Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 3 (Ikatlong Bahagi)
Hinihingi ng Diyos na maging maprinsipyo at nakapagpapatibay sa iba ang tao sa kanyang pananalita. Mayroon ba itong anumang kinalaman sa panlabas na mabubuting pag-uugaling iyon ng tao? (Wala.) Wala talaga itong kinalaman sa mga iyon. Sabihin nang hindi ka dominante sa iba o hindi huwad at mapanlinlang ang iyong pananalita, at nagagawa mo ring hikayatin, gabayan, at bigyang-ginhawa ang iba. Kung pareho mong nagagawa ang mga bagay na ito, kinakailangan pa bang gawin mo ang mga ito nang may saloobin na madaling lapitan? Dapat mo bang kamtin ang pagiging madaling lapitan? Magagawa mo lang ba ang mga bagay na iyon sa loob ng balangkas ng pag-uugali ng mga gayong panlabas na pagiging magalang, malumanay, at pino? Hindi na kinakailangan ang mga ito. Ang paunang kondisyon para maging nakapagpapatibay sa iba ang iyong pananalita ay na batay dapat ito sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi—na batay dapat ito sa katotohanan, sa halip na sa mabubuting pag-uugaling nabuo sa gitna ng tradisyonal na kultura. Kapag maprinsipyo at nakapagpapatibay na sa iba ang iyong pananalita, maaari kang magsalita nang nakaupo, o maaari kang magsalita nang nakatayo; maaari kang magsalita nang malakas o nang mahina; maaari kang magsalita gamit ang malulumanay na salita, o gamit ang malulupit na salita. Kaya, basta’t positibo ang resulta sa huli, basta’t natupad mo na ang iyong responsabilidad at nakinabang na ang kabilang partido, kung gayon ay naaayon ito sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ang hinahangad mo ay ang katotohanan, at ang isinasagawa mo ay ang katotohanan, at ang batayan ng iyong mga pananalita at kilos ay ang mga salita ng Diyos, ang mga katotohanang prinsipyo, at kung makikinabang at magkakamit ang iba mula sa iyo, hindi ba’t pareho kayong makikinabang doon? Kung sa pamumuhay na napipigilan ng pag-iisip sa tradisyunal na kultura, nagpapanggap ka habang gayon din ang ginagawa ng iba, at nagpapakita ka ng magagandang pag-uugali habang yumuyukod sila at tumatango, bawat isa ay nagpapanggap sa isa pa, walang sinuman sa inyo ang mabuti. Buong araw kayong yumuyukod at tumatango at nagpapakitaan ng magagandang pag-uugali, nang walang sinasabing katotohanan, mabubuting pag-uugali lamang ang kinakatawan sa buhay gaya ng itinataguyod ng tradisyunal na kultura. Bagama’t nakasanayan na ang gayong pag-uugali kung titingnan, puro pagpapaimbabaw iyon, pag-uugaling nanlalansi at nanlilihis sa iba, pag-uugaling nililinlang at nilalansi ang mga tao, nang walang taos-pusong salitang maririnig. Kung makikipagkaibigan ka sa gayong tao, malamang na malilinlang at malalansi ka sa huli. Walang makakamit na anumang magpapasigla sa iyo mula sa kanyang mabuting pag-uugali. Ang maituturo lang nito sa iyo ay kasinungalingan at panlalansi: Nilalansi mo sila, nilalansi ka nila. Ang madarama mo sa huli ay matinding pagkainsulto ng iyong integridad at dignidad, na kakailanganin mo na lang tiisin. Kakailanganin mo pa ring ipresenta ang iyong sarili nang may paggalang, sa may pinag-aralan at matinong paraan, nang hindi nakikipagtalo sa iba o humihingi ng sobra-sobra sa kanila. Kakailanganin mo pa ring magpasensya at magparaya, nagkukunwaring kalmado at mapagbigay nang may maningning na ngiti. Gaano karaming taon ng pagsisikap ang kailangan para makamtan ang gayong kondisyon! Kung pipilitin mo ang sarili mo na mamuhay nang ganito sa harap ng iba, hindi ka ba mapapagod sa buhay mo? Ang magkunwaring napakalaki ng iyong pagmamahal, kahit alam na alam mo namang wala ka noon—hindi madali ang gayong pagpapaimbabaw! Lalo mong madarama ang kapaguran ng pag-asal sa ganitong paraan bilang isang tao; mas gugustuhin mo pang maisilang bilang isang baka o kabayo, isang baboy o aso sa susunod mong buhay kaysa bilang isang tao. Magiging masyado silang huwad at masama para sa iyo. Bakit ba namumuhay ang tao sa paraang lubos na nakapapagod sa kanya? Dahil namumuhay siya sa gitna ng mga tradisyonal na kuru-kuro, na pumipigil at gumagapos sa kanya. Dahil umaasa siya sa kanyang tiwaling disposisyon, namumuhay siya sa kasalanan, at hindi siya makaalis dito. Hindi siya makawala. Ang isinasabuhay niya ay hindi ang wangis ng isang tunay na tao. Sa pagitan ng mga tao, hindi makarinig o makatamo ang isang tao ng kahit isang simpleng sinserong salita, kahit sa pagitan ng mag-asawa, mag-ina, mag-ama, mga taong pinakamalapit sa isa’t isa—walang taos-pusong salitang maririnig, walang mapagmahal na salita o salitang nakagiginhawa sa iba. Kaya, ano ang silbi ng panlabas na mabubuting pag-uugaling ito? Pansamantalang pinananatili ng mga ito ang normal na distansya at mga normal na relasyon sa pagitan ng mga tao. Subalit, sa likod ng mabubuting pag-uugaling ito, walang nangangahas na malalim na makipag-ugnayan sa sinuman, na sa huli ay ibinuod ng sangkatauhan sa pariralang: “Nagdudulot ng kagandahan ang distansya.” Inilalantad nito ang tunay na kalikasan ng sangkatauhan, hindi ba? Paano nagdudulot ng kagandahan ang distansya? Sa huwad at masamang realidad ng gayong buhay, namumuhay ang tao sa patuloy na tumitinding kalungkutan, pag-iisa, depresyon, pagpupuyos, at kawalang-kasiyahan, nang walang landas pasulong. Ito ang tunay na kondisyon ng mga walang pananampalataya. Gayunpaman, nananampalataya ka sa Diyos ngayon. Pumunta ka sa sambahayan ng Diyos at tinanggap ang pagtustos ng Kanyang mga salita, at madalas kang nakikinig sa mga sermon. Subalit sa iyong puso, gusto mo pa rin ang mabubuting pag-uugali na isinusulong ng tradisyonal na kultura. Pinatutunayan nito ang isang bagay: Hindi mo nauunawaan ang katotohanan at wala kang realidad. Sa buhay mo ngayon, bakit lubos ka pa ring nalulumbay, nalulungkot, kahabag-habag, at nangmamaliit ng sarili? Ang dahilan lang nito ay hindi mo tinatanggap ang katotohanan at hindi ka talaga nagbago. Sa madaling salita, hindi mo tinitingnan ang mga tao at bagay, at hindi ka umaasal at kumikilos, nang ayon sa mga salita ng Diyos, o na ang pamantayan mo ay ang katotohanan. Namumuhay ka pa rin nang umaasa sa mga tiwaling disposisyon at tradisyonal na kultura. Kaya napakalungkot pa rin ng buhay mo. Wala kang kaibigan, walang mapagsasabihan ng iyong saloobin. Hindi mo matamo sa iba ang suporta, patnubay, tulong, o pagpapatibay na dapat mong matamo, at hindi ka rin makapagbigay ng suporta, patnubay, o tulong sa iba. Kahit sa mga ito, na mga pinakabatayang pag-uugali, hindi mo itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang iyong batayan at ang katotohanan bilang iyong pamantayan, kaya mas lalong hindi kailangang banggitin ang iyong pagtingin sa mga tao at bagay o ang iyong pag-asal at pagkilos—ang mga iyon ay isang daang libong milya ang layo sa katotohanan, at sa mga salita ng Diyos!
Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa mga hinihingi ng Diyos sa pag-uugali ng tao: hinihingi Niya na ang pananalita at mga kilos ng tao ay maging maprinsipyo at nakapagpapatibay sa iba. Kaya, batay roon, alam na ba ng lahat kung may anumang halaga ang mabubuting pag-uugaling iyon na naiisip ng tao—kung karapat-dapat bang pahalagahan ang mga ito? (Hindi karapat-dapat na pahalagahan ang mga ito.) Kung gayon, ano ang dapat ninyong gawin, yamang hindi kayo naniniwalang karapat-dapat na pahalagahan ang mga ito? (Talikdan ang mga ito.) Paano matatalikdan ang mga ito? Upang matalikdan ang mga ito, ang isang tao ay dapat na may partikular na landas at mga hakbang sa kanyang pagsasagawa. Una, dapat suriin ng isang tao ang kanyang sarili kung mayroon ba siyang mga pagpapakita ng pag-uugali na pagiging may pinag-aralan at matino at pagiging malumanay at pino, na gaya ng isinusulong ng tradisyonal na kultura. Ano ang anyo ng gayong pagsusuri, at ano ang mga nilalaman nito? Ang mga nilalaman nito ay ang tingnan ang iyong sarili upang makita kung ano ang batayan ng iyong pagtingin sa mga tao at bagay, pati na ng iyong asal at kilos, at upang makita kung aling mga bagay na kay Satanas ang malalim na nag-ugat sa iyong puso at tumagos sa iyong dugo at kaibuturan. Halimbawa, sabihin nang may isang taong pinalayaw mula pagkabata, na walang masyadong alam sa pagkontrol sa sarili, ngunit hindi masama ang kanyang pagkatao. Isa siyang tunay na mananampalataya, at nananalig siya sa Diyos at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin nang may sinseridad, at kaya niyang magdusa at magbayad ng mga halaga. May isang bagay lang na mali sa kanya: Kapag kumakain siya, pinipili niya ang mga piraso ng pagkain at matunog na pinaglalapat ang kanyang mga labi. Labis kang naaalibadbaran dito na hindi mo malunok ang pagkain mo. Dati ay labis kang nayayamot sa gayong mga tao. Iniisip mong wala siyang modo at hindi niya alam kung paano kontrolin ang sarili, na wala siyang pinag-aralan o hindi siya matino. Sa puso mo, nasusuklam ka sa kanya, naniniwala kang ang gayong tao ay mababang-uri at walang dignidad, na imposibleng isa siyang taong pinipili ng Diyos, lalong imposible na isa siyang taong minamahal ng Diyos. Ano ang batayan ng paniniwala mong ito? Nahalata mo ba ang kanyang diwa? Sinusukat mo ba siya batay sa kanyang diwa? Ano ang batayan ng iyong pagsukat? Malinaw na sinusukat mo ang mga tao batay sa iba’t ibang pahayag ng tradisyonal na kultura ng Tsina. Kaya, kapag nalaman mo ang problemang ito, ano ang dapat mong isipin, batay sa mga katotohanang pinagbahaginan natin ngayon? “Naku, minamaliit ko siya dati. Hindi ako kailanman kusang-loob na nakinig sa kanyang pagbabahagi. Sa tuwing may sinasabi o ginagawa siya, gaano man katamang gawin niya ito o gaano man kapraktikal ang mga salita ng kanyang pagbabahagi, sa sandaling maisip kong matunog niyang pinaglalapat ang mga labi niya at namimili siya ng mga piraso ng pagkain kapag oras ng pagkain, ayaw ko na siyang pakinggang magsalita. Palagi ko siyang itinuturing na taong walang modo na walang kakayahan. Ngayon, sa pamamagitan ng gayong pagbabahagi mula sa Diyos, nakikita kong hindi batay sa mga salita ng Diyos ang mga pagtingin ko sa mga tao; sa halip, itinuturing ko ang masasamang kagawian at pag-uugali na mayroon ang mga tao sa kanilang buhay—partikular na iyong mga aspekto na wala silang modo o na hindi sila disente—na para bang mga pagbuhos ito ng kanilang pagkataong diwa. Ngayong sinusukat ang mga ito batay sa mga salita ng Diyos, ang lahat ng bagay na iyon ay maliliit na kamaliang hindi nauugnay sa kanilang pagkataong diwa. Malayo ang mga ito sa pagiging mga problema ng prinsipyo.” Hindi ba’t pagsusuri ito sa sarili? (Ganoon nga.) Ang mga kayang tanggapin ang mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan ay malinaw na nakikita ang mga bagay na ito. Kung gayon, ano ang dapat gawin mula roon? Mayroon bang landas? Gagana ba kung hihingiin mong iwaksi nila kaagad ang masasamang kagawiang ito? (Hindi.) Nakakintal at mahirap baguhin ang gayong maliliit na depekto. Ang mga ito ay hindi kayang baguhin ng isang tao sa loob lang ng isa o dalawang araw. Hindi masyadong mahirap lutasin ang mga problema sa pag-uugali, ngunit pagdating sa mga depekto sa mga kagawian sa buhay ng isang tao, kakailanganin niya ng ilang panahon upang maiwaksi ang mga ito. Gayunpaman, hindi sangkot sa mga ito ang kalidad ng pagkatao ng isang tao o ang kanyang pagkataong diwa, kaya huwag masyadong pahalagahan ang mga ito o tumangging bitiwan ang mga ito. Ang lahat ay may kanya-kanyang mga kagawian at pamamaraan sa buhay. Walang taong hindi naiimpluwensiyahan ng panlabas na kaganapan. May ilang depekto ang lahat ng tao, at kahit ano pa ang mga ito, kung naaapektuhan ng mga ito ang iba, dapat itama ang mga ito. Ganoon matatamo ang mapayapang pakikipag-ugnayan. Gayunpaman, imposibleng maging ideyal sa lahat ng aspekto. Nanggagaling ang mga tao sa labis na magkakaibang lugar, at pawang magkakaiba ang kanilang mga kagawian sa buhay, kaya dapat silang maging mapagtimpi sa isa’t isa. Isa itong bagay na dapat taglayin ng normal na pagkatao. Huwag masyadong magpaapekto sa maliliit na problema. Maging mapagtimpi. Iyan ang pinakanaaangkop na paraan ng pagtrato sa iba. Ito ang prinsipyo ng pagtitimpi, ang prinsipyo at paraan kung paano pinangangasiwaan ang mga gayong bagay. Huwag subukang tukuyin ang diwa at pagkatao ng mga tao batay sa kanilang maliliit na depekto. Ganap na hindi naaayon sa mga prinsipyo ang batayang iyon, dahil anumang depekto o kapintasan mayroon ang isang tao, hindi ito kumakatawan sa diwa ng taong iyon, hindi rin ito nangangahulugan na hindi taos-pusong mananampalataya sa Diyos ang taong iyon, lalong hindi ito nangangahulugang hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. Dapat nating tingnan ang mga kalakasan ng mga tao at ibatay ang ating mga pagtingin sa mga tao sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi sa tao. Iyon ang paraan ng patas na pagtrato sa mga tao. Paano dapat tingnan ng isang taong naghahangad sa katotohanan ang mga tao? Ang kanyang pagtingin sa mga tao at bagay, at ang kanyang asal at mga kilos ay dapat batay lahat sa mga salita ng Diyos, na ang kanyang pamantayan ay ang katotohanan. Paano mo titingnan ang bawat tao ayon sa mga salita ng Diyos? Tingnan kung nagtataglay siya ng konsensiya at katwiran, kung siya ay isang mabuti o masamang tao. Sa iyong pakikisalamuha sa kanya, maaaring makita mo na bagamat mayroon siyang maliliit na depekto at kakulangan, mabuti naman ang kanyang pagkatao. Mapagtimpi at mapagpasensiya siya sa kanyang mga pakikipag-ugnayan sa mga tao, at kapag may isang taong negatibo at mahina, mapagmahal siya rito at kaya niya itong tustusan at tulungan. Iyan ang kanyang saloobin sa iba. Ano naman, kung gayon, ang kanyang saloobin sa Diyos? Sa kanyang saloobin sa Diyos, mas kayang sukatin kung mayroon siyang pagkatao. Maaaring sa lahat ng ginagawa ng Diyos, siya ay nagpapasakop, at naghahanap, at nag-aasam, at sa proseso ng pagganap sa kanyang tungkulin at pakikipag-ugnayan sa iba—kapag umaaksyon siya—mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi naman sa mapusok siya, na kumikilos siya nang mapangahas, at hindi nito ibig sabihin na ginagawa at sinasabi niya ang kahit na ano. Kapag may nangyayari na may kaugnayan sa Diyos o sa Kanyang gawain, lubos siyang maingat. Kapag natiyak mo nang mayroon siya ng mga pagpapakitang ito, paano mo susukatin kung ang taong iyon ay mabuti o masama batay sa mga bagay na lumalabas mula sa kanyang pagkatao? Sukatin iyon batay sa mga salita ng Diyos, at sukatin ito batay sa kung mayroon siyang konsensiya at katwiran, at sa kanyang saloobin sa katotohanan at sa Diyos. Sa pagsukat sa kanya sa dalawang aspektong ito, makikita mo na bagamat may ilang problema at depekto sa kanyang pag-uugali, maaaring isa pa rin siyang taong may konsensiya at katwiran, na may pusong nagpapasakop at may takot sa Diyos at may saloobin ng pagmamahal at pagtanggap sa katotohanan. Kung gayon, sa mata ng Diyos, isa siyang taong maaaring maligtas, isang taong Kanyang minamahal. At dahil sa mata ng Diyos ay isa siyang taong maaaring maligtas at Kanyang minamahal, paano mo siya dapat tratuhin? Dapat mong tingnan ang mga tao at bagay ayon sa mga salita ng Diyos at dapat kang sumukat ayon sa Kanyang mga salita. Isa siyang tunay na kapatid, at dapat mo siyang tratuhin nang tama at nang walang personal na pagkiling. Huwag mo siyang tingnan nang may kinikilingan o sukatin siya ayon sa mga pahayag ng tradisyonal na kultura—sa halip, sukatin mo siya gamit ang mga salita ng Diyos. At tungkol naman sa mga depekto sa pag-uugali niya, kung likas kang mabait, dapat mo siyang tulungan. Ipaalam sa kanya kung paano kumilos nang wasto. Ano ang gagawin mo kung kaya niyang tanggapin iyon ngunit hindi niya kaagad mabitiwan ang kanyang mga depekto sa pag-uugali? Dapat kang maging mapagtimpi. Kung hindi ka mapagtimpi, nangangahulugan iyon na hindi ka likas na mabait, at dapat mong hanapin ang katotohanan sa iyong saloobin sa kanya, at pagnilayan at alamin ang sarili mong mga pagkukulang. Ganyan mo matatrato nang tama ang mga tao. Kung, taliwas dito, sinasabi mong, “Napakaraming depekto ng taong iyon. Wala siyang modo, hindi niya alam kung paano kontrolin ang kanyang sarili, hindi niya alam ang tungkol sa paggalang sa iba, at wala siyang tamang asal. Kung gayon, isa siyang walang pananampalataya. Ayaw kong makipag-ugnayan sa kanya, ayaw ko siyang makita, at ayaw kong marinig ang anumang sasabihin niya, gaano man ito katama. Sino ang maniniwalang may takot siya sa Diyos at nagpapasakop siya sa Diyos? Magagawa ba niya iyon? Mayroon ba siyang kakayahan?” anong saloobin iyan? Pagtulong ba nang may kabutihan ang pagtrato sa iba nang ganoon? Umaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Ang gayong pagtrato mo ba sa iba ay pag-unawa at pagsasagawa sa katotohanan? Mapagmahal ba ito? May takot ka ba sa Diyos sa puso mo? Kung ang pananalig ng isang tao sa Diyos ay wala man lang batayang kabutihan, may katotohanang realidad ba ang gayong tao? Kung patuloy kang kumakapit sa iyong mga kuru-kuro, at ang iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay ay nananatiling batay sa mga sarili mong nararamdaman, impresyon, kagustuhan, at kuru-kuro, sapat nang patunay iyan na hindi mo nauunawaan ang katiting na katotohanan at namumuhay ka pa rin nang umaasa sa mga satanikong pilosopiya. Sapat nang patunay ito na hindi ka nagmamahal sa katotohanan o isang taong naghahangad nito. Lubos na mapagmagaling ang ilang tao. Paano ka man magbahagi sa kanila, kumakapit pa rin sila sa kanilang mga sariling pananaw: “Isa akong magalang na tao na ipinagpipitagan ang matatanda at inaalagaan ang mga bata—ano ngayon? Kahit papaano, mabuti akong tao. Anong hindi mabuti sa kung paano ako umaasal? Kahit papaano, nirerespeto ako ng lahat.” Hindi Ako kumokontra sa pagiging mabuting tao mo, ngunit kung patuloy kang magpapanggap na gaya ng ginagawa mo ngayon, makakamit mo ba ang katotohanan at buhay? Maaaring ang pagiging mabuting tao sa paraang ginagawa mo ngayon ay hindi lumalabag sa iyong integridad o sumasalungat sa mithiin at direksyon ng iyong asal, ngunit may isang bagay na dapat mong maunawaan: Kung magpapatuloy ka nang ganyan, hindi mo mauunawaan ang katotohanan o hindi ka makapapasok sa katotohanang realidad, at sa huli, hindi mo makakamit ang katotohanan o ang buhay, o ang pagliligtas ng Diyos. Iyan lang ang posibleng kalalabasan.
Katatapos Ko lang magbahagi tungkol sa kung paano ituturing ang mabubuting pag-uugali na nasa mga kuru-kuro ng mga tao, at kung paano tutukuyin ang mabubuting pag-uugaling iyon para hangarin ng isang tao ang katotohanan. Mayroon na ba kayong landas ngayon? (Mayroon.) Ano ang dapat ninyong gawin? (Una, pagnilayan kung mayroon ka mismo ng mga pag-uugaling ito. Pagkatapos, pagnilayan kung ano ang mga karaniwang batayan at pamantayan mo sa iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay.) Tama iyan. Dapat kayong magsimula sa pagtingin nang mabuti kung may anuman sa inyong mga dating pagtingin sa mga tao at bagay, o sa inyong asal at mga pagkilos, na salungat sa ibinahagi Ko ngayong araw, o na laban dito. Pagnilayan kung ano ang batayan para sa perspektiba at pananaw na ginagamit ninyo kapag tinitingnan ninyo ang mga tao at bagay, kung ang batayan ba ninyo ay mga pamantayan ng tradisyonal na kultura o ang mga kasabihan ng ilang dakila at tanyag na tao, o kung ito ba ay ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan. Pagkatapos, pagnilayan kung ang mga kaisipan at pananaw ba ng tradisyonal na kultura at ng mga dakila at tanyag na taong iyon ay naaayon sa katotohanan, kung saan sumasalungat ang mga ito sa katotohanan, at kung saan mismo nagkakamali ang mga ito. Ito ang mga detalye ng ikalawang hakbang ng pagninilay sa sarili. Ngayon, para sa ikatlong hakbang. Kapag natuklasan mong ang mga pananaw, paraan, batayan, at pamantayan ng iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay, pati na sa iyong asal at kilos, ay nagmumula sa kalooban ng tao, sa masasamang kalakaran ng lipunan at ng tradisyonal na kultura, at na salungat ang mga ito sa katotohanan, ano ang dapat mong gawin? Hindi ba’t dapat kang maghanap ng mga nauugnay na salita ng Diyos at gawing batayan mo ang mga iyon? (Oo.) Hanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa mga salita ng Diyos na tumatalakay sa pagtingin sa mga tao at bagay, pati na sa pag-asal at pagkilos. Dapat na pangunahin mo itong ibatay sa kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, o, sa mas tumpak na pananalita, sa mga katotohanang prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Ang mga katotohanang prinsipyong iyon ay dapat na maging batayan at mga pamantayan ng iyong pagtingin sa mga tao at bagay, at ng iyong asal at mga kilos. Ito ang bagay na pinakamahirap magawa. Dapat munang itatwa ng isang tao ang kanyang mga sariling pananaw, kuru-kuro, opinyon, at saloobin. Kabilang dito ang ilang mali at baluktot na pananaw ng tao. Dapat tuklasin ng isang tao ang mga pananaw na iyon, kilalanin ang mga iyon, at masusing suriin ang mga iyon. Ang isa pang bahagi nito ay na kapag nakita na ng mga tao ang naaangkop na pahayag sa mga nauugnay na salita ng Diyos, dapat nila itong pag-isipan at dapat silang magbahaginan tungkol dito, at kapag nalinaw na nila kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, ito ay agad na magiging usapin ng kung paano nila tatanggapin at isasagawa ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin, kapag naunawaan na ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyo, magagawa na ba niya kaagad na tanggapin ang mga ito at magpasakop sa mga ito? (Hindi.) Hindi malulutas kaagad ang paghihimagsik at mga tiwaling disposisyon ng tao. May mga tiwaling disposisyon ang tao, at bagamat maaaring alam niya kung ano ang ibig sabihin ng mga salita ng Diyos, hindi niya ito maisasagawa kaagad. Isang tunggalian para sa kanya ang bawat pagsasagawa sa katotohanan. May mapaghimagsik na disposisyon ang tao. Hindi niya mabitiwan ang kanyang mga personal na pagkiling, pagiging sumpungin, mapagmatigas, hambog, mapagmagaling, o labis ang bilib sa sarili, maging ang sandamakmak niyang pangangatwiran at pagdadahilan, o ang kanyang pagpapahalaga sa sarili, katayuan, reputasyon, o banidad. Kaya, kapag binibitiwan mo ang isang bagay na pinaniniwalaan mo sa iyong mga kuru-kuro na mabuti, ang dapat mong talikdan ay ang mga interes mong ito at ang mga bagay na pinahahalagahan mo. Kapag kaya mong talikdan at bitiwan ang lahat ng bagay na ito, iyon ang sandaling magkakaroon ka ng pag-asa o pagkakataong magsagawa batay sa mga salita ng Diyos, nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang bitiwan ang iyong sarili at itatwa ang iyong sarili—ito ang yugtong pinakamahirap malampasan. Gayunpaman, sa sandaling malampasan mo ito, wala nang matitirang malalaking paghihirap sa puso mo. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan at nagawa mong maarok ang diwa ng mabubuting pag-uugali, magbabago ang iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay, at unti-unti mong mabibitiwan ang mga gayong bagay mula sa tradisyonal na kultura. Kaya, ang baguhin ang mga maling pagtingin ng tao sa mga tao at bagay, at ang mga paraan at estilo ng kanyang mga kilos, at ang pinagmumulan at mga motibo sa likod ng kanyang mga kilos—hindi ito madaling gawin. Ang pinakamahirap baguhin ay na may mga tiwaling disposisyon ang tao. Ang mga pananaw ng tao sa mga bagay at ang kanyang paraan ng pamumuhay ay sanhi ng kanyang mga tiwaling disposisyon. Ginagawa kang mapagmataas, mapagmagaling, at matigas ang ulo ng mga tiwaling disposisyon; dahil sa mga ito ay hinahamak mo ang iba, palagi kang nakatuon sa pagtataguyod sa iyong pangalan at katayuan, sa kung rerespetuhin ka at magiging kapansin-pansin kumpara sa iba, palaging isinasaalang-alang ang iyong mga inaasam sa hinaharap at ang iyong kapalaran, at iba pa. Ang lahat ng bagay na ito ay dulot ng iyong tiwaling disposisyon at may kaugnayan sa iyong mga interes. Kapag kinuha mo ang bawat isa sa mga bagay na ito at hinimay-himay ito, nakilatis ito, at naitatwa ito, magagawa mo nang talikdan ang mga ito. Kapag kaya mo nang bitiwan ang mga ito nang paunti-unti, saka mo lang magagawa, nang walang pagkokompromiso at nang buong-buo, na ituring ang mga salita ng Diyos bilang iyong batayan at ang katotohanan bilang iyong pamantayan sa iyong pagtingin sa mga tao at bagay, at sa iyong asal at mga kilos.
Ituring ang mga salita ng Diyos na iyong batayan sa iyong pagtingin sa mga tao at bagay, at sa iyong asal at mga kilos—nauunawaan ng lahat ang mga salitang ito. Madaling maintindihan ang mga ito. Sa kanyang pagkamakatwiran at sa kanyang mga kaisipan, sa kanyang mga pasya at mga minimithi, nagagawa ng taong unawain ang mga salitang ito at handa siyang sundin ang mga ito. Hindi ito dapat maging mahirap. Ngunit ang totoo, mahirap para sa tao na ipamuhay ang mga ito kapag nagsasagawa siya ng katotohanan, at ang mga hadlang at problema sa paggawa nito ay hindi lang mga paghihirap na ipinepresenta ng kanyang panlabas na kapaligiran. Ang pangunahing dahilan ay may kinalaman sa kanyang tiwaling disposisyon. Ang tiwaling disposisyon ng tao ang pinagmumulan ng kanyang iba’t ibang problema. Kapag nalutas na ito, hindi na magiging malaking suliranin ang lahat ng problema at paghihirap ng tao. Makikita rito na lahat ng paghihirap ng tao sa pagsasagawa sa katotohanan ay dulot ng kanyang tiwaling disposisyon. Samakatuwid, habang isinasagawa mo ang mga salitang ito ng Diyos, at pinapasok ang realidad na ito ng pagsasagawa sa katotohanan, mas lalo mong mababatid ito: “Mayroon akong tiwaling disposisyon. Ako ang ‘tiwaling sangkatauhan’ na sinasabi ng Diyos, na lubos na nagawang tiwali ni Satanas, isang taong namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon.” Hindi ba’t ganoon ang nangyayari? (Ganoon nga.) Samakatuwid, kung hahangarin ng tao ang katotohanan at papasukin ang katotohanang realidad, ang pagkilala at pagkilatis sa mga negatibong bagay ay unang hakbang lang ng pagpasok sa buhay, ang pinakasimulang hakbang. Kung gayon, bakit nauunawaan ng maraming tao ang ilang katotohanan ngunit hindi nila maisagawa ang mga ito? Bakit nakakapangaral silang lahat ng napakaraming salita at doktrina, ngunit hindi pa rin makapasok sa katotohanang realidad? Ito ba ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan? Hindi—ang katunayan ay kabaligtaran mismo nito. Tamang-tama lang ang antas ng kanilang teoretikal at literal na pagkaunawa sa katotohanan. Madali pa nga para sa kanilang bigkasin ito. May pagpapasya sila, siyempre, at mayroon silang mabuting pag-iisip at mga inaasam; handa silang lahat na magsikap tungo sa katotohanan. Subalit bakit kaya hindi nila maisagawa ang katotohanan, bagkus ay patuloy silang hindi makapasok sa katotohanang realidad? Ito ay dahil ang mga salita at titik at teoryang naunawaan nila ay hindi pa rin maipamalas sa kanilang totoong buhay. Saan nagmumula ang problemang ito? Ang pinagmumulan nito ay ang presensya ng kanilang tiwaling disposisyon na nasa gitna, humahadlang sa mga bagay-bagay. Kaya may ilang taong walang espirituwal na pagkaunawa at hindi nauunawaan ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan, mga taong nangangako at nagpapahayag ng kanilang kalooban sa tuwing sila ay nabibigo o natutumba o hindi nila maisagawa ang katotohanan. Napakarami nilang gayong ipinapangako at ipinapahayag, ngunit hindi pa rin nito nalulutas ang problema. Palagi silang nahihinto sa yugtong iyon ng pagpapasya at pangangako. Naiipit sila roon. Kapag nagsasagawa ng katotohanan, maraming tao ang palaging nagpapasya at nangangako, sinasabing magpupursigi sila. Araw-araw nilang pinapalakas ang kanilang loob. Tatlo, apat, limang taon silang nagpapakahirap—at ano ang kinalabasan nito sa huli? Walang naisakatuparan, at humantong sa kabiguan ang lahat. Hindi naaangkop kahit saan ang kaunting doktrinang nauunawaan nila. Kapag may nangyayari sa kanila, hindi nila alam kung paano titingnan ito at hindi nila ito makilatis. Hindi sila makahanap ng mga salita ng Diyos na magsisilbing batayan nila; hindi nila alam kung paano tingnan ang mga bagay nang ayon sa mga salita ng Diyos, at hindi rin nila alam kung aling elemento ng katotohanan sa mga salita ng Diyos ang nalalapat sa bagay na nangyari sa kanila. Pagkatapos ay labis silang mababalisa, at kamumuhian nila ang kanilang sarili, at magdarasal sila, hinihiling sa Diyos na bigyan sila ng higit pang lakas at pananampalataya, pinapalakas pa rin ang kanilang loob sa huli. Hindi ba’t hangal ang ganoong tao? (Hangal nga.) Para lang silang mga bata. Hindi ba’t, sa katunayan, ang karaniwang pagtrato ng tao sa paghahangad sa katotohanan ay katulad ng sa mga bata? Palaging gusto ng tao na hikayatin ang kanyang sarili na isagawa ang katotohanan sa pamamagitan ng pagpapasya at pangangako, sa pamamagitan ng pagpipigil sa sarili at pagpapalakas ng kanyang loob, ngunit ang pagsasagawa sa katotohanan at pagpasok dito ay hindi nagmumula sa panghihikayat ng tao sa kanyang sarili. Sa halip, dapat kang tunay na pumasok at magsagawa ayon sa paraan at mga hakbang na sasabihin Ko sa iyo, nang may matatag at tuloy-tuloy na hakbang, nang maingat at hindi nagmamadali. Sa gayon ka lang makakakita ng mga resulta; sa gayon mo lang mahahangad ang katotohanan at mapapasok ang katotohanang realidad. Walang mas madaling paraan para malampasan ito. Hindi ito nangangahulugan na kapag may kaunting puso, kaunting pagnanais na gugulin ang sarili, matinding kagustuhan, at malaking mithiin, magiging realidad mo na ang katotohanan, kundi, nangangahulugan ito na ang tao ay dapat matutunan ang mga pinakabatayang aral ng paghahanap, pagpasok, pagsasagawa, at pagpapasakop sa kanyang totoong buhay, sa gitna ng mga tao, kaganapan, at bagay. Matapos matutunan ang mga aral na ito, saka lang magkakaroon ng ugnayan ang tao sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, o saka lang niya mararanasan ang mga ito, o makikilala ang mga ito. Kung hindi magagawa ang mga ito, ang makakamit ng tao ay kaunting doktrina lang na ipampupuno sa puwang sa kanyang puso, gaano man karaming taon ang ginugugol niya sa pagbibigay ng motibasyon sa kanyang sarili, panghihikayat sa kanyang sarili, at pagpapalakas ng kanyang loob. Makararamdam lang siya ng panandalian na kaunting espirituwal na kasiyahan, ngunit wala siyang makakamit na anumang may tunay na halaga. Ano ang ibig sabihin ng walang nakamit na anumang may tunay na halaga? Nangangahulugan ito na ang batayan ng iyong pagtingin sa mga tao at bagay, at ng iyong asal at mga kilos, ay hindi ang mga salita ng Diyos. Walang salita ng Diyos ang nagsisilbing batayan ng iyong pagtingin sa mga tao at bagay o ng iyong pananaw sa pag-asal at mga pagkilos. Nalilito ka sa buhay mo, walang tumutulong sa iyo, at kapag mas nahaharap ka sa isang isyu, isang isyu na hinihingi sa iyo na ipahayag mo ang iyong mga pananaw, prinsipyo, at opinyon, mas nahahalata ang iyong pagiging mangmang, hangal, hungkag, at ang iyong kawalan ng kakayahan. Sa mga normal na sitwasyon, nagagawa mong magbanggit ng ilang tamang doktrina at salawikain, na para bang naunawaan mo ang lahat. Ngunit kapag may lumitaw na problema, at may taong seryosong lumapit sa iyo para hikayatin kang ipahayag ang iyong posisyon at sabihin kung ano ang opinyon mo, wala kang masasabi. Sasabihin ng ilan, “Walang masasabi? Hindi ganoon iyon—hindi lang ako maglalakas-loob na magsalita.” Bakit hindi ka maglalakas-loob? Pinatutunayan niyon na hindi ka sigurado kung tama ang ginagawa mo. Bakit hindi ka sigurado roon? Dahil noong ginagawa mo ang bagay na iyon, hindi mo kailanman kinumpirma kung ano ang batayan ng ginagawa mo, o kung ano ang iyong mga prinsipyo sa paggawa nito, o siyempre, kung tinitingnan at ginagawa mo ba ang usapin ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Kaya, kapag may nangyayaring problema, nagmumukha kang alangan at inutil. Hindi kumbinsido ang ilang tao. Sinasabi nila, “Hindi ako ganoon. Nagkolehiyo ako. May master’s degree ako,” o “Isa akong dalubhasa sa pilosopiya, isang propesor, isang mahusay na intelektuwal,” o “Isa akong sibilisadong tao. Mapagkakatiwalaan ang mga salita ko,” o “Isa akong matalinong iskolar,” o “May talento ako.” May anumang silbi ba sa iyo ang pagyayabang sa mga bagay na ito? Hindi kumakatawan ang mga ito sa kahusayan mo. Sa pinakamainam, ang mga bagay na ito ay nangangahulugan na mayroon kang kaunting kaalaman. Mahirap masabi kung magiging kapaki-pakinabang iyon sa sambahayan ng Diyos, ngunit kahit papaano ay siguradong ang kaalaman mong iyon ay hindi katulad ng katotohanan, at hindi nito sinasalamin ang iyong tayog. Ano ang ibig sabihin ng hindi sinasalamin ng iyong kaalaman ang iyong tayog? Hindi mo buhay ang mga gayong bagay; labas ang mga iyon sa iyong katawan. Ano, kung gayon, ang iyong buhay? Ito ay isang buhay na ang batayan at mga pamantayan ay ang lohika at pilosopiya ni Satanas, at kahit na ganyan ang antas ng iyong kaalaman, kultura, at talino, hindi mo masusupil ang mga bagay na ito o makokontrol ang mga ito. Kaya, kapag may nangyayaring problema, wala man lang magiging silbi ang iyong talento at talino at ang iyong napakaraming kaalaman—o maaaring kapag lumabas ang isang aspekto ng iyong tiwaling disposisyon, wala man lang magiging silbi sa iyo ang iyong pasensiya, modo, kaalaman, at iba pa. Kapag nagkagayon ay madarama mong wala kang magagawa. Ang lahat ng bagay na ito ay ang mga nakakailang na paraan kung paano nagpapamalas sa tao ang hindi paghahangad sa katotohanan at kawalan ng pagpasok sa katotohanang realidad. Madali bang pumasok sa katotohanan? May hamon ba rito? Saan? Walang hamon, kung Ako ang tatanungin mo. Huwag tumuon sa pagpapasya o pangangako. Walang silbi ang mga iyon. Kung may oras kang magpasya at mangako, gamitin na lang ang oras na iyon sa pagsisikap sa mga salita ng Diyos. Pag-isipan kung ano ang sinasabi ng mga ito, kung aling bahagi ng mga ito ang nauugnay sa iyong kasalukuyang kalagayan. Walang silbi ang magpasya. Maaari mong biyakin ang iyong ulo at hayaang umagos ang dugo, maaari kang magpasya, ngunit wala pa rin itong magiging silbi. Hindi nito malulutas ang anumang problema. Malalansi mo ang tao at mga demonyo nang ganoon, ngunit hindi mo malalansi ang Diyos. Hindi ikinasisiya ng Diyos ang kalooban mong iyon. Gaano karaming beses mo nang itinakda ang iyong kalooban? Nangangako ka, pagkatapos ay binabawi mo ang mga ito, at pagkatapos mong bawiin ang mga ito, nangangako ka ulit, at binabawi mo ulit ang mga ito. Nagiging anong klaseng tao ka dahil doon? Kailan mo tutuparin ang sinasabi mo? Hindi mahalaga kung tinutupad mo ang sinasabi mo, o kung itinatakda mo ang iyong kalooban. Wala ring halaga kung nangangako ka. Ano ang mahalaga? Ang mahalaga ay isagawa mo ang katotohanang nauunawaan mo ngayon mismo, agad-agad. Kahit na ito ang pinakahalatang katotohanan, ang katotohanang pinakahindi napapansin ng iba at ikaw mismo ay pinakahindi ito binibigyang-diin, isagawa mo ito kaagad—pasukin mo ito kaagad. Kung gagawin mo ito, mapapasok mo kaagad ang katotohanang realidad, at kaagad kang makatatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Malapit ka nang maging isang taong naghahangad sa katotohanan. Sa pundasyong iyon, malapit ka nang maging isang taong tinitingnan ang mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos, nang ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Napakalaking ani niyon—napakalaking halaga!
Pagkatapos magbahagi sa mga kasabihan tungkol sa mabuting pag-uugali sa tradisyonal na kultura, nagkamit ba kayo ng anumang pagkaunawa sa mga ito? Paano ninyo dapat harapin ang ganitong uri ng mabuting pag-uugali? Maaaring sabihin ng ilang tao, “Simula sa araw na ito, hindi na ako magiging isang taong may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, o magalang. Hindi na ako magiging isang taong matatawag na ‘mabuti’; hindi na ako magiging isang taong ipinagpipitagan ang matatanda o inaalagaan ang mga bata; hindi na ako magiging isang taong magiliw at madaling lapitan. Wala ni isa man diyan ang natural na pagbuhos ng normal na pagkatao; ito ay mapanlinlang na pag-uugali na hindi totoo at huwad, at hindi ito pumapantay sa antas ng pagsasagawa ng katotohanan. Magiging anong uri ako ng tao? Ako ay magiging isang matapat na tao; magsisimula ako sa pagiging isang tapat na tao. Sa aking pananalita, maaaring hindi ako edukado, hindi nakakaunawa ng mga tuntunin, kulang sa kaalaman, at hinahamak ng iba, ngunit magsasalita ako nang diretsahan, may sinseridad, at walang pagkukunwari. Bilang isang tao at sa aking mga kilos, hindi ako magiging huwad at hindi ako magkukunwari. Tuwing magsasalita ako, magmumula iyon sa puso—sasabihin ko ang nasa aking kalooban. Kung may galit ako sa isang tao, susuriin ko ang aking sarili at hindi ako gagawa ng anumang makakasakit sa kanya; gagawa lamang ako ng mga bagay na makakatulong. Kapag magsasalita ako, hindi ko isasaalang-alang ang sarili kong pakinabang, ni hindi ako mapipigilan ng aking reputasyon o karangalan. Bukod pa riyan, hindi ako magkakaroon ng layon na pataasin ang tingin sa akin ng mga tao. Ang pahahalagahan ko lamang ay kung masaya ba ang Diyos. Ang hindi pananakit sa mga tao ang aking magiging panimulang batayan. Ang gagawin ko ay isasagawa alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos; hindi ako gagawa ng mga bagay na makakasakit sa iba, ni hindi ako gagawa ng mga bagay na makakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Gagawin ko lamang ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa iba, magiging isang matapat na tao lamang ako, at isang taong nagpapasaya sa Diyos.” Hindi ba ito pagbabago sa isang tao? Kung talagang isasagawa niya ang mga salitang ito, talagang magbabago na siya. Ang kanyang kinabukasan at kapalaran ay bubuti na. Hindi maglalaon ay tatahakin na niya ang landas ng paghahangad sa katotohanan, papasok sa realidad ng katotohanan, at magiging isang taong may pag-asang maligtas. Ito ay mabuting bagay, isang positibong bagay. Hinihingi ba nito na itakda mo ang iyong kalooban o na ikaw ay mangako? Wala itong hinihingi: Hindi ang itakda ang iyong kalooban sa Diyos; o na suriin mo ang iyong mga naunang paglabag, pagkakamali, at paghihimagsik, magmadaling magtapat sa Diyos at hingin ang Kanyang kapatawaran. Hindi na kailangan ang mga gayong pormalidad. Magsabi ka lang ng isang bagay na totoo at mula sa puso, ngayon mismo, agad-agad, at kumilos ka nang taos-puso, nang walang mga kasinungalingan o panlalansi. Pagkatapos ay may matatamo ka na, at magkakaroon ka ng pag-asang maging isang matapat na tao. Kapag naging matapat na tao ang isang tao, nakakamit na niya ang katotohanang realidad at nagsisimula na siyang mamuhay bilang isang tao. Ang tulad niya ang sinasang-ayunan ng Diyos. Walang pag-aalinlangan dito.
Pebrero 5, 2022
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.