Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikapitong Bahagi) Ikalawang Seksiyon

Ano ang pinakahalatang pagpapamalas ng isang anticristo? Una, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, na isang bagay na nakikita ng lahat. Bukod sa hindi nila tinatanggap ang mga mungkahi ng ibang tao, higit sa lahat, hindi rin nila tinatanggap ang mapungusan. Sigurado at walang duda na hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan; kung natatanggap nila ang katotohanan, hindi sila magiging anticristo. Kaya, bakit ginagawa pa rin ng mga anticristo ang kanilang mga tungkulin? Ano ba mismo ang layunin nila sa paggawa ng kanilang mga tungkulin? Ito ay para “tumanggap ng isang daang beses sa buhay na ito at ng walang-hanggang buhay sa darating na buhay.” Ganap nilang sinusunod ang kasabihang ito sa mga tungkulin nila. Hindi ba’t isa itong transaksiyon? Tiyak na isa itong transaksiyon. Batay sa kalikasan ng transaksiyong ito, hindi ba’t isa itong buktot na disposisyon? (Oo.) Kung gayon, sa anong paraan sila buktot? Mayroon bang makapagsasabi sa Akin? (Bagama’t naririnig ng mga anticristo ang napakaraming katotohanang ipinahayag ng Diyos, hindi nila kailanman hinahangad ang mga ito. Mahigpit silang kumakapit sa katayuan nila at hindi sila bumibitiw, at ginagawa lang nila ang kanilang tungkulin para sa pansarili nilang kapakinabangan at para gumamit ng kapangyarihan sa iba.) Medyo tama ang sagot na iyan, medyo naunawaan mo ito, pero hindi pa ito sapat na detalyado. Kung alam na alam nilang mali ang makipagtransaksiyon sa Diyos, ngunit nagpapatuloy pa rin sila hanggang sa huli at tumatangging magsisi, kung gayon ay malubha ang problemang ito. Sa panahon ngayon, ginagawa ng karamihan ng tao ang mga tungkulin nila nang may layuning makapagkamit ng mga pagpapala. Gusto nilang lahat na gamitin ang paggampan ng kanilang mga tungkulin para magantimpalaan sila at makakuha ng korona, at hindi nila naiintindihan ang kahalagahan ng paggampan ng tungkulin ng isang tao. Kailangang pagbahaginan nang malinaw ang problemang ito. Kaya, pag-usapan muna natin kung paano nagkaroon ng tungkulin ang mga tao. Gumagawa ang Diyos para pamahalaan at iligtas ang sangkatauhan. Siyempre, may mga hinihingi ang Diyos sa mga tao, at ang mga hinihinging ito ang tungkulin nila. Malinaw na ang tungkulin ng mga tao ay nagmumula sa gawain ng Diyos at sa mga hinihingi Niya sa sangkatauhan. Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, ito ang pinakanararapat na bagay na magagawa nila, ang pinakamaganda at pinakamakatarungang bagay sa gitna ng sangkatauhan. Bilang mga nilikha, dapat gampanan ng mga tao ang tungkulin nila, at saka lamang sila makatatanggap ng pagsang-ayon ng Lumikha. Namumuhay ang mga nilikha sa ilalim ng kapangyarihan ng Lumikha, at tinatanggap nila ang lahat ng ibinibigay ng Diyos at lahat ng nagmumula sa Diyos, kaya dapat nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Ito ay ganap na natural at may katwiran, at inorden ng Diyos. Mula rito ay makikita na, ang paggampan ng mga tao sa tungkulin ng isang nilikha ay mas makatarungan, maganda, at marangal kaysa sa anumang iba pang bagay na nagawa habang namumuhay sa lupa; wala sa sangkatauhan ang mas makabuluhan o karapat-dapat, at walang nagdudulot ng mas malaking kabuluhan at halaga sa buhay ng isang nilikhang tao, kaysa sa paggampan sa tungkulin ng isang nilikha. Sa lupa, tanging ang grupo ng mga taong tunay at taos-pusong gumaganap ng tungkulin ng isang nilikha ang siyang mga nagpapasakop sa Lumikha. Hindi sumusunod sa mga makamundong kalakaran ang grupong ito; nagpapasakop sila sa pamumuno at pamamatnubay ng Diyos, nakikinig lamang sa mga salita ng Lumikha, tumatanggap sa mga katotohanang ipinapahayag ng Lumikha, at namumuhay ayon sa mga salita ng Lumikha. Ito ang pinakatunay, pinakamatunog na patotoo, at ito ang pinakamagandang patotoo ng pananampalataya sa Diyos. Ang matupad ng isang nilikha ang tungkulin ng isang nilikha, ang mabigyang-kasiyahan ang Lumikha, ay ang pinakamagandang bagay sa gitna ng sangkatauhan, at isa itong bagay na dapat ipalaganap bilang isang kuwento na pupurihin ng lahat ng tao. Anumang ipinagkakatiwala ng Lumikha sa mga nilikha ay dapat nilang tanggapin nang walang kondisyon; para sa sangkatauhan, ito ay isang usapin ng kapwa kaligayahan at pribilehiyo, at para sa lahat ng tumutupad sa tungkulin ng isang nilikha, wala nang ibang mas maganda o karapat-dapat sa pagpaparangal—ito ay isang positibong bagay. At patungkol naman sa kung paano tinatrato ng Lumikha ang mga kayang tumupad sa tungkulin ng isang nilikha, at sa kung ano ang ipinapangako Niya sa kanila, nasa Lumikha na iyon; walang kinalaman doon ang nilikhang sangkatauhan. Sa mas malinaw at simpleng pananalita, bahala na ang Diyos dito, at walang karapatang makialam ang mga tao. Makukuha mo ang anumang ibibigay sa iyo ng Diyos, at kung wala Siyang ibigay sa iyo, wala kang magagawa tungkol dito. Kapag tinatanggap ng isang nilikha ang atas ng Diyos, at nakikipagtulungan siya sa Lumikha sa pagganap sa kanyang tungkulin at ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya, hindi ito isang transaksiyon o pakikipagpalitan; hindi dapat tangkain ng mga tao na ipagpalit ang mga pagpapahayag ng mga saloobin o kilos at pag-uugali sa anumang pangako o pagpapala mula sa Diyos. Nang ipagkaloob ng Lumikha ang gawaing ito sa inyo, tama at nararapat lang na bilang mga nilikha, tatanggapin ninyo ang tungkulin at atas na ito. Mayroon bang anumang transaksiyon dito? (Wala.) Sa panig ng Lumikha, handa Siyang ipagkatiwala sa bawat isa sa inyo ang mga tungkulin na dapat gampanan ng mga tao; at sa panig ng nilikhang sangkatauhan, dapat na malugod na tanggapin ng mga tao ang tungkuling ito, tratuhin ito bilang obligasyon ng kanilang buhay, at bilang halagang dapat nilang isabuhay sa buhay na ito. Walang transaksiyon dito, hindi ito pakikipagtumbasan, at lalong hindi kinasasangkutan ng anumang gantimpala o ibang pahayag na iniisip ng mga tao. Hindi ito isang kalakalan; hindi ito tungkol sa pakikipagpalitan sa halagang ibinabayad ng mga tao o sa pagsisikap na ibinibigay nila kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin para sa ibang bagay. Hindi iyon kailanman sinabi ng Diyos, at hindi dapat ganito ang pagkaunawa ng mga tao rito. Nagbibigay ang Lumikha sa sangkatauhan ng isang atas, at isinasagawa ng isang nilikha ang paggampan ng kanyang tungkulin matapos niyang tanggapin mula sa Lumikha ang atas na ibinibigay ng Diyos. Sa usaping ito, sa prosesong ito, walang anumang transaksiyonal; ito ay talagang isang simple at nararapat na bagay. Para itong sa mga magulang, na matapos isilang ang kanilang anak, ay pinalalaki ito nang walang kondisyon o reklamo. Tungkol naman sa kung magiging mabuting anak ba ito, walang gayong mga hinihingi ang kanyang mga magulang mula pa sa araw na isinilang siya. Walang ni isang magulang na pagkatapos manganak ay nagsasabi, “Pinapalaki ko lang siya para paglingkuran at parangalan niya ako sa hinaharap. Kung hindi niya ako pararangalan, sasakalin ko siya hanggang sa mamatay ngayon mismo.” Wala ni isang magulang na ganito. Kaya, batay sa paraan ng pagpapalaki ng mga magulang sa mga anak nila, ito ay isang obligasyon, isang responsabilidad, hindi ba? (Oo.) Patuloy na palalakihin ng mga magulang ang kanilang anak, mabuting anak man ito o hindi, at anuman ang mga paghihirap, palalakihin nila ang anak hanggang sa umabot ito sa hustong gulang, at nanaisin nila ang pinakamagandang buhay para dito. Walang kondisyon o transaksiyon sa responsabilidad at obligasyong ito ng mga magulang para sa kanilang anak. Ang mga may kaugnay na karanasan ay mauunawaan ito. Karamihan ng magulang ay walang hinihinging mga pamantayan sa kung mabuti ba ang kanilang anak o hindi. Kung mabuti ang anak nila, mas magiging masayahin sila kaysa kung hindi mabuti ang anak nila, at magiging mas masaya sila sa pagtanda nila. Kung hindi mabuti ang kanilang anak, hahayaan na lang nila ito na maging ganoon. Ganito mag-isip ang karamihan ng magulang na may medyo bukas na isipan. Sa kabuuan, ito man ay mga magulang na nagpapalaki ng kanilang mga anak o mga anak na sumusuporta sa kanilang mga magulang, ang usaping ito ay usapin ng responsabilidad, ng obligasyon, at bahagi ito ng inaasahang papel ng isang tao. Siyempre, pawang maliliit na usapin lang ito kumpara sa paggampan ng isang nilikha sa tungkulin niya, pero sa mga usapin ng mundo ng tao, ang mga ito ang kabilang sa mas magaganda at mga makatarungang bagay. Hindi na kailangang sabihin na mas lalong totoo ito pagdating sa paggampan ng isang nilikha sa tungkulin niya. Bilang isang nilikha, kapag humarap ang isang tao sa Lumikha, kailangan niyang gampanan ang kanyang tungkulin. Ito ay isang bagay na talagang nararapat gawin, at dapat niyang tuparin ang responsabilidad na ito. Sa kondisyon na ginagampanan ng mga nilikha ang kanilang mga tungkulin, nakagawa ang Lumikha ng mas higit na dakilang gawain sa sangkatauhan, isinakatuparan Niya ang isang karagdagang hakbang ng gawain sa mga tao. At anong gawain iyon? Tinutustusan Niya ang sangkatauhan ng katotohanan, na tinutulutan silang makamit ang katotohanan mula sa Diyos habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at sa ganoong paraan ay naiwawaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nadadalisay sila, natutugunan nila ang mga layunin ng Diyos at tumatahak na sila sa tamang landas sa buhay, at, sa huli, nagagawa nilang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, magtamo ng ganap na kaligtasan, at hindi na mapasailalim sa mga pagpapahirap ni Satanas. Ito ang epektong layong makamit sa huli ng pagpapagampan ng Diyos sa mga tao sa mga tungkulin. Samakatwid, sa proseso ng pagganap sa iyong tungkulin, hindi lamang ipinapakita ng Diyos sa iyo nang malinaw ang isang bagay at ipinapaunawa ang kaunting katotohanan, ni hindi ka lamang Niya hinahayaang matamasa ang biyaya at mga pagpapala na natatanggap mo sa pamamagitan ng paggampan sa iyong tungkulin bilang isang nilikha. Bagkus, pinahihintulutan ka Niyang madalisay at maligtas, at, sa huli, ay makapamuhay sa liwanag ng mukha ng Lumikha. Ang “liwanag ng mukha” ng Lumikha na ito ay kinapapalooban ng maraming pinalawig na kahulugan at nilalaman—hindi natin ito tatalakayin ngayon. Siyempre, tiyak na magbibigay ng mga pangako at pagpapala ang Diyos sa gayong mga tao, at gagawa ng iba’t ibang pahayag tungkol sa mga ito—ibang usapan pa ang bagay na ito. Patungkol sa kasalukuyan at ngayon, ano ang tinatanggap ng lahat ng humaharap sa Diyos at gumagampan ng kanilang tungkulin bilang isang nilikha mula sa Diyos? Ang katotohanan at buhay, ang mga pinakamahalaga at pinakamagandang bagay sa sangkatauhan. Wala ni isang nilikha sa sangkatauhan ang madaling makatatanggap ng gayong mga pagpapala mula sa kamay ng Lumikha. Ang gayon kaganda at gayon kalaking bagay ay binaluktot at ginawa nang isang transaksiyon ng angkan ng mga anticristo, kung saan nangangalap sila ng mga korona at gantimpala mula sa kamay ng Diyos. Ang gayong transaksiyon ay ginagawang napakapangit at napakabuktot ang isang bagay na napakaganda at napakamakatarungan. Hindi ba ito ang ginagawa ng mga anticristo? Kung pagbabatayan ito, hindi ba’t buktot ang mga anticristo? Talagang buktot nga sila! Isa itong pagpapamalas ng kanilang kabuktutan.

Sa mga huling araw, pumarito sa katawang-tao ang Diyos para gumawa, nagpapahayag ng maraming katotohanan, ibinubunyag sa sangkatauhan ang lahat ng misteryo ng plano ng pamamahala ng Diyos, at ibinibigay ang lahat ng katotohanang dapat maunawaan at pasukin ng mga tao para maligtas. Ang mga katotohanang ito at ang mga salitang ito ng Diyos ay mga kayamanan para sa lahat ng nagmamahal sa mga positibong bagay. Ang mga katotohanan ang mga kinakailangan ng tiwaling sangkatauhan, at mga walang-katumbas na yaman din ang mga ito para sa sangkatauhan. Ang bawat isa sa mga salita, hinihingi, at layunin ng Diyos ay mga bagay na dapat maunawaan at maintindihan ng mga tao, ang mga ito ay mga bagay na dapat sundin ng mga tao para magkamit ng kaligtasan, at ang mga ito ay mga katotohanang dapat matamo ng mga tao. Ngunit itinuturing ng mga anticristo ang mga salitang ito bilang mga teorya at islogan, nagbibingi-bingihan pa nga sila sa mga ito, at ang mas malala, kinasusuklaman at itinatatwa nila ang mga ito. Itinuturing ng mga anticristo ang pinakamahahalagang bagay sa buong sangkatauhan na mga kasinungalingan ng mga nagmamarunong. Naniniwala ang mga anticristo sa puso nila na walang Tagapagligtas, lalo nang walang katotohanan o positibong mga bagay sa mundo. Iniisip nila na anumang maganda o pakinabang ay dapat mapasakamay ng mga tao at puwersahang makuha sa pamamagitan ng pakikibaka ng tao. Iniisip ng mga anticristo na ang mga taong walang mga ambisyon at pangarap ay hindi kailanman magtatagumpay, ngunit ang puso nila ay puno ng pagtutol at pagkamuhi sa katotohanang ipinahayag ng Diyos. Itinuturing nila ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos bilang mga teorya at islogan, ngunit itinuturing nila ang kapangyarihan, mga interes, ambisyon, at pagnanais bilang mga makatarungang layunin na dapat pamahalaan at hangarin. Gumagamit din sila ng serbisyong ginawa gamit ang kanilang mga kaloob bilang isang paraan upang makipagtransaksiyon sa Diyos sa pagtatangkang makapasok sa kaharian ng langit, magtamo ng mga korona, at magtamasa ng mas malalaking pagpapala. Hindi ba’t buktot ito? Paano nila binibigyang-kahulugan ang mga layunin ng Diyos? Sinasabi nila, “Pinagpapasyahan ng diyos kung sino ang amo sa pagtingin kung sino ang pinakagumugugol at pinakanagdurusa para sa kanya at kung sino ang nagbabayad ng pinakamalaking halaga. Pinagpapasyahan niya kung sino ang makakapasok sa kaharian at kung sino ang tatanggap ng mga korona sa pagtingin kung sino ang nagagawang maglibot, magsalita nang mahusay, at kung sino ang may diwa ng isang bandido at kayang sumunggab ng mga bagay nang puwersahan. Sabi nga ni Pablo, ‘Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikibaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran’ (2 Timoteo 4:7–8).” Sinusunod nila ang mga salitang ito ni Pablo at naniniwala sila na totoo ang mga salita niya, ngunit hindi nila pinapansin ang lahat ng hinihingi at pahayag ng Diyos para sa sangkatauhan, iniisip na, “Hindi mahalaga ang mga bagay na ito. Ang tanging mahalaga ay na minsan ay nakipagbaka ako ng aking pakikipagbaka at natapos ko ang aking takbo, makakatanggap ako ng isang korona sa huli. Totoo ito. Hindi ba’t iyon ang ibig sabihin ng diyos? Nagsalita na ang diyos ng libu-libong salita at nagbigay ng di-mabilang na mga sermon. Sa huli, ang ibig niyang sabihin sa mga tao ay na kung gusto ninyo ng mga korona at gantimpala, bahala kayong makipaglaban, magpakahirap, mang-agaw, at kunin ang mga iyon.” Hindi ba’t ito ang lohika ng mga anticristo? Sa kaibuturan ng kanilang puso, ganito palagi ang tingin ng mga anticristo sa gawain ng Diyos, at ganito nila binibigyang-kahulugan ang salita at plano ng pamamahala ng Diyos. Buktot ang kanilang disposisyon, hindi ba? Binabaluktot nila ang mga layunin ng Diyos, ang katotohanan, at lahat ng positibong bagay. Itinuturing nila ang plano ng pamamahala ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan bilang isang malinaw na transaksiyon, at itinuturing ang tungkuling hinihingi ng Lumikha na gampanan ng sangkatauhan bilang isang malinaw na pagkamkam, paglaban, panlilinlang, at transaksiyon. Hindi ba’t ito ang buktot na disposisyon ng mga anticristo? Naniniwala ang mga anticristo na para magtamo ng mga pagpapala at makapasok sa kaharian ng langit, dapat nilang matamo ito sa pamamagitan ng isang transaksiyon, at na ito ay patas, makatwiran, at napakalehitimo. Hindi ba’t isa itong buktot na lohika? Hindi ba ito satanikong lohika? Laging may ganitong mga pananaw at saloobin ang mga anticristo sa kaibuturan ng kanilang puso, na nagpapatunay na ang disposisyon ng mga anticristo ay masyadong buktot.

Mula sa ilang aytem ng nilalaman na pinagbahaginan natin, nakita mo ba ang buktot na disposisyon ng mga anticristo? (Oo.) Ang unang aytem ay kung paano tinatrato ng mga anticristo ang tungkulin nila, tama ba? Kung gayon, paano tinatrato ng mga anticristo ang tungkulin nila? (Itinuturing ng mga anticristo ang tungkulin nila bilang isang transaksiyon na ipinagpapalit nila para sa sarili nilang hantungan at mga interes. Gaano man nagsikap na gumawa ang Diyos sa mga tao, gaano karaming salita ang nasabi Niya sa kanila, at gaano karaming katotohanan ang naipahayag Niya sa kanila, binabalewala ng mga anticristo ang lahat ng ito at patuloy na ginagawa ang tungkulin nila nang may layunin na makipagtransaksiyon sa Diyos.) Itinuturing ng mga anticristo ang tungkulin nila bilang isang transaksiyon. Ginagawa nila ang tungkulin nila nang may layunin na makipagtransaksiyon at magkamit ng mga pagpapala. Iniisip nila na ang pananampalataya sa Diyos ay alang-alang sa pagkakamit ng mga pagpapala, at na angkop lang na magkamit ng mga pagpapala sa pamamagitan ng paggawa ng tungkulin nila. Binabaluktot nila ang positibong bagay na paggampan sa tungkulin at hinahamak nila ang halaga at kabuluhan ng paggampan sa tungkulin bilang isang nilikha, habang hinahamak din nila ang pagiging lehitimo ng paggawa nito; ginagawa nilang isang transaksiyon ang tungkulin na dapat natural na ginagampanan ng mga nilikha. Ito ang kabuktutan ng mga anticristo; ito ang unang aytem. Ang ikalawang aytem ay na hindi naniniwala ang mga anticristo sa pag-iral ng mga positibong bagay o sa katotohanan, at hindi sila naniniwala o kumikilala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Hindi ba’t buktot ito? (Oo.) Ano ang buktot tungkol dito? Ang mga salita ng Diyos ang realidad ng lahat ng positibong bagay, pero hindi ito nakikita at hindi kinikilala ng mga anticristo. Itinuturing nila ang mga salita ng Diyos bilang mga islogan, bilang isang uri ng teorya, at binabaluktot nila ang katunayan na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Ano ang pinakamalaki at pangunahing problema rito? Nais gamitin ng Diyos ang mga salitang ito para iligtas ang sangkatauhan, at kailangang tanggapin ng tao ang mga salita ng Diyos bago ito malinis at magtamo ng kaligtasan—ito ay isang katunayan, at ito ang katotohanan. Hindi kinikilala o tinatanggap ng mga anticristo ang pangakong ito ng Diyos sa sangkatauhan. Sinasabi nila, “Maligtas? Malinis? Para saan iyon? Walang silbi ito! Kung malilinis ako, talaga bang maliligtas ako at makakapasok sa kaharian ng langit? Sa tingin ko ay hindi!” Hindi nila pinapansin ang bagay na ito at hindi sila interesado rito. Ano ang lihim na ipinapahiwatig nito? Ipinapahiwatig nito na hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan; naniniwala sila na mga kasabihan at doktrina lamang ang mga ito. Hindi sila naniniwala o hindi nila kinikilala na makalilinis o makapagliligtas sa mga tao ang mga salita ng Diyos. Ito ay maihahalintulad noong tinukoy ng Diyos si Job bilang isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, at bilang isang perpektong tao. Katotohanan ba ang mga salitang ito na sinabi ng Diyos? (Oo.) Kung gayon, bakit nagsasabi ang Diyos ng gayong bagay? Ano ang batayan? Inoobserbahan ng Diyos ang pag-uugali ng mga tao, sinisiyasat Niya ang puso nila, at nakikita Niya ang diwa nila, at batay rito, sinabi Niya na may takot si Job sa Diyos at umiwas ito sa kasamaan at na isa itong perpektong tao. Inobserbahan ng Diyos si Job nang hindi lang isa o dalawang araw, at mahigit din sa isa o dalawang araw ang mga pagpapamalas ni Job ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at tiyak na hindi sakop ang isa o dalawang usapin lamang. Kung gayon, ano ang naging saloobin ni Satanas sa katunayang ito? (Isang nagdududa at nag-aalinlangang saloobin.) Hindi lang nagdududa si Satanas, itinatwa rin niya ito. Ang malinaw na ibig sabihin ng kanyang mga salita ay “Napakarami mong ibinigay kay Job, kabilang na ang mga baka, tupa at hindi mabilang na ari-arian. May dahilan siya para sambahin ka. Sinasabi mo na isang perpektong tao si Job, pero walang katuturan ang mga salita mo. Ang mga salita mo ay hindi ang katotohanan, hindi tunay, hindi tumpak, at itinatatwa ko ang mga salita mo.” Hindi ba’t ito ang ibig sabihin ni Satanas? (Oo.) Sinabi ng Diyos, “May takot si Job sa Diyos at umiiwas siya sa kasamaan, isa siyang perpektong tao.” Ano ang sinabi ni Satanas? (Sasambahin ba niya ang diyos nang walang dahilan?) Sinabi ni Satanas, “Mali, hindi siya perpektong tao! Nakatanggap siya ng mga pakinabang at pagpapala mula sa iyo, kaya siya may takot sa iyo. Kung kukunin mo ang mga pakinabang at pagpapalang ito, hindi na siya matatakot sa iyo—hindi siya perpektong tao.” Kaya, sa bawat pangungusap na sinasabi ng Diyos, nilalagyan ito ng tandang pananong at ekis ni Satanas. Itinatatwa ni Satanas ang mga salita ng Diyos, at itinatatwa rin nito ang mga depinisyon o pahayag ng Diyos sa anumang bagay. Puwede ba nating sabihin na itinatatwa ni Satanas ang katotohanan? (Oo.) Ito ang katunayan. Kaya, ano ang saloobin ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos na naglalantad, humahatol, at kumakastigo sa sangkatauhan, at naglalatag ng iba’t ibang partikular na hinihingi sa sangkatauhan? Kinikilala ba nila ang mga ito at sinasabi ang “Amen”? Kaya ba nilang sumunod sa mga ito? (Hindi, hindi nila kaya.) Puwede mong sabihin na ang agarang tugon ng mga anticristo sa lahat ng uri ng salita ng Diyos sa kanilang puso ay, “Mali! Ganito ba talaga ito? Bakit ba kung ano ang sinasabi mo ay dapat ganoon talaga? Hindi iyan tama—hindi ako naniniwala riyan. Bakit masyadong hindi kanais-nais ang sinabi mo? Hindi magsasalita ng ganyan ang diyos! Kung ako ang magsasalita, dapat itong sabihin sa ganitong paraan.” Batay sa mga saloobing ito ng mga anticristo patungkol sa Diyos, makakaya ba nilang sundin ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan? Tiyak na hindi. Ito ang kabuktutang taglay nila; ito ang pangalawang aytem. Ang pangatlong aytem ay kung ano ang iniisip ng mga anticristo tungkol sa layon ng plano ng pamamahala ng Diyos, na kung saan nais ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, at tulutan ang sangkatauhan na makalaya mula sa tiwaling disposisyon ni Satanas at sa mga puwersa ng kadiliman at magtamo ng kaligtasan. Bakit sinasabi na buktot ang disposisyon nila? Naniniwala sila na isa itong transaksiyon, at pinaniniwalaan pa nga nila na isa lamang itong laro. Isang laro sa pagitan nino? Isang laro sa pagitan ng isang diyos ng alamat at isang grupo ng mga mangmang at hangal na tao na nagnanais makapasok sa kaharian ng langit at makalaya mula sa mundo ng pagdurusa. Isa rin itong transaksiyon kung saan ang magkabilang panig ay mga kusang-loob na kalahok, kung saan ang isang panig ay handang magbigay at ang kabilang panig ay handang tumanggap. Ganito ang larong ito. Ganito ang tingin nila sa plano ng pamamahala ng Diyos—hindi ba’t ito ang paghahayag ng buktot na disposisyon ng mga anticristo? Dahil puno ng mga ambisyon ang mga anticristo, at dahil nagnanais sila ng isang hantungan at mga pagpapala, binabaluktot nila ang pinakamagandang gawain ng sangkatauhan at ang gawain ng pamamahala ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan at ginagawa nila itong isang laro, isang transaksiyon—ito ang buktot na disposisyon ng mga anticristo. Dagdag pa rito, mayroon pang isang pagpapamalas ang mga anticristo, na mukhang katawa-tawa at kakatwa. Bakit ito kakatwa? Hindi naniniwala ang mga anticristo sa lahat ng gawaing nagawa ng Diyos, hindi rin sila naniniwala na ang lahat ng sinabi ng Diyos ay ang katotohanan at na makapagliligtas sa sangkatauhan, pero walang kapaguran silang handang magtiis ng paghihirap, magbayad ng halaga, at gumawa at magpadali ng transaksiyong ito. Hindi ba’t nakakatawa ito? Siyempre, hindi ito ang kabuktutan ng mga anticristo, kundi ang kahangalan ng mga anticristo. Sa isang banda, hindi sila naniniwala na umiiral ang Diyos, hindi nila kinikilala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at binabaluktot pa nga nila ang plano ng pamamahala ng Diyos, pero sa kabilang banda, nais pa rin nilang magkamit ng mga personal na pakinabang mula sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang plano ng pamamahala. Sa madaling salita, sa isang banda, hindi sila naniniwalang umiiral ang lahat ng katunayang ito, lalo na sa pagiging tunay ng mga ito, habang sa kabilang banda naman, nais pa rin nilang makakuha ng mga pakinabang at samantalahin ang bawat pagkakataon, nais na maging oportunista at kamtin ang mga bagay na hindi nila makuha sa mundo, habang iniisip pa rin na napakamautak nila. Hindi ba’t nakakatawa ito? Nililinlang nila ang sarili nila at lubha silang hangal.

Kanina lang ay hinimay natin ang buktot na disposisyon ng mga anticristo gamit ang tatlong pagpapamalas, at nagtapos tayo sa isa pa: Napakahangal ng mga anticristo, hindi mo alam kung matatawa ka ba o maiiyak. Ano ang tatlong pagpapamalas? (Una, itinuturing ng mga anticristo na isang transaksiyon ang paggawa ng kanilang tungkulin; ikalawa, hindi kinikilala ng mga anticristo ang salita ng Diyos, hindi sila naniniwala na positibong bagay ang salita ng Diyos, at hindi nila kinikilala na ang salita ng Diyos ay makapagliligtas sa mga tao, sa halip, itinuturing nila ang salita ng Diyos bilang mga teorya at islogan; ikatlo, itinuturing ng mga anticristo ang gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan bilang isang hayagang transaksiyon at isang laro.) At ano ang isa pang pagpapamalas? (Ang pagiging katawa-tawa at matinding kahangalan ng mga anticristo.) Hindi ba’t masyadong partikular ang mga ito? (Oo.) Masasabi ba ninyo na ang uri ng taong nagtataglay ng ganitong disposisyon ay may medyo di-normal na mentalidad at katwiran? (Oo.) Sa anong paraan sila di-normal? (Gusto ng mga anticristo na makipagtransaksiyon sa Diyos at makatanggap ng kinabukasan at hantungan mula sa Diyos, pero hindi pa rin sila naniniwala sa plano ng pamamahala ng Diyos o na kayang iligtas ng Diyos ang sangkatauhan. Ang pag-iisip nila ay magkasalungat, ang mga bagay na gusto nila ay ang mga bagay na itinatatwa nila. Likas itong walang katuturan, kaya di-normal ang kanilang katwiran at may problema sa kanilang mentalidad.) Ipinapakita nito na wala silang normal na pagkatao. Hindi nila alam na kinokontra nila ang kanilang sarili sa mga ganitong paraan ng pag-iisip at kalkulasyon. Paano ito nangyayari? (Palagi nilang sinusunod ang maling landas dahil hindi nila kailanman tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan.) At alam ba nila na mali ang landas na tinatahak nila? Tiyak na hindi nila alam. Kung alam nila na hahantong ito sa pagdurusa ng mga kawalan, tiyak na hindi nila ito gagawin. Iniisip nila na kung gagawin nila ito, magkakaroon sila ng kalamangan: “Tingnan ninyo kung gaano ako katalino. Wala sa inyo ang nakakikilatis sa mga bagay-bagay; mga hangal kayong lahat. Bakit masyado kayong taos-puso? Nasaan ang diyos? Hindi ko siya makita o mahawakan, at walang garantiya na maisasakatuparan ang mga pangako ng diyos! Tingnan ninyo kung gaano ako katalas—kapag humahakbang ako pasulong, sampung naunang hakbang na ang iniisip ko, pero hindi man lang kayo nagkakalkula para sa isang hakbang.” Iniisip nila na napakamautak nila. Kaya, pagkatapos ng dalawa o tatlong taon ng paggawa ng kanilang tungkulin, iniisip ng ilang tao, “Ilang taon ko nang ginagawa ang tungkulin ko pero wala pa rin akong nakamit na kahit ano, wala akong nasaksihang anumang milagro o nakitang kakaibang penomena. Kumakain ako nang tatlong beses sa isang araw noon, at ganoon pa rin ngayon. Kung hindi ako kakain sa oras ng kainan, magugutom ako. Kung mababawasan ng isa o dalawang oras ang tulog ko sa gabi, aantukin pa rin ako sa umaga. Hindi naman ako nagkaroon ng anumang espesyal na kapangyarihan! Sinasabi ng lahat na makapangyarihan ang diyos at makakatanggap ka ng mga dakilang pagpapala kung gagawin mo ang iyong tungkulin. Ilang taon ko nang nagawa ang tungkulin ko, pero wala namang nag-iba. Hindi ba’t ganito pa rin ito? Madalas akong may kahinaan, pagkanegatibo, at mga reklamo. Sinasabi ng lahat na kayang baguhin ng katotohanan ang mga tao at kayang baguhin ng salita ng diyos ang mga tao, pero hindi pa rin ako nagbago kahit kaunti. Sa puso ko, madalas pa rin akong nangungulila sa mga magulang ko, sa mga anak ko, at ginugunita ko pa nga ang dati kong buhay sa mundo. Kung gayon, ano ba talaga ang ginagawa ng diyos sa mga tao? Ano ba ang nakamit ko? Sinasabi ng lahat na kapag ang mga tao ay nananampalataya sa diyos at natatamo ang katotohanan, mayroon silang nakakamit, pero kung mayroon nga, hindi ba’t magiging iba na sila sa karamihan? Ngayon, tumatanda na ako, at hindi na kagaya ng dati ang kalusugan ko. Dumami na rin ang mga kulubot sa mukha ko. Hindi ba’t sinasabi nila na mas bumabata ang mga taong nananampalataya sa diyos habang mas tumatagal? Bakit tumatanda ako sa halip na bumabata? Sabagay, hindi naman tumpak ang mga salita ng diyos; kailangan kong magplano para sa sarili ko. Nakikita ko na ito na lang ang lahat ng napapala sa pananampalataya sa diyos, araw-araw na abala sa pagbabasa ng salita ng diyos, pagdalo sa mga pagtitipon, pagkanta ng mga himno, at paggawa ng aking tungkulin. Mukhang nakababagot ito at wala akong nararamdamang pagkakaiba sa dati.” Kapag ganito na ang iniisip nila, magkakaproblema sila, hindi ba? Patuloy nilang iniisip, “Nagdurusa na talaga ako ngayon sa paggawa ng aking tungkulin, tila napakalayo ng mga pangako at pagpapala ng diyos. Bukod pa rito, namamatay sa mga sakuna ang ilang taong nananampalataya sa diyos, kaya pinoprotektahan nga ba ng diyos ang tao? Sabihin nating hindi, kung gayon, ang mga artikulo ng patotoo na isinulat ng ilang tao na nagsasabing gumawa ng mga milagro ang diyos para iligtas ang buhay nila sa mga pinakamapanganib na sandali, totoo ba ang mga ito o hindi?” Pinag-iisipan nila ito nang mabuti, at sa puso nila, hindi sila nakatitiyak, at kapag ipinagpapatuloy nila ang paggawa ng kanilang tungkulin, wala na silang sigla at gana, at hindi na sila aktibo. Palagi silang umaatras at nagsisimula silang mawalan ng gana at maging pabaya sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ano ang mga kinakalkula nila sa isipan nila? “Kung hindi ako makatatanggap ng mga pagpapala, kung palagi na lang ganito, kailangan ko nang gumawa ng ibang mga plano. Kailangan kong planuhin ulit kung ipagpapatuloy ko pa ba ang tungkulin ko o hindi, at kung paano ko ito gagawin sa hinaharap. Hindi na ako dapat maging ganito kahangal. Kung hindi, hindi ko makukuha ang aking kinabukasan at tadhana sa hinaharap, o ang aking korona, at hindi ko rin matatamasa ang makamundong kaligayahan. Kapag nagkagayon, hindi ba’t magiging walang saysay at sayang lang ang lahat ng pagsisikap ko? Kung patuloy akong walang matatanggap gaya ngayon, mas mabuti pa pala ang lagay ko noon, nagtatrabaho at naghahangad sa mundo habang paimbabaw na nananampalataya sa diyos. Kung hindi kailanman sasabihin ng diyos kung kailan matatapos ang gawain, kung kailan niya gagantimpalaan ang mga tao, kung kailan matatapos ang tungkulin, at kung kailan hayagang magpapakita ang diyos sa sangkatauhan, kung hindi kailanman bibigyan ng diyos ng mga tumpak na paliwanag ang mga tao, ano pa ang silbi ng pag-aaksaya ko ng oras dito? Mas mabuti pang bumalik na lang ako sa paghahanapbuhay sa mundo at pagtatamasa ng makamundong kaligayahan. Kahit papaano, hindi masasayang ang buhay ko. Tungkol naman sa darating na mundo, sino ba ang nakakaalam? Lahat ng ito ay lingid sa kaalaman, kaya sa ngayon, mabuti pang sulitin ko na lang ang buhay na ito.” Hindi ba’t may naging pagbabago sa isipan nila? Kapag nagkakalkula sila sa ganitong paraan at tinatahak nila ang maling landas, magagawa pa ba nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin? (Hindi.) May ilan na nagsasabi: “Mahilig ang mga anticristo sa katayuan, hindi ba? Kung bibigyan mo sila ng posisyon, hindi ba’t mananatili sila sa sambahayan ng Diyos?” Kailangan ba ng mga anticristo ng katayuan sa panahong ito? Marahil, hindi ang katayuan ang pinakamahalaga para sa kanila sa oras na ito. Ano ang kailangan nila? Ang kailangan nila ay bigyan sila ng Diyos ng tumpak na paliwanag. Kung hindi sila makapagkakamit ng mga pagpapala, aalis sila. Sa isang banda, kung hindi sila mailalagay sa isang mahalagang posisyon habang ginagawa ang kanilang tungkulin, pakiramdam nila ay walang kasiguruhan, malabo at walang pag-asa ang kanilang hinaharap. Sa kabilang banda, kung habang ginagawa ang kanilang tungkulin, hindi nangyayari ang mga inaasahan nila—kung hindi nila personal na nasasaksihan ang pagbaba ng Diyos nang may kaluwalhatian sa araw na matapos ang Kanyang dakilang gawain, o kung hindi sasabihin sa kanila ng Diyos sa malinaw na wika kung anong taon, buwan, araw, oras, at minuto Siya hayagang magpapakita sa sangkatauhan, kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos, at kung kailan darating ang malalaking sakuna, kung hindi Niya sasabihin ang mga bagay na ito sa kanila sa malinaw na wika, mababalisa ang kanilang puso. Hindi nila nagagawa ang kanilang mga tungkulin habang nananatili sa kanilang tamang puwesto, at hindi nila kayang makontento sa sitwasyong ito. Ang gusto nila ay resulta, gusto nila na bigyan sila ng Diyos ng pahayag sa malinaw na wika at ipaalam sa kanila nang tiyak kung maaari ba nilang matanggap ang lahat ng bagay na inaasam nila. Kung naghihintay sila nang napakatagal para sa pahayag na ito at wala pa rin, iba na naman ang kakalkulahin nila sa kanilang isipan. Ano iyon? Kakalkulahin nila kung sino ang makapagbibigay sa kanila ng kaligayahan, sino ang makapagbibigay ng mga bagay na gusto nila, at kung hindi nila makukuha ang mga bagay na iyon sa darating na mundo, kailangan nilang makuha ang lahat ng inaasam nila ngayon sa buhay na ito. Kung makapagbibigay sa kanila ang mundong ito at ang sangkatauhan ng mga pagpapala, kaginhawahan at mga kasiyahan ng laman, at ng isang reputasyon at katayuan sa buhay na ito, tatalikuran nila ang Diyos anumang oras, sa anumang sitwasyon, at mamumuhay sila nang komportable. Ito ang mga kinakalkula ng mga anticristo. Sa sambahayan ng Diyos, kaya nilang bitiwan ang kanilang tungkulin at ihinto ang gawaing hawak nila anumang oras at sa anumang sitwasyon, para hangarin ang mga makamundong kaligayahan at kinabukasan. Nagagawa pa ngang ipagkanulo ng ilan ang mga kapatid, ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ipagkanulo ang Diyos para makakuha ng mga makamundong pakinabang at kinabukasan. Kaya, gaano man kahusay tingnan ang mga anticristo sa paggampan nila sa kanilang mga tungkulin, gaano man sila kagaling, lahat sila ay kayang bitiwan ang kanilang mga tungkulin, ipagkanulo ang Diyos, at iwan ang sambahayan ng Diyos sa anumang oras, sa anumang sitwasyon. Kaya nilang ipagkanulo ang sambahayan ng Diyos sa anumang oras, sa anumang sitwasyon, nagiging isang Hudas. Kung ginagawa ng mga anticristo ang kanilang mga tungkulin, di-maiiwasang gagamitin nila ito bilang isang bentaha. Tiyak na susubukan nilang tugunan ang kanilang sariling pagnanais na magkamit ng mga pagpapala sa loob ng maikling panahon—sa pinakamababa ay susubukan muna nilang tugunan ang kanilang pagnanais para sa mga pakinabang ng katayuan at kamtin ang paghanga ng iba, at pagkatapos ay susubukang pumasok sa kaharian ng langit at tanggapin ang kanilang gantimpala. Ang oras na inilaan nila sa paggawa ng tungkulin nila ay maaaring tatlong taon, o lima, o kahit sampu o dalawampung taon pa nga. Ito ang nakalaang oras na ibinibigay nila sa Diyos, at ito rin ang pinakamahabang oras na ibinibigay nila sa kanilang sarili sa paggawa ng kanilang tungkulin. Kapag naubos na ang nakalaang oras na ito, umabot na rin sa hangganan nito ang kanilang pagtitiis. Habang kaya nilang makipagkompromiso para sa kanilang sariling pagnanais para sa mga pagpapala, sa isang magandang hantungan, sa isang korona at mga gantimpala, at kaya nilang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga sa sambahayan ng Diyos, kahit sa paglipas ng panahon, hindi nila kailanman makakalimutan o mabibitiwan ang kanilang kinabukasan at tadhana, o ang kanilang mga pansariling ambisyon at pagnanais, at lalong hindi magbabago o manghihina ang mga bagay na ito sa paglipas ng panahon. Kaya, batay sa diwang ito ng mga anticristo, sila ay lubusang mga hindi mananampalataya at mga oportunista na ayaw sa mga positibong bagay at nagmamahal lang sa mga negatibong bagay, isang grupo ng mga taong mababang-uri na nagpapanggap lamang sa loob ng sambahayan ng Diyos, kahiya-hiya ang mga taong ito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.