Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 16 (Ikalawang Bahagi)

Pagbabahaginan naman natin ngayon ang isa pang praktikal na problema tungkol sa iba’t ibang kasabihan ukol sa wastong asal. Ang iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal na pinagbahaginan natin dati ay pangunahing inilantad sa pamamagitan ng paggamit ng tradisyonal na kulturang Tsino bilang demonstrasyon, inilalantad ang sari-saring satanikong kasabihang ito sa kaibuturan ng puso ng nagawang tiwaling sangkatauhan. Sinasabi ng ilang tao, “Yamang ginagamit ang tradisyonal na kulturang Tsino upang ipakita ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal, at hindi naman kami Tsino, maaari bang hindi na lang namin tanggapin ang mga salitang ito na ibinabahagi Mo? Kailangan ba talaga naming malaman ang iba’t ibang kasabihang ito tungkol sa wastong asal mula sa paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan?” Tama bang sabihin ito? (Hindi.) Napakalinaw naman na mali ito. Ang paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatuhan ay hindi namimili ng lahi o panahon, kundi sa halip ay ginagawa nitong tiwali ang sangkatauhan nang hindi kinikilala ang anumang pagkakaiba sa lahi o panahon o pinagmulang relihiyon. Samakatuwid, kung nabibilang ka sa lahing Tsino, isa ka mang Tsinong Han o kabilang sa isang minoryang pangkat etnikong gaya ng Mongolian, Hui, Miao, Yi, at iba pa, walang eksepsyon na sumailalim ka sa indoktrinasyon at pagtatanim ng lahat ng uri ng kasabihan tungkol sa wastong asal na nagmula kay Satanas. Ibig sabihin, walang eksepsyon na sumailalim ka rin sa paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan pagdating sa iyong pag-iisip. Sa eksaktong pananalita, ang iyong pag-iisip, ang kaibuturan ng iyong kaluluwa at kaibuturan ng iyong puso ay malubha ring nagawang tiwali at naproseso ni Satanas. Kahit na hindi ka Tsino—kung isa kang Hapon, Koreano, Aleman, o anumang nasyonalidad—isa ka mang Asyano, Europeo, Aprikano, o Amerikano, dilaw man, itim, kayumanggi, o puti ang kulay ng iyong balat, anuman ang iyong etnisidad at anuman ang lahing kinabibilangan mo, basta’t isa kang nilikha, walang eksepsyon na malubha ka nang nagawang tiwali ni Satanas. Bukod sa pagtataglay ng mga satanikong tiwaling disposisyon, walang eksepsyon na nataniman ka na ni Satanas ng mga satanikong kaisipan at pananaw, at siyempre, malubha ring nagawang tiwali ni Satanas ang iyong puso. Iyon nga lamang, para sa mga tao sa iba’t ibang bansa at iba’t ibang lahi, gumagamit si Satanas ng iba’t ibang pamamaraan upang itanim ang parehong mga bagay sa kanila. Maaaring magkaiba ang mga bagay na ito sa katawagan sa mga ito, maaaring magkaroon ng kaunting pagkakaiba roon, ngunit ang panghuling resulta ng paggawang tiwali sa mga tao ay palaging pareho at halos magkakatulad nang may maliliit lang na pagkakaiba. Ang lahat ng iyon ay nagdudulot sa mga taong itago ang kanilang anyo sa pamamagitan ng kanilang pag-uugali at, sa pamamagitan ng ilang mapanlihis, hindi makatotohanan, o maging mga hindi etikal na kasabihan na taliwas sa pagkatao, hinihiling ng mga iyon na kumilos ang mga tao sa isang partikular na paraan at umasal sa isang partikular na paraan pagdating sa kanilang moral na karakter, at iginigiit kung paano dapat umasal ang mga tao at gumawa ng mga partikular na bagay. Kahit na may mga pagkakaiba ang mga kasabihang ito, at kahit na nangyayari ang mga ito sa iba’t ibang oras at nagmumula sa iba’t ibang sulok, iba’t ibang rehiyon, at iba’t ibang dako, at nanggagaling ang mga ito sa iba’t ibang tao, ngunit ang huling kalalabasan nito palagi ay na kinokontrol ng mga ito ang mga kaisipan at puso ng mga tao, nililimitahan ng mga ito ang mga kaisipan at puso ng mga tao, at pinupuno ng mga ito ang pag-iisip ng mga tao ng mga pananaw at kuru-kurong nagdadala ng mga lason at ng kalikasang diwa ni Satanas. Idinudulot ng mga itong mapuno ang kaibuturan ng puso ng mga tao ng mga pananaw ni Satanas, ng buktot na diwa nito, at ng masasamang kuru-kuro nito. Sa huli, anuman ang etnisidad o lahi, at anuman ang tribo o yugto ng panahon, ang lahat ng tao ay nalihis at nayurakan ni Satanas at nagawang tiwali ni Satanas sa kanilang mga kaisipan at sa kaibuturan ng kanilang puso sa iba’t ibang antas. Sa huli, nasa anumang panig ng mundo ang mga taong pinag-uukulan ni Satanas ng kanyang gawain ng paggawang tiwali, o anuman ang lahi nila, o anuman ang yugto ng panahong kinabibilangan nila, ang kahihinatnan ay palaging gawing wagas na supling, tagapagsalita, at pagkakatawan ni Satanas ang sangkatauhan, at gawing kapwa malaki at maliit, kapwa nakikita at nahahawakan ang taong mga wagas na buhay na Satanas. Siyempre, ang isang sangkatauhang tulad nito ay nagiging ang wagas na kaaway rin ng Diyos at laban sa Diyos. Samakatuwid, anumang uri ng mga tao ang nakikinig ngayon sa mga sermon o ilan man sila, may isang katunayang hindi maikakaila: Ang buong sangkatauhan ay nasa mga kamay ng diyablo—isa itong katunayan. Sa ibang pananalita, ibig sabihin nito, habang ang buong sangkatauhan ay lubhang nagagawang tiwali ni Satanas, ang mga kaisipan at puso ng buong sangkatauhan ay ganap ding sumasailalim sa kontrol at paglilimita ni Satanas—hindi ito maikakaila. Kaya, ang anumang marangal na lahi at ang sinumang mamamayang may nasyonalidad na nabibilang sa isang makapangyarihang bansa ay pawang walang eksepsyon na lubhang nagawang tiwali ni Satanas, at matinding namanipula, nakontrol, at nalimitahan ni Satanas. Basta’t kabilang ka sa sangkatauhan, basta’t nabubuhay ka sa ilalim ng araw, basta’t isa kang taong lumalanghap ng hangin, umiinom ng tubig, at kumakain ng trigo, hindi maiiwasan ang magawang tiwali ni Satanas at, walang eksepsyon na nagawa kang tiwali ni Satanas sa iyong mga kaisipan, sa iyong puso, sa iyong mga disposisyon, at sa iyong diwa. Sa mas eksaktong pananalita, basta’t isa kang nilikhang tao at basta’t nagawa kang tiwali ni Satanas, kaaway ka ng Diyos. Basta’t nagawa kang tiwali ni Satanas, basta’t dati o ngayon ay nakontrol at nalimitahan ka na ni Satanas, isa kang bagay na dapat iligtas ng Diyos, at hindi ito mapag-aalinlanganan. Basta’t isa kang taong nagawang tiwali ni Satanas, walang eksepsyon na taglay mo ang disposisyon at pag-iisip ni Satanas at taglay mo ang isang pusong pinuno at sinakop ng mga lason ni Satanas. Samakatuwid, ang pagtukoy at pagkilatis sa iba’t ibang kaisipan, pananaw, at sa sari-saring kasabihan tungkol sa wastong asal na mula kay Satanas ay hindi isang gawaing para lamang sa mga Tsino, o isang bagay na may monopolyo ang mga Tsino. Sa kabaligtaran, isa itong aral na nararapat matutuhan ng bawat hinirang ng Diyos na Kanyang pinili at isang realidad na dapat nilang pasukin. Dapat ay matukoy at makilatis ng bawat isang hinirang ng Diyos, nang walang eksepsyon, ang lahat ng napakaraming kabulaanan at masamang kaisipan at pananaw na nagmumula kay Satanas. Huwag mong isiping dahil lang sa ipinanganak ka sa isang mayamang pamilya, sa isang pamilyang may prominenteng posisyon, ay maaari ka nang magkaroon ng pakiramdam na nakahihigit ka sa iba, paniwalaang hindi ka nagawang tiwali ni Satanas, at na dahil lang sa marangal ang pagkakakilanlan mo, na tiyak na marangal din ang kaluluwa mo—isa itong baluktot na pagkaunawa. O marahil ay naniniwala kang marangal ang angkan mo, at ipinakikita ng kulay ng balat mo na kagalang-galang ang iyong pagkakakilanlan, posisyon, at halaga, kung kaya’t mali mong pinaniniwalaan na ang iyong diwa, ang iyong pag-iisip, at ang iyong puso ay mas marangal at mas mataas kaysa sa iba. Kung gayon, sinasabi Kong ang pagkaunawa mong ito ay hangal at hindi makatotohanan, dahil ang sangkatauhang sinasabi ng Diyos ay hindi nahahati batay sa nasyonalidad, lahi, o relihiyon. Sa anumang uri ng sitwasyong panlipunan o sitwasyong panrelihiyon ka nabubuhay, at sa anumang lahi ka man ipinanganak, o mababa man o maharlika ang posisyon mo sa lipunan, o nagtatamasa ka man ng mataas na pagkilala sa ibang tao o hindi, at iba pa, hindi mo magagamit ang alinman sa mga bagay na ito bilang mga dahilan upang hindi tanggapin ang mga salitang ito ng Diyos o hindi tanggapin ang katunayan na ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Basta’t isa kang tao, dapat na taglay ng mga salitang “tao” ang pantukoy na mga salitang “nagawang tiwali” sa unahan nito. Sa tumpak na pananalita, basta’t isa kang tao, tiyak na isa kang nagawang tiwaling tao, at hindi ito mapag-aalinlanganan. Higit pa riyan, masasabi nating basta’t isa kang tiwaling tao, ang mga bagay na nakapaloob sa iyong natural na pag-iisip at na nasa kaibuturan ng iyong puso ay nagmumula kay Satanas at pawang matinding naproseso at nagawang tiwali ni Satanas—dapat mong tanggapin ang katunayang ito. Likas na wala kang taglay na anumang bagay na may kaugnayan sa katotohanan, walang bagay na may anumang kinalaman sa mga salita ng Diyos o sa buhay ng Diyos, kundi sa kabaligtaran, ikaw ay nalihis, nagawang tiwali, at nakontrol ni Satanas. Ang isipan mo ay puno ng mga kaisipan, pilosopiya, lohika, at mga panuntunan ng pamumuhay ni Satanas, at ang lahat ng nasa isipan mo ay nanggagaling kay Satanas. Ano ba ang sinasabi ng katunayang ito sa mga tao? Walang sinumang dapat gumamit ng anumang dahilan upang tanggihan ang pagliligtas ng Diyos, o mamili kung alin ang tatanggapin sa mga salita ng Diyos. Bilang isang nagawang tiwaling tao, dapat mong tanggapin ang mga salita ng Diyos nang walang anumang pagpili. Responsabilidad mo ito, at ito rin ang kailangan mo. Kung ang isang tao ay ipinanganak sa isang mayaman at makapangyarihang bayan at namumuhay siya sa magagandang kalagayan ng lipunan, o ipinanganak siya sa isang kilalang pamilya at nakatanggap ng mas mataas na edukasyon, kung kaya’t pinaniniwalaan niyang naiiba siya sa lahat at mas marangal siya kaysa sa ibang hinirang ng Diyos, kung kaya’t ninanais niyang maging pinakamahalaga sa ibang hinirang ng Diyos, ito ay katawa-tawang pag-iisip, hangal na pag-iisip, at masasabi pa ngang sukdulan ang pagiging hangal nito. Kahit gaano pa ka-espesyal ang iyong pagkakakilanlan, posisyon, o halaga, o gaano pa katayog ang iyong pagkakakilanlan, posisyon, o kalagayan sa lipunan kaysa sa mga karaniwang tao, palagi kang magiging isang nilikha sa harapan ng Diyos. Hindi tinitingnan ng Diyos kung ano ang iyong pinanggalingan o ano ang sitwasyon mo nang ipanganak ka, hindi Niya tinitingnan ang iyong nasyonalidad o lahi, at hindi Niya tinitingnan ang iyong halaga, katanyagan, o mga tagumpay sa lipunan o sa mundo. Ang tinitingnan lang ng Diyos ay kung tinatanggap mo ang Kanyang mga salita, kung tinatanggap mo ang Kanyang mga salita bilang ang katotohanan, at kung kaya mong tingnan ang mga tao at bagay at umasal at kumilos ayon sa Kanyang mga salita. Kung talagang itinuturing mo ang sarili mo bilang isa lamang sa mga karaniwang nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, dapat mong bitiwan ang iyong kalagayan sa lipunan, ang iyong lahing pinagmulan, ang iyong nasyonalidad na pinagmulan, at relihiyong pinagmulan at humarap ka sa Diyos bilang isang karaniwang nilikha, tanggapin mo ang Kanyang mga salita nang walang anumang katawagan o pinagmulan, at sa paggawa niyon, ang iyong pagkakakilanlan at katayuan ay maitatama. Kung nais mong tanggapin ang mga salita ng Diyos gamit ang tamang pagkakakilanlan at katayuang ito, ang unang kailangan mong maunawaan ay kung ano ang diwa ng tao, at ang unang kailangan mong tanggapin ay na ang diwa ng tao ay malubhang nagawang tiwali ni Satanas, at na ang mga bagay na pumupuno at sumasakop sa mga kaisipan ng tao at sa kaibuturan ng kanilang mga puso ay nanggagaling lahat kay Satanas. Dahil nais ng mga taong tanggapin ang mga salita ng Diyos at tanggapin ang katotohanan bilang buhay, dapat muna nilang ungkatin, pagnilayan, at malaman ang lahat ng bagay sa kanilang pag-iisip at sa kaibuturan ng kanilang puso na hindi naaayon sa katotohanan at na mapanlaban dito. Kapag ang mga bagay na ito ay malinaw nang natukoy, lubusan nang naunawaan, at masusi nang nasuri ay saka lamang ang mga iyon maisusuko ng mga tao sa tamang panahon at sa tamang kapaligiran, sa gayon ay nabibigyang-daan ang kaibuturan ng kanilang mga puso na sumailalim sa ganap na pagbabago. Kapag natanggal na nila ang lahat ng bagay na pagmamay-ari ni Satanas at natanggap ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, magiging mga bagong tao na sila. Kapag ang perspektiba, mga pananaw, at ang punto de bista kung saan tinitingnan nila ang mga tao at bagay ay sumailalim na sa isang ganap na pagbabago ay saka lamang nila tunay at wastong matitingnan ang mga tao at bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos ay magiging medyo dalisay na silang mga tao, walang dungis. Hindi pa ito matatamo ng mga tao ngayon. Bagama’t maaaring nauunawaan nila ang kaunti sa katotohanan sa kanilang mga puso, nadudungisan pa rin sila ng lahat ng uri ng katawa-tawang pananaw at mga mali at kalokohang bagay. Tinatanggap nila ang kalahati sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan at itinatakwil ang kalahati; pinipili nila kung ano ang kaunting tatanggapin, tinatanggap ang kaunti sa iba’t ibang antas, subalit ang mga puso nila ay palaging nag-iiwan ng puwang para sa mga kaisipan at lohika ni Satanas at sa mga mapanlihis na bagay na itinatanim ni Satanas sa kanila, palaging isinasapuso ang mga bagay na ito. Ang mga bagay na ito sa kaibuturan ng mga tao ay nakaaapekto sa kanilang mga isipan, sa kanilang paghatol, at sa perspektiba at mga pananaw na ginagamit nila upang tingnan ang mga tao at bagay, at napakalaki ng epekto nito sa lawak ng pagtanggap nila sa katotohanan.

Ang katiwalian at panlilihis ng sangkatauhan na dulot ng iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal na itinatanim ni Satanas sa mga tao gamit ang tradisyonal na kultura ay malawak. Hindi ito isang bagay na limitado lamang sa mga Tsino, kundi sa halip ay umaabot ito sa kabuuan ng sangkatauhan, sa bawat sulok at sa bawat yugto ng panahon. Naaapektuhan at kinokontrol nito ang magkakasunod na henerasyon ng mga tao, at naaapektuhan at kinokontrol nito ang mga taong may magkakaibang lahi, nasyonalidad at relihiyon. Sa sandaling maunawaan ito ng mga tao, ang pantukoy na salitang kadikit ng “tradisyonal na kultura” ay hindi na lamang “Tsino”; masasabing ang tradisyonal na kultura ng anumang bayan o lahi ay nanggagaling kay Satanas at nabubuo mula sa paggawang tiwali ni Satanas. Halimbawa, may tradisyonal na kulturang Hapon, tradisyonal na kulturang Koreano, tradisyonal na kulturang Indian, tradisyonal na kulturang Pilipino, tradisyonal na kulturang Vietnamese, tradisyonal na kulturang Aprikano, tradisyonal na kultura ng mga puting tao, pati na mga tradisyonal na kultura ng Judaismo, Kristiyanismo, Katolisismo, at iba pang tradisyonal na kulturang nabuo mula sa mga relihiyon. Ang lahat ng tradisyonal na kulturang ito ay taliwas sa katotohanan at may matinding epekto sa mga pananaw, punto de bista, at perspektiba ng mga tao tungkol sa kung paano nila tinitingnan ang mga tao at bagay at umaasal at kumikilos. Ang mga ito ay parang maiinit na pantatak na nag-iiwan ng malalalim na marka sa mga kaibuturang kaisipan at puso ng mga tao. May impluwensiya ang mga ito sa buhay ng mga tao, sa mga panuntunan ng mga tao sa pamumuhay, sa mga landas na kanilang sinusundan sa buhay at sa direksyon at mga mithiin ng kanilang pag-asal; may impluwensiya pa nga ang mga ito sa mga mithiing hinahangad ng mga tao. Matinding ginugulo at naaapektuhan ng mga bagay na ito ang saloobin ng mga tao sa pagtingin nila sa mga positibong bagay, sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa Diyos. Siyempre, matindi ring naaapektuhan at ginugulo ng mga ito ang mga perspektiba at pananaw ng mga tao tungkol sa kung paano nila tinitingnan ang mga tao at bagay at sa kanilang pag-asal at pagkilos, na nangangahulugang matindi ang epekto ng mga ito sa mga taong tumatanggap at nagsasagawa ng katotohanan. At ano ang kahihinatnan sa huli? (Mawawala sa mga tao ang pagkakataon nilang magtamo ng kaligtasan.) Tama iyon, sa huli ang maaapektuhan ay ang napakahalagang bagay ng pagtatamo ng mga tao ng kaligtasan. Hindi ba’t isa itong malubhang kahihinatnan? (Oo.) Isa itong napakalubhang kahihinatnan! Ang paraan ng pagtingin ng isang tao sa mga bagay-bagay, ang uri ng perspektibang ginagamit niya upang tingnan ang mga bagay-bagay, ang mga pananaw na kanyang ginagamit at ang mga kuru-kurong kanyang pinanghahawakan upang tingnan ang mga bagay-bagay ay pawang pinagpapasyahan batay sa kanyang mga tiwaling disposisyon at sa mga bagay na umiiral sa kanyang pag-iisip. Kung positibo ang mga bagay na umiiral sa kanyang pag-iisip, titingnan niya ang mga tao at bagay mula sa tamang perspektiba; kung ang mga bagay na umiiral sa kanyang pag-iisip ay negatibo at pasibo at nagmula kay Satanas, tiyak na titingnan niya ang mga tao at bagay mula sa mga mali at katawa-tawang perspektiba, punto de bista, at pananaw, at sa huli ay magkakaroon ito ng epekto sa landas na kanyang sinusundan. Kung mali ang mga punto de bista, pananaw, at perspektiba mo sa pagtingin sa mga tao at bagay, ang mga mithiin at direksyon ng iyong paghahangad ay mali rin, gayundin ang landas na iyong sinusundan sa iyong pag-asal. Kung ipagpapatuloy mo ang mga maling bagay na ito, talagang mawawalan ka ng pagkakataong magtamo ng kaligtasan, dahil mali ang landas na iyong sinusundan. Kung tama ang mga perspektiba, punto de bista, kaisipan at pananaw mo sa pagtingin sa mga tao at bagay, magiging tama rin ang mga resulta, tutukoy ang mga iyon sa mga positibong bagay, at hindi magiging taliwas sa katotohanan. Kapag tinitingnan ng tao ang mga tao at bagay mula sa mga perspektibang alinsunod sa katotohanan, magiging tama rin ang landas na kanyang pipiliin, gayundin ang kanyang mga mithiin at direksyon, at magkakaroon siya ng pag-asang magtamo ng kaligtasan sa huli. Gayunpaman, dahil ang mga tao ngayon ay sinakop na at kinokontrol ni Satanas, ang mga perspektiba, punto de bista, at pananaw nila sa pagtingin sa mga tao at bagay ay mali, na nagdudulot na maging mali rin ang kanilang paghahangad at ang landas na kanilang sinusundan. Halimbawa, kapag ang mga tao ay nagtatrabaho at nagbabayad ng halaga alang-alang sa katanyagan at pakinabang, sa reputasyon, at sa katayuan, mali ba ang landas na ito? (Oo.) Paano ba nangyayaring tinatahak ng mga tao ang ganoong maling landas? Hindi ba’t dahil mali ang mga perspektiba, pananaw, at pinagsimulan kung paano nila tinitingnan ang ganitong uri ng bagay? (Ganoon nga.) Ito ang nagdudulot sa mga taong tumahak sa maling landas. At kung patuloy na susundan ng mga tao ang ganoong maling landas, makapagtatamo ba sila ng kaligtasan sa huli? Hindi, hindi sila makapagtatamo ng kaligtasan. Kung titingnan mo ang mga tao at bagay at aasal at kikilos ka ayon sa kung anong kaisipan o pananaw ang itinanim sa iyo ni Satanas, ang landas na tatahakin mo ay tiyak na ang landas ng kapahamakan. Talagang hindi ito magiging landas tungo sa kaligtasan, dahil salungat at taliwas talaga ito sa landas tungo sa kaligtasan. Kung susundan ng mga tao ang maling landas na ito, sisirain nila ang sarili nilang pagkakataong magtamo ng kaligtasan, ganap itong mawawala, at hinding-hindi sila makatatahak sa landas tungo sa kaligtasan. Gayunpaman, kung maghahangad ka nang may tamang pananaw, at titingnan mo ang mga tao at bagay at aasal at kikilos ka ayon sa mga salita ng Diyos, magiging positibo ang mabubuong mga prinsipyo ng pagsasagawa, magiging positibo ang iyong landas, at dahil nagsisimula ka sa tamang lugar, magiging tama rin ang landas na susundan mo sa huli. Kung susundan mo ang landas na tulad nito, tiyak na makapagtatamo ka ng kaligtasan. Medyo malalim ang aspektong ito ng katotohanan at malamang na hindi ito nauunawaan ng karamihan sa inyo. Wala kayong ganap na pagkaunawa rito, at sa ngayon, hindi pa ninyo taglay ang aspektong ito ng katotohanang realidad. Hindi ninyo alam kung kayo ay tumitingin sa mga tao at bagay at umaasal at kumikilos batay sa mga mali o tamang pananaw—wala pa kayo ng karanasang ito. Sa ngayon, alam lang ninyo kung paano kumilos, gugulin ang inyong lakas, magsumikap, at magbayad ng halaga, samantalang ni hindi pa ninyo nasisimulang suriin kung ano ang nakaaapekto at kumokontrol sa mga pananaw at kaisipan sa kaibuturan ng inyong mga puso. Samakatuwid, ang paksang ito ay medyo malayo sa inyo, at ititigil na natin dito ang pag-uusap tungkol dito.

Katatapos lang nating pag-usapan ang diwa ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal, at ang lawak na nauugnay rito ay hindi lamang limitado sa Tsina, kundi sa halip ay sa buong sangkatauhan. Ito ay dahil ang buong sangkatauhan ay nasa mga kamay ng diyablo, at ang bawat tao ay malubhang nagawang tiwali ni Satanas at nasa ilalim ng kontrol ni Satanas. Batay sa katotohanan ang pagsasabi nito. Hindi lamang ang mga mamamayan ng Tsina ang nagawang tiwali ni Satanas, kundi ang buong sangkatauhan ang siyang nagawang tiwali ni Satanas, at ang lahat ng tao ay nasa mga kamay ng diyablo. Sa ilang paraan ay nakikita ng lahat na malubhang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ilang panahon na rin nating pinagbabahaginan ang tungkol sa pagtatanim ni Satanas ng iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal sa isipan ng mga tao, kung saan ginagamit nito ang pamamaraang ito upang ilihis, kontrolin, at limitahan ang mga tao, at sa gayon ay natutupad ang layunin nito ng paggawang tiwali sa mga tao. Hindi limitado ang katunayang ito sa mga Tsino, kundi umiiral ito sa lahat ng taong may magkakaibang lahi, magkakaibang nasyonalidad, at magkakaibang etnisidad. Ang lahat ng tao ay malubhang nagawang tiwali ni Satanas, pati na ang lahat ng lahi at etnisidad; ang sari-saring mapanlihis na bagay na mahirap kilatisin na itinatanim ni Satanas sa mga tao gamit ang tradisyonal na kultura, at maging ang mga kasabihan na para sa mga tao ay tila medyo positibo at naaayon sa kanilang mga moralidad, pag-iisip at panlasa, sa totoo ay bahaging lahat ng paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Ibig sabihin, ang lahat ng tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas sa ganitong paraan, at ang lahat ng tao anuman ang etnisidad, lahi, o nasyonalidad, sa anumang lugar ipinanganak, o sa anumang rehiyon o lupain ng daigdig, ay malubha nang nalihis, nakontrol, at nagawang tiwali ni Satanas kapwa sa isip at sa puso. Saan o kailan ka man ipinanganak, o sa alinmang etnisidad o bayan ka ipinanganak, walang eksepsyon na nalihis at nagawa ka nang tiwali ng mga kasabihan ng tradisyonal na kulturang itinanim sa iyo ni Satanas. Samakatuwid, hindi mo dapat isiping dahil tradisyonal na kulturang Tsino lang ang ating sinusuri ay wala nang satanikong kultural na pinagmulan ang sarili mong bayan o etnisidad, na mas mabuti ka na kaysa sa mga Tsino, at hindi mo rin dapat maramdamang nakahihigit ka na kung saan pakiramdam mo ay mas kagalang-galang at marangal ka kaysa sa mga Tsino. Ang pakiramdam na ito na nakahihigit ka ay isang maling ideya, mali ito, katawa-tawa ito, at maaari pa nga tayong umabot sa puntong masasabi nating kalokohan ito. Basta’t nababanggit ang nagawang tiwaling sangkatauhan, hindi mo dapat ipuwera ang sarili mo rito; basta’t nababanggit ang nagawang tiwaling sangkatauhan, bahagi ka nito. Siyempre, basta’t nasasabing isa kang nagawang tiwaling tao, ang kaibuturan ng iyong puso ay puno ng mga kaisipang pinangingibabawan ng tradisyonal na kulturang itinatanim sa iyo ni Satanas, at isa itong di-mapabubulaanang katotohanan, isang katotohanang hindi magbabago habambuhay. Dapat ninyong maunawaan nang malinaw ang katunayang ito—hindi ito mapag-aalinlanganan at hindi dapat pagdudahan. Tatapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa paksang ito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.