Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao (Unang Bahagi)
Paano malalaman ang kalikasan ng isang tao? Anong mga bagay ang bumubuo sa kalikasan ng isang tao? Ang alam mo lamang ay ang mga kakulangan, depekto, intensiyon, kuru-kuro, pagkanegatibo, at pagsuway ng tao, subalit hindi mo nagagawang tuklasin ang mga bagay na nasa kaibuturan ng kalikasan ng tao. Ang alam mo lamang ay ang panlabas na anyo, nang hindi nagagawang tuklasin ang pinagmulan nito at hindi ito nagsisilbing kaalaman tungkol sa kalikasan ng tao. Umaamin ang ilang tao sa kanilang mga kakulangan at mga pagkanegatibo, sinasabi nilang, “Nauunawaan ko ang kalikasan ko. Nakikita mo namang kinikilala ko ang aking kayabangan. Hindi ba’t pagkaalam iyon sa kalikasan ko?” Ang kayabangan ay bahagi ng kalikasan ng tao, na talagang totoo iyan. Gayunman, hindi ito sapat para kilalanin ito ayon sa pakahulugan ng doktrina. Ano ang ibig sabihin ng malaman ang sariling kalikasan? Paano ito malalaman? Mula sa anong mga aspeto ito nalalaman? Paano ba talaga dapat mahiwatigan ang kalikasan ng isang tao mula sa mga bagay na kanyang ibinubunyag? Una sa lahat, makikita mo ang kalikasan ng tao sa pamamagitan ng kanyang mga interes. Halimbawa, ang ilang tao ay may natatanging paghanga sa mga sikat at tanyag na tao, ang ilan naman ay talagang mahilig sa mga mang-aawit o sa mga artista sa pelikula, at ang ilan ay may natatanging pagkahilig sa paglalaro. Mula sa mga hilig na ito, makikita natin kung ano ang likas na pagkatao ng mga taong ito. Narito ang simpleng halimbawa: Maaaring talagang iniidolo ng ilang tao ang isang partikular na mang-aawit. Hanggang sa anong punto nila siya iniidolo? Hanggang sa puntong nahuhumaling na sila sa bawat galaw, ngiti, at salita ng mang-aawit na ito. Nakatutok sila sa mang-aawit na ito, at kinukuhaan pa nila ng litrato ang mga isinusuot nito at ginagaya ito. Ano ang ipinapakitang isyu ng ganitong antas ng pag-idolo sa isang tao? Ipinapakita nito na ang mga bagay ng hindi nananalig lang ang nasa puso ng gayong tao, at wala sa kanya ang katotohanan, wala siyang mga positibong bagay, at lalong wala ang Diyos sa kanyang puso. Ang lahat ng bagay na iniisip, minamahal, at hinahangad ng taong ito ay mula kay Satanas. Inookupa ng mga bagay na ito ang puso ng taong ito, na siyang bumigay na sa mga bagay na iyon. Masasabi ba ninyo kung ano ang diwa at kalikasan niya? Kung sukdulan ang pagmamahal sa isang bagay, maaaring ang bagay na iyon ay maging buhay ng isang tao at sakupin ang kanyang puso, na lubos na nagpapatunay na ang taong iyon ay sumasamba sa idolo at ayaw sa Diyos at sa halip ay minamahal ang diyablo. Samakatuwid, masasabi na ang kalikasan ng gayong tao ay isa na nagmamahal at sumasamba sa diyablo, hindi nagmamahal sa katotohanan, at ayaw sa Diyos. Hindi ba ito ang tamang pagmalas sa kalikasan ng isang tao? Ganap na tama ito. Ganito dapat sinusuri ang kalikasan ng tao. Halimbawa, partikular na iniidolo ng ilang tao si Pablo. Gusto nilang lumabas at magbigay ng mga talumpati at gumawa, gusto nilang dumadalo sa mga pagtitipon at mangaral, at gusto nila na pinakikinggan sila ng mga tao, sinasamba sila, at pinalilibutan sila. Gusto nilang magkaroon ng puwang sa puso ng iba, at natutuwa sila kapag pinahahalagahan ng iba ang larawang ipinakikita nila. Suriin natin ang kanilang kalikasan mula sa mga pag-uugaling ito. Ano ang kanilang likas na pagkatao? Kung ganito talaga silang kumilos, sapat na iyan upang ipakita na sila ay mayabang at may labis na pagtingin sa sarili. Hindi talaga nila sinasamba ang Diyos; naghahangad sila ng mas mataas na katayuan at nangangarap na magkaroon ng awtoridad sa iba, na ariin ang mga ito, at magkaroon ng puwang sa puso ng mga ito. Ito ang klasikong larawan ni Satanas. Ang namumukod na mga aspeto ng kanilang kalikasan ay kayabangan at kahambugan, ayaw nilang sambahin ang Diyos, at nais nilang sambahin sila ng iba. Ang gayong mga pag-uugali ay maaaring magbigay sa iyo ng napakalinaw na pagtingin sa kanilang likas na pagkatao. Halimbawa, gustong-gusto ng ilang tao na makalamang nang di-patas sa kapinsalaan ng iba, at hangad ng mga taong ito na matupad ang kanilang mga pansariling interes sa lahat ng usapin. Anumang ginagawa nila ay dapat makinabang sila, o kung hindi, hindi nila ito gagawin. Hindi nila pinagkakaabalahan ang anumang bagay maliban na lamang kung binibigyan sila ng mga ito ng ilang pakinabang, at palaging may lihim na mga motibo sa likod ng kanilang mga kilos. Nagsasalita sila nang mabuti patungkol sa sinumang pinakikinabangan nila at pinupuri nila ang sinumang nambobola sa kanila. Kahit na may mga problema ang kanilang mga paboritong tao, sasabihin nilang tama ang mga taong iyon at pagsisikapan nilang ipagtanggol at pagtakpan ang mga taong ito. Anong kalikasan mayroon ang ganoong mga tao? Ganap mong makikita nang malinaw ang kanilang kalikasan mula sa mga asal na ito. Pinagsisikapan nilang makalamang nang di-patas sa pamamagitan ng kanilang mga kilos, laging nakikibahagi sa bawat sitwasyon nang may mala-transaksyong asal, at makatitiyak ka na ang kanilang kalikasan ay isa na may buong-pusong pagnanasa sa pakinabang. Sarili lamang nila ang kanilang iniisip sa lahat ng bagay na kanilang ginagawa. Hindi sila babangon nang maaga maliban na lamang kung makikinabang sila na gawin ito. Sila ang pinakamakasarili sa lahat ng tao, at lubusan silang walang pagkakontento. Ang kanilang kalikasan ay naipapakita sa pamamagitan ng kanilang pagmamahal sa pakinabang at kawalan ng anumang pagmamahal sa katotohanan. Ang ilang kalalakihan ay nabibighani ng mga kababaihan, laging nakikipaglokohan sa kanila saanman sila magpunta. Ang magagandang babae ay tampulan ng pagsuyo ng gayong mga tao at humahawak sa pinakamataas na pagpapahalaga sa kanilang mga puso. Handa silang ibigay ang kanilang mga buhay, at isakripisyo ang lahat, para sa magagandang babae; ang mga babae ang siyang pumupuno sa kanilang mga puso. Ano ang kalikasan ng mga lalaking ito? Ang kalikasan nila ay ang umibig sa magagandang babae, at ang sambahin ang mga ito, at mahalin ang kasamaan. Sila ay mga mahahalay na may masama at sakim na kalikasan. Bakit Ko nasasabing ito ang kalikasan nila? Ang kanilang mga kilos ay naghahayag ng sakim na kalikasan. Ang mga pag-uugaling ito ay hindi lamang basta mga paminsan-minsang paglabag, ni ang gayong mga tao ay mas malala lamang nang bahagya kaysa sa ordinaryong mga tao, sa halip, nakasanayan nila na maging lubusang abala sa mga bagay na ito, na naging mismong kalikasan at diwa na nila. Samakatuwid, ang mga bagay na ito ay naging mga pagpapakita ng kanilang kalikasan. Ang mga bumubuo sa kalikasan ng isang tao ay palaging inihahayag ang sarili nito. Anumang ginagawa ng isang tao, anuman iyon, ay maaaring maihayag ang likas na pagkatao ng taong iyon. May sariling mga motibo at layon ang mga tao para sa lahat ng ginagawa nila, at mabuting pakikitungo man iyon, pangangaral ng ebanghelyo, o anumang iba pang uri ng gawain, maaaring ihayag ng mga iyon ang mga bahagi ng kanilang likas na pagkatao nang hindi nila namamalayan, dahil ang kalikasan ng isang tao ay ang buhay niya, at ang mga tao ay inuudyukan ng kanilang likas na pagkatao habang nabubuhay sila. Ang kalikasan ng isang tao ay hindi nahahayag nang paminsan-minsan o nagkataon lang; sa halip, maaari itong lubos na kumatawan sa diwa ng taong iyon. Ang dumadaloy sa mga buto at dugo ng mga tao ay kumakatawan sa kanilang likas na pagkatao at buhay. Ang ilang tao ay mahilig sa magagandang babae. Ang iba ay mahilig sa pera. Ang ilan ay may natatanging pagkahilig sa katayuan. Ang ilan ay talagang nagpapahalaga sa reputasyon at sa kanilang personal na imahe. Ang ilan ay partikular na mahilig o sumasamba sa mga idolo. At ang ilang tao ay masyadong mayabang at palalo, hindi sumusuko kaninuman sa puso nila at nagsusumikap na magkaroon ng katayuan, gusto nilang mamukod-tangi sa iba at magkaroon ng awtoridad sa kanila. May iba’t ibang uri ng iba-ibang likas na pagkatao. Maaaring mag-iba-iba ang mga ito sa mga tao, pero ang karaniwang elemento ng mga ito ay ang paglaban at pagtataksil sa Diyos. Sa gayong paraan ay magkakapareho silang lahat.
Tungkol naman sa kung paano malalaman kung ano ang kalikasan ng isang tao, tingnan natin ang ilan pang halimbawa. Gawin nating halimbawa ang pagiging makasarili. Ang pagkamakasarili ay masasabing isang elemento ng kalikasan ng isang tao. Ang bawat tao ay mayroong elementong ito sa loob nila. Ang ilang tao ay lubhang makasarili, sukdulan ang pagkamakasarili, at sa lahat ng bagay, iniisip lamang nila ang kanilang sarili, walang hinahangad kundi pansariling pakinabang, at wala silang kahit katiting na konsiderasyon para sa iba. Ang pagiging makasariling iyon ay sumasalamin sa kanilang kalikasan. May pagkamakasarili ang lahat, subalit may pagkakaiba. Kapag nakikihalubilo sa iba, nagagawa ng ilang tao na ingatan at alagaan ang iba, nagagawa nilang magmalasakit sa iba, at ikonsidera ang iba sa lahat ng bagay na kanilang ginagawa. Gayunpaman, hindi ganito ang ilang tao. Ang mga taong ito ay talagang makasarili at hindi mapagpahalaga kapag nagpapatuloy ng mga kapatid. Ibinibigay nila sa kanilang sariling pamilya ang pinakamalalaking sandok ng pinakamasasarap na pagkain at inihahain nila sa mga kapatid ang kakaunting sandok ng mga hindi gaanong masasarap na pagkain. Kapag dumarating naman ang kanilang sariling mga kamag-anak, isinasaayos nila na maging labis na komportable ang mga ito. Gayunman, kapag bumibisita ang mga kapatid, pinatutulog nila ang mga ito sa sahig. Iniisip nila na sapat nang pinapatuloy nila ang mga kapatid kapag bumibisita ang mga ito. Kapag nagkakasakit o nakararanas ng iba pang paghihirap ang mga kapatid, hindi man lamang sila inaalala ng gayong tao, umaasta pa ito na para bang wala siyang napapansin. Walang pakialam o hindi nakararamdam ng kahit kaunting malasakit sa iba ang ganoong mga tao. Sarili lamang nila at kanilang mga kamag-anak ang kanilang pinagmamalasakitan. Ang makasariling kalikasan nilang ito ang siyang tumutukoy sa kanilang kawalang-kahandaan na magmalasakit sa iba. Nadarama nila na ang pagmamalasakit sa kapwa ay may kaakibat na pagkalugi at isang malaking abala. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Hindi alam ng isang makasariling tao kung paano maging maunawain sa iba.” Hindi tama iyan. Kung hindi sila marunong magbigay ng konsiderasyon sa iba, bakit mabuti ang mga makasariling tao sa kanilang sariling mga kamag-anak at nagpapakita ng lubos na pagsasaalang-alang sa pangangailangan ng mga ito? Bakit nila alam kung ano ang kulang sa kanila mismo at kung ano ang angkop na suotin o kainin sa isang partikular na pagkakataon? Bakit hindi nila magawang maging ganoon para sa iba? Ang totoo niyan, nauunawaan nila ang lahat ng bagay, subalit makasarili sila at kasuklam-suklam. Natutukoy ito ng kanilang kalikasan. Ang mga makasarili sa lahat ng bagay ay walang kakayahang tratuhin ang iba nang patas. Nariyan din ang aspeto ng kasamaan. Itinakda ng sambahayan ng Diyos na dapat alisin ang lahat ng patuloy na nakikiapid. Subalit para sa ilang tao, isa lang itong panandaliang paglabag. Dapat ba silang tratuhin tulad ng mga patuloy na nakikiapid? Isa itong usapin ng prinsipyo. Ang maaaring mga nakiapid paminsan-minsan ay hindi maituturing na mga taong may masamang kalikasan. Kung palaging nakikipaglandian ang isang tao sa kanyang hindi kabaro saan man siya magpunta, at wala siyang kahihiyan at walang moralidad sa gayong mga pakikipagrelasyon, siya ay isang masamang tao, at masama ang kalikasan niya. Mabubunyag ng gayong tao ang kanyang kalikasan anuman ang kanyang mga ikinikilos o gawain. Hindi nakokontrol ang kanyang kalikasan, at ang kanyang puso ay puno ng maruruming bagay na ito. Nakikipaglandian siya sa kanyang hindi kabaro saan man siya magpunta, at bagamat may panahong humihinto siya, humihinto lang siya dahil sa kawalan ng pagkakataon o dahil walang mga nababagay na kapareha. Maaaring lumitaw anumang oras at saanmang lugar ang mga bagay-bagay mula sa kalikasan ng isang tao; walang makakapaglimita sa mga ito. Ang ilang tao ay sadyang naaakit sa pananamit, kagandahan, at banidad; napakabanidoso nila. Ilang beses silang nagpapalit ng damit sa isang araw. Nanonood sila para makita kung sino ang nagsusuot ng magagandang damit at kung sino ang mahusay manamit, at kung hindi nila makukuha ang mga bagay na ito, hindi sila nakakatulog, at mangungutang sila o magbabayad ng anumang halaga para makuha ang mga bagay na ito. Kung hindi nila makukuha ang mga bagay na ito, maaaring ganap silang mawalan ng interes sa pananalig sa Diyos, hindi na nila gugustuhing dumalo sa mga pulong, at panghihinaan na sila ng loob na basahin ang salita ng Diyos. Tanging ang mga bagay na ito ang nilalaman ng kanilang isipan. Wala na silang ibang maisip pa. Ang gayong mga tao ay talagang banidoso, higit pa kaysa sa karaniwang tao. Isa itong bagay na nasa kanilang kalikasan at gawi. Ang kanilang mismong kalikasan ay banidoso. Ang mga bagay sa kalikasan ng isang tao ay hindi nabubunyag sa isang sandali ng kahinaan, sa halip, ang mga ito ay mga palagiang pagpapamalas. Ano man ang gawin ng mga tao, dala nila ang mga elemento ng kanilang kalikasan. Kahit na hindi halata ang mga ito sa panlabas, mayroon pa ring mga karumihan sa loob. Kung magsasalita nang matapat ang isang mapanlinlang na tao, mayroon pa rin talagang nakatagong pakahulugan sa likod ng kanyang mga salita. Narurumihan pa rin ng panlilinlang ang kanyang mga salita. Ang isang mapanlinlang na tao ay mapanlinlang sa lahat, maging sa kanyang mga kamag-anak at mga anak. Gaano ka man kaprangka sa kanya, magiging mapanlinlang siya sa iyo. Ito ang kanyang totoong mukha, ito mismo ang kanyang kalikasan, hindi ito madaling baguhin, at palagi itong mananatiling ganito. Ang isang matapat na tao ay nagsasalita minsan ng mga baluktot at mapanlinlang na salita, pero kadalasan, siya ay matapat, kumikilos nang masigasig, hindi nananamantala kapag nakikipag-ugnayan sa iba, at hindi naglalayong tuksuhin ang iba kapag nakikipag-usap sa mga ito. Nagagawa niyang magtapat at makipagbahaginan sa iba nang mula sa puso, at sinasabi ng lahat na hindi siya mapanlinlang. Kapag minsan ay nagsasalita siya ng mga mapanlinlang na salita, ito ay ang kanyang tiwaling disposisyon lamang na kusang nabubunyag. Hindi ito sumasalamin sa kanyang kalikasan dahil hindi siya isang mapanlinlang na tao. Kaya, pagdating sa kalikasan ng isang tao, dapat mong maunawaan kung ano ang mga elemento ng kalikasang iyon at kung ano ang tiwaling disposisyon. Dapat ay malinaw mong napag-iiba ang dalawa. Ngayon, kapag ipinapasuri sa mga tao ang kanilang sariling kalikasan, sinasabi ng ilan, “Minsan malupit akong magsalita” o “Ignorante ako at hindi ko alam kung paano kumilos” o “Minsan mayroong mga karumihan kapag ginagampanan ko ang mga tungkulin ko,” pero hindi nila pinag-uusapan kung ano ang kanilang kalikasan o kung mabuti ba ang kanilang pagkatao. Palagi nilang iniiwasan ang ganoong bagay, at hindi talaga nila tunay na nakikilala ang kanilang sarili. Ang palaging magpanggap at matakot na mapahiya ay hindi katanggap-tanggap. Dapat mabunyag kung ano ang nasa kalikasan mo. Kung hindi ito mabubunyag, hindi ito mauunawaan, at kung hindi ito mauunawaan, hindi ito mababago. Dapat kang maging napakahigpit pagdating sa pagkilala sa iyong sarili. Hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili, at hindi ka maaaring magpadalos-dalos sa bagay na ito.
Ang pag-unawa sa sariling kalikasan ay pangunahing kinapapalooban ng pag-unawa sa kung anong uring tao ka talaga. Ipinapakita ng uri ng pagkatao mo kung anong uri ng kalikasan mayroon ka. Halimbawa, ang pagsasabi na ang isang tao ay ganito at ganyang tao ay nagpapakita ng kanyang kalikasan; Tinutukoy ng tipo ng kalikasang taglay ng isang tao kung anong tipo ng tao siya. Ang kalikasan ng isang tao ay ang buhay niya. Paano mo makikita kung anong klase ang kalikasan ng isang tao? Dapat kang makisalamuha sa kanya nang madalas, at gumugol ng oras sa pagmamasid kung anong uri ng tao siya. Anuman ang pinakakapansin-pansin sa kanya, at kumakatawan sa kanyang diwa at mga katangian, ay masasabi na kanyang kalikasan at diwa. Ang mga elementong iyon ng kanyang diwa ang bumubuo ng kanyang kalikasan. Pagdating sa pagtingin kung anong uri ng tao talaga ang isang tao, ang paraang ito ay mas tumpak. Anuman ang diwa ng isang tao, gayon din ang kanyang kalikasan. Tinutukoy ng kalikasan ng isang tao kung anong uri ng tao siya. Halimbawa, kung may natatanging pagmamahal ang isang tao sa pera, mabubuod ang kanyang kalikasan sa iilang salita: Siya ay mapagmahal sa pera. Kung ang pinakaprominenteng katangian ng isang tao ay ang pagkahilig niya sa mga babae, at lagi siyang nambababae, ang taong ito ay nagmamahal sa kasamaan at may masamang kalikasan. Pinakahilig ng ilang tao ang kumain. Kung mabibigyan mo ang gayong tao ng kaunting alak at kaunting karne, kikilos siya nang pabor sa iyo. Samakatuwid ay ipinapakita nito na may matakaw na kalikasan ang taong ito, gaya mismo ng isang baboy. Bawat tao ay may tiwaling disposisyon at nakamamatay na kapintasan, at kinokontrol sila ng tiwaling disposisyon sa kanilang tunay na buhay. Namumuhay sila ayon sa mga tiwaling disposisyong ito, at kinakatawan nito ang kanilang kalikasan. Masasabi na ang kanyang kalikasan ay ang bahagi niya na kanyang nakamamatay na kapintasan; ang nakamamatay niyang kapintasan ay ang kanyang kalikasan. Ang ilang tao ay tila may katanggap-tanggap na pagkatao at hindi nagpapakita ng anumang matitinding kapintasan sa panlabas, subalit ang kanilang pinakamalaking kahinaan ay ang kanilang karupukan. Wala silang mga mithiin sa buhay o mga pangarap; iniraraos lang nila ang buhay, natutumba kaagad sa pinakamaliit na pagkabigo at nagiging negatibo kapag nagiging mahirap ang mga bagay-bagay. Kung sa huli ay magkakaroon sila ng mga kuru-kuro, hanggang sa punto na ayaw na nilang magkaroon ng pananampalataya, ang kanilang pinakamalaking kahinaan ay ang kanilang karupukan; at ang kanilang kalikasan ay marupok, wala silang halaga, at hindi na matutulungan pa. Lubhang sentimental ang ilang tao. Araw-araw, sa lahat ng kanilang sinasabi, at sa lahat ng paraan ng asal nila sa iba, namumuhay sila ayon sa kanilang mga damdamin. Nakararamdam sila ng pagmamahal para sa taong ito at sa taong iyon, at ginugugol nila ang kanilang mga araw sa magiliw na pakikisalamuha. Sa lahat ng kanilang kinakaharap, nabubuhay sila sa mundo ng emosyon. Kapag namatay ang di-mananampalatayang kamag-anak ng gayong tao, iiyak siya nang tatlong araw. Maaaring nais na ng iba na ilibing ang bangkay, ngunit hindi siya pumapayag. May mga damdamin pa rin siya para sa namatay at masyadong matindi ang kanyang mga damdamin. Masasabi na ang mga damdamin ang nakamamatay na kapintasan ng taong ito. Pinaghaharian siya ng kanyang mga emosyon sa lahat ng bagay, wala siyang kakayahang magsagawa ng katotohanan o kumilos ayon sa prinsipyo, at madalas na siya ay malamang na magrebelde laban sa Diyos. Ang mga damdamin ang pinakamatindi niyang kahinaan, ang kanyang nakamamatay na kapintasan, at ganap na kaya siyang sirain at ipahamak ng kanyang mga damdamin. Ang mga taong sobrang emosyonal ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan o sundin ang Diyos. Sila’y abala sa laman at sila ay hangal at magulo ang pag-iisip. Kalikasan ng gayong klase ng tao ang maging labis na emosyonal, at namumuhay siya ayon sa kanyang mga damdamin. Samakatuwid, kung nais mong maghangad ng pagbabago sa iyong disposisyon, kailangan mong malaman ang iyong kalikasan. “Hindi mababago ng tao ang kanyang kalikasan.” Kung masyadong masama ang kalikasan ng isang tao, hinding-hindi na siya magbabago kailanman, at hindi siya ililigtas ng Diyos. Ano ba ang kahulugan ng isang pagbabago sa disposisyon? Nangyayari ito kapag ang isang taong nagmamahal sa katotohanan, habang dinaranas ang gawain ng Diyos, ay tumatanggap ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita at sumasailalim sa lahat ng uri ng pagdurusa at pagpipino. Ang gayong tao ay nililinis mula sa mala-satanas na mga lason sa loob niya, at lubusang nakakawala sa kanyang tiwaling disposisyon, upang makapagpasakop siya sa mga salita ng Diyos at sa lahat ng Kanyang mga plano at pagsasaayos, upang hindi na kailanman muling maghimagsik laban sa Kanya o labanan Siya. Ito ay isang pagbabago sa disposisyon. Kung napakasama ng kalikasan ng isang tao, at kung isa siyang masamang tao, hindi siya ililigtas ng Diyos, at hindi gagawa sa loob niya ang Banal na Espiritu. Sa ibang salita, katulad ito ng isang doktor na nagpapagaling ng isang pasyente: Ang isang taong may pamamaga ay maaaring gamutin, pero ang isang taong nagkakaroon ng kanser ay hindi na maliligtas. Ang isang pagbabago sa disposisyon ay nangangahulugan na ang isang tao, sapagka’t minamahal at kaya niyang tanggapin ang katotohanan, sa wakas ay nauunawaan niya ang kanyang kalikasan, na masuwayin sa Diyos at salungat sa Diyos. Nauunawaan niya na napakalalim ng pagkakatiwali sa tao, nauunawaan niya ang kahangalan at pagiging mapanlinlang ng sangkatauhan, ang salat at kahabag-habag na kalagayan ng sangkatauhan, at sa wakas ay nauunawaan niya ang kalikasan at diwa ng sangkatauhan. Sa pagkaalam sa lahat ng ito, nagagawa niyang ganap na tanggihan at talikuran ang kanyang sarili, makapamuhay ayon sa salita ng Diyos, at maisagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ito ay isa na nakakakilala sa Diyos, ito ay isang tao na nabago na ang disposisyon.
Nagawa nang tiwali ni Satanas ang buong sangkatauhan, at ang kalikasan ng tao ay ang ipagkanulo ang Diyos. Gayunman, sa lahat ng taong nagawa nang tiwali ni Satanas, may ilang kayang magpasakop sa gawain ng Diyos at tumanggap sa katotohanan. Sila ang mga taong maaaring magtamo ng katotohanan at magkamit ng pagbabago ng disposisyon. Ang ilang tao ay hindi hinahangad ang katotohanan, at sa halip ay nagpapatangay lang sa agos. Susundin nila at gagawin ang anumang ipagawa mo sa kanila, kaya nilang talikuran ang mga bagay-bagay at gugulin ang kanilang sarili, at kaya nilang tiisin ang anumang pagdurusa. Kakatiting ang konsensya at katwiran ng gayong mga tao, at umaasa silang maliligtas sila at mananatiling buhay, pero hindi maaaring magbago ang kanilang disposisyon dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, at nasisiyahan na sila sa pag-unawa sa doktrina. Hindi sila nagsasabi o gumagawa ng mga bagay na lumalabag sa konsiyensiya, kaya nilang taos na gampanan ang kanilang mga tungkulin, at kaya nilang tumanggap ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan na ukol sa anumang problema. Gayunpaman, hindi naman nila seryosong hinahanap ang katotohanan, naguguluhan ang kanilang isipan, at hinding-hindi nila nauunawaan ang diwa ng katotohanan. Imposibleng magbago ang kanilang mga disposisyon. Kung nais mong malinis sa katiwalian mo at dumanas ng pagbabago sa disposisyon mo sa buhay, kailangan mong magkaroon ng pagmamahal sa katotohanan at kakayahang tanggapin ang katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng tanggapin ang katotohanan? Ang pagtanggap sa katotohanan ay nangangahulugan na anumang uri ang iyong tiwaling disposisyon, o alinman sa mga lason ng malaking pulang dragon—mga lason ni Satanas—ang nasa iyong kalikasan, kapag ibinunyag ng mga salita ng Diyos ang mga bagay na ito, dapat mong aminin ang mga ito at magpasakop ka, hindi ka maaaring gumawa ng ibang pagpili, at dapat mong kilalanin ang iyong sarili ayon sa mga salita ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay magawang tanggapin ang mga salita ng Diyos at tanggapin ang katotohanan. Anuman ang sabihin ng Diyos, gaano man kabigat ang mga pagbigkas Niya, at anumang mga salita ang ginagamit Niya, matatanggap mo ang mga ito basta’t katotohanan ang sinasabi Niya, at kaya mong kilalanin ang mga ito basta’t umaayon ang mga ito sa realidad. Kaya mong magpasakop sa mga salita ng Diyos gaano kalalim mo man nauunawaan ang mga ito, at tinatanggap mo at nagpapasakop ka sa liwanag na ibinubunyag ng Banal na Espiritu at ibinabahagi ng iyong mga kapatid. Kapag umabot na sa isang partikular na punto ang paghahangad sa katotohanan ng gayong tao, maaari niyang matamo ang katotohanan at makamtan ang pagbabago ng kanyang disposisyon. Kahit pa medyo may pagkatao ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan, kayang gumawa ng ilang mabubuting gawa, at kayang tumalikod at gumugol para sa Diyos, nalilito sila tungkol sa katotohanan at hindi ito sineseryoso, kaya hindi nagbabago kailanman ang disposisyon nila sa buhay. Nakikita mo na ang pagkatao ni Pedro ay kapareho ng pagkatao ng iba pang mga disipulo, ngunit namukod-tangi siya sa kanyang marubdob na pagtataguyod sa katotohanan. Anuman ang sinabi ni Jesus, masidhi niya iyong pinagnilayan. Nagtanong si Jesus, “Simon Bar-Jonas, mahal mo ba Ako?” Matapat na sumagot si Pedro, “Ang Ama na nasa langit lamang ang mahal ko, subalit hindi ko pa nagagawang mahalin ang Panginoon sa lupa.” Kalaunan ay naunawaan niya, naisip na, “Hindi tama ito, ang Diyos sa lupa ay ang Diyos sa langit. Hindi ba pareho ang Diyos kapwa sa langit at sa lupa? Kung ang Diyos sa langit lamang ang mahal ko, hindi tunay ang pagmamahal ko. Kailangan kong mahalin ang Diyos sa lupa, sapagkat doon lamang magiging tunay ang aking pagmamahal.” Sa gayon, naunawaan ni Pedro ang tunay na kahulugan ng salita ng Diyos mula sa itinanong ni Jesus. Para mahalin ang Diyos, at para maging tunay ang pagmamahal na ito, kailangang mahalin ng isang tao ang Diyos na nagkatawang-tao sa lupa. Ang mahalin ang isang malabo at di-nakikitang Diyos ay hindi makatotohanan ni praktikal, samantalang ang mahalin ang praktikal at nakikitang Diyos ay katotohanan. Mula sa mga salita ni Jesus, natamo ni Pedro ang katotohanan at naunawaan ang kalooban ng Diyos. Malinaw na ang paniniwala ni Pedro sa Diyos ay nakatuon lamang sa pagtataguyod sa katotohanan. Sa bandang huli, nagawa niyang mahalin ang praktikal na Diyos—ang Diyos sa lupa. Napakamasigasig ni Pedro sa kanyang pagtataguyod sa katotohanan. Sa bawat pagkakataon na pinayuhan siya ni Jesus, masidhi niyang pinagnilayan ang mga salita ni Jesus. Marahil nagnilay-nilay siya nang ilang buwan, isang taon, o ilang taon pa nga bago siya binigyang-liwanag ng Banal na Espiritu at naunawaan niya ang diwa ng mga salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, pumasok si Pedro sa katotohanan, at sa kanyang pagpasok, nagbago at napanibago ang kanyang disposisyon sa buhay. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, hindi niya iyon mauunawaan kailanman. Masasambit mo ang mga titik at doktrina nang sampung libong beses, ngunit mananatili pa ring mga titik at doktrina ang mga iyon. Sinasabi lamang ng ilang tao, “Si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” Ulit-ulitin mo man ang mga salitang ito nang sampung libong beses, wala pa ring silbi ang mga ito; hindi mo nauunawaan ang kahulugan ng mga ito. Bakit sinasabi na si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay? Maaari mo bang ipahayag ang kaalamang natamo mo tungkol dito mula sa karanasan? Nakapasok ka na ba sa realidad ng katotohanan, ng daan, at ng buhay? Binigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita upang maranasan mo ang mga ito at magtamo ka ng kaalaman. Walang silbi ang isatinig lamang ang mga titik at doktrina. Makikilala mo lamang ang iyong sarili kapag naunawaan at napasok mo na ang mga salita ng Diyos. Kung hindi mo nauunawaan ang mga salita ng Diyos, hindi mo makikilala ang iyong sarili. Makapagtatamo ka lamang ng pagkakilala kapag nauunawaan mo ang katotohanan. Kung walang pagkaunawa sa katotohanan, wala kang kakayahang makakilala. Malinaw mo lamang makikita ang mga bagay kapag nauunawaan mo ang katotohanan. Kung walang pagkaunawa sa katotohanan, hindi mo makikita nang malinaw ang mga bagay. Makikilala mo lamang ang iyong sarili kapag nauunawaan mo ang katotohanan. Kung walang pagkaunawa sa katotohanan, hindi mo makikilala ang iyong sarili. Magbabago lamang ang iyong disposisyon kapag nakamit mo ang katotohanan. Kung wala ang katotohanan, hindi maaaring magbago ang iyong disposisyon. Pagkatapos mong makamit ang katotohanan, saka ka lamang makapaglilingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos. Kung wala ang pagkamit ng katotohanan, hindi ka makapaglilingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos. Pagkatapos mong makamit ang katotohanan, saka mo lamang masasamba ang Diyos. Kung walang pagkaunawa sa katotohanan, kahit pa sambahin mo Siya, ang iyong pagsamba ay magiging pagganap lamang ng mga ritwal na panrelihiyon at wala nang iba. Kung wala ang katotohanan, lahat ng gawin mo ay hindi totoo. Sa pagkamit sa katotohanan, lahat ng gawin mo ay totoo. Lahat ng bagay na ito ay nakasalalay sa pagtatamo ng katotohanan mula sa mga salita ng Diyos. Itatanong ng ilang tao, “Ano ba mismo ang ibig sabihin ng pagkamit ng katotohanan mula sa mga salita ng Diyos?” Kailangan pa ba talagang tanungin? Ang katotohanan ay lahat ipinahayag ng Diyos, at lahat ito ay nasa loob ng mga salita ng Diyos. Walang katotohanan sa labas ng mga salita ng Diyos. Maraming tao ang naniniwala na ang kakayahang magsalita ng mga titik at doktrina ay ang pagkaalam sa katotohanan, at isa itong kalokohan. Hindi mo makakamit ang katotohanan sa simpleng pagsasalita ng doktrina. Ano ang silbi ng pagbabahagi lamang ng literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos? Kailangan mong maarok ang kahulugan sa mga salita ng Diyos, ang pinagmulan ng mga salita ng Diyos at ang resultang nilalayon nitong makamit. Ang salita ng Diyos ay naglalaman ng katotohanan, buhay, liwanag, mga prinsipyo, at mga landas. Ang bawat salita ng Diyos ay naglalaman ng maraming bagay; hindi sapat na sabihin lamang kung ano ang kahulugan ng kanilang literal na mga salita, at matapos na lang sa ganoon. Bibigyan kita ng halimbawa. Sinabi ng Diyos, “Maging matapat na tao, hindi mapanlinlang na tao.” Ano ang ibig sabihin ng pahayag na ito? Sinasabi ng ilang tao na, “Tungkol ito sa pagsasabi sa mga tao na maging matapat at hindi mapanlinlang, hindi ba?” Kung tatanungin mo sila kung ano pa ang ibig sabihin nito, sasabihin nilang, “Ibig sabihin nito ay dapat kang maging matapat na tao at hindi maging mapanlinlang na tao. Itong dalawang bagay lang ang sinasabi nito.” Pagkatapos, maaari mong itanong, “Ano ba mismo ang ibig sabihin ng pagiging matapat na tao? Anong uri ng tao ang maituturing na matapat na tao? Ano ang mga pag-uugali ng isang matapat na tao? Ano ang mga pag-uugali ng isang taong mapanlinlang?” Sasagot sila na, “Ang matapat na tao ay isang taong nagsasalita nang matapat, hindi hinahaluan ng kabulaanan ang kanyang mga salita, at hindi nagsisinungaling. Ang mapanlinlang na tao ay isang taong nagsasalita nang paligoy-ligoy, hindi nagsasabi ng totoo, palaging marumi sa kanyang mga salita, at mahilig magsinungaling.” Ito lang ang masasabi nila. Masyadong simple ang pag-iisip ng tao. Makapapasok ka kaya sa realidad ng katotohanan sa pamamagitan ng napakasimpleng paliwanag sa kung ano ang isang matapat na tao? Ano ang sinasabi ng salita ng Diyos tungkol sa matatapat na tao? Una, na ang matatapat na tao ay hindi nagkikimkim ng mga pagdududa sa iba, at pangalawa, na kayang tanggapin ng matatapat na tao ang katotohanan. Ito ang dalawang pangunahing katangian. Ano ang ibig sabihin ng Diyos dito? Bakit sinasabi ito ng Diyos? Mula sa salita ng Diyos, mauunawaan mo ang mas malalim na kabuluhan ng kung ano ang ibig sabihin ng pagiging matapat na tao, kung ano ang tinutukoy nito, at kung ano ang eksaktong pakahulugan sa isang matapat na tao. Sa sandaling maunawaan mo nang tumpak ang kahulugang ito, kung gayon sa salita ng Diyos, makikita mo kung ano ang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao, kung ano ang mga mapanlinlang na tao, at kung ano ang mga pagpapamalas ng isang mapanlinlang na tao. Kung susuriin mo pagkatapos ang mga pagpapamalas na ito, eksakto mong mauunawaan kung ano ang isang matapat na tao at kung ano ang isang mapanlinlang na tao, gayundin kung paano tinatrato ng mga mapanlinlang na tao ang salita ng Diyos, kung paano nila tinatrato ang Diyos, at kung paano nila tinatrato ang ibang tao. Sa ganitong paraan, tunay mong mauunawaan ang mga salita ng Diyos, at malalaman mo kung gaano kaiba ang pagkakaintindi ng mga tao sa mga matapat na tao at mapanlinlang na tao kumpara sa sinasabi ng salita ng Diyos. Kapag sinabi sa iyo ng salita ng Diyos, “Maging matapat na tao, huwag maging mapanlinlang na tao,” maraming detalye rito. Kapag tunay mong naunawaan ang kahulugan ng mga salita, malalaman mo kung ano ang isang matapat na tao at kung ano ang isang mapanlinlang na tao. Kapag nagsasagawa ka, malalaman mo kung paano magsagawa sa paraang siguradong makapagpapakita ng mga pagpapamalas ng isang matapat na tao, at malinaw mong makikita ang landas ng pagsasagawa at ang mga prinsipyo ng pagsasagawa para maging isang matapat na tao, na naggagarantiyang mapapasa mo ang pamantayan ng Diyos. Kung talagang nauunawaan mo ang mga salitang ito at isinasagawa mo ito, makakamit mo ang pagsang-ayon ng Diyos. Gayunpaman, kung hindi mo nauunawaan ang mga salitang ito, hindi ka magiging isang matapat na tao, at hinding-hindi mo makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang makarating sa tunay na pagkaunawa ng mga salita ng Diyos ay hindi simpleng bagay. Huwag kang mag-isip nang ganito: “Naipapaliwanag ko ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, at sinasabi ng lahat na magaling ang aking pagpapaliwanag, at sinasang-ayunan nila ako, kaya ibig sabihin nito ay nauunawaan ko ang mga salita ng Diyos.” Hindi ito kapareho ng pag-unawa sa mga salita ng Diyos. Kung nakatamo ka na ng kaunting liwanag mula sa mga pagpapahayag ng Diyos, at medyo naunawaan mo na ang tunay na kahulugan ng mga salita Niya, at kung naipapahayag mo ang layunin sa likod ng mga salita Niya at kung ano ang ibubunga ng mga ito sa huli—kung mayroon kang malinaw na pagkaunawa sa lahat ng bagay na ito—maituturing ka nang nagtataglay ng kaunting pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Kaya, hindi ganoon kasimple ang maunawaan ang mga salita ng Diyos. Hindi dahil nakapagbibigay ka ng mabulaklak na paliwanag sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos ay nangangahulugang nauunawaan mo ang mga ito. Gaano mo man maipaliliwanag ang literal na kahulugan ng mga ito, nakabatay pa rin ang iyong paliwanag sa guni-guni at paraan ng pag-iisip ng tao. Walang silbi ito! Paano mo mauunawaan ang mga salita ng Diyos? Ang susi ay hanapin ang katotohanang nakapaloob sa mga iyon. Sa gayong paraan mo lamang tunay na mauunawaan ang mga salita ng Diyos. Hindi kailanman nagsasabi ang Diyos ng mga salitang walang kabuluhan. Bawat pangungusap na binibigkas Niya ay naglalaman ng mga detalye na tiyak na ihahayag pa sa Kanyang mga salita, at maaaring maipahayag ang mga ito sa ibang paraan. Hindi maaarok ng tao ang mga paraan ng pagpapahayag ng Diyos ng katotohanan. Ang mga pagbigkas ng Diyos ay napakalalim at hindi madaling maaarok gamit ang pag-iisip ng tao. Maaaring matuklasan ng mga tao ang halos buong kahulugan ng bawat aspeto ng katotohanan basta’t pinagsisikapan nila. Ang natitirang mga detalye ay pupunan para sa kanila pagkatapos ng kanilang karanasan, sa pamamagitan ng pagbibigay-liwanag ng Banal na Espiritu. Ang isang bahagi ay pagninilay at pag-unawa sa mga salita ng Diyos at paghahanap sa partikular na nilalaman ng mga ito sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga ito. Ang isa pang bahagi ay pag-unawa sa kahulugan ng mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagdanas sa mga ito at pagtatamo ng kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu. Sa pamamagitan ng patuloy na pag-unlad sa dalawang aspetong ito, unti-unti mong mauunawaan ang salita ng Diyos. Kung binibigyang-kahulugan mo ito nang literal at ayon sa teksto o mula sa sarili mong pag-iisip o mga imahinasyon, kahit ipaliwanag mo ito sa mabulaklak at mahusay na pananalita, hindi mo pa rin talaga nauunawaan ang katotohanan, at batay pa ring lahat iyon sa pag-iisip at mga imahinasyon ng tao. Hindi iyon natamo mula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Malamang na bigyang-kahulugan ng mga tao ang mga salita ng Diyos batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at maaari pa silang magkamali ng pakahulugan sa mga salita ng Diyos nang wala sa konteksto, kaya malamang ay magkamali sila ng pagkaunawa at manghusga sa Diyos, at problema ito. Samakatuwid, ang katotohanan ay natatamo higit sa lahat sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga salita ng Diyos at ng pagiging nabigyang-liwanag ng Banal na Espiritu. Ang magawang maunawaan at maipaliwanag ang literal na kahulugan ng salita ng Diyos ay hindi nangangahulugan na natamo mo na ang katotohanan. Kung ang pag-unawa sa literal na kahulugan ng salita ng Diyos ay nangangahulugan na nauunawaan mo ang katotohanan, mangangailangan ka lang ng kaunting pag-aaral at kaalaman, kaya bakit mo kakailanganin ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu? Ang gawain ba ng Diyos ay isang bagay na maiintindihan ng isipan ng tao? Samakatuwid, ang pag-unawa sa katotohanan ay hindi batay sa mga kuru-kuro o imahinasyon ng tao. Kailangan mo ng kaliwanagan, pagtanglaw, at patnubay ng Banal na Espiritu para magkaroon ng tunay na karanasan at kaalaman. Ito ang proseso ng pag-unawa at pagtatamo sa katotohanan, at isa rin itong kinakailangang kondisyon.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.