Mahalaga na Itama ang Relasyon sa Pagitan ng Tao at ng Diyos (Ikalawang Bahagi)

Sa loob ng isipan at mga haka-haka ng buong sangkatauhan, ang pagiging ordinaryong tao ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ang huling maging anyo dapat ng Diyos, dahil ang mga ordinaryong tao ay mababa sa lipunan at kinasusuklaman ng iba, at ang Diyos, na napakataas, ay hindi dapat magkatawang-tao bilang isang taong lubhang hindi kapansin-pansin. Ito ay isang bagay na lubhang salungat sa mga haka-haka ng mga tao. Ang katunayan na nagagawa mong tanggapin at kilalanin na ang Diyos ay iyong Diyos kapag Siya, ngayon, ay naging isang taong hindi kapansin-pansin, ay patotoo na mismo. At dahil doon, ano ang posibleng makaimpluwensiya o makapinsala sa iyong normal na relasyon sa Diyos? Wala. Taglay ang isipang ito, ang magawang kilalanin si Cristo bilang iyong Diyos ay isang pinakamahahalagang batayan sa pagsukat ng relasyon sa pagitan mo at ng Diyos. Maraming taong naniniwala sa Diyos ngunit hindi kinikilala na ang Diyos ang katotohanan, at magagawa ba ng mga hindi kumikilala na ang Diyos ang katotohanan na kilalaning ang Diyos ang kanilang Diyos? Ano ba talaga ang klase ng relasyon sa Diyos ng mga taong hindi kumikilala na ang Diyos ang katotohanan? Nagagawa ba nilang tunay na sundin ang Diyos? Hindi ba nila magagawang suwayin ang Diyos? Dapat mong makita nang malinaw ang mga bagay na ito. Ikaw at ang Diyos na nagkatawang-tao ay kapwa may hitsurang tao, kaanyuang tao, mga kinahihiligan ng tao, wika ng tao, at pareho kayong naninirahan sa mundo ng tao. Ngunit nagagawa mong itama ang iyong posisyon, napag-iiba mo ang iyong katayuan at ng sa Diyos, at naitatama mo ang iyong relasyon sa Diyos. Hindi ka dapat lumagpas sa relasyong ito, at hindi ka dapat lumampas sa hangganan nito. Kung maaabot mo ang tayog na ito, para sa Diyos, sapat ka na, at walang puwersa ang makasisira sa relasyon mo sa Diyos. Ito ang dapat na pinakamatatag na relasyon sa lahat, at maaabot na ang pamantayan. Kung ang iyong relasyon sa katawang-lamang ito ay hindi umangat sa antas ng relasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos, kung wala ka ng gayong relasyon, kapag sinasabi mong, “Maganda ang relasyon ko sa Diyos na nasa langit, at ito’y isang napakanormal na relasyon,” totoo ba ito? Hindi. Sinasabi mo na mayroon kang magandang relasyon sa Diyos, ngunit sino ba ang nakakita na nito? Saan ito ipinakita? Wala itong matibay na batayan. Dahil nabubuhay ang mga tao sa kanilang laman at hindi nakakapasok sa espirituwal na mundo o nakakalapit sa Diyos, paano sila makikipag-ugnayan kung gayon sa Espiritu ng Diyos? Sa ngayon, kaya ba ninyong magkaroon ng normal na relasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos kasama ang Diyos na nagkatawang-tao? (Hindi.) Saan kayo nahihirapan? Maraming katotohanan ang hindi naiintindihan ng tao. Ano ang kahulugan ng hindi naiintindihan ng tao? Nangangahulugan ito na ang sangkatauhan, na tiwali, ay may mga pananaw at opinyon na hindi umaayon sa mga pananaw at opinyon ng nagkatawang-taong Diyos sa maraming paraan, na ang mga prinsipyong sinusunod ng mga tao kapag hinaharap ang mga bagay ay hindi umaayon sa mga prinsipyo ng Diyos na nagkatawang-tao, at na marami pa ngang haka-haka at imahinasyon ang tao tungkol sa Diyos. Ang mga problemang ito ay hindi pa rin nalulutas. At saan naroroon ang ugat ng mga problemang ito? Ano ang mga salik na nakakaimpluwensiya sa relasyon sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan? Ito ay ang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan. Samakatuwid, ang sangkatauhan ay pumapanig pa rin kay Satanas, nabubuhay nang umaasa sa lason ni Satanas, at ang disposisyon at diwa ni Satanas ang isinasabuhay ng mga tao. Ang diwa ng Diyos ay katotohanan. Ang kanyang diwa ay hindi mababago. Kaya sino ang dapat magbago upang makamtan ang pag-ayon sa Diyos? Siyempre, ang sangkatauhan; tiyak ito. Kung gayon, paano dapat magbago ang sangkatauhan? Kailangan nilang magpasakop sa gawain ng Diyos, tanggapin ang katotohanan, tanggapin ang paghatol at pagkastigo, at tanggapin ang pagpupungos. Ito lamang ang landas ng tao para makaayon sa Diyos. Kapag tinahak mo ang landas na ito, saka mo lamang unti-unting mauunawaan ang katotohanan, maiwawaksi ang iyong tiwaling disposisyon, at matitingnan kapwa ang mga tao at ang mga bagay ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Sa ganitong paraan, ang mga prinsipyong sinusunod mo sa iyong pagkilos, ang perspektiba mo sa pagtingin sa mga bagay-bagay, ang pananaw mo sa buhay at ang iyong mga pinahahalagahan ay aayon na lahat sa Diyos. Ang mga hadlang sa pagitan mo at ng Diyos ay mababawasan nang husto, hindi na magkakaroon ng mga kontradiksiyon, unti-unting mababawasan ang pag-aaral mo sa Diyos, likas na lalago ang iyong pagsunod, at unti-unti kang lubos na magiging kaayon ng Diyos.

Natatakot ba kayong makipag-ugnayan sa Akin? (Hindi.) Maaaring hindi kayo natatakot, ngunit Ako ay natatakot. Ano ang ikinatatakot Ko? Napakaliit ng inyong tayog, at maraming katotohanang hindi ninyo nauunawaan, at sa ilang bagay na Aking ginagawa at sinasabi, kailangan kong isaalang-alang kung kaya bang makasabay ng inyong tayog. Hindi Ko masasabi o magagawa nang direkta ang mga iyon, ngunit kailangan Ko kayong bigyan ng sapat na puwang, gayon din ng sapat na panahon, para pagdaanan at maranasan ang mga katotohanang iyon. Pagkatapos, maghihintay Ako. Hihintayin Kong maunawaan ninyo ang mga katotohanang iyon, na tanggapin ninyo nang unti-unti ang mga iyon, lumago ang inyong tayog, pagkatapos ay susubukan Kong muli, nang paunti-unti, na lapitan kayo. Pagkatapos ay oobserbahan Ko kayo at titingnan Ko kung lumago na ba ang inyong tayog. Kung lumago na kayo, may kaunti pa Akong sasabihin sa inyo; kung maliit pa rin ang inyong tayog, lalayo pa Ako nang kaunti. Bakit Ko kailangang lumayo nang kaunti sa inyo? Kung masyado Akong lalapit sa inyo at napakarami kong hihilingin sa inyo, nang masyadong nagmamadali, masasayang lamang ang lahat. At kung masasayang ang lahat dahil sa pagmamadali, ano ang mga kahihinatnan nito? Baka mapanganib ang mga ito, nang higit pa sa matitiis ninyo. Sa sitwasyon ng mga bagay-bagay ngayon, hindi lamang tayo hindi magkakasundo at magkakaayon sa ating pag-uugnayan, kundi maaaring malayo pa nga tayong magkaroon ng tunay na ugnayan. Kung igigiit Ko na madalas na makipag-ugnayan sa inyo o mamuhay sa piling ninyo, tuturuan kayo sa bawat aspeto ng mga bagay-bagay patungkol sa inyong tungkulin, mahihirapan kayo. Mararamdaman ninyo na nagdurusa kayo sa sitwasyong iyon. Hindi ba ito magiging isang bagay na kailangan Kong tiisin? At sa pagtitiis dito, magdurusa ba Ako? Kailangan Ko ring magdusa. Kung ang pagdurusang iyon ay para sa inyong kapakinabangan, kung magpapabilis ito sa inyong pag-usad, wala Akong pakialam kung magdusa Ako nang kaunti. Titiisin Ko lang ang iba pa, babawasan Ko ang pagsasalita, magiging mas maluwag Ako at hihintayin Ko pa kayo nang kaunti, nang may kaunting pasensiya. Hindi ito makakaabala. Kung nagtiis kayo ng ilang bagay bago sumapit ang oras, magkakaroon kaya iyon ng mga resulta, kahit paano? Marahil sa ilang espesyal na tao, yaong mga maaaring nakakaunawa sa katotohanan at nagtataglay kapwa ng konsiyensiya at muwang, na patas at makatwiran, at, bukod pa riyan, lubos na nagmamahal sa katotohanan, na maaaring matiyagang hangarin ang katotohanan, at, sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi sila nagkokompromiso sa kanilang pagmamahal at paghahangad ng liwanag at mga positibong bagay—mga taong katulad ni Pedro, na aktibo at positibo sa paghahangad sa katotohanan—mga taong may gayong pagkatao lamang, gayong hangarin, at gayong pagtanggap ang maaaring magdaan sa gayong pagdurusa nang maaga. Mayroon bang sinuman sa inyo na nakapapasa sa mga pamantayang ito? (Wala.) Kung gayon, ikinalulungkot Kong sabihin na kakailanganin nating panatilihin ang ating distansiya, upang hindi kayo magdaan sa gayong pagdurusa nang wala sa oras. Kaya, kailan ninyo ito pagdaraanan? Kapag lumago na kayo sa isang partikular na tayog, likas na magsasaayos ang Diyos ng mga sitwasyon, tao, pangyayari, at bagay para sa inyo. Katulad lamang ito ng kay Job: Nang lumago siya sa isang partikular na tayog, humarap si Satanas sa Diyos na may akusasyon laban kay Job, at pinayagan ng Diyos si Satanas na tuksuhin si Job, na isailalim si Job sa tukso, na nagresulta sa pagkakawala ng buong kayamanan ni Job. Malayo ba ito sa inyo? Gaano kalayo? Ang isang panig nito ay depende sa inyong hangarin; ang kabilang panig ay depende sa mga hinihingi ng gawain ng Diyos, sa tiyempo na Kanyang itinatag sa Kanyang plano. At anong tiyempo iyon? Ito ay kapag dumating ang oras na iyon na ang mga tao ay nasangkapan na ng lahat ng katotohanan at nauunawaan na nila ito. Subalit kung wala pa rin doon ang tayog ng ilang tao, ano ang dapat gawin? Pagdating ng tamang oras, kikilos ang Diyos. Palagay mo ba ay makakapagtago ka? Walang sinumang makalulusot sa sandaling ito. Ito ay tinatawag na inspeksiyon sa gawain ng tao, at lahat ay kailangang magdaan dito. Walang sinumang maaaring makaraan nang maaga, at walang sinumang mapag-iiwanan. Ang ibig sabihin ng “walang sinumang maaaring makaraan nang maaga” ay na kung wala roon ang tayog ng isang tao, at hindi nila gaanong narinig ang katotohanan, kapag hiniling ng taong iyon sa Diyos na subukan siya, hindi gagawin iyon ng Diyos. Walang hindi kasali rito, sapagkat pantay-pantay ang tingin ng Diyos sa lahat, at binibigyan Niya ang lahat ng pantay na mga oportunidad, at pare-pareho ang ibinibigay at ginagawa Niya para sa lahat. Kaya ngayon, hindi ba’t kapaki-pakinabang sa inyo ang tayog na taglay ninyo at ang pag-aayon Ko ng gayong saloobin sa inyong kalagayan? (Kapaki-pakinabang ito.) Tama lamang ito para sa inyo, ito mismo ang kailangan ninyo ngayon. Habang normal ninyong ginagawa ang inyong mga tungkulin sa bawat aspeto, tinutustusan din kayo ng mga katotohanang kailangan ninyong taglayin at maunawaan, nang wala ni katiting na pagkaantala, upang mabigyan kayo ng panustos at tulong, nang napapanahon at naaayon sa panukat. Pagkatapos, habang isinasagawa ninyo ang inyong tungkulin, unti-unti ninyong inuunawa, isinasaloob, at dinadanas ang mga katotohanang ito, at tinutuklas ang mga prinsipyo ng katotohanan at ang landas ng pagsasagawa; paunti-unti, maiintindihan ninyo ang kalooban ng Diyos, at sa gayon ay maitatama ang relasyon ng tao at Diyos at ookupahin ninyo ang katungkulan ng isang nilalang, na manungkulan sa inyong posisyon at maging matatag sa inyong tungkulin. At pagkatapos nito, maaaring may ilang taong magdaraan, sa mga pagsubok at pagpipino nang hindi ito nalalaman. Kailan mangyayari iyon? Sasabihin Ko sa inyo, sa isang pangungusap na naaangkop: Darating ang mga pagsubok ayon sa plano. Maaaring medyo abstrakto ito, ngunit para sa Diyos, ganyan talaga ito. Kapag dumating ang oras para kumilos ang Diyos, hindi ka makapagtatago, gaano mo man sikapin. Ano ang gagawin Ko ngayon? Mananatili Ako sa kinalalagyan Ko, manunungkulan sa Aking posisyon, at gagawin ang Aking gawain, nang hindi nagmamabagal ni nagmamadali, kundi gagawin ang Aking gawain ayon sa tamang pagkakasunud-sunod. Bukas ang lahat ng inyong landas patungo sa kaligtasan—hindi Ko sasarhan ang mga iyon, lalo nang hindi Ko kayo aantalahin.

Mayroon bang nag-aalala kaya’t nagtatanong na: “Sa pagsunod sa Iyo, maliligtas ba kami?” Marahil ay hindi naisip ng ilang tao kailanman ang tanong na ito, ngunit hindi iyon kapareho ng hindi pagkakaroon ng anumang pagdududa, at maaaring umiiral pa ang pagdududang ito. Kaya, sasabihin Ko sa iyo ang isang bagay na totoo: Hindi mo kailangang mag-alala. Ako muna ang dapat mag-alala bago ka; Ako ang higit na dapat mag-alala, ngunit hindi Ako nag-aalala kailanman, kaya ano ang ipinag-aalala mo? Hindi ba masyado kang nag-aalala? Masyado kang nag-aalala nang hindi naman kailangan. Hindi Ako nag-aalala tungkol sa bagay na ito dahil hindi Ako ang responsable rito. Hindi ba magandang bagay iyan? Kaya, sino ang mananagot dito? Sabi ng ilan, “Napaka-iresponsable Mo naman para sabihin iyan! Kung hindi Ikaw ang responsable, sino?” Hindi Ko kailangang maging responsable rito dahil hindi Ako kailanman nagkaroon ng gayong mga alalahanin. Hindi Ko kailangang mag-alala, hindi Ko kailangang siyasatin ang bagay na ito. Kung mag-aalala Ako, sasabihin Kong, “Ah! Hindi Ko maaaring pasanin ang inyong mga kahihinatnan at hahantungan! Kailangan Kong pag-aralan at suriing mabuti ang bawat hakbang na gagawin Ko at bawat salitang sasabihin Ko, at kumilos pagkatapos Kong makita ang mga resulta ng mga ito,” magiging pabaya Ako kung ganyan. Subalit hindi Ako nag-alala kailanman; hindi Ko sinisiyasat kung saan maaaring humantong ang isang bagay. Bakit ganito? Sabi ng ilan, “Naunawaan Mo na ang bagay na ito.” Hindi. Sa pangkalahatan, masasabi lamang na nasiyasat na ng isang tao ang isang bagay matapos nilang isailalim ito sa pagsisiyasat at pagsusuri, ngunit likas na hindi Ko sinisiyasat kailanman ang bagay na ito, tulad lamang ng hindi pagsisiyasat ng isang tao kung bakit niya kamukha ang kanyang mga magulang. Likas Kong hindi sinisiyasat ang gayong mga bagay—hindi umiiral ang mga ito sa Aking isipan. Magandang resulta ang hindi siyasatin ang mga bagay-bagay, kaya dapat bang hindi ninyo matutuhan kung paano gawin ito? Maaaring sabihin ng ilan, “Likas Mong hindi sinisiyasat ang mga bagay-bagay. Paano naman namin matututuhang gawin iyon? Hindi iyon isang bagay na kaya naming matutuhan!” May isang bagay rito na kailangan ng kaunting pagbabahaginan. Ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ang pagkakaroon Niya ng katawan, ang Kanyang pagiging tao—kung paano talaga nagkaganito ang taong ito ay isang prosesong hindi na kailangang siyasatin. Sa madaling salita, naging tao ang Diyos. Mayroon bang hiwaga sa ginagawa ng Diyos sa katawang-taong ito at kung paano Siya nagpapakita? (Mayroon.) Kailangan ba ng pagsasaliksik sa bagay na ito? Hindi nito kailangan ang pagsasaliksik, kundi ang paghahanap ninyo ng katotohanan nito. Ano ang katotohanan nito? Naiintindihan ba ninyo ito? Pinag-isa ang diwa, katayuan, at misyon ng isang tao. Ang kanyang misyon ang kanyang diwa, ang likas sa kanya; ang kanyang isinasabuhay, ang kanyang inihahayag, ang handa niyang gawin, at ang pumupuspos sa kanya—iyon ang kanyang diwa, gayundin ang likas sa kanya at ang misyon niya, na maaaring pawang bumubuo sa pag-iisa. Ano ang sinasabi nito sa inyo? May isang katunayan dito na dapat ninyong makita, hindi maipagkakaila ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Nagpapahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan, at habang lalong binabasa ng tao ang mga ito, lalo nilang mauunawaan ang mga ito; habang lalo nilang binabasa ang mga ito, lalo nilang madarama na katotohanan ang mga ito; at habang lalo nilang nararanasan at isinasagawa ang mga ito, lalong sumisigla ang kanilang puso, at habang nangyayari ito, lalo ring nagiging normal ang kanilang relasyon sa Diyos. Kailangan ba talaga itong saliksikin? Saliksikin mo man ito hangga’t gusto mo; hindi mo mauunawaan kung ano ang katotohanan sa pamamagitan ng pagsasaliksik. Ang pag-unawa sa katotohanan ay nakasalalay sa karanasan. Habang nagtatamo ng mas maraming karanasan ang isang tao, likas niyang nauunawaan kung tungkol saan ang katotohanan, at, kapag naunawaan na niya ang katotohanan, likas siyang magkakaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos. Kaya nga sinasabi Ko na ang pagkakamit ng kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos ay nakasalalay sa pag-unawa sa katotohanan. Hindi mahal ng ilang kakatwang tao ang katotohanan at hindi nila kailanman isinagawa ito, at mula nang maniwala sila sa Diyos, pinag-aaralan na nila ang Diyos. Mag-aral man sila hangga’t gusto nila, magtatamo ba sila ng kaalaman tungkol sa Diyos sa ganitong paraan? Imposible ito. Ilang milenyo nang pinag-aaralan ng relihiyosong mundo ang Diyos at wala ni isang tao ang tunay na nakakilala sa Kanya. Naniniwala sila sa Diyos sa loob ng maraming taon, at sa huli, ang tanging nasasabi nila ay “Naniniwala ako nang lubusan na mayroong Diyos.” Mga salita ba iyon ng isang taong kilala ang Diyos? Pinag-aaralan mo pa rin ba ang Diyos ngayon? Ilang taon mo na ba Siyang pinag-aaralan? Nagkaroon na ba ng anumang resulta ang iyong pag-aaral? Sinasabi Ko sa iyo: Ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi sinasaliksik kailanman kung sino Siya, at wala ring iba pang tinig sa Kanya, kundi iisa lang. Sa tingin ng tao, lahat ng Kanyang iniisip, isinasabuhay, at ginagawa ay isip at kilos ng isang tao, at pakiramdam din Niya sa Sarili na Siya ay isang taong kumikilos at nag-iisip. Ano ang nangyayari dito? Sa Kanya, may iisa lamang na buhay at wala nang iba pa. Kaya, ano ang diwa ng buhay na ito? Maaaring hindi ito maunawaan ng isang tao kung ang panlabas ang titingnan, iniisip na buhay lamang ito ng isang ordinaryong tao, ngunit kung titingnan ito ayon sa Kanyang misyon at sa diwa ng gawaing Kanyang ginagawa, paanong nasa Kanya ang anino ng Diyos? Karapat-dapat itong unawain. Karapat-dapat alamin at malalim na siyasatin kung sino talaga ang pisikal na katawang ito, na may anino ng Diyos at mga pagpapakita ng diwa ng Diyos. Normal ba, kung gayon, na hindi alam ng pisikal na katawang ito kung bakit Siya ang taong gayon, o kung sino Siya sa diwa? Normal na normal ito; hindi ito supernatural. Sasabihin ng ilan, “Hindi supernatural? Mukhang hindi iyan ang Diyos. Ang Diyos ay dapat maging supernatural!” Saan nagmumula itong “dapat?” Nagmumula ito sa mga haka-haka at imahinasyon ng mga tao. Sa katunayan, ano ang unang pagkilos, ang unang inasal ng Diyos na alam ng tao, na may impresyon ang tao? Sa simula, nilikha ng Diyos ang langit at lupa at lahat ng bagay, at sa ikaanim na araw, kumuha Siya ng kaunting putik at mula rito, lumikha ng isang tao, na pinangalanan Niya ng Adan. Pagkatapos, pinatulog Niya si Adan at kinuha ang isang tadyang mula sa katawan nito, at gumawa Siya ng isa pang tao mula roon, si Eba. Kung titingnan ang buong pagkakasunud-sunod ng mga kilos at asal ng Diyos, hindi ba mayroon itong partikular na kahulugan? Ang bawat kilos ay tunay na tunay, hindi tumutugma ang mga ito sa Diyos na ayon sa imahinasyon at haka-haka ng mga tao. Higit ito sa mga imahinasyon ng tao tungkol sa supernatural. Kaya ngayon, kapag nakaugnayan ng mga tao ang Diyos na nagkatawang-tao, at narinig ang mga salitang Kanyang sinasambit, at nakita ang lahat ng Kanyang ginagawa, pagkatapos ay ikinumpara ang mga bagay na iyon sa aktuwal na mga kilos at asal ng Diyos nang likhain Niya ang tao sa simula, mayroon bang mga pagkakaiba roon? Mayroon bang hindi magkakapareho? Maaaring mayroon, dahil hindi mo pa nakikita ang mga kilos na iyon. Gayunman, para praktikal itong tingnan, kapag ikinumpara ng isang tao ang paraan at pinagmulan ng mga binigkas ng Diyos sa simula sa paraan at pinagmulan ng Kanyang pagsasalita ngayon, walang pundamental na pagkakaiba. Bakit Ko sinasabing “pundamental”? Ang salitang “pundamental” ay may kahulugan. Ano ang kahulugan ng “pundamental” dito? Nangangahulugan ito na sa puso ng tao, may isang elementong supernatural sa mga tunay na bagay na iniisip ng tao na ginagawa ng Diyos at iniisip ng tao na paraan ng pagsasalita ng Diyos, samantalang ang paraan at sistema at tono ng pananalita ng Diyos na nakikita at naririnig ng tao ngayon ay totoo naman, kayang maintindihan at makita, nang walang elementong supernatural at walang puwang para sa mga imahinasyon ng tao. May distansiya sa pagitan ng dalawang bagay na ito, at ang distansyang iyon sa huli ay pundamental na kapareho ng inyong pananaw. Diyan nagmumula ang “pundamental” na iyon.

Kailangan bang iparating ang pinakatotoo at marubdob na mga salitang ito sa inyo ngayon? (Oo.) Bakit kailangang sabihin ang gayong mga bagay? Palaging nadarama ng maraming tao na ang mga bagay na ito tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao ay mahiwaga, hindi maarok, at lagi nilang gustong pag-aralan ang mga ito. Ang pag-aaral sa mga bagay na ito ay nakasasagabal sa iyong relasyon sa Diyos. Mapapasok mo pa rin ba ang katotohanan kung lagi mong pinag-aaralan ang Diyos? Kung lagi mo Siyang pinag-aaralan, hindi mo tatanggapin ang Kanyang mga salita bilang ang katotohanan, at ang iyong relasyon sa Kanya ay magiging baluktot, lihis, at abnormal. Kaya, paano mo magagawang mas normal ang inyong relasyon? Sa pagturing na normal ang lahat ng Kanyang ginagawa, pati na ang Kanyang pisikal na katawan, at unti-unting paghahangad na tanggapin Siya sa puso mo. Tanggapin Siya sa lahat ng aspeto—ang paraan at tono ng Kanyang pananalita, at maging ang Kanyang anyo, ang Kanyang hitsura. Kailangan mong tanggapin ito. Kung hindi, bagkus ay lagi mo Siyang pinag-aaralan, pinag-aaralan ang kung anu-ano, sa huli, ang makakakuha ng pinakamalala at daranas ng kawalan ay ikaw. Ang katunayang ito, na pinapangyari ng Diyos, ay hindi magbabago. Naglunsad na ang Diyos ng bagong kapanahunan, at iimpluwensiyahan Niya ang lahat ng ito at pamumunuan ang lahat ng ito. Ang katunayang ito ay hindi magbabago. Kaya, ano ang dapat maging pasya ng isang tao sa bagay na ito? Hindi ang pag-aralan Siya, kundi ang tanggapin at kilalanin Siya, at walang-humpay na ituwid ang kanyang relasyon sa Diyos, at ipaalala sa kanyang sarili sa lahat ng oras: “Ako ay isang nilalang, at ako ay kabilang sa tiwaling sangkatauhan; ang Diyos ay isang ordinaryong tao sa panlabas, ngunit ang diwa sa Kanyang kalooban ay sa Diyos. Ang katunayan na Siya ang Diyos ay hindi maikakaila; anuman ang panlabas na nakikitang Kanyang ginagawa, anuman ang Kanyang sinasabi, at paano man Siya kumikilos ay hindi saklaw ng aking pag-aaral. Ito ang katwiran na dapat kong taglayin, at ito ang katungkulang dapat kong okupahin.” Nakausap Ko na kayo ngayon nang kaunti tungkol sa Aking Sarili, upang magkaroon kayo ng pagkaunawa at kalinawan tungkol sa mga bagay na ito, at upang hindi kayo laging nalilito tungkol sa mga ito, na para bang may itinatago Ako na ayaw Kong malaman ninyo. Ang totoo, wala Akong mga sikreto na hindi Ko masasabi sa inyo. Ito ang iniisip Ko, at ito ang itinakda Kong gawin. Walang anumang abstrakto rito, ni walang anumang mahiwaga. Kung ano ang nakikita ninyo sa Akin ay iyon Ako, at kung ano Ako kapag hindi ninyo Ako nakikita ay iyon din Ako. Ganito talaga ito. Subalit may isang bagay na kailangan ninyong maunawaan: Anumang mga katunayan at panlabas na penomeno ang nakikita ninyo sa inyong harapan, kung hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan, ituturing mong katotohanan at katunayan ang mga penomenong iyon; at kung nauunawaan mo nga ang katotohanan, malalaman mo ang diwa at ang katotohanan sa pamamagitan ng mga penomeno at mga panlabas na pangyayaring iyon, kaya ang iyong relasyon sa Diyos ay lalong magiging normal. Para sa iyo, hindi magbabago ang pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos kailanman. Siya ang Lumikha, ang Siyang makapangyarihan sa lahat. Nakatakda na ito. Isa kang nilalang, at kung lagi mong pag-aaralan ang pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao, may problema ka. Mawawala na ang iyong relasyon sa Diyos, ibig sabihin ay mawawala na ang iyong relasyon sa Lumikha bilang isang nilalang. Hindi na kailangang idetalye pa ang mga kahihinatnan nito. Napakasama ng mga kahihinatnan nito. Maaaring mangyari ang kahit ano dahil dito—maaaring mangyari ang anuman. Kung wala ang relasyong ito, wala na tayong magiging komunikasyon. Malinaw ba ito? Kung pananatilihin natin ang ating malalapit na relasyon, pananatilihin ang ating relasyon, ano, kung gayon, ang nararapat na maging pagkakakilanlan ng tao? (Yaong sa isang nilalang.) Yaong sa isang nilalang magpakailanman. Iyan lamang ang paraan para magkaugnayan tayo, ang tanging paraan para umiral ang isang tunay na relasyon. Kung hindi mo aaminin na isa kang nilalang, wala talaga tayong anumang relasyon. Hindi ako makikipag-ugnayan sa iyo, ni hindi Ko nanaising makilala ka. Walang magbibigkis sa atin. Hindi Ako makikialam sa iyo. Mamuhay ka ayon sa nais mo—wala Akong kinalaman diyan. Hindi mo Ako kailangang pag-aralan o kondenahin. Ang Aking pagkakakilanlan, katayuan, at lahat ng Aking ginagawa ay hindi mga bagay na makakaya mo, bilang isang ordinaryong tao, na kondenahin o gawan ng mga konklusyon. Hindi ang tao ang humahatol sa lahat ng ito, kundi ang Diyos. Simpleng paliwanag na ito, hindi ba? Hindi ba’t ito ang katotohanan? (Ito nga.) Kaya, ano ang katotohanang dapat maunawaan ng mga tao rito? Sa anong batayan, sa anong pundasyon maaaring magkaroon ang isang tao ng normal na relasyon sa Diyos? Kailangan nilang malaman na sila ay isang nilalang. Kung kikilalanin mo na isa kang nilalang at may gayong pundasyon, habang sumusulong ka, magkakaroon ng maraming bagay na kung saan hindi ka maliligaw. Gayunman, kung gusto mo na lagi Siyang pag-aaralan, at hindi mo uunawain ang relasyon mula sa pananaw ng isang nilalang, magiging magulo ang mga kahihinatnan, masyadong hindi kaaya-aya para mapagnilayan. Nauunawaan mo ito, hindi ba?

Sabi ng ilan, “Kung hindi ko aaminin na isa akong nilalang, wala ba tayong magiging ugnayan sa isa’t isa? Hindi ba natin kilala ang isa’t isa? Kung walang relasyon sa antas na iyon, maaari tayong maging magkabarkada, magkaibigan, magkamag-anak—tama ba?” Hindi. Wala Akong “mga kabarkada,” ni wala Akong mga kaibigan, at tiyak na wala Akong gayong mga kamag-anakan. Nagtanong ang isang tao na, “Kung gayon ay sino ang mga tunay mong kamag-anakan? Sila ba ang Iyong pamilya?” Hindi. Wala akong mga kamag-anakan, ni wala Akong mga kasamahan. Wala Akong mga tauhan at walang mga katulong. Para sa Lumikha, ang tanging mga bagay na mayroong relasyon sa Kanya ay ang mga nilikha. Sa buong sangkatauhang nilikha, sa lahat ng nilalang, iisa lamang ang pagkakakilanlan ng Diyos—yaong sa Panginoon ng Paglikha. Iyan lamang ang tanging relasyon. Kung may magtanong, “Medyo maganda ang ating relasyon. Hindi ba tayo maaaring maging magkaibigan? Hindi ba tayo maaaring maging magkakilala?” Hindi. Hindi kita kilala; hindi Ko alam kung sino ka. Bakit kita kakaibiganin? Wala tayong gayong relasyon. Sabi nila, “Nagsasalita Ka agad nang tapos, hindi ba? Wala Ka bang habag?” Ganito ito katiyak. Hindi Ko kailangan ang gayong mga relasyon. Lahat ng ginagawa at sinasabi Ko ay ibinibigay para tustusan ang mga posibleng target na tustusan—at sino ang mga iyon? Sila ang nilikhang sangkatauhan, ang sangkatauhang nagmamahal sa katotohanan; sila ang target na iligtas ng Diyos, at ito lamang ang relasyon na mayroon. Maliban sa relasyong ito, wala na Akong kinikilala pang isang uri ng relasyon. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Maaaring sabihin ng ilan, “Mahirap Kang pakisamahan!” Hindi naman sa mahirap Akong pakisamahan, kundi walang paraan para umiral ang gayong relasyon. Kaya, walang dapat magsabing, “Ilang taon na akong nakikipag-ugnayan sa Iyo. Hindi ba tayo magkaibigan?” Kung kinikilala mo na isa kang nilalang, napakalapit ng ating relasyon, ang pinakamagandang relasyon, ang pinakalehitimo at pinakadalisay na relasyon. Sabi ng ilan, “Naglingkod na ako sa Iyo nang napakaraming taon. Hindi ba tayo magkakilala nang husto? Hindi ba’t ako ang pinagtitiwalaan Mo, ang malapit Mong kaibigan?” Hindi. Wala Akong malalapit na kaibigan. Sabi ng ilan, “Lagi Mong sinasabi sa akin kung ano ang gusto Mong isuot at aling mga tao ang gusto Mo, at nagsasabi rin ako sa Iyo. Wala tayong hindi pinag-uusapan, kaya hindi ba tayo magkaibigan?” Hindi. Hindi Ako nakikipagkaibigan sa mga tao. Wala Akong mga kaibigan. Kung isa kang nilalang, mayroon tayong pag-uusapan; maaari tayong mag-ugnayan, at magtatag ng relasyon, at magkaroon ng mabuting samahan. Ngunit magkaibigan ba tayo kapag naging mabuti ang samahan natin? Hindi. Ang relasyon sa pagitan ng mga nilalang at ng Lumikha ay hindi nagbabago kailanman. Kinupkop at prinotektahan Ako ng ilang tao, at dahil doon, iniisip nila na may karapatan sila, na sila ang mga sumagip sa Akin. Hindi ganoon ang nangyari; lahat ay isinaayos ng Diyos. At kung sakaling itanong nila, “Hindi ba’t wala Kang utang na loob?” paano ipapaliwanag ang pahayag na iyon? Kung hindi malinaw na nakikita ng isang tao ang isang bagay, hindi niya iyon basta-basta magagamitan ng mga tuntunin. Ang paggawa niyon ay madaling hahantong sa paghatol. Kung alam mo na isa kang nilalang, paano mo dapat ituring ang bagay na ito? Kung ipapamukha mo ang relasyong ito para puwersahin Ako, o maging malapit sa Akin o sumipsip sa Akin, sinasabi Ko sa iyo, nagkakamali ka. Huwag mong subukang gawin ito, at kung susubukan mong sumipsip sa Akin, mayayamot Ako sa iyo. Itinatanong ng ilang tao, “Hindi Mo ba titiisin iyon?” Hindi. Maling subukan ng mga tao na sumipsip sa Akin—hindi ito bumubuo ng normal na relasyon. Maaaring sabihin ng ilan, “Bata pa ako, maayos ang hitsura, at magaling magsalita. Hindi ba gusto ng Diyos ang mga taong katulad ko?” Hindi ka dapat magsalita nang ganito. Kung mayroon kang gayong mga iniisip, maaari mong hanapin ang mga sagot sa mga salita ng Diyos. Huwag mo Akong inisin nang gayon kahit kailan. Malinaw ba? Wala nang ililinaw pa iyan. Kaya, paano ninyo ito dapat tanggapin? (Ang tanging relasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos ay yaong sa isang nilalang at sa Lumikha.) Tama. Kailangang itama ng tao ang kanyang katungkulan. Huwag ipagmalaki, kahit kailan, ang inyong mga kwalipikasyon, o umasa sa inyong senyoridad, o makipaglaro, at huwag gumamit ng anumang pilosopiya sa pamumuhay sa pagtatangkang baguhin ang inyong identidad o ang inyong relasyon sa Diyos. Huwag subukan iyon, anuman ang sitwasyon; kundi masusupla kayo. Huwag sumali sa gayong walang-saysay na pakikibaka. Walang silbi ito! Bakit ba palaging bumabalik ang mga tao sa dati nilang gawi? Pagkatapos ng pag-uusap ngayon, hindi naman siguro magkakamali uli ng pagkaintindi ang karamihan sa inyo, hindi ba? (Hindi.) Nakakabawas iyan sa pag-aalala Ko. Ayaw Kong magtagal sa kaiisip sa mga bagay na ito—masakit sa Akin ang mga ito! Sa isang taong may pang-unawa, madaling maunawaan ang mga bagay na ito. Napakarami sa mga salita ng Diyos ang bumabanggit sa mga bagay na ito, at yaong mga tunay na may abilidad na makaunawa ay hindi dapat mahirapang unawain ang mga ito. Para sa mga sumusunod na sa Diyos nang maraming taon at nauunawaan ang ilang katotohanan, hindi magiging problema ang pag-unawa sa mga bagay na ito, dahil marami nang natamo ang mga tao mula sa Diyos at alam na alam nila ang Kanyang gawain.

Enero 23, 2019

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.