Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 4 (Ikalawang Bahagi)
Sa mabubuting pag-uugali, inihalimbawa natin ang pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, pagiging magiliw, at madaling lapitan. Ihahalimbawa na natin ngayon ang pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, at detalyadong pagbabahaginan ito. Napakanormal na pangyayari sa buhay ng tao ang pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata. Maaari pa nga itong makita sa ilang populasyon ng hayop, kaya natural na mas dapat itong makita sa mga tao, na nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran. Dapat ay masunod ng mga tao ang pag-uugaling ito nang mas mahusay, mas kongkreto, at mas praktikal kaysa sa iba pang nilalang, sa halip na mapagpaimbabaw lang. Dapat ay mas mahusay ang mga tao kaysa sa iba pang nilalang sa pagsunod sa mabuting pag-uugali na ito ng pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, dahil nagtataglay ang mga tao ng konsiyensiya at katwiran, na hindi taglay ng iba pang nilalang. Dapat maipakita ng mga tao, sa kanilang pagsunod sa mabuting pag-uugaling ito, na ang pagkatao nila ay nakahihigit sa diwa ng iba pang nilalang, na naiiba ang pagkatao nila. Ngunit ginagawa ba talaga ito ng mga tao? (Hindi.) Ginagawa ba ito ng mga taong may pinag-aralan at kaalaman? (Hindi rin.) Isantabi natin ang mga pangkaraniwang tao at pag-usapan ang mga aktibidad ng mga nakatataas na uri, at ang mga aktibidad ng hukuman. Sa kasalukuyan, ilang bansa ang gumagawa ng maraming drama na tungkol sa palasyo, na naglalantad sa marami sa mga nakaliligalig na kuwento ng mga maharlikang sambahayan. Ang mga miyembro ng palasyo at pangkaraniwang tao ay magkakatulad sa paraang pareho nilang binibigyan ng malaking importansya ang mga herarkiya ng senyoridad. Ang mga nasa loob ng mga maharlikang sambahayan ay nagkaroon ng mas malalim at mas partikular na edukasyon tungkol sa mabuting pag-uugali ng pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata kaysa sa mga pangkaraniwang tao, at ang mga nakababatang henerasyon sa mga maharlikang sambahayan ay mas mahusay sa pagiging marespeto at magalang sa kanilang mga nakatatanda kaysa sa mga pangkaraniwang tao—may sangkot na maraming kagandahang-asal dito. Pagdating sa pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, ang mga nasa loob ng mga maharlikang sambahayan ay may talagang mataas na kinakailangan para sa aspetong ito ng mabuting pag-uugali, na dapat nilang mahigpit na sundin. Sa panlabas, mukha silang sumusunod sa kinakailangang pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata ng tradisyunal na kultura, gaya ng ginagawa ng mga pangkaraniwang tao—gayunpaman, gaano man kahusay o kaangkop nila itong ginagawa, gaano man sila kamukhang disente at hindi mapipintasan, sa likod ng pagkukunwaring ito ng walang kapintasang pag-uugali ay nakatago ang lahat ng uri ng mga paglilipat ng kapangyarihan at pagpapaligsahan ng iba’t ibang puwersa. Sa pagitan ng mga anak at ama, mga apo at lolo, mga alila at panginoon, mga ministro at monarkiya—sa panlabas, lahat sila ay mukhang sumusunod sa pinakabatayang pamantayan para sa pag-uugali: pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata. Ngunit dahil nakahalo lahat ang awtoridad ng monarkiya at iba’t iba pang puwersa, wala talagang silbi ang panlabas na pag-uugaling ito. Ganap itong walang kakayahang makaapekto sa huling resulta ng paglilipat ng kapangyarihan ng monarkiya at pagpapaligsahan ng iba’t ibang puwersa. Natural na ang ganitong uri ng mabuting pag-uugali ay talagang walang kakayahang pigilan ang sinumang nagnanasa sa trono o may mga ambisyon para sa kapangyarihan. Ang mga pangkaraniwang tao ay itinataguyod ang tuntunin ng pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, na ipinasa sa kanila ng kanilang mga ninuno. Sila rin ay namumuhay sa gitna ng mga pagpigil ng tuntuning ito. Gaano man karaming interes ang nagsasalubong, o anumang pakikibaka ang umuusbong kapag nagsasalungatan ang mga interes na iyon, nagagawa pa rin ng mga pangkaraniwang tao na mamuhay nang magkasama pagkatapos. Ngunit iba ang mga bagay-bagay sa loob ng mga maharlikang sambahayan, dahil mas makabuluhan ang kanilang mga interes at labanan sa kapangyarihan. Naglalaban sila nang naglalaban, at ang huling kinalalabasan ay nagiging mga hari ang mga nananalo at nagiging mga kriminal ang mga natatalo—kung hindi mamamatay ang isang partido, iyong isa naman ang mamamatay. Itinataguyod ng lahat ng nananalo at natatalo ang tuntuning ito ng pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, ngunit dahil ang bawat isa ay may ibang dami ng kapangyarihan at may iba-ibang pagnanasa at ambisyon, o dahil sa mga pagkakaiba sa pagitan ng lakas ng bawat partido, nakakaligtas ang ilan sa huli, habang ang iba ay napupuksa. Ano ang nagtatakda nito? Itinatakda ba ito ng tuntuning pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata? (Hindi.) Kung gayon, ano ang nagtatakda nito? (Satanikong kalikasan ng tao.) Ano ang ibig Kong sabihin sa lahat ng ito? Ang ibig Kong sabihin ay na ang mga tuntuning ito, ang kakaiba at tinatawag na mabubuting pag-uugali ng sangkatauhan, ay wala talagang kayang itakda. Ang landas na tinatahak ng isang tao ay ni hindi napagpapasyahan ng kung siya ay may pinag-aralan at matino, magiliw, o mapagpitagan sa matatanda at maalaga sa mga bata kaugnay ng kanyang panlabas na pag-uugali, napagpapasyahan ito ng kalikasan ng tao. Sa madaling salita, hindi isinusulong ng sambahayan ng Diyos ang mga pahayag na ito tungkol sa mabuting pag-uugali na nagmula sa sangkatauhan. Ang mga pag-uugaling ito na itinuturing ng tao na mabuti ay isang uri lang ng mabuting pag-uugali at pagpapamalas; hindi kumakatawan ang mga ito sa katotohanan, at kung may isang taong nagtataglay ng mabubuting pag-uugali at mga pagpapamalas na ito, hindi ito nangangahulugan na isinasagawa niya ang katotohanan, lalong hindi ito nangangahulugan na hinahangad niya ang katotohanan.
Dahil ang mga pag-uugaling ito, na pinaniniwalaan ng tao na mabuti, ay hindi nagmumula sa Diyos, at hindi rin isinusulong ng Kanyang sambahayan ang mga ito, at lalong hindi alinsunod sa Kanyang kalooban ang mga ito, at dahil salungat ang mga ito sa mga salita ng Diyos at sa mga kinakailangan na ipinapanukala Niya, mayroon din bang ilang hinihingi ang Diyos para sa pag-uugali ng sangkatauhan? (Mayroon.) Ang Diyos ay nagpapanukala rin ng ilang pahayag tungkol sa pag-uugali ng mga mananampalataya na sumusunod sa Kanya. Iba ang mga ito sa mga hinihingi ng Diyos sa tao patungkol sa katotohanan, at medyo mas simple ang mga ito, ngunit naglalaman ang mga ito ng ilang partikular na bagay. Ano ang mga hinihingi ng Diyos sa mga sumusunod sa Kanya? Halimbawa, pagtataglay ng banal na kawastuhan ng asal—hindi ba iyon isang kinakailangan para sa pag-uugali ng tao? (Kinakailangan nga.) Nariyan din ang hindi pagiging talipandas, ang pagiging matimpiin, hindi pagsusuot ng kakatwang kasuotan, hindi paninigarilyo o pag-inom, hindi pananakit o berbal na mang-abuso ng iba, gayundin ang hindi pagsamba sa mga diyos-diyosan, paggalang sa mga magulang, at iba pa. Mga kinakailangan sa pag-uugali ang lahat ng ito na ipinapanukala ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod. Ang mga ito ang pinakabatayang kinakailangan at hindi dapat balewalain ang mga ito. May mga partikular na hinihingi ang Diyos para sa pag-uugali ng mga sumusunod sa Kanya, at naiiba ang mga ito sa mabubuting pag-uugaling ipinapanukala ng mga hindi mananampalataya. Ang mabubuting pag-uugali na iminumungkahi ng mga hindi mananampalataya ay ginagawa lang na mas matataas na hayop ang mga tao, ibinubukod sila mula sa ibang mas mabababang hayop. Samantalang ang mga hinihingi ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod ay nagpapaiba sa kanila sa mga hindi mananampalataya, sa mga taong hindi naniniwala sa Diyos. Ang mga ito ay hindi tungkol sa pagiging naiiba sa mga hayop. Noon, mayroon ding usapan tungkol sa “paggawang banal.” Isa itong medyo eksaherado at hindi tumpak na paraan ng pananalita, ngunit nagpanukala ang Diyos ng ilang kinakailangan para sa Kanyang mga tagasunod patungkol sa kanilang pag-uugali. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang mga iyon? (Ang magtaglay ng banal na kawastuhan ng asal, huwag maging talipandas, maging matimpiin, huwag magsuot ng kakatwang kasuotan, huwag manigarilyo o uminom, huwag manakit o berbal na mang-abuso ng iba, huwag sumamba sa mga diyos-diyosan, at igalang ang mga magulang.) Ano pa bukod sa mga iyon? (Ang huwag lustayin ang mga pag-aari ng iba, huwag magnakaw, huwag magbigay ng huwad na patotoo, huwag makiapid.) Kasama rin ang mga iyon. Bahagi ang mga ito ng batas, ang mga ito ay ilang kinakailangan na ipinanukala ng Diyos tungkol sa pag-uugali ng sangkatauhan sa pinakasimula, at nananatiling totoo at praktikal ang mga ito sa kasalukuyan. Ginagamit ng Diyos ang mga kinakailangang ito para pangasiwaan ang pag-uugali ng Kanyang mga tagasunod, ibig sabihin, ang mga panlabas na pag-uugaling ito ang palatandaan ng mga sumusunod sa Diyos. Kung taglay mo ang mga pag-uugali at pagpapamalas na ito, sa puntong kapag tumingin sa iyo ang iba, malalaman nila na mananampalataya ka sa Diyos, kahit papaano ay sasang-ayunan ka nila at hahangaan ka. Sasabihin nila na nagtataglay ka ng banal na kawastuhan ng asal, na mukha kang mananampalataya sa Diyos, at hindi tulad ng isang hindi nananalig. Ang ilang tao na sumampalataya sa Diyos ay nananatiling katulad ng mga hindi nananalig, na madalas na naninigarilyo, umiinom, nakikipag-away, at nakikipagbugbugan. May ilan pa ngang nakikiapid at nagnanakaw. Kahit ang kanilang pag-uugali ay walang kontrol, at hindi sila sumusunod sa mga salita ng Diyos, at kapag nakikita sila ng isang hindi nananalig, sinasabi niya, “Talaga bang mananampalataya sila sa Diyos? Bakit katulad lang sila ng mga taong hindi nananalig sa Diyos?” Hindi hinahangaan o pinagkakatiwalaan ng iba ang gayong tao, kaya kapag sinusubukan ng taong iyon na ipalaganap ang ebanghelyo, hindi ito tinatanggap ng mga tao. Kung nagagawa ng isang tao ang hinihingi ng Diyos sa tao, isa siyang nagmamahal ng mga positibong bagay, mabait siya, at nagtataglay siya ng normal na pagkatao. Naisasagawa ng gayong tao ang mga salita ng Diyos pagkarinig na pagkarinig niya sa mga ito, at walang pagkukunwari sa isinasagawa niya, dahil kahit papaano, kumilos siya sa ganoong paraan batay sa kanyang konsiyensiya at katwiran. Sa anong paraan naiiba ang mga partikular na hinihingi ng Diyos sa tao mula sa mabubuting pag-uugali na isinusulong ng sangkatauhan? (Ang mga hinihingi ng Diyos sa tao ay talagang praktikal, mabibigyang-daan ng mga ito ang mga tao na ipamuhay ang normal na pagkatao, samantalang ang tradisyunal na kultura ay humihingi lang ng ilang pag-uugaling pakitang-tao, na walang totoong silbi.) Tama iyan. Ang mabubuting pag-uugaling hinihingi sa tao ng tradisyunal na kultura ay pawang huwad at pagpapanggap. Peke ang mga ito. Maaaring nangungusap ng magagandang salita ang mga taong sumusunod sa mga ito, ngunit sa loob-loob nila, ibang-iba ang mga bagay-bagay. Ang mabubuting pag-uugaling ito ay isang maskara, isang ilusyon. Ang mga ito ay hindi mga bagay na lumalabas mula sa diwa ng pagkatao ng isang tao, mga balatkayo ang mga ito na isinusuot ng tao alang-alang sa kanyang pagpapahalaga sa sarili, para sa kanyang reputasyon at katayuan. Palabas ang mga ito, isang uri ng mapagpaimbabaw na diskarte, isang bagay na sadyang ginagawa ng isang tao para makita ng iba. Kung minsan, hindi matukoy ng mga tao kung totoo ba o peke ang pag-uugali ng isang tao, pero sa huli, makikita ng lahat ang tunay na kulay ng taong iyon. Kagaya lang ito ng sa mga mapagpaimbabaw na Pariseo, na may napakaraming panlabas na mabubuting pag-uugali at napakaraming pagpapamalas ng kanilang tinatawag na debosyon, subalit nang pumarito ang Panginoong Jesus upang ipahayag ang katotohanan at gawin ang gawain ng pagtubos, kinondena nila Siya at ipinako Siya sa krus, dahil nayayamot sila sa katotohanan at napopoot dito. Ipinapakita nito na ang mabubuting pag-uugali at mga panlabas na diskarte ng mga tao ay hindi kumakatawan sa kanilang kalikasan at diwa. Walang kinalaman ang mga ito sa kalikasan at diwa ng mga tao. Samantala, ang mga tuntunin na hinihingi ng Diyos na tuparin ng tao ay maaaring isagawa at talagang ipamuhay, basta’t ang isang tao ay tunay na nananalig sa Diyos at nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran. Dapat mong gawin ang mga bagay na ito, ginagawa mo man ang mga ito sa harap ng iba o kapag nakatalikod sila; anuman ang diwa ng iyong pagkatao, dapat mong tuparin ang mga kinakailangang ito na ipinanukala ng Diyos. Dahil sumusunod ka sa Diyos, dapat mong pigilin ang iyong sarili at magsagawa ka ayon sa Kanyang mga salita, gaano man kalubha ang iyong tiwaling disposisyon. Pagkatapos ng isang panahon ng gayong karanasan, magkakaroon ka ng tunay na pagpasok, at tunay kang magbabago. Totoo ang tunay na pagbabagong iyon.
Gumawa tayo ng mabilisang buod: Ano ang mga hinihingi ng Diyos para sa pag-uugali ng mga tao? Dapat manatiling maprinsipyo at matimpiin ang mga tao, at dapat silang mamuhay nang may dignidad, nang sa gayon ay irespeto sila ng iba, nang walang anumang pagkukunwari. Ito ang mga hinihinging pag-uugali ng Diyos sa tao. Nangangahulugan ito na ang isang tao ay dapat na magsagawa sa ganitong paraan at magtaglay ng ganitong uri ng realidad, nasa presensya man siya ng iba o wala, o anumang kapaligiran ang kinaroroonan niya, o sinuman ang kinakaharap niya. Dapat taglayin ng mga normal na tao ang mga realidad na ito; ito ang pinakamababang dapat gawin ng isang tao kaugnay ng kanyang pag-asal. Halimbawa, sabihin na may isang taong nagsasalita nang napakalakas, ngunit hindi siya berbal na nang-aabuso ng iba o gumagamit ng masasamang salita, at ang sinasabi niya ay totoo at tumpak, at hindi ito umaatake sa ibang tao. Kahit na ang taong iyon ay tawaging masama ang isang tao o sabihing walang kuwenta ang isang tao, totoo ito. Bagamat hindi umaayon ang kanyang mga panlabas na salita at kilos sa mga kinakailangan ng pagiging magiliw o malumanay at pino na ipinanukala ng mga hindi nananalig, ang nilalaman ng kanyang sinasabi, at ang mga prinsipyo at batayan para sa kanyang pananalita ay binibigyang-daan siyang mamuhay nang may dignidad at integridad. Iyon ang ibig sabihin ng pagiging maprinsipyo. Hindi siya nagsasalita nang walang ingat tungkol sa mga bagay na hindi niya alam, at hindi rin niya basta-bastang hinuhusgahan ang mga taong hindi niya malinaw na makilatis. Kahit na hindi siya mukhang lubos na malumanay sa panlabas, at hindi niya natutugunan ang pamantayan sa pag-uugali ng pagiging sibilisado at pagsunod sa mga tuntunin na sinasabi ng mga hindi nananalig, dahil may takot siya sa Diyos sa puso niya, at mapagtimpi siya sa salita at gawa, ang isinasabuhay niya ay lubos na nahihigitan ang mga pag-uugali ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, at magalang, na sinasabi ng sangkatauhan. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagiging matimpiin at maprinsipyo? (Ganoon nga.) Ano’t anuman, kung titingnan ninyo nang mabuti ang mga kinakailangan ng mabuting pag-uugali na ipinapanukala ng Diyos para sa Kanyang mga mananampalataya, alin sa mga ito ang hindi kongkretong tuntunin tungkol sa kung ano ang dapat na praktikal na ipamuhay ng mga tao? Alin sa mga ito ang humihiling sa mga tao na magpanggap? Wala sa mga ito, hindi ba? Kung mayroon kayong anumang pagdududa, maaari ninyong sabihin ang mga ito. Halimbawa, maaaring sabihin ng ilan, “Kapag sinasabi ng Diyos na huwag manakit o berbal na mang-abuso ng ibang tao, parang medyo kabulaanan ito, dahil may mga tao ngayon mismo na kung minsan ay berbal na nang-aabuso ng iba, at hindi sila kinokondena ng Diyos.” Kapag sinasabi ng Diyos na huwag berbal na mang-abuso ng ibang tao, ano ang tinutukoy ng “berbal na pang-aabuso”? (Kapag naglalabas ang isang tao ng kanyang mga nararamdaman dahil sa kanyang tiwaling disposisyon.) Paglalabas ng mga nararamdaman, bulgar na pagsasalita—iyon ang berbal na pang-aabuso. Kung hindi maganda ang sinabi tungkol sa isang tao, ngunit umaayon ito sa kanyang tiwaling diwa, hindi iyon berbal na pang-aabuso. Halimbawa, may isang taong maaaring nagambala at nagulo ang gawain ng iglesia at nakagawa ng maraming kasamaan, at sinabi mo sa kanya, “Napakarami mong nagawang kasamaan. Balasubas ka—hindi ka tao!” Maituturing ba iyon na berbal na pang-aabuso? O pagbuhos ng tiwaling disposisyon? O paglalabas ng mga nararamdaman? O hindi pagtataglay ng banal na kawastuhan ng asal? (Naaayon ito sa mga katunayan, kaya hindi ito maituturing na berbal na pang-aabuso.) Tama iyan, hindi ito maituturing na berbal na pang-aabuso. Alinsunod ito sa mga katunayan—ito ay tunay na mga salita, sinabi nang may katotohanan, at walang nakakubli o nakatago. Maaaring hindi ito umaayon sa pagiging may pinag-aralan at matino o malumanay at pino, ngunit umaayon naman ito sa mga katunayan. Ikukumpara ng taong nasumbatan ang kanyang sarili sa mga salitang iyon at susuriin ang sarili, at makikita niya na sinumbatan siya dahil may ginawa siyang mali at gumawa siya ng napakaraming kasamaan. Kapopootan niya ang sarili, iniisip na, “Wala talaga akong kuwenta! Barubal na tao lang ang makakagawa ng ginawa ko—hindi ako tao! Tama at mabuti lang na sinumbatan niya ako nang ganoon!” Pagkatapos itong tanggapin, magkakamit siya ng kaunting kaalaman tungkol sa kanyang kalikasan at diwa, at pagkatapos ng isang panahon ng karanasan at pagdanas, tunay siyang magsisisi. Sa hinaharap, marunong na siyang hanapin ang mga prinsipyo habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Hindi ba’t natauhan siya nang masumbatan siya? Hindi ba’t sa ganoon ay may kaibahan sa pagitan ng gayong panunumbat at ng “berbal na pang-aabuso” sa hinihingi ng Diyos na huwag berbal na mang-abuso ang mga tao? (May kaibahan nga.) Ano ang kaibahan? Ano ang ibig sabihin ng “berbal na pang-aabuso” sa hinihingi ng Diyos na huwag berbal na mang-abuso ang mga tao? Ang isang aspeto nito ay na kung ang nilalaman at mga salita ay garapal, hindi maganda iyon. Hindi nais ng Diyos na makarinig ng anumang bulgar na salita mula sa bibig ng Kanyang mga tagasunod. Hindi Niya gustong marinig ang mga salitang iyon. Ngunit kung may ginamit na ilang hindi magandang salita habang nagbubunyag ng mga katunayan, gumagawa ng mga eksepsyon para sa mga ganoong sitwasyon. Hindi iyon berbal na pang-aabuso. Ang isa pang aspeto ay: ano ang diwa ng pag-uugali ng berbal na pang-aabuso? Hindi ba’t pagbubulalas ito ng init ng ulo? Kung maipapaliwanag naman ang isang problema nang malinaw at klaro sa pamamagitan ng normal na pagbabahagi, pagpapayo, at pakikipag-usap, bakit pa berbal na aabusuhin ang isang tao? Hindi magandang gawin ito, hindi ito naaangkop. Kung ikukumpara sa mga positibong pamamaraan na iyon, hindi normal na gawin ang berbal na pang-aabuso. Paglalabas ito ng mga nararamdaman at paglalantad ng pagiging mainitin ng ulo, at hindi nais ng Diyos na gamitin ng mga tao ang paglalabas ng kanilang mga nararamdaman o pagbubulalas ng init ng ulo bilang paraan ng pagharap sa anumang uri ng bagay. Kapag nagbubulalas ng init ng ulo at naglalabas ng mga nararamdaman ang mga tao, ang pag-uugali na madalas nilang ipinapakita ay paggamit ng wika upang berbal na mang-abuso at umatake. Sasabihin nila ang anumang pinakahindi kanais-nais, at sasabihin nila ang anumang makakasakit sa ibang tao at makapagpapahupa ng sarili nilang galit. At kapag tapos na sila, hindi lang nila nadungisan at nasaktan ang ibang tao—nadungisan at nasaktan din nila ang kanilang sarili. Hindi ito ang saloobin o pamamaraan na dapat gamitin ng mga tagasunod ng Diyos sa pagharap sa mga bagay-bagay. Dagdag pa rito, ang mga tiwaling tao ay palaging nag-iisip ng paghihiganti, ng paglalabas ng mga nararamdaman at kawalang-kasiyahan, ng pagbubulalas ng init ng ulo. Gusto nilang palaging berbal na abusuhin ang iba, at kapag may mga nangyayari, kapwa malaki at maliit, ang pag-uugali na agad nilang ipinapakita ay berbal na pang-aabuso. Kahit na alam nilang hindi malulutas ng ganoong pag-uugali ang isyu, ginagawa pa rin nila. Hindi ba’t isa iyong satanikong pag-uugali? Gagawin pa nga nila ito kapag mag-isa sila sa kanilang mga tahanan, kapag walang makaririnig sa kanila. Hindi ba’t paglalabas iyon ng mga nararamdaman? Hindi ba’t paglalantad iyon ng pagiging mainitin ng ulo? (Ganoon na nga.) Sa pangkalahatan, ang ibig sabihin ng paglalantad ng pagiging mainitin ng ulo at paglalabas ng mga nararamdaman ay paggamit ng pagiging mainitin ng ulo bilang paraan ng pagharap at pag-asikaso sa isang bagay; ang ibig sabihin nito ay pagharap sa lahat ng usapin nang may mainit na ulo, at ang isang pag-uugali at pagpapamalas niyan ay berbal na pang-aabuso. Dahil iyon ang diwa ng berbal na pang-aabuso, hindi ba’t isang mabuting bagay na hinihingi ng Diyos na huwag iyong gawin ng tao? (Ganoon nga.) Hindi ba’t makatwiran na hinihingi ng Diyos sa tao na huwag berbal na mang-abuso ng iba? Hindi ba’t kapaki-pakinabang ito sa tao? (Kapaki-pakinabang nga.) Sa huli, ang mithiin ng hinihingi ng Diyos na hindi dapat manakit o berbal na mang-abuso ng iba ang tao ay ang mahimok ang mga tao na magtimpi, at pigilan sila sa palaging pamumuhay sa gitna ng kanilang mga nararamdaman at pagiging mainitin ng ulo. Anuman ang sabihin nila kapag berbal nilang inaabuso ang isang tao, ang bagay na lumalabas sa mga taong namumuhay sa gitna ng kanilang mga nararamdaman at pagiging mainitin ng ulo ay tiwaling disposisyon. Anong tiwaling disposisyon iyon? Pinakamababa na ang disposisyon ng pagiging malupit at mayabang. Kalooban ba ng Diyos na malutas ang anumang problema sa pamamagitan ng paglalabas ng tiwaling disposisyon? (Hindi.) Hindi nais ng Diyos na gumamit ang Kanyang mga tagasunod ng mga ganoong pamamaraan para harapin ang anuman sa mga bagay na nangyayari sa paligid nila. Ang implikasyon nito ay na ayaw ng Diyos kapag hinaharap ng mga tao ang lahat ng bagay na nangyayari sa paligid nila sa pamamagitan ng pananakit sa iba at berbal na pang-aabuso sa mga ito. Hindi mo malulutas ang anumang problema sa berbal na pang-aabuso sa mga tao, at ang paggawa nito ay nakakaapekto sa iyong abilidad na kumilos ayon sa mga prinsipyo. Ni hindi man lang ito isang positibong pag-uugali, hindi rin ito isang pag-uugali na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Iyon ang dahilan kung bakit hinihingi ng Diyos sa mga sumusunod sa Kanya na huwag silang manakit o berbal na mang-abuso ng iba. Sa “berbal na pang-aabuso,” mayroong mga damdamin at pagiging mainitin ng ulo. “Mga damdamin”—ano ang partikular na tinutukoy nito? Kasama rito ang pagkapoot at mga pagsumpa, pagnanais na may hindi magandang mangyari sa iba, pag-asam na matamo ng iba ang parusa na nararapat sa kanila ayon sa kahilingan ng isang tao, at pag-asam na humantong ang iba sa isang hindi magandang katapusan. Partikular na sinasaklaw ng mga damdamin ang mga negatibong bagay na tulad nito. Ano kung gayon ang ibig sabihin ng “pagiging mainitin ng ulo”? Ang ibig sabihin nito ay paglalabas ng isang tao ng kanyang mga nararamdaman gamit ang mga matindi, pasibo, negatibo, at masamang pamamaraan, at pag-asam na mawala ang mga bagay at tao na hindi niya gusto, o na maharap sa sakuna ang mga ito, nang sa gayon ay magalak siya sa kasawian ng mga ito, gaya ng hiniling niya. Iyon ang pagiging mainitin ng ulo. Ano ang sinasaklaw ng pagiging mainitin ng ulo? Pagkapoot, pagkasuklam, at mga pagsumpa, pati na rin ilang masamang hangarin—ang lahat ng ito ay mga bagay na sinasaklaw ng pagiging mainitin ng ulo. May positibo ba sa anuman sa mga ito? (Wala.) Nasa anong kondisyon ang isang tao kapag namumuhay siya sa gitna ng mga damdaming ito at ng pagiging mainitin ng ulo? Hindi ba’t malapit na siyang maging isang hibang na demonyo? Kapag mas berbal kang nang-aabuso ng mga tao, mas magagalit ka, at mas magiging malupit ka, at mas nanaisin mong berbal na mang-abuso ng iba, at sa huli, nanaisin mong magbuhat ng kamay at manakit ng isang tao. At kapag nanakit ka ng isang tao, nanaisin mong malubha siyang sugatan, na kitilin ang kanyang buhay, na nangangahulugang: “Pupuksain kita! Papatayin kita!” Isang munting damdamin—isang negatibong damdamin—ang humantong sa paglala at pagsiklab ng pagiging mainitin ng ulo ng isang tao, at sa huli, nagiging sanhi ito para hilingin ng mga tao ang pagkawala at pagkapuksa ng isang buhay. Isa ba iyong bagay na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao? (Hindi.) Mukha ito ng ano? (Mukha ito ng diyablo.) Ito ang diyablo na naglalantad sa tunay nitong anyo. Ito ang parehong mukha na taglay ng isang demonyo, kapag malapit na nitong lamunin ang isang tao. Lumilitaw ang malademonyong kalikasan nito, at hindi ito makokontrol. Iyon ang ibig sabihin ng pagiging hibang na demonyo. At gaano nagiging kahibang ang mga taong ito? Nagiging demonyo sila na gustong lamunin ang laman at kaluluwa ng tao. Ang pinakamalubhang kahihinatnan ng berbal na pang-aabuso ay na maaari nitong palakihin ang isang simpleng bagay, at humantong sa kamatayan ng isang tao. Maraming isyu ang nagsisimula sa kaunting iringan sa pagitan ng dalawang tao, na humahantong sa pagsigaw at berbal na pang-aabuso sa isa’t isa, pagkatapos ay sa pagsasakitan, na sinusundan ng udyok na pumatay, na nagkakatotoo—isa sa kanila ang napatay, at ang isa pa ay nahatulan ng pagpatay at nasentensyahan ng kamatayan. Pareho silang talo sa huli. Ito ang pinakaresulta. Tapos na sila sa kanilang berbal na pang-aabuso, tapos na silang maglabas ng kanilang mga damdamin, nalantad na nila ang lahat ng kanilang pagiging mainitin ng ulo, at pareho silang napunta sa impiyerno. Iyan ang resulta. Ganyan ang mga kahihinatnan na sasapit sa tao mula sa paglalabas ng kanyang mga damdamin at sa paglala at pagsiklab ng kanyang pagiging mainitin ng ulo. Hindi ito magandang resulta, isa itong masamang resulta. Kita mo, ito ang uri ng resulta na kinakaharap ng tao na bunga ng pag-uugaling dulot ng isang simple at negatibong damdamin. Ayaw ng mga taong makakita ng gayong resulta, at hindi rin sila handang harapin mismo iyon, ngunit dahil namumuhay ang mga tao sa gitna ng lahat ng uri ng masasamang damdamin, at dahil gapos at kontrolado sila ng pagiging mainitin ng ulo, na madalas na lumalala at sumisiklab, ang gayong mga kinahihinatnan ang nangyayari sa huli. Sabihin mo sa Akin, isang simpleng pag-uugali ba ang berbal na pang-aabuso? Maaaring hindi magbunga ng ganoon kasamang resulta ang berbal na pang-aabuso na ginagawa ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay—ibig sabihin, hindi masasabing talagang mauuwi sa ganoon kasamang resulta ang lahat ng insidente ng berbal na pang-aabuso. Gayunpaman, ito ang diwa ng berbal na pang-aabuso. Ito ay ang paglalabas ng mga damdamin ng isang tao at ang paglala at pagsiklab ng pagiging mainitin ng ulo niya. Samakatuwid, ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan na huwag berbal na mang-abuso ng iba ay tiyak na para sa kapakinabangan ng tao—kapaki-pakinabang ito sa kanya sa isang daang paraan at hindi ito nakapipinsala sa kanya—at kasabay nito, bahagi ito ng kabuluhan ng pagpapanukala ng Diyos sa kinakailangan na ito para sa sangkatauhan. Ang kinakailangan na huwag berbal na mang-abuso ng iba ay maaaring hindi tumaas sa antas ng pagsasagawa o paghahangad sa katotohanan, ngunit ang ganitong uri ng kinakailangan ay dapat pa ring sundin ng tao.
Kaya bang tuparin ng mga tao ang hinihingi ng Diyos na hindi nila dapat berbal na abusuhin ang isa’t isa sa pamamagitan lang ng pag-asa sa pagpipigil sa sarili? Kapag nagagalit ang mga tao, madalas na hindi nila nagagawang pigilin ang kanilang sarili. Kaya, paano matutupad ng mga tao ang hinihingi na ito na huwag berbal na abusuhin ang isa’t isa? Kapag malapit mo nang berbal na abusuhin ang isang tao, partikular na kapag hindi mo magawang pigilin ang iyong sarili, dapat kang magmadaling magdasal. Kung magdarasal ka nang ilang sandali at taimtim na magsusumamo sa Diyos, malamang na mapapawi ang galit mo. Sa sandaling iyon, magagawa mong epektibong pigilin ang sarili mo, at kontrolin ang iyong mga emosyon at init ng ulo. Halimbawa, kung minsan ay maaaring may masabi ang mga tao na magpaparamdam sa iyo ng pagkainsulto, o maaari ka nilang husgahan habang nakatalikod ka, o maaaring sadya o hindi sadya ka nilang masasaktan, o maaaring samantalahin ka nila nang kaunti, nakawan ka, o pinsalain pa ang iyong mahahalagang interes. Kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay na ito, iisipin mo, “Sinaktan niya ako, kaya napopoot ako sa kanya, gusto ko siyang alipustahin, gusto kong maghiganti sa kanya, gusto ko pa nga siyang saktan. Gusto kong magplano nang masama kapag nakatalikod siya para turuan siya ng leksyon.” Hindi ba’t ang lahat ng ito ay dulot ng masasamang emosyon? Ang kahihinatnang dulot ng masasamang emosyon ay na hihilingin mong gawin ang mga bagay na ito. Kapag mas lalo mo itong iniisip, lalo kang magagalit, at lalo mong iisiping inaapi ka ng taong ito, at na nainsulto ang iyong dignidad at karakter. Hindi ka magiging komportable sa loob-loob mo, at nanaisin mong maghiganti. Hindi ba’t ito ang pagiging pabigla-biglang dala ng init ng ulo na dulot sa iyo ng mga negatibong emosyong ito? (Ito nga.) Anong uri ng pag-uugali ang pagnanasa mong ito na maghiganti? Hindi ba’t malapit ka nang maglabas ng init ng ulo? Sa mga ganitong pagkakataon, dapat mong patahimikin ang iyong sarili; una sa lahat, dapat kang manalangin sa Diyos, pigilin mo ang iyong sarili, pagnilayan at hanapin ang katotohanan, at wais kang kumilos. Iyon lang ang paraan upang maiwasan ang isang sitwasyon kung saan mababalisa ka, at kung saan uusbong sa loob mo ang poot, mga emosyon, at init ng ulo. Maaaring sabihin ng ilan: “Kung magkasamang nagtatrabaho buong araw ang dalawang tao, imposibleng maiwasan ang ganitong klaseng sitwasyon.” Kahit pa hindi mo maiwasan ang sitwasyong ito, hindi ka dapat gumanti, dapat kang magtimpi. Paano mo mapipigilan ang iyong sarili? Una sa lahat, dapat mong isipin sa loob-loob mo: “Kung gaganti ako, tiyak na hindi iyon ikalulugod ng Diyos, kaya hindi ko puwedeng gawin iyon. Ang pagkapoot, paghihiganti, at pagkasuklam ay pawang mga bagay na hindi gusto ng Diyos.” Hindi gusto ng Diyos ang mga bagay na ito, ngunit nais mo pa ring gawin ang mga ito, at hindi mo makontrol ang iyong sarili. Paano mo ito dapat lutasin? Natural na dapat kang umasa sa Diyos; kung hindi ka mananalangin sa Diyos, hindi mo ito malulutas. Dagdag pa rito, kung masyadong mababa ang tayog mo, at masyadong mainitin ang ulo mo, at talagang hindi mo mapigilan ang iyong mga emosyon at init ng ulo, at gusto mong maghiganti, hinding-hindi mo pa rin dapat ibuka ang bibig mo para berbal na abusuhin ang taong iyon. Maaari kang umalis sa kung nasaan ka man naroon, at hayaan ang ibang tao na pumagitna at lutasin ang sitwasyon. Dapat kang manalangin sa Diyos nang tahimik at bumigkas ng ilang nauugnay na parirala ng mga salita ng Diyos. Manalangin sa Diyos sa ganitong paraan, at dahan-dahang mawawala ang init ng ulo mo. Mapagtatanto mong hindi makalulutas ng mga problema ang berbal na pang-aabuso sa mga tao, at na magiging paghahayag ito ng katiwalian, at makapagdadala lang ito ng kahihiyan sa Diyos. Hindi ba’t malulutas ng pananalangin sa ganitong paraan ang iyong problema? Ano ang palagay ninyo sa solusyong ito? (Maganda ito.) Hanggang dito na lang ang Aking pagbabahagi sa regulasyong pang-asal na isinusulong ng Diyos: “Huwag manakit o berbal na mang-abuso ng iba.”
Katatapos Ko lang magbahagi tungkol sa mabubuting pag-uugali na hinihingi ng Diyos sa mga tao na itaguyod, ano ang mga ito? (Ang magtaglay ng banal na kawastuhan ng asal, huwag maging talipandas, maging matimpiin, huwag magsuot ng kakatwang kasuotan, huwag manakit o berbal na mang-abuso ng iba, huwag manigarilyo o uminom, huwag sumamba sa mga diyos-diyosan, igalang ang mga magulang, huwag magnakaw, huwag lustayin ang mga pag-aari ng iba, huwag makiapid, at huwag magbigay ng huwad na patotoo.) Oo, tama ang lahat ng ito. Sabihin sa Akin, may bisa pa rin ba ngayon ang mga kinakailangang isinulong sa batas, tulad ng mga tungkol sa huwag magnakaw at huwag manamantala ng iba? Epektibo pa rin ba ang mga ito? (May bisa at epektibo pa rin ang mga ito.) Paano naman ang mga kautusan mula sa Kapanahunan ng Biyaya? (May bisa pa rin ang mga ito.) Kung gayon, bakit isinulong ng Diyos ang mga partikular na kinakailangang ito? Sa anong aspeto ng pagsasagawa ng tao nauugnay ang mga partikular na kinakailangang ito? Kung hindi isinulong ng Diyos ang mga kinakailangang ito, mauunawaan ba ng mga tao ang mga bagay na ito? (Hindi nila mauunawaan.) Hindi mauunawaan ng mga tao ang mga ito. Sa katunayan, ang mga partikular na kinakailangang ito na isinulong ng Diyos para kontrolin ang pag-uugali ng tao ay may kaugnayan lahat sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Ang punto ng pagsusulong sa mga partikular na kinakailangang ito ay bigyang-kakayahan ang mga tao na tumpak na makilatis at matukoy ang mga positibo at negatibong bagay, pati na ang kung ano ang tama at mali; ito ay para turuan ang mga tao na negatibong bagay ang pakikiapid, na kahiya-hiya ito, kinamumuhian ng Diyos, inaalipusta ng tao, at na dapat pigilin ng mga tao ang kanilang sarili sa bagay na ito, na hindi nila dapat gawin ang gawaing ito, o magkamali sa usaping ito; ito ay para turuan din ang mga tao na ang mga pag-uugaling tulad ng pananamantala sa iba, pagnanakaw, at iba pa ay pawang mga negatibong bagay, at hindi dapat gawin ng mga tao ang mga ito. Kung gusto mong ginagawa ang mga bagay na ito, at nagawa mo na ang mga bagay na ito, hindi ka mabuting tao. Paano makikita ng isang tao ang kaibahan sa pagitan ng isang taong may mabuting pagkatao at isang taong may masamang pagkatao, o ang kaibahan sa pagitan ng isang positibong tao at isang negatibong tao? Una sa lahat, dapat mo itong kumpirmahin—maaari lang tumpak na matukoy ang mga tao, at maaari lang makita ang kaibahan ng mga positibo at negatibong tao batay sa mga salita ng Diyos. Maaari lang malinaw na matukoy at mahiwatigan ang mga tao batay sa mga kinakailangan at pamantayang isinulong ng Diyos para kontrolin ang pag-uugali ng tao. Magbibigay Ako ng halimbawa: Kung ang isang tao ay malikot ang kamay, at hilig nakawan ang ibang tao, ano ang lagay ng kanyang pagkatao? (Masama.) Ang pagnanakaw ay isang napakasamang gawa, kaya ang mga nagnanakaw ay masasamang tao. Nag-iingat laban sa kanila ang lahat ng ibang tao, at dumidistansya sa kanila, at itinuturing silang mga magnanakaw. Sa isip ng mga tao, mga negatibong tao ang mga magnanakaw, negatibong bagay ang pagnanakaw, at isa itong makasalanang pag-uugali. Hindi ba’t nakumpirma na ito kung gayon? Narito ang isa pang halimbawa: Sabihin nang may isang nakikiapid, at hindi alam ng ilang tao kung positibo o negatibong bagay iyon—ang tanging paraan para masukat nila ito nang tumpak ay ayon sa mga salita ng Diyos, dahil tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Anumang bagong pahayag ang sabihin ng mga sistemang legal at moralidad tungkol sa pakikiapid, ang mga ito ay hindi ang katotohanan. Ang mga salitang sinabi ng Diyos, “huwag makiapid,” ay ang katotohanan, at hindi kailanman magwawakas ang katotohanan. Mula sa sandaling isinulong ng Diyos ang kinakailangang “huwag makiapid,” dapat ay nagsimula na ang lahat na itaboy ang at dumistansya sa mga nakikiapid. Walang pagkatao ang mga ganoong tao, at kahit papaano, kung susukatin mo sila mula sa pananaw ng pagkatao, hindi sila mabubuting tao. Ang sinumang taong nagsasagawa ng ganitong uri ng pag-uugali, at nagtataglay ng ganitong uri ng pagkatao ay kahiya-hiya, kinamumuhian siya ng tao, minamaliit siya at itinataboy sa mga grupo, at tinatanggihan siya ng madla. Batay sa mga salita ng Diyos, makukumpirma nating isang negatibong bagay ang pakikiapid, at ang mga taong gumagawa nito ay mga negatibong tao. Gaano man kasumama ang mga kalakaran ng lipunan, mga negatibong bagay ang pakikiapid at pangangalunya, at ang mga taong gumagawa ng mga ito ay mga negatibong tao. Tiyak na tiyak ito, at dapat mo itong mahalata; hindi ka dapat malinlang o maakit ng masasamang kalakaran ng lipunan. Dagdag pa sa mga ito, may ilan pang partikular na kinakailangan: Sinasabi ng Diyos sa mga tao na huwag sumamba sa mga diyos-diyosan, na igalang ang mga magulang, na huwag manakit o berbal na mang-abuso ng iba, na magtaglay ng banal na kawastuhan ng asal, at iba pa. Ang mga partikular na kinakailangang ito ay pawang mga pamantayang ginagamit ng Diyos upang kontrolin ang pag-uugali ng tao. Sa madaling salita, bago tinustusan ng Diyos ang mga tao ng katotohanan, itinuro Niya sa kanila kung aling mga gawi ang tama at positibo, at kung alin ang mali at negatibo, sinabi Niya sa kanila kung paano maging mabuting tao at aling magagandang pag-uugali ang dapat nilang taglayin upang maging taong may normal na pagkatao, pati na rin kung anong mga bagay ang dapat at hindi dapat nilang gawin bilang taong may normal na pagkatao, nang sa gayon ay makapili sila nang tama. Ang lahat ng kinakailangang ito na kumokontrol sa pag-uugali ng tao ay mga bagay na dapat tunay na isabuhay ng bawat normal na tao, at ang mga ito ang batayan kung paano hinaharap at inaasikaso ng bawat tao ang lahat ng nararanasan nila. Halimbawa, sabihin na nakita mo ang isang tao na may isang bagay na maganda, at gusto mo itong angkinin, ngunit maiisip mo: “Sinasabi ng Diyos na maling nakawan ang ibang tao, sinabi Niyang hindi kami dapat magnakaw o manamantala ng iba, kaya hindi ko siya nanakawan.” Hindi ba’t napigil kung gayon ang pag-uugaling magnakaw? At kasabay ng pagkapigil, hindi ba’t nakontrol ang iyong pag-uugali? Bago isinulong ng Diyos ang mga kinakailangang ito, kapag nakakakita ang mga tao ng isang bagay na maganda na pag-aari ng ibang tao, ninanais nilang angkinin ito. Hindi nila iniisip na ang paggawa nito ay mali o kahiya-hiya, o na kinamumuhian ito ng Diyos, o na isa itong negatibong bagay, o na isa pa nga itong kasalanan; hindi nila alam ang mga bagay na ito, hindi nila taglay ang mga konseptong ito. Matapos isulong ng Diyos ang kinakailangang, “huwag magnakaw,” napagkalooban ang mga tao ng mental na limitasyon pagdating sa paggawa ng mga ganitong klase ng bagay, at sa pamamagitan ng limitasyong ito, natutunan nilang may kaibahan sa pagitan ng pagnanakaw at hindi pagnanakaw. Ang pagnanakaw ay katumbas ng paggawa ng isang bagay na negatibo, ng paggawa ng isang bagay na masama, at kahiya-hiya ito. Ang hindi pagnanakaw ay pagsunod sa moralidad ng pagkatao, at may pagkatao rito. Ang mga hinihingi ng Diyos tungkol sa pag-uugali ng tao ay hindi lang nilulutas ang mga negatibong pag-uugali at pamamaraan ng mga tao, kasabay nito, kinokontrol din ng mga ito ang pag-uugali ng tao, at binibigyang-kakayahan ang mga taong mamuhay nang may normal na pagkatao, na magtaglay ng mga normal na pag-uugali at pagpapamalas, at na kahit papaano ay magmukhang mga tao, magmukhang mga normal na tao. Sabihin sa Akin, hindi ba’t napakamakahulugan ng mga kinakailangang ito na isinulong ng Diyos upang kontrolin ang pag-uugali ng tao? (Napakamakahulugan nga.) Makahulugan ang mga ito. Gayunpaman, ang mga partikular na kinakailangang ito na kumokontrol sa pag-uugali ng tao ay malayo-layo pa rin sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos ngayon, at hindi maaaring itaas ang mga ito sa antas ng katotohanan. Ito ay dahil matagal na panahon na ang nakararaan, noong Kapanahunan ng Kautusan, ang mga kinakailangang ito ay mga batas lang na kumontrol sa pag-uugali ng tao, ang mga ito ay paggamit ng Diyos ng pinakasimple at deretsahang wika upang sabihin sa mga tao kung anong mga bagay ang dapat at hindi nila dapat gawin, at ang mga ito ay paggawa Niya ng ilang patakaran para sa kanila. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga kinakailangang ito ay mga utos lang, at sa kasalukuyan, maaari lang masabing ang mga ito ay mga pamantayan para sa pagsukat sa sariling pag-uugali ng isang tao, at para sa pagsusuri ng mga bagay-bagay. Bagamat hindi maitataas ang mga pamantayang ito sa antas ng katotohanan, at may partikular na agwat sa pagitan ng mga ito at ng katotohanan, mahahalagang paunang kondisyon ang mga ito para sa paghahangad at pagsasagawa ng tao sa katotohanan. Kapag kumakapit ang isang tao sa mga patakarang ito, sa mga batas at utos na ito, sa mga kinakailangan at pamantayan sa pag-uugaling ito na itinatag ng Diyos upang kontrolin ang pag-uugali ng tao, masasabing nagtataglay siya ng mga batayang paunang kondisyon para sa pagsasagawa at paghahangad sa katotohanan. Kung ang isang tao ay naninigarilyo at umiinom ng alak, kung talipandas ang ugali niya, at nakikiapid siya, at sinasamantala ang ibang tao, at madalas na nagnanakaw, at sasabihin mong, “Mahal ng taong ito ang katotohanan, at tiyak na maisasagawa niya ito at matatamo niya ang kaligtasan,” magiging makatwiran ba ang pahayag na iyon? (Hindi ito magiging makatwiran.) Bakit hindi ito magiging makatwiran? (Walang kakayahan ang taong iyon na tuparin ang kahit man lang pinakabatayan sa mga kinakailangan ng Diyos, imposibleng maisagawa niya ang katotohanan, at kung sasabihin ng isang tao na minamahal niya ang katotohanan, isa iyong kasinungalingan.) Tama iyan. Wala man lang pinakabatayang antas ng pagpipigil sa sarili ang taong ito. Ang implikasyon nito ay na wala siya kahit man lang pinakabatayang antas ng konsiyensiya at katwiran na dapat taglayin ng isang tao. Sa madaling salita, hindi nagtataglay ang taong ito ng konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Ano ang ibig sabihin ng hindi pagtataglay ng konsiyensiya at katwiran? Nangangahulugan ito na narinig ng taong ito ang mga salitang sinabi ng Diyos, at ang mga kinakailangang isinulong ng Diyos para sa tao, at ang mga patakarang itinatag ng Diyos, at hindi man lang niya sineryoso ang mga ito. Sinasabi ng Diyos na masamang nakawan ang ibang tao, at na hindi dapat magnakaw ang mga tao, at naiisip ng taong ito: “Bakit ipinagbabawal na magnakaw ang mga tao? Napakadukha ko, paano ako mabubuhay kung hindi ako magnanakaw? Yayaman ba ako kung hindi ako magnanakaw ng mga bagay-bagay o mananamantala ng ibang tao?” Hindi ba’t wala siyang konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao? (Wala nga.) Hindi niya mapanghawakan ang mga kinakailangang ginawa ng Diyos upang pigilin ang pag-uugali ng tao, kaya hindi siya isang taong nagtataglay ng normal na pagkatao. Kung may magsasabing ang isang taong hindi nagtataglay ng normal na pagkatao ay minamahal ang katotohanan, posible ba iyon? (Hindi iyon posible.) Hindi niya mahal ang mga positibong bagay, at bagamat sinasabi ng Diyos na hindi dapat magnakaw o makiapid ang mga tao, hindi niya matugunan ang mga kinakailangang ito, at nayayamot siya sa mga salitang ito ng Diyos—kaya may kakayahan ba siyang mahalin ang katotohanan? Lubos na mas mataas ang katotohanan kaysa sa mga pamantayang ito sa pag-uugali—matatamo ba niya ito? (Hindi.) Ang katotohanan ay hindi isang simpleng pamantayan sa pag-uugali, hindi ito basta lang maiisip ng mga tao ang katotohanan kapag nagkakasala sila o nagiging pabasta-basta at padalos-dalos, at pagkatapos ay mapipigilan sila, at hindi na magkakasala o kikilos nang pabasta-basta at padalos-dalos. Hindi lang basta pinipigilan ng katotohanan ang pag-uugali ng mga tao sa simpleng paraang ito—ang katotohanan ay maaaring maging buhay ng isang tao, at maaari nitong pangibabawan ang lahat ng tungkol sa isang tao. Kapag tinatanggap ng mga tao ang katotohanan bilang kanilang buhay, natatamo ito sa pamamagitan ng pagdanas nila sa gawain ng Diyos, pagkilala sa katotohanan, at pagsasagawa sa katotohanan. Kapag tinatanggap ng mga tao ang katotohanan, uusbong ang paglaban sa loob-loob nila, at malamang na lalabas ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Kapag nagagamit ng mga tao ang katotohanan upang lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ang katotohanan ay maaaring maging buhay nila, at ang prinsipyo kung paano sila umaasal at namumuhay. Isa itong bagay na matatamo lang ng mga taong nagmamahal sa katotohanan at nagtataglay ng pagkatao. Maaabot ba ng mga hindi nagmamahal sa katotohanan at walang pagkatao ang antas na ito? (Hindi.) Tama iyan, kahit na asamin nila, hindi nila ito maaabot.
Kung titingnan natin ang mga kinakailangang ito na ginawa ng Diyos upang kontrolin ang pag-uugali ng tao, sa lahat ng salitang sinabi ng Diyos, at sa lahat ng partikular na estipulasyon na isinulong Niya, may nauulit ba sa anuman sa mga ito? (Wala.) Makahulugan ba ang mga ito? May halaga ba ang mga ito? (Mayroon.) Dapat bang sumunod sa mga ito ang mga tao? (Oo.) Tama iyan, dapat na sumunod sa mga ito ang mga tao. At kasabay ng pagsunod sa mga ito, dapat na iwaksi ng mga tao ang mga pahayag na itinuro sa kanila ng tradisyonal na kultura, tulad ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, at iba pa. Dapat silang sumunod sa bawat isa sa mga kinakailangan na isinulong ng Diyos upang kontrolin ang pag-uugali ng tao, at umasal alinsunod sa mga salita ng Diyos. Dapat nilang isabuhay ang normal na pagkatao sa pamamagitan ng masusing pagsunod sa lahat ng kinakailangan na isinulong ng Diyos, at natural na dapat din nilang suriin ang mga tao at bagay, umasal at kumilos nang mahigpit na alinsunod sa mga kinakailangang ito. Bagamat hindi natutugunan ng mga kinakailangang ito ang mga pamantayan ng katotohanan, mga salita ng Diyos ang lahat ng ito, at dahil mga salita ng Diyos ang mga ito, maaaring magkaroon ng positibo at aktibong mapagpatnubay na epekto ang mga ito sa mga tao. Paano Ko binigyang-kahulugan ang paghahangad sa katotohanan? Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Napakalawak ng saklaw ng mga salita ng Diyos. Kung minsan, ang isang parirala ng Kanyang mga salita ay kumakatawan sa isang elemento ng katotohanan. Kung minsan, kailangan ng ilang parirala, o isang sipi upang ilatag ang isang elemento ng katotohanan. Kung minsan, isang buong kabanata ang kailangan upang ipahayag ang isang elemento ng katotohanan. Tila simple ang katotohanan, pero ang totoo, hindi talaga ito simple. Upang ilarawan ang katotohanan sa mas pangkalahatang pananalita, ang Diyos ay ang katotohanan. Lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, napakalawak ng mga salita ng Diyos at napakaraming nilalaman ang saklaw ng mga ito, at lahat ng ito ay pagpapahayag ng katotohanan. Halimbawa, ang mga batas at utos na inilatag ng Diyos, pati na ang mga kinakailangan sa pag-uugali na isinulong ng Diyos sa bagong panahong ito, ay pawang mga salita ng Diyos. Bagamat hindi umaabot sa antas ng katotohanan ang ilan sa mga salitang ito, at bagamat hindi kwalipikado bilang katotohanan ang mga ito, positibong bagay ang mga ito. Bagamat mga salita lang ito na pumipigil sa pag-uugali ng tao, dapat pa ring panghawakan ng mga tao ang mga ito. Kahit papaano, dapat na taglayin ng mga tao ang mga ganitong uri ng mga pag-uugali, at hindi sila dapat mabigong makatugon sa mga pamantayang ito. Samakatuwid, batay dapat sa mga salitang ito ng Diyos ang pagtingin ng isang tao sa mga tao at bagay, at ang kanyang asal at mga kilos. Dapat na sumunod sa mga ito ang mga tao dahil mga salita ito ng Diyos; ang lahat ng tao ay dapat na tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, dahil mga salita ito ng Diyos. Hindi ba tama iyon? (Tama iyon.) May nasabi na Akong ganito dati: seryoso ang Diyos sa sinasabi Niya, at matutupad ang Kanyang mga salita, at ang maisasakatuparan ng Kanyang mga salita ay mananatili magpakailanman, na nangangahulugang hindi kailanman lilipas ang mga salita ng Diyos. Bakit hindi lilipas ang mga ito? Dahil gaano man karaming salita ang sabihin ng Diyos, at kailan man sabihin ng Diyos ang mga ito, katotohanan ang lahat ng ito, at hindi kailanman lilipas ang mga ito. Kahit kapag pumasok sa bagong kapanahunan ang mundo, hindi magbabago ang mga salita ng Diyos, at hindi lilipas ang mga ito. Bakit Ko sinasabing hindi lumilipas ang mga salita ng Diyos? Dahil ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at kung anuman ang katotohanan ay hindi kailanman magbabago. Kaya, ang lahat ng batas at utos na isinulong at sinabi ng Diyos, at lahat ng partikular na kinakailangang isinulong Niya tungkol sa pag-uugali ng tao ay hindi kailanman lilipas. Kapaki-pakinabang sa nilikhang sangkatauhan ang bawat kinakailangan sa mga salita ng Diyos, kinokontrol ng lahat ng ito ang pag-uugali ng tao, at nakapagpapatibay at mahalaga ang mga ito pagdating sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao at sa kung paano dapat umasal ang mga tao. Mababago ng lahat ng salitang ito ang mga tao, at magagawa silang isabuhay ang tunay na wangis ng tao. Sa kabilang banda, kung itatatwa ng mga tao ang mga salitang ito ng Diyos, at itatatwa ang mga kinakailangang ginawa ng Diyos sa sangkatauhan, at sa halip, susunod sila sa mga pahayag na iyon tungkol sa mabuting pag-uugaling isinulong ng tao, nasa matinding panganib sila. Bukod sa hindi sila lalong magtataglay ng pagkatao at katwiran, lalo rin silang magiging mapanlinlang at huwad, at mas lalo silang magkakaroon ng kakayahang manlansi, at mas lalong magkakaroon ng panlalansi ang pagkatao na isinasabuhay nila. Hindi lang nila lalansihin ang ibang tao, susubukan din nilang lansihin ang Diyos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.