Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 4 (Unang Bahagi)

Magsimula tayo sa pagbabalik-tanaw sa pinagbahaginan natin noong ating huling pagtitipon. (Sa huli nating pagtitipon, pinagbahaginan natin ang paksa ng “ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan.” Una nating pinagtuunan ang tanong na ito: “Yamang ang mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao na mabuti at tama ay hindi ang katotohanan, bakit kumakapit pa rin ang mga tao sa mga bagay na iyon na para bang ang mga iyon ang katotohanan at iniisip nila na sa pagkapit sa mga iyon, hinahangad nila ang katotohanan?” Naglahad Ka ng tatlong dahilan para dito. Pangunahin Mong tinalakay ang una sa mga iyon, na kung ano mismo ang mga bagay na iyon na pinaniniwalaan ng mga tao na mabuti at tama sa kanilang mga kuru-kuro.) Sa ating huling pagtitipon, pangunahin nating pinagbahaginan ang tungkol sa unang dahilan. Pinag-usapan natin ang mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao na mabuti at tama sa kanilang mga kuru-kuro, at hinati natin ang mga bagay na iyon sa dalawang malawak na kategorya: ang una ay “mabubuting pag-uugali,” ang pangalawa ay “mabubuting asal.” Sa kabuuan, nagbigay Ako ng anim na halimbawa para sa unang kategorya ng “mabubuting pag-uugali”: ang pagiging may pinag-aralan at matino, pagiging malumanay at pino, pagiging magalang, pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, pagiging magiliw, at pagiging madaling lapitan. Hindi pa natin napagbabahaginan ang pangalawang kategorya, “mabubuting asal.” May ilang isyu na dapat nating suriin nang kaunti pagkatapos pagbahaginan ang mga ito, upang linawin at klaruhin ang mga katotohanan at prinsipyo ng pagbabahaginan na iyon, at gawing malinaw at klaro ang lahat. Sa paggawa nito, magiging mas madali para sa inyo na maunawaan ang katotohanan. Ang pagbabahaginan natin noong huli ay binuo ng ilang malalawak na seksyon, gayundin ng ilang partikular na halimbawa. Parang ang dami, pero ang totoo, nagbahaginan lang tayo tungkol sa ilang partikular na bagay sa loob ng malalawak na seksyong iyon, at lalo pa nating hinimay ang mga partikular na bagay na iyon, upang maging mas malinaw at mas natatangi ang pagbabahaginan. Nagbigay tayo ng anim na halimbawa ng mabubuting pag-uugali, ngunit hindi tayo nagbahaginan nang detalyado tungkol sa bawat isa sa mga ito, nang isa-isa. Sa mga halimbawang iyon, ang pagiging may pinag-aralan at matino ay isang klasikong representasyon ng kung ano ang pinaniniwalaan ng mga tao na tama at mabuti sa kanilang mga kuru-kuro. Nagbigay tayo ng kaunti pang pagbabahagi tungkol sa halimbawang ito. Katulad nito ang iba pa; maaari kayong gumamit ng katulad na pamamaraan upang suriin at kilatisin ang mga ito.

Ngayon, bago tayo tumungo sa pinakanilalaman ng ating pagbabahaginan, magkukwento Ako sa inyo ng dalawang maikling kuwento. Mahilig ba kayong makinig sa mga kuwento? (Oo.) Hindi nakapapagod na makinig sa isang kuwento, at hindi ito nangangailangan ng labis na konsentrasyon. Hindi ito masyadong mahirap gawin, kumpara sa iba, at maaari itong maging interesante. Kaya makinig nang mabuti, at habang nakikinig kayo sa nilalaman ng mga kuwento, isipin din ninyo kung bakit Ko ikinukuwento ang mga ito—anong mga partikular at pangunahing ideya ang nakapaloob sa mga ito, o sa madaling salita, anong mga praktikal na bagay ang makakamit ng mga tao sa pakikinig sa mga ito. O siya—simulan na natin ang ating mga kuwento. Ito ang mga kuwento nina Xiaoxiao at Xiaoji.

Ang mga Kuwento nina Xiaoxiao at Xiaoji

Sa loob ng ilang panahon, nakararamdam si Xiaoxiao ng sakit sa kanyang mga mata, kasama ng malabong paningin, pagkasensitibo sa liwanag, pagluluha dulot ng hangin, pakiramdam na may kung ano sa kanyang mga mata, at iba pang gayong sintomas. Kinukuskos niya ang mga ito, ngunit hindi ito gaanong nakatulong. Hindi alam ni Xiaoxiao kung ano ang problema sa kanya. Naisip niya, “Hindi ako kailanman nagkaroon ng problema sa mga mata ko dati, at ayos naman ang paningin ko. Ano ang nangyayari?” Nang tumingin siya sa salamin, mukhang katulad na katulad naman ng dati ang kanyang mga mata—medyo mas mapula lang, at kung minsan ay medyo pulang-pula. Nakalilito ito para kay Xiaoxiao, at medyo nakababagabag. Hindi niya masyadong pinagtuunan ng pansin ang isyu noong kasisimula pa lang nito, ngunit nang magsimulang dumalas nang dumalas ang paglitaw ng kanyang mga sintomas, hindi na niya ito natiis sa huli. Pinag-isipan niya ito: “Dapat bang pumunta ako sa doktor, o subukan kong alamin ang tungkol dito nang ako lang? Magiging mahirap ang paghahanap ng impormasyon tungkol dito, at maaari pa akong magkamali ng pagsusuri sa kung ano ang aktwal na problema. Mas mabuting dumeretso ako sa doktor; tiyak na magbibigay siya ng tumpak na pagsusuri.” Kaya nagpunta si Xiaoxiao sa doktor. Sinuri siya ng doktor at walang nakitang malalalang problema. Nagreseta ito ng ilang regular na eye-drop at pinayuhan si Xiaoxiao na alagaan ang mga mata niya at huwag pagurin ang mga ito. Labis na nakahinga nang maluwag si Xiaoxiao nang malaman na walang malalang problema sa kanyang mga mata. Pagkauwi niya, ginamit ni Xiaoxiao ang eye-drops araw-araw, sa mga oras at sa dosis na iniutos sa kanya ng doktor, at sa loob ng ilang araw, bumuti ang kanyang mga sintomas. Gumaan nang husto ang pakiramdam ng puso ni Xiaoxiao: Nadama niya na kung kaya itong malunasan ng gamot, maaaring hindi malala ang problema. Ngunit hindi nagtagal ang pakiramdam na iyon, at makalipas ang ilang panahon, bumalik ang mga sintomas niya. Tinaasan ni Xiaoxiao ang dosis ng kanyang eye-drop, at medyo bumuti ang pakiramdam ng kanyang mga mata, at medyo naibsan ang mga sintomas niya. Ngunit makalipas ang ilang araw, bumalik sa dati ang kanyang mga mata, at lumala at mas dumalas ang mga sintomas. Hindi ito maunawaan ni Xiaoxiao, at nakaramdam na naman siya ng kalungkutan: “Ano ang gagawin ko? Hindi umeepekto ang gamot na ibinigay sa akin ng doktor. Ibig sabihin ba nito, may malubhang problema sa mga mata ko? Hindi ko ito maaaring balewalain.” Sa pagkakataong iyon, nagpasya siyang hindi na muling magpatingin sa doktor o kumonsulta rito tungkol sa kanyang mga problema sa mata. Sa halip, pinili niyang lutasin ang problema nang mag-isa. Nag-online siya at nakahanap ng lahat ng uri ng video at impormasyong nauugnay sa kanyang mga sintomas. Karamihan sa mga ito ay nagsasabing ang mga problemang ito ay sanhi ng hindi wastong paggamit sa mga mata, na kailangan niyang alagaan ang kanyang mga mata, at na mas mahalagang gamitin niya nang wasto ang mga ito. Nadama ni Xiaoxiao na hindi nakatutulong ang payo na ito, at na hindi nito malulutas ang problema niya. Kaya nagpatuloy siya sa paghahanap ng impormasyon. Isang araw, may natagpuan siyang resource na nagsasabing ang mga sintomas niya ay maaaring sanhi ng pagdurugo ng retina, na maaaring pagsisimula ng glaucoma. Posible ring humantong sa katarata ang kanyang mga sintomas kapag lumala ang mga ito. Nang mabasa ni Xiaoxiao ang mga salitang “glaucoma” at “katarata,” nabalisa siya nang husto. Nagdilim ang paningin niya at muntik na siyang mahimatay, kumakabog sa dibdib niya ang puso niya. “O, Diyos ko, ano ang nangyayari? Magkakaroon ba talaga ako ng glaucoma at katarata? Narinig ko na nangangailangan ng operasyon ang katarata, at na kung may glaucoma ka, malamang na mabulag ka! Magiging katapusan ko na iyon, hindi ba? Bata pa ako—kung mabubulag nga ako, paano ako mabubuhay sa natitirang bahagi ng buhay ko bilang isang bulag? Ano pa ang aasahan ko kung magkagayon? Hindi ba’t kakailanganin kong gugulin ang buhay ko sa kadiliman?” Nang tingnan ni Xiaoxiao ang mga salitang “glaucoma” at “katarata” sa pahina, hindi na siya mapakali. Nabalisa siya, at lalo siyang nalugmok sa depresyon at kawalan ng pag-asa. Hindi niya alam kung ano ang gagawin, o kung paano niya haharapin ang mga darating na araw. Napuno siya ng kalungkutan at hindi na siya makatuon sa mga bagay na nasa harapan. Sa harap ng problemang ito, ganap na nalugmok sa kawalan ng pag-asa si Xiaoxiao. Nawalan siya ng interes na mabuhay, at hindi siya makapag-ipon ng lakas para gampanan ang kanyang tungkulin. Ayaw niyang bumalik sa doktor o banggitin sa ibang tao ang mga problema niya sa mata. Siyempre pa, natakot siyang malaman ng mga tao na magkakaroon siya ng glaucoma o katarata. At ganun-ganun lang, pinalipas ni Xiaoxiao ang bawat araw sa depresyon, pagkanegatibo, at kalituhan. Hindi siya nangahas na isipin o planuhin ang kinabukasan niya, dahil para sa kanya, ang hinaharap ay isang kahila-hilakbot at kalunos-lunos na bagay. Ipinamuhay niya ang mga araw niya sa depresyon at kawalan ng pag-asa, lugmok na lugmok siya. Ayaw niyang magdasal o magbasa ng mga salita ng Diyos, at lalong ayaw niyang makipag-usap sa ibang tao. Para bang ganap siyang naging ibang tao. Makalipas ang ilang araw na ganito, biglang naisip ni Xiaoxiao: “Tila isang miserableng kondisyon ang kinasasadlakan ko. Dahil malabo ang kinabukasan ko at hinayaan ako ng Diyos na magkaroon ng ganitong sakit sa halip na protektahan ako, bakit ko pa patuloy na gagampanan nang maayos ang tungkulin ko? Maikli ang buhay; bakit hindi ko samantalahin ang pagkakataon, habang maayos pa ang paningin ko, na gawin ang ilan sa mga bagay na gusto ko at palayawin ang sarili ko? Bakit dapat maging labis na nakapapagod ang buhay ko? Bakit ko sasaktan at tatratuhin nang hindi maganda ang sarili ko?” At kaya, kapag hindi natutulog, kumakain, o nagtatrabaho si Xiaoxiao, ginugugol niya ang karamihan ng oras niya sa internet, paglalaro, panonood ng mga video, dere-deretsong panonood ng mga palabas, at kapag lumalabas siya, dinadala pa niya ang telepono niya at naglalaro doon ng games nang walang tigil. Ginugol niya ang mga araw niyang wiling-wili sa mundo ng internet. Natural na habang ginagawa niya ito, lumala nang lumala ang sakit sa mga mata niya, at naging mas malubha rin ang mga sintomas niya. Kapag hindi na niya ito matiis, ginagamit niya ang eye-drops niya para maibsan ang mga sintomas niya, at kapag medyo bumubuti ang mga ito, muli siyang nagbababad sa internet, pinapanood ang mga bagay na gusto niya. Ito ang paraan niya para maibsan ang takot at pagkasindak sa kaibuturan ng puso niya, at ito ang paraan niya para magpalipas ng oras, para malampasan ang mga araw niya. Sa tuwing sumasakit ang mga mata niya at lumalala ang mga sintomas niya, wala sa loob na tinitingnan ni Xiaoxiao ang mga tao sa paligid niya at iniisip na, “Ginagamit ng ibang mga tao ang mga mata nila na gaya ng ginagawa ko. Bakit hindi namumula, palaging naluluha, at parang may kung ano ang mga mata nila? Bakit ako ang may sakit na ito? Hindi ba’t may pinapaboran ang Diyos? Lubos kong ginugol ang sarili ko para sa Diyos; bakit hindi Niya ako pinoprotektahan? Sobrang hindi patas ang Diyos! Bakit ang suwerte ng lahat ng ibang tao na makamit ang proteksyon ng Diyos, pero ako ay hindi? Bakit palaging sa akin sumasapit ang lahat ng kamalasan?” Habang mas nag-iisip si Xiaoxiao, mas nagagalit at nayayamot siya, at habang mas nagagalit siya, mas gusto niyang gamitin ang online na libangan at mga pampalipas-oras upang pawiin ang kanyang sama ng loob at galit. Gusto niyang maalis ang sakit niya sa mata sa lalong madaling panahon, ngunit habang mas gusto niyang maalis ang sama ng loob at galit niya, mas lalo siyang nawawalan ng galak at kapayapaan, at mas nararamdaman niyang malas siya, gaano man siya kababad sa internet. At sa puso niya, nagrereklamo siya sa hindi pagiging patas ng Diyos. Sunod-sunod na lumipas ang mga araw nang ganito. Hindi bumuti ang problema sa mata ni Xiaoxiao, at sumama nang sumama ang timpla niya. Sa ganoong senaryo, lalong naramdaman ni Xiaoxiao na wala siyang magawa at malas siya. Nagpatuloy nang ganito ang buhay ni Xiaoxiao. Walang makatulong sa kanya, at hindi siya humingi ng tulong. Ginugol lang niya ang bawat araw nang wala sa sarili, nalulumbay, at walang magawa.

Iyon ang kuwento ni Xiaoxiao. Hanggang doon na lamang iyon. Sunod ay ang kuwento ni Xiaoji.

Habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, naharap si Xiaoji sa parehong problema ni Xiaoxiao. Lumabo ang kanyang paningin, at palaging parang namamaga at mahapdi ang mga mata niya. Madalas itong sinasabayan ng pakiramdam na may kung anong nasa mga mata niya, at hindi bumubuti ang kanyang mga mata pagkatapos niyang kuskusin ang mga ito. Naisip niya, “Ano ang nangyayari? Maayos dati ang mga mata ko; kahit kailan ay hindi pa ako nakapagpatingin sa doktor sa mata. Ano ba ang nangyayari sa mga mata ko kamakailan? May problema kaya sa mga mata ko?” Nang tumingin siya sa salamin, mukhang wala namang ipinagkaiba sa dati ang mga mata niya. Nakadarama lang siya ng mainit na sensasyon sa kanyang mga mata, at kapag kumukurap siya nang madiin, lalong humahapdi at namamaga ang mga ito, at nagsisimulang maluha. Nadama ni Xiaoji na may mali sa kanyang mga mata, at naisip niyang, “Malaking bagay ang mga problema sa mata. Hindi ko ito dapat balewalain. Gayunpaman, hindi naman masyadong masama ang pakiramdam ko, at hindi ito nakakaapekto sa aking buhay o tungkulin. Masyadong abala ang mga bagay-bagay sa gawain ng iglesia kamakailan, at ang pagpunta sa doktor ay magkakaroon ng mga epekto sa aking tungkulin. Maghahanap na lang ako ng impormasyon tungkol dito kapag may libreng oras ako.” Pagkatapos magdesisyon ng ganito, naghanap si Xiaoji ng nauugnay na impormasyon nang magkaroon siya ng libreng oras mula sa kanyang tungkulin, at nalaman niyang walang malaking problema sa kanyang mga mata—ang matagalan at sobrang paggamit ng kanyang mga mata ang dahilan kaya hindi siya komportable. Sa tamang paggamit, wastong pangangalaga, at ilang naaangkop na ehersisyo, babalik sa normal ang kanyang mga mata. Masayang-masaya si Xiaoji nang mabasa niya iyon. “Hindi ito malaking problema, kaya hindi na kailangang lubos na mag-alala tungkol dito. Sinasabi ng source na ito na kailangan kong gamitin nang tama ang mga mata ko at i-ehersisyo ang mga ito nang tama—kaya sisiyasatin ko na lang kung paano gamitin nang tama ang mga mata ko at kung anong mga ehersisyo ang dapat kong gawin para maibalik sa normal ang mga ito.” Pagkatapos ay naghanap pa siya ng nauugnay na impormasyon at mula rito, pumili siya ng ilang pamamaraan at diskarte na naaangkop sa kanyang sitwasyon. Mula noon, bukod pa sa kanyang normal na buhay at pagganap sa tungkulin niya, nagkaroon ng bagong gawain si Xiaoji: ang pangalagaan ang kanyang mga mata. Araw-araw niyang isinasagawa ang mga paraan ng pangangalaga sa mga mata na natutunan niya. Habang sinusubukan niya ang mga ito, pinapakiramdaman niya kung naiibsan ba ng mga ito ang mga sintomas ng kanyang mga mata. Pagkalipas ng isang panahon ng pagsubok at paggawa sa mga ito, nadama ni Xiaoji na ang ilan sa mga pamamaraan ay epektibo, habang ang iba ay maganda lang sa teorya, hindi sa gawa—hindi man lang maaayos ng mga ito ang problema niya. At kaya, batay sa kanyang mga natuklasan mula sa panimulang yugtong iyon, pumili si Xiaoji ng ilang pamamaraan at diskarte para sa pagpapanatili ng malusog na mga mata na gumagana sa kanya. Araw-araw niyang isinagawa ang tamang paggamit ng mga mata at pangangalaga sa mga ito, sa tuwing hindi maaantala ng paggawa nito ang kanyang tungkulin. Makalipas ang ilang panahon, talagang bumuti nang bumuti ang pakiramdam ng mga mata ni Xiaoji; ang kanyang mga dating sintomas—pamumula, hapdi, mainit na sensasyon, at iba pa—ay unti-unting nawala, at dumalang nang dumalang ang mga ito. Pakiramdam ni Xiaoji ay napakasuwerte niya. “Salamat sa Diyos para sa Kanyang pamumuno. Biyaya at patnubay Niya ito.” Bagamat mas kaunting problema na lang ang nadarama niya sa kanyang mga mata at hindi na gaanong malubha ang mga sintomas niya, patuloy na isinasagawa ni Xiaoji ang mga pamamaraang iyon ng pangangalaga sa mata at ginagamit niya nang tama ang kanyang mga mata, nang hindi nagpapabaya. At pagkalipas ng ilang panahon, ganap na bumalik sa normal ang mga mata niya. Mula sa karanasang ito, natuto si Xiaoji ng ilang paraan upang mapanatiling malusog ang kanyang mga mata, at natutunan niya rin kung paano gamitin ang kanyang mga mata at mamuhay nang tama. Nagdagdag siya ng ilang positibo at sentido komun na kaalaman sa kanyang kasanayan sa buhay. Masayang-masaya si Xiaoji. Nadama niyang bagamat nakaranas siya ng ilang tagumpay at kabiguan at nagkaroon ng ilang hindi karaniwang karanasan, sa huli ay nagkamit siya ng ilang mahahalagang karanasan sa buhay mula rito. Sa tuwing may magsasabi sa paligid niya na masakit ang mga mata nito, na namamaga at mahapdi ang mga iyon, tapat na sinasabi ni Xiaoji sa taong iyon ang kanyang naging karanasan at mga diskarte at pamamaraang ginamit niya. Sa tulong ni Xiaoji, iyong mga nakararanas ng mga sintomas ng mga problema sa mata ay natuto rin ng mga paraan at diskarte para gamitin nang tama ang kanilang mga mata at para mapanatiling malusog ang kanilang mga mata. Masaya si Xiaoji, at malaki ang naitulong niya sa mga tao sa paligid niya. At kaya naman sa loob ng panahong iyon, nagkamit si Xiaoji at ang iba pa ng ilang sentido komun na kaalaman na dapat taglayin ng mga tao sa kanilang buhay bilang mga tao. Ang lahat ay gumawa at gumanap ng kanilang mga tungkulin nang sama-sama, nang masaya at nagagalak. Hindi nagpatalo si Xiaoji sa pagkanegatibo o kawalang-magawa dahil sa problema niya sa mata, hindi rin siya kailanman nagreklamo tungkol sa kamalasan niya. Bagamat nakita niya ang nakita ni Xiaoxiao na ilang nakababahalang pahayag noong naghahanap siya ng impormasyon, hindi niya masyadong pinansin ang mga iyon. Sa halip, aktibo at wasto niyang nilutas ang problema niya. Nang mangyari ang parehong bagay kay Xiaoxiao, paulit-ulit itong nasadlak sa depresyon, sa kawalang-magawa at kalituhan. Sa kabilang banda, bukod sa naiwasan ni Xiaoji na masadlak sa depresyon at kalituhan, hindi rin siya naghinanakit sa Diyos—at nakamit pa niya mula sa mga pangyayaring ito ang isang mas kapaki-pakinabang, aktibo, at positibong saloobin sa buhay. Tinulungan niya ang sarili niya, at tinulungan niya ang iba.

Iyon ang mga kuwento nina Xiaoxiao at Xiaoji. Pareho na ninyo ngayong narinig ang mga kuwento nila. Naunawaan ba ninyo ang mga ito? Sino sa kanila ang gusto ninyo: si Xiaoxiao o si Xiaoji? (Si Xiaoji.) Ano ang hindi maganda kay Xiaoxiao? (Nang may mga bagay na sumapit sa kanya, hindi niya nagawang harapin ang mga iyon nang tama. Naging negatibo siya at mapanlaban.) Ang maging negatibo at mapanlaban ay ang magdulot ng sariling pagkawasak. Kapag may mga bagay na sumasapit sa ibang tao, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga ito, ngunit nang may sumapit kay Xiaoxiao, hindi niya nagawang hanapin ang katotohanan, pinili niya ang pagkanegatibo at paglaban. Hinahabol niya ang sarili niyang pagkasira. Maaaring maunlad na ang impormasyon sa ngayon, ngunit sa satanikong mundong ito, laganap ang mga kasinungalingan at panlilinlang. Ang mundo ay puno ng mga kasinungalingan at panlilinlang. Kapag nahaharap sa anumang isyu o anumang uri ng impormasyon sa magulong mundong ito, dapat na magkaroon ang mga tao ng karunungan, dapat silang maging matalino at matalas ang pang-unawa, at dapat silang maging mapagkilatis. Dapat nilang mahigpit na salain ang iba’t ibang uri ng impormasyon, mula sa tamang pananaw. Ang mga tao ay hindi dapat agad-agad naniniwala sa anumang pahayag, at lalong hindi nila dapat agad-agad tinatanggap ang anumang uri ng impormasyon. Sa mundo ni Satanas, nagsisinungaling ang lahat ng tao, at hindi kailanman napapanagot ang mga sinungaling. Nagsisinungaling sila at iyon na iyon. Walang sinuman sa mundong ito ang tumutuligsa sa mga kasinungalingan; walang tumutuligsa sa panlilinlang. Mahirap maarok ang puso ng tao, at sa likod ng bawat sinungaling, mayroong layon at mithiin. Halimbawa, nagpatingin ka sa doktor, at sinabi niyang, “Kailangang gamutin kaagad ang sakit mo. Kung hindi, posible itong maging kanser!” Kung matatakutin ka, masisindak ka: “Naku! Posible itong maging kanser! Gamutin natin ito kaagad!” At bilang resulta, habang mas sinusubukan mo itong gamutin, mas lumalala ito, at hahantong ka sa ospital. Ang talagang sinabi ng doktor ay posibleng maging kanser ang sakit mo, na nangangahulugang hindi pa ito kanser, subalit nagkamali ka ng pagkaintindi na dapat itong gamutin kaagad na para bang kanser ito. Hindi mo ba hinahabol ang kamatayan sa paggawa nito? Kung gagamutin mo ito bilang kanser, habang mas sinusubukan mo itong gamutin, mas bibilis kang mamamatay. Magagawa mo bang mabuhay nang mas matagal, kung gayon? (Hindi.) Sa katunayan, hindi naman kanser ang sakit mo, kaya bakit sasabihin ng doktor na kung hindi mo ito gagamutin, magiging kanser ito? Sinasabi niya ito upang perahan ka, para ipagamot mo ang sakit mo na para bang malubha ito. Kung alam mong hindi ito malubhang sakit, hindi mo ito susubukang ipagamot, at hindi niya makukuha ang pera mo. Maraming doktor na kapag nakikita ang kanilang mga pasyente, sinusunggaban nila ang mga ito, tulad ng isang demonyong sumusunggab sa isang tao, at kumakapit sila nang mahigpit at ayaw nilang bumitaw. Isa itong karaniwang paraan na ginagamit ng karamihan sa mga doktor sa kanilang mga pasyente. Nagsisimula sila sa pagsasabi sa iyo kung gaano sila kasikat, kung gaano sila kagaling sa medisina, kung gaano karaming tao na ang napagaling nila, kung anong mga sakit na ang nagamot nila, at kung gaano katagal na silang nanggagamot. Hihimukin ka nilang magtiwala sa kanila, na umupo ka nang tuwid at tanggapin ang panggagamot nila. Pagkatapos, sasabihin nila sa iyo na magkakaroon ka ng malubhang sakit, at na kung hindi ka sasailalim sa gamutan, maaari kang mamatay. Lahat ay mamamatay, ngunit ang sakit na ito ba talaga ang papatay sa iyo? Hindi tiyak na ito nga. Nasa mga kamay ng Diyos ang buhay at kamatayan ng bawat tao. Siya ang nagpapasya niyon, hindi mga doktor. Madalas na ginagamit ng mga doktor ang pakanang ito upang linlangin ang mga tao. Iyong mga matatakutin at takot sa kamatayan ay humihingi ng payong medikal kung saan-saan at hinahayaan ang mga doktor na gumawa ng mga pahayag tungkol sa kanilang kalusugan. Kung sasabihin ng doktor nila na may tsansa silang magkaroon ng kanser, paniniwalaan nila ito, at magmamadali silang ipagamot ito sa doktor, para mawala ang panganib na mamatay sila sa kanser. Hindi ba’t tinatakot lang nila ang sarili nila? (Ganoon na nga.) Ititigil na natin ngayon ang pag-uusap tungkol sa mga doktor at itutuloy ang pag-uusap tungkol kay Xiaoxiao at Xiaoji. Magkaibang-magkaiba ang kanilang mga perspektibo, pananaw, at opinyon tungkol sa lahat ng nangyayari sa paligid nila. Si Xiaoxiao ay lubos na negatibo, samantalang si Xiaoji ay nagagawang harapin nang tama ang mga bagay-bagay na sumasapit sa kanya. Taglay ni Xiaoji ang katwiran at paghusga ng normal na pagkatao at hinaharap niya ang mga bagay-bagay sa aktibong paraan. Patuloy rin niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Magkaibang-magkaiba silang dalawa. Kapag may sumasapit kay Xiaoxiao, pinagpapasyahan niyang wala nang pag-asa ang sitwasyon, at padalos-dalos na kumikilos. Hindi niya hinahanap ang tamang pamamaraan at diskarte para harapin ito, at siya rin ay walang pagkakilala, naguguluhan, hangal, sutil, at mapagmatigas—at lubos pang mapaghangad ng masama. Kapag nagkakasakit siya, o kapag may nakakaharap siyang ilang suliranin, o may masamang nangyayari sa kanya, umaasa siyang mangyayari din ito sa lahat. Kinamumuhian niya ang Diyos sa hindi pagprotekta sa kanya, at nais niyang maglabas ng galit. Ngunit hindi siya nangangahas na maglabas ng galit at ibunton ito sa iba, kaya inilalabas niya ang galit niya at ibinubunton ito sa sarili niya. Hindi ba’t isa itong malupit na disposisyon? (Ganoon nga.) Ang maging mapaghinanakit, mapagpoot, at mainggitin kapag may ilang munting bagay na hindi umaayon sa gusto mo—iyan ay pagiging malupit. Kapag may sumasapit kay Xiaoji, mayroon siyang katwiran at paghusga ng normal na pagkatao. Mayroon siyang karunungan at pinipili niya ang mga dapat piliin ng isang taong may normal na pagkatao. Bagamat si Xiaoji ay may kaparehong karamdaman kay Xiaoxiao, nalutas ang problema niya sa huli, samantalang hindi kailanman nagawang lutasin ni Xiaoxiao ang problema nito, at patuloy itong lumubha at lalo pang lumala. Seryoso ang problema ni Xiaoxiao, at hindi lang ito karamdaman ng katawan—inilantad niya ang disposisyon na nasa kaibuturan ng kanyang puso; inilantad niya ang kanyang pagiging sutil, mapagmatigas, hangal, at mapaghangad ng masama. Iyon ang pinagkaiba nilang dalawa. Kung mayroon kayong mas detalyadong kaalaman at pagkaunawa sa kung paano namumuhay ang dalawang taong ito, pati na ang kanilang mga saloobin at pamamaraan sa pagharap sa mga bagay-bagay, maaari ninyong ituloy ang pagbabahaginan tungkol dito sa ibang pagkakataon, ihambing dito ang inyong sarili, at pumulot ng aral mula rito. Siyempre pa, dapat kayong pumasok sa mga bagay-bagay sa aktibong paraan, tulad ni Xiaoji. Dapat ninyong harapin nang tama ang buhay, at magsikap kayo na tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ninyo ay ang katotohanan, upang kayo ay maging mga taong naghahangad sa katotohanan. Dapat hindi kayo maging tulad ni Xiaoxiao. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Ganoon kayo dapat maghangad at magsagawa.

Ngayon, magbabalik-tanaw tayo sa pinagbahaginan natin sa ating huling pagtitipon. Pinag-usapan natin ang unang aspeto ng mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao sa kanilang mga kuru-kuro na tama at mabuti—mabubuting pag-uugali—at naglista tayo ng anim na halimbawa ng mabubuting pag-uugali. Ang lahat ng iyon ay mga bagay na isinusulong ng tradisyunal na kultura, at mabubuting pag-uugali na gusto ng mga tao sa kanilang tunay na buhay. Maaari ba ninyong sabihin sa Akin kung ano ang mga iyon? (Pagiging may pinag-aralan at matino, pagiging malumanay at pino, pagiging magalang, pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, pagiging magiliw, at pagiging madaling lapitan.) Hindi na tayo nagbigay ng iba pang halimbawa. Maaaring may ilang pagkakaiba sa mga tradisyunal na kultura ng ibang mga bansa ang anim na kinatawang mabubuting pag-uugali na isinusulong ng tradisyunal na kulturang Chinese, ngunit hindi na natin ililista ang mga ito. Noong huli, pinagbahaginan at sinuri natin ang ilan sa mga partikular na nilalaman ng anim na mabubuting pag-uugaling ito. Sa pangkalahatan, hindi kinakatawan ng mga panlabas na mabubuting pag-uugaling ito ang mga positibong bagay sa pagkatao, at lalong hindi kinakatawan ng mga ito na nagbago ang disposisyon ng isang tao—hinding-hindi pinatutunayan ng mga ito na ang isang tao ay nauunawaan ang katotohanan at isinasabuhay ang realidad nito. Mga panlabas na pag-uugali lamang ito na nakikita ng tao. Sa madaling salita, mga panlabas na pagpapamalas ito ng tao. Mga pormalidad lamang ang mga panlabas na pagpapamalas at pagbuhos na ito na nangyayari kapag ang mga tao ay nakikipag-ugnayan, nakikisalamuha sa isa’t isa, at namumuhay kasama ang isa’t isa. Ano ang tinutukoy ng “mga pormalidad”? Tumutukoy ito sa mga pinakapaimbabaw na bagay na nagpapakalma sa mga tao kapag nakikita nila ang mga ito. Walang kinakatawan ang mga ito na diwa ng mga tao, ni kanilang mga iniisip at pananaw, ni kanilang saloobin sa mga positibong bagay, at lalong hindi kinakatawan ng mga ito ang saloobin ng mga tao sa katotohanan. Ang mga kinakailangan at pamantayan ng pagsusuri na taglay ng sangkatauhan tungkol sa mga panlabas na pag-uugali ay mga pormalidad lang na kayang maunawaan at makamit ng mga tao. Walang anumang kinalaman ang mga ito sa diwa ng tao. Gaano man tila kagiliw o kadaling lapitan ang mga tao sa panlabas, at gaano man gusto, iginagalang, ipinagpipitagan, at sinasamba ng iba ang mga panlabas na pag-uugaling isinasabuhay nila, hindi ito nangangahulugan na mayroon silang pagkatao, ni hindi ito nangangahulugan na ang kalikasan at diwa nila ay mabuti, o na mapagmahal sila sa mga positibong bagay, o nagtataglay sila ng pagkaunawa sa pagiging matuwid, at siyempre pa, lalong hindi ito nangangahulugan na sila ay mga taong kayang hangarin ang katotohanan. Ang lahat ng mabubuting pag-uugali na ibinuod ng sangkatauhan ay ilang panlabas na pagpapamalas at mga isinabuhay na bagay lamang na isinusulong ng sangkatauhan upang maiba ito mula sa iba pang uri ng nilalang. Halimbawa, ang pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, at magalang—ipinapakita lang ng mabubuting pag-uugaling ito na ang isang tao ay medyo maayos ang asal, magalang, may pinag-aralan, at sibilisado sa panlabas, hindi tulad ng mga hayop na walang sinusunod na patakaran. Pinupunasan ng mga tao ang kanilang bibig gamit ang mga kamay nila o tissue pagkatapos nilang kumain o uminom, nililinis ang kanilang sarili nang kaunti. Kung susubukan mong punasan ang bibig ng isang aso pagkatapos nitong kumain o uminom, hindi ito matutuwa. Hindi nauunawaan ng mga hayop ang gayong mga bagay. Kung gayon, bakit nauunawaan iyon ng mga tao? Dahil ang mga tao ay “matataas na uri ng hayop,” kaya dapat nilang maunawaan ang mga bagay na ito. Kaya naman, ang mabubuting pag-uugaling ito ay mga ginagamit lang ng tao upang kontrolin ang ugali ng biyolohikal na grupo na sangkatauhan, at ang ginagawa lang ng mga ito ay ipagkaiba ang sangkatauhan mula sa mabababang uri ng nilalang. Walang-walang kinalaman ang mga ito sa pag-asal, o sa paghahangad sa katotohanan, o pagsamba sa Diyos. Nangangahulugan ito na bagamat maaaring ipinamumuhay mo ang mga pamantayan at kinakailangan ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, at iba pa, bagamat maaaring mayroon ka ng mabubuting pag-uugaling ito, hindi ibig sabihin nito na isa kang taong may pagkatao, o isang taong nagtataglay ng katotohanan, o isang taong natatakot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan. Hindi talaga ito nangangahulugan ng anuman sa mga bagay na iyon. Sa kabaligtaran, nangangahulugan lang ito na matapos sumailalim sa sistema ng edukasyon sa pag-uugali, at sa mga pamantayan ng kagandahang-asal, naging medyo mas disiplinado ang iyong pananalita, mga ekspresyon ng mukha, tindig, at iba pa. Ipinapakita nito na mas nakahihigit ka sa mga hayop at may kaunting wangis ng tao—ngunit hindi nito ipinapakita na isa kang taong naghahangad sa katotohanan. Maaari pa ngang masabi na wala itong anumang kinalaman sa paghahangad sa katotohanan. Ang pagtataglay mo ng mabubuting pag-uugaling ito ay hinding-hindi nangangahulugang nagtataglay ka ng mga tamang kondisyon para sa paghahangad sa katotohanan, at lalong hindi ito nangangahulugan na nakapasok ka na sa realidad ng katotohanan at nakamit ang katotohanan. Ganap itong hindi nagpapakita ng mga bagay na iyon.

Sinumang nakapag-alaga na ng pusa o aso ay madarama na may kung anong kaibig-ibig sa mga ito. Ang ilang pusa at aso ay talagang may mabuting asal. Kapag gusto ng ilang pusa na pumunta sa silid ng amo ng mga ito, magma-meow ang mga ito nang ilang beses sa pinto bago papasok. Hindi papasok ang mga ito kung walang sasabihin ang amo, papasok lang ang mga ito kapag sinabi ng amo na: “Pasok.” Kahit ang mga pusa ay nakapagsasagawa ng ganitong uri ng magandang kaugalian, marunong humingi ng pahintulot ang mga ito bago pumasok sa silid ng amo. Hindi ba’t isa iyong uri ng mabuting pag-uugali? Kung kahit na ang mga hayop ay maaaring magtaglay ng mabuting pag-uugali, gaano pa mas napatataas ang mga tao kaysa sa mga hayop ng mabubuting pag-uugaling taglay nila? Ito ang pinakamababang antas ng sentido komun na dapat taglayin ng mga tao—hindi ito kailangang ituro, napakanormal na bagay nito. Maaaring madama ng mga tao na medyo naaangkop ang ganitong uri ng mabuting pag-uugali, at maaaring maging mas komportable ang pakiramdam nila dahil dito, ngunit ang pagsasabuhay ba sa mabubuting pag-uugaling ito ay kumakatawan sa kalidad o diwa ng kanilang pagkatao? (Hindi.) Hindi ito kumakatawan doon. Mga tuntunin at pamamaraan lamang ang mga ito na dapat mayroon ang isang tao sa kanyang mga kilos—wala talagang kinalaman ang mga ito sa kalidad at diwa ng pagkatao ng isang tao. Halimbawa, ang mga pusa at aso—ano ang pagkakatulad ng mga ito? Kapag binibigyan ang mga ito ng mga tao ng makakain, nagpapayahag ng pagiging malapit ng kalooban at pasasalamat ang mga pusa at aso. Nagtataglay ng ganitong uri ng asal ang mga ito, at nakapagpapakita ang mga ito ng ganitong uri ng pag-uugali. Ang kakaiba sa mga ito ay na ang isa sa mga ito ay bihasa sa paghuli ng daga, habang ang isa pa ay bihasa sa pagbabantay sa bahay. Maaaring iwanan ng pusa ang amo nito anumang oras at sa anumang lugar; kapag may makakatuwaan, malilimutan ng pusa ang amo nito at hindi ito papansinin. Ang isang aso ay hindi kailanman iiwan ang amo nito; kung kinikilala ka nito bilang amo, kahit na magpalit ito ng mga may-ari, makikilala ka pa rin nito at ituturing ka nitong amo. Iyon ang kaibahan sa pagitan ng mga pusa at aso, patungkol sa moral na kalidad ng pag-uugali at diwa ng mga ito. Ngayon, pag-usapan natin ang mga tao. Sa mga pag-uugali na pinaniniwalaan ng tao na mabuti, tulad ng pagiging may pinag-aralan at matino, magalang, madaling lapitan, at iba pa, bagamat may ilan na nahihigitan ang pag-uugali ng ibang nilalang—ibig sabihin, ang nagagawa ng tao ay nahihigitan ang mga kakayahan ng ibang nilalang—ang mga ito ay walang iba kundi mga panlabas na pag-uugali at tuntunin lamang, mga pamamaraan lang ang mga ito na ang layon ay kontrolin ang pag-uugali ng mga tao at ipagkaiba sila mula sa ibang uri ng nilalang. Ang pagtataglay ng mabubuting pag-uugaling ito ay maaaring magparamdam sa mga tao na naiiba sila o mas nakahihigit sila sa ibang uri ng nilalang, ngunit ang totoo, sa ilang aspeto ay umaasal ang mga tao nang mas masahol pa sa mga hayop. Halimbawa, ang pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata. Sa mundo ng mga hayop, mas mahusay ang mga lobo kaysa sa mga tao sa paggawa nito. Sa isang pangkat ng mga lobo, aalagaan ng mga lobong nasa hustong gulang ang maliit na lobo, kanino man itong anak. Hindi nila ito aapihin o sasaktan. Nabibigo ang tao na gawin ito, at sa aspetong ito, mas masahol pa sa isang pangkat ng mga lobo ang sangkatauhan. Anong uri ng pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata ang taglay ng sangkatauhan? Tunay bang may kakayahan ang mga tao na matamo ito? Karamihan sa mga tao ay walang kakayahang “pangalagaan ang mga bata,” hindi nagtataglay ang mga tao ng gayong uri ng mabuting pag-uugali, na nangangahulugang hindi sila nagtataglay ng ganoong uri ng pagkatao. Halimbawa: Kapag ang isang bata ay kasama ng kanyang mga magulang, medyo magiging magiliw at madaling lapitan ang mga tao kapag nakikipag-usap sa batang iyon—ngunit kapag wala roon ang mga magulang niya, lumalabas ang malademonyong katangian ng mga tao. Kung kakausapin sila ng bata, hindi nila siya papansinin, o maiirita pa nga sila sa bata at aapihin siya. Napakasama nila! Sa maraming bansa sa mundo, pangkaraniwan ang child trafficking—isa itong pandaigdigang problema. Kung ang mga tao ay hindi man lang nagtataglay ng mabuting pag-uugali na pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, at wala silang nadaramang kirot ng konsiyensiya kapag nang-aapi sila ng mga bata, sabihin ninyo sa Akin, anong uri ng pagkatao iyon? Nagkukunwari pa rin silang iginagalang ang matatanda at inaalagaan ang mga bata, ngunit pagpapanggap lang ito. Bakit Ko ibinibigay ang halimbawang ito? Dahil kahit na isinulong ng sangkatauhan ang mabubuting pag-uugaling ito at iminungkahi ang mga kinakailangan at pamantayang ito para sa pag-uugali ng mga tao, hinding-hindi mababago ang tiwaling diwa ng tao, may kakayahan man ang mga tao na magawa ang mga ito o wala, o gaano man karaming mabubuting pag-uugali ang taglay nila. Ang pamantayan para sa pagtingin ng tao sa mga tao at bagay, at para sa kanyang asal at mga kilos, ay ganap na umuusbong mula sa mga isipin at pananaw ng tiwaling sangkatauhan, at tinutukoy ang mga ito ng mga tiwaling disposisyon. Bagamat kinikilalang mabuti at matataas na pamantayan ang mga kinakailangan at pamantayan na isinulong ng sangkatauhan, may kakayahan ba ang mga tao na matamo ang mga ito? (Wala.) Problema iyon. Kahit na ang isang tao ay kumikilos nang medyo mas mabuti sa panlabas, at ginagantimpalaan at kinikilala siya para dito, kahit iyon ay nahahaluan ng pagkukunwari at panlilinlang, dahil tulad ng kinikilala ng lahat, madali lang gumawa ng kaunting kabutihan—ang mahirap ay ang paggawa ng mabuti nang habambuhay. Kung tunay siyang mabuting tao, bakit napakahirap para sa kanya na gumawa ng mabubuting bagay? Kaya, walang tao ang kayang ipamuhay ang tinatawag na mga “mabuti” at kinikilalang pamantayan ng sangkatauhan. Ito ay pawang pagmamayabang, pandaraya, at kathang-isip. Kahit na kayang tuparin ng mga tao sa panlabas ang ilan sa mga pamantayang ito at magtaglay ng kaunting mabuting pag-uugali—tulad ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, pagiging magiliw, at madaling lapitan—bagamat nagagawa at taglay ng mga tao ang ilan sa mga bagay na ito, sa maikling panahon lang ito, pansamantala, o sa lumilipas na sitwasyon. Taglay lang nila ang mga pagpapamalas na ito kapag kailangan. Sa sandaling may kumanti sa kanilang katayuan, pagpapahalaga sa sarili, kayamanan, mga interes, o maging sa kanilang kapalaran at mga inaasam, lalabas ang kanilang likas na pagkatao at mabangis na kalooban. Hindi na sila magmumukhang may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, mapitagan sa matatanda at maalaga sa mga bata, magiliw, o madaling lapitan. Sa halip, makikipaglaban at magpapakana sila laban sa isa’t isa, bawat isa ay susubukang malinlang ang isa pa, pinaparatangan at pinapatay ang isa’t isa. Napakadalas mangyari ng gayong mga bagay—para sa kanilang mga interes, katayuan, o awtoridad, ang magkakapatid, magkakamag-anak, at kahit mag-aama ay susubukang patayin ang isa’t isa hanggang sa isa na lang sa kanila ang matirang nakatayo. Kitang-kita ang miserableng sitwasyon na umiiral sa pagitan ng mga tao. Iyon ang dahilan kung bakit ang pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, pagiging magiliw, at madaling lapitan ay matatawag lang na mga produkto ng mga lumilipas na sitwasyon. Walang tao ang tunay na makapagsasabuhay ng mga ito—kahit ang mga pantas at dakilang taong sinasamba ng mga Chinese ay walang kakayahang isabuhay ang mga ito. Kaya pawang kakatwa ang mga turo at teoryang ito. Puro kahibangan ang lahat ng ito. Ang mga taong naghahangad sa katotohanan ay nalulutas ang mga usapin patungkol sa kanilang mga personal na interes ayon sa mga salita ng Diyos, at ang katotohanan ang kanilang pamantayan, at naisasagawa nila ang katotohanan at nakapagpapasakop sila sa Diyos. Sa ganitong paraan, nahihigitan ng taglay nilang realidad ng katotohanan ang mga pamantayan para sa mabuting pag-uugali na kinikilala ng sangkatauhan. Ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay hindi makalalampas sa harang ng mga sarili nilang interes, at dahil dito, hindi nila maisasagawa ang katotohanan. Ni hindi nila maitaguyod ang mga tuntunin na tulad ng mabubuting pag-uugali. Ano kung gayon ang batayan at pamantayan para sa kanilang pagtingin sa mga tao at bagay, at para sa kanilang asal at mga kilos? Tiyak na mga tuntunin at doktrina lang ang mga ito, mga pilosopiya at batas ni Satanas, at hindi salita ng Diyos o ang katotohanan. Ito ay dahil hindi tinatanggap ng mga taong iyon ang katotohanan, at iniingatan lang nila ang kanilang mga sariling interes, kaya natural na hindi nila maisagawa ang katotohanan. Ni hindi sila makapagtaguyod ng mabubuting pag-uugali—sinusubukan nilang pekein ito, ngunit hindi nila mapanatili ang kanilang mga pagpapanggap. Dahil dito, nalalantad nila ang tunay nilang kulay. Para sa kanilang mga sariling interes, magpupumiglas, mang-aagaw, at magnanakaw sila, magpapakana, at manlilinlang sila, parurusahan nila ang iba, at papatay pa ng tao. Kaya nilang gawin ang lahat ng malulupit na bagay na ito—hindi ba’t nalantad doon ang kanilang likas na pagkatao? At kapag nakalantad ang kanilang likas na pagkatao, madaling nakikita ng iba ang mga layon at batayan para sa kanilang mga salita at kilos; nakikita ng iba na ang mga taong iyon ay ganap na namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, na ang batayan para sa kanilang pagtingin sa mga tao at bagay, at para sa kanilang asal at mga kilos, ay mga pilosopiya ni Satanas. Halimbawa: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Pera ang nagpapaikot sa mundo,” “Kung may buhay, may pag-asa,” “Gaya ng hindi maginoo ang lalaking may maliit na pag-iisip, hindi naman tunay na lalaki ang walang kamandag,” “Kung hindi ka mabait, hindi ako magiging patas,” “Ito ang karma mo,” at iba pa—ang mga satanikong linya ng lohika at mga batas na ito ang namamayani sa loob ng mga tao. Kapag ang mga tao ay namumuhay ayon sa mga bagay na ito, ang mabubuting pag-uugali na tulad ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, at iba pa, ay nagiging mga maskara na ginagamit ng mga tao upang magpanggap, nagiging pagkukunwari ang mga ito. Bakit nagiging pagkukunwari ang mga ito? Dahil ang pundasyon at mga batas na talagang ipinamumuhay ng mga tao ay mga bagay na ikinintal ni Satanas sa tao, at hindi ang katotohanan. At sa gayon, ang pinakapangunahing konsiyensiya at moralidad ng tao ay walang epekto sa isang taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Kapag may nangyari na konektado sa kanyang mga interes, lalabas ang tunay niyang pagkatao, at sa oras na iyon ay makikita ng mga tao ang tunay niyang mukha. Gulat na sasabihin ng mga tao, “Pero hindi ba’t karaniwan ay napakamalumanay niya, magalang, at maginoo? Bakit kaya kapag may sumasapit sa kanya, tila ganap siyang nagiging ibang tao?” Sa katunayan, hindi nagbago ang taong iyon; noon lang talaga nabunyag at nalantad ang kanyang tunay na pagkatao. Kapag walang kinalaman sa kanyang mga interes ang mga bagay-bagay at bago ang pakikipaglaban, lahat ng ginagawa niya ay panlilinlang at pagpapanggap. Ang mga batas at batayan ng kanyang pag-iral na inilalantad niya kapag naaapektuhan o nanganganib ang kanyang mga interes, at kapag tumitigil siyang magpanggap, ay ang kanyang likas na pagkatao, kanyang diwa, at ang tunay na siya. Kaya naman, anumang uri ng mabubuting pag-uugali ang taglay ng isang tao—gaano man kamukhang walang kapintasan para sa ibang mga tao ang kanyang panlabas na pag-uugali—hindi ito nangangahulugan na isa siyang taong naghahangad sa katotohanan at nagmamahal sa mga positibong bagay. Kahit papaano, hindi ito nangangahulugang mayroon siyang normal na pagkatao, at lalong hindi ito nangangahulugang mapagkakatiwalaan siya o marapat na makaugnayan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.