Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 15 (Ikalawang Bahagi)

May ilang tao na, sa panahon ng Chinese New Year, ay ginugugol ang kanilang mga araw sa pagsilip sa mga almanac, sinisimulan ang tradisyonal na pagdiriwang mula sa ika-30 araw ng ika-12 buwan ng lunar na kalendaryo, mahigpit na sinusunod ang pamumuhay at mga ipinagbabawal na ipinamana sa pamamagitan ng mga tradisyonal na kaugaliang ito sa kung ano ang kanilang kinakain, ano ang kanilang isinusuot, at ano ang kanilang iniiwasang gawin sa bawat araw. Anuman ang itinuturing na ipinagbabawal sabihin o gawin, tinitiyak nilang iwasang sabihin o gawin ang bagay na iyon, at anuman ang swerteng kainin o sabihin, kakainin at sasabihin din nila ang bagay na iyon. Halimbawa, naniniwala ang ilan na sa Bagong Taon, kinakailangan nilang kumain ng rice cake para siguraduhing magkakaroon sila ng promosyon sa darating na taon. Alang-alang sa promosyon sa darating na taon, sisiguraduhin nilang makakakain ng rice cake, kahit na may mahahalagang bagay silang kailangang asikasuhin, gaano man sila kaabala o kapagod, o kahit na mayroon silang anumang espesyal na sitwasyon ukol sa kanilang pagganap sa tungkulin o kung magkakaroon man sila ng sapat na oras para asikasuhin ito. Kung wala silang oras para gumawa ng rice cake sa bahay, lalabas sila at bibili para lang matiyak ang swerte. At may ilang tao na kinakailangang kumain ng isda sa Bagong Taon, dahil sumisimbolo ito ng kasaganahan taon-taon. Kung hindi sila kakain ng isda sa isang taon, naniniwala silang mahaharap sila sa kahirapan sa susunod na labindalawang buwan. Kung hindi sila makakabili ng isda, maaaring maglagay pa nga sila ng isang kahoy na isda sa hapag-kainan bilang isang simbolo. Kumakain sila ng rice cake at isda para masiguro kapwa ang promosyon at kasaganahan sa darating na taon. Sa isang aspekto, ginagawa nila ito para gawing mas maayos ang takbo ng taong ito, para maging mas maganda at maunlad ang buhay nila, at sa isa pang aspekto, umaasa silang magtagumpay sa kanilang propesyon o kumita ng maraming pera mula sa kanilang negosyo. Dagdag pa rito, sa Bagong Taon, tinitiyak din nilang gumamit ng mga swerteng salita. Halimbawa, iniiwasan nilang banggitin ang mga numerong apat at lima dahil ang “apat” ay katunog ng “kamatayan,” at ang “lima” naman ay katunog ng “wala” kung pakikinggan sa Chinese. Sa halip, mas gusto nilang gamitin ang mga numero tulad ng anim at walo, kung saan ang salitang “anim” ay kumakatawan sa maayos na takbo, at ang “walo” ay kumakatawan sa pagyaman. Hindi lamang mga swerteng salita ang kanilang ginagamit kundi nagbibigay rin sila ng mga pulang sobre sa kanilang mga empleyado, kapamilya, kamag-anak, at kaibigan. Ang pagbibigay ng mga pulang sobre ay sumisimbolo ng pagyaman, at kung mas maraming pulang sobre ang ibinibigay nila, mas nangangahulugan din ito na magiging maunlad sila. Hindi lamang sila nagbibigay ng mga pulang sobre sa mga tao, kundi pati na rin sa kanilang mga alagang hayop, na sumisimbolo na maaari silang magkamit ng yaman mula sa kahit sino, at ang susunod na taon ay mapupuno ng maunlad na negosyo at malaking kayamanan. Ang lahat ng bagay, mula sa kanilang kinakain hanggang sa kanilang ginagawa, mula sa kanilang sinasabi hanggang sa kung paano sila kumikilos, ay pawang tungkol sa pagpapatuloy ng mga kinagawian at kasabihan na ipinamamana sa pamamagitan ng tradisyon, at isinasagawa nila ang mga ito nang may lubusang katumpakan. Kahit na magbago pa ang kanilang kapaligiran na pinamumuhayan o ang komunidad kung saan sila nakatira, hindi mababago ang mga tradisyonal na kaugalian at pamumuhay na ito. Dahil mayroong partikular na kabuluhan sa loob nila ang mga tradisyong ito, na sumasaklaw sa parehong mga positibong kasabihan at mga ipinagbabawal na ipinamana ng mga ninuno ng mga tao, kinakailangan nilang ipagpatuloy ang mga ito. Kung ang mga tradisyong ito ay nilabag at ang mga ipinagbabawal ay sinira, kung gayon, maaaring hindi magiging maganda ang darating na taon, na hahantong sa mga balakid kahit saan, sa pagbagsak ng negosyo, o pagkalugi. Kaya napakahalaga na itaguyod ang mga tradisyong ito. Mayroong mga tradisyong dapat sundin sa mga masasayang okasyon at mayroong mga tradisyong dapat ding sundin sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao. Halimbawa, ang pagpapagupit–kung titingnan ng isang tao ang kalendaryo at makikita na malas magpagupit o lumabas ng bahay ngayong araw, hindi sila maglalakas-loob na lumabas. Kung hindi nila tiningnan ang kalendaryo at lumabas sila at nagpagupit pa rin, kung gayon, malalabag ang kapwa mga ipinagbabawal na paglabas ng bahay at pagpapagupit, at maaaring maharap sila sa hindi inaasahang kahihinatnan–kaya’t dapat masunod ang mga bagay na ito. Nabibilang ang mga ito sa kapwa tradisyon at pamahiin. Kung kailangan ng isang tao na lumabas, ngunit tiningnan niya ang kalendaryo at nakitang malas ang lahat ng bagay ngayong araw, na ibig sabihin ay araw ngayon ng pahinga, paglibang, pagrelaks, at pag-iwas sa paggawa ng anumang bagay, kung gayon, kahit pa sinabihan sila na kailangan nilang lumabas at magpalaganap ng ebanghelyo ngayong araw, baka mag-alala sila kung ano ang maaaring mangyari sa kanila kung lalabag sila sa ipinagbabawal at magkakaroon ng hindi inaasahang pangyayari sa kanila, tulad ng maaksidente sa sasakyan at manakawan. Hindi sila mangangahas na lumabas, at sinasabi nila na, “Bukas na lang tayo lumabas! Hindi natin pwedeng balewalain ang sinasabi sa atin ng ating mga ninuno. Sinasabi nila na dapat nating palaging tingnan ang kalendaryo bago lumabas. Kung sinasabi ng kalendaryo na malas ang lahat ng bagay, hindi tayo dapat lumabas. Kung talagang lalabas ka at may mangyari, dapat mong harapin nang mag-isa ang mga kahihinatnan. Sino ang nagsabi sa iyo na huwag tingnan ang kalendaryo at sundin ang sinasabi nito?” Nauukol ito sa kapwa tradisyon at pamahiin, hindi ba? (Oo, ganoon na nga.)

Sinasabi ng ilang tao, “Magiging 24 na ang edad ko ngayong taon; ito ang taon ko sa zodiac.” Sinasabi ng iba, “Magiging 36 na ako ngayong taon; ito ang taon ko sa zodiac.” Ano ang kinakailangan mong gawin sa iyong taon sa zodiac? (Magsuot ng pulang damit na panloob at pulang sinturon.) Sino rito ang nagsuot na ng pulang panloob noon? Sino ang nagsuot na ng pulang sinturon? Ano ang pakiramdam ng nakasuot ng pulang panloob at pulang sinturon? Naramdaman mo bang naging maayos ang iyong taon? Naitaboy ba nito ang malas? (Noong taon ko sa zodiac, nagsuot ako ng pulang medyas. Gayunpaman, noong taon na iyon, talagang hindi maganda ang resulta ng aking pagsusulit. Ang pagsusuot ng pula ay hindi naghatid ng swerte gaya ng sabi ng mga tao.) Ang pagsusuot ng mga ito ay naghatid sa iyo ng malas, hindi ba? Mas naging mahusay ka kaya kung hindi ka nagsuot ng pula? (Wala itong naging epekto kung nagsuot man ako ng pula o hindi.) Iyan ay tamang pananaw sa katanungan—wala itong naging epekto. Ito ay kapwa tradisyon at pamahiin. Kasalukuyan mo mang tinatanggap ang ideyang ito ng taon sa zodiac o gusto mo mang ipagpatuloy ang tradisyong ito, ang mga tradisyonal na kaisipan at kasabihang nauugnay rito ay nag-iwan na ng marka sa isipan ng mga tao. Halimbawa, kapag dumating na ang iyong taon sa zodiac, kung makakaranas ka ng mga hindi inaasahang pangyayari o mga espesyal na sitwasyon na nagsasanhing maging mahirap iyong taon at salungat sa iyong mga kagustuhan, hindi mo maiiwasang isipin na, “Talagang naging mahirap ang taon na ito. Kung iisipin mo, ito ang taon ko sa zodiac, at sinasabi ng mga tao na sa iyong taon sa zodiac, kailangan mong mag-ingat dahil mas madaling sirain ang mga ipinagbabawal. Ayon sa tradisyon, dapat akong magsuot ng pula, pero dahil nananalig ako sa Diyos, hindi ko ginawa. Hindi ako naniniwala sa mga kasabihang iyon, pero kapag naiisip ko ang mga pagsubok na kinaharap ko sa taong ito, hindi naging maayos ang takbo ng mga bagay-bagay. Paano ko maiiwasan ang mga isyung ito? Baka mas magiging maganda ang susunod na taon.” Hindi mo mamamalayang maiuugnay mo ang mga pambihira at hindi magagandang pangyayaring naranasan mo sa taong ito sa mga tradisyonal na kasabihan tungkol sa taon ng zodiac na ikinondisyon sa iyo ng iyong mga ninuno at pamilya. Gagamitin mo ang mga kasabihang ito para patunayan ang mga pambihirang pangyayaring naranasan mo sa taong ito, at sa paggawa nito, isinasantabi mo ang mga katunayan at ang diwa sa likod ng mga ito. Isinasantabi mo rin ang saloobing dapat na mayroon ka sa mga sitwasyong ito at ang mga aral na dapat mong matutunan mula sa mga ito. Likas mong iisiping espesyal ang taon na ito, hindi mo namamalayang iniuugnay mo ang lahat ng pangyayari sa taong ito sa iyong taon sa zodiac. Mararamdaman mo na, “Ang taong ito ay naghatid sa akin ng ilang kamalasan o ang taon na ito ay naghatid sa akin ng ilang pagpapala.” Ang mga ideyang ito ay may tiyak na kaugnayan sa pagkokondisyon na mula sa iyong pamilya. Tama man ang mga ito o hindi, may kinalaman ba sa iyong taon sa zodiac ang mga ito? (Wala itong kinalaman.) Walang kaugnayan ang mga ito. Kung gayon, tama ba ang iyong mga perspektiba at pananaw tungkol sa mga usaping ito? (Hindi.) Bakit hindi tama ang mga ito? Ito ba ay dahil medyo naimpluwensiyahan ka ng mga tradisyonal na kaisipan na ikinintal sa iyo ng iyong pamilya? (Oo.) Ang mga tradisyonal na kaisipang ito ay nangunguna at nagiging laman ng isipan mo. Kung gayon, kapag nahaharap sa mga usaping ito, ang iyong kaagad na reaksiyon ay ang tingnan ang mga ito mula sa perspektiba ng mga tradisyonal na kaisipan at pananaw na ito, habang isinasantabi ang perspektibang nais ng Diyos na mayroon ka o ang mga kaisipan at pananaw na dapat mong taglayin. Ano ang magiging resulta sa huli ng iyong pagtingin sa mga usaping ito? Mararamdaman mong hindi naging maganda ang taon na ito, na naging malas ito at salungat ito sa iyong mga kagustuhan, at pagkatapos ay gagamitin mo ang pagkakaroon ng depresyon at pagiging negatibo bilang paraan para iwasan, tutulan, labanan, at tanggihan ang mga bagay na ito. Kaya, ang dahilan ba ng pag-usbong sa iyo ng mga emosyon, kaisipan, at pananaw na ito ay nauugnay sa mga tradisyonal na kaisipang ikinintal sa iyo ng iyong pamilya? (Oo.) Sa mga ganitong usapin, ano ang dapat bitiwan ng mga tao? Dapat nilang bitiwan ang perspektiba at paninindigan mula sa kung saan nila sinusukat ang mga ito. Hindi nila dapat tingnan ang mga usaping ito mula sa perspektiba na napagdaanan nila ang mga sitwasyong ito dahil sa ang taon na ito ay malas, hindi maganda, salungat sa kanilang mga kagustuhan o dahil may nilabag silang ipinagbabawal o hindi sila sumunod sa mga tradisyonal na kaugalian. Sa halip, dapat mong isa-isahin ang mga usaping ito, at unang-una sa lahat, kahit papaano ay dapat mong tingnan ang mga ito mula sa perspektiba ng isang nilikha. Sabihin na ang mga bagay na ito, mabuti man o masama, naaayon man o hindi sa iyong mga kagustuhan, kanais-nais man o malas sa mga mata ng tao, ay isinaayos ng Diyos, sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at nagmumula sa Diyos. Mayroon bang pakinabang sa paggamit ng ganitong uri ng perspektiba at paninindigan sa mga usaping ito? (Oo.) Ano ang unang pakinabang? Kaya mong tanggapin ang mga usaping ito mula sa Diyos, na nangangahulugang sa ilang antas, magagawa mong tanggapin ang mentalidad ng pagpapasakop. Ang pangalawang pakinabang ay na maaari kang matuto ng leksiyon at magkamit ng isang bagay mula sa mga nakakadismayang bagay na ito. Ang pangatlong pakinabang ay na mula sa mga nakakadismayang bagay na ito, maaari mong makilala ang iyong sariling mga kakulangan at kahinaan, pati na rin ang iyong sariling tiwaling disposisyon. Ang pang-apat na pakinabang ay na sa mga nakakadismayang bagay na ito, maaari kang magsisi at magbago, bitiwan ang mga dati mong kaisipan at pananaw, ang dati mong paraan ng pamumuhay, ang iyong iba’t ibang maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at bumalik sa harap ng Diyos, tanggapin ang Kanyang mga pamamatnugot nang may saloobin ng pagpapasakop, kahit na ito ay tumutukoy sa pagkastigo at paghatol ng Diyos, sa Kanyang pagtutuwid at pagdidisiplina sa iyo, o sa Kanyang kaparusahan. Pumapayag kang magpasakop sa lahat ng ito at hindi mo sisisihin ang Langit at ang ibang tao, o muling iuugnay ang lahat sa pananaw at paninindigan na ikinintal sa iyo ng mga tradisyonal na kaisipan, bagkus ay titingnan mo ang bawat usapin mula sa perspektiba ng isang nilikha. Kapaki-pakinabang ito para sa iyo sa maraming paraan. Hindi ba’t kapaki-pakinabang ang lahat ng ito? (Oo.) Sa kabilang banda, kung titingnan mo ang mga bagay na ito base sa mga tradisyonal na kaisipang ikinintal sa iyo ng iyong pamilya, susubukan mo ang lahat ng posibleng paraan para maiwasan ang mga ito. Ano ang ibig sabihin ng pag-iwas sa mga ito? Nangangahulugan ito ng paghahanap ng iba’t ibang paraan para maiwasan ang mga kasawiang ito, para maiwasan ang mga nakakadismaya, hindi kanais-nais, at malas na mga bagay. Sinasabi ng isang tao na, “Ito ang mga munting demonyong gumugulo sa iyo. Kung magsusuot ka ng pulang damit, maiiwasan mo sila. Ang pagsusuot ng pulang damit ay katulad ng pagbibigay sa iyo ng anting-anting sa Budismo. Ang anting-anting ay isang pirasong dilaw na papel na may ilang pulang letrang nakasulat dito. Pwede mo itong idikit sa iyong noo, itahi sa iyong mga damit, o ilagay sa ilalim ng iyong unan, at makakatulong ito sa iyo na makaiwas sa mga bagay na ito.” Kapag walang positibong landas ng pagsasagawa ang mga tao, ang tangi nilang takbuhan ay ang humingi ng tulong mula sa mga baluktot at masasamang landas na ito, dahil walang gustong maging malas o maharap sa anumang kasawian. Lahat ng tao ay gustong maging maayos ang takbo ng mga bagay-bagay. Ito ay isang likas na reaksiyon sa parte ng tiwaling sangkatauhan kapag nahaharap sa mga makamundong bagay. Gusto mong iwasan ang mga bagay na ito o gumamit ng iba’t ibang paraan ng tao para malutas ang mga ito dahil wala kang tamang landas para tugunan ang mga ito o ng mga tamang kaisipan at pananaw para harapin ang mga ito. Maaari mo lang tingnan ang mga bagay na ito mula sa perspektiba ng isang taong walang pananampalataya, kaya’t ang una mong reaksiyon ay ang iwasan ang mga ito, ayaw mong makaharap ang mga bagay na ito. Sinasabi mo na, “Bakit masyadong hindi kanais-nais ang mga bagay para sa akin? Bakit napakamalas ko? Bakit ako nahaharap sa pagpupungos araw-araw? Bakit palagi akong natutuliro at nagkakamali sa lahat ng ginagawa ko? Bakit palaging nabubunyag ang mga kilos ko? Bakit palaging sumasalungat sa mga kagustuhan ko ang mga tao sa paligid ko? Bakit nila ako pinupuntirya, minamaliit, at palaging kinokontra ang kagustuhan ko sa lahat ng bagay?” Gaya ng sinasabi ng ilan, “Kapag minamalas ka, pati malamig na tubig ay maaaring kumapit sa iyong mga ngipin.” Makakakapit ba ang malamig na tubig sa iyong mga ngipin? Ngumunguya ka ba ng malamig na tubig gamit ang iyong mga ngipin? Hindi ba’t walang katuturan ito? Hindi ba’t paninisi ito sa Langit at ibang tao? (Oo, ganoon na nga.) Ano ang ibig sabihin ng maging malas? Mayroon ba talagang ganoon? (Wala.) Walang ganoong bagay. Kung tunay mong kinikilala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, na ang lahat ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, hindi mo gagamitin ang mga salitang tulad ng “malas,” at hindi mo susubukang iwasan ang mga bagay-bagay. Kapag nakakatagpo ang mga tao ng mga bagay na salungat sa kanilang mga kagustuhan, ang una nilang reaksiyon ay ang iwasan ang mga ito, at pagkatapos ay tanggihan ang mga ito. Kung hindi nila kayang tumanggi, umiwas, o magtago mula sa mga bagay na ito, nagsisimula silang labanan ang mga ito. Ang paglaban ay hindi lamang pagninilay-nilay sa mga kaisipan ng isang tao o ang suriin ito sa isipan ng isang tao; ito ay may kasamang pagkilos. Sa pribado, ang mga tao ay gumagawa ng maliliit na pagmamaniobra, bumibigkas ng mga pahayag na mapanukso, binibigyang-katwiran ang sarili, pinangangalagaan ang sarili, nagpapahayag ng mga salitang nagluluwalhati sa sarili, o nagpapaganda sa kanilang sarili, para magmukha silang mabuti, para maiwasang maapektuhan o makaladkad sa isang malas na pangyayari. Sa sandaling magsimulang lumaban ang isang tao, maaari itong maging mapanganib para sa kanila, hindi ba? (Oo.) Sabihin mo sa Akin, kapag ang isang tao ay umabot sa puntong nagsisimula na siyang lumaban, mayroon pa ba siyang natitirang silbi ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao? Nagawa na nilang kumilos mula sa mga kaisipan at pananaw tungo sa tunay na pagkilos, at hindi na sila mapipigilan pa ng katwiran at konsensiya. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin, ang mga kilos at kaisipan ng isang tao ay nagiging totoong paglaban sa Diyos. Ang mga ito ay hindi na lamang simpleng pagtanggi, pag-ayaw, o pagiging malungkot sa kanyang puso; ginagamit na niya ang kaniyang mga kilos at aktuwal na gawa para lumaban. Pagdating sa paglaban sa pamamagitan ng tunay na pagkilos, hindi ba’t katapusan na para sa taong ito? Kapag nabuo na ang mga realidad ng pagrerebelde sa Diyos, paglaban sa Diyos, at pagsalungat sa Kanya, hindi na ito isang problema ng landas na tinatahak ng mga tao—nagkaroon na ito ng resulta. Hindi ba’t masyadong mapanganib ito? (Oo.) Kaya, maging ang isang maliit at hindi gaanong makabuluhang tradisyonal na ideya sa kultura, tradisyonal na kaisipan, o mapamahiing kasabihan ay maaaring humantong sa mga napakalubhang kahihinatnan. Hindi lang ito isang simpleng kagawian sa pamumuhay, isang usapin ng kung ano ang kakainin, kung ano ang isusuot, o kung ano ang sasabihin o hindi sasabihin. Maaari pa itong umabot sa kung anong uri ng saloobin ang ipapakita ng isang tao kapag nahaharap sa mga kapaligirang pinapatnugutan ng Diyos. Samakatuwid, ito rin ay mga isyung dapat bitiwan ng mga tao.

Bukod sa pagtataguyod ng ilang tradisyonal na pamumuhay at mga kaisipan at pananaw sa panahon ng malalaking pagdiriwang, itinataguyod din ng mga tao ang mga ito sa panahon ng ilang maliliit na pagdiriwang. Halimbawa, kumakain sila ng matatamis na dumplings sa ika-15 araw ng Lunar New Year. Bakit kumakain ang mga tao ng matatamis na dumplings? (Simbolo ang mga ito na ang isang pamilya ay muling nagkakasama-sama.) Ang isang pamilya ay muling nagkakasama-sama. Nakakain na ba kayo ng matatamis na kakanin sa mga nakalipas na taon? (Nakakain ako ng mga ito sa bahay, hindi sa iglesia.) Mabuting bagay ba na muling magkakasama-sama ang pamilya? (Hindi.) May mabubuting tao ba sa inyong pamilya? Kung hindi ka nila hihingan ng pera, hihingan ka naman nila ng kabayaran sa utang; kung nagtataglay ka ng kasikatan at pakinabang, binobola ka nila at humihingi sila ng parte, at kung hindi mo sila pagbibigyan, lalaitin ka nila. Mayroong tradisyon ng pagkain ng matatamis na dumplings sa ika-15 araw ng Lunar New Year, mayroon ding ibang kaugalian sa iba’t ibang petsa tulad ng ikalawang araw ng ikalawang buwan sa lunar calendar, ikatlong araw ng ikatlong buwan, ika-apat ng ika-apat na buwan, ikalima ng ikalimang buwan… Komplikado ang iba’t ibang bagay, at ang lahat ng uri ng pagkaing kaugnay ng mga ito. Ang mga bagay na ito na ginagawa ng mundo ng mga walang pananampalataya at mga demonyo ay pawang katawa-tawa. Kung gusto mong magsaya sa isang pagdiriwang at kumain ng masasarap na pagkain, sabihin mo na lang na kakain ka ng masarap na pagkain at iyon lang. Hangga’t pinahihintulutan ng iyong kalagayan sa pamumuhay, maaari kang kumain ng kahit anong gusto mo. Tama na ang ganitong kalokohan, tulad ng pagkain ng kakanin taon-taon para ma-promote, pagkain ng isda para sa kasaganahan, o ng matatamis na dumplings para sa muling pagkakasama-sama ng pamilya. Gumagawa rin ng mga rice dumpling ang mga Chinese, pero para saan? Kada taon, sa iba’t ibang pagdiriwang, may ilang taong dedikado sa iglesia ang bumibili ng iba’t ibang bagay na nauukol sa bawat isa sa mga pagdiriwang, tulad ng mga rice dumpling. Tinanong Ko sila, “Bakit kayo kumakain ng mga rice dumpling?” Sabi nila, “Ito ay para sa Dragon Boat Festival sa ikalimang araw ng ikalimang buwan ng lunar.” Ang mga rice dumpling ay talagang masarap, pero hindi Ko alam kung bakit may isang pagdiriwang na kaugnay ng mga ito o kung paano ito nauugnay sa buhay at kapalaran ng mga tao. Hindi Ako kailanman nagsaliksik o nag-survey tungkol dito, kaya hindi Ko alam. Ito ay para sana gunitain ang isang tao. Ngunit bakit natin kailangang kainin ang mga bagay na ito sa kanyang alaala? Ang mga rice dumpling ay dapat ibigay sa taong iyon. Ang sinumang nagnanais na gunitain siya ay dapat maglagay ng mga rice dumpling sa harap ng kanyang libingan o larawan. Hindi dapat ibigay ang mga ito sa mga nabubuhay: Hindi ito para sa mga nabubuhay. Ang mga nabubuhay ay kumakain ng mga ito para sa taong iyon—isa iyong kahangalan. Ang kaalaman ukol sa mga pagdiriwang na ito, pati na rin kung ano ang kakainin sa panahon ng mga pagdiriwang na ito ay nakuha mula sa mga walang pananampalataya: Hindi Ko alam ang mga partikular na detalye, at ang ilang detalye ay naipasa sa mga tao sa iglesia kinalaunan—kagaya ng pagkain ng mga rice dumplings sa Dragon Boat Festival at pagkain ng mga kakanin sa Lunar New Year. Sa Kanluran, kumakain ang mga tao ng pabo sa Araw ng Pasasalamat: Bakit sila kumakain ng pabo? Ayon sa mga balita, kumakain sila ng pabo sa Araw ng Pasasalamat para magpasalamat—isa itong tradisyon. May isa pang pagdiriwang sa Kanluran na tinatawag na Pasko, kung saan nagtatayo ng mga Christmas tree ang mga tao at nagsusuot ng mga bagong damit—isa rin itong tradisyon. Sa panahon ng pagdiriwang na ito, ang mga taga-Kanluran ay dapat magpalitan ng magagandang salita at mabubuting pagbati, pati na rin ng mga pagbasbas. Hindi sila pinapayagang magsalita ng masasama o ng mga sumpa. Ang lahat ng ito ay katumbas ng mga swerteng kasabihan sa kultura ng Silanganan, at ang layon ng mga ito ay para pigilan ang mga tao na lumabag sa mga ipinagbabawal, kung hindi ay hindi magiging maganda ang susunod na taon. Ang mga pagdiriwang sa Kanluran tulad ng Araw ng Pasasalamat at Pasko ay may kasamang kainan ng mga espesyal at masarap na pagkain, at may mga kwentong nilikha para bigyang-katwiran ang mga ganitong pagkain. Sa huli, binubuod Ko ang nangyayari: Ang mga tao ay naghahanap ng dahilan para magpakasasa sa masasarap na pagkaing ito, tinutulutan silang pangatwiranan ang pagpapahinga nang ilang araw para mag-piyesta sa bahay, kumakain hanggang sa magkaroon sila ng malaking tiyan. Kapag oras na para magdonate ng dugo, sinasabi ng nurse, “Masyadong mataas ang antas ng lipid sa dugo mo, hindi ito naaayon sa pamantayan at hindi ka kwalipikadong magdonate ng dugo.” Ito ay dulot ng sobra-sobrang pagkain ng karne. Ang pangunahing layon sa pagdiriwang ng mga tradisyonal na piyesta ay para magpakasaya sa masasarap na pagkain at inumin. Ito ay ipinamamana mula sa sunod-sunod na henerasyon, mula sa matatanda hanggang sa mga bata, at nagiging isang tradisyon. Ang mga pinagbabatayang kaisipan at pananaw na ikinintal ng mga tradisyong ito, pati na ang ilang pamahiin, ay ipinasa rin mula sa matatanda tungo sa mas nakababatang henerasyon.

Ano pang ibang mga pamahiin ang mayroon? Ang pagkibot ng mata na kababanggit Ko lang ay madalas bang mangyari? (Oo.) Sinasabi mo, “Palaging kumikibot ang mata ko.” May nagtatanong, “Aling mata ang kumikibot?” Ang sagot mo ay, “Ang kaliwang mata.” Sabi ng taong iyon, “Walang problema, ang pagkibot ng kaliwang mata ay nagbabadya ng magandang kapalaran, subalit ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna.” Totoo ba ito? Yumaman ka ba nang kumibot ang kaliwang mata mo? Nakakuha ka ba ng pera? (Hindi.) May nangyari bang sakuna nang kumibot ang iyong kanang mata? (Wala rin.) Nagkaroon ba ng anumang sitwasyon kung saan may nangyaring sakuna dahil kumibot ang iyong kaliwang mata, kung saan may masamang nangyari, o kung saan may magandang nangyari dahil kumibot ang iyong kanang mata? Naniniwala ba kayo sa mga bagay na ito? (Hindi.) Paanong hindi kayo naniniwala sa mga bagay na ito? Bakit kumikibot ang mata ninyo? Mayroon bang mga lunas sa katutubong kultura para pigilan ang pagkibot ng mata? May mga pamamaraan ba? (Nakakita ako ng ilang tao na nagdidikit ng isang piraso ng puting papel sa kanilang talukap.) Naghahanap sila ng isang piraso ng puting papel na ididikit. Aling mata man ang kumikibot, pinupunit nila ang isang piraso ng puting papel mula sa kalendaryo o maliit na notebook at idinidikit ito sa kanilang talukap—hindi pwedeng ibang kulay ito kundi puti lang. Ano ang ibig sabihin ng puting papel? Ibig sabihin, ang pagkibot ay “walang kabuluhan,” nagpapahiwatig na hindi tutulutang may masamang mangyari. Matalinong pamamaraan ba ito? Napakatalino, hindi ba? Pero ibig bang sabihin nito ay kumikibot ito “nang walang kabuluhan”? (Wala itong kaugnayan sa kung magdidikit ba ng papel sa kanyang talukap ang isang tao o hindi.) Maaari ba ninyong linawin ang usaping ito? “Ang pagkibot ng kaliwang mata ay nagbabadya ng magandang kapalaran, subalit ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna”—nangangahulugan man ito ng magandang kapalaran o sakuna, mayroon bang anumang paliwanag para sa pagkibot ng mata? Mayroon bang sitwasyon kung saan kapag kumikibot ang iyong kanang mata, nararamdaman mo na parang may masamang mangyayari, mayroon kang premonisyon, at pagkaraan ng ilang sandali, huminto ito sa pagkibot, nakalimutan mo na ang lahat tungkol dito, at pagkatapos ay may nangyaring masama pagkalipas ng ilang araw, at pagkatapos harapin ang pangyayaring ito, bigla mong naalala, iniisip na, “Naku, tumpak nga ang kasabihan tungkol sa pagkibot ng mata. Bakit? Dahil totoo ngang nagsimulang kumibot ang kanang mata ko nitong mga nakalipas na araw, at nang huminto na ito, nangyari ang insidenteng ito. Pagkatapos nitong mangyari, hindi na kumibot ang mata ko mula noon.” Nangyayari ba ito? Kapag hindi mo maunawaan ang isang bagay, hindi ka nangangahas na magsalita ng anuman, hindi ka nangangahas na itatwa ito o aminin ito bilang totoo; hindi mo maiwasan ang paksa, hindi mo ito masabi nang malinaw, pero iniisip mo pa rin na kapani-paniwala ito. Sa iyong bibig, sinasabi mo na, “Iyan ay pamahiin, hindi ko pwedeng paniwalaan iyan, ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos.” Hindi mo ito pinaniniwalaan, pero nagkatotoo ang bagay na ito; napakatumpak nito, paano mo ito maipapaliwanag? Hindi mo nauunawaan ang katotohanan at diwa rito, kaya hindi mo ito masabi nang malinaw. Itinatatwa mo ito sa bibig mo, tinatawag itong pamahiin, ngunit sa kaloob-looban, natatakot ka pa rin dito dahil may mga pagkakataon na talagang nangyayari ito. Halimbawa, mayroong isang taong naaksidente at namatay. Bago ang aksidente, nakaramdam ng matinding pagkibot sa kanang mata ang asawa ng taong iyon: Patuloy itong kumikibot araw at gabi—gaano kalala ang kahihinatnan ng pagkibot na ito? Maging ang ibang tao ay nakikitang kumikibot ang kanyang mata. Matapos ang ilang araw, nagkaroon ng aksidente sa sasakyan at namatay ang kanyang asawa. Pagkatapos ayusin ang libing, umupo siya at unti-unting napapaisip, “Naku, noong mga araw na iyon, napakatindi ng pagkibot ng mata ko na hindi ko man lang ito mapigilan ng kamay ko. Hindi ko inaasahang magkakatotoo ito nang ganito.” Kalaunan, nagsisimula na siyang maniwala sa kasabihang ito, iniisip na, “Naku, talagang may nangyayari kapag kumikibot ang mata ko. Maaaring hindi naman talaga ito mabuti o masama, pero mayroong nakatakdang mangyari. Isa itong uri ng hula o premonisyon.” Nangyayari ba talaga ito? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako naniniwala rito, isa itong pamahiin.” Pero dumarating ito sa tamang oras, at talagang tumpak ito. Ang mga bagay na nabanggit sa katutubong kultura ay hindi mga tsismis na walang basehan; ang pamahiin ay iba sa tradisyon. Sa partikular na antas, umiiral ito sa buhay ng mga tao, at iniimpluwensiyahan at kinokontrol din nito ang kapaligiran ng pamumuhay ng mga tao at ang mga pangyayari na nagaganap sa kanilang buhay. Sinasabi ng ilang tao, “Eh, hindi ba’t isa itong tanda mula sa Diyos, hindi isang pamahiin? Dahil hindi ito isang pamahiin, dapat natin itong tratuhin at unawain nang maayos. Hindi ito galing kay Satanas, maaaring mula ito sa Diyos—isang pahiwatig mula sa Diyos. Hindi natin ito dapat kondenahin.” Paano natin titingnan nang tama ang bagay na ito? Sinusubok nito ang iyong kakayahang tingnan ang mga bagay-bagay at ang iyong pagkaunawa sa katotohanan. Kung tinatrato mo ang lahat ng bagay nang pantay-pantay, naniniwala ka na, “Lahat ng ito ay pamahiin, walang ganoong bagay, at hindi ako naniniwala sa alinman sa mga ito,” tamang paraan ba ito ng pagtingin sa mga bagay? Halimbawa, kapag gustong lumipat ng bahay ang mga walang pananampalataya, nakikita nila na sinasabi sa kanilang almanac na, “Malas ang araw na ito sa paglipat,” kaya sinusunod nila ang ipinagbabawal na ito at hindi sila nangangahas na lumipat sa araw na iyon. Naghahanap sila ng araw kung saan sinasabi ng almanac na “Swerteng lumipat ngayon” o “Swerte ang lahat ng bagay” bago sila lumipat. Pagkatapos lumipat, walang masamang nangyayari, at hindi ito nakakaapekto sa kanilang kapalaran sa hinaharap. Nangyayari ba ito? Nakikita ng ilang tao ang “malas lumipat” pero hindi nila ito pinaniniwalaan; itinutuloy pa rin nila ang kanilang paglipat. Bilang resulta, nang makalipat na sila may hindi magandang nangyari: may kasawian sa pamilya, bumabagsak ang kanilang kayamanan, may namamatay sa kanilang pamilya, at ang isa naman ay nagkakasakit. Lahat, mula sa pagsasaka, trabaho, at pagnenegosyo hanggang sa pag-aaral ng kanilang mga anak, ay nagiging mahirap. Hindi nila alam kung ano ang nangyayari. Kinokonsulta nila ang isang manghuhula, na nagsasabing, “Nilabag mo ang isang pinakapangunahing ipinagbabawal noong panahong iyon. Malas ang araw na iyon nang lumipat ka, at sa paggawa mo nito, kinontra mo si Tai Sui.”[a] Ano ang nangyayari dito? Alam mo ba? Kung hindi ninyo maunawaan ito, hindi ninyo malalaman kung paano haharapin ang gayong mga sitwasyong kapag lumilitaw ang mga ito. Kung sasabihin ng isang taong walang pananampalataya na, “Hayaan mong sabihin ko sa iyo, lumipat ako noong araw na malas lumipat, at pagkalipat namin, patuloy na nagkakaproblema ang pamilya ko araw-araw, mas lalong nagiging malas, at hindi na kami nagkaroon ng magandang araw simula noon,” maaaring kabahan ka kapag narinig mo ito. Natatakot ka, iniisip na, “Naku, kung hindi ko susundin ang ipinagbabawal, ganoon din ba ang mangyayari sa akin?” Binabalik-balikan mo ito sa iyong isipan, iniisip na, “Nananampalataya ako sa Diyos, hindi ako natatakot!” Ngunit nananatili pa rin sa isipan mo ang pag-aalinlangan, at hindi ka nangangahas na lumabag sa ipinagbabawal.

Paano natin dapat tingnan ang mga pamahiing ito? Simulan natin sa usapin ng pagkibot ng mata. Alam ba nating lahat kung ano ang ibig sabihin ng pagkibot ng mata? Ang pinakabatayang pagkaunawa ng mga tao ay na hinuhulaan nito kung ano ang maaaring mangyari sa hinaharap, mabuti o masama man ang bagay na iyon. Pero ito ba ay pamahiin o hindi? Sabihin mo. (Pamahiin ito.) Ito ay pamahiin. Susunod na tanong, dapat bang maniwala ang mga taong may pananalig sa Diyos sa kasabihang ito? (Hindi sila dapat maniwala.) Bakit hindi sila dapat maniwala? (Dahil ang ating kapalaran at kasawian ay pinamamahalaan at pinamamatnugutan ng mga kamay ng Diyos at walang kinalaman sa kung kumikibot ang iyong mata o hindi. Ang lahat ng ating kinakaharap ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, at dapat tayong magpasakop dito.) Sabihin natin na isang araw ay kumikibot nang matindi ang iyong mata sa buong araw, at nagpapatuloy ito hanggang sa sumunod na umaga. Pagkatapos, may nangyayari, at ikaw ay pinungusan. Pagkatapos mapungusan, huminto ang pagkibot ng iyong mata. Ano ang iisipin mo? “Ang pagkibot ng mata ko ay isang tanda na pupungusan ako.” Nagkataon lang ba ito? Ito ba ay isang pamahiin? Minsan ay nagkakataon lamang ito; minsan ay nangyayari ang mga ganitong bagay. Ano ang nangyayari? (Diyos, parang normal lang na parte ng ritmo ng katawan ang pagkibot ng mata, at hindi ito dapat iugnay sa pagpupungos.) Ganito dapat unawain ang pagkibot ng mata: Naniniwala man ang mga tao na ang pagkibot ng isang mata ay nagpapahiwatig ng magandang kapalaran at ang pagkibot ng isa pa ay nagpapahiwatig ng sakuna, nilikha ng Diyos ang katawan ng tao nang may maraming misteryo. Gaano kalalim ang mga misteryong ito, anong mga partikular na detalye ang kaugnay rito, anong mga likas na gawi, mga abilidad, at potensyal na mayroon ang katawan ng tao—hindi taglay ng mga tao ang kaalamang ito nang mag-isa. Kung ang katawan ng tao ay may kakayahang makaramdam sa espirituwal na mundo, kung taglay man nito ang tinatawag ng iba na sixth sense—hindi ito alam ng mga tao. Kailangan pa bang mag-abala ang mga tao na unawain itong mga di-kilalang aspekto ng katawan ng tao? (Hindi, hindi nila kailangang gawin.) Hindi na kailangan—hindi kailangang maunawaan ng mga tao kung anong mga misteryo ang umiiral sa loob ng katawan ng tao. Bagamat hindi nila kailangang maunawaan, kailangan silang magkaroon ng batayang pagkaunawa na ang katawan ng tao ay hindi simpleng bagay. Ito ay likas na naiiba mula sa anumang bagay o gamit na hindi nilikha ng Diyos, tulad ng mesa, upuan, o computer. Ang likas na katangian ng mga bagay na ito ay ganap na naiiba kaysa sa katawan ng tao: Ang mga walang buhay na bagay na ito ay walang pakiramdam sa espirituwal na mundo, samantalang ang katawan ng tao, isang bagay na may buhay na nagmumula sa Diyos, na nilikha ng Diyos, ay nakakaramdam at nakakaunawa sa kasalukuyang kapaligiran nito, sa atmospera, at ilang espesyal na bagay, pati na kung paano tumugon sa kapaligiran sa palibot at sa mga paparating na pangyayari. Hindi ito simple—lahat ng ito ay misteryo. Bukod sa nararamdaman ng katawan ng tao ang mga bagay na malamig, mainit, kaaya-aya o masama ang amoy, matamis, maasim, at maanghang, mayroon ding ilang misteryo na hindi alam ng subhetibong kamalayan ng tao. Hindi alam ng mga tao ang tungkol sa mga bagay na ito. Kaya, sa partikular na salita, nauugnay man sa mga ugat ng isang tao ang pagkibot ng mata, sa kanyang sixth sense, o sa isang bagay na may kinalaman sa espirituwal na mundo—hindi natin ito susuriin. Ano’t anuman, umiiral ang penomenang ito, at hindi natin sisiyasatin ang layon at kahulugan ng pagkakaroon nito. Gayunpaman, mayroong mga kasabihan tungkol sa pagkibot ng mata kapwa sa pamilya at sa katutubong kultura. Binubuo man ng pamahiin o hindi ang mga kasabihang ito, sa katapusan ng araw, ito ay isang tanda na namamalas sa katawan ng tao bago may mga nangyayari sa kapaligiran ng pamumuhay. Ngayon, nabibilang ba ang paraan ng pagpapamalas na ito sa pamahiin, tradisyon, o agham? Isa itong bagay na hindi magagawang saliksikin—isa itong misteryo. Sa madaling salita, sa totoong buhay, sa libo-libong taon mula sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, napagpasyahan ng sangkatauhan na ang pagkibot ng mata ng isang tao ay konektado kahit papaano sa mga pangyayaring magaganap sa kanilang paligid. May kaugnayan man ang pagiging konektado nito sa kayamanan, swerte, o sa ibang aspekto pa ng buhay ng isang tao, ito ay imposibleng saliksikin. Isa rin itong misteryo. Bakit ito itinuturing na misteryo? Maraming bagay ang may kinalaman sa espirituwal na mundo sa labas ng materyal na mundo, na hindi mo makita o maramdaman kahit na sinabi pa ang mga ito sa iyo. Kaya ito itinuturing na isang misteryo. Dahil ang mga bagay na ito ay mga misteryo at hindi nakikita o nararamdaman ang mga ito ng mga tao, ngunit umiiral pa rin sa mga tao ang ilang damdamin ng pangamba at pagkakaalam sa mangyayari, paano dapat harapin ng mga tao ang mga ito? Ang pinakasimpleng tuntunin ay huwag na lamang pansinin ang mga ito. Huwag maniwala na may kinalaman ang mga ito sa iyong yaman o swerte. Huwag mag-alala na baka may mangyaring masama kapag kumikibot ang iyong kanang mata, at lalong huwag magsaya kapag kumikibot ang iyong kaliwang mata, iniisip na magiging mayaman ka. Huwag hayaang maapektuhan ka ng mga bagay na ito. Ang pangunahing dahilan ay sapagkat wala kang kakayahang hulaan ang hinaharap. Ang lahat ay pinamamatnugutan at pinamumunuan ng Diyos; magiging mabuti man o masama ang mangyayari, lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang tanging saloobing dapat mong panghawakan ay ang pagpapasakop sa pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Huwag gumawa ng mga panghuhula o anumang di-kinakailangang sakripisyo, paghahanda, o pakikibaka. Anuman ang mangyayari ay mangyayari, dahil lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Walang makakapagpabago sa mga kaisipan ng Diyos, sa Kanyang mga plano, o sa kung ano ang determinado Siyang mangyari. Magdikit ka man ng puting papel sa iyong talukap, dinidiinan mo man ang iyong mata ng kamay mo, o umaasa ka man sa agham o pamahiin, wala sa mga ito ang makakagawa ng pagbabago. Ang mangyayari ay mangyayari, magkakatotoo, at hindi mo ito mababago dahil ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang anumang pagtatangkang iwasan ito ay isang kahangalan, isang walang saysay na sakripisyo, at hindi kinakailangan. Ang paggawa nito ay magpapakita lamang na ikaw ay mapanghimagsik at matigas ang ulo, walang saloobing nagpapasakop sa Diyos. Nauunawaan mo ba? (Oo, nauunawaan ko.) Kaya, kung ang pagkibot ng mata ay itinuturing man na pamahiin o agham, dapat ganito ang saloobin ninyo: Huwag maging masaya kapag kumikibot ang iyong kaliwang mata, at huwag maging matakutin, nasisindak, nag-aalala, tumatanggi, o lumalaban kapag kumikibot ang iyong kanang mata. Kahit talagang may mangyayari pagkatapos kumibot ang iyong mata, dapat mo itong harapin nang mahinahon dahil ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Hindi mo kailangang matakot o mag-alala. Kung may magandang mangyari, pasalamatan mo ang Diyos sa Kanyang pagpapala—ito ang biyaya ng Diyos; kung may masamang mangyari, magdasal ka sa Diyos na gabayan ka, protektahan ka, at na huwag kang hayaang mahulog sa tukso. Sa anumang kapaligiran na maaaring sumunod, magkaroon ng kakayahang magpasakop sa pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Huwag talikuran ang Diyos, huwag magreklamo sa Kanya, kahit gaano pa kalaki ang sakunang sumasapit sa iyo, o gaano man katindi ang kasawiang nararanasan mo, huwag mong sisihin ang Diyos. Maging maluwag sa loob na magpasakop sa pangangasiwa ng Diyos. Hindi ba’t malulutas ang isyung ito pagkatapos? (Oo.) Tungkol sa mga ganitong usapin, dapat magkaroon ang mga tao ng ganitong kaisipan at pananaw: “Anuman ang mangyari sa hinaharap, handa ako, at mayroon akong saloobing nagpapasakop sa Diyos. Kumikibot man ang aking kaliwang mata, kumikibot ang aking kanang mata, o sabay na kumikibot ang parehong mata, hindi ako natatakot. Alam kong maaaring may mangyari sa hinaharap, pero naniniwala ako na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Maaaring isa itong paraan na ipinapaalam sa akin ng Diyos ang tungkol sa isang bagay na mangyayari, o maaaring isa itong likas na reaksiyon ng aking pisikal na katawan. Anuman ang mangyari, handa ako, at mayroon akong saloobing nagpapasakop sa Diyos. Gaano man kalaki ang pinsala o kawalan na dadanasin ko pagkatapos mangyari ang bagay na ito, hindi ko sisisihin ang Diyos. Handa akong magpasakop.” Ito ang saloobing dapat taglayin ng mga tao. Sa sandaling panghawakan nila ang ganitong saloobin, wala na silang pakialam kung ang mga kasabihan tungkol sa pagkibot ng mata na ikinondisyon sa kanila ng kanilang pamilya ay naglalaman ba ng pamahiin o agham. Sinasabi nila, “Hindi na mahalaga kung ito ay pamahiin o agham. Nasa sa inyo na iyan kung ano ang pinaniniwalaan ninyo. Kung sasabihin ninyo sa akin na magdikit ng isang piraso ng papel sa aking talukap, hindi ko iyon gagawin. Kung hindi na talaga komportable ang pagkibot, gagawin ko lang ito sandali.” Kung may magsasabi sa iyo na, “Masyado nang kumikibot ang mga mata mo, mag-ingat ka sa mga susunod na araw!” makakatulong ba sa iyo na maiwasan ang anumang bagay sa pamamagitan ng pagiging maingat? (Hindi, hindi mo maiiwasan kung ano ang nakatakdang mangyari.) Kung isa itong pagpapala, hindi ito maaaring maging isang sakuna; kung isa itong sakuna, hindi mo ito maiiwasan; isa man itong pagpapala o sakuna, tinatanggap mo ang alinman sa mga ito. Ito ay pagkakaroon ng parehong saloobing katulad ng kay Job. Kung tinatanggap mo ito dahil lang sa ito ay isang pagpapala, at masaya ka kapag kumikibot ang iyong kaliwang mata, pero nagagalit ka kapag kumikibot ang iyong kanang mata, sinasabi na, “Bakit ito kumikibot? Palagi na lang itong kumikibot, hindi na ito humihinto! Magdarasal ako at isusumpa ko na tumigil na ang pagkibot ng aking kanang mata at na malayo ako sa kasawian”—hindi ito ang saloobing dapat taglayin ng isang taong nananampalataya sa Diyos at sumusunod sa Kanya. Kung walang pahintulot ng Diyos, kung walang Diyos na nagtatakdang mangyari ito, mangangahas bang lumapit sa iyo ang kasawian o ang mga demonyo? (Hindi.) Ang materyal na mundo at espirituwal na mundo ay parehong nasa ilalim ng kontrol, kataas-taasang kapangyarihan, at pagsasaayos ng Diyos. Anuman ang gustong gawin ng isang munting demonyo, kung walang pahintulot ng Diyos, mangangahas ba itong pakialaman ang kahit isang hibla ng buhok mo? Hindi ito mangangahas na gawin iyon, hindi ba? (Hindi, hindi nito gagawin iyon.) Gusto nitong hawakan at saktan ka, pero kung hindi ito pinahihintulutan ng Diyos, hindi ito mangangahas na gawin iyon. Kung pahihintulutan ito ng Diyos, sinasabi na, “Gumawa ka ng ilang sitwasyon sa paligid nila at bigyan sila ng masamang kapalaran at mga problema,” pagkatapos ay magiging masaya ang munting demonyo at magsisimulang kumilos laban sa iyo. Kung may pananalig ka sa Diyos at malampasan mo ito, naninindigan sa iyong patotoo, hindi itinatatwa o ipinagkakanulo ang Diyos, hindi hinahayaang magtagumpay ang munting demonyong ito, kung gayon, kapag humarap na ang munting demonyo sa Diyos, hindi ka na nito magagawang akusahan, magkakamit ng kaluwalhatian ang Diyos mula sa iyo, at ikukulong Niya ang munting demonyo. Hindi na ito mangangahas na muli kang saktan, at ikaw ay magiging ligtas. Ito ang tunay na pananalig na dapat mong taglayin, naniniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung wala ang pahintulot ng Diyos, walang darating na malas o masamang bagay sa iyo. Higit pa kaysa sa pagpapala lang sa mga tao ang kayang gawin ng Diyos; kaya Niyang isaayos ang iba’t ibang sitwasyon para subukin ka at hubugin ka, turuan ka ng mga aral mula sa mga sitwasyong ito, at kaya Niyang magtakda ng iba’t ibang sitwasyon para kastiguhin at hatulan ka. Minsan, maaaring hindi tumutugma sa iyong mga kuru-kuro at lalo na sa iyong mga imahinasyon ang mga sitwasyong isinasaayos ng Diyos. Pero huwag kalimutan ang sinabi ni Job, “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Ito dapat ang pagmumulan ng iyong tunay na pananalig sa Diyos. Manalig ka na ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay, at hindi ka matatakot sa simpleng pagkibot ng mata, hindi ba’t tama iyon? (Oo, tama iyon.)

Ngayon lang, nagbahaginan tayo tungkol sa kung paano harapin ang pagkibot ng mata. Ang pagkibot ng mata—isang karaniwang pangyayari sa pang-araw-araw na buhay—ay isang bagay na kadalasang sinusubukang lutasin ng mga tao gamit ang mga pamamaraang pantao. Gayunpaman, karaniwang hindi nakakamit ng mga pamamaraang ito ang mga inaasam na resulta, at sa huli, ang nakatakdang mangyari ay mangyayari, at walang makakatakas dito. Mabuti man ito o masama, gusto man itong makita ng mga tao o hindi, ang nakatakdang mangyari ay tiyak na mangyayari. Lalo pa nitong pinatutunayan na ang tadhana ng isang tao o ang maliliit na bagay sa pang-araw-araw ay lahat pinamamatnugutan at pinamamahalaan ng Diyos, at walang makakatakas sa mga ito. Kaya, dapat harapin ng matatalinong tao ang mga bagay na ito nang may tama at positibong saloobin, tinitingnan ang mga ito at nilulutas ang mga bagay-bagay na tulad nito batay sa mga katotohanang prinsipyo at salita ng Diyos, sa halip na gumamit ng mga pamamaraang pantao na magdudulot lamang ng mga walang kabuluhang sakripisyo o paghihirap, o sa huli, sila ang magdurusa ng kawalan. Ito ay dahil pagdating sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, walang pangalawang landas na mapagpipilian ang tao. Ito ang tanging landas na dapat piliin at sundin. Magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, matuto ng mga aral sa mga kapaligirang pinamamatnugutan ng Diyos, matutong magpasakop sa Diyos, unawain ang mga gawa ng Diyos, unawain ang sarili, at kung ano ang landas na dapat piliin at tahakin ng isang nilikha, at matuto kung paano tahakin nang maayos ang landas ng buhay na dapat tahakin ng mga tao, sa halip na labanan ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos gamit ang mga pamahiin o pamamaraang pantao.

Talababa:

a. Ang “Tai Sui” ay pinaikling salita ng “Tai Sui na Diyos.” Sa astrolohiya ng China, ang “Tai Sui” ay nangangahulugan na ang Diyos na Tagapangalaga ng Taon. Si Tai Sui ang namumuno sa lahat ng kapalaran sa isang partikular na taon.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.