Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 18 (Ikalawang Bahagi)
Sa huli nating pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa paksa na nauugnay sa mga ekspektasyon ng magulang sa loob ng “pagbitiw sa mga pasanin na nagmumula sa pamilya.” Tapos na tayong magbahaginan tungkol sa mga nauugnay na prinsipyo at pangunahing paksa na sangkot dito. Sunod tayong magbabahaginan tungkol sa isa pang aspekto ng pagbitiw sa mga pasanin na nagmumula sa pamilya—ang pagbitiw sa mga ekspektasyon sa anak. Sa pagkakataong ito, magpapalit tayo ng papel. Tungkol sa paksa na may kinalaman sa mga ekspektasyon ng magulang, ito ang ilang bagay na dapat gawin ng mga tao mula sa perspektiba ng isang anak. Pagdating sa kung paano dapat harapin at pangasiwaan ng mga anak ang iba’t ibang ekspektasyon sa kanila ng kanilang mga magulang, at ang iba’t ibang paraan na ginagamit ng kanilang mga magulang sa kanila, at kung anong mga prinsipyo ang dapat nilang isagawa, ito ay tungkol sa tamang pagharap sa iba’t ibang problema na nagmumula sa mga magulang mula sa perspektiba ng isang anak. Ngayon, magbahaginan tayo tungkol sa paksang “ang pagbitiw sa mga ekspektasyon sa anak,” na hinggil sa pangangasiwa sa iba’t ibang problema ng mga tao tungkol sa kanilang mga anak mula sa perspektiba ng isang magulang. May mga aral na dapat matutunan at mga prinsipyong dapat sundin dito. Bilang anak, ang pinakamahalaga ay kung paano mo dapat harapin ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, kung anong uri ng saloobin ang dapat mong panghawakan sa mga ekspektasyong ito, pati na rin kung paano ka dapat na sumunod, at anong mga prinsipyo ng pagsasagawa ang dapat mong taglayin sa sitwasyong ito. Natural na ang bawat tao ay may pagkakataon na maging isang magulang, o maaaring isa na silang magulang; ito ay may kinalaman sa mga ekspektasyon at saloobin na mayroon ang mga tao sa kanilang mga anak. Ikaw man ang magulang o ang anak, dapat kang magtaglay ng iba’t ibang prinsipyo sa pagharap sa mga ekspektasyon ng kabilang panig. Ang mga anak ay may mga prinsipyong dapat nilang sundin pagdating sa pagharap sa mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang, at natural na may mga katotohanang prinsipyo rin na dapat sundin ang mga magulang para sa pagharap sa mga ekspektasyon ng kanilang mga anak. Kaya’t isipin muna ito, anong mga prinsipyo ang nakikita o naiisip ninyo ngayon na dapat sundin ng mga magulang sa kanilang pagtrato sa mga anak nila? Kung pag-uusapan natin ang tungkol sa mga prinsipyo, maaaring medyo abstrakto ito sa inyo, at maaaring masyadong malawak at malalim ang paksa, kaya, sa halip ay pag-usapan natin kung ano ang magiging mga ekspektasyon mo para sa iyong mga anak kung ikaw ay isang magulang. (Diyos ko, kung magiging isa akong magulang balang araw, una sa lahat, sana ay magiging malusog ang mga anak ko, at lumaki silang malusog. At saka, sana magkaroon sila ng sarili nilang mga pangarap at mapuno sila ng ambisyon sa pagtupad ng kanilang mga pangarap sa buhay, na magkaroon sila ng magandang kinabukasan. Ito ang dalawang pangunahing bagay na nanaisin ko.) Nanaisin mo ba na maging opisyal na may mataas na ranggo ang mga anak mo o na maging napakayaman nila? (Nanaisin ko rin ang mga bagay na iyon. Nanaisin ko na kahit papaano ay umunlad sila sa buhay, maging mas mahusay kaysa sa ibang tao, at tingalain sila ng iba.) Ang mga pinakabatayang hinihingi ng mga magulang sa kanilang mga anak ay na maging malusog ang katawan ng mga ito, na magtagumpay ang mga ito sa kanilang propesyon, umunlad sa buhay, at maging maayos ang takbo ng lahat ng aspekto ng buhay ng mga ito. Mayroon bang iba’t ibang ekspektasyon ang mga magulang para sa kanilang mga anak? Kung sino man ang may anak, magsalita kayo. (Nais kong maging malusog ang mga anak ko, at sana ay maging maayos ang takbo ng kanilang buhay, at maging mapayapa at ligtas ang kanilang buhay. Sana ay makasundo nila ang kanilang pamilya, at na magagawa nilang respetuhin ang matatanda at alagaan ang mga bata.) May nais pa ba kayong idagdag? (Kung ako ay magiging isang magulang balang araw, bukod sa mga ekspektasyong nabanggit na, nanaisin ko rin na magiging masunurin at matino ang mga anak ko, na magiging mabuting anak sila sa akin, at na makakaasa ako na aalagaan nila ako sa aking pagtanda.) Napakahalaga ng ekspektasyong ito. Ang pag-asam ng mga magulang na magpapakita ng pagkamabuting anak sa kanila ang kanilang mga anak ay isang relatibong tradisyonal na ekspektasyon na taglay ng mga tao sa kanilang mga kuru-kuro at isipan. Ito ay medyo tipikal na bagay.
Ang pagbitiw sa mga ekspektasyon sa anak ay isang napakahalagang parte ng pagbitiw sa mga pasanin na nagmumula sa pamilya. May ilang ekspektasyon ang lahat ng magulang sa kanilang mga anak. Malaki man o maliit ang mga ito, malapit o malayo, ang mga ekspektasyong ito ay isang saloobin na mayroon ang mga magulang sa pag-asal, kilos, buhay ng kanilang mga anak, o sa kung paano sila hinaharap ng kanilang mga anak. Ang mga ito ay isa ring uri ng partikular na hinihingi. Ang mga partikular na hinihinging ito, mula sa perspektiba ng kanilang mga anak, ay mga bagay na dapat gawin ng kanilang mga anak, dahil, batay sa mga tradisyonal na kuru-kuro, hindi pwedeng sumuway ang mga bata sa utos ng kanilang mga magulang—kung gagawin nila iyon, hindi sila mabuting anak. Dahil dito, malalaki at mabibigat na pasanin ang dinadala ng maraming tao tungkol sa bagay na ito. Kaya, hindi ba’t dapat maunawaan ng mga tao kung makatwiran ba o hindi ang mga partikular na ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak, at kung dapat bang mayroong ganitong mga ekspektasyon ang kanilang mga magulang o hindi, pati na rin kung alin sa mga ekspektasyong ito ang makatwiran, alin ang hindi makatwiran, alin ang marapat, at alin ang sapilitan at hindi marapat? Higit pa rito, mayroong mga katotohanang prinsipyo na dapat unawain at sundin ng mga tao pagdating sa kung paano nila dapat harapin ang mga ekspektasyon ng magulang, kung paano nila dapat tanggapin o tanggihan ang mga ito, at kung anong saloobin at perspektiba ang dapat nilang gamitin sa pagtingin at pagharap sa mga ekspektasyong ito. Kapag hindi nalutas ang mga bagay na ito, madalas na dinadala ng mga magulang ang mga ganitong uri ng pasanin, iniisip na responsabilidad at obligasyon nila na magkaroon ng mga ekspektasyon sa kanilang mga anak, at natural na mayroong higit pang mga bagay na dapat nilang taglayin. Iniisip nila na kung wala silang mga ekspektasyon sa kanilang mga anak, kapareho lang ito ng hindi pagtupad sa kanilang mga responsabilidad o obligasyon sa kanilang mga anak, at katumbas ng hindi paggawa sa mga dapat gawin ng mga magulang. Iniisip nila na magiging masamang magulang sila kung gagawin nila ito, mga magulang na hindi tumutupad sa kanilang mga responsabilidad. Samakatuwid, pagdating sa usapin ng mga ekspektasyon nila sa kanilang mga anak, di-sinasadyang bumubuo ng iba’t ibang hinihingi ang mga tao para sa kanilang mga anak. Mayroon silang iba’t ibang hinihingi para sa iba’t ibang anak sa iba’t ibang panahon at sa ilalim ng iba’t ibang sitwasyon. Dahil sa ganitong uri ng pananaw at pasanin nila pagdating sa kanilang mga anak, ginagawa ng mga magulang ang mga bagay na dapat nilang gawin ayon sa mga di-opisyal na panuntunang ito, tama man o mali ang mga ito. Mayroong mga hinihingi ang mga magulang sa kanilang mga anak habang tinatrato ang mga pamamaraang ito bilang isang obligasyon at responsabilidad, at kasabay nito, ipinipilit nila ang mga ito sa kanilang mga anak, hinihimok ang kanilang mga anak na tamuhin ang mga ito. Hahatiin natin ang usaping ito sa ilang bahagi sa ating pagbabahaginan; mas magiging malinaw ito sa ganoong paraan.
Bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, nagpanukala na ang mga magulang ng iba’t hinihingi para sa kanilang mga anak. Siyempre, sa loob ng iba’t ibang hinihinging ito, nagtatakda rin sila sa kanilang mga anak ng iba’t ibang uri ng ekspektasyon. Kaya, habang itinatakda ng mga magulang ang iba’t ibang ekspektasyon sa kanilang mga anak, personal silang nagbabayad ng iba’t ibang halaga at gumagawa ng iba’t ibang uri ng paraan para maisakatuparan ang mga ekspektasyong ito. Kaya, bago umabot sa hustong gulang ang mga anak, tinuturuan sila ng kanilang mga magulang gamit ang iba’t ibang paraan, at mayroong iba’t ibang hinihingi sa kanila ang mga magulang. Halimbawa, mula sa napakamurang edad, sinasabi ng mga magulang sa kanilang mga anak: “Kailangan mong mag-aral nang mabuti at nang higit pa. Magiging mas magaling ka lang kaysa sa iba at hindi ka mamaliitin ng iba kung mag-aaral ka nang mabuti.” Mayroon ding mga magulang na nagtuturo sa kanilang mga anak na, paglaki ng mga ito, kailangang maging mabuting anak sa kanila ang mga ito, hanggang sa punto na, kahit dalawa o tatlong taong gulang pa lang ang kanilang mga anak, palagi nilang tinatanong ang mga ito: “Aalagaan mo ba ang papa mo kapag malaki ka na?” At sinasabi ng kanilang mga anak: “Opo.” Nagtatanong sila: “Aalagaan mo ba ang mama mo?” “Opo.” “Sino ang mas mahal mo: si papa mo o si mama mo?” “Mahal ko ang papa ko.” “Hindi, kailangan mo munang sabihin na mahal mo ang mama mo, tapos, sabihin mo na mahal mo ang papa mo.” Natututuhan ng kanilang mga anak ang mga bagay na ito mula sa kanilang mga magulang. Ang pagtuturo ng kanilang mga magulang, sa pamamagitan man ng salita o ng halimbawa, ay may malalim na impluwensiya sa murang isipan ng mga bata. Siyempre, nagbibigay din ito sa kanila ng partikular na dami ng kaalaman, tinuturuan sila nito na ang kanilang mga magulang ay ang mga taong pinakanagmamahal at pinakanagmamalasakit sa kanila sa mundo, at ang mga taong pinakanararapat nilang pakitaan ng pagsunod at pagiging mabuting anak. Natural na nakikintal sa kanilang murang isipan ang ideya na “Dahil ang mga magulang ko ang mga taong pinakamalapit sa akin sa mundo, dapat palagi ko silang sundin.” Kasabay nito, umuusbong ang isang ideya sa kanilang murang isipan—na sapagkat ang mga magulang nila ang mga taong pinakamalapit sa kanila, ang lahat ng ginagawa ng kanilang mga magulang ay dapat para tiyakin na magkaroon ng magandang buhay ang kanilang mga anak. Dahil dito, iniisip nila na dapat nilang tanggapin nang walang kondisyon ang mga ginagawa ng kanilang mga magulang; kahit anong uri ng pamamaraan ang ginagamit ng mga ito, makatao man o hindi ang mga ito, naniniwala sila na dapat nilang tanggapin ang mga ito. Kapag nasa edad pa sila na hindi pa nila kayang makilatis ang tama sa mali, ang turo ng kanilang mga magulang, sa pamamagitan ng mga salita o ng halimbawa, ay nagtatanim ng ganitong uri ng ideya sa isipan nila. Habang nasa ilalim ng ganitong uri ng ideya, maaaring ipagawa ng mga magulang ang iba’t ibang bagay sa kanilang mga anak, sa likod ng pagkukunwaring nais lang nila kung ano ang makabubuti para sa kanilang mga anak. Kahit na ang ilan sa mga bagay na iyon ay hindi naaayon sa pagkatao, o sa mga talento, kakayahan, o kagustuhan ng kanilang mga anak, sa ganitong mga sitwasyon, kung saan walang karapatang kumilos nang kusa o nang nakapagsasarili ang kanilang mga anak, walang magagawa at walang kakayahan ang mga anak na tumutol sa mga diumano’y ekspektasyon at hinihingi ng kanilang mga magulang. Ang magagawa lang nila ay sundin ang bawat sabihin ng kanilang mga magulang, hayaang masunod ang gusto ng kanilang mga magulang, hayaang kontrolin sila ng kanilang mga magulang, at akayin sila ng kanilang mga magulang sa anumang uri ng landas. Samakatuwid, bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, ang lahat ng ginagawa ng mga magulang, ito man ay hindi sinasadya o may mabuting intensiyon, ay magkakaroon ng kaunting positibo o negatibong epekto sa asal at kilos ng kanilang mga anak. Ibig sabihin, ang lahat ng kanilang ginagawa ay magtatanim ng iba’t ibang ideya at pananaw sa kanilang mga anak, at maaari pa nga na naibaon nang malalim sa isipan ng kanilang mga anak ang mga ideya at pananaw na ito, upang kapag nasa hustong gulang na ang mga anak, malalim pa ring maiimpluwensiyahan ng mga ideya at pananaw na ito ang pagtingin ng mga anak sa mga tao at bagay, ang kanilang pag-asal at pagkilos, at maging ang mga landas na tinatahak nila.
Bago sila umabot sa hustong gulang, hindi makatutol ang mga bata sa kanilang mga kapaligiran ng pamumuhay, sa kanilang minana, o sa itinuro ng kanilang mga magulang sa kanila, dahil wala pa sila sa hustong gulang, at hindi pa nila masyadong nauunawaan ang mga bagay-bagay. Kapag nagsasalita Ako tungkol sa panahong bago umabot sa hustong gulang ang isang bata, ang tinutukoy Ko ay kapag ang isang bata ay hindi pa naiisip o natutukoy kung ano ang tama at mali nang mag-isa. Sa mga sitwasyong ito, maaari lamang hayaan ng mga bata na kontrolin sila ng kanilang mga magulang. Ito ay dahil mismo ang mga magulang ang nagdedesisyon tungkol sa lahat ng bagay bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, na sa panahon ng masamang yugtong ito, gagamitin ng mga magulang ang mga kaukulang pamamaraan ng pagtuturo, mga ideya, at mga pananaw batay sa mga kalakarang panlipunan, para udyukan ang kanilang mga anak na gawin ang ilang bagay. Halimbawa, napakatindi ng kompetisyon ngayon sa lipunan. Naimpluwensiyahan ang mga magulang ng iba’t ibang kalakaran at kasunduan sa lipunan, kaya tinatanggap nila ang ideyang ito na matindi ang kompetisyon, at agad nila itong ipinapasa sa kanilang mga anak. Tinatanggap nila na napakatindi ng penomena at ng kalakaran ng kompetisyon sa lipunan, pero ang nararamdaman nila ay isang uri ng presyur. Kapag naramdaman nila ang presyur na ito, agad nilang naiisip ang kanilang mga anak, sinasabing: “Napakatindi ng kompetisyon sa lipunan ngayon, hindi naman ganito noong kabataan namin. Kung ang mga anak namin ay mag-aaral, magtatrabaho, at haharap sa lipunan, at sa iba’t ibang tao at bagay sa paraang pareho sa ginawa namin noon, madali silang ititiwalag ng lipunan. Kaya, dapat naming samantalahin na bata pa sila, kailangan naming umpisahang impluwensiyahan sila ngayon—hindi namin pwedeng hayaang matalo ang aming mga anak sa simula pa lang.” Matindi ang kompetisyon ngayon sa lipunan, at lahat ng tao ay may malalaking inaasam para sa kanilang mga anak, kaya’t agad nilang ipinapasa sa kanilang mga anak ang presyur na ito na tinanggap nila mula sa lipunan. Ngayon, alam ba ito ng kanilang mga anak? Dahil wala pa sa hustong gulang ang kanilang mga anak, hindi nila ito alam. Hindi nila alam kung tama o mali ang presyur na ito na mula sa kanilang mga magulang, o kung dapat ba nilang tanggihan o tanggapin ito. Kapag nakikita ng mga magulang na kumikilos nang ganito ang kanilang mga anak, sinasaway nila ang mga ito: “Bakit ba napakahangal mo? Masyadong matindi ang kompetisyon ngayon sa lipunan, at wala ka pa ring naiintindihan. Bilisan mo at mag-aral ka na sa kindergarten!” Sa anong edad nag-aaral sa kindergarten ang mga bata? Ang ilan sa kanila ay nagsisimula kapag tatlo o apat na taong gulang na sila. Bakit ganito? Sa lipunan ngayon, pinapakalat ang isang parirala: Hindi mo pwedeng hayaang matalo ang iyong mga anak sa simula pa lang, ang edukasyon ay dapat magsimula sa napakamurang edad. Kita mo, nagdurusa ang mga bata sa nakapamurang edad, at nagsisimula na sila sa kindergarten kahit tatlo o apat na taong gulang pa lang sila. At anong uri ng kindergarten ang pinipili ng mga tao? Sa mga ordinaryong kindergarten, madalas na naglalaro ang mga guro ng “Ang Agila at ang mga Manok” kasama ang mga bata, kaya iniisip ng mga magulang na hindi nila pwedeng piliin ang mga ganoong kindergarten. Naniniwala sila na kailangan nilang pumili ng isang magara at bilingual na kindergarten. At para sa kanila, hindi sapat ang matuto ng isang wika lamang. Kahit hindi pa magaling magsalita ang mga bata sa kanilang sariling wika, kailangan pa nilang matuto ng pangalawang wika. Hindi ba’t pagpapahirap ito sa mga bata? Ngunit ano ang sinasabi ng mga magulang? “Hindi natin pwedeng hayaang matalo ang anak natin sa simula pa lang. Sa panahon ngayon, mayroong mga isang taong gulang na bata na tinuturuan ng mga yaya sa bahay. Sariling wika ang sinasalita ng mga magulang ng mga bata, at ang mga yaya ay nagsasalita ng ibang wika, tinuturuan ang mga bata ng Ingles, Espanyol, o Portuges. Apat na taong gulang na ang anak namin, medyo matanda na siya. Kung hindi natin sisimulan ang pagtuturo sa kanya ngayon, magiging huli na ang lahat. Kailangan nating simulan ang pagtuturo sa kanya nang maaga hangga’t maaari, at maghanap tayo ng kindergarten na nagtuturo gamit ang dalawang wika, kung saan may bachelor’s at master’s degree ang mga guro.” Sinasabi ng mga tao: “Masyadong mahal ang ganoong paaralan.” Sumasagot sila: “Ayos lang. Malaki ang bahay namin; pwede kaming lumipat sa mas maliit na bahay. Ibebenta namin ang aming bahay na may tatlong silid at papalitan ito ng may dalawang silid lang. Iipunin namin ang perang iyon at gagamitin para pag-aralin ang anak namin sa isang magarang kindergarten.” Hindi sapat ang pagpili ng magandang kindergarten, sa tingin nila ay kailangan nilang kumuha ng mga tutor para tulungan ang kanilang mga anak na mag-aral para sa Mathematical Olympiad sa bakanteng oras ng mga ito. Kahit na likas na ayaw ng kanilang mga anak na mag-aral para dito, kailangan pa rin itong gawin ng mga anak nila, at kung mabibigo ang mga ito sa pag-aaral nito, kung gayon, mag-aaral ang mga ito ng pagsayaw. Kung hindi sila magaling sumayaw, mag-aaral silang kumanta. Kung hindi sila magaling kumanta, at nakita ng kanilang mga magulang na maganda ang kanilang katawan, at mahahaba ang kanilang braso at binti, iisipin ng mga magulang nila na pwede silang maging isang modelo. Pagkatapos ay ipapadala sila ng kanilang mga magulang sa art school para mag-aral ng pagmomodelo. Dahil dito, ipinapadala ang mga bata sa mga boarding school sa edad na apat o lima, at mula sa tatlong silid ay nagiging dalawang silid na lang ang bahay ng kanilang pamilya, mula sa dalawang silid ay nagiging isang silid, mula sa isang silid ay nagiging isang inuupahang bahay na lamang. Lalong dumarami ang mga tutoring session na dinadaluhan ng kanilang mga anak sa labas ng paaralan, at unti-unting lumiliit ang kanilang mga tahanan. May mga magulang pa nga na buong pamilya nila ang kanilang inililipat papunta sa timog, sa hilaga, nagpapabalik-balik sila, upang makapasok sa magagandang paaralan ang kanilang mga anak, at sa huli, hindi na nila alam kung saan sila pupunta, hindi alam ng kanilang mga anak kung saan ang kanilang bayang tinubuan, at napakagulo ng lahat ng bagay-bagay. Nagbabayad ng iba’t ibang halaga ang mga magulang, bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, para sa kinabukasan ng kanilang mga anak, upang hindi matalo ang kanilang mga anak sa simula pa lang, at upang makaangkop ang kanilang mga anak sa lipunang ito na labis na mapagkompetensiya, at magkaroon ang mga ito ng magandang trabaho at regular na kita kalaunan. Ang ilang magulang ay napakahusay, nagpapatakbo sila ng malalaking negosyo o nagsisilbi bilang matataas na opisyal, at namumuhunan sila nang napakalaki para sa kanilang mga anak. Ang ibang magulang naman ay hindi gaanong mahusay, ngunit katulad ng iba, nais nilang ipadala ang kanilang mga anak sa magagarang paaralan, sa iba’t ibang klase pagkatapos ng eskuwela, mga klase sa sayaw, mga klase sa sining, upang mag-aral ng iba’t ibang wika at musika, pini-presyur at pinahihirapan nang husto ang kanilang mga anak. Iisipin tuloy ng kanilang mga anak: “Kailan kaya ako papayagang maglaro nang kaunti? Kailan ako lalaki at makapagdedesisyon tulad ng ginagawa ng matatanda? Kailan kaya ako hindi na kailangang pumasok sa eskuwela, tulad ng isang matanda? Kailan ako makakapanood ng TV, mawawalan ng alalahanin, at maglalakad-lakad sa isang lugar nang mag-isa, nang hindi laging kinokontrol ng aking mga magulang?” Pero madalas na sinasabi ng kanilang mga magulang: “Kung hindi ka mag-aaral, kakailanganin mong manlimos ng pagkain sa hinaharap. Tingnan mo nga, kakaunti pa lang ang kakayahan mo! Hindi pa oras para maglaro ka, pwede kang maglaro kapag matanda ka na! Kung ngayon ka maglalaro, hindi ka magtatagumpay sa hinaharap; kung saka ka na maglalaro, mas masisiyahan ka, pwede kang maglakbay sa buong mundo. Hindi mo ba nakita ang lahat ng mayayamang taong iyon sa mundo—naglaro ba sila noong bata pa sila? Nag-aral lang sila.” Nagsisinungaling lang sa kanila ang kanilang mga magulang. Nakita ba mismo ng kanilang mga magulang na ang mayayamang taong iyon ay nag-aral lang at hindi kailanman naglaro? Naiintindihan ba nila ang bagay na ito? Ang ilan sa mga mayaman at pinakamaperang tao sa mundo ay hindi nag-aral sa unibersidad—isa itong katunayan. Minsan, kapag nagsasalita ang mga magulang, nilalansi lang nila ang kanilang mga anak. Bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, nagsasabi ng maraming kasinungalingan ang mga magulang upang mas makontrol ang kinabukasan ng kanilang mga anak, at makontrol ang mga ito at mapasunod sa kanila. Siyempre, tinitiis din nila ang iba’t ibang paghihirap, at nagbabayad sila ng iba’t ibang halaga para dito. Ito ang tinatawag na “kapuri-puring pagmamahal ng isang magulang.”
Upang maisakatuparan ang kanilang mga ekspektasyon sa kanilang mga anak, maraming pangarap ang itinatakda ng mga magulang sa kanilang mga anak. Dahil dito, hindi lamang nila tinuturuan, ginagabayan, at iniimpluwensiyahan ang kanilang mga anak gamit ang kanilang mga salita, kasabay nito, gumagamit din sila ng mga kongkretong aksyon para kontrolin at pasunurin ang kanilang mga anak, para kumilos at mamuhay ayon sa landas at direksiyong itinakda nila. Handa man o hindi ang kanilang mga anak na gawin ito, sa huli, isa lang ang sinasabi ng mga magulang: “Kung hindi ka makikinig sa akin, magsisisi ka! Kung hindi mo ako susundin o hindi mo seseryosohin ang pag-aaral mo ngayon, at magsisisi ka balang araw, huwag kang pupunta sa akin, huwag mong sabihing hindi kita pinagsabihan!” Isang beses, pumunta kami sa isang gusali para magsagawa ng ilang gawain, at nakita namin ang ilang taong tagapaglipat na nagsisikap nang husto para maiakyat ang ilang kagamitan sa itaas ng hagdan. Kaharap nila ang isang ina na inaakay ang kanyang anak pababa ng hagdan. Kung makikita ng isang normal na tao ang eksenang ito, sasabihin niya: “May mga taong naglilipat ng kagamitan, tumabi muna tayo.” Ang mga taong bumababa ay kakailanganing magmadali na tumabi, nang hindi nakakabangga ng kagamitan, o nakakaabala sa mga tagapaglipat ng gamit. Ngunit nang makita ng ina ang eksenang ito, sinamantala niya ang pagkakataon para makapagturo tungkol sa isang sitwasyon. Tandang-tanda Ko pa ang napakalinaw niyang sinabi. Ano ang sinabi niya? Sabi niya: “Tingnan mo kung gaano kabigat ang inililipat nilang mga gamit, at kung gaano ito ka-nakakapagod. Hindi nila sineryoso ang kanilang pag-aaral noong bata sila, kaya ngayon, hindi sila makahanap ng magandang trabaho, kaya kailangan nilang maglipat ng mga kagamitan at magtrabaho nang husto. Nakikita mo ba?” Mukha namang bahagyang nakaunawa ang anak, at naniwala na tama ang sinabi ng kanyang ina. May totoong takot, pangamba, at paniniwala na lumitaw sa kanyang mga mata, at tumango siya, muling tiningnan ang mga tagapaglipat ng gamit. Sinamantala ng ina ang pagkakataong ito para agad na turuan ang kanyang anak, sinasabing: “Nakikita mo? Kung hindi mo seseryosohin ang iyong pag-aaral habang bata ka pa, kung gayon, paglaki mo, kakailanganin mong maglipat ng mga kagamitan at magtrabaho nang husto gaya nila para makapaghanapbuhay.” Tama ba ang mga pahayag na ito? (Hindi.) Bakit mali ang mga ito? Sinusunggaban ng inang ito ang kahit anong pagkakataon para pangaralan ang kanyang anak—ano sa palagay mo ang naging mentalidad ng kanyang anak pagkatapos itong marinig? Nakilatis ba niya kung tama o mali ang mga pahayag na ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang inisip niya? (“Kung hindi ko seseryosohin ang aking pag-aaral, kakailanganin kong magtrabaho nang husto gaya nito sa hinaharap.”) Naisip niya: “Naku, lahat ng taong kinakailangang magtrabaho nang husto ay hindi nagseryoso sa kanilang pag-aaral. Dapat akong makinig sa mama ko, at paghusayan ko ang aking pag-aaral. Tama si mama, ang lahat ng hindi nag-aaral ay kinakailangang magtrabaho nang husto.” Ang mga ideyang natanggap niya mula sa kanyang ina ay nagiging mga panghabang-buhay na katotohanan sa kanyang puso. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t hangal ang magulang na ito? (Oo.) Paano siya naging hangal? Kung ginagamit niya ang bagay na ito para piliting mag-aral ang kanyang anak, tiyak bang magtatagumpay ang kanyang anak? Magagarantiya ba nito na hindi na kailangang magtrabaho nang husto o magpakapagod ng kanyang anak sa hinaharap? Mabuti bang gamitin niya ang bagay na ito, ang eksenang ito, para takutin ang kanyang anak? (Masama ito.) Mag-iiwan ito ng panghabang-buhay na epekto sa kanyang anak. Hindi ito mabuting bagay. Kahit pa magkaroon ang batang ito ng kaunting pagkilatis sa mga salitang ito paglaki niya, magiging mahirap pa ring alisin sa kanyang puso at isipan ang teoryang ito na itinuro ng kanyang ina. Sa isang antas, magdudulot ito ng maling impresyon at lilimitahan nito ang kanyang pag-iisip, at iimpluwensiyahan ang kanyang mga pananaw sa mga bagay-bagay. Karamihan sa mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito ay na makakapag-aral ang mga ito nang mabuti, magsusumikap, magiging masipag, at hindi mabibigong tugunan ang kanilang mga ekspektasyon. Kaya naman, bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, anuman ang maging kabayaran, ginagawa ng mga magulang ang lahat para sa kanilang mga anak, isinasakripisyo ang sarili nilang kabataan, mga taon, at oras, pati na rin ang kanilang sariling kalusugan at normal na pamumuhay, at isinusuko pa nga ng ilang magulang ang sarili nilang trabaho, ang kanilang mga dating pangarap, o maging ang sarili nilang pananampalataya, para turuan ang kanilang mga anak at tulungan ang mga ito na makapag-aral habang pumapasok ang mga ito sa paaralan. Sa iglesia, marami-raming tao ang gumugol ng lahat ng kanilang oras kasama ang kanilang mga anak, tinuturuan nila ang mga ito, para nasa tabi sila ng kanilang mga anak habang lumalaki ang mga ito, upang magtagumpay ang kanilang mga anak sa magiging propesyon ng mga ito at magkaroon ng matatag na trabaho sa hinaharap, at upang maging maayos ang takbo ng mga bagay-bagay sa trabaho ng kanilang mga anak. Ang mga magulang na ito ay hindi pumupunta sa mga pagtitipon o gumagampan ng mga tungkulin. Mayroon silang mga partikular na hinihingi sa puso nila ukol sa sarili nilang pananampalataya, at nagtataglay sila ng kaunting determinasyon at ambisyon, ngunit dahil hindi nila kayang bitiwan ang kanilang mga ekspektasyon sa kanilang mga anak, pinipili nilang samahan ang mga ito sa yugtong ito bago umabot sa hustong gulang ang mga ito, tinatalikuran ang sarili nilang mga tungkulin bilang nilikha, at ang sarili nilang mga paghahangad tungkol sa kanilang pananampalataya. Ito ang pinakanakakalungkot sa lahat. May mga magulang na nagbabayad ng malalaking halaga para makapagsanay ang kanilang mga anak na maging artista, alagad ng sining, manunulat, o siyentista, at para matugunan ng kanilang mga anak ang mga ekspektasyon nila. Nagbibitiw sila sa kanilang trabaho, tinatalikuran ang kanilang propesyon, at tinatalikuran pa nga nila ang sarili nilang mga pangarap at kasiyahan para masamahan ang kanilang mga anak. Mayroon pa ngang mga magulang na isinusuko ang kanilang buhay may-asawa para sa kanilang mga anak. Pagkatapos nilang makipagdiborsiyo, inaako nila ang mabigat na pasanin ng pagpapalaki at pagtuturo sa kanilang mga anak nang mag-isa, itinataya ang kanilang buhay para sa kanilang mga anak, at inilalaan ito para sa kinabukasan ng kanilang mga anak, para lang maisakatuparan nila ang kanilang mga ekspektasyon sa kanilang mga anak. May ilang magulang din na gumagawa ng maraming bagay na hindi nila dapat gawin, na nagbabayad ng maraming halaga na hindi kinakailangan, nagsasakripisyo ng kanilang sariling oras, kalusugan, at mga paghahangad bago pa umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, upang magtagumpay ang kanilang mga anak sa hinaharap, at magkaroon ng posisyon sa lipunan. Sa isang aspekto, para sa mga magulang, ito ay mga hindi kinakailangang sakripisyo. Sa isa pang aspekto, para sa mga anak, malaking presyur at mabigat na pasanin ang mga pamamaraang ito para sa kanila bago pa sila umabot sa hustong gulang. Ito ay dahil ang kanilang mga magulang ay nagbayad na ng napakaraming halaga, dahil masyado nang marami ang iginugol ng kanilang mga magulang pagdating sa salapi, oras, o enerhiya. Gayunpaman, bago pa umabot sa hustong gulang ang mga anak na ito, at habang wala pa silang kakayahang makilatis ang tama sa mali, wala silang magagawa kundi hayaan na lang na gawin ito ng kanilang mga magulang. Kahit na mayroon silang mga iniisip sa kaloob-looban ng kanilang isipan, sumusunod pa rin sila sa mga kilos ng kanilang mga magulang. Sa mga sitwasyong ito, hindi namamalayang naiisip ng mga anak na nagbayad ng mga napakalaking halaga ang kanilang mga magulang para maturuan sila, at napapaisip din sila na hindi nila ganap na mababayaran o masusuklian ang kanilang mga magulang sa buhay na ito. Bilang resulta, sa panahong nagtuturo at sumasama sa kanila ang kanilang mga magulang, iniisip nila na ang mga tanging bagay na magagawa nila, na maisasakatuparan nila para masuklian ang kanilang mga magulang, ay ang pasayahin ang kanilang mga magulang, kamtin ang malalaking tagumpay para mapalugod ang mga ito, at ang huwag biguin ang mga ito. Para naman sa mga magulang, sa panahong ito na bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, pagkatapos nilang mabayaran ang mga halagang ito, at habang mas lalong lumalaki ang mga ekspektasyon nila sa kanilang mga anak, sa isipan nila ay unti-unting nagiging mabigat ang mga hinihingi nila sa kanilang mga anak. Ibig sabihin, pagkatapos ibayad ng mga magulang ang mga diumano’y halagang ito at magawa ang mga diumano’y paggugol na ito, hinihingi nila na dapat magtagumpay ang kanilang mga anak, at magkamit ng malalaking tagumpay para masuklian sila. Samakatuwid, tinitingnan man natin ito mula sa perspektiba ng isang magulang o anak, sa loob ng relasyong ito ng “paggugol” at “ginugugulan,” lalong tumataas nang tumataas ang mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak. Ang “lalong tumataas nang tumataas ang mga ekspektasyon” ay isang magandang paraan ng pagsasalarawan dito. Sa katunayan, sa kaibuturan ng puso ng mga magulang, habang mas gumugugol at nagsasakripisyo sila, mas lalo nilang iniisip na dapat silang suklian ng kanilang mga anak ng tagumpay, at kasabay nito, mas lalo nilang iniisip na may pagkakautang sa kanila ang kanilang mga anak. Habang mas gumugugol ang mga magulang, at habang mas dumarami ang kanilang mga inaasam, mas tumataas din ang kanilang mga ekspektasyon, at mas lumalaki ang mga ekspektasyon nila na susuklian sila ng kanilang mga anak. Ang mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito, mula sa “Kailangan nilang matuto ng maraming bagay, hindi sila dapat matalo sa simula pa lang” hanggang sa “Paglaki nila, kailangan nilang maging matagumpay at magkaroon ng matatag na posisyon sa lipunan,” ay unti-unting nagiging isang mabigat na hinihingi sa kanilang mga anak. Ang hinihinging ito ay: Paglaki mo at pagkatapos mong magkaroon ng matatag na posisyon sa lipunan, huwag mong kalimutan ang iyong mga pinagmulan, huwag kalimutan ang iyong mga magulang, sila ang mga taong una mong dapat na suklian, dapat ipakita mo sa kanila ang pagiging isang mabuting anak, at tulungan silang magkaroon ng magandang buhay, dahil sila ang mga nagtaguyod sa iyo sa mundong ito, sila ang mga taong nagturo sa iyo; ang pagkakaroon mo ng matatag na posisyon sa lipunan ngayon, pati na rin ang lahat ng iyong tinatamasa, at ang lahat ng iyong pag-aari, ay naging posible dahil sa puspusang pagsisikap ng iyong mga magulang, kaya hangga’t nabubuhay ka ay dapat mo silang suklian, gantimpalaan, at maging mabuti ka sa kanila. Ang mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito—na ang mga ito ay magkakaroon ng matatag na posisyon sa lipunan at magtatagumpay—ay nagiging ganito, mula sa isang napakanormal na ekspektasyon ng magulang, ito ay unti-unting nagiging isang uri ng hinihingi at panggigiit ng mga magulang sa kanilang mga anak. Ipagpalagay natin na sa panahong wala pa sa hustong gulang ang kanilang mga anak, hindi nakakakuha ng matataas na marka ang mga ito; ipagpalagay nating nagrerebelde ang mga ito, na ang mga ito ay ayaw mag-aral o sumunod sa mga magulang, at sumusuway sa mga magulang. Sasabihin ng mga magulang: “Akala mo ba madali ito para sa akin? Sa tingin mo, para kanino ko ba ginagawa ang lahat ng ito? Ginagawa ko ito para sa ikabubuti mo, hindi ba? Lahat ng ginagawa ko ay para sa iyo, at hindi mo ito pinahahalagahan. Hangal ka ba?” Gagamitin nila ang mga salitang ito para takutin at kontrolin ang kanilang mga anak. Tama ba ang pamamaraang ito? (Hindi.) Hindi ito tama. Ang “marangal” na aspektong ito ng mga magulang ay ang kasuklam-suklam din na aspekto ng mga magulang. Ano nga ba ang mali sa mga salitang ito? (Ang mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak at pagtuturo sa kanilang mga anak ay mga pagsusumikap lamang para sa kanilang sarili. Pinepresyur nila ang kanilang mga anak, pinapaaral sa mga ito ang kung anu-ano, upang magkaroon ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak, magbigay ng karangalan sa kanila, at pakitaan sila ng mga ito ng pagiging mabuting anak sa hinaharap. Ang totoo, ang lahat ng ginagawa ng mga magulang ay para sa kanilang sarili.) Kung isasantabi muna natin ang katunayan na iniisip lang ng mga magulang ang pansarili nilang mga interes at makasarili sila, at pag-uusapan lang natin ang mga ideyang iniindoktrina nila sa kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito, at ang pamemresyur nila sa mga ito, iginigiit sa kanilang mga anak na mag-aral ng kung ano-anong paksa, na pumasok sa kung anong trabaho paglaki nila, at magkamit ng kung anong tagumpay—ano ang kalikasan ng mga pamamaraang ito? Sa ngayon, hindi natin susuriin kung bakit ginagawa ito ng mga magulang, o kung angkop ba o hindi ang mga pamamaraang ito. Pagbabahaginan at hihimayin muna natin ang kalikasan ng mga pamamaraang ito, at maghahanap tayo ng mas tumpak na landas ng pagsasagawa batay sa ating paghihimay sa diwa ng mga ito. Kung magbabahaginan tayo at mauunawaan natin ang aspektong ito ng katotohanan mula sa perspektibang iyon, magiging tumpak ito.
Una sa lahat, tama ba o mali itong mga hinihingi at mga pamamaraan ng mga magulang sa kanilang mga anak? (Mali ang mga ito.) Kung gayon, sa huli, ano ang ugat ng problema pagdating sa mga pamamaraang ito na ginagamit ng mga magulang sa kanilang mga anak? Hindi ba’t ito ang mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak? (Oo.) Sa loob ng personal na kamalayan ng mga magulang, iniisip, pinaplano, at itinatakda nila ang iba’t ibang bagay tungkol sa kinabukasan ng kanilang mga anak, at bilang resulta, nagkakaroon sila ng mga ganitong ekspektasyon. Sa udyok ng mga ekspektasyong ito, iginigiit ng mga magulang na mag-aral ng iba’t ibang kasanayan ang kanilang mga anak, na mag-aral ang mga ito ng teatro at sayaw, o sining, at iba pa. Iginigiit nila na ang kanilang mga anak ay maging mga indibidwal na may mahuhusay na talento, at para ang mga ito ay maging mga nakatataas, hindi mga nakabababa. Iginigiit nila na maging mga opisyal na may mataas na ranggo ang kanilang mga anak, at hindi maging mga kawal lamang; iginigiit nila na ang kanilang mga anak ay maging manager, CEO, at executive, na nagtatrabaho para sa mga nangungunang 500 kumpanya sa buong mundo, at iba pa. Ang lahat ng ito ay mga personal na ideya ng mga magulang. Ngayon, bago sila umabot sa hustong gulang, may ideya ba ang mga anak sa nilalaman ng mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang? (Wala.) Wala silang anumang ideya sa mga bagay na ito, hindi nila nauunawaan ang mga ito. Ano ba ang nauunawaan ng maliliit na bata? Nauunawaan lamang nila ang pagpunta sa paaralan para matutong magbasa, ang pag-aaral nang mabuti, at ang pagiging mga mabait at masunuring bata. Mabuti naman ang paggawa ng mga ito. Ang pagpunta sa paaralan para pumasok sa mga klase ayon sa nakatakdang iskedyul nila, at pag-uwi sa bahay para tapusin ang kanilang takdang-aralin—ito ang mga bagay na nauunawaan ng mga bata, ang iba pang nauunawaan nila ay pawang paglalaro, pagkain, pantasya, pangarap, at iba pa. Bago sila umabot sa hustong gulang, ang mga anak ay walang konsepto sa lahat ng di-nalalamang bagay sa kanilang mga landas sa buhay, at wala rin silang nakikinita tungkol sa mga ito. Ang lahat ng bagay na nakikinita o napagpapasyahan kapag nasa hustong gulang na ang mga anak na ito ay nagmumula sa kanilang mga magulang. Samakatuwid, ang mga maling ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak ay walang kinalaman sa kanilang mga anak. Kailangan lamang na makilatis ng mga anak ang diwa ng mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang. Ano ang batayan ng mga ekspektasyong ito? Saan nagmumula ang mga ito? Nagmumula ang mga ito sa lipunan at sa mundo. Ang layon ng lahat ng ekspektasyong ito ng magulang ay upang matutong umangkop ang mga anak sa mundo at sa lipunang ito, upang ang mga ito ay hindi maitiwalag ng mundo o ng lipunan, at upang ang mga ito ay magkaroon ng posisyon sa lipunan, makakuha ng permanenteng trabaho, magkaroon ng matatag na pamilya, at magandang kinabukasan, kaya nagkakaroon ng iba’t ibang ekspektasyon ang mga magulang para sa kanilang mga anak. Halimbawa, ngayon ay medyo uso ang maging isang computer engineer. Sinasabi ng ilang tao: “Magiging isang computer engineer ang anak ko sa hinaharap. Marami siyang kikitaing pera sa larangang ito, may dala-dala siyang computer buong araw, gumagawa ng mga gawaing pang-computer engineering. Magiging maganda rin ang imahe ko kung magkagayon!” Sa mga sitwasyong ito, kung saan walang anumang ideya ang mga anak, itinatakda ng kanilang mga magulang ang kanilang kinabukasan. Hindi ba’t mali ito? (Mali nga.) Ang mga inaasam ng kanilang mga magulang sa mga anak nila ay ganap na nakabatay sa kung paano tinitingnan ng isang taong nasa hustong gulang ang mga bagay-bagay, pati na rin sa mga pananaw, perspektiba, at mga kagustuhan ng isang taong nasa hustong gulang na tungkol sa mga usapin ng mundo. Hindi ba’t pansariling saloobin lang ito? (Oo.) Kung pagagandahin mo ang pagsasalarawan dito, maaari mong sabihin na pansariling saloobin lang ito, ngunit ano ba talaga ito? Ano ang iba pang pakahulugan dito? Hindi ba’t ito ay pagiging makasarili? Hindi ba’t ito ay pamimilit? (Ganoon na nga.) Gusto mo ang kung anong trabaho at propesyon, nasisiyahan kang mamuhay nang may matatag na posisyon at mamuhay nang magara, naglilingkod bilang opisyal, o bilang isang mayamang tao sa lipunan, kaya ipinagagawa mo rin sa mga anak mo ang mga bagay na iyon, na maging ganoong klase rin sila ng tao, at na tahakin nila ang ganoong uri ng landas—ngunit masisiyahan ba silang mamuhay sa gayong kapaligiran at magtrabaho nang ganoon sa hinaharap? Nababagay ba sila sa ganoon? Ano ang tadhana nila? Ano ang mga pagsasayos at kapasyahan ng Diyos sa kanila? Alam mo ba ang mga bagay na ito? May ilang taong nagsasabi na: “Wala akong pakialam sa mga bagay na iyon, ang mahalaga ay ang mga bagay na gusto ko, bilang kanilang magulang. Mag-aasam ako para sa kanila batay sa sarili kong mga kagustuhan.” Hindi ba’t masyadong makasarili iyon? (Oo.) Masyadong makasarili ito! Kung pagagandahin ang pagsasalarawan dito, ito ay pansariling saloobin lang, ito ay pagpapasya nang sila lamang, pero ano ba ito, sa realidad? Ito ay sobrang makasarili! Hindi isinasaalang-alang ng mga magulang na ito ang kakayahan o mga talento ng kanilang mga anak, wala silang pakialam sa mga pagsasaayos ng Diyos sa bawat tadhana at buhay ng tao. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay na ito, ipinipilit lang nila ang sarili nilang mga kagustuhan, mga intensiyon, at mga plano sa kanilang mga anak habang nangangarap nang gising. May ilang taong nagsasabi: “Kailangan kong ipilit ang mga bagay na ito sa anak ko. Masyado pa silang bata para maunawaan ang mga ito, at pagdating ng araw na maunawaan na nila ang mga ito, magiging masyado nang huli.” Ganoon ba ang lagay? (Hindi.) Kung talagang masyado nang huli, kapalaran nila iyon, hindi iyon responsabilidad ng kanilang mga magulang. Kung ipipilit mo ang mga bagay na nauunawaan mo sa iyong mga anak, mauunawaan ba nila ito nang mas mabilis dahil lang sa nauunawaan mo ang mga ito? (Hindi.) Wala namang koneksiyon ang paraan ng pagtuturo ng mga magulang at kung kailan mauunawaan ng mga anak ang mga usapin tulad ng kung anong uri ng landas sa buhay ang dapat piliin, anong klase ng propesyon ang dapat piliin, at kung ano ang mangyayari sa kanilang buhay. Ang mga anak ay may sariling mga landas, sariling bilis, at sarili nilang mga batas. Isipin mo, kapag maliit pa ang mga anak, kahit paano pa sila turuan ng kanilang mga magulang, ganap na blangko ang kanilang kaalaman sa lipunan. Mararamdaman nila ang kompetisyon, komplikasyon, at kadiliman ng lipunan, at ang iba’t ibang di-makatarungang bagay sa lipunan, kapag lumago na ang kanilang pagkatao. Hindi ito isang bagay na maituturo ng mga magulang sa kanilang mga anak mula sa murang edad. Kahit na ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak mula sa murang edad na, “Kailangan mong mag-ingat kapag nakikisalamuha ka sa ibang tao,” ituturing lamang nila ito bilang isang uri ng doktrina. Magagawa lang nilang tunay na kumilos batay sa payo ng mga magulang nila kapag tunay na nila itong naunawaan. Kapag hindi nila nauunawaan ang payo ng kanilang mga magulang, kahit paano pa sila turuan ng kanilang mga magulang, mananatili pa rin itong isang uri ng doktrina para sa kanila. Samakatuwid, makatwiran ba ang ideya ng mga magulang na, “Masyadong mapagkompetensiya ang mundo, at matindi ang kagipitan sa buhay ng mga tao; kung hindi ko sisimulang turuan ang mga anak ko mula sa napakamurang edad, magdurusa at masasaktan sila sa hinaharap”? (Hindi.) Maaga mong ipinapapasan sa iyong mga anak ang presyur na iyon para hindi sila gaanong mahirapan sa hinaharap, at kailangan nilang pasanin ang presyur na iyon sa edad na wala pa silang nauunawaan—sa paggawa nito, hindi ba’t pinipinsala mo ang iyong mga anak? Talaga bang ginagawa mo ito para sa ikabubuti nila? Mas mainam kung hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito, nang sa gayon ay makapamuhay sila nang ilang taon nang komportable, masaya, dalisay, at simple. Kung mauunawaan na nila ang mga bagay na iyon nang maaga, iyon ba ay magiging isang biyaya o isang kasawian? (Kasawian.) Oo, ito ay magiging isang kasawian.
Ang mga tao ay dapat gumawa ng mga bagay na angkop sa kanilang edad at sa paglago ng kanilang pagkatao, hindi batay sa pagtuturong natatanggap nila mula sa kanilang mga magulang. Bago sila umabot sa hustong gulang, ang mga bata ay dapat lang na maglaro, matuto ng kaunting simpleng kaalaman at makatanggap ng kaunting batayang edukasyon, matuto ng iba’t ibang bagay, matutong makisalamuha sa iba pang bata at paano makisama sa mga nasa hustong gulang na, at matuto kung paano humarap sa ilang bagay sa paligid nila na hindi nila nauunawaan. Bago umabot sa hustong gulang ang mga tao, dapat silang gumawa ng mga bagay na hindi para sa mga nasa hustong gulang na. Hindi nila dapat pagtiisan ang anumang presyur, mga pamantayan ng pag-uugali, o mga komplikadong bagay na dapat pinapasan ng mga taong nasa hustong gulang na. Ang mga gayong bagay ay nagdudulot ng pinsalang sikolohikal sa mga taong wala pa sa hustong gulang, at ang mga ito ay hindi mga pagpapala. Kung mas maagang natututunan ng mga tao ang mga bagay na ito, mas matindi ang epekto nito sa kanilang murang isipan. Bukod sa walang anumang maitutulong ang mga bagay na ito sa mga tao sa kanilang buhay o pag-iral kapag nasa hustong gulang na sila; sa kabaligtaran, dahil natututunan o nararanasan nila ang mga bagay na ito nang napakaaga, nagiging pasanin ang mga ito o nag-iiwan ng hindi nahahalatang negatibong epekto sa kanilang murang isipan, hanggang sa puntong mumultuhin sila ng mga ito sa kanilang buong buhay. Pag-isipan ninyo ito, kapag ang mga tao ay napakabata pa, kung makarinig sila ng isang kakila-kilabot na bagay, isang bagay na hindi nila kayang tanggapin, isang bagay na para lang sa mga nasa hustong gulang na hindi nila mawari o maunawaan, kung gayon, ang eksena o usaping iyon, o maging ang mga tao, bagay, at salitang may kinalaman dito, ay susundan sila sa buong buhay nila. Magdudulot ito ng negatibong epekto sa kanila, na makakaimpluwensiya sa kanilang personalidad, at sa kanilang mga pamamaraan ng pag-asal sa buhay. Halimbawa, medyo makulit ang mga bata sa edad na anim o pito. Sabihin nang ang isang bata ay napagalitan ng kanyang guro sa klase dahil bumulong ito sa isang kaklase, at bukod sa pinagalitan siya ng guro nang dahil sa pagbulong, personal din siya nitong inatake, sinabihan na mukha siyang daga, pinagalitan pa nga siya sa pagsasabing: “Tingnan mo nga, halos wala ka nang pag-asang umasenso. Hindi ka magtatagumpay sa buong buhay mo! Kung hindi ka mag-aaral nang mabuti, magiging isa ka lang trabahador. Sa hinaharap, kakailanganin mong manlimos ng pagkain! Mukha kang magnanakaw; may tendensiya kang maging isang magnanakaw!” Bagamat hindi naiintindihan ng bata ang mga salitang ito, at hindi niya alam kung bakit nasasabi ng kanyang guro ang mga bagay na ito, o kung totoo ba o hindi ang mga bagay na ito, itong mga salita ng personal na pag-atake ay magiging isang hindi nakikitang masamang pwersa sa loob ng kanyang puso, sinusugatan ang kanyang pagpapahalaga sa sarili, at sinasaktan siya. “Mukhang ferret ang hitsura mo, at parang sa daga ang mga mata mo, at ang liit ng ulo mo!”—ang mga salitang ito ng personal na pag-atake na binibigkas ng kanyang guro ay hindi niya malilimutan sa buong buhay niya. Kapag pumipili siya ng propesyon, kapag kaharap niya ang kanyang mga nakatataas at mga katrabaho, at kapag kaharap niya ang mga kapatid, ang mga salitang iyon ng personal na pag-atake na binigkas ng kanyang guro ay paminsan-minsang lalabas, na nakakaapekto sa kanyang mga emosyon, at sa kanyang buhay. Siyempre, ang ilang hindi tamang ekspektasyon ng iyong mga magulang para sa iyo, at ang ilang emosyon, mensahe, salita, kaisipan, pananaw, at iba pa na ipinasa nila sa iyo, ay nagdulot din ng negatibong epekto sa iyong murang isipan. Mula sa perspektiba ng personal na kamalayan ng iyong mga magulang, wala silang anumang masamang intensiyon, ngunit dahil sa kanilang kamangmangan, dahil sila ay mga tiwaling tao, at wala silang mga tamang pamamaraan na naaayon sa mga prinsipyo sa pagtrato nila sa iyo, sumusunod lang sila sa mga kalakaran ng mundo sa pagtrato nila sa iyo, at ang pinakahuling resulta nito ay na nagpapasa sila ng iba’t ibang negatibong mensahe at emosyon sa iyo. Sa mga sitwasyon na wala kang pagkilatis, ang lahat ng sinasabi ng iyong mga magulang, at lahat ng maling ideya na iniindoktrina at isinusulong ng iyong mga magulang sa iyo, ay nangingibabaw sa iyo dahil nalantad ka muna sa mga ito. Ang mga ito ang nagiging layon ng iyong panghabambuhay na paghahangad at pakikibaka. Bagamat isang uri ng dagok at pagkawasak sa iyong murang isipan ang iba’t ibang ekspektasyon ng iyong mga magulang sa iyo bago ka umabot sa hustong gulang, namumuhay ka pa rin sa ilalim ng mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, pati na rin sa ilalim ng iba’t ibang halagang ibinabayad nila para sa iyo, inuunawa mo ang kanilang kagustuhan, at tinatanggap at pinasasalamatan ang kanilang iba’t ibang kabaitan. Pagkatapos mong tanggapin ang iba’t ibang halagang ibinabayad nila at ang iba’t ibang sakripisyong ginagawa nila para sa iyo, nakakaramdam ka ng pagkakautang sa iyong mga magulang at nahihiya kang harapin sila sa kaibuturan ng iyong puso, at iniisip mong kailangan mo silang suklian paglaki mo. Suklian ang ano? Suklian ang kanilang mga hindi makatwirang ekspektasyon sa iyo? Suklian ang pinsalang idinulot nila sa iyo bago ka umabot sa hustong gulang? Hindi ba’t ito ay pagkalito sa kung ano ang itim at puti? Sa totoo lang, kung pag-uusapan ito mula sa ugat at diwa ng usapin, ang mga ekspektasyon ng mga magulang mo sa iyo ay pansariling saloobin lamang nila, ang mga ito ay pangarap lamang. Ang mga ito ay talagang hindi mga bagay na dapat taglayin, isagawa, o isabuhay ng isang bata, at ang mga ito ay hindi isang bagay na kailangan ng isang bata. Upang sumunod sa mga kalakaran ng mundo, upang umangkop sa mundo, upang makasabay sa pag-usad ng mundo, ipinapasunod sa iyo ng iyong mga magulang ang mga ito, ipinapapasan nila sa iyo ang presyur na ito tulad ng ginagawa nila, at ipinapatanggap at ipinapasunod sa iyo ang masasamang kalakarang ito. Samakatuwid, sa ilalim ng mga marubdob na ekspektasyon ng kanilang mga magulang, maraming anak ang nagsisikap na mag-aral ng iba’t ibang kasanayan, iba’t ibang kurso, at iba’t ibang kaalaman. Mula sa pagsusumikap na tugunan ang mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang, ay nagiging aktibo sila sa paghahangad sa mga nilalayon ng mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang. Sa madaling salita, bago sila umabot sa hustong gulang, pasibong tinatanggap ng mga tao ang mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang, at pagkatapos nilang unti-unting umabot sa hustong gulang, aktibo nilang tinatanggap ang mga ekspektasyon ng personal na kamalayan ng kanilang mga magulang, at kusa nilang tinatanggap ang ganitong uri ng presyur at ang ganitong panlilihis, pagkontrol, at paggapos na nagmumula sa lipunan. Sa kabuuan, mula sa dating pagkapasibo ay unti-unti silang nagiging aktibo. Sa ganoong paraan, nasisiyahan ang kanilang mga magulang. Nararamdaman din ng mga anak ang kapayapaan sa kalooban nila, at na hindi nila binigo ang kanilang mga magulang, na sa wakas ay naibigay na nila sa kanilang mga magulang ang gusto ng mga ito, at na lumaki na sila—hindi lang simpleng paglaki tungo sa hustong gulang, kundi pagiging mga indibidwal na may talento sa mga mata ng kanilang mga magulang, at pagtupad sa mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang. Bagamat nagtatagumpay ang mga taong ito sa pagiging mga indibidwal na may talento sa mga mata ng kanilang mga magulang pagkatapos nilang umabot sa hustong gulang, at sa panlabas, tila nasuklian na ang mga halagang binayad ng kanilang mga magulang, at na hindi naging walang saysay ang mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang sa kanila, ano ang totoo? Nagtagumpay ang mga anak na ito sa pagiging mga tuta ng kanilang mga magulang, nagtagumpay sila sa pagkakaroon ng utang sa kanilang mga magulang, nagtagumpay sila sa paggugol ng kanilang buhay para maisakatuparan ang mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang, para magpakitang-gilas sa kanilang mga magulang, nagdadala ng kapurihan at katanyagan sa kanilang mga magulang, at nagtagumpay sila sa pagbibigay-kasiyahan sa kanilang mga magulang, sa katunayan na ipinagmamalaki at ikinagagalak sila ng kanilang mga magulang. Saanman magpunta ang kanilang mga magulang, binabanggit ng mga ito ang kanilang mga anak: “Ang anak kong babae ay manager sa isang kompanya.” “Ang anak kong babae ay taga-disenyo sa isang sikat na brand.” “Ang anak kong babae ay may nakamit nang partikular na antas sa isang wikang banyaga, matatas niya itong nasasalita, isa siyang tagasalin para sa partikular na wika.” “Ang anak kong babae ay isang computer engineer.” Ang mga anak na ito ay ipinagmamalaki at ikinagagalak ng kanilang mga magulang, at nagtagumpay sila sa pagkopya sa kanilang mga magulang. Ito ay dahil gagamitin nila ang parehong mga pamamaraan para turuan at sanayin ang kanilang sariling mga anak. Iniisip nila na nagtagumpay ang kanilang mga magulang sa pagsasanay sa kanila, kaya gagayahin nila ang mga pamamaraan ng pagtuturo ng kanilang mga magulang para sanayin ang sarili nilang mga anak. Sa ganitong paraan, kailangang tiisin ng kanilang mga anak ang parehong paghihirap, kalunos-lunos na pagdurusa, at pamiminsala mula sa kanila gaya ng naranasan nila sa kanilang mga magulang.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.