Unang Aytem: Sinusubukan Nilang Kuhain ang Loob ng mga Tao (Ikalawang Seksiyon)

Ang mga Kahulugan ng Pagiging mga Lider at Manggagawa at mga Dahilan sa Paglalagay sa Kanila sa Posisyon

Susunod, talakayin natin ang ikalawang kategorya: iyong mga gumaganap sa mga tungkulin ng mga lider at manggagawa. Kahit kaunti sa bilang, ginagampanan ng ganoong mga tao ang isang mahalagang papel pagdating sa kalikasan ng gawain nila. Kinapapalooban din ng maraming katotohanan ang mga tungkulin ng mga lider at manggagawa—mas marami pa ngang katotohanan kaysa sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Bakit Ko ito sinasabi? Napakalawak ng saklaw ng mga tungkuling ito. Isang aspekto ng mga tungkuling ito ay ang gawain ng panlabas na pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ang isa pa ay ang panloob na pagdidilig at pagtustos sa hinirang na mga tao ng Diyos, pamamahala nang mabuti sa buhay iglesia, pati na rin ang pangangasiwa sa mga usapin ng iglesia at paglutas sa lahat ng uri ng problema. Ibig sabihin, dapat maunawaan ng mga lider at manggagawa ang mas maraming katotohanan, at mas mahihigpit na hinihingi ang dapat hilingin sa kanila kaugnay ng ilang partikular na prinsipyo ng pagsasagawa, at ang relasyon nila sa Diyos ay dapat na mas malapit. Ang pagiging lider o manggagawa ay kinapapalooban ng pagsasagawa at pagpasok sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan, sa mga landas na tinatahak ng mga tao, pati na rin ang marami pang aspekto. Kumpara sa pagganap sa tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, ang pagiging lider o manggagawa ay mas malapit na nauugnay sa buhay pagpasok at nangangailangan din ng pagsasakatuparan ng pagbabago ng disposisyon. Ibig sabihin nito na ang iba’t ibang katotohanang nauugnay sa mahusay na paggawa ng gawain ng mga lider ay mas marami at mas malawak. Pero kahit na gaano pa iyon karami, nabibilang pa rin ang mga iyon sa ilang pangunahing tema, kaya suriin natin ang mga iyon nang kada aytem, at kada punto, at unti-unti ninyong mauunawaan ang mga ito. Magsimula tayo sa pag-uusap tungkol sa depinisyon ng mga lider at manggagawa. Bakit kinakailangang tukuyin ang mga ito? Ang depinisyon ay katumbas ng pagpoposisyon sa isang bagay, ibig sabihin, sinasabi nito sa mga tao ang kalikasan at saklaw ng mga responsabilidad ng mga tungkuling ito, pati na rin ang mga titulo ng mga ito—sa madaling salita, ano ang itatawag sa mga ito. Sa tumpak na pagtukoy sa mga tungkuling ito, maaaring magkaroon ang mga tao ng kalinawan ng pag-iisip kaugnay ng katayuan ng kategoryang ito ng mga tao sa isipan ng Diyos, kung ano ang hinihingi Niya sa kanila, at kung ano ang mga hinihingi Niya sa pagganap nila sa mga tungkuling ito, kung anong landas ang dapat nilang tahakin, at kung anong mga prinsipyo ang dapat nilang isagawa. Bata man sila o matanda, mataas at marangal ang posisyon, o mababa at hamak ang posisyon, at anuman ang pinanggalingan nila, sa anumang kaso, may mga hinihinging pamantayan ang Diyos para sa ganoong mga tao. Sa madaling salita, may mga katotohanang dapat maunawaan ang mga taong gumaganap sa ganoong mga tungkulin; may mga katotohanang prinsipyo na dapat nilang maarok at isagawa, at may isang partikular na landas na dapat nilang sundan. Kaya, paano karaniwang tinutukoy ang mga hinirang na mamuno at gumawa mula sa mga tagasunod ng Diyos? Ano ang eksaktong depinisyon? Ano ang pinaniniwalaang depinisyon ng mga tao? At ano ang eksaktong posisyong pinanghahawakan ng ganoong mga tao sa puso ng iba? Hindi ba’t nauugnay ito sa pagtukoy sa pagkakakilanlan at katayuan ng ganoong mga tao? Paano pinoposisyon ng iba ang grupong ito sa kanilang puso? Ito ba ay bilang mga apostol? Hindi. Ito ba ay bilang mga disipulo? Hindi rin ito bilang mga disipulo. May tumatawag ba sa kanila na mga pastol? (Oo.) Naaangkop bang titulo ang “mga pastol”? (Hindi.) Bakit hindi? (Maling posisyon ito.) May kakayahan ba ang mga taong gampanan ang papel ng mga pastol? (Wala.) Dahil hindi sila mga apostol o disipulo, at hindi rin naaangkop ang “mga pastol,” ano mismo ang pinakaangkop na pangalan para sa mga taong gumaganap sa mga tungkuling ito? Ano ang mas akmang termino? (Mga tagapagbantay.) Akma ba ang “mga tagapagbantay”? Wala akong nakikitang pagkakaiba sa pagitan ng titulong ito at ng “mga pastol.” Engrande kung pakinggan ang pangalang ito, pero ang gawaing ginagawa ng mga taong ito ay medyo maliit lang. Wala sa mga titulong ito ang akma. Kaya, batay sa kalikasan ng mga tungkuling ginagampanan ng mga taong ito, ano ang mas angkop na pangalan at depinisyon? Ano ang mga prinsipyo sa pagtukoy sa ganoong mga tao? Dapat tumugma ang depinisyon sa kalikasan ng gawain nila, pati na rin sa pagkakakilanlan at katayuan nila, at dapat sakto lang ito, at hindi masyadong engrande. Kung tinukoy natin ang mga taong ito bilang “mga apostol,” masyado bang engrande iyon? (Oo.) O kaya, paano kung “mga tagapagbantay”? (Mas engrande pa iyon.) May kakayahan ka bang bantayan ang mga tao? Kung hindi, hindi ka isang tagapagbantay. Paano kung “mga pastol”? Ano ang tinutukoy ng “mga pastol”? (Mga taong nag-aalaga ng kawan.) Tumutukoy ito sa mga taong nag-aalaga at nagbabantay sa isang kawan ng mga tupa. Akma talaga ang pangalan sa grupong ito, batay lang sa kalikasan ng gawain nila. Gayumpaman, batay sa mga kayang pasanin ng mga tao sa panahon ngayon, sa kaya nilang makamit, at sa mga tiwali nilang disposisyon, akma ba ang titulong “mga pastol”? (Hindi.) Medyo engrande ito. Wala silang kakayahang gawin ito, at hindi ito tugma sa kalikasan o saklaw ng gawaing ginagawa ng mga tao sa panahon ngayon. Malinaw na hindi akma sa kanila ang titulong ito. Ano, kung gayon, ang pinakaangkop na paraan para tukuyin ang kategoryang ito ng mga tao? (Bilang mga lider at manggagawa.) Ang pariralang ito ay medyo naaangkop.

Ano ang sanhi ng pag-usbong ng kategorya ng mga tao na mga lider at manggagawa? Paano sila umusbong? Sa pangkalahatan, kailangan sila para sa gawain ng Diyos; sa mas partikular, kailangan sila para sa gawain ng iglesia, kailangan sila ng hinirang na mga tao ng Diyos. Anuman ang pagkakakilanlan o katayuan nila, at anuman ang papel na ginagampanan nila, kapantay sila ng mga ordinaryong miyembro ng hinirang na mga tao ng Diyos; ang pagkakakilanlan at katayuan nila sa harapan ng Diyos ay pareho. Kahit na umiiral ang terminong “mga lider at manggagawa” sa iglesia, at kahit na “mga lider” at “mga manggagawa” ang mga indibidwal na ito na gumaganap ng ibang tungkulin kaysa sa mga kapatid nila, ang titulo nilang “mga nilikha” sa harapan ng Diyos ay pareho pa rin; hindi magbabago ang pagkakakilanlang ito. Ang kaibahan sa pagitan ng mga lider at manggagawa at ng mga ordinaryong miyembro ng mga hinirang ng Diyos ay ang isang natatanging katangian lamang sa mga tungkuling ginagampanan nila. Pangunahing nakikita ang natatanging katangiang ito sa kanilang mga tungkulin ng pamumuno. Halimbawa, gaano man karami ang mga tao na nasa isang iglesia, ang lider ang pinuno. Ano ang ginagampanang papel ng lider na ito sa mga miyembro? Pinamumunuan niya ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos sa iglesia. Ano ang epekto niya sa buong iglesia? Kung tumahak ang lider na ito sa maling landas, susundan siya ng lahat ng tao sa iglesia tungo sa maling landas, na magkakaroon ng malaking epekto sa lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos sa iglesia. Halimbawa si Pablo. Pinamunuan niya ang marami sa mga iglesiang itinatag niya at ang mga taong hinirang ng Diyos. Noong naligaw si Pablo, naligaw rin ang mga iglesia at ang mga taong hinirang ng Diyos na pinamunuan niya. Kaya, kapag may sariling hiwalay na landas na tinatahak ang mga lider, hindi lang sila ang naaapektuhan, ang mga iglesia at ang mga taong hinirang ng Diyos na pinamumunuan nila ay naaapektuhan din. Kung ang isang lider ay isang tamang tao, na lumalakad sa tamang landas at hinahangad at isinasagawa ang katotohanan, ang mga taong pinamumunuan niya ay normal na kakain at iinom ng mga salita ng Diyos at normal na hahangarin ang katotohanan, at, kasabay nito, ang karanasan sa buhay at pagsulong ng lider ay makikita ng iba, at makakaapekto sa iba. Kaya, ano ang tamang landas na dapat lakaran ng isang lider? Ito ang kakayahang pangunahan ang iba tungo sa pagkaunawa ng katotohanan at sa pagpasok sa katotohanan, at akayin ang iba sa harapan ng Diyos. Ano ang maling landas? Ito ay ang paghahangad sa katayuan, kasikatan, at kapakinabangan, ang madalas na pagpapakitang-gilas ng sarili at pagpapatotoo sa sarili, hindi kailanman nagpapatotoo sa Diyos. Ano ang epekto nito sa hinirang na mga tao ng Diyos? (Inihaharap ang mga ito sa kanilang sarili.) Maliligaw sila papalayo sa Diyos at hahantong sa ilalim ng kontrol ng lider na ito. Kung pinangungunahan mo ang mga tao upang lumapit sa harapan mo, kung gayon pinangungunahan mo sila upang lumapit sa harapan ng isang tiwaling tao, at pinangungunahan mo sila upang lumapit sa harapan ni Satanas, hindi sa Diyos. Tanging ang pangunguna sa mga tao upang humarap sa katotohanan ang siyang pangunguna sa kanila upang lumapit sa harapan ng Diyos. Ang mga lider at manggagawa, kung tumatahak man sila sa tamang landas o sa maling landas, ay may direktang impluwensiya sa hinirang na mga tao ng Diyos. Kapag hindi pa nila nauunawaan ang katotohanan, karamihan sa mga hinirang ng Diyos ay bulag na sumusunod. Maaaring isang mabuting tao ang lider, at susunod sila sa kanya; maaari namang isang masamang tao ang lider, at susunod pa rin sila sa kanya—hindi nila nakikita ang pagkakaiba. Sumusunod sila ayon sa pamumuno sa kanila, kahit sino pa man ang lider. Kaya nga napakahalaga na ang mga iglesia ay pumili ng mabubuting tao para maging mga lider nila. Ang landas na tinatahak ng bawat taong nananampalataya sa Diyos ay direktang may kaugnayan sa landas na tinatahak ng mga lider nila, at maaaring sa iba’t ibang antas ay maimpluwensiyahan ng mga lider at manggagawa na iyon. Magsimula tayo sa pamamagitan ng pagbabahaginan ayon sa dalawang linyang ito tungkol sa iba’t ibang katotohanang may kinalaman sa mga tungkulin ng mga lider at manggagawa—ang tamang landas, sa isang banda, at ang maling landas, sa kabilang banda. Alin sa dalawang ito para sa inyo ang dapat muna nating ibahagi? (Ang maling landas.) Bakit ito ang pinipili ninyo? Mas mabuti bang talakayin muna ang tamang landas, o ang maling landas? (Ang maling landas.) Ang totoo, pareho itong tama—pero magkakaroon ng ibang epekto kung alin ang unang tatalakayin. Kung magsisimula tayo sa pagtalakay sa maling landas, mas maraming matutuklasan ang mga tao tungkol sa tamang landas na nakapaloob sa maling landas at maraming pasibo at negatibong bagay o kaalaman din ang malalaman nila, na magagamit nila para pangaralan ang mga sarili nila. Makakakuha sila ng isang bagay na positibo mula rito, at kung pagkatapos ay magpapatuloy tayo para talakayin ang tamang landas, magagawa ng mga tao na maarok kung ano ang positibo sa mas malalim na lebel at mas mabilis. Magagawa talaga ang pamamaraang ito, at kapaki-pakinabang ito sa mga tao. Magsimula na tayo, kung gayon, sa pagtalakay sa maling landas.

Ang mga Paraang Ginagamit ng mga Anticristo para Kontrolin ang mga Tao

Kapag napili ang isang tao bilang lider o manggagawa at nagsimula na siyang gumanap sa mga tungkulin niya, dapat ba siyang sumunod sa isang partikular na asal? Tinatanong ng ilan, “Anong asal? Dapat ba niyang akyatin ang mga ulap o sawayin ang hangin at ang ulan?” Wala sa dalawang ito ang tama. Kahit na hindi niya dapat akyatin ang mga ulap o sawayin ang hangin at ang ulan, at talagang hindi rin siya dapat na sumigaw mula sa mga bubong, dahil isa siyang tiwaling tao na may tiwaling disposisyon at diwa ni Satanas, sa ganoong mga pagkakataon, talagang nakakaramdam ang bawat tao ng dumadagundong na puwersa sa kaibuturan nila. Lahat sila ay may matatayog na ambisyon, at nakakaramdam ng matinding kagustuhang magtagumpay sa karera nila, na ipagmalaki ang mga kakayahan nila, na makakuha ng atensiyon, at na gawin ang lahat. Huwag muna nating pag-usapan, sa ngayon, kung tama o mali ang ganitong uri ng kagustuhan. Kapag napili ang isang tao bilang lider o manggagawa, nagkikimkim siya ng mga napakakumplikadong damdamin sa kaibuturan niya. Ano ang ibig Kong sabihin ng kumplikado? Naniniwala ang ilan na hindi talaga madaling mapili bilang lider, at kahit na hindi sila sigurado kung mahusay nilang magagawa ang trabaho, at hindi alam kung ano ang magiging landas nila sa hinaharap, ganoon ang likas nilang katangian na napakasaya nila para sa oportunidad na ito, na napakaligaya nila na tanggapin ang marangal na responsabilidad at mabigat na pasaning ito. At saka, sa kaibuturan, pakiramdam nila ay medyo kontento sila sa sarili nila at mapalad sila. Saan sila mapalad? Naniniwala sila, “Pinili ako mula sa dose-dosena pang iba—tiyak na ako ay sadyang mahusay at may kakayahan. Tiyak na mas magaling ako kaysa sa mga ordinaryong tao, at may mas mahusay na pag-arok at mas malawak na espirituwal na pang-unawa kaysa sa karamihan. Maraming taon na akong nananampalataya sa diyos, at marami na akong ginugol at pinagsikapan. Pinapatunayan ng mga katunayan na kalipikado akong mamuno sa iglesia, ginagabayan ang mga tao sa pagpasok sa mga salita ng diyos at pag-unawa sa katotohanan. Napakaraming taong mas matalino, mas edukado, at mas matatas kaysa sa akin, kaya bakit ako ang pinili imbes na sila? Ipinapakita nitong may kakayahan ako at may mabuting pagkatao. Biyaya ito ng diyos.” Ito ang sinasabi nila sa sarili nila. Idinagdag na lang ang “biyaya ng diyos” sa dulo, pero sa katunayan, ang mga tunay nilang kaisipan at tunay na pagkaunawa ay nasa unang bahagi ng monologo nila. Iniisip nila, “Kahit na hindi ako nakipagpaligsahan o nakipaglaban para dito, pinili pa rin ako. At ano ngayon ang dapat kong gawin? Hindi ko puwedeng biguin ang lahat, dapat kong ibigay ang lahat ng makakaya ko!” At paano nila ibinibigay ang lahat? Sa unang araw nila sa trabaho, ipinapatawag nila ang mga superbisor ng bawat grupo para sa isang pagtitipon, at may partikular silang asal at enerhiya sa kanila. Anong uri ng enerhiya? Kumikilos sila nang mabilis at tiyak, at pinapanindigan nila ang sinasabi nila, sabik na makagawa ng kahanga-hangang simula. Una, sinusubukan nilang ipakita sa lahat kung gaano sila kahusay, pagkatapos ay sinusubukan nilang himukin ang mga tao na kilatisin at talikuran ang nauna sa kanila. Sinasabi nila: “Ngayong araw, gumugol muna tayo ng ilang sandali sa paghimay sa nauna sa akin, halimbawa, ang mga paraan kung paano niya pinigilan ang mga tao, sa aling mga aspekto ng gawain siya nagkulang o naging pabaya, at iba pa—puwede tayong magbahagi tungkol sa lahat ng mga bagay na ito. Kapag natapos na tayong magbahaginan, at may malinaw na kayong pagkilatis sa nakaraang lider, kaya na ninyo siyang talikuran, hindi na niya kayo napipigilan, at hindi na ninyo siya hinahanap, maituturing na kayong nagtataglay ng pang-unawa, at bilang tapat at mapagpasakop sa diyos. Sa pagtitipon sa araw na ito, magsisimula tayo sa pagpuna sa nakaraang huwad na lider at anticristo. Ilantad natin siya.” Bilang tugon, sinasabi ng lahat na nagbahagi na sila tungkol dito, at nakilatis na nilang huwad na lider at anticristo ang nauna sa kanya, kaya wala na silang dapat ilantad. Pero hindi sumasang-ayon ang mga bagong lider na ito, at sinisimulan nilang isa-isahin ang mga tao at inuudyukan silang magbahagi. Hindi nila gusto ang pagbabahaginan ng ilang tao, kaya hinihiling nila sa isa sa mga kapatid na pinakamalapit sa dating lider na ilantad at himayin ito, pero matapos marinig ang pagbabahaginang ito, iniisip ng mga bagong lider, “Walang pagkilatis ang taong ito sa lider na nauna sa akin, at hindi pa rin niya ito tinatalikuran. Para bang may puwang pa rin siya sa puso ng taong ito. Hindi talaga ito puwede; ngayon, dapat akong mag-isip ng paraan para lubusang ilantad ang nauna sa akin.” Pagkatapos noon, ipapatawag nila ang isang taong may pinakapangit na relasyon sa nakaraang lider para tumindig at ilantad ito. Kapag nailantad na ng taong iyon ang nakaraang lider, nasisiyahan na sila, at iniisip nilang karapat-dapat linangin ang taong ito. At ano ang gusto nilang linangin? Gusto nilang maglinang ng isang kasabwat, maglinang ng sarili nilang mga puwersa. Ganito tumatakbo ang unang pagtitipon. At makakamit ba nila ang kanilang layon pagkatapos ng pagtitipong ito? Hindi pa lubusan, o hindi ganoon kabilis. Ano ang binabalak nila sa kanilang puso? “Wala nang mas hihiwaga pa sa puso ng tao, at wala nang mas sasama pa rito. Kailangan kong matiyak kung ano ang iniisip ng bawat tao tungkol sa nauna sa akin, at dapat malinaw sa akin kung ano ang iniisip nila sa akin, kung alam nila ang nakaraan ko, at kung alam nila ang lahat ng detalye tungkol sa akin, at sa huli, ipakita sa kanilang lahat na hindi nila ako dapat kantiin. Pero kailangan kong piliin nang mabuti ang mga paraan at taktika ko. Hindi ko puwedeng ilantad ang mga hangarin ko; kailangan kong itago ang mga ito.” At saan nanggagaling ang lahat ng kaisipan, paraan ng paggawa, at motibong ito? Sa satanikong kalikasan nila. May ganoon ba kayong mga pagpapamalas? Noong araw na pinili kayo bilang mga lider o manggagawa, maaaring nagsimula kayo sa pagpapaalala sa mga sarili ninyo na huwag tahakin ang maling landas, na huwag lakaran ang landas ng mga huwad na lider at anticristo. Maaaring sinabi ninyo sa mga sarili ninyo na dapat ninyong bitiwan ang katayuan, at huwag magtrabaho para sa sarili ninyong kasikatan, kapakinabangan, o katayuan, o mapangunahan ng pagnanais habang nagtatrabaho kayo, at bagkus magtrabaho nang mabuti para magawa ninyo ang inyong mga tungkulin, at maging tapat sa Diyos. Gayumpaman, sa paglipas ng panahon, may mga taong hindi mapigilan ang sarili nila, at sa sandaling magsalita o kumilos sila, nagiging napakalinaw ng layon nila—agad nilang sinusubukang patatagin ang sarili nilang katayuan at kunin ang loob ng mga tao. Sa sandaling may magpakita ng kahit katiting na pahiwatig ng kawalang-kasiyahan o pagsuway, naiirita sila, at kahit na maaaring hindi nila hayagang inihihiwalay o binabatikos ang taong iyon, sa kaibuturan ay nakakaramdam sila ng labis na pag-ayaw rito. Paano nila ipinapamalas ang damdaming ito ng pag-ayaw? (Hindi nila pinapansin ang taong iyon.) Ang hindi pagpansin dito ay isang tahimik na pagpapamalas, kaya anong mga espesipikong aksiyon ang kinapapalooban ng pag-ayaw na ito? Halimbawa, pinapaupo nila ang mga taong gusto nila nang nakaharap sa kanila sa mga pagtitipon, at humahanap sila ng dahilan para paupuin ang mga taong ayaw nila sa gilid. Pag-atake ba ito? (Oo.) Ito ang simula ng pag-atake nila. Kumikilos na sila, hindi ba? (Oo.) Mas seryoso at malubha ang mga gawa kaysa sa mga salita o kaisipan. Bakit mas malubha ang mga ito? Ang pag-iisip ng isang bagay pero hindi ito ginagawa—galing ito sa isipan at mga kaisipan ng isang tao. Pero sa sandaling may gawa na, nagiging katunayan na ito. Kapag naging pag-uugali na ito, hindi na lang ito tiwaling disposisyon ni Satanas kundi isang masamang gawa. Matapos na ang mga tao ay mapiling mga lider, dinadala nila ang mga sarili nilang kahilingan, aspirasyon, at mithiin sa gawaing ginagawa nila at sa mga tungkuling ginagampanan nila. Pero ano ang iisang pagpapamalas na mayroon ang lahat ng taong nagtataglay ng tiwaling disposisyon ni Satanas? Ano ang pagkakapare-pareho nilang lahat? Sinusubukan nilang agawin ang kapangyarihan at patatagin ang sarili nilang katayuan. Sa anong paraan nila sinusubukang mang-agaw ng kapangyarihan? Una, inoobserbahan nila sa mga grupo kung sino ang mga sumisipsip at nakikipaglapit sa kanila. Pagkatapos, aktibo silang nakikipaglapit sa mga taong iyon, at, sa pamamagitan man ng pambobola o pag-aalok ng maliliit na pabor, gumagawa sila ng mga palihim na koneksyon at kinukuha ang loob ng mga ito, para ang mga taong ito—na may mga kapareho nilang kagustuhan, interes, ambisyon, o ang mga parehong kalikasan—ay maging masusugid nilang tagasunod, at makipag-isa sa kanila. At ano ang layon nila sa paghikayat sa mga taong ito na makipag-isa sa kanila? Ang patatagin ang katayuan nila at palawakin ang saklaw ng kanilang mga puwersa. Sa sandaling magkamit sila ng kapangyarihan, hindi lang ito usapin ng pagkakaroon nila ng huling salita, at iyon na iyon—gusto rin nilang makakalap ng mas maraming tao para sumunod sa kanila, sumuporta sa kanila, at magsalita para sa kanila, para kahit na may sabihin silang mali, may gawing mga masamang bagay, o atakihin at paghigpitan ang mga tao, magkakaroon pa rin ng mga taong gagawin ang sinasabi nila at sasang-ayunan sila. Ito ang layon nila. Pagkatapos, kung matuklasan ng Itaas ang mga problema nila at palitan sila isang araw, magkakaroon pa rin ng mga tao na gagawin ang lahat para magsalita para sa kanila, na magtatanggol sa kanila, at susubukang protektahan ang reputasyon nila. At anong paraan ang ginagamit nila para sa mga gawa nilang ito para makamit ang ganitong uri ng resulta? Pagkuha sa loob ng mga tao. Ginagamit nila ang paraan ng pagkuha sa loob ng mga tao para patatagin ang katayuan nila at palawakin ang saklaw ng kanilang mga puwersa. Isa ito sa mga paraan ng pang-aagaw ng kapangyarihan ng mga anticristo.

Pagdating sa mga diskarte na ginagamit ng mga anticristo para patatagin ang katayuan nila, ang una ay ang pagkuha sa loob ng mga tao at ang ikalawa ay ang pagbatikos at paghihiwalay sa mga hindi sumasang-ayon. Ang pagkuha sa loob ng mga tao ay nangangahulugang ginagamit nila ang paraan ng pagkuha sa loob ng mga taong sumisipsip sa kanila, nakikipaglapit sa kanila, nagtitiwala sa kanila, at sumusunod sa kanila, tama man sila o mali. Ang pagbatikos at paghihiwalay sa mga hindi sumasang-ayon ay nangangahulugang itinuturing nilang mga kaaway ang lahat ng nakakaunawa sa katotohanan, at nakakakilatis sa kanila dahil dito, tumatangging sumunod sa kanila, at umiiwas sa kanila. Itinuturing nila ang mga taong ito bilang mga pako sa mga mata nila at mga tinik sa kanilang tagiliran, at ang diskarteng ginagamit nila sa mga taong ito ay ang atakihin at ibukod ang mga ito. Halimbawa, sabihin nating napapansin ng isang anticristo na sa tuwing nagbabahaginan sila, napakasigla ng mga tao, na ang ilan ay nagtatala o nagre-record ng mga ito sa isang tape recorder. Mayroon lang isang batang kapatid na babae na hindi kailanman nagtatala o nagsasalita. Kaya, iniisip niya sa sarili niya: “May problema ba siya sa akin? O sa tingin ba niya ay hindi ako mahusay magbahagi? Bukod pa rito, sa tuwing darating ako, binabati ako ng ibang mga tao at tinatanguan sa magiliw na paraan, binibigyan ako ng tubig at inaalok ako ng upuan, pero hindi niya ako kailanman tinrato nang ganoon. Para bang hindi siya sumusuko sa akin—kailangan kong umisip ng paraan at humanap ng pagkakataon para turuan siya ng leksyon! Anong uri ng pagkakataon ang dapat kong hanapin? Isasaayos kong pangasiwaan niya ang isang bagay na tiyak na hindi niya magagawa nang maayos—mabibigyan ako noon ng dahilan para sermunan siya. Ito ang pinakamaganda kong pagkakataon para mahikayat siyang sumuko sa akin.” Pagkatapos, isinaayos niyang pagtrabahuhin ang kapatid na ito sa isang lugar na mapanganib. Iniisip niya: “Papupuntahin ko siya para magpalaganap ng ebanghelyo sa isang matandang pastor ng isang relihiyon, isang taong medyo malaswa at hindi tumatanggap sa katotohanan. Tingnan natin kung kaya niya itong mapagbalik-loob. Paano niya maipagtatanggol ang sarili niya kung hindi niya kaya? Kung hindi siya susuko sa akin, ipapatapon ko siya sa malayo!” Pagkatapos, magpapatuloy siya para sabihin dito: “Sa ngayon, napakataas ng tingin sa iyo ng karamihan sa mga kapatid. Maraming taon ka nang nananampalataya sa diyos, at maraming katotohanan ang nauunawaan mo. May isang relihiyosong pastor na maraming alam sa Bibliya, at ikaw ang pinakaakmang pumunta para magpalaganap ng ebanghelyo sa kanya.” Kapag nakatagpo ng kapatid na babae ang pastor, makikita ng pastor na bata at maganda ito, at magugustuhan niya ito—babastusin pa nga niya ito. Pagbalik nito, sasabihin ng kapatid na babae na ayaw na niyang muling bumalik, na sasagutin ng anticristo: “Itinalaga ka ng iglesia para ipalaganap ang ebanghelyo sa kanya. Tungkulin mo ito, dapat kang pumunta!” Pagkarinig nito, wala nang magagawa ang kapatid na babae kundi sumunod, at bunga nito umiiyak siya pagkatapos ng bawat pagbisita. May kakayahan ang lider na ito na gawin ang ganoong mga bagay para atakihin at paghigantihan ang iba. Anong uri ng tao ito? Isang masamang tao. Kung babae siya, pupunta ba siya sa ganitong uri ng sitwasyon? (Hindi.) Talagang hindi. Iiwasan niya ito higit kaninuman. Nakikita niya kung sino ang hindi niya kinatutuwaan, kung sino ang madaling pagdiskitahan, kung sino ang hindi sumusuko sa kanya at hindi sumisipsip sa kanya, at pagkatapos ay naghahanap siya ng mga pagkakataon para magpakana laban sa mga taong ito at maghiganti sa kanila. Sabihin ninyo sa Akin, kapag may masama at buktot na intensyon ang isang tao, hindi ba’t kaya niyang gawin ang lahat ng uri ng nakakapangilabot na bagay? At paano nangyayari ang masasama at buktot na intensyong ito? Isa sa mga pangunahing dahilan ay masyadong masama at malisyoso ang kanyang kalikasang diwa, at ang isa pa ay wala siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Kapag hindi nagtataglay ang mga tao ng may-takot-sa-Diyos na puso, walang bagay na hindi nila pinangangahasang gawin; hindi lang nila sasaktan ang ibang tao, kaya pa nga nilang gumawa ng mga bagay na tulad ng panghuhusga at pagkakanulo sa Diyos—ang pananakit sa mga tao ay napakadali lang para sa kanila. Hindi nila iisiping malaking bagay iyon gaano pa man nila saktan ang ibang tao; wala silang simpatiya para sa iba at napakamalisyoso nila sa kaibuturan. At ano ang layon ng anticristong ito noong itinulak niya ang batang kapatid na ito sa naglalagablab na hukay? Hindi niya ito ginawa para ipalaganap ang ebanghelyo at magkamit ng mga tao; ito ay para lang pahirapan siya. Anong uri ng mga tao ang pinapahirapan niya? Kung isa itong taong tumatalima sa kanya at sumusunod sa kanya, paparusahan niya ba ito? Hindi, hindi niya gagawin. Kaya bakit naging ganoon ang pagtrato sa kapatid na ito? (Dahil hindi ito sumuko sa kanya.) Dahil hindi ito sumuko sa kanya, hindi sumipsip sa kanya, hindi ginawa ang sinabi niya, o tinrato siya bilang mahalaga, bagkus ay hinamak siya, tinrato niya ito nang ganito at nasaktan ito bilang resulta. Kapag sinasaktan ng mga anticristo ang mga tao sa ganitong paraan, paano karaniwang tumutugon ang mga taong mababa ang tayog at hindi nakakaunawa sa katotohanan? Iisipin nila sa kanilang sarili: “Mas may kontrol ang mga lokal na opisyal kaysa sa mga opisyal ng estado. Sa ngayon, nasa ilalim tayo ng kontrol ng taong ito, kaya dapat nating gawin ang sinasabi niya at dapat tayong pumunta saan man niya sabihing pumunta tayo. Paano man kumikilos ang ibang mga tao ukol sa kanya, ganoon din tayo dapat kumilos sa kanya. Dapat tayong makiisa sa grupo. Dapat tayong sumipsip sa kanya gaya ng ginagawa ng ibang mga tao, at dapat gawin natin ito nang mas mabuti at mas mataman kaysa sa iba. Saka lang tayo tatantanan ng lider na ito. Hindi madaling pagserbisyuhan ang lider na ito—hindi natin siya dapat kalabanin!” At hindi ba’t ito mismo ang kinalabasang gustong makita ng anticristo? (Oo.) Dito, nakamit na niya ang layon niya. Hindi ba’t pareho rin ito sa diskarteng ginagamit ni Satanas para mang-abuso ng mga tao? (Ganoon nga.) Ano ang ipinapakita nito? Na kumakatawan kay Satanas ang mga aksiyon nila. Naging paraan at kinatawan na sila ni Satanas; kumikilos sila sa ngalan nito. Ang paggawa ba ng tungkulin sa ganoong paraan ang tunay na pagganap sa isang tungkulin? Paglilingkod ba ito sa Diyos? (Hindi.) Ang ganoong mga lider ay hindi nararapat na tawaging mga lider—masasamang tao sila at mga Satanas.

Sa sandaling maging mga lider ang mga anticristo, ang unang bagay na ginagawa nila ay subukang kunin ang loob ng mga tao, hikayatin ang mga taong paniwalaan sila, pagkatiwalaan sila, at suportahan sila. Kapag sigurado na ang kanilang katayuan, nagsisimula na silang hindi maging normal. Para protektahan ang katayuan at kapangyarihan nila, sinisimulan nilang batikusin at ihiwalay ang mga hindi sumasang-ayon. Sa mga sumasalungat—partikular sa mga taong naghahangad sa katotohanan—susubukan nila ang anumang bagay, gumagamit ng matatag, eksakto at di-natitinag na mga pamamaraan para pigilan at atakihin ang mga ito, para pahirapan ang mga ito. Mapapanatag lang sila kapag napabagsak at nasiraan na nila ang sinumang nagbabanta sa katayuan nila. Ganito ang bawat anticristo. Ano ang layon nila sa paggamit ng napakaraming taktikang ito para kunin ang loob at pigilan ang mga tao? Ang layon nila ay ang magkamit ng kapangyarihan, ang mapatatag ang kanilang katayuan, ang mailihis at makontrol ang mga tao. Ano ang kinakatawan ng mga layunin at motibo nila? Gusto nilang magtatag ng sarili nilang independiyenteng kaharian, gusto nilang tumindig laban sa Diyos. Mas malala pa ang ganitong diwa kaysa sa tiwaling disposisyon: Lubusan nang nalantad ang mga ambisyon at mga taksil na pakana ni Satanas. Hindi lamang ito problema ng pagbubunyag ng tiwaling disposisyon. Halimbawa, kapag medyo mayabang at mapagmagaling ang mga tao, o kung minsan ay medyo mapanlinlang at nagsisinungaling, mga pagpapakita lang ang mga ito ng isang tiwaling disposisyon. Samantala, ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay para kunin ang loob ng mga tao, para batikusin at ihiwalay ang mga hindi sumasang-ayon, patatagin ang kanilang katayuan, agawin ang kapangyarihan, at kontrolin ang mga tao. Ano ang diwa ng mga aksyong ito? Isinasagawa ba nila ang katotohanan? Inaakay ba nila ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pagpasok sa mga salita ng Diyos at pagharap sa Diyos? (Hindi.) Kung gayon ano ang ginagawa nila? Nakikipagkompetensiya sila sa Diyos para sa Kanyang hinirang na mga tao, nakikipagpaligsahan para sa puso ng mga tao, at sinusubukang magtatag ng sarili nilang independiyenteng kaharian. Sino ang dapat na may puwang sa puso ng mga tao? Ang Diyos ang dapat na may puwang. Pero talagang kabaligtaran nito ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo. Hindi nila pinapayagan ang Diyos o ang katotohanan na magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao; sa halip, gusto nilang ang tao, ang pagkalider nila, at si Satanas ang magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao. Sa sandaling matuklasan nilang wala silang puwang sa puso ng isang tao, na hindi sila tinatratong lider ng taong ito, labis silang nagagalit, at malamang na susubukan nilang pigilan at pahirapan ito. Ang lahat ng ginagawa at sinasabi ng mga anticristo ay umiikot sa katayuan at reputasyon nila, at nilalayon nitong maging mataas ang tingin ng mga tao sa kanila, para kainggitan at sambahin sila ng mga tao—para katakutan pa nga sila ng mga tao. Gusto nilang itrato sila ng hinirang na mga tao ng Diyos na parang ang Diyos, iniisip na, “Saang iglesia man ako kabilang, dapat makinig sa akin ang mga tao, dapat nilang sundin ang mga payo ko. Sinuman ang mag-ulat sa itaas ng kung anong problema, dapat itong dumaan sa akin, pinapayagan lang silang gumawa ng mga ulat sa akin, at hindi direktang sa itaas. Kung may sinumang ‘humindi’ sa akin, paparusahan ko siya, para makaramdam ng takot, pangamba, at nginig sa kanilang puso ang lahat ng makakakita sa akin. Higit pa rito, kung magbigay ako ng utos o igiit ko ang isang bagay, walang dapat mangahas na tumutol; anuman ang sabihin ko, dapat sumunod dito ang mga tao. Dapat silang lubusang makinig sa akin, dapat nila akong sundin sa lahat ng bagay, at ako dapat ang nagdedesisyon doon.” Ito mismo ang tono ng pananalita ng mga anticristo, ito ang boses ng mga anticristo, ganito sinusubukang pagharian ng mga anticristo ang mga iglesia. Kung ginagawa ng hinirang na mga tao ng Diyos ang sinasabi nila at sinusunod sila ng mga ito, hindi ba’t nagiging mga kaharian ng mga anticristo ang ganitong mga iglesia? Sinasabi nila, “Kailangan kong tingnan ang mga pagsasaayos ng gawain na ibinigay ng itaas, dapat kong akuin ang pananagutan para sa inyo, ako dapat ang sumusuri sa tama at mali, ako dapat ang magpapasya sa magiging kinalabasan. Hindi sapat ang tayog ninyo, at hindi sapat ang kalipikasyon ninyo. Ako ang lider ng iglesia at nakadepende sa akin ang lahat.” Hindi ba’t nagiging labis na hambog ang mga taong nagsasabi ng mga bagay na ito? Talagang napakayabang nila na wala silang anumang katwiran! Hindi ba’t sinusubukan nilang magtatag ng sarili nilang independiyenteng kaharian? Anong uri ng mga tao ang malamang na sumubok na lumikha ng sarili nilang kaharian? Hindi ba’t mga tunay silang anticristo? Hindi ba’t ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng mga anticristo ay para protektahan ang sarili nilang katayuan? Hindi ba nila sinusubukang ilihis at kontrolin ang mga tao? Bakit sila tinawag na mga anticristo? Ano ang ibig sabihin ng “anti”? Ang ibig sabihin nito ay pagsalungat at pagkamuhi. Nangangahulugan itong paglaban kay Cristo, paglaban sa katotohanan, at paglaban sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “paglaban”? Nangangahulugan itong pagtindig sa kabilang panig, pagtrato sa iyo na parang kaaway, na para bang punong-puno ng napakalaki at malalim na pagkamuhi ang isang tao; nangangahulugan itong maging nasa lubos na pagsalungat sa iyo. Ganito ang mentalidad ng mga anticristo sa paglapit sa Diyos. Anong saloobin sa katotohanan ang mayroon ang ganitong mga tao na namumuhi sa Diyos? Nagagawa ba nilang mahalin ang katotohanan? Nagagawa ba nilang tanggapin ang katotohanan? Talagang hindi. Samakatwid, ang mga taong tumitindig bilang salungat sa Diyos ay mga taong namumuhi sa katotohanan. Ang numero unong bagay na makikita sa kanila ay pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan. Sa sandaling marinig nila ang katotohanan o ang mga salita ng Diyos, may pagkamuhi sa puso nila, at kapag binabasa ng sinuman ang mga salita ng Diyos sa kanila, lilitaw sa mga mukha nila ang pagpapahayag ng galit at ngitngit, gaya ng kapag binabasa ang mga salita ng Diyos sa isang demonyo kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga tao. Sa puso nila, ang mga taong tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan ang nakakaramdam ng pinakamatinding pagtutol sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, ang sa kanila ay saloobin ng paglaban, at umaabot pa nga sila hanggang sa kamuhian ang sinumang nagbabasa ng mga salita ng Diyos sa kanila o nagbabahagi ng katotohanan sa kanila, tinatrato pa nga nilang kaaway ang taong iyon. Nakakaramdam sila ng matinding pagtutol sa iba’t ibang katotohanan, at sa mga positibong bagay. Ang lahat ng katotohanan gaya ng pagpapasakop sa Diyos, tapat na paggawa ng mga tungkulin ng isang tao, pagiging matapat na tao, paghahanap sa katotohanan sa lahat ng bagay, at iba pa—may kaunti ba silang subhetibong paghahangad o pagmamahal? Wala, wala ni katiting. Samakatwid, dahil ganito ang kalikasang diwa nila, tumatayo na sila sa direktang pagsalungat sa Diyos at sa katotohanan. Walang duda, sa kaibuturan, hindi minamahal ng ganitong mga tao ang katotohanan o anumang positibong bagay; sa kaibuturan, nararamdaman pa nga nilang tutol sila sa katotohanan at namumuhi sila rito. Halimbawa, kailangang magawa ng mga taong nasa posisyon ng pamumuno na tanggapin ang magkakaibang opinyon ng mga kapatid nila, dapat nilang magawang buksan ang kanilang sarili at ihayag ang kanilang sarili sa mga kapatid, at magawang tanggapin ang paninisi ng mga ito, at hindi nila dapat igiit ang kanilang katayuan. Ano ang sasabihin ng isang anticristo sa lahat ng wastong paraang ito ng pagsasagawa? Sasabihin nila, “Kung nakinig ako sa opinyon ng mga kapatid, magiging lider pa rin ba ako? Magkakaroon pa rin ba ako ng katayuan at katanyagan? Kung wala akong katanyagan, anong gawain ang magagawa ko?” Ito mismo ang uri ng disposisyong tinataglay ng isang anticristo; hindi niya tinatanggap ang katotohanan kahit pa sa pinakamaliit na paraan, at kapag mas tama ang paraan ng pagsasagawa, lalo niya itong nilalabanan. Hindi niya tinatanggap na ang pagkilos ayon sa prinsipyo ay pagsasagawa ng katotohanan. Ano ba sa tingin niya ang pagsasagawa ng katotohanan? Sa palagay niya ay kailangan niyang gumamit ng pagbabalak, mga panlilinlang, at karahasan sa lahat, sa halip na sumandig sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa pagmamahal. Ang bawat paraan at landas niya ay buktot. Ang lahat ng ito ay ganap na kumakatawan sa kalikasang diwa ng mga anticristo. Ang mga motibo, opinyon, pananaw, at layuning madalas nilang inilalantad ay mga disposisyon lahat ng pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan, na siyang kalikasang diwa ng mga anticristo. Ano, kung gayon, ang ibig sabihin ng pagtindig bilang pagsalungat sa katotohanan at sa Diyos? Nangangahulugan itong pagkamuhi sa katotohanan at mga positibong bagay. Halimbawa, kapag may nagsabi, “Bilang isang nilikha, dapat tuparin ng isang tao ang tungkulin ng isang nilikha. Anuman ang maaaring sabihin ng Diyos, dapat magpasakop ang mga tao, dahil mga nilikha tayo,” paano mag-isip ang isang anticristo? “Magpasakop? Hindi mali na isa akong nilikha, pero pagdating sa pagpapasakop, depende iyan sa sitwasyon. Una sa lahat, dapat may ilang benepisyo riyan para sa akin, hindi ako dapat malagay sa alanganin, at dapat mauna ang mga interes ko. Kung may mga gantimpala o malalaking biyaya na makakamit, kaya kong magpasakop, pero kung walang mga gantimpala at walang destinasyon, bakit dapat akong magpasakop? Hindi ko kayang magpasakop.” Isa itong saloobin ng hindi pagtanggap sa katotohanan. Ang pagpapasakop nila sa Diyos ay may kondisyon, at kung hindi matugunan ang mga kondisyon nila, hindi lang sa hindi sila magpapasakop, malamang din na tumutol at lumaban sila sa Diyos. Halimbawa, hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao, pero naniniwala ang mga anticristong ito na tanging mga hangal lang ang sumusubok na maging matapat, at na hindi sinusubukan ng matatalinong tao na maging matapat. Ano ang diwa ng ganoong saloobin? Pagkamuhi ito sa katotohanan. Ganoon ang diwa ng mga anticristo, at itinatakda ng diwa nila ang landas na lalakaran nila, at itinatakda ng landas na nilalakaran nila ang lahat ng ginagawa nila. Kapag tinataglay ng mga anticristo ang kalikasang diwa ng pagkamuhi sa katotohanan at sa Diyos, anong uri ng mga bagay ang malamang na gawin nila? Malamang na subukan nilang kunin ang loob ng mga tao, batikusin at ihiwalay ang mga hindi sumasang-ayon, at pahirapan ang mga tao. Ang layuning sinusubukan nilang makamit sa paggawa ng mga bagay na ito ay ang humawak ng kapangyarihan, kontrolin ang mga hinirang ng Diyos, at magtatag ng sarili nilang independiyenteng kaharian. Dito ay walang duda. Ang sinumang tao na, kapag may katayuan na siya, ay walang kakayahang lubusang magpasakop sa Diyos, at hindi magawang sumunod sa Diyos o hangarin ang katotohanan, ay isang anticristo.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.