Mga Salita sa Pagganap ng Tungkulin (Sipi 39)
Ang ilang tao ay hindi umaasal nang maayos pagdating sa kanilang mga tungkulin. Sa halip, lagi silang naghahanap ng mga bagong bagay upang mamukod-tangi sila at nagpapahayag ng matatayog pakinggan na mga ideya. Mabuting bagay ba ito? Magagawa kaya nilang makipagtulungan nang maayos sa iba? (Hindi.) Kung ang isang tao ay nagpapahayag ng matatayog pakinggan na mga pananaw, anong uri ng disposisyon iyan? (Kayabangan at pagmamatuwid sa sarili.) Ito ay kayabangan at pagmamatuwid sa sarili. Ano ang kalikasan ng kanyang mga kilos? (Hinahangad niyang makapagsarili, maiwagayway ang sarili niyang bandila, at maitayo ang kanyang sariling pangkat.) Ang pagtatayo ng sarili niyang pangkat ay nangangahulugang pagpapasunod sa kanya ng ibang mga tao at hindi pag-aasikaso sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang kanyang intensiyon at layunin ay ang makapagsarili at maiwagayway ang sarili niyang bandila, kaya’t may pahiwatig ng panggugulo sa kaayusan ng mga bagay ang kanyang mga pagkilos. Anong ibig sabihin ng panggugulo sa kaayusan ng mga bagay? Nangangahulugan ito ng pagdudulot ng pagkawasak, likas dito ang paggambala at panggugulo. Kadalasan, ang karamihan ng mga problema ay malulutas sa pamamagitan ng sama-samang pagbabahaginan at mga talakayan, na ang karamihan ng mga desisyong nagawa ay umaayon sa mga katotohanang prinsipyo, kapwa wasto at tiyak. Gayunman, pilit na nilalabanan ng ilang tao ang napagkaisahang ito; hindi lamang nila iniiwasang hanapin ang katotohanan, binabalewala pa nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nagpapahayag sila ng mga kakatwang teorya upang mapansin sila at hangaan ng iba. Nais nilang salungatin ang mga tamang desisyong nagawa na, at pabulaanan ang mga napili na ng lahat. Ito ang ibig sabihin ng guluhin ang kaayusan ng mga bagay at magdulot ng pagkawasak, ang lumikha ng mga pagkagambala at kaguluhan. Ito ang diwa ng pagpapahayag ng matatayog pakinggan na mga ideya. Ano ngayon ang isyu sa ganitong uri ng pag-uugali? Una, naghahayag ang mga ito ng isang tiwaling disposisyon, at ganap na kawalan ng pagpapasakop. Dagdag pa rito, laging ibig ng mga sutil na taong ito na mamukod-tangi at hangaan ng iba, at bunga nito, ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia. Kung wala ang katotohanan, wala silang kakayahang maunawaan ang mga bagay, ngunit patuloy silang nagpapahayag ng matatayog pakinggan na mga ideya upang makapagpasikat, nang walang bahid man lang ng paghahanap sa katotohanan. Hindi ba’t ito ay pagiging arbitraryo at walang ingat? Upang mahusay na matupad ang mga tungkulin ng isang tao, napakahalagang matuto na makipagtulungan sa ibang tao. Ang isang talakayan sa pagitan ng dalawang tao ay laging nagbubunga ng mas komprehensibo at tumpak na perspektiba kaysa sa pananaw ng isang tao sa mga bagay-bagay. Kung laging gusto ng isang tao na kumilos sa isang di-kompormistang paraan o palagi siyang naghahayag ng matatayog pakinggan na mga ideya upang mapasunod niya ang iba, ito ay mapanganib, ito ay pagtahak sa sariling landas. Dapat talakayin ng isang tao sa iba ang lahat ng ginagawa niya. Pakinggan muna ang sasabihin ng lahat. Kung ang pananaw ng nakararami ay tama at naaayon sa katotohanan, dapat mo itong tanggapin at sundin. Anuman ang ginagawa mo, huwag kang magsabi ng matatayog pakinggan na mga pananaw. Kailanman, ang paggawa nito ay hindi isang mabuting bagay, saanmang grupo ng mga tao. Kapag nangaral ka ng isang matayog pakinggan na ideya, kung ito ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at may pagsang-ayon ng nakararami, maaari itong ituring na katanggap-tanggap. Gayunman, kung sinasalungat nito ang mga katotohanang prinsipyo at nakasisira ito sa gawain ng iglesia, dapat mong panagutan ito at harapin ang mga kahihinatnan ng iyong mga pagkilos. Dagdag dito, ang paghahayag ng matatayog pakinggan na mga ideya ay isang usaping disposisyonal. Pinatutunayan nito na hindi mo taglay ang katotohanang realidad, at na sa halip ay nabubuhay ka batay sa iyong tiwaling disposisyon. Kapag nagpapahayag ka ng matatayog pakinggan na mga pananaw, sinusubukan mong pamunuan ang iba, na ikaw ang masunod, at sinusubukan mo ring iwagayway ang sarili mong bandila, at itatag ang sarili mong nasasakupan; nais mong pakinggan ka, sundan ka, at sundin ka ng lahat ng hinirang ng Diyos. Ito ay pagtahak sa landas ng isang anticristo. Natitiyak mo bang magagabayan mo ang mga hinirang ng Diyos upang makapasok sila sa mga katotohanang realidad? Magagabayan mo ba sila patungo sa kaharian ng Diyos? Ikaw mismo ay hindi nagtataglay ng katotohanan, at kaya mong gumawa ng mga bagay upang labanan at ipagkanulo ang Diyos—kung ibig mo pa ring pangunahan ang mga taong hinirang ng Diyos patungo sa landas na ito, hindi ba’t ikaw ay naging isa nang pangunahing makasalanan? Naging pangunahing makasalanan si Pablo at patuloy niyang tinitiis ang parusa ng Diyos. Kung tinatahak mo ang landas ng isang anticristo, tinatahak mo ang landas ni Pablo, at ang iyong pangwakas na kahihinatnan at katapusan ay hindi magiging iba sa kanya. Samakatuwid, ang mga nananalig at sumusunod sa Diyos ay hindi dapat magpahayag ng matatayog pakinggan na mga ideya. Sa halip, dapat nilang matutuhang hanapin ang katotohanan, tanggapin ito, at magpasakop kapwa sa katotohanan at sa Diyos. Tanging sa paggawa nito nila matitiyak na hindi sila tumatahak sa sarili nilang daan, at na masusundan nila ang Diyos nang hindi lumilihis sa alinmang direksiyon. Hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na maayos na magtulungan sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Ito ay makabuluhan, at ito rin ang wastong landas ng pagsasagawa. Sa iglesia, posibleng dumapo ang kaliwanagan at paggabay ng Banal na Espiritu sa sinumang nakauunawa sa katotohanan at ang may kakayahang makaarok. Dapat mong sunggaban ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, mahigpit itong sundin at malapit na makipagtulungan dito. Sa paggawa nito, tatahak ka sa pinakatamang landas; ito ang landas na ginagabayan ng Banal na Espiritu. Bigyan mo ng espesyal na pansin kung paano gumagawa at gumagabay ang Banal na Espiritu sa mga ginagawaan Niya. Dapat kang makipagbahaginan nang madalas sa iba, nang nagmumungkahi at nagpapahayag ng sarili mong mga pananaw—ito ay iyong tungkulin at iyong kalayaan. Ngunit sa huli, kapag kailangang magdesisyon, kung ikaw lamang ang gumagawa ng huling pasya, at pinasusunod mo ang lahat sa iyong sinasabi at pinaaayon sila sa iyong kagustuhan, nilalabag mo ang mga prinsipyo. Dapat kang gumawa ng tamang pagpapasya batay sa iniisip ng karamihan, at saka ka magpasya. Kung ang mga mungkahi ng karamihan ay hindi umaayon sa mga katotohanang prinsipyo, dapat mong panghawakan ang katotohanan. Ito lamang ang umaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung lagi kang nagpapahayag ng matatayog pakinggan na mga pananaw, sinusubukang magpaliwanag ng ilang sopistikadong teorya upang mapabilib ang ibang tao, at, sa katunayan, nararamdaman mo sa iyong kalooban na ito ay mali, huwag mong pilitin ang sarili mong maging kapansin-pansin. Ito ba ang tungkuling dapat mong gampanan? Ano ang iyong tungkulin? (Ang gawin ang lahat ng aking makakaya upang magampanan ko ang tungkuling dapat kong gampanan, at magsalita lamang ng tungkol sa aking nauunawaan. Kung wala akong sariling opinyon, dapat akong matutong mas makinig sa mga mungkahi ng iba, kumilatis nang may karunungan, at maabot ang punto na maayos akong makakapagtulungan sa lahat.) Kung walang anumang malinaw sa iyo at wala kang opinyon, matutong makinig at sumunod, at na hanapin ang katotohanan. Ito ang tungkuling dapat mong gampanan; ito ay isang maayos na saloobin. Kung wala kang sariling opinyon at palagi kang natatakot na magmukhang hangal, na hindi mamukod-tangi, at na mapahiya—kung natatakot kang hamakin ng iba at hindi magkaroon ng puwang sa kanilang puso, kung kaya’t palagi kang nagsisikap na mamukod-tangi at palagi mong gustong magpahayag ng matatayog pakinggan na mga ideya, nagsusulong ng mga kakatwang pahayag na hindi tumutugma sa realidad, na gusto mong tanggapin ng iba—ginagampanan mo ba ang iyong tungkulin? (Hindi.) Ano ang ginagawa mo? Ikaw ay nagiging mapanira. Kapag may napansin kayong laging kumikilos sa ganitong paraan, dapat kayong magtakda ng mga limitasyon sa kanila. At paano dapat itakda ang mga hangganan? Hindi ninyo kailangang ganap na patahimikin sila o pigilin ang anumang oportunidad na makapagsalita sila. Maaari ninyo silang hayaang makipagbahaginan, at hindi sila dapat ibukod, ngunit ang lahat ng nakapaligid sa kanila ay dapat magkaroon ng pagkilatis. Ito ang prinsipyo. Halimbawa, kung may sinumang magpahayag ng maling pananaw na ganap na umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at ineendorso at sinasang-ayunan ng nakararami ang taong ito, ngunit may ilang taong may kaunting pagkilatis na nakakapansin na ang pananaw ng taong iyon ay nahahaluan ng ninanais nito, at ng mga ambisyon at ninanasa nito, dapat na ilantad ng mga indibidwal na ito ang taong iyon, at magawa itong makapagnilay sa sarili nito at makilala ang sarili nito. Ito ang tamang gawin. Kung walang gumagamit ng pagkilatis o nagpapahayag ng kanilang opinyon, at ang lahat ay kumikilos lang bilang mga mapagpalugod ng tao, hindi maiiwasan na magkakaroon ng mga taong sisipsip, mag-eendorso at susuporta sa taong iyon, na gagatong sa mga ambisyon at ninanasa ng taong iyon. Pagkatapos, magsisimulang totoong magtamo ng kapangyarihan sa iglesia ang taong iyon. Dito na ito magiging mapanganib, dahil maaari siyang makianib sa mga sumusuporta sa kanya, hanggang maging sarili nilang puwersa, na gumagawa ng masama at gumugulo sa gawain ng iglesia. Sa ganitong paraan, nakatapak na sila sa landas ng mga anticristo. Kapag naagaw na nila ang kontrol ng iglesia, sila ay magiging anticristo at magsisimula silang magtatag ng kanilang nagsasariling kaharian.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.