Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagkakamit ng Katotohanan (Ikalawang Bahagi)

Kapag hinahanap ang katotohanan para lutasin ang isang tiwaling disposisyon, anong uri ng mga resulta ang kailangang makamit para masabing nalutas na ang problema? Alam na alam ng ilang tao na ang isang partikular na sitwasyon ay pagsubok mula sa Diyos, pero ayaw ipagkatiwala ang kanilang sarili sa Kanyang mga kamay. Pakiramdam nila ay hindi maaasahan ang Diyos, na hindi Siya mapagkakatiwalaan. Hindi lamang na hindi sila nangangahas na sumandal sa Diyos, kundi kinatatakutan nila ang mga sitwasyong ito. Kapag umabot ang mga bagay sa puntong iyon, anong mga katotohanan ang dapat nilang taglayin sa kanilang sarili? Paano sila dapat maghangad? At gaanong paghahangad ang kailangan para malinis sila, para makamit ang ganap na pagpapasakop, at para matahak ang landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Ang lahat ng ito ay may kinalaman sa katotohanan ng pagpapasakop. Sa oras na ito, wala ka talagang kaalaman sa Diyos, at walang paraan para mataglay mo ang tunay na pananampalataya. Kung walang tunay na pananampalataya, anong mga katotohanan ng mga pangitain ang kailangan mong taglayin para makamit mo ang ganap na kalayaan mula sa pagdududa, paghihinala, mga maling pagkaunawa at paglaban sa Diyos, at na magpapahintulot sa iyo na lubusang magpasakop? Aling mga katotohanan ang dapat mong taglayin para malutas ang mga isyung ito at maabot ang lubos na kalayaan mula sa karumihan, mula sa mga personal na kinakailangan, at mga pagpapasya? Isang bagay ito na hindi pa rin malinaw sa iyo. Pag-isipan mo ito—anong uri ng paghahangad ang kailangan para makamit ang lubos na pagpapasakop sa Diyos? Kailangan mong magtaglay ng ilang katotohanan. Kapag nakamit mo na ang katotohanan bilang iyong buhay, iyon ang magiging tayog mo. Iyon ang magiging batayan at pundasyon kung saan puwede mong makamit ang pagpapasakop. Puwede mong makamit ang ganap na pagpapasakop sa pamamagitan ng mga katotohanang ito. Kaya, aling mga katotohanan ang kailangan mong taglayin sa iyong sarili? (Kailangan naming hangarin ang kaalaman tungkol sa Diyos.) Isang bahagi iyon nito. Bukod pa roon, kailangan mismo ng mga tao na magkaroon ng kaunting pagtutulungan, at ilang pagsasagawa. Natatandaan ba ninyo ang sinabi ni Pedro? (“Kung pinaglalaruan man ng Diyos ang mga tao na para bang sila ay mga laruan, ano ang karaingang maaaring magkaroon ang mga tao?”) Tungkol ito sa pagpapasakop. Kung ganito mo nararanasan ang mga bagay-bagay, unti-unti mong matututunan ang katotohanan at siguradong makakakuha ka ng mga resulta. Una, kailangan mo ng saloobing nagpapasakop sa Diyos at sa katotohanan. Huwag mong alalahanin kung anong uri ng tingin ang ipinupukol sa iyo ng Diyos, kung ano ang Kanyang saloobin at tono ng boses sa iyo, kung tutol ba Siya sa iyo o hindi, at kung ibubunyag ka ba Niya o hindi. Magsimula ka sa pamamagitan ng paglutas sa mga sarili mong paghihirap at problema. Madali bang maabot ng mga ordinaryong tao ang sinabing ito ni Pedro? (Hindi madali, hindi.) Anong mga karanasan ang mayroon siya at anong mga realidad ang tinaglay niya kaya nasabi niya iyon? (Lubos siyang nanalig na kahit paano pa tratuhin ng Diyos ang tao, ito ay para iligtas ang tao at ito ay pagmamahal at wala nang iba. Iyon ang dahilan kung bakit masaya siya na makapagpasakop.) Sinabi ni Pedro, “Kung pinaglalaruan man ng Diyos ang mga tao na para bang sila ay mga laruan,” at sinabi mo, “kahit paano pa tratuhin ng Diyos ang tao.” Tinitingnan mo ang iyong sarili bilang isang nilikha, bilang isang tagasunod ng Diyos, at bilang isang miyembro ng sambahayan ng Diyos. Kaya, may pagkakaiba ba sa pagitan ng dalawa? Oo, mayroon. May pagkakaiba! Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng isang laruan at ng isang tao? Ang isang laruan ay wala talagang kabuluhan—wala itong kwenta, isang abang bagay. Tawagin mo itong laruan, o tawagin mo man itong hayop—ganoong uri ng bagay ito. Pero paano naman ang isang tao? Ang isang tao ay may mga kaisipan at may utak; nagagawa niyang magsalita at gumawa ng mga bagay, at kaya niyang gumawa ng mga normal na aktibidad ng tao. Kung ikukumpara sa laruan, may kaibahan ba sa halaga at katayuan ng isang tao? Kung itinuturing mo ang iyong sarili bilang tao, at hindi isang laruan, wala ka bang mga hinihingi pagdating sa pagtrato sa iyo ng Diyos? Ano ang mga hinihingi mo sa Diyos? (Na tratuhin ako gaya ng isang tao.) Paano ka ba dapat tratuhin ng Diyos gaya ng isang tao? Kung ibinahagi sa iyo ng Diyos ang Kanyang mga hinihingi sa sangkatauhan at hiningi sa iyong tugunan mo ang mga ito, magagawa mo ba ito? Kung ipinahayag ng Diyos ang katotohanan at hiningi sa iyong sundin ito, magagawa mo ba ito? Kung hiningi ng Diyos sa iyo na magpasakop sa Kanya at mahalin Siya, kaya mo ba itong gawin? At kung hindi mo magagawa ang alinman sa mga iyon, paano ka matatrato ng Diyos gaya ng isang tao? Kung wala kang anumang konsensiya o katwiran at hindi mo magawa ang mga bagay na dapat gawin ng tao, paano ka matatrato ng Diyos gaya ng isang tao? Kung padalus-dalos lang kumilos ang mga tao, tumatangging tanggapin ang katotohanan at hinuhusgahan pa at kinokondena ang Diyos, ginagawa ang kanilang sarili na mga kaaway Niya, mayroon ba silang pagkatao? Tatratuhin ba ng Diyos ang ganoong uri ng tao bilang isang tao? Tatratuhin ba ng Diyos ang mga Satanas at ang diyablo bilang mga tao? Ang ituring ka bilang isang tao at ang ituring ka bilang isang laruan ay isang usapin ng mga pagkakaiba sa saloobin at pagtrato. Kung itinuturing kang isang tao, anong uri ng pagtrato ang hihingin mo? Na igalang ka, na konsultahin ka, na isaalang-alang ang damdamin mo, na bigyan ka ng sapat na espasyo at kalayaan, at na isaalang-alang ang iyong dignidad at reputasyon. Ganoon tinatrato ang mga tao. Pero paano ang mga laruan? (Wala talagang kabuluhan ang mga ito. Puwedeng sipain ang mga ito.) (Puwede mong gamitin ang mga ito kapag gusto mong gamitin ang mga ito, at ihagis sa isang tabi kapag ayaw mo.) Angkop na sabihin iyon. Ito ang kailangan ninyong sabihin tungkol sa pagtrato sa mga laruan, kaya paano ninyo ilalarawan ang pagtrato sa isang tao bilang isang laruan? (Ginagamit ninyo sila kapag kailangan ninyo sila, at binabalewala lang kapag hindi ninyo kailangan.) Tinatrato ninyo sila nang walang anumang respeto, at hindi kailangang protektahan ang kanilang mga karapatan. Hindi ninyo sila binibigyan ng anumang karapatan, o awtonomiya, o kalayaang pumili. Hindi sila kailangang konsultahin sa mga bagay-bagay, o isaalang-alang ang kanilang dangal, o anumang gaya niyon. Puwede kang maging mabait sa kanila kapag maganda ang pakiramdam mo, pero puwede mo silang sipain kapag hindi. Ganoon ang saloobin tungkol sa isang laruan. Kung tinrato ng Diyos ang mga tao na parang mga laruan, ano ang mararamdaman nila? Mararamdaman pa rin kaya nilang kaibig-ibig ang Diyos? (Hindi.) Pero nagawa ni Pedro na purihin ang Diyos. Anong mga katotohanang realidad ang tinaglay niya na nagpahintulot sa kanyang makamit ang pagpapasakop hanggang sa punto ng kamatayan? Hindi talaga tinrato ng Diyos ang tao na parang isang laruan. Pero nang maabot ng pang-unawa ni Pedro ang antas na ito, naisip niya: “Kung tatratuhin ako ng Diyos sa paraang iyon, dapat pa rin akong magpasakop dito. Kung tatratuhin ako ng Diyos na parang laruan, paanong hindi ako maghahanda at papayag?” Nakamit ni Pedro ang kahandaang ito, ang pagpayag na ito. Ano ang tinutukoy ng pagiging “handa at payag”? (Ipasailalim ang sarili sa mga pamamatnugot ng Diyos at sa lubos na pagpapasakop sa mga ito.) Iyon ang katotohanan tungkol sa pagpapasakop. Hindi ba’t paraan ng pagtrato sa isang laruan ang ibigay ka kay Satanas? Itatapon ka kapag hindi ka kailangan, ibibigay kay Satanas para matukso ka nito at mapagmukha kang hangal. Ano ang naging saloobin ni Pedro? Nagkaroon ba siya ng anumang reklamo? Nagreklamo ba siya sa Diyos? Sinumpa ba niya ang Diyos? Bumaling ba siya kay Satanas? (Hindi.) Pagpapasakop ang tawag dito. Wala siyang anumang reklamo, wala siyang mga pagpapakita ng pagiging negatibo o paglaban. Hindi ba nalutas ang kanyang tiwaling disposisyon? Ito ay perpektong umaayon sa Diyos. Hindi ito usapin ng kung pagtataksilan ba niya ang Diyos o hindi. Usapin ito ng: “Saan man ako ilagay ng Diyos, nasa puso ko ang Diyos; saan man ako ilagay ng Diyos, ako ay sa Kanya. Kahit gawin pa Niya akong abo, mananatili akong sa Diyos. Hindi ako kailanman babaling kay Satanas.” Nagawa niyang maabot ang antas na ito ng pagpapasakop. Madali itong sabihin, pero mahirap itong gawin. Kailangang nagtataglay ka ng katotohanan sa ilang panahon hanggang sa makita mo ang lahat ng ito nang kumpleto at malinaw, sa gayon ay magiging lalong mas madali ang pagsasagawa ng katotohanan. Hindi mo kinakailangang magkaroon ng lubos na kaalaman sa Diyos, ni hindi kinakailangang magbunyag ang Diyos ng isang bagay na partikular sa iyo. Kung kaya mong magkaroon ng wastong saloobin at ng uri ng pagpapasakop na ito, sapat na iyon. Hindi ka dapat magkaroon ng anumang hinihingi para sa pagtrato sa iyo ng Diyos, o hingin sa Kanya na bigyan ka ng eksaktong pamantayan. Kahit umaayon pa ang isang bagay sa katotohanan at isa itong bagay na mayroon dapat ang Lumikha, hindi mo ito dapat hingin. Dapat mong sabihin: “O Diyos, paano Mo man ako tratuhin ay tama. Puwede Mong itulot na ako ay mamatay; puwede Mo akong ipadala sa impiyerno. Paano Mo man ako tratuhin ay ayos lang. Kahit ibigay Mo pa ako kay Satanas, ang Diyos pa rin ang magiging Diyos ko, at mananatili pa rin akong nilikha ng Diyos. Hindi Kita kailanman tatalikuran.” Kapag may ganito kang saloobin, taglay mo ang realidad ng pagpapasakop. “Kung pinaglalaruan man ng Diyos ang mga tao na para bang sila ay mga laruan, ano ang karaingang maaaring magkaroon ang mga tao?” Ang pahayag na ito na ginawa ni Pedro ay napakahalaga para sa inyong lahat! Ito ang pagpapasakop ni Pedro. Kung palagi mong pag-iisipan ang pahayag na ito at kung magkakamit ka ng tunay na pang-unawa at karanasan rito, makikita mong magiging mas madaling magpasakop sa Diyos. Ang mga aspekto kung saan nagrerebelde ang mga tao laban sa Diyos ay mga aspekto kung saan sila ay pinakahindi makatwiran. Kapag hindi nagawa nang maayos ng mga tao ang kanilang tungkulin, kapag wala silang nagampanang anumang totoong trabaho, mas maganda ang ugali nila, at pakiramdam nila ay wala silang karapatang mangatwiran o lumaban sa Diyos. Pero sa sandaling may nagawa na silang kaunting gawain o nakapagtrabaho nang kaunti, pakiramdam nila ay may kaunting puhunan na sila. Gusto nilang mangatwiran sa Diyos, at gusto nila ang mga pagpapala ng Diyos. Nagiging magulo ito. Hindi normal ang katwiran nila—hindi ba’t ubod ng sama niyon? Ganoon kaawa-awa ang mga taong walang katotohanang realidad. Puwede bang maging ayos lang ang sinuman kung hindi siya nagtataglay ng katotohanan? Hindi maiwawaksi ang mga tiwaling disposisyon nang hindi tinatanggap ang katotohanan; ang hindi pagtataglay ng katotohanan ay nangangahulugan na hindi normal ang konsensiya at katwiran ng isang tao. Puwedeng nauunawaan nila ang ilang doktrina, at nakapagsasalita ng mga bagay gaya ng: “Isa akong nilikha at dapat akong magpasakop sa Diyos. Iyon ang katwiran na dapat kong taglayin.” Puwedeng nauunawaan nila ito sa salita, at kaya nilang isigaw ang mga islogan, pero kapag talagang may nangyari, hindi nila ito kayang tanggapin o magpasakop dito kahit na alam na alam nilang pinamatnugutan ito ng Diyos. Bakit ganoon? Dahil mapaghimagsik ang mga tao, hindi nalulutas ang tiwali nilang disposisyon, at kayang-kaya nilang pagtaksilan ang Diyos. Iyon ang realidad ng sitwasyon. Kung hindi nagtataglay ang mga tao ng sapat na katotohanan, magiging ganito kaawa-awa ang kanilang buhay. Hindi ba’t ang mga nagrerebelde laban sa Diyos, na hindi nagagawang magpasakop sa Diyos o tumanggap ng Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos ay mga mananampalataya sa Diyos? Bakit hindi nila kayang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos? Dahil hindi nila tinatanggap o pinananaligan ang katotohanan. Hindi ba’t iyon ay isang katunayan? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao tungkol sa isang partikular na tao: “Mapagmataas at mapagmagaling siya. Kapag may nangyayaring isang bagay, palagi siyang lumalaban. Palagi siyang nagdadahilan at naghahanap ng mali. Hindi siya nananampalataya sa pag-iral ng Diyos, o sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, kaya hindi siya makapagpasakop sa Diyos.” Pero sa kabilang banda, nananampalataya siya na ang mga ito ay pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos; na inihanda ng Diyos ang sitwasyong ito para sa kanya; na gusto ng Diyos na linisin siya at na makamit niya ang katotohanan sa pamamagitan nito. Magagawa ba niyang magpasakop? Magagawa ba niyang tumigil sa pagiging mapaghimagsik, at umiwas sa pagtataksil sa Diyos? Posible bang tanggapin niya ito mula sa Diyos? Hindi, hindi niya kaya. Bakit hindi? Dahil hindi taglay ng tao ang mga katotohanang realidad na ito. Masyadong maliit ang kasalukuyan ninyong tayog. Kaya sa ngayon, hindi kayo sinusubok ng Diyos. Ito ang pangunahing dahilan. Dahil sa sandaling sinubok kayo, ipapakita ninyong lahat ang tunay ninyong pagkatao at matitiwalag kayo, at mapapahalakhak si Satanas. Hindi ba’t iyon ang realidad? Masyadong maliit ang inyong mga tayog ngayon. Kaya ninyong pag-usapan ang tungkol sa doktrina at bigkasin ang mga islogan, at magagawa ninyong makita nang malinaw ang mga problema ng ibang tao, pero hindi ninyo alam ang sarili ninyong kalagayan; hindi ito malinaw sa inyo. Susubukin ba kayo ng Diyos, sa ganyang uri ng kalagayan at tayog? Hindi pa dumarating ang panahon para gawin ang gawain ng pagperpekto sa inyo; hindi kayo nakahanda para rito.

Ang pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ang pinakapangunahing aral na kinakaharap ng bawat isang tagasunod ng Diyos. Ito rin ang pinakamalalim na aral. Kung hanggang saang antas mo nagagawang magpasakop sa Diyos, ganoon kalaki ang iyong tayog, at ganoon kalaki ang iyong pananampalataya—magkakaugnay ang mga bagay na ito. Aling mga katotohanan ang kailangan mong taglayin para maabot ang lubos na pagpapasakop? Una, hindi ka puwedeng humingi ng anuman sa Diyos—katotohanan ito. Paano mo maipapatupad ang katotohanang ito? Kapag may hiningi ka sa Diyos, gamitin mo ang katotohanang ito para pag-isipan at pagnilayan ang iyong sarili. “Ano ang mga hinihingi ko sa Diyos? Naaayon ba ang mga ito sa katotohanan? Makatwiran ba ang mga ito? Saan nagmula ang mga ito? Nagmula ba ang mga ito sa mga sarili kong imahinasyon, o ang mga ito ay mga kaisipan na ibinigay ni Satanas sa akin?” Ang totoo ay wala sa mga bagay na ito. Ang mga ideyang ito ay bunga ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kailangan mong himayin ang mga motibo at pagnanais sa likod ng mga hindi makatwirang hinihinging ito, at tingnan kung akma ba ito sa katwiran ng normal na pagkatao o hindi. Ano ba ang dapat mong hangarin? Kung isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, dapat mong hangaring maging isang tagasunod, tulad ni Pedro. Sinabi ni Pedro, “Kung tatratuhin ako ng Diyos na parang laruan, paanong hindi ako maghahanda at papayag?” Hindi nauunawaan ng ilang tao ang sinabing ito ni Pedro. Tinatanong nila: “Kailan pa tinrato ng Diyos ang mga tao na parang mga laruan at ibinigay tayo kay Satanas? Hindi ko nakita iyon. Naging napakabuti ng Diyos sa akin, napakamapagbigay-loob. Ang Diyos ay hindi ganoong uri ng Diyos. Labis ang pagmamahal ng Diyos sa mga tao, kaya bakit Niya tatratuhin ang mga tao na parang mga laruan? Hindi iyon tugma sa katotohanan. Isa itong maling pagkaunawa sa Diyos at hindi tunay na kaalaman sa Diyos.” Pero saan nagmula ang mga salitang ito ni Pedro? (Nagmula ang mga ito sa kanyang kaalaman sa Diyos, na nakamit matapos dumaan sa lahat ng uri ng mga pagsubok.) Dumaan si Pedro sa napakaraming pagsubok at pagpipino. Isinantabi niya ang lahat ng kanyang mga personal na hinihingi, plano, at pagnanais, at hindi niya hiningi na may anumang gawin ang Diyos. Hindi siya nagkaroon ng mga sarili niyang kaisipan noon, at isinuko niya ang kanyang sarili nang lubos sa Diyos. Inisip niya: “Magagawa ng Diyos ang anumang gusto Niyang gawin. Magagawa Niya akong isailalim sa mga pagsubok, magagawa Niya akong ituwid, magagawa Niya akong hatulan o kastiguhin. Magagawa Niyang magpalitaw ng mga sitwasyon para pungusan ako, magagawa Niya akong pagtimpiin, magagawa Niya akong ihagis sa yungib ng leon o lungga ng mga lobo. Anuman ang gawin ng Diyos, tama ito, at magpapasakop ako sa anumang bagay. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan. Hindi ako magkakaroon ng anumang reklamo o anumang kapasyahan.” Hindi ba’t ito ay lubos na pagpapasakop? Iniisip minsan ng mga tao: “Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan, kaya bakit wala akong nadiskubreng anumang katotohanan sa bagay na ito na ginawa ng Diyos? Tila kahit ang Diyos ay gumagawa ng mga bagay na hindi umaayon sa katotohanan minsan. Nagkakamali rin ang Diyos minsan. Pero kahit ano pa man, ang Diyos ay Diyos, kaya magpapasakop ako!” Ang ganitong uri ba ng pagpapasakop ay lubos? (Hindi.) Ito ay pagpapasakop na may pinipili; hindi ito tunay na pagpapasakop. Kontra ito sa kung paanong inisip ito ni Pedro. Sa pagtrato sa iyo na parang laruan, hindi na kailangang ipaliwanag ang dahilan sa iyo o magmukhang patas at makatwiran sa iyo. Puwede ka naman talagang tratuhin sa anumang paraan; hindi na kailangang talakayin ang mga bagay-bagay sa iyo o ipaliwanag ang mga katunayan at katwiran. Kung hindi maitutuloy ang mga bagay-bagay nang walang pahintulot mo, tinatrato ka na ba nitong parang laruan? Hindi—pagbibigay iyon sa iyo ng kumpletong karapatang pantao at kalayaan, at buong respeto. Pagtrato ito sa iyo bilang isang tao, at hindi bilang isang laruan. Ano ang isang laruan? (Isa itong bagay na walang awtonomiya at walang karapatan.) Pero isa lang ba itong bagay na walang anumang karapatan? Paano maipapatupad ang mga salita ni Pedro? Halimbawa, sabihin na nating medyo matagal-tagal ka nang naghahanap sa isang partikular na paksa, pero hindi mo pa rin naunawaan ang layunin ng Diyos. O, sabihin nating lampas 20 taon ka nang nananalig sa Diyos at hindi mo pa rin alam kung tungkol saan ang lahat ng ito. Hindi ka ba dapat magpasakop sa sitwasyong ito? Kailangan mong magpasakop. At saan nakabatay ang pagpapasakop na ito? Nakabatay ito sa sinabing ito ni Pedro: “Kung tatratuhin ako ng Diyos na parang laruan, paanong hindi ako maghahanda at papayag?” Kung palagi mong hinaharap ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at ginagamit ang mga iyon para sukatin ang lahat ng ginagawa ng Diyos, para sukatin ang mga salita at gawain ng Diyos, hindi ba ito panghuhusga sa Diyos, hindi ba ito paglaban sa Diyos? Akma nga kaya ang lahat ng ginagawa ng Diyos sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao? At kung hindi, sa gayon ba ay hindi mo ito tinatanggap o sinusunod? Sa gayong mga pagkakataon, paano mo dapat hanapin ang katotohanan? Paano mo dapat sundin ang Diyos? Kinapapalooban ito ng katotohanan; dapat maghanap ng sagot mula sa mga salita ng Diyos. Kapag nananalig sila sa Diyos, dapat manatili ang mga tao sa lugar ng isang nilikha. Anumang oras, nakatago man o nagpakita sa iyo ang Diyos, nadarama mo man ang pagmamahal ng Diyos o hindi, dapat alam mo kung ano ang iyong mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin—dapat mong maunawaan ang mga katotohanang ito tungkol sa pagsasagawa. Kung nakakapit ka pa rin sa iyong mga kuru-kuro, na sinasabing, “Kung malinaw kong makikita na nakaayon ang bagay na ito sa katotohanan at nakaayon sa aking mga kaisipan, magpapasakop ako; kung hindi malinaw sa akin at hindi ko makumpirma na ang mga ito ay gawa ng Diyos, maghihintay muna ako sandali, at magpapasakop ako kapag natitiyak ko nang gawa ito ng Diyos,” isang tao ba ito na nagpapasakop sa Diyos? Hindi. Isa itong kondisyunal na pagpapasakop, hindi lubos, at ganap na pagpapasakop. Hindi umaayon ang gawain ng Diyos sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao; hindi umaayon ang pagkakatawang-tao sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at lalong hindi ang paghatol at pagkastigo. Talagang nahihirapan ang karamihan ng tao na tanggapin ito at magpasakop dito. Kung hindi mo kayang magpasakop sa gawain ng Diyos, kaya mo bang tuparin ang tungkulin ng isang nilikha? Talagang imposible iyon. Ano ang tungkulin ng isang nilikha? (Ang lumugar sa posisyon ng isang nilikha, tanggapin ang atas ng Diyos at magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos.) Tama iyon, iyon ang ugat nito. Hindi ba’t madaling solusyunan ang isyung ito? Ang tumayo sa lugar ng isang nilikha at magpasakop sa Lumikha, ang iyong Diyos—ito ang dapat itaguyod ng bawat nilikha. Napakarami ng mga katotohanang hindi mo nauunawaan o nalalaman. Hindi mo maarok ang mga layunin ng Diyos, kaya hindi mo tatanggapin ang mga katotohanan o magpapasakop sa mga ito—tama ba iyon? Halimbawa, hindi mo nauunawaan ang ilang propesiya, kaya hindi mo kinikilala na mga salita ng Diyos ang mga iyon? Hindi mo ito maitatanggi. Ang mga salitang iyon ay palaging mga salitang mula sa Diyos, at nilalaman ng mga ito ang katotohanan. Kahit hindi mo nauunawaan ang mga ito, mga salita pa rin ng Diyos ang mga ito. Kung hindi natupad ang ilang salita ng Diyos, ibig bang sabihin nito na hindi mga salita ng Diyos ang mga ito, na hindi katotohanan ang mga ito? Kung sinasabi mo: “Kung hindi ito natupad marahil ay hindi ito mga salita ng Diyos. Baka nahaluan na ito,” anong uri ng saloobin ito? Isa itong saloobin ng pagrerebelde. Dapat mayroon kang katwiran. Ano ba ang katwiran? Ano ang batayan ng pagkakaroon ng katwiran? Nakabatay ito sa pagtayo sa lugar ng isang nilikha at sa pagpapasakop sa Lumikha, ang iyong Diyos. Ito ang katotohanan; isang walang-hanggan at hindi nagbabagong katotohanan. Kailangan bang nakabatay ang pagpapasakop sa Diyos sa kung alam mo o nauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos, o sa kung ipinakita ba o hindi ng Diyos sa iyo ang Kanyang mga layunin? Kailangan bang nakabatay ito sa lahat ng ito? (Hindi.) Saan ito nakabatay? Nakabatay ito sa katotohanan ng pagpapasakop. Ano ang katotohanan ng pagpapasakop? (Ang pagtayo sa lugar ng isang nilikha at pagpapasakop sa Lumikha.) Ito ang katotohanan ng pagpapasakop. Kailangan mo bang suriin ang tama at mali? Kailangan mo bang isaalang-alang kung tama ba ang ginawa ng Diyos o hindi para makamit ang lubos na pagpapasakop? Kailangan bang malinaw at lubusang ipaliwanag ng Diyos ang aspektong ito ng katotohanan para magpasakop ka? (Hindi, hindi Niya kailangan.) Ano pa man ang ginagawa ng Diyos, dapat mong isagawa ang katotohanan ng pagpapasakop—sapat na iyon. Napakahilig makipag-argumento ng ilang tao at palaging inuudyukan ang mga bagay-bagay. Palagi nilang iniisip: “Hindi ba’t ang Diyos ang katotohanan? Hindi ba’t ang Diyos ang Lumikha? Bakit may ilang bagay na ginagawa ang Diyos na hindi ko maintindihan? Bakit hindi ipaliwanag ng Diyos nang malinaw ang mga bagay-bagay sa akin? Kung hindi Niya ito ipinaliwanag, paano ko ito maisasagawa? Ang dahilan ba kung bakit hindi ko magawang magpasakop dito ay dahil hindi ko ito maintindihan? Hindi ako magkakaroon ng udyok na magpasakop kung hindi ko ito maintindihan!” Hindi ba’t pagrerebelde ito? Kailangan mo ba ang udyok na ito para magpasakop? Hindi mo ito kailangan. Ang kailangan mo lang ay isang simpleng uri ng makatwirang pag-iisip, na ito ay: “Magpapasakop ako sa anumang bagay na mula sa Diyos. Kapag natupad ang mga salita ng Diyos, magpapasakop at magpupuri ako sa Diyos; kapag hindi natupad ang mga salita ng Diyos, mga salita pa rin Niya ang mga ito, at hindi magiging mga salita ng tao dahil lang sa hindi natupad ang mga ito. Ang kailangan ko lang ay magpasakop, nang walang panghuhusga. Ang Diyos palagi ang magiging Diyos ko.” Ganyan mo ilulugar ang iyong sarili bilang isang nilikha. Sa ganitong uri ng katwiran, sa mga katotohanang realidad na ito, minsan pakiramdam mo ay para lang mga laruan o langgam ang mga tao sa paningin ng Diyos, magagalit ka pa rin ba? Mararamdaman mo bang mababa ka? (Hindi.) Hindi mo na mararamdamang mababa ka dahil tinatrato kang tao ng Diyos, at mayroon ka pa ring katayuan sa harapan Niya. Itinaas ka ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit hindi mo nararamdamang mababa ka. Kung hindi ka itinaas ng Diyos, kung palagi ka na lang Niyang pinupungusan, hindi magiging masaya ang pakiramdam mo tungkol dito. Ang hindi pagiging masaya sa ganoong paraan ay isang problemang dapat harapin. Madalas na ganoon ang pakiramdam ng mga tao dahil masyadong marami ang mga paghihirap sa loob nila; palagi silang may mga hinihingi sa Diyos, at palagi nilang iniisip: “Dapat Mo akong tratuhin gaya ng isang tao. Dapat Mo akong igalang at hangaan, na isipin ako at maging maunawain sa aking mga kahinaan. Kailangan Mong maging mapagpasensya. Maliit ang tayog ko, at wala akong pang-unawa. Hindi pa ako nakagawa ng ganitong uri ng gawain noon.” Palagi silang may isang malaking tambak ng mga dahilan at wala talagang pagpapasakop. Matapos ang pagbabahagi ngayon sa katotohanan ng pagpapasakop, mga tunay na katwiran ba ang mga dahilang ito? Walang isang dahilan ang tunay na katwiran. Ang responsabilidad mo, ang obligasyon mo, at ang tungkulin mo ay magpasakop.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.