Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5) Ikalawang Seksiyon

Ang mga Pakay ng Sambahayan ng Diyos sa Pagtataguyod at Paglilinang sa Lahat ng Uri ng Taong May Talento

Sunod, pagbabahaginan natin kung bakit inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang lahat ng uri ng taong may talento. Hindi ito lubos na nauunawaan ng ilang tao, at iniisip, “Hindi ba’t magiging sapat para sa sambahayan ng Diyos na diretsong iangat at gamitin na lamang ang iba’t ibang taong may talento? Bakit kailangan pa nitong linangin at sanayin sila sa loob ng ilang panahon?” Nauunawaan ba ninyo ito o hindi? Pag-usapan muna natin ang uri ng mga tao na nagiging mga lider at manggagawa. Bakit inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga may abilidad na makaarok, na nagbubuhat ng pasanin para sa iglesia, at nagtataglay ng kapabilidad sa gawain? Ito ay dahil bagama’t kalipikado sila pagdating sa kanilang kakayahan at natutugunan nila ang mga pamantayan, wala pa silang tunay na karanasan at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, lalong hindi nila alam kung paano isagawa ang katotohanan at gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Kailangan silang sanayin sa loob ng ilang panahon at bigyan ng gabay, at kapag nakabisado na nila ang mga prinsipyo sa paggawa ng kanilang tungkulin at nagkaroon ng tunay na karanasan, saka pa lamang sila maaaring pormal na magagamit. Kung katulad sila ng mga kapatid sa iglesia, na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, nakikinig sa mga sermon, namumuhay sa buhay ng iglesia, at nagsasanay sa paggawa ng isang tungkulin, at iniaangat at nililinang lamang kapag lumago na ang buhay nila, magiging napakabagal ng kanilang pag-usad. Sa gayong kaso, ilang taon ang aabutin bago sila maging angkop na gamitin ng Diyos? Hindi ba nito maaapektuhan ang gawain ng iglesia? Kaya, hangga’t may abilidad ang isang tao na maarok ang katotohanan, nagtataglay ng kapabilidad sa gawain, at may pagpapahalaga sa pasanin, dapat silang iangat at linangin at hilinging magsanay sa paggawa ng tungkulin ng isang lider o ng isang manggagawa, at bigyan ng pasanin. Sa isang banda, nagagawa nilang mapakinabangan ang kanilang mga kalakasan. Sa kabilang banda, kapag nahaharap sila sa mga espesyal na sitwasyon, kinakailangang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan para malutas ang kanilang mga paghihirap. Kailangan din silang mapungusan minsan, at kung kinakailangan, dapat din silang disiplinahin at isailalim sa maraming pagsubok at pagpipino, at magtiis ng labis na paghihirap. Sa pamamagitan lamang ng pagsasailalim sa gayong praktikal na pagsasanay sila maaaring tunay na makauusad, at unti-unting makauunawa sa katotohanan at makakabisado ang mga prinsipyo, at pagkatapos ay papasanin ang gawain ng mga lider at manggagawa sa lalong madaling panahon. Ang ganitong paraan ng paglilinang at pagsasanay sa mga lider at manggagawa ay magbubunga ng mas magagandang resulta at magiging mas mabilis, na kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos at mas makabubuti sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, sapagkat kayang direktang diligan at tustusan ng mga lider at manggagawang may praktikal na karanasan ang hinirang na mga tao ng Diyos. Kapag inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang isang tao para maging lider, binibigyan siya ng sambahayan ng Diyos ng mas mabigat na pasanin para sanayin siya, para sumandal siya sa Diyos, at para magsumikap siya sa katotohanan; saka lamang mabilis na lalago sa lalong madaling panahon ang kanyang tayog. Kapag mas mabigat ang pasaning ibinigay sa kanya, mas matinding kagipitan ang nararanasan niya, at mas napipilitan siyang hanapin ang katotohanan at umasa sa Diyos. Sa huli, magagawa niya ang kanyang gawain nang maayos at masusunod ang kalooban ng Diyos, at sa gayon ay tatapak siya sa tamang landas ng pagkaligtas at pagiging nagawang perpekto—ito ang epektong nakakamtan kapag inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Kung hindi sa paggawa ng mga partikular na gampaning ito, hindi nila malalaman kung ano ang kulang sa kanila, hindi nila malalaman kung paano gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at hindi nila malalaman ang ibig sabihin ng magtaglay ng katotohanang realidad. Kaya, natutulungan sila ng paggawa ng partikular na gawain na matuklasan ang kanilang mga pagkukulang at makita na, bukod sa kanilang mga kaloob, wala silang katotohanang realidad; natutulungan sila nitong madama kung gaano sila kahirap at kaawa-awa, ipinapatanto sa kanila na kung hindi sila aasa sa Diyos at hindi nila hahanapin ang katotohanan, hindi nila makakaya ang anumang gawain; ginagawa sila nitong tunay na makilala ang kanilang sarili at malinaw na makita na kung hindi nila hahangarin ang katotohanan at ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon, magiging imposible para sa kanila na maging angkop para gamitin ng Diyos. Ang mga ito ang lahat ng epektong dapat makamtan kapag nililinang at sinasanay ang mga lider at manggagawa. Sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa mga aspektong ito makakayang hangarin ng mga tao ang katotohanan nang may praktikal na saloobin, umaasal nang hindi nagpapasikat, makatitiyak na hindi na magyabang tungkol sa kanilang sarili kapag ginagawa ang gawain nila, at patuloy na dinadakila ang Diyos at nagpapatotoo sa Diyos sa paggawa ng kanilang tungkulin, at unti-unting papasok sa katotohanang realidad. Kapag iniaangat at nililinang ang isang tao para maging lider, binibigyang-kakayahan siya na matutuhan kung paano makilatis ang mga kalagayan ng iba’t ibang tao, sinasanay sa paghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga paghihirap ng iba’t ibang tao, at sa pagsuporta at pagtustos sa iba’t ibang uri ng tao, at inaakay ang mga ito tungo sa katotohanang realidad. Kasabay nito, dapat din silang magsanay sa paglutas ng iba’t ibang problema at paghihirap na nararanasan sa gawain, at matuto kung paano kikilalanin at pakikitunguhan ang iba’t ibang uri ng mga anticristo, masasamang tao, at mga hindi mananampalataya, at kung paano gagawin ang gawain ng pag-aalis mula sa iglesia. Sa ganitong paraan, kumpara sa iba, mas marami silang mararanasan sa mga tao, pangyayari, at bagay-bagay, at mas maraming kapaligirang inihahanda ng Diyos, at mas maraming salita ng Diyos ang makakain at maiinom nila, at makapapasok sa mas marami pang katotohanang realidad. Isa itong pagkakataon para sanayin ang kanilang sarili, hindi ba? Kapag mas maraming pagkakataon sa pagsasanay, mas marami ang karanasan ng mga tao, mas malawak ang kanilang mga kabatiran, at mas mabilis silang lalago. Kung hindi gagawin ng mga tao ang gawain ng pamumuno, gayumpaman, dadanas at sasailalim lang sila sa personal na pag-iral at personal na mga karanasan, at makikilala lang ang mga personal na tiwaling disposisyon at iba’t ibang personal na kalagayan—lahat ng ito ay nauugnay lang sa sarili nila. Sa sandaling maging mga lider sila, nahaharap sila sa mas maraming tao, pangyayari, at kapaligiran, na naghihikayat sa kanila na palaging lumapit sa Diyos para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Para sa kanila, hindi namamalayang nagiging pasanin ang mga tao, pangyayari, at bagay na ito, at likas din na lumilikha ng labis na mga kanais-nais na kondisyon para sa kanilang pagpasok sa katotohanang realidad, na isang mabuting bagay. At kaya, ang isang taong nagtataglay ng kakayahan, nagbubuhat ng pasanin, at may kapabilidad sa gawain ay mabagal na makapapasok bilang isang ordinaryong mananampalataya, at mas mabilis bilang isang lider o manggagawa. Para sa mga tao, mabuting bagay ba na makapasok sa katotohanang realidad nang mabilis, o nang mabagal? (Mabilis.) Samakatwid, pagdating sa mga taong nagtataglay ng kakayahan, nagbubuhat ng pasanin, at may kapabilidad sa gawain, gumagawa ng eksepsiyon ang sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aangat sa gayong mga tao, maliban na lang kung hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan at nagsusumikap tungo sa katotohanan, sa gayong kaso, hindi sila pipilitin ng sambahayan ng Diyos. Hangga’t ang isang tao ay may pundasyon ng pananampalataya sa Diyos, tumutugon sa mga pamantayan ng pagiging isang lider o manggagawa, at handang maghangad sa katotohanan at magamit ng Diyos, kung gayon, walang dudang iaangat at lilinangin siya ng sambahayan ng Diyos, bibigyan siya ng pagkakataon na magsanay bilang lider o manggagawa, at bibigyan siya ng kakayahang matutuhang gawin ang gawain ng iglesia, at matutuhang kumilatis ng mga tao, at matutuhang harapin ang iba’t ibang problema sa iglesia, at matutuhang isagawa ang iba’t ibang trabaho ayon sa mga pagsasaayos ng gawain. Sa panahon ng pagsasanay, kung kayang tanggapin ng mga tao ang katotohanan at ang mapungusan, kayang magpasakop sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos, kayang hanapin ang katotohanan para lutasin ang iba’t ibang problema, at matutong tratuhin ang lahat ng uri ng tao at makilala at pakitunguhan ang lahat ng uri ng tao ayon sa mga salita ng Diyos, kung gayon, mauunawaan nilang mabuti ang mga nauugnay na katotohanang prinsipyo, at mauunawaan ang katotohanan at makapapasok sa realidad—ang mga ito ay mga bagay na hindi mararanasan o makakamit ng mga ordinaryong mananampalataya. Kaya, mula sa ganitong pananaw, mabuti ba o masama para sa sambahayan ng Diyos na iangat at linangin ang isang tao? Kapaki-pakinabang ba ito sa kanya, o isa ba itong paghihirap na ipinilit sa kanya? Kapaki-pakinabang ito sa kanya. Siyempre, kapag bago pa lang na naiaangat ang ilang tao, hindi nila alam kung anong mga gampanin ang dapat nilang gawin o kung paano gawin ang mga ito, at medyo nalilito sila. Normal lang ito; sino ba ang ipinanganak na may kakayahang gawin ang lahat ng bagay? Kung kaya mong gawin ang lahat, tiyak na ikaw ang magiging pinakamayabang at pinakapalalo sa mga tao, at hindi ka susuko kaninuman—sa gayong kaso, kaya mo pa rin bang tanggapin ang katotohanan? Kung kaya mong gawin ang lahat, aasa ka pa rin ba sa Diyos at titingala sa Kanya? Hahanapin mo pa rin ba ang katotohanan para lutasin ang mga problema ng iyong sariling katiwalian? Tiyak na hindi. Sa kabaligtaran, magiging mayabang at palalo ka at tatahak sa landas ng mga anticristo, makikipaglaban ka para sa kapangyarihan at katayuan at hindi susuko kaninuman, at ililihis at bibitagin mo ang mga tao, at gagambalain at guguluhin ang gawain ng iglesia—sa gayong kaso, magagamit ka pa rin ba ng sambahayan ng Diyos? Kung alam mong marami kang pagkukulang, dapat kang matutong sumunod at magpasakop, at gawin nang maayos ang iba’t ibang gampanin ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos; magpapahintulot ito sa iyo na unti-unting maabot ang punto kung saan magagawa mo ang iyong tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan. Pero karamihan sa mga tao ay hindi kayang gumawa ng napakasimpleng bagay gaya ng pagsunod at pagpapasakop, kaya hindi nila dapat sisihin ang sambahayan ng Diyos sa hindi pag-aangat at paglilinang sa kanila. Dahil wala kang kakayahang sumunod, dahil maging ang pagsunod ay hindi mo magawa, maglalakas-loob ba ang sambahayan ng Diyos na iangat at linangin ka? (Hindi.) At bakit hindi? Ang paggamit sa iyo ay masyadong mapanganib, masyadong abala, at masyadong nakababahala! Dahil kung sakaling gamitin ka ng sambahayan ng Diyos, baka kontrolin mo ang mga tao at akayin sila tungo sa landas ng kabuktutan—kaya napakamapanganib nito. Kung gagamitin ka, baka walang pakundangan kang gagawa ng mga maling gawa at lubusan mong guguluhin ang gawain, at kakailanganin kang tanggalin ng sambahayan ng Diyos at linisin ang lahat ng gulong ginawa mo—kaya napakalaking abala nito. At kung gagamitin ka, hindi mo malalaman kung paano gawin ang anumang gawain, at wala kang magiging anumang epekto sa gawain mo; sa lahat ng gawaing ginagawa mo, kailangan kang himukin, pangasiwaan, at subaybayan ng ang Itaas, na kailangang makialam sa lahat ng bagay—kaya, bakit ka gagamitin? Masyado kang nakababahala! Ang ganitong klase ng tao ay talagang hindi puwedeng gamitin. Kahit linangin pa ang mga ito, wala rin itong magiging silbi, at magdudulot lang ng malaking abala at makaaapekto rin sa paglilinang ng iba; hindi ba’t magiging mas matimbang ang mga kawalan kaysa sa mga pakinabang? (Oo.)

Ang ilang tao, dahil hindi sila kailanman iniangat o ginamit ng sambahayan ng Diyos, nagkakaroon ng mga ideya sa isipan nila at nagsasabing, “Bakit ni minsan ay hindi ako napapansin ng ang Itaas? Bakit ni minsan ay hindi ako inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos? Hindi ito patas!” Kung gayon, dapat mo munang timbangin kung kaya mo bang sumunod, at kung kaya mo bang magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Pangalawa, dapat mong timbangin kung natutugunan mo ang tatlong pamantayan na hinihingi para maiangat at malinang ng sambahayan ng Diyos ang mga tao na maging mga lider at manggagawa—may kakayahang maarok ang katotohanan, nagbubuhat ng pasanin, at nagtataglay ng kapabilidad sa gawain. Kung natutugunan mo ang mga pamantayang ito, sa malao’t madali ay magkakaroon ka ng pagkakataon na maiangat, malinang, at magamit. Para maiangat ka ng sambahayan ng Diyos, may mga bagay na hinihingi sa iyo. At ano ang mga bagay na ito? Kinakailangan mong kumilos ayon sa mga prinsipyo at hinihingi ng sambahayan ng Diyos; dapat mong gawin ang hinihingi sa iyo, at sa paraang hinihingi, nang sa gayon ay malinang ka na matuto munang kumilos sa paraang may prinsipyo, at matutong hanapin ang katotohanan at magpasakop sa katotohanan, at matutong makipagtulungan nang may pagkakaisa. Sa panahon ng paglilinang sa iyo, pupungusan ka paminsan-minsan ng sambahayan ng Diyos; paminsan-minsan, mahigpit kang sasawayin; paminsan-minsan, magtatanong ito tungkol sa pag-usad ng iyong gawain; paminsan-minsan, tatanungin ka nito kung kumusta na mismo ang gawain, at susuriin ang iyong gawain; at paminsan-minsan, susubukin nito kung ano ang pananaw mo sa isang partikular na bagay. Ang pakay ng mga pagsubok na ito ay hindi para pahirapan ka, kundi para ipaunawa sa iyo, sa mga bagay na ito, kung ano ang mga layunin ng Diyos, at kung anong saloobin at mga prinsipyo ang dapat mong taglayin. Ginagawa ito ng sambahayan ng Diyos para sanayin ka at himukin kang magsagawa. At ano ang pakay at layon ng pagsasanay ng mga tao? Ito ay para ipaunawa sa kanila ang katotohanan. Ang pakay ng pag-unawa sa katotohanan ay para magawa ng mga tao na magpasakop sa katotohanan at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo, para manatili sa kanilang posisyon at tapat na tuparin ang kanilang tungkulin, at, sa proseso ng paggawa ng kanilang tungkulin, para makapasok sa iba’t ibang katotohanang realidad at magkamit ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon. Ganito sinasanay ng sambahayan ng Diyos ang mga lider at manggagawa. Hangga’t nauunawaan ng mga lider at manggagawa ang katotohanan, may pag-asang magagabayan nila ang hinirang na mga tao ng Diyos na maunawaan ang katotohanan. Gaano man karaming katotohanan ang nauunawaan ng mga lider at manggagawa, ganoon karaming katotohanan ang may pag-asang maunawaan ng mga taong ginagabayan nila. Kapag naaarok ng mga lider at manggagawa ang mga katotohanang prinsipyo sa kanilang gawain, maaarok din ng mga ginagabayan nila ang mga prinsipyo at makapapasok ang mga ito sa katotohanang realidad sa gawain ng mga ito. Samakatwid, kailangang magtaglay ng mas mahusay na kakayahan kaysa sa ibang tao ang mga lider at manggagawang sumasailalim sa pagsasanay. Binibigyang-kakayahan muna sila na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at makapasok muna sa katotohanang realidad, at pagkatapos, mas maraming tao ang ginagabayan nila sa pagpasok sa katotohanang realidad at pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo. Ano ang palagay mo sa ganitong pamamaraan? (Mabuti ito.) Maaaring hindi gaanong nakapag-aral o hindi magaling magsalita ang gayong mga tao, o maaaring wala silang maraming nauunawaan tungkol sa teknolohiya o mga kasalukuyang usapin at politika. Maaaring hindi rin sila ganoon kahusay sa partikular na propesyon. Pero kaya nilang maunawaan ang katotohanan, at pagkatapos marinig ang mga salita ng Diyos, kaya nilang isagawa at danasin ang mga ito, at kayang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at kayang gabayan ang mas maraming tao sa pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos at sa pagsunod ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang tinutukoy natin kapag pinag-uusapan natin ang uri ng mga taong may talento na iniaangat at nililinang para maglingkod bilang mga lider. Abstrakto ba ito? (Hindi.) Maaaring itinatanong ng ilang tao: “Nagsasalita ka tungkol sa mga taong may talento, kung gayon, sila ba ang mga pinakamataas sa lipunan? Dapat bang sila ay nakapagpatakbo na ng isang negosyo, o naging isang CEO o negosyante sa lipunan? Sila ba ay mga estadista na may karanasan sa politika, o mga magaling sa negosyo, o may mga talento sa larangan ng sining at literatura? Sila ba ay mga taong napakatalino?” Ang mga taong may talento na binabanggit sa sambahayan ng Diyos ay naiiba sa mga taong may talento sa mundo sa labas. Ano ang ibig sabihin ng terminong “mga taong may talento” na binabanggit natin? Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng kakayahang maunawaan ang katotohanan, pagkakaroon ng kakayahang gumabay sa mga tao tungo sa katotohanang realidad, at kaalaman kung paano kumilatis ng iba’t ibang uri ng tao, at kung paano lumutas ng iba’t ibang kalagayan at suliranin na kinasasangkutan ng mga tao, at pagkakaroon ng mga tamang pananaw at saloobin kapag nahaharap sa mga isyu, at pagtataglay ng mga pananaw at saloobin na dapat mayroon ang mga taong nananampalataya sa Diyos at sumusunod sa Kanya. Hindi ito tumutukoy sa mga taong walang espirituwal na pang-unawa, o sa mga taong mapagpaimbabaw, o sa mga taong nagsasabi ng mga magagarbong salita at naglilitanya ng retorika. Sa halip, tumutukoy ito sa mga taong may katotohanang realidad. Ito ang ibig sabihin ng “mga taong may talento.” Ito ba ay hungkag? (Hindi.) Hindi ba’t napakapraktikal ng mga pamantayang ito na hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa ganitong mga uri ng taong may talento na iniaangat at nililinang nito para maging mga lider at manggagawa? (Oo.) Sobrang praktikal! Hindi hinihingi na magkaroon ng mataas na antas ng pinag-aralan ang gayong mga kandidato, subalit kailangang mayroon sila ng kakayahan kahit papaano na makaarok sa katotohanan. Maaaring sinasabi ng ilang tao: “Kung hindi nila kailangan ng mataas na antas ng pinag-aralan, ayos lang ba na hindi sila marunong magbasa at magsulat?” Hindi posibleng makababasa ng mga salita ng Diyos kung walang kaunting edukasyon. Kailangan nilang maunawaan ang nakasulat na salita, pero hindi kailangan ng mataas na antas ng pinag-aralan. Kasama sa mga iniaangat sa sambahayan ng Diyos ay ang mga nagtapos ng high school, kolehiyo, at Ph.D., kaya, walang mga limitasyon pagdating sa antas ng pinag-aralan. Dagdag pa rito, wala ring mga limitasyon sa katayuan ng isang tao sa lipunan. Mula sa mga magsasaka at mga intelektuwal, hanggang sa mga negosyante at mga maybahay—lahat ng uri ng tao ay tinatanggap. Bukod sa walang mga limitasyon sa antas ng edukasyon at katayuan sa lipunan, ang mga hinihinging pamantayan ay iyong ilan na nabanggit Ko. Makatwiran ba iyon? (Oo.) Sobrang makatwiran! Ngayon, nauunawaan mo na ba nang kaunti kung ano ang ibig Kong sabihin sa “mga taong may talento na inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos”? (Oo.) Ang mga taong nakatutugon sa ilang pamantayang ito ng pagkakaroon ng kakayahang maarok ang katotohanan, pagbubuhat ng pasanin, at pagkakaroon ng kapabilidad sa gawain ay mga kandidato sa pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos. Kung natutugunan nila ang mga pamantayang ito, kalipikado sila. Pagdating sa ibang bagay tulad ng edukasyon, pinagmulan na pamilya, katayuan sa lipunan, hitsura, at iba pa, hindi ganoon kataas ang mga hinihingi. Ito ay tungkol sa pag-aangat at paglilinang sa mga tao para maging mga lider at manggagawa.

Katatalakay lang natin ang tungkol sa ilang pamantayan na dapat tugunan ng mga taong may talento na may mga kasanayan o propesyon upang maiangat at malinang sila. Kabilang sa mga ito ay na dapat mahal nila ang mga positibong bagay at kayang tanggapin ang katotohanan, hindi maging baluktot sa kanilang pag-arok, kayang maging tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin, magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga nang walang pagrereklamo, at sa pinakamababa, hindi gumawa ng kasamaan—mahalaga ang ilang pamantayang ito pagdating sa mga taong ito. Kung gayon, ano ang pakay sa pag-aangat at paglilinang sa mga taong ito? Gayundin, ito ay upang sa tuwing mahaharap sa mga problema ang mga taong ito habang ginagampanan ang kanilang tungkulin at gumagawa ng partikular na gawain, maaari nilang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Sa proseso ng pagsasagawa ng pagpasok, hindi namamalayang sinasanay at kinokontrol sila, at sinasanay na bitiwan ang sarili nilang mga layunin, ituwid ang mga mali at kakatwang pananaw nila sa mga makamundong tao, bitiwan ang ilang isip-batang kaisipan, at bitiwan ang mga pagkiling, kuru-kuro, at imahinasyon tungkol sa pananalig sa Diyos, at mga bagay na tulad niyon. Siyempre, anuman ang mangyari, ang prosesong ito ng pagsasanay ay naglalayon na unti-unting makaunawa ang mga tao sa katotohanan, matutong magpasakop, at matutong pumasok sa iba’t ibang katotohanang realidad. Sa proseso ng pagkatuto, unti-unti nilang nakakabisado ang mga katotohanang prinsipyo, nalalaman kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos, at kung ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa ng katotohanan, at kung ano ang ibig sabihin ng paggampan ng tungkulin, at sa huli, unti-unti nilang nauunawaan kung ano ang dapat nilang gawin para magampanan ang kanilang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, kung paano nila dapat gawin ang mga bagay-bagay gaya ng nararapat gawin ng isang mananampalataya, at iba pa—ang lahat ng ito ay mga bagay na unti-unting pinapasok ng mga tao matapos silang maiangat at malinang. Ang proseso ng unti-unting pagpasok ng mga tao ay ang proseso ng paglilinang, at ang proseso ng paglilinang, sa katunayan, ay ang proseso ng pagsasagawa ng mga tao ng pagpasok sa katotohanang realidad. Ngunit kung hindi ka pa naiangat at nalinang, at kumikilos ka lang bilang ordinaryong mananampalataya na dumadalo sa mga pagtitipon, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagbabahagi tungkol sa katotohanan, o natututo ng mga himno, sa pananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan ay hindi mo tunay na tinutupad ang tungkulin mo bilang isang nilikha, kaya malayong ginagawa mo ang tungkulin mo sa paraang pasok sa pamantayan. Ni hindi malinaw sa iyo kung anong mga prinsipyo ang dapat mong maarok sa paggawa ng tungkulin mo, at kaya lang magsalita ng mga doktrina at islogan; samakatwid, hindi ka pa nakapapasok sa katotohanang realidad, at mabagal ang pagpasok mo sa buhay. Gayundin, ang pakay at layon ng pag-aangat at paglilinang sa mga taong ito na nakikilahok sa mga propesyonal na gampanin ay para mas mabilis silang makapasok sa katotohanang realidad at magkamit ng mas maayos at mas tumpak na pag-arok sa mga katotohanang prinsipyo. Ang mga nakaaarok sa mga katotohanang prinsipyo at nakapapasok sa katotohanang realidad—sila ang mga taong may talento na iniaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos. Ano ang tinutukoy ng ganitong uri ng taong may talento? Ito ay iyong mga tao na—batay sa pagmamahal sa mga positibong bagay, at kakayahang magdusa ng mga paghihirap at magbayad ng halaga, at pagiging hindi baluktot sa kanilang pag-arok, at hindi pagiging masasamang tao—nagtamo ng pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo at nakapasok sa katotohanang realidad, at nagawang magpasakop sa Diyos at sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at mayroong medyo may-takot-sa-Diyos na puso. Ito ang ikalawang uri ng mga taong may talento na tinutukoy Ko. Ang mga hinihingi para sa kanila ay praktikal din, sapat na tiyak, at hindi abstrak. Kung gayon, ang ganitong uri ba ng mga taong may talento ay kinakailangan na maging pinakamataas sa lipunan, at may karanasan sa pakikisalamuha, at may partikular na antas ng pinag-aralan, at may partikular na katayuan sa lipunan? (Hindi.) Hindi kailanman hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na magkaroon ng katayuan sa lipunan, bantog, antas ng pinag-aralan o mataas na antas ng kaalaman—hindi kailanman hinihingi ang mga bagay na ito. Sa pag-aangat at paglilinang ng mga tao, hindi tinitingnan ng sambahayan ng Diyos ang anyo nila, ibig sabihin, kung gaano sila kapangit o kaganda. Maliban sa hindi pag-aangat sa mga uri ng tao na mukhang mga walang pananampalataya, o mga mukhang kakila-kilabot o buktot, ang iba pang mga pamantayan ay iyong mga kababanggit Ko lang—ito ang mga pinakapraktikal. Kapag inaangat ng mga walang pananampalataya ang isang tao, tinitingnan muna nila ang hitsura ng tao; dapat guwapo ang mga lalaki, parang mga opisyal, at dapat maganda ang mga babae, parang mga diwata. Dagdag pa rito, ikinukumpara rin nila ang mga antas ng pinag-aralan, katayuan sa lipunan, pinagmulan ng pamilya, at katusuhan ng mga tao. Kung mataas ang antas ng pinag-aralan mo pero wala kang katusuhan, hindi ka pa rin papasa; hindi ka kailanman maiaangat at walang magpapahalaga sa iyo. Kung mataas ang antas ng pinag-aralan mo at may tunay na talento, pero hindi gaanong kagandahan o kagwapuhan, at hindi matangkad, at hindi marunong mambola o makipaglapit sa mga nakatataas sa iyo, hindi ka kailanman maiaangat o malilinang hangga’t nabubuhay ka, at walang sinuman ang makatutuklas sa iyo. Kaya, ang mga walang pananampalataya ay may ganitong kasabihan, “Maraming maliliksing kabayo, pero iilan lang ang nakakakilala sa mga ito.” Totoo ba ito sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon, totoo ba ang kasabihang “Sa kalaunan, ang tunay na ginto ay nakatadhanang kuminang”? May batayan ba ito? (Wala.) Madalas itong sinasabi ng mga taong mapangutya at hindi sumusuko sa kaninuman. Palaging gustong magningning—ito ay isang ambisyon ng tao. Ang iba’t ibang uri ng mga taong may talento na iniaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ay hindi ginto; mga ordinaryong tao lamang sila. Ang pag-aangat at paglilinang na tinatalakay natin ay isa lamang paraan ng pagsasalita; sa katunayan, tumutukoy ito sa pagtataas ng Diyos. Ikaw ba, na isang nilikha, ay ginto sa harap ng Lumikha? Isa ka lang alabok, ni hindi ka man lang tanso o bakal. Bakit Ko sinasabing alabok ka sa halip na ginto? Walang anumang kapuri-puri tungkol sa mga tao. Maaaring tinatanong ng ilan: “Hindi ba’t taliwas ang sinabi Mo? Hindi ba’t kasasabi Mo lang na maaaring maiangat ang isang tao kung natutugunan niya ang pamantayan ng pagmamahal sa mga positibong bagay?” Bilang isang tao, hindi ba’t dapat mong mahalin ang mga positibong bagay? Kung mahal mo ang ilang positibong bagay, ginagawa ka ba nitong ginto? Pinagniningning ka ba nito? Kung mahal mo ang ilang positibong bagay, nangangahulugan ba ito na mayroon kang katotohanan? Tanging sa pagkakaroon ng katotohanan nagniningning ang isang tao. Kung wala sa iyo ang katotohanan, paano masasabing nagniningning ka? Ang katunayan ay na walang nauunawaang anumang katotohanan ang isang nilikha. Ang pagtataglay ng kaunting pagkatao, at ng kaunting abilidad at kakayahan na umarok sa katotohanan ay hindi nangangahulugan na likas na taglay ng isang tao ang katotohanan. Hindi nagtataglay ng katotohanan ang mga tao, at kahit na matuwid o mabuti ang pagkatao nila, hindi katotohanan ang mga bagay na ito—ang mga ito ay mga katangian lang na dapat taglayin ng may normal na pagkatao. Kaya, huwag magsalita ng tungkol sa pagniningning. Kung gayon, kailan maaaring magningning nang kaunti ang isang tao? Kapag kaya na niyang bigkasin ang mga salita ni Job, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21), doon masasabi na nagniningning siya nang kaunti at namumuhay sa liwanag. Kapag kaya mong gamitin ang katotohanang realidad na tinataglay mo at ang katotohanang nauunawaan mo para tustusan, suportahan, at pamunuan ang iba, nang sa gayon ay madala sila sa harap ng Diyos at sa katotohanang realidad, magpasakop sa Diyos, at sumamba sa Diyos, saka ka pa lamang maaaring magningning nang kaunti.

Ang iba’t ibang uri ng mga taong may talento na nililinang ng sambahayan ng Diyos ay hindi mga taong may pambihirang kaloob—sila ay mga ordinaryo, tiwaling tao lamang. Basta’t kaya nilang tanggapin ang katotohanan, sumunod at magpasakop, at nagtataglay sila ng partikular na kakayahan, kung gayon, gagawa ng eksepsiyon ang sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aangat at paglilinang sa kanila. Kapag nagsasalita Ako tungkol sa paggawa ng eksepsiyon para iangat at linangin ang mga tao, tungkol ito sa pagtataas ng Diyos, tungkol ito sa pagbibigay sa iyo ng pagkakataon na humarap sa Diyos at tanggapin ang pamumuno ng Diyos, at tanggapin ang paglilinang at pagsasanay ng Diyos sa iyo, para sa panahong ito ay makapasok ka sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon at magawang tumpak na maarok ang mga katotohanang prinsipyo, magawa ang iyong tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, at mamuhay nang may wangis ng isang tao. Ito ang ibig sabihin ng terminong “mga taong may talento” sa sambahayan ng Diyos. Ni katiting ay hindi malaki at kahanga-hanga ang gayong mga tao, nauunawaan lamang nila ang katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad, at kaya nilang gawin ang kanilang tungkulin nang may konsensiya at responsable, at may kaunting sinseridad at kaya nilang magbayad ng kaunting halaga, at hindi kumikilos nang walang pakundangan batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa paggawa ng eksepsiyon sa pamamagitan ng pag-aangat at paglilinang sa mga taong nakatutugon sa mga pamantayang ito, at pagsasanay sa kanila, nararapat ba itong gawin ng sambahayan ng Diyos? Kapaki-pakinabang ba ito sa mga tao? Lubos itong kapaki-pakinabang sa mga tao! Katulad ng ibang mananampalataya, ang mga iniaangat at nililinang ay nananampalataya sa Diyos, at nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, at nakikinig sa mga sermon, at gumagawa ng kanilang tungkulin, ngunit kumpara sa ibang mananampalataya, mas mabilis silang lalago at magkakamit ng higit pa. Gusto ba ninyong magkamit ng higit pa, o magkamit ng kaunti lang? (Magkamit ng higit pa.) Karamihan ng tao ay may ganitong pagnanais, na nangangahulugang mahal nila ang mga positibong bagay. Minsan, nakikipagbahaginan Ako sa ilang pangkat tungkol sa buhay pagpasok, at marami-rami ang nakikilahok para makinig, na nagpapakita na karamihan ay may masidhing pagnanais para sa katotohanan, at handang maunawaan nang higit pa ang katotohanan, at handa ring pumasok sa katotohanang realidad. Sa simula, nakipagbahaginan Ako sa ilang tao at talagang manhid sila. Nagsalita Ako nang mahabang oras pero hindi sila tumugon, o nagpakita man lang ng kahit katiting na pahiwatig ng pagngiti. Matapos ang isa o dalawang taon ng pakikisalamuha sa kanila, naging mas natural ang mga ekspresyon ng mukha nila at tumutugon na ang karamihan sa kanila, at sa paglipas ng panahon, medyo mas mabilis na ang kanilang mga tugon. Ibig sabihin, mula sa pagiging patay, sila ay naging buhay at nagising ang kanilang mga espiritu. Paano ito nangyari? Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, kahit gaano pa nila kamahal ang mga positibong bagay, o kahit gaano pa sila katalino o kamautak, mga patay na tao pa rin sila. Ang ilang tao ay nagsisimula bilang hangal at mapurol ang isip, walang sinuman sa mundo ang may mataas na tingin sa kanila, at wala rin silang gaanong pinag-aralan at hindi gaanong malawak ang kanilang kaalaman at karanasan. Pero pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos, nakauunawa na sila ng maraming katotohanan at nakakikita na ng maraming bagay nang malinaw, at pagkatapos ay naisasabuhay ang wangis ng mga tao, kaya sila nagiging buhay na mga tao. Ano ang ibig sabihin ng “buhay na mga tao”? Hindi ito tungkol sa kung buhay o patay ang iyong pisikal na katawan, o kung kayang gumalaw o huminga ng katawan mo, kundi ito ay kung may kamalayan at sensitibo sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan ang iyong espiritu. Tumutugon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos ang mga buhay na tao. Pagkatapos marinig ang mga salita ng Diyos, nagkakaroon sila ng kamalayan, landas, plano, at layon. Walang ganitong mga pagpapamalas ang mga patay na tao. Kaya, kung inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang isang tao, mas higit pang magkakamit ang taong ito. Kung gayon, paano makakapagkamit nang sapat ang mga taong hindi nakatutugon sa mga pamantayang ito at hindi iniaangat o nililinang? Paano sila mabilis na makapapasok sa katotohanang realidad? Kailangan nilang matutong isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos, magtamo ng pagkaunawa sa maraming katotohanan, at magawa ring gamitin ang katotohanan para makilatis ang mga tao at malutas ang mga problema—saka sila makapapasok sa katotohanang realidad.

Sinasabi ng ilang tao: “Dahil inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang iba’t ibang uri ng mga taong may talento at pinahihintulutan silang makapasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay hindi makapapasok sa katotohanang realidad ang mga taong walang talento?” Tama ba na sabihin iyon? (Hindi, mali ito.) Kung gayon, pagkatapos ng pagbabahaginan tungkol sa paksang ito, pinasabik ba nito ang ilang tao habang nasisiraan ng loob at binibigo ang iba? Dapat ganito ito tingnan ng isang tao: Hindi dapat magmalaki ang mga taong iniangat at nilinang. Wala kang dapat ipagyabang, biyaya at pagpapala ito ng Diyos. Kapag binibigyan ka ng Diyos nang higit pa, hinihingi rin Niya na higit mong ibigay ang iyong sarili. Kung gumagawa ng eksepsiyon ang sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aangat at paglilinang sa iyo, nangangahulugan ito na kailangan mong magbayad ng mas malaking halaga. Kung kaya mong pagdusahan ang paghihirap na ito, siyempre, mas marami kang makakamit. Kung sasabihin mo, “Ayaw kong magdusa sa paghihirap na ito,” hindi mo makakamit ang katotohanan, ni ang pagpapala ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Gusto kong makamit ang mga bagay na iyon pero sa tingin ko ay hindi ko kaya, dahil hindi naman gagawa ng eksepsiyon ang sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aangat at paglilinang sa akin. Hindi ko natutugunan ang mga pamantayan.” Hindi mahalaga kung hindi mo natutugunan ang mga pamantayan. Basta’t hinahangad mo ang katotohanan at nagsusumikap para dito, hindi ka tatratuhin ng Diyos nang hindi patas. Nakakapasok lang sa katotohanang realidad nang mas maaga ang mga taong ito na iniaangat at nililinang dahil sa kanilang kakayahan at dahil sa kanilang iba’t ibang kondisyon. Gayumpaman, ang maagang pagpasok na ito ay hindi nangangahulugang sila lang ang makakapasok sa katotohanang realidad. Ibig lang sabihin nito ay maaari silang magkamit nang medyo mas maaga, at makakapasok sa katotohanang realidad nang medyo mas maaga. Ang mga hindi naiangat ay medyo mahuhuli nang kaunti sa kanila, pero hindi ito nangangahulugan na hindi na sila makakapasok sa katotohanang realidad. Kung makakapasok o hindi ang isang tao sa katotohanang realidad ay nakadepende sa kanilang mga paghahangad. Itong mga taong iniangat at nilinang ay mas mabilis na nakakaarok sa mga katotohanang prinsipyo at mas mabilis na nakakapasok sa katotohanang realidad habang nasa proseso ng paglilinang, na kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kaya, tama lang na iangat at linangin ang mga taong natutuklasan na may mahusay na kakayahan at nagmamahal sa katotohanan. Kung matutuklasan ng isang tao ang mga taong ito at iaangat at lilinangin niya sila nang hindi sila kinaiinggitan o pinapabagsak, sa halip ay inaalagaan sila, kung gayon, isinasaalang-alang niya ang mga layunin ng Diyos. Sa kabaligtaran, kung ang ilang tao ay naiinggit at nag-aalala na mas mahusay ang mga taong ito kaysa sa kanila at nahihigitan sila, kaya’t ibinubukod at pinapabagsak nila ang mga ito, malinaw na isa itong masamang kilos at isang bagay na kadalasang ginagawa ng mga anticristo. Tanging ang masasamang tao at mga anticristo ang makakagawa ng pang-aatake at pagbubukod sa mga kapatid.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.