Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
Ang Kabanalan ng Diyos (II) Unang Bahagi
Ngayong araw, mga kapatid, umawit tayo ng isang himno. Humanap ng gusto ninyo at palagi ninyong kinakanta. (Aawitin natin ang himno Blg. 760 ng mga salita ng Diyos, “Dalisay na Pagmamahal na Walang Dungis.”)
1 Ang pag-ibig ay dalisay na damdamin, walang dungis. Gamitin mo’ng puso mo upang magmahal at magmalasakit. ‘Di ito nagtatakda ng kundisyon o hadlang o distansya. Gamitin mo’ng puso mo upang magmahal at magmalasakit. Kung nagmamahal ka, ‘di ka nanlilinlang, nagrereklamo, tumatalikod, nanghihingi ng anumang kapalit. Magsasakripisyo ka, titiisin ang hirap, at makakasundo mo ang Diyos.
2 Sa pag-ibig walang hinala, tuso o mapanlinlang. Gamitin mo’ng puso mo upang magmahal at magmalasakit. Sa pag-ibig, walang transaksyon at walang ‘di dalisay. Gamitin mo’ng puso mo upang magmahal at magmalasakit. Kung nagmamahal ka, ‘di ka nanlilinlang, nagrereklamo, tumatalikod, nanghihingi ng anumang kapalit. Magsasakripisyo ka, titiisin ang hirap, at makakasundo mo ang Diyos.
3 Isusuko mo sa Diyos ang ‘yong pamilya, kabataan at kinabukasan, pati pag-aasawa mo; ibibigay mo’ng iyong lahat para sa Kanya. Kung ‘di, pag-ibig mo’y ‘di tunay, bagkus panlilinlang, pagtataksil sa Diyos. Kung nagmamahal ka, ‘di ka nanlilinlang, nagrereklamo, tumatalikod, nanghihingi ng anumang kapalit. Magsasakripisyo ka, titiisin ang hirap, at makakasundo mo ang Diyos.
—Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin
Magandang himno itong napili ninyo. Nasisiyahan ba kayo sa pagkanta nito? Ano ang inyong nararamdaman matapos kantahin ito? Nararamdaman ba ninyo ang ganitong uri ng pagmamahal sa inyong kalooban? (Hindi pa.) Aling mga salita nito ang pumupukaw sa iyo nang pinakamatindi? (Sa pagmamahal walang mga kundisyon, walang mga balakid, at walang distansya. Sa pagmamahal walang paghihinala, walang panlilinlang, at walang katusuhan. Sa pagmamahal walang humihingi ng kapalit at walang karumihan. Ngunit sa kaibuturan ko ay nakikita ko pa rin ang maraming karumihan, at marami sa aking mga bahagi na sumusubok na makipagkasunduan sa Diyos. Hindi ko pa talaga naabot ang uri ng pagmamahal na dalisay at walang dungis.) Kung hindi mo naaabot ang pagmamahal na dalisay at walang dungis, anong antas ng pagmamahal ang mayroon ka? (Nasa yugto lamang ako kung saan ako ay nakahandang maghanap, kung saan ako ay nananabik.) Ayon sa iyong sariling tayog at nagsasalita mula sa iyong sariling karanasan, anong antas ang iyong naabot? Mayroon ka bang panlilinlang? Mayroon ka bang mga reklamo? Mayroon ka bang mga pangangailangan sa kaibuturan ng iyong puso? Mayroon bang mga bagay na gusto at hinahangad mo mula sa Diyos? (Oo, mayroon ako nitong maruruming bagay sa loob ko.) Sa anong mga pagkakataon lumalabas ang mga ito? (Kapag ang sitwasyon na isinaayos ng Diyos para sa akin ay hindi tumutugma sa aking mga kuru-kuro, o kapag ang aking mga hinahangad ay hindi naabot, sa mga pagkakataong gaya nito, naibubunyag ko ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon.) Kayong mga kapatid na mula sa Taiwan, madalas niyo rin bang awitin ang himnong ito? Maaari ba kayong magsalita nang kaunti kung paano ninyo naiintindihan ang “dalisay na pagmamahal na walang dungis”? Bakit binibigyang-kahulugan ng Diyos ang pagmamahal sa ganitong paraan? (Gustung-gusto ko ang himnong ito dahil makikita ko rito na ang pagmamahal na ito ay isang ganap na pagmamahal. Gayunpaman, malayo pa ako sa pag-abot sa pamantayang iyon, at napakalayo ko pa rin sa pagtamo ng tunay na pagmamahal. Nagawa ko nang sumulong sa ilang bagay, at makipagtulungan sa pamamagitan ng lakas na ibinibigay sa akin ng Kanyang mga salita at sa pamamagitan ng pananalangin. Gayunpaman, kapag nahaharap ako sa ilang pagsubok o paghahayag, nararamdaman kong wala akong kinabukasan o kapalaran, na wala akong hantungan. Sa gayong mga pagkakataon, nakararamdam ako ng labis na panghihina, at madalas akong nababagabag ng isyung ito.) Ano ba ang talagang tinutukoy mo kapag sinasabi mong “kinabukasan at kapalaran”? Mayroon ka bang tinutukoy na isang partikular na bagay? Ito ba ay isang larawan o isang bagay na nasa imahinasyon mo, o nakikita mo ba talaga ang iyong kinabukasan at kapalaran? Ito ba ay tunay na bagay? Nais Ko na ang bawat isa sa inyo ay isipin ito: Ano ang tinutukoy ng inyong pag-aalala para sa inyong kinabukasan at kapalaran? (Ito ay upang maligtas para mabuhay ako.) Kayong iba pang mga kapatid, nagsasalita kayo nang kaunti tungkol sa inyong pagkaunawa sa “dalisay na pagmamahal na walang dungis.” (Kapag mayroon ang isang tao nito, walang karumihang nagmumula sa kani-kanilang mga sarili, at hindi sila nakokontrol ng kanilang kinabukasan at kapalaran. Paano man sila tinatrato ng Diyos, kaya nilang sumunod nang lubusan sa gawain ng Diyos at sa Kanyang mga pangangasiwa, at sundin Siya hanggang sa katapusan. Ang ganitong uri lamang ng pagmamahal para sa Diyos ang dalisay at walang dungis na pagmamahal. Nang ikinumpara ko ang aking sarili rito, natuklasan ko na bagama’t ako ay tila gumugol ng aking sarili o nagsakripisyo ng ilang bagay sa huling ilang taon ng pananampalataya sa Diyos, hindi ko nakayanang tunay na ibigay ang aking puso sa Kanya. Kapag inilalantad ako ng Diyos, pakiramdam ko ay parang hindi ako maliligtas, at nananahan ako sa negatibong kalagayan. Nakikita ko ang aking sarili na ginagampanan ang aking tungkulin, ngunit kasabay nito ay sumusubok akong gumawa ng mga kasunduan sa Diyos, hindi ko nagagawang mahalin ang Diyos nang buong puso, at ang aking hantungan, ang aking kinabukasan, at ang aking kapalaran ay laging nasa aking isip.) Tila nagkaroon kayo ng kaunting pagkaunawa tungkol sa himnong ito, at nakagawa kayo ng ilang pag-uugnay sa pagitan nito at ng inyong aktuwal na karanasan. Gayunpaman, mayroon kayong iba’t ibang antas ng pagtanggap sa bawat isa sa mga parirala sa himnong “Dalisay na Pagmamahal na Walang Dungis.” Iniisip ng ilan na tungkol ito sa bukal sa loob na paggawa, ang ilan ay naghahangad na isantabi ang kanilang kinabukasan, ang ilan ay naghahangad na iwanan ang kanilang mga pamilya, at ang ilan ay hindi naghahangad na makatanggap ng anuman. Ang iba naman ay pinipilit ang kanilang sarili na hindi magkaroon ng panlilinlang, mga reklamo, at hindi maghimagsik laban sa Diyos. Bakit gusto ng Diyos na magmungkahi ng ganitong uri ng pagmamahal at hilingin sa mga tao na ibigin Siya sa ganitong paraan? Ito ba ay isang uri ng pagmamahal na kayang maabot ng mga tao? Ibig sabihin, kaya ba ng mga tao na umibig sa ganitong paraan? Maaaring makita ng mga tao na hindi nila kaya, dahil hindi sila nagtataglay ni kaunti mang pagkaunawa sa ganitong uri ng pagmamahal. Kapag hindi ito taglay ng mga tao, at kapag hindi nila talaga nauunawaan ang tungkol sa pagmamahal, winiwika ng Diyos ang mga salitang ito, at hindi pamilyar sa kanila ang mga salitang ito. Dahil nabubuhay ang mga tao sa mundong ito na may tiwaling disposisyon, kung mayroon ang mga tao ng ganitong uri ng pagmamahal o kung magagawa ng isang tao na magtaglay ng ganitong uri ng pagmamahal, pagmamahal na hindi gumagawa ng mga kahilingan at mga pangangailangan, isang pagmamahal kung saan handa silang ilaan ang kanilang mga sarili at tiisin ang paghihirap at isuko ang lahat ng kanilang pag-aari, kung gayon ano ang iisipin ng iba sa isang taong nagtataglay ng ganitong uri ng pagmamahal? Hindi ba magiging perpekto ang gayong uri ng tao? (Oo.) Mayroon ba sa mundong ito ng perpektong taong tulad nito? Walang ganitong uri ng tao sa mundong ito. Tiyak ito. Samakatuwid, ang ilang tao, sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan, ay gumugugol ng matinding pagsisikap upang sukatin ang kanilang mga sarili ayon sa mga salitang ito. Inaayos nila ang kanilang mga sarili, pinipigilan ang kanilang mga sarili, at palagi pa nilang tinatalikdan ang kanilang mga sarili: Tinitiis nila ang pagdurusa at isinusuko nila ang kanilang mga kuru-kuro. Isinusuko nila ang kanilang pagiging mapanghimagsik, at ang sarili nilang mga pagnanasa at pagnanais. Ngunit sa huli, hindi pa rin nila maabot ang inaasahan. Bakit iyon nangyayari? Sinasabi ng Diyos ang mga bagay na ito upang magbigay ng pamantayan para sundin ng mga tao, upang malaman ng mga tao ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa kanila. Ngunit kahit kailan ba ay nagsabi ang Diyos na dapat itong makamit ng mga tao kaagad? Kahit kailan ba ay sinabi ng Diyos kung gaano karaming oras mayroon ang mga tao upang makamit ito? (Hindi.) Kahit kailan ba ay sinabi ng Diyos na kailangang ibigin Siya ng mga tao sa ganitong paraan? Ganito ba ang sinasabi ng tekstong ito? Hindi ganito ang sinasabi nito. Sinasabi lamang ng Diyos sa mga tao ang tungkol sa pagmamahal na Kanyang tinutukoy. Tungkol naman sa kakayahan ng mga taong umibig sa Diyos sa ganitong paraan at tratuhin ang Diyos sa ganitong paraan, ano ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao? Hindi kinakailangang maabot ang mga ito kaagad, dahil lampas iyon sa kakayahan ng mga tao. Naisip na ba ninyo ang tungkol sa uri ng mga kalagayang kailangang maabot ng mga tao upang umibig sa ganitong paraan? Kung madalas nababasa ng mga tao ang mga salitang ito, unti-unti ba silang magkakaroon ng ganitong pagmamahal? (Hindi.) Kung gayon, ano ang mga kondisyon? Una, paano makakalaya ang mga tao mula sa mga paghihinala tungkol sa Diyos? (Ang mga tapat na tao lamang ang kayang magkamit nito.) Paano naman ang pagiging malaya mula sa panlilinlang? (Kailangan din nilang maging matatapat na tao.) Paano naman ang pagiging isang tao na hindi nakikipagkasunduan sa Diyos? Iyon din ay bahagi ng pagiging isang matapat na tao. Paano naman ang pagiging malaya sa katusuhan? Ano ang ibig sabihin ng pagsasabing walang pagpili sa pagmamahal? Lahat ba ng bagay na ito ay nauuwi sa pagiging isang matapat na tao? Maraming detalye rito. Ano ang pinatutunayan nitong nagagawang magsalita at bigyang kahulugan ng Diyos ang ganitong uri ng pagmamahal sa ganitong paraan? Masasabi ba natin na taglay ng Diyos ang ganitong uri ng pagmamahal? (Oo.) Saan kayo nakakakita nito? (Sa pagmamahal ng Diyos para sa tao.) Ang pagmamahal ba ng Diyos para sa tao ay may kondisyon? Mayroon bang mga hadlang o distansya sa pagitan ng Diyos at ng tao? Mayroon bang mga paghihinala ang Diyos sa tao? (Wala.) Inoobserbahan at nauunawaan ng Diyos ang tao; tunay Niyang nauunawaan ang tao. Mapanlinlang ba ang Diyos sa tao? (Hindi.) Dahil nangungusap ang Diyos nang gayon kaperpekto tungkol sa pagmamahal na ito, magiging gayon ba kaperpekto ang Kanyang puso o ang Kanyang diwa? (Oo.) Walang alinlangan, perpekto ang mga ito; kapag ang nararanasan ng mga tao ay umabot sa isang partikular na antas, mararamdaman nila ito. Binigyang-kahulugan na ba ng mga tao ang pagmamahal sa ganitong paraan? Sa anong mga pagkakataon binigyang kahulugan ng tao ang pagmamahal? Paano nangungusap ang tao tungkol sa pagmamahal? Hindi ba nagsasalita ang tao tungkol sa pagmamahal batay sa pagbibigay o pag-aalay? (Oo.) Ang pakahulugan na ito ng pagmamahal ay payak; nagkukulang ito sa diwa.
Ang pakahulugan ng Diyos sa pagmamahal at ang paraan ng pagsasalita ng Diyos tungkol sa pagmamahal ay kaugnay sa isang aspeto ng Kanyang diwa, ngunit aling aspeto ito? Noong huling nagkasama tayo ay nagbahaginan tayo tungkol sa isang napakahalagang paksa, isang paksa na madalas tinatalakay ng mga tao noon. Ang paksang ito ay binubuo ng isang salita na madalas na pinag-uusapan tungkol sa paniniwala sa Diyos, gayunpaman ito ay salita na nararamdaman ng lahat na kapwa pamilyar at hindi pamilyar. Bakit Ko sinasabi ito? Ito ay salitang nagmumula sa mga wika ng tao; gayunpaman, ang kahulugan nito sa tao ay kapwa malinaw at malabo. Ano ang salitang ito? (Kabanalan.) Kabanalan: iyon ang ating paksa noong huling nagbahaginan tayo. Nagbahaginan tayo tungkol sa isang bahagi ng paksang ito. Sa pamamagitan ng huli nating pagbabahaginan, nagtamo ba ang lahat ng bagong pagkaunawa sa diwa ng kabanalan ng Diyos? Anong mga aspeto ng pagkaunawang ito ang itinuturing ninyong ganap na bago? Kumbaga ay, ano ang nasa pagkaunawa ninyo o nasa loob ng mga salitang iyon na nagpadama sa inyo na ang inyong pagkaunawa sa kabanalan ng Diyos ay iba kaysa sa kabanalan ng Diyos ayon sa sinabi Ko tungkol dito sa panahon ng ating pagbabahaginan? Mayroon ba kayong anumang mga palagay tungkol dito? (Sinasabi ng Diyos kung ano ang nararamdaman Niya sa Kanyang puso; ang Kanyang mga salita ay walang dungis. Ito ay pagpapamalas ng isang aspeto ng kabanalan.) (Mayroon ding kabanalan kapag napopoot ang Diyos sa tao; ang Kanyang poot ay walang kapintasan.) (Tungkol sa kabanalan ng Diyos, nauunawaan ko na mayroong kapwa poot ng Diyos at Kanyang awa sa loob ng Kanyang matuwid na disposisyon. Nag-iwan ito ng napakalakas na impresyon sa akin. Sa ating huling pagbabahaginan, nabanggit ding ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay natatangi—hindi ko ito naintindihan dati. Naunawaan ko lamang na ang poot ng Diyos ay iba sa galit ng tao noong marinig ko kung ano ang ibinahagi ng Diyos. Ang poot ng Diyos ay isang positibong bagay at ito ay may prinsipyo; ito ay ipinadala dahil sa likas na diwa ng Diyos. Nakikita ng Diyos ang isang bagay na negatibo kaya pinakakawalan Niya ang Kanyang poot. Ito ay isang bagay na walang nilalang ang nagtataglay.) Ang ating paksa ngayon ay ang kabanalan ng Diyos. Narinig at natutuhan na ng lahat ng tao ang tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Higit pa rito, madalas na pinag-uusapan ng maraming tao ang tungkol sa kabanalan ng Diyos at matuwid na disposisyon ng Diyos bilang magkaugnay na konsepto; sinasabi nila na banal ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang salitang “banal” ay tiyak na pamilyar sa kaninuman—ito ay isang salitang palaging ginagamit. Ngunit kaugnay sa mga kahulugan sa loob ng salitang iyon, anong mga pagpapahayag ng kabanalan ng Diyos ang nakikita ng mga tao? Ano ang ibinunyag ng Diyos na kayang makilala ng mga tao? Natatakot Ako na ito ay isang bagay na walang sinuman ang nakakaalam. Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid, ngunit kung babanggitin mo ang matuwid na disposisyon ng Diyos at sasabihin na ito ay banal, tila ito ay medyo malabo, medyo magulo; bakit kaya ganito? Sinasabi mong matuwid ang disposisyon ng Diyos, o sinasabi mong banal ang Kanyang matuwid na disposisyon, kaya sa inyong mga puso, paano ninyo inilalarawan ang kabanalan ng Diyos, paano ninyo ito inuunawa? Sa madaling sabi, ano sa ibinunyag ng Diyos, o sa kung anong mayroon Siya at kung ano Siya, ang makikilala ng mga tao bilang banal? Naisip na ba ninyo ito noon? Ang Aking nakita ay madalas na binibigkas ng mga tao ang mga salitang karaniwang ginagamit o mga katagang nasabi na nang paulit-ulit, ngunit hindi man lang nila alam ang kanilang sinasabi. Ganoon lang ang paraan kung paano binibigkas ito ng lahat, at nakasanayan na nilang sabihin ito, kaya ito ay nagiging bahagi ng kanilang bokabularyo. Gayunpaman, kung sila ay mag-iimbestiga at pag-aaralang mabuti ang mga detalye, makikita nila na hindi nila alam ang tunay na kahulugan o kung ano ang tinutukoy nito. Kagaya na lamang ng salitang “banal,” walang sinuman ang nakakaalam ng eksaktong aspeto ng diwa ng Diyos na tinutukoy kaugnay ng Kanyang kabanalan na binabanggit nila, at walang nakakaalam kung paano maitutugma ang salitang “banal” sa Diyos. Naguguluhan ang mga tao sa kanilang mga puso, at ang kanilang pagkakilala sa kabanalan ng Diyos ay malabo at hindi malinaw. Tungkol naman sa kung paano naging banal ang Diyos, walang sinuman ang nakakaunawa nito. Ngayon, tayo ay magbabahaginan tungkol sa paksang ito upang iayon ang salitang “banal” sa Diyos upang makita ng mga tao ang aktuwal na nilalaman ng diwa ng kabanalan ng Diyos. Mapipigilan nito ang ilang tao mula sa palagian at walang pag-iingat na paggamit ng salitang ito at pagsasabi ng mga bagay nang walang tiyak na kaayusan samantalang hindi nila alam ang kanilang ibig sabihin o kung sila ba ay tama at tumpak. Laging nagsasalita ang mga tao ng ganito; ganito ka, ganito siya, kaya’t ito ay naging isang nakasanayang pananalita. Niyuyurakan nito nang hindi sinasadya ang salitang iyon.
Kung titingnan, ang salitang “banal” ay tila napakadaling intindihin, hindi ba? Kahit paano, naniniwala ang mga tao na ang salitang “banal” ay nangangahulugang malinis, walang bahid ng dumi, sagrado, at dalisay. Mayroon ding mga nag-uugnay ng “kabanalan” sa “pagmamahal” sa himnong “Dalisay na Pagmamahal na Walang Dungis” na kakakanta lang natin ngayon. Ito ay tama; ito ay isang bahagi nito. Ang pagmamahal ng Diyos ay bahagi ng Kanyang diwa, ngunit hindi ito ang kabuuan nito. Gayunman, sa mga kuru-kuro ng mga tao, nakikita nila ang salita at iniuugnay ito sa mga bagay na itinuturing nila bilang dalisay at malinis, o sa mga bagay na personal nilang naiisip na walang bahid ng dumi o walang dungis. Halimbawa, sinabi ng ilang tao na ang bulaklak na lotus ay malinis, at ito ay sumisibol nang walang kapintasan mula sa maruming putik. Kaya nagsimula ang mga tao na gamitin ang salitang “banal” sa bulaklak na lotus. Banal ang tingin ng ilang tao sa mga kuwento ng pagmamahal na piksyonal, o maaaring tingnan nila ang mga kahanga-hanga ngunit kathang-isip na tauhan bilang banal. Dagdag pa rito, itinuturing ng ilan ang mga tauhan sa Bibliya, o ang ibang nasusulat sa mga aklat na espirituwal—kagaya ng mga santo, mga apostol, o iba pa na minsang sumunod sa Diyos noong ginawa Niya ang Kanyang gawain—bilang mga nagkaroon ng mga karanasang espirituwal na banal. Ang lahat ng ito ay mga bagay na naisip ng mga tao; mga kuru-kuro na pinanghahawakan ng mga tao. Bakit pinanghahawakan ng mga tao ang mga kuru-kurong gaya nito? Ang dahilan ay napakasimple: Ito ay dahil namumuhay ang mga tao sa gitna ng tiwaling disposisyon at naninirahan sa isang mundo ng kasamaan at karumihan. Ang lahat ng kanilang nakikita, lahat ng kanilang nahahawakan, lahat ng kanilang nararanasan ay kasamaan at katiwalian ni Satanas pati na rin ang panloloko, paglalabanan, at digmaan na nagaganap sa mga tao na nasa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Samakatuwid, kahit isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga tao, at kahit Siya ay nangungusap sa kanila at ibinubunyag ang Kanyang disposisyon at diwa, hindi nila nakikita o nauunawaan ang kabanalan at diwa ng Diyos. Madalas sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay banal, ngunit kulang sila ng tunay na pagkaunawa; mga salitang walang kahulugan lamang ang binibigkas nila. Dahil naninirahan ang mga tao sa gitna ng karumihan at katiwalian at nasa sakop ni Satanas, at hindi nila nakikita ang liwanag, walang alam tungkol sa mga positibong bagay, at higit pa rito, hindi nila alam ang katotohanan, walang sinuman ang tunay na nakakaalam kung ano ang ibig sabihin ng “banal.” Kaya mayroon bang anumang banal na mga bagay o banal na mga tao sa gitna ng tiwaling sangkatauhan na ito? Masasabi natin nang may katiyakan: Wala, wala nito, dahil ang diwa lamang ng Diyos ang banal.
Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa isang aspeto kung paanong ang diwa ng Diyos ay banal. Nagbigay ito ng inspirasyon para makamit ng mga tao ang kaalaman tungkol sa kabanalan ng Diyos, ngunit hindi ito sapat. Hindi nito kayang matulungan ang mga tao na lubusang maunawaan ang kabanalan ng Diyos, ni hindi nito kayang matulungan silang intindihin na ang kabanalan ng Diyos ay natatangi. Dagdag pa rito, hindi nito kayang tulungan nang sapat ang mga tao na unawain ang tunay na kahulugan ng kabanalan na lubusang kinakatawan ng Diyos. Samakatuwid, kinakailangang ipagpatuloy natin ang ating pagbabahaginan sa paksang ito. Noong nakaraan, tinalakay sa ating pagbabahaginan ang tatlong paksa, kaya dapat nating talakayin ngayon ang ikaapat. Magsisimula tayo sa pagbabasa mula sa Kasulatan.
Ang Tukso ni Satanas
Mateo 4:1–4 Pagkatapos ay dinala ng Espiritu si Jesus sa disyerto upang tuksuhin ng diyablo. At nang Siya’y makapag-ayuno nang apatnapung araw at apatnapung gabi, sa wakas ay nagutom Siya. At ang manunukso ay dumating at nagsabi sa Kanya, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipag-utos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.” Datapuwat Siya’y sumagot, at sinabi, “Nasusulat, hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.”
Ito ang mga salitang unang ginamit ng diyablo upang tuksuhin ang Panginoong Jesus. Ano ang nilalaman ng sinabi ng diyablo? (“Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipag-utos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.”) Ang mga salitang sinabi ng diyablo ay napakapayak, ngunit mayroon bang problema sa diwa ng mga ito? Sinabi ng diyablo, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos,” ngunit sa puso nito, alam ba nito na si Jesus ang Anak ng Diyos o hindi? Alam ba nito na Siya ang Cristo o hindi? (Alam nito.) Kung gayon, bakit nito sinabing “Kung Ikaw”? (Sinusubukan nitong tuksuhin ang Diyos.) Ngunit ano ang layunin nito sa paggawa nito? Sinabi nitong, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos.” Sa puso nito, alam nito na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, ito ay napakalinaw sa puso nito, ngunit sa kabila ng pagkakaalam tungkol dito, nagpasakop ba ito sa Kanya o sinamba ba Siya nito? (Hindi.) Ano ang nais nitong gawin? Nais nitong gamitin ang pamamaraang ito at ang mga salitang ito upang galitin ang Panginoong Jesus, at pagkatapos ay linlangin Siya na kumilos ayon sa mga layunin nito. Hindi ba ito ang kahulugan sa likod ng mga salita ng diyablo? Sa puso ni Satanas, malinaw na alam nito na Siya ang Panginoong Jesucristo, ngunit sinabi pa rin nito ang mga salitang ito. Hindi ba ito ang kalikasan ni Satanas? Ano ang kalikasan ni Satanas? (Ang maging tuso, masama, at walang paggalang sa Diyos.) Ano ang mga kahahantungan ng kawalan ng paggalang sa Diyos? Hindi ba’t gusto nitong salakayin ang Diyos? Gusto nitong gamitin ang pamamaraang ito upang salakayin ang Diyos, kaya’t sinabi nito: “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipag-utos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay”; hindi ba ito ang masamang intensyon ni Satanas? Ano ang talagang sinusubukan nitong gawin? Ang pakay nito ay napakalinaw: Sinusubukan nitong gamitin ang pamamaraang ito upang pasinungalingan ang posisyon at pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo. Ang ibig sabihin ni Satanas sa mga salitang iyon ay, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, gawin Mong tinapay ang mga batong ito. Kung hindi Mo gagawin, hindi Ikaw ang Anak ng Diyos at hindi Mo na dapat na isakatuparan pa ang Iyong gawain.” Tama ba? Gusto nitong gamitin ang pamamaraang ito upang salakayin ang Diyos, gusto nitong buwagin at sirain ang gawain ng Diyos; ito ang kasamaan ni Satanas. Ang kasamaan nito ay natural na pagpapahayag ng kalikasan nito. Kahit na alam nitong ang Panginoong Jesucristo ang Anak ng Diyos, ang mismong pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi nito kayang pigilin ang sarili na gawin ang ganitong uri ng bagay, na bumuntot-buntot sa Diyos at patuloy na salakayin Siya at magsikap na mabuti upang gambalain at wasakin ang gawain ng Diyos.
Ngayon, ating suriin ang katagang binigkas ni Satanas: “Ipag-utos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.” Gawing tinapay ang mga bato—mayroon ba itong ibig sabihin? Kung mayroong pagkain, bakit hindi mo ito kakainin? Bakit kinakailangan na ang mga bato ay gawing pagkain? Masasabi ba na walang ibig ipakahulugan dito? Kahit na Siya ay nag-aayuno noong mga oras na iyon, tiyak namang may pagkain na makakain ang Panginoong Jesus? (Mayroon.) Kung gayon, dito, nakikita natin ang kahibangan ng mga salita ni Satanas. Sa kabila ng pandaraya at malisya ni Satanas, nakikita pa rin natin ang pagiging hibang at kakatwa nito. Gumagawa si Satanas ng ilang bagay kung saan ay makikita mo ang malisyosong kalikasan nito; makikita mo itong gumagawa ng mga bagay na wumawasak sa gawain ng Diyos, at sa pagkakita nito ay nararamdaman mong nakakagalit at nakakayamot ito. Ngunit, sa kabilang banda, hindi mo ba nakikita ang isang parang bata at katawa-tawang kalikasan sa likod ng mga salita at gawa nito? Ito ay isang paghahayag tungkol sa kalikasan ni Satanas; dahil mayroon itong ganitong uri ng kalikasan, gagawin nito ang ganitong uri ng bagay. Sa mga tao ngayon, ang mga katagang ito ni Satanas ay kahibangan at katawa-tawa. Ngunit ang mga salitang iyon ay kaya talagang bigkasin ni Satanas. Masasabi ba natin na ito ay ignorante at kakatwa? Ang kasamaan ni Satanas ay nasa lahat ng dako at patuloy na nabubunyag. At paano ito sinagot ng Panginoong Jesus? (“Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.”) Mayroon bang anumang kapangyarihan ang mga salitang ito? (Oo, mayroon.) Bakit natin sinasabi na may kapangyarihan ang mga ito? Ito ay dahil ang mga salitang ito ay katotohanan. Ngayon, sa tinapay lamang ba nabubuhay ang tao? Ang Panginoong Jesus ay nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at gabi. Namatay ba Siya sa gutom? Hindi Siya namatay sa gutom, kaya nilapitan Siya ni Satanas, inuudyukan Siya na gawing pagkain ang mga bato sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga bagay na tulad ng: “Kung gagawin Mong pagkain ang mga bato, hindi ba’t magkakaroon Ka na ng makakain? Hindi ba’t hindi Mo na kailangang mag-ayuno, hindi na kailangang magutom?” Ngunit sinabi ng Panginoong Jesus, “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao,” na nangangahulugang, kahit na ang tao ay naninirahan sa pisikal na katawan, ang nagpapahintulot sa pisikal na katawan na mabuhay at huminga ay hindi pagkain, kundi ang bawat isa sa mga salitang binigkas ng bibig ng Diyos. Sa isang banda, ang mga salitang ito ay katotohanan; binibigyan nila ng pananampalataya ang mga tao, ipinadarama sa kanila na maaari silang dumepende sa Diyos, at na Siya ay katotohanan. Sa kabilang banda, mayroon bang praktikal na aspeto sa mga salitang ito? Hindi ba’t ang Panginoong Jesus ay nakatayo pa rin doon at buhay pa rin pagkatapos mag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at gabi? Hindi ba ito isang tunay na halimbawa? Hindi Siya kumain ng kahit anumang pagkain sa loob ng apatnapung araw at gabi, ngunit buhay pa rin Siya. Ito ang makapangyarihang ebidensya na nagpapatunay sa katotohanan ng Kanyang mga salita. Ang mga salitang ito ay simple, ngunit para sa Panginoong Jesus, binigkas Niya ba ito noon lamang tinukso Siya ni Satanas, o dati nang natural na bahagi Niya ang mga ito? Sa ibang pananalita, ang Diyos ay katotohanan, at ang Diyos ay buhay, ngunit ang katotohanan at buhay ba ng Diyos ay huling pandagdag lamang? Ang mga ito ba ay mula sa bagong karanasan? Hindi—sila ay likas sa Diyos. Ibig sabihin, ang katotohanan at buhay ang diwa ng Diyos. Anuman ang sapitin Niya, ang tangi Niyang ibinubunyag ay katotohanan. Ang katotohanang ito, ang mga salitang ito—ang nilalaman man ng Kanyang pananalita ay mahaba o maikli—ay kayang bigyang-kakayanan ang tao na mabuhay at bigyan ang tao ng buhay; mabibigyang-kakayanan ng mga ito ang tao na makamit ang katotohanan at kalinawan tungkol sa landas ng buhay ng tao, at tulungan silang magkaroon ng pananampalataya sa Diyos. Sa madaling salita, ang pinagmumulan ng paggamit ng Diyos ng mga salitang ito ay positibo. Kaya masasabi ba natin na ang positibong bagay na ito ay banal? (Oo.) Ang mga salitang ito ni Satanas ay nanggagaling sa kalikasan ni Satanas. Ibinubunyag ni Satanas ang kanyang masama at malisyosong kalikasan kahit saan, sa lahat ng oras. Ngayon, ginagawa ba ni Satanas ang mga pagbubunyag na ito nang natural? Mayroon bang gumagabay rito para gawin ito? Tinutulungan ba ito ng sinuman? Pinupuwersa ba ito ng sinuman? Hindi. Ang lahat ng mga paghahayag na ito ay ginagawa nito sa sarili nitong pag-iisip. Ito ang masamang kalikasan ni Satanas. Anuman ang ginagawa ng Diyos at kahit paano man Niya ginagawa ito, sinusundan ito nang husto ni Satanas. Ang diwa at tunay na kalikasan ng mga bagay na ito na sinasabi at ginagawa ni Satanas ay siyang diwa ni Satanas—diwang masama at malisyoso. Ngayon, sa patuloy nating pagbasa, ano pa ang sinabi ni Satanas? Basahin natin.
Mateo 4:5–7 Nang magkagayo’y dinala Siya ng diyablo sa bayang banal; at inilagay Siya sa taluktok ng templo, at sa Kanya’y sinabi, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay magpatihulog Ka: sapagkat nasusulat, ‘Siya’y magbibilin sa Kanyang mga anghel tungkol sa Iyo: at, aalalayan Ka ng kanilang mga kamay, baka matisod Ka ng Iyong paa sa isang bato.’” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’”
Pag-usapan muna natin ang mga salitang sinabi ni Satanas dito. Sinabi ni Satanas, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay magpatihulog Ka,” at pagkatapos ay sinabi nito mula sa mga Kasulatan, “Siya’y magbibilin sa Kanyang mga anghel tungkol sa Iyo: at, aalalayan Ka ng kanilang mga kamay, baka matisod Ka ng Iyong paa sa isang bato.” Ano ang iyong nararamdaman kapag naririnig ang mga salita ni Satanas? Hindi ba masyadong may pagka-isip-bata ang mga ito? Ang mga ito ay may pagka-isip-bata, kahibangan, at nakakayamot. Bakit Ko sinasabi ito? Palaging gumagawa si Satanas ng mga bagay na kahangalan, at naniniwala ito na ito ay napakatalino. Madalas itong sumisipi mula sa mga Kasulatan—kahit ang mismong mga salita ng Diyos—sumusubok na gamitin ang mga salitang ito laban sa Diyos upang salakayin Siya at upang tuksuhin Siya sa pagtatangkang makamit ang layunin nitong wasakin ang plano ng gawain ng Diyos. May napapansin ka ba sa mga sinabi ni Satanas? (Mayroong mga masamang pakay si Satanas.) Sa lahat ng ginagawa ni Satanas, palagi nitong sinisikap na tuksuhin ang sangkatauhan. Hindi nagsasalita si Satanas nang deretsahan, kundi sa paligoy-ligoy na paraang gamit ang panunukso, panlilinlang, at pang-aakit. Ginagawa ni Satanas ang pagtukso sa Diyos na para bang isa Siyang pangkaraniwang tao, naniniwalang ang Diyos ay mangmang din, hangal, at hindi kayang malinaw na makilala ang mga bagay sa tunay nilang anyo, na katulad ng taong hindi rin magagawa ito. Iniisip ni Satanas na ang Diyos at ang tao ay parehong hindi nakakakita sa diwa nito at sa panlilinlang at masamang pakay nito. Hindi ba ito ang kahangalan ni Satanas? Higit pa rito, hayagang bumabanggit si Satanas ng mga kasabihan mula sa mga Kasulatan, iniisip na ang paggawa nito ay nagbibigay rito ng kredibilidad, at na hindi mo makikita ang anumang kamalian sa mga salita nito o maiiwasang malinlang. Hindi ba ito ang pagiging kakatwa at isip-bata ni Satanas? Ito ay kagaya lang kapag ang ilang tao ay nagpapalaganap ng ebanghelyo at nagpapatotoo sa Diyos: hindi ba’t sinasabi ng mga di-mananampalataya ang kagaya ng sinabi ni Satanas? Narinig na ba ninyo ang mga tao na nagsasabi ng mga bagay na kapareho nito? Ano ang pakiramdam mo kapag naririnig mo ang mga bagay na katulad nito? Nakakaramdam ka ba ng pagkayamot? (Oo.) Kapag nakakaramdam ka ng pagkayamot, nakakaramdam ka rin ba ng pag-ayaw at pagkamuhi? Kapag mayroon kang mga pakiramdam na ganito, kaya mo bang matukoy na si Satanas at ang tiwaling disposisyon na ginagawa ni Satanas sa tao ay masama? Sa iyong puso, nagkaroon ka ba ng pagkaunawang katulad ng: “Kapag nagsalita si Satanas, ginagawa niya ito bilang pagsalakay at panunukso; ang mga salita ni Satanas ay kakatwa, nakakatawa, pang-isip-bata, at nakakayamot; gayunpaman, hindi magsasalita o gagawa ang Diyos sa gayong paraan, at sa katunayan ay hindi Niya iyon kailanman ginawa”? Siyempre, sa sitwasyong ganito lamang nagkakaroon ang mga tao ng kaunting pakiramdam dito, at patuloy silang hindi nakakaunawa sa kabanalan ng Diyos. Sa inyong kasalukuyang tayog, nararamdaman lamang ninyo na: “Ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay ang katotohanan, ito ay may pakinabang sa atin, at dapat nating tanggapin ito.” Tanggapin man ninyo ito o hindi, sinasabi ninyo nang walang pagtatangi na ang salita ng Diyos ay katotohanan at ang Diyos ay katotohanan, ngunit hindi ninyo alam na ang katotohanan mismo ay banal at ang Diyos ay banal.
Kung gayon, ano ang sagot ni Jesus sa mga salitang ito ni Satanas? Sinabi rito ni Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’” Mayroon bang katotohanan sa mga salitang ito na sinabi ni Jesus? May katotohanan talaga ang mga ito. Sa mababaw na pagkaunawa, ang mga salitang ito ay utos na dapat sundin ng mga tao, isang simpleng parirala, gayunpaman, madalas nang sinuway kapwa ng tao at ni Satanas ang mga salitang ito. Kaya naman, sinabi ng Panginoong Jesus kay Satanas, “Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos,” dahil ito ang malimit na ginagawa ni Satanas na may kasipagan. Maaari ding sabihin na walang pakundangan at walang kahihiyan itong ginagawa ni Satanas. Nasa kalikasan at diwa ni Satanas ang hindi matakot sa Diyos at hindi magkaroon ng paggalang sa Diyos sa puso nito. Kahit na noong nakatayo si Satanas sa tabi ng Diyos at nakikita Siya, hindi nito napigil ang sarili na tuksuhin ang Diyos. Kaya, sinabi ng Panginoong Jesus kay Satanas, “Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.” Ito ay mga salitang madalas sinasabi ng Diyos kay Satanas. Kung gayon, naaangkop ba na gamitin ang pariralang ito sa kasalukuyan? (Oo, dahil madalas din nating tuksuhin ang Diyos.) Bakit madalas tinutukso ng mga tao ang Diyos? Ito ba ay dahil puno ang mga tao ng tiwali at satanikong disposisyon? (Oo.) Kung gayon, ang mga salita ba ni Satanas ay mas mataas sa madalas na sinasabi ng mga tao? At sa anong mga sitwasyon sinasabi ng mga tao ang mga salitang ito? Maaaring sabihin na ang mga tao ay bumibigkas ng mga bagay na katulad nito anumang oras at lugar. Pinatutunayan nito na ang disposisyon ng mga tao ay hindi naiiba sa tiwaling disposisyon ni Satanas. Sinabi ng Panginoong Jesus ang ilang simpleng kataga, mga salitang kumakatawan sa katotohanan, mga salitang kailangan ng mga tao. Gayunpaman, sa sitwasyong ito, nagsasalita ba ang Panginoong Jesus sa gayong paraan upang makipagtalo kay Satanas? Mayroon bang anumang bakas ng pakikipagtalo sa sinabi Niya kay Satanas? (Wala.) Ano ba ang naramdaman ng Panginoong Jesus sa Kanyang puso sa panunukso ni Satanas? Nakaramdam ba Siya ng pagkayamot at pagkasuklam? Ang Panginoong Jesus ay nasuklam at nayamot ngunit hindi Siya nakipagtalo kay Satanas, lalong hindi Siya nagsalita tungkol sa anumang engrandeng mga prinsipyo. Bakit ganoon? (Dahil laging ganito si Satanas, hindi ito kailanman magbabago.) Maaari bang sabihin na hindi tinatablan si Satanas ng katwiran? (Oo.) Makikilala ba ni Satanas na ang Diyos ay katotohanan? Hindi kailanman kikilalanin ni Satanas na ang Diyos ay katotohanan at hindi nito kailanman aaminin na ang Diyos ay katotohanan; ito ang kalikasan nito. Mayroon pang isang aspeto sa kalikasan ni Satanas na nakasusulasok. Ano ito? Sa mga pagtatangka nitong tuksuhin ang Panginoong Jesus, inisip ni Satanas na kahit na hindi ito magtatagumpay, susubukan pa rin nitong gawin ito. Kahit na mapaparusahan ito, pinili pa rin nitong subukan ito. Kahit na wala itong makukuhang pakinabang sa paggawa nito, susubok pa rin ito, na nagpipilit sa mga pagsisikap nito at tatayo laban sa Diyos hanggang sa katapus-tapusan. Anong uri ng kalikasan ito? Hindi ba iyon masama? Kapag nanggagalaiti ang isang tao at nagwawala kapag nababanggit ang Diyos, nakita na ba niya ang Diyos? Kilala ba niya kung sino ang Diyos? Hindi niya alam kung sino ang Diyos, hindi siya naniniwala sa Kanya, at hindi pa nakikipag-usap ang Diyos sa kanya. Hindi siya kailanman ginambala ng Diyos, kaya bakit siya magagalit? Maaari ba nating sabihin na ang taong ito ay masama? Ang mga makamundong kalakaran, pagkain, pag-inom, at paghahanap ng kasiyahan at paghabol sa mga sikat na tao—wala sa mga bagay na ito ang makagagambala sa ganitong tao. Gayunpaman, isang pagbigkas lang ng salitang “Diyos” o ng katotohanan ng mga salita ng Diyos, agad siyang nagwawala. Hindi ba ito ang bumubuo sa pagkakaroon ng masamang kalikasan? Ito ay sapat na upang patunayan na ito ang masamang kalikasan ng tao. Ngayon, para sa inyong mga sarili, mayroon bang mga pagkakataon na kapag ang katotohanan ay nababanggit, o kapag ang mga pagsubok ng Diyos para sa sangkatauhan o kapag ang mga salita ng paghatol ng Diyos laban sa tao ay nabanggit, nakakaramdam kayo ng pag-ayaw, nakakaramdam kayo ng pagtanggi, at hindi ninyo gustong marinig ang tungkol dito? Ang inyong mga puso ay maaaring mag-isip: “Hindi ba lahat ng tao ay nagsabing ang Diyos ang katotohanan? Ang ilan sa mga salitang ito ay hindi katotohanan! Malinaw na mga salita lamang ng pagpapaalala ng Diyos sa tao ang mga ito!” Maaari pa ngang makaramdam ang ibang tao ng matinding pag-ayaw sa kanilang mga puso, at isiping: “Ito ay napag-uusapan araw-araw—ang Kanyang mga pagsubok, ang Kanyang paghatol, kailan matatapos ang lahat ng ito? Kailan natin matatanggap ang mabuting hantungan?” Hindi batid kung saan nanggagaling ang hindi makatwirang galit na ito. Anong uri ng kalikasan ito? (Masamang kalikasan.) Ito ay inuudyukan at ginagabayan ng masamang kalikasan ni Satanas. Mula sa pananaw ng Diyos, kaugnay ng masamang kalikasan ni Satanas at ng tiwaling disposisyon ng tao, hindi Siya kailanman nakikipagtalo o nagkikimkim ng galit sa mga tao, at hindi Siya gumagawa ng gulo kapag ang mga tao ay kumikilos na may kahangalan. Hindi ninyo kailanman makikita ang Diyos na magkaroon ng mga pananaw sa mga bagay-bagay na gaya ng sa mga tao, at higit pa rito, hindi ninyo Siya makikitang gumagamit ng mga pananaw, kaalaman, siyensya, pilosopiya o imahinasyon ng sangkatauhan para mapangasiwaan ang mga bagay-bagay. Sa halip, ang lahat ng ginagawa ng Diyos at ang lahat ng Kanyang ibinubunyag ay may kaugnayan sa katotohanan. Ibig sabihin, bawat salitang sinabi Niya at bawat kilos na Kanyang ginawa ay may kaugnayan sa katotohanan. Ang katotohanang ito ay hindi nagmula sa ilang pantasyang walang basehan; ang katotohanang ito at mga salitang ito ay naipapahayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang diwa at Kanyang buhay. Dahil ang mga salitang ito at ang diwa ng lahat ng ginawa ng Diyos ay katotohanan, maaari nating sabihin na ang diwa ng Diyos ay banal. Sa madaling sabi, ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ay nagbibigay ng sigla at liwanag sa mga tao, nagbibigay-kakayahan sa mga tao na makita ang mga positibong bagay at ang realidad ng mga positibong bagay na iyon, at itinuturo ang daan sa sangkatauhan para makalakad sila sa tamang landas. Ang mga bagay na ito ay pinagpapasyahan lahat ng diwa ng Diyos at ng diwa ng Kanyang kabanalan. Nakikita na ninyo ito ngayon, hindi ba? Ngayon, magpapatuloy tayo sa isa pang pagbasa mula sa mga Kasulatan.
Mateo 4:8–11 Muli Siyang dinala ng diyablo sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinamalas sa Kanya ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan, at ang kaluwalhatian nila; At sinabi nito sa Kanya, “Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa Iyo, kung Ikaw ay magpapatirapa at sasambahin Mo ako.” Nang magkagayo’y sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, Satanas: sapagkat nasusulat, ‘Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran.’” Nang magkagayo’y iniwan Siya ng diyablo; at narito, nagsidating ang mga anghel at Siya’y pinaglingkuran.
Ang diyablong si Satanas, na nabigo sa dalawang nakalipas na panlilinlang nito, ay sumubok na muli: Ipinakita nito ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kaluwalhatian ng mga ito sa Panginoong Jesus at hinilingan Siyang sambahin ito. Ano ang nakikita mo sa mga tunay na katangian ng diyablo mula sa sitwasyong ito? Hindi ba tunay na walang kahihiyan ang diyablong si Satanas? (Oo.) Paano ito naging walang kahihiyan? Ang lahat ay nilikha ng Diyos, ngunit binaliktad ito ni Satanas at ipinapakita ang lahat ng bagay sa Diyos habang sinasabi ito, “Tingnan mo ang kayamanan at kaluwalhatian ng lahat ng kahariang ito. Lahat ng ito ay ibibigay ko sa Iyo kung sasambahin Mo ako.” Hindi ba ito isang lubos na pagpapalitan ng papel? Hindi ba’t walang kahihiyan si Satanas? Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, ngunit para ba iyon sa Kanyang sariling kasiyahan? Ibinigay ng Diyos ang lahat sa sangkatauhan, ngunit lahat ng ito ay gustong kunin ni Satanas at pagkakuha rito ay sinabi nito sa Diyos, “Sambahin Mo ako! Sambahin Mo ako at ibibigay ko sa Iyo ang lahat ng ito.” Ito ang pangit na mukha ni Satanas; ito ay tunay na walang kahihiyan! Hindi nga alam ni Satanas ang kahulugan ng salitang “kahihiyan.” Ito ay isa pang halimbawa ng kasamaan nito. Hindi man lang nito alam kung ano ang kahihiyan. Malinaw na alam ni Satanas na ang lahat ay nilikha ng Diyos at Siya ang namamahala nito at may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang lahat ay pag-aari ng Diyos, hindi ng tao, at lalong hindi kay Satanas, ngunit si Satanas na diyablo ay walang kahihiyan na sinabing ibibigay nito ang lahat sa Diyos. Hindi ba ito isa pang halimbawa na muling kumikilos si Satanas sa paraang kakatwa at walang kahihiyan? Lalong kinamumuhian ng Diyos si Satanas dahil dito, hindi ba? Ngunit anuman ang subukang gawin ni Satanas, nalinlang ba ang Panginoong Jesus? Ano ang sinabi ng Panginoong Jesus? (“Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran.”) Mayroon bang praktikal na kahulugan ang mga salitang ito? (Oo.) Anong uri ng praktikal na kahulugan? Nakikita natin ang pagiging masama at walang kahihiyan ni Satanas sa pagsasalita nito. Kaya kung sinamba ng tao si Satanas, ano kaya ang magiging kahihinatnan? Makakatanggap kaya sila ng kayamanan at kaluwalhatian ng lahat ng kaharian? (Hindi.) Ano ang kanilang matatanggap? Magiging kasing walang kahihiyan at kasing katawa-tawa ba sila gaya ni Satanas? (Oo.) Wala silang ipagkakaiba kung gayon kay Satanas. Kaya naman, sinabi ng Panginoong Jesus ang mga salitang ito na mahalaga para sa bawat tao: “Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran.” Nangangahulugan ito na maliban sa Panginoon, maliban sa Diyos Mismo, kung maglilingkod ka sa iba pa, kung sasambahin mo si Satanas na diyablo, kung gayon ay malulublob ka sa parehong karumihan gaya ng kay Satanas. Makikibahagi ka kung gayon sa kawalang kahihiyan at kasamaan ni Satanas, at kagaya lamang ni Satanas, tutuksuhin at sasalakayin mo ang Diyos. Kung gayon, ano ang iyong magiging kahihinatnan? Ikaw ay kamumuhian ng Diyos, pababagsakin ng Diyos, at wawasakin ng Diyos. Matapos mabigong tuksuhin ni Satanas ang Panginoong Jesus nang ilang beses, sumubok ba ito ulit? Hindi na sumubok ulit si Satanas at umalis na ito. Ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito ang likas na kasamaan ni Satanas, ang malisya nito, at ang pagiging kakatwa at kabaliwan nito ay hindi karapat-dapat na banggitin pa sa harap ng Diyos. Tinalo ng Panginoong Jesus si Satanas sa pamamagitan lamang ng tatlong pangungusap, matapos nito ay umalis ito na bahag ang buntot sa pagitan ng mga binti nito, labis na nahihiyang ipakita ang mukha nito, at hindi na kailanman nito muling tinukso ang Panginoong Jesus. Dahil napagtagumpayan na ng Panginoong Jesus ang panunuksong ito ni Satanas, madali na Niyang maipagpapatuloy ang gawain na kinailangan Niyang gawin at isagawa ang mga tungkuling nakaatang sa Kanya. Ang lahat ba ng ginawa at sinabi ng Panginoong Jesus sa sitwasyong ito ay nagtataglay ng anumang praktikal na kahulugan para sa bawat tao kung ito ay isinasabuhay ngayon? (Oo.) Anong uri ng praktikal na kahulugan? Ang pagtalo ba kay Satanas ay madaling gawin? Dapat bang magkaroon ang mga tao ng malinaw na pagkaunawa sa likas na kasamaan ni Satanas? Dapat bang magkaroon ang mga tao ng tiyak na pagkaunawa sa mga panunukso ni Satanas? (Oo.) Kapag naranasan mo ang mga panunukso ni Satanas sa iyong sariling buhay, at kung nakita mo ang likas na kasamaan ni Satanas, hindi mo ba ito makakayanang talunin? Kung alam mo ang pagiging kakatwa at hibang ni Satanas, mananatili ka pa rin ba sa panig ni Satanas at sasalakayin ang Diyos? Kung nauunawaan mo kung paano nabubunyag sa pamamagitan mo ang malisya at kawalang kahihiyan ni Satanas—kung malinaw mong nakikilala at nalalaman ang mga bagay na ito—tutuligsain at tutuksuhin mo pa rin ba ang Diyos sa ganitong paraan? (Hindi, hindi namin gagawin.) Ano ang inyong gagawin? (Maghihimagsik kami laban kay Satanas at isasantabi ito.) Iyon ba ay isang bagay na madaling gawin? Hindi ito madali. Para magawa ito, dapat ay magdasal ang mga tao nang madalas, dapat nilang ilagay nang madalas ang kanilang mga sarili sa harapan ng Diyos at suriin ang kanilang mga sarili. At dapat nilang hayaang dumapo sa kanila ang pagdidisiplina ng Diyos at ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Sa ganitong paraan lamang dahan-dahang maiaalis ng mga tao ang kanilang mga sarili mula sa panlilinlang at pagkontrol ni Satanas.
Ngayon, sa pamamagitan ng pagtingin sa lahat ng salitang binigkas ni Satanas, ating lalagumin ang mga bagay na bumubuo sa diwa ni Satanas. Una, ang diwa ni Satanas sa pangkalahatan ay maaaring masabing masama, na taliwas sa kabanalan ng Diyos. Bakit Ko sinasabi na ang diwa ni Satanas ay masama? Upang masagot ang tanong na ito, dapat na suriin ng tao ang mga bunga ng mga ginawa ni Satanas sa mga tao. Ginagawang tiwali at kinokontrol ni Satanas ang tao, at ang tao ay kumikilos sa ilalim ng tiwaling disposisyon ni Satanas, at namumuhay sa mundo ng mga taong ginawang tiwali ni Satanas. Ang sangkatauhan ay pagmamay-ari at naging bahagi ni Satanas nang hindi nila namamalayan; ang tao kung gayon ay mayroon nang tiwaling disposisyon ni Satanas, na siyang kalikasan ni Satanas. Mula sa lahat ng sinabi at ginawa ni Satanas, nakita mo ba ang kayabangan nito? Nakita mo ba ang panlilinlang at malisya nito? Paano pangunahing naipapakita ang kayabangan ni Satanas? Gusto ba lagi ni Satanas na sakupin ang posisyon ng Diyos? Palaging ninanais ni Satanas na wasakin ang gawain ng Diyos at ang posisyon ng Diyos at angkinin ito para sa sarili nito upang sundin, suportahan, at sambahin ng mga tao si Satanas; ito ang likas na kayabangan ni Satanas. Kapag ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, direkta ba nitong sinasabi sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin? Kapag tinutukso ni Satanas ang Diyos, lumalabas ba ito at sinasabing, “Tinutukso Kita, sasalakayin Kita”? Hinding-hindi nito talaga ginagawa ito. Kung gayon, anong pamamaraan ang ginagamit ni Satanas? Nang-aakit, nanunukso, sumasalakay, at naglalagay ito ng mga patibong, at sumisipi pa mula sa mga Kasulatan. Nagsasalita at kumikilos si Satanas sa iba’t ibang paraan upang makamit ang masasamang layunin at motibo nito. Matapos itong magawa ni Satanas, ano ang maaaring makita mula sa naipapamalas ng tao? Hindi ba’t nagiging mayabang din ang mga tao? Nagdusa na ang tao mula sa katiwalian ni Satanas sa loob ng ilang libong taon, kaya naman naging mayabang, mapanlinlang, malisyoso, at hindi na makatwiran ang tao. Ang lahat ng mga bagay na ito ay nangyari dahil sa kalikasan ni Satanas. Dahil ang kalikasan ni Satanas ay masama, nagbigay ito sa tao ng likas na kasamaan at nagdala sa tao ng masama at tiwaling disposisyon na ito. Kung gayon, namumuhay ang tao sa ilalim ng tiwali at satanikong disposisyon at, katulad ni Satanas, nilalabanan niya ang Diyos, sinasalakay ang Diyos, at tinutukso Siya, hanggang sa hindi na sumasamba sa Diyos ang tao at wala na itong puso na gumagalang sa Kanya.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.