Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 13 (Unang Bahagi)
Sa huling pagtitipon, pangunahin nating pinagbahaginan at sinuri ang kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” sa tradisyonal na kultura. Ang mga tradisyonal na kultural na mga kasabihan at teorya na ginagamit ni Satanas upang indoktrinahan ang mga tao ay hindi tama, at gayundin ang tila mga importanteng salita na pinapasunod nito sa mga tao. Sa kabaligtaran, nalilito at nalilinlang ang mga tao dahil sa mga ito, at nililimitahan ang kanilang pag-iisip. Sa pamamagitan ng pagtuturo, pagdodoktrina, at pag-iimpluwensya sa masa ng mga maling ideya at pananaw na ito sa tradisyonal na kultura, ang pinakalayunin ay ang ipanatag ang loob nila sa pagpapasakop sa kapangyarihan ng mga naghahari-harian, at maging sa paglilingkod sa mga pinuno nang may katapatan ng mga nagmamahal sa bansa at partido, at ng mga determinadong protektahan ang kanilang tahanan at pangalagaan ang estado. Sapat na ito para ipakita na pinapasikat ng pambansang pamahalaan ang tradisyonal na edukasyong pangkultura upang mapadali ang kontrol ng mga namumuno sa sangkatauhan at sa lahat ng iba't ibang pangkat etniko, at upang higit na mapatibay ang katatagan ng rehimen ng mga pinuno at ang pagkakaisa at katatagan ng lipunan sa ilalim ng kanilang kontrol. Gaano man pinalalaganap, itinataguyod, at pinapasikat ng mga naghahari-harian ang tradisyonal na edukasyong pangkultura, sa pangkalahatan, ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay nilinlang at iniligaw ang mga tao, at lubhang ginambala ang kanilang kakayahang makilala ang pagkakaiba ng katotohanan sa kasinungalingan, mabuti sa masama, tama sa mali, at mga positibong bagay mula sa mga negatibong bagay. Masasabi rin na ang mga kasabihang ito sa wastong asal ay ganap na binabaligtad ang itim at puti, pinaghahalo ang katotohanan sa mga kasinungalingan, at niloloko ang pangkalahatang publiko, kaya’t nalilinlang ang mga tao ng mga opinyong ito na mula sa tradisyonal na kultura, sa loob ng isang konteksto na hindi nila alam kung ano ang tama at kung ano ang mali, kung ano ang katotohanan at kung ano ang mga kasinungalingan, kung ano ang positibo at kung ano ang mga negatibo, kung ano ang nagmumula sa Diyos, at kung ano ang nagmumula kay Satanas. Ang paraan kung saan tinutukoy ng tradisyonal na kultura ang lahat ng uri ng bagay at ikinakategorya ang lahat ng uri ng tao bilang mabuti o masama, mabait o masama ay nakagulo, nakalito at nakaligaw sa mga tao, nililimitahan pa nga ang mga kaisipan ng mga tao sa loob ng iba't ibang kasabihan sa wastong asal na isinusulong ng tradisyonal na kultura, upang hindi nila mapalaya ang kanilang sarili. Bilang resulta, maraming tao ang kusang nangangako ng katapatan sa mga haring diyablo, nagpapakita ng bulag na debosyon hanggang sa huli at iginagalang ang pangakong iyon hanggang kamatayan. Nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan ang sitwasyong ito, ngunit kakaunting tao lang ang natatauhan. Bagamat sa panahon ngayon ay maraming taong nananampalataya sa Diyos ang nakakakilala sa katotohanan, marami namang hadlang sa kanilang pagtanggap at pagsasagawa rito. Masasabing ang mga hadlang na ito ay pangunahing nagmumula sa mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura, na matagal nang nakaugat sa kanilang puso. Ang mga ito ang unang natutunan ng mga tao at nananatiling nangingibabaw ang mga ito, kinokontrol na ang mga kaisipan ng mga tao, na lumilikha ng napakaraming hadlang at napakalaking pagtutol sa mga tao na tanggapin ang katotohanan at magpasakop sa gawain ng Diyos. Ito ay isang aspeto. Ang isa pang aspeto ay dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, na isa sa mga dahilan ay ang panlilinlang at pagtitiwali ng tradisyonal na kultura sa mga tao. Ang tradisyonal na kultura ay lubhang nakaapekto at nakasagabal sa mga pananaw ng mga tao sa kung paano sukatin ang mabuti at masama, ang katotohanan at mga kasinungalingan, at naging sanhi na magkaroon ang mga tao ng maraming maling kuru-kuro, ideya, at pananaw. Dahil dito, hindi positibong matanggap ng mga tao ang mga bagay na positibo, maganda at mabuti, ang mga batas ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, at ang katunayan na ang Diyos ang namumuno sa lahat ng bagay. Sa halip, ang mga tao ay puno ng mga kuru-kuro at ng lahat ng uri ng malabo at hindi makatotohanang ideya. Ito ang mga kahihinatnan ng iba't ibang ideya na ikinikintal ni Satanas sa mga tao. Mula sa ibang perspektiba, ang lahat ng iba't ibang kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura ay mga maling kasabihan na nagtitiwali sa pag-iisip ng mga tao, nakakagulo sa kanilang isipan, at nakakasira sa kanilang normal na proseso ng pag-iisip, na lubhang nakakaapekto sa pagtanggap ng mga tao sa mga positibong bagay at sa katotohanan, at lubha ring nakakaapekto sa tunay na pag-unawa at pag-intindi ng mga tao sa mga batas at tuntunin ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos.
Sa isang aspeto, ang iba't ibang kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura ay nakagulo sa mga tamang paraan ng pag-iisip kung saan natutukoy ng mga tao ang tama sa mali, at nagagambala din ng mga ito ang kanilang malayang pagpapasya. Bukod dito, dahil sa pagtanggap sa iba't ibang kasabihang ito tungkol sa wastong asal, ang mga tao ay naging mapagpaimbabaw at huwad. Magaling silang magpanggap—kahit hanggang sa puntong tinatawag nilang kabayo ang isang usa, pinagbabaligtad ang itim at puti, at tinatrato ang mga negatibo, pangit, at masamang bagay bilang mga positibo, maganda, at mabuting bagay, at kabaliktaran—at umabot na sila sa punto ng paggalang sa kasamaan. Sa buong lipunan ng tao, anuman ang panahon o dinastiya, ang mga bagay na isinusulong at iginagalang ng mga tao ay karaniwang ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura. Sa ilalim ng matinding epekto ng mga kasabihang ito sa wastong asal, ibig sabihin, sa ilalim ng tumitinding mas malalim at masinsinang indoktrinasyon ng mga kasabihang ito sa wastong asal mula sa tradisyonal na kultura, hindi namamalayang pinanghahawakan ng mga tao ang mga kasabihang ito bilang puhunan ng pag-iral at mga batas ng pag-iral. Buong-buong tinatanggap lang ng mga tao ang mga ito nang walang pagkilatis, tinatrato ang mga ito bilang mga positibong bagay, at bilang isang gumagabay na ideolohiya at pamantayan sa kung paano sila dapat makitungo sa iba, tumingin sa mga tao at bagay-bagay, at umasal at kumilos. Tinatrato ng mga tao ang mga kasabihang ito bilang pinakamataas na batas sa kanilang pagkilos sa lipunan, o pagkamit ng katanyagan at prestihiyo, o pagiging iginagalang at nirerespeto. Tingnan ang alinmang grupo sa loob ng alinmang lipunan o bayan, sa alinmang panahon—ang mga taong pinahahalagahan, iginagalang, at ipinapahayag nila bilang pinakamagaling sa sangkatauhan ay ang mga tinatawag lamang ng mga tao na mga moral na halimbawa. Anumang uri ng buhay mayroon ang gayong mga tao na lingid sa kaalaman ng iba, anuman ang mga layunin at motibo ng kanilang mga kilos at kung ano ang diwa ng kanilang pagkatao, paano man talaga sila umaasal at nakikitungo sa iba, at anuman ang diwa ng taong nagpapanggap na may maganda at wastong asal, walang may pakialam sa mga bagay na ito, ni nagtatangkang magsiyasat pa. Hangga't sila ay tapat, makabayan, at nagpapakita ng katapatan sa mga namumuno, iniidolo sila ng mga tao at pinupuri ng mga ito, at tinutularan pa nga sila bilang mga bayani, dahil ginagawang basehan ng lahat ang panlabas na wastong asal ng isang tao para husgahan kung mabait ba siya o masama, mabuti o masama, at para sukatin ang kanyang reputasyon. Bagamat malinaw na isinusulat ng Bibliya ang mga kuwento ng ilang sinaunang banal at pantas tulad nina Noe, Abraham, Moises, Job, at Pedro, at ang mga kuwento ng maraming propeta at iba pa, at bagamat maraming tao ang pamilyar sa gayong mga kuwento, wala pa ring bansa, bayan, o grupo ang malawakang nagtataguyod ng pagkatao at moral na katangian ng mga sinaunang banal at pantas na ito—o ng mga halimbawa ng kanilang pagsamba sa Diyos, o maging ng takot sa Diyos na ipinakita nila—sa lipunan man, sa buong bayan, o sa mga tao. Walang bansa, nayon, o grupo ang gumagawa nito. Maging sa mga bansa na Kristiyanismo ang relihiyon ng estado, o mga bansang relihiyoso ang karamihan sa populasyon, hindi pa rin binibigyang-diin at iginagalang ang katauhan ng mga sinaunang banal at pantas na ito, o ang kanilang mga kuwento ng pagkatakot at pagsunod sa Diyos, gaya ng nakasulat sa Bibliya. Anong isyu ang ipinahihiwatig nito? Ang tiwaling sangkatauhan ay nasadlak na sa punto na ang mga tao ay nayayamot sa katotohanan, nayayamot sa mga positibong bagay, at iginagalang ang kasamaan. Kung hindi personal na nagsasalita at gumagawa ang Diyos sa piling ng mga tao, malinaw na sinasabi sa mga tao kung ano ang positibo at kung ano ang negatibo, kung ano ang tama at kung ano ang mali, kung ano ang maganda at mabuti, at kung ano ang pangit, at iba pa, kung gayon, hindi kailanman makikilala ng sangkatauhan ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masama, at hindi makikilala ang mga positibong bagay mula sa mga negatibong bagay. Mula pa sa pinagmulan ng sangkatauhan, at maging sa takbo ng pag-unlad ng tao, ang mga gawa at makasaysayang talaang ito ng mga pagpapakita at gawain ng Diyos ay naipasa hanggang sa araw na ito sa ilang bansa at pangkat etniko sa Europa at sa Amerika. Gayunpaman, hindi pa rin matukoy ng mga tao ang pagkakaiba sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay, o sa pagitan ng magaganda, mabubuting bagay at mga pangit, masasamang bagay. Hindi lamang walang kakayahan ang mga tao na makakilatis, kundi aktibo at kusang-loob din nilang tinatanggap ang lahat ng uri ng pahayag mula kay Satanas, tulad ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal, gayundin ang mga maling depinisyon at konsepto ni Satanas sa iba't ibang tao, usapin, at bagay. Ano ang ipinapakita nito? Maipapakita ba nito na ang sangkatauhan ay sadyang walang likas na gawi na kusang matanggap ang mga positibong bagay, o walang likas na gawi na makakilala sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay, mabuti at masama, tama at mali, katotohanan at mga kasinungalingan? (Oo.) Sa sangkatauhan, dalawang uri ng bagay ang sabay na nangingibabaw, ang isa ay mula kay Satanas, habang ang isa ay mula sa Diyos. Ngunit sa huli, sa buong lipunan ng tao at sa buong kasaysayan ng pag-unlad ng sangkatauhan, ang mga salitang binigkas ng Diyos, at lahat ng positibong bagay na itinuturo at ipinapaliwanag Niya sa sangkatauhan ay hindi kayang igalang ng buong sangkatauhan, at hindi man lang maaaring maging karaniwan sa sangkatauhan, ni magdulot ng wastong pag-iisip sa mga tao, o gumabay sa kanila na mamuhay nang normal kasama ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Ang mga tao ay walang kamalay-malay na umiiral sa ilalim ng pag-akay ng iba't ibang pananalita, ideya, at konsepto ni Satanas, at nabubuhay sa ilalim ng patnubay ng mga maling pananaw na ito. Sa pamumuhay nang ganito, ginagawa nila ito nang hindi pasibo, kundi aktibo. Sa kabila ng ginawa ng Diyos, ang Kanyang mga nagawa sa paglikha at pamumuno sa lahat ng bagay, at ang maraming salita na naiwan ng gawain ng Diyos sa ilang bansa, pati na ang mga depinisyon ng iba't ibang tao, usapin, at bagay na naipasa hanggang sa kasalukuyan, namumuhay pa rin ang mga tao sa ilalim ng iba't ibang ideya at pananaw na ikinikintal ni Satanas sa mga tao. Ang iba't ibang ideya at pananaw na ito na ikinintal at isinulong ni Satanas ay ang mga nakasanayang ideya at pananaw sa buong lipunan ng tao, maging sa mga bansa na kung saan laganap ang Kristiyanismo. Samantala, gaano man karaming positibong pahayag, positibong ideya at pananaw, at positibong depinisyon ng mga tao, usapin, at mga bagay ang iniiwan ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng paggawa ng Kanyang gawain, umiiral lamang ang mga ito sa ilang sulok, o mas malala pa, pinananatili lamang ang mga ito ng kakaunting bilang ng mga tao sa mga minoryang pangkat etniko, at nananatili lamang sa mga labi ng ilang tao, ngunit hindi kusang matatanggap ng mga tao bilang mga positibong bagay na gagabay at aakay sa kanila sa buhay. Kung huhusgahan mula sa paghahambing ng dalawang uri ng bagay na ito, at mula sa magkakaibang saloobin ng sangkatauhan sa mga negatibong bagay mula kay Satanas at sa iba't ibang positibong bagay mula sa Diyos, ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng mga kamay ng masama. Ito ay isang katunayan, at maaaring patunayan nang may katiyakan. Ang katunayang ito ay pangunahing nangangahulugan na ang mga kaisipan, paraan ng pag-iisip, at paraan ng pakikitungo ng mga tao sa mga tao, usapin, at bagay ay lahat nakokontrol, naiimpluwensyahan, at namamanipula ng iba't ibang ideya at pananaw ni Satanas, at nililimitahan pa nga ng mga ito. Sa buong kasaysayan ng pag-unlad ng tao, nasaang yugto man o panahon—maging ito man ay medyo atrasadong panahon, o maunlad na ekonomiya sa kasalukuyang panahon—at anuman ang rehiyon, nasyonalidad, o pangkat ng mga tao, mga paraan ng pag-iral ng sangkatauhan, mga pundasyon ng pag-iral, at mga pananaw sa pagharap sa mga tao, usapin, at bagay ay lahat nakabatay sa iba't ibang ideya na ikinintal ni Satanas sa mga tao, sa halip na sa mga salita ng Diyos. Ito ay isang napakalungkot na bagay. Pumaparito ang Diyos upang gawin ang Kanyang gawain at iligtas ang sangkatauhan sa isang sitwasyon kung saan labis na tiniwali ni Satanas ang mga tao, at kung saan ang kanilang mga kaisipan at pananaw, pati na rin ang kanilang mga paraan ng pagtingin sa lahat ng uri ng tao, usapin, at bagay, at ang kanilang mga paraan ng pamumuhay at pakikitungo sa mundo, ay ganap na nalimitahan ng mga ideya ni Satanas. Maaaring maisip ng isang tao kung gaano kahirap ang gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan sa loob ng gayong konteksto. Anong uri ng konteksto ito? Ang konteksto na kung saan pumaparito Siya upang gawin ang Kanyang gawain ay isang konstekto kung saan matagal nang tuluyang pinuno at nilimitahan ng mga satanikong pilosopiya at lason ang puso at isipan ng mga tao. Hindi Siya pumarito upang gawin ang Kanyang gawain sa loob ng isang konteksto kung saan ang mga tao ay walang anumang ideolohiya, o anumang pananaw sa mga tao, usapin, at bagay, kundi sa loob ng isang konteksto kung saan ang mga tao ay may mga paraan ng pagtingin sa iba't ibang tao, usapin, at bagay, at kung saan ang mga paraan ng pagtingin, pag-iisip, at pamumuhay na ito ay lubhang nilito at iniligaw ni Satanas. Ibig sabihin, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain at iligtas ang sangkatauhan sa loob ng konteksto kung saan ganap nang tinanggap ng mga tao ang mga ideya at pananaw ni Satanas, at sila ay puno, puspos, iginapos, at kontrolado ng mga satanikong ideya. Ito ang uri ng mga tao na inililigtas ng Diyos, na nagpapakita kung gaano kahirap ang Kanyang gawain. Nais ng Diyos na ang gayong mga tao na napuspos at nalimitahan ng mga satanikong ideya ay muling makakilala at makatukoy sa kaibahan ng mga positibo at negatibong bagay, kagandahan at kapangitan, tama at mali, katotohanan at masamang kamalian, at sa wakas ay makaabot sa puntong magawa na nilang kasuklaman at tanggihan mula sa kaibuturan ng kanilang puso ang lahat ng iba't ibang ideya at maling paniniwala na ikinintal ni Satanas, at sa gayon ay tanggapin ang lahat ng tamang pananaw at tamang paraan ng pamumuhay na nagmumula sa Diyos. Ito ang tiyak na kahulugan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan.
Sa anumang panahon ng sangkatauhan, o anong yugto ng pag-unlad ang narating ng lipunan, o kung ano ang pamamaraan ng pamamahala ng mga namumuno—maging ito ay isang pyudal na diktadurya o isang demokratikong sistemang panlipunan—wala sa mga bagay na ito ang nakapagpapabago sa katunayan na laganap sa lipunan ng tao ang iba't ibang teorya ng ideolohiya at kasabihan tungkol sa wastong asal na isinusulong ni Satanas. Mula sa pyudal na lipunan hanggang sa modernong lipunan, bagamat ang saklaw, mga gumagabay na prinsipyo at pamamaraan ng pamamahala ng mga namumuno ay paulit-ulit na nagbabago, at ang bilang ng iba't ibang pangkat etniko, lahi, at iba't ibang komunidad ng pananampalataya ay patuloy ding nagbabago, ang lason ng iba't ibang kasabihan sa tradisyonal na kultura na ikinikintal ni Satanas sa mga tao ay laganap pa rin at kumakalat, malalim na nag-uugat sa mga kaisipan ng mga tao at sa kaloob-looban ng kanilang kaluluwa, kinokontrol ang kanilang mga pamamaraan ng pag-iral, at iniimpluwensyahan ang kanilang mga kaisipan at pananaw sa mga tao, usapin at bagay. Mangyari pa, ang lason na ito ay lubhang nakakaapekto rin sa mga saloobin ng mga tao sa Diyos, at malubhang sumisira sa kahandaan at pananabik ng sangkatauhan na tanggapin ang katotohanan at ang pagliligtas ng Lumikha. Samakatuwid, ang mga tipikal na kasabihan tungkol sa wastong asal na nagmula sa tradisyonal na kultura ay palagi nang kinokontrol ang pag-iisip ng mga tao sa buong sangkatauhan, at ang nangingibabaw na posisyon at papel ng mga ito sa sangkatauhan ay hindi kailanman nagbago sa anumang panahon o kontekstong panlipunan. Sa anong panahon man naghahari ang isang namumuno, o kung siya man ay masipag o atrasado ang pananaw, o kung ang kanyang pamamaraan ng pamamahala ay demokratiko man o diktatoryal, wala sa mga ito ang makapipigil o makapapawi sa kalituhan at kontrol na ginagawa ng mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura sa mga tao. Anuman ang panahon sa kasaysayan, o sa alinmang pangkat etniko, o gaano man umusad o nagbago ang pananampalataya ng tao, at gaano man umusad at nagbago ang mga tao pagdating sa kanilang pag-iisip tungkol sa buhay at mga kalakaran sa lipunan, ang impluwensya na mayroon ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura sa pag-iisip ng tao ay hindi kailanman nagbago, at hindi kailanman humina ang epekto nito sa mga tao. Mula sa pananaw na ito, masyadong nalimitahan ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal ang pag-iisip ng mga tao, lubhang nakakaapekto hindi lamang sa relasyon sa pagitan ng mga tao, kundi pati na rin sa mga saloobin ng mga tao sa katotohanan, at lubhang nakakaapekto at nakakasira sa relasyon sa pagitan ng nilikha at ng Lumikha. Siyempre, masasabi rin na ginagamit ni Satanas ang mga ideya ng tradisyonal na kultura upang tuksuhin, linlangin, gawing mapurol, at limitahan ang sangkatauhan na nilikha ng Diyos, at ginagamit ang mga pamamaraang ito upang agawin ang mga tao mula sa Diyos. Kung mas malawak na napapalaganap sa sangkatauhan ang mga ideya ng wastong asal sa tradisyonal na kultura, at kung mas malalim na nag-uugat ang mga ito sa puso ng mga tao, mas mapapalayo ang mga tao sa Diyos, at mas magiging mailap ang kanilang pag-asa na mailigtas. Pag-isipan ito, bago tinukso ng ahas sina Adan at Eba na kainin ang bunga ng punungkahoy ng kaalaman sa kabutihan at kasamaan, naniwala sila na ang Diyos na si Jehova ang kanilang Panginoon at ang kanilang Ama. Ngunit nang tuksuhin ng ahas si Eba sa pagsasabing, “Tunay bang sinabi ng Diyos, ‘Huwag kayong kakain sa alin mang punong kahoy sa halamanan?’” (Genesis 3:1), at “Maaaring hindi ka talaga mamamatay: Sapagkat talastas ng Diyos na sa araw na kayo’y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata, at kayo’y magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama” (Genesis 3:4-5), nagpatukso sina Adan at Eba sa ahas, at mabilis na nagbago ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Anong uri ng pagbabago ang naganap? Hindi na sila humarap sa Diyos nang hubo't hubad, kundi naghanap sila ng mga bagay na maipantatakip at maipangkukubli nila sa kanilang sarili, at iniwasan nila ang liwanag ng presensya ng Diyos; nang hanapin sila ng Diyos, pinagtaguan nila Siya at hindi na nakipag-usap sa Kanya nang harapan tulad ng dati. Ang pagbabagong ito na naganap sa relasyon nina Adan at Eba sa Diyos ay hindi dahil sa kinain nila ang bunga mula sa punungkahoy ng kaalaman sa kabutihan at kasamaan, kundi dahil ang mga salitang binigkas ng ahas—si Satanas—ay nagkintal ng maling uri ng pag-iisip sa mga tao, tinutukso at nililigaw sila na magduda sa Diyos, lumayo sa Kanya, at magtago mula sa Kanya. Kaya, ayaw na ng mga tao na direktang makita ang liwanag ng presensya ng Diyos, at ayaw na nilang lumapit sa Kanya nang walang katakip-takip, at nagkaroon ng pagkakalayo sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Paano nangyari ang pagkakalayong ito? Hindi dahil sa mga pagbabago sa kapaligiran, o dahil sa paglipas ng panahon, kundi dahil nagbago ang puso ng mga tao. Paano nagbago ang puso ng mga tao? Ang mga tao mismo ay hindi nagkusang magbago. Sa halip, ito ay dahil sa mga salitang binigkas ng ahas, na lumikha ng gulo sa ugnayan ng mga tao sa Diyos, inilalayo sila sa Diyos at tinutulak silang iwasan ang liwanag ng presensya ng Diyos, iwasan ang Kanyang pangangalaga, at pagdudahan ang Kanyang mga salita. Ano ang mga kahihinatnan ng gayong pagbabago? Ang mga tao ay hindi na tulad ng dati, hindi na masyadong dalisay ang kanilang puso at pag-iisip, at hindi na nila itinuring ang Diyos bilang Diyos at bilang ang Nag-iisang pinakamalapit sa kanila, bagkus ay pinagdudahan at kinatakutan Siya, at kaya nilayuan nila ang Diyos at nagkaroon sila ng mentalidad na gustong magtago mula sa Diyos at lumayo sa Kanya, at ito ang simula ng pagbagsak ng sangkatauhan. Ang simula ng pagbagsak ng sangkatauhan ay nagmula sa mga salitang binigkas ni Satanas, mga salitang nakakalason, nakatutukso, at nakaliligaw. Ang mga kaisipang ikinintal sa mga tao ng mga salitang ito ay nagdulot sa kanila na mag-alinlangan, magkamali ng pagkaunawa, at maghinala sa Diyos, na naglalayo sa kanila sa Diyos upang bukod sa ayaw na nilang harapin ang Diyos, gusto rin nilang magtago mula sa Diyos, at ayaw pa ngang maniwala sa sinabi Niya. Ano ang sinabi ng Diyos tungkol dito? Sinabi ng Diyos: “Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka nang may kalayaan: Datapuwat sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka” (Genesis 2:16-17). Samantala, sinabi ni Satanas na ang mga taong kumain ng bunga mula sa puno ng kaalaman sa kabutihan at kasamaan ay hindi naman agad na mamamatay. Dahil sa mapanlinlang na mga salitang sinabi ni Satanas, nagsimulang pagdudahan at itatwa ng mga tao ang mga salita ng Diyos, ibig sabihin, bumuo ang mga tao ng mga opinyon tungkol sa Diyos sa puso nila, at hindi na sila kasingdalisay ng dati. Dahil sa mga opinyon at pag-aalinlangan na mayroon ang mga tao, hindi na sila naniwala sa mga salita ng Diyos, at tumigil na sa paniniwalang ang Diyos ang Lumikha at na mayroong hindi maiiwasang ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at tumigil pa nga sila sa paniniwala na kayang protektahan at pangalagaan ng Diyos ang mga tao. Mula sa sandaling huminto silang paniwalaan ang mga bagay na ito, ayaw na ng mga tao na tanggapin ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at talagang ayaw na rin nilang tumanggap ng anumang salita mula sa Diyos. Ang pagbagsak ng sangkatauhan ay nagsimula bilang resulta ng mga mapanuksong salita ni Satanas, at nagsimula sa isang ideya at pananaw na ikinintal ni Satanas sa mga tao. Siyempre, nagsimula rin ito bilang resulta ng panunukso, panliligaw, at panlilinlang ni Satanas sa mga tao. Ang ideya at pananaw na ito na ikinintal ni Satanas sa mga tao ay nag-udyok sa kanila na tumigil sa pananalig sa Diyos o sa Kanyang mga salita, at naging sanhi ito para magduda rin sila sa Diyos, magkamali ng pagkaunawa sa Kanya, maghinala sa Kanya, magtago mula sa Kanya, lumayo sa Kanya, itatwa ang Kanyang sinabi, itatwa ang Kanyang mismong identidad, at itanggi pa nga na ang mga tao ay nagmula sa Diyos. Ganito tinutukso at tinitiwali ni Satanas ang mga tao nang hakbang-hakbang, ginagambala at sinisira ang kanilang relasyon sa Diyos, at hinahadlangan din ang mga tao na lumapit sa Diyos at tumanggap ng anumang salita mula sa Kanya. Patuloy na ginagambala ni Satanas ang kahandaan ng mga tao na hanapin ang katotohanan at tanggapin ang mga salita ng Diyos. Dahil walang kapangyarihang labanan ang iba't ibang pananalita ni Satanas, hindi namamalayang nanghihina ang mga tao dahil sa mga ito at nilalamon sila ng mga ito, at sa huli ay nabubulok sila hanggang sa puntong nagiging mga kaaway at kalaban sila ng Diyos. Ito ang pangunahing epekto at pinsala ng mga kasabihan ng wastong asal sa sangkatauhan. Siyempre, sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa mga bagay na ito, sinusuri din natin ang ugat ng mga ito, upang magkaroon ang mga tao ng pundamental na pagkaunawa sa kung paano tinitiwali ni Satanas ang sangkatauhan at kung anong mga pamamaraan ang ginagamit nito. Ang mga pangunahing taktika ni Satanas sa pagtitiwali sa sangkatauhan ay ang puntiryahin ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao, sirain ang relasyon ng mga tao sa Diyos, at unti-unting ilayo sila sa Diyos nang hakbang-hakbang. Noong una, pagkarinig ng mga tao sa mga salita ng Diyos, pinaniwalaan ng mga tao na tama ang mga ito, at nais nilang kumilos at magsagawa alinsunod sa mga ito. Sa sitwasyong ito ginamit ni Satanas ang lahat ng uri ng ideya at salita upang unti-unting sirain at tibagin ang kakaunting pananampalataya, determinasyon, at mithiin na mayroon ang mga tao, kasama ang ilang bahagyang positibong bagay at positibong hangarin na pinanghawakan nila, pinapalitan ang mga ito ng sarili nitong mga kasabihan, at ng mga depinisyon, opinyon, at kuru-kuro nito sa iba't ibang bagay. Sa ganitong paraan, hindi namamalayan ng mga tao na nakokontrol sila ng mga ideya ni Satanas, at sila ay nagiging mga bihag at alipin nito. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Ganito nga.) Sa kasaysayan ng sangkatauhan, kapag mas malalim at kongkretong tinatanggap ng mga tao ang mga ideya ni Satanas, nagiging mas malayo ang ugnayan sa pagitan ng sangkatauhan at ng Diyos, at kaya, ang mensaheng “ang mga tao ay nilikha at ang Diyos ang Lumikha” ay lalong nagiging malayo sa mga tao, at hindi na pinaniniwalaan at kinikilala ng maraming tao. Sa halip, ang mensaheng ito ay itinuturing na isang sabi-sabi at isang alamat, isang hindi umiiral na katunayan, at isang masama at maling paniniwala, at kinokondena pa nga bilang maling pananampalataya ng ilang tao sa lipunan ngayon. Hindi maitatangging lahat ito ay resulta at epekto ng iba’t ibang masama at maling paniniwala ni Satanas na malawak na naipalaganap sa sangkatauhan. Kung tutuusin, sa buong kasaysayan ng pag-unlad ng tao, sa ilalim ng pagkukunwari ng paggawa ng mga positibong bagay tulad ng pagtuturo sa mga tao, pag-aayos sa kanilang mga salita at kilos, at iba pa, hinatak ni Satanas ang sangkatauhan nang hakbang-hakbang sa kailaliman ng kasalanan at kamatayan, inilalayo ang sangkatauhan sa liwanag ng presensya ng Diyos, malayo sa Kanyang pangangalaga at proteksyon, at malayo sa Kanyang pagliligtas. Itinatala ng Lumang Tipan ng Bibliya ang mga ulat ng mga mensahero ng Diyos na dumarating para makipag-usap sa mga tao at manirahan kasama nila, ngunit huminto na ang mga bagay na iyon sa nakalipas na 2,000 taon. Ang dahilan nito ay na, sa gitna ng buong sangkatauhan, wala nang katulad pa sa mga sinaunang banal at pantas na nakatala sa Bibliya—gaya ni Noe, Abraham, Moises, Job, o Pedro—at ang buong sangkatauhan ay napuno at nagapos na ng mga ideya at pananalita ni Satanas. Ito ang totoo.
Katatapos lang nating pagbahaginan ang isang aspeto ng diwa ng mga kasabihan sa wastong asal sa tradisyonal na kultura, at ito rin ang nagmamarka, nagpapatunay, at sumisimbolo sa pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Kung titingnan ito mula sa diwa ng mga isyung ito, ang lahat ng tao, nang walang eksepsyon—sila man ay maliliit na bata o matatanda, o anumang uri sa lipunan ang ginagalawan nila, o anumang sirkumstansiyang panlipunan ang pinanggagalingan nila—ay nalilimitahan ng iba't ibang pahayag ni Satanas, anuman ang lalim ng mga ito, at ganap na namumuhay sa isang pag-iral na puno ng mga satanikong ideya. Siyempre, ano ang hindi maikakailang katunayan? Na si Satanas ay ginagawang tiwali ang mga tao. Ang tinitiwali nito ay hindi ang iba't ibang bahagi ng katawan ng mga tao, kundi ang kanilang mga pag-iisip. Ang pagtitiwali sa pag-iisip ng mga tao ay nag-uudyok sa lahat ng sangkatauhan na sumalungat sa Diyos, upang ang mga taong nilikha Niya ay hindi makasamba sa Kanya, at sa halip ay gumamit ng lahat ng uri ng ideya at pananaw mula kay Satanas para maghimagsik laban sa Diyos, at para labanan, ipagkanulo, at tanggihan Siya. Ito ang ambisyon at tusong pakana ni Satanas, at siyempre ito ang tunay na mukha ni Satanas, at ganito tinitiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Gayunpaman, ilang libong taon man nang ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, o gaano karaming katunayan ang tumutukoy sa pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan, o gaano kamali at kakakatwa ang iba't ibang ideya at pananaw na ginagamit nito upang gawing tiwali ang sangkatauhan, at kung gaano kalalim na nalilimitahan ang mga kaisipan ng tao dahil sa mga ito—sa madaling salita, sa kabila ng lahat ng ito, kapag pumarito ang Diyos upang gawin ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa mga tao, at kapag ipinahayag Niya ang katotohanan, kahit pa namumuhay ang mga tao sa gayong konteksto, maaari pa rin silang agawin ng Diyos mula sa kapangyarihan ni Satanas, at maaari pa rin silang malupig ng Diyos. At siyempre, maaari pa ring maipaunawa ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, maipaalam ang diwa at katotohanan ng kanilang katiwalian, maipawaksi ang kanilang mga satanikong disposisyon, mapasunod sila sa Kanya, at himukin silang katakutan Siya at iwasan ang kasamaan. Ito ang pinal na resulta na hindi maiiwasang makamit, at isa ring kalakaran kung saan ang 6,000-taong plano ng pamamahala ng Diyos ay tiyak na matutupad, at kung saan magpapakita ang Diyos sa lahat ng bansa at tao sa Kanyang kaluwalhatian. Gaya ng sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Tinutupad ng Diyos ang Kanyang sinasabi, at matutupad ang Kanyang salita, at kung ano man ang Kanyang natutupad ay mananatili magpakailanman.” Totoo ang pangungusap na ito. Naniniwala ba kayo rito? (Oo.) Ito ay isang katunayan na tiyak na mangyayari. Dahil ang huling yugto ng gawain ng Diyos ay ang gawain ng pagbibigay ng katotohanan at buhay sa sangkatauhan. Sa maikling panahon lamang ng mahigit tatlumpung taon, napakaraming tao ang lumapit sa Diyos, nalupig Niya, at ngayon ay sumusunod sa Kanya nang may di-natitinag na kapasyahan. Ayaw nila ng anumang pakinabang mula kay Satanas, handa silang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at ang Kanyang pagliligtas, at lahat ay handang akuing muli ang kanilang posisyon bilang mga nilikha at tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Lumikha. Hindi ba’t ito ay isang tanda ng pagkakatupad ng plano ng Diyos? (Oo.) Ito ay isang naitatag nang katunayan at isa ring katunayan na nangyari na, at siyempre ito ay isang bagay na nangyayari ngayon at nangyari na noon. Paano man ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, o anumang paraan ang ginagamit nito, palaging mayroong mga paraan ang Diyos upang bawiin ang mga tao mula sa kapangyarihan ni Satanas, inililigtas Niya sila, ibinabalik sila sa harapan Niya, at ipinapanumbalik ang ugnayan sa pagitan ng sangkatauhan at ng Lumikha. Ito ang walang hanggang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos, at maniwala ka man o hindi, darating ang araw na iyon sa malao't madali.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.