Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 3 (Unang Bahagi)
Sa ngayon, mas nagiging abala ang mga gumaganap ng mga tungkulin. Nararamdaman nilang masyadong mabilis ang pagtakbo ng oras, na kulang na ang oras. Bakit ganoon? Ang totoo, ito ay dahil nauunawaan na nila ngayon ang katotohanan at mayroon na silang kabatiran sa maraming bagay. Pabigat nang pabigat ang kanilang pagpapahalaga sa responsabilidad, at mas masigasig na nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, mas detalyado na ang kanilang gawain. Kaya, nararamdaman nilang parami nang parami ang mga tungkuling dapat nilang gampanan. Kaya lalo silang nagiging abala sa kanilang mga tungkulin. At bukod pa roon, araw-araw, ang karamihan ng mga gumaganap ng mga tungkulin ay dapat ding magbasa ng mga salita ng Diyos at makipagbahaginan tungkol sa katotohanan. Dapat nilang pagnilayan ang kanilang sarili, at kapag may sumapit sa kanila na problema, dapat nilang hanapin ang katotohanan upang lutasin ito. Dapat din silang matuto ng ilang propesyonal na kasanayan. Palagi nilang nararamdaman na kulang ang oras, na masyadong mabilis ang bawat araw. Sa gabi, pinagmumuni-munihan nila ang ginawa nila sa araw na iyon, at sa tingin nila ay walang masyadong halaga ang ginawa nila, na hindi ito nagkaroon ng magandang resulta. Pakiramdam nila ay napakababa ng kanilang tayog at kulang na kulang sila, at sabik silang lumago kaagad ang tayog nila. Sinasabi ng ilan sa kanila, “Kailan ba matatapos ang pagkaabala ng gawaing ito? Kailan ko mapatatahimik ang puso ko at mababasa nang wasto ang mga salita ng Diyos, at masasangkapan nang wasto ang sarili ko ng katotohanan? Masyadong limitado ang nakakamit ko sa isa o dalawang pagtitipon sa isang linggo. Dapat ay mas nagbabahaginan pa kami at nakikinig sa mas marami pang sermon—iyon lang ang paraan upang maunawaan ang katotohanan.” Kaya naghihintay sila at nananabik, at sa isang kisap-mata, tatlo, apat, limang taon na ang dumaan, at pakiramdam nila ay napakabilis ng panahon. Ang ilang tao ay hindi gaanong makapagbigay ng patotoong batay sa karanasan kahit sampung taon na silang nananalig. Nababalisa sila, natatakot na maaabandona sila, at nais nilang mabilis na sangkapan ang kanilang sarili ng mas marami pang katotohanan. Kaya nararamdaman nila ang kagipitan sa oras. Marami ang ganito mag-isip. Nararamdaman ng lahat ng taong nagdadala ng pasanin ng pagganap sa tungkulin at naghahangad sa katotohanan na napakabilis lumipas ng oras. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan, na nagnanasa ng ginhawa at mga kasiyahan, ay hindi nararamdamang mabilis ang takbo ng oras; nagrereklamo pa nga ang ilan sa kanila, “Kailan ba darating ang araw ng Diyos? Palagi na lang nilang sinasabing patapos na ang Kanyang gawain—eh bakit hindi pa ito natatapos? Kailan ba lalaganap ang gawain ng Diyos sa buong sansinukob?” Ang pakiramdam ng mga taong nagsasabi ng gayong mga bagay ay napakabagal ng takbo ng oras. Sa puso nila, wala silang interes sa katotohanan; palagi nilang ninanais na bumalik sa mundo sa labas at ipagpatuloy ang kanilang munting buhay. Malinaw na naiiba ang kalagayan nilang ito sa kalagayan ng mga taong naghahangad sa katotohanan. Gaano man kaabala sa kanilang mga tungkulin ang mga taong naghahangad sa katotohanan, nagagawa pa rin nilang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problemang nararanasan nila, at makipagbahaginan tungkol sa mga bagay na hindi malinaw sa kanila sa mga sermong narinig nila, at patahimikin ang kanilang puso araw-araw upang magnilay kung kumusta ang naging pagganap nila, pagkatapos ay pag-isipan ang mga salita ng Diyos at manood ng mga video ng patotoong batay sa karanasan. May mga nakakamit sila mula rito. Gaano man sila kaabala sa kanilang mga tungkulin, hinding-hindi nito nahahadlangan, ni naaantala, ang kanilang pagpasok sa buhay. Natural para sa mga taong nagmamahal sa katotohanan na magsagawa nang ganito. Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi hinahanap ang katotohanan at hindi sila handang patahimikin ang kanilang sarili sa harap ng Diyos upang pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili, abala man sila sa kanilang tungkulin at anuman ang problemang maranasan nila. Kaya, abala man sila o walang gaanong ginagawa sa kanilang tungkulin, hindi nila hinahangad ang katotohanan. Sa katunayan, kung gusto ng isang tao na hangarin ang katotohanan, at kung inaasam niya ang katotohanan, at dinadala ang pasanin ng buhay pagpasok at disposisyonal na pagbabago, lalong mapapalapit sa Diyos ang puso niya at magdadasal siya sa Diyos, gaano man siya kaabala sa kanyang tungkulin. Tiyak na magkakamit siya ng kaunting kaliwanagan at kaningningan ng Banal na Espiritu, at walang humpay na lalago ang kanyang buhay. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan at hindi siya nagdadala ng anumang pasanin ng buhay pagpasok o disposisyonal na pagbabago, o kung hindi siya interesado sa mga bagay na ito, hindi niya makakamit ang kahit ano. Ang pagninilay-nilay sa kung anong mga pagbuhos ng katiwalian ang mayroon ang isang tao ay isang bagay na dapat ginagawa kahit saan, anumang oras. Halimbawa, kung ang isang tao ay nagpakita ng katiwalian habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, sa kanyang puso, dapat siyang magdasal sa Diyos, at pagnilayan ang kanyang sarili, at kilalanin ang kanyang tiwaling disposisyon, at hanapin ang katotohanan upang lutasin ito. Usapin ito ng puso; wala itong epekto sa kasalukuyang gawain. Madali ba itong gawin? Depende iyon sa kung isa kang taong naghahangad sa katotohanan. Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi interesado sa mga usapin ng paglago sa buhay. Hindi nila isinasaalang-alang ang gayong mga bagay. Ang mga taong naghahangad sa katotohanan lang ang handang pagsikapan ang paglago sa buhay; sila lang ang madalas na nagninilay sa mga problemang talagang umiiral, at kung paano hahanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problemang iyon. Sa katunayan, parehas lang ang proseso ng paglutas ng mga problema at ang proseso ng paghahangad sa katotohanan. Kung madalas na nakatuon ang isang tao sa paghahanap sa katotohanan upang lutasin ang mga problema habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, at nakalutas na siya ng marami-raming problema sa loob ng ilang taon ng gayong pagsasagawa, tiyak na pasok sa pamantayan ang kanyang pagganap sa kanyang tungkulin. Ang gayong mga tao ay mas higit na kaunti ang pagbuhos ng katiwalian, at nagkamit sila ng mas tunay na karanasan sa pagganap sa kanilang mga tungkulin. Kaya naman nagagawa nilang magpatotoo para sa Diyos. Paano sumasailalim ang gayong mga tao sa karanasang nagsimula noong una nilang tinanggap ang kanilang tungkulin, hanggang sa nagagawa na nilang magpatotoo para sa Diyos? Dinaranas nila ito sa pamamagitan ng pag-asa sa paghahanap sa katotohanan upang lutasin ang mga problema. Kaya gaano man kaabala sa kanilang mga tungkulin ang mga taong naghahangad sa katotohanan, hinahanap pa rin nila ang katotohanan upang lutasin ang mga problema at nagtatagumpay sila sa pagganap sa kanilang mga tungkulin nang ayon sa mga prinsipyo, at nagagawa nilang isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Ito ang proseso ng buhay pagpasok, at ito rin ang proseso ng pagpasok sa katotohanang realidad. Palaging sinasabi ng ilang tao na napakaabala nila sa kanilang mga tungkulin na wala na silang oras para hangarin ang katotohanan. Hindi ito totoo. Pagdating sa isang taong naghahangad sa katotohanan, anumang gawain ang maaaring ginagawa niya, sa sandaling may matuklasan siyang problema, hahanapin niya ang katotohanan upang lutasin ito, at mauunawaan at makakamit niya ang katotohanan. Tiyak ito. Marami ang nag-iisip na mauunawaan lang ang katotohanan sa pamamagitan ng araw-araw na pagtitipon. Maling-mali ito. Ang katotohanan ay hindi isang bagay na mauunawaan sa pamamagitan lamang ng pagtitipon at pakikinig sa mga sermon; kailangan din ng isang tao na isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos, at kailangan din niya ang prosesong iyon ng pagtuklas at paglutas ng mga problema. Ang mahalaga ay dapat niyang matutunan na hanapin ang katotohanan. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi ito hinahanap, anumang problema ang sumapit sa kanila; ang mga nagmamahal sa katotohanan ay hinahanap ito, gaano man sila kaabala sa kanilang mga tungkulin. Kaya masasabi natin nang may katiyakan na ang mga taong iyon na palaging nagrereklamo na sa sobrang pagkaabala nila sa kanilang mga tungkulin ay wala na silang oras para makipagtipon, kaya ipinagpapaliban nila ang paghahangad nila sa katotohanan, ay mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Mga tao silang may kakatwang pagkaunawa na walang espirituwal na pang-unawa. Kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos o nakikinig sa mga sermon, bakit hindi nila maisagawa o magamit ang mga ito sa kanilang pagganap sa kanilang mga tungkulin? Bakit hindi nila magamit ang mga salita ng Diyos sa kanilang totoong buhay? Sapat na ito para maipakitang hindi nila minamahal ang katotohanan, at kaya anumang paghihirap ang kanilang maranasan sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, hindi nila hinahanap o isinasagawa ang katotohanan. Malinaw na mga trabahador ang mga taong ito. Maaaring ninanais ng ilang tao na hangarin ang katotohanan, ngunit masyadong mahina ang kanilang kakayahan. Ni hindi nila maisaayos nang mabuti ang sarili nilang buhay; kapag mayroon silang dalawa o tatlong bagay na kailangang gawin, hindi nila alam kung alin ang uunahin at kung alin ang ihuhuli. Kapag dalawa o tatlong problema ang sumapit sa kanila, hindi nila alam kung paano lutasin ang mga ito. Naguguluhan sila. Makakamit ba ng gayong mga tao ang katotohanan? Magagawa ba nilang magtagumpay sa paghahanap sa katotohanan upang lutasin ang mga problema? Hindi tiyak na magagawa nila ito, dahil masyadong mahina ang kanilang kakayahan. Maraming tao ang handang hangarin ang katotohanan, subalit matapos manalig sa Diyos sa loob ng sampu o dalawampung taon, sa huli ay hindi sila makapagbigay ng anumang patotoong batay sa karanasan, at wala man lang silang nakamit na katotohanan. Ang pangunahing dahilan nito ay napakahina ng kanilang kakayahan. Kung hinahangad ba ng isang tao ang katotohanan ay hindi nakadepende sa kung gaano siya kaabala sa kanyang tungkulin o kung gaano karaming oras ang mayroon siya; nakadepende ito sa kung minamahal ba niya ang katotohanan sa puso niya. Ang totoo, pare-pareho ang dami ng oras ng lahat ng tao; ang naiiba ay kung saan ito ginugugol ng bawat tao. Posible na ang sinumang nagsasabing wala siyang oras na hangarin ang katotohanan ay ginugugol ang kanyang oras sa mga kasiyahan ng laman, o na abala siya sa kung anong panlabas na aktibidad. Hindi niya ginugugol ang oras na iyon sa paghahanap sa katotohanan upang lutasin ang mga problema. Ganito ang mga taong pabaya sa kanilang paghahangad. Naaantala nito ang dakilang usapin ng kanilang buhay pagpasok.
Sa ating huling dalawang pagtitipon, nagbahaginan tayo sa paksa ng “Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan,” pati na rin sa ilang detalyeng nauugnay sa paksang iyon. Magsimula tayo sa pagbabalik-tanaw sa pinagbahaginan natin sa ating huling pagtitipon. Naglatag tayo ng tumpak na depinisyon ng “Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan,” pagkatapos ay nagbahaginan tayo tungkol sa mga partikular na problema at partikular na paraan ng pag-asal ng mga tao na may kaugnayan sa kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. Ano ang panghuling aytem ng ating pagbabahaginan sa huli nating pagtitipon? (Nagtanong ang Diyos: Yamang hindi katotohanan ang mga pinaniniwalaan ng tao na mabuti at tama, bakit hinahangad pa rin niya ang mga ito na para bang ang mga ito ang katotohanan?) Yamang ang mga bagay na iyon na pinaniniwalaan ng tao na mabuti at tama ay hindi ang katotohanan, bakit itinataguyod pa rin niya ang mga ito na para bang katotohanan ang mga ito, habang iniisip na hinahangad niya ang katotohanan? Noong huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa tatlong bagay na tumutugon sa tanong na ito. Ang una: Ang mga bagay na ito na hinahangad ng tao ay hindi ang katotohanan, kaya bakit isinasagawa pa rin niya ang mga ito na para bang ang mga ito ang katotohanan? Dahil para sa tao, tila ang katotohanan ang mga bagay na nakikita niya bilang tama at mabuti, kaya hinahangad ng tao ang mga bagay na iyon na iniisip niyang mabuti at tama na para bang ang mga ito ang katotohanan. Hindi ba’t malinaw ang ganitong pagpapaliwanag? (Malinaw nga.) Kaya, ano ang tumpak na sagot sa tanong na ito? Itinataguyod ng mga tao ang mga bagay na iniisip nilang tama at mabuti na para bang ang mga ito ang katotohanan, at sa paggawa niyon, iniisip nilang hinahangad nila ang katotohanan. Hindi ba’t iyon ang kompletong sagot? (Iyon nga.) Ang pangalawa: Bakit iniisip ng tao na hinahangad niya ang katotohanan sa pagtataguyod sa mga bagay na iniisip niyang mabuti at tama na para bang ang mga ito ang katotohanan? Maaari itong sagutin nang ganito: Dahil may pagnanais ang tao na siya ay pagpalain. Hinahangad ng tao ang mga bagay na ito na pinaniniwalaan niyang tama at mabuti nang may pagnanasa at ambisyon, at kaya iniisip niyang isinasagawa at hinahangad niya ang katotohanan. Sa diwa, pagtatangka itong makipagtawaran sa Diyos. Ang pangatlo: Kung may taglay na normal na konsensiya at katwiran ang isang tao, sa mga sitwasyon na hindi niya nauunawaan ang katotohanan, likas niyang pipiliing kumilos ayon sa kanyang konsensiya at katwiran, susunod siya sa mga regulasyon, batas, tuntunin, at iba pa. Maaari nating sabihing likas na itinataguyod ng tao ang mga bagay na itinuturing ng kanyang konsensiya na positibo, nakabubuti, at nakaayon sa pagkatao, na para bang ang mga ito ang katotohanan. Matatamo ito sa saklaw ng konsensiya at katwiran ng tao. Marami ang kayang normal na magpakapagod sa sambahayan ng Diyos; handa silang magtrabaho at magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos dahil may taglay silang normal na konsensiya at katwiran. Upang magkamit ng mga pagpapala, sasailalim pa nga sila sa pagdurusa at magbabayad ng anumang halaga. Kaya, itinuturing din ng tao ang kaya niyang gawin sa saklaw ng kanyang konsensiya at katwiran bilang pagsasagawa at paghahangad sa katotohanan. Ang mga ito ang tatlong pangunahing punto sa sagot sa tanong na iyon. Noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa tatlong puntong ito sa pangkalahatang paraan; ngayon, magsasagawa tayo ng partikular at detalyadong pagbabahaginan tungkol sa mga problemang idinudulot ng tatlong punto na ito, at hihimayin natin ang mga problemang nauugnay sa bawat punto, pati na kung paano naiiba o salungat sa paghahangad sa katotohanan ang bawat elemento, nang sa gayon ay mas malinaw ninyong malaman kung ano ang paghahangad sa katotohanan at paano mismo dapat isagawa ang paghahangad na iyon. Ang paggawa niyon ay magsisilbing mas magandang insentibo para tumpak na isagawa at hangarin ng mga tao ang mga katotohanan sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Magsisimula tayo sa pagbabahaginan tungkol sa unang aytem. Sa madaling salita, tutuon ang ating pagbabahaginan para sa unang aytem sa mga bagay na pinaniniwalaan ng tao sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti. Bakit dapat tumuon ang ating pagbabahaginan sa paksang iyon? Ano ang mga problemang nauugnay sa paksang iyon? Pag-isipan muna ang mga detalye niyon. Makakaya ba ninyong tumpak na maunawaan ang mga ito kung hindi tayo wastong magbabahaginan tungkol sa mga ito sa mga pagtitipon? Kung wala tayong gagawing partikular na pagbabahaginan tungkol dito, at susundin lang ninyo ang inyong pagmumuni-muni tungkol dito, o kung gugugol kayo ng oras sa pagdanas nito at pagkilala rito, kung gayon, malalaman ba ninyo kung anong mga katotohanan ang may kinalaman sa paksang ito? Mauunawaan ba ninyo ang mga iyon sa pamamagitan ng pagmumuni-muni? (Hindi.) Magsisimula tayo sa pagsisiyasat sa mga literal na salita ng pariralang “mga bagay na pinaniniwalaan ng tao sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti” at titingnan natin kung gaano kalawak ang inyong kaalaman tungkol dito. Una, ano ang tutugunan ng mahalagang bahagi ng pariralang ito, na pagbabahaginan natin? Hindi ba ninyo nababatid? Mahirap bang unawain ang pariralang ito? May misteryo ba rito? (Tinutugunan nito ang mga kuru-kuro at imahinasyon sa tao.) Pangkalahatan ang ganyang paliwanag; magbigay ng halimbawa. (Naniniwala ang tao sa kanyang mga kuru-kuro na basta’t kaya niyang tumalikod, gumugol ng sarili, magdusa, at magbayad ng mga halaga, makakamit niya ang pagsang-ayon ng Diyos. May ilang tradisyonal na kultura din—mga bagay gaya ng pagiging mabuting anak sa magulang at pag-aasikaso ng mga babae sa kanilang mga asawa at pagpapalaki sa kanilang mga anak. Itinuturing din ng mga tao ang mga ito bilang mabubuting bagay.) Nakuha ninyo ang ilan sa mga ito. Naunawaan na ba ninyo ang punto? Anong mga bahagi ang nauugnay sa ating paksa? (Pagtalikod, paggugol, pagdurusa, at pagbabayad ng halaga.) (Pagiging mabuting anak sa magulang, at pag-aasikaso ng mga babae sa kanilang mga asawa at pagpapalaki sa kanilang mga anak.) Oo. Mayroon pa ba? (Pagpapakita ng pagkadeboto, pagpapasensya, at pagpapaubaya, tulad ng mga Pariseo.) Pagpapakumbaba, pagpapasensya, pagpapaubaya—may kinalaman ito sa ilang partikular na pagpapakita at kasabihan sa pag-uugali. Dahil magbabahaginan tayo tungkol sa gayong paksa, pinakamainam na magbahaginan tayo nang partikular, gamit ang mga partikular na kasabihan. Makapagkakamit ang mga tao ng mas tumpak at eksaktong pagkaunawa kung tutuon tayo nang ganoon sa tanong. Sa ngayon, wala kayong maibigay na anumang ideya, kaya magbabahagi na lang Ako, ayos ba iyon? (Oo.) Ang limang libong taong kultura ng Tsina ay “malawak at malalim,” puno ng lahat ng uri ng mga sikat na kasabihan at idyoma. Marami rin itong ipinagmamalaking “mga sinaunang pantas,” gaya nina Confucius, Mencius, at mga katulad nila. Nilikha nila ang mga turo ng Confucianismo ng Tsino, na bumubuo sa pangunahing bahagi ng tradisyonal na kulturang Tsino. Maraming wika, bokabularyo, at kasabihan sa tradisyonal na kulturang Tsino na binuo ng hene-henerasyon ng mga tao. Ang ilan sa mga ito ay tumutukoy sa sinaunang panahon, ang ilan ay hindi; ang ilan sa mga ito ay nagmula sa mga karaniwang tao, at ang iba ay mula sa mga kilalang tao. Maaaring hindi ninyo masyadong gusto ang tradisyonal na kultura, o lumayo na kayo sa mababang-uri na tradisyonal na kultura, o maaaring bata pa kayo kaya hindi pa ninyo napag-aaralan o nasasaliksik nang husto ang “malawak at malalim” na tradisyonal na kultura ng Tsina, kung kaya hindi pa ninyo alam ang tungkol dito o hindi pa ninyo nauunawaan ang gayong mga bagay. Sa totoo lang, mabuting bagay iyan. Bagamat maaaring hindi ito nauunawaan ng isang tao, ang kanyang pag-iisip at mga kuru-kuro ay bahagyang nakintalan at naapektuhan ng mga bagay ng tradisyonal na kultura. Bilang resulta ay namumuhay siya ayon sa mga bagay na iyon nang hindi niya namamalayan. Ang mga ipinasa mula sa mga ninuno, ibig sabihin, ang tradisyonal na kulturang ipinasa mula sa mga ninuno ng tao, ay nagpapahayag ng kung anu-ano tungkol sa kung paano dapat magsalita, kumilos, at umasal ang tao. At bagamat ang mga tao ay maaaring may iba-ibang pagkaunawa at pananaw sa iba’t ibang pahayag ng tradisyonal na kultura, sa pangkalahatan ay nakatitiyak sila tungkol sa gayong mga bagay ng tradisyonal na kultura. Mula sa obserbasyong ito, makikita natin na ang mga pinagmumulan ng impluwensiya sa buhay at pag-iral ng sangkatauhan, sa pagtingin nito sa mga tao at bagay, at sa asal at kilos nito ay pawang ang mga bagay ng tradisyonal na kultura. Bagamat ang iba’t ibang etnisidad ng sangkatauhan ay nagkakaiba-iba sa kanilang mga pahayag tungkol sa mga moral na pamantayang itinataguyod nila, magkakatulad pa rin ang mga pangkalahatang ideya sa likod ng mga ito. Ngayong araw, pagbabahaginan at hihimayin natin ang ilan sa mga ito nang detalyado. Bagamat hindi natin mababanggit at mahihimay ang lahat ng pinaniniwalaan ng tao na tama at mabuti, ang pangkalahatang nilalaman ng mga ito ay wala nang iba kundi ang dalawang elementong iyon na nabanggit sa depinisyon ng paghahangad sa katotohanan: ang pagtingin ng isang tao sa mga tao at bagay, at kung paano umaasal at kumikilos ang isang tao. Ang isa ay tungkol sa mga pananaw, habang ang isa pa ay tungkol sa mga pag-uugali. Nangangahulugan ito na itinuturing ng tao ang mga tao at pangyayari sa mundo sa pamamagitan ng mga bagay na pinaniniwalaan niya sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti, at itinuturing niya ang mga bagay na iyon bilang pundasyon, batayan, at mga pamantayan ng kanyang pag-asal at pagkilos. Kung gayon, ano ba mismo ang mga mabuti at tamang bagay na ito? Sa pangkalahatan, ang mga bagay na pinaniniwalaan ng tao sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti ay mga hinihingi lang na dapat na kumilos nang maayos ang tao at na dapat ay mayroon siyang mabubuting moralidad at karakter ng tao. Ang dalawang bagay na iyon lang. Pag-isipan ito: Hindi ba’t talagang ang dalawang bagay na iyon lang? (Ganoon na nga.) Ang isa ay mabuting pag-uugali; ang isa pa ay karakter at mga moralidad ng tao. Pangunahing nagtatag ang sangkatauhan ng dalawang bagay bilang mga pamantayang ginagamit sa pagsukat sa pagkataong ipinapamuhay at inaasal ng isang tao: Ang isa rito ay ang hinihingi na dapat kumilos nang maayos ang tao sa panlabas, ang isa pa ay na dapat siyang umasal nang may moralidad. Ginagamit nila ang dalawang salik na ito upang sukatin ang kabutihan ng isang tao. Dahil ginagamit nila ang dalawang salik na ito upang sukatin ang kabutihan ng isang tao, lumitaw hanggang sa puntong iyon ang mga pamantayang ginagamit para husgahan ang pag-uugali at mga moralidad ng mga tao, at habang lumilitaw ang mga ito, natural na nagsimulang makarinig ang mga tao ng lahat ng uri ng mga pahayag tungkol sa wastong asal ng tao o sa kanyang pag-uugali. Anong mga partikular na kasabihan ang mayroon? Alam ba ninyo? Iyong simple lang, halimbawa: Anong mga pamantayan at kasabihan ang mayroon para sa pagsukat sa pag-uugali ng mga tao? Pagiging may pinag-aralan at matino, pagiging malumanay at pino—may kinalaman ang mga ito sa mga panlabas na pag-uugali. Kasama ba rito ang pagiging magalang? (Oo.) Halos magkakapareho ang iba pa, at sa pamamagitan ng paghahambing, malalaman ninyo kung aling mga salita at pahayag ang mga pamantayan para sa pagsukat sa pag-uugali ng tao, at kung aling mga pahayag ang mga pamantayan para sa pagsukat sa kanyang mga moralidad. Ngayon, ang “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal”—pamantayan ba iyon para sa panlabas na pag-uugali o mga moralidad? (Tungkol ito sa mga moralidad at etika.) Paano naman ang kagandahang-loob? (Tungkol din iyon sa mga moralidad.) Tama. May kinalaman ang mga ito sa mga moralidad, sa moral na karakter ng tao. Ang mga pangunahing pahayag na may kinalaman sa pag-uugali ng tao ay iyong mga gaya ng pagiging magalang, malumanay at pino, at may pinag-aralan at matino. Ito ay pawang mga bagay na pinaniniwalaan ng tao sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti; ito ay mga bagay na pinaniniwalaan niyang positibo, batay sa mga pahayag ng tradisyonal na kultura, o kahit papaano ay nakaayon sa konsensiya at katwiran, hindi mga negatibong bagay. Ang pinag-uusapan natin dito ay mga bagay na pangkalahatang kinikilala ng mga tao na tama at mabuti. Ano pang ibang pahayag ang mayroon tungkol sa mabuting pag-uugali ng tao, bukod sa tatlong kababanggit Ko pa lamang? (Pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata.) Pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, pagiging magiliw, pagiging madaling lapitan—lahat ng ito ay mga bagay na medyo pamilyar sa mga tao at nauunawaan nila. Pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, pagiging magiliw, at madaling lapitan—sa isip ng tao, ang lahat ng may mga ganitong pag-uugali ay pinaniniwalaang isang mabuting tao, mabait na tao, isang taong may pagkatao. Sinusukat ng lahat ang ibang tao batay sa pag-uugali ng mga ito; hinuhusgahan nila ang kabutihan ng isang tao ayon sa panlabas na pag-uugali nito. Hinuhusgahan, tinutukoy, at sinusukat ng mga tao kung ang isang tao ay edukado at may pagkatao, kung karapat-dapat na makipag-ugnayan dito at pagkatiwalaan ito, ayon sa mga kaisipan at ideya ng tradisyonal na kultura at sa mga pag-uugali ng taong iyon na nakikita nila. May abilidad ba ang mga taong mapasok ang materyal na mundo? Walang-wala. Mahuhusgahan at matutukoy lang ng mga tao kung ang isang tao ay mabuti o masama, o kung anong uri siya ng tao, ayon sa pag-uugali nito; sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan, pakikipag-usap, at pakikipagtulungan sa isang tao ay saka lang maoobserbahan at matutukoy ng mga tao ang mga bagay na iyon. Tahasan mo mang ginagamit ang mga pahayag na tulad ng “Maging may pinag-aralan at matino,” “Maging magiliw,” at “Ipagpitagan ang matatanda at alagaan ang mga bata,” sa iyong mga pagsukat, ang mga pamantayan ng iyong mga pagsukat ay hindi lumalampas sa mga pahayag na ito. Kapag hindi makita ng isang tao ang kaloob-looban ng isa pang tao, sinusukat niya kung ang taong ito ba ay mabuti o masama, marangal o mababang-uri, sa pamamagitan ng pag-oobserba sa pag-uugali at mga pagkilos nito at paglalapat sa mga pamantayang ito para sa pag-uugali. Ito lang ang talagang ginagamit niya. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Batay sa mga pahayag na kababalangkas lamang, anong mga pamantayan para sa pagsukat ang mayroon ang sangkatauhan? Ano ang mga bagay na pinaniniwalaan ng sangkatauhan sa mga kuru-kuro nito na mabuti at tama? Sa halip na magsimula sa mga bagay tungkol sa wastong asal, simulan natin ang ating pagbabahaginan at paghihimay sa mga mabuti, tama, at positibong bagay na inilalabas at ipinapamalas ng tao sa kanyang pag-uugali. Tingnan natin kung talagang mga positibong bagay ang mga ito. Mayroon bang kahit ano sa mga pahayag na inilista natin ang nauugnay sa katotohanan? Umaayon ba sa katotohanan ang anuman sa nilalaman ng mga ito? (Hindi.) Kung ang paghahangad ng isang tao ay ang maging gayong tao, isang taong may mga gayong pag-uugali at gayong panlabas, hinahangad ba ng taong iyon ang katotohanan? Nauugnay ba ang hinahangad niya sa paghahangad sa katotohanan? Ang isang tao bang nagtataglay ng mga pag-uugaling ito ay nagsasagawa at naghahangad sa katotohanan? Isa ba talagang tunay na mabuting tao, sa tunay na kahalagahan ng termino, ang isang taong nagtataglay ng mga pag-uugali at pagpapakitang ito? Ang sagot ay hindi—hindi siya mabuting tao. Malinaw ito.
Tingnan muna natin ang pahayag na ang isang tao ay dapat na may pinag-aralan at matino. Sabihin kung ano ang mismong ibig sabihin ng pahayag na “Pagiging may pinag-aralan at matino”. (Inilalarawan nito ang isang tao na medyo disente at maayos ang asal.) Ano ang ibig sabihin ng maging “disente”? (Ang ibig sabihin nito ay ang maging medyo kontrolado.) Tama. Anong mga panuntunan ang sinusunod ng gayong tao? Kapag mas partikular ang iyong sagot, mas magiging lubos ang iyong pagkaunawa sa bagay na ito at sa diwa nito. Ano ang ibig sabihin ng maging kontrolado? Narito ang isang halimbawa. Kapag kumakain, hindi dapat umupo ang nakababatang henerasyon hangga’t hindi pa umuupo ang kanilang mga nakatatanda, at dapat silang manahimik kapag hindi nagsasalita ang mga nakatatanda. Pagdating sa pagkaing inilaan para sa mga nakatatanda, walang maaaring kumain nito maliban kung pahintulutan ito ng mga nakatatanda. Bukod doon, bawal magsalita habang kumakain, o maglabas ng ngipin, o tumawa nang malakas, o magpatunog ng mga labi, o anumang pagkakaskas sa plato. Kapag natapos na ang nakatatandang henerasyon, ang nakababata ay dapat na huminto agad sa pagkain at tumayo na. Maaari lamang silang magpatuloy sa pagkain kapag nakaalis na ang kanilang mga nakatatanda. Hindi ba’t ito ang pagsunod sa mga panuntunan? (Ito nga.) Umiiral ang mga panuntunang ito, sa magkakaibang antas, sa bawat tahanan at sambahayan, sa mga pamilya na mula sa iba’t ibang pangalan at lahi. Sinusunod ng lahat ng tao ang mga panuntunang ito sa magkakaibang antas, at habang ginagawa nila ito, nalilimitahan sila ng mga ito. May iba’t ibang panuntunan sa iba’t ibang pamilya—at sino ang nagtatakda ng mga ito? Ang mga ninuno at iginagalang na nakatatanda ng iba’t ibang kapanahunan ng pamilyang iyon ang nagtakda sa mga iyon. Binibigyan ang mga ito ng espesyal na pagpapahalaga kapag nagdiriwang ng mahahalagang kapistahan at mga araw ng paggunita; dapat na sumunod sa mga ito ang lahat ng tao, walang sinuman ang eksepsyon. Kung sakaling may isang taong hindi sumunod sa mga panuntunan o lumabag sa mga ito, matindi siyang parurusahan ng mga paghihigpit ng pamilya. Ang ilan ay maaari pa ngang kailanganing lumuhod para humingi ng tawad sa altar ng pamilya. Ganoon ang mga panuntunan. Ang pinag-uusapan natin ngayon-ngayon lang ay ilan lang sa mga panuntunang maaaring nalalapat sa isang sambahayan o pamilya. Hindi ba’t bahagi ang mga gayong panuntunan ng kahulugan ng pagiging “disente”? (Oo.) Malalaman na kung ang isang tao ay may disenteng pag-uugali sa pamamagitan ng panonood sa pagkain nito. Kung maingay itong ngumuya, o walang gana sa pagkain, o palaging maliit na piraso ang ibinibigay na pagkain sa iba, at nagsasalita ito habang kumakain, at malakas na tumatawa, at may mga pagkakataon pa nga na itinuturo nito ang kausap gamit ang mga chopstick nito, kung gayon, sa lahat ng ito, ipinapakita nito ang pagiging hindi disente nito. Ipinahihiwatig ng pagsasabing hindi disente ang isang tao na ang ibang tao ay pinagagalitan, kinukwestiyon, at kinasusuklaman ang kanyang pag-uugali. Iyong mga disente naman ay hindi nagsasalita kapag kumakain, o humahagikhik, ni hindi sila walang gana sa pagkain o nagbibigay ng maliit na piraso ng pagkain sa iba. Medyo kontrolado sila. Nakikita ng ibang tao ang kanilang pag-uugali at pagganap, at dahil dito, sinasabi ng mga ito na sila ay disenteng tao. At dahil sa pagiging disente nila, nakakamit nila ang paggalang at pagpapahalaga ng iba, maging ang pagkagiliw ng mga ito. Ito ay isang bahagi ng batayan ng pagiging disente. Ano ba talaga ang pagiging disente? Kasasabi pa lang natin: May kinalaman lang ang “pagiging disente” sa pag-uugali ng tao. Halimbawa, sa mga huling halimbawang ito, mayroong kaayusan na ayon sa henerasyon kapag kumakain. Dapat na ang lahat ay maupo sa pwesto na ayon sa mga panuntunan; hindi sila dapat maupo sa maling puwesto. Sinusunod ng parehong mga nakatatanda at nakababatang henerasyon ang mga panuntunan ng pamilya, na walang sinuman ang maaaring lumabag, at sila ay tila labis na kontrolado, magalang, marangal, may dignidad—subalit gaano man sila mukhang ganoon, lahat ng ito ay panlabas na mabuting pag-uugali lang. Kinasasangkutan ba ito ng mga tiwaling disposisyon? Hindi; isa lang itong pamantayang ginagamit para sukatin ang mga panlabas na pag-uugali ng mga tao. Anong mga pag-uugali? Pangunahin ay ang kanilang pananalita at mga kilos. Halimbawa, ang isang tao ay hindi dapat magsalita kapag kumakain o maging maingay sa pagnguya. Kapag uupo na para kumain, may pagkakasunod-sunod sa kung sino ang unang uupo. Mayroong mga wastong paraan ng pagtayo at pag-upo sa pangkalahatan. Ang lahat ng ito ay mga pag-uugali lang, mga panlabas na pag-uugali lang. Talaga bang handa ang mga tao na sumunod sa mga panuntunang ito? Ano ang iniisip ng mga tao tungkol sa isyu? Ano ang nararamdaman nila tungkol dito? Kapaki-pakinabang ba sa mga tao ang pagsunod sa mga kalunos-lunos na panuntunang ito? May mapapala ba sila sa mga ito na pag-usad sa buhay? Ano ang problema sa pagsunod sa mga kalunos-lunos na panuntunang ito? May kinalaman ba ito sa isyu ng kung may pagbabago ba sa pananaw sa mga bagay-bagay at disposisyon sa buhay ng isang tao? Walang-wala. May kinalaman lang ito sa pag-uugali ng mga tao. May ilan lamang itong hinihingi sa pag-uugali ng mga tao, mga hinihingi na patungkol sa kung aling mga panuntunan ang dapat gawin at sundin ng mga tao. Anuman ang opinyon ng isang tao tungkol sa mga panuntunang ito, at kahit pa kinapopootan at kinamumuhian niya ang mga ito, wala siyang magagawa kundi ang mamuhay nang nakatali sa mga ito dahil sa kanyang pamilya at mga ninuno, at dahil sa panuntunan sa kanilang tahanan. Gayunpaman, walang nagsisiyasat sa kung ano ang partikular na mga opinyon ng mga tao tungkol sa mga panuntunang ito, o kung paano tinitingnan at itinuturing ng mga tao ang mga ito sa kanilang pag-iisip, o ang kanilang pananaw at saloobin sa mga ito. Sapat nang magpakita ka ng mabuting pag-uugali at sumunod sa mga tuntuning ito sa partikular na saklaw na ito. Ang mga gumagawa niyon ay mga disenteng tao. Ang “Maging may pinag-aralan at matino” ay ipinapataw lang ang iba’t ibang hinihingi nito sa pag-uugali ng mga tao. Ginagamit lang ito para limitahan ang pag-uugali ng mga tao, pag-uugaling sumasaklaw sa tindig ng mga tao kapag umuupo at tumatayo, sa mga kilos ng kanilang katawan, sa mga galaw ng mga bahagi ng kanilang katawan na ginagamit sa pandama, sa kung paano dapat ang hitsura ng kanilang mga mata, sa kung paano dapat gumalaw ang kanilang bibig, sa kung paano dapat bumaling ang kanilang ulo, at iba pa. Binibigyan nito ang mga tao ng pamantayan para sa panlabas na pag-uugali, nang walang pakialam kung kumusta ang kanilang pag-iisip, mga disposisyon, at diwa ng kanilang pagkatao. Gayon ang pamantayan ng pagiging may pinag-aralan at matino. Kung natutugunan mo ang pamantayang ito, isa kang taong may pinag-aralan at matino, at kung nagtataglay ka ng mabuting pag-uugali na pagiging may pinag-aralan at matino, sa paningin ng iba, isa kang taong dapat pahalagahan at igalang. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Nakatuon ba ang pahayag na ito sa pag-uugali ng tao? (Oo.) Ano ba talaga ang silbi ng pamantayang ito sa pag-uugali? Ang pangunahing silbi nito ay sukatin kung ang isang tao ay disente at kontroladong-kontrolado, kung maaari niyang makamit ang paggalang at pagpapahalaga ng iba sa pakikisalamuha ng mga ito sa kanya, at kung karapat-dapat siyang hangaan. Ang pagsukat sa mga tao sa ganitong paraan ay ganap na hindi umaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Wala itong kabuluhan.
Ang ating pagbabahaginan ngayon-ngayon lang ay pangunahing tungkol sa paglilinang sa isang tao, na isa sa mga hinihingi ng pahayag na, “Maging may pinag-aralan at matino.” Ano ang tinutukoy ng “pagiging matino”? (Pagpapakita ng pagkaunawa sa mabubuting ugali at magandang asal.) Medyo mababaw iyan, ngunit isang bahagi iyan. Hindi ba’t ang “pagiging matino” ay nangangahulugan ng pagiging magalang upang tumanggap ng katwiran, upang maging bukas sa katwiran? Maaari ba natin itong palawakin pa? (Oo.) Ang magpakita ng pagkaunawa sa mabubuting ugali at magandang asal, at maging magalang upang tumanggap ng katwiran. Kaya, kung pagsasama-samahin ang lahat ng ito, kung ang isang tao ay nagtataglay ng mga pag-uugaling napapaloob sa “pagiging may pinag-aralan at matino,” paano niya ito mismo ipinakikita sa kabuuan? Nakakita na ba kayo ng isang taong may pinag-aralan at matino? Mayroon bang taong may pinag-aralan at matino sa inyong mga elder at kamag-anak, o sa inyong mga kaibigan? Ano ang kanyang katangi-tanging katangian? Sumusunod siya sa napakaraming patakaran. Napakaingat niya sa kanyang pananalita, na hindi garapal, o magaspang, o mapanakit sa iba. Kapag umuupo siya, umuupo siya nang maayos; kapag tumatayo siya, tumatayo siya nang may magandang tindig. Sa lahat ng aspekto, mukhang pino at matino ang pag-uugali niya sa paningin ng iba, na humahanga at naiinggit kapag nakikita siya. Kapag may nakakatagpo siyang mga tao, iniyuyuko niya ang kanyang ulo at inihihilig ang kanyang katawan, at yumuyukod at nagbibigay-galang siya. Nagsasalita siya nang magalang, mahigpit na sumusunod sa mga tuntunin ng pagiging disente at maayos kapag nasa publiko, hindi siya nagpapakita ng gawi o kagaspangan ng asal na gaya ng mga nasa mababang uri ng lipunan. Sa kabuuan, napapanatag at humahanga ang mga nakakakita sa kanyang panlabas na pag-uugali. Ngunit may isang nakababahalang bagay tungkol dito: Para sa kanya, may mga patakaran para sa lahat ng bagay. May mga patakaran sa pagkain; may mga patakaran sa pagtulog; may mga patakaran sa paglalakad; kahit ang pag-alis sa bahay at pag-uwi ay may mga patakaran. Lubos na napipigilan at hindi mapalagay ang pakiramdam ng taong nakakasama niya. Hindi mo alam kung kailan siya biglang magsasabi ng patakaran, at kung walang-ingat mo itong malalabag, magmumukha kang lubos na padalos-dalos at mangmang, habang magmumukha siyang napakapino. Sadyang napakapino niya kahit sa kanyang pagngiti, na walang nakalabas na ngipin, at sa kanyang pag-iyak, na hindi niya kailanman ginagawa kapag may kaharap na ibang tao, kundi sa ilalim ng kanyang kumot sa kalaliman ng gabi, habang natutulog ang iba. Anuman ang ginagawa niya, may patakaran ito. Iyon ang tinatawag na “pagtuturo.” Namumuhay ang mga gayong tao sa lupain ng kagandahang-asal, sa isang napakalaking pamilya; napakarami nilang patakaran at napakaraming pagtuturo. Paano mo man ito sabihin, ang mabubuting pag-uugaling napapaloob sa pagiging may pinag-aralan at matino ay mga pag-uugali—panlabas na mabubuting pag-uugali na ikinintal sa isang tao ng kapaligiran kung saan siya pinalaki, at unti-unting hinasa sa isang tao ng matataas na pamantayan at mahihigpit na hinihingi na ipinapataw niya sa kanyang sariling pag-uugali. Anuman ang maging impluwensiya ng mga gayong pag-uugali sa mga tao, nauugnay lang ang mga ito sa panlabas na pag-uugali ng tao, at bagamat ang mga gayong panlabas na pag-uugali ay pinaniniwalaan ng tao na mabubuting pag-uugali, mga pag-uugaling pinagsisikapan at sinasang-ayunan ng mga tao, ang mga ito ay iba sa disposisyon ng tao. Gaano man kabuti ang panlabas na pag-uugali ng isang tao, hindi nito mapagtatakpan ang kanyang tiwaling disposisyon; gaano man kabuti ang panlabas na pag-uugali ng isang tao, hindi ito makapapalit sa pagbabago sa kanyang tiwaling disposisyon. Bagamat napakakontrolado ng pag-uugali ng isang taong may pinag-aralan at matino, na lubos na iginagalang at pinapahalagahan ng iba, walang magiging anumang silbi ang mabuting pag-uugali niyang iyon kapag lumabas ang kanyang tiwaling disposisyon. Gaano man karangal at kadunong ang kanyang pag-uugali, kapag may nangyari sa kanya na nauugnay sa mga katotohanang prinsipyo, walang magiging anumang silbi ang mabuting pag-uugali niyang iyon, ni hindi siya nito mauudyukang unawain ang katotohanan—sa halip, dahil naniniwala siya sa kanyang mga kuru-kuro na ang pagiging may pinag-aralan at matino ay isang positibong bagay, itinuturing niya ang bagay na iyon bilang ang katotohanan, na ginagamit niya para sukatin at kuwestyunin ang mga salitang sinasabi ng Diyos. Sinusukat niya ang sarili niyang pananalita at kumikilos siya ayon sa pahayag na iyon, at ito rin ang kanyang pamantayan sa pagsukat sa iba. Tingnan ngayon ang depinisyon ng “Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan”—ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Ngayon, ang pamantayan ba para sa panlabas na pag-uugali na nangangailangan ng pagiging may pinag-aralan at matino ay may anumang kinalaman sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan? (Wala.) Bukod sa hindi magkaugnay ang mga ito—magkasalungat pa ang mga ito. Bakit magkasalungat ang mga iyon? (Ang mga gayong kasabihan ay maghihikayat lang sa mga taong tumuon sa panlabas na mabuting pag-uugali habang binabalewala ang mga layon at tiwaling disposisyon sa loob-loob nila. Ginagawang posible ng mga ito na malihis ang mga tao ng mabubuting pag-uugaling ito at na hindi sila magnilay sa kung ano ang nasa kanilang mga sariling kaisipan at ideya, at nang sa gayon ay hindi nila makita ang kanilang tiwaling disposisyon, at bulag pa ngang kainggitan at sambahin ang iba ayon sa pag-uugali ng mga ito.) Gayon ang mga kahihinatnan ng pagtanggap sa mga pahayag ng tradisyonal na kultura. Kaya, kapag nakakita ang tao ng paggawa ng mabubuting pag-uugaling ito, pahahalagahan niya ang mga pag-uugaling iyon. Nagsisimula siya sa paniniwalang ang mga pag-uugaling ito ay mga mabuti at positibong bagay, at sa batayan ng pagiging mga positibong bagay ng mga ito, itinuturing niya ang mga ito na para bang ang mga ito ang katotohanan. Pagkatapos, ginagamit niya ito bilang pamantayan ng kanyang pagpipigil sa sarili at pagsukat sa iba; itinuturing niya itong batayan ng kanyang mga pananaw tungkol sa mga tao at bagay, at habang ginagawa niya ito, itinuturing din niya itong batayan ng kanyang pag-asal at mga kilos. Kung gayon, hindi ba’t salungat ito sa katotohanan? (Salungat nga.) Isasantabi muna natin sa ngayon kung nalilihis ba ng mga tao ang pahayag na dapat may pinag-aralan at matino ang isang tao at tatalakayin natin ang mismong pahayag. “Maging may pinag-aralan at matino”—isa itong sibilisado at marangal na pahayag. Gusto ng lahat ang pahayag na ito, at ginagamit ng tao ang pahayag na ito upang sukatin ang iba at tingnan ang mga tao at bagay, batay sa paniniwala na ito ay tama, mabuti, at isang pamantayan. At habang ginagawa niya iyon, itinuturing din niya itong batayan ng kanyang pag-asal at mga pagkilos. Halimbawa, hindi ibinabatay ng tao ang kanyang pagsukat sa kabutihan ng isang tao sa mga salita ng Diyos. Saan niya ito ibinabatay? “May pinag-aralan at matino ba ang taong ito? Sibilisado ba ang kanyang panlabas na pag-uugali? May lubos na kontrol ba siya sa sarili? Inirerespeto ba niya ang iba? May magandang asal ba siya? May mapagpakumbabang saloobin ba siya kapag nakikipag-usap sa iba? Mayroon ba siyang mabubuting pag-uugali na tulad ng kay Kong Rong nang ipamigay nito ang mas malalaking peras?[a] Ganoong uri ba siya ng tao?” Ano ang batayan niya sa mga tanong at pananaw na ito? Pangunahin itong nakabatay sa pamantayan ng pagiging may pinag-aralan at matino. Tama bang gamitin niya iyon bilang kanyang pamantayan? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? Napakasimple ng sagot, ngunit hindi ninyo ito maisip. Dahil hindi ganoon ang pagsukat ng Diyos, at hindi Niya hahayaang maging ganoon ang pagsukat ng tao. Kung ganoon ang pagsukat ng tao, nagkakamali ito. Kung may susukat sa isang tao o pangyayari sa ganitong paraan, kung gagamitin niya itong pamantayan ng kanyang pagtingin sa mga tao at bagay, lalabagin niya ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos. Iyon ang salungatan sa pagitan ng mga tradisyonal na kuru-kuro at ng katotohanan. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Sa ano ipinapabatay ng Diyos sa tao ang mga pagsukat sa iba? Ayon sa ano Niya ipinapatingin sa tao ang mga tao at bagay? (Ayon sa Kanyang mga salita.) Ipinapatingin Niya sa tao ang mga tao ayon sa Kanyang mga salita. Sa partikular, nangangahulugan ito ng pagsukat sa kung may pagkatao ang isang tao batay sa Kanyang mga salita. Iyon ay bahagi nito. Bukod doon, nakabatay ito sa kung minamahal ng taong iyon ang katotohanan, kung mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso, at kung kaya niyang magpasakop sa katotohanan. Hindi ba’t ang mga ito ang mga detalye nito? (Oo.) Kaya, sa ano ibinabatay ng tao ang kanyang mga pagsukat sa kabutihan ng iba? Sa kung sila ay sibilisado at lubos na may kontrol sa sarili, sa kung matunog nilang pinaglalapat ang mga labi nila o may tendensiya silang maghalukay ng mga piraso ng pagkain kapag kumakain sila, sa kung naghihintay silang makaupo ang mga nakatatanda sa kanila bago sila umupo kapag kakain. Ginagamit niya ang mga gayong bagay upang sukatin ang ibang tao. Hindi ba’t ang paggamit sa mga bagay na ito ay paggamit sa pamantayan ng pag-uugali na gaya ng pagiging may pinag-aralan at matino? (Ganoon nga.) Tumpak ba ang mga gayong pagsukat? Naaayon ba ang mga ito sa katotohanan? (Hindi.) Malinaw na malinaw na hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan. Ano kung gayon ang kinahihinatnan ng gayong pagsukat sa huli? Naniniwala ang sumusukat na sinumang may pinag-aralan at matino ay mabuting tao, at kung hihimukin mo siyang magbahagi tungkol sa katotohanan, palagi niyang ikikintal sa mga tao ang mga patakaran at turo na pantahanan, at ang mabubuting pag-uugaling iyon. At ang kahihinatnan sa huli ng kanyang pagkintal ng mga bagay na ito sa mga tao ay na aakayin niya ang mga tao tungo sa mabubuting pag-uugali, ngunit hindi man lang magbabago ang tiwaling diwa ng mga taong iyon. Ang ganitong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ay napakalayo sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Nagtataglay lang ang mga gayong tao ng ilang mabuting pag-uugali. Kaya, mababago ba ang mga tiwaling disposisyon sa loob-loob nila dahil sa mabuting pag-uugali? Matatamo ba nila ang pagpapasakop at katapatan sa Diyos? Talagang hindi. Ano ang nangyari sa mga taong ito? Sila ay naging mga Pariseo, na mayroon lang panlabas na mabuting pag-uugali ngunit hindi talaga nauunawaan ang katotohanan, at hindi makapagpasakop sa Diyos. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Tingnan ang mga Pariseo—hindi ba’t walang maipipintas sa panlabas na hitsura nila? Ipinangingilin nila ang Araw ng Sabbath; sa Araw ng Sabbath, wala silang ginagawa. Sila ay magalang magsalita, lubos na may kontrol sa sarili at sumusunod sa patakaran, lubos na nalinang, napakasibilisado at edukado. Dahil magaling silang magbalatkayo at hindi talaga sila natatakot sa Diyos, bagkus ay hinusgahan at kinondena nila ang Diyos, isinumpa sila ng Diyos sa huli. Tinukoy ng Diyos na sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo, na pawang mga taong gumagawa ng masama. Gayundin, ang uri ng mga taong ginagamit ang mabuting pag-uugaling may pinag-aralan at matino bilang pamantayan ng kanilang asal at kilos ay malinaw na hindi mga taong naghahangad sa katotohanan. Kapag ginagamit nila ang patakarang ito upang sukatin ang iba, at upang umasal at kumilos, siyempre, hindi nila hinahangad ang katotohanan; at kapag hinuhusgahan nila ang isang tao o bagay, ang pamantayan at batayan ng paghusgang iyon ay hindi nakaayon sa katotohanan, bagkus ay labag dito. Ang tanging pinagtutuunan nila ay ang pag-uugali, mga gawi ng isang tao, hindi ang kanyang disposisyon at diwa. Ang kanilang batayan ay hindi ang mga salita ng Diyos, hindi ang katotohanan; sa halip, nakabatay ang kanilang mga pagsukat sa pamantayang ito ng pag-uugali sa tradisyonal na kultura na gaya ng pagiging may pinag-aralan at matino. Ang resulta ng gayong pagsukat ay na para sa kanila, mabuti at naaayon sa mga layunin ng Diyos ang isang tao basta’t ang taong iyon ay may gayong panlabas na mabubuting pag-uugali na gaya ng pagiging may pinag-aralan at matino. Kapag gumagamit ang mga tao ng mga gayong pagkaklasipika, malinaw na sumasalungat sila sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. At kapag mas ginagamit nila ang pamantayang ito sa pag-uugali upang tingnan ang mga tao at bagay, at upang umasal at kumilos, ang kinahihinatnan nito ay lahat sila ay lalong nalalayo sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Kahit ganoon, nasisiyahan sila sa ginagawa nila at naniniwala silang hinahangad nila ang katotohanan. Sa pagtataguyod sa ilan sa mabubuting pahayag ng tradisyonal na kultura, naniniwala silang itinataguyod nila ang katotohanan at ang tunay na daan. Subalit gaano man nila sinusunod at iginigiit ang mga bagay na iyon, sa huli ay hindi sila magkakaroon ng anumang karanasan o pagpapahalaga sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at hindi rin sila magpapasakop sa Diyos kahit papaano. Lalong hindi ito makapagdudulot ng tunay na takot sa Diyos. Iyon ang nangyayari kapag itinataguyod ng mga tao ang anuman at lahat ng gayong mabubuting pag-uugali na gaya ng pagiging may pinag-aralan at matino. Kapag mas tumutuon ang tao sa mabuting pag-uugali, sa pagsasabuhay nito, sa paghahangad nito, mas napapalayo siya sa mga salita ng Diyos—at kapag mas malayo ang tao sa mga salita ng Diyos, mas hindi niya nauunawaan ang katotohanan. Malamang na ito nga ang mangyari. Kung bumuti ang pag-uugali ng isang tao, nangangahulugan ba iyon na nagbago na ang kanyang disposisyon? Mayroon ba kayong ganitong karanasan? Kahit kailan ba ay hindi ninyo namalayan na hinangad ninyo na maging mga taong may pinag-aralan at matino? (Oo.) Iyan ay dahil nauunawaan ng lahat na sa pagiging isang taong may pinag-aralan at matino, magmumukha siyang lubos na kagalang-galang at marangal. Labis siyang hinahangaan ng iba. Ganoon iyon, hindi ba? (Oo.) Kaya, hindi naman dapat na maging masama ang magtaglay ng mabubuting pag-uugaling ito. Ngunit malulutas ba ng pagkakaroon ng mabubuting pag-uugaling ito, ng mabubuting pagpapakitang ito, ang tiwaling disposisyon ng tao? Mapipigilan ba nito ang mga taong gumawa ng masasamang bagay? Kung hindi, anong silbi ng gayong mabubuting pag-uugali? Maganda lang itong tingnan; wala itong silbi. Makapagpapasakop ba sa Diyos ang mga taong may gayong mabuting pag-uugali? Matatanggap at maisasagawa ba nila ang katotohanan? Malinaw na hindi. Hindi mapapalitan ng mabuting pag-uugali ang pagsasagawa ng tao sa katotohanan. Katulad lang ito ng sa mga Pariseo. Maganda ang pag-uugali nila, at napakarelihiyoso nila, ngunit paano nila tinrato ang Panginoong Jesus? Walang makaiisip na magagawa nilang ipako sa krus ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Kaya, nasa panganib ang mga mayroon lang panlabas na mabubuting pag-uugali ngunit hindi nakamit ang katotohanan. Maaaring magpatuloy sila na gaya ng dati, nilalabanan at pinagtataksilan ang Diyos. Kung hindi mo ito malinaw na makikita, maaaring malihis ka na naman ng mabuting pag-uugali ng mga tao.
Talababa:
a. Si Kong Rong ay itinatampok sa isang kilalang kuwentong Chinese, na tradisyunal na ginagamit para turuan ang mga bata tungkol sa mga kahalagahan ng kagandahang-loob at pagmamahal sa kapatid. Isinasalaysay ng kuwento kung paanong, nang tumanggap ng isang basket ng mga peras ang kanyang pamilya, ipinamigay ng apat-na-taong-gulang na si Kong Rong ang mas malalaking peras sa kanyang mga kuya at kinuha ang pinakamaliit para sa kanyang sarili.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.