Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 7 (Ikatlong Bahagi)

Matapos makapagbahaginan hanggang sa puntong ito, ipagpatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa kung paano dapat unawain at tingnan ng mga tao ang ugnayan sa pagitan ng kanilang mga mithiin, hangarin, at mga tungkulin. Una, pag-usapan natin ang tungkol sa mga mithiin, partikular na ang mga mithiin ng mga taong binanggit natin kanina. Tama bang hangarin ng mga tao na maisakatuparan ang sarili nilang mga mithiin sa sambahayan ng Diyos? (Hindi, hindi ito tama.) Ano ang kalikasan ng isyu? Bakit hindi ito tama? (Sa paghahangad na maisakatuparan ang kanilang mga mithiin habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, nagpapakitang-gilas sila at itinatatag ang kanilang sariling propesyon, sa halip na hangaring maisakatuparan ang kanilang mga tungkulin bilang nilikha.) Sabihin ninyo sa Akin, mali ba na hangaring maisakatuparan ang sariling mga mithiin at hangarin? (Oo, mali ito.) Kung sinasabi ninyong mali ito, ipinagkakait ba nito sa isang tao ang kanyang mga karapatang pantao? (Hindi.) Kung gayon, ano ang problema? (Kapag nananampalataya sa Diyos ang mga tao, dapat nilang hangarin ang katotohanan at sundin ang landas na itinuturo ng mga salita ng Diyos na hangarin nila. Kung hinahangad lamang nila ang sarili nilang mga hangarin at mithiin, ang kanilang hinahangad ay ang mga pagnanais ng kanilang laman, na isang ideolohiyang ikinintal ni Satanas.) Sa mundo, itinuturing na nararapat ang hangaring isakatuparan ang sariling mga mithiin. Anumang mithiin ang hinahangad mo, ayos lang basta’t legal ang mga ito at hindi lumalabag sa anumang moral na limitasyon. Walang sinuman ang kumukuwestiyon sa anuman, at hindi ka maiipit sa mga usapin ng kung ano ang tama o mali. Hinahangad mo ang anumang personal mong gusto, at kung makuha mo ito, kung makamit mo ang iyong layon, kung gayon ay matagumpay ka; pero kung hindi mo ito maabot, kung mabigo ka, problema mo na iyon. Gayunpaman, kapag pumasok ka sa sambahayan ng Diyos, na isang espesyal na lugar, anuman ang mga dinadala mong mithiin at hangarin, dapat mong bitiwan ang lahat ng ito. Bakit ganoon? Ang paghahangad sa mga mithiin at hangarin, anuman ang partikular mong hinahangad—pag-usapan na lang natin ang mismong paghahangad—ang mga paraan ng pagkilos nito at ang landas na tinatahak nito ay umiikot lahat sa egoismo, pansariling interes, katayuan, at reputasyon. Dito sa mga bagay na ito umiikot lahat. Sa madaling salita, kapag hinahangad ng mga tao na maisakatuparan ang kanilang mga mithiin, ang tanging nakikinabang ay ang kanilang sarili. Matuwid bang hangarin ng isang tao na matupad ang kanyang mga mithiin alang-alang sa katayuan, reputasyon, banidad, at mga pisikal na interes? (Hindi.) Alang-alang sa pansarili at pribadong mga mithiin, kaisipan, at hangarin, ang mga pamamaraang pinanghahawakan nila ay lahat makasarili at nakatuon sa pansariling pakinabang. Kung ikukumpara natin ang mga ito sa katotohanan, hindi matuwid o marapat ang mga ito. Dapat bitiwan ng mga tao ang mga ito, hindi ba’t tiyak iyon? (Oo.) Dapat silang bumitiw, bumitiw sa egoismo, bumitiw sa mga personal na mithiin at hangarin. Nakikita ito mula sa perspektiba ng diwa ng mga landas na tinatahak ng mga tao—hindi positibong bagay ang paghahangad ng pagsasakatuparan ng sariling mga mithiin at hangarin, napabulaanan na ito. Isang aspeto iyon. Ngayon, talakayin natin ang isa pang aspeto, anong uri ng lugar ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, anuman ang pangalan nito? Anong uri ng lugar ito? Ano ang diwa ng iglesia, ng sambahayan ng Diyos? Una, mula sa teoretikal na perspektiba, hindi ito ang mundo, lipunan, o anumang korporasyon o organisasyon ng tao sa lipunan. Hindi ito pag-aari ng mundo o ng sangkatauhan. Bakit ito itinatag? Ano ang dahilan ng paglitaw at pag-iral nito? Ito ay dahil sa Diyos at sa Kanyang gawain, tama? (Oo.) Ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay umiiral dahil sa presensiya ng Diyos at ng Kanyang gawain. Samakatuwid, ang iglesia ba, ang sambahayan ng Diyos, ay isang lugar kung saan dapat ipakitang-gilas ang mga personal na talento at tuparin ang mga personal na mithiin, hangarin, at pagnanais? (Hindi.) Malinaw na hindi. Ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay umiiral dahil sa presensiya ng Diyos at ng Kanyang gawain. Kung gayon, hindi ito isang lugar para ipakita ang mga personal na talento o isakatuparan ang mga personal na mithiin, hangarin at pagnanais. Hindi ito umiikot sa buhay ng laman, mga inaasam ng laman, kasikatan at kayamanan, katayuan, reputasyon, at iba pa—hindi ito gumagana para sa mga ito. Hindi rin ito lumitaw o umiral dahil sa materyal na kasikatan, katayuan, kasiyahan, o mga inaasam ng mga tao. Kung gayon, anong uri ng lugar ito? Sapagkat ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay itinatag dahil sa presensiya ng Diyos at ng Kanyang gawain, hindi ba’t dapat nitong isakatuparan ang kalooban ng Diyos, iproklama ang Kanyang mga salita, at magpatotoo sa Kanya? (Oo.) Hindi ba’t ito ang katotohanan? (Oo.) Ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay umiiral dahil sa presensiya ng Diyos at ng Kanyang gawain, kaya’t maaari lamang nitong isakatuparan ang kalooban ng Diyos, iproklama ang Kanyang mga salita, at magpatotoo sa Kanya. Wala itong kinalaman sa personal na katayuan, kasikatan, mga inaasam, o anumang iba pang interes. Ang mga prinsipyong namumuno sa anumang gawain at sa lahat ng gawaing ginagawa ng iglesia, ng sambahayan ng Diyos, ay dapat na nakabatay sa mga salita ng Diyos, sa Kanyang mga hinihingi, at sa Kanyang mga turo. Sa pangkalahatan, masasabing umiikot ang mga ito sa kalooban ng Diyos at sa Kanyang gawain; partikular na sa pagpapalawig ng ebanghelyo ng kaharian at pagpapatotoo at pagpoproklama ng Kanyang salita. Tama ba iyon? (Oo.) Bukod sa pagsasakatuparan sa kalooban ng Diyos, pagpoproklama ng Kanyang mga salita, at pagpapatotoo sa Kanya, mayroon pa bang mas mahalaga sa iglesia, sa sambahayan ng Diyos? (Ito ang lugar kung saan nakararanas ng Kanyang gawain ang mga hinirang ng Diyos, nakatatanggap ng paglilinis, at nagkakamit ng kaligtasan.) Tumpak ang sinabi mo. Ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay isang lugar kung saan isinasakatuparan ang kalooban ng Diyos, ipinoproklama ang Kanyang salita, pinatototohanan Siya, at higit sa lahat, ito ay isang lugar kung saan nakatatanggap ang mga tao ng kaligtasan. Naalala mo na ba iyon? (Oo, naalala ko.) Basahin mo ito. (Ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay isang lugar kung saan isinasakatuparan ang kalooban ng Diyos, ipinoproklama ang Kanyang salita, pinatototohanan Siya, at nakatatanggap ng paglilinis at kaligtasan ang mga hinirang ng Diyos.) Ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay isang lugar kung saan isinasakatuparan ang kalooban ng Diyos, ipinoproklama ang Kanyang salita, pinatototohanan Siya, at nakatatanggap ng paglilinis at kaligtasan ang mga hinirang Niya. Gayong klase ng lugar ito. Sa isang lugar na gaya nito, mayroon bang anumang gampanin o proyekto, kahit ano pa man ito, na naaayon sa katuparan ng mga pansariling mithiin at hangarin? Walang gawain o proyekto ang tumutugon sa layon ng pagtupad sa mga personal na mithiin at hangarin, wala ring umiiral na anumang aspeto ng mga ito para sa pagsasakatuparan ng mga pansariling mithiin at hangarin. Kaya, dapat bang umiral sa sambahayan ng Diyos ang pansariling mithiin at hangarin? (Hindi dapat.) Hindi dapat, dahil sumasalungat ang mga pansariling mithiin at hangarin sa anumang gawain na nais gawin ng Diyos sa iglesia. Ang mga personal na mithiin at hangarin ay sumasalungat sa anumang gawaing ginagawa sa iglesia. Sumasalungat ang mga ito sa katotohanan, lumilihis mula sa kalooban ng Diyos, mula sa pagpoproklama ng Kanyang mga salita, mula sa pagpapatotoo sa Kanya, at mula sa gawain ng paglilinis at pagliligtas para sa mga hinirang ng Diyos. Anuman ang mga mithiin ng isang tao, Hangga’t ang mga ito ay mga pansariling mithiin at hangarin, hahadlangan ng mga ito ang mga tao sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, at makaaapekto o makahahadlang sa pagpoproklama ng Kanyang mga salita at pagpapatotoo sa Kanya. Siyempre, hangga’t ang mga ito ay mga pansariling mithiin at hangarin, hindi makatatanggap ang mga tao ng paglilinis at kaligtasan. Hindi ito usapin lang ng pagiging magkasalungat ng dalawang panig, talagang likas na hindi maaaring umiral ang mga ito nang sabay. Habang itinataguyod ang mga sarili mong mithiin at hangarin, hinahadlangan mo ang pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos, ang gawain ng pagpoproklama ng Kanyang mga salita at pagpapatotoo sa Kanya, at pati na rin ang kaligtasan ng mga tao at, siyempre, ng iyong sarili. Sa madaling salita, anuman ang mithiin ng mga tao, ang mga ito ay hindi para gawin ang kalooban ng Diyos, at hindi makakamit ng mga ito ang tunay na resulta ng ganap na pagpapasakop sa Diyos. Kapag hinahangad ng mga tao ang kanilang mga mithiin at hangarin, ang kanilang pinakalayon ay hindi para maunawaan ang katotohanan, o maunawaan kung paano dapat na umasal, kung paano palugurin ang kalooban ng Diyos, at kung paano gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin at tuparin ang kanilang papel bilang nilikha. Hindi ito para magkaroon ang mga tao ng tunay na paggalang sa Diyos at pagpapasakop sa Kanya. Sa kabaligtaran, habang mas naisasakatuparan ang mga mithiin at hangarin ng isang tao, mas nalalayo ang isang tao sa Diyos at mas nalalapit siya kay Satanas. Katulad nito, kapag mas hinahangad ng isang tao ang kanyang mga mithiin at natatamo ang mga ito, nagiging mas mapanghimagsik laban sa Diyos ang puso ng isang tao, mas lumalayo ang isang tao sa Diyos, at sa huli, kapag natutupad na ng isang tao ang kanyang mga mithiin gaya ng nais niya at naisasakatuparan at natutugunan ang kanyang mga hangarin, lalo lang siyang nasusuklam sa Diyos, sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at sa lahat ng tungkol sa Diyos. Maaari pa nga na lumakad siya sa landas ng pagtatwa, paglaban, at pagsalungat sa Diyos. Ito ang huling kalalabasan.

Pagkatapos maunawaan kung ano ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, dapat ding maunawaan ng mga tao kung anong saloobin at paninindigan ang dapat panghawakan habang namumuhay at nananatili sila sa sambahayan ng Diyos bilang miyembro nito. Sinabi ng ilang tao, “Hindi Mo kami hinahayaang hangarin na maisakatuparan ang mga sarili naming mithiin o hangarin.” Hindi Ko kayo pinipigilang isakatuparan ang mga sarili ninyong mithiin; sinasabi Ko sa inyo kung paano mamuhay nang naaangkop sa sambahayan ng Diyos, kung paano naaangkop na manindigan at tuparin ang iyong mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos bilang isang nilikha. Kung ipipilit mo ang pagsasakutaparan ng sarili mong mga mithiin, kung gayon ay maaari Akong maging prangka at sabihin na, Pakiusap, umalis ka na! Ang iglesia ay hindi isang lugar para isakatuparan mo ang iyong mga mithiin. Sa labas ng sambahayan ng Diyos, maaari mong gawin ang kahit ano sa iyong mga mithiin na gusto mong gawin at maaari mong sundin ang sarili mong mga mithiin at hangarin. Ang kailangan mo lang gawin ay umalis sa sambahayan ng Diyos, at walang sinuman ang makikialam sa ginagawa mo. Gayunpaman, ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay hindi isang angkop na lugar para hangarin mong maisakatuparan ang iyong mga mithiin. Sa mas tumpak na salita, imposibleng maitataguyod mo ang iyong sariling mga mithiin at hangarin sa lugar na ito. Kung mananatili ka sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia, kahit na isang araw, huwag na huwag mong iisipin ang pagsasakatuparan o paghahangad ng iyong sariling mga mithiin. Kung sasabihin mo na, “Isinusuko ko ang sarili kong mga mithiin. Handa akong tuparin ang mga tungkulin ko ayon sa mga hinihingi ng Diyos at maging isang mahusay na nilikha,” kung gayon, magiging katanggap-tanggap ito. Matutupad mo ang iyong tungkulin ayon sa iyong posisyon at ayon sa mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos. Ngunit kung ipinipilit mong hangarin at isakatuparan ang sarili mong mga mithiin, naglalayong huwag mamuhay nang walang kabuluhan, kung gayon, maaari mong talikuran ang iyong mga tungkulin at umalis sa sambahayan ng Diyos. O maaari kang sumulat ng isang pahayag, na nagsasabing, “Kusang-loob akong umaalis sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos para isakatuparan ang sarili kong mga mithiin at hangarin. Malawak ang mundo, at siguradong may puwang para sa akin doon. Paalam.” Sa gayong paraan, magiging wasto at angkop ang pag-alis mo, at magagawa mong hangarin ang sarili mong mga mithiin. Gayunpaman, kung sasabihin mong, “Mas gugustuhin kong talikuran ang sarili kong mga mithiin, tuparin ang mga tungkulin ko sa sambahayan ng Diyos, maging isang mahusay na nilikha, at hangarin ang kaligtasan,” kung gayon ay magkakasundo tayo sa isang bagay. Sapagkat nais mong manatili nang mapayapa sa sambahayan ng Diyos bilang isang miyembro, dapat matutunan mo muna kung paano maging isang mabuting nilikha at tuparin ang iyong mga tungkulin ayon sa iyong posisyon. Sa sambahayan ng Diyos, tunay ka nang matatawag na isang nilikha. Ang pagiging nilikha ang iyong panlabas na identidad at titulo, at dapat may kasama itong mga partikular na pagpapamalas at diwa. Hindi lang ito tungkol sa pagkakaroon ng titulo; ngunit dahil isa kang nilikha, dapat mong tuparin ang mga tungkulin ng isang nilikha. Sapagkat isa kang nilikha, dapat mong gampanan ang mga responsabilidad ng pagiging isang nilikha. Kaya, ano ang mga tungkulin at responsabilidad ng isang nilikha? Malinaw na inilalatag ng salita ng Diyos ang mga tungkulin, obligasyon, at responsabilidad ng mga nilikha, hindi ba? Mula sa araw na ito, isa ka nang tunay na miyembro ng sambahayan ng Diyos, ibig sabihin, kinikilala mo ang iyong sarili bilang isa sa mga nilikha ng Diyos. Dahil dito, mula sa araw na ito, dapat mong muling pag-isipan ang mga plano mo sa buhay. Hindi mo na dapat hangarin at sa halip ay bitawan mo na dapat ang mga mithiin, hangarin, at layon na dati mong itinakda sa buhay mo. Sa halip, dapat mong baguhin ang iyong identidad at perspektiba para makapagplano sa mga layon at direksiyon sa buhay na dapat mayroon ang isang nilikha. Una sa lahat, hindi ang pagiging isang lider ang dapat mong layon at direksiyon, o ang mamuno o mangibabaw sa anumang industriya, o ang maging isang kilalang taong gumagawa ng partikular na gampanin o isang taong bihasa sa partikular na kasanayan. Ang layon mo dapat ay ang tumanggap ng iyong tungkulin mula sa Diyos, ibig sabihin, ang alamin kung ano dapat ang gawain mo ngayon, sa sandaling ito, at unawain kung anong tungkulin ang kailangan mong tuparin. Kailangan mong itanong kung ano ang hinihingi sa iyo ng Diyos at kung anong tungkulin ang isinaayos para sa iyo sa Kanyang sambahayan. Dapat kang makaunawa at malinawan sa mga prinsipyong dapat maintindihan, mapanghawakan at masunod tungkol sa tungkuling iyon. Kung hindi mo maalala ang mga ito, maaari mong isulat ang mga ito sa papel o i-rekord ang mga ito sa iyong computer. Maglaan ka ng oras para suriin at pag-isipan ang mga ito. Bilang miyembro ng paglikha, ang dapat na pangunahin mong layon sa buhay ay ang tuparin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha at maging isang mahusay na nilikha. Ito dapat ang pinakapangunahing layon mo sa buhay. Ang pangalawa at mas partikular ay kung paano gampanan ang iyong tungkulin bilang isang nilikha at maging isang mahusay na nilikha. Siyempre, dapat lang na talikuran ang anumang layon o direksyon na nauugnay sa iyong reputasyon, katayuan, banidad, kinabukasan, at iba pa. Maaaring may magtanong, “Bakit dapat nating isuko ang mga ito?” Simple lang. Ang paghahangad ng kasikatan, kayamanan, at katayuan ay makahahadlang sa pagsasakatuparan sa kalooban ng Diyos, makagagambala sa ilang gawain sa sambahayan ng Diyos o sa iglesia, at makasisira pa nga sa ilang gawain ng iglesia. Makakaapekto ito sa pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos, pagpapatotoo sa Diyos, at, ang pinakamalubha sa lahat, sa mga taong tumatanggap ng kaligtasan. Upang matupad ang iyong tungkulin gaya nang inaasahan at maging isang mahusay na nilikha, maaari kang magtakda ng mga layon at ibuod ang iyong mga karanasan sa anumang paraan na gusto mo, ngunit hindi mo dapat hangaring maisakatuparan ang sarili mong mga mithiin. Hindi dapat mahalo ang iyong mga mithiin sa alinmang prinsipyo o diskarte na ginagawa mo sa pagtupad ng iyong tungkulin. Upang magampanan ang iyong tungkulin gaya nang inaasahan at maging isang mahusay na nilikha, dapat kang maghanap ng mga prinsipyo sa loob ng mga salita ng Diyos at ng mas tumpak na landas ng pagsasagawa, sa halip na ibuod ang mga pansarili mong ideya at oportunidad sa labas ng mga salita ng Diyos. Sa huli, umiikot ang mga prinsipyong ito ng pagsasagawa sa kung paano maging isang mahusay na nilikha at magampanan ang iyong tungkulin. Ang lahat ay nakasentro sa pag-unawa sa katotohanan, pagtupad sa iyong tungkulin bilang isang nilikha, at sa huli ay pag-unawa sa mga prinsipyong dapat sundin kapag nahaharap sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay sa proseso ng pagtupad sa iyong tungkulin o sa iyong pang-araw-araw na buhay. Malinaw ba ito? (Oo.) Siyempre, kung tutuparin mo ang iyong tungkulin ayon sa mga hinihingi at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, at sisikaping maging isang nilikhang may kakayahan, matatamo mo ang mga resultang ito. Gayunpaman, kung hahangarin mong maisakatuparan ang sarili mong mga mithiin, hinding-hindi mo matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos.

Kung tuloy-tuloy na hinahangad ng mga tao ang pagsasakatuparan ng kanilang sariling mga mithiin nang hindi sinusunod ang landas ng paghahangad sa katotohanan, magiging mas mayabang, makasarili, agresibo, mabangis, at sakim lang sila sa huli. Ano pa? Lalo rin silang magiging mapagmalaki at hambog. Gayunpaman, kapag isinuko ng mga tao ang paghahangad na maisakatuparan ang kanilang mga sariling mithiin at hangarin, at sa halip ay hangarin ang pagkaunawa sa iba’t ibang katotohanan pati na rin sa iba’t ibang aspeto ng mga salita ng Diyos at pamantayan ng katotohanan ukol sa kung paano tingnan ang mga tao at bagay, kung paano umasal, at umaksiyon, makapamumuhay sila nang may higit na wangis ng tao. Kapag nagsasagawa ng iba’t ibang gawain o dumaranas ng iba’t ibang kapaligiran, hindi na sila maliligaw at malilito tulad ng dati. Higit pa rito, hindi na sila maiipit sa mga negatibong emosyon gaya ng madalas na mangyari noon, hindi mapalaya ang kanilang sarili, napipigilan at nakagapos sa mga negatibong kaisipan at emosyon, at sa huli ay nakokontrol at nababalutan ng iba’t ibang negatibong emosyon. Ang paghahangad na maisakatuparan ang sarili nilang mga mithiin at hangarin ay naglalayo lamang sa mga tao mula sa mga prinsipyo ng kapwa ng mga salita ng Diyos at ng tumpak na pagiging mahuhusay na nilikha. Hindi nila alam kung paano magpasakop sa mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos, at wala silang pagkaunawa tungkol sa kung ano ang buhay, pagtanda, karamdaman, at kamatayan ng tao. Hindi nila alam kung paano pangasiwaan ang poot at harapin ang iba’t ibang negatibong emosyon. Siyempre pa, wala rin silang alam sa kung paano mahusay na pangasiwaan ang mga tao, pangyayari, at bagay na dumarating sa buhay nila. Kapag nahaharap sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, wala silang magawa, labis na nalilito, at hindi alam ang gagawin. Sa huli, hinahayaan na lamang nilang lumaganap at umusbong ang mga negatibong emosyon, kaisipan, at pananaw sa puso nila, hinahayaan ang sarili nila na makontrol at magapos ng mga ito. Higit pa rito, sa pangunguna ng mga negatibong emosyon, kaisipan, at pananaw na ito, maaaring gumagawa rin sila ng matitinding kilos, o gumagawa ng mga bagay na nakapipinsala sa kanilang sarili at sa iba, na nagdudulot ng mga hindi inaasahang kahihinatnan. Hinahadlangan ng mga ganitong kilos ang mga marapat na hangarin ng mga tao at sinisira ang konsiyensiya at katwiran na dapat mayroon sila. Samakatuwid, ang pinakamahalagang bagay ngayon ay ang suriin ng mga tao sa kaibuturan ng kanilang puso kung ano ang mga bagay na inaasam pa rin nila, at kung ano ang mga bagay na nabibilang sa laman, sa mundo, at sa mga interes ng laman, tulad ng kasikatan, katanyagan, reputasyon, katayuan, kayamanan, at iba pa, na inaasam at kinakailangan pa rin nila, at mga hindi nauunawaan, at madalas na gumagapos at tumutukso sa kanila. Maaari pa ngang nakakulong sila sa mga bagay na ito o may labis silang paghanga sa mga ito, at sa kaunting pagkakamali, madali silang masisilo sa mga ito anumang oras at saanmang lugar. Kung gayon, ang mga bagay na ito ang kanilang mga mithiin. Sa sandaling makamit nila ang mga mithiing ito, iyon ang oras ng kanilang pagbagsak at sanhi ng kanilang pagkamatay. Paano ninyo tinitingnan ang usaping ito? (Dapat suriin ng mga tao sa kaibuturan ng kanilang puso kung anong mga bagay ang pinananabikan pa rin nila. Kailangan nilang makaunawa sa mga bagay-bagay tulad ng kasikatang nauugnay sa laman at sa mundo, tulad ng katanyagan, reputasyon, katayuan, kayamanan, at iba pa; kung hindi, maaaring madali silang masilo sa mga ito.) Maaari silang masilo sa mga ito, hindi ba? Kaya, lubhang mapanganib ang mga bagay na ito ng laman. Kung hindi mo mauunawaan ang mga ito, palagi kang manganganib na maimpluwensyahan o masilo pa nga sa mga ito. Kaya, ang pinakamahalagang bagay na dapat ninyong gawin ngayon ay ang suriin at unawain ang mga bagay ng laman na binanggit Ko kanina batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Sa sandaling matuklasan at maunawaan ninyo ang mga ito, dapat ninyong bitiwan ang mga ito at ipuhunan ang inyong katawan, isip, at enerhiya sa pagiging isang ordinaryong nilikha, gayundin sa kasalukuyan ninyong mga tungkulin at gawain. Itigil mo ang pagturing sa iyong sarili bilang isang espesyal na tao o isang taong hindi nalulupig, o isang taong may mga pambihirang talento o abilidad. Isa ka lang hamak na indibidwal. Gaano kahamak? Sa lahat ng tao at bagay na nilikha ng Diyos, isa ka lamang sa kanila, ang pinakaordinaryo. Gaano ka kaordinaryo? Kasing-ordinaryo ka ng anumang tangkay ng damo, ng anumang puno, bundok, patak ng tubig, o maging ng isang butil ng buhangin sa baybayin. Wala kang dapat ipagmalaki, walang karapat-dapat na hangaan sa iyo. Ganoon ka kaordinaryo. Higit pa rito, kung mayroon pa ring mga imahe ng mga idolo, maringal na tao, kilalang tao, dakilang tao na namamayani sa kaibuturan ng puso mo, o ilang bagay na kinaiinggitan mo, dapat mo nang alisin at bitiwan ang mga ito. Dapat mong maunawaan ang kalikasang diwa ng mga ito, at dapat ka nang bumalik sa landas ng pagiging isang ordinaryong nilikha. Ang pagiging isang ordinaryong nilikha at pagtupad sa iyong mga tungkulin ang pinakapangunahing bagay na dapat mong gawin. Pagkatapos, dapat mong balikan ang paksang ito ng paghahangad sa katotohanan at dapat na higit kang magsikap sa katotohanan. Subukan mong bawasan ang matambad sa mga balita sa labas, sa mga impormasyon, pangyayari, at sa mga kilalang tao. Pinakamainam na iwasan ang anumang bagay na maaaring muling pumukaw sa iyong pagnanais na maisakatuparan ang mga sarili mong mithiin. Ngayon, kailangan mong ilayo ang iyong sarili sa mga tao, pangyayari, at bagay na walang pakinabang sa iyo at negatibo. Ihiwalay ang sarili mo sa mga ito at subukang umiwas sa lahat ng bagay sa masalimuot at magulong mundong ito. Kahit hindi ito naghahatid ng banta o tukso sa iyo, dapat mo pa ring ilayo ang iyong sarili sa mga ito. Tulad ng kung paano namuhay si Moises sa ilang sa loob ng apatnapung taon; hindi ba’t nakapamuhay pa rin siya nang maayos? Sa huli, kahit hindi mahusay ang abilidad niya sa pagsasalita, hinirang siya ng Diyos, na siyang pinakamarangal na bagay sa buhay niya. Walang anumang masama roon. Samakatuwid, unang-una sa lahat, bawiin ang puso mo sa kaibuturan ng iyong mga iniisip, at sa kaibuturan ng iyong mga iniisip, dapat kang magtaglay ng mentalidad ng pagkagutom at pagkauhaw sa pagiging matuwid na naghahangad sa katotohanan sa iyong pananalig. Kailangan mong magkaroon ng gayong plano, gayong kalooban at hangarin, sa halip na patuloy na nananatili sa iyong mga mithiin o patuloy na nagsisikap at nagninilay-nilay kung makakamit mo ba ang mga ito o hindi. Dapat tuluyan mong putulin ang pagkagiliw sa mga dating mithiin at hangarin, at sikapin na maging isang mahusay at ordinaryong nilikha. Ang pagiging parte ng ordinaryong paglikha ay hindi isang masamang bagay. Bakit Ko ito sinasabi? Sa totoo lang, mabuting bagay ito. Mula sa sandaling sinimulan mong bitiwan ang iyong mga mithiin at hangarin sa laman, mula sa sandaling matatag mong pinagpasyahan na maging isang ordinaryong nilikha na walang anumang espesyal na katayuan, posisyon, o halaga, ibig sabihin nito ay handa at determinado kang ganap na magpasakop sa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos, sa ilalim ng kapangyarihan ng Lumikha, tinutulutan ang Diyos na mangasiwa at mamuno sa buhay mo. Handa kang sumunod, bitiwan at isantabi ang mga pansariling mithiin at hangarin, tulutan ang Diyos na maging Panginoon mo at mamuno sa iyong tadhana, handa kang maging isang mahusay na nilikha nang may gayong mentalidad, at gumanap nang maayos sa iyong tungkulin nang may gayong mentalidad at saloobin. Ito ang pananaw sa buhay na dapat mong taglayin. Tama ba ito? Ito ba ang katotohanan? (Oo.) Saan nakatutok ang mga layon sa buhay at direksyon ng buhay mo? (Sa pagtupad ng mga tungkulin ng isang nilikha.) Iyan ang pinakapangunahing bagay. Ano pa? (Sa paghahangad na maging isang ordinaryong nilikha.) Mayroon pa bang iba? (Sa paghahangad sa katotohanan upang matamo ang kaligtasan.) Isa pa iyan. May iba pa ba? (Sa pagtutok sa mga salita ng Diyos at higit na pagsisikap sa katotohanan.) Medyo mas kongkreto iyon, hindi ba? Ang lahat ng iyong layon sa buhay at direksiyon ng iyong buhay ay dapat nakatuon sa mga salita ng Diyos, at dapat higit kang magsikap sa katotohanan. Kunin mo ang sigasig mo noon sa paghahangad sa malalabong mithiin at sa halip ay gamitin mo ito sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagninilay-nilay sa katotohanan, at tingnan mo kung makakagawa ka ng pag-usad tungo sa katotohanan. Kung talagang nakausad ka tungo sa katotohanan, magkakaroon ng mga partikular na pagpapamalas sa sarili mo. Ibig sabihin, kapag nahaharap sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na may kinalaman sa mga kaisipan at pananaw ng tao, pati na sa mga prinsipyo, hindi mo na mararamdamang hindi mo alam ang gagawin, hindi ka na malilito, maguguluhan, o matataranta. Sa halip, magdarasal ka sa Diyos, gagabayan ka ng Kanyang mga salita, magkakaroon ng mahinahon at matatag na puso, at matututunan mo kung paano kumilos sa paraang nagpapasakop sa Diyos at tumutugon sa Kanyang kalooban. Iyon ang panahon na magiging tunay kang nasa tamang landas sa buhay. Maraming tao ang mabagal na umuusad sa buhay nila dahil, sa proseso ng pagtupad sa kanilang mga tungkulin, palagi nilang hinahangad ang sarili nilang mga mithiin, kasikatan, katayuan, at ang mga layon sa buhay na nasa imahinasyon nila, at ninanais nilang makatanggap ng mga pagpapala habang tinutugunan ang mga pagnanasa ng kanilang laman. Bilang resulta, hindi nila magampanan ang kanilang mga tungkulin sa praktikal na paraan, at hindi nila mararanasan ang tunay na pagpasok sa buhay. Mula sa simula hanggang sa katapusan, hindi sila makapagbahagi ng tunay na patotoo batay sa karanasan. Dahil dito, gaano man katagal nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, nananatiling maliit ang pag-usad nila sa pagpasok sa buhay at sa katotohanan, at kaunti lang ang mga resulta nila. Kung tunay mong inilalaan ang iyong sarili sa pagtupad sa iyong mga tungkulin, ibinubuhos ang lahat ng iyong lakas sa paghahangad sa katotohanan at nagsisikap tungo sa katotohanan, hindi kayo mapupunta sa kasalukuyang kalagayan, katayuan, at kondisyong kinalalagyan ninyo. Ito ay dahil karaniwang nakatuon lamang ang mga tao sa mga nakagawian nang gampanin, propesyonal na gawain, at sa kasalukuyang gampanin, at ang batayang diwa ng mga aktibidad na ito ay ang tuparin ang mga personal na hangarin at adhikain habang isinasakatuparan ang sarili nilang mga mithiin. Ano ang mga mithiing ito? Palaging gusto ng mga tao na makita ang kanilang sarili sa trabaho nila, at makapagtamo ng ilang tagumpay, makapagkamit ng ilang resulta, at makakuha ng pagkilala mula sa iba, at kasabay niyon, palagi nilang gustong maisakatuparan ang kanilang mga pangarap at ang mga layon ng kanilang paghahangad upang maipakita ang sarili nilang halaga. Pagkatapos, nasisiyahan na sila. Gayunpaman, hindi ito ang paghahangad sa katotohanan; ito ay pagpawi lamang sa kahungkagan sa kanilang sarili at paggamit ng gawain para mapagyaman ang buhay nila. Hindi ba’t ganito nga ang nagyayari? (Oo.) Samakatuwid, gaano man katagal nagtatrabaho ang isang tao o gaano man karaming trabaho ang nagawa niya, walang kaugnayan sa katotohanan ang lahat ng ito. Hindi pa rin niya nauunawaan ang katotohanan at malayong hangarin niya ito. Pagdating sa mga prinsipyong may kaugnayan sa kanilang mga responsabilidad sa gawain, wala pa ring pagpasok o pagkaunawa ang mga tao. Dahil dito, nahahapo kayo at nagtataka, “Bakit palagi kaming iwinawasto? Nagsikap kami nang husto, nagtiis ng maraming paghihirap, at nagbayad ng malaking halaga. Bakit iwinawasto pa rin kami?” Ito ay dahil hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo. Hindi mo kailanman naunawaan o naarok ang mga prinsipyo, ni hindi ka nagsikap sa mga ito. Sa madaling salita, hindi ka nagsikap sa katotohanan, sa mga salita ng Diyos. Sumunod ka lang sa ilang panuntunan at kumilos ayon sa sarili mong imahinasyon. Palagi kang namumuhay sa mundo ng iyong sariling mga mithiin at kuru-kuro, at lahat ng iyong ginagawa ay walang kaugnayan sa katotohanan. Hinahangad mo ang sarili mong propesyon, hindi ginagawa ang kalooban ng Diyos. Kaya, hindi mo pa rin nauunawaan ang mga prinsipyo sa mga salita ng Diyos, at sa huli, binabansagan ang ilang tao bilang mga tagapagserbisyo, at ang ilan ay nakakaramdam na naaagrabyado sila. Bakit nila nararamdamang naaagrabyado sila? Ito ay dahil iniisip nila na ang kanilang pagdurusa at pagbabayad ng halaga ay katumbas ng pagsasagawa sa katotohanan. Sa totoo lang, ang kanilang pagdurusa at pagbabayad ng halaga ay pagtitiis lamang ng kaunting paghihirap. Hindi ito pagsasagawa sa katotohanan o pagsunod sa daan ng Diyos. Sa mas tumpak na salita, wala itong kinalaman sa pagsasagawa sa katotohanan; ito ay pagsisikap lamang at paggawa ng gawain. Mahusay na pagtupad na ba sa iyong mga tungkulin ang basta lang pagsusumikap at paggawa ng gawain? Ito ba ay pagiging isang mahusay na nilikha? (Hindi.) May distansiya at agwat sa pagitan ng dalawang ito.

Tungkol naman sa paksa ng pagbitiw sa mga negatibong emosyon ng pagpipigil, hanggang dito lang muna ang pagbabahaginan natin ngayong araw. Nakikita mo ba nang malinaw ang mga problemang ito na lumilitaw sa mga taong napipigilan dahil hindi nila makamit ang sarili nilang mga mithiin at hangarin? (Oo, malinaw ko itong nakikita.) Ano ang malinaw? Magbuod tayo nang kaunti. Una, pag-usapan natin kung ano ang mga mithiin. Ang mga mithiing sinusuri dito ay negatibo, hindi ito marapat o positibong bagay. Ano ang mga mithiin? Gumamit ng tumpak na wika para mabigyan ng depinisyon ang “mga mithiin.” (Ang mga ito ay mga walang kabuluhang kaisipan na lumilihis sa normal na konsiyensiya at katwiran ng tao, na laman ng imahinasyon ng mga tao para sa sarili nila ngunit hindi umaayon sa realidad. Hindi tunay ang mga ito.) Mga mithiin ng mga idealista ang binanggit mo. Sa pangkalahatan, paano mo bibigyang-depinisyon ang mga mithiin? Maaari ba ninyong bigyang-depinisyon ang mga ito? Mahirap ba itong bigyan ng depinisyon? Ano ang mga hinahangad na layon na itinatatag ng mga tao para sa sarili nilang katayuan, reputasyon, at mga inaasam? (Ang mga hinahangad na layon na itinatag ng mga tao para sa sarili nilang katayuan, reputasyon, at mga inaasam ay mga mithiin.) Tama ba ang depinisyong ito? (Oo.) Ang mga hinahangad na layon na itinatag para sa sariling katayuan, reputasyon, mga inaasam, at mga interes ng mga tao ay mga mithiin at hangarin. Ito ba ang pangkalahatang depinisyon ng mga mithiin gaya ng tinutukoy ng mga hindi mananampalataya? Binibigyang-depinisyon natin ito depende sa batayang diwa nito, tama ba? (Oo.) Anuman ang partikular na uri ng mga mithiin, matayog man ito, mababa, o katamtaman, lahat ito ay mga hinahangad na layon na itinatag ng mga tao para sa sarili nilang mga interes. Ang mga layong ito ang kanilang mga mithiin o hangarin. Hindi ba’t ito ang mithiin ng mga taong pinag-usapan at sinuri natin sa mga naunang halimbawa? Ang mga hinahangad na layong itinatag ng mga tao para sa sarili nilang katayuan, reputasyon, mga inaasam, interes, at iba pa, ay mga mithiin at hangarin. Ang mga naghahangad ng mga mithiin at mga hangarin ngunit hindi magawang isakatuparan ang mga ito ay madalas na napipigilan sa loob ng iglesia. Napipigilan ang mga taong ito. Pag-isipan mo saglit, nasa gayong kalagayan at sitwasyon ka rin ba? Madalas ka rin bang namumuhay sa gayong kondisyon, nang may gayong mga emosyon? Kung mayroon ka ng mga emosyong ito, ano ang pinagsisikapan mo? Ito ay para sa sarili mong katayuan, reputasyon, mga inaasam, at mga interes. Ang mga mithiin at hinahangad na layong itinatag mo ay kadalasang pinaghihigpitan at hinahadlangan ng katotohanan at ng mga positibong bagay—hindi maisasakatuparan ang mga ito. Bilang resulta, nalulungkot ka at namumuhay sa mga nakapipigil na emosyon. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Ito ang isyu sa mga mithiin ng tao. Una, sinuri natin ang mga mithiin ng tao, at pagkatapos, ano ang pinagbahaginan natin? Nagbahaginan tayo na ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay hindi ang lugar para maisakatuparan ng mga tao ang kanilang mga mithiin. Pagkatapos ay nagbahaginan tayo tungkol sa mga tamang layon na dapat hangarin ng mga tao sa kanilang pananalig sa Diyos, kung paano maging isang mahusay na nilikha, at kung paano tuparin ang mga tungkulin ng isang nilikha. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Ang pangunahing layon ng pakikipagbahaginan tungkol sa mga bagay na ito ay upang sabihin sa mga tao kung paano piliin at kung paano tratuhin ang kanilang mga mithiin at tungkulin. Dapat talikuran ng mga tao ang mga mithiin nilang hindi wasto, samantalang ang dapat nilang paglaanan ng puhunan at ng kanilang buong buhay ay ang kanilang mga tungkulin. Ang mga tungkulin ng isang nilikha ay mga positibong bagay, habang ang mga mithiin ng tao ay hindi mga positibong bagay at hindi dapat panghawakan kundi talikuran. Ang dapat panghawakan at hangarin ng mga tao ay ang maging isang mahusay na nilikha at gampanan ang mga tungkulin nila bilang isang mahusay na nilikha. Kaya, ano ang dapat gawin ng mga tao kapag sumasalungat ang kanilang mga mithiin sa kanilang mga tungkulin? (Dapat nilang bitiwan ang kanilang sariling mga mithiin at talikuran ang mga ito.) Dapat nilang talikuran ang kanilang mga mithiin at panghawakan ang kanilang mga tungkulin. Hindi mahalaga kung hanggang kailan o hanggang sa anong edad man sila mabubuhay, ang dapat gawin ng mga tao at ang dapat nilang hangarin ay kailangang nakatuon sa kung paano gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha at sa kung paano makamit ang pagpapasakop sa Diyos, sa Kanyang mga salita, at sa katotohanan. Sa gayong pagsasagawa lamang makapamumuhay ang isang tao ng makabuluhan at mahalagang buhay, tama ba? (Oo.) Sige, tapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan ngayong araw. Paalam!

Disyembre 10, 2022

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.