Ikalawang Ekskorsus: Kung Paano Nakinig Sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Sumunod sa Kanya (Unang Bahagi) Ikalawang Seksiyon

II. Inialay ni Abraham si Isaac

May isa pang kuwento na karapat-dapat isalaysay: ang kuwento ni Abraham. Isang araw, dalawang sugo ang dumating sa tahanan ni Abraham, na masigla silang tinanggap. Ang mga sugo ay naatasang sabihin kay Abraham na pagkakalooban siya ng Diyos ng isang anak na lalaki. Pagkarinig na pagkarinig niya nito, labis na natuwa si Abraham: “Salamat sa aking Panginoon!” Ngunit sa likod nila, humagikhik sa sarili ang asawa ni Abraham na si Sara. Ang ibig sabihin ng kanyang paghagikhik ay, “Imposible iyan, matanda na ako—paano pa ako magkakaanak? Napakalaking biro na bibigyan ako ng anak na lalaki!” Hindi ito pinaniwalaan ni Sara. Narinig ba ng mga sugo ang paghagikhik ni Sarah? (Oo.) Siyempre narinig nila, at nakita rin ito ng Diyos. At ano ang ginawa ng Diyos? Patagong nakamasid ang Diyos. Hindi naniwala roon si Sara, ang mangmang na babaeng iyon—ngunit dumaranas ba ng panggugulo ang itinakdang gawin ng Diyos? (Hindi.) Hindi ito nakararanas ng panggugulo ng sinumang tao. Kapag nagpasya ang Diyos na gumawa ng isang bagay, maaaring sabihin ng ilang tao, “Hindi ako naniniwala roon, kontra ako, ayaw ko, tutol ako, may problema ako rito.” May kabuluhan ba ang kanilang mga salita? (Wala.) Kaya kapag nakikita ng Diyos na mayroong mga hindi sang-ayon, na mayroong sinasabi, na hindi naniniwala, kailangan ba Niyang magpaliwanag sa kanila? Kailangan ba Niyang ipaliwanag sa kanila ang mga paraan at kung ano ang Kanyang ginagawa? Ginagawa ba iyon ng Diyos? Hindi. Hindi Niya pinapansin ang ginagawa at sinasabi ng mga mangmang na taong ito, wala Siyang pakialam sa kanilang saloobin. Sa Kanyang puso, ang napagpasyahang gawin ng Diyos ay matagal nang nakataga sa bato: Ito ang Kanyang ginagawa. Ang lahat ng bagay at kaganapan ay nasa ilalim ng kontrol at kapangyarihan ng mga kamay ng Diyos, pati na kapag ang isang tao ay may anak, at kung anong uri ng anak ang mga ito—malinaw na nasa mga kamay rin ito ng Diyos. Sa katunayan, nang magpadala ng mga sugo ang Diyos para sabihin kay Abraham na bibigyan Niya siya ng isang anak na lalaki, matagal nang naiplano ng Diyos ang maraming bagay na gagawin Niya kalaunan. Anong mga responsabilidad ang babalikatin ng anak na iyon, anong uri ang magiging buhay niya, anong klase ng mga inapo ang magkakaroon siya—matagal nang naiplano ng Diyos ang lahat ng ito, at walang magiging mga pagkakamali o pagbabago. Kaya mababago ba ng paghagikhik ng kung sinong hangal na babae ang anuman? Wala itong mababago. At nang dumating ang panahon, ginawa ng Diyos ang plinano Niya, at ang lahat ng ito ay natupad ayon sa sinabi at itinakda ng Diyos.

Nang si Abraham ay 100 taong gulang na, binigyan siya ng Diyos ng isang anak na lalaki. Dahil 100 taon nang nabuhay na walang anak, nakakabagot at malungkot ang mga araw ng buhay ni Abraham. Ano ang pakiramdam ng 100 taong gulang na lalaki na walang mga anak, lalo na’t walang isang anak na lalaki? “May kulang sa buhay ko. Hindi ako binigyan ng Diyos ng isang anak na lalaki, at ang buhay ko ay medyo malungkot, medyo may panghihinayang.” Ngunit ano ang lagay ng loob ni Abraham nang magpadala ng mga sugo ang Diyos para sabihin sa kanya na siya ay bibigyan ng isang anak na lalaki? (Katuwaan.) Maliban sa nag-uumapaw na kagalakan, napuno rin siya ng pag-asam. Pinasalamatan niya ang Diyos sa Kanyang biyaya, sa pagtutulot sa kanya na magpalaki ng isang anak sa mga natitirang taon sa kanyang buhay. Napakagandang bagay nito, at ganoon ito nangyari. Kaya ano ang kanyang mga ikasisiya? (Nagkaroon siya ng mga inapo, magpapatuloy ang angkan ng kanyang pamilya.) Isa iyan. May isa pa na napakasayang bagay rin—ano iyon? (Personal na ipinagkaloob ng Diyos ang batang ito.) Tama. Kapag magkakaanak ang isang ordinaryong tao, dumarating ba ang Diyos at sinasabi sa kanila? Sinasabi ba Niya, “Personal Kong ipinagkakaloob sa iyo ang batang ito na ipinangako Ko sa iyo”? Ito ba ang ginagawa ng Diyos? Hindi. Kaya ano ang espesyal tungkol sa batang ito? Nagpadala ng mga sugo ang Diyos para personal na sabihin kay Abraham, “Sa edad na 100, tatanggap ka ng isang anak, na personal na ipinagkakaloob ng Diyos.” Ito ang espesyal tungkol sa bata: Ang Diyos ang nagbalita tungkol sa kanya, at personal siyang ibinigay ng Diyos. Napakasayang bagay nito! At hindi ba’t ang espesyal na kahalagahan ng batang ito ay dahilan para kung anu-ano ang isipin ng mga tao? Ano ang naging pakiramdam ni Abraham nang masaksihan niya ang pagsilang ng batang ito? “Sa wakas ay nagkaroon din ako ng isang anak. Natupad na ang mga salita ng Diyos; sinabi ng Diyos na bibigyan Niya ako ng isang anak, at ginawa nga Niya ito!” Nang isilang ang batang ito at kinarga niya ito sa kanyang mga bisig, ang una niyang nadama ay, “Ang batang ito ay hindi ko natanggap mula sa mga kamay ng tao, kundi mula sa mga kamay ng Diyos. Tamang-tama ang panahon ng pagdating ng batang ito. Ipinagkaloob siya ng Diyos, at kailangan ko siyang palakihin nang maayos, at turuan siya nang husto, at hikayatin siyang sambahin ang Diyos at sumunod sa mga salita ng Diyos, sapagkat siya ay mula sa Diyos.” Labis ba niyang minahal ang batang ito? (Oo.) Ito ay isang espesyal na bata. Idagdag pa riyan ang edad ni Abraham, at hindi mahirap isipin kung gaano niya minahal ang batang ito. Ang pagmamahal, pagsuyo, at pagkagiliw ng isang karaniwang tao sa kanyang anak ay nasumpungan din kay Abraham. Nanampalataya si Abraham sa mga salitang sinambit ng Diyos, at nasaksihan, sa sarili niyang mga mata, ang katuparan ng Kanyang mga salita. Naging saksi rin siya sa mga salitang ito mula sa pagpapahayag hanggang sa katuparan ng mga ito. Nadama niya kung gaano kamaawtoridad ang mga salita ng Diyos, gaano kamahimala ang Kanyang mga gawa, at, ang pinakamahalaga, gaano kalaki ang pagmamalasakit ng Diyos para sa tao. Habang nakatingin sa bata, bagama’t nadama ni Abraham ang masalimuot at matitinding damdamin, sa kanyang puso ay may isang bagay lang siyang sinabi sa Diyos. Sabihin ninyo sa Akin, ano sa palagay ninyo ang sinabi niya? (Salamat sa Diyos!) “Salamat sa aking Panginoon!” Nagpasalamat si Abraham, at inihandog din niya ang kanyang malaking pasasalamat at papuri sa Diyos. Para sa Diyos at kay Abraham, pambihira ang kahalagahan ng batang ito. Iyan ay dahil, mula sa sandaling sinabi ng Diyos na bibigyan niya si Abraham ng isang anak, nagplano at nagpasya na ang Diyos na may isasakatuparan Siya: Mayroong mahahalagang bagay, mga dakilang bagay, na nais Niyang maisakatuparan sa pamamagitan ng batang ito. Gayon kahalaga ang bata para sa Diyos. At para kay Abraham, dahil sa espesyal na biyaya ng Diyos sa kanya, dahil pinagkalooban siya ng Diyos ng isang anak, sa takbo ng kasaysayan ng buong lahi ng tao, at pagdating sa buong sangkatauhan, ang halaga at importansya ng kanyang pag-iral ay pambihira, lampas pa sa ordinaryo. At ito ba ang katapusan ng kuwento? Hindi. Ang kritikal na bahagi ay hindi pa nagsisimula.

Matapos matanggap ni Abraham si Isaac mula sa Diyos, pinalaki niya si Isaac ayon sa iniutos at hiniling ng Diyos. Sa kanyang pang-araw-araw na buhay sa lahat ng hindi kapansin-pansin na mga taon na iyon, inakay ni Abraham si Isaac para mag-alay, at isinalaysay kay Isaac ang mga kuwento ng Diyos sa langit. Paunti-unting naunawaan ni Isaac ang mga bagay-bagay. Natutuhan niya kung paano magpasalamat sa Diyos, at purihin ang Diyos, at natutuhan niya kung paano sumunod, at magbigay ng mga handog. Nalaman niya kung kailan nagbibigay ng mga handog, at kung nasaan ang altar. Pagkatapos, pupunta tayo sa pinakamahalagang bahagi ng kuwento. Isang araw, noong magsimula si Isaac na maunawaan ang mga bagay-bagay ngunit hindi pa sumasapit sa hustong gulang, sinabi ng Diyos kay Abraham, “Ayaw Ko ng kordero para sa alay na ito. Sa halip ay ihandog mo si Isaac.” Para sa isang katulad ni Abraham, na mahal na mahal si Isaac, para bang lubhang nakakagulat ang mga salita ng Diyos? Hindi bale na si Abraham na napakatanda na—ilang tao ang nasa rurok ng kanilang buhay—mga taong nasa edad na 30 o 40—ang makakayang marinig ang balitang ito? Kaya ba ninuman? (Hindi.) At ano ang reaksiyon ni Abraham matapos marinig ang mga salita ng Diyos? “Ha? Nagkamali ba ang Diyos sa sinabi Niya? Hindi kailanman nagkakamali ang Diyos, kaya nagkamali ba ng dinig ang matatanda kong tainga? Titingnan ko ulit.” Nagtanong siya, “Diyos ko, hinihilingan Mo ba ako na ihandog si Isaac? Si Isaac ba ang alay na nais Mo?” Sinabi ng Diyos, “Oo, tama iyan!” Matapos makumpirma, nalaman ni Abraham na hindi mali ang mga salita ng Diyos, ni hindi magbabago ang mga ito. Ito mismo ang ibig sabihin ng Diyos. At mahirap ba para kay Abraham na marinig ito? (Mahirap.) Gaano kahirap? Sa kanyang isipan, naisip ni Abraham, “Pagkatapos ng lahat ng taon na ito, sa wakas ay nagsimula nang lumaki ang anak ko. Kung ihahandog siya bilang isang buhay na alay, ibig sabihin niyan ay kakatayin siya sa altar na parang kordero sa katayan. Ang ibig sabihin ng makatay ay papatayin siya, at ang pagpatay sa kanya ay nangangahulugan na magmula sa araw na ito, mawawalan na ako ng anak….” Nang umabot na sa puntong ito ang mga naiisip niya, nangahas pa bang mag-isip ng iba si Abraham? (Hindi.) Bakit hindi? Ang mag-isip pa ng iba ay maghahatid ng mas matinding sakit, na parang isang patalim sa puso. Ang mag-isip ng iba pa ay hindi mangangahulugan ng pag-iisip ng masasayang bagay—mangangahulugan ito ng matinding paghihirap. Ang bata ay hindi babawiin, na hindi makikita nang ilang araw o taon, ngunit naroroon pa rin; hindi naman ito tulad ng palaging mag-iisip si Abraham tungkol sa kanya, at pagkatapos ay tatagpuing muli ang bata sa sandaling magkaroon ng pagkakataon kapag malaki na ito. Hindi ganoon ang kaso. Kapag inihandog na ang bata sa ibabaw ng altar, mawawala na siya, hindi na siya muling makikita, naialay na siya sa Diyos, at nakabalik na siya sa Diyos. Babalik sa dati ang mga bagay-bagay. Bago dumating ang bata, malungkot ang buhay. At magiging masakit ba kung nagpatuloy nang gayon ang mga bagay-bagay, na hindi na siya nagkaroon ng anak kailanman? (Hindi naman ito magiging napakasakit.) Ang magkaroon ng anak at pagkatapos ay mawala ito—napakasakit niyan. Napakahirap nito! Ang ibalik ang batang ito sa Diyos ay nangangahulugan na mula sa oras na iyon, hindi na muling makikita ang bata kailanman, hindi na muling maririnig ang kanyang tinig kailanman, hindi na siya muling mapapanood ni Abraham na maglaro, hindi na siya mapapalaki, hindi na siya mapapatawa, hindi na makikita ang kanyang paglaki, hindi na matatamasa ang lahat ng kasiyahan ng pamilya na kaakibat ng kanyang presensya. Ang tanging mananatili ay sakit at pangungulila. Nang lalo itong isipin ni Abraham, naging mas mahirap ito. Ngunit gaano man ito kahirap, isang bagay ang malinaw sa kanyang puso: “Hindi biro ang sinabi at ang gagawin ng Diyos, hindi ito maaaring maging mali, lalong hindi ito maaaring magbago. Bukod pa riyan, ang bata ay nagmula sa Diyos, kaya ganap na likas at may katwiran na ihandog siya sa Diyos, at kapag ninais ng Diyos, tungkulin kong ibalik siya sa Diyos, nang walang kompromiso. Ang nakaraang dekada ng kasiyahan ng pamilya ay naging isang espesyal na kaloob, na natamasa ko nang sagana; dapat akong magpasalamat sa Diyos, at hindi ako dapat gumawa ng di-makatwirang mga hiling sa Diyos. Ang batang ito ay pag-aari ng Diyos, hindi ko siya dapat angkinin, hindi ko siya personal na pag-aari. Lahat ng tao ay mula sa Diyos. Kahit na hilingin sa akin na ihandog ang sarili kong buhay, hindi ako dapat mangatwiran sa Diyos o humingi ng mga kapalit, lalo pa kapag ang bata ay personal na ibinalita at ipinagkaloob ng Diyos. Kung sinabi ng Diyos na ihandog siya, ihahandog ko siya!”

Minu-minuto, segu-segundo, lumipas ang oras sa ganitong paraan, ang sandali ng sakripisyo ay papalapit nang papalapit. Ngunit sa halip na mas lalong maging miserable, lalong napanatag si Abraham. Ano ang nagpakalma sa kanya? Ano ang nagtulot kay Abraham na matakasan ang sakit at magkaroon ng tamang saloobin sa mangyayari? Naniwala siya na ang saloobin ng isang tao sa ginawa ng Diyos ay dapat na saloobin ng pagpapasakop, at hindi saloobin ng pagtatangka na mangatwiran sa Diyos. Nang umabot sa puntong ito ang kanyang mga iniisip, hindi na siya nasaktan. Buhat-buhat ang batang si Isaac, sumulong siya, nang paisa-isang hakbang, patungo sa tabi ng altar. Walang anumang bagay sa ibabaw ng altar—hindi katulad ng karaniwan, kapag naroon na at naghihintay ang isang kordero. “Ama, hindi mo pa ba naihahanda ang alay ngayon?” tanong ni Isaac. “Kung hindi, ano ang iaalay ngayon?” Ano ang nadama ni Abraham nang itanong ito ni Isaac? Posible bang naging masaya siya? (Hindi.) Kaya ano ang ginawa niya? Sa kanyang puso, kinamuhian ba niya ang Diyos? Nagreklamo ba siya sa Diyos? Lumaban ba siya? (Hindi.) Wala sa mga ito. Ano ang ipinapakita nito? Mula sa lahat ng sumunod na nangyari, malinaw na hindi talaga inisip ni Abraham ang gayong mga bagay. Ipinatong niya ang panggatong na sisindihan niya sa altar, at tinawag si Isaac. At pagkakita kay Abraham na tinatawag si Isaac patungo sa altar, sa sandaling iyon, ano ang inisip ng mga tao? “Napakawalang-puso mong matanda ka. Wala kang pagkatao. Hindi ka tao! Anak mo siya, talaga bang matitiis mong gawin ito? Magagawa mo ba talaga ito? Ganyan ka ba talaga kalupit? Mayroon ka man lamang bang puso?” Hindi ba’t iyon ang inisip nila? At inisip ba ni Abraham ang mga bagay na ito? (Hindi.) Tinawag niya si Isaac sa kanyang tabi at, hindi makapagsalita, kinuha niya ang taling kanyang inihanda at itinali ang mga kamay at paa ni Isaac. Ipinahihiwatig ba ng mga pagkilos na ito na ang alay na ito ay magiging tunay o huwad? Magiging tunay ito, walang halo, hindi isang palabas. Pinasan niya si Isaac sa kanyang mga balikat, at paano man nagpapalag at nag-iiyak ang bata, hindi kailanman inisip ni Abraham na sumuko. Desidido niyang inilagay ang kanyang batang anak sa ibabaw ng mga panggatong, para sunugin sa altar. Umiyak, nagtitili, nagpapalag si Isaac—ngunit isinasagawa noon ni Abraham ang mga dapat gawin para sa pag-aalay sa Diyos, inihahanda ang lahat para sa alay. Matapos ilagay si Isaac sa ibabaw ng altar, inilabas ni Abraham ang isang patalim na karaniwang ginagamit sa pagkatay sa mga kordero, at matatag itong hinawakan ng dalawang kamay, habang itinataas niya ang patalim sa ibabaw ng kanyang ulo, at itinutok ito kay Isaac. Ipinikit niya ang kanyang mga mata, at nang isasaksak na niya ang patalim, kinausap ng Diyos si Abraham. Ano ang sinabi ng Diyos? “Abraham, pigilan mo ang kamay mo!” Hindi naisip kailanman ni Abraham na sasabihin ng Diyos ang bagay na iyon noong ibabalik na niya si Isaac sa Kanya. Hindi ito isang bagay na nangahas siyang isipin. Magkagayunman, nang paisa-isa, kumalabog sa kanyang puso ang mga salita ng Diyos. Sa gayon ay nakaligtas si Isaac. Noong araw na iyon, ang alay na talagang ibibigay sa Diyos ay nasa likod ni Abraham; ito ay isang kordero. Matagal na itong inihanda ng Diyos, ngunit walang ibinigay na pahiwatig ang Diyos kay Abraham bago iyon, sa halip ay sinabihan siyang tumigil nang maitaas na niya ang patalim at handa na siyang isaksak ito. Walang sinumang makapaglalarawan nito sa kanilang isip, hindi si Abraham, hindi rin si Isaac. Kung titingnan ang pag-aalay ni Abraham kay Isaac, nilayon ba talaga ni Abraham na ialay ang kanyang anak, o nagpapanggap lang siya? (Tunay niyang nilayon na gawin ito.) Tunay niyang nilayon na gawin ito. Ang kanyang mga kilos ay dalisay, wala itong halong panlilinlang.

Inialay ni Abraham ang kanyang sariling laman at dugo bilang sakripisyo sa Diyos—at nang ipagawa sa kanya ng Diyos ang pag-aalay na ito, hindi sinubukan ni Abraham na mangatwiran sa kanya sa pagsasabing, “Hindi ba tayo maaaring gumamit ng iba? Maaaring ako, o iba pang tao.” Sa halip na sabihin ang gayong mga bagay, ibinigay ni Abraham ang kanyang pinakamamahal at itinatanging anak sa Diyos. At paano ginawa ang pag-aalay na ito? Narinig niya ang sinabi ng Diyos, at pagkatapos ay basta humayo at ginawa iyon. Magkakaroon ba ng katuturan sa mga tao kung binigyan ng Diyos si Abraham ng isang anak, at nang lumaki ang bata, hiningi Niya kay Abraham na ibalik ang bata, at gusto Niyang kuhain ang bata? (Hindi.) Mula sa perspektiba ng tao, hindi ba’t magiging ganap na hindi makatwiran iyon? Hindi ba’t magmumukha iyon na pinaglalaruan ng Diyos si Abraham? Ibinigay ng Diyos ang batang ito isang araw, at makalipas lamang ang ilang taon, gusto na Niyang kuhain ang bata. Kung nais ng Diyos ang bata, dapat sana ay kinuha Niya na lamang siya; hindi na kailangang dulutan ng paghihirap ang taong iyon sa paghiling na ialay niya ang bata sa altar. Ano ang kahulugan ng pag-aalay sa bata sa altar? Na kailangan ni Abraham na katayin at pagkatapos ay sunugin ang bata gamit ang sarili niyang mga kamay. Isa ba itong bagay na magagawa ng isang tao? (Hindi.) Ano ang ibig sabihin ng Diyos nang hiningi Niya ang pag-aalay na ito? Na dapat gawin ni Abraham nang personal ang mga bagay na ito: personal na itali ang kanyang anak, personal na ilagay siya sa ibabaw ng altar, personal siyang patayin gamit ang patalim, at pagkatapos ay personal siyang sunugin bilang isang alay sa Diyos. Sa mga tao, tila wala sa mga ito ang nagsasaalang-alang ng mga damdamin ng tao; walang katuturan ang alinman sa mga bagay na ito ayon sa kanilang mga kuru-kuro, pag-iisip, pilosopiyang etikal, o moralidad at mga kaugalian. Hindi nabuhay si Abraham sa kahungkagan, ni hindi siya nabuhay sa mundo ng pantasya; nabuhay siya sa mundo ng tao. Mayroon siyang mga saloobin ng tao at mga pananaw ng tao. At ano ang nasa isip niya nang mangyari sa kanya ang lahat ng ito? Bukod pa sa kanyang pagdurusa, at maliban pa sa ilang bagay na nagpalito sa kanya, mayroon bang paghihimagsik o pagtanggi sa kanya? Inatake ba niya sa salita at inabuso ang Diyos? Hindi talaga. Kabaligtaran nito mismo: mula sa sandaling inutusan siya ng Diyos na gawin ang bagay na ito, hindi nangahas si Abraham na tratuhin ito nang basta-basta; sa halip, nagsimula siyang maghanda kaagad. At ano ang lagay ng kanyang pakiramdam nang simulan niya ang mga paghahandang ito? Siya ba ay natutuwa, nagagalak, at masaya? O nasasaktan ba siya, nagdadalamhati, at mabigat ang loob? (Nasasaktan siya at nagdadalamhati.) Nasasaktan siya! Mabigat ang kanyang bawat hakbang. Matapos malaman ang bagay na ito, at matapos marinig ang mga salita ng Diyos, bawat araw ay parang isang taon kay Abraham; siya ay miserable, walang kakayahang magalak, at mabigat ang kanyang puso. Gayunman, ano ang kanyang kaisa-isang paniniwala? (Na dapat niyang sundin ang mga salita ng Diyos.) Tama iyan, ito ay na dapat niyang sundin ang mga salita ng Diyos. Sinabi niya sa sarili, “Pagpalain ang pangalan ng aking Panginoong Jehova; isa ako sa mga tao ng Diyos, at dapat kong sundin ang mga salita ng Diyos. Tama man o mali ang sinasabi ng Diyos, at paano man dumating sa akin si Isaac, kung hingin ng Diyos, kailangan kong ibigay; gayon ang katwiran at saloobing dapat matagpuan sa tao.” Hindi naging malaya si Abraham sa sakit o hirap matapos tanggapin ang mga salita ng Diyos; nasaktan siya at nahirapan, at hindi madaling daigin ang mga ito! Magkagayunman, ano ang nangyari sa huli? Tulad ng hiniling ng Diyos, dinala ni Abraham ang kanyang sariling anak, isang bata, sa altar, at lahat ng ginawa niya ay nakita ng Diyos. Kung paano pinanood ng Diyos si Noe, gayon din Niya minasdan ang bawat galaw ni Abraham, at naantig Siya sa lahat ng kanyang ginawa. Bagama’t hindi nagwakas ang mga bagay-bagay nang tulad ng iniisip ng sinuman, ang ginawa ni Abraham ay kakaiba sa buong sangkatauhan. Dapat ba siyang magsilbing halimbawa para sa lahat ng sumusunod sa Diyos? (Oo.) Isa siyang huwaran para sa buong sangkatauhan na sumusunod sa Diyos. Bakit Ko sinasabi na isa siyang huwaran para sa sangkatauhan? Hindi naunawaan ni Abraham ang maraming katotohanan, ni hindi niya narinig ang anumang mga katotohanan o sermon na personal na binigkas ng Diyos sa kanya. Naniwala, kumilala, at sumunod lamang siya. Ano ang taglay ng pagkatao niya na lubhang kakaiba? (Ang katwiran ng isang nilikha.) Aling mga salita ang sumasalamin nito? (Sinabi niya, “Pagpalain ang pangalan ng aking Panginoong Jehova; dapat akong sumunod sa mga salita ng Diyos, at naaayon man o hindi ang mga ito sa mga kuru-kuro ng tao, kailangan kong magpasakop.”) Dito, taglay ni Abraham ang katwiran ng normal na pagkatao. Bukod pa riyan, ipinakita ng mga ito na mayroon din siyang konsensiya ng normal na pagkatao. At saan nakita ang konsensiyang ito? Alam ni Abraham na ipinagkaloob ng Diyos si Isaac, na siya ay tao ng Diyos, na pag-aari siya ng Diyos, at na dapat siyang ibalik ni Abraham sa Diyos nang hingin Niya ito, sa halip na palagi siyang kumapit sa kanya; gayon ang konsensiyang dapat taglayin ng tao.

Mayroon bang konsensiya at katwiran ang mga tao sa ngayon? (Wala.) Sa anong mga bagay ito nakikita? Gaano man kalaking biyaya ang ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao, at ilang pagpapala o biyaya man ang kanilang tinatamasa, ano ang kanilang saloobin kapag hinihilingan sila na suklian ang pagmamahal ng Diyos? (Paglaban, at kung minsan ay takot na mahirapan at mapagod.) Ang takot na mahirapan at mapagod ay isang kongkretong pagpapamalas ng kawalan ng konsensiya at katwiran. Ang mga tao sa mga panahong ito ay nagdadahilan, sinusubukang magdikta ng mga pagkakasunduan at makipagtawaran—oo o hindi? (Oo.) Nagrereklamo rin sila, ginagawa ang mga bagay nang pabasta-basta at padalos-dalos, at nag-iimbot ng mga kaginhawahan ng laman—lahat ng ito ay mga kongkretong pagpapamalas. Walang konsensiya ang mga tao ngayon, subalit madalas pa rin nilang purihin ang biyaya ng Diyos, at binibilang nila ang lahat ng biyayang iyon, at naluluha sila kapag binibilang nila ang mga iyon. Gayunman, pagkatapos nilang magbilang, doon na iyon nagtatapos; patuloy pa rin silang nagiging pabasta-basta, patuloy na iniraraos lang ang mga bagay-bagay, patuloy silang nagiging mapanlinlang at patuloy na nagiging tuso at nagpapakatamad, nang walang anumang partikular na pagpapamalas ng pagsisisi. Ano, kung gayon, ang silbi ng iyong pagbibilang? Pagpapamalas ito ng kawalan ng konsensiya. Kaya, paano naipapamalas ang kawalan ng katwiran? Kapag pinupungusan ka ng Diyos, nagrereklamo ka, nasasaktan ang damdamin mo, at pagkatapos ay ayaw mo nang gawin ang iyong tungkulin at sinasabi mo na walang pagmamahal ang Diyos; kapag nagdurusa ka nang kaunti habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, o kapag ang sitwasyong itinakda sa iyo ng Diyos ay medyo mabigat, medyo mapanghamon, o medyo mahirap, ayaw mo nang gawin iyon; at hindi ka makapagpasakop sa anuman sa iba’t ibang sitwasyong itinakda ng Diyos, isinasaalang-alang mo lang ang laman, at ang nais mo lamang ay makalaya at makapagwala. Ito ba ay kawalan ng katwiran o hindi? Ayaw mong tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at nais mo lamang makinabang mula sa Kanya. Kapag nagpapatupad ka ng kaunting gawain at nagtitiis nang kaunti, iginigiit mo ang mga kalipikasyon mo, iniisip mo na higit ka sa iba habang tinatamasa mo ang mga pakinabang ng katayuan, at nagsisimula kang magmayabang na parang isang opisyal. Wala kang hangaring gumawa ng anumang tunay na gawain, ni wala kang kakayahang ipatupad ang anumang tunay na gawain—nais mo lamang mag-utos at maging isang opisyal. Gusto mo na ikaw mismo ang maging batas, na gawin ang anumang gusto mo, at walang pakundangang gumawa ng masasamang gawa. Maliban pa sa pag-alpas at pagwawala, wala nang ibang namamalas sa iyo. Pagtataglay ba ito ng katwiran? (Hindi.) Kung binigyan kayo ng Diyos ng isang mabuting anak, at kalaunan ay sinabihan ka nang deretsahan na babawiin Niya ang anak mo, ano ang magiging saloobin mo? Makikimkim mo ba ang saloobing pareho ng kay Abraham? (Hindi.) Sasabihin ng ilang tao, “Bakit hindi? Bente anyos na ang anak ko, at inialay ko siya sa sambahayan ng Diyos, kung saan siya ngayon gumagawa ng tungkulin.” Sakripisyo ba ito? Kung tutuusin, naakay mo lamang ang iyong anak sa tamang landas—ngunit mayroon ka ring lihim na motibo: Natatakot ka na baka mamatay ang iyong anak sa gitna ng kalamidad. Hindi ba ganito? Ang ginagawa mo ay hindi tinatawag na pagsasakripisyo; hinding-hindi ito katulad ng pag-aalay ni Abraham kay Isaac. Hindi talaga maikukumpara ang mga ito sa isa’t isa. Nang marinig ni Abraham ang iniutos ng Diyos sa kanya, gaano kaya kahirap isagawa ang tagubiling ito para sa kanya—o para sa sinumang iba pang miyembro ng sangkatauhan? Iyon na yata ang naging pinakamahirap na bagay sa mundo; wala nang ibang mas mahirap. Hindi iyon pag-aalay ng isang bagay na tulad ng kordero o kaunting pera, at hindi iyon isang makamundong pag-aari o materyal na bagay, ni hindi ito isang hayop na walang koneksiyon sa tao na nagsasagawa ng pag-aalay. Iyon ay mga bagay na kayang ialay ng isang tao nang may panandaliang bugso ng pagsisikap—samantalang ang sakripisyong hiningi ng Diyos kay Abraham ay ang buhay ng isang tao. Iyon ay sariling laman at dugo ni Abraham. Napakahirap siguro niyon! Espesyal din ang pinagmulan ng bata, sa dahilang siya ay ipinagkaloob ng Diyos. Ano ang layunin ng Diyos sa pagkakaloob sa kanya ng isang anak? Iyon ay upang magkaroon ng anak na lalaki si Abraham na mapapalaki hanggang sa magbinata, mag-asawa at magkaanak ito, nang sa gayon ay mapalawig ang pangalan ng angkan. At magkagayunman, ang batang ito ay ibabalik sa Diyos bago pa siya nagbinata, at hindi na mangyayari ang mga bagay na iyon kailanman. Kaya, ano ang silbi ng pagkakaloob ng Diyos ng isang anak kay Abraham? Magkakaroon ba ito ng anumang katuturan sa isang nakamasid? Kung pagbabatayan ang mga kuru-kuro ng mga tao, wala itong katuturan. Makasarili ang tiwaling sangkatauhan; wala ni isang makakaintindi rito. Hindi rin ito maintindihan ni Abraham; hindi niya alam kung ano, sa huli, ang gustong gawin ng Diyos, maliban sa hiningi Niya sa kanya na ialay si Isaac. Samakatwid, ano ang piniling gawin ni Abraham? Ano ang kanyang saloobin? Bagama’t hindi niya naunawaan ang lahat ng ito, nagawa pa rin niya ang iniutos ng Diyos; sinunod niya ang mga salita ng Diyos at nagpasakop siya sa bawat salita ng Kanyang hiningi nang hindi lumalaban o humihiling ng pagpipilian, lalong hindi niya sinubukang magdikta ng mga kasunduan o mangatwiran sa Diyos. Bago naintindihan ni Abraham ang lahat ng nangyayari, nagawa niyang sumunod at magpasakop—na talagang bihira at kapuri-puri, at higit pa sa kakayahan ng sinuman sa inyo na nakaupo rito. Hindi alam ni Abraham kung ano ang nangyayari, at hindi sinabi sa kanya ng Diyos ang buong kuwento; magkagayunman, sineryoso niya ang lahat, naniniwala siya na dapat magpasakop ang mga tao sa anumang nais gawin ng Diyos, at na hindi sila dapat magtanong, na kung wala nang iba pang sabihin ang Diyos, hindi iyon isang bagay na kailangang maunawaan ng mga tao. Sinasabi ng ilang tao, “Ngunit tiyak na kailangan mong alamin ang tunay na dahilan nito, tama ba? Kahit ukol pa ito sa pagkamatay, kailangan mong alamin kung bakit.” Ito ba ang saloobin na kailangang taglayin ng isang nilikha? Kapag hindi ka tinulutan ng Diyos na maunawaan ang isang bagay, dapat mo bang maunawaan iyon? Kapag may ipinagawa sa iyo, gawin mo ito. Bakit mo ginagawang komplikado ang mga bagay-bagay? Kung nais ng Diyos na maunawaan mo ang isang bagay, naipaliwanag na sana Niya iyon sa iyo; dahil hindi Niya ginawa iyon, hindi mo kailangang maunawaan iyon. Kapag hindi iyon ipinauunawa sa iyo, at kapag wala kang kakayahang makaunawa, lahat ay depende sa kung paano ka kumikilos at kung magagawa mong magpasakop sa Diyos. Mahirap ito para sa inyo, hindi ba? Sa gayong mga sitwasyon, hindi ka nagpapasakop, at wala nang natitira sa iyo kundi pagrereklamo, maling interpretasyon, at paglaban. Si Abraham ang ganap na kabaligtaran ng nakikita sa inyo. Tulad ninyo, hindi niya alam kung ano ang gagawin ng Diyos, ni hindi niya alam ang dahilan sa likod ng mga kilos ng Diyos; hindi niya naunawaan ang mga iyon. Ginusto ba niyang magtanong? Ginusto ba niyang malaman kung ano ang nangyayari? Oo, ngunit kung hindi sinabi sa kanya ng Diyos, saan siya puwedeng pumunta para magtanong? Sino ang puwede niyang tanungin? Ang mga bagay ng Diyos ay isang hiwaga; sino ang makasasagot sa mga tanong tungkol sa mga bagay ng Diyos? Sino ang makakaunawa sa mga ito? Hindi maaaring katawanin ng mga tao ang Diyos. Tanungin ninyo ang iba, at hindi rin nila iyon mauunawaan. Maaari ninyo itong pag-isipan, ngunit hindi ninyo ito malalaman, hindi ninyo ito maiintindihan. Kaya, kung mayroon kayong hindi nauunawaan, ibig sabihin ba niyan ay hindi ninyo kailangang gawin ang sinasabi ng Diyos? Kung mayroon kayong hindi nauunawaan, maaari ba kayong magmasid, magpaliban, maghintay ng pagkakataon, at maghanap ng iba pang opsiyon? Kung mayroon kayong hindi nauunawaan—kung hindi ninyo ito maintindihan—ibig sabihin ba niyan ay hindi ninyo kailangang magpasakop? Ibig sabihin ba niyan ay maaari kayong kumapit sa inyong mga karapatang pantao at magsabing, “Mayroon akong mga karapatang pantao; kaya ko ang sarili ko, kaya ano ang karapatan Mong pagawain ako ng mga kalokohan? Nangingibabaw ako sa pagitan ng langit at lupa—kaya kong suwayin Ka”? Ito ba ang ginagawa ni Abraham? (Hindi.) Dahil naniwala siya na isa lamang siyang ordinaryo at karaniwang nilikha, isang taong nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, pinili niyang sumunod at magpasakop, na hindi balewalain ang anuman sa mga salita ng Diyos, kundi isagawa ang mga iyon nang lubusan. Anuman ang sabihin ng Diyos, at anuman ang ipagawa sa kanila ng Diyos, wala nang ibang pagpipilian ang mga tao; kailangan silang makinig, at pagkatapos makinig, dapat silang humayo at isagawa iyon. Bukod pa riyan, kapag isinasagawa nila ito, ang mga tao ay dapat magpasakop nang lubusan at nang payapa ang kanilang isipan. Kung kinikilala mo na ang Diyos ay iyong Diyos, dapat kang sumunod sa Kanyang mga salita; maglaan ng puwang para sa Kanya sa puso mo, at isagawa ang Kanyang mga salita. Kung ang Diyos ay iyong Diyos, hindi mo dapat sikaping pag-aralan ang sinasabi Niya sa iyo; anuman ang sabihin Niya ay nangyayari, at hindi mahalaga kung hindi mo nauunawaan o naiintindihan iyon. Ang mahalaga ay dapat kang sumunod at magpasakop sa Kanyang sinasabi. Ito ang saloobin ni Abraham pagdating sa mga salita ng Diyos. Dahil mismo sa taglay ni Abraham ang saloobing ito kaya nasunod niya ang mga salita ng Diyos, kaya nagawa niyang magpasakop sa ipinagawa sa kanya ng Diyos, at naging isang tao na matuwid at perpekto sa mga mata ng Diyos. Ito ay sa kabila ng katotohanan na, sa mga mata ng lahat ng taong mayabang at mapangmata, nagmukhang hangal at naguguluhan si Abraham nang balewalain niya ang buhay ng sarili niyang anak alang-alang sa kanyang pananalig, at kaswal na inilalagay ito sa ibabaw ng altar para patayin. Napakairesponsableng pagkilos naman niyon, naisip nila; napakawalang kakayahan at walang puso naman niyang ama, at napakamakasarili niya para gawin ang gayong bagay alang-alang sa kanyang pananalig! Ganito ang tingin ng mga tao kay Abraham. Gayunman, gayon ba ang tingin ng Diyos sa kanya? Hindi. Ano ang tingin ng Diyos sa kanya? Nagawang sumunod at magpasakop ni Abraham sa sinabi ng Diyos. Hanggang sa anong antas niya nagawang magpasakop? Ginawa niya iyon nang hindi nakikipagkasunduan. Nang hingin ng Diyos ang pinakamahalaga sa kanya, ibinalik ni Abraham ang bata sa Diyos, inialay siya sa Diyos. Sumunod at nagpasakop si Abraham sa lahat ng hiningi sa kanya ng Diyos. Sa pananaw man ng mga kuru-kuro ng tao o sa mga mata ng tiwali, mukhang lubhang hindi makatwiran ang kahilingan ng Diyos, subalit nagawa pa rin ni Abraham na magpasakop; dahil ito sa kanyang integridad, na siyang larawan ng tunay na pananalig at pagpapasakop sa Diyos. Paano naipakita ang tunay na pananalig at pagpapasakop na ito? Sa tatlong salita lamang: sa kanyang pagsunod. Wala nang ibang mas katangi-tangi o mahalagang taglayin ng isang tunay na nilikha, at wala nang ibang mas bihira o kapuri-puri. Ito mismo ang pinakakatangi-tangi, bihira, at pinakakapuri-puring bagay na walang-wala sa mga tagasunod ng Diyos ngayon.

Ang mga tao ngayon ay edukado at maalam. Nauunawaan nila ang makabagong siyensya, at masyadong nahawahan, nakondisyon, at naimpluwensiyahan ng tradisyonal na kultura at ubod ng samang mga kaugalian sa lipunan; umiikot ang kanilang isipan, baluktot ang kanilang mga kuru-kuro, at sa kanilang kalooban, lubos silang naguguluhan. Matapos makinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon, at habang kinikilala at nagtitiwala na ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, taglay pa rin nila ang mapagwalang-bahala at walang katiyakang saloobin sa bawat salita ng Diyos. Ang kanilang saloobin sa mga salitang ito ay ang balewalain ang mga ito; ang magbulag-bulagan at magbingi-bingihan sa mga ito. Anong klaseng tao ito? Itinatanong nila ang “dahilan” ng lahat ng bagay; nadarama nila ang pangangailangang alamin ang lahat ng bagay at lubusang unawain ang lahat ng bagay. Mukhang napakaseryoso nila tungkol sa katotohanan; sa panlabas, ang kanilang pag-uugali, ang kanilang isinasakripisyo, at ang mga bagay na isinusuko nila ay nagpapahiwatig ng isang matibay na saloobin tungkol sa pananalig at pananampalataya sa Diyos. Gayunman, itanong ninyo ito sa inyong sarili: Pinanghawakan ba ninyo ang bawat salita ng Diyos at ang bawat tagubilin Niya? Isinakatuparan na ba ninyo ang lahat ng iyon? Masunurin ba kayo? Kung, sa puso mo, ang palagi ninyong sagot sa mga tanong na ito ay “hindi” at “hindi pa,” kung gayon ay anong klaseng pananampalataya ang mayroon kayo? Hanggang saan ka talaga nananampalataya sa Diyos? Ano ba talaga ang napala mo sa iyong pananalig sa Kanya? Karapat-dapat bang siyasatin ang mga bagay na ito? Karapat-dapat bang tuklasin ang mga ito? (Oo.) Nakasalamin kayong lahat; kayo ay moderno at sibilisadong mga tao. Ano ba ang talagang moderno sa inyo? Ano ba ang sibilisado sa inyo? Pinatutunayan ba ng pagiging “moderno” at “sibilisado” na sinusunod mo ang mga salita ng Diyos? Walang kabuluhan ang gayong mga bagay. Sinasabi ng ilang tao, “Mataas ang pinag-aralan ko, at nakapag-aral ako ng teolohiya.” Sinasabi ng ilan, “Nabasa ko na nang ilang beses ang klasikal na Bibliya, at nagsasalita ako ng Hebreo.” Sinasabi ng ilan, “Ilang beses na akong nakapunta sa Israel, at personal ko nang nahipo ang krus na binuhat ng Panginoong Jesus.” Sinasabi ng ilan, “Naakyat ko na ang Bundok Ararat at nakita ang mga labi ng arka.” Sinasabi ng ilan, “Nakita ko na ang Diyos,” at “Itinaas ako sa harap ng Diyos.” Ano ang silbi ng lahat ng ito? Walang anumang hinihingi sa iyo ang Diyos na mahirap gawin, basta sumunod ka lamang nang taimtim sa Kanyang mga salita. Kung hindi mo ito kayang gawin, kalimutan mo na ang lahat ng iba pa; mawawalan ng anumang silbi ang anumang sinasabi mo. Alam ninyong lahat ang mga kuwento tungkol kina Noe at Abraham, ngunit walang silbi ang simpleng pagkaalam sa mga kuwentong ito. Naisip na ba ninyo kahit minsan kung ano ang pinakabihira at pinakakapuri-puri sa dalawang lalaking iyon? Gusto ba ninyong maging katulad nila? (Oo.) Gaano ninyo kagusto? Sinasabi ng ilang tao, “Gustung-gusto kong maging katulad nila; iniisip ko ito tuwing ako ay kumakain, nangangarap, gumagawa ng aking tungkulin, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nag-aaral ng mga himno. Ipinagdasal ko na ito nang napakaraming beses, at nakasulat pa ako ng isang panata. Nawa’y isumpa ako ng Diyos kung hindi ako sumusunod sa Kanyang mga salita. Kaya lamang ay hindi ko alam kung kailan ako kinakausap ng Diyos; hindi iyon parang nagsasalita Siya sa akin nang may kulog sa kalangitan.” Ano ang silbi ng lahat ng ito? Ano ang ibig sabihin kapag sinasabi mong, “Gustung-gusto ko”? (Pangangarap lamang ito nang gising; isa lamang itong hangarin.) Ano ang silbi ng isang hangarin? Para iyong isang sugarol na nagpupunta sa sugalan araw-araw; kahit nawala na sa kanya ang lahat, gusto pa rin niyang magsugal. Kung minsan maaaring iniisip niya, “Isang subok na lang, at pagkatapos ay nangangako ako na titigil na ako at hindi na muling magsusugal.” Gayon din ang iniisip niya kapag nangangarap man siya o kumakain, pero pagkatapos itong isipin, bumabalik pa rin siya sa sugalan. Tuwing magsusugal sila, sinasabi nila na huli na nila iyon; at tuwing lilisanin nila ang sugalan, sinasabi nila na hindi na sila babalik kailanman—at pagkaraan ng habambuhay na pagsisikap, ang resulta ay hindi pa rin sila makatigil kahit kailan. Katulad ba kayo ng sugarol na iyon? Madalas kayong magpasyang gawin ang mga bagay at pagkatapos ay binabawi ninyo ang mga desisyon, natural na sa inyo na linlangin ang Diyos, at hindi ito madaling baguhin.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.