at ganting pagpatay, kung saan ang lahat ng tao ay maayos na nakikisalamuha sa isa’t isa, walang sinumang sumasailaim sa panunupil, sa pagdurusa o sa mga gapos ng buhay, ang lahat ay nakapamumuhay nang maalwan, hindi napipigilan, komportable at masaya, normal na nakikisalamuha sa iba, tinatrato ang mga ito nang patas at, siyempre, tinatrato nang patas ng iba. Dahil sa mundong ito at sa sangkatauhan, kailanman ay hindi nagkaroon ng pagiging patas. Mayroon lamang mga pag-aaway at ganting pagpatay, ngunit kailanman ay hindi nagkaroon ng pagkakasundo sa mga tao. Noon pa man ay ganito na ang sitwasyon, sa alinmang yugto ng kasaysayan. Habang nahaharap sa malupit na konteksto at mga kondisyong ito ng lipunan, wala ni isang taong nakaaalam kung paano lulutasin ang mga isyung ito, kung paano lulutasin ang mga pag-aaway at ganting pagpatay sa pagitan ng mga tao, o ang anuman sa mga hindi patas at hindi makatarungang sitwasyong nagaganap sa lipunan. Dahil mismo sa katunayan na umiiral ang mga isyung ito at hindi alam ng mga tao kung paano lutasin ang mga ito, kung mula sa anong perspektiba o pananaw nila dapat harapin ang mga isyung ito, o kung ano ang pamamaraang dapat nilang gamitin upang lutasin ang mga ito, kaya nagkakaroon sila ng ganitong pangitain ng perpektong mundo sa kanilang mga isipan. Sa pangitain ng perpektong mundong ito, nakapamumuhay nang sama-sama at nang magkakasundo ang mga tao, at ang lahat ng tao ay tinatrato nang patas ng lipunan at ng mga tao sa paligid nila. Ang lahat ng tao ay umaasang “ang respeto ng mga tao sa iba ay ibabalik sa kanila nang sampung ulit; kung tutulungan mo ako, susuklian kita; at kapag kailangan mo ng tulong, maraming tao sa lipunan ang makapagbibigay ng tulong at makatutupad sa kanilang mga tungkulin sa lipunan; at kapag kailangan ko ng tulong, sasaklolohan ako ng mga taong dating nakinabang sa tulong ko. Dapat ay maging isa itong lipunan kung saan nagtutulungan ang mga tao.” Naniniwala ang mga tao na sa ganitong paraan lang makapamumuhay ang mga tao nang masaya, magkakasundo at nang nasa isang matatag at mapayapang lipunan. Naniniwala silang sa ganitong paraan lang lubusang mawawakasan at malulutas ang mga paglalabanan ng mga tao. Iniisip nilang sa sandaling malutas ang mga isyung ito, matutupad na ang mga ekspektasyon at mithiin nila para sa lipunan ng tao sa kaibuturan ng kanilang puso.
Sa lipunan ng mga walang pananampalataya, may isang sikat na awiting pinamagatang “Magiging Mas Maganda ang Bukas.” Palaging umaasa ang mga taong bubuti ang mga bagay-bagay sa hinaharap—wala namang mali roon—ngunit, sa realidad, bubuti ba talaga ang mga bagay-bagay bukas? Hindi, imposible ito; maaari lamang lumala ang mga bagay-bagay, dahil lalong nagiging masama ang sangkatauhan at lalong nagiging mapanglaw ang mundo. Sa sangkatauhan, bukod sa paunti nang paunti ang mga taong buong-pasasalamat na nagsusukli sa kabutihang kanilang natatanggap, parami rin nang parami ang mga taong hindi mapagpasalamat at hindi tumatanaw ng utang na loob sa tumulong sa kanila. Ito na nga ang realidad ng sitwasyon ngayon. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Paano naging ganito ang mga bagay-bagay? Bakit hindi napigilan ang mga tao sa pamantayan ng wastong asal na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” na isinusulong ng mga moralista, edukador, at sosyologo? (Dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon.) Dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon. Ngunit alam ba iyon ng mga moralista, edukador, at sosyologong iyon? (Hindi.) Hindi nila alam na ang pinakaugat ng mga ganting pagpatay at labanan sa pagitan ng mga tao ay hindi dahil sa problema sa kanilang wastong asal, kundi sa halip, dahil ito sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang mga tao ay walang pagkaunawa sa mga pamantayan kung paano sila nararapat na umasal. Ibig sabihin, hindi nila alam kung paano aasal nang tama, at hindi nila alam kung anu-ano mismo ang mga prinsipyo at landas ng pag-asal. Dagdag pa rito, ang lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon at satanikong kalikasan, namumuhay alang-alang sa kapakinabangan, at inuuna ang sarili nilang mga interes bago ang lahat. Ang resulta, lalong lumulubha ang problema ng mga ganting pagpatay at labanan sa pagitan ng mga tao. Makasusunod ba ang gayong mga tiwaling tao sa mga pamantayan ng wastong asal na tulad ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian”? Yamang nawalan na ang mga tao ng kahit na pinakapangunahing katwiran at konsensiya, paano nila buong-pasasalamat na masusuklian ang kabutihang kanilang natatanggap? Noon pa man ay pinapatnubayan na ng Diyos ang mga tao, inihahanda ang lahat ng kanilang kailangan upang mabuhay, tinutustusan sila ng sikat ng araw, hangin, pagkain, tubig, at iba pa, subalit ilan sa kanila ang mapagpasalamat sa Kanya? Ilan sa kanila ang nakakikita sa tunay na pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan? Maraming mananampalataya, sa kabila ng pagtamasa sa napakaraming biyaya ng Diyos, ang nagwawala, kinagagalitan ang Diyos, at nagrereklamo tungkol sa kawalan ng katarungan ng Langit sa sandaling hindi tuparin ng Diyos ang mga ninanais nila nang isa o dalawang beses. Hindi ba’t ganito ang mga tao? Kahit na may ilang taong buong-pasasalamat na nakapagsusukli sa kabutihang kanilang natatanggap mula sa ilang tao, ano ang mga problemang malulutas niyon? Siyempre, maganda naman ang mga layunin ng mga taong nagpanukala sa kasabihang ito tungkol sa wastong asal—ang naging motibasyon lamang nila ay ang pag-asang malulutas ng mga tao ang kanilang pagtatalo-talo, maiiwasan ang alitan, na sila ay magtutulungan, mamumuhay nang magkakasundo, iimpluwensiyahan ang isa’t isa na maging matuwid, magpapakita ng kabutihan sa isa’t isa, at magsasama-sama upang magtulungan sa mga oras ng pangangailangan. Magiging napakagandang lipunan niyon kung makapapasok ang sangkatuhan sa gayong kalagayan, ngunit sa kasamaang-palad, hinding-hindi iiral ang gayong lipunan, dahil ang lipunan ay ang kabuuan lamang ng lahat ng tiwaling tao sa loob nito. Dahil sa katiwalian ng tao, lalong nagiging mapanglaw at masama ang lipunan, at ang mithiin ng tao sa isang nagkakasundong lipunan ay hinding-hindi makakamit. Bakit ba hinding-hindi makakamit ang ideyal na lipunang ito? Mula sa isang pundamental at teoretikal na perspektiba, ang gayong lipunan ay hindi makakamit dahil sa mga tiwaling disposisyon ng tao. Sa realidad, ang mga panandaliang mabuting pag-uugali, mga minsanang paggawa ng wastong asal, at mga pansamantalang pagpapakita ng pagmamahal, pagtulong, pagsuporta sa iba, at iba pa ay sadyang hindi makalulutas sa mga tiwaling disposisyon ng tao. Siyempre, mas mahalaga pa, hindi malulutas ng mga bagay na ito ang mga katanungan sa kung paano dapat umasal ang mga tao at kung paano nila dapat tahakin ang tamang landas sa buhay. Yamang hindi malulutas ang mga isyung ito, magiging posible bang makamit ng lipunang ito ang nagkakasundong kalagayang itinuturing na ideyal at inaasam ng mga tao? Sa diwa ay isa lamang itong walang kabuluhang pangarap, at maliit ang posibilidad na mangyari ito. Sa pamamagitan ng pagtataguyod sa mga moral na kasulatan at pag-eeduka sa mga tao, sinusubukan ng mga moralistang ito na hikayatin silang gumamit ng wastong asal upang tumulong sa iba at impluwensiyahan ang iba na maging matuwid, na ang layon ay maimpluwensiyahan at mapabuti ang lipunan. Pero tama ba o mali ang ideya, ang adhikain nilang ito? Talagang mali ito at hindi maisasakatuparan. Bakit Ko nasasabi iyon? Dahil nauunawaan lang nila ang mga pag-uugali, kaisipan at pananaw, at wastong asal ng mga tao, ngunit wala silang kahit kaunting pagkaunawa pagdating sa mas malalalim na usaping tulad ng diwa ng tao, mga tiwaling disposisyon ng tao, pinagmumulan ng katiwalian ng tao at kung paano lutasin ang mga tiwaling disposisyon ng tao. Ang resulta, nagpapanukala sila ng mga katawa-tawang pamantayan ng wastong asal na tulad ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian.” Pagkatapos, umaasa silang magagamit nila ang ganitong uri ng kasabihan, ang ganitong uri ng pamantayan para sa wastong asal, upang maimpluwensiyahan ang sangkatauhan, maimpluwensiyahan ang sunud-sunod na henerasyon, mabago ang mga pamantayan sa pag-uugali ng tao, at mabago ang direksyon at mga mithiin para sa mga pag-uugali ng tao, habang kasabay niyon ay unti-unti nilang nababago ang kalagayan ng lipunan, at nababago ang mga ugnayan sa pagitan ng mga tao at mga ugnayan sa pagitan ng mga tagapamahala at mga pinamamahalaan. Naniniwala silang sa sandaling mabago ang mga ugnayang ito, hindi na magiging masyadong di-makatarungan at puno ng pag-aaway, pagkapoot, at pagpapatayan ang lipunan. Medyo magiging kapaki-pakinabang ito sa mga karaniwang tao, sila ay magkakaroon ng makatarungang kapaligirang panlipunan sa pamumuhay, at magiging mas kontento sa kanilang pamumuhay. Ngunit ang pinakamakikinabang dito ay hindi ang mga karaniwang tao, kundi ang mga tagapamahala, ang naghaharing uri, at ang mga aristokrata ng bawat kapanahunan. Ang diumano’y mga prominenteng tao at pantas na ito na nagsusulong sa mga moral na doktrina ay patuloy na ginagamit ang mga moral na doktrinang ito, na nakikita ng sangkatauhan bilang medyo marangal at alinsunod sa pagkatao at sa kanilang konsensiya, upang turuan at impluwensiyahan ang mga tao, at upang baguhin ang mga moral na pananaw ng mga ito, nang sa gayon ay kusang-loob ang mga itong mamuhay sa isang kapaligiran ng lipunan na sibilisado o may mga partikular na moral na pamantayan. Nagbibigay-pakinabang ito sa pang-araw-araw na buhay ng mga karaniwang tao sa isang aspekto, dahil ginagawa nitong mas nagkakasundo, payapa, at sibilisado ang kapaligiran ng lipunan kung saan sila naninirahan. Sa isa pang aspekto, lumilikha rin ito ng mas paborableng mga kondisyon upang mapangasiwaan ng mga tagapamahala ang mga tao. Ang mga kasabihang ito na nagsasaad ng mga pamantayan para sa wastong asal ay alinsunod sa mga ideya at kuru-kuro ng karamihan sa mga tao, at naaayon din ang mga ito sa mga pangitain ng mga tao sa isang perpektong mundo na may maluwalhating kinabukasan. Siyempre, ang pangunahing layunin nila sa pagsusulong sa mga kasabihang ito ay ang lumikha ng mas paborableng mga kondisyon upang pangasiwaan ng mga tagapamahala. Sa ilalim ng gayong mga kondisyon, ang mga karaniwang tao ay hindi magdudulot ng problema, mamumuhay sila nang magkakasundo at walang alitan, at ang lahat ay bukal sa loob na makasusunod sa mga moral na pamantayang kumokontrol sa kilos ng lipunan. Sa madaling salita, ang layunin ng pagtataguyod sa mga kasabihang ito ay upang ang mga pinamamahalaang nasasakupan ng estado, ang karaniwang masa, ay kumilos nang masunurin at maayos sa ilalim ng mga paghihigpit ng mga moral na pamantayan ng lipunan, matutong sumunod sa mga panuntunan, at maging maaamong mamamayan. Kung gayon ay hindi ba’t magiging medyo palagay at panatag ang mga tagapamahala? Kung hindi na kailangang alalahanin ng mga tagapamahala ang paghihimagsik ng masa at pang-aagaw ng mga ito sa kanilang awtoridad, hindi ba’t magdudulot ito ng isang diumano’y nagkakasundong lipunan? Hindi ba’t mapatitibay nito ang politikal na kapangyarihan ng mga tagapamahala? Sa esensya ay ito ang pinagmulan ng mga moral na kasulatan at ang konteksto ng pagkakabuo ng mga iyon. Sa magandang pananalita, upang makontrol ang mga pag-uugali at wastong asal ng masa kung kaya’t binalangkas ang ilang pangunahing pamantayan ng moralidad ng lipunan para sa kanila. Ibig sabihin, ang mga kasabihang ito ay para sa kapakanan ng mga tao; sa diwa, ang totoo ay itinataguyod ang mga ito alang-alang sa katatagan ng lipunan at ng bansa, at upang mabigyang-daan ang mga tagapamahala na mamahala nang matagal, nang panghabang-panahon. Ito ang tunay na layon ng mga diumano’y moralista sa pagtataguyod ng tradisyonal na kultura. Wala naman talagang pakialam ang mga tagapamahala sa kapakanan ng masa, at kahit pa mukha ngang may pakialam sila, ginagawa lang nila iyon upang panatilihin ang katatagan ng kanilang politikal na kapangyarihan. Interesado lang sila sa sarili nilang kaligayahan, sa katatagan ng kanilang kapangyarihan at katayuan, sa kakayahan nilang mamahala sa masa nang panghabang-panahon at sa posibilidad na mamahala sa mas marami pang bansa, na ang mithiin sa huli ay ang maghari sa buong mundo. Ang mga ito ang mga motibo at layunin ng mga haring diyablo. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao: “Nagmula kami sa angkan ng mga magsasaka, na nagpakahirap bilang mga pangmatagalang upahang manggagawang bukid na nagtatrabaho para sa mga asendero at kailanman ay hindi kami nagkaroon ng lupang sariling amin. Matapos maitatag ang PRC, pinabagsak ng Partido Komunista ang mga asendero at kapitalista, binigyan kami nito ng sarili naming lupain, at mula sa pagiging mga magsasaka ay naging mga may-ari na kami ng lupa. Utang namin ang lahat sa Partido Komunista, sila ang mga tagapagligtas ng mga Tsino, at dapat ay buong-pasasalamat naming suklian ang kanilang kabutihan at hindi kami dapat maging walang utang na loob. May ilang taong gustong maghimagsik laban sa Partido Komunista—wala man lang silang pasasalamat! Hindi ba’t hindi sila tumatanaw ng utang na loob sa tumulong sa kanila? Hindi dapat maging labis na walang konsensiya ang mga tao at malilimutin sa kanilang mga pinanggalingan!” Ang ipinahihiwatig sa pahayag na ito ay na anumang uri ng kapaligiran ng pamumuhay ang kasalukuyan mong kinalalagyan, anumang uri ng pagtrato ang iyong dinanas, at garantisado man o hindi ang iyong mga karapatang pantao, o nanganganib man o inalis ang iyong karapatang umiral, dapat ay lagi mong alalahaning buong-pasasalamat na suklian ang kabutihang iyong natanggap at huwag mong kalimutan ang iyong pinanggalingan. Hindi ka dapat kumilos na parang isang kasuklam-suklam, walang utang na loob na tao at dapat ay patuloy at habambuhay mong suklian ang kanilang kabutihan nang walang inaasahang kabayaran. Hindi ba’t namumuhay pa rin bilang mga alipin ang gayong mga tao? Iniisip nilang dati silang mga alipin ng mga asendero at kapitalista, ngunit talaga bang pinagsamantalahan ng mga kapitalista at asendero ang mga karaniwang tao? Talaga bang mas masahol pa ang kalagayan ng mga magsasaka noon kumpara sa mga tao ngayon? Hindi, isa itong kasinungalingang inimbento ng Partido Komunista. Ang mga katunayan at realidad ng sitwasyon ay nahahayag na ngayon, nang paunti-unti. Ang sinasabi nila na sinamantala ng mga kapitalista ang pawis at pagpapagal ng napakaraming karaniwang tao at ang kwento ng “Babaeng Puti ang Buhok” ay pawang gawa-gawa at kasinungalingan—walang totoo rito. Ano ang layon ng mga gawa-gawang kwento at kasinungalingang ito? Ang hikayatin ang mga taong kapootan ang mga asendero at kapitalistang iyon at habang-panahong purihin ang Partido Komunista at magpasakop sa Partido habambuhay. Dati, maraming tao ang kumakanta ng awiting “Kung Wala ang Partido Komunista, Hindi Magkakaroon ng Bagong Tsina.” Kinakanta ang awiting ito sa bawat sulok ng Tsina sa loob ng ilang dekada, ngunit ngayon ay wala nang kumakanta nito. Napakarami talagang halimbawa ng mga gawa-gawang kwento at kasinungalingan ng Partido Komunista, na pawang taliwas sa mga obhetibong katunayan. Ngayon, inilalantad na ng ilang tao ang katotohanan sa publiko upang ipakita sa lahat ng tao ang realidad ng sitwasyon. Sa lipunan ng tao, sa anumang panahon, noon pa man, ang pamantayan ng wastong asal na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian” ay may antas na ng pagiging epektibo sa paghihigpit sa mga pag-uugali ng mga tao at sa pagsisilbi bilang sukatan ng pagkatao ng mga tao. Siyempre, ang isang mas mahalagang epekto ng gayong kasabihan ay na ginamit ito upang tulungan ang mga tagapamahalang patibayin ang kanilang paghahari sa masa. Sa isang partikular na paraan, masasabing ang kasabihang ito ay nagsisilbing isang paraan ng paghihigpit sa mga pag-uugali at wastong asal ng mga tao, nanghihikayat sa mga tao na isipin at tingnan ang mga problema sa balangkas ng pamantayang ito ng wastong asal at pagkatapos ay humatol at magpasya batay sa pamantayang ito. Hindi nito hinihikayat ang mga taong tuparin ang lahat ng responsabilidad na dapat tuparin ng mga tao, kapwa sa kanilang pamilya at sa buong lipunan, bagkus, sa matinding paglabag sa mga kalakaran at kagustuhan ng normal na pagkatao, puwersahan nitong sinasabi sa mga tao kung ano ang iisipin at kung paano mag-iisip, kung ano ang gagawin at kung paano ito gagawin. Nagsisilbi ang kasabihang ito bilang isang uri ng hindi kapansin-pansing pamamaraan at hindi nakikitang balangkas upang gumabay, maghigpit, at gumapos sa mga tao at ipaalam sa kanila kung ano ang dapat at hindi nila dapat na gawin. Ang mithiin nito ay gamitin ang ganitong uri ng opinyon ng madla at pamantayan para sa moralidad ng lipunan upang impluwensiyahan ang mga kaisipan, pananaw ng mga tao, at ang mga paraan ng kanilang pag-asal at pagkilos.
Ang mga pahayag sa wastong asal gaya ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian” ay hindi eksaktong sinasabi sa mga tao kung ano ang mga responsabilidad nila sa lipunan at sa sangkatauhan. Sa halip, paraan ang mga ito upang igapos at pwersahin ang mga tao na kumilos at mag-isip sa partikular na paraan, gusto man nila o hindi, at kahit ano pa ang sitwasyon o konteksto ng pagsapit sa kanila ng mga kabutihang ito. Maraming halimbawa ng pagsukli sa kabutihan mula sa sinaunang Tsina. Halimbawa, ang isang nagugutom na pulubing batang lalaki ay inampon ng isang pamilya na nagpakain, nagbihis, nagsanay sa kanya sa martial arts, at nagturo sa kanya ng lahat ng uri ng kaalaman. Naghintay ang pamilya na lumaki siya, at pagkatapos ay sinimulang gamitin siya bilang mapagkakakitaan, pinalalabas siya para gumawa ng masama, pumatay ng mga tao, at gumawa ng mga bagay na ayaw niyang gawin. Kung titingnan mo ang kwento niya batay sa lahat ng pabor na natanggap niya, iisipin mong mabuting bagay ang pagkakaligtas sa kanya. Pero kung iisipin mo ang mga napilitan siyang gawin kalaunan, mabuti ba talaga ito o masama? (Masama ito.) Pero sa ilalim ng pagkokondisyon ng tradisyonal na kultura gaya ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” hindi nakikita ng mga tao ang pagkakaiba nito. Sa panlabas, mukhang walang pagpipilian ang batang lalaki kundi gumawa ng masasamang bagay at manakit ng mga tao, maging mamamatay-tao—mga bagay na hindi gugustuhing gawin ng karamihan. Ngunit hindi ba’t ang katunayang ginawa niya ang masasamang bagay na ito at pumatay siya ayon sa utos ng kanyang amo, sa kaibuturan, ay nagmumula sa kanyang pagnanais na suklian ang kanyang amo para sa kabutihan nito? Partikular na dahil sa pagkokondisyon ng tradisyonal na kultura ng Tsina gaya ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” hindi mapigilan ng mga taong maimpluwensiyahan at makontrol ng mga ideyang ito. Ang paraan ng kanilang pagkilos, at ang mga layunin at motibasyon sa likod ng mga pagkilos na ito ay tiyak na napipigilan ng mga ito. Nang malagay sa ganoong sitwasyon ang batang lalaki, ano kaya ang unang naisip niya? “Iniligtas ako ng pamilyang ito, at naging mabuti sila sa akin. Hindi pwedeng hindi ako tumanaw ng utang na loob, dapat kong suklian ang kanilang kabutihan. Utang ko ang buhay ko sa kanila, kaya dapat ko itong ilaan sa kanila. Dapat kong gawin ang anumang hinihingi nila sa akin, kahit pa nangangahulugan iyon ng paggawa ng masama at pagpatay ng mga tao. Hindi ko pwedeng isaalang-alang kung tama ba ito o mali, dapat ko lang suklian ang kabutihan nila. Karapat-dapat pa ba akong matawag na tao kung hindi ko gagawin ito?” Dahil dito, kahit kailan naisin ng pamilya na pumatay siya ng isang tao o gumawa ng masama, ginagawa niya ito nang walang pag-aatubili o pasubali. Kaya, hindi ba’t ang kanyang asal, mga ikinikilos, at ang kanyang walang pag-aalinlangang pagsunod ay pawang dinidiktahan ng ideya at pananaw na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian”? Hindi ba’t isinasakatuparan niya ang pamantayang iyon ng moralidad? (Oo.) Ano ang nakikita mo mula sa halimbawang ito? Mabuti ba o hindi ang kasabihang “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian”? (Hindi, walang prinsipyo rito.) Ang totoo, ang isang taong nagsusukli sa kabutihan ay mayroon namang prinsipyo. Ito ay ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian. Kung may gumagawa sa iyo ng kabutihan, dapat mo itong suklian. Kung hindi mo ito magagawa, hindi ka tao at wala kang masasabi kung ikaw ay kokondenahin dahil dito. Ayon sa kasabihan: “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” pero sa sitwasyong ito, ang natanggap ng batang lalaki ay hindi munting kabutihan bagkus ay isang kabutihang nagligtas ng buhay niya, kaya mas higit ang dahilan niyang suklian din ito ng buhay. Hindi niya alam kung ano ang mga limitasyon o mga prinsipyo ng pagsusukli sa kabutihan. Naniniwala siya na ang kanyang buhay ay ibinigay sa kanya ng pamilyang iyon, kaya dapat niya itong ilaan sa kanila bilang kapalit, at gawin ang anumang hinihingi nila sa kanya, kasama na ang pagpatay o iba pang paggawa ng kasamaan. Ang ganitong paraan ng pagsusukli sa kabutihan ay walang mga prinsipyo o limitasyon. Naging kasabwat siya ng masasama at sa paggawa nito ay sinira niya ang kanyang sarili. Tama bang suklian niya ang kabutihan sa ganitong paraan? Hinding-hindi. Kahangalan ang ganitong pagsasagawa ng mga bagay-bagay. Totoong iniligtas siya ng pamilyang ito at hinayaan siyang patuloy na mabuhay, ngunit dapat na may mga prinsipyo, limitasyon, at moderasyon sa pagsusukli ng isang tao sa kabutihan. Iniligtas nila ang buhay niya, ngunit ang layon ng buhay niya ay hindi ang gumawa ng kasamaan. Ang kabuluhan at halaga ng buhay, pati na ang misyon ng tao, ay hindi ang gumawa ng kasamaan at pumatay, at hindi siya dapat mabuhay para lamang sa layuning suklian ang kabutihan. Maling pinaniwalaan ng batang lalaki na ang kabuluhan at halaga ng buhay ay ang buong-pasasalamat na suklian ang kabutihang natanggap. Maling-mali ang pagkaunawang ito. Hindi ba’t resulta ito ng pagkakaimpluwensiya ng pamantayang ito ng wastong asal na, “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian”? (Oo.) Nailigaw ba siya ng impluwensiya ng kasabihang ito tungkol sa pagsusukli sa kabutihan, o natagpuan ba niya ang tamang landas at mga prinsipyo ng pagsasagawa? Napakalinaw naman na siya ay nailigaw—mas malinaw pa ito sa sikat ng araw. Kung wala ang pamantayang ito ng wastong asal, makahahatol ba ang mga tao sa mga simpleng kaso ng tama at mali? (Oo.) Maaaring maisip ng bata: “Maaaring sinagip nga ako ng pamilyang ito, ngunit mukhang ginawa lang nila iyon alang-alang sa kanilang negosyo at kinabukasan. Isa lang akong kasangkapang magagamit nila upang manakit o pumatay ng sinumang gagambala o hahadlang sa kanilang mga negosyo. Ito ang tunay na dahilan kung bakit nila ako iniligtas. Iniahon nila ako mula sa bingit ng kamatayan para lang pilitin akong gumawa ng kasamaan at pumatay—hindi ba’t inihahatid lang nila ako sa impiyerno? Hindi ba’t lalo pa akong magdurusa dahil dito? Kung gayon, mas mabuti pa sana kung hinayaan na lang nila akong mamatay. Hindi naman talaga nila ako sinagip!” Hindi sinagip ng pamilyang ito ang batang pulubi dahil nais nilang magkawanggawa at upang bigyang-daan siyang mamuhay nang mas maayos, ginawa nila iyon para lamang magkaroon ng kontrol sa kanya at upang pilitin siyang manakit, maminsala, at pumatay ng iba. Kaya talaga bang gumagawa sila ng kabutihan o ng kasamaan? Napakalinaw na gumagawa sila ng kasamaan, hindi ng kabutihan—naging masasamang tao na ang mga tagapangalagang ito. Karapat-dapat bang masuklian ang masasamang tao? Dapat ba silang suklian? Hindi sila dapat na suklian. Kaya, sa sandaling matuklasan mong masama sila, ano ang dapat mong gawin? Dapat kang dumistansiya sa kanila, umiwas sa kanila, at maghanap ng paraang makatakas sa kanila. Karunungan ito. Maaaring sabihin ng ilan: “May kontrol na sa akin ang masasamang taong ito, kaya hindi madaling makatakas sa kanila. Imposible ang pagtakas!” Kadalasan, ito ang mga kahihinatnan ng buong-pasasalamat na pagsusukli sa kabutihang natanggap. Dahil kaunting-kaunti na talaga ang mabuting tao at napakaraming masamang tao, kung makatagpo ka ng mabuting tao ay ayos lang na suklian ang kanyang kabutihan, ngunit kung mapapasakamay ka ng isang masamang tao, katumbas iyon ng pagkahulog sa mga kamay ng isang demonyo, ni Satanas. Magpapakana siya laban sa iyo at paglalaruan ka, at walang mabuting ibubunga ang pagkahulog sa mga kamay niya. Napakarami talagang halimbawa nito sa kasaysayan. Ngayong alam mo nang ang buong-pasasalamat na pagsusukli sa kabutihang natanggap ay hindi isang lehitimong pamantayan kung paano ka aasal at kikilos, paano ka dapat kumilos kapag may isang taong nagkaloob sa iyo ng kabutihan? Ano ang mga pananaw ninyo rito? (Kahit sino pa ang tumulong sa amin, dapat kaming magpasya kung tatanggapin ba namin o hindi ang kanyang tulong batay sa sitwasyon. Sa ilang pagkakataon, ayos lang na tumanggap ng tulong, ngunit sa ibang pagkakataon, dapat ay hindi namin pikit-matang tanggapin ang kanyang tulong. Kung tatanggap nga kami ng tulong, kailangan pa rin naming maging maprinsipyo at magtakda ng mga limitasyon sa kung paano namin susuklian ang kanyang kabutihan, upang maiwasang malinlang o masamantala ng masasamang tao.) Isa itong maprinsipyong paraan ng pagharap sa sitwasyon. Dagdag pa, kung hindi mo nakikita nang malinaw ang sitwasyon o hindi ka na makausad, kailangan mong magdasal sa Diyos at hilingin sa Kanyang magbukas ng landas para sa iyo. Bibigyang-daan ka nitong makaiwas sa tukso at makatakas mula sa mga kuko ni Satanas. Kung minsan, gagamitin ng Diyos ang mga serbisyo ni Satanas upang tulungan ang mga tao, ngunit kailangan nating siguraduhing sa Diyos tayo magpapasalamat sa gayong mga pagkakataon at hindi tayo magsusukli ng kabutihan kay Satanas—ito ay usapin ng prinsipyo. Kapag dumarating ang tukso sa anyo ng isang masamang taong nagkakaloob ng kabutihan, kailangan munang maging malinaw sa iyo kung sino talaga ang tumutulong at umaalalay sa iyo, kung ano ang sarili mong sitwasyon, at kung may ibang landas na puwede mong tahakin. Dapat maging handa kang umangkop sa pagharap sa gayong mga sitwasyon. Kung gusto kang iligtas ng Diyos, kahit kaninong serbisyo pa ang gamitin Niya upang maisakatuparan ito, dapat mo munang pasalamatan ang Diyos at tanggapin ito na mula sa Diyos. Hindi mo dapat idirekta lang sa mga tao ang iyong pasasalamat, lalong huwag mong ialay ang iyong buhay sa isang tao bilang pasasalamat. Isa itong malaking pagkakamali. Ang mahalaga ay mapagpasalamat ang iyong puso sa Diyos, at tinatanggap mo ito mula sa Kanya. Kung ang taong nagkakaloob ng kabutihan sa iyo, tumutulong sa iyo, o sumasaklolo sa iyo ay isang mabuting tao, dapat mong suklian ang kanyang kabutihan, ngunit dapat mo lang gawin ang magagawa mo ayon sa iyong kakayahan. Kung ang taong tumulong sa iyo ay may mga maling layunin at nagpaplanong magpakana laban sa iyo at gamitin ka upang makamit ang sarili niyang mga mithiin, hindi mo siya kinakailangang suklian anuman ang mangyari. Sa madaling salita, sinisiyasat ng Diyos ang puso ng tao, kaya basta’t hindi ka nakokonsensiya at tama ang mga motibasyon mo, hindi ito problema. Ibig sabihin, bago mo maunawaan ang katotohanan, kahit papaano, kailangang maging alinsunod sa konsensiya at katwiran ng tao ang iyong mga kilos. Dapat ay magawa mong harapin nang makatwiran ang sitwasyong ito upang hinding-hindi mo pagsisihan ang iyong mga kilos, sa anumang pagkakataon sa hinaharap. Kayong lahat ay nasa hustong gulang na at marami nang napagdaanan sa bansa ng malaking pulang dragon—wala bang anumang paniniil, pang-uusig, pang-aabuso, o pamamahiya sa inyong buhay? Nakikita ninyong lahat nang malinaw kung gaano na kalubhang naging tiwali ang sangkatauhan, kaya anumang tukso ang inyong kaharapin, kailangan ninyo itong harapin nang may karunungan at huwag kayong mahulog sa mapanganib na mga pakana ni Satanas. Anumang sitwasyon ang inyong kaharapin, kailangan ninyong hanapin ang katotohanan at magpasya lamang kayo matapos ninyong maunawaan ang mga prinsipyo sa pamamagitan ng pagdarasal at pagbabahaginan. Sa nakaraang ilang taong ito, isinasakatuparan na ng iglesia ang gawain ng paglilinis at maraming masamang tao, hindi mananampalataya, at anticristo ang nalantad at napaalis o natiwalag. Karamihan sa mga tao ay hindi kailanman inakalang mangyayari ito. Yamang kahit sa loob ng iglesia ay napakarami pa ring taong magulo ang isipan, masama, at hindi mananampalataya, ipinapalagay Kong malinaw na sa inyo kung gaano katiwali at kasama ang mga walang pananampalataya. Kung wala ang katotohanan at karunungan, walang anumang makikita nang malinaw ang mga tao at malilinlang at maloloko lang sila, at mapaglalaruan ng masasamang tao at ni Satanas. Sa gayon, nagiging mga alagad sila ni Satanas. Ang mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan at walang mga prinsipyo ay mga kalokohan lamang ang ginagawa.
Talababa:
a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “Ang pahayag na ito ay.”
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.