Paano Hangarin ang Katotohanan (1) Unang Bahagi

Ang Unang Pagsasagawa Para sa Paghahangad sa Katotohanan: Pagbitiw

Matagal-tagal tayong nagbahaginan sa paksang ito ng kung paano hangarin ang katotohanan, at lahat ng napagbahaginan natin ay kinasasangkutan ng isang aspekto ng pagsasagawa tungkol sa kung paano hangarin ang katotohanan: ang pagbitiw. Ibig sabihin, ang nilalaman ng pagbabahaginan natin ay pawang tungkol sa mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao sa proseso ng pananampalataya sa Diyos at paghahangad ng katotohanan, na siya ring mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao sa buhay nila at sa landas ng buhay na tinatahak nila. Ang mga ito ang ilan mismo sa mga bagay na nakakaimpluwensiya sa paghahangad ng mga tao ng katotohanan. Kaya ano ang unang aytem ng nilalaman natin tungkol sa pagbitiw? (Ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon ng mga tao.) At ano ang ikalawang aytem? (Ang pagbitiw sa mga paghahangad, adhikain, at pagnanais ng mga tao.) Ang unang aytem ng nilalaman natin sa pagbitiw ay ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon, at ang ikalawa ay ang pagbitiw sa mga paghahangad, adhikain, at pagnanais ng mga tao. Sumasaklaw ang bawat aytem sa marami-raming maliit na paksa at detalye, tama ba? (Oo.) Anuman ang pinagbabahaginan natin, o anumang mga kategorya at aytem ang nakapaloob sa nilalamang ito, at ilan mang halimbawa ang ibinigay, o ilan mang kalagayan o ilan mang diwa ng mga problema ang inilantad, sa madaling salita, ang lahat ng nilalamang pinagbahaginan natin ay nauugnay sa iba’t ibang problemang kinakaharap ng mga tao sa proseso ng pananampalataya sa Diyos at ng paghahangad ng katotohanan o sa tunay na buhay nila, pati na sa mga landas ng pagsasagawa na dapat piliin ng mga tao at sa mga katotohanang prinsipyong dapat nilang sundin sa tuwing nahaharap sila sa mga problemang ito. Ang iba’t ibang aspektong sangkot sa mga problemang ito ay hindi hungkag at hindi lang umiiral sa mga kaisipan ng tao o sa mga espirituwal na mundo. Sa halip, umiiral ang mga ito sa tunay na buhay ng mga tao. Kaya, kung handa kang maghangad ng katotohanan, anumang uri ng mga problema ang kaharapin mo, umaasa Akong mahahanap mo ang katotohanan at matatagpuan ang mga kaugnay na katotohanang prinsipyo para gawing batayan mo, matutuklasan ang landas ng pagsasagawa, at nang sa gayon ay magkakaroon ka ng landas na susundan sa tuwing nahaharap ka sa mga problemang ito. Isa itong pangunahing layon ng pagbabahaginan tungkol sa lahat ng nilalamang ito. Bagama’t tapos na tayong magbahaginan tungkol sa lahat ng katotohanang ito, kailangan ng mga tao ng ilang panahon para makapasok sa mga katotohanang realidad na ito. Dapat magsimula ang mga tao sa pagbabahaginan tungkol sa mga katotohanang ito, at dapat nilang gawing batayan nila ang iba’t ibang katotohanang prinsipyo, at baguhin ang mga pananaw nila sa lahat ng uri ng bagay, gayundin ang kanilang mga saloobin sa buhay at mga pamamaraan ng pag-iral. Sa ganoong paraan, sa proseso ng pananampalataya sa Diyos o sa proseso ng pamumuhay at pag-iral, sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga katotohanang prinsipyong ito, ang mga tao, nang hindi ito namamalayan, ay magagawang baguhin ang iba’t iba nilang walang-katotohanang kaisipan, pananaw, o saloobin at pamamaraan sa pag-iral na dati nang umiiral, luma, at nagmula kay Satanas, at magagawa nilang iwaksi ang mga tiwaling disposisyon nila. Samakatwid, ang mga salitang ito na pinagbahaginan natin noon at ang mga salitang pagbabahaginan natin sa hinaharap ay hindi isang uri ng kaalaman, o isang uri ng akademikong pag-aaral, at tiyak na hindi isang teorya ang mga ito. Sa halip, ginagamit ang mga ito para gabayan, patnubayan, at tulungan ang mga tao na lutasin ang iba’t ibang problema at paghihirap na nararanasan nila sa pang-araw-araw nilang buhay. Sa tuwing nakakaranas ka ng isang problema, o sa tuwing nahaharap ka sa isang sitwasyon, o sa isang tao, pangyayari, o bagay, maaari kang maghanap sa loob ng nilalaman ng pagbabahaginan natin para sa mga katotohanang pamantayan na dapat mong sundin at isagawa, para makakilos ka nang gamit ang katotohanan bilang batayan at pamantayan mo, sa halip na magsagawa ayon sa mga tiwaling disposisyon mo at sa mga luma at maling pananaw mo. Ang layunin ng pananampalataya ng mga tao sa Diyos ay ang hangarin ang katotohanan, pero ang layunin ng paghahangad ng katotohanan ay hindi ang punan ang hungkag na buhay ng mga tao, o ang baguhin ang hungkag na buhay nila, o ang pagyamanin ang mga espirituwal na mundo nila. Ano ang layunin ng paghahangad ng katotohanan? Para sa mga tao, ang layunin ay ang iwaksi ang mga tiwaling disposisyon nila para maligtas sila; siyempre, ang pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao ay para din makapagpasakop sa Diyos, at matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Pero para sa Diyos, ang layunin at kabuluhan ng paghahangad ng mga tao ng katotohanan ay hindi labis na ordinaryo; hindi lang ito tungkol sa pagkakaligtas ng isang tao. Sa halip, ito ay tungkol sa pagkamit ng Diyos ng isang taong hindi na naloloko ng mga tiwaling disposisyon ni Satanas, at siyempre, tungkol din ito sa pagkamit ng isang uri ng taong puwedeng maging kaayon ng Diyos; ang mas mahalaga, ito ay tungkol sa pagkakamit ng Diyos, mula sa nilikhang sangkatauhan, ng isang klase ng taong gusto Niya, isang taong kayang pamahalaan ang lahat ng bagay at umiral magpakailanman kasama ang lahat ng bagay. Ang kabuluhang ito ay hindi kasingsimple ng maligtas lang, gaya ng sa mga tao. Samakatwid, para man ito sa mga tao o sa Diyos, napakahalaga ng paghahangad ng katotohanan. Dahil napakahalaga nito, ang nilalaman ng isang aspekto ng pagsasagawa tungkol sa paghahangad ng katotohanan—ang “pagbitiw”—ay napakahalaga para sa lahat ng gustong hangarin ang pagkamit ng kaligtasan. Dahil napakahalaga ng pagsasagawa ng “pagbitiw,” ang iba’t ibang katotohanang prinsipyong nauugnay sa “pagbitiw,” gayundin ang iba’t ibang kalagayan, mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at mga tiwaling kaisipan at pananaw tungkol sa pagsasagawa ng “pagbitiw” na nalantad na, ay mga bagay na dapat lubusang maunawaan ng mga tao. Kapag sinuri at inunawa ng mga tao ang mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw na madalas na nabubunyag sa pang-araw-araw na buhay, pati na rin ang kanilang mga tiwaling disposisyon at mga pagbubunyag ng katiwalian, at nang sa gayon ay makilala ang sarili nila, at maunawaan at matanggap ang isang aspekto ng katotohanan, at pagkatapos ay magsagawa nang ayon sa mga nauugnay na katotohanang prinsipyo, saka lang nila makakamit ang layunin ng paghahangad sa katotohanan. Halos tapos na natin ang pagbabahaginan natin sa yugtong ito ng panahon tungkol sa dalawang pangunahing aytem ng “pagbitiw” na nakapaloob sa kung paano hangarin ang katotohanan. Ano ang unang aytem? Ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon ng mga tao. Ano ang ikalawang aytem? Ang pagbitiw sa mga paghahangad, adhikain, at pagnanais ng mga tao. Bagama’t tinalakay natin ang maraming nilalaman sa pagbabahaginan natin tungkol sa dalawang aytem na ito, ang mas mahalaga ay kailangan mong maunawaan ang bawat isa sa mga partikular na katotohanang prinsipyong sangkot sa mga paksang ito. Kapag nauunawaan na ng mga tao ang mga katotohanang prinsipyo, saka lang sila makakaasal at makakakilos ayon sa mga katotohanang prinsipyong ito sa pang-araw-araw nilang buhay at sa landas nila sa buhay, unti-unting makakapasok sa katotohanang realidad, at sa proseso ng paghahangad ng katotohanan, unti-unti nilang matatamo ang mga resulta ng pag-unawa at pagkamit sa katotohanan.

Pagbitiw sa mga Hadlang sa Pagitan ng Sarili at ng Diyos at sa Pagkamapanlaban Nila sa Diyos

Ang dalawang aytem ng pagsasagawa ng “pagbitiw” na nakapaloob sa kung paano hangarin ang katotohanan na pinagbahaginan natin dati ay nauugnay sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, sa iba’t iba nilang kaisipan at pananaw, at sa iba’t ibang problemang kinakaharap nila sa pang-araw-araw nilang buhay. Pero may isa pang mas mahalaga, o masasabing mas malaking aytem na nakapaloob sa “pagbitiw” na talagang dapat nating pagbahaginan. Ano ang aytem na iyon? Nauugnay ito sa mga saloobin ng mga tao sa Diyos, sa mga kaisipan at pananaw nila tungkol sa Diyos, at ang mga prinsipyo ng pagsasagawa kung saan nakaayon ang pagtrato nila sa Diyos sa pang-araw-araw nilang buhay. Masasabing ang aytem na ito ay medyo mas mahalaga kaysa sa naunang dalawa. Dahil ang aytem na ito ay direktang nauugnay sa mga saloobin ng mga tao sa Diyos, sa mga kaisipan at pananaw nila sa Diyos, at sa ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, ito ang huling tatalakayin natin sa ilalim ng aytem na ito ng “pagbitiw,” at siyempre, ito rin ang pinakamahalaga. Ang ilang paksa na nakapaloob sa dalawang aytem na tinalakay natin dati ay nauugnay sa ilang saloobin at pananaw na kinikimkim ng mga tao tungkol sa Diyos, o sa ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, pero pagdating sa perspektiba na ginamit natin sa pagbabahaginan natin, sa pundamental ay hinimay natin ang iba’t ibang problema ng mga tao mula sa perspektibang pantao—hinimay natin ang iba’t ibang tiwaling disposisyon o mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw ng mga tao na nakapaloob sa konteksto ng iba’t ibang uri ng mga problema nila. Ang pagbabahaginan natin ngayon ay may kinalaman sa mga saloobin ng mga tao sa Diyos at sa mga kaisipan at pananaw nila tungkol sa Diyos. Ang mga ito ang pinakamahahalagang bagay na dapat bitiwan ng mga tao sa proseso ng paghahangad ng katotohanan. Hindi rin masyadong simple ang aytem na ito, dahil sinuman sila, o anumang uri sila ng tao, walang tao ang may iisang uri lang ng saloobin sa Diyos o iisang uri ng kaisipan at pananaw tungkol sa Diyos, at siyempre, ang ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos ay hindi lang iisang uri ng ugnayan, at hindi rin ito kinasasangkutan ng iisang uri ng kalagayang pantao. Dahil sa iba’t ibang saloobin ng mga tao sa Diyos, at dahil sa iba’t ibang kaisipan at pananaw na kinikimkim ng mga tao sa pagkakakilanlan, katayuan, at wangis ng Diyos, pati na sa ibang mga dahilan, umuusbong ang iba’t ibang uri ng ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Kaya, pagbabahaginan natin ngayon ang aytem na ito at titingnan kung anong malulubhang problema o imposibleng malutas na mga alitan ang umiiral pa rin sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at kung ano pa ba mismo ang kailangang bitiwan ng mga tao. Pagkatapos itong maunawaan, kung isa kang taong naghahangad sa katotohanan, bubuti ang ugnayan mo sa Diyos, at unti-unting magiging malapit sa pagiging tama, positibo, o naaayon sa katotohanan ang pananaw mo tungkol sa Diyos. Ang ikatlong aytem ng nilalaman ng pagbitiw ay dapat ang bitiwan ang mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at ang pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos—ito ang ikatlong aytem ng mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao. Bago tayo pormal na magbahaginan sa paksang ito, talakayin muna natin nang maiksi kung aling mga problema sa pang-araw-araw na buhay ang kinasasangkutan ng mga hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at ng pagkamapanlaban ng mga tao sa Diyos. Maliban sa mga subhetibong isyung may kinalaman sa mga tao mismo, hindi ba’t may kung ano-anong problema sa kung paano tinatrato ng mga tao ang Diyos sa proseso ng kanilang pananampalataya sa Diyos at paghahangad ng katotohanan? Ang mga tao ay may kung ano-anong walang-katotohanang kaisipan at pananaw, at maling prinsipyo ng pagsasagawa sa kung paano nila tinatrato ang iba’t ibang pangyayari at bagay, at sa gayunding paraan, may kung ano-ano silang walang-katotohanang kaisipan at pananaw, at maling prinsipyo ng pagsasagawa sa kung paano nila tinatrato ang Diyos. Kung, para sa lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay, nagagawa mong tratuhin ang mga ito at magsagawa batay sa mga katotohanang prinsipyo—ibig sabihin, kung nalalaman mo ang mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw na kinikimkim mo tungkol sa lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay, at kasabay nito ay itinutuwid at binibitiwan mo ang mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw na ito, at pagkatapos ay hinaharap at nilulutas mo ang iba’t ibang problema ayon sa mga tamang kaisipan at pananaw na sinasabi ng Diyos sa mga tao—kung gayon, ang mga prinsipyo mo ng pagsasagawa sa kung paano mo tinatrato ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay ay medyo maaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Maituturing ba itong palatandaan na naligtas na ang isang tao? Kung titingnan ito ngayon, hindi. Kung hindi Ko binanggit ang nilalaman ng pagbabahaginan ngayon, maaaring inisip ng mga tao, “Pagdating sa lahat ng uri ng bagay, nagagawa kong tingnan ang mga ito at magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo sa mga salita ng Diyos, kaya tingin ko ay isa akong taong naghahangad ng katotohanan, isang taong nagkamit ng mga resulta sa paghahangad ng katotohanan, at isang taong naligtas.” Kung susuriin batay sa paksang tinalakay Ko ngayon—ang iba’t ibang saloobing kinikimkim ng mga tao sa Diyos—tumutugma ba sa mga katunayan ang ideya nilang ito? (Hindi, hindi ito tumutugma.) Malinaw na hindi ito tumutugma sa mga katunayan. Maaaring mayroon kang partikular na batayan at partikular na positibong saloobin sa kung paano mo tinatrato ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, pero mayroon pa ring iba’t ibang uri ng hadlang sa pagitan mo at ng Diyos, at mapanlaban pa rin ang saloobin mo sa Diyos pagdating sa iba’t ibang isyu. Malubha ang problemang ito, at ito ang pinakamalaki sa lahat ng problema. Sa panahong sinusundan mo ang Diyos at ginagawa ang tungkulin mo, ang paggampan mo sa lahat ng aspekto ay tila napakadisente para sa iba, at sa panlabas ay mukhang alinsunod sa katotohanan at sa mga prinsipyo. Gayumpaman, maraming kuru-kuro tungkol sa Diyos at mga hadlang sa pagitan mo at ng Diyos sa puso mo, at nagkikimkim ka pa nga rin ng mapanlabang saloobin sa Diyos kapag nahaharap ka sa maraming problema. Napakalubha ng mga isyung ito. Kung umiiral nga ang mga isyung ito sa puso mo, hindi nito pinapatunayan na isa kang naligtas na tao. Dahil marami pa ring hadlang sa pagitan mo at ng Diyos, at nagkikimkim ka pa rin ng mapanlabang saloobin sa Diyos pagdating sa mga pangunahin at mahalagang isyu, hindi ka lang isang hindi naligtas na tao, kundi nasa panganib ka rin. Kahit na naniniwala kang nagagawa mong kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo kapag nakakaranas ka ng maraming isyu sa buhay, at medyo tugma sa katotohanan ang mga kilos mo, masasabi na ito ay panlabas na anyo lang at hindi nito mapapatunayan na naligtas ka na. Ito ay dahil hindi ka pa nagkamit ng pagiging magkaayon sa ugnayan mo sa Diyos, at hindi ka pa nagpapasakop sa Diyos o natatakot sa Kanya. Samakatwid, sa tuwing nangyayari sa iyo ang iba’t ibang bagay, maaari lang magpakita ang panlabas mong pag-uugali o ang mga kaisipan at pananaw mo na sumunod ka sa mga doktrina, islogan, at regulasyong pinaniniwalaan mong tama sa mga usaping ito, sa halip na sumunod sa mga katotohanang prinsipyo. Maaaring ito ay isang diyalektikong ugnayan, at maaaring komplikado ito pakinggan, pero pagkatapos nating magbahaginan tungkol sa partikular na nilalaman ng pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos, at magsuri ang mga tao nang maingat, mauunawaan nila ang kahulugan ng mga salita Ko.

Bago pormal na magbahaginan tungkol sa paksa ng pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos, talakayin muna natin kung anong mga hadlang ang umiiral sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Anong mga hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at pagkamapanlaban sa Diyos ang nararamdaman at nababatid mo sa pang-araw-araw mong buhay, o ang nangyayari sa ibang mga tao? Tiyak na umiiral ang mga pagpapamalas na ito. Nangyayari ang mga ito sa paligid ng mga tao araw-araw, at nangyayari ang mga ito sa iyo araw-araw, kaya hindi mo kailangang gumugol ng napakaraming lakas sa pag-iisip—kapag binuka mo ang bibig mo, agad na lalabas ang sunod-sunod na mga problemang ito. Hindi ba’t ganito nga ang nangyayari? (Oo.) Ano mismo ang mga hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos? Pag-usapan muna natin kung ano ang saklaw ng terminong “mga hadlang.” Kabilang dito ang alitan, pagtutol, mga kuru-kuro, mga maling pagkaunawa, at iba pang tulad niyon, hindi ba? Magdagdag pa kayo. (Kapag ang isang tao ay nabubunyag o napupungusan habang ginagawa ang tungkulin niya, maaaring magkaroon siya ng ilang maling pagkaunawa tungkol sa Diyos at maging mapagbantay siya laban sa Diyos, iniisip na kapag mas mahalaga ang tungkuling ginagawa niya, mas mabilis siyang mabubunyag. Samakatwid, sa puso niya, magkakaroon ng ilang hadlang sa pagitan niya at ng Diyos, at hindi niya magagawang tanggapin ang ilang tungkulin at atas nang may dalisay at bukas na puso.) Ano ang hadlang dito? (Ang pagiging mapagbantay at mga maling pagkaunawa.) Ang pagiging mapagbantay at mga maling pagkaunawa. Isa itong uri ng hadlang. Sino ang makakapagdagdag doon? Wala bang mga hadlang sa pagitan ninyong lahat at ng Diyos? Malinis at ginawang banal ba ang puso ninyo? Kahit kailan ba ay hindi kayo nagkaroon ng mga negatibong kaisipan tungkol sa Diyos? (O Diyos, may maidadagdag ako. Sa tuwing medyo maayos ang takbo ng mga bagay-bagay sa mga sitwasyong pinamamatnugutan ng Diyos para sa akin, tila medyo normal ang ugnayan sa pagitan ko at ng Diyos. Pero kung sakaling maharap ako sa paghihirap o sa isang bagay na hindi tugma sa mga kuru-kuro ko, nagsisimula akong bumuo ng espekulasyon kung ano ang gagawin ng Diyos, at kung ano ang susunod na mangyayari sa akin, at kung ano ang kalalabasan. Isip ako nang isip, at nagrereklamo pa nga ako, at nanghuhusga at nagkakamali ako ng pag-unawa sa Diyos sa isipan ko, at sa panahong iyon nagsasara ang puso ko. Gusto ko ring talakayin ang isang bagay na nakita ko. Kapag nakakaranas ang ilang tao ng mga hindi kanais-nais na sitwasyon, nakakaramdam sila ng paglaban sa puso nila at sinasabi nila, “Bakit pinaparanas sa akin ng Diyos ang mga sitwasyong ito? Bakit hindi dumating ang mga ito sa ibang mga tao?” Hindi nila magawang magpasakop sa mga sitwasyong inihahanda ng Diyos para sa kanila, at umuusbong ang alitan sa pagitan nila at ng Diyos.) Ang isyu na una mong binanggit ay na may mga hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, na bilang isang nakondisyong reaksyon sa ilang sitwasyon, nagkakaroon ang mga tao ng mga hadlang sa pagitan ng sarili nila at ng Diyos, ng pagiging mapagbantay sa Diyos, at ng mga maling pagkaunawa sa Diyos. Ang ikalawang isyung binanggit mo ay na nagiging mapanlaban ang mga tao sa Diyos dahil masuwayin ang kalooban nila. Sino ang may maidadagdag pang iba? (Sa tuwing pinupungusan ako ng ang Itaas at nabubunyag ang mahinang kakayahan ko, tinutukoy ko ang sarili ko at iniisip kong hindi ako maililigtas, at wala akong motibasyong hangarin ang katotohanan kahit gusto ko. Isa itong uri ng maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Dagdag pa rito, kapag nagkakasakit ang ilang kapatid at nahaharap sa kamatayan, iniisip nila, “Hindi ba natatandaan ng Diyos ang lahat ng pagpapakaabala at paggugol na ginawa ko para sa Kanya?” Sa puso nila, nakikipagtalo sila sa Diyos, nagpoprotesta laban sa Kanya, at lumalaban sa Kanya. Napakakaraniwan ng ganitong uri ng kalagayan.) Pagdating sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban sa Diyos, ang mga problemang ipinapamalas ng karamihan ng tao ay humigit-kumulang pagkamapagbantay at mga maling pagkaunawa, pati na pagtutol at kawalang-kasiyahan na ibinubunyag ng mga tao kapag nahaharap sila sa ilang bagay, na sa madaling salita, ay pagkamapanlaban sa Diyos. Sa pundamental ay iyon na ang lahat. Ang totoo, ang iba’t ibang problema sa mga panloob na saloobin ng mga tao sa Diyos ay lampas sa saklaw ng mga isyung napagbahaginan ninyo. May ilang problemang hindi ninyo batid. Sa isang banda, ito ay dahil hindi sinusuri ng mga tao kung anong mga problema ang umiiral sa sarili nila sa tuwing nararanasan nila ang iba’t ibang sitwasyon. Sa kabilang banda, hindi kailanman maingat na isinaalang-alang ng mga tao kung kumusta ba mismo ang ugnayan nila sa Diyos, o kung ano ba ang mga tamang saloobin at pananaw na dapat mayroon ang mga tao sa Diyos. Kaya, batay sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga tao at sa mga panloob na kalagayang ito na kasalukuyang umiiral nga sa mga tao, partikular tayong magbabahaginan ngayon tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng mga tao sa Diyos. Ang layon ng pagbabahaginan tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas na ito ay ang bigyang-kakayahan ang mga tao na aktibong bitiwan ang mga hadlang sa pagitan ng sarili nila at ng Diyos, at ang pagkamapanlabang kinikimkim nila sa Diyos sa tuwing lumilitaw ang mga bagay na ito sa pang-araw-araw nilang buhay, na magkamit ng matiwasay na ugnayan sa Kanya, at sa huli ay na maging ganap na kaayon Niya. Sa ganitong paraan, ganap nilang maaalis ang mga hadlang sa pagitan ng sarili nila at ng Diyos, at ang pagkamapanlaban nila sa Diyos, at magkakaroon sila ng takot sa Diyos at tunay silang magpapasakop sa Kanya. Ito lang ang normal na ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at tanging ang ganitong mga tao ang mga tunay na nilikha.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.