Mahalaga na Itama ang Relasyon sa Pagitan ng Tao at ng Diyos (Unang Bahagi)
Sa pagtatatag ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, ang pinakamahalagang bagay ay ang tanong kung paano tatratuhin ang Kanyang mga salita. Paano man magsalita ang Diyos, tungkol sa anumang paksa o gaano kalawak man Siya magsalita, ang katunayan ay lahat ng sinasabi Niya ang siyang pinakakailangan ng tao, ang dapat maunawaan ng tao at siyang dapat ibigay sa kanila. Bukod pa riyan, ang mga salitang sinasambit ng Diyos ay kayang-kayang unawain ng isipan ng tao at katwiran ng tao, ibig sabihin, likas itong nasa kakayahan ng tao. Ang mga ito ay maiintindihan at mauunawaan ng tao. Anuman ang sabihin o gawin ng Diyos, ang Banal na Espiritu man ang gumagawa sa isang tao o ang pagsasaayos ng Diyos sa iba’t ibang tao, pangyayari, bagay, o sitwasyon, hindi ito lumalagpas sa saklaw ng likas na kakayahan ng tao o sa lawak ng kanilang isipan; sa halip, ito ay partikular, tunay, at totoo. Kung hindi ito maunawaan ng isang tao, may mali sa taong ito. Ibig sabihin nito ay masyadong mahina ang kanyang kakayahan. Ano’t anuman, ang paraan at tono ng pagsasalita ng Diyos, ang puwersa ng Kanyang pananalita, at lahat ng salitang ibinibigay Niya sa tao ay pawang mga bagay na kailangang maunawaan ng mga mananampalataya sa Diyos, at lahat ng ito ay kayang maintindihan ng tao. Ito ay dahil ang Diyos ay nakikipag-usap sa tao, at ang Kanyang sinasambit ay nasa wika ng tao, at sa pagpapahayag ng mga salita Niyang ito, ipinararating at ibinibigay Niya sa mga tao ang mga ito gamit ang kolokyal at iba-ibang wika at bokabularyong mayroon ang mga tao at nagagamit ng mga ito, upang ang mga taong may iba’t ibang kaisipan at pananaw, may iba’t ibang antas ng literasiya, at may iba’t ibang pinag-aralan at pinagmulang pamilya ay maiintindihan at mauunawaan ang mga ito. Sa lahat ng salitang ito na sinasambit ng Diyos, may isang bagay kang dapat maunawaan: Walang anumang masyadong mahirap o abstrakto sa Kanyang mga salita, walang mga salitang hindi kayang bigyang-kahulugan ng tao. Basta’t may partikular na kakayahan ang isang tao at tumutuon sa pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos, maaari nitong maunawaan ang katotohanan at malaman ang Kanyang kalooban. Ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay nagmumula sa Kanya, ngunit ang mga anyo ng wikang ginagamit Niya para ipahayag ang mga ito, hanggang sa partikular na estilo ng pagbubuo ng Kanyang mga salita, ay pawang sa tao. Hindi lumalayo ang mga ito sa wika ng tao. Anumang anyo ang ginagamit ng Diyos sa pagsambit sa Kanyang mga salita, o anong pamamaraan o tono ang ginagamit Niya para magsalita, nagmumula man sa Kanluran o sa Silangan ang estilo ng pagbubuo ng Kanyang mga salita, nagsasalita man Siya sa sinauna o modernong wika, mayroon bang anumang wika sa Kanyang pananalita na hindi maintindihan ng tao o ipinalalagay nila na hindi sa tao? (Wala.) Wala pang nakakita ng ganoong salita hanggang ngayon. May ilang nagsasabi, “Hindi tama iyan; nakakita ako ng dalawang gayong salita: ‘pagiging matuwid’ at ‘pagiging maharlika.’” Ang “pagiging matuwid” at “pagiging maharlika” ay dalawang salitang naglalarawan o mga pahayag tungkol sa isang aspeto ng banal na diwa, ngunit hindi ba kasalukuyan ding ginagamit ng mga tao ang mga salitang ito? (Oo.) Gaano man kalawak ang pang-unawa mo sa dalawang salitang ito, kahit paano ay maaari mong makita ang pinakapangunahin at orihinal na mga kahulugan ng mga ito sa diksiyonaryo, at sa pamamagitan ng pagkukumpara sa mga pinaka-orihinal na kahulugang iyon sa diwa, disposisyon, at kung ano ang mayroon at ano ang Diyos, sa gayong kombinasyon, nagiging mas kongkreto ang mga salita sa mga tao at hindi na abstrakto. Isama pa riyan ang mahahabang paglalahad ng mga katotohanan, komentaryo, at paliwanag tungkol sa mga salitang ito sa mga salita ng Diyos, at magiging mas kongkreto ito sa lahat ng tao, mas malinaw ang imahe, mas kapani-paniwala, mas palapit nang palapit sa diwa, mga pag-aari, at katauhan ng Diyos na dapat malaman ng mga tao. Kaya, ang bokabularyo at mga pahayag na may kinalaman sa gayong mga bagay na tulad ng disposisyon ng Diyos ay tila hindi malabo o mahiwaga sa inyo. Kung gayon ay sabihin ninyo sa Akin: Mayroon bang anumang abstrakto sa mga katotohanang iyon na bumabanggit sa karaniwang pagsasagawa ng tao, sa landas na kanilang tinatahak, at sa mga katotohanang prinsipyo? (Wala.) Muli, walang anumang abstrakto rito.
Mula nang magpahayag Ako ng Aking mga salita at magbigay ng mga sermon, nagsumikap na Ako nang husto na gamitin ang wika ng tao—wikang mauunawaan, matutugunan, at maiintindihan ng mga tao—para mangaral, at magbahagi tungkol sa katotohanan at talakayin ang mga katotohanang prinsipyo nito, upang mas maunawaan ninyo ang katotohanan. Hindi ba mas makatao ang pamamaraang ito? Ano ang pakinabang nito sa inyo? Mas ipinauunawa nito sa inyo ang katotohanan. At ano ang layon Ko sa pagsasalita sa ganitong paraan? Upang marinig ninyo ang mas sagana, mas magkakaibang wika, pagkatapos ay gamitin ang magkakaibang wikang iyon para mas madaling maunawaan ng mga tao ang katotohanan, at upang hindi nila madama na nakakapagod ito. Ang iba’t ibang wika ng Bibliya, kapwa sa Luma at Bagong Tipan, ay pawang saklaw ng isang uri ng idyoma, kaya masasabi ng mga tao sa isang sulyap na biblikal ang partikular na mga salita, na nagmumula ang mga iyon sa Bibliya. May ipinapahiwatig o sinasagisag ang mga salitang ito. Ang ginagawa Ko ay sinisikap Kong alisin ang mga bahaging simboliko sa mga estilo at pananalita sa wika ngayon, upang makita ng mga tao na ang wikang ito ay higit pa sa idyomang biblikal. Bagama’t nakikita ng mga tao mula sa nilalaman at tono ng pananalita ng Diyos na ang pinagmulan nito at ng mga salitang sinambit ng Diyos sa Bibliya ay tila pareho, nakikita nila sa mga salita rito na higit pa ito sa nasa Bibliya, higit pa sa nasa Luma at Bagong Tipan, at mas mataas pa kaysa sa espirituwal na terminolohiyang ginagamit ng lahat ng espirituwal na tao sa lumipas na mga milenyo. Kaya, anong mga kataga ang kasama sa mga sinasabi ngayon ng Diyos? Ang ilan sa mga iyon ay ang positibo at kapuri-puring pananalitang madalas gamitin ng mga tao, samantalang ang iba pang salita at wika Niya ay mas akma para sa paglalantad at pagpapahayag ng tiwaling disposisyon ng tao. Mayroon ding ilang espesyal na bagay, na nauukol sa literatura, musika, sayaw, pagsasalin, at iba pa. Ito ay para tulutan ang sinuman, anuman ang larangan ng kanyang tungkulin o ang kanyang propesyonal na kaalaman, na madama na ang mga katotohanang Aking sinasabi ay malapit na nauugnay sa tunay na buhay at sa tungkuling kanyang ginagawa, at na may kaugnayan talaga sa pagitan ng katotohanan sa anuman sa mga aspeto nito at sa tunay na buhay o tungkuling ginagampanan ng mga tao. Kaya, hindi ba malaking tulong sa inyo ang mga katotohanang ito? (Malaking tulong nga.) Kung wala Akong pakialam sa gayong mga bagay, at lubos Kong iniwasan ang anumang may kinalaman sa mga paksang pagsasalin, pelikula, sining, pagsulat, at musika, at hindi Ako gumamit kailanman ng gayong mga salita, at sadya Kong iniwasan ang mga iyon, magagawa Ko kaya nang maayos ang Aking gawain? Kung magkagayon, baka magawa Ko pa ang isang bahagi nito, ngunit mahihirapan Akong makipag-usap sa inyo. Samakatwid, nagpapakahirap Akong pag-aralan at sauluhin ang gayong wika. Ang isang dahilan, maaari itong makatulong sa inyo sa teorya at mga prinsipyo ng inyong propesyonal na trabaho; ang isa pang dahilan, kapag ginampanan ninyo ang inyong mga tungkulin sa mga aspetong ito, tinutulungan kayo nitong madama na ang propesyonal na gawaing sangkot sa inyong mga tungkulin ay hindi hiwalay sa katotohanan. Anuman ang iyong espesyalidad, anuman ang iyong kalakasan, anumang propesyon ang iyong inaaral, mababasa at mauunawaan mo ang mga salitang ito, at binibigyan ka nito ng kakayahang matamo ang mithiing makapasok sa katotohanan habang ginagawa mo ang iyong tungkulin. Hindi ba magandang bagay ito? (Oo.) Magandang bagay ito. Kaya, paano makakamtan ang gayon kagandang resulta? Kailangan dito ng Diyos, sa Kanyang pagkatao, na magtaglay ng ilang bagay. At anong mga bagay iyon? Ang normal na pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao ay kailangang maunawaan nang kaunti ang iba’t ibang espesyalisasyon, bagama’t hindi Ko kailangang pagsumikapan iyon nang husto at pag-aralan ang mga bagay na iyon hanggang sa maisaulo Ko. Ito ay para lamang magamit Ko ang kaalamang nagmumula sa lahat ng larangan habang nagbabahagi Ako tungkol sa katotohanan at nagbibigay Ako ng patotoo sa Diyos. Tinutulutan nito ang mga tao sa anumang larangan na maunawaan at mapahalagahan ang mga patotoo ng sambahayan ng Diyos, gayundin ang iba’t ibang ginawa nitong pelikula, na malaki ang pakinabang sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kung gagamitin Ko lamang ang wika ng sambahayan ng Diyos para magbahagi tungkol sa katotohanan, at hindi Ko gagamitin ang anumang wika at kaalaman ng iba’t ibang larangan ng espesyalidad sa lipunan, magiging napakababa ng mga resulta. Kaya, para magawa nang maayos ang gawaing ito, ano ang kailangan Kong makamtan? Kailangan Kong magkaroon ng kaunting antas ng propesyonal na kaalaman, kaya kung minsan ay nakikinig Ako sa mga awitin, nanonood ng mga balita, nagbabasa ng mga magasin, at nagbabasa ng mga pahayagan paminsan-minsan. Kung minsan, inaalam Ko rin ang ilang usapin ng mga hindi nananalig. Ang mga usapin ng mga hindi nananalig ay kinakasangkutan ng maraming iba’t ibang bagay, at ang ilan sa mga wika nila ay wala sa sambahayan ng Diyos—ngunit kung ang wikang iyon ay gagamitin bilang wika ng mga sermon, kung minsan ay magiging napakaepektibo nito, at makakatulong sa inyo, at magpapadama sa inyo na ang landas ng paniniwala sa Diyos ay malawak, hindi nakakapagod o hindi interesante. Magiging malaking tulong ito sa inyo, at dapat kayong matuto ng ilang mapapakinabangang bagay mula rito. Bagama’t karamihan sa inyo ay hindi magiging matagumpay sa inyong pag-aaral, yaong mga may sapat na kakayahan ay matututo ng ilang bagay na makakatulong, na magiging kapaki-pakinabang sa pagganap nila ng kanilang mga tungkulin. Kapag wala Akong ginagawa, hindi sinasadyang natututo Ako ng ilang bagay sa panonood ng mga balita at pakikinig sa musika. Hindi Ko na pinagsusumikapan ito; basta ginugugol Ko lang ang libreng oras Ko sa pag-aaral ng mga bagay-bagay, panonood ng mga bagay-bagay, pakikinig sa mga bagay-bagay, at hindi sinasadya, nagiging dalubhasa Ako sa ilan sa mga iyon. Magkakaroon ba ng epekto sa gawain ang pagpapakadalubhasa Ko sa mga bagay na ito? Hinding-hindi—sa katunayan, kailangan Kong gawin ito. May pakinabang ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ano ang ibig Kong sabihin sa pagpaparating ng mga isyung ito sa inyo? Ito ay na dapat ninyong makuha ang mga salitang sinasambit ng Diyos, na dapat maintindihan at madaling isagawa ang lahat ng ito. Kahit paano, ang mga ito ay isang bagay na dapat taglayin ng pagkatao. Kapag sinabi Ko na dapat taglayin ng pagkatao ang mga bagay na ito, ang ibig Kong sabihin ay na kapag ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain at ipinapahayag ang Kanyang mga salita, naiproseso na ang mga ito sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao. Ano ang ibig sabihin ng “naiproseso”? Bilang halimbawa, katulad ito ng tinalupang trigo, na giniik at giniling para maging harina, pagkatapos ay ginawang tinapay, mga cake, at mga pansit. Matapos maiproseso, ibinibigay ang mga bagay na ito sa inyo, at ang kinakain ninyo sa huli ay ang natapos na produkto, isang inihandang pagkain. Ano ang inyong bahagi rito? Ito ay ang mabilis at ganap na kainin at inumin ang mga salitang sinasambit ng Diyos. Kumain at uminom ng mas marami nito, tumanggap ng mas marami nito, at danasin ang mga ito, unawain ang mga ito, at isaloob ang mga ito, nang paunti-unti. Gawing inyong buhay ang mga ito, inyong tayog, at hayaang manaig ang mga salita ng Diyos sa araw-araw ng iyong buhay at sa tungkuling iyong ginagampanan. Lahat ng salitang sinasambit ng Diyos ay nasa wika ng tao, at bagama’t madaling unawain ang mga iyon, hindi madaling unawain o pasukin ang katotohanang nakapaloob sa mga iyon; bagama’t madaling unawain ang wika, maraming yugto ang proseso ng pagpasok sa katotohanan. Napakaraming nasambit at naihatid na salita ng Diyos sa tao hanggang sa kasalukuyan, at bawat salitang Kanyang sinasabi ay natutupad sa inyo, nang paunti-unti, at ang katotohanang Kanyang ipinapahayag, gayundin ang prosesong gumagabay sa mga tao habang pumapasok sila sa katotohanan at nagsisimula sa landas ng kaligtasan, ay nagkakatotoo sa inyo at natutupad nang paunti-unti nang malinaw at halata. Ang gayong mga resulta ay namamalas sa inyo, nang paunti-unti. Walang abstrakto rito. Ngayon, huwag na nating pansinin kung paano ipinoproseso ang mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao. Hindi na kailangang siyasatin ang prosesong iyon—may hiwaga roon na hindi matatalos ng pag-aaral ng tao. Isaisip lamang na tanggapin ninyo ang katotohanan. Ito ang pinakamatalinong pasya at pinakatamang saloobin. Wala talagang silbi ang palaging naising siyasatin ang mga bagay-bagay. Pagsasayang ito ng oras at pagod. Ang katotohanan ay hindi isang bagay na natatamo sa pamamagitan ng pag-aaral, lalong hindi ito matutuklasan ng siyensiya. Direkta itong ipinapahayag ng Diyos, at mauunawaan at malalaman lamang ito sa pamamagitan ng karanasan. Matatamo lamang ng isang tao ang katotohanan sa pamamagitan ng pagdanas sa gawain ng Diyos. Kung ang ginagamit lamang ng isang tao ay ang kanyang isipan para pag-aralan ang mga bagay-bagay ngunit hindi siya nagsasagawa at wala siyang karanasan, hindi niya matatamo ang katotohanan. Ano kaya ang positibong saloobin ukol sa mga salita ng Diyos, maliban sa hindi pagsisiyasat sa mga bagay-bagay? Pagtanggap, kooperasyon, at matatag na pagsunod. Ang totoo, kung may isang taong pinakanararapat na mag-aral, Ako iyon, subalit hindi Ko ginawa iyon kahit kailan. Hindi Ko sinabi kailanman na, “Saan nagmumula ang mga salitang ito? Sino ang nagsabi ng mga ito sa Akin? Paano Ko nalaman ang mga ito? Kailan Ko nalaman ang mga ito? Alam ba ng iba ang mga ito? Kapag sinasabi Ko ang mga ito, nakakukuha ba ng mga resulta ang mga ito? Ano ang mangyayari sa mga ito? Inaakay Ko ang napakaraming tao—ano ang gagawin Ko kung hindi Ko makamtan sa huli ang hinahangad na mga resulta, kung hindi Ko sila maakay sa landas ng kaligtasan?” Sabihin ninyo sa Akin—mga bagay ba ito na dapat siyasatin? (Hindi.) Hindi Ko siniyasat kailanman ang mga bagay na ito. Anuman ang nais Kong sabihin, anuman ang nais Kong sabihin sa inyo, direkta Kong sinasabi sa inyo. Hindi Ko kailangang iproseso sa Aking isipan ang pag-aaral nito. Ang tanging kailangan Ko ay isipin kung nauunawaan ninyo ito kung sasabihin Ko ito sa isang partikular na paraan; kung kailangan Ko bang magsalita nang mas kongkreto; kung kailangan Ko bang magbigay ng mas maraming halimbawa at kuwento, na mapagkukunan ninyo ng mas tiyak na impormasyon at mas tiyak na landas ng pagsasagawa; kung naunawaan ba ninyo ang sinasabi Ko; kung mayroon ba sa Aking pananalita, sa estilo at tono ng Aking pananalita, o sa Aking gramatika o pagsasabi na naging dahilan para magkamali kayo ng pag-unawa o maguluhan; o kung mayroon bang anuman sa Aking pananalita na sa pakiramdam ninyo ay abstrakto, mahiwaga, o hungkag. Kailangan Ko lamang obserbahan at isipin ang mga bagay na ito. Hindi Ko na sinisiyasat ang iba pa. Normal para sa Akin na hindi siyasatin ang mga bagay-bagay, ngunit normal ba iyon para sa inyo? Para sa inyo, ang pagsisiyasat sa mga bagay-bagay ay normal lang; magiging abnormal kung hindi kayo nagsisiyasat. Nagmumula ito sa mga paghimok ng damdamin at likas na katangian ng tiwaling sangkatauhan. Tiyak na sisiyasatin ninyong lahat ang mga bagay-bagay. Subalit may isang bagay na makalulutas sa problemang ito: Habang unti-unting nakikipag-ugnayan ang tao sa Diyos, ang relasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos ay lalong nagiging normal, at itinatama ng tao ang kanyang katayuan at binibigyan ang Diyos ng wastong posisyon sa kanyang puso. Habang lalong umuusad ito, sa mas kaaya-ayang direksiyon, ang kamalayan, kaalaman, katiyakan, at pagtanggap ng tao sa ginagawa ng Diyos ay lalong lalalim, at habang nangyayari ito, ang katiyakan, kamalayan, kaalaman, at pagkilala ng tao sa pagkakatawang-tao ay lalo ring lalalim. Habang lumalalim ang mga bagay na ito, lalong mababawasan ang pag-aaral at pagdududa ninyo sa Diyos, sa mas maliliit na paraan.
Bakit pinag-aaralan ng tao ang Diyos? Ito ay dahil napakarami nilang haka-haka at imahinasyon tungkol sa Diyos, napakaraming hindi tiyak na mga salik, napakaraming pagdududa, napakaraming bagay na hindi nila nauunawaan, napakaraming bagay na para sa kanila ay hindi maintindihan, napakaraming hiwaga, kaya nga, nais nilang alamin ang mga ito sa pamamagitan ng pag-aaral. Anumang pag-aaral ang iyong gawin na gumagamit ng mga panlabas na kababalaghan, ng iyong espesyal na kaalaman o pagpapasya ng iyong isipan, ay hindi hahantong sa pag-unawa; magpapagod ka lamang at hindi mo pa rin mauunawaan ang tungkol sa Diyos at sa katotohanan. Ngunit para sa mga naghahangad sa katotohanan, ilang taon lamang ang kailangan para makakita ng mga resulta, para magtamo ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos at magkaroon ng pusong may takot at pagsunod. Hindi naniniwala ang ilang tao na ang mga salita ng Diyos ay makatotohanan o batay sa katunayan, kaya nais nilang palaging pag-aralan ang Diyos, ang mga salita ng Diyos, at maging ang pagkakatawang-tao. Hindi nauunawaan sa pamamagitan ng pag-aaral ang mga bagay ukol sa buhay at espiritu. Pagdating ng araw na maranasan mo ang mga katotohanang ito, at itinuon ang isip mo, ang lahat ng halagang binayad mo, at lahat ng pagbibigay-diin mo sa pagsasagawa ng katotohanan at pagganap ng iyong tungkulin, nakapagsimula ka na sa landas ng kaligtasan, at hindi mo na pag-aaralan ang Diyos na nagkatawang-tao. Ibig sabihin, ang tanong kung Siya ba ay tao o Diyos ay nasagot na. Gaano man kanormal ang Kanyang pagkatao, gaano man Siya katulad ng mga ordinaryong tao, hindi na iyon magiging mahalaga. Ang pinakamahalaga ay na natuklasan mo na rin sa wakas ang Kanyang banal na diwa, at kinilala mo sa huli ang mga katotohanang Kanyang ipinapahayag, at sa oras na iyon, natanggap mo na mula sa kaibuturan ng iyong puso ang katotohanan na ang taong ito ay ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Dahil sa ilang katunayan, ilang proseso, ilang karanasan, dahil sa ilang aral na natutuhan mo mula sa pagkakamali at mga kabiguan, sa iyong kaibuturan, mauunawaan mo nang kaunti ang katotohanan at aaminin mo na nagkamali ka. Hindi mo na pagdududahan o pag-aaralan ang taong ito, kundi madarama mo na Siya ang praktikal na Diyos, na hindi na maitatanggi ang katotohanang ito. Sa gayon ay likas mo nang natanggap na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, nang walang duda. Gaano man kanormal ang Kanyang pagkatao, at bagama’t nagsasalita at kumikilos Siya na parang ordinaryong tao at hindi pambihira o ekstraordinaryo sa anumang paraan, hindi mo Siya pagdududahan, ni hindi mo Siya hahamakin. Dati-rati, hindi mo nadama na umaayon ang Diyos na nagkatawang-tao sa iyong mga haka-haka, at malamang na pinag-aralan mo Siya, at hinamak at kinutya mo Siya, mapanuway ka sa puso mo—ngunit iba na ngayon ang mga bagay-bagay. Ngayon, habang nilalasap at pinakikinggan mo ang pinakadetalye ng Kanyang mga salita, mula sa ibang pananaw ay tinatanggap mo ang lahat ng Kanyang ipinapahayag. At anong pananaw iyon? “Ako ay isang nilalang. Maaaring hindi matangkad si Cristo, at hindi malakas ang Kanyang tinig, at maaaring hindi Siya mukhang espesyal, ngunit ang Kanyang identidad ay iba kaysa sa akin. Hindi Siya miyembro ng tiwaling sangkatauhan; hindi Siya isa sa atin. Hindi Niya tayo kapantay, hindi Niya tayo katulad.” May pagkakaiba rito mula sa dati mong pananaw. Paano nangyari ang pagkakaibang iyon? Sa iyong kaibuturan, gumagawa ka ng transisyon mula sa dati mong hindi pagtanggap at di-sinasadyang pag-aaral, tungo sa pagtanggap sa Kanyang mga salita bilang buhay, bilang iyong landas ng pagsasagawa, tungo sa pagdama na nasa Kanya ang katotohanan; na Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay; na tila nasa Kanya ang anino ng Diyos at isang pagpapakita ng Kanyang disposisyon; at na ang atas at gawain ng Diyos ay nasa Kanyang persona. Noon mo Siya lubos na kikilalanin at tatanggapin. Kapag ang anumang reaksiyon mo sa Kanya at anumang saloobin mo sa Kanya ay naging ang likas at tama na dapat taglayin ng isang nilalang, at saka mo ituturing bilang Diyos ang Anak na ito ng tao na nasa laman at hindi mo na Siya pag-aaralan, kahit sabihan ka pa na gawin iyon, tulad ng hindi mo na pag-aaralan kung bakit ka ipinanganak sa iyong ina at ama o kung bakit kamukha ka nila. Kapag nakarating ka sa puntong ito, likas kang titigil sa pag-aaral sa gayong mga bagay. Hindi ito mga paksang nauugnay sa saklaw ng iyong pang-araw-araw na buhay at hindi na tanong ang mga ito. Ang dati at nakondisyon mong saloobin na awtomatikong tugon na pag-aralan ang mga bagay na ito ay naging likas na pagtangging pag-aralan ito, at dahil nagbago na ang iyong likas na damdamin, higit pang tataas ang katayuan at sukat ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi mapapalitan ng sinumang tao, at siyang magiging Diyos Mismo sa puso mo, na may katayuan ng Diyos. Pagkatapos ay lubos na magiging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos. Bakit ganito? Dahil hindi mo nakikita ang espirituwal na mundo, at para sa sinumang tao, ang Diyos ng espirituwal na mundo ay medyo abstrakto. Kung nasaan Siya, kung ano Siya, kung ano ang Kanyang saloobin sa tao, kung ano ang ekspresiyon ng Kanyang mukha kapag nagsasalita Siya sa tao—walang alam ang mga tao sa mga bagay na ito. Ngayon, ang Siyang nakatayo sa harapan mo ay isang tao sa anyo at wangis, na tinatawag na Diyos. Sa simula, hindi mo Siya nauunawaan, dahil sa iyong paglaban, pagdududa, mga palagay, maling pagkaunawa, at maging paghamak; pagkatapos, mararanasan mo ang Kanyang mga salita at tatanggapin mo ang mga ito bilang buhay at katotohanan, bilang mga prinsipyo ng iyong pagsasagawa at ang layunin at direksiyon ng landas na iyong tinatahak; at mula roon, tinatanggap mo ang tapat na taong ito, na para bang Siya ay isang nagkatotoong imahe ng Diyos sa puso mo na hindi mo nakikita. Kapag nadama mo na ito, magiging hungkag ba ang iyong kaugnayan sa Diyos? (Hindi.) Hindi. Kapag itinuring mo ang Diyos na malabo at hindi nakikitang imahe at ginawa mo Siyang kongkreto hanggang sa Siya ay naging katawang may laman, isang tao sa piling ng mga tao, na hindi na muling titingnan ng sinuman, kung nagagawa mo pa ring panatilihin ang kaugnayan ng isang nilalang at ng Lumikha sa Kanya, magiging normal na normal ang iyong kaugnayan sa Diyos. Anuman ang gawin mo sa Kanya, kung gayon, pangunahing ito ay magiging isang reaksyon na dapat ay likas na taglayin ng isang nilalang. Hindi mo Siya mapagdududahan kung utusan ka man, ni hindi mo Siya mapag-aaralan; hindi mo Siya susubukang pag-aralan, na sasabihin mong, “Bakit ganyan magsalita ang Diyos? Bakit ganyan ang Kanyang ekspresiyon? Bakit ganyan ang ngiti at asal Niya?” Normal na normal ang mga bagay na ito para sa iyo. Sasabihin mo sa sarili mo, “Ganyan ang Diyos at dapat Siyang maging ganyan—tama! Anuman ang Kanyang gawin, ang aking kaugnayan sa Kanya ay magiging normal at hindi magbabago.”
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.