Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 17 (Unang Bahagi)
Sa huli nating pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa pagbitiw sa mga pasanin na nagmumula sa pamilya. Tumutukoy ito sa paksa ng pagbitiw ng isang tao sa mga ekspektasyon ng kanyang mga magulang. Ang mga ekspektasyong ito ay nagdudulot ng hindi nakikitang panggigipit sa bawat tao, hindi ba? (Oo.) Isa ang mga ito sa mga pasanin na nagmumula sa pamilya ng mga tao. Ang pagbitiw sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang ay nangangahulugan ng pagbitiw sa mga panggigipit at pasanin na idinudulot ng iyong mga magulang sa iyong buhay, pag-iral, at sa landas na tinatahak mo. Ibig sabihin, kapag nakakaapekto ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang sa landas na pinipili mo sa buhay, sa pagganap sa iyong tungkulin, sa iyong paglalakbay sa tamang landas, at sa iyong kalayaan, mga karapatan, at mga likas na gawi, nagdudulot ng panggigipit at pasanin sa iyo ang kanilang mga ekspektasyon. Ang mga pasaning ito ay mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao sa kanilang buhay, pag-iral, at pananampalataya sa Diyos. Hindi ba’t napagbahaginan na natin dati ang paksang ito? (Oo.) Likas na tumutukoy sa napakaraming bagay ang mga ekspektasyon ng mga magulang ng isang tao, halimbawa, sa pag-aaral, trabaho, pag-aasawa, pamilya, at maging sa propesyon, mga inaasam, kinabukasan ng isang tao, at iba pa. Mula sa perspektiba ng isang magulang, ang bawat ekspektasyon nila sa kanilang anak ay lohikal, patas, at makatwiran. Walang ni isang magulang ang walang mga ekspektasyon sa kanyang anak. Maaaring mas marami o mas kaunti ang ekspektasyon nila, maaaring mas malaki o mas maliit, o maaaring may iba-iba silang ekspektasyon sa kanilang anak sa mga partikular na panahon. Umaasa sila na makakakuha ng magagandang marka ang kanilang anak, na magiging maayos ang trabaho ng mga ito, na magiging maganda ang kikitain ng mga ito, at na ang lahat ay magiging maayos at masaya kapag nag-asawa ang mga ito. Ang mga magulang ay may iba’t iba pa ngang ekspektasyon tungkol sa pamilya, propesyon, at mga inaasam ng kanilang anak. Mula sa perspektiba ng isang magulang, ang mga ekspektasyong ito ay talagang nararapat lang, ngunit sa perspektiba ng kanyang anak, ang iba’t ibang ekspektasyong ito ay lubos na nakasasagabal sa kanyang tamang pagpapasya, at nakakasagabal pa nga sa kanyang kalayaan, at sa mga karapatan o interes niya bilang isang normal na tao. Kasabay nito, nakakasagabal din ang mga ekspektasyong ito sa normal na paggamit ng kanyang kakayahan. Sa kabuuan, sa anumang perspektiba natin ito tingnan, kung ito man ay sa perspektiba ng isang magulang, o sa perspektiba ng kanyang anak, kung lumalampas ang mga ekspektasyon ng magulang sa saklaw ng kung ano ang kaya ng isang taong may normal na pagkatao, kung lumalampas ang mga ito sa saklaw ng kung ano ang kayang makamit ng mga likas na gawi ng isang taong may normal na pagkatao, o kung lumalampas ang mga ito sa mga karapatang pantao na dapat taglayin ng isang taong may normal na pagkatao, o sa mga tungkulin at obligasyong ibinibigay ng Diyos sa mga tao, at iba pa, kung gayon, ang mga ekspektasyong ito ay hindi tama at hindi makatwiran. Siyempre, maaari ding sabihin na hindi dapat magkaroon ng mga ekspektasyong ito ang mga magulang, at na hindi dapat umiiral ang mga ekspektasyong ito. Batay rito, dapat bitiwan ng mga anak ang mga ekspektasyong ito ng magulang. Ibig sabihin, kapag pinanghawakan ng mga magulang ang perspektiba o posisyon ng isang magulang, para sa kanila ay may karapatan silang umasa na gagawin ng kanilang anak ang ganito o ganyan, at na tatahakin ng kanilang anak ang isang partikular na landas, at pipiliin ang isang partikular na buhay, kapaligiran sa pag-aaral, o trabaho, pag-aasawa, pamilya, at iba pa. Gayunpaman, bilang mga normal na tao, hindi dapat panghawakan ng mga magulang ang perspektiba o posisyon ng isang magulang, hindi nila dapat gamitin ang kanilang pagkakakilanlan bilang magulang para hilingin sa kanilang anak na gawin ang anumang bagay na labas sa saklaw ng kanilang mga obligasyon bilang anak o lagpas pa sa kakayahan ng tao. Ni hindi sila dapat manghimasok sa iba’t ibang pasya ng kanilang anak, at hindi nila dapat ipilit sa anak nila ang kanilang mga ekspektasyon, ang kanilang mga kagustuhan, ang kanilang mga kakulangan at kawalang-kasiyahan, o ang alinman sa kanilang mga interes. Ito ay mga bagay na hindi dapat gawin ng mga magulang. Kapag nagkikimkim ang mga magulang ng mga ekspektasyon na hindi naman dapat, kailangang harapin ng kanilang anak ang mga ekspektasyong iyon nang tama. Ang higit na importante, dapat makilatis ng kanilang anak ang kalikasan ng mga ekspektasyong ito. Kung malinaw mong nakikita na ipinagkakait sa iyo ng mga ekspektasyon ng iyong mga magulang ang iyong mga karapatang pantao, at na ang mga ekspektasyong ito ay isang uri ng panghihimasok o panggugulo sa iyong pagpili sa mga positibong bagay at tamang landas, kung gayon dapat mong bitiwan ang mga ekspektasyong ito, at huwag pansinin ang mga ito. Dapat mong gawin ito dahil ito ang karapatan mo, ito ang karapatang ibinigay ng Diyos sa bawat nilikhang tao, at hindi dapat isipin ng mga magulang mo na may karapatan silang panghimasukan ang iyong landas sa buhay at ang iyong mga karapatang pantao, dahil lamang sa ipinanganak ka nila at na sila ang mga magulang mo. Samakatuwid, ang bawat nilikha ay may karapatang magsabi ng “hindi” sa anumang hindi makatwiran, hindi naaangkop, o maging sa hindi wastong ekspektasyon ng magulang. Pwedeng-pwede kang tumangging pasanin ang alinman sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang. Ang pagtangging tumanggap o pumasan ng alinman sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang ay ang paraan para maisagawa ang pagbitiw sa kanilang mga hindi wastong ekspektasyon.
Pagdating sa pagbitiw sa mga ekspektasyon ng magulang, anong mga katotohanan ang kailangang maunawaan ng mga tao? Ibig sabihin, alam mo ba kung sa anong mga katotohanan nakabatay ang pagbitiw ng isang tao sa mga ekspektasyon ng kanyang mga magulang, o kung anong mga katotohanang prinsipyo ang sinusunod nito? Kung naniniwala ka na ang mga magulang mo ang pinakamalapit na tao sa iyo sa buong mundo, na sila ang mga amo at lider mo, na sila ang mga taong nagsilang sa iyo at nagpalaki sa iyo, na nagbigay sa iyo ng mga pagkain, damit, tahanan, at transportasyon, na nag-alaga sa iyo, at na sila ang mga nagtaguyod sa iyo, magiging madali ba para sa iyo na bitiwan ang kanilang mga ekspektasyon? (Hindi.) Kung naniniwala ka sa mga bagay na ito, malamang na haharapin mo ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang mula sa pespektiba ng laman, at magiging mahirap para sa iyo na bitiwan ang alinman sa kanilang mga hindi naaangkop at hindi makatwirang ekspektasyon. Magagapos at mapipigilan ka ng kanilang mga ekspektasyon. Kahit na pakiramdam mo sa puso mo ay hindi ka nasisiyahan at ayaw mong gawin ito, hindi ka magkakaroon ng lakas ng loob na kumawala sa mga ekspektasyong ito, at wala kang magagawa kundi hayaan itong likas na magpatuloy. Bakit kailangan mong hayaan na lang ito na likas na magpatuloy? Dahil kung bibitiwan mo ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, at babalewalain o tatanggihan ang alinman sa kanilang mga ekspektasyon, mararamdaman mo na isa kang hindi mabuting anak, na wala kang utang na loob, na binigo mo ang iyong mga magulang, at na hindi ka mabuting tao. Kung titingin ka mula sa perskpektiba ng laman, gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya para magamit ang iyong konsensiya sa pagsukli sa kabutihan ng iyong mga magulang, para matiyak na hindi naging walang saysay ang paghihirap na dinanas ng iyong mga magulang alang-alang sa iyo, at na gugustuhin mo ring matupad ang kanilang mga ekspektasyon. Sisikapin mong isakatuparan ang lahat ng hinihiling nilang gawin mo, para hindi sila mabigo, para gawin ang tama para sa kanila, at magpapasya kang alagaan sila kapag sila ay matanda na, para masiguro na masaya ang kanilang mga huling taon sa buhay, at mas mag-iisip ka pa nga nang kaunti, sa pag-aasikaso sa kanilang mga lamay, nagbibigay-kasiyahan sa kanila kasabay ng pagtupad sa sarili mong pagnanais na maging isang mabuting anak. Habang nabubuhay sa mundong ito, naiimpluwensyahan ang mga tao ng iba’t ibang uri ng pampublikong opinyon at panlipunang klima, pati rin ng iba’t ibang kaisipan at pananaw na popular sa lipunan. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, maaari lamang nilang tingnan ang mga bagay na ito mula sa perspektiba ng mga nararamdaman ng laman, at kasabay nito, maaari lamang nilang pangasiwaan ang mga bagay na ito mula sa perspektibang iyon. Sa panahong ito, iisipin mo na gumagawa ang mga magulang mo ng maraming bagay na hindi dapat ginagawa ng isang magulang, hanggang sa mamumuhi at masusuklam ka pa nga sa kaibuturan ng iyong puso sa ilang kilos at pag-uugali ng iyong mga magulang, pati na sa kanilang pagkatao, karakter, at sa kanilang mga pamamaraan at diskarte sa paggawa ng mga bagay-bagay, ngunit gugustuhin mo pa ring maging isang mabuting anak para sila ay bigyang-karangalan at kasiyahan, at hindi ka mangangahas na pabayaan sila sa anumang paraan. Sa isang aspekto, gagawin mo ito upang hindi ka itaboy ng lipunan, at sa isa pang aspekto, upang matugunan ang mga pangangailangan ng iyong konsensiya. Ang mga pananaw na ito ay ikinintal lahat sa iyo ng sangkatauhan at ng lipunan, kaya magiging napakahirap para sa iyo na pangasiwaan ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang at ang relasyon mo sa kanila sa makatwirang paraan. Mapipilitan kang harapin sila bilang isang mabuting anak, na hindi magprotesta laban sa anumang kilos ng iyong mga magulang; wala kang ibang mapagpipilian, ito lamang ang magagawa mo, at dahil dito, mas magiging mahirap para sa iyo na bitiwan ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang. Kung tunay mong bibitiwan ang mga ito sa loob ng puso mo, kakailanganin mo pa ring tiisin ang isa pang pasanin o kagipitan—ang pagkondena ng lipunan, ng iyong kamag-anak, at ng iyong kalapit na pamilya. Kakailanganin mo pa ngang tiisin ang pagkondena, pagtakwil, mga sumpa, at pangungutya na nagmumula sa kaibuturan ng iyong puso, na nagsasabing wala kang kwenta, na hindi ka isang mabuting anak, na wala kang utang na loob, o maging mga bagay na gaya ng, “Isa kang walang malasakit na ingrata, suwail ka, hindi ka pinalaki nang maayos ng nanay mo” na sinasabi ng mga tao sa sekular na lipunan—sa madaling salita, lahat ng uri ng hindi kaaya-ayang bagay. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, masasadlak ka sa ganitong uri ng suliranin. Ibig sabihin, kapag makatwiran mong binitiwan ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang sa kaibuturan ng iyong puso, o kapag atubili mong binitiwan ang mga ito, uusbong sa kailaliman ng puso mo ang isa pang uri ng pasanin o kagipitan; ang kagipitang ito ay nagmumula sa lipunan at sa epekto ng iyong konsensiya. Kaya, paano mo mabibitiwan ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang? May landas para malutas ang problemang ito. Hindi ito mahirap—kailangang pagsikapan ng mga tao ang katotohanan, at humarap sa Diyos para hanapin at unawain ang katotohanan, pagkatapos ay malulutas ang problema. Kaya, anong aspekto ng katotohanan ang kailangan mong maunawaan para hindi ka matakot na pasanin ang pagkondena ng opinyon ng publiko, o ang pagkondena ng iyong konsensiya sa kaibuturan ng iyong puso, o ang pagtuligsa at berbal na pang-aabuso ng iyong mga magulang kapag binitiwan mo ang mga ekspektasyon nila? (Na tayo ay mga nilikha lamang sa harap ng Diyos. Sa mundong ito, hindi lamang natin dapat gampanan ang ating mga responsabilidad sa ating mga magulang, ang mas mahalaga, dapat nating gawin nang maayos ang ating mga tungkulin at tuparin ang ating mga obligasyon. Kung malinaw natin itong mauunawaan, marahil ay hindi tayo masyadong maiimpluwensiyahan ng ating mga magulang o ng pagkondena ng opinyon ng publiko kapag binitiwan natin ang mga ekspektasyon ng ating mga magulang sa hinaharap.) Sino pa ang magsasalita tungkol dito? (Nitong huli, nakipagbahaginan ang Diyos tungkol sa kung paanong, kapag umalis tayo sa ating mga tahanan para gampanan ang ating mga tungkulin, na sa isang aspekto ay dahil sa mga obhektibong sitwasyon—kailangan nating iwan ang ating mga magulang para magawa ang ating mga tungkulin, kaya hindi natin sila maaalagaan—hindi naman sa pinipili nating iwan sila dahil umiiwas tayo sa ating mga responsabilidad. Sa isa pang aspekto, nililisan natin ang ating mga tahanan dahil tinawag tayo ng Diyos para gampanan ang ating mga tungkulin, kaya hindi natin masasamahan ang ating mga magulang, ngunit nag-aalala pa rin tayo sa kanila—ibang kaso ito sa pag-ayaw nating gampanan ang ating mga responsabilidad sa kanila at sa hindi pagiging mabuting anak.) Ang dalawang dahilang ito ay mga katotohanan at katunayang dapat maunawaan ng mga tao. Kung nauunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito, kapag binitiwan nila ang mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang, mas magiging kalmado nang kaunti at mas mapapapaya ang pakiramdam nila sa kaibuturan ng kanilang puso, ngunit malulutas ba nito ang ugat ng problemang ito? Kung hindi dahil sa impluwensiya ng mas malalaking panlabas na sitwasyon, mauugnay ba ang kapalaran mo sa kapalaran ng iyong mga magulang? Kung hindi ka nananampalataya sa Diyos, at ginugugol at pinalilipas mo ang iyong mga araw sa normal na paraan, sigurado bang masasamahan mo ang iyong mga magulang? Talaga bang magagawa mong maging isang mabuting anak? Talaga bang magagawa mong manatili sa tabi nila at suklian ang kanilang kabutihan? (Hindi ito tiyak.) Mayroon bang sinuman na kumikilos lamang para suklian ang kabutihan ng kanilang mga magulang sa buong buhay nila? (Wala.) Walang ganoong tao. Samakatuwid, dapat mong malaman ang bagay na ito at makilala ang diwa nito mula sa ibang perspektiba. Ito ang mas malalim na katotohanan na dapat mong maunawaan sa usaping ito. Isa rin itong katunayan, at higit pa roon, ito ang diwa ng mga bagay na ito. Ano ang mga katotohanang dapat mong maunawaan sa loob ng pagbitiw sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang? Sa isang aspekto, dapat mong maunawaan na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang; sa ibang aspekto, dapat mong maunawaan na hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong buhay o ng iyong kapalaran. Hindi ba’t ito ang katotohanan? (Ito nga.) Kung nauunawaan mo ang dalawang katotohanang ito, hindi ba’t magiging mas madali para sa iyo na bitiwan ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang? (Oo.)
Una, pag-uusapan natin ang aspektong ito ng katotohanan: “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang.” Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang—ano ang tinutukoy nito? Hindi ba’t tumutukoy ito sa kabutihang ipinakita sa iyo ng iyong mga magulang sa pagpapalaki sa iyo? (Oo.) Pinakitaan ka ng iyong mga magulang ng kabutihan sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo, kaya’t napakahirap para sa iyo na bitiwan ang iyong relasyon sa kanila. Iniisip mo na kailangan mong suklian ang kanilang kabutihan, kung hindi, hindi ka magiging isang mabuting anak; naniniwala ka na dapat mo silang pakitaan ng katapatan bilang iyong mga magulang, na dapat mong sundin ang bawat salita nila, na dapat mong tugunan ang bawat nais at hinihingi nila, at higit pa rito, hindi mo sila dapat biguin—naniniwala ka na ganito ang pagsukli sa kanilang kabutihan. Siyempre, ang ilang tao ay may magandang trabaho at kumikita ng malaki, at binibigyan nila ang kanilang mga magulang ng ilang materyal na kasiyahan at ng isang magandang materyal na buhay, na tinutulutan ang kanilang mga magulang na tamasahin ang mga ito, at nagbibigay-daan sa kanilang mga magulang na mas mamuhay nang maayos. Halimbawa, sabihin nang binibilhan mo ng bahay at kotse ang iyong mga magulang, dinadala mo sila sa mararangyang restawran para kumain ng lahat ng uri ng delicacy, at dinadala mo sila sa mga destinasyong pangturista at nagbu-book ka ng mararangyang hotel para sa kanila, para mapasaya sila at maipatamasa sa kanila ang mga bagay na ito. Ginagawa mo ang lahat ng bagay na ito para suklian ang kabutihan ng iyong mga magulang, para maramdaman ng iyong mga magulang na may nakukuha silang kapalit sa pagpapalaki sa iyo at pagmamahal sa iyo, at na hindi mo sila binigo. Sa isang aspekto, ginagawa mo ito para makita ng iyong mga magulang, sa isa pang aspekto, ginagawa mo ito para makita ng mga tao sa paligid mo, para makita ng lipunan, at kasabay nito ay ginagawa mo ang iyong makakaya para matugunan ang mga pangangailangan ng iyong konsensiya. Paano mo man ito tingnan, anuman ang sinusubukan mong tugunan, ano’t anuman, ginagawa mo ang lahat ng ito, sa malaking bahagi, para masuklian ang kabutihan ng iyong mga magulang, at ang diwa ng mga kilos na ito ay ang suklian ang kabutihang ipinakita sa iyo ng iyong mga magulang sa pagpapalaki sa iyo. Kaya, bakit mayroon ka ng ideyang ito ng pagsukli sa kabutihan ng iyong mga magulang? Ito ay dahil naniniwala ka na isinilang ka ng iyong mga magulang, at na hindi naging madali para sa kanila na palakihin ka; sa ganitong paraan, hindi namamalayan na nagiging pinagkakautangan mo ang iyong mga magulang. Iniisip mo na may utang ka sa iyong mga magulang, at na dapat mo silang suklian. Naniniwala ka na sa pamamagitan ng pagsukli sa kanila, saka ka lang magkakaroon ng pagkatao, at magiging isang tunay na mabuting anak, at na ang pagsukli sa kanila ang moral na pamantayang dapat taglayin ng isang tao. Kaya, sa diwa ay lumilitaw ang mga ideya, pananaw, at kilos na ito dahil naniniwala ka na may utang ka sa iyong mga magulang, at na dapat mo silang suklian; sa malaking bahagi, pinagkakautangan mo ang iyong mga magulang, ibig sabihin, naniniwala ka na may utang ka sa kanila dahil sa kabutihang ipinakita nila sa iyo. Ngayon na may kakayahan ka nang suklian sila at bumawi sa kanila, gagawin mo ito—ayon sa iyong mga kakayahan, gumagamit ka ng pera at pagmamahal para makabawi sa kanila. Kaya, ang paggawa ba nito ay pagpapakita ng tunay na pagkatao? Ito ba ay isang tunay na prinsipyo ng pagsasagawa? (Hindi.) Bakit Ko sinasabi na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang? Sapagkat “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang” ang katotohanan, kung itinuturing mo ang iyong mga magulang bilang ang iyong mga tagapagtaguyod at pinagkakautangan, at kung ang lahat ng ginagawa mo ay para masuklian sila sa kanilang kabutihan, tama ba ang ideya at pananaw na ito? (Hindi.) Hindi ba’t ang “hindi” na iyan ay sinasabi nang may pag-aatubili? Alin sa mga pahayag na ito ang katotohanan: “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang” o “Ang mga magulang mo ang mga nagtaguyod sa iyo, at kailangan mo silang suklian”? (“Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang” ang katotohanan.) Dahil “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang” ang katotohanan, kung gayon, ang pahayag ba na “Ang mga magulang mo ang mga nagtaguyod sa iyo, at kailangan mo silang suklian” ang katotohanan? (Hindi.) Hindi ba’t sumasalungat ito sa pahayag na: “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang”? (Oo.) Hindi mahalaga kung alin sa mga pahayag na ito ang nagpaparamdam sa iyong inuusig ka ng iyong konsensiya—ano ang mahalaga? Ang mahalaga ay kung alin sa mga pahayag na ito ang katotohanan. Dapat mong tanggapin ang pahayag na siyang katotohanan, kahit na dama mong hindi komportable at inuusig ang iyong konsensiya, dahil ito ang katotohanan. Bagamat ang pahayag na “Ang mga magulang mo ang mga nagtaguyod sa iyo, at kailangan mo silang suklian” ay naaayon sa mga moral na pamantayan sa pagkatao ng isang tao, at sa kamalayan ng konsensiya ng tao, hindi ito ang katotohanan. Kahit dama mong nasisiyahan at komportable ang iyong konsensiya sa pahayag na ito, dapat mo itong bitiwan. Ito ang saloobing dapat mong taglayin pagdating sa pagtanggap sa katotohanan. Kaya, sa pagitan ng “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang” at “Ang mga magulang mo ang mga nagtaguyod sa iyo, at kailangan mo silang suklian,” aling pahayag ang mas komportable sa pandinig, mas naaayon sa pagkatao at sa iyong konsensiya, at mas naaayon sa mga moral na pamantayan ng sangkatauhan? (Ang ikalawang pahayag.) Bakit ang ikalawang pahayag? Dahil ito ay tumutugon at nagbibigay-kasiyahan sa emosyonal na pangangailangan ng tao. Gayunpaman, hindi ito ang katotohanan, at kinasusuklaman ito ng Diyos. Kaya, hindi ba komportable ang mga tao sa pahayag na “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang”? (Hindi sila komportable rito.) Ano ang nararamdaman at nahihiwatigan ng mga tao pagkatapos marinig ang pahayag na ito? (Na medyo wala itong konsensiya.) Pakiramdam nila ay medyo wala itong damdamin ng tao, hindi ba? (Ganoon nga.) Sinasabi ng ilang tao, “Kung ang isang tao ay walang damdamin ng tao, tao pa rin ba siya?”—kung ang mga tao ay walang damdamin ng tao, tao ba sila? Ang pahayag na “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang” ay parang walang damdamin ng tao, ngunit ito ay isang katunayan. Kung haharapin mo sa makatwirang paraan ang relasyon mo sa iyong mga magulang, matutuklasan mo na malinaw na ipinaliwanag ng pahayag na “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang” ang relasyon ng bawat tao sa kanilang magulang mula sa pinakaugat nito, at ang diwa at ugat ng mga relasyon sa pagitan ng mga tao. Kahit hindi komportable ang iyong konsensiya dahil dito, at hindi nito natutugunan ang iyong mga emosyonal na pangangailangan, isa pa rin itong katunayan, at isa pa rin itong katotohanan. Maaaring magbigay-kakayahan sa iyo ang katotohanang ito na harapin nang makatwiran at tama ang kabutihang ipinakita sa iyo ng iyong mga magulang sa pagpapalaki sa iyo. Maaari ka rin nitong bigyang-kakayahan na harapin nang makatwiran at tama ang alinman sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang. Natural na mas mabibigyan ka nito ng kakayahang harapin nang makatwiran at tama ang relasyon mo sa iyong mga magulang. Kung magagawa mong harapin ang relasyon mo sa iyong mga magulang nang ganoon, kung gayon, mapangangasiwaan mo ito sa makatwirang paraan. Sinasabi ng ilang tao: “Ang mga katotohanang ito ay napakahusay na naipahayag, at tila labis na nakakapukaw ng damdamin, ngunit bakit kapag naririnig ito ng mga tao, pakiramdam nila ay medyo imposible itong makamit? Lalo na ang ‘Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang’—bakit kaya pagkatapos marinig ang katotohanang ito ay nararamdaman ng mga tao na ang kanilang relasyon sa kanilang mga magulang ay lalong nalalayo? Bakit pakiramdam nila ay walang pagmamahal sa pagitan nila at ng kanilang mga magulang?” Sinasadya bang ilayo ng katotohanan ang mga tao sa isa’t isa? Sinasadya ba ng katotohanan na putulin ang ugnayan ng mga tao sa kanilang mga magulang? (Hindi.) Kaya, anong mga resulta ang maaaring makamit sa pag-unawa sa katotohanang ito? (Ang pag-unawa sa katotohanang ito ay makapagbibigay-kakayahan sa atin na makita kung ano ba talaga ang relasyon natin sa ating mga magulang—sinasabi sa atin ng katotohanang ito ang tunay na kalikasan ng usaping ito.) Tama iyan, binibigyang-kakayahan ka nitong makita ang tunay na kalikasan ng usaping ito, upang maharap at mapangasiwaan ang mga bagay na ito nang makatwiran, at hindi mamuhay sa loob ng iyong pagmamahal o sa mga ugnayan ng mga tao sa laman, tama ba?
Pag-usapan natin kung paano dapat bigyang-kahulugan ang “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang.” Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang—hindi ba’t katunayan ito? (Oo.) Dahil ito ay katunayan, nararapat lang na ipaliwanag natin ang mga usaping nakapaloob dito. Tingnan natin ang usapin ng pagsilang ng iyong mga magulang sa iyo. Sino ba ang nagpasyang ipanganak ka nila: ikaw o ang iyong mga magulang? Sino ang pumili kanino? Kung titingnan mo ito mula sa perspektiba ng Diyos, ang sagot ay: wala sa inyo. Hindi ikaw o ang mga magulang mo ang nagpasyang ipanganak ka nila. Kung titingnan mo ang ugat ng usaping ito, ito ay inorden ng Diyos. Isasantabi muna natin ang paksang ito sa ngayon, dahil madaling maunawaan ng mga tao ang usaping ito. Mula sa iyong perspektiba, wala sa kontrol mo na ipinanganak ka ng iyong mga magulang, wala kang anumang pagpipilian sa usaping ito. Mula sa perspektiba ng iyong mga magulang, kusang-loob ka nilang ipinanganak, hindi ba? Sa madaling salita, kung isasantabi ang pag-orden ng Diyos, pagdating sa usapin ng pagsilang sa iyo, nasa iyong mga magulang ang lahat ng kapangyarihan. Pinili nilang ipanganak ka, at sila ang may kontrol sa lahat. Hindi mo piniling ipanganak ka nila, wala kang kontrol nang isilang ka nila, at wala kang magagawa sa bagay na iyon. Kaya, sapagkat nasa mga magulang mo ang lahat ng kapangyarihan, at pinili nilang ipanganak ka, mayroon silang obligasyon at responsabilidad na itaguyod ka, palakihin hanggang sa hustong gulang, tustusan ka ng edukasyon, pagkain, mga damit, at pera—ito ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at ito ang dapat nilang gawin. Samantala, palagi kang pasibo sa panahong pinalalaki ka nila, wala kang karapatang mamili—kinailangang palakihin ka nila. Dahil bata ka pa noon, wala kang kapasidad na palakihin ang iyong sarili, wala kang magagawa kundi maging pasibo habang pinalalaki ka ng iyong mga magulang. Pinalaki ka sa paraang pinili ng iyong mga magulang, kung binibigyan ka nila ng masasarap na pagkain at inumin, kung gayon ay kumakain ka at umiinom ng masasarap na pagkain at inumin. Kung binibigyan ka ng iyong mga magulang ng kapaligiran sa pamumuhay kung saan nabubuhay ka sa mga simpleng pagkain, kung gayon, nabubuhay ka sa mga simpleng pagkain. Sa alinmang paraan, noong pinalalaki ka nila, ikaw ay pasibo, at ginagampanan ng mga magulang mo ang kanilang responsabilidad. Katulad ito ng pag-aalaga ng iyong mga magulang sa isang bulaklak. Dahil gusto nilang alagaan ang isang bulaklak, dapat nila itong lagyan ng pataba, diligan, at tiyaking nasisikatan ito ng araw. Kaya naman, patungkol sa mga tao, hindi mahalaga kung metikuloso kang inalagaan ng iyong mga magulang o inaruga ka nila nang mabuti, sa alinmang paraan, ginagampanan lang nila ang kanilang responsabilidad at obligasyon. Anuman ang dahilan kung bakit ka nila pinalaki, responsabilidad nila ito—dahil ipinanganak ka nila, dapat silang maging responsable sa iyo. Batay rito, maituturing bang kabutihan ang lahat ng ginawa ng iyong mga magulang para sa iyo? Hindi maaari, hindi ba? (Tama.) Ang pagtupad ng iyong mga magulang sa kanilang responsabilidad sa iyo ay hindi maituturing na kabutihan, kaya kung tinutupad nila ang kanilang responsabilidad sa isang bulaklak o sa isang halaman, dinidiligan at pinatataba ito, maituturing ba iyon na kabutihan? (Hindi.) Higit pa ngang malayo iyon sa pagiging mabuti. Ang mga bulaklak at halaman ay mas tumutubo nang maayos kapag nasa labas—kung ang mga ito ay itinatanim sa lupa, nang may hangin, araw, at ulan, lumalago ang mga ito. Hindi tumutubo ang mga ito nang maayos kapag itinanim sa isang paso sa loob ng bahay, hindi tulad ng pagtubo ng mga ito sa labas, ngunit saan man naroroon ang mga ito, nabubuhay ang mga ito, tama ba? Nasaan man ang mga ito, inorden ito ng Diyos. Ikaw ay isang buhay na tao, at inaako ng Diyos ang responsabilidad sa bawat buhay, tinutulutan itong mabuhay, at sumunod sa batas na sinusunod ng lahat ng nilikha. Ngunit bilang isang tao, namumuhay ka sa kapaligiran kung saan ka pinalaki ng iyong mga magulang, kaya dapat kang lumaki at umiral sa kapaligirang iyon. Sa mas malaking antas, ang pamumuhay mo sa kapaligirang iyon ay dahil sa pag-orden ng Diyos; sa mas maliit na antas, ito ay dahil sa pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang, tama? Sa alinmang paraan, sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo, tinutupad ng iyong mga magulang ang isang responsabilidad at obligasyon. Ang palakihin ka hanggang sa hustong gulang ay obligasyon at responsabilidad nila, at hindi ito matatawag na kabutihan. Kung hindi ito matatawag na kabutihan, hindi ba’t isa itong bagay na dapat mong matamasa? (Ganoon na nga.) Ito ay isang uri ng karapatan na dapat mong matamasa. Dapat kang palakihin ng iyong mga magulang, dahil bago ka umabot sa hustong gulang, ang papel na ginagampanan mo ay ang pagiging isang anak na pinalalaki. Samakatuwid, tinutupad lang ng iyong mga magulang ang responsabilidad nila sa iyo at tinatanggap mo lang ito, ngunit tiyak na hindi nito ibig sabihin na tumatanggap ka ng biyaya o kabutihan mula sa kanila. Para sa anumang buhay na nilalang, ang pagbubuntis at pag-aalaga sa mga supling, pag-aanak, at pagpapalaki sa susunod na henerasyon ay isang uri ng responsabilidad. Halimbawa, ang mga ibon, baka, tupa, at maging ang mga tigre ay kailangang mag-alaga sa kanilang mga supling pagkatapos nilang manganak. Walang buhay na nilalang na hindi nagpapalaki ng kanilang mga supling. Posibleng mayroong ilang eksepsiyon, ngunit hindi ganoon karami. Ito ay isang likas na penomena sa pag-iral ng mga buhay na nilalang, ito ay isang likas na gawi ng mga buhay na nilalang, at hindi ito maiuugnay sa kabutihan. Sumusunod lamang sila sa batas na itinakda ng Lumikha para sa mga hayop at sangkatauhan. Samakatuwid, ang pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang ay hindi isang kabutihan. Batay rito, masasabi na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Tinutupad nila ang kanilang responsabilidad sa iyo. Gaano man kalaki ang pagsisikap at perang ginugugol nila sa iyo, hindi nila dapat hilingin sa iyo na suklian sila, dahil ito ang kanilang responsabilidad bilang mga magulang. Dahil ito ay isang responsabilidad at isang obligasyon, dapat na libre ito, at hindi sila dapat humingi ng kabayaran. Sa pagpapalaki sa iyo, ginagampanan lamang ng iyong mga magulang ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at hindi ito dapat binabayaran, at hindi ito dapat isang transaksiyon. Kaya, hindi mo kailangang harapin ang iyong mga magulang o pangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideya ng pagsukli sa kanila. Kung talaga ngang tinatrato mo ang iyong mga magulang, sinusuklian sila, at pinangangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideyang ito, hindi iyon makatao. Kasabay nito, malamang na mapipigilan at magagapos ka ng mga damdamin ng iyong laman, at mahihirapan kang makalabas sa mga obligasyong ito, hanggang sa maaaring maligaw ka pa. Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang, kaya wala kang obligasyon na isakatuparan ang lahat ng ekspektasyon nila. Wala kang obligasyong magbayad para sa mga ekspektasyon nila. Ibig sabihin, maaari silang magkaroon ng sarili nilang mga ekspektasyon. May sarili kang mga pasya, at ang landas sa buhay at tadhana na itinakda ng Diyos para sa iyo, na walang kinalaman sa iyong mga magulang. Kaya, kapag sinabi ng isa sa iyong mga magulang na: “Hindi ka mabuting anak. Hindi ka bumalik para makita ako sa loob ng napakaraming taon, at napakaraming araw na ang nakalipas mula noong huli mo akong tawagan. May sakit ako at walang nag-aalaga sa akin. Wala talagang saysay ang pagpapalaki ko sa iyo. Talagang isa kang walang malasakit na ingrata, at walang utang na loob na anak!” Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanang “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang,” kapag narinig mo ang mga salitang ito, magiging kasingsakit ito ng isang kutsilyo na sumasaksak sa puso mo, at mararamdaman mo ang pagkondena ng iyong konsensiya. Babaon ang bawat isa sa mga salitang ito sa puso mo, at mahihiya kang harapin ang iyong mga magulang, pakiramdam mo ay may utang na loob ka sa kanya, at lubos kang makokonsensiya sa kanila. Kapag sinabi ng iyong magulang na isa kang walang malasakit na ingrata, talagang mararamdaman mong: “Tama talaga siya. Pinalaki niya ako hanggang sa edad na ito, at hindi pa niya natamasa ang aking tagumpay. Ngayon ay may sakit siya, at umaasa siya na makakapanatili ako sa kanyang tabi, pinagsisilbihan at sinasamahan siya. Kailangan niya ako para masuklian ang kanyang kabutihan, pero wala ako roon. Isa talaga akong walang malasakit na ingrata!” Ituturing mo ang iyong sarili bilang isang walang malasakit na ingrata—makatwiran ba iyon? Isa ka bang walang malasakit na ingrata? Kung hindi mo nilisan ang iyong tahanan para gampanan ang iyong tungkulin sa ibang lugar, at nanatili ka sa tabi ng iyong magulang, mapipigilan mo kaya ang pagkakasakit niya? (Hindi.) Makokontrol mo ba kung mabubuhay o mamamatay ang mga magulang mo? Makokontrol mo ba kung sila ay mayaman o mahirap? (Hindi.) Anuman ang sakit na makukuha ng iyong mga magulang, hindi iyon dahil sa pagod na pagod sila sa pagpapalaki sa iyo, o dahil sa nangulila sila sa iyo; lalong hindi sila magkakaroon ng alinman sa mga malubha, seryoso, at posibleng nakamamatay na sakit nang dahil sa iyo. Kapalaran nila iyon, at wala itong kinalaman sa iyo. Gaano ka man kabuting anak sa iyong mga magulang, ang pinakamainam na magagawa mo ay bawasan nang kaunti ang pagdurusa ng kanilang laman at ang kanilang mga pasanin, ngunit tungkol sa pagkakasakit nila, anong sakit ang nakukuha nila, kailan sila mamamatay, at saan sila mamamatay—may kinalaman ba ang mga bagay na ito sa iyo? Wala, walang kinalaman ang mga ito. Kung mabuti kang anak, kung hindi ka isang walang malasakit na ingrata, at ginugugol mo ang iyong buong araw kasama sila, binabantayan sila, hindi ba sila magkakasakit? Hindi ba sila mamamatay? Kung magkakasakit sila, hindi ba’t magkakasakit pa rin naman talaga sila? Kung mamamatay sila, hindi ba’t mamamatay pa rin naman talaga sila? Hindi ba’t tama iyon? Kung sinabi ng iyong mga magulang noon na isa kang walang malasakit na ingrata, na wala kang konsensiya, at na isa kang walang utang na loob na anak, sasama kaya ang loob mo? (Oo.) Paano naman kung ngayon nila ito sasabihin? (Hindi sasama ang loob ko ngayon.) Kung gayon, paano nalutas ang problemang ito? (Dahil nagbahagi ang Diyos na kung magkasakit man o hindi ang aming mga magulang at mabuhay man sila o mamatay, wala itong kinalaman sa amin, lahat ito ay inorden ng Diyos. Kung mananatili kami sa tabi nila, wala kaming magagawa, kaya, kung sasabihin nilang kami ay walang malasakit na ingrata, wala itong kinalaman sa amin.) Hindi mahalaga kung tawagin ka ng iyong mga magulang na isang walang malasakit na ingrata, ang mahalaga ay tinutupad mo ang tungkulin ng isang nilikha sa harap ng Lumikha. Hangga’t hindi ka isang walang malasakit na ingrata sa mga mata ng Diyos, sapat na iyon. Hindi mahalaga kung ano ang sasabihin ng mga tao. Ang sinasabi ng iyong mga magulang tungkol sa iyo ay hindi tiyak na totoo, at ang sinasabi nila ay hindi kapaki-pakinabang. Kailangan mong gawing iyong batayan ang mga salita ng Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na ikaw ay isang sapat na nilikha, kung gayon, hindi mahalaga kung tinatawag ka ng mga tao na isang walang malasakit na ingrata, wala silang anumang mapapala. Kaya lang sadyang maaapektuhan ang mga tao sa mga insultong ito dahil sa epekto ng kanilang konsensiya, o kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan at maliit ang kanilang tayog, at medyo hindi magiging maganda ang lagay ng kanilang kalooban, at makararamdam sila ng kaunting depresyon, ngunit kapag bumalik sila sa harap ng Diyos, ang lahat ng ito ay malulutas, at hindi na magiging problema para sa kanila. Hindi ba’t nalutas na ang usapin ng pagsukli sa kabutihan ng mga magulang? Naiintindihan mo ba ang usaping ito? (Oo.) Ano ang katunayang kailangang maunawaan ng mga tao rito? Ang pagpapalaki sa iyo ay responsabilidad ng iyong mga magulang. Pinili nilang ipanganak ka, kaya may responsabilidad at obligasyon silang palakihin ka. Sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo hanggang sa hustong gulang, tinutupad nila ang kanilang responsabilidad at obligasyon. Wala kang anumang utang sa kanila, kaya hindi mo sila kailangang suklian. Hindi mo sila kailangang suklian—malinaw na ipinapakita nito na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang, at na hindi mo kailangang gumawa ng anumang bagay para sa kanila bilang kapalit sa kanilang kabutihan. Kung pinahihintulutan ka ng iyong mga sitwasyon na magampanan nang kaunti ang responsabilidad mo sa kanila, kung gayon ay gawin mo ito. Kung hindi mo magagampanan ang iyong obligasyon sa kanila dahil sa iyong kapaligiran at mga sitwasyon, kung gayon ay hindi mo na ito kailangang masyadong pag-isipan, at hindi mo dapat isipin na may utang ka sa kanila, dahil hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Hindi mahalaga kung maging mabuting anak ka sa iyong mga magulang, o gampanan mo ang iyong responsabilidad sa kanila, pinanghahawakan mo lang ang perspektiba ng isang anak at ginagampanan ang kaunting responsabilidad mo sa mga taong minsang nagsilang at nagpalaki sa iyo. Ngunit tiyak na hindi mo ito maaaring gawin mula sa perspektiba ng pagsukli sa kanila, o mula sa perspektiba ng “Ang mga magulang mo ang mga nagtaguyod sa iyo, at kailangan mo silang suklian, dapat mong suklian ang kanilang kabutihan.”
May kasabihan sa mundo ng mga hindi mananampalataya: “Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina.” Nariyan din ang kasabihang ito: “Ang isang taong walang galang sa magulang ay mas mababa pa kaysa sa hayop.” Napakaganda pakinggan ng mga kasabihang ito! Sa totoo lang, ang penomena na binabanggit ng unang kasabihan, pagsukli ng mga uwak sa kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang pagluhod ng mga tupa para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina, ay talagang umiiral, at ang mga ito ay katunayan. Gayunpaman, ang mga ito ay penomena lamang sa loob ng mundo ng hayop. Ang mga ito ay isang uri lang ng batas na itinatag ng Diyos para sa iba’t ibang buhay na nilalang, na sinusunod ng lahat ng uri ng buhay na nilalang, kabilang na ang mga tao. Ang katunayan na ang lahat ng uri ng buhay na nilalang ay sumusunod sa batas na ito ay higit na nagpapakita na ang lahat ng buhay na nilalang ay nilikha ng Diyos. Walang buhay na nilalang ang maaaring lumabag sa batas na ito, at walang buhay na nilalang ang makakalampas dito. Kahit na ang mga medyo mabangis na karniboro tulad ng mga leon at tigre ay nag-aalaga sa kanilang mga supling at hindi nila kinakagat ang mga ito bago umabot sa hustong gulang ang mga ito. Ito ay likas na gawi ng isang hayop. Anuman ang kanilang species, sila man ay mabangis o mabait at maamo, lahat ng hayop ay nagtataglay ng ganitong likas na gawi. Ang lahat ng uri ng nilalang, kabilang ang mga tao, ay maaari lamang magpatuloy na dumami at mabuhay sa pamamagitan ng pagsunod sa likas na gawi at batas na ito. Kung hindi sila sumusunod sa batas na ito, o wala silang ganitong batas at likas na gawi, hindi sila makapagpaparami at mabubuhay. Hindi iiral ang biological chain, at gayundin ang mundong ito. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Ang pagsukli ng mga uwak sa kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang pagluhod ng mga tupa para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina ay tumpak na nagpapakita na ang mundo ng hayop ay sumusunod sa ganitong uri ng batas. Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang ay may ganitong likas na gawi. Sa sandaling maipanganak ang mga supling, sila ay inaalagaan at tinutustusan ng mga babae o lalaki ng species na iyon hanggang sa umabot sila sa hustong gulang. Kayang gampanan ng lahat ng uri ng buhay na nilalang ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa kanilang mga supling, matapat at masigasig na pinapalaki ang susunod na henerasyon. Mas lalong totoo ito pagdating sa mga tao. Ang mga tao ay tinatawag ng sangkatauhan bilang mas matataas na antas ng hayop—kung hindi nila masusunod ang batas na ito, at wala sila ng likas na gawing ito, kung gayon, ang mga tao ay mas mababa kaysa sa mga hayop, hindi ba? Samakatuwid, gaano ka man tinutustusan ng iyong mga magulang habang pinapalaki ka nila, at gaano man nila ginagampanan ang kanilang responsabilidad sa iyo, ginagawa lang nila ang dapat nilang gawin sa loob ng saklaw ng mga kakayahan ng isang nilikhang tao—likas na gawi nila ito. Tingnan mo na lang ang mga ibon, sa loob ng higit isang buwan bago ang panahon ng pagsasamang-dingas, palagi silang naghahanap ng ligtas na lugar para gawin ang kanilang mga pugad. Ang mga ibon na lalaki at babae ay nagsasalitan sa paglabas, nagdadala ng iba’t ibang uri ng halaman, balahibo, at sanga para simulan ang paggawa ng kanilang mga pugad sa medyo makakapal na puno. Ang maliliit na pugad na gawa ng iba’t ibang uri ng ibon ay pawang lubos na matitibay at masinsin. Alang-alang sa kanilang mga supling, ginugugol ng mga ibon ang lahat ng pagsisikap na ito sa paggawa ng mga pugad at pagtatayo ng mga silungan. Pagkatapos nilang maitayo ang kanilang mga pugad at panahon na para sa paglilimlim, palaging may ibon sa bawat pugad; ang mga lalaki at babaeng ibon ay naghahalinhinan sa pagbabantay sa loob ng 24 na oras sa isang araw, at lubos silang alerto—kapag ang isa sa kanila ay bumalik na, agad namang lilipad ang isa pagkatapos. Hindi nagtatagal pagkatapos nito, napipisa ang ilang itlog at lumalabas ang ulo ng mga sisiw, at maririnig mo silang magsimulang humuni sa mga puno. Ang mga ibong nasa hustong gulang ay pabalik-balik na lumilipad, babalik para pakainin ang kanilang mga sisiw ng ilang uod, tapos ay babalik uli para pakainin ang mga sisiw ng iba pang pagkain, nagpapakita ng labis na pagkamaasikaso. Pagkalipas ng ilang buwan, lumaki na nang kaunti ang ilan sa mga sisiw, at kaya na nilang tumayo sa gilid ng kanilang mga pugad at ipayagpag ang kanilang mga pakpak; ang kanilang mga magulang ay lumilipad pabalik-balik, naghahalinhinan sa pagpapakain at pagbabantay sa kanilang mga sisiw. May isang taon na nakakita Ako ng uwak sa langit, may hawak na sisiw sa bibig nito. Sobrang kahabag-habag ang pagsiyap ng sisiw na iyon, tila humihingi ng tulong. Ang uwak ay nasa harapan, lumilipad habang tangay ang sisiw sa bibig nito, at may isang pares ng mga ibong nasa hustong gulang na ang humahabol dito. Kahabag-habag ang pagsiyap ng dalawang ibong iyon, at sa huli ay lumipad palayo ang uwak. Malamang ay namatay pa rin naman ang sisiw kahit na nakahabol pa ang mga magulang nito sa uwak. Ang dalawang ibong iyon na nasa hustong gulong na nakasunod sa uwak ay sumiyap nang malakas na ikinaalarma ng mga tao sa lupa—sa tingin mo, gaano kahabag-habag ang pagsiyap ng mga ito? Sa katunayan, tiyak na hindi lamang isa ang sisiw ng mga ito. Malamang na tatlo o apat ang sisiw sa pugad ng mga ito, ngunit kapag ang isa ay natangay, hinahabol nila ito, sumisiyap nang malakas. Ganoon ang hayop at biyolohikal na mundo—nagagawang alagaan ng mga buhay na nilalang ang kanilang mga supling nang walang kapaguran. Ang mga ibon ay lumilipad pabalik at gumagawa ng mga bagong pugad bawat taon, ginagawa nila ang parehong mga bagay bawat taon; nililimliman nila ang kanilang mga sisiw, pinapakain ang mga ito, at tinuturuan kung paano lumipad. Habang nagsasanay ang mga sisiw sa paglipad, hindi lumilipad ang mga ito nang napakataas, at kung minsan ay nahuhulog ang mga ito sa lupa. Ilang beses na rin namin silang nailigtas, at ibinabalik sila kaagad sa kanilang mga pugad. Tinuturuan sila ng kanilang mga magulang araw-araw, at balang araw ang lahat ng sisiw na iyon ay lilisanin ang kanilang mga pugad at lilipad palayo, at ang pugad ay maiiwang walang laman. Sa susunod na taon, darating ang mga bagong pares ng ibon para bumuo ng mga pugad, limliman ang kanilang mga itlog, at palakihin ang kanilang mga sisiw. Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang at hayop ay nagtataglay ng mga likas na gawi at batas na ito, at sinusunod nila ang mga ito nang mabuti, ganap na isinasakatuparan ang mga ito. Ito ay isang bagay na hindi kayang sirain ninuman. Mayroon ding ilang espesyal na hayop, tulad ng mga tigre at leon. Kapag nasa hustong gulang na ang mga hayop na ito, iniiwan nila ang kanilang mga magulang, at ang ilang lalaki ay nagiging magkaribal pa nga, nangangagat, nakikipaglaban, at nakikipagtunggali kung kinakailangan. Normal lang ito, ito ay isang batas. Hindi sila gaanong mapagmahal, at hindi sila namumuhay ayon sa kanilang mga damdamin gaya ng mga tao, nagsasabing: “Kailangan kong suklian ang kabutihan nila, kailangan kong bumawi sa kanila—kailangan kong sundin ang aking mga magulang. Kung hindi ako magiging mabuting anak sa kanila, kokondenahin, kagagalitan ako ng ibang tao, at pupunahin nila ako habang nakatalikod ako. Hindi ko kakayanin iyon!” Ang gayong mga bagay ay hindi sinasabi sa mundo ng hayop. Bakit sinasabi ng mga tao ang gayong mga bagay? Dahil sa lipunan at sa loob ng mga grupo ng mga tao, mayroong iba’t ibang maling ideya at karaniwang opinyon. Matapos maimpluwensyahan, masira, at mabulok ang mga tao sa mga bagay na ito, nagiging iba’t iba ang pagbibigay-kahulugan at pagharap nila sa relasyon ng magulang at anak, at sa huli ay tinatrato nila ang kanilang mga magulang bilang kanilang mga pinagkakautangan—mga pinagkakautangan na hinding-hindi nila mababayaran sa buong buhay nila. Mayroon pa ngang mga taong nakokonsensiya pagkatapos mamatay ang kanilang mga magulang, at iniisip nila na hindi sila karapatdapat sa kabutihan ng kanilang mga magulang, dahil sa isang bagay na ginawa nila na hindi nakapagpasaya sa kanilang mga magulang o hindi nagustuhan ng mga ito. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t kalabisan ito? Ang mga tao ay nababalot ng mga damdamin sa kanilang buhay, kaya maaari lamang silang maapektuhan at mabagabag ng iba’t ibang ideyang nagmumula sa mga damdaming ito. Ang mga tao ay namumuhay sa isang kapaligirang kinukulayan ng ideolohiya ng tiwaling sangkatauhan, kaya’t naaapektuhan at nababagabag sila ng iba’t ibang maling ideya, na ginagawang nakakapagod at hindi gaanong simple ang kanilang buhay kumpara sa mga ibang buhay na nilalang. Gayunpaman, sa ngayon, dahil ang Diyos ay gumagawa, at dahil ipinapahayag Niya ang katotohanan para sabihin sa mga tao ang tunay na kalikasan ng lahat ng katunayang ito, at para bigyan sila ng kakayahang maunawaan ang katotohanan, pagkatapos mong maunawaan ang katotohanan, hindi na magpapabigat sa iyo ang mga maling ideya at pananaw na ito, at hindi na magsisilbing gabay sa kung paano mo pangasiwaan ang relasyon mo sa mga magulang mo. Sa puntong ito, magiging mas maluwag ang buhay mo. Ang maluwag na pamumuhay ay hindi nangangahulugan na hindi mo alam kung ano ang iyong mga responsabilidad at obligasyon—alam mo pa rin ang mga bagay na ito. Depende lang ito sa kung aling perspektiba at mga pamamaraan ang pipiliin mo sa pagharap sa iyong mga responsabilidad at obligasyon. Ang isang landas ay ang piliin ang damdamin, at harapin ang mga bagay na ito nang emosyonal, at nang batay sa mga pamamaraan, ideya, at pananaw na itinuturo ni Satanas sa tao. Ang isa pang landas ay ang harapin ang mga bagay na ito batay sa mga salitang itinuro ng Diyos sa tao. Kapag pinangangasiwaan ng mga tao ang mga usaping ito ayon sa mga maling ideya at pananaw ni Satanas, maaari lamang silang mamuhay sa mga komplikasyon ng kanilang damdamin, at hindi nila kailanman nakikilala ang kaibahan ng tama at mali. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, wala silang magagawa kundi ang mamuhay sa isang patibong, palaging naiipit sa mga usapin tulad ng, “Tama ka, mali ako. Marami kang naibigay sa akin; mas kaunti ang naibigay ko sa iyo. Wala kang utang na loob. Masyado nang marami ang nagawa mo para sa akin.” Dahil dito, hindi sila kailanman nagsasalita nang malinaw. Gayunpaman, pagkatapos maunawaan ng mga tao ang katotohanan, at kapag nakatakas sila mula sa samu’t saring maling ideya, pananaw, at damdamin, nagiging simple na para sa kanila ang mga usaping ito. Kung susunod ka sa isang katotohanang prinsipyo, ideya, o pananaw na wasto at nagmumula sa Diyos, magiging napakaluwag ng buhay mo. Hindi na mahahadlangan ng opinyon ng publiko, o ng kamalayan ng iyong konsensiya, o ng bigat ng iyong damdamin kung paano mo pinangangasiwaan ang relasyon mo sa iyong mga magulang; sa kabaligtaran, magbibigay-daan sa iyo ang mga bagay na ito na harapin ang relasyong ito sa tama at makatwirang paraan. Kung kikilos ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo na ibinigay ng Diyos sa tao, kahit na punahin ka ng mga tao habang nakatalikod ka, magiging payapa at kalmado ka pa rin sa kaibuturan ng iyong puso, at hindi ito makakaapekto sa iyo. Kahit papaano, hindi mo kagagalitan ang iyong sarili dahil sa pagiging isang walang malasakit na ingrata o hindi mo na mararamdaman ang pang-uusig ng iyong konsensiya sa kaibuturan ng iyong puso. Ito ay dahil malalaman mo na ang lahat ng iyong kilos ay alinsunod sa mga pamamaraan na itinuro sa iyo ng Diyos, at na nakikinig at sumusunod ka sa mga salita ng Diyos, at sinusundan mo ang Kanyang daan. Ang pakikinig sa mga salita ng Diyos at pagsunod sa Kanyang daan ay ang konsensiyang dapat taglayin ng mga tao higit sa lahat. Magiging tunay na tao ka lamang kapag nagagawa mo ang mga bagay na ito. Kung hindi mo pa natamo ang mga bagay na ito, kung gayon ay isa kang walang malasakit na ingrata. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Malinaw mo na bang nakikita ang usaping ito ngayon? Ang makita ito nang malinaw ay isang aspekto nito; kung unti-unting nauunawaan ng mga tao ang usaping ito at naisasagawa ang katotohanan, iyon ay isa pang aspekto. Upang malinaw na makita ang usaping ito, dapat maranasan ng mga tao ang mga bagay-bagay sa loob ng ilang panahon. Kung nais ng mga tao na makita nang malinaw ang katunayan at diwa na ito, at maabot ang punto kung saan pinangangasiwaan nila ang mga usapin nang may mga prinsipyo, hindi ito magagawa sa maikling panahon, dahil kailangan munang iwaksi ng mga tao ang impluwensiya ng iba’t ibang mali at masamang ideya at pananaw. Isa pa, ang mas mahalagang aspekto nito ay na dapat nilang malutas ang mga hadlang at impluwensiya ng sarili nilang konsensiya at mga damdamin; sa partikular, dapat nilang malampasan ang balakid ng kanilang sariling mga damdamin. Sabihin nating kinikilala mo sa teorya na ang salita ng Diyos ang katotohanan at na ito ay tama, at alam mo, sa teorya, na ang mga baluktot na ideya at pananaw na ikinikintal ni Satanas sa mga tao ay mali, ngunit sadyang hindi mo malampasan ang balakid ng iyong mga damdamin, at palagi kang naaawa sa iyong mga magulang, iniisip na naging napakabuti nila sa iyo, na sila ay gumugol, at gumawa, at nagdusa nang labis para sa iyo, na ang mga alaala ng lahat ng ginawa ng iyong mga magulang para sa iyo, ang lahat ng sinabi nila, at maging ang bawat halagang binayaran nila para sa iyo ay napakalinaw pa rin sa isipan mo. Ang bawat isa sa mga balakid na ito ay magiging mga napakahalagang bahagi ng proseso para sa iyo, at hindi magiging madali para sa iyo na malampasan ang mga ito. Sa katunayan, ang pinakamahirap na balakid na dapat mong malampasan ay ang iyong sarili. Kung malalampasan mo ang sunod-sunod na balakid, tuluyan mo nang mabibitiwan ang mga nararamdaman mo para sa iyong mga magulang. Hindi Ako nagbabahagi tungkol dito para ipagkanulo mo ang iyong mga magulang, at lalong hindi Ko ito ginagawa para magkaroon ng distansiya sa pagitan mo at ng iyong mga magulang—hindi tayo nagsisimula ng isang kilusan, hindi na kailangang maglagay ng anumang distansiya. Nagbabahagi Ako tungkol dito para lang mabigyan ka ng tamang pang-unawa sa mga usaping ito, at para matulungan kang tumanggap ng tamang ideya at pananaw. Isa pa, nagbabahagi Ako tungkol dito upang kapag nangyari sa iyo ang mga bagay na ito, hindi ka mababagabag ng mga ito, o ganap na maigagapos ng mga ito, at ang mas mahalaga, kapag naharap ka sa mga bagay na ito, hindi nito maaapektuhan ang paggampan mo sa tungkulin ng isang nilikha. Sa ganitong paraan, makakamit ang layon ng pagbabahagi Ko. Talaga bang darating ang puntong kung saan hindi na iisipin ng mga taong namumuhay sa laman ang mga bagay na ito, at kung saan wala nang emosyonal na gusot sa pagitan nila at ng kanilang mga magulang? Imposible iyon. Sa mundong ito, bukod sa kanilang mga magulang, may mga anak din ang mga tao—ito ang dalawang pinakamalapit na ugnayan sa laman ng mga tao. Imposibleng ganap na maputol ang ugnayan sa pagitan ng isang magulang at ng isang anak. Hindi kita hinihikayat na pormal mong ideklarang pinuputol mo na ang iyong ugnayan sa iyong mga magulang, at na hinding-hindi ka na muling makikipag-ugnayan sa kanila. Sinusubukan kitang tulungan na pangasiwaan nang tama ang iyong relasyon sa kanila. Mahirap ang mga bagay na ito, hindi ba? Habang lumalalim ang iyong pang-unawa sa katotohanan, at habang nagkakaedad ka, unti-unti nang nababawasan ang hirap ng mga bagay na ito. Kapag nasa mga edad bente ang mga tao, iba ang nararamdaman nilang emosyonal na koneksiyon sa kanilang mga magulang kumpara sa kapag sila ay 30 o 40 taong gulang na. Lalong humuhupa ang koneksiyong ito kapag 50 taong gulang na sila, at hindi na kailangang pag-usapan pa kung ano ang mangyayari kapag ang mga tao ay umabot sa edad na 60 o 70. Sa oras na iyon, mas lalo nang humupa ang koneksiyon—nagbabago ito habang tumatanda ang mga tao.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.