Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 10 (Ikalawang Bahagi)
Susunod ay pagbabahaginan natin ang ukol sa kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal.” Nakikita naman ninyo, bawat isa sa mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay lubhang mabulaklak at makayanig-lupa, na para bang ang bawat isa ay puno ng isang klase ng magiting na diwa at ng mga katangian ng mga dakilang tao, at imposibleng makamit ng isang pangkaraniwan o ordinaryong tao. “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal”—ang tindi naman ng kalawakan ng pag-iisip na kakailanganin niyon! Ang bait, buti ng loob at dakila naman ng personalidad na kakailanganin mo upang magawa iyon! Ang “isang patak ng kabutihan” ay katumbas ng “umaagos na bukal,” ngunit kasabay niyon, pinalalabas ng pagtutumbas na ito na may di-masusukat na agwat at malaking pagkakaiba sa pagitan ng dalawa. Nangangahulugan itong kailangan mong suklian ang kahit isang patak ng kabutihan, ngunit ng ano? Dapat itong masuklian ng umaagos na bukal, ng maraming kilos o pag-uugali o nang may matinding sinseridad at napakatinding kagustuhan, sa halip na makalimutan. Ganito karami ang kinakailangan upang masuklian ang isang patak ng kabutihan, at kung susuklian mo ito ng anumang mas kaunti roon, wala kang konsiyensiya. Ayon sa lohikang ito, hindi ba’t ang taong nagpakita ng kabutihan ang siya ring hindi patas na nakikinabang sa huli? Talagang malaki ang nagiging pakinabang ng taong tumutulong na ito mula sa kanyang kabutihan! Nagpapakita siya ng kabaitan sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang patak ng kabutihan at nakakukuha ng umaagos na bukal bilang kapalit. Isa itong transaksyong napakalaki ng balik, at isang paraan upang makinabang nang malaki na iba ang nagdurusa. Hindi ba’t totoo ito? Sa buhay na ito, tatanggapin ng bawat tao ang isang patak ng kabutihan. Kung kailangan nilang lahat na suklian iyon ng umaagos na bukal, igugugol nila ang kanilang buong buhay upang masuklian iyon, iniiwanan silang hindi natutupad ang alinman sa kanilang responsabilidad sa pamilya at lipunan, lalo na ang isaalang-alang ang kanilang landas sa buhay. Kung magtatamasa ka ng isang patak ng kabutihan ngunit mabibigo kang suklian iyon ng umaagos na bukal, makokondena ka ng iyong konsiyensiya at ng lipunan, at isang rebelde, kontrabida, at walang utang na loob, at hindi tao ang magiging tingin mo sa iyong sarili. Ngunit paano kung kayang suklian ng isang tao ang kabutihang iyon ng umaagos na bukal? Sasabihin niya, “Wala nang taong mas may konsiyensiya kaysa sa akin, dahil kaya kong suklian ang isang patak ng kabutihan ng umaagos na bukal. Sa ganitong paraan, makikita ng taong minsang tumulong at nagpakita ng kabutihan sa akin kung anong klase ako ng tao, at kung nalugi siya o hindi sa pagtulong sa akin, at kung naging sulit sa kanya ang pagtulong sa akin. Sa ganitong paraan, kailanman ay hindi niya ito makalilimutan, at mahihiya pa nga siya. Bukod pa roon, patuloy ko siyang babayaran. Yamang kaya kong suklian ang isang patak ng kabutihan ng umaagos na bukal, hindi ba’t isa akong taong may marangal na pagkatao? Hindi ba’t isa akong maginoo? Hindi ba’t isa akong dakilang tao? Hindi ba’t karapat-dapat akong hangaan?” Pupurihin at papalakpakan siya ng lahat, at mapupukaw nito nang matindi ang kanyang damdamin, kaya’t sasabihin niya, “Yamang pinupuri ninyo ako bilang isang mabait na tao, isang taong may marangal na karakter, isang halimbawa sa mga tao, at isang huwaran ng moralidad ng sangkatauhan, pagkamatay ko, dapat kayong magtayo ng monumento para sa akin at sulatan ang aking lapida ng ‘Ang taong ito ay isang huwaran ng kasabihang “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” at matatawag na isang halimbawa ng moralidad ng sangkatauhan’.” Ngunit kahit pagkatapos maitayo ang monumento, sa palagay niya ay dapat din silang gumawa ng luwad na rebulto sa kanyang imahe at ilagay ito sa templo, pagkatapos ay isulat dito ang tanyag niyang pangalan: “Dambana ng Diyos Ganito-at-Ganyan,” at maglagay ng isang altar ng insenso sa ilalim nito, kung saan kailangan siyang bigyan ng lahat ng mga handog ng insenso, nang sa gayon ay tuluy-tuloy itong masunog para sa kanyang kapakanan. Dagdag pa rito, kailangang magkaroon ang mga tao ng maliliit na rebulto niya sa kanilang mga tahanan, at magsunog ng insenso, at yumuko sa lupa para sa kanya nang tatlong beses sa isang araw, at turuan ang kanilang mga anak at apo at ang mga nakababatang henerasyon na maging katulad na katulad niya, sabihin sa kanilang mga anak na lalaki at babae na kailangan nilang makapangasawa ng taong tulad niya, isang taong kayang suklian ang isang patak ng kabutihan ng umaagos na bukal—isang huwaran at isang uliran ng moralidad ng sangkatauhan. Ang tradisyonal na paraan ng pagtuturo ng mga Tsino ay turuan ang kanilang mga anak na maging mabubuting tao, at pagbibigay-diin sa pagkilala sa kabutihan at pagsisikap na masuklian ito. Kung makatatanggap ka ng isang patak ng kabutihan, kailangan mo itong suklian ng isang buhay ng pagsusumikap, na ang ibig sabihin, ng umaagos na bukal. Paglaki ng mga bata, ganoon din nila tinuturuan ang mga susunod na henerasyon, kung kaya’t nagpapatuloy ito, ipinapasa-pasa mula sa isang henerasyon sa kasunod. Kapag kayang suklian ng gayong tao ang isang patak ng kabutihan ng umaagos na bukal, nakamtan na rin niya ang sukdulan niyang mithiin. Ano ang mithiing kanyang nakamtan? Ang makilala at matanggap ng mga makamundong tao at ng lipunan. Siyempre, pangalawa na ito. Ang pinakamahalagang bagay ay na isabit ng mga tao ang kanyang larawan sa kanilang mga dingding at maghandog sa kanyang rebulto, at na matamasa niya ang nasusunog na insenso ng mundong ito mula sa bawat henerasyon, at na maipasa-pasa ang kanyang diwa at mga ideya sa mundo at makakuha ng papuri sa mga susunod na henerasyon ng mga tao. Sa huli, pagkatapos magpakasasa sa nasusunog na insenso ng mundong ito, ano ang nangyayari sa kanya? Nagiging isa siyang haring diyablo, at natupad na sa wakas ang kanyang mithiin. Ito ang sukdulang kalalabasan ng paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Sa simula, tinatanggap lamang ng mga tao ang isang ideya sa tradisyonal na kultura tungkol sa wastong asal, tulad ng kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan. Kalaunan, sumusunod na sila sa kinakailangan ng ideyang ito, nagpapakita ng halimbawa sa iba sa pamamagitan ng puspusang pagsasagawa sa ideya at sa kinakailangang ito at pagsunod sa mga iyon, at nakakamit nila ang mithiin ng pagiging isang uliran at huwaran ng moralidad para sa natitira sa sangkatauhan. Tapos pagkamatay nila, nag-iiwan sila ng mabuting reputasyon, na ipinapasa-pasa sa mga henerasyon. Sa wakas, nakukuha nila ang kanilang ninanais, na malanghap ang nasusunog na insenso ng mundong ito sa loob ng maraming taon at maging isang hari ng mga demonyo. Isa ba itong mabuting bagay? (Hindi.) Bakit sinasabi ninyong hindi ito isang mabuting bagay? Ito ang sukdulang layong hinahangad sa buhay ng isang hindi mananampalataya. Sinasang-ayunan niya ang mga ideya tungkol sa isang partikular na wastong asal, pagkatapos ay nangunguna sa pamamagitan ng pagiging halimbawa, sinisimulan ang pagpapatupad sa mga moral na kinakailangang ito hanggang sa sa huli ay dumarating siya sa puntong pinupuri na siya ng lahat bilang isang mabuting tao, isang mabait na tao, at isang kilalang tao, at isang taong may marangal na karakter. Kumakalat sa buong sangkatauhan ang balita tungkol sa kanyang pag-uugali at mga gawa, at pinag-aaralan at iginagalang ang kanyang pag-uugali at mga gawa ng mga henerasyon ng mga tao, hanggang sa sa huli ay nagiging uliran ang taong iyon para sa isang buong henerasyon, at siyempre, ang hari ng mga demonyo para sa isang buong henerasyon. Hindi ba’t ito ang landas na tinatahak ng mga makamundong tao? Hindi ba’t ito ang resultang hinahangad ng mga makamundong tao? Mayroon ba itong kaugnayan sa katotohanan? May kaugnayan ba ito sa pagliligtas ng Diyos? Wala itong anumang kaugnayan. Gayon ang panghuling resulta ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal para sa mga tao. Kung lubos na tatanggapin ng isang tao ang lahat ng iba’t ibang ideya sa tradisyonal na kultura at ganap na susundin ang mga iyon, walang dudang ang landas na kanyang tinatahak ay ang daan ng mga demonyo. Kung tinahak mo na ang daan ng mga demonyo minsan at magpakailanman, wala ka nang kaugnayan sa gawain ng Diyos ng pagliligtas sa mga tao, at talagang wala ka nang kinalaman sa kaligtasan. Samakatuwid, kung sa saligan ng pag-unawa sa katotohanan ay nalilimitahan at naiimpluwensiyahan ka pa rin ng mga ideya ng tradisyonal na kultura, at kasabay niyon, sa ilalim ng impluwensiya ng mga ideyang ito ay sumusunod ka sa mga batas ng mga iyon, at sumusunod sa mga kinakailangan at kasabihang ito, hindi mo nagagawang talikdan o bitiwan ang mga iyon, at hindi mo matanggap ang mga kinakailangan mula sa Diyos, hahantong ka sa pagsunod sa daan ng mga demonyo at pagiging hari ng mga demonyo. Naiintindihan mo naman iyon, hindi ba? Walang teorya o kasabihan sa mundo ang makapapalit sa landas ng kaligtasang ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan, hindi kahit ang pinakamatataas na moral na pamantayan sa mundo. Kung nais ng mga taong tahakin ang tamang landas, na ang landas ng kaligtasan, matatamo lamang nila ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pagharap sa Diyos, sa maamo at matibay na pagtanggap sa mga salita ng Diyos, sa pagtanggap sa lahat ng iba’t ibang pahayag at kinakailangang mula sa Kanya, at sa pag-asal at pagkilos na ang pamantayan ay ang mga salita ng Diyos. Kung hindi, imposibleng matahak ng mga tao ang tamang landas sa buhay, at makasusunod lamang sila sa mga pilosopiya ni Satanas sa landas ng kapahamakan. Sinasabi ng ilang tao, “Mayroon bang gitnang daan?” Wala, susunod ka sa daan ng Diyos o sa maladiyablong daan ni Satanas. Dalawa lamang ang daan. Kung hindi mo susundin ang daan ng Diyos, walang dudang sumusunod ka sa iba’t ibang ideyang dinala sa iyo ni Satanas at sa iba’t ibang maladiyablong gawing idinudulot ng gayong mga ideya. Kung nais mong makipagkompromiso sa pamamagitan ng pagtahak sa gitnang daan o kung anong pangatlong daan, imposible iyon. Malinaw ba ang puntong ito? (Oo.) Hindi Ko na palalawigin pa ang kasabihang “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” dahil halos katulad ito ng kasabihang “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” na nauna na nating napagbahaginan. Ang diwa ng dalawang kasabihang ito ay lubhang magkatulad, kaya hindi na ito kailangang talakayin nang mas detalyado.
Pag-usapan naman natin ngayon ang susunod na kasabihan tungkol sa wastong asal—ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo. Napakadali namang kilatisin ng isang ito, hindi ba? Sa paghahambing dito sa mga hinihingi ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal na pinag-usapan natin noon, malinaw na isa ring mahigpit na panuntunan ang kasabihang ito na gumagapos sa mga tao. Bagaman sa teorya ay mukha itong magarbo at kahanga-hanga, at tila walang mali rito, at mukhang isa itong simpleng prinsipyo sa pagharap sa mga tao, walang anumang saysay ang simpleng prinsipyong ito pagdating sa kung paano aasal o tatratuhin ang mga tao, at walang naitutulong sa pag-asal o paghahangad sa buhay ng isang tao. Hindi ito isang prinsipyong dapat sundin ng mga tao sa kanilang asal at pag-uugali, ni isang prinsipyo para hangarin ng mga tao ang tamang direksiyon at layon sa buhay. Kahit sundin mo pa ang kinakailangang ito, ang tanging ginagawa nito ay pigilan ka sa paggawa ng anumang di-makatwirang bagay kapag humaharap sa mga tao, ngunit hindi ito nangangahulugang mayroon kang tunay na pagmamahal sa mga tao o talagang tumutulong ka sa kanila, lalong hindi ito nagpapatunay na nasa tamang landas ka sa buhay. Sa literal na diwa, ang ibig sabihin ng “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” ay na kung hindi mo gusto ang isang bagay, o hindi mo gustong gawin ang isang bagay, hindi mo rin dapat ipilit ito sa ibang mga tao. Tila ba matalino at makatwiran ito, ngunit kung gagamitin mo ang satanikong pilosopiyang ito sa pagharap sa bawat sitwasyon, makagagawa ka ng maraming pagkakamali. Malamang na masasaktan, maililigaw, o mapipinsala mo pa nga ang mga tao. Gaya na lamang ng kung paanong hindi mahilig mag-aral ang ilang magulang, ngunit gusto nilang mag-aral ang kanilang mga anak, at laging hinihikayat at hinihimok ang mga itong mag-aral mabuti. Kung iaangkop mo rito ang hinihingi na “ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” hindi dapat pilitin ng mga magulang na ito ang kanilang mga anak na mag-aral, dahil sila mismo ay hindi nasisiyahan doon. May ibang tao na nananalig sa Diyos, ngunit hindi hinahangad ang katotohanan; subalit sa puso nila ay alam nila na ang pananalig sa Diyos ang tamang landas sa buhay. Kung nakikita nilang hindi sumasampalataya sa Diyos at wala sa tamang landas ang kanilang mga anak, hinihimok nila ang mga ito na manalig sa Diyos. Kahit na hindi nila mismo hinahangad ang katotohanan, gusto pa rin nilang hangarin ito ng mga anak nila at pagpalain ang mga ito. Sa ganitong sitwasyon, kung susunod sila sa kasabihang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” hindi dapat pilitin ng mga magulang na ito ang kanilang mga anak na manalig sa Diyos. Magiging alinsunod iyon sa satanikong pilosopiyang ito, ngunit masisira rin nito ang pagkakataon ng kanilang mga anak na maligtas. Sino ang responsable sa resultang ito? Hindi ba’t nakapipinsala sa mga tao ang tradisyonal na kasabihan tungkol sa wastong asal na hindi paggawa sa kapwa mo ng ayaw mong gawin sa iyo? Heto pa ang isang halimbawa. May ilang magulang na hindi kuntento sa pamumuhay nang dedikado, at masunurin sa batas. Hindi sila handang pagpaguran ang lupa o magtrabaho para suportahan ang kanilang pamilya. Sa halip ay mahilig silang mandaya, manloko o magsugal, gumamit ng mga di-matuwid na pamamaraan upang kumita nang hindi marangal, nang sa gayon ay magkaroon sila ng marangyang buhay, magpakasaya at magpakaligaya sa laman. Ayaw nilang magtrabaho nang marangal, o sumunod sa tamang landas. Ito ang hindi nila ninanais, hindi ba? Alam nila sa kanilang puso na hindi ito maganda. Sa sitwasyong ito, paano nila dapat turuan ang kanilang mga anak? Tuturuan ng mga normal na tao ang kanilang mga anak na mag-aral nang mabuti at magpakadalubhasa sa isang kasanayan upang makahanap ang mga ito ng magandang trabaho sa hinaharap, at hinihikayat ang kanilang mga anak na sumunod sa tamang landas. Ito ang pagtupad sa responsabilidad ng isang tao bilang isang magulang, hindi ba? (Oo, ganoon nga.) Tama ito. Ngunit kung susunod sila sa kasabihang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” sasabihin nila, “Anak, tingnan mo ako. Kaya kong gawin ang lahat ng klase ng bagay sa buhay, gaya ng pagkain nang marangya, madalas na pagpunta sa mga bayarang babae at pagsusugal. Nakararaos ako sa buhay kahit hindi ako nakapag-aral o natuto ng kasanayan. Matuto ka sa akin sa hinaharap. Hindi mo kailangang pumasok sa paaralan at mag-aral nang mabuti. Matuto kang magnakaw, mandaya, at magsugal. Pwede ka pa ring magkaroon ng komportableng buhay sa mga natitirang araw ng buhay mo!” Tama bang gawin iyon? Mayroon bang ganito magturo sa kanilang mga anak? (Wala.) Ito ay “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” hindi ba? Hindi ba’t lubos nang napabulaanan ng mga halimbawang ito ang kasabihang ito? Walang anumang tama rito. Halimbawa, hindi minamahal ng ilang tao ang katotohanan; nagnanasa sila ng mga kaginhawahan ng laman, at naghahanap ng mga paraan para magpakatamad sa pagganap ng kanilang tungkulin. Ayaw nilang magdusa o magbayad ng halaga. Iniisip nila na maganda ang sinasabi ng kasabihang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” at sinasabi nila sa mga tao, “Dapat kayong matuto kung paano magsaya. Hindi ninyo kailangang isagawa nang maayos ang inyong tungkulin o maghirap o magbayad ng halaga. Kung maaari kayong magpakatamad, magpakatamad kayo; kung maaari kayong maging pabasta-basta sa isang bagay, gawin ninyo iyon. Huwag ninyong masyadong pahirapan ang sarili ninyo. Tingnan ninyo, ganito ako mamuhay—masarap, hindi ba? Perpekto talaga ang buhay ko! Pinapagod ninyo ang sarili ninyo sa pamumuhay nang ganyan! Dapat kayong matuto sa akin.” Tumutugon ba ito sa hinihingi na “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo”? Kung kikilos ka sa ganitong paraan, isang tao ka ba na may konsiyensiya at katwiran? (Hindi.) Kung mawalan ng konsiyensiya at katwiran ang isang tao, hindi ba’t wala siyang kabutihan? Ang tawag dito ay kawalan ng kabutihan. Bakit ganito ang tawag natin dito? Dahil inaasam nila ang ginhawa, pabasta-basta sila sa kanilang tungkulin, at sinusulsulan at iniimpluwensiyahan nila ang iba na sumama sa kanila sa pagiging pabasta-basta at sa pananabik sa ginhawa. Ano ang problema rito? Ang pagiging pabasta-basta at pagiging iresponsable sa iyong tungkulin ay isang panlalansi at paglaban sa Diyos. Kung patuloy kang magiging pabasta-basta at hindi ka magsisisi, malalantad ka at mapalalayas. Maraming tao sa iglesia ang pinaaalis nang ganito. Hindi ba’t totoo ito? (Oo, ganoon nga.) Kaya sa pagsunod sa kasabihang ito at pang-uudyok sa lahat ng taong maging tulad nila, upang hindi masipag na gampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin, bagkus ay lokohin at linlangin ang Diyos, hindi ba’t pagdudulot ito ng pinsala sa mga tao at paghahatid sa kanila sa kanilang pagbagsak? Sila mismo ay mga tamad at tuso, at hinahadlangan pa nila ang iba sa pagganap sa mga tungkulin nito. Hindi ba’t paggambala at panggugulo ito sa gawain ng iglesia? Hindi ba’t paglaban ito sa Diyos? Mapananatili ba ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao? Ipagpalagay nang ang isang taong nagtatrabaho sa kompanya ng mga hindi mananampalataya ay nang-uudyok sa ibang empleyadong huwag gawin nang maayos ang mga trabaho ng mga ito. Hindi ba’t tatanggalin siya ng amo niya kapag nalaman nito iyon? Tiyak na patatalsikin siya nito. Kaya kung nagagawa pa rin niya ito habang ginagampanan ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, isa ba siyang taong sumasampalataya sa Diyos? Isa siyang masamang tao at walang pananampalatayang palihim na pumasok sa sambahayan ng Diyos. Kailangan siyang maalis at mapalayas! Matapos pakinggan ang mga halimbawang ito, medyo nakikilala na ba ninyo ang diwa ng kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo”? (Oo, ganoon nga.) Ano ang pangwakas na kongklusyong nabuo ninyo? Isa bang katotohanang prinsipyo ang kinakailangang ito? (Hindi.) Malinaw namang hindi. Kaya ano ito? Isa lamang itong magulong kasabihan, isang kasabihang masarap-pakinggan sa panlabas, ngunit sa totoo ay walang praktikal na kabuluhan.
Tagapagtaguyod ba kayo ng kasabihan tungkol sa wastong asal na, “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo”? Kung tagapagtaguyod ng kasabihang ito ang isang tao, palagay ba ninyo ay dakila siya at marangal? May ilan na magsasabing, “Hindi naman siya namimilit, hindi niya pinahihirapan ang iba, o inilalagay sila sa alanganin. Hindi ba’t ang bait niya? Lagi silang mahigpit sa kanilang sarili subalit mapagparaya sa iba; hindi niya kailanman ipagagawa sa sinuman ang isang bagay kung siya mismo ay hindi ito gagawin. Binibigyan niya ng malaking kalayaan ang iba, at ipinararamdam sa mga ito ang matinding pagmamahal at pagtanggap. Kaybait niyang tao!” Gayon ba talaga ang sitwasyon? Ang implikasyon ng kasabihang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” ay na dapat mo lamang ibigay o itustos sa iba ang mga bagay na gusto at ikinasisiya mo mismo. Ngunit anong mga bagay ang gusto at ikinasisiya ng mga tiwaling tao? Mga tiwaling bagay, mga di-makatwirang bagay, at maluluhong pagnanasa. Kung ibibigay at itutustos mo sa mga tao ang mga negatibong bagay na ito, hindi ba’t magiging mas lalong tiwali ang buong sangkatauhan? Mababawasan nang mababawasan ang mga positibong bagay. Hindi ba’t totoo ito? Totoo na lubhang tiwali ang sangkatauhan. Gustong hangarin ng mga tiwaling tao ang katanyagan, pakinabang, katayuan, at mga kasiyahan ng laman; nais nilang maging mga tanyag na tao, maging makapangyarihan at higit sa karaniwang tao. Nais nila ng komportableng buhay at ayaw nila ng mahirap na trabaho; nais nilang iabot na lamang sa kanila ang lahat ng bagay. Napakakakaunti sa kanila ang nagmamahal sa katotohanan o mga positibong bagay. Kung ibibigay at itutustos ng mga tao sa iba ang kanilang katiwalian at mga pagkiling, ano ang mangyayari? Katulad lamang ito ng mawawari ninyo: Magiging mas lalong tiwali ang sangkatauhan. Hinihiling ng mga tagapagtaguyod ng ideyang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” na ibigay at itustos ng mga tao sa iba ang kanilang katiwalian, mga pagkiling, at maluluhong pagnanasa, na ginagawa ang ibang mga tao na maghangad ng kasamaan, ginhawa, pera, at pag-unlad. Ito ba ang tamang landas sa buhay? Malinaw na makikita na may malaking problema sa kasabihang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo”. Ang mga kamalian at kapintasan doon ay napakalinaw; ni hindi iyon nararapat na suriin at unawain. Sa pinakamaliliit na pagsusuri, malinaw na makikita ang mga mali at katawa-tawang bagay roon. Gayunman, marami sa inyo ang madaling mahikayat at maimpluwensiyahan ng kasabihang ito at tinatanggap ito nang walang pagkilatis. Kapag nakikipag-ugnayan sa iba, madalas ninyong gamitin ang kasabihang ito para paalalahanan ang sarili ninyo at payuhan ang iba. Sa paggawa nito, inaakala ninyo na ang inyong pagkatao ay partikular na marangal, at na napakamakatwiran ng pag-asal ninyo. Ngunit hindi mo natatanto, naihayag na ng mga salitang ito ang prinsipyong ipinamumuhay mo at kung nasaang panig ka pagdating sa mga isyu. Kasabay nito, nalinlang at nailigaw mo ang iba na unawain ang mga tao at sitwasyon nang may pananaw at panig na kapareho ng sa iyo. Talagang hindi ka makapagdesisyon, at ganap na hindi makapanindigan. Sinasabi mo, “Anuman ang isyu, hindi iyon kailangang seryosohin. Huwag mong pahirapan ang sarili mo o ang iba. Kung pahihirapan mo ang ibang tao, pinahihirapan mo ang sarili mo. Ang pagiging mabait sa iba ay pagiging mabait sa sarili mo. Kung mahigpit ka sa ibang tao, mahigpit ka sa sarili mo. Bakit mo pahihirapan ang sarili mo? Ang hindi paggawa sa kapwa mo ng ayaw mong gawin sa iyo ang pinakamainam na bagay na magagawa mo para sa sarili mo, at ang pinakamapagsaalang-alang.” Ang saloobing ito ay malinaw na hindi pagiging metikuloso sa anumang bagay. Wala kang tamang panig o pananaw sa anumang isyu; magulo ang pananaw mo sa lahat ng bagay. Hindi ka metikuloso at nagbubulag-bulagan ka na lang sa mga bagay-bagay. Kapag sa wakas ay tumayo ka na sa harap ng Diyos at sinuri ang sarili mo, magiging masyadong magulo iyon. Bakit? Dahil lagi mong sinasabing dapat ay hindi mo gawin sa kapwa mo ang ayaw mong gawin sa iyo. Lubha itong nakapapanatag at nakasisiya, ngunit kasabay nito ay magdudulot ito sa iyo ng malaking problema, kaya hindi ka magkakaroon ng malinaw na pananaw o panig sa maraming bagay. Siyempre pa, ginagawa ka rin nitong hindi maunawaan nang malinaw kung ano ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos para sa iyo kapag naranasan mo ang mga sitwasyong ito, o kung ano ang resultang dapat mong makamtan. Nangyayari ang mga bagay na ito dahil hindi ka metikuloso sa anumang bagay; dulot ang mga ito ng magulong saloobin at pananaw mo. Ang hindi ba paggawa sa kapwa mo ng ayaw mong gawin sa iyo ang mapagparayang saloobing dapat mong taglayin para sa mga tao at bagay? Hindi. Teorya lamang iyon na mukhang tama, marangal, at mabait kung titingnan, ngunit ang totoo ay lubos itong negatibo. Malinaw na lalong hindi ito katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao. Hindi ipinag-uutos ng Diyos na huwag gawin ng mga tao sa kapwa nila ang ayaw nilang gawin sa kanila, sa halip ay hinihiling Niya sa mga tao na maging malinaw sa mga prinsipyong dapat nilang sundin kapag nahaharap sila sa iba’t ibang sitwasyon. Kung tama at naaayon ito sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, kailangan mong kumapit dito. At bukod sa kailangan mong kumapit dito, kailangan mo ring pagsabihan, hikayatin, at bahaginan ang iba, upang maunawaan nila kung ano ba mismo ang kalooban ng Diyos, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ay iyong responsabilidad at obligasyon. Hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na hindi ka manindigan, at lalong hindi Niya hinihinging ipagpasikat mo kung gaano ka kabuti. Dapat kang kumapit sa mga bagay na ipinayo at itinuro ng Diyos sa iyo, at sa tinutukoy ng Diyos sa Kanyang mga salita: ang mga kinakailangan, ang mga pamantayan, at ang mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao. Hindi ka lamang kailangang kumapit sa mga iyon, at panghawakan ang mga iyon magpakailanman, bagkus ay kailangan mo ring isagawa ang mga katotohanang prinsipyong ito sa pamamagitan ng pagiging halimbawa, gayundin ay hikayatin, pangasiwaan, tulungan, at gabayan ang iba na kumapit, sumunod, at isagawa ang mga iyon sa parehong paraang ginagawa mo. Hinihingi ng Diyos na gawin mo ito—ito ang ipinagkakatiwala Niya sa iyo. Hindi maaaring hingan mo lang ng mga kinakailangan ang sarili mo habang binabalewala ang iba. Hinihingi ng Diyos na manindigan ka nang tama sa mga isyu, panghawakan mo ang mga tamang pamantayan, at alamin mo kung ano mismo ang mga pamantayan sa mga salita ng Diyos, at na malaman mo kung ano mismo ang mga katotohanang prinsipyo. Kahit pa hindi mo ito maisakatuparan, kahit pa ayaw mong gawin ito, hindi mo ito gusto, mayroon kang mga haka-haka, o nilalabanan mo ito, kailangan mong ituring ito bilang responsibilidad mo, bilang obligasyon mo. Kailangan mong makipagbahaginan sa mga tao tungkol sa mga positibong bagay na nagmumula sa Diyos, sa mga bagay na tama at wasto, at gamitin ang mga iyon para matulungan, maimpluwensiyahan, at magabayan ang iba, upang makinabang at mapalakas ang mga tao dahil sa mga ito, at tumahak sila sa tamang landas sa buhay. Ito ay iyong responsabilidad, at hindi ka dapat magmatigas na kumapit sa ideya na “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” na naitanim ni Satanas sa isipan mo. Sa mga mata ng Diyos, ang kasabihang iyan ay isa lamang pilosopiya sa pamumuhay; isa itong paraan ng pag-iisip na nagtataglay ng panlalansi ni Satanas; hindi talaga ito ang tamang landas, ni hindi ito isang positibong bagay. Ang hinihingi lamang sa iyo ng Diyos ay maging isa kang matuwid na tao na malinaw na nauunawaan kung ano ang kanyang dapat at hindi dapat gawin. Hindi Niya hinihiling sa iyo na maging mapagpalugod ng mga tao o maging isang taong hindi makapanindigan; hindi Niya hiniling sa iyo na wala kang panigan. Kapag ang isang bagay ay tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, kailangan mong sabihin ang kailangang sabihin, at unawain ang kailangang unawain. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang isang bagay ngunit nauunawaan mo ito, at maaari mo siyang gabayan at tulungan, kailangang-kailangan mong tuparin ang responsabilidad at obligasyong ito. Hindi ka dapat tumayo-tayo lang sa tabi at manood, at lalong hindi ka dapat kumapit sa mga pilosopiyang itinanim ni Satanas sa iyong isipan tulad ng hindi paggawa sa kapwa mo ng ayaw mong gawin sa iyo. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang tama at positibo ay tama at positibo kahit pa hindi mo ito gusto, ayaw mo itong gawin, hindi mo ito kayang gawin at tuparin, at nilalabanan mo ito, o nagkakaroon ka ng mga kuru-kuro laban dito. Hindi magbabago ang diwa ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan dahil lamang may mga tiwaling disposisyon at may mga partikular na emosyon, damdamin, pagnanasa at kuru-kuro ang sangkatauhan. Ang diwa ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan ay hinding-hindi magbabago kailanman. Sa sandaling malaman, maunawaan, maranasan at matamo mo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, obligasyon mong ibahagi sa iba ang iyong mga karanasan at patotoo. Tutulutan nito ang mas marami pang taong makaunawa sa kalooban ng Diyos, makaintindi at makapagtamo sa katotohanan, makaunawa sa mga hinihingi at pamantayan ng Diyos at makaintindi sa mga katotohanang prinsipyo. Sa paggawa nito, magtatamo ang mga taong ito ng isang landas ng pagsasagawa kapag nakahaharap sila ng mga suliranin sa kanilang pang-araw-araw na buhay at hindi sila malilito o maigagapos ng iba’t ibang ideya at pananaw ni Satanas. Ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” ay talaga at tunay na tusong pakana ni Satanas upang kontrolin ang mga isipan ng mga tao. Kung lagi mo itong susundin, isa kang taong namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; isang taong ganap na nabubuhay sa isang satanikong disposisyon. Kung hindi mo susundan ang daan ng Diyos, hindi mo mahal o hinahangad ang katotohanan. Anuman ang mangyari, ang prinsipyong dapat mong sundin at ang pinakamahalagang bagay na kailangan mong gawin ay ang tulungan ang mga tao hangga’t kaya mo. Hindi mo dapat isagawa ang sinasabi ni Satanas na “ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” at maging isang “matalino” na taong mapagpalugod ng mga tao. Ano ang ibig sabihin ng tulungan ang mga tao hangga’t kaya mo? Ang ibig sabihin nito ay pagtupad sa iyong mga responsabilidad at obligasyon. Sa sandaling makita mo na bahagi ng iyong mga responsabilidad at obligasyon ang isang bagay, dapat kang magbahagi tungkol sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ito ang ibig sabihin ng pagtupad sa iyong mga responsabilidad at obligasyon. Talaga bang nalinaw na ng pagbabahaginang ito ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo”? Naunawaan na ba ninyo ito? (Oo.) Medyo madaling kilatisin ang kasabihang ito, at matutukoy ninyo kung ano ang mali rito nang hindi ito masyadong pinag-iisipan. Napakakatawa-tawa talaga nito, kaya hindi na ito kailangang mas detalyado pang pagbahaginan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.