Paano Hangarin ang Katotohanan (8) Ikalawang Bahagi

III. Mga Pagpapamalas ng Mahinang Kakayahan

Susunod, ibuod natin ang mga pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan. Ang mga pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan ay tiyak na mas malala pa kaysa sa mga taong may katamtamang kakayahan. Ano ang mga pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan? Sa pamamagitan ng kanilang sariling paghahanap o pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos, bagama’t literal nilang nauunawaan ang kahulugan ng bawat pangungusap at sipi ng mga salita ng Diyos—pati na kung ano ang mga layunin at hinihingi ng Diyos—hindi nila nauunawaan kahit kaunti ang mga katotohanang prinsipyo o ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos. Ibig sabihin, hindi nila nauunawaan ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos sa kung paano tingnan ang mga tao at bagay, o umasal at kumilos, ni hindi nila nauunawaan kung ano ang mga kaugnay na katotohanang prinsipyo. Kapag kumakain at umiinom sila ng mga salita ng Diyos nang mag-isa, hindi nila maunawaan ang mga bagay na ito, at pagkatapos magkaroon ng mga karanasan sa mga tao, pangyayari, at bagay sa pang-araw-araw na buhay, hindi pa rin sila nakakaunawa. Kahit pagkatapos ng pagbabahaginan, nananatiling hindi malinaw sa kanila ang tungkol sa kung ano ang mga katotohanang prinsipyo. Ang ganitong uri ng tao ay may isang katangian: Bagama’t hindi niya nauunawaan kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, kaya niyang ibuod ang mga regulasyong dapat niyang sundin sa pamamagitan ng pag-asa sa kanyang mga damdamin. Kaya niyang matandaan ang mga regulasyon—isang uri ng mahigpit na dogma o isang klase ng mga panuntunan. Halimbawa, nakikipagbahaginan ang Diyos tungkol sa isang aspekto ng mga katotohanang prinsipyo, nagbibigay ng mga halimbawa ng mga positibong pagpapamalas, mga negatibong pagpapamalas, dalisay na pagkaarok, at baluktot na pagkaarok ng mga tao, kasama ng iba’t iba pang pagpapamalas, sa aspektong ito—sa huli, ano ang napapala ng mga taong may mahinang kakayahan mula rito? Sinasabi nila, “Naiintindihan ko na. Hindi pinahihintulutan ng Diyos na gawin ito o iyon. Hindi pinahihintulutan ng Diyos na kainin ito o iyon. Hindi pinahihintulutan ng Diyos na sabihin ang mga salitang ito, ang mga salitang iyon, o gamitin ang mga terminong iyon.” Ito ang natatandaan nila, at mahigpit silang sumusunod dito, iniisip na ang mga ito ang mga katotohanang prinsipyo. Naniniwala sila na kung susundin nila ang mga regulasyon, kasabihan, at paraan ng pagkilos na ito, sinusunod nila ang mga katotohanang prinsipyo. Kahit gaano mo pa sabihin sa kanila na ito ay pagsunod lamang sa mga regulasyon, hindi nila ito tatanggapin. Iginigiit nila ang pagsunod sa mga regulasyong ito, naniniwala na ito ay pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at pagsasagawa sa katotohanan. Imposibleng pakitunguhan ang gayong mga tao na walang espirituwal na pang-unawa. Kung handa silang sumunod sa mga regulasyon, hayaan silang gawin iyon—basta’t hindi mali ang mga intensiyon nila, ayos lang iyon. Halimbawa, minsan Kong sinabi, “Kapag nagdarasal kayo, dapat kayong maging deboto; huwag kayong kaswal na magdasal. Sa mga angkop na kapaligiran, pinakamainam na lumuhod para magdasal, na magpatirapa sa harap ng Diyos para magdasal, at habang nagdarasal, dapat ninyong patahimikin ang inyong sarili sa harap ng Diyos at magdasal nang may pusong tumutuon. Ito ay pagiging deboto at pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso.” Pagkatapos itong marinig, ang mga taong may mahinang kakayahan ay natandaan lang ang isang regulasyon: “Para magdasal nang may pagkadeboto at may-takot-sa-Diyos na puso, dapat lumuhod ang isang tao.” Itinuturing nila na isang katotohanang prinsipyo ang pangangailangang lumuhod para magdasal, at sumusunod sila rito nang naaayon, naniniwala na ito ay pagsasagawa ng katotohanan. Kaya, anuman ang kapaligiran, iginigiit nila ang pagluhod para magdasal. Kahit kapag gusto nilang magdasal sa oras ng kainan, lumuluhod sila sa ilalim ng mesa para magdasal. Habang nagtatrabaho sa bukid, gaano man karumi ang lupa o anuman ang nasa loob ng lupa, lumuluhod sila para magdasal. Kahit kapag nahaharap sa mga kalamidad o malalaking pangyayari kapag kasama nila ang mga walang pananampalataya, kung gusto nilang magdasal sa Diyos, kailangan nilang humanap ng tagong lugar para lumuhod at magdasal. Naniniwala sila na ang pagdarasal lamang sa ganitong paraan ang naaayon sa mga layunin ng Diyos, kaya, anuman ang mga sitwasyon, kailangan nilang lumuhod para magdasal. Iniisip nila na sa pamamagitan ng paggawa nito, isinasagawa nila ang katotohanan. Higit pa rito, ang tingin nila sa kanilang sarili ay sila ang mga pinakadebotong tao, ang mga pinakamalapit na sumusunod sa daan ng Diyos, ang mga pinakanagmamahal sa katotohanan, at ang mga pinakanakakapagpasakop sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Kita mo, ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan. Ang ganitong uri ng tao ay mas mababa at may problema pagdating sa pag-arok. Palagi nilang nililimitahan ang mga prinsipyo sa iisang pangungusap o regulasyon. Ginagamit nila ang pamamaraan ng pag-unawa sa mga salita at kaalaman para unawain ang katotohanan, at siyempre, isinasagawa rin nila ang katotohanan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga regulasyon, salita, kasabihan, at pormalidad. Gaano ka man makipagbahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, matapos marinig ang mga ito, itinuturing lang nila ang mga ito bilang mga pangungusap, regulasyon, paraan ng pagkilos, o mga islogan. Para sa kanila, tungkol lang ito sa pagsunod sa mga panuntunan. Ganito lang kasimple ang tingin nila sa pagsasagawa sa katotohanan, na pagsunod lang sa kung ano ang maaari at hindi maaaring gawin, at iyon na iyon.

Ang mga taong may mahinang kakayahan ay tumitingin sa mga tao at bagay, umaasal, at kumikilos nang gumagamit ng mga regulasyon para sukatin at harapin ang lahat ng bagay. Paano man nagbabago ang panlabas na kapaligiran at ang mga nakapaligid na tao, pangyayari, at bagay, patuloy silang sumusunod sa isang regulasyon nang walang pag-iiba. Kung sasabihin mo na hindi nila mahal ang katotohanan at hindi nila isinasagawa ang katotohanan, makakaramdam sila ng pagka-agrabyado sa puso nila. Sinasabi nila, “Napakarami kong tinalikuran, nagtiis ako ng labis na pagdurusa, sinunod at isinagawa ko ang napakaraming salita ng Diyos—kaya, bakit mo sinasabing hindi ko mahal at hindi ko isinasagawa ang katotohanan? Bakit sinasabi mo pa na sumusunod ako sa mga regulasyon? Inaagrabyado ako!” Ano ang problemang ipinahihiwatig na nasasabi nila ang gayong mga salita? Ano ang mga pangunahing pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan? Sa anong mga paraan mahina ang kakayahan nila? Ganap silang walang abilidad na maarok ang katotohanan, kaya, gaano man karami ng anumang aspekto ng katotohanan ang pinagbahaginan, para sa kanila ay nauuwi pa rin ito sa iisang paraan ng pagkilos, iisang panuntunan, iisang parirala, o iisang pormalidad, kaysa sa isang prinsipyo. Kung may isang taong nagsasabi ng isang pangungusap o gumagamit ng isang termino na lumalabag sa panuntunan nila, itinuturing nila itong paglabag sa mga katotohanang prinsipyo. Mapanggulo ito. Samakatwid, ang mga taong may mahinang kakayahan, sa isang banda, ay gumagamit ng iba’t ibang regulasyon, pormalidad, puro salita, at paraan ng pagkilos para matukoy na sila mismo ay nagtataglay ng katotohanang realidad. Dagdag pa rito, may isa pang mapanggulong usapin: Madalas nilang gamitin ang mga doktrinang malimit nilang sinasalita, at ang mga regulasyon at paraan ng pagkilos na madalas nilang sinusunod, para sukatin ang iba at maging ang Diyos. Dagdag pa sa pagsukat, madalas din nilang hinuhusgahan ang iba at ang Diyos, at nililimitahan ang iba at ang Diyos. Halimbawa, minsan Kong sinabi, “Karaniwang hindi Ako nangangahas na kumain ng malalamig na bagay. Pagkatapos kainin ang mga ito, hindi Ko ito masikmura, kaya halos hindi Ako kumakain nitong mga hilaw at malamig na pagkain.” Narinig ito ng isang taong may mahinang kakayahan, at sinabi nito, “Nauunawaan na Kita ngayon. Sa hinaharap, kailangan kong siguraduhin na hindi Ka bibigyan ng mga hilaw at malamig na pagkain. Hindi ko kailanman hahayaang kumain Ka ng mga hilaw at malamig na pagkain sa anumang mga sitwasyon.” Pero nang sumapit ang pinakamatinding tag-araw at sobrang mainit ang panahon, at nahinog ang mga presa sa bukid, isang araw ay kumain Ako ng dalawang presa sa bukid, at pagkakita rito ay naisip niya: “Hindi ba’t hindi Ka kailanman kumakain ng mga hilaw at malamig? Hindi ba’t malamig-lamig ang mga istroberi? Hindi ba’t sinabi Mo dati na sumasama ang pakiramdam ng sikmura Mo kapag kumakain ng malamig-lamig na pagkain? Kaya, bakit Ka kumakain ng mga istroberi ngayon? Hindi ba’t nagsisinungaling Ka?” Naisip niya ito sa puso niya; sadyang hindi lang niya ito sinabi nang malakas. Sabihin mo sa Akin, tumpak ba ang pananaw niya sa mga usapin? (Hindi.) Paanong hindi ito tumpak? (Ginamit niya ang isang sinabi ng Diyos bilang isang regulasyon para sukatin ang mga bagay-bagay nang hindi isinasaalang-alang ang konteksto kung saan nagsalita ang Diyos.) Hindi niya alam kung ano ang tinutukoy ng mga salita Kong ito. Sa ilalim ng mga normal na sitwasyon, sumasama ang pakiramdam ng sikmura Ko kapag kumakain Ako ng mga hilaw at malamig na pagkain, pero mayroong mga eksepsiyon. Halimbawa, kapag gumagawa Ako ng pisikal na gawain at umiinit ang katawan Ko, kasabay pa ng sobrang init ng panahon kung saan umaabot sa humigit-kumulang thirty degrees ang temperatura, at hindi gaanong nagyeyelo ang mga hilaw at malamig na pagkaing iyon, sa gayong mga kaso, puwede Akong kumain nang kaunti. Hindi naman sa talagang hindi Ko puwedeng kainin ang mga ito. Noong sinabi Ko na “hindi Ko puwedeng kainin ang mga ito,” tinutukoy Ko ang mga ordinaryong sitwasyon; sa mainit na panahon ng tag-araw, ayos lang na kumain Ako ng kaunting hilaw at malamig na pagkain. Hindi maintindihan ng taong mahina ang kakayahan ang mga salitang ito. Nang marinig niya ang mga ito, itinuring niyang isang regulasyon o pormula ang mga ito. Nang sumapit ang mga espesyal na sitwasyon, sinubukan pa rin niyang itugma ang mga ito sa pormulang ito. Nang makita niyang hindi tumugma ang mga ito, hindi niya ito mawari: “Hindi ba’t sinabi Mong hindi Ka puwedeng kumain ng mga hilaw at malamig na pagkain? Bakit kumakain Ka ngayon ng mga ito? Hindi ba’t nagsisinungaling Ka?” Saan nanggaling ang kakulangan niya sa usapin ng kawalan ng abilidad na maunawaan ang mga salita Ko? (Wala siyang abilidad na umarok.) Ang kakulangan niya ay nanggaling sa kawalan niya ng abilidad na humusga at umarok sa usaping ito batay sa mga pagbabago sa kapaligiran at mga espesyal na sitwasyon. Kung makikita ito ng isang taong may sapat na kakayahan, malalaman niya na pagkatapos gumawa at nag-iinit ang katawan Ko, kasabay ang mainit na panahon at ang katunayang hindi naman sobrang malamig ang mga prutas na ito, hindi problema para sa Akin ang kumain nang kaunti, at ito ay napakanormal. Mauunawaan niya ang usaping ito at maaarok. Pero ang taong mahina ang kakayahan ay hindi ito maaarok; naiipit siya sa puntong ito at nagkakaroon ng mga kuru-kuro sa puso niya. Ano ang kahihinatnan sa sandaling nagkaroon ng mga kuru-kuro? Madali itong humantong sa paghusga at pagkondena niya. Hindi ba’t ganito ang kaso? (Oo.) Siyempre, hindi malaking isyu ang maliit na usaping ito, pero hindi niya ito kayang bitiwan sa kanyang puso: “Hindi ba’t pagsisinungaling ito? Kaya nagsisinungaling Ka rin!” Kita mo, mabilis siyang maglimita at humusga kahit na sa napakaliit na usaping ito. At ito ay bago pa man pag-usapan ang malalaking isyu—nagkaroon na siya ng mga kuru-kuro. Hindi makilatis ng mga taong mahina ang kakayahan kahit ang mga gayong maliit na usapin at wala silang anumang pagkilatis. Anuman ang isyung tinitingnan nila, mahigpit nilang inilalapat ang mga regulasyon. Naniniwala sila na tanging ang mga kayang sumunod sa mga regulasyon ang mayroong katotohanan. Gaano man umaayon sa mga katotohanang prinsipyo ang iyong mga salita at kilos, hangga’t sumasalungat ang mga ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng gayong mga tao at bumabangga sa mga regulasyong nakikilala nila, huhusgahan at kokondenahin ka nila sa puso nila. Kahit hindi nila ito sabihin nang malakas, magkakaroon sila ng mga kuru-kuro o mga pagkiling laban sa iyo. Gaano man karaming sermon ang naririnig nila o alinmang mga aspekto ng katotohanan ang napagbabahaginan, palaging pinapaikli ng mga taong ito na mahina ang kakayahan ang lahat ng bagay sa iisang pahayag, paraan ng pagkilos, o regulasyon, at labis na masigasig nilang sinusunod ang mga pahayag na ito, mga paraan ng pagkilos, at mga regulasyon; naniniwala pa nga sila na sila ay mga taong nagsasagawa ng katotohanan, at na talagang nagpapasakop sila sa katotohanan at talagang natatakot sa Diyos. Minsan pa nga ay naaantig sila at napapaluha, iniisip nila na talagang mahal nila ang Diyos at na walang sinuman sa buong mundo ang nagmamahal sa Diyos nang higit sa kanila. Sa aktuwal, ang sinusunod nila ay iisang regulasyon lang o iisang paraan ng pagkilos. Isinasakatuparan nila ang kanilang pagsasagawa sa ganitong paraan at kaya nilang magpatuloy rito nang walang pagbabago, naniniwala na nakamit nila ang katotohanan at ginawa silang perpekto ng Diyos. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t mapanggulo ito? (Oo.)

Madalas ba kayong nakakakita ng mga pagkakataon kung saan sumusunod ang mga tao sa mga regulasyon? (Oo.) Halimbawa, sinasabi mo sa taong nagluluto na nagiging mas mainit ang panahon, kaya dapat siyang maghanda ng pampalamig na herbal tea o ilang malamig na inumin bawat araw, at maghain ng malalamig na pagkain kapag naghahanda ng makakain—ang tinatawag ng mga taga-Kanluran na ensalada—para magkaroon ng ganang kumain ang mga tao. Tinatandaan ito ng isang taong mahina ang kakayahan: Kapag sobrang init ng panahon, dapat kumain ng malalamig na pagkain at uminom ng malalamig na inumin ang mga tao. Natatandaan niya ito nang mabuti at masigasig niya itong sinusunod. Gayumpaman, isang araw, kapag bumaba ang temperatura, hindi niya pinapansin kung malamig ito o hindi, at iniisip niya, “Tag-araw naman ngayon, kaya dapat maghanda pa rin ako ng malalamig na pagkain at inumin. Araw-araw kong gagawin ang mga ito para lubusan mong matamasa, para ganap kang makapagpalamig. Wala akong pakialam kung bumaba man o hindi ang temperatura!” Hindi lang siya naghahanda ng malalamig na pagkain, kundi pati sa mga pansit, binubuhusan niya ang mga ito ng malamig na tubig, at pagkatapos ay sinusundan ng malamig na inumin ang pagkain, nagdadagdag pa nga ng kaunting yelo. Nang makita ito ng ilang tao, sinasabi nila: “Ang lamig ngayon. Paanong naghahanda ka pa rin ng malalamig na pagkain? At nilalagyan mo pa ng yelo ang malalamig na inumin—gusto mo bang manigas kami sa lamig?” Nasasaktan ang taong nagluluto at sinasabi niya: “Ganoon ba talaga ako kamapaminsala? Napakainit ng tag-araw—hindi ba’t ginagawa ko lang ito para makapagpalamig ang lahat at mas makakain pa nang kaunti? Hindi ba’t pagsunod ito sa mga prinsipyo at pagsasaalang-alang sa lahat? Paanong mali ako? At ngayon, sinasabi ninyo na gusto kong manigas kayo sa lamig—ganoon na ba talaga ako kawalang moralidad? Ganoon ba talaga kasama ang pagkatao ko? Sadyang sobra kayong walang pagsasaalang-alang sa akin!” Sa paghahanda ng pagkain sa ganoong paraan, sumusunod ba siya sa mga prinsipyo? Ano ang prinsipyo rito? Ito ay ang iangkop ang pagkain at inumin ayon sa lagay ng panahon at temperatura. Sa tag-araw kapag mainit ang panahon, ang pagkonsumo ng medyo malalamig na pagkain o inumin na nakakapukaw sa gana ng mga tao—isa itong prinsipyo, hindi ba? Isa itong prinsipyo. Pero ngayon, sa biglaang pagbaba ng temperatura, paano dapat ilapat ang prinsipyong ito? (Kapag biglaang bumaba ang temperatura, hindi na puwedeng manatili sa paghahanda ng malalamig na pagkain o ensalada ang taong nagluluto gaya ng ipinayo sa kanya noon, kundi dapat siyang umangkop batay sa lagay ng panahon, at sa halip ay dapat siyang maghanda ng maiinit na pagkain. Hindi siya puwedeng sumunod sa mga regulasyon.) Tama iyan. Kapag lumalamig ang lagay ng panahon paminsan-minsan sa tag-araw, hindi ka puwedeng manatili sa paghahanda ng malalamig na pagkain at inumin sa tag-init—hindi mo puwedeng sundin ang regulasyong ito. Kapag biglang bumaba ang temperatura, dapat ding magbago agad ang kinakain at iniinom ng mga tao. Hindi na dapat maghanda ng malalamig na pagkain at inumin, at talagang hindi dapat magdagdag ng yelo. Sa halip, dapat kang magluto ng maiinit na pagkain, maghanda ng mainit na pansit, at dapat mong iangkop ang pagkain at inumin ayon sa temperatura at lagay ng panahon. Ito ang prinsipyo. Pero ang taong mahina ang kakayahan, basta’t tag-araw, ay nananatili sa paghahanda ng malalamig na inumin at pagkain, anuman ang temperatura o lagay ng panahon—ano ang problema rito? (Pagsunod sa mga regulasyon.) Ito ay pagsunod sa mga regulasyon, kawalan ng kakayahang ilapat ang mga prinsipyo nang pleksible ayon sa mga sitwasyon. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong mahina ang kakayahan pagdating sa kung paano nila ginagawa ang mga bagay-bagay—naaalala nila ang isang pahayag at itinuturing itong isang regulasyon na susundin, at paano man magbago ang kapaligiran, mga tao, pangyayari, at bagay, hindi nila kayang ilapat ang mga prinsipyo nang pleksible para pangasiwaan ang mga usapin. Sa katunayan, ang resultang dapat matamo sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga prinsipyo tungkol sa pagkain at inumin ay ang matiyak na nakakakain ang mga tao sa paraang komportable ang katawan nila. Ang gayong mga prinsipyo ay hindi talaga mga regulasyon. Gayumpaman, ang mga sumusunod sa regulasyon, nang hindi isinasaalang-alang ang temperatura o lagay ng panahon, at walang pakialam kung komportable kang kumakain, ay nananatili sa paghahanda ng malalamig na pagkain at inumin basta’t tag-araw pa—ito ay tinatawag na pagsunod sa mga regulasyon. Ang pagsasagawa ayon sa mga prinsipyo ay nangangahulugan na umiikot sa pagkakamit ng magandang resultang iyon sa huli ang lahat ng ginawa. Gayumpaman, ang pagsunod sa mga regulasyon ay nagbabalewala sa resulta at tumutuon lamang sa mga pormalidad at paraan ng pagkilos. Ganito mismo pinangangasiwaan ng mga taong mahina ang kakayahan ang mga isyu—anuman ang mga bagay na lumitaw, ginagamit nila ang parehong pamamaraang ito para pangasiwaan ang mga ito.

Hindi makilatis ng mga taong mahina ang kakayahan ang anumang bagay na dumarating sa kanila. Kahit kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nakikinig sa mga sermon, may kaunting pagkabaluktot sa pagkaarok nila at hindi maiiwasang may kasaling mga paglihis. Sumusunod sila sa isang regulasyon, paraan ng pagkilos, o ritwal, na lubos na naiiba sa mga katotohanang prinsipyo, at dahil dito, maraming baluktot na bagay ang lumilitaw. Masasabi na ang pagkaarok ng mga taong mahina ang kakayahan sa anumang usapin ay palaging medyo may baluktot na kalikasan. Bagama’t sa mga bagay na simple at madaling pamahalaan ay maaari silang magkaroon ng pagsunod at pagpapasakop nang hindi nagpapakita ng pagkabaluktot, pagdating sa mga usaping nakabatay sa prinsipyo o sa mga medyo masalimuot na isyu, hindi nila maarok ang mga katotohanang prinsipyo, at alam lang nila kung paano sumunod sa mga regulasyon. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang mga taong mahina ang kakayahan ay ganap na walang abilidad na arukin ang katotohanan at alam lang nilang sumunod sa mga regulasyon. Labis din na mapanggulo ang gayong mga tao. Sila ay sobrang masigasig at determinado sa pagsunod sa mga regulasyon. Kung makikipagbahaginan ka sa kanila at sasabihin mo, “Ang ginagawa mo ay pagsunod sa mga regulasyon, hindi pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo,” hindi nila ito matatanggap. Pakiramdam nila: “Matatag akong sumusunod sa mga prinsipyo at hindi ako puwedeng makipagkompromiso sa iba! Ang iba ay hindi sumusunod sa mga prinsipyo at kinokondena sila dahil dito, pero kapag sumusunod ako sa mga ito, kinokondena rin ako. Hindi ito patas!” Kita mo kung gaano katigas ang ulo nila, talagang hindi mo sila makukumbinsi. Nakatagpo na ba kayo ng gayong mga tao? (Oo.) Halimbawa, sinasabi Ko sa ilang tao, “Kung gusto mong matutong sumayaw, puwede kang maglaan ng dalawang oras kada araw para mag-ensayo kapag hindi abala ang gawain. Kung magpupursige ka sa loob ng ilang panahon, matututunan mo ito.” Natatandaan nila ang pariralang “magpursige sa pag-eensayo nang dalawang oras araw-araw” at naniniwala sila na ang paggawa niyon ay pagsasagawa ng katotohanan at pagkapit sa mga prinsipyo. Pagkatapos, gaano man kaabala ang tungkuling ginagawa nila, nagpapatuloy pa rin sila sa pag-eensayo ng pagsayaw sa loob ng dalawang oras araw-araw. Sa isang yugto ng panahon kung kailan napakaabala ng gawain ng iglesia mula umaga hanggang gabi at wala na talaga silang mailaan na dalawang oras sa isang araw, iginigiit pa rin nila na magsanay sa pagsayaw sa loob ng dalawang oras. Kapag pinaalalahanan sila ng iba na maaari itong makaantala sa gawain ng iglesia, tumatanggi silang makinig at sinasabi nila, “Ang tagubilin sa akin ng Diyos ay na magsanay ako nang dalawang oras araw-araw sa pagsasayaw. Dapat kong gawin ito. Kung hindi ko ito gagawin, ibig sabihin ay masuwayin ako at walang pagpapasakop.” Kung sasabihin mo sa kanila na huwag itong gawin, ayaw pa rin nilang sumunod. Hindi nila kayang pangasiwaan ang mga bagay nang pleksible o ilapat ang mga salita Ko nang pleksible batay sa mga pangangailangan ng gawain o sa mga pangangailangan ng kapaligiran. Hindi nila nauunawaan kung bakit dapat silang mag-ensayo nang dalawang oras, kung ano ang kahalagahan ng pagsasanay sa loob ng dalawang oras, o kung ano ang resultang nilalayon nitong makamit. Hindi nila nauunawaan at hindi malinaw sa kanila ang mga bagay na ito. Para sa kanila, ang pagsasagawa ng katotohanan ay simpleng nangangahulugan ng pagsunod sa iisang pahayag, isang regulasyon, o isang pormalidad—na, sa kanilang paningin, ay pagsasagawa ng katotohanan. Hindi mahalaga kung nakakamit ang anumang resulta o kung ano ang nagiging resulta, mapagmatigas silang nagpapatuloy sa iisang landas, tumatangging bumalik anuman ang mangyari, kahit pa may humila sa kanila na sampung baka. Kahit lumihis sila sa kanilang pagsasagawa, patuloy nilang gagawin ito sa ganoong paraan. Kapag sinabihan na nagiging katawa-tawa sila, iginigiit pa rin nilang gawin ito. Hindi ba’t masyadong mapanggulo ang gayong mga tao? Kahit sino pa ang makipagbahaginan sa kanila, hindi ito umuubra. Matapos mong masidhing ipaliwanag nang malinaw ang mga bagay-bagay, maaari nilang maunawaan ang usaping ito ngayong araw, pero bukas, susunod sila sa mga regulasyon sa isa pang usapin, walang katapusang sumusunod sa mga regulasyon, at palagi mong kailangang ituwid sila. Pumapaling sila sa kaliwa o sa kanan, at lumilihis sa ganitong uri ng usapin o sa ganoong uri ng usapin—patuloy silang lumilihis nang walang katapusan. Nababalisa ka sa panonood sa kanila, pero hindi mo naman sila maituwid kahit paano mo subukan. Bakit? Dahil masyadong mahina ang kakayahan nila. Hindi nila kailanman matukoy ang kaibahan sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay, tama at mali, wasto at hindi wasto, ang katotohanan at mga regulasyon. Wala silang pamantayan para sa pagbukod-bukod sa mga usaping ito, walang abilidad na pagbukud-bukurin ang mga ito, at sadyang walang kakayahan na pagbukud-bukurin ang mga ito. Samakatwid, ang mga taong mahina ang kakayahan ay kaya lang gumawa ng gawain at gampaning nakabatay sa regulasyon, o gawaing may isang aspekto na walang kaugnay na mga katotohanang prinsipyo, gaya ng pagsunod sa isang nakagawiang iskedyul araw-araw, paggawa ng isang gawain sa isang partikular na oras at ng isa pang gawain sa ibang takdang oras—ibig sabihin, kaya lang nilang pangasiwaan ang mga simpleng gampanin kung saan ang pagsunod sa iskedyul, sa mga pormalidad at sa paraan ng paggawa ng mga bagay ay sapat na para magampanan nang maayos ang gawain. Pero hindi nila kayang mangasiwa ng gawain na medyo mas masalimuot. Sa sandaling kailangan nilang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo at magkamit ng mga partikular na resulta, hindi nila matupad ito. Kung magtatalaga ka sa kanila ng isang aytem ng gawain na kung saan hinihingi sa kanila na pleksibleng ilapat ang mga katotohanang prinsipyo, pangasiwaan ang iba’t ibang isyu nang naaayon, at umangkop ayon sa kapaligiran, nalilito sila at hindi nila matupad ito. Kailangan nila ng isang taong tutulong at magbibigay-tagubilin sa kanila; hindi mo sila maaasahan na magawa nang maayos ang gawain nang nakapagsasarili. Paano dapat tratuhin ang gayong mga tao? Bagama’t kaya nilang magpatuloy sa paggawa ng kanilang tungkulin nang nakagawian araw-araw, kapag naharap sa mga di-inaasahang sitwasyon, hindi nila alam kung paano tumugon at baka tumigil pa nga sila sa paggawa ng kanilang tungkulin. Para sa gayong mga tao, kinakailangan na madalas mag-usisa at mag-inspeksiyon sa gawain nila, tinatanong na, “Sa panahong ito, nagkaroon ba ng anumang mga pagkagambala o kaguluhan sa gawain ng iglesia? Nagkaroon ba ng anumang masalimuot na problema na hindi mo alam kung paano pangasiwaan?” Pagkatapos itong pag-isipan, sasabihin nila, “Naging maayos naman ang lahat sa panahong ito. Ginagawa ng bawat isa ang tungkulin nila at normal silang nakakapagtipon at nakakakain at nakakainom ng mga salita ng Diyos. Walang sinuman ang nanggambala o nanggulo, at wala akong nabalitaang sinuman na nagpapakalat ng mga maling kaisipan para ilihis ang iba.” Wala silang matukoy na anumang mga problema at hindi nila alam kung ano ang iuulat, ni hindi sila makapaghain ng mga katanungan. Kaya naman, hindi mo sila maaasahan na mag-isang mangasiwa o lumutas sa mga isyu na lumilitaw sa totoong buhay o sa paggawa ng kanilang tungkulin. Hindi ka rin makakaasa sa kanila na humanap sa mga nakatataas sa kanila o magtanong sa mga ito kapag hindi nila alam kung paano pangasiwaan ang isang bagay. Hindi nila kayang makamit ang alinman sa mga ito dahil kulang ang kakayahan nila. Kung hindi nag-uulat ng mga problema ang gayong mga tao sa mga nakatataas sa kanila, maaaring isipin ng iba na wala silang mga problema. Gayumpaman, hindi ito ang kaso. Hindi nila matukoy kahit ang mga ordinaryong problema, kahit pa matambak sa harap nila ang mga problema, hindi nila nakikita ang mga ito bilang mga problema. At kaya, hindi rin sila lumulutas ng mga problema. May ulo sila, na may dalawang mata at dalawang tainga; nakakakita, nakakarinig, at nakakapagsalita sila, pero hindi sila makatukoy o makalutas ng mga problema. Dahil lubos silang walang kakayahan at abilidad na tumukoy at mangasiwa ng mga problema, kahit gaano pa sila katalino tingnan batay sa kanilang hitsura, wala itong silbi. Hindi nila kayang kunin at iproseso sa isipan nila ang kanilang nakikita o naririnig para mapag-isipan at makilatis kung ang mga ito ba ay mga problema o kung paano dapat pangasiwaan ang mga ito. Kung hindi nila kayang pangasiwaan ang mga problemang may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, hindi rin nila iuulat ang mga ito sa mga nakatataas sa kanila. Ganap silang walang kakayahan na gawin ang alinman sa mga ito. Hindi ba’t ipinapakita nito na mahina ang kakayahan nila? Hindi ba’t ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan? (Oo.) Kung tatanungin mo ang isang taong may mahinang kakayahan, “Nagkaroon ba ng anumang mga problema sa gawain sa panahong ito? Mayroon bang anumang mga aspekto kung saan hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo?” sasagot siya, “Walang anumang mga problema; abala ang lahat, at talagang maayos ang takbo ng lahat ng bagay!” Para sa kanya, ayos lang ang lahat. Bilang isang lider o manggagawa, kung naniniwala ka lang sa kanya kapag sinasabi niyang ayos lang ang lahat, masyado kang hangal at kagaya ka rin niya na isang taong may mahinang kakayahan. Ang mga taong may mahusay na kakayahan ay hindi lang alam kung paano malaman ang tungkol sa mga problema, kundi dapat magawa rin nilang tukuyin ang mga ito nang mag-isa. Kaya nilang makibahagi sa mga pag-uusap na tumutuon sa mga problema, at habang nakikipag-usap sila, natural na lumilitaw ang mga problema. Kapag may natuklasan kang isang problema at tinanong mo ang isang taong mahina ang kakayahan kung paano niya ito pinangasiwaan, sasagot siya, “Anong problema? Paanong hindi ko ito napansin?” Hindi kayang matukoy ng mga taong mahina ang kakayahan ang mga problema, kaya, sa paggawa ng gawain, kailangan mong maging mahusay sa pag-alam tungkol sa mga problema at pagtukoy sa mga ito, masunggaban ang mga problema at huwag bumitiw, at pagkatapos ay tumulong sa pangangasiwa at paglutas sa mga ito. Kailangan mong malaman kung paano makipag-usap sa mga taong may mahinang kakayahan, tinatanong at inuusisa sila sa paraang nakikipagkuwentuhan, para matukoy ang mga problema. Habang nakikipagkuwentuhan, hindi namamalayang babanggitin nila mismo ang mga problema. Kung hindi makikipagkuwentuhan nang ganito, magiging imposible na matukoy ang mga problemang ito. Dahil nakikipagkuwentuhan ka sa kanila sa ganitong paraan, nabibigyang-inspirasyon sila at bigla nilang matutukoy ang mga problema. Kung hindi mo gagamitin ang ganitong diskarte para alamin ang tungkol sa sitwasyon, talagang hindi nila nakikita ang mga usaping ito bilang mga problema. Kaya, kapag nalalantad ang mga problema sa pagkukuwentuhan ninyo, kailangang linawin ang mga ito nang paunti-unti, na tulad ng pagpiga sa toothpaste. Medyo mapapahiya lang sila kapag nalutas na ang lahat ng problema. Hindi ba’t ipinapakita nito na mahina ang kakayahan nila? (Oo.) Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan: Kahit mayroong mga problema, hindi nila matukoy ang mga ito, at dahil hindi nila matukoy ang mga problema, hindi nila kailanman nagagawang banggitin o lutasin ang mga ito. Sabihin mo sa Akin, kung hindi nila matukoy ang mga problema, magagawa kaya nila nang maayos ang kanilang gawain? Magagawa kaya nila nang maayos ang gawain sa pamamagitan ng pagsunod sa mga regulasyon? (Hindi.) Talagang hindi. Isa itong pagpapamalas ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Kung sasabihin mo na mahina ang kakayahan nila, iisipin pa nga nila na, “Napakahusay ng kakayahan ko! Pagkatapos magsalita ang Diyos tungkol sa isang bagay, agad kong naaarok ang isang paraan ng pagkilos o regulasyon, at kaya kong sundin ito habambuhay. Kita mo? Hindi ba’t mahusay ang kakayahan ko? Bigo kayong lahat na maarok ang mahahalagang punto, pero kaya ko. Halimbawa, sinabi sa akin na mainit ang panahon sa tag-araw at dapat tayong kumain ng malalamig na pagkain. Kaya, patuloy akong naghahanda ng malalamig na pagkain at naghahain ng malalamig na inumin—kaya kong sumunod sa tagubilin na ito. Kita mo, wala sa inyo ang kayang sumunod dito, at palagi kayong nag-uusap tungkol sa mga prinsipyo. Hindi ba’t mga regulasyon lang ang mga prinsipyo? Kung susunod ka sa mga regulasyon, hindi ba’t pagsunod iyon sa mga prinsipyo?” Iniisip pa nga nila na mahusay ang kakayahan nila, naniniwala na kaya nilang arukin ang mahahalagang punto ng isang isyu, at na mula sa isang mahabang sermon, maaari silang pumili ng iisang pahayag, paraan ng pagkilos, regulasyon, o kahit isang parirala o salita na pakiramdam nila ay kailangan nilang sundin. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t mapanggulo ito? Napakaraming gayong mga tao. Kapag nakikipagbahaginan ka tungkol sa iba’t ibang detalye ng katotohanan, hindi sila makaunawa at sinasabi pa nga nila na, “Nakakaabala naman! Sadyang ayaw mong tumigil sa pagsasalita. Hindi ba’t tungkol lang naman ito sa hindi pagsasabi ng mga salitang iyon o hindi paggawa sa ganoong uri ng bagay? Sundin lang ang isang pahayag na iyon at iyon na lahat—usapin lang ito ng isang pahayag. Bakit mo pa ito ginagawang masyadong nakakaabala? Tinutukoy mo pa ang kaibahan ng mga kalagayan, kapaligiran, at ang pagkatao ng iba’t ibang klase ng tao, at ang kaibahan sa pagitan ng baluktot at dalisay na pagkaarok. Talaga bang maraming sangkot na detalye? Bakit dapat maging masyadong partikular? Masyado kang mabusisi!” Kinokondena pa nga nila ang iba. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan.

Ano ang mga katangian ng mga taong may mahinang kakayahan? Hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo; anumang aspekto ng mga katotohanang prinsipyo ito, itinuturing nila ito bilang isang uri ng regulasyon o pormula, at pagkatapos ay susundin nila ito nang may walang kapagurang kasigasigan. Kaya nilang magsalita ng maraming doktrina at kaya inaakala nila na nauunawaan nila ang mga katotohanang prinsipyo, pero ang totoo, hindi nila nauunawaan ang katotohanan kahit kaunti. Kung ipapaliwanag mo ang ilan sa mga prinsipyo para sa mga lider at manggagawa na gumagawa ng gawain, hinihiling sa gayong mga tao na gumawa ng gawain at mangasiwa ng iba’t ibang problema batay sa pag-unawa sa mga prinsipyong ito, tiyak na ang mga iyon ay hindi magagamit ng mga taong ito na mahina ang kakayahan. Hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyong ito, ni kayang gamitin ang mga katotohanang prinsipyong ito para gumawa ng gawain. Kapag aktuwal na silang bumababa para gumawa, ito ay ganap na pagsunod sa mga regulasyon, pagsunod sa mga protokol, at mekanikal na paggamit sa mga dogma. May ilang tao na gustong sumunod sa mga katotohanang prinsipyo, pero dahil mahina ang kakayahan nila at hindi nila matamo ang pagkaunawa sa katotohanan, hindi nila magawang sumunod sa mga prinsipyo. Anuman ang gawaing ginagawa nila, kapag nahaharap sa mga problema, hindi nila alam kung ano ang gagawin at nabibigatan sila—hindi nila magawa nang maayos ang anumang gawain. Kapag nakikipagbahaginan ang mga nakatataas tungkol sa mga prinsipyo, pakiramdam nila ay nauunawaan, naaarok, nawawari, at natatandaan nila ang lahat ng ito. Pero kapag nahaharap sila sa mga problema sa totoong buhay, nalilito sila, dahil walang silbi ang mga doktrina at regulasyong naunawaan nila, kaya iniisip nila na: “Ano na ang dapat kong gawin ngayon?” Hindi nila alam kung saan sisimulan ang gawain, hindi nila alam kung anong mga pamamaraan ang gagamitin para gawin ang gawain, hindi nila alam kung paano ipapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, at lalong hindi nila alam kung aling mga problema ang dapat malutas ngayon din para magarantiya ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia—hindi nila alam ang alinman sa mga ito. Bilang resulta, gaano man sila katagal gumagawa, walang mga resulta, at hindi maipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Ni hindi nila malutas ang isyu tungkol sa kung paano pagandahin ang buhay iglesia. Hindi nila maipatupad kahit ang pinakabatayang gawain at hindi nila alam kung paano ito ipatupad. Kaya lang nilang magsalita ng mga doktrina sa mga tao at hilingin sa mga ito na sumunod sa mga regulasyon. Pagdating sa pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain at paggawa ng kongkretong gawain sa iglesia, nalilito sila at hindi nila ito magawa. Iniisip nila, “Paano ba dapat ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain na ito? Aling mga regulasyon ang dapat sundin?” Hindi nila makita nang malinaw ang mga bagay na ito. Ngunit mayroon pa rin silang isang huling panlaban: Naniniwala sila na hangga’t nagdaraos sila ng mas maraming pagtitipon, malulutas ang mga problema. Kaya, ang paraan nila ng paggawa ng gawain ay ang walang humpay na magdaos ng mga pagtitipon at magbigay ng mga sermon. Kapag napupukaw at napapasabik ang lahat sa sermon nila, iniisip nila na nalutas na ang lahat ng problema at na wala nang mga problema, at na hangga’t masigasig ang lahat, nagagawa nang maayos ang lahat ng gawain. Pero pagkatapos ng ilang araw ng mga pagtitipon, lumalabas na bukod sa hindi pa rin nalulutas ang mga tunay na problema, at wala pa ring ibinubungang mga resulta sa mga tungkuling ginagampanan ng mga tao, wala ring anumang pag-usad sa gawain ng iglesia. Pero may gana pa rin silang magbigay ng mga sermon. Ang mga taong mahina ang kakayahan ay walang natatamong mga resulta kahit gaano pa sila katagal gumagawa ng gawain, at hindi nila maipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain kahit gaano karaming oras ang ibinibigay sa kanila—wala silang kahusayan o pagiging epektibo. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong mahina ang kakayahan. Ang mga pagpapamalas ng mga taong mahina ang kakayahan ay katulad mismo ng paglalarawan Ko, ni hindi pa kasali riyan ang tungkol sa mga taong walang kakayahan. Gaano man karaming sermon ang naririnig nila o gaano man karaming katotohanan ang ibinabahagi ng iba sa kanila, hindi nila maarok ang mga katotohanang prinsipyo, at ni hindi maarok ang mga pinakabatayang regulasyon na dapat sundin. Kapag ganito kahina ang kakayahan ng isang tao, hindi niya maabot ang mga katotohanang prinsipyo. Kahit makipagbahaginan sa kanya ang iba tungkol sa katotohanan, hindi siya makahanap ng isang landas ng pagsasagawa, at kailangan nila ng isang tao na magbibigay sa kanila ng mga espesipikong tagubilin bago pa nila malaman kung paano magsagawa. Ang gayong mga tao ay parang mga reengkarnasyon na mula sa mga hayop; palaging malabo at hindi malinaw ang isip nila, at hindi nila kailanman matukoy kung ano ang mga prinsipyo at kung ano ang mga regulasyon. Sa puso nila, sinasabi nila: “Bakit ba palaging sumasakit ang ulo ko at inaantok ako kapag naririnig ko ang mga bagay na ito?” Sa huli, nakakabuo sila ng kongklusyon: “Bukod sa hindi ko maaabot ang mga katotohanang prinsipyo, ni hindi ko rin masunod ang mga regulasyon, kaya, sa hinaharap, magniningning ako sa abot ng aking makakaya gaano man kalakas ang liwanag na natitira sa akin, gugugol ng labis na pagsisikap sa abot ng aking abilidad, at gagawin lang ang anumang kaya kong gawin, at sapat na iyon.” Inaalo pa nga ng ilan sa mga taong ito ang kanilang sarili, sinasabing, “Hindi ko man alam kung paano sumunod sa mga regulasyon, ni hindi ko nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, pero mayroon akong mapagmahal-sa-Diyos na puso!” Kung tunay na kaya nilang mahalin ang Diyos, hindi iyon masama, pero sa ganoon kahinang kakayahan, hindi man lang nila nauunawaan ang katotohanan—maaari kayang maging tunay ang pagmamahal nila sa Diyos? Ang mga taong walang kakayahan ay walang abilidad na umarok sa lahat ng aspekto at ni hindi sila nagtataglay ng abilidad na sumunod sa mga regulasyon. Ang ilang taong mahina ang kakayahan, kapag nagsasagawa ng katotohanan, ay nakakakapit kahit papaano sa isang medyo nauunawaang prinsipyo, regulasyon, o pormula at sa gayon ay naisasagawa nila nang kaunti ang katotohanan. Gayumpaman, ang mga taong walang kakayahan ay hindi man lang kayang umarok o sumunod sa mga bagay na nakabatay sa regulasyon—mas lalong kahabag-habag ang ganitong klase ng tao.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.