Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Unang Bahagi) Ikalawang Seksiyon
Susunod, magbabahaginan tayo sa isang medyo mas madaling paksa. Gusto ba ninyong makinig ng mga kuwento? (Oo.) Kung gayon magkukuwento Ako sa inyo. Anong kuwento ang dapat Kong sabihin sa inyo? Anong uri ng paksa ang gusto ninyong marinig? Mas gusto ninyo bang makinig ng kuwento, o pag-usapan ang mga kasalukuyang pangyayari, politika, o marinig ang tungkol sa kasaysayan? Hindi natin pag-uusapan ang mga bagay na iyon dahil wala namang saysay na pag-usapan ang mga iyon. Magkukuwento Ako sa inyo tungkol sa pag-uugali ng mga taong nananampalataya sa Diyos, mga disposisyon ng mga tao, at ang iba’t ibang kalagayang nararanasan ng mga tao sa pang-araw-araw na buhay.
Karagdagang Babasahin:
Isang Talakayan Tungkol sa Kapital:
“Hayaan na Ito!”
May limang taong nag-uusap-usap at ang isa sa kanila na nagngangalang Mr. Uni ay nagsabi, “Sa aking panahon sa unibersidad, ang buhay sa kampus ang pinakanami-miss ko. Ang kampus ay puno ng lahat ng klase ng halaman, at tuwing tagsibol at taglagas, napakaganda ng tanawin, napakakalma at napasasaya ako nito. Noong panahon ding iyon, bata pa ako at puno ng mga mithiin at inosente, na walang masyadong presyur. Napakagaan ng buhay sa tatlong taon ko sa unibersidad. Kung maibabalik ko ang sampu o dalawampung taon at babalik sa buhay sa kampus, sa tingin ko iyon ang pinakamasayang bagay sa buhay na ito….” Ito ang unang tao, na ang pangalan ay Mr. Uni. Anong ibig sabihin ng Uni? Ibig sabihin nito ay isang estudyante sa unibersidad; dito galing ang pangalang Mr. Uni. Ang kahanga-hangang buhay ni Mr. Uni ay hindi pa buong naaalala at nakapagpapasaya bago nagsalita si Mr. Graduate, na nagsasabi, “Maituturing bang isang kurso sa unibersidad ang tatlong-taong kurso? Isang bokasyonal na kurso iyon. Karaniwang tumatagal ng apat na taon ng bachelor’s degree sa unibersidad; iyon lamang ang maituturing na kurso sa unibersidad. Nasa unibersidad ako nang apat na taon. Sa mga taon ko sa unibersidad, nalaman kong maraming estudyante sa unibersidad na nasa talent market, at mahirap makahanap ng trabaho. Kaya, bago ako grumadweyt, pinag-isipan ko ito at nagpasya akong ipagpatuloy ang pagkuha ng graduate degree. Kakaunti lamang ang mga graduate student ng mga panahong iyon, at madaling makahahanap ng trabaho. Gaya ng inasahan, pagkagradweyt ko sa aking graduate degree, nakahanap ako ng magandang trabahong may malaking sahod, at namuhay ako nang maayos. Ito ang kinalabasan ng pagiging isang graduate student.” Anong mensahe ang makukuha ninyo sa pakikinig dito? Grumadweyt si Mr. Uni sa isang bokasyonal na kurso samantalang si Mr. Graduate ay grumadweyt sa isang graduate course at kumita nang malaki, at nagkaroon ng katayuan at respeto sa lipunan. Masayang nagkukuwento si Mr. Graduate, at pagkatapos ay sinabi ni Mr. Manager na, “Bata ka pa, iho! Wala ka pang anumang karanasan sa lipunan. Hindi mahalaga kung nag-aral ka para sa isang graduate degree o isang doctorate, walang makatatalo sa pagpili ng isang magandang major sa unibersidad. Bago ako nagsimula sa unibersidad, nagsaliksik ako sa merkado at nakita ko ang mga negosyo anuman ang laki nito ay nangangailangan ng mga taong may mga kasanayan sa pamamahala, kaya noong makapasok ako sa unibersidad pinili kong pag-aralan ang market management, at kapag nakagradweyt ako magiging isa ako sa mga top manager ng isang kompanya, na kilala rin bilang CEO. Nang grumadweyt ako, panahon ito kung kailan ang iba’t ibang negosyo, malalaki man o maliliit, ay nangangailangan ng mga taong may talento gaya ko. Malaki ang merkado, at nang nagsimula akong mag-aplay sa mga trabaho, ilang kompanya ang nagkumahog na kunin ako. Sa huli, namili ako sa kanila. Pinili ko ang pinakamagandang banyagang kompanya at naging manager agad ako na may mataas na sahod. Sa loob ng limang taon nakabili ako ng sarili kong sasakyan. Magaling, hindi ba? Nakagagawa ba ako ng magagandang desisyon o ano?” Habang nagsasalita si Mr. Manager, nakaramdam ng bahagyang pagkontra ang dalawa sa harap niya pero wala silang sinabing anuman. Inisip nila sa kanilang puso, “Isa siyang top manager at malawak ang kanyang pananaw. Mas malaki ang kapital niya kaysa sa amin. Kahit na nakararamdam kami ng bahagyang pagkontra, wala kaming sasabihing anuman. Tatanggapin na lang namin ang pagkatalo.” Nang natapos nang magsalita si Mr. Manager tuwang-tuwa siya sa sarili niya, iniisip na ang kabataang ito ay hindi kasingkaranasan niya. Habang tuwang-tuwa siya, may isang taong nagngangalang Mr. Official ang nagsimulang magsalita. Hindi masyadong pinansin ni Mr. Official ang sinabi ng tatlo. Banayad niyang hawak ang kanyang tsaa, uminom nang kaunti, tumingin sa paligid niya, at nagsabi, “Sa mga panahong ito ang lahat ay estudyante sa unibersidad. Sino bang hindi makapapasok sa unibersidad? Hindi sapat na pumasok lang sa unibersidad, at hindi rin sapat na pumasok sa negosyo. Kahit na isa kang top manager, hindi iyon panghabambuhay na trabaho, hindi ito matatag. Ang susi ay makahanap ng isang matatag na trabaho at pagkatapos ay maayos na ang buhay mo!” Nang marinig ito ng iba, sinabi nila, “Panghabambuhay na trabaho? Sino bang nagsasalita tungkol sa ganyang mga bagay sa mga panahon ngayon? Mga bagay na ng nakaraan iyan!” Sinabi ni Mr. Official, “Bagay ng nakaraan? Hmph, sinasabi ninyo lang iyan dahil lahat kayo ay makikitid ang pananaw at kulang sa pang-unawa! Kapag nakahanap kayo ng panghabambuhay na trabaho, kahit na mas maliit ang kita ninyo, tinitiyak naman nito ang matatag na buhay, at mayroon kayong awtoridad at puwede kang makialam sa iba’t ibang bagay! Hindi naunawaan ng karamihan ng tao noong kumuha ako ng pagsusulit para maging lingkod publiko at tinanong kung bakit ang isang napakabatang gaya ko ay gustong magtrabaho sa mga ahensiya ng gobyerno. Pagkapasa ko sa pagsusulit para maging isang lingkod publiko, hinanap ako ng mga kaibigan at mga kamag-anak na gusto ng trabaho o iyong mga may kinasangkutang kaso. Ngayon iyon ang may maraming awtoridad, tama? Kahit na hindi kalakihan ang kita, binigyan naman ako ng pabahay at sasakyan. Mas maganda ang mga benepisyo ko kaysa sa inyo. Bukod pa rito, maaari ko ring ipabalik ang aking mga gastusin kapag kumakain ako sa labas at namimili, at maaari din akong magbiyahe nang libre sa taxi o sa eroplano. Hindi sapat ang mga trabaho ninyo; lahat kayo ay may mga trabahong hindi matatag. Mas mahusay ang nagawa ko kaysa sa inyo!” Naasiwa ang iba pagkatapos marinig ang sinabi niyang ito, at sinabi nila, “Kahit na maganda ang mga benepisyo mo, may masama kang reputasyon. Nandadaya ka at kumikilos gaya ng isang punong malupit saanman, at hindi mo pinaglilingkuran ang mga tao. Sinasaktan mo lang ang mga tao at gumagawa ng lahat ng masamang bagay.” Sumagot si Mr. Official, “Ano naman kung masama ang reputasyon ko? Malaki naman ang kinikita ko rito!” Pinag-usapan ng lahat ang bagay na ito, hanggang sa wakas hindi na napigilan ng huling tao ang sarili, tumayo at nagsabi, “Tingnan ninyo, galing kayo sa unibersidad, nakapag-aral ka ng isang graduate degree, isa kang top business manager, isa kang opisyal, at hindi ko pa nararanasan ang mga karanasan ninyo. Kahit na isa lamang akong hamak na tao, kailangan kong ibahagi sa inyo ang aking mga karanasan. Noong bumalik ako sa ‘mater’….” Nagulat ang iba at nagtanong, “Ano itong ‘mater’? Sa pagpasa sa pagsusulit sa pampublikong paglilingkod ay ginagawang lingkod publiko ang isang tao, sa pag-aaral para sa isang graduate degree ay ginagawang gradweyt ang isang tao, sa pagiging isang top manager ng isang kompanya ay ginagawang CEO ang isang tao, kaya ano ang ibig sabihin ng ‘mater’ na ito? Maaari mo ba itong ipaliwanag?” Sinabi ng taong ito, “Kung gayon puwede kayong pumasok sa unibersidad, mag-aral para sa graduate degree, maging isang top business manager at maging isang lingkod publiko, pero hindi ako puwedeng bumalik sa aking alma mater para tumingin-tingin?” Kita mo? Nagalit siya. Ang walang halagang taong ito ay kulang sa pinag-aralan pero wala pa ring saysay. Sinabi ng iba, “Alam naming lahat kung ano ang pakiramdam ng bumalik sa sariling alma mater. Hindi mo kailangang sabihin na bumalik ka sa ‘mater.’ Sabihin mo na lang na bumalik ka sa alma mater mo.” Pagkatapos ay itinanong ng iba sa kanya kung ano bang antas ng edukasyon ang alma mater niya, ito ba ay isang senior high school, isang technical college, isang unibersidad, o isang graduate school. Sumagot siya na nagsasabi, “Hindi ako pumasok sa unibersidad, hindi ako nag-aral ng isang graduate degree, at hindi ako kumuha ng pagsusulit para maging isang lingkod publiko. Hindi ba okay na nagtapos lang sa elementarya? Hayaan na ito!” Nakaramdam siya ng kahihiyan; ibinunyag niya ang pinanggalingan niya, at hindi na ito matatakpan pa. Matagal na siyang nagkukunwari. Sa pakikisalamuha sa iba, hindi niya kailanman ibinunyag sa kanila ang antas ng edukasyon niya. Ngayon ay nalantad na ang lahat, napahiya na siya, at sinunggaban niya ang pinto at lumayo. Hindi naunawaan ng iba kung bakit siya tumakbo palayo at sabay-sabay nilang sinabi, “Hindi ba grumadweyt ka lang ng elementarya? Para saan ka tumatakbo? At ipinagmamalaki mo pa ito!” Tatapusin Ko na ang kuwento rito; halos nasabi na lahat.
May limang tao sa kuwentong ito. Anong paksa ang pinag-uusapan nila? (Ang mga pinag-aralan nila.) At ano ba talaga ang kahulugan ng pinag-aralan sa mga tao? (Katayuang panlipunan nila ito.) May kinalaman ang pinag-aralan ng isang tao sa katayuang panlipunan niya—ito ay isang obhetibong katunayan. Kung gayon, bakit gustong pag-usapan ng mga tao ang katayuang panlipunan nila? Bakit gusto nilang ipakita ang katayuang panlipunan at pagkakakilanlan nila bilang paksa ng usapan? Ano ang ginagawa nila? (Nagyayabang sila.) Kung gayon, ano dapat ang pamagat ng kuwentong ito? (Paghahambing ng Mga Pinag-aralan.) Kung ang kuwento ay pinamagatang “Paghahambing ng Mga Pinag-aralan,” hindi ba masyado itong deretsahan? (Oo, deretsahan iyon. Paano kung, “Pagyayabang ng Katayuan”?) Medyo masyadong prangka iyon, hindi ito maligoy, at hindi ito sapat na malalim. Paano kung sabihin nating ang pangunahing pamagat ay “Isang Talakayan Tungkol sa Kapital,” at ang dagdag na pamagat ay, “Hayaan na Ito”? Medyo mapang-uyam ito, hindi ba? Ang “Isang Talakayan Tungkol sa Kapital” ay nangangahulugang tinatalakay ng lahat ang sarili nilang kapital, kasama na ang mga pinag-aralan nila at ang katayuang panlipunan. At ano naman ang ibig sabihin ng “Hayaan na ito”? (Hindi inaamin na mas magaling pa ang iba.) Tama iyon, may isang uri ng disposisyon dito. “Ano naman kung isa kang graduate student? Ano naman kung nakapag-aral ka sa isang mas mataas na antas kaysa sa akin?” Walang umaamin na may mas magaling pa kaysa sa kanila. Ganito ang ibig sabihin ng pagtalakay ng kapital. Hindi ba madalas marinig ang ganitong klase ng usapan kapag kasama ng ibang tao? May mga taong ipinagyayabang ang yaman ng kanilang pamilya, mga taong ipinagyayabang ang prestihiyosong pinagmulan ng kanilang pamilya, mga taong ipinagmamalaki ang katunayan na may ilang emperador at sikat na tao na kaapelyido nila, at may ilang tao na pinag-uusapan ang unibersidad na pinagtapusan nila, kung gaano sila kaluwalhati, at may isa pa ngang masahistang babae sa beauty salon na nagsasabi, “Natutuhan ko ang pagmamasahe mula sa isang kilalang guro na may ekspertong pagwawasto at personal na inspeksiyon. Sa huli, naging isang primera klaseng propesyonal na masahista ako, at ang mga taon noong 2000 ang pinakamaluwalhati kong panahon….” Wala sa lugar ang “luwalhati” na ito. Kahit ang isang masahistang babae sa industriya ng serbisyo ay nagsasabi ng tungkol sa “pinakamaluwalhating taon”—ito talaga ang kanyang paghahambog at pagyayabang. Ang pangunahing tinatalakay natin sa paksang ito ay ang ilang usapang madalas na marinig, ang mga pag-uugaling madalas makita, at ang mga disposisyong madalas mabunyag sa tunay na buhay kapag kasama ng mga tao. Bakit pinag-uusapan ng mga tao ang gayong kapital? Anong disposisyon at motibasyon ang gumagawa rito? Puwede bang maituring na maluwalhati ang mga tinatalakay na ito? Walang kinalaman ang kaluwalhatian dito. Kung gayon, nakikinabang ba ang mga tao sa pag-uusap tungkol sa mga gayong bagay? (Hindi.) At pinag-uusapan ninyo rin ba ang tungkol sa mga ito? (Oo.) Alam ninyong walang pakinabang ang mga ito, kaya bakit ninyo pinag-uusapan ang mga ito? Bakit nasisiyahan ang mga tao na pag-usapan ang ganitong mga bagay? (Ang mga bagay na ito ay ang kapital na ipinagyayabang ng mga tao.) Ano ang layon ng pagyayabang sa mga ito? (Para tingalain ng iba.) Dahil walang sinuman ang gustong maging ordinaryo, na maging pangkaraniwang tao. Kahit ang isang grumadweyt lamang mula sa paaralang elementarya ay nagsalita ng tungkol sa pagbabalik sa kanyang “mater” para tumingin-tingin, na nais gamitin ang ganitong uri ng pang-akademikong wika para lokohin at lituhin ang iba nang sa gayon ay tingalain siya ng iba. Anong layon para tingalain siya ng iba? Iyon ay para maging mataas siya sa ibang tao, para kilalanin at respetuhin ng mga tao, para labis na hangaan, para magkaroon ng awtoridad ang mga sinasabi niya, para makuha ang suporta ng iba, at magkaroon ng karangalan at impluwensiya. Kung aalisin mo ang mga bagay na ito at maging isang ordinaryong tao, isang tipikal at pangkaraniwang tao, ano ang dapat mong taglayin? Una, dapat magkaroon ka ng tamang perspektiba. Paano nagkakaroon ng ganitong tamang perspektiba? Nagmumula ito sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pang-unawa sa kung anong saloobin na dapat mayroon ka patungkol sa ilang mga bagay na naaayon sa mga layunin ng Diyos at na dapat magtaglay ang mga tao ng kanilang normal na pagkatao—ito ang tamang perspektiba. Kaya, bilang isang ordinaryo, pangkaraniwan at normal na tao, ano ang pinakaangkop at tamang perspektibang dapat mayroon hinggil sa lahat ng bagay na ito, hinggil sa katayuang panlipunan, sa panlipunang kapital, o sa pinanggalingan ng pamilya at iba pa? Alam ba ninyo? Sabihin nating may isang taong maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, na naniniwalang naunawaan na niya ang maraming katotohanan, na naniniwalang sumusunod siya sa daan ng Diyos, at na tapat sa Diyos at sa kanyang tungkulin, pero itinuturing niya ang katayuan niya sa lipunan at sa mga tao at ang kanyang halaga bilang napakahalagang bagay at labis niyang pinahahalagahan ang mga ito, at madalas pa nga niyang ipinagyayabang ang kanyang kapital, bilang kanyang maluwalhating pinanggalingan, at ang halaga niya—ang gayong tao ba ay talagang nauunawaan ang katotohanan? Maliwanag na hindi. Kung gayon, ang isang tao bang hindi nauunawaan ang katotohanan ay isang taong minamahal ang katotohanan? (Hindi.) Hindi. Ano ang kaugnayan sa pagitan ng pagtatalakay sa kapital at kung nauunawaan at minamahal ba ng isang tao ang katotohanan? Bakit Ko sinasabi na ang isang taong nagpapahalaga sa kanyang halaga at ipinagyayabang ang kapital niya ay isang taong hindi nagmamahal at hindi nakauunawa ng katotohanan? Paano dapat harapin ng isang taong tunay na nagmamahal at nakauunawa ng katotohanan ang mga bagay na ito ng katayuang panlipunan at ng personal na kapital at halaga? Anong mga bagay ang kasama sa katayuang panlipunan? Ang pinanggalingan ng pamilya, edukasyon, reputasyon, mga nakamit sa lipunan, mga personal na talento, at ang etnisidad mo. Kung gayon paano mo hinaharap ang mga bagay na ito para mapatunayan na isa kang taong nakauunawa ng katotohanan? Dapat madaling sagutin ang tanong na ito, tama ba? Dapat ay marami kayong nauunawaan sa teorya sa aspektong ito. Sabihin ang anumang naiisip ninyo. Huwag isipin, “Ah, hindi ko pa ito napag-iisipan nang mabuti kaya wala akong masasabi.” Kung hindi mo pa ito napag-iisipang mabuti, sabihin mo lang ang naiisip mo ngayon. Kung kaya mo lang magsalita kapag napag-isipan mo na ang isang bagay nang mabuti, ang tawag doon ay pagsusulat ng mga artikulo. Nag-uusap lang tayo ngayon; hindi ko hinihingi sa iyo na sumulat ng isang artikulo. Magsalita mula sa teoretikal na perspektiba. (Nauunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na hindi tinitingnan ng Diyos kung gaano kataas ang pinag-aralan ng isang tao o kung ano ang katayuang panlipunan niya, kundi ang pangunahing tinitingnan ng Diyos ay kung hinahangad ba niya ang katotohanan, kung isinasagawa ba niya ang katotohanan, at kung tunay ba siyang nagpapasakop sa Diyos at ginagampanan nang nasa pamantayan ang kanyang tungkulin. Kung may mataas na katayuang panlipunan ang isang tao at mataas ang pinag-aralan pero wala naman siyang espirituwal na pagkaunawa, hindi niya tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at wala siyang takot sa Diyos o hindi umiiwas sa kasamaan, sa huli ay ititiwalag pa rin siya at hindi makakapanindigan sa sambahayan ng Diyos. Samakatwid, hindi mahalaga ang pinag-aralan at katayuan ng isang tao. Ang mahalaga ay kung hinahangad ba ng isang tao ang katotohanan.) Mahusay, ito ang pinakapangunahing konsepto. Bakit Ko sinasabi na pinakapangunahin ito? Dahil ang mga paksang ito at ang nilalamang ito ay ang talagang karaniwang pinag-uusapan ng mga tao. Mayroon pa bang iba na may ibang pagkaunawa? May magdagdag pa sa nasabi na. (Kung ang isang tao ay naghahangad ng katotohanan, makikita niya na ang paghahangad sa katanyagan, pakinabang, at katayuan ay talagang isang uri ng pagkaalipin, isang posas na isinusuot niya, at habang mas lalo niyang hinahangad ang mga bagay na ito, lalo niyang madarama ang pagiging walang kabuluhan, at mas lalo niyang pahahalagahan ang pinsala at pasakit na dulot sa mga tao ng katanyagan, pakinabang at katayuan. Kapag naunawaan niya ito at nakita niya ang isang tao na itinuturing ang mga bagay na ito bilang kapital, iisipin niyang ang gayong tao ay talagang kaawa-awa.) (Susukatin ng isang taong totoong nagmamahal at nakauunawa ng katotohanan ang katayuang panlipunan at reputasyon gamit ang mga salita ng Diyos, titingnan niya ang sinasabi at hinihingi ng Diyos, kung ano ang gusto ng Diyos na hangarin ng mga tao, kung ano ang makukuha ng mga tao sa huli sa paghahangad ng mga bagay na ito, at kung ang nakukuha ba niya ay ayon sa mga resultang inaasam na makita ng Diyos sa mga tao.) Nasabi na ninyo ang mga ito rito, pero may kinalaman ba sa katotohanan ang sinasabi ninyo? Kaya ba ninyong magsagawa ng pagtatasa nito? Karamihan sa tao ay may ilang pansariling pag-unawang kaalaman, at kung hihilingan Ko kayong magbigay ng sermon, ito ay magiging isang sermon ng panghihikayat. Bakit Ko sinasabing magiging isang sermon ito ng panghihikayat? Ang sermon ng panghihikayat ay isang sermon kung saan sinasabi ninyo ang mga bagay na nagbibigay ng payo at panghihikayat sa mga tao—hindi ito nakalulutas ng tunay na mga problema. Bagaman ang bawat pangungusap ay maaaring mukhang tama at makatwiran, naaayon sa katwiran at sa mga makatwirang hinihingi ng tao, may kaunti lamang itong kinalaman sa katotohanan, kundi isa lamang katiting na mababaw at pansariling pag-unawang kaalaman ng mga tao. Kung ibabahagi mo ang mga salitang ito sa iba, kaya mo bang lutasin ang mga problema at kahirapan ng mga tao sa mismong ugat nito? Hindi, hindi mo malulutas, at kaya Ko sinasabing magiging sermon ito ng panghihikayat. Kung hindi mo malulutas ang kahirapan at mga problema ng mga tao sa mismong ugat nito, kung gayon ay hindi mo nilulutas ang mga problema ng mga tao gamit ang katotohanan. Ang mga hindi nakauunawa ng katotohanan ay palaging itataguyod ang kaalaman, reputasyon, at katayuan, at hindi kayang takasan ang mga limitasyon at pagkaalipin ng mga bagay na ito.
Pag-isipan ninyo ito—paano ninyo dapat tingnan ang halaga, katayuang panlipunan, at pinanggalingang pamilya ng tao? Anong tamang saloobin ang dapat ninyong taglayin? Una sa lahat, dapat ninyong makita mula sa mga salita ng Diyos kung paano Niya tinitingnan ang usaping ito; sa paraang ito lamang ninyo mauunawaan ang katotohanan at na hindi kayo gagawa ng anumang sumasalungat sa katotohanan. Kaya, paano tinitingnan ng Diyos ang pinanggalingang pamilya ng isang tao, katayuang panlipunan, ang edukasyong natanggap niya, at ang yamang taglay niya sa lipunan? Kung hindi mo nakikita ang mga bagay-bagay batay sa mga salita ng Diyos at hindi mo kayang pumanig sa Diyos at tanggapin ang mga bagay-bagay mula sa Diyos, kung gayon ang paraan ng pagtingin mo sa mga bagay-bagay ay siguradong malayo sa nilalayon ng Diyos. Kung walang masyadong pagkakaiba, na may kaunting hindi pagkakaayon lang, kung gayon ay hindi iyon problema; kung ang paraan ng pagtingin mo sa mga bagay-bagay ay ganap na salungat sa nilalayon ng Diyos, kung gayon ito ay taliwas sa katotohanan. Para sa Diyos, kung ano ang ibinibigay Niya sa mga tao at kung gaano karami ang ibinibigay Niya ay nakadepende sa Kanya, at ang katayuang mayroon ang mga tao sa lipunan ay itinalaga rin ng Diyos at ganap na hindi lamang gawa-gawa ng sinumang tao. Kung idinudulot ng Diyos na magdusa ng sakit at kahirapan ang isang tao, ibig sabihin ba niyon ay wala siyang pag-asang maligtas? Kung mababa ang halaga niya at mababa ang katayuan sa lipunan, hindi ba siya ililigtas ng Diyos? Kung mababa ang katayuan niya sa lipunan, mababa rin ba ang katayuan niya sa paningin ng Diyos? Hindi ganoon. Saan ito nakadepende? Nakadepende ito sa landas na tinatahak ng taong ito, sa paghahangad niya, at sa saloobin niya sa katotohanan at sa Diyos. Kung napakababa ng katayuang panlipunan ng isang tao, napakahirap ng kanyang pamilya, at mababa ang antas ng edukasyon niya, pero nananampalataya siya sa Diyos sa isang praktikal na paraan, at minamahal niya ang katotohanan at mga positibong bagay, kung gayon sa mata ng Diyos, mataas o mababa ba ang halaga niya, marangal o aba ba ito? Mahalaga siya. Kung titingnan ito sa ganitong perspektiba, saan ba nakadepende ang halaga ng isang tao—kung mataas man o mababa, marangal man o hamak? Nakadepende ito sa kung paano ka nakikita ng Diyos. Kung nakikita ka ng Diyos na isang taong naghahangad ng katotohanan, kung gayon ikaw ay may kabuluhan at mahalaga—ikaw ay isang mahalagang sisidlan. Kung nakikita ng Diyos na hindi mo hinahangad ang katotohanan at na hindi mo tapat na ginugugol ang sarili mo para sa Kanya, kung gayon ikaw ay walang kabuluhan at walang halaga—ikaw ay isang hamak na sisidlan. Gaano man kataas ang pinag-aralan mo o gaano man kataas ang katayuan mo sa lipunan, kung hindi mo hinahangad o inuunawa ang katotohanan, kung gayon kailanman hindi magiging mataas ang halaga mo; kahit na maraming taong sumusuporta sa iyo, nagtataas sa iyo, at sumasamba sa iyo, isa ka pa ring hamak na kawawa. Kaya, bakit ganito ang tingin ng Diyos sa mga tao? Bakit ang isang “marangal” na tao, na may mataas na katayuan sa lipunan, na pinupuri at hinahangaan ng maraming tao, na maging ang katanyagan niya ay napakataas, ay nakikita ng Diyos bilang hamak? Bakit ang paraan ng pagtingin ng Diyos sa mga tao ay ganap na salungat sa mga pananaw ng mga tao sa iba? Sinasadya ba ng Diyos na gawing salungat Siya Mismo ng mga tao? Hinding-hindi. Ito ay dahil ang Diyos ay katotohanan, ang Diyos ay katuwiran, samantalang ang tao ay tiwali at walang katotohanan o katuwiran, at sinusukat ng Diyos ang tao sa Kanyang sariling pamantayan, at ang pamantayan Niya sa pagsukat ay ang katotohanan. Puwedeng medyo mahirap itong unawain, kaya para mas madali itong maintindihan, ang pamantayan ng panukat ng Diyos ay batay sa saloobin ng tao sa Diyos, sa saloobin niya sa katotohanan, at sa saloobin niya sa mga positibong bagay—hindi na ito mahirap unawain. Sabihin nating may isang taong may mataas na katayuan sa lipunan, may mataas na antas ng pinag-aralan, napaka-edukado at may pinong asal, at mayroon siyang partikular na maringal at kahanga-hangang kasaysayan ng pamilya, pero may isang problema: Hindi niya minamahal ang mga positibong bagay, nakakaramdam siya ng pagkasuklam, pagkamuhi, at pagkagalit sa Diyos mula sa kaibuturan ng puso niya, at kapag may nababanggit na bagay na may kaugnayan sa Diyos, may kaugnayan sa mga paksa ukol sa Diyos o sa gawain ng Diyos, nagngingitngit siya sa galit, nag-aapoy ang mga mata niya, at gusto pa nga niyang manakit ng ibang tao. Sa tuwing may taong magbabanggit sa paksang may kaugnayan sa Diyos o sa katotohanan, nakakaramdam siya ng pagkasuklam at pagkapoot, at lumalabas ang kanyang malahayop na kalikasan. Mahalaga ba o walang kabuluhan ang gayong tao? Gaano kahalaga sa mata ng Diyos ang pinag-aralan niya, at ang sinasabi niyang katayuan at ang katanyagang panlipunan? Walang anumang halaga. Paano inilalarawan ng Diyos ang gayong mga tao? Paano natutukoy ng Diyos ang kalikasan ng gayong mga tao? Ang gayong mga tao ay mga diyablo at mga Satanas, at sila ang mga pinakawalang kabuluhan at kasuklam-suklam na nilalang. Kung titingnan ito ngayon, ano ang batayan sa pagtukoy ng halaga ng isang tao bilang marangal o hamak? (Ito ay ang kanilang saloobin sa Diyos, katotohanan, at mga positibong bagay.) Tama iyon. Una sa lahat, dapat maunawaan ng isang tao kung ano ang saloobin ng Diyos. Ang maunawaan ang saloobin ng Diyos at maunawaan ang mga prinsipyo at mga pamantayan kung paano ikinaklasipika ng Diyos ang mga tao, at pagkatapos ay sukatin ang mga tao batay sa mga prinsipyo at mga pamantayan ng pagtrato ng Diyos sa mga tao—ito lamang ang pinakatumpak, pinakaangkop, at pinakapatas. Mayroon na tayo ngayong batayan para sa pagsukat sa mga tao, kaya paano natin ito partikular na dapat isagawa? Halimbawa, ang isang tao ay may napakataas na pinag-aralan at kilala saanman siya pumunta, mabuti ang tingin ng lahat sa kanya, at sa tingin ng iba siya ay may magagandang kinabukasan—kung gayon ay tiyak bang ituturing siyang marangal sa mata ng Diyos? (Hindi ganoon.) Kaya paano natin dapat sukatin ang taong ito? Ang pagiging marangal at pagiging hamak ng isang tao ay hindi nakabatay sa katayuan niya sa lipunan, o sa kanyang pinag-aralan, lalong hindi ito nakabatay sa etnisidad niya, at siyempre hindi ito nakabatay sa nasyonalidad niya, kaya saan ito dapat ibatay? (Dapat itong ibatay sa mga salita ng Diyos at sa saloobin ng isang tao sa katotohanan at sa Diyos.) Tama iyon. Halimbawa, pumunta kayo sa U.S. galing sa mainland Tsina, at kahit na balang araw ay maging mga mamamayang Amerikano na kayo, magbabago ba ang halaga at katayuan ninyo? (Hindi.) Hindi, hindi ito magbabago; ikaw ay ikaw pa rin. Kung nananampalataya ka sa Diyos pero hindi mo makamtan ang katotohanan, kung gayon ikaw pa rin ang uri na mapapahamak. Ang ilang mababaw na tao ay hindi totoong nananampalataya sa Diyos o naghahangad ng katotohanan, sumusunod sila sa sekular na mundo at, pagkatapos maging mga mamamayang Amerikano, sinasabi nila, “Kayong mga Tsino” at “Kayong mga taong mula sa mainland Tsina.” Sabihin ninyo sa Akin, ang gayong mga tao ba ay marangal o hamak? (Hamak.) Napakahamak nila! Kumikilos sila na para bang sa pagiging mamamayang Amerikano ay nagiging marangal sila—hindi ba’t napakabababaw nila? Napakabababaw nila. Kung kayang harapin ng isang tao ang katanyagan at pakinabang, katayuang panlipunan, kayamanan, at mga tagumpay sa akademya nang may ordinaryong puso—siyempre, ang ordinaryong pusong ito ay hindi nangangahulugang naranasan mo na ang mga bagay na ito at naging manhid ka na, kundi sa halip ay nangangahulugan itong may pamantayan ka ng pagsukat at hindi mo itinuturing ang mga bagay na ito bilang ang pinakamahalagang bagay sa buhay mo, at ang mga pamantayan at mga prinsipyo kung paano mo sinusukat at tinitingnan ang mga bagay na ito, pati na rin ang mga pagpapahalaga mo, ay dumaan na sa isang pagbabago, at puwede mong harapin ang mga bagay na ito nang tama at tingnan ang mga ito nang may ordinaryong puso—ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito na napalaya ka na mula sa mga panlabas na bagay gaya ng tinatawag na katayuang panlipunan, kabuluhan ng tao, at iba pa. Puwedeng hindi ninyo ito makakamit sa ngayon, pero kapag kaya ninyong totoong maunawaan ang katotohanan, magagawa ninyong makilatis ang mga bagay na ito. Bibigyan Ko kayo ng halimbawa. May isang taong nakasalamuha ang mayayamang kapatid at nakita niyang nakasuot sila ng mamahalin lang at na mukha silang mga maykaya, at hindi niya alam kung paano makikipag-usap o makikihalubilo sa kanila, kaya nagpakumbaba siya, sumipsip siya at binola ang mayayamang kapatid at umasal sa isang hindi kanais-nais na paraan—hindi ba’t pagbababa ito ng sarili niya? May isang bagay dito na nangingibabaw sa kanya. May ilang tao na tinatawag na “ate” ang nakikilala nilang mayamang babae at tinatawag na “kuya” ang isang mayamang lalaki. Gusto nilang laging sumipsip sa mga taong ito at irekomenda ang mga sarili. Kapag nakakita sila ng isang taong mahirap at di-kilala, na galing sa probinsya na may mababang pinag-aralan, hinahamak nila ang mga ito at tumatangging makinig sa kanila, at nagbabago ang saloobin nila. Ang gayon bang mga pangkaraniwang gawi ay nangyayari sa iglesia? Nangyayari ang mga ito, at hindi ninyo ito maikakaila, dahil may ilan sa inyo na nagpakita ng gayong pag-uugali. Ang ilan ay tumatawag ng “kuya,” ang ilan ay tumatawag ng “ate,” at ang ilan ay tumatawag ng “tita”—seryoso ang ganitong mga gawi sa lipunan. Kung hahatulan ang pag-uugaling ito ng mga tao, hindi sila ang mga taong naghahangad ng katotohanan at hindi sila nagtataglay ni katiting na katotohanang realidad. Ang ganitong uri ng tao ang bumubuo ng karamihan sa inyo, at kung hindi sila magbabago, lahat sila ay ititiwalag sa huli. Bagaman hindi naaapektuhan ng mga maling pananaw na ito ang pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan, puwedeng makaapekto ang mga ito sa buhay pagpasok ng mga tao at sa pagganap ng kanilang mga tungkulin; kung hindi siya isang taong tumatanggap sa katotohanan, malamang na magdulot siya ng kaguluhan sa iglesia. Kung nauunawaan mo ang layunin ng Diyos, maaarok mo ang mga prinsipyo at mga pamantayan kung paano sinusukat ang mga bagay na ito. May iba pang aspekto, at iyon ay kahit ano pang uri ng katayuang panlipunan o pinag-aralan ng isang tao, o kung anong klaseng pamilya ang kanyang pinanggalingan, may isang katunayang dapat mong tanggapin: Hindi mababago ng mga pinag-aralan mo at ng pinanggalingan ng pamilya mo ang ugali mo, ni maiimpluwensiyahan ng mga ito ang disposisyon mo. Hindi ba ganoon? (Ganoon nga.) Bakit Ko sinasabi ito? Kahit ano pa man ang klase ng pamilya ang pinagsilangan ng isang tao o anumang klaseng edukasyon ang tinanggap niya, maging mataas man ang pinag-aralan niya o hindi, at kahit ano pa ang klase ng katayuan sa lipunan ang pinagmulan niya, mataas man o mababa, ang kanyang tiwaling disposisyon ay kapareho lang ng iba. Lahat ng tao ay pare-pareho—hindi ito maiiwasan. Hindi mababago ng katayuang panlipunan at ng halaga mo ang katunayang miyembro ka ng sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas, ni hindi mababago ng mga ito ang katunayang ikaw ay isang ginawang tiwaling tao na may mga tiwaling disposisyon na sumasalungat sa Diyos. Ano ang ibig Kong sabihin rito? Ang ibig Kong sabihin ay, gaano man kayaman ang pamilyang pinagsilangan mo o gaano man kataas ang pinag-aralan mo, may mga tiwaling disposisyon ka pa rin; kahit na marangal o hamak ka, mayaman o mahirap, may mataas o mababang katayuan, tiwaling tao ka pa rin. Samakatwid, pagkatapos ninyong tanggapin ang gawain ng Diyos, kayong lahat ay pantay-pantay, at patas at makatarungan ang Diyos sa lahat. Hindi ba dapat mayroon ang mga tao ng pagkaunawang ito? (Oo.) Sino ang taong hindi ginawang tiwali ni Satanas at walang mga tiwaling disposisyon dahil may mataas siyang katayuan sa lipunan at ipinanganak sa isang pinakamarangal na lahi ng sangkatauhan? Katanggap-tanggap ba itong sabihin? Nangyari na ba ang katunayang ito sa kasaysayan ng sangkatauhan? (Hindi.) Hindi, hindi pa. Sa katunayan, kasama na sina Job, Abraham, at ang mga propeta at sinaunang mga banal, pati na rin ang mga Israelita, walang taong makakaiwas sa pamumuhay sa hindi maikakailang katunayang ito: Sa pamumuhay sa mundong ito, ang buong sangkatauhan ay ginawang tiwali ni Satanas. Sa pagtiwali ni Satanas sa tao, wala itong pakialam kung mataas ba o mababa ang pinag-aralan mo, kung ano ang kasaysayan ng pamilya mo, kung ano ang apelyido mo, o kung gaano kalaki ang angkan mo, ang huling resulta ay: Kung nabubuhay ka sa sangkatauhan, ginawa ka nang tiwali ni Satanas. Samakatwid, ang katunayang mayroon kang mga satanikong tiwaling disposisyon at nabubuhay kang may mga satanikong tiwaling disposisyon ay hindi mababago ng halaga at pinag-aralan mo. Hindi ba dapat mayroon ang mga tao ng pagkaunawang ito? (Oo, tama.) Kapag naunawaan na ninyo ang mga bagay na ito, sa hinaharap kapag may isang taong ipinagyayabang ang mga kaloob at kapital niya, o muli ninyong natuklasang mas “superyor” ang isang taong kasama ninyo, paano ninyo siya tatratuhin? (Tatratuhin ko siya ayon sa mga salita ng Diyos.) Tama. At paano ninyo siya tatratuhin ayon sa mga salita ng Diyos? Kung wala kayong magawa, at hinahamak at kinukutya ninyo sila, na sinasabi, “Tingnan mo kung gaano kataas ang pinag-aralan mo, anong ipinagyayabang mo? Sinasabi mo na naman ang kapital mo, pero magagampanan mo ba nang maayos ang tungkulin mo? Kahit gaano man kataas ang pinag-aralan mo, hindi ba ginawa ka pa ring tiwali ni Satanas?” kung gayon ito ba ang mabuting paraan ng pagtrato sa kanila? Hindi ito naaayon sa mga prinsipyo, at hindi ito isang bagay na dapat gawin ng isang taong may normal na pagkatao. Kung gayon, paano mo sila dapat tratuhin sa paraang naaayon sa mga prinsipyo? Hindi mo sila dapat tingalain, pero hindi mo rin sila dapat hamakin—hindi ba isang pagkompromiso ito? (Oo.) Tama bang makipagkompromiso? Hindi, hindi tama. Dapat mo silang tratuhin nang tama, at kung magagamit mo ang katotohanang nauunawaan mo para tulungan sila, kung gayon ay tulungan mo sila. Kung hindi mo sila matutulungan, pero kung isa kang lider at nakikita mong angkop sila sa isang partikular na tungkulin, ipagawa mo sa kanila ang tungkuling iyon. Huwag mo silang hamakin dahil mayroon silang mataas na antas ng pinag-aralan, na iniisip na, “Hmp, ano bang silbi ng mataas ang pinag-aralan? Nauunawaan mo ba ang katotohanan? Hindi naman mataas ang pinag-aralan ko pero lider pa rin ako. Napakahusay ng kakayahan ko, mas magaling ako kaysa sa iyo, kaya mamaliitin kita at ipapahiya kita!” Pagiging masama ito at walang pagkatao. Anong ibig sabihin ng “tratuhin sila nang tama”? Ang ibig sabihin nito ay pakitunguhan ang mga bagay nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. At ano ang katotohanang prinsipyo rito? Ito ay ang tratuhin nang patas ang mga tao. Huwag ninyong itaas ang mga tao at tingalain sila, at huwag ninyong ibaba ang sarili ninyo sa harap nila, na pakiramdam ninyo ay nasa mas mababang antas kayo, at huwag ninyo rin silang bobolahin, huwag ninyo silang tatapakan, at huwag ninyo silang mamaliitin; maaaring hindi nila itinuturing na mataas ang kanilang halaga at hindi nila ipinagyayabang ang sarili. Tama bang palagi kang matakot na ipagyayabang nila ang sarili nila kaya lagi silang tinatapakan? Hindi, hindi ito tama. Pagiging masama ito at walang pagkatao—kung hindi ka lumalabis sa isang panig, lumalabis ka naman sa kabilang panig. Ang tratuhin nang tama ang mga tao, ang tratuhin nang patas ang mga tao—ito ang prinsipyo. Mukhang simple ang prinsipyong ito, pero hindi ito madaling isagawa.
Dati, may isang lider na lilipat ng tirahan. Sinabi Ko sa kanya na puwede niyang isama ang mga makabuluhang lider ng grupo at mga miyembro, dahil magiging madali para sa kanila na magkakasamang pag-usapan ang gawain. Hindi mahirap maintindihan ang sinabi Ko—mauunawaan agad ito ng isang tao kapag narinig ito. Sa huli, ang mga makabuluhang tao na isinama niya ay iyong mga may “kredensiyal”: Ang ilan ay nagdadala sa kanya ng tsaa, ang ilan ay naghuhugas ng mga paa niya at nagmamasahe ng likod niya—sila ay puro mga sipsip. Gaano nakakasuka ang lider na ito? May isang taong may nakakahawang sakit na laging sumisipsip sa kanya at binobola ang lider na ito bawat araw, na sumusunod at nagsisilbi sa kanya. Handa pa nga ang lider na ito na mahawa ng sakit para maranasan niya ang pakiramdam ng isang binobola. Sa huli, dahil ang taong ito na may nakakahawang sakit ay nagdusa ng pagbalik ng sakit niya pagkalipat nila, nabunyag din ang huwad na lider na ito. Samakatwid, nauunawaan man ng mga tao ang katotohanan o hindi, hindi sila dapat gumawa ng masama, hindi dapat gumawa ng mga bagay na nakabatay sa kanilang mga ambisyon at pagnanais, at hindi dapat magkaroon ng kaisipang nagbabakasakali, dahil sinisiyasat ng Diyos ang puso ng tao at ang buong mundo. Ano ba ang saklaw ng “buong mundo”? Kasama rito ang kapwa materyal at di-materyal na mga bagay. Huwag subukang sukatin ang Diyos, ang awtoridad ng Diyos, o ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos gamit ang sariling isip. Ang mga tao ay mga nilalang at walang kabuluhan ang buhay nila—paano nila masusukat ang kadakilaan ng Lumikha? Paano nila masusukat ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Lumikha sa paglikha Niya sa lahat ng bagay at ang pagiging may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? Huwag na huwag kayong gagawa ng mga kamangmangan o masasamang bagay. Siguradong magdudulot ng kaparusahan ang paggawa ng masama, at kapag isang araw ay ibinunyag ka ng Diyos, higit pa sa inaasahan mo ang matatamo mo, at sa araw na iyon ay tatangis ka at magngangalit ang mga ngipin mo. Dapat kang kumilos na may pagkilala sa sarili. Sa ilang bagay, bago ka ibunyag ng Diyos, mas makakabuti na ikumpara ang sarili sa mga salita ng Diyos, magnilay sa sarili at ilantad ang mga nakatagong bagay, tuklasin ang mga problema mo mismo, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para malutas ang mga iyon—huwag mo nang hintaying ibunyag ka ng Diyos. Kapag ibinunyag ka ng Diyos, hindi ba parang wala kang ginagawa? Sa panahong iyon, nakagawa ka na ng pagsalangsang. Mula sa pagsisiyasat sa iyo ng Diyos hanggang sa pagbubunyag sa iyo, ang halaga mo at ang opinyon ng Diyos ukol sa iyo ay maaaring magkaroon ng isang malaking pagbabago. Ito ay dahil habang sinisiyasat ka ng Diyos, binibigyan ka Niya ng mga pagkakataon at ipinagkakatiwala sa iyo ang mga inaasam Niya, hanggang sa sandaling mabunyag ka. Mula sa pagkakatiwala ng Diyos ng mga inaasam Niya sa isang tao hanggang sa mauwi sa wala sa huli ang mga inaasam Niya, ano kaya ang nararamdaman ng Diyos? Nakakaranas ito ng matinding pagbagsak. At anong magiging kahihinatnan para sa iyo? Sa mga hindi gaanong seryosong kaso, maaaring maging pakay ka ng pagkamuhi ng Diyos, at isasantabi ka. Ano ang ibig sabihin ng “isasantabi”? Ibig sabihin nito ay pananatilihin at oobserbahan ka. At anong kahihinatnan sa mas seryosong mga kaso? Sasabihin ng Diyos, “Pasaway ang taong ito at hindi nga karapat-dapat na magserbisyo. Hinding-hindi Ko ililigtas ang taong ito!” Kapag nabuo na ng Diyos ang ideyang ito, wala ka na talagang kalalabasan, at kapag nangyari iyon, puwede kang lumuhod at tumulo ang dugo mo pero wala na itong magagawa, dahil nabigyan ka na ng Diyos ng sapat na mga pagkakataon pero hindi ka kailanman nagsisi at nagmalabis ka na. Samakatwid, anumang problema ang mayroon ka o anumang katiwalian ang ipinapakita mo, palagi mo dapat pagnilayan at kilalanin ang sarili mo sa liwanag ng mga salita ng Diyos o hilingin mo sa mga kapatid na ituro ang mga ito sa iyo. Ang pinakaimportante ay dapat mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, lumapit ka sa Diyos, at hilingin sa Kanya na liwanagan at tanglawan ka. Anumang pamamaraan ang gamitin mo, ang mas maagang pagtuklas ng mga problema at pagkatapos ay paglutas sa mga ito ay ang epektong nakakamit sa pamamagitan ng pagninilay sa sarili, at ito ang pinakamagandang bagay na magagawa mo. Huwag mo nang hintaying ibunyag ka ng Diyos at itiwalag ka bago ka magsisi, dahil magiging masyado nang huli para manghinayang! Kapag ibinunyag ng Diyos ang isang tao, labis na ba Siyang napopoot o sobra na Siyang nahahabag? Mahirap sabihin ito, walang nakakaalam, at hindi Ko ito maipapangako sa iyo—ikaw ang bahala sa landas na tinatahak mo. Alam ba ninyo ang responsabilidad Ko? Sinasabi Ko sa inyo ang lahat ng kailangan Kong sabihin, ang bawat salitang dapat Kong bigkasin, nang walang pinalalampas na kahit isang salita. Anumang pamamaraan ang ginagamit Ko, ito man ay pagsusulat, pagkukuwento, o pagbubuo ng maliliit na programa, sa anumang paraan, ipinapahayag Ko ang katotohanang gusto ng Diyos na maunawaan ninyo sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan, habang sabay na ipinapaalam rin sa inyo ang mga problemang nakikita Ko. Binibigyang-babala, pinaaalalahanan, at hinihikayat Ko kayo, at binibigyan kayo ng ilang panustos, tulong, at suporta. Minsan nagsasabi rin Ako ng masasakit na salita. Responsabilidad Ko ito, at nasa iyo na kung paano mo ipagpapatuloy. Hindi mo kailangang suriin ang pananalita at mga ekspresyon ng mukha Ko, at hindi mo kailangang masusing obserbahan kung ano ang opinyon Ko sa iyo—hindi mo na kinakailangang gawin ang mga ito. Kung anong kalalabasan mo sa hinaharap ay walang kinalaman sa Akin; may kinalaman lamang ito sa kung ano mismo ang hinahangad mo. Ngayon, inihahayag Ko at prangkang nagsasalita, napakalinaw ng sinasabi Ko. Narinig ba ninyo at naunawaan ang bawat salita at bawat pangungusap na sinabi Ko, at kung ano ang dapat Kong sabihin, kung ano ang kailangan Kong sabihin, at kung ano ang nasabi Ko na noon? Walang kahit anong malabo sa sinasabi Ko, walang hindi ninyo nauunawaan; naiintindihan ninyong lahat, kaya naisakatuparan na ang responsabilidad Ko. Huwag ninyong isipin na kailangan Ko pa rin kayong bantayan pagkatapos Kong magsalita at maging responsable para sa inyo, na nasa tabi ninyo hanggang sa wakas. Lahat kayo ay nananampalataya na sa Diyos sa loob ng ilang taon, nasa hustong gulang na kayong lahat at hindi na maliliit na bata. May mga lider kayo na responsable sa inyo kapag ginagawa ninyo ang bagay-bagay, hindi Ko responsabilidad iyon. Mayroon Akong sariling saklaw ng gawain, saklaw ng mga responsabilidad Ko; hindi Ko kailangan, ni hindi rin posible para sa Akin, na sundan ang bawat isa sa inyo at palagi kayong patnubayan at udyukan—hindi Ako obligadong gawin iyon. Tungkol sa kung ano ang hinahangad ninyo, kung ano ang sinasabi at ginagawa ninyo nang pribado, at kung anong landas ang sinusundan ninyo, wala sa mga bagay na ito ang may kinalaman sa Akin. Bakit Ko sinasabing walang kinalaman ang mga iyon sa Akin? Kung kaya ninyong gampanan ang mga tungkulin ninyo sa sambahayan ng Diyos sa isang angkop at wastong paraan, magiging responsable sa inyo ang sambahayan ng Diyos hanggang sa huli. Kung handa kayong gampanan ang tungkulin ninyo, magtiis ng paghihirap, tanggapin ang katotohanan at kumilos ayon sa prinsipyo, kung gayon ay gagabayan kayo ng sambahayan ng Diyos, tutustusan kayo, at susuportahan kayo; kung hindi ninyo handang gampanan ang inyong tungkulin at gusto ninyong lumabas para magtrabaho at kumita ng pera, bukas na bukas ang mga pinto ng sambahayan ng Diyos at makakatanggap kayo ng magiliw na pamamaalam. Gayumpaman, kung nagdudulot kayo ng kaguluhan, gagawa ng masama, at bubulabugin ang sambahayan ng Diyos, kung gayon kahit sino pa ang gumagawa ng masama, ang sambahayan ng Diyos ay may mga atas administratibo at mga pagsasaayos ng gawain, at haharapin kayo ayon sa mga prinsipyong ito. Naiintindihan ba ninyo? Nananampalataya na kayong lahat sa Diyos sa maraming taon, marami na kayong nabasang mga salita ng Diyos, at nakadalo na sa mga pagtitipon at nakapakinig na ng mga sermon sa loob ng maraming taon, kaya bakit hindi pa rin kayo nagsisisi o nagbabago kahit kaunti? Maraming tao ang nakapakinig na ng mga sermon sa loob ng maraming taon, at nakaunawa na ng ilang katotohanan, pero hindi pa rin sila nagsisisi, ginagampanan pa rin nila ang mga tungkulin nila sa isang pabasta-bastang paraan, at sila ang mga nanganganib na tao. Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo ang isang tunay na bagay: Huwag ninyong asahang palagi Ko kayong babantayan, aalagaan, at tuturuan kayo habang hawak Ko ang mga kamay ninyo, para may magawa kayong praktikal at epektibong bagay. Kung hindi Ko kayo babantayan o pangangasiwaan at uudyukan, at kayo ay magiging pabaya at mabagal ang pagsulong ng gawain, kung gayon ay tapos na kayo. Ipinapakita nito na ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin nang hindi tapat at lahat kayo ay trabahador. Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo, nagampanan Ko na ang Aking ministeryo, at hindi Ako obligadong alagaan kayo. Ito ay dahil gumagawa at sinisiyasat kayo ng Banal na Espiritu sa mga bagay na ito; ang dapat Kong gawin ay nagawa na, ang dapat Kong sabihin ay nasabi na, ginanap Ko ang Aking ministeryo, tinupad Ko ang Aking responsabilidad, at ang natitira na lang ay ang maging responsable kayo sa inyong mga kilos at pag-uugali. Kung hindi ninyo tinatanggap ang katotohanan kundi patuloy na magiging pabaya at hindi kailanman mag-iisip na magsisi, kung gayon ang pagpaparusa at pagtitiwalag sa inyo ay wala nang kinalaman sa Akin.
Ang isang aspekto ng kuwentong kasasabi Ko lang ay tinatalakay ang tungkol sa kung paano ituring ng mga tao ang katayuang panlipunan, ang halaga, ang pinanggalingang pamilya at ang pinag-aralan at iba pa, at kung ano ang mga pamantayan at mga prinsipyo sa pagturing sa mga ito; ang iba pang aspekto ay kung paano harapin ang mga ito at kung paano makilatis ang diwa ng mga ito. Kapag nakilatis mo na ang diwa ng mga bagay na ito, kahit na nasa puso mo pa ang mga ito, hindi ka na mapipigilan ng mga iyon at hindi na mamumuhay ayon sa mga ito. Kapag nakita mo ang isang walang pananampalataya na ipinagyayabang ang kanyang maluwalhating kasaysayan ng pagpasok sa unibersidad at pagkakaroon ng master’s o doctorate, ano ang pananaw at saloobin mo? Kung sinasabi mo na, “Walang saysay ang pag-aaral ng undergraduate sa unibersidad. Ilan taon na akong nagtapos ng aking graduate degree,” kung may ganito kang pag-iisip, magiging problema ito para sa iyo, at ipinapakita nito na hindi ka pa gaanong nagbabago sa iyong pananampalataya sa Diyos. Kung tatanungin ka nila sa pinag-aralan mo, at sasabihin mo, “Hindi nga ako nakapagtapos ng elementarya at hindi makapagsulat ng sanaysay,” at nakikita ka nilang wala kang halaga at babalewalain ka na, kung gayon hindi ba perpekto iyon? Makakatipid ka ng oras para magbasa pa ng mga salita ng Diyos at mas magagampanan mo na ang tungkulin mo, at ito ang tamang gawin. Anong saysay ng pakikipagtsismisan sa mga walang pananampalataya at hindi mananampalataya? Kung sasabihin mong mababa ang antas ng pinag-aralan mo at walang katayuan sa lipunan, at may taong nangmamaliit sa iyo, anong gagawin mo? Huwag mo itong damdamin at huwag kang magpapaapekto, hayaan mo lang silang magsalita, hayaan mong sabihin nila ang gusto nila, wala itong epekto sa iyo. Hanggang hindi ito nakakaantala sa paghahangad mo sa katotohanan sa iyong pananalig sa Diyos, ayos lang iyon. Maliit na paksa lang talaga ito, pero sa pang-araw-araw na buhay, sa pamamagitan ng mga bagay na ipinapahayag ng mga tao, makikitang binibigyang-halaga ng mga tao ang mga bagay na ito ng kapital at palagi nila itong dala sa kanilang puso. Hindi lamang nito maaapektuhan ang pananalita at pag-uugali ng mga tao, kundi puwede rin nitong maapektuhan ang buhay pagpasok at ang pagpili nila sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Sige, hindi na muli Akong magsasalita tungkol sa ganitong uri ng paksa. Balikan natin ang paksang pinagbabahaginan natin noong nakaraan at magpatuloy tayo sa pagbabahagi at paghihimay sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.