Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin (Unang Bahagi)

Maraming tao ang nakararamdam na may kulang sa kanila pagkatapos nilang magawa ang kanilang tungkulin, at na hindi nila taglay ang realidad ng katotohanan, kaya lagi nilang inoobliga ang sarili na makinig sa mas marami pang sermon, at sa mga lider at manggagawa na magdaos ng mas marami pang pagtitipon, na para bang iyon lamang ang makapagbibigay sa kanila ng pagpasok sa buhay at paglago sa buhay. Kapag ilang araw silang hindi nakadalo sa isang pagtitipon o sermon, pakiramdam nila ay hungkag at mapanglaw ang puso nila, na parang wala silang silbi. Sa puso nila, para bang ang araw-araw na mga pagtitipon at mga sermon lamang ang magbibigay sa kanila ng pagpasok sa buhay, o magbibigay sa kanila ng kakayahan na lumago sa espirituwal na gulang. Ang totoo, maling-mali ang ganitong uri ng pag-iisip. Ang mga nananalig at sumusunod sa Diyos ay dapat gawin ang kanilang tungkulin—saka lamang sila magkakamit ng karanasan sa buhay. Kung sinasabi mong taos-puso kang nananalig sa Diyos, ngunit ayaw mong gawin ang iyong tungkulin, nasaan ang sinseridad sa pananampalataya mo sa Diyos? Yaong mga taos-pusong gumagawa ng kanilang tungkulin ay yaong mga may pananalig. Ang mga may pananalig lamang ang naglalakas-loob na ialay ang kanilang buhay sa Diyos, at handa silang itapon ang lahat upang gumugol para sa Diyos. Nararanasan ng mga ganitong tao ang gawain ng Banal na Espiritu habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin; sila ay naliliwanagan, pinamumunuan, at dinidisiplina ng Banal na Espiritu. Ang lahat ng ito ay nagbubunga ng karanasan sa buhay. Kaya, ang pagpasok sa buhay ay nagsisimula sa pormal na paggawa ng tungkulin ng isang tao.

Kung walang pakialam ang mga tao sa paggawa ng kanilang tungkulin, o laging magulo ang isip nila, anong uri ng saloobin ito sa tingin ninyo? Hindi ba’t iniraraos lamang nito ang tungkulin? Iyon ba ang ugali ninyo sa inyong tungkulin? Isa ba itong problema sa kakayahan o sa disposisyon? Dapat malinaw ito sa inyong lahat. Bakit ba pabaya ang mga tao kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin? Bakit hindi sila tapat kapag gumagawa sila ng mga bagay para sa Diyos? Nagtataglay man lang ba sila ng katwiran o konsiyensiya? Kung tunay kang nagtataglay ng konsiyensiya at katuturan, kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay, mas pagsisikapan mo ang mga ito, at lalakipan mo ng kaunti pang kabaitan, responsabilidad, at konsiderasyon, at magagawa mong mas magsikap pa. Kapag kaya mong mas magsikap, gaganda ang mga resulta ng mga tungkuling ginagampanan mo. Gaganda ang mga resulta mo, at masisiyahan dito kapwa ang ibang mga tao at ang Diyos. Kailangan mong isapuso ito! Hindi maaaring lumipad ang isip mo, na parang nagtatrabaho ka sa sekular na mundo at kumikita lang ng pera batay sa oras na ginugugol mo. Kung ganoon ang ugali mo, mapapahamak ka. Hindi mo magagampanan nang maayos ang tungkulin mo. Anong uri ng pagkatao ito? May pagkatao ba ang mga taong walang konsiyensiya? Wala. Kung sinasabi mong mayroon kang pagkatao, at nais mong isagawa ang katotohanan at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, dapat kang mas magsikap sa tungkulin mo, at mas isapuso mo ito. Sinasabi mong mayroon kang konsiyensiya, pero hindi mo kailanman isinasapuso ang iyong tungkulin. Gumagana ba ang iyong konsiyensiya? Dapat mayroon kang mabuting layunin. Dapat madalas ninyong pag-isipan ang mga bagay na ito—dapat maunawaan ninyo ang lahat ng ito. Mahigpit na ipinagbabawal ang basta lamang iraos ang tungkulin. Kung palagi mong iniraraos lang ang iyong tungkulin, hindi mo magagampanan ang tungkulin mo nang pasok sa pamantayan. Kung gusto mong gampanan ang tungkulin mo nang may katapatan, dapat mo munang ayusin ang problema mo na iniraraos lang ang tungkulin. Dapat kang gumawa ng mga hakbang para itama ang sitwasyon sa sandaling mapansin mo ito. Kung magulo ang isip mo, hindi kailanman nakakapansin sa mga problema, palaging iniraraos lang ang gawain, at pabasta-basta lang na ginagawa ang mga bagay-bagay, imposibleng magagawa mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kaya, dapat palagi mong isapuso ang tungkulin mo. Napakahirap dumating ng pagkakataong ito sa mga tao! Kapag binibigyan sila ng Diyos ng pagkakataon, ngunit hindi nila ito sinusunggaban, nawawala ang pagkakataong iyon—at kahit na sa kalaunan, naisin nilang makahanap ng ganoong pagkakataon, maaring hindi na iyon muling dumating. Ang gawain ng Diyos ay hindi naghihintay sa sinuman, at hindi rin naghihintay sa sinuman ang mga pagkakataon para gawin ang tungkulin ng isang tao. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko ginampanan nang maayos ang tungkulin ko dati, ngunit ngayon ay nais ko pa rin itong gampanan. Dapat subukan ko na lang muli.” Kahanga-hangang magkaroon ng ganitong kapasyahan, pero dapat maging malinaw sa iyo kung paano gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at dapat kang magsikap tungo sa katotohanan. Tanging ang mga nakakaunawa sa katotohanan ang makagagampan nang maayos sa kanilang tungkulin. Ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ay hindi kwalipikado kahit magserbisyo man lang. Kapag mas malinaw sa iyo ang katotohanan, mas nagiging epektibo ka sa iyong tungkulin. Kung nakikita mo ang totoong sitwasyon ng isang bagay, magsusumikap ka tungo sa katotohanan, at may pag-asang magampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kakaunti ang mga oportunidad sa ngayon para gumanap sa isang tungkulin, kaya dapat mong sunggaban ang mga iyon kung kaya mo. Kapag naharap ka sa isang tungkulin, doon ka mismo dapat magsumikap; doon mo dapat ialay ang sarili mo, gugulin ang sarili mo para sa Diyos, at doon mo kinakailangang magbayad ng halaga. Huwag kang maglihim, magkimkim ng anumang mga pakana, maging maluwag, o magpalusot. Kung ikaw ay nagiging maluwag, tuso, o madaya at taksil, malamang na hindi maging maganda ang trabaho mo. Ipagpalagay na sabihin mong, “Walang nakakita na nandaya ako. Ang galing!” Anong klaseng pag-iisip ito? Akala mo ba nalinlang mo ang mga tao, at pati na ang Diyos? Ngunit sa totoo lang, alam ba ng Diyos kung ano ang nagawa mo o hindi? Alam Niya. Sa katunayan, malalaman ng sinumang nakikipag-ugnayan sa iyo sa maikling panahon ang iyong katiwalian at kasamaan, at bagama’t hindi nila iyon sasabihin nang tahasan, susuriin ka nila sa kanilang puso. Marami nang taong inilantad at pinalayas dahil napakaraming iba pa ang nakaunawa sa mga ito. Nang mahalata ng lahat ang diwa ng mga ito, ibinunyag nila ang tunay na pagkatao ng mga taong iyon at pinatalsik ang mga ito. Kaya, hinahangad man nila ang katotohanan o hindi, dapat gawin nang maayos ng mga tao ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya; dapat nilang gamitin ang kanilang konsiyensiya sa paggawa ng mga praktikal na bagay. Maaaring mayroon kang mga depekto, ngunit kung kaya mong maging epektibo sa pagganap sa iyong tungkulin, hindi ito aabot sa pagpapalayas sa iyo. Kung lagi mong iniisip na ayos ka lang, na nakatitiyak kang hindi ka palalayasin, kung hindi ka pa rin nagninilay o nagsisikap na kilalanin ang iyong sarili, at binabalewala mo ang iyong mga wastong gawain, kung palagi kang walang-ingat at pabasta-basta, kapag talagang nawalan na ng pasensya sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos, ilalantad nila ang iyong tunay na pagkatao, at malamang talaga na palalayasin ka. Iyon ay dahil nahalata ka na ng lahat at nawalan ka na ng dangal at integridad. Kung walang nagtitiwala sa iyo, maaari ka bang pagtiwalaan ng Diyos? Tumitingin ang Diyos sa kaibuturan ng puso ng tao: talagang hindi Niya mapagkakatiwalaan ang gayong tao. Kung hindi mapagkakatiwalaan ang isang tao, kahit ano ang mangyari, huwag ipagkatiwala sa kanya ang isang gampanin. Kung hindi mo kilala ang isang tao, o narinig mo lang ang sabi ng ibang tao na magaling naman ang taong ito sa kanyang ginagawa, pero sa puso mo ay hindi ka isang daang porsyentong sigurado, ang magagawa mo lang ay bigyan muna siya ng maliit na gampanin—isang gampaning hindi mahalaga. Kung maayos siyang gumagawa sa ilang maliit na gampanin, maaari mo na siyang bigyan ng karaniwang gampanin. At kapag matagumpay siya sa gampaning iyon ay saka mo lang siya dapat bigyan ng isang mahalagang gampanin. Kung pumalpak siya sa karaniwang gampanin, hindi maaasahan ang taong ito. Malaki o maliit man ang isang gampanin, hindi ito maaaring ipagkatiwala sa kanya. Kapag may napansin kang isang taong mabait at responsable, hindi kailanman iniraos lang ang tungkulin, tinatrato niya ang mga gawaing ipinagkatiwala ng iba sa kanya bilang sarili niyang gawain, isinasaalang-alang ang bawat aspeto ng gampanin, iniisip ang mga pangangailangan mo, kinokonsidera ang bawat anggulo, mabusisi at pinangangasiwaan niya nang tama ang mga bagay-bagay, kaya lubos kang nasisiyahan sa kanyang gawain—ang ganitong uri ng tao ang mapagkakatiwalaan. Ang mga taong mapagkakatiwalaan ay mga taong may pagkatao, at ang mga taong may pagkatao ay nagtataglay ng konsiyensiya at katinuan, at tiyak na napakadali para sa kanila ang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, dahil itinuturing nila ang kanilang tungkulin bilang kanilang obligasyon. Ang mga taong walang konsiyensiya o katinuan ay malamang na hindi gagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad sa kanilang tungkulin kahit ano pa ito. Kailangan ay lagi silang inaalala ng iba, pinangangasiwaan sila, at kinukumusta ang kanilang pag-usad; kung hindi, maaaring magulo ang mga bagay-bagay habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, at maaaring may mangyaring mali habang ginagawa nila ang isang gampanin, na mas makagugulo kaysa makatutulong. Sa madaling salita, kailangang palaging pagnilayan ng mga tao ang kanilang sarili kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, “Maayos ko bang natupad ang tungkuling ito? Isinapuso ko ba ito? O iniraos ko lamang ito?” Kung palagi kang walang ingat at pabasta-basta, nasa panganib ka. Nangangahulugan itong wala ka man lang kredibilidad, at hindi ka mapagkakatiwalaan ng mga tao. Ang mas malala pa, kung palagi mo lang iniraraos ang paggawa ng iyong tungkulin, at kung palagi mong nililinlang ang Diyos, nasa malaking panganib ka! Ano ang mga kahihinatnan ng pagiging sadyang mapanlinlang? Nakikita ng lahat na sinasadya mong lumabag, na namumuhay ka nang ayon sa walang iba kundi sa sarili mong tiwaling disposisyon, na ikaw ay walang iba kundi walang ingat at pabasta-basta, na hindi mo talaga isinasagawa ang katotohanan—na ang ibig sabihin ay wala kang pagkatao! Kung namamalas ito sa iyo hanggang sa huli, kung iniiwasan mo ang malalaking pagkakamali pero hindi tinitigilan ang maliliit, at hindi nagsisisi mula sa simula hanggang sa huli, kung gayon ay isa ka sa masasama, isang walang pananampalataya, at dapat na paalisin. Ang mga ganitong kinahihinatnan ay kasuklam-suklam—ganap kang mabubunyag at mapapalayas bilang isang walang pananampalataya at masamang tao.

Anumang tungkuling iyong tinutupad ay kinapapalooban ng pagpasok sa buhay. Kung medyo palagian man o pabagu-bago ang iyong tungkulin, nakakabagot man o masigla, dapat mong maabot palagi ang pagpasok sa buhay. Ang mga tungkuling ginagampanan ng ilang tao ay medyo nakakabagot; pare-pareho lang ang ginagawa nila araw-araw. Gayunpaman, kapag ginagampanan ang mga ito, ang mga katayuang inihahayag ng mga taong ito ay hindi gayong magkahalintulad. Kung minsan, kapag maganda ang lagay ng loob nila, mas masipag ang mga tao at mas maganda ang kinalalabasan ng ginawa nila. Kung minsan naman, dahil sa hindi-malamang impluwensya, nag-uudyok ng kalokohan sa kanilang kalooban ang kanilang mga tiwali at mala-satanas na disposisyon, na nagiging dahilan para magkaroon sila ng di-wastong mga pananaw at sumasama ang kanilang kalagayan at lagay ng loob; dahil dito ay paimbabaw ang pagganap nila sa kanilang tungkulin. Ang mga panloob na kalagayan ng mga tao ay palaging nagbabago; maaaring magbago ang mga ito saan mang lugar at anumang oras. Kung paano man nagbabago ang iyong kalagayan, palaging maling kumilos batay sa iyong pakiramdam. Sabihin nang mas maganda ang trabaho mo kapag maganda ang lagay ng loob mo, at medyo masama kapag masama ang lagay ng loob mo—ito ba ay maprinsipyong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay? Tutulutan ka ba nito na gampanan ang iyong tungkulin sa isang katanggap-tanggap na pamantayan? Anuman ang lagay ng loob nila, dapat alam ng mga tao na manalangin sa harap ng Diyos at hanapin ang katotohanan; sa ganitong paraan lamang sila makakaiwas na makontrol at matangay nang paroo’t parito ng kanilang mga pakiramdam. Kapag tinutupad ang iyong tungkulin, dapat mong suriin palagi ang iyong sarili upang makita kung ginagawa mo ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, kung ang pagganap mo sa iyong tungkulin ay abot sa pamantayan, kung ginagawa mo lamang ang mga iyon nang paimbabaw o hindi, kung nasubukan mo nang iwasan ang iyong mga responsabilidad, at kung may anumang mga problema sa iyong pag-uugali at sa paraan ng iyong pag-iisip. Sa sandaling nakapagnilay-nilay ka na at naging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, magiging mas madali ang pagtupad mo sa iyong tungkulin. Anuman ang maranasan mo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin—pagiging negatibo at mahina, o pagkakaroon ng masamang lagay ng loob matapos kang maiwasto—dapat mo itong tratuhin nang maayos, at kailangan mo ring hanapin ang katotohanan at unawain ang kalooban ng Diyos. Sa paggawa ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng isang landas sa pagsasagawa. Kung nais mong maging maganda ang iyong trabaho sa pagtupad sa iyong tungkulin, kailangan ay huwag kang paapekto sa lagay ng loob mo. Gaano man ka-negatibo o kahina ang iyong nararamdaman, dapat mong isagawa ang katotohanan sa lahat ng iyong ginagawa, nang may ganap na kahigpitan, at pagsunod sa mga prinsipyo. Kung gagawin mo ito, hindi ka lamang sasang-ayunan ng ibang tao, kundi magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa gayon, ikaw ay magiging isang taong responsable at bumabalikat ng pasanin; magiging isa kang tunay na mabuting tao na talagang tumutupad sa iyong mga tungkulin nang abot sa pamantayan at lubos na isinasabuhay ang wangis ng isang tunay na tao. Ang gayong mga tao ay pinadadalisay at nagkakamit ng tunay na pagbabago kapag tumutupad sa kanilang mga tungkulin, at masasabing matapat sa mga mata ng Diyos. Matatapat na tao lamang ang kayang magtiyaga sa pagsasagawa ng katotohanan at nagtatagumpay sa pagkilos nang may prinsipyo, at maaaring makatupad ng kanilang mga tungkulin na abot sa pamantayan. Ang mga taong kumikilos nang may prinsipyo ay tumutupad na maigi sa kanilang mga tungkulin kapag maganda ang lagay ng loob nila; hindi sila nagtatrabaho lamang nang pabasta-basta, hindi sila mayabang at hindi nagpapasikat para tumaas ang tingin sa kanila ng iba. Kapag masama ang lagay ng loob nila, nagagawa nilang tapusin ang kanilang pang-araw-araw na mga gawain nang gayon din kasigasig at karesponsable, at kahit nagdaranas sila ng isang bagay na nakakasama sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, o na medyo gumigipit sa kanila o gumagambala sa kanila habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin, nagagawa pa rin nilang manahimik sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing, “Gaano man kalaki ang problema ko—kahit bumagsak pa ang kalangitan—basta’t ako ay buhay, determinado akong gawin ang lahat para tuparin ko ang aking tungkulin. Bawat araw na nabubuhay ako ay isang araw na dapat kong gampanan nang maayos ang aking tungkulin, nang sa gayon ako ay karapat-dapat sa tungkuling ito na ipinagkaloob sa akin ng Diyos, gayundin sa hiningang ito na ipinasok Niya sa aking katawan. Gaano man ako nahihirapan, isasantabi ko ang lahat ng iyon, sapagkat ang pagtupad sa aking tungkulin ang pinakamahalaga!” Yaong mga hindi apektado ng sinumang tao, anumang kaganapan, bagay, o kapaligiran, na hindi napipigilan ng anumang pakiramdam o sitwasyon sa labas, at inuuna sa lahat ang kanilang mga tungkulin at atas na naipagkatiwala sa kanila ng Diyos—sila ang mga taong matapat sa Diyos at tunay na nagpapasakop sa Kanya. Ang ganitong mga tao ay nakamtan na ang pagpasok sa buhay at nakapasok na sa realidad ng katotohanan. Ito ay isa sa pinakatotoo at pinakapraktikal na mga pagpapahayag ng pagsasabuhay ng katotohanan. Magiging panatag ba ang isang tao sa pamumuhay nang ganito? Kailangan mo bang mag-alala kung ano ang tingin sa iyo ng Diyos? Sabihin ninyo, paano ninyo kailangang kumilos para maging panatag? (Huwag hayaang mapigilan ka ng sinumang tao, pangyayari, o bagay, at unahin mo ang iyong tungkulin. Ito ang tanging paraan para maiwasan mong madismaya ang Diyos.) Tama, ito ang sikreto sa pagiging panatag. Natutunan na ba ninyong lahat ang sikretong ito? Kung may masamang ugali ang isang tao kapag nakikipag-usap sa iyo at tinatangka niyang isantabi ka o sinasadyang hanapan ka ng mali, hindi ka matutuwa, na para bang may isang kutsilyo na pinilipit sa loob mo. Hindi mo na gugustuhing kumain, at maaapektuhan ang pagtulog mo. Ano’t anuman, hindi magiging maganda ang lagay ng loob mo, at masasaktan ang puso mo. Sa puntong ito, ano ang gagawin mo? Maaari mong sabihin na, “Masama ang timpla ko ngayong araw, kaya ipagpapaliban ko muna ang tungkulin ko nang mga ilang araw,” o “Gagawin ko pa rin ang tungkulin ko, pero ayos lang kung hindi ko masyadong sisipagan o iraraos ko lang ito. Lahat ay may mga panahong hindi nila nakukuha ang gusto nila, kaya kung hindi maganda ang lagay ng loob ko, hindi ako labis na aasahan ng Diyos, hindi ba? Ipagpapaliban ko na lang saglit ang tungkulin ko ngayong araw. Ayos lang iyon, huhusayan ko na lang bukas. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa loob ng anim na libong taon, kaya talaga bang mahalaga pa sa Kanya kung ipagpapaliban ko ito ng isang araw?” Anong klase ng tao ang hinahayaan ang maliliit na bagay na makaapekto sa kanyang lagay ng loob, at pagkatapos ay hinahayaan itong makaapekto sa kanyang tungkulin? Hindi ba’t parang bata at hindi kanais-nais na pag-uugali ito? Kapag nangyayari sa kanila ang anumang bagay, naiinis sila, lubos na hindi makatwiran, hindi gumagawa ng kanilang tungkulin, walang kapasyahan, at nakakalimutan ang kanilang mga panata. Anong klaseng problema ito? Hindi ba ito problema ng kawalan ng pagpipigil sa sarili? Maaaring may ilang tao na hindi karaniwang kumikilos nang ganito, pero kapag masama ang lagay ng loob nila, sumusuko sila sa kanilang mga responsabilidad. Masyadong madalas nangyayari ang mga ganitong bagay. May ilang tao na kapag hindi maganda ang lagay ng loob nila, naaapektuhan sila ng panlabas na impluwensiya, kaya wala silang sigla habang ginagawa ang kanilang tungkulin, at hindi nila natututukan ang kanilang ginagawa. Ano ang dapat gawin kapag nangyayari ito? Hindi ba’t kailangang lutasin ang mga problemang ito? Sinasabi ng ilang tao na, “Hindi malulutas ang mga ito. Hindi magtatagal ay ayaw ko pa ring gawin ito, at hahayaan ko na lang kung ano ang mangyayari. Ano’t anuman, masama ang lagay ng loob ko at ayaw kong may kumausap sa akin. Hayaan na lang ninyo akong maging malungkot saglit.” Bagamat nandito pa rin sila, ginagawa ang kanilang tungkulin, naririto lamang ang katawan nila, hindi ang isipan. Hindi tiyak kung saan napunta ang kanilang mga puso. Hindi sila responsable sa kanilang tungkulin, hindi sila nagsisikap, at mahina sila. Gayunpaman, kapag bumuti ang lagay ng loob nila, nagsisimula silang maging masigasig muli; kaya nilang muling magtiis ng hirap at dumanas ng pagod, at hindi nila masyadong pinapansin kung ano ang kanilang kinakain. Hindi ba’t medyo abnormal ang lahat ng ito? Bakit ba naiimpluwensiyahan ang mga tao ng napakaraming iba’t ibang damdamin at sitwasyon? Hinanap ba ninyo kahit minsan ang dahilan? Hindi ba’t madalas kayong nababahala sa mga bagay na ito? Hindi ba madalas kayong naiipit sa mga kalagayang ito? Hindi ba’t ito ang problemang kinakaharap ninyong lahat? (Ito nga.) Kung hindi malulutas ang mga problemang ito, hindi kailanman magma-mature ang mga tao; palagi silang magiging mga bata. Halimbawa, kapag may sinabi ang isang tao nang hindi iniisip ang mararamdaman mo, isang bagay na bahagyang tumutukoy sa iyo, o kapag nagpahaging siya tungkol sa iyo, medyo hindi ka magiging komportable. Kapag kinausap mo ang isang tao at hindi ka niya pinansin, o hindi maganda ang ekspresyon sa kanyang mukha, hindi ka magiging komportable. Kapag may araw na hindi umaayon sa gusto mo ang iyong tungkulin, hindi ka magiging komportable. Kapag binangungot ka na tila isang masamang pangitain, hindi ka magiging komportable. Kapag nakarinig ka ng masamang balita tungkol sa pamilya mo, hindi ka magiging komportable, sasama ang lagay ng loob mo, at hindi mo mapapasigla ang sarili mo. Kapag may nakita kang ibang taong gumagawa nang maayos sa kanilang tungkulin, at nakatatanggap ng papuri at itinaas ang ranggo nila sa pagiging lider, hindi ka rin magiging komportable rito, at maaapektuhan nito ang lagay ng loob mo…. Ang lahat ng bagay na ito na maaaring makaimpluwensiya sa iyo, malaki man o maliit, ay maaaring magkulong sa iyo sa pagkanegatibo, magsanhi sa iyo ng lumbay, at makaapekto sa abilidad mong gumawa ng iyong tungkulin. Ano ang problema ng mga taong ganito ang pag-uugali? (Hindi matatag ang kanilang mga disposisyon.) Ang hindi matatag na disposisyon ay isang aspeto nito. Ang pagkatao nila ay kulang pa sa gulang at parang bata, at wala silang kabatiran. Tungkol sa kanilang pagpasok sa buhay, palagi nilang dinaranas ang mga pagpigil ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, kaya hindi madali para sa kanila na isagawa ang katotohanan. Kung hindi nila maisasagawa ang katotohanan, hindi sila makakapasok sa realidad ng katotohanan, at kung hindi sila makakapasok sa realidad ng katotohanan, hindi sila magkakaroon ng pagpasok sa buhay. Hindi ba’t ganoon iyon? Ano ang dahilan kung bakit sila napipigilan ng mga tao, pangyayari, at bagay? Ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, dahil hindi nila matukoy kung ano ang totoo at kung ano ang huwad, at dahil hindi nila matukoy kung sino ang tama at kung sino ang mali. Dahil dito, hindi nila alam kung paano magsagawa, nang walang pagkakataong sumulong o umurong. Iyon ang kahihinatnan. Karamihan sa mga bagong mananampalataya ay nasa ganitong kalagayan. Kapag nauunawaan nila ang katotohanan, nakikita nang malinaw ang mga bagay-bagay, at napag-iiba ang mga tao, natural na kusang malulutas ang problemang ito. Subalit, ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi naghahanap sa katotohanan kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay. Magpakailanman ay hindi maiwawaksi ng ganitong uri ng tao ang mga pagpigil ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Anong uri ng mga kalagayan ang ipinapamalas ng mga taong madalas dumaranas ng mga pagpigil ng mga tao, pangyayari, at bagay? Madali silang maging negatibo, at kapag dumaranas sila ng mga problema o nahihirapan sila, nadadapa sila. Naiimpluwensiyahan ng mga bagay na ito ang kanilang lagay ng loob at ang kanilang abilidad na gumawa ng kanilang tungkulin. Yaong mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ay madaling napipigilan ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Napakabagal ng kanilang pagpasok sa buhay, at kahit ilang taon pa silang nananalig, walang nakikitang pag-usad sa kanila. Hindi man lang sila nagbago, at halos kapareho lang ng mga hindi mananampalataya. Lahat ng ito ay resulta ng hindi paghahangad sa katotohanan. Iyon ang dahilan. Sa madaling salita, kahit ilang taon ka nang nananalig sa Diyos, ano man ang kakayahan o edad mo, hangga’t hindi mo minamahal ang katotohanan o hinahanap ang katotohanan sa lahat ng bagay, madali kang mapipigilan ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Hindi mo malalaman kung paano kumilos nang tama, ni hindi mo malalaman kung paano isagawa ang katotohanan o maging alinsunod sa mga prinsipyo. Kahit kumilos ka ayon sa mga kuru-kuro ng mga tao at hindi gumawa ng masama, hindi mo pa rin malalaman kung naaayon ka ba sa kalooban ng Diyos. Gaano man katagal nang nananalig ang ganitong uri ng tao, hindi siya makakapagsalita tungkol sa kanyang mga patotoo sa karanasan, dahil hindi niya nauunawaan kung paano danasin ang gawain ng Diyos, ni hindi niya nauunawaan ang kahit katiting ng katotohanan. Ganito ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan; gaano man sila katagal nang nananalig sa Diyos, wala silang masasabing anumang patotoo. Napakaliit ng kanilang tayog, at wala silang realidad ng katotohanan.

Ngayon, aktibo ang mga tao sa paggawa ng kanilang tungkulin. Mayroon din silang determinasyon na gawin ang kanilang tungkulin, igugol ang kanilang sarili para sa Diyos at magsakripisyo para sa Kanya, at ialay ang kanilang sarili sa Kanya. Mayroon pa ngang ilang tao na sumumpa nang maraming beses na iaalay nila ang kanilang buong buhay sa Diyos, at igugugol ang kanilang sarili para sa Kanya. Taglay nila ang lahat ng bagay na ito, pero wala silang pagpasok sa buhay. Kung walang pagpasok sa buhay ang isang tao, kung gayon, sa lahat ng uri ng masalimuot na mga tao, pangyayari, at bagay, magiging mahirap para sa kanila na manatiling matatag o matugunan ang isyu. Hindi sila makakahanap ng direksyon, ni makakahanap ng landas, at madalas nilang nararamdaman na hindi nila maiwaksi ang kanilang negatibong kalagayan. Naguguluhan sila, napipigilan, nakokontrol, at nagagapos ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, at hindi nila alam ang pinakatamang paraan ng pagsasagawa. Ngayon, sasabihin Ko sa inyo ang isang prinsipyo ng pagsasagawa: Ano man ang sumapit sa iyo, ito man ay isang pagsubok o hamon, o pagwawasto, at paano ka man tratuhin ng mga tao, dapat mo munang isantabi ang mga bagay na ito at humarap sa Diyos sa masigasig na pananalangin, nang hinahanap ang katotohanan at inaayos ang kalagayan mo. Ito ang dapat munang lutasin. Dapat mong sabihin na, “Gaano man kalaki ang bagay na ito, kahit na ang langit mismo ay bumagsak, dapat kong gawin nang maayos ang tungkulin ko. Hangga’t may hininga ako, hindi ako susuko sa tungkulin ko.” Kaya paano mo gagawin ang iyong tungkulin? Hindi pwedeng iniraraos mo lang ito, o kaya ay naroon nga ang pisikal mong katawan pero hinahayaan mong lumipad ang isip mo—dapat mong ituon ang puso at isipan mo sa iyong tungkulin. Gaano man kabigat ang mga bagay na sumasapit sa iyo, dapat mo munang isantabi ang mga ito at humarap sa Diyos para hangarin kung paano gawin nang maayos ang iyong tungkulin, para mapalugod nito ang Diyos. Dapat mong subukang isipin na, “Sa bagay na ito na nararanasan ko ngayon, paano ko gagawin ang tungkulin ko? Noon, pabasta-basta ako kung kumilos, kaya ngayon ay dapat kong baguhin ang pamamaraan ko at magsikap na gawin nang maayos ang aking tungkulin, nang sa gayon ay walang mapupuna ang sinuman. Ang mahalaga ay hindi ko dapat bibiguin ang Diyos. Dapat mapanatag ko ang puso Niya, upang kapag nakita Niya akong gumagawa ng tungkulin ko, malalaman Niya na hindi lang ako masunurin at mapagpasakop, kundi tapat din.” Kung isasagawa mo ito at magsusumikap ka sa direksyong ito, walang makakapagpaantala sa iyo sa paggawa ng iyong tungkulin, o makakaapekto sa pagiging epektibo ng iyong tungkulin. Habang patuloy kang nagdarasal, naghahanap sa katotohanan, at nagsisikap na maintindihan ang mga salita ng Diyos, madali mong mauunawaan at malulutas ang mga emosyonal na bagay ng laman; pero hindi ito magagawa ng isang tao kung hindi niya tinatanggap ang katotohanan. Hangga’t nauunawaan mo ang katotohanan, anumang problema ay maaaring malutas. Ang kalungkutan, kawalan ng pag-asa, mga pag-aalala, mga pag-aalinlangan, at pagkanegatibo sa puso mo ay tuluyang malulutas. Unti-unting bubuti ang lagay ng loob mo, at tuluyan kang mapapalaya. Kung talagang mayroon kang tunay na mga paghihirap, dapat mong matutunang hanapin ang katotohanan at magpasakop. Kapag nahaharap ang isang tao sa mga ganitong uri ng bagay, isa itong pagsubok sa kanyang tayog at ibinubunyag nito kung sino siya, upang makita kung kaya ba niyang isagawa ang katotohanan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.