Mga Salita sa Paghahanap at Pagsasagawa ng Katotohanan (Sipi 14)
Dapat mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang iyong mga kamalian, iyong mga kakulangan, iyong mga kasalanan, iyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at magbahagi tungkol sa lahat ng ito. Huwag mong itago ang mga ito. Ang pagkatutong buksan ang iyong sarili ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang sagabal, na siyang pinakamahirap daigin. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan. Ano ang ipinahihiwatig ng paggawa sa hakbang na ito? Nangangahulugan ito na binubuksan mo ang puso mo at ipinapakita ang lahat ng nasa loob mo, mabuti man o masama, positibo o negatibo; inilalantad ang iyong sarili para makita ng iba at ng Diyos; walang itinatago sa Diyos, walang pinagtatakpan, walang ikinukubling anuman, walang panlilinlang at panloloko, at bukas at tapat din maging sa ibang mga tao. Sa ganitong paraan, nabubuhay ka sa liwanag, at hindi ka lamang susuriing mabuti ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang mga tao na kumikilos ka nang may prinsipyo at may antas ng kalinawan. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mapapalagpas mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi napipigilan o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag. Ang matutuhan kung paano maging bukas kapag nagbabahagi ay ang unang hakbang sa buhay pagpasok. Susunod, kailangan mong matutong himayin ang iyong mga saloobin at kilos para makita kung alin ang mali at kung alin ang hindi gusto ng Diyos, at kailangan mong baligtarin at ituwid kaagad ang mga iyon. Ano ang layunin ng pagtutuwid sa mga ito? Iyon ay para tanggapin at kilalanin ang katotohanan, habang inaalis ang mga bagay sa loob mo na nabibilang kay Satanas at pinapalitan ang mga ito ng katotohanan. Dati, ginawa mo ang lahat ayon sa iyong mapanlinlang na disposisyon, na sinungaling at bulaan; pakiramdam mo ay wala kang magagawa nang hindi nagsisinungaling. Ngayong nauunawaan mo na ang katotohanan, at kinasusuklaman ang mga paraan ni Satanas sa paggawa ng mga bagay-bagay, hindi ka na kumikilos nang ganoon, kumikilos ka na nang may kaisipan ng katapatan, kadalisayan, at pagpapasakop. Kung wala kang itatago, kung hindi ka magpapanggap, magkukunwari, o magkukubli ng mga bagay-bagay, kung magpapakatotoo ka sa mga kapatid, hindi itatago ang iyong mga kaloob-loobang ideya at saloobin, sa halip ay hahayaang makita ng iba ang tapat mong saloobin, kung magkagayon ay unti-unting mag-uugat sa iyo ang katotohanan, sisibol at mamumunga ito, magbubunga ito ng mga resulta nang paunti-unti. Kung lalong nagiging tapat ang iyong puso, at lalong nakahilig sa Diyos, at kung alam mong protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at nababagabag ang iyong konsensiya kapag nabibigo kang maprotektahan ang mga interes na ito, ito ang katunayan na nagkaroon ng bisa sa iyo ang katotohanan, at ito ang siyang naging buhay mo. Kapag naging buhay na ang katotohanan sa iyo, kapag inobserbahan mo ang isang taong lapastangan sa Diyos, walang takot sa Diyos, at pabasta-basta habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, o ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, tutugon ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at matutukoy at mailalantad mo sila ayon sa kinakailangan. Kung hindi mo naging buhay ang katotohanan, at nabubuhay ka pa rin sa loob ng iyong satanikong disposisyon, kapag nakatuklas ka ng masasamang tao at mga diyablong nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia, magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan ka; isasantabi mo sila, nang walang paninisi mula sa iyong budhi. Iisipin mo pa nga na ang sinumang nagdudulot ng mga kaguluhan sa gawain ng iglesia ay walang kinalaman sa iyo. Gaano man nagdurusa ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, wala kang pakialam, hindi ka nakikialam, o nakokonsiyensiya—ginagawa ka nitong isang taong walang konsensiya o katwiran, isang walang pananalig, isang trabahador. Kinakain mo ang sa Diyos, iniinom ang sa Diyos, at tinatamasa ang lahat ng nagmumula sa Diyos, ngunit pakiramdam mo ay walang kinalaman sa iyo ang anumang pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ginagawa ka nitong isang traydor na kumakagat sa kamay na nagpapakain sa iyo. Tao ka ba kung hindi mo pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Isa itong demonyo na isiniksik ang sarili sa iglesia. Nagpapanggap kang naniniwala sa Diyos, nagkukunwaring isang hinirang na tao, at nais mong samantalahin ang sambahayan ng Diyos. Hindi mo isinasabuhay ang buhay ng isang tao, mas para kang halimaw kaysa tao, at malinaw na isa ka sa mga walang pananalig. Kung isa kang taong tunay na naniniwala sa Diyos, kahit na hindi mo pa nakakamit ang katotohanan at buhay, kahit papaano’y magsasalita at kikilos ka na nasa panig ng Diyos; kahit papaano, hindi ka tatayo lang nang walang ginagawa kapag nakikita mong nakokompromiso ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; kapag nauudyok kang magbulag-bulagan, makokonsiyensiya ka, at hindi mapapalagay, at sasabihin mo sa iyong sarili, “Hindi ako puwedeng maupo lang dito at walang gawin, kailangan kong tumayo at magsalita, kailangan kong umako ng responsabilidad, kailangan kong ilantad ang masamang pag-uugaling ito, kailangan kong itigil ito, upang hindi mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi maabala ang buhay-iglesia.” Kung naging buhay mo na ang katotohanan, hindi ka lamang magkakaroon ng ganitong tapang at pagpapasya, at magagawa mong maunawaan nang lubusan ang pangyayari, kundi matutupad mo rin ang pananagutan na dapat mong pasanin para sa gawain ng Diyos at para sa mga kapakinabangan ng Kanyang sambahayan, at ang iyong tungkulin ay matutupad. Kung puwede mong ituring ang iyong tungkulin bilang responsabilidad at obligasyon mo at bilang atas ng Diyos, at nadarama mo na kailangan ito upang makaharap ka sa Diyos at sa iyong konsiyensiya, hindi ba isinasabuhay mo ang integridad at dignidad ng normal na pagkatao? Ang iyong mga gawa at pag-uugali ang magiging “pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” na sinasabi Niya. Isinasagawa mo ang diwa ng mga salitang ito at isinasabuhay ang realidad ng mga ito. Kapag naging buhay ng tao ang katotohanan, nagagawa nilang isabuhay ang realidad na ito. Ngunit kung hindi ka pa nakapapasok sa realidad na ito, sa gayon, kapag naghahayag ka ng panlilinlang, pandaraya, o pagbabalatkayo, o kapag nakikita mong ginugulo at ginagambala ng masasamang puwersa ng mga anticristo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, wala kang nararamdamang anuman at walang nahihiwatigan. Kahit pa nangyayari nang harapan ang mga bagay na ito, nagagawa mo pa ring humalakhak, at nakakakain at nakatutulog ka pa rin nang may maalwang konsiyensiya, at hindi ka nakararamdam ng bahagya mang paninisi sa sarili. Sa dalawang buhay na ito na maaari ninyong isabuhay, alin ang pinipili ninyo? Hindi ba malinaw kung alin ang tunay na wangis ng tao, ang realidad ng mga positibong bagay, at kung alin ang buktot at mala-demonyong kalikasan, ng mga negatibong bagay? Kapag ang katotohanan ay hindi naging buhay ng mga tao, ang kanilang isinasabuhay ay lubos na kaawa-awa at malungkot. Ang hindi magawang isagawa ang katotohanan, kahit na gusto nila; ang hindi magawang mahalin ang Diyos, kahit na ninanais nila; at ang magkulang ng lakas upang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, kahit na nananabik silang gawin ito—hindi nila magawang mamuno—ito ang nakakaawang kalagayan at hinagpis ng mga tiwaling tao. Upang malutas ang problemang ito, dapat tanggapin at hanapin ng isang tao ang katotohanan; dapat nilang tanggapin ang katotohanan sa kanilang puso upang magkaroon ng isang bagong buhay. Anumang gawin o isipin nila, yaong mga hindi kayang tanggapin ang katotohanan ay hindi rin kayang isagawa ang katotohanan, at kahit pa sa panlabas ay maayos sila, pagkukunwari at panlilinlang pa rin ito—pagpapaimbabaw pa rin ito. Samakatuwid, kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, hindi mo makakamit ang buhay, at iyon ang ugat ng problema.
Karamihan sa mga tao ay nais hanapin at isagawa ang katotohanan, ngunit kadalasan ay may pagpapasya at hangarin lamang sila na gawin iyon; hindi nila naging buhay ang katotohanan. Dahil dito, kapag nakahaharap sila ng masasamang puwersa o ng masasamang tao na gumagawa ng masasamang gawa, o ng mga huwad na pinuno at anticristo na gumagawa ng mga bagay sa isang paraang lumalabag sa mga prinsipyo—sa gayon ay nagugulo ang gawain ng iglesia at napapahamak ang mga hinirang ng Diyos—nawawalan sila ng lakas ng loob na manindigan at magsalita. Ano ang ibig sabihin kapag wala kang lakas ng loob? Ibig bang sabihin niyan ay kimi ka o hindi makapagsalita? O hindi mo ito lubos na nauunawaan, at sa gayon ay wala kang tiwalang magsalita? Walang isa man dito; ito una sa lahat ang ibinubunga ng mapigilan ng mga tiwaling disposisyon. Ang isa sa mga tiwaling disposisyong ito na inilalantad mo ay ang mapanlinlang na disposisyon; kapag may nangyayari sa iyo, ang una mong iniisip ay ang sarili mong mga interes, ang una mong isinasaalang-alang ay ang mga ibubunga, kung ito ba ay kapaki-pakinabang sa iyo. Ito ay isang mapanlinlang na disposisyon, hindi ba? Ang isa pa ay makasarili at mababang-uri na disposisyon. Iniisip mo, “Ano ang kinalaman sa akin ng kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ako isang lider, kaya bakit ako mag-aalala? Wala itong kinalaman sa akin. Hindi ko responsabilidad ito.” Ang gayong mga saloobin at salita ay hindi mga bagay na sadya mong iniisip, kundi inilalabas ng iyong isip nang hindi mo namamalayan—na tumutukoy sa tiwaling disposisyong nabubunyag kapag ang mga tao ay nahaharap sa isyu. Pinamamahalaan ng mga tiwaling disposisyon na tulad nito ang paraan ng iyong pag-iisip, itinatali ng mga ito ang iyong mga kamay at paa, at kinokontrol kung ano ang sinasabi mo. Sa puso mo, gusto mong tumayo at magsalita, ngunit mayroon kang mga pag-aalinlangan, at kahit na magsalita ka pa, nagpapaliguy-ligoy ka, at nag-iiwan ka ng puwang upang makakambiyo, o kaya naman ay nagsisinungaling ka at hindi nagsasabi ng katotohanan. Nakikita ito ng mga taong malinaw ang mga mata; ang totoo, alam mo sa puso mo na hindi mo sinabi ang lahat ng dapat mong sabihin, na ang sinabi mo ay walang bisa, na iniraraos mo lamang ang lahat, at na hindi nalutas ang problema. Hindi mo natupad ang iyong responsabilidad, ngunit lantaran mong sinasabi na natupad mo ang iyong responsabilidad, o hindi sa iyo malinaw ang nangyayari. Totoo ba ito? At ito ba talaga ang iniisip mo? Hindi ba ganap ka nang kontrolado ng iyong satanikong disposisyon? Kahit naaayon sa katotohanan ang ilan sa sinasabi mo, sa mahahalagang sitwasyon at isyu, nagsisinungaling ka at nanlilinlang ng mga tao, na nagpapatunay na isa kang taong sinungaling, at nabubuhay ayon sa iyong satanikong disposisyon. Lahat ng sinasabi at iniisip mo ay naiproseso ng utak mo, na humahantong sa pagiging huwad, hungkag, kasinungalingan ng bawat pahayag mo; sa totoo lang, lahat ng sinasabi mo ay salungat sa mga katotohanan, para bigyang-katwiran ang iyong sarili, para sa sarili mong kapakinabangan, at pakiramdam mo ay nakamtan mo na ang iyong mga layon kapag nalihis mo ang mga tao at napaniwala mo sila. Ganyan kang magsalita; kumakatawan din iyan sa iyong disposisyon. Ganap kang kontrolado ng sarili mong satanikong disposisyon. Wala kang kapangyarihan sa mga sinasabi at ginagawa mo. Gustuhin mo man, hindi mo masabi ang katotohanan o masabi kung ano talaga ang iniisip mo; gustuhin mo man, hindi mo maisagawa ang katotohanan; gustuhin mo man, hindi mo matupad ang iyong mga responsabilidad. Kasinungalingan ang lahat ng sinasabi, ginagawa, at isinasabuhay mo, at pabasta-basta ka lang. Ganap kang bihag at nakokontrol ng sataniko mong disposisyon. Maaaring gusto mong tanggapin at isagawa ang katotohanan, ngunit hindi ikaw ang magpapasya nito. Kapag kinokontrol ka ng iyong mga satanikong disposisyon, sinasabi at ginagawa mo ang anumang ipagawa sa iyo ng iyong satanikong disposisyon. Isa ka lamang tau-tauhan ng tiwaling laman, naging kasangkapan ka ni Satanas. Pagkatapos, nanghihinayang ka sa muli mong pagsunod sa tiwaling laman at sa kung paano ka maaaring nabigong isagawa ang katotohanan. Iniisip mo, “Hindi ko kayang mag-isang madaig ang laman at dapat akong manalangin sa Diyos. Hindi ako tumindig upang pigilan ang mga nanggugulo sa gawain ng iglesia, at binabagabag ako ng aking konsiyensiya. Nagpasya na ako na kapag nangyari ulit ito ay dapat akong manindigan at pungusan ang mga gumagawa ng mga kamalian sa pagganap ng mga tungkulin nila at sa mga nanggugulo sa gawain ng iglesia, upang sila ay umayos at tumigil na sa walang ingat na pagkilos.” Pagkatapos mong makapag-ipon sa wakas ng lakas ng loob na magsalita, matatakot ka at aatras sa sandaling magalit ang kausap mo at hampasin niya ang mesa. Kaya mo bang maging lider? Ano ang silbi ng determinasyon at tibay ng loob? Parehong walang silbi ang mga ito. Nakaranas na siguro kayo ng maraming insidente tulad nito: Nahirapan ka at masyado mong pinagbigyan ang sarili mo, naramdaman mo na wala kang magawa at sumuko ka na na wala nang pag-asa, ipinaubaya mo ang sarili mo sa pagdadalamhati at nagpasya ka na wala nang pag-asa para sa iyo, at sa sandaling ito, ganap ka nang itiniwalag. Inaamin mong hindi mo hinahangad ang katotohanan, kaya’t bakit hindi ka nagsisisi? Naisagawa mo na ba ang katotohanan? Tiyak na mayroon ka namang naunawaan, pagkatapos mong dumalo sa mga sermon nang ilang taon. Bakit nga ba hindi mo isinasagawa ang katotohanan kahit papaano? Hindi mo hinahanap ang katotohanan kailanman, at lalong hindi mo ito isinasagawa. Palagi ka lamang nagdarasal, nagreresolusyon, nagtatakda ng mga mithiin, at nangangako sa puso mo. At ano ang kinahinatnan? Nananatili kang isang taong mapagpalugod sa iba, hindi ka nagtatapat tungkol sa mga problemang nararanasan mo, wala kang pakialam kapag nakikita mo ang masasamang tao, hindi ka tumutugon kapag may gumagawa ng masama o kaguluhan, at nananatili kang walang pakialam kapag hindi ka personal na naaapektuhan. Iniisip mo, “Hindi ako nagsasalita tungkol sa anumang walang kinalaman sa akin. Hangga’t hindi nito napipinsala ang aking mga interes, ang aking banidad, o ang aking imahe, binabalewala ko nang walang pagbubukod ang lahat. Kailangan kong maging napakaingat, dahil ang ibong nag-uunat sa kanyang leeg palabas ang unang nababaril. Hindi ako gagawa ng anumang katangahan!” Lubos at di-natitinag kang kinokontrol ng iyong mga tiwaling disposisyon ng kabuktutan, pagkamapanlinlang, katigasan, at pagiging tutol sa katotohanan. Naging mas mahirap na para sa iyo na tiisin ang mga ito kaysa sa sumisikip na ginintuang korona[a] na isinuot ng Haring Unggoy. Ang pamumuhay sa ilalim ng pagkontrol ng mga tiwaling disposisyon ay lubhang nakakapagod at napakasakit! Ano ang masasabi ninyo rito: Kung hindi ninyo hinahangad ang katotohanan, madali bang iwaksi ang inyong katiwalian? Kaya bang lutasin ang suliraning ito? Sinasabi Ko sa inyo: Kung hindi ninyo hinahangad ang katotohanan at naguguluhan kayo sa inyong paniniwala, kung nakikinig kayo sa mga sermon sa loob ng maraming taon nang hindi isinasagawa ang katotohanan, at kung naniniwala kayo hanggang sa huli na puwede kayong bumigkas ng ilang salita at doktrina at linlangin ang iba, kayo ay ganap na isang relihiyosong manloloko, isang mapagpaimbabaw na Pariseo, at sa ganitong paraan kayo hahantong sa pagwawakas. Ito ang inyong magiging kalalabasan. Kung malala pa kayo kaysa rito, maaaring may dumating na pangyayari kung saan ay mahuhulog kayo sa tukso, iiwan ninyo ang tungkulin ninyo, at magiging isa kayong tao na ipinagkakanulo ang Diyos—at kung magkaganito ay naiwan ka na, at ititiwalag ka. Ito ay pagiging laging nasa gilid ng isang bangin! Kaya sa ngayon, walang mas mahalaga kaysa sa paghahangad ng katotohanan. Wala nang hihigit pa sa pagsasagawa ng katotohanan.
Talababa:
a. Ang ginintuang korona ng Haring Unggoy ay isang mahalagang bagay sa klasikong Tsinong nobela na “Paglalakbay Papunta sa Kanluran.” Ginamit sa kuwento ang ginintuang korona para kontrolin ang mga kaisipan at kilos ng Haring Unggoy sa pamamagitan ng masakit na pagsikip nito sa kanyang bungo sa tuwing suwail ang pag-uugali niya.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.