Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 13 (Ikatlong Bahagi)

Bukod sa pagpapalaki sa iyo at pagtutustos sa iyo ng pagkain, damit, at edukasyon, ano ang naibigay sa iyo ng iyong pamilya? Problema lang ang naibigay nito sa iyo, hindi ba? (Oo.) Kung hindi ka ipinanganak sa gayong pamilya, baka hindi umiral ang lahat ng iba’t ibang epekto ng pagkokondisyon sa iyo ng pamilya mo. Hindi sana umiral ang pagkokondisyon ng iyong pamilya, pero ang mga epekto ng pagkokondisyon ng lipunan ay iiral pa rin—hindi mo matatakasan ang mga ito. Kahit saang perspektiba mo ito tingnan, nanggagaling man sa pamilya o sa lipunan itong mga epekto ng pagkokondisyon, ang mga ideya at pananaw na ito ay karaniwang nagmumula kay Satanas. Sadyang tinatanggap lang ng bawat pamilya ang iba’t ibang kasabihang ito mula sa lipunan nang may iba’t ibang antas ng paniniwala, at binibigyang-diin ang iba’t ibang punto. Pagkatapos, gagamit sila ng mga kaukulang pamamaraan para turuan at ikondisyon ang susunod na henerasyon ng kanilang pamilya. Ang bawat isa ay tumatanggap ng lahat ng uri ng pagkokondisyon sa iba’t ibang antas, depende sa pamilyang pinagmulan nila. Ngunit sa katunayan, itong mga epekto ng pagkokondisyon ay nagmumula sa lipunan at kay Satanas. Sadyang malalim na nakakintal sa isipan ng mga tao itong mga epekto ng pagkokondisyon sa pamamagitan ng mga mas kongkretong salita at kilos ng mga magulang, gamit ang mga mas direktang pamamaraan para mas mapasunod ang mga tao sa mga ito, upang tanggapin ng mga tao ang pagkokondisyon na ito at ito ay magiging kanilang mga prinsipyo at paraan sa pagharap sa mundo, at ito rin ay magiging batayan ng kanilang pagtingin sa mga tao at mga bagay, at ng kanilang pag-asal at pagkilos. Halimbawa, ang ideya at pananaw na katatalakay lang natin—“Kapag may humahampas ng gong, pakinggan ang tunog nito; kapag may nagsasalita, pakinggan ang kanyang boses”—ay isa ring epekto ng pagkokondisyon na nagmumula sa iyong pamilya. Anumang uri ng epekto ng pagkokondisyon ang idinudulot ng kanilang pamilya sa kanila, tinitingnan ito ng mga tao mula sa perspektiba ng mga miyembro ng pamilya at kaya, tinatanggap nila ito bilang isang positibong bagay, at bilang kanilang personal na anting-anting, na ginagamit nila para protektahan ang kanilang sarili. Ito ay dahil iniisip ng mga tao na ang lahat ng nanggagaling sa kanilang mga magulang ay resulta ng pagsasagawa at karanasan ng kanilang mga magulang. Sa lahat ng tao sa mundo, ang mga magulang lamang nila ang hindi kailanman magpapahamak sa kanila, at ang kanilang mga magulang lamang ang nagnanais na makapamuhay sila ng mas magandang buhay at maprotektahan sila. Kaya, tinatanggap ng mga tao ang iba’t ibang ideya at pananaw mula sa kanilang mga magulang nang walang anumang pagkilatis. Sa ganitong paraan, likas nilang tinatanggap ang pagkokondisyon ng iba’t ibang ideya at pananaw na ito. Sa sandaling makondisyon na ang mga tao ng iba’t ibang ideya at pananaw na ito, hindi na nila pinagdududahan o kinikilatis kung ano talaga ang mga ito, dahil madalas nilang naririnig ang kanilang mga magulang na sinasabi ang mga gayong bagay. Halimbawa, “Ang magulang ay palaging tama.” Ano ang ibig sabihin ng kasabihang ito? Nangangahulugan ito na tama man o mali ang mga magulang mo, dahil ipinanganak at pinalaki ka ng iyong mga magulang, para sa iyo, ang lahat ng ginagawa ng mga magulang mo ay tama. Hindi mo pwedeng husgahan kung sila ay tama o mali, at hindi mo rin sila pwedeng tanggihan, lalo na ang labanan sila. Ito ay tinatawag na paggalang sa mga magulang. Kahit na nakagawa ng mali ang mga magulang mo, at kahit na luma na o mali ang ilan sa kanilang mga ideya at pananaw, o hindi wasto o positibo ang paraan ng kanilang pagtuturo sa iyo at ang mga ideya at pananaw nila na itinuturo sa iyo, hindi mo sila dapat pagdudahan o tanggihan, dahil may kasabihan tungkol diyan—“Ang magulang ay palaging tama.” Pagdating sa mga magulang, hindi mo dapat kilatisin o suriin kung sila ay tama o mali, dahil para sa mga anak, ang kanilang buhay at lahat ng kanilang pag-aari ay nagmumula sa kanilang mga magulang. Walang mas mataas sa iyong mga magulang, kaya kung may konsensiya ka, hindi mo sila dapat pupunahin. Gaano man kamali o hindi perpekto ang iyong mga magulang, mga magulang mo pa rin sila. Sila ang mga taong pinakamalapit sa iyo, nagpalaki sa iyo, ang mga taong pinakamabuti ang pagtrato sa iyo, at ang mga taong nagbigay sa iyo ng buhay. Hindi ba’t tinatanggap ng lahat ang kasabihang ito? At dahil sa mismong pag-iral ng mentalidad na ito, iniisip ng mga magulang mo na pwede ka nilang tratuhin nang walang prinsipyo, at gumamit ng iba’t ibang pamamaraan para igiya ka sa paggawa ng lahat ng uri ng bagay, at magkintal ng iba’t ibang ideya sa iyo. Sa kanilang pananaw, iniisip nila, “Tama ang aking mga motibo, para ito sa ikabubuti mo. Ang lahat ng mayroon ka ay ibinigay ko sa iyo. Ipinanganak at pinalaki kita, kaya hindi ako maaaring magkamali sa kung paano man kita tatratuhin, dahil ang lahat ng ginagawa ko ay para sa iyong ikabubuti at hindi kita sasaktan o ipapahamak.” Mula sa perspektiba ng mga anak, tama ba na ang kanilang saloobin sa kanilang mga magulang ay dapat na nakabatay sa kasabihang ito, “Ang magulang ay palaging tama”? (Hindi, mali ito.) Tiyak na mali ito. Kaya, paano mo dapat kilatisin ang kasabihang ito? Mula sa ilang aspeto natin masusuri ang kamalian ng kasabihang ito? Kung titingnan natin ito mula sa perspektiba ng mga anak, ang kanilang buhay at katawan ay nagmumula sa kanilang mga magulang, na may kabutihan din para palakihin at turuan sila, kaya dapat sundin ng mga anak ang bawat sabihin ng kanilang mga magulang, tuparin ang kanilang obligasyon bilang anak, at huwag maghanap ng mali sa kanilang mga magulang. Ang lihim na kahulugan ng mga salitang ito ay na hindi mo dapat kilatisin kung sino talaga ang iyong mga magulang. Kung susuriin natin ito mula sa perspektibang ito, tama ba ang pananaw na ito? (Hindi, mali ito.) Paano natin dapat tratuhin ang bagay na ito ayon sa katotohanan? Paano ba ito maipapahayag nang tama? Ang katawan at buhay ba ng mga anak ay ibinigay sa kanila ng kanilang mga magulang? (Hindi.) Ang katawan ng isang tao ay ipinanganak ng kanilang mga magulang, ngunit saan nanggagaling ang kakayahan ng mga magulang na magkaanak? (Ito ay ibinigay ng Diyos at nanggagaling sa Diyos.) Paano naman ang kaluluwa ng isang tao? Saan ito nanggaling? Galing din ito sa Diyos. Kaya sa pinakaugat, ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at ang lahat ng ito ay pauna na Niyang itinalaga. Ang Diyos ang paunang nagtalaga na maisilang ka sa pamilyang ito. Nagpadala ang Diyos ng kaluluwa sa pamilyang ito, at pagkatapos ay ipinanganak ka sa pamilyang ito, at mayroon ka nitong pauna nang itinakdang relasyon sa iyong mga magulang—ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Dahil sa kataas-taasang kapangyarihang at paunang pagtatalaga ng Diyos, naging anak ka ng iyong mga magulang at isinilang ka sa pamilyang ito. Ito ang ugat na dahilan dito. Ngunit paano kung hindi paunang itinalaga ng Diyos ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Kung gayon, hindi ka magiging anak ng iyong mga magulang at hindi kayo kailanman magkakaroon ng ugnayan bilang magulang at anak. Wala sanang relasyon sa dugo, walang pagmamahal sa pamilya, at walang anumang ugnayan. Samakatuwid, maling sabihin na ang buhay ng isang tao ay ibinigay sa kanila ng kanilang mga magulang. Ang isa pang aspeto ay na, kung titingnan ito mula sa perspektiba ng anak, isang henerasyon ang tanda sa kanila ng kanilang mga magulang. Ngunit kung ang mga tao ang tatanungin, ang mga magulang ay katulad lang ng iba, dahil lahat sila ay miyembro ng tiwaling sangkatauhan, at lahat ay may mga tiwaling disposisyon ni Satanas. Wala silang ipinagkaiba sa sinuman, at walang ipinagkaiba sa iyo. Bagamat ipinanganak ka ng kanilang katawan, at sa usapin ng inyong relasyon sa laman-at-dugo ay isang henerasyon ang tanda nila sa iyo, gayunpaman, pagdating sa diwa ng iyong mga disposisyon bilang tao, namumuhay kayong lahat sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at lahat kayo ay ginawang tiwali ni Satanas at nagtataglay ng mga tiwali at satanikong disposisyon. Batay sa katunayan na ang lahat ng tao ay may mga tiwali at satanikong disposisyon, ang mga diwa ng lahat ng tao ay pare-pareho lang. Anuman ang pagkakaiba sa katandaan, o sa edad ng isang tao, o gaano man kaaga o kahuli dumating ang isang tao sa mundong ito, kung diwa ang pag-uusapan, sa diwa ay pare-pareho lang ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, lahat sila ay mga taong ginawang tiwali ni Satanas, at hindi naiiba sa usaping ito. Hindi mahalaga kung mabuti o masama ang kanilang pagkatao, dahil sila ay may mga tiwaling disposisyon, pinanghahawakan nila ang mga parehong perspektiba at paninindigan pagdating sa pagtingin sa mga tao at mga bagay, at sa pagharap sa katotohanan. Sa ganitong pananaw, wala silang pinag-iba sa isa’t isa. Gayundin, ang lahat ng naninirahan kasama ang masamang sangkatauhang ito ay tumatanggap ng iba’t ibang ideya at pananaw na laganap sa masamang mundong ito, sa mga salita man o kaisipan, o sa anyo o ideolohiya, at tumatanggap ng lahat ng uri ng ideya mula kay Satanas, sa pamamagitan man ng edukasyon ng estado o ng pagkokondisyon ng mga kaugaliang panlipunan. Ang mga bagay na ito ay hinding-hindi naaayon sa katotohanan. Walang katotohanan sa mga ito, at talagang hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang katotohanan. Mula sa pananaw na ito, ang mga magulang at ang kanilang mga anak ay pantay-pantay at may mga parehong ideya at pananaw. Sadyang tinanggap lang ng iyong mga magulang ang mga ideya at pananaw na ito 20 o 30 taon na ang nakalilipas, samantalang medyo kamakailan mo lang tinanggap ang mga ito. Ibig sabihin, dahil sa magkatulad na kalagayan ng lipunan, hangga’t ikaw ay isang normal na tao, kapwa ikaw at ang mga magulang mo ay tumanggap ng parehong pagtitiwali ni Satanas, ng pagkokondisyon ng mga kaugaliang panlipunan, at ng mga parehong ideya at pananaw na nagmumula sa iba’t ibang masamang kalakaran sa lipunan. Mula sa pananaw na ito, ang mga anak ay kapareho ng uri ng kanilang mga magulang. Mula sa pananaw ng Diyos, kung isasantabi muna ang pangunahing batayan na Siya ang paunang nagtatalaga, nagtatakda, at pumipili, sa mga mata ng Diyos, ang mga magulang at kanilang mga anak ay magkatulad sapagkat sila ay mga nilikha, at sila man ay mga nilikhang sumasamba sa Diyos o hindi, lahat sila ay kilala bilang mga nilikha, at silang lahat ay tumatanggap sa kataas-taasang kapangyarihan, mga pangangasiwa, at mga pagsasaayos ng Diyos. Mula sa pananaw na ito, sa totoo lang, ang mga magulang at ang kanilang mga anak ay may pantay na katayuan sa mga mata ng Diyos, at lahat sila ay tumatanggap sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos nang pare-pareho at pantay-pantay. Ito ay isang obhektibong katunayan. Kung silang lahat ay hinirang ng Diyos, lahat sila ay may pantay-pantay na pagkakataon na hangarin ang katotohanan. Siyempre, mayroon din silang pantay-pantay na pagkakataon na tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at pantay-pantay na pagkakataon na maligtas. Bukod sa mga pagkakatulad sa itaas, may isang pagkakaiba lamang sa pagitan ng mga magulang at ng kanilang mga anak, at iyon ay na mas mataas ang antas ng mga magulang kaysa sa kanilang mga anak sa tinatawag na herarkiya ng pamilya. Ano ang ibig sabihin ng kanilang antas sa herarkiya ng pamilya? Nangangahulugan ito na isang henerasyon lang ang tanda nila, mga 20 o 30 taon—ito ay isang malaking agwat sa edad lamang. At dahil sa espesyal na katayuan ng mga magulang, kailangang maging magalang ang mga anak at tuparin ang kanilang mga obligasyon sa kanilang mga magulang. Ito ang tanging responsabilidad ng isang tao sa kanyang mga magulang. Subalit dahil ang mga anak at mga magulang ay pawang bahagi ng iisang tiwaling sangkatauhan, ang mga magulang ay hindi mga moral na halimbawa para sa kanilang mga anak, hindi rin sila isang pamantayan o huwaran para sa paghahangad ng kanilang mga anak sa katotohanan, ni hindi rin sila huwaran para sa kanilang mga anak pagdating sa pagsamba at pagsunod sa Diyos. Siyempre, ang mga magulang ay hindi ang pagkakatawang-tao ng katotohanan. Ang mga tao ay walang obligasyon o responsabilidad na ituring ang kanilang mga magulang bilang mga moral na halimbawa at mga taong dapat sundin nang walang kondisyon. Hindi dapat matakot ang mga anak na makilala ang asal, mga kilos, at diwa ng disposisyon ng kanilang mga magulang. Ibig sabihin, pagdating sa pagtrato sa sarili nilang mga magulang, hindi dapat sumunod ang mga tao sa mga ideya at pananaw gaya ng “Ang magulang ay palaging tama.” Ang pananaw na ito ay batay sa katunayan na ang mga magulang ay may espesyal na katayuan, dahil ipinanganak ka nila sa ilalim ng paunang pagtatalaga ng Diyos, at sila ay 20, 30 o kahit na 40 o 50 taong mas matanda sa iyo. Mula lamang ito sa perspektiba ng relasyong ito ng laman-at-dugo, pagdating sa kanilang katayuan at antas sa herarkiya ng pamilya, na sila ay naiiba sa kanilang mga anak. Ngunit dahil sa pagkakaibang ito, itinuturing ng mga tao ang kanilang mga magulang bilang walang anumang pagkakamali. Tama ba ito? Ito ay mali, hindi makatwiran, at hindi naaayon sa katotohanan. Ang ilang tao ay napapaisip kung paano dapat tratuhin ng isang tao ang sarili niyang mga magulang, dahil sa may ganitong relasyon ng laman-at-dugo ang mga magulang at mga anak. Kung nananampalataya sa Diyos ang mga magulang, dapat silang tratuhin bilang mga mananampalataya; kung hindi sila nananampalataya sa Diyos, dapat silang tratuhin bilang mga hindi mananampalataya. Anumang uri ng tao ang mga magulang, dapat silang tratuhin ayon sa mga kaukulang katotohanang prinsipyo. Kung sila ay mga diyablo, dapat mong sabihin na sila ay mga diyablo. Kung wala silang pagkatao, dapat mong sabihin na wala silang pagkatao. Kung ang mga ideya at pananaw na itinuturo nila sa iyo ay hindi naaayon sa katotohanan, hindi mo kailangang pakinggan o tanggapin ang mga ito, at maaari mo pa ngang kilatisin kung ano talaga sila at ilantad sila. Kung sasabihin ng mga magulang mo, “Ginagawa ko ito para sa ikabubuti mo,” at mag-aalburuto at magagalit sila nang husto, mag-aalala ka ba? (Hindi.) Kung hindi nananampalataya ang iyong mga magulang, huwag mo na lang silang pansinin, at hayaan na lang. Kung magagalit sila nang husto, makikita mo na sila ay walang iba kundi mga diyablo. Ang mga katotohanang ito tungkol sa pananalig sa Diyos ay ang mga ideya at pananaw na pinakakailangang tanggapin ng mga tao. Hindi nila kayang tanggapin o unawain ang mga ito, kaya anong uri sila? Hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos, kaya sila ay mas mababa pa kaysa sa tao, hindi ba? Kailangan mong mag-isip nang ganito: “Bagamat kayo nga ang mga magulang ko, wala naman kayong pagkatao. Talagang nahihiya ako na ikaw ang nagsilang sa akin! Ngayon ay nakikilala ko na kung sino ka talaga. Wala kang espiritu ng tao sa loob mo, hindi mo nauunawaan ang katotohanan, ni hindi mo man lang mapakinggan ang mga napakalinaw at napakasimpleng doktrina, pero nagkokomento ka pa rin nang hindi muna nag-iisip at nagsasabi ng mga bagay na mapanirang-puri. Naiintindihan ko na iyon ngayon, at sa puso ko ay tinapos ko na ang ugnayan natin. Pero sa panlabas, kailangan pa rin kitang pagbigyan, at kailangan ko pa ring tuparin ang ilan sa aking mga responsabilidad at obligasyon bilang anak mo. Kung kakayanin ko, bibilhan kita ng ilang produkto para sa pangangalaga ng kalusugan, pero kung hindi ko kakayanin, babalik ako para bisitahin ka, at iyon na iyon. Hindi ko pabubulaanan ang mga opinyon mo, anuman ang iyong sabihin. Ikaw ay kakatwa, at hahayaan na lang kitang maging ganyan. Ano pa ba ang masasabi sa mga diyablong katulad mo, na hindi tinatablan ng katwiran? Bilang konsiderasyon sa katunayang ipinanganak mo ako at sa lahat ng taon na ginugol mo sa pagpapalaki sa akin, patuloy kitang dadalawin at aalagaan. Kung hindi dahil sa mga konsiderasyong iyon, hindi talaga kita bibigyang-pansin, at ayaw ko nang makita ka habang ako ay nabubuhay.” Bakit ayaw mo silang makitang muli o magkaroon ng anumang kaugnayan sa kanila? Dahil nauunawaan mo na ang katotohanan, at nabatid mo ang kanilang diwa, at naarok ang lahat ng iba’t ibang maling ideya at pananaw na mayroon sila, at mula sa mga maling ideya at pananaw na ito ay nakikita mo ang kanilang kahangalan, katigasan, at kasamaan, at malinaw mong nakikita na sila ay mga diyablo, kaya suyang-suya at nasusuklam ka sa kanila, at ayaw mo na silang makita. Dahil lamang sa kaunting konsensiyang nasa loob mo kaya ka napipilitang gampanan ang ilan sa iyong responsabilidad at tungkulin bilang anak, kaya binibisita mo sila tuwing Bagong Taon at tuwing may holiday, at hanggang doon na lang iyon. Hangga’t hindi ka nila nahahadlangan sa pananampalataya sa Diyos o sa paggawa ng iyong tungkulin, bisitahin mo sila kapag may oras ka. Kung talagang ayaw mo silang makita, tawagan mo na lang sila para kumustahin, padalhan sila ng pera sa koreo paminsan-minsan, at bilhan sila ng ilang kapaki-pakinabang na bagay. Ito man ay pag-aalaga sa kanila, pagbisita sa kanila, pagbili ng kanilang mga damit, pagmamalasakit sa kanilang kapakanan, o pag-aalaga sa kanila kapag sila ay may sakit—ang lahat ng ito ay pagtupad lamang sa mga obligasyon ng isang anak at pagtugon sa sariling pangangailangan pagdating sa damdamin at konsensiya ng isang tao. Iyon lang iyon, at hindi ito katumbas ng pagsasagawa sa katotohanan. Gaano ka man nasusuklam sa kanila, o gaano mo man kahusay na nakikilatis ang kanilang diwa, hangga’t sila ay nabubuhay, dapat mong tuparin ang iyong mahahalagang obligasyon bilang isang anak at pasanin ang mahahalagang responsabilidad. Inalagaan ka ng mga magulang mo noong bata ka pa, at kapag tumanda na sila, dapat mo silang alagaan hangga’t makakaya mo. Hayaan mo silang kulitin ka kung gusto nila. Hangga’t hindi mo pinakikinggan ang mga ideya at pananaw na sinusubukan nilang ikintal sa iyo, at hindi tinatanggap ang kanilang sinasabi, at hindi sila hinahayaang guluhin o pigilan ka, kung gayon ay ayos lang ito, at nagpapatunay ito na lumago na ang tayog mo at nakapaninindigan ka na sa iyong patotoo sa harap ng Diyos. Hindi ka Niya kokondenahin dahil nagmamalasakit ka sa kanila at hindi Niya sasabihing, “Bakit napakasentimental mo? Tinanggap mo na ang katotohanan at hinahangad mo ito, kaya bakit inaalagaan mo pa rin sila?” Ito dapat ang pinakabatayang responsabilidad at obligasyon ng iyong pag-asal, ang tuparin ang iyong mga obligasyon hangga’t maaari. Hindi ito nangangahulugan na nagiging sentimental ka, at hindi ka kokondenahin ng Diyos dahil dito. Siyempre, sa mundong ito, maliban sa iyong mga magulang, na siyang mga taong dapat mong tuparin ang iyong mga obligasyon at responsabilidad, wala ka nang mga responsabilidad at obligasyon sa iba—sa iyong mga kapatid man, sa iyong mga kaibigan, o sa iyong iba’t ibang tiyahin at tiyuhin. Wala kang obligasyon o responsabilidad na gawin ang anumang bagay para pasayahin sila, o na suyuin at tulungan sila. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.)

Malinaw ba ang sinabi Ko tungkol sa pahayag na “Ang magulang ay palaging tama”? (Oo.) Sino ang mga magulang? (Mga tiwaling tao.) Tama, ang mga magulang ay mga tiwaling tao. Kung nangungulila ka minsan sa iyong mga magulang, at iniisip mo, “Kumusta na kaya ang mga magulang ko nitong nakaraang dalawang taon? Nangungulila kaya sila sa akin? Nagretiro na kaya sila? Mayroon ba silang anumang suliranin sa buhay? Mayroon kayang nag-aalaga sa kanila kapag may sakit sila?” Sabihin nating iniisip mo ang mga bagay na ito at iniisip mo rin, “Ang mga magulang ay palaging tama. Madalas akong bugbugin at pagalitan ng mga magulang ko noon dahil galit na galit sila na hindi ko matugunan ang kanilang mga ekspektasiyon, at dahil matindi ang pagmamahal nila sa akin. Ang mga magulang ko ay mas mabait kaysa sa sinuman, sila ang pinakanagmamahal sa akin sa mundong ito. Ngayong naiisip ko ang masasamang katangian ng aking mga magulang, hindi ko na itinuturing na masasamang katangian ang mga ito, dahil ang isang magulang ay palaging tama.” At habang mas iniisip mo ito, mas lalong gusto mo silang makita. Mabuti ba ang mag-isip nang ganito? (Hindi.) Hindi ito mabuti. Paano ka dapat mag-isip? Pagnilayan mo ito: “Binugbog, pinagalitan, at sinira ng mga magulang ko ang kumpiyansa ko sa sarili noong bata pa ako. Kailanman ay wala silang sinabing mabuti sa akin at hindi nila kailanman pinalakas ang aking loob. Pinilit nila akong mag-aral, at pinilit din akong matutong sumayaw at kumanta, at mag-aral para sa Math Olympiads—lahat ng bagay na hindi ko gusto. Nakakainis talaga ang mga magulang ko. Ngayon ay nananampalataya na ako sa Diyos at malaya na ako. Nilisan ko ang tahanan ko para gampanan ang aking tungkulin bago pa man ako makatapos ng kolehiyo. Ang Diyos ang mabuti. Hindi ako nangungulila sa mga magulang ko. Pinigilan nila akong manampalataya sa Diyos. Ang mga magulang ko ay mga diyablo.” Pagkatapos, muli kang nagninilay-nilay, “Hindi tama iyon. Ang magulang ay palaging tama. Ang mga magulang ko ang mga taong pinakamalapit sa akin, kaya tama lang na mangulila ako sa kanila.” Tama ba na isipin ito? (Hindi, mali ito.) Kung gayon, ano ang tamang paraan ng pag-iisip? (Akala natin noon na anuman ang gawin ng ating mga magulang, ginagawa nila ito bilang pagsasaalang-alang sa atin, at na sila ay mabuti sa atin sa lahat ng kanilang ginagawa, at na hinding-hindi nila tayo ipapahamak. Ang ibinahagi ng Diyos ngayon lang ay nagpamulat sa akin na ang aking mga magulang ay mga tiwaling tao rin, na tumanggap ng iba’t ibang ideya at pananaw mula kay Satanas. Hindi namamalayang naikintal sa atin ng ating mga magulang ang maraming satanikong pananaw, na nagsasanhing lubos tayong malayo sa katotohanan sa ating pag-asal at pagkilos, at mamuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya. Ngayong mayroon na akong kaunting pagkaunawa sa kung ano ang nasa puso ng aking mga magulang, hindi na ako masyadong mangungulila sa kanila at hindi ko na sila masyadong iisipin.) Sa pakikitungo sa iyong mga magulang, dapat ka munang makatwirang dumistansiya mula sa pagiging magkadugo at kilatisin ang iyong mga magulang gamit ang mga katotohanang natanggap at naunawaan mo na. Kilatisin ang iyong mga magulang batay sa kanilang mga kaisipan, pananaw, at motibo tungkol sa pag-asal, at sa kanilang mga prinsipyo at pamamaraan ng paggawa, na magpapatunay na sila rin ay mga taong ginawang tiwali ni Satanas. Tingnan at kilatisin sila mula sa perspektiba ng katotohanan, sa halip na laging isipin na matayog, hindi makasarili, at mabait sa iyo ang mga magulang mo, at kung titingnan mo sila sa ganoong paraan, hinding-hindi mo matutuklasan kung ano ang mga isyu sa kanila. Huwag tingnan ang iyong mga magulang mula sa perspektiba ng inyong ugnayan bilang magkapamilya, o mula sa tungkulin mo bilang isang anak. Tingnan mo mula sa malayo kung paano sila makitungo sa mundo, sa katotohanan, at sa mga tao, usapin, at bagay. Gayundin, sa mas partikular, tingnan mo ang mga ideya at pananaw na naikondisyon sa iyo ng iyong mga magulang hinggil sa kung paano mo dapat tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano ka dapat umasal at kumilos—ganito mo sila dapat kilalanin at kilatisin. Sa ganitong paraan, unti-unting magiging malinaw ang kanilang mga katangian bilang tao at ang katunayang nagawa silang tiwali ni Satanas. Anong klaseng tao sila? Kung hindi sila mga mananampalataya, ano ang kanilang saloobin sa mga taong nananampalataya sa Diyos? Kung sila ay mananampalataya, ano ang kanilang saloobin sa katotohanan? Sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? Mahal ba nila ang katotohanan? Gusto ba nila ang mga positibong bagay? Ano ang kanilang pananaw sa buhay at sa mundo? At iba pa. Kung makikilatis mo ang iyong mga magulang batay sa mga bagay na ito, magkakaroon ka ng malinaw na ideya. Kapag malinaw na ang mga bagay na ito, magbabago ang matayog, marangal, at hindi natitinag na katayuan ng iyong mga magulang sa isipan mo. At kapag nagbago na ito, ang pagmamahal na ipinapakita ng iyong mga magulang—kasama na ang kanilang mga partikular na salita at kilos, at ang matatayog nilang imaheng pinanghahawakan mo—ay hindi na gaanong tatatak sa isipan mo. Ang pagiging hindi makasarili at ang kadakilaan ng pagmamahal ng iyong mga magulang para sa iyo, pati na ang kanilang debosyon sa pag-aalaga sa iyo, pagpoprotekta sa iyo, at maging ang pagkagiliw sa iyo, ay hindi na magiging mahalaga sa iyong isipan, nang hindi namamalayan. Madalas sabihin ng mga tao, “Mahal na mahal ako ng aking mga magulang. Tuwing wala ako sa bahay, palagi akong tinatanong ng nanay ko ng ‘Kumain ka na ba? Kumakain ka ba sa tamang oras?’ Palaging nagtatanong si tatay ng ‘Sapat ba ang pera mo riyan? Kung wala kang pera, padadalhan pa kita ng pandagdag.’ At sinasabi ko na ‘May pera pa ako, hindi na kailangan,’ at sumasagot si tatay ng ‘Hindi, hindi maaari, kahit na sabihin mong may pera ka, padadalhan pa rin kita ng kaunting pera.’” Ang totoo, nagtitipid ang mga magulang mo at nag-aatubili silang gumastos ng pera para sa kanilang sarili. Ginagamit nila ang kanilang pera para masuportahan ka, upang magkaroon ka ng dagdag na panggastos kapag wala ka sa bahay. Palaging sinasabi ng nanay at tatay mo, “Magtipid ka sa bahay pero magdala ka ng ekstrang pera kapag nagbabiyahe. Magdala ka ng ekstra kapag nasa labas ka. Kung kulang ang pera mo, sabihan mo lang ako, at magpapadala ako sa iyo nang kaunti o idadagdag ko ito sa card mo.” Ang walang pag-iimbot na pagmamalasakit, konsiderasyon, pag-aalaga ng iyong mga magulang, at maging ang pagbibigay nila ng labis-labis na atensiyon at ang kanilang pagpapalayaw sa iyo ay, sa iyong paningin, palaging magiging isang hindi mabuburang tanda ng kanilang walang pag-iimbot na dedikasyon. Ang walang pag-iimbot na dedikasyon na ito ay naging isang makapangyarihan, positibong damdamin sa kaibuturan ng iyong puso na nagbubuklod sa ugnayan ninyo. Dahil dito, hindi mo sila magawang bitiwan, at nag-aalala ka sa kanila, palaging nababahala sa kanila, palaging nangungulila sa kanila, at palagi ka pa ngang nagiging handang makulong sa damdaming ito at ma-blackmail ng kanilang pagmamahal. Anong uri ng pangyayari ito? Tunay ngang walang pag-iimbot ang pagmamahal ng iyong mga magulang. Gaano ka man inaalagaan ng mga magulang mo, o nagtipid at nag-ipon man sila para lang mabigyan ka ng perang panggastos, o mabilhan ka ng mga pangangailangan mo, maaaring isa itong pagpapala para sa iyo ngayon, ngunit hindi ito makakabuti sa iyo sa katagalan. Kapag mas higit silang hindi makasarili, at mas mabuti ang pakikitungo nila sa iyo, at mas nagmamalasakit sila sa iyo, mas lalong hindi mo kakayaning lumayo mula sa pagmamahal na ito at bitiwan o kalimutan ito, at mas lalo ka lang mangungulila sa kanila. Kapag nabigo kang gawin ang tungkulin mo bilang anak o tuparin ang anumang obligasyon mo sa kanila, mas lalo kang maaawa sa kanila. Sa mga sitwasyong ito, hindi mo sila kayang kilatisin, o kalimutan ang kanilang pagmamahal at dedikasyon at ang lahat ng nagawa nila para sa iyo, o na ituring ang lahat ng iyon na walang kabuluhan—ito ang epekto ng iyong konsensiya. Kumakatawan ba sa katotohanan ang iyong konsensiya? (Hindi.) Bakit ganito ang mga magulang mo sa iyo? Dahil may pagmamahal sila sa iyo. Kung gayon, maaari bang kumatawan sa kanilang pagkataong diwa ang pagiging mabait nila sa iyo? Maaari ba itong kumatawan sa kanilang saloobin sa katotohanan? Hindi. Katulad lang ito ng mga nanay na palaging nagsasabi na “Ikaw ay sarili kong laman at dugo, naghirap ako nang husto para mapalaki ka. Paanong hindi ko malalaman kung ano ang nasa puso mo?” Mabuti sila sa iyo dahil sa malapit na ugnayan ng pamilya at sa relasyong ito ng laman-at-dugo, subalit talaga bang nagiging mabuti sila sa iyo? Ito ba talaga ang tunay nilang mukha? Ito ba ay isang tunay na pagpapahayag ng kanilang pagkataong diwa? Hindi ito tiyak. Dahil magkadugo kayo, iniisip nila na dapat silang maging mabuti sa iyo sa ngalan ng tungkulin. Ngunit ikaw, bilang kanilang anak, ay nag-iisip na mabuti sila sa iyo dahil sa kanilang kabutihang-loob, at sa tingin mo ay hindi mo sila masusuklian kahit kailan. Kung hindi mo masusuklian nang buo ang kanilang kabutihang-loob, o kahit na ang katiting nito, uusigin ka ng iyong konsensiya. Naaayon ba sa katotohanan ang nararamdaman mo kapag inuusig ka ng iyong konsensiya? Sa madaling salita, kung hindi sila ang mga magulang mo, bagkus ay mga ordinaryong tao na nakikisalamuha sa iyo sa loob ng isang grupo, tatratuhin ka ba nila nang ganito? (Hindi.) Tiyak na hindi. Kung hindi sila ang mga magulang mo at hindi kayo magkadugo, magiging iba ang kanilang ugali at saloobin sa iyo. Tiyak na hindi sila magmamalasakit sa iyo, magpoprotekta sa iyo, magbibigay sa iyo ng labis-labis na atensiyon, mag-aalaga sa iyo, o walang pag-iimbot na mag-aalay ng kahit ano para sa iyo. Kung gayon, paano ka nila tatratuhin? Marahil ay aapihin ka nila dahil bata ka pa at walang karanasan sa lipunan, o didiskriminahin ka dahil sa iyong mababang posisyon at katayuan, at palagi kang kakausapin sa pormal na tono at susubukang pangaralan ka; o marahil ay iisipin nilang pangkaraniwan lang ang hitsura mo, at kung makikipag-usap ka sa kanila, hindi ka nila papansinin, at hindi mo sila mapapantayan; o baka hindi ka nila makikitaan ng anumang silbi, at hindi sila makikihalubilo sa iyo o makikipag-ugnayan sa iyo; o marahil ay iisipin nilang inosente ka, kaya, kung gusto nilang malaman ang tungkol sa isang bagay, palagi silang magsisimula sa pamamagitan ng pagtatanong sa iyo at pagtatangkang makakuha ng mga sagot mula sa iyo; o marahil ay gusto nilang samantalahin ka kahit papaano, gaya ng sa tuwing bibili ka ng ilang murang gamit, palagi nilang gustong ibahagi mo ito sa kanila, o gusto nilang kuhain ang ilan sa mga ito; o marahil, kapag nadapa ka sa kalye at kailangan mo ang kanilang kamay para tulungan kang makatayo, hindi ka man lang nila titingnan, at sa halip ay sisipain ka; o marahil kapag sumakay ka ng bus, kung hindi mo ibibigay sa kanila ang iyong upuan, sasabihin nila, “Napakatanda ko na pero bakit ayaw mong ibigay ang upuan mo sa akin? Bakit ba napakamangmang mong bata ka? Hindi ka ba tinuruan ng mga magulang mo ng tamang asal!” At pagagalitan ka pa nga nila. Kung ganito ang kaso, kailangan mong tuklasin kung ang pagmamahal ba ng ina at ama na nakatago sa kaibuturan ng puso mo ay isang tunay na pagbubunyag ng kanilang pagkatao. Madalas kang maantig ng kanilang walang pag-iimbot na debosyon sa iyo at ng kanilang dakilang pagmamahal bilang ina at ama, at masyado kang malapit sa kanila, nangungulila ka sa kanila, at palagi mong gustong suklian sila ng iyong sariling buhay. Ano ang dahilan nito? Kung ito ay dahil lang sa konsensiya mo, kung gayon, hindi ganoon kalalim ang problema at maaari itong malutas. Ngunit kung dahil ito sa pagmamahal sa kanila, kung gayon, napakalaking problema nito. Mas maiipit ka nang maiipit dito at hindi mo magagawang kumawala. Madalas kang maiipit sa pagmamahal na ito at mangungulila ka sa iyong mga magulang, at kung minsan pa nga ay ipagkakanulo mo ang Diyos para mabayaran ang kabutihan ng iyong mga magulang. Halimbawa, ano ang gagawin mo kung mabalitaan mong may malubhang karamdaman sa ospital ang iyong mga magulang, o na may malubhang nangyari sa kanila at hindi sila makaalis sa mahirap na sitwasyon at nagdadalamhati at nasisiraan sila ng loob, o kung mabalitaan mong malapit nang pumanaw ang mga magulang mo? Sa oras na iyon, hindi mo malalaman kung ang iyong pagmamahal ay mangingibabaw sa iyong konsensiya, o kung ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos na Kanyang itinuro sa iyo ay magtutulak sa iyong konsensiya na gumawa ng desisyon. Ang kalalabasan ng mga bagay na ito ay nakadepende sa kung paano mo madalas tingnan ang ugnayan sa pagitan ng mga magulang at mga anak, kung gaano ka na nakapasok sa katotohanan tungkol sa kung paano pakikitunguhan ang mga magulang, kung gaano mo sila nakikilatis, kung gaano na kalalim ang pagkaunawa mo hinggil sa kalikasang diwa ng sangkatauhan, at kung gaano na kalaki ang iyong pagkaunawa hinggil sa katangian at diwa ng pagkatao ng iyong mga magulang, pati na sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Higit sa lahat, ang kalalabasan ng mga bagay na ito ay nakasalalay sa kung paano mo tinatrato ang mga ugnayan sa pamilya, at ang mga tamang pananaw na dapat mong panghawakan—ito ang iba’t ibang katotohanan na dapat mong isangkap sa iyong sarili bago mangyari sa iyo ang alinman sa mga bagay na ito. Ang lahat ng iba pa—mga kamag-anak at kaibigan, tiyahin at tiyuhin, lolo at lola, at iba pang mga tagalabas—ay madaling mabitiwan, dahil wala silang mahalagang puwang sa pagmamahal ng isang tao. Ang mga taong ito ay madaling bitiwan, pero ang mga magulang ang eksepsiyon. Ang mga magulang lamang ang pinakamalapit na kamag-anak sa mundo. Sila ang mga taong may mahalagang papel sa buhay ng isang tao at may malaking epekto sa buhay ng isang tao, kaya hindi sila madaling bitiwan. Kung nagkaroon ka ng malinaw na pagkaunawa ngayon sa iba’t ibang kaisipan na ibinubunga ng pagkokondisyon ng iyong pamilya, maaari itong makatulong sa iyo na mabitiwan ang pagmamahal mo sa iyong mga magulang, dahil ang mga epekto ng pagkokondisyon sa iyo ng iyong pamilya sa kabuuan ay katumbas lamang ng mga hindi nakikitang pahayag, samantalang ang pinakapartikular na pakokondisyon ay talagang nagmumula sa iyong mga magulang. Isang pangungusap mula sa iyong mga magulang, o ang kanilang saloobin sa paggawa ng isang bagay, o ang mga paraan at diskarte nila sa pangangasiwa ng isang bagay—ito ang mga pinakatumpak na paraan para mailarawan kung paano ka kinokondisyon. Sa sandaling makilatis mo sa iba’t-ibang paraan at makilala sa partikular na paraan ang mga ideya, kilos, at kasabihang naikondisyon sa iyo ng iyong mga magulang, magkakaroon ka ng tumpak na pagsusuri at kaalaman sa diwa ng papel, karakter, pananaw sa buhay ng iyong mga magulang, at sa kanilang mga paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Sa sandaling magkaroon ka nitong tumpak na pagsusuri at kaalaman, hindi mamamalayang unti-unting magbabago, mula sa positibo tungo sa negatibo, ang pag-unawa mo sa papel ng iyong mga magulang. Sa sandaling mapagtanto mo na ang papel ng iyong mga magulang ay lubos na negatibo, unti-unti mo nang mabibitiwan ang iyong sentimental na pagkagiliw, espirituwal na kaugnayan, at ang iba’t ibang uri ng dakilang pagmamahal na mayroon sila para sa iyo. Sa oras na iyon, mararamdaman mo na ang imaheng hawak mo tungkol sa iyong mga magulang sa kaibuturan ng iyong puso ay dating napakatayog, katulad niyong nasa sanaysay na “Ang Likod ng Aking Ama,” na pinag-aralan mo sa iyong aklat sa paaralan, pati na ang sikat na kantang iyon maraming taon na ang nakalipas, “Si Nanay ang Pinakamabuti sa Buong Mundo,” na isang Taiwanese movie theme song at napapanood sa lahat ng lipunang marunong magsalita ng Chinese—ito ang mga paraan ng lipunan at ng mundo sa pagtuturo sa sangkatauhan. Kapag hindi mo napagtatanto ang diwa o ang tunay na mukha sa likod ng mga bagay na ito, pakiramdam mo ay positibo ang mga pamamaraang ito ng pagtuturo. Batay sa iyong umiiral na pagkatao, binibigyan ka ng mga ito ng higit na pagkilala at paniniwala sa kadakilaan ng pagmamahal ng iyong mga magulang para sa iyo, at dahil dito, nag-iiwan ang mga ito ng isang impresyon sa kaibuturan ng iyong puso na ang pagmamahal ng iyong mga magulang ay hindi makasarili; ito ay dakila, at sagrado. Samakatuwid, gaano man kasama ang iyong mga magulang, ang kanilang pagmamahal ay nananatiling walang pag-iimbot at dakila. Para sa iyo, ito ay isang hindi maitatangging katotohanan na hindi mapapabulaanan ninuman, at walang sinuman ang makapagsasabi ng masamang salita tungkol sa mga magulang mo. Dahil dito, ayaw mo silang kilatisin o ilantad, at kasabay nito, gusto mo rin silang paglaanan ng puwang sa kaibuturan ng iyong puso, dahil naniniwala ka na ang pagmamahal ng magulang ay higit sa lahat ng bagay, walang kapintasan, dakila, at sagrado magpakailanman, at hindi ito maitatanggi ninuman. Ito ang batayan ng iyong konsensiya at pag-asal. Kung may magsasabi na ang pagmamahal ng isang magulang ay hindi dakila o walang kapintasan, makikipaglaban ka nang husto sa kanila—hindi ito makatwiran. Bago maunawaan ng mga tao ang katotohanan, ang impluwensiya ng kanilang konsensiya ay mag-uudyok sa kanila na panghawakan ang ilang tradisyonal na ideya at pananaw, o magbubunga din ito ng ilang bagong ideya at pananaw. Gayunpaman, kung titingnan ito mula sa perspektiba ng katotohanan, ang mga ideya at pananaw na ito ay kadalasang hindi makatwiran. Sa sandaling maunawaan mo ang katotohanan, magagawa mong harapin ang mga bagay na ito sa loob ng saklaw ng normal na katwiran. Samakatuwid, ang sangkatauhan ay nagtataglay ng parehong konsensiya at katwiran. Kung hindi maaabot ng konsensiya ang pamantayan ng mga bagay na ito, o hindi kontrolado o positibo ang mga ito sa ilalim ng mga epekto ng konsensiya, maaaring gamitin ng mga tao ang katwiran para ayusin at itama ang mga ito. Kung gayon, paano nakakamit ng mga tao ang pagiging makatwiran? Kailangang maunawaan ng mga tao ang katotohanan. Sa sandaling maunawaan ng mga tao ang katotohanan, ituturing nila ang lahat, pipiliin ang lahat, at kikilatisin ang lahat nang mas tama at tumpak. Sa gayon ay magkakamit sila ng tunay na katwiran, at maaabot nila ang punto kung saan ang katwiran ay malalampasan ang konsensiya. Ito ay isang pagpapamalas sa kung ano ang nangyayari pagkatapos makapasok ang isang tao sa katotohanang realidad. Maaaring hindi mo talaga nauunawaan ang mga salitang ito ngayon, ngunit mauunawaan mo ang mga ito sa sandaling magkaroon ka ng tunay na karanasan at maunawaan ang katotohanan. Nagmumula ba ang kasabihang “Ang magulang ay palaging tama” sa katwiran o konsensiya? Hindi ito makatwiran, nagmumula ito sa mga pagmamahal ng isang tao sa ilalim ng impluwensiya ng konsensiya. Kung gayon, makatwiran ba ang kasabihang ito? Hindi, hindi ito makatwiran. Bakit hindi ito makatwiran? Dahil ito ay nagmumula sa pagmamahal ng isang tao, at hindi ito naaayon sa katotohanan. Kaya, sa anong punto mo nagagawang tingnan at tratuhin ang mga magulang nang makatwiran? Kapag nauunawaan mo ang katotohanan at nakilala ang diwa at ugat ng bagay na ito. Sa sandaling magawa mo na iyon, hindi mo na tatratuhin ang iyong mga magulang ayon sa impluwensiya ng konsensiya, hindi na magkakaroon ng papel ang pagmamahal, gayundin ang konsensiya, at magagawa mo nang tingnan at pakitunguhan ang iyong mga magulang ayon sa katotohanan—ito ang pagiging makatwiran.

Naging malinaw ba Ako sa pagbabahagi sa problema kung paano pakitunguhan ang mga magulang? (Oo.) Mahalagang bagay ito. Sinasabi ng lahat ng miyembro ng pamilya na “Ang magulang ay palaging tama,” at hindi mo alam kung tama ba ito o hindi, kaya tinatanggap mo na lang ito. Kaya, sa tuwing may ginagawa ang iyong mga magulang na hindi tama, nagninilay-nilay at napapaisip ka, “Sinasabi ng mga tao na ‘Ang magulang ay palaging tama,’ kaya bakit ko sasabihin na hindi tama ang mga magulang ko? Ang nangyayari sa pamilya ay nananatiling pribado sa pamilya, huwag mong sabihin sa iba ang tungkol dito, tiisin mo lang ito.” Bukod sa mga epekto ng pagkokondisyon ng maling kasabihang ito—“Ang magulang ay laging tama”—may isa pang kasabihan: “Ang nangyayari sa pamilya ay nananatiling pribado sa pamilya.” Kaya iniisip mo, “Sino ang dapat sisihin sa sarili kong mga magulang? Hindi ko pwedeng sabihin sa iba ang tungkol sa kahiya-hiyang bagay na ito. Dapat ko itong itago. Ano ba ang silbi ng pagiging seryoso sa aking mga magulang?” Ang mga epekto ng pagkokondisyong ito mula sa pamilya ay palaging naroroon sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, sa kanilang landas sa buhay, at sa kanilang pag-iral. Bago maunawaan at makamit ng mga tao ang katotohanan, tinitingnan nila ang mga tao at mga bagay, at umaasal at kumikilos sila batay sa iba’t ibang ideya at pananaw na ito na kinokondisyon sa kanila ng kanilang pamilya. Madalas silang naiimpluwensiyahan, naguguluhan, napipigilan, at mahigpit na naigagapos ng mga kaisipang ito. Ginigiyahan pa nga sila ng mga kaisipang ito, at madalas na nagkakamali ng paghusga sa mga tao at gumagawa ng mga maling bagay, at madalas din silang lumalabag sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Kahit na napakinggan ng mga tao ang maraming salita ng Diyos, at kahit na madalas silang nagdarasal-nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nagbabahagi ng mga ito, dahil malalim na nakaugat sa kanilang isipan at puso ang mga pananaw na ito na naikondisyon sa kanila ng kanilang pamilya, wala silang pagkakilala sa mga pananaw na ito, o anumang kakayahan na malabanan ang mga ito. Kahit na habang tumatanggap sila ng mga turo at panustos ng mga salita ng Diyos, naiimpluwensiyahan pa rin sila ng mga kaisipang ito, na gumagabay din sa kanilang mga salita, gawa, at paraan ng pamumuhay. Samakatuwid, dahil sa hindi namamalayang paggabay ng mga kaisipang ito na naikondisyon sa kanila ng kanilang pamilya, kadalasang hindi mapigilan ng mga tao ang kanilang sarili na lumabag sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Gayunpaman, iniisip pa rin nila na isinasagawa at hinahangad nila ang katotohanan. Hindi nila alam na ang iba’t ibang kasabihang ito na ikinondisyon sa kanila ng kanilang pamilya ay sadyang hindi naaayon sa katotohanan. Ang mas malala pa ay ang mga kasabihang ito na naikondisyon sa mga tao ng kanilang pamilya ay umaakay sa kanila sa landas ng paulit-ulit na paglabag sa katotohanan, subalit hindi man lang nila ito alam. Samakatuwid, kung nais mong hangarin ang katotohanan at pasukin ang katotohanang realidad, dapat mo munang malinaw na makilatis at makilala ang iba’t ibang epekto ng pagkokondisyon na nagmumula sa iyong pamilya, at pagkatapos ay magsikap na alisin ang mga kaisipang ito na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya. Siyempre, talagang masasabi na dapat kang kumawala sa pagkokondisyon ng iyong pamilya. Huwag mong isipin na dahil nanggaling ka sa pamilyang iyon, kailangan mong gawin ito o mamuhay sa ganoong paraan. Wala kang responsabilidad o obligasyon na manahin ang mga tradisyon ng iyong pamilya o manahin ang iba’t ibang paraan at diskarte nito sa paggawa ng mga bagay-bagay at sa pagkilos. Ang buhay mo ay mula sa Diyos. Hinirang ka ng Diyos ngayon, at ang layong nais mong hangarin ay ang kaligtasan, kaya hindi mo pwedeng gamitin ang iba’t ibang ideyang naikondisyon sa iyo ng iyong pamilya bilang batayan sa iyong mga pananaw sa mga tao at bagay, sa iyong pag-asal, at iyong pagkilos. Sa halip, dapat mong tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos batay sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang iba’t ibang turo. Sa ganitong paraan mo lamang makakamit ang kaligtasan sa huli. Siyempre, ang mga epekto ng pagkokondisyon na idinudulot ng pamilya ay hindi limitado sa mga nakalista rito. Ilan lang sa mga ito ang nabanggit Ko. Maraming iba’t ibang uri ng pagtuturo ng pamilya ang nagmumula sa iba’t ibang pamilya, iba’t ibang angkan, iba’t ibang lipunan, iba’t ibang lahi, at iba’t ibang relihiyon, at kinokondisyon ng mga ito ang pag-iisip ng mga tao sa maraming paraan. Sa anumang lahi o kulturang panrelihiyon nagmumula itong iba’t ibang pagkokondisyon ng pag-iisip, hangga’t hindi ito naaayon sa katotohanan, at hangga’t hindi ito nagmumula sa Diyos at bagkus ay sa mga tao, kung gayon ay dapat itong bitiwan at layuan ng mga tao. Hindi sila dapat sumunod dito, lalong hindi nila dapat manahin ito. Ang mga bagay na ito ay pawang mga bagay na dapat talikdan at iwaksi ng mga tao. Sa ganitong paraan lamang tunay na makakatahak ang mga tao sa landas ng paghahangad sa katotohanan at makapapasok sa katotohanang realidad.

Ang mga kasabihang ito na pinagbahaginan natin na nagmumula sa pagkokondisyon ng sariling pamilya ay tipikal sa isang punto, at sa isa pang punto, madalas itong pinag-uusapan ng mga tao. Tungkol naman sa ilang espesyal at hindi tipikal na mga kasabihan, hindi natin pag-uusapan ang mga iyon sa ngayon. Ano ang tingin ninyo tungkol sa pagbabahaginan natin tungkol sa paksa ng pamilya? Naging kapaki-pakinabang ba ito kahit papaano? (Oo.) Kinakailangan ba na magbahagi sa paksang ito? (Oo.) Ang lahat ay may pamilya at kinokondisyon ng kanilang pamilya. Ang mga bagay na ikinikintal sa iyo ng pamilya ay pawang mga lason at espirituwal na opyum, na labis na nagpapahirap sa iyo. Nang ikintal sa iyo ng iyong mga magulang ang mga bagay na ito, talagang maganda ang pakiramdam mo noong panahong iyon, para itong paglanghap ng opyum. Maginhawa ang buong katawan mo, na para bang nakapasok ka sa isang maligayang mundo. Subalit pagkaraan ng ilang panahon, kumukupas ang mga epekto, kaya kailangan mong patuloy na hanapin ang ganitong uri ng ginhawa. Ang espirituwal na opyum na ito ay nagdudulot sa iyo ng walang katapusang problema at kaguluhan. Hanggang ngayon, talagang mahirap sa iyo na alisin ito, at hindi ito isang bagay na maaaring iwaksi sa loob lamang ng maikling panahon. Kung nais ng mga tao na bitiwan ang mga naikondisyong ideya at pananaw na ito, dapat silang gumugol ng oras at lakas sa pagtukoy sa mga ito, himay-himayin ang mga ito para malinaw na makilala ang mga ito at maarok ang mga ito. Pagkatapos, sa tuwing lilitaw ang mga nauugnay na usapin, dapat nilang magawang bitiwan ang mga bagay na ito, talikuran ang mga ito, at hindi kumilos ayon sa mga prinsipyo ng gayong mga ideya at pananaw, bagkus, isagawa at gawin ang mga bagay alinsunod sa paraang itinuturo ng Diyos sa mga tao. Simple lang kung pakikinggan ang ilang salitang ito, ngunit maaaring tumagal nang 20 o 30 taon, o nang habang-buhay pa nga para sa mga tao na maisagawa ito. Maaaring gugugulin mo ang iyong buong buhay sa pakikipaglaban sa mga ideya at pananaw na naidudulot ng mga kasabihang ikinikintal sa iyo ng iyong pamilya, at sa paglayo at paghiwalay mula sa mga ideyang ito. Para magawa ito, dapat mong gugulin ang iyong damdamin at lakas, at dumaan din sa ilang pisikal na paghihirap. Dapat ka ring magkaroon ng matinding pagnanais para sa Diyos at isang kalooban na nauuhaw at naghahangad sa katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng mga bagay na ito mo unti-unting makakamit ang pagbabago at unti-unting mapapasok ang katotohanang realidad. Ganito kahirap kamtin ang katotohanan at buhay. Kapag napakinggan ng mga tao ang maraming sermon, nauunawaan nila ang ilang doktrina tungkol sa pananalig sa Diyos, ngunit hindi madali para sa kanila na tunay na magkaroon ng pagkaunawa sa katotohanan at makilala ang mga epekto ng pagkokondisyon ng pamilya at ang mga ideya at pananaw ng mga hindi mananampalataya. Kahit na nauunawaan mo ang katotohanan pagkatapos makinig sa mga sermon, ang pagpasok sa katotohanang realidad ay hindi isang bagay na nangyayari sa magdamag, hindi ba? (Tama.) Sige, dito na nagtatapos ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito. Paalam na!

Pebrero 25, 2023

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.