Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 14 (Ikatlong Bahagi)

Pagdating sa mga pahayag tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura, noong nakaraan ay ibinahagi Ko na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Ngayon, kasunod nito ay magbabahagi Ako tungkol sa “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Gaya ng naunang parirala na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao” na ibinahagi Ko, malinaw rin na ang pariralang ito ang pananaw ng mga walang pananampalataya. Ang pananaw ng mga walang pananampalataya ay laganap sa mga tao at maririnig saanman. Sa sandaling magsimulang magsalita ang mga tao, natututo sila ng lahat ng uri ng mga kasabihan mula sa mga tao, sa mga walang pananampalataya, kay Satanas, at sa mundo. Nagsisimula ito sa paunang edukasyon kung saan tinuturuan ang mga tao ng kanilang mga magulang at pamilya kung paano umasal, kung ano ang sasabihin, kung anong wastong asal ang dapat taglayin nila, kung anong uri ng mga kaisipan at karakter ang dapat magkaroon sila, at iba pa. Maging pagkatapos pumasok sa lipunan, hindi namamalayan ng mga tao na tumatanggap pa rin sila ng indoktrinasyon at iba’t ibang doktrina at teorya mula kay Satanas. Ang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay ikinikintal ng pamilya o lipunan sa bawat tao bilang isa sa mga wastong asal na dapat taglayin ng mga tao. Kung taglay mo ang wastong asal na ito, sinasabi ng mga tao na ikaw ay marangal, kagalang-galang, may integridad, at na ginagalang at tinitingala ka ng lipunan. Dahil ang pariralang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay nagmumula sa mga tao at kay Satanas, ito ay nagiging bagay na ating sinusuri at kinikilatis, at sa kalaunan pa ay nagiging bagay na ating tinatalikdan. Bakit natin kinikilatis at tinatalikdan ang pariralang ito? Suriin muna natin kung tama ba ang pariralang ito at kung tama ba ang isang taong sumusunod dito. Talaga bang marangal na maging isang taong tinataglay ang moralidad na “gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao”? Taglay ba ng gayong tao ang katotohanang realidad? Taglay ba niya ang pagkatao at mga prinsipyo sa pag-asal na sinabi ng Diyos na dapat taglayin ng mga nilikha? Nauunawaan ba ninyong lahat ang pariralang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao”? Ipaliwanag muna ninyo sa sarili ninyong mga salita kung ano ang ibig sabihin ng pariralang ito. (Nangangahulugan ito na kapag ipinagkatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, dapat ay ibuhos mo ang buong lakas mo para magawa iyon.) Hindi ba’t dapat ganito ang gawin? Kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, hindi ba’t mataas ang tingin niya sa iyo? Mataas ang tingin niya sa iyo, naniniwala siya sa iyo, at iniisip niyang mapagkakatiwalaan ka. Kaya, anuman ang ipagawa sa iyo ng ibang tao, dapat kang pumayag at gawin iyon nang maayos at nang ganap na ayon sa kanilang mga hinihingi, para matuwa sila at masiyahan. Sa paggawa nito, isa kang mabuting tao. Ang implikasyon nito ay na ang tutukoy kung maituturing ka bang isang mabuting tao ay kung masisiyahan ang taong nagkatiwala sa iyo ng isang gawain. Maipapaliwanag ba ito sa ganitong paraan? (Oo.) Kung gayon, hindi ba’t madaling maituring na mabuting tao sa paningin ng iba at kilalanin ng lipunan? (Oo.) Ano ang ibig sabihin ng “madali” ito? Ang ibig nitong sabihin ay na napakababa ng pamantayan at talagang hindi marangal. Kung maaabot mo ang pamantayan ng moralidad na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” ituturing kang isang taong may mabuting karakter sa gayong mga bagay. Ang hindi tuwirang ibig sabihin nito ay na karapat-dapat kang pagkatiwalaan ng mga tao, karapat-dapat na ipagkatiwala nila sa iyo ang pangangasiwa sa mga gawain, na isa kang taong may magandang reputasyon, at na isa kang mabuting tao. Iyon ang ibig sabihin ng pahayag na ito. Hindi ba’t ganoon ang iniisip ninyo? Mayroon ba kayong anumang pagtutol sa mga pamantayan ng paghusga at pagsusuri sa pariralang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao”? Kung makapagbibigay kayo ng halimbawa na pinabubulaanan ang pahayag na ito at inilalantad ang kamalian nito, ang ibig sabihin, kung makagagamit kayo ng aktuwal na halimbawa para patunayan na ito ay mali, kung gayon, hindi mapaninindigan ang pahayag na ito. Ngayon, sa teorya, maaaring naniniwala na kayo na tiyak ngang mali ang pahayag na ito dahil hindi ito ang katotohanan at hindi ito nagmumula sa Diyos. Paano kayo makagagamit ng mga katunayan para mabaligtad ang pahayag na ito? Halimbawa, kung masyado kang abala para pumunta sa pamilihan ngayon, puwede mong ipagkatiwala sa kapitbahay mo na gawin ito para sa iyo. Masasabi mo sa kanya kung ano mismo ang pagkaing bibilhin, kung gaano karami ang bibilhin, at kung kailan ito bibilhin. Pagkatapos, mamimili sa pamilihan ang kapitbahay nang ayon sa iyong pakiusap at ihahatid nila ang mga pinamili sa tamang oras. Itinuturing ba itong “paggawa ng lahat ng makakaya niya para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanya ng ibang tao”? Itinuturing ba itong pagkakaroon ng magandang reputasyon? Napakagaan ng gawaing ito. Itinuturing bang pagkakaroon ng mabuting karakter ang magawang tulungan ang isang tao sa pagbili ng isang bagay? (Hindi.) Pagdating naman sa kung gumagawa ba siya ng masasamang bagay o hindi, at kung ano ang karakter niya, may kahit katiting na kinalaman ba ang mga ito sa kakayahan niyang “gawin ang lahat ng makakaya niya para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanya ng ibang tao”? Kung magagawa ng isang tao ang lahat ng makakaya niya para maisakatuparan ang isang maliit na bagay na ipinagkatiwala sa kanya ng ibang tao, naaabot ba niya ang pamantayan ng mabuting karakter? Ang magawa bang maisakatuparan ang gayon kaliit na gawain ay nagpapatunay na siya ay tunay ngang isang taong may mabuting karakter? Sinasabi ng ilang tao, “Labis na mapagkakatiwalaan ang taong ito. Sa tuwing hinihiling sa kanyang ihatid ang isang bagay, ano man iyon at gaano man iyon karami, palagi siyang bumabalik na dala iyon. Siya ay maaasahan at may mabuting karakter.” Ganito sila nakikita at nasusuri ng iba. Angkop ba ang gayong pagsusuri? (Hindi iyon angkop.) Magkapitbahay kayong dalawa. Karaniwan na hindi tinatalikdan o pinipinsala ng magkapit-bahay ang isa’t isa dahil regular silang nagkakasalubong. Kung may mga hidwaan, nagiging mahirap na mag-ugnayan kalaunan. Maaaring tinulungan ka ng kapitbahay dahil sa pagsasaalang-alang na ito. Maaari din na hindi abala sa kanya na gawin ang maliit na pabor na ito, na hindi ito mahirap gawin, at na walang nawala sa kanya. Bukod pa rito, nakatulong ito sa kanya na mag-iwan ng magandang impresyon at magtamo ng magandang reputasyon, na kapaki-pakinabang sa kanya. Dagdag pa rito, sa paggawa niya ng maliliit na pabor para sa iyo, hindi ba’t magiging madali para sa kanya na humingi sa iyo ng pabor sa hinaharap? Marahil ay hihingi siya sa iyo ng malaking pabor sa hinaharap, at maoobliga kang gawin iyon. Maaari kayang tinutulutan niya ang sarili niyang magkaroon ng mga pamimilian sa hinaharap? Kapag tinutulungan, pinakikisamahan, at inaasikaso ng mga tao ang isa’t isa, mayroong layunin. Kung ang tingin nila sa iyo ay walang silbi, at hindi sila hihingi sa iyo ng tulong kalaunan, baka hindi ka nila tulungan sa pabor na ito. Posibleng mayroon kang mga kapamilya na mga doktor, abogado, opisyal ng pamahalaan, at mga indibidwal na may katayuan sa lipunan, na kapaki-pakinabang sa taong ito sa kung anong paraan. Maaari ka niyang tulungan para magkaroon siya ng mga pagpipilian. Marahil ay gagamitin ka niya kung saan sa hinaharap, o magiging madali man lang sa kanya na humiram ng mga gamit sa bahay mo. Minsan, ipinagkakatiwala mo sa kanya ang maliliit na pabor at pagkatapos ng ilang araw ay pupunta siya sa bahay mo para manghiram ng mga bagay. Hindi tutulong ang mga tao maliban na lang kung makikinabang sila! Tingnan mo kung paanong noong humingi ka sa kanila ng pabor ay agad silang pumayag, nang may ngiti sa mukha nila, at nang parang hindi na nag-atubili pa; pero ang totoo, maingat silang nagkalkula sa isipan nila, dahil hindi naman simple mag-isip ang sinuman. Minsan, pumunta Ako sa isang lugar para ipaayos ang Aking mga damit. Ang matandang babae na nag-aayos ng mga damit ay may anak na babae na babalik sa kanyang kinalakihang bansa. May kotse ang kapitbahay niya, kaya ipinagkatiwala ng matandang babae sa kapitbahay na ito na ihatid ang anak niya sa paliparan para hindi na nito kakailanganing magbayad para sa taxi. Pumayag ang kapitbahay, at natuwa ang matandang babae. Subalit, hindi ganoon kasimple ang kapitbahay na ito. Ayaw nitong gawin iyon nang libre. Noong sandaling pumayag ito, nanatili ito roon, dahan-dahang inilalabas ang isang damit at sinasabing, “Sa tingin mo ba ay pwedeng maayos ang mga damit ko?” Nagulat ang matandang babae, at para bang sinasabi ng ekspresyon niya na, “Bakit sinasamantala ng taong ito ang gayon kaliit na bagay? Pumayag siya agad, pero ayaw naman pala niyang gawin iyon nang libre.” Mabilis ang naging reaksyon ng matandang babae, sinabi niya pagkaraan ng isa o dalawang segundo, “Sige, ilagay mo iyan diyan, at aayusin ko iyan para sa iyo.” Walang anumang binanggit tungkol sa pera. Tingnan mo kung paanong ang pagsasabi sa isang tao na gawin ang isang simpleng bagay ay nabalanse ng pag-aayos sa isang damit. Hindi ba’t nangangahulugan ito na walang nadedehado? Simple ba ang interpersonal na ugnayan? (Hindi, hindi ito simple.) Walang anuman ang simple. Sa lipunang ito ng mga tao, ang bawat indibidwal ay may transaksiyonal na pag-iisip, at nakikipagtransaksiyon ang lahat. Ang lahat ay may hinihingi sa iba at lahat sila ay gustong makinabang sa ibang tao nang hindi nagdurusa ng anumang kawalan. Sinasabi ng ilang tao, “Sa mga ‘gumagawa ng lahat ng makakaya nila para matapat nilang pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao,’ marami ding hindi naghahangad na makinabang sa ibang tao. Nilalayon lang nilang gawin ang lahat ng kanilang makakaya para maayos na pangasiwaan ang mga bagay-bagay, tinataglay talaga ng mga taong ito ang kabutihang ito.” Hindi tumpak ang pahayag na ito. Kahit pa hindi sila naghahangad ng kayamanan, mga materyal na pag-aari, o anumang uri ng pakinabang, naghahangad sila ng kabantugan. Ano ba itong “kabantugan”? Ang ibig sabihin nito, “Tinanggap ko ang tiwala ng mga tao na pangasiwaan ang mga pinagagawa nila. Naroroon man o wala ang taong nagtiwala sa akin, hangga’t ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko para pangasiwaan ito nang maayos, magkakaroon ako ng magandang reputasyon. Kahit papaano ay malalaman ng ilang tao na isa akong mabuting tao, isang taong may mabuting karakter, at isang taong karapat-dapat na tularan. Maaari akong magkaroon ng puwang sa mga tao at mag-iwan ng magandang reputasyon sa isang grupo ng mga tao. Sulit din ito!” Sinasabi ng ilang tao, “‘Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,’ at dahil pinagkatiwalaan tayo ng mga tao, naroon man sila o wala, dapat nating pangasiwaan nang maayos ang mga pinagagawa nila at gawin ito hanggang sa matapos. Kahit pa hindi tayo makapag-iwan ng marka sa kasaysayan, kahit papaano ay hindi nila tayo mapipintasan kapag nakatalikod tayo sa pamamagitan ng pagsasabing wala tayong kredibilidad. Hindi natin maaaring hayaan ang mga susunod na henerasyon na makaranas ng diskriminasyon at magdusa ng ganitong uri ng inhustisya.” Ano ang hinahanap nila? Naghahanap pa rin sila ng kabantugan. Labis na pinahahalagahan ng ilang tao ang kayamanan at mga pag-aari, samantalang ang iba naman ay pinahahalagahan ang kabantugan. Ano ang ibig sabihin ng “kabantugan”? Ano ang mga partikular na pagpapahayag ng “kabantugan” sa mga tao? Ito ay ang matawag na mabuting tao at isang taong may mataaas na moralidad, isang huwaran, isang taong matuwid, o isang banal. Mayroon pa ngang ilang tao na, dahil sa isang bagay ay nagtagumpay sila na “gawin ang lahat ng makakaya nila para matapat nilang pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao” at mayroon silang ganitong uri ng mabuting karakter, ay walang-katapusan silang pinupuri, at nakikinabang sa kanilang kabantugan ang kanilang mga inapo. Kita mo, higit itong may halaga kaysa sa mga pakinabang na nakukuha nila ngayon. Kaya, ang panimulang punto para sa sinumang sumusunod sa diumano’y pamantayan ng moralidad na “gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay hindi ganoon kasimple. Hindi lamang nila hinahangad na tuparin ang kanilang mga obligasyon at responsabilidad bilang mga indibidwal, sa halip ay sinusunod nila ito para sa personal na pakinabang o reputasyon, para sa buhay na ito o para sa kabilang buhay. Siyempre, mayroon ding mga taong nagnanais na maiwasang mapintasan kapag nakatalikod sila o na maiwasang magkaroon ng masamang reputasyon. Sa madaling salita, ang panimulang punto para gawin ng mga tao ang ganitong bagay ay hindi simple, hindi talaga ito panimulang punto mula sa perspektiba ng pagkatao, o panimulang punto mula sa responsabilidad sa lipunan ng sangkatauhan. Kung titingnan ito mula sa layunin at panimulang punto ng mga taong gumagawa ng gayong mga bagay, ang mga taong kumakapit sa pariralang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay hindi nagtataglay ng anumang hindi komplikadong layunin.

Kakatapos lang natin suriin ang pahayag tungkol sa wastong asal na, “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” mula sa mga layunin at mithiin ng mga tao sa paggawa ng mga bagay at mula sa mga ambisyon at ninanais ng mga tao. Isang aspeto ito. Mula sa isa pang aspeto, ang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay may isa pang kamalian. Ano iyon? Itinuturing ng mga tao ang pag-uugaling “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” bilang walang-hanggang marangal, pero hindi nila alam na hindi nila kayang makilatis kung makatarungan ba o hindi ang mga bagay na ipinagkatiwala ng iba. Kung ang ipinagkakatiwala sa iyong gawin ng isang tao ay isang napakakaraniwang bagay, isang bagay na madaling maisakatuparan, isang bagay na hindi karapat-dapat na banggitin, kung gayon ay hindi na isyu rito ang katapatan, dahil kapag pinakikitunguhan at nakakasundo ng mga tao ang isa’t isa, normal lang na pagkatiwalaan ng mga gawain ang isa’t isa. Wala itong kahirap-hirap. Hindi na mahalaga kung marangal ba o mababa ang karakter ng isang tao. Hindi ito umaabot sa ganitong antas. Gayunpaman, kung napakahalaga ang ipinagkakatiwala sa iyo na gawain ng isang tao, kung malaking gawain ito gaya ng isang bagay na may kinalaman sa buhay at kamatayan, kapalaran, o sa kinabukasan, at tinatrato mo pa rin ito bilang isang karaniwang bagay, ginagawa ang lahat ng makakaya mo para pangasiwaan ito nang maayos nang walang pagkilatis, dito maaaring umusbong ang mga problema. Anong uri ng mga problema? Kung ang ipinagkatiwala sa iyong gawain ay nararapat, makatwiran, makatarungan, positibo, at hindi magdudulot ng anumang pinsala o kawalan sa iba o magkakaroon ng anumang negatibong epekto sa sangkatauhan, ang pagtanggap sa gawaing ito at paggawa ng lahat ng iyong makakaya upang matapat itong pangasiwaan ay ayos lang. Isa itong responsabilidad na dapat mong tuparin at isang prinsipyo na dapat mong sundin. Subalit, kung ang tinatanggap mong gawain ay hindi makatarungan at ito ay magdudulot ng pinsala, kaguluhan, pagkawasak, o maging ng kamatayan sa iba o sa sangkatauhan, at ginagawa mo pa rin ang lahat ng iyong makayaya para matapat itong pangasiwaan, ano nga ba ang sinasabi noon tungkol sa iyong karakter? Mabuti ba ito o masama? (Masama.) Sa paanong paraan ito masama? Sumusunod ang ilang tao sa isang hindi makatarungang tao o nagiging kaibigan nito, at pareho nilang itinuturing ang isa’t isa bilang malapit na kaibigan. Wala silang pakialam kung ang kaibigan bang ito ay mabuti o masama; hangga’t ito ay ipinagkakatiwala sa kanilang gawin ng kanilang kaibigan, gagawin nila ang lahat ng makakaya nila para pangasiwaan ito nang maayos. Kung hihilingin ng kaibigang iyon na patayin nila ang isang tao, papatayin nila iyon, kung hihilingin nito na pinsalain nila ang sinuman, pipinsalain nila iyon, at kung hihilingin nito na wasakin nila ang isang bagay, gagawin nila iyon. Hangga’t isa itong gawain na ipinagkakatiwala sa kanila ng kanilang kaibigan, gagawin nila ito nang walang pagkilatis at nang walang masusing pag-iisip. Naniniwala sila na isinasagawa nila ang pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” Ano ang sinasabi nito tungkol sa kanilang pagkatao at moralidad? Mabuti ba ito o masama? (Masama.) Kahit masasamang tao ay kayang “gawin ang lahat ng makakaya nila para matapat nilang pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao,” pero ang mga uri ng mga gawaing ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao at na ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pangasiwaan nang maayos ay lahat masasama at mga negatibong bagay. Kung ang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao ay ang maminsala ng mga tao, pumatay ng mga tao, magnakaw ng pag-aari ng ibang mga tao, maghiganti, o lumabag sa batas, tama ba iyon? (Hindi, hindi ito tama.) Ang lahat ng ito ay nakapipinsala sa mga tao, ang mga ito ay masasamang gawa at mga krimen. Kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang masamang gawain, at sumusunod ka pa rin sa prinsipyo ng tradisyonal na kultura na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” at sasabihin mong, “Dahil pinagkatiwalaan mo ako, nangangahulugan iyon na may tiwala ka sa akin, mataas ang tingin mo sa akin, at tinatrato mo ako bilang kaisa mo, bilang isang kaibigan, at hindi bilang isang tagalabas. Kaya, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala mo sa akin. Sumusumpa ako sa buhay ko na maayos kong pangangasiwaan ang ipinagkakatiwala mo sa akin, at hindi ko kailanman sisirain ang pangako ko,” kung magkagayon, anong uri ng tao ito? Hindi ba’t isa itong labis na masamang tao? (Oo.) Ito ay isang labis na masamang tao. Kaya, paano mo dapat tratuhin ang “gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” na uri ng mga bagay-bagay? Kung ipinagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang simpleng gawain, isang bagay na napakakaraniwan sa pakikitungo sa mga tao, kahit pa gawin mo ito, hindi masasabi kung ang karakter mo ay marangal ba o hindi. Kung ipinagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang napakahalaga at napakalaking gawain, kailangan mong kilatisin kung ito ba ay positibo o negatibo, at kung isa itong bagay na magagawa mo ayon sa katangian ng iyong kalooban. Kung isa itong bagay na magagawa mo, gawin mo ang makakaya mo. Kung isa itong negatibong gawain, o isang gawaing labag sa batas, nakapipinsala sa mga interes o buhay ng iba, o makasisira pa nga sa mga oportunidad at kinabukasan ng iba, at sumusunod ka pa rin sa pamantayan ng moralidad na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” kung gayon ay isa kang labis na masamang tao. Batay sa mga perspektibang ito, ang prinsipyong dapat sundin ng mga tao kapag tumatanggap ng mga gawaing ipinagkakatiwala sa kanila ay hindi ang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Hindi tumpak ang pahayag na ito, may malalaki itong butas at problema at labis nitong nililinlang ang mga tao. Matapos tanggapin ang pahayag na ito, maraming tao ang gagamitin ito nang walang tanong-tanong para suriin ang wastong asal ng iba, at siyempre, para sukatin ang kanilang sarili at limitahan ang sarili nilang moralidad. Subalit hindi nila alam kung sino sa mundo ang karapat-dapat na magkatiwala sa iba ng mga gawain, at sobrang kaunti lang ang mga taong nagkakatiwala sa iba ng mga gawain na makatarungan, kapaki-pakinabang sa iba, may halaga, at nagdadala ng kasaganaan sa sangkatauhan. Walang ganito. Kaya, kung ginagamit mo ang pamantayan na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” para sukatin ang kalidad ng moralidad ng isang tao, maliban sa napakaraming pagdududa at problema para makapasa sa pagsisiyasat, nagkikintal din ito sa mga tao ng mga maling konsepto, at ng mga maling prinsipyo at ng maling direksyon sa pagharap sa mga gayong bagay, na nanlilito, nangpaparalisa, at nagliligaw sa isipan ng mga tao. Kaya, paano mo man suriin o himayin ang pahayag na ito, walang halaga ang pag-iral nito, hindi ito isang bagay na dapat isagawa ng mga tao, at hindi ito kapaki-pakinabang sa mga tao sa anumang paraan.

Ang pariralang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay may isa pang kamalian. Mula sa isa pang perspektiba, para sa masasamang indibidwal na nais na gamitin, manipulahin, at kontrolin ang iba, para sa mga may personal na interes, at para sa mga may katayuan at kapangyarihan sa lipunan, binibigyan sila ng pahayag na ito ng pagkakataon para samantalahin, at ng palusot para gamitin, manipulahin, at kontrolin ang iba. Binibigyan sila nito ng kakayahan na madiskarteng gumamit ng mga tao para pangasiwaan ang mga gawain para sa kanila. Ang mga hindi nangangasiwa ng mga gawain para sa kanila o gumagawa ng lahat ng kanilang makakaya ay tinutukoy bilang mga tao na hindi pwedeng pagkatiwalaan ng iba at na hindi kayang gawin ang lahat ng kanilang magagawa para matapat na mangasiwa ng mga gawain. Binabansagan sila bilang mga indibidwal na may mas mababang karakter na hindi karapat-dapat na pagkatiwalaan, na hindi karapat-dapat na pahalagahan o respetuhin, at na mababa ang katayuan sa lipunan. Ang mga gayong tao ay isinasantabi. Halimbawa, kung ipinagkakatiwala sa iyo ng iyong amo ang isang gawain at iniisip mo, “Dahil binanggit ito ng amo ko, kailangan kong pumayag kahit na ano pa ito. Gaano man ito kahirap, kahit pa mangahulugan ito na susuot ako sa butas ng karayom, kailangan ko itong gawin,” kaya pumapayag ka. Sa isang banda, siya ang iyong amo, at hindi ka nangangahas na tumanggi. Sa isa pang banda, madalas ka niyang ginigipit, sinasabing, “Ang mga tao lang na ginagawa ang lahat ng makakaya nila para matapat nilang pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao ang mabubuting katrabaho.” Maaga pa lang ay ikinintal na niya sa iyo ang konseptong ito, pauna nang itinanim ito sa iyo para maging handa na ang isipan mo. Sa sandaling may hilingin siya sa iyo, alang-alang sa karangalan ay susunod ka at hindi ka makatatanggi; kung hindi, hindi maganda ang kalalabasan mo. Kaya, kailangan mong igugol ang iyong buong lakas para gawin para sa kanya ang mga bagay-bagay. Kahit pa hindi ito madaling pangasiwaan, kailangan mong maghanap ng paraan para magawa ito. Kailangan mong gumamit ng mga kakilala, gumamit ng mga hindi tapat na pamamaraan, at gumastos ng pera para sa mga regalo. Sa huli, kapag natapos na ang gawain, hindi ka pwedeng magbanggit ng perang ginastos o humingi ng anuman. At kailangan mong sabihin, “‘Dapat gawin ng mga tao ang lahat ng makakaya nila para matapat nilang pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao.’ Mataas ang tingin mo sa akin at pinahahalagahan mo ako, kaya kailangan kong gawin ang lahat ng makakaya ko para maayos na pangasiwaan ang gawaing ito.” Ang totoo, ikaw lang ang nakaaalam kung gaano karaming paghihirap at problema ang tiniis mo. Kung magtatagumpay ka sa paggawa nito, sasabihin ng mga tao na mayroon kang mabuting karakter. Pero kung mabibigo ka, hahamakin ka ng mga tao, kamumuhian ka nila, at magdurusa ka sa kanilang panlilibak. Saanmang antas ng lipunan o etnikong lahi ka nabibilang, hangga’t may isang taong nagkakatiwala sa iyo ng isang gawain, kailangan mong gawin ang lahat ng makakaya mo at magsumikap nang todo, at hindi ka maaaring tumanggi. Bakit ganoon? Gaya nga ng sinasabi ng kasabihan, “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Dahil tinanggap mo ang ipinagkatiwala ng isang tao, kailangan mo itong matapat na pangasiwaan hanggang sa wakas at tiyakin na matagumpay na matatapos ang gawain, sa kabuuan nito, at na sasang-ayunan ito ng taong iyon, at pagkatapos ay mag-ulat ka sa kanya. Kahit pa hindi siya magtanong tungkol dito, kailangan mong gawin ang lahat sa pangangasiwa nito. Ang ilang tao ay wala namang tunay na relasyon sa iyo, gaya ng malalayong kamag-anak sa angkan mo. Nakikita nila na mayroon kang magandang trabaho sa lipunan o katayuan at katanyagan, o kaunting talento, kaya ipinagkakatiwala nila sa iyo ang ganito o ganyan. Ayos lang bang tumanggi? Ang totoo, ayos na ayos lang iyon, pero dahil sa mga komplikadong relasyon ng mga tao sa lipunan at sa panggigipit ng opinyon ng publiko na naiimpluwensyahan ng ideyang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” kapag hiniling sa iyo ng ganitong uri ng tao na wala ka naman talagang kaugnayan, na gawin mo ang mga bagay-bagay para sa kanya, kailangan mong gawin ang lahat ng iyon. Siyempre, pwede mong piliin na hindi gawin ito. Sa ganitong paraan, isang tao lang ang mapasasama mo ang loob o masisira ang ugnayan mo sa ilang kamag-anak, o baka ibukod ka ng ilang kamag-anak. Pero, ano naman kung ganoon? Ang totoo, hindi iyon mahalaga. Hindi ka namumuhay kasama nila, at wala sa mga kamay nila ang tadhana mo. Kaya bakit hindi ka na lang bastang tumangging gawin iyon? Isa sa mga hindi maiiwasang dahilan ay dahil iginagapos at sinisiil ka ng opinyon ng publiko na “gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao”. Ibig sabihin, sa anumang pamayanan sa lipunan, madalas kang nakukulong sa pamantayan ng moralidad at ng opinyon ng publiko na “gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Ang paggawa mo ng lahat ng makakaya mo para matapat mong pangasiwaan ang mga gawain ay hindi tungkol sa pagtupad ng responsabilidad sa lipunan o pagtupad sa mga tungkulin at responsabilidad ng isang nilikha. Sa halip, nakukulong ka ng mga pahayag ng pamantayan ng moralidad at ng di-nakikitang mga tanikala ng opinyon ng lipunan. Bakit madali na makulong ka nito? Ang isang aspeto ay dahil hindi mo makita kung tama ba ang mga pahayag na ito tungkol sa moralidad na naipasa mula sa iyong mga ninuno, o kung dapat bang sundin ng mga tao ang mga iyon. Ang isa pang aspeto ay dahil wala kang lakas at tapang na kumawala sa panggigipit ng lipunan at sa opinyon ng publiko na idinulot ng tradisyonal na kulturang ito. Bilang resulta, hindi ka makawala sa mga tanikala nito at sa impluwensya nito sa iyo. Isa pang dahilan ay na sa anumang pamayanan o grupo sa lipunan, gusto ng mga tao na ituring sila ng iba bilang mayroong mabuting karakter, na isang mabuting tao, isang taong maaasahan, mapagkakatiwalaan, at isang taong karapat-dapat na pagkatiwalaan ng mga gawain. Gusto nilang lahat na magkaroon ng ganoong imahe na nirerespeto at napapaniwala ang iba na mararangal silang indibidwal na gawa sa laman at dugo, na may mga emosyon at may katapatan, at na hindi sila walang puso o dayuhan. Kung gusto mong maging bahagi ng lipunan at matanggap at masang-ayunan nila, kailangan mo munang mahimok silang kilalanin ka bilang isang taong may mabuting karakter, isang tao na may integridad at kredibilidad. Kaya, anuman ang hilingin nila sa iyo, sinusubukan mo ang lahat ng makakaya mo para mapalugod sila, mapasaya sila, at pagkatapos ay matamo mo ang papuri sa pagsasabi nila na isa kang mapagkakatiwalaang tao na may mabuting karakter, at na handa ang mga taong makihalubilo sa iyo. Sa ganitong paraan, nararamdaman mong mahalaga ang iyong presensya. Kung masasang-ayunan ka ng lipunan, ng masa, at ng iyong mga katrabaho at kaibigan, magiging malusog at kasiya-siya ang iyong buhay. Subalit, kung namumuhay ka nang naiiba sa kanila, kung naiiba sa kanila ang iyong mga kaisipan at pananaw, kung naiiba sa kanila ang landas mo sa buhay, kung walang nagsasabi na ikaw ay may mabuting karakter, mapagkakatiwalaan, karapat-dapat na pagkatiwalaan ng mga bagay-bagay, o may dignidad, at kung tinatalikdan at ibinubukod ka nilang lahat, mamumuhay ka ng isang napakalungkot at nakalulumbay na buhay. Bakit ka nakadarama ng matinding lungkot at pagkalumbay? Ito ay dahil nababawasan ang tiwala mo sa sarili mo. Saan nagmumula ang tiwala mo sa sarili mo? Nagmumula ito sa pagsang-ayon at pagtanggap ng lipunan at ng masa. Kung hindi ka nila tinatanggap ni katiting, kung hindi ka nila sinasang-ayunan, kung hindi ka nila pinupuri o pinahahalagahan, at kung hindi ka nila tinitingnan nang may paghanga, pagkagiliw, o pagrespeto, madarama mong wala kang dignidad sa buhay. Nadarama mong labis kang walang halaga, na walang nakakapansin sa presensya mo. Hindi mo alam kung nasaan ba ang iyong halaga, at sa huli, hindi mo alam kung paano mamuhay. Nagiging ubod ng lungkot at hirap ang iyong buhay. Palagi mong sinusubukan na matanggap ka ng mga tao, na maging bahagi ng masa at ng lipunan. Kaya, ang pagsunod sa pamantayan ng moralidad na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay isang napakahalagang bagay para sa sinumang namumuhay sa gayong kapaligiran sa lipunan. Isa rin itong mahalagang pantukoy sa pagsukat ng karakter ng isang tao at kung siya ba ay tinatanggap ng iba. Pero tama ba ang pamantayang ito ng pagsukat? Hinding-hindi. Ang totoo, matatawag pa nga itong katawa-tawa.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.