Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 10 (Ikalawang Bahagi)

Paano dapat bitiwan ng mga tao ang mga hindi makatotohanang pantasya tungkol sa pag-aasawa? Dapat nilang ituwid ang kanilang mga iniisip at pananaw tungkol sa pag-iibigan at pag-aasawa. Una, dapat bitiwan ng mga tao ang kanilang diumano’y pananaw sa pag-ibig, bitiwan ang mga ilusyon at kasabihan tulad ng ang ibigin ang isang tao hanggang sa matuyo ang mga dagat at maging alikabok ang mga bato, ang hindi natitinag na pag-iibigan hanggang sa kamatayan, at ang pag-ibig na nagtatagal hanggang sa susunod na buhay. Hindi alam ng mga tao kung magkakaroon sila ng ganoong pag-ibig nang buong buhay nila, lalong hindi nila alam sa buhay sa hinaharap o hanggang sa matuyo ang mga dagat at maging alikabok ang mga bato. Ilang taon ang aabutin bago matuyo ang mga dagat at maging alikabok ang mga bato? Hindi ba’t mga halimaw na ang mga tao kung mabubuhay sila nang ganoon katagal? Sapat na ang ipamuhay ang buhay na ito nang maayos, at ipamuhay ito nang may kamalayan at kalinawan. Sapat na ang magampanan nang maayos ang iyong papel sa pag-aasawa, ang gawin ang dapat gawin ng isang lalaki o babae, tuparin ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat gampanan ng isang lalaki o babae, tuparin ang inyong mga responsibilidad sa isa’t isa, suportahan ang isa’t isa, tulungan ang isa’t isa, at samahan ang isa’t isa habambuhay. Ito ay isang perpekto at wastong pag-aasawa, at ang lahat ng iba pang bagay, ang diumano’y pag-ibig, ang diumano’y mga taimtim na pangako ng pag-ibig, na ang pag-ibig ay nagtatagal hanggang sa susunod na buhay—ang mga ito ay lahat walang silbi, mga walang kinalaman sa pag-aasawa na inorden ng Diyos, at walang kinalaman sa mga tagubilin at paalala ng Diyos sa mga lalaki at babae. Ito ay dahil kahit ano pa ang pangunahing batayan sa anumang pag-aasawa, o anuman ang indibidwal na mga kalagayan ng mag-asawa, mahirap man o mayaman, o anumang talento, katayuan sa lipunan, at pinagmulan sa lipunan ang mayroon sila, o sila man ay perpekto para sa isa’t isa o perpektong magkabiyak; nag-asawa man sila dahil sa pag-ibig sa unang sulyap o dahil isinaayos ito ng kanilang mga magulang, aksidente man itong nangyari o nabuo sa pamamagitan ng pag-iibigan ng matagalang pagsasama—anumang uri ng pag-aasawa ito, basta’t ang dalawang tao ay nagpapakasal at pumapasok sa pag-aasawa, ang pag-aasawang ito ay kinakailangang humarap sa realidad, bumalik sa totoong buhay ng mga pang-araw-araw na pangangailangan. Walang makatatakas sa totoong buhay, at ang bawat buhay mag-asawa, may pag-ibig man ito o wala, kalaunan ay dapat na bumalik sa pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, kinakailangang bayaran ang mga bayarin sa kuryente at tubig, at nagrereklamo ang misis, “Ay naku, tumaas na naman ang mga bayarin. Tumataas na lahat, maliban sa sahod. Paano mabubuhay ang mga tao kung tumataas nang ganito ang presyo ng bagay-bagay?” Ngunit sa kabila ng kanyang mga reklamo, kailangan pa rin niyang gumamit ng tubig at kuryente, kaya wala siyang magagawa. Kaya’t binabayaran niya ang mga bayarin, at kapag bayad na ang mga iyon, kailangan naman niyang magtipid sa pagkain at gastusin, sinusubukan niyang matipid ang perang natira na kailangan niyang ibayad para sa mas malalaking bayarin. Kapag nakita niyang may mga gulay sa palengke na bagsak-presyo, sinasabi ng mister, “Bagsak-presyo ang munggo ngayon. Bumili ka ng marami, iyong sapat para sa dalawang linggo.” Sasabihin ng misis, “Magkano ang dapat nating bilhin? Kung masyado tayong maraming bibilhin at hindi natin mauubos, masisira lang ito. At kung bibili tayo ng ganoon karami, hindi natin mapagkakasya ang lahat ng iyon sa freezer!” Sasagot ang mister, “Kung hindi natin mapagkakasya lahat, hindi ba pwedeng kumain na lang tayo nang mas marami? Pwede tayong kumain ng munggo dalawang beses sa isang araw. Huwag mong palaging isipin ang pagbili ng mahal na pagkain!” Kapag sumahod na ang mister, sasabihin niya, “May bonus na naman ako ngayong buwan. Kung malaki ang makukuha kong bonus sa katapusan ng taon, pwede tayong magbakasyon. Nagbabakasyon ang lahat sa Maldives o Bali. Dadalhin kita roon para magbakasyon, para makapaglibang ka.” Masagana ang bunga ng mga puno ng prutas sa paligid ng kanilang tahanan, at nag-usap ang mag-asawa: “Hindi maganda ang naging ani natin noong nakaraang taon. Marami ang bunga ngayong taon, kaya pwede nating ibenta ang ilan at kikita tayo ng pera. Kapag kumita na tayo, baka pwede nating ipagawa ang bahay natin? Pwede tayong maglagay ng mas malalaking aluminum na bintana at maglagay ng malaki at bagong pintuang bakal.” Nang dumating ang taglamig, sinabi ng misis, “Anim o walong taon ko nang suot itong cotton jacket na ito, at panipis na ito nang panipis. Kapag sumahod ka na, pwede kang magtipid nang kaunti at magtabi ka ng pera para maibili ako ng winter jacket. Nasa tatlo hanggang apat na raan ang down jacket, o nasa mga lima hanggang anim na raang yuan siguro.” “Sige,” sabi ng mister. “Magtatabi ako ng pera at bibilhan kita ng maganda at makapal na duck down jacket.” Sinabi ng misis, “Gusto mo akong bilhan, pero wala ka rin namang ganoon. Bumili ka rin ng para sa iyo.” Sumagot ang mister, “Kung sapat ang pera ko, bibili ako. Kung wala naman, pagtiyatiyagaan ko na lang ang jacket ko ng isa pang taon.” May isa pang mister ang nagsabi naman sa kanyang misis, “Nabalitaan kong may malaking kainan na nagbukas malapit dito na nagluluto ng iba’t ibang klase ng seafood. Gusto mo bang pumunta tayo?” Sabi ng misis, “Sige, pumunta tayo. May sapat naman tayong pera, pwede tayong kumain doon.” Kumain sila roon ng seafood at umuwi nang masaya at tuwang-tuwa. Iniisip ng misis, “Napakaginhawa ng buhay ko ngayon. Napangasawa ko ang tamang lalaki. Nakakakain ako ng sariwang seafood. Hindi kayang bumili at makakain ng seafood ng mga kapitbahay namin. Ang ganda ng buhay ko!” Hindi ba’t ito ang buhay mag-asawa? (Oo.) Ginugugol nila ang buhay nila sa pagkakalkula at pagtatalo. Araw-araw silang nagtatrabaho mula umaga hanggang gabi, pumapasok sa trabaho nang alas-otso ng umaga kaya gumigising sila nang alas-singko ng umaga. Kapag tumutunog na ang alarm, iniisip nila, “Hay, ayaw ko talagang bumangon, pero wala akong magagawa. Kailangan kong bumangon para may makain kami at para mabuhay,” kaya pinipilit nilang bumangon. “Buti na lang at hindi ako late ngayon, kaya hindi nila babawasan ang bonus ko.” Matapos ang trabaho, umuuwi sila at sinasabi, “Ang hirap ng araw na ito, nakakapagod! Kailan kaya darating ang araw na hindi ko na kailangang magtrabaho?” Kinakailangan nilang maging abala araw-araw para kumita at may makain; kailangan nilang mamuhay nang ganito para mamuhay nang maginhawa, para mapanatili ang buhay ng dalawang tao sa loob ng balangkas ng pag-aasawa, o para magkaroon ng isang maayos na buhay. Ginugugol nila ang kanilang buhay sa ganitong paraan hanggang sa sila ay tumanda at maabot nila ang kanilang mga huling taon, at sasabihin ng matandang misis sa kanyang mister, “Naku, tingnan mo, puti na ang buhok ko! Kulubot na ang balat sa paligid ng aking mga mata at may mga linya na ang aking pisngi. Matanda na ba ako? Ayaw mo na ba sa matanda kong hitsura at maghahanap ka na ng ibang babae?” Sumagot ang mister, “Hinding-hindi mangyayari iyon, ikaw talaga. Ginugol ko na ang buong buhay ko nang kasama ka pero hindi mo pa rin ako kilala. Sa tingin mo ba ay ganoon akong klase ng lalaki?” Palaging nag-aalala ang kanyang misis na aayawan niya ito kapag tumanda na ito at natatakot ito na hindi na niya ito magugustuhan. Nangungulit ito nang nangungulit, paunti nang paunti ang sinasabi ng mister, hindi na sila gaanong nag-uusap, at nanonood sila ng kanya-kanyang palabas sa TV, na hindi pinapansin ang isa’t isa. Isang araw, sinabi ng misis, “Ang dami na nating naging pagtatalo sa buhay natin. Napakahirap mabuhay kasama ka sa loob ng maraming taong ito. Hindi ko na gugugulin ang susunod kong buhay kasama ang lalaking katulad mo. Kapag tapos na tayong kumain, hindi ka man lang tumutulong sa pagliligpit, umuupo ka lang at wala kang ginagawa. Hindi mo man lang inayos ang pagkukulang mong ito sa buong buhay mo. Kapag nagpapalit ka ng damit, hindi ka man lang naglalaba, ako lagi ang kailangang maglaba at magligpit ng mga iyon para sa iyo. Kung mamamatay ako, sino na ang tutulong sa iyo?” Sabi ng mister, “Akala mo ba ay hindi ako mabubuhay kung wala ka? Napakaraming mas batang babae ang naghahabol sa akin na hindi ko na nga sila maiwasan.” Sumagot ang misis, “Puro salita ka lang naman! Tingnan mo nga ang hitsura mo, ang dugyot mo. Wala nang ibang magtitiis sa iyo kundi ako.” Sabi naman ng mister, “Magalit ka kung gusto mo, pero maraming tao riyan ang may gusto sa akin. Ikaw lang naman ang nangmamaliit sa akin at hindi ako sineseryoso.” Anong klase ng buhay mag-asawa ang mayroon sila? Sabi ng misis, “Kahit na walang dahilan para maging masaya ako at wala akong naging magandang alaala sa buhay na kasama ka, ngayong matanda na ako, naiisip ko: Kung mawawala ka, mararamdaman kong parang may kulang sa akin. Kung mauuna kang mamatay, malulungkot ako at wala na akong makukulit. Ayaw kong maging mag-isa. Dapat ako ang maunang mamatay para ikaw ang mamumuhay nang mag-isa at walang maglalaba ng damit mo o magluluto ng pagkain mo, walang mag-aasikaso sa iyo araw-araw, para maalala mo ang aking kabutihan. Hindi ba’t sinabi mo na maraming mas batang babae ang naghahabol sa iyo? Kapag namatay ako, pwede ka nang kumuha agad ng kapalit.” Sabi ng mister, “Kumalma ka lang, sisiguruhin kong ikaw ang mauunang mamatay. Kapag wala ka na, tiyak na makakahanap ako ng mas mabuting katuwang sa buhay kaysa sa iyo.” Pero ano nga ba ang totoong iniisip niya sa kanyang puso? “Mauna ka nang mamatay, at kapag wala ka na, titiisin ko ang lungkot. Mas pipiliin kong tiisin ang hirap na ito at magdusa nang ganito kaysa ikaw ang magdusa.” Subalit ang matandang misis ay palaging nagrereklamo tungkol sa mister, na mali ang ginagawa nitong ganyan at ganoon, na ang dami-dami nitong pagkukulang, at bagama’t hindi pinupunan ng kanyang mister ang mga pagkukulang nito, patuloy silang namumuhay nang ganito, at sa paglipas ng panahon ay nakasanayan na niya ito. Sa huli, tinatanggap na lang ito ng babae, tinitiis ito ng lalaki, at sa ganitong paraan ay namumuhay sila nang magkasama sa kanilang buong buhay. Ganito ang buhay mag-asawa.

Bagamat maraming bagay sa pag-aasawa ang hindi nagugustuhan ng isang tao, at maraming pagtatalo, at dumaranas ang mag-asawa ng pagkakasakit, kahirapan, pinansiyal na mga kagipitan sa buhay, at nahaharap pa nga sila sa mga labis na maligaya at malungkot na kaganapan, pati na sa iba pang gayong kaganapan, ngunit magkasama nilang nalalampasan ang lahat ng uri ng hamon, at ang kanilang kabiyak ay isang taong hindi nila kayang iwanan kailanman, isang taong hindi nila kayang bitiwan bago nila isara ang kanilang mga mata sa pinakahuling pagkakataon. Ano ang isang kabiyak? Ito ay isang asawa. Tinutupad ng lalaki ang panghabambuhay na mga responsabilidad niya para sa babae, at gayundin, tinutupad ng babae ang panghabambuhay na mga responsabilidad niya para sa lalaki; sinasamahan ng babae ang lalaki sa buhay, at sinasamahan ng lalaki ang babae sa buhay. Wala sa kanila ang makapagsasabi nang malinaw kung sino sa kanila ang mas madalas na sumasama sa kanilang kabiyak; wala sa kanila ang makapagsasabi nang malinaw kung sino ang mas maraming naiambag, sino ang mas maraming nagawang pagkakamali, o sino ang may mas maraming pagkukulang; wala sa kanila ang makapagsasabi nang malinaw kung sino sa kanila ang pangunahing tagasuporta o ang pangunahing tagapagtustos sa kanilang buhay nang magkasama; wala sa kanila ang makapagsasabi nang malinaw kung sino ang ulo ng tahanan o kung sino ang nangangasiwa at sino ang tagasuporta lang; wala sa kanila ang makapagsasabi nang malinaw kung sino sa kanila ang hindi kayang mang-iwan sa kanilang kabiyak, kung ang lalaki ba ang hindi kayang mang-iwan sa babae, o ang babae ang hindi kayang mang-iwan sa lalaki; at wala sa kanila ang makapagsasabi nang malinaw kung sino ang tama at sino ang mali kapag sila ay nagtatalo: Sadyang ganito ang buhay, at ito ang normal na buhay ng isang lalaki at isang babae sa loob ng balangkas ng pag-aasawa, at ito ang pinakanormal at pinakakaraniwang sitwasyon ng pamumuhay para sa mga tao. Ganito talaga ang buhay, hindi maihihiwalay sa iba’t ibang uri ng kapintasan at pagkiling ng pagkatao, at lalo na, sa iba’t ibang pangangailangan ng pagkatao, pati na rin, siyempre, sa lahat ng tama o mali, makatwiran o hindi makatwiran na mga pasya na ginagawa sa ilalim ng kapamahalaan ng konsensiya at katwiran ng isang tao. Sadyang ganito ang buhay, ito ang pinakanormal na buhay. Wala itong kinalaman sa tama o mali, sadyang ito ay isang relatibong wasto at tipikal na sitwasyon ng pamumuhay at ang aktuwal na kalagayan ng buhay. Ngayon, anong katunayan ang ibinubunyag sa mga tao nitong aktuwal na kalagayan ng buhay at sitwasyon ng pamumuhay sa loob ng balangkas ng pag-aasawa? Ito ay na dapat bitiwan ng mga tao ang lahat ng kanilang iba’t ibang hindi makatotohanang pantasya tungkol sa pag-aasawa, bitiwan ang lahat ng ideya na walang kinalaman sa tamang depinisyon ng pag-aasawa at sa mga inorden at pagsasaayos ng Diyos. Lahat ito ay mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao, dahil walang kinalaman ang mga ito sa buhay ng normal na pagkatao o sa mga obligasyon at responsabilidad na tinutupad ng normal na tao sa buhay. Kaya, dapat bitiwan ng mga tao ang iba’t ibang pakahulugan at kasabihan tungkol sa pag-aasawa na nanggagaling sa lipunan at sa buktot na sangkatauhan, lalo na ang diumano’y pag-ibig na wala namang kinalaman sa tunay na buhay mag-asawa. Ang pag-aasawa ay hindi isang panghabambuhay na dedikasyon, o isang panghabambuhay na taimtim na pangako ng pagmamahal, at lalong hindi ito isang panghabambuhay na pagtutupad ng mga panata. Sa halip, ito ay ang tunay na buhay ng isang lalaki at babaeng mag-asawa, ito ang kanilang kinakailangan sa tunay na buhay at ang kanilang pagpapahayag sa tunay na buhay. Sinasabi ng ilang tao, “Kung nagbabahagi Ka tungkol sa paksa ng pag-aasawa at hindi Mo tinatalakay ang tungkol sa pag-ibig, hindi Mo binabanggit ang tungkol sa mga taimtim na pangako ng pag-ibig, o ang pag-ibig na nagtatagal hanggang sa matuyo ang mga dagat at maging alikabok ang mga bato, o ang mga panata ng mga mag-asawa sa isa’t isa, kung gayon ay ano nga ba ang tinatalakay Mo?” Ang tinatalakay Ko ay tungkol sa pagkatao, sa responsabilidad, sa paggawa ng dapat na ginagawa ng lalaki at babae ayon sa mga paalala at tagubilin ng Diyos, tungkol sa pagtupad sa mga obligasyon at responsabilidad na dapat tuparin ng lalaki at babae, tungkol sa pagpapasan ng mga obligasyon at responsabilidad na dapat pasanin ng lalaki at babae—sa ganitong paraan, ang iyong mga obligasyon, responsabilidad, o ang iyong misyon ay matutupad. Ano’t anuman, ano ang tamang paraan ng pagsasagawa ukol sa pagbitiw sa iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa na kinakailangan nating pagbahaginan? Ito ay na hindi mo dapat ibatay ang iyong mga iniisip o ikinikilos sa iba’t ibang ideya na nagmumula sa buktot na sangkatauhan at mga buktot na kalakaran, sa halip, dapat mo itong ibatay sa mga salita ng Diyos. Paano man talakayin ng Diyos ang tungkol sa isyu ng pag-aasawa, dapat mong ibatay ang iyong mga iniisip at ikinikilos sa Kanyang mga salita. Tama ang prinsipyong ito, hindi ba? (Oo.) Natapos na ba natin ang pagbabahaginan ngayon tungkol sa pagbitiw sa iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa? Malinaw na ba ito sa inyo ngayon? (Oo, malinaw na ito ngayon.)

Kakatapos lang nating magbahaginan tungkol sa pagbitiw sa iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa, at sinabi ng ilang tao na, “Kung ayaw kong manatiling walang asawa at plano kong magkaroon ng kasintahan at makahanap ng mapapangasawa, paano ko dapat isagawa ang mga salita ng Diyos upang mabitiwan ko ang aking iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa? Paano ko dapat isagawa ang prinsipyong ito?” Hindi ba’t may kaugnayan ito sa mga prinsipyo tungkol sa pagpili ng mapapangasawa, sa mga prinsipyo tungkol sa pagpili ng pakakasalan? Ano ang mga prinsipyo tungkol sa pagpili ng mapapangasawa ang itinanim sa iyo ng mundo? Isang Prince Charming, isang maputi at magandang babae, isang gwapo at mayamang lalaki, isang maganda at mayamang babae, pinakamainam kung sila ay nagmula sa pangalawang henerasyon ng isang mayamang pamilya. Sa pamamagitan ng pag-aasawa ng ganoong tao, nababawasan mo ng 20 taon ang pagdurusa mo sa iyong buhay. Ang lalaki ay dapat na may kakayahang bumili ng diyamenteng singsing, ng damit pangkasal, at kaya kang bigyan ng isang magarbong kasal. Dapat siya ay isang taong may ambisyon sa propesyon, may kakayahang kumita ng malaking pera, o mayroon nang partikular na dami ng kayamanan. Hindi ba’t ang mga ito ang mga kaisipan at pananaw na itinatanim sa iyo ng mundo? (Oo.) Mayroon ding mga nagsasabi na, “Ang aking mapapangasawa dapat ay iyong taong iniibig ko.” May iba na nagsasabing, “Hindi tama iyan. Hindi tiyak na iibigin ka rin ng iniibig mo. Nag-iibigan dapat kayo; dapat ay iniibig ka rin ng iyong iniibig. Kung iniibig ka niya, hindi ka niya tatalikuran o susukuan kailanman. Kung ang iniibig mo ay hindi ka iniibig, isang araw ay bigla ka na lang niyang iiwan.” Tama ba ang mga pananaw na ito? (Hindi.) Kung gayon ay sabihin mo sa Akin, anong prinsipyo ang dapat mong sundin kapag pumipili ng isang mapapangasawa na batay sa mga salita ng Diyos at gumagamit ng katotohanan bilang pamantayan? Talakayin ang paksang ito nang ayon sa tamang mga kaisipan at pananaw na mayroon kayo ngayon. (Kung gusto kong makahanap ng kabiyak, kahit papaano, dapat siya ay isang taong nananalig sa Diyos, isang taong naghahangad sa katotohanan, isang taong pareho ng sa akin ang mga hinahangad sa buhay at sumusunod sa parehong landas na tinatahak ko.) Isang taong kaparehas mo ng mga adhikain at sumusunod sa parehong landas na tinatahak mo at isang taong nananalig sa Diyos—nagbanggit ka ng partikular na pamantayan sa pagpili ng mapapangasawa. Sino pa ang gustong magsalita? (Kailangan din nating tingnan kung siya ay isang taong may pagkatao, at kung kaya niyang tuparin ang kanyang mga responsabilidad at obligasyon sa buhay may-asawa. Mayroon pang isang bagay: Hindi tiyak na makakahanap na ng mapapangasawa ang isang tao dahil lang sa gusto na niyang makahanap. Nasa Diyos ang pagsasaayos nito, at kailangang magpasakop at maghintay ng isang tao.) Mayroong partikular na pagsasagawa at mayroon ding partikular na batayan ng kaisipan at teorya. Kailangan mong magpasakop at maghintay, ipagkatiwala ang usaping ito sa Diyos at hayaan Siyang isaayos ito para sa iyo, at kasabay nito, kailangan mo ring harapin ang isyung ito nang may mga prinsipyo. Sino pa ang nais magsalita? (O Diyos, pareho ang pananaw ko sa kanila, na ang isang tao ay kailangang makahanap ng mapapangasawa na kaparehas niya ng mga adhikain at sumusunod sa parehong landas, isang taong may pagkatao at kayang umako ng responsabilidad. Dapat bitiwan ng isang tao ang mga maling pananaw sa pag-aasawa na itinatanim sa kanya ni Satanas, isapuso ang kanyang tungkulin, magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at maghintay sa mga pagsasaayos ng Diyos.) Kung hindi niya kayang bumili ng diyamenteng singsing para sa iyo, pakakasalan mo pa rin ba siya? (Kung siya ay isang lalaking may pagkatao, tatanggapin ko siya kahit na hindi niya kayang bumili ng diyamenteng singsing para sa akin.) Sabihin nating mayroon siyang pera at kaya ka niyang bilhan ng diyamanteng singsing na may isang karat, pero sa halip ay binilhan ka niya ng 0.3 na karat na diyamanteng singsing—pakakasalan mo pa rin ba siya? (Hindi ko igigiit ang gayong bagay sa kanya.) Ayos lang na hindi mo igiit ang gayong bagay. Sa pamamagitan ng pagtitipid ng pera, maaari mo itong gastusin sa paglipas ng panahon, at ito ay pagkakaroon ng isang pangmatagalang pananaw. Bago pa man makahanap ng mapapangasawa, mayroon ka nang kaisipan para mamuhay nang maayos—iyan ay napakapraktikal! Sino pa? (O Diyos, sa tingin ko ay una sa lahat, kailangan kong bitiwan ang mga makamundong pamantayang iyon sa pagpili ng mapapangasawa. Ibig sabihin, hindi ako dapat laging nagpapantasya na makakahanap ako ng isang Prince Charming, o ng gwapo at mayamang lalaki, o ng isang taong romantiko. Kapag nabitiwan ko na ang mga bagay na ito, dapat kong harapin ang pag-aasawa nang may tamang pananaw, at pagkatapos ay magpasakop at maghintay sa oras ng Diyos. Kahit pa dumating ang ganitong tao, dapat siya ay isang taong may mga kaparehas na adhikain sa akin at sumusunod sa parehong landas na tinatahak ko. Hindi ako dapat umasa sa aking mga makamundong pananaw para igiit na isasaalang-alang ako ng lalaki. Ang pinakamahalaga ay na kaya niyang hangarin ang katotohanan at isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos.) Kung hinahangad niya ang katotohanan, isinasaalang-alang niya ang mga layunin ng Diyos, kung lumalabas siya para gampanan ang kanyang tungkulin kaya palagi siyang wala sa bahay at kinakailangan mong pasanin ang buhay-pamilya nang mag-isa, at nauubos na ang laman ng tangke ng gas kaya ikaw na lang ang magbubuhat nito paakyat—ano ang gagawin mo kung magkagayon? (Ako na lang ang magbubuhat.) At kung hindi mo ito kayang buhatin, maaari kang kumuha ng taong makakatulong. (O maaari akong magpatulong sa isang brother o sister.) Oo, ito ang lahat ng paraan ng pagharap sa sitwasyong ito. Kung siya ay mawawala ng isa o dalawang taon, o ng tatlo o limang taon, magagalit ka ba? “Hindi ba’t ito ay pamumuhay na parang isang balo, bakit ko pa siya pinakasalan? Hindi ba’t katulad lang ito noong wala pa akong asawa, namumuhay lang nang mag-isa? Ako lang ang nag-aasikaso sa lahat ng bagay. Napakamalas naman na pinakasalan ko siya!” Hindi ba’t ganito ang iisipin mo? (Hindi, hindi ako dapat mag-isip nang ganito, dahil ginagampanan niya ang kanyang tungkulin at nagtatrabaho para sa isang makatarungang layunin. Hindi ko dapat ikasama ng loob iyon.) Magandang mga kaisipan iyan, pero kaya mo bang lagpasan ang lahat ng ito sa tunay na buhay? Kung ang lalaking iyong nahanap ay napakatino, karaniwang tahimik at walang kibo, hindi romantiko, at hindi ka kailanman binilhan ng mga maayos na damit, hindi ka kailanman binigyan ng bulaklak, at lalong hindi ka kailanman sinabihan ng “mahal kita” o ng mga gayong bagay, kaya sa iyong puso ay hindi mo alam kung mahal ka niya o hindi, ngunit siya ay isang tunay na mabuting lalaki na lubos kang isinasaalang-alang at siyang nag-aalaga sa iyo sa buhay, na sadyang hindi nagsasabi ng gayong mga bagay at hindi gumagawa ng anumang romantiko, at hindi man lang sinusubukan na suyuin ka o aluin ka kapag nagmamaktol ka—hindi ba’t magkikimkim ka ng sama ng loob sa kanya sa iyong puso? (Marahil ay sasama ang loob ko kung hindi ako nananalig sa Diyos at hindi ko nauunawaan ang katotohanan, ngunit pagkatapos makinig sa pagbabahagi ng Diyos, alam kong hindi mahalaga kung sinabi man niya ang mga bagay na iyon at kung ginawa man niya ang mga romantikong bagay o hindi. Ito ay mga pananaw ng mga makamundong tao at hindi ito ang dapat na hangarin ng mga tao na may normal na pagkatao. Dapat kong bitiwan ang mga bagay na ito at hindi ako magrereklamo.) Hindi ka dapat magreklamo, tama? (Tama.) Sa ngayon, wala ka sa sitwasyong iyon, at hindi mo alam kung ano ang mararamdaman mo sa gayong sitwasyon, o kung paano magbabago-bago ang iyong lagay ng loob. Ngunit sa ngayon, sa teorya, alam ninyong lahat na dahil nananalig kayo sa Diyos, hindi kayo dapat gumawa ng mga hindi makatwirang hinihingi sa iyong kabiyak, o hindi kayo dapat magreklamo sa inyong kabiyak kapag nangyari ang mga bagay na iyon, dahil sa hindi ninyo gusto ang mga bagay na ito. Mayroon kayo ng mga ideyang ito ngayon, pero kaya ba ninyong gawin ang mga ito? Madali bang gawin ang mga ito? (Kailangan naming maghimagsik laban sa aming mga kagustuhan at ang aming mga makamundong pananaw; kung magkagayon ay medyo magiging madali nang bitiwan ang mga bagay na ito.) Sasabihin Ko sa iyo kung paano pangasiwaan ang bagay na ito. Lahat ng lalaki at babae ay mahaharap sa mga problemang ito at magkakaroon ng mga ganitong kaisipan at lagay ng loob sa buhay mag-asawa at lahat ay magkakaroon ng ganitong mga pangangailangan. Gayunpaman, ang pinakapundamental na punto na dapat mong maunawaan ay na kung ang asawang pinili mo ay ang ninanais ng iyong puso—ito man ang isinaayos ng Diyos o hindi—ikaw mismo ang pumili sa kanya at kontento ka sa lahat ng bagay tungkol sa kanya, at lalo na, magkapareho kayo ng mga adhikain at ng mga sinusundang landas, ginagampanan niya ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at ang lahat ng kanyang ginagawa ay makatarungan, kung gayon ay dapat mo itong harapin nang makatwiran at tulutan siyang gawin iyon, tulutan siyang hindi pansinin ang iyong mga damdamin, tulutan pa nga siyang hindi pansinin ang iyong presensiya—sa teorya, ito ay isang bagay na dapat mong makamit. Dagdag pa rito, kung may gayong pangangailangan o lagay ng loob na lumitaw sa iyo dahil sa isang espesyal na sitwasyon o partikular na pangyayari, kailangan mong humarap sa Diyos at manalangin. Ganap mo bang mabibitiwan ang mga bagay na ito pagkatapos mong manalangin? Hindi maaari iyon. Kung tutuusin, ang mga tao ay namumuhay sa loob ng kanilang normal na pagkatao, mayroon silang isipan, at magdudulot ang kanilang isipan na lumitaw sa kanila ang iba’t ibang lagay ng loob. Hindi natin tatalakayin ngayon kung ang mga lagay ng loob na ito ay tama o mali. Sa ngayon, ang pinakapraktikal na problema ay na nahihirapan kang bitiwan ang mga lagay ng loob na ito. Kahit na mabitiwan mo ang mga ito ngayon, maaaring muling lumitaw ang mga ito sa isang uri ng obhetibong sitwasyon. Kaya, ano ang dapat mong gawin? Hindi mo na kailangan pang alalahanin ang mga ito, sapagkat sa teorya, at sa usapin ng anyo at pangangatwiran, nabitiwan mo na ang paghahangad o pangangailangan na ito. Sadya lamang na dahil sa kanilang pagkatao, ang mga tao na may iba-ibang edad ay magkakaroon ng mga pangangailangang ito at mararanasan ang mga lagay ng loob na ito sa magkakaibang antas. Malinaw na sa iyo ang mga totoong sitwasyong ito at nanalangin ka na sa Diyos, binitiwan mo ang lagay ng loob na ito ngayon, o kaya ay hindi masyadong malubha ang nararanasan mong lagay ng loob at hindi mo ito masyadong sineseryoso. Gayunpaman, tiyak na mararanasan mo ulit ang lagay ng loob na ito sa susunod na pagkakataon. Kung gayon, ano ang iyong partikular na pagsasagawa? Ito ay na hindi mo ito kailangang alalahanin o seryosohin, sinasabing, “Naku, ang aspektong ito ng aking disposisyon ay hindi pa rin nagbabago.” Hindi ito isang uri ng disposisyon; ito ay isang pansamantalang lagay ng loob lamang na walang kinalaman sa iyong mga disposisyon. Hindi mo rin kailangang palakihin ang isyu, sinasabing, “Naku, bakit ganito pa rin ako? Hindi ba’t hinahangad ko ang katotohanan? Bakit ako umaasal nang ganito? Grabe na ito!” Hindi na kailangan pang palakihin ang isyu; ito ay isang ekspresyon lamang ng isang lagay ng loob na nabibilang sa iba’t ibang emosyon ng iyong normal na pagkatao. Huwag mo itong alalahanin. Ito ay isang saloobin sa pangangasiwa ng mga lagay ng loob. Dagdag pa rito, hangga’t hindi ito nakakaapekto sa kaayusan at regularidad ng iyong normal na buhay, ng iyong espirituwal na buhay, o ng paggampan mo sa iyong tungkulin, ayos lang iyon. Halimbawa, dahil abala ang iyong asawa sa paggampan ng kanyang tungkulin, matagal na kayong hindi nagkikita, at wala kayong oras na mag-usap. Isang araw, bigla mong nakita ang isang sister na kausap ang mister nito, at may umusbong na lagay ng loob sa iyong puso, at naisip mo, “Kita mo, nagagampanan niya ang kanyang tungkulin kasama ang kanyang mister. Masaya at maligaya sila. Bakit walang pakiramdam ang asawa ko? Bakit hindi niya ako tinatanong ng ‘Kumusta ka na? Ayos ka lang ba?’ Bakit hindi siya nag-aalala sa akin? Bakit hindi niya ako pinahahalagahan o iniibig?” Nararanasan mo ang ganitong uri ng lagay ng loob, at pagkatapos ng ilang sandali ay naiisip mo, “Naku, hindi maganda ang magmukmok.” Alam mong hindi maganda na makaramdam ng ganoon pero nagagalit ka pa rin nang kaunti at nakikipagtalo ka sa sarili mo, sinasabing, “Hindi na ako mag-aaksaya ng oras sa kanya, maghihintay na lang ako na magkusa siyang bigyan ako ng pansin. Kung hindi niya gagawin iyon, saka ako magagalit sa kanya. Ilang taon na kaming kasal, ang tagal na naming hindi nagkikita at hindi pa rin niya sinasabi na nangungulila siya sa akin. Nangungulila ba siya sa akin o hindi? Hindi niya ako inaalala kaya hindi ko na rin siya aalalahanin!” Nakikipagtalo ka sa sarili mo at namumuhay ka sa lagay ng loob na ito. Sandaling lumitaw ang galit at sama ng loob. Hangga’t nagagawa mo pang matulog at kumain nang normal, magbasa ng mga salita ng Diyos, dumalo sa mga pagtitipon, regular na gumampan sa iyong tungkulin, at makisama nang normal sa iyong mga kapatid, hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa gayong mga lagay ng loob, at maaari mong isipin ang anumang nais mo sa iyong puso. Anuman ang iyong isipin, hangga’t normal ang iyong pangangatwiran at normal mong ginagampanan ang iyong tungkulin, ayos lang iyon. Hindi mo kailangang pwersahang pigilan ito, hindi mo rin kailangang pwersahang manalangin sa Diyos at hilingin sa Kanya na disiplinahin o ituwid ka o maramdaman na ikaw ay makasalanan. Hindi mo kailangang palakihin ang isyung ito, sapagkat ang lagay ng loob na ito ay agad na mawawala. Kung sobra ka talagang nangungulila sa iyong asawa, maaari mo siyang tawagan at tanungin kung kumusta na siya, maaari ninyong buksan ang inyong puso sa isa’t isa at mag-usap, at hindi ba’t mawawala na ang mga pansamantalang lagay ng loob at mga hindi pagkakaintindihang iyon? Sa totoo lang, hindi mo siya kailangan na gumawa ng anumang bagay. Minsan ay sadyang magkakaroon ka lang ng pansamantalang damdamin at gugustuhin mong marinig ang kanyang boses, o maaaring makaramdam ka ng panandaliang pagkalumbay, o maaaring saglit na sumama ang loob mo, o maaaring malungkot ka, at pagkatapos ay tatawagan mo siya at maririnig mo siyang nagsasalita. Malalaman mo na ayos lang naman siya, na iniibig ka pa rin niya tulad ng dati at ikaw ay nasa isipan niya. Sadya lamang na abala siya sa pagtatrabaho, o maaaring ang mga lalaki ay sadyang hindi masyadong maingat sa maliliit na detalye at siya ay naging abala sa kanyang tungkulin at hindi niya iniisip na matagal na panahon na pala ang lumipas, kaya hindi ka niya tinawagan. Hindi ba’t maganda na abala siya at regular niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin? Hindi ba’t ito mismo ang gusto mo? Kung gumawa siya ng kasamaan, na nagdudulot ng mga kaguluhan at pagkagambala, at pinaalis siya, hindi ba’t mag-aalala ka sa kanya? Ngayon, normal ang lahat sa kanya, at ang lahat ay katulad ng dati—hindi ba’t mapapanatag ang isipan mo? Ano pa ba ang mahihiling mo? Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo, ganito nga.) Ang pagtawag sa ganitong paraan at pagsasabi ng ilang salita sa isa’t isa ay nagpapahupa sa pagkalumbay ng puso at sa pangungulila, gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, at hindi ba’t nalutas na, kung gayon, ang isyung ito? May mahirap ba rito? Ang pagtawag sa iyong asawa at pagpapakita ng pag-aalala sa isa’t isa—sabihin ninyo sa Akin, kinokondena ba ng Diyos ang gayong bagay? (Hindi.) Kayo ay legal na mag-asawa, at ang pagtawag sa kanya, ang pag-uusap, at ang pagtatapat ng inyong pangungulila sa isa’t isa ay pawang nararapat, ito ay normal na damdamin ng tao, at ito ay isang bagay na dapat ninyong gawin sa loob ng saklaw ng pagkatao. Dagdag pa rito, ito ay bahagi ng pag-orden ng Diyos sa pag-aasawa ng sangkatauhan—ang pagsama sa isa’t isa, pagbibigay-ginhawa sa isa’t isa, at pagsuporta sa isa’t isa. Kung hindi niya tinutupad ang mga responsabilidad na ito, hindi ba pwedeng tulungan mo siya na matupad ang mga ito? Ito ay isang napakasimpleng bagay na napakadaling pangasiwaan. Hindi ba’t nalulutas ang problemang ito sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ganitong paraan? Kinakailangan ba na lumitaw ang iba’t ibang lagay ng loob sa iyong puso? Hindi. Simple lang na isagawa ito.

Balikan natin ang katanungan Ko kanina lang: “Paano dapat bitiwan ng mga tao ang kanilang iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa?” Lahat kayo ay nagbigay na ng ilang ideya bilang sagot sa katanungang ito. Kung nais ng mga tao na bitiwan ang kanilang iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa, kailangan muna nilang magkaroon ng pananalig at magpasakop sa mga pagsasaayos at ordinasyon ng Diyos. Hindi ka dapat magkaroon ng anumang personal o hindi makatotohanang pantasya tungkol sa pag-aasawa, tungkol sa sino ang iyong kabiyak o kung anong klase ng tao ang iyong kabiyak; dapat mayroon kang saloobin ng pagpapasakop sa Diyos, dapat kang magpasakop sa mga pagsasaayos at ordinasyon ng Diyos, at magtiwala na ang Diyos ay maghahanda ng isang taong pinakanaaangkop para sa iyo. Hindi ba’t kinakailangan ang isang mapagpasakop na saloobin? (Oo.) Pangalawa, kailangan mong bitiwan ang mga pamantayang iyon sa pagpili ng kabiyak na itinanim sa iyo ng mga buktot na kalakaran ng lipunan, at pagkatapos ay itatag ang tamang pamantayan sa pagpili ng kabiyak, ibig sabihin, sa pinakamababa, ang iyong kabiyak ay dapat isang taong nananalig sa Diyos katulad mo at pareho kayo ng landas na tinatahak—ito ay mula sa pangkalahatang perspektiba. Dagdag pa rito, dapat kayang gampanan ng iyong kabiyak ang mga responsabilidad ng isang lalaki o babae sa pag-aasawa; dapat niyang magampanan ang mga responsabilidad ng isang kabiyak. Paano mo mahuhusgahan ang aspektong ito? Kailangan mong tingnan ang kalidad ng kanyang pagkatao, kung siya ay may pagpapahalaga sa responsabilidad, at kung siya ay may konsensiya. At paano mo mahuhusgahan kung may konsensiya at pagkatao ang isang tao? Kung hindi ka nakikipag-ugnayan sa kanya, hindi mo malalaman kung ano ang kanyang pagkatao, at kahit na makipag-ugnayan ka sa kanya, kung ito ay sa loob lang ng maikling panahon, maaaring hindi mo pa rin matutuklasan kung anong klase siya ng tao. Kaya, paano mo mahuhusgahan kung may pagkatao ang isang tao? Tingnan mo kung umaako siya ng responsabilidad sa kanyang tungkulin, sa atas ng Diyos, at sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at tingnan mo kung kaya niyang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at kung siya ay tapat sa kanyang tungkulin—ito ang pinakamainam na paraan upang mahusgahan ang kalidad ng pagkatao ng isang tao. Sabihin nang ang katangian ng taong ito ay napakamatuwid at, pagdating sa gawain na inihahabilin sa kanya ng sambahayan ng Diyos, labis ang kanyang dedikasyon, pagiging responsable, seryoso at taimtim, siya ay napakametikuloso, napaka-ingat, at hindi kailanman nagpapabaya, at hinahangad niya ang katotohanan, at nakikinig siyang mabuti at nang may konsensiya sa lahat ng sinasabi ng Diyos. Kapag malinaw na sa kanya at nauunawaan na niya ito, agad niya itong isinasagawa; bagamat maaaring hindi mataas ang kahusayan ng gayong tao, kahit papaano, hindi siya pabasta-basta sa kanyang tungkulin at sa gawain ng iglesia, at nagagawa niyang taimtim na umako ng responsabilidad. Kung siya ay may konsensiya at responsable sa kanyang tungkulin, tiyak na buong puso siyang mamumuhay kasama ka at pananagutan ka niya hanggang sa pinakadulo—ang katangian ng gayong tao ay kayang magtiis sa gitna ng mga pagsubok. Kahit na ikaw ay magkasakit, tumanda, pumangit, o kahit mayroon kang mga pagkakamali at pagkukulang, palagi kang tatratuhin nang tama ng taong ito at pagpapasensiyahan ka niya, at gagawin niya ang lahat para pangalagaan ka at ang inyong pamilya at protektahan ka, bigyan ka ng maayos na buhay, upang makapamuhay ka nang may payapang isipan. Ito ang pinakamaligayang bagay para sa isang lalaki o babae sa buhay mag-asawa. Hindi man tiyak na mabibigyan ka niya ng isang mayaman, marangya, o romantikong buhay, at hindi tiyak na maibibigay niya sa iyo ang anumang naiiba pagdating sa pagmamahal o sa iba pang aspekto, ngunit kahit papaano, gagawin niyang panatag ang damdamin mo, at sa piling niya, magiging maayos ang buhay mo, at hindi magkakaroon ng panganib o pangamba. Kapag tiningnan mo ang taong iyon, makikita mo kung ano ang magiging buhay niya 20 o 30 taon mula ngayon at kahit ang hanggang sa pagtanda niya. Ang ganitong tao ang dapat mong maging pamantayan sa pagpili ng kabiyak. Siyempre, medyo mataas ang pamantayang ito sa pagpili ng kabiyak at hindi madaling makakita ng ganitong tao sa modernong sangkatauhan, tama ba? Para husgahan kung ano ang katangian ng isang tao at kung magagampanan niya ang kanyang mga responsabilidad sa pag-aasawa, kailangan mong tingnan ang kanyang saloobin sa kanyang tungkulin—ito ang isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay kailangan mong tingnan kung siya ay may-takot-sa-Diyos na puso. Kung mayroon siya nito, kahit papaano, hindi siya gagawa ng anumang hindi makatao o imoral o hindi etikal, at kaya, tiyak na tatratuhin ka niya nang mabuti. Kung wala siyang may-takot-sa-Diyos na puso, at siya ay mapangahas, sutil, o ang kanyang pagkatao ay malupit, mapanlinlang, at mayabang; kung wala ang Diyos sa kanyang puso at iniisip niyang mas mataas siya kaysa sa iba; kung pinangangasiwaan niya ang gawain, tungkulin, at maging ang atas ng Diyos at anumang malaking usapin ng sambahayan ng Diyos nang walang ingat at nang naaayon sa kanyang sariling kagustuhan, kumikilos nang walang pakundangan, hindi kailanman nag-iingat, hindi hinahanap ang mga prinsipyo, at lalong-lalo na sa pangangasiwa sa mga handog, basta-basta na lang siyang kumukuha at ginagamit ito nang hindi tama, wala siyang kinakatakutan, kung gayon ay hinding-hindi ka dapat maghanap ng ganoong klase ng tao. Kung walang may-takot-sa-Diyos na puso, magagawa niya ang anumang bagay. Sa ngayon, ang ganoong tao ay maaaring dinadaan ka sa matatamis na salita at pinapangakuan ka ng walang hanggang pag-ibig, pero kapag dumating ang araw na hindi na siya masaya, kapag hindi mo na natutugunan ang kanyang mga pangangailangan at hindi ka na ang kanyang minamahal, sasabihin niya na hindi ka na niya mahal at wala na siyang nararamdaman para sa iyo, at iiwanan ka nalang niya kung kailan niya gusto. Kahit hindi pa kayo hiwalay, maghahanap na siya ng iba—posible ang lahat ng ito. Maaari ka niyang iwan anumang oras, saanmang lugar, at kaya niyang gawin ang anuman. Ang gayong mga lalaki ay napakamapanganib at hindi karapat-dapat na ipagkatiwala mo ang iyong buong buhay sa kanila. Kung ganitong lalaki ang iyong magiging kasintahan, iyong minamahal, ang iyong piniling kabiyak, mamomroblema ka lang. Kahit na siya ay matangkad, mayaman, at gwapo, may mahusay na mga talento, at inaalagaan ka niya nang mabuti at siya ay maaalalahin sa iyo, at sa panlabas ay pasok siya sa iyong pamantayan bilang iyong kasintahan o asawa, ngunit wala siyang may-takot-sa-Diyos na puso, kung gayon, hindi maaaring maging ang iyong piniling kabiyak ang taong ito. Kung nahuhumaling ka sa kanya at nagiging magkasintahan kayo at pagkatapos ay nagpakasal kayo, siya ay magiging isang bangungot at kapahamakan para sa iyo sa buong buhay mo. Sinasabi mo, “Hindi ako natatakot, hinahangad ko ang katotohanan.” Napasakamay ka na sa isang diyablo, at kinapopootan niya ang Diyos, sinusuway ang Diyos, at gumagamit ng lahat ng paraan upang guluhin ang iyong pananalig sa Diyos—makakayanan mo ba ito? Hindi makakaya ng iyong maliit na tayog at pananalig ang pagpapahirap niya, at pagkatapos ng ilang araw ay sobrang mahihirapan ka na, kaya magmamakaawa ka at hindi mo na magagawang patuloy na manalig sa Diyos. Nawala na ang iyong tiwala sa Diyos at paulit-ulit na nagtatalo ang iyong kalooban. Para kang inilagay sa gilingan ng karne at dinudurog nang pira-piraso, nang walang wangis ng tao, lubos nang nalugmok dito, hanggang sa huli ay nagkapareho na kayo ng kinasadlakang kapalaran ng diyablong pinakasalan mo, at magiging katapusan na ng iyong buhay.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.