Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV

Ang Kabanalan ng Diyos (I) Ikalawang Bahagi

Ngayong natapos na nating pag-usapan ang tungkol kay Satanas, bumalik tayo sa pag-uusap tungkol sa ating Diyos. Sa panahon ng anim na libong taon na plano ng pamamahala ng Diyos, labis na kakaunti ang tuwirang pananalita ng Diyos na naitala sa Biblia, at ang mga naitala ay napakapayak. Kaya simulan natin sa umpisa. Nilikha ng Diyos ang tao at mula noon ay palaging ginagabayan ang buhay ng sangkatauhan. Sa pagkakaloob man sa sangkatauhan ng mga pagpapala, pagbibigay ng mga batas at kautusan para sa mga tao, o pagtatakda ng iba’t ibang mga patakaran sa buhay, alam ba ninyo ang layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng mga bagay na ito? Una, masasabi ba ninyo nang may katiyakan na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kabutihan ng sangkatauhan? Maaaring ang mga ito ay tila maringal at walang lamang mga salita, subalit kung susuriin ang mga detalye nito, hindi ba’t ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay upang pangunahan at gabayan ang tao sa pagsasabuhay ng isang normal na buhay? Sa pagtulot man ito sa tao na sundin ang Kanyang mga alituntunin o tumalima sa Kanyang mga kautusan, ang layunin ng Diyos ay upang hindi sumamba ang tao kay Satanas at upang hindi sila mapinsala ni Satanas; ito ang pinakapangunahin, at ito ang ginagawa mula pa sa pinakasimula. Noong pinakasimula, nang hindi naintindihan ng tao ang kalooban ng Diyos, gumawa ang Diyos ng ilang simpleng kautusan at alintuntunin at gumawa ng mga panukala na sumaklaw sa lahat ng maaaring gawan ng panukala. Ang mga panukalang ito ay payak, ngunit sa loob ng mga ito ay naroon ang kalooban ng Diyos. Pinakaiingat-ingatan, pinahahalagahan at pinakaiibig ng Diyos ang sangkatauhan. Tama ba ito? (Oo.) Kaya masasabi ba natin na ang Kanyang puso ay banal? Masasabi ba natin na ang Kanyang puso ay malinis? (Oo.) Mayroon bang karagdagang layunin ang Diyos? (Wala.) Kung gayon, ang Kanya bang layunin ay tama at positibo? (Oo.) Sa gawain ng Diyos, ang lahat ng panukala na Kanyang ginawa ay may positibong epekto para sa tao at nagtuturo sa mga tao ng daan. Kaya may anumang makasariling saloobin ba sa isipan ng Diyos? Mayroon bang anumang karagdagang mga layunin ang Diyos patungkol sa tao? Nais ba Niyang gamitin ang tao sa ibang paraan? (Hindi.) Hindi kailanman. Ginagawa ng Diyos kung ano ang sinasabi Niya, at ang Kanyang mga sinasabi at ginagawa ay tugma sa Kanyang mga iniisip sa Kanyang puso. Walang hindi dalisay na layunin, walang makasariling mga saloobin. Wala Siyang anumang ginagawa para sa Kanya Mismo; ang lahat ng ginagawa Niya ay ginagawa Niya para sa tao, nang walang anumang pansariling layunin. Bagaman may mga plano at mga intensyon Siya para sa tao, wala sa mga ito ang para sa Kanya Mismo. Lahat ng ginagawa Niya ay ginagawa para lamang sa sangkatauhan, upang ingatan ang sangkatauhan, upang mapanatiling hindi naliligaw ang sangkatauhan. Kaya hindi ba natatangi ang Kanyang puso? Makakakita ka ba ng kahit na pinakamaliit na bakas ng natatanging pusong ito kay Satanas? Wala kang makikita ni katiting na bakas nito kay Satanas. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay kusang nahahayag. Tingnan natin ngayon kung paano gumawa ang Diyos; paano Niya isinasakatuparan ang Kanyang gawain? Kinukuha ba ng Diyos ang mga batas na ito at ang Kanyang mga salita at mahigpit na itinatali ang mga ito sa mga ulo ng bawat tao, na parang orasyon sa paghihigpit ng benda,[a] upang igiit ang mga ito sa bawat tao? Ganito ba ang paraan ng Kanyang paggawa? (Hindi.) Kaya sa anong paraan ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain? (Ginagabayan Niya tayo. Pinapayuhan at hinihikayat Niya tayo.) Siya ba ay nananakot? Paliguy-ligoy ba Siyang mangusap sa inyo? (Hindi.) Kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanan, paano ka ginagabayan ng Diyos? (Nagbibigay Siya ng liwanag.) Nagbibigay Siya ng liwanag sa iyo, malinaw na sinasabi sa iyo na ito ay hindi naaayon sa katotohanan, at pagkatapos ay sinasabi Niya sa iyo kung ano ang dapat mong gawin. Mula sa mga paraang ito ng paggawa ng Diyos, anong uri ng kaugnayan ang nararamdaman mong mayroon ka sa Diyos? Nararamdaman mo bang ang Diyos ay hindi mo maabot? (Hindi.) Ano ang nararamdaman mo kapag nakikita mo ang mga paraang ito ng paggawa ng Diyos? Ang Diyos ay napakalapit sa iyo, walang distansya sa pagitan mo at ng Diyos. Kapag ginagabayan ka ng Diyos, kapag Siya ay nagtutustos sa iyo, tumutulong sa iyo at sumusuporta sa iyo, nararamdaman mo kung gaano kagiliw-giliw ang Diyos, ang pagpipitagan na nahihikayat Niya; nararamdaman mo kung gaano Siya kaibig-ibig, nararamdaman mo ang Kanyang kasiglahan. Subalit kapag pinupuna ng Diyos ang iyong katiwalian, o kapag hinahatulan at dinidisiplina ka Niya dahil sa paghihimagsik mo sa Kanya, anong paraan ang ginagamit Niya? Sinasaway ka ba Niya sa pamamagitan ng mga salita? Dinidisiplina ka ba Niya sa pamamagitan ng iyong kapaligiran at sa pamamagitan ng mga tao, mga pangyayari, at mga bagay? (Oo.) Hanggang sa anong antas ang pagdisiplina ng Diyos sa iyo? Dinidisiplina ba ng Diyos ang tao hanggang sa parehong antas na pinipinsala ni Satanas ang tao? (Hindi, dinidisiplina lamang ng Diyos ang tao hanggang sa antas na kayang tiisin ng tao.) Ang Diyos ay gumagawa sa isang banayad, maingat, mapagmahal, at maalagang paraan, isang higit sa karaniwang paraan na kalkulado at wasto. Ang Kanyang paraan ay hindi nagdudulot sa iyo ng matinding mga emosyon tulad ng, “Dapat na pumayag ang Diyos na gawin ko ito” o “Dapat na pumayag ang Diyos na gawin ko iyon.” Ang Diyos ay hindi kailanman magbibigay sa iyo ng ganoong uri ng matinding isipin o damdamin na magsasanhi na hindi mo makayanan ang mga bagay-bagay. Hindi ba tama iyon? Tanggapin mo man ang mga salita ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, ano ang iyong nararamdaman pagkatapos? Kapag nararamdaman mo ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, ano ang nararamdaman mo pagkatapos? Nararamdaman mo ba na ang Diyos ay banal at hindi maaaring labagin? (Oo.) Nararamdaman mo ba ang distansiya sa pagitan mo at ng Diyos sa ganitong mga pagkakataon? Nakakaramdam ka ba ng takot sa Diyos? Hindi, sa halip ay nararamdaman mo ang may-takot na pagpipitagan sa Diyos. Hindi ba nararamdaman ng mga tao ang lahat ng ito dahil sa gawain ng Diyos? Magkakaroon ba sila ng ganitong mga damdamin kung si Satanas ang gumawa sa tao? (Hindi.) Ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita, ang Kanyang katotohanan at ang Kanyang buhay upang tuluy-tuloy na magtustos sa tao, upang suportahan ang tao. Kapag ang tao ay mahina, kapag ang tao ay nanlulumo, tiyak na hindi malupit na mangungusap ang Diyos, na nagsasabing: “Huwag manlumo. Bakit ka nanlulumo? Bakit ka nanghihina? Mayroon bang dahilan para manghina? Napakahina mo palagi, at napakanegatibo mo palagi! Wala bang dahilan para mabuhay? Mamatay ka na lang at tapusin ang lahat!” Sa ganitong paraan ba gumagawa ang Diyos? (Hindi.) Ang Diyos ba ay may awtoridad na kumilos sa ganitong paraan? (Oo.) Subalit hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan. Ang dahilan kung bakit hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan ay dahil sa Kanyang diwa, ang diwa ng kabanalan ng Diyos. Ang Kanyang pagmamahal sa tao, ang pagpapahalaga at pagtatangi Niya sa tao ay hindi maaaring ipahayag nang malinaw sa isa o dalawang pangungusap lamang. Hindi ito isang bagay na idinulot ng pagyayabang ng tao kundi isang bagay na pinasisibol ng Diyos sa totoong pagsasagawa; ito ang pagbubunyag ng diwa ng Diyos. Ang lahat ba ng paraang ito ng paggawa ng Diyos ay makakapagtulot sa tao na makita ang kabanalan ng Diyos? Sa lahat ng paraang ito ng paggawa ng Diyos, kasama na ang mabubuting intensyon ng Diyos, kabilang ang mga epekto na nais ng Diyos na gumawa sa tao, kasama ang iba’t ibang mga paraan na sinusundan ng Diyos upang gumawa sa tao, ang uri ng gawain na ginagawa Niya, ang nais Niya na maunawaan ng tao—nakakita ka ba ng anumang kasamaan o pagkatuso sa mabuting mga intensyon ng Diyos? (Hindi.) Kaya sa lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos, sa lahat ng bagay na sinasabi ng Diyos, sa lahat ng bagay na iniisip Niya sa Kanyang puso, gayundin sa lahat ng diwa ng Diyos na inihahayag Niya—matatawag ba nating banal ang Diyos? (Oo.) Nakita na ba ng tao ang kabanalang ito sa mundo, o sa sarili niya? Maliban sa Diyos, nakita mo na ba ito sa sinumang tao o kay Satanas? (Hindi.) Mula sa mga tinalakay natin, matatawag ba nating natatangi ang Diyos, ang mismong banal na Diyos? (Oo.) Ang lahat ng ibinibigay ng Diyos sa tao, kasama ang mga salita ng Diyos, ang iba’t ibang paraan kung saan ang Diyos ay gumagawa sa tao, ang sinasabi ng Diyos sa tao, ang ipinapaalaala ng Diyos sa tao, ang Kanyang ipinapayo at hinihikayat na gawin—nagmumula ang lahat ng ito sa isang diwa: ang kabanalan ng Diyos. Kung walang ganoong banal na Diyos, walang taong makakahalili sa Kanya upang gawin ang mga ginagawa Niya. Kung lubusang ibinigay ng Diyos ang mga taong ito kay Satanas, napag-isipan na ba ninyo kung ano ang magiging uri ng kalagayan ninyong lahat sa kasalukuyan? Kayo bang lahat ay makauupo rito na buo at hindi napipinsala? Sasabihin din ba ninyo: “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon”? Magiging pangahas ba kayo, magiging masyadong bastos at magyayabang nang walang kahihiyan sa harap ng Diyos? (Oo.) Tiyak na gagawin ninyo ito nang walang pag-aalinlangan! Ang saloobin ni Satanas sa tao ay nagtutulot sa tao na makita na ang kalikasang diwa ni Satanas ay lubos na iba sa Diyos. Ano ang nasa diwa ni Satanas na kabaligtaran ng kabanalan ng Diyos? (Ang kasamaan ni Satanas.) Ang masamang kalikasan ni Satanas ay ang kabaligtaran ng kabanalan ng Diyos. Ang dahilan kung bakit hindi nakikilala ng karamihan sa mga tao ang pagpapahayag na ito ng Diyos at ang diwa ng kabanalan ng Diyos na ito ay dahil sa sila ay nabubuhay sa ilalim ni Satanas, sa loob ng katiwalian ni Satanas at sa loob ng buhay na kulungan ni Satanas. Hindi nila alam kung ano ang kabanalan o kung paano bigyang-kahulugan ang kabanalan. Nauunawaan mo man ang kabanalan ng Diyos, hindi mo pa rin ito mabibigyan ng kahulugan bilang kabanalan ng Diyos nang may anumang katiyakan. Isang malaking pagkakaiba ito na napapaloob sa kaalaman ng tao ukol sa kabanalan ng Diyos.

Anong uri ng kumakatawan na katangian ang ipinapakita ng gawain ni Satanas sa tao? Dapat ninyong matutuhan ito sa pamamagitan ng inyong sariling mga karanasan—ito ang pinakakumakatawan na katangian ni Satanas, ang bagay na paulit-ulit nitong ginagawa, ang bagay na sinusubukan nitong gawin sa bawat isang tao. Marahil ay hindi ninyo kayang makita ang katangiang ito, kaya hindi ninyo nararamdaman na lubhang nakakatakot at kasuklam-suklam si Satanas. Mayroon bang nakakaalam kung anong katangian ito? (Lahat ng ginagawa nito ay ginagawa upang pinsalain ang tao.) Paano nito pinipinsala ang tao? Maaari ba ninyong sabihin sa Akin sa mas espesipikong paraan at nang mas detalyado? (Sinusulsulan, inaakit at tinutukso nito ang tao.) Tama iyon; ang mga ito ang ilan sa paraan na naipapamalas ang katangiang ito. Si Satanas din ay nandaraya, nanunuligsa at nag-aakusa sa tao—lahat ng ito ay mga pagpapamalas. Mayroon pa bang iba? (Nagsasabi ito ng mga kasinungalingan.) Ang pandaraya at pagsisinungaling ay likas kay Satanas. Madalas nitong gawin ang mga ito na dumadaloy na ang kasinungalingan mula sa bibig nito nang kahit hindi na nito kailangang mag-isip. May karagdagan pa ba? (Naghahasik ito ng pagtatalo.) Ang isang ito ay hindi gaanong mahalaga. Ngayon ay ilalarawan Ko ang isang bagay sa inyo na sisindak sa inyo, ngunit hindi Ko ginagawa ito upang takutin kayo. Ang Diyos ay gumagawa sa tao at pinapahalagahan ang tao kapwa sa Kanyang saloobin at sa Kanyang puso. Sa kabaligtaran, pinapahalagahan ba ni Satanas ang tao? Hindi nito pinapahalagahan ang tao. Ang lahat ng iniisip nito ay tungkol lamang sa pamiminsala sa tao. Hindi ba tama iyon? Kapag pinag-iisipan nito ang pamiminsala sa tao, ang nasa isipan ba nito ay ang magmadali? (Oo.) Kaya pagdating sa gawain ni Satanas sa tao, may dalawa Akong parirala na sapat na makakapaglarawan sa malisyoso at masamang kalikasan ni Satanas, na tunay na magtutulot sa inyong makilala ang pagiging kasuklam-suklam ni Satanas: Sa paglapit ni Satanas sa tao, palagi nitong nais na sapilitang masakop at sapian ang tao, ang bawat isa, hanggang sa punto na maaari nitong ganap na makontrol ang tao at mapinsala ang tao nang lubha, upang maaari nitong makamit ang layunin nito at maisakatuparan ang mabangis na ambisyong ito. Ano ang ibig sabihin ng “sapilitang sakupin”? Nangyayari ba ito nang may pahintulot mo, o nang wala kang pahintulot? Nangyayari ba ito nang nalalaman mo, o nang hindi mo nalalaman? Ang sagot ay lubos na nangyayari ito nang hindi mo nalalaman! Nagaganap ito sa mga sitwasyon na wala kang kamalayan, marahil kahit wala itong anumang sinasabi o ginagawa sa iyo, nang walang batayan, walang konteksto—naroroon si Satanas na pumapalibot sa iyo. Naghahanap ito ng pagkakataon na makapagsamantala at pagkatapos ay sasakupin ka nito nang sapilitan, sasapian ka, makakamit ang layunin nito na ganap kang kontrolin at pinsalain ka. Ito ay ang pinakakaraniwang intensyon at pag-uugali ni Satanas sa pakikipaglaban nito na ilayo ang sangkatauhan sa Diyos. Ano ang nararamdaman ninyo kapag naririnig ninyo ito? (Nasisindak at natatakot sa aming mga puso.) Nasusuklam ba kayo? (Oo.) Kapag nasusuklam kayo, naiisip ba ninyo na si Satanas ay walang kahihiyan? Kapag naiisip ninyo na si Satanas ay walang kahihiyan, nasusuklam ba kayo kung gayon sa mga tao sa paligid ninyo na palaging nais kumontrol sa inyo, sa mga may mababangis na ambisyon para sa katayuan at mga pakinabang? (Oo.) Kaya anong mga paraan ang ginagamit ni Satanas upang sapilitang sapian at sakupin ang tao? Malinaw ba ito sa inyo? Kapag naririnig ninyo ang dalawang salitang ito na “sapilitang pananakop” at “pagsapi,” nakakaramdam kayo ng pagkasuklam at nadarama ninyo ang kasamaan ng mga salitang ito. Nang walang pahintulot ninyo o nang hindi ninyo nalalaman, sinasapian ka ni Satanas, sapilitan kang sinasakop, at ginagawa kang tiwali. Ano ang mararamdaman mo sa iyong puso? Nakakaramdam ka ba ng pagkamuhi at pagkasuklam? (Oo.) Kapag nakakaramdam ka ng ganitong pagkamuhi at pagkasuklam sa mga paraang ito ni Satanas, anong uri ng damdamin ang mayroon ka para sa Diyos? (Pasasalamat.) Nagpapasalamat sa Diyos sa pagliligtas sa iyo. Kaya ngayon, sa sandaling ito, may pagnanais ka ba o kalooban na hayaan ang Diyos na mangasiwa at mamahala ng lahat ng mayroon ka at lahat ng kung sino ka? (Oo.) Sa anong konteksto nakabatay ang sagot mo? Sinasabi mo ba ang “oo” sapagkat natatakot ka na sapilitang masakop at masapian ni Satanas? (Oo.) Hindi ka dapat magkaroon ng ganitong uri ng kaisipan; hindi ito tama. Huwag matakot, sapagkat ang Diyos ay naririto. Walang dapat katakutan. Sa sandaling maunawaan mo ang masamang diwa ni Satanas, dapat kang magkaroon ng mas tamang pagkaunawa o ng mas malalim na pagpapahalaga sa pagmamahal ng Diyos, sa mabubuting intensyon ng Diyos, sa pagkahabag at pagpaparaya ng Diyos para sa tao at sa Kanyang matuwid na disposisyon. Si Satanas ay lubhang kasuklam-suklam, datapwat kung hindi pa rin ito humihikayat sa iyong pagmamahal sa Diyos at sa iyong pananalig at pagtitiwala sa Diyos, kung gayon ay anong uri ng tao ka? Handa ka ba na hayaang pinsalain ka ni Satanas? Matapos makita ang kasamaan at pagiging kasuklam-suklam ni Satanas, pumipihit tayo at tumitingin sa Diyos. Sumailalim na ba ngayon sa anumang pagbabago ang iyong kaalaman sa Diyos? Maaari ba nating sabihin na ang Diyos ay banal? Masasabi ba natin na ang Diyos ay walang kapintasan? “Ang Diyos ay natatanging kabanalan”—mapaninindigan ba ng Diyos ang titulong ito? (Oo.) Kaya sa mundo at sa gitna ng lahat ng bagay, tanging ang Diyos Mismo ba ang maaaring manindigan sa pagkaunawang ito ng tao sa Diyos? Mayroon pa bang iba? (Wala.) Kaya ano ba talaga ang ibinibigay ng Diyos sa tao? Nagbibigay lamang ba Siya sa iyo ng kaunting pagkalinga, malasakit at pagsasaalang-alang nang hindi mo ito namamalayan? Ano ang naibigay ng Diyos sa tao? Ang Diyos ay nagbigay sa tao ng buhay, nagbigay sa tao ng lahat ng bagay, at walang-pasubaling ipinagkakaloob sa tao ang lahat ng ito nang walang hinihinging anumang kapalit, nang walang anumang lihim na hangarin. Ginagamit Niya ang katotohanan, ginagamit ang Kanyang mga salita, ginagamit ang Kanyang buhay upang pangunahan at gabayan ang tao, upang mailayo ang tao mula sa pamiminsala ni Satanas, sa mga panunukso ni Satanas, sa panunulsol at pang-aakit ni Satanas, upang tulutan ang tao na makita nang malinaw ang masamang kalikasan ni Satanas at ang nakakatakot nitong mukha. Tunay ba ang pagmamahal at malasakit ng Diyos sa sangkatauhan? Ito ba ay isang bagay na maaaring maranasan ng bawat isa sa inyo? (Oo.)

Magbalik-tanaw sa inyong mga buhay hanggang sa kasalukuyan, sa lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa iyo sa lahat ng taon ng iyong pananampalataya. Pumupukaw man ito nang masisidhi o mabababaw na damdamin, hindi ba’t higit sa lahat ay ito ang lubos na kinakailangan? Hindi ba ito ang iyong pinakakinakailangang makamit? (Oo.) Hindi ba ito katotohanan? Hindi ba ito ang buhay? (Oo.) Napagkalooban ka na ba ng Diyos kahit kailan ng kaliwanagan, at pagkatapos ay hinilingan kang magbigay sa Kanya ng anuman bilang kapalit ng lahat ng naibigay Niya sa iyo? (Hindi.) Kaya ano ang layunin ng Diyos? Bakit ginagawa ito ng Diyos? Mayroon din bang balak ang Diyos na sakupin ka? (Wala.) Nais ba ng Diyos na itaas ang Kanyang trono sa puso ng tao? (Oo.) Kaya ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pagtataas ng Diyos sa Kanyang trono at sa sapilitang pananakop ni Satanas? Nais ng Diyos na matamo ang puso ng tao, nais Niyang sakupin ang puso ng tao—ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ba ito na nais ng Diyos na ang tao ay maging mga tau-tauhan Niya, mga makina Niya? (Hindi.) Kaya ano ang layunin ng Diyos? May pagkakaiba ba sa pagitan ng pagnanais ng Diyos na masakop ang puso ng tao sa sapilitang pananakop at pagsapi ni Satanas sa tao? (Oo.) Ano ang pagkakaiba? Malinaw mo bang masasabi sa Akin? (Ginagawa ito ni Satanas nang sapilitan samantalang hinahayaan ng Diyos na magkusa ang tao.) Ito ba ang kaibahan? Ano ang pakinabang ng Diyos sa iyong puso? At ano ang pakinabang ng Diyos sa pagsakop sa iyo? Ano ang pagkaunawa ninyo sa inyong puso ng “sinasakop ng Diyos ang puso ng tao”? Dapat tayong maging patas sa paraan ng pagsasalita natin tungkol sa Diyos dito, kung hindi, ang mga tao ay palaging magkakaroon ng maling pagkaunawa, at iisiping: “Palaging nais ng Diyos na sakupin ako. Ano ang dahilan at nais Niya akong sakupin? Ayaw kong masakop, nais ko lamang na maging panginoon ng aking sarili. Sinasabi mong sinasakop ni Satanas ang mga tao, subalit sinasakop din ng Diyos ang mga tao. Hindi ba magkapareho ang mga ito? Hindi ko nais na pahintulutang sakupin ako ninuman. Ako ay ako!” Ano ang pagkakaiba rito? Pag-isipan ito. Tinatanong Ko kayo, isa bang hungkag na parirala ang “sinasakop ng Diyos ang tao”? Ang pagsakop ba ng Diyos sa tao ay nangangahulugan na Siya ay nananahan sa iyong puso, at pinangingibabawan ang bawat salita at bawat galaw mo? Kung sinasabihan ka Niya na umupo, mangangahas ka ba na hindi tumayo? Kung sinasabihan ka Niya na magpunta sa silangan, mangangahas ka ba na hindi pumunta sa kanluran? Ang “pananakop” ba na ito ay nakaayon sa mga linyang ito? (Hindi ito nakaayon. Nais ng Diyos na isabuhay ng tao kung anong mayroon at kung ano ang Diyos.) Sa loob ng mga taon na ito na pinangasiwaan ng Diyos ang tao, sa Kanyang gawain sa tao hanggang sa kasalukuyan sa huling yugtong ito, ano ang nilalayong epekto sa tao ng lahat ng salita na winika Niya? Ito ba ay ang maisabuhay ng tao kung anong mayroon at kung ano ang Diyos? Kung titingnan ang literal na kahulugan ng “sinasakop ng Diyos ang puso ng tao,” tila ba kinukuha ng Diyos ang puso ng tao at sinasakop ito, nananahan dito at hindi na muling lalabas; Siya ay nagiging panginoon ng puso ng tao at nagagawang pangibabawan at hawakan ang puso ng tao ayon sa kalooban Niya, upang gawin ng tao ang anumang sinasabi ng Diyos na gawin niya. Kung gayon, para bagang bawat tao ay maaaring maging Diyos at magtaglay ng Kanyang diwa at disposisyon. Kaya sa usaping ito, makakapagsagawa ba ang tao ng mga gawain ng Diyos? Maaari bang maipaliwanag ang “pagsakop” sa ganitong paraan? (Hindi.) Ano ito kung gayon? Itinatanong Ko ito sa inyo: Ang lahat ba ng salita at katotohanan na itinutustos ng Diyos sa tao ay isang pahayag ng diwa ng Diyos at ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya? (Oo.) Ito ay tiyak na totoo. Subalit kinakailangan ba na isinasagawa at tinataglay mismo ng Diyos ang lahat ng salita na itinutustos ng Diyos sa tao? Pag-isipan ito. Kapag hinahatulan ng Diyos ang tao, bakit Siya humahatol? Saan nanggaling ang mga salitang ito? Ano ang nilalaman ng mga salitang ito na winiwika ng Diyos kapag hinahatulan Niya ang tao? Saan nakabatay ang mga ito? Ang mga ito ba’y nakabatay sa tiwaling disposisyon ng tao? (Oo.) Kung gayon ang epekto ba na nakamit sa paghatol ng Diyos sa tao ay nakabatay sa diwa ng Diyos? (Oo.) Kung gayon ang “pagsakop” ba ng Diyos “sa tao” ay isang hungkag na parirala? Tiyak na hindi. Kung gayon bakit sinasabi ng Diyos ang mga salitang ito sa tao? Ano ang layunin Niya sa pagsasabi ng ganitong mga salita? Nais ba Niyang gamitin ang mga salitang ito upang magsilbing buhay ng tao? (Oo.) Nais ng Diyos na gamitin ang lahat ng katotohanang ito na winika Niya sa mga salitang ito para magsilbing buhay ng tao. Kapag tinanggap ng tao ang lahat ng katotohanang ito at ang salita ng Diyos at pinairal ang mga ito sa kanyang sariling buhay, makasusunod ba kung gayon ang tao sa Diyos? Matatakot ba kung gayon ang tao sa Diyos? Malalayuan ba kung gayon ng tao ang kasamaan? Kapag narating ng tao ang puntong ito, makasusunod na ba siya kung gayon sa dakilang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos? Ang tao ba kung gayon ay nasa posisyon na upang magpasakop sa awtoridad ng Diyos? Kapag ang mga taong katulad ni Job, o ni Pedro ay nakarating na sa kanilang hangganan, kapag ang kanilang buhay ay maituturing na nakaabot na sa kahustuhan, kapag mayroon silang tunay na pagkaunawa sa Diyos—maaari pa rin ba silang iligaw ni Satanas? Masasakop pa rin ba sila ni Satanas? Masasapian pa rin ba sila nang sapilitan ni Satanas? (Hindi.) Kaya anong uri ng tao ito? Ito ba ay isang tao na ganap na natamo ng Diyos? (Oo.) Sa antas na ito ng pakahulugan, paano ninyo titingnan ang ganitong uri ng tao na ganap na natamo ng Diyos? Sa pananaw ng Diyos, sa ganitong mga kalagayan, nasakop na Niya ang puso ng taong ito. Ngunit ano ang nararamdaman ng taong ito? Nagiging buhay ba sa loob ng tao ang salita ng Diyos, ang awtoridad ng Diyos, at ang daan ng Diyos, upang ang mga bagay na ipinamumuhay niya gayundin ang diwa niya ay maging sapat upang bigyan-kasiyahan ang Diyos? Sa pananaw ng Diyos, ang puso ba ng sangkatauhan sa mismong sandaling ito ay nasasakop Niya? (Oo.) Paano ninyo nauunawaan ang antas na ito ng pakahulugan sa ngayon? Ang Espiritu ba ng Diyos ang sumasakop sa iyo? (Hindi, ito ang salita ng Diyos na sumasakop sa atin.) Ito ang daan ng Diyos at ang salita ng Diyos na naging buhay mo, at ito ang katotohanan na naging buhay mo. Sa panahong ito, taglay kung gayon ng tao ang buhay na nanggagaling sa Diyos, ngunit hindi natin masasabi na ang buhay na ito ay buhay ng Diyos. Sa madaling salita, hindi natin masasabi na ang buhay ng tao na nagmula dapat sa salita ng Diyos ay ang buhay ng Diyos. Kaya gaano man katagal na sinusunod ng tao ang Diyos, gaano man karaming salita ang matamo ng tao mula sa Diyos, ang tao ay hindi kailanman magiging Diyos. Sabihin man isang araw ng Diyos, “Nasakop Ko na ang iyong puso, tinataglay mo na ngayon ang Aking buhay,” mararamdaman mo ba kung gayon na ikaw ay Diyos? (Hindi.) Magiging ano ka kung gayon? Hindi ka kaya magkakaroon ng lubos na pagsunod sa Diyos? Hindi kaya mapupuno ang iyong puso ng buhay na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos? Ito ay labis na normal na pagpapamalas ng nangyayari kapag sinasakop ng Diyos ang puso ng tao. Ito ay katotohanan. Kaya kung titingnan ito mula sa aspetong ito, ang tao ba ay maaaring maging Diyos? Kapag natamo na ng tao ang lahat ng salita ng Diyos, kapag kaya na ng tao na matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan, matataglay ba ng tao ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos? (Hindi.) Anuman ang mangyari, ang tao ay tao pa rin pagkatapos ng lahat. Ikaw ay isang nilikha; nang matanggap mo ang salita ng Diyos mula sa Diyos at tinanggap ang daan ng Diyos, tinataglay mo lamang ang buhay na nagmumula sa salita ng Diyos, at hindi kailanman magiging Diyos.

Balikan natin ngayon ang paksang katatalakay lamang natin. Sa talakayang ito, tinanong Ko kayo ng isang katanungan—si Abraham ba ay banal? (Hindi.) Si Job ba ay banal? (Hindi.) Nakapaloob sa kabanalang ito ang diwa ng Diyos. Wala sa tao ang diwa ng Diyos o ang disposisyon ng Diyos. Kahit naranasan na ng tao ang lahat ng salita ng Diyos at nasangkapan na siya ng kanyang realidad, hindi pa rin maaaring taglayin ng tao ang banal na diwa ng Diyos kailanman; ang tao ay tao. Naiintindihan ninyo, tama ba? Kaya ano ang pagkaunawa ninyo ngayon sa pariralang ito: “sinasakop ng Diyos ang puso ng tao”? (Ito ay ang mga salita ng Diyos, ang daan ng Diyos at ang Kanyang katotohanan na nagiging buhay ng tao.) Naisaulo na ninyo ang mga salitang ito. Umaasa Ako na magkakaroon kayo ng mas malalim na pagkaunawa. Maaaring itanong ng ilang tao, “Bakit sinasabi kung gayon na ang mga sugo at ang mga anghel ng Diyos ay hindi banal?” Ano ang palagay ninyo sa tanong na ito? Marahil ay hindi ninyo ito isinasaalang-alang dati. Gagamit Ako ng simpleng halimbawa: Kapag pinaandar mo ang isang robot, kapwa ito makakapagsayaw at makakapagsalita, at maiintindihan mo ang sinasabi nito. Maaaring tawagin mo itong kaakit-akit at masigla, ngunit hindi nito mauunawaan sapagkat wala itong buhay. Kapag pinatay mo ang pinagkukunan ng kuryente nito, makagagalaw pa kaya ito? Kapag umaandar ang robot na ito, maaari mong makita na ito ay masigla at kaakit-akit. Suriin mo ito, maging ito man ay isang makabuluhang pagsusuri o mababaw na pagsusuri, subalit sa paano mang paraan, makikita mo na ito ay gumagalaw. Ngunit kapag pinatay mo ang pinagkukunan ng kuryente nito, may nakikita ka bang anumang uri ng personalidad dito? Nakikita mo ba na ito ay nagtataglay ng anumang uri ng diwa? Nauunawaan mo ba ang kahulugan ng Aking sinasabi? Sa madaling salita, bagaman ang robot na ito ay nakagagalaw at nakakahinto ito, hindi mo kailanman mailalarawan na nagtataglay ito ng anumang uri ng diwa. Hindi ba ito isang katotohanan? Ngayon, hindi na natin pag-uusapan pa ito. Sapat na para sa inyo ang magkaroon ng pangkalahatang pagkaunawa sa kahulugan. Tapusin na natin ang ating pagbabahagi dito. Paalam!

Disyembre 17, 2013

Talababa:

a. Ang “orasyon sa paghihigpit ng benda” ay isang orasyon na ginagamit ng mongheng si Tang Sanzang sa nobelang Chinese na Journey to the West. Ginagamit niya ang orasyong ito para pigilan si Sun Wukong sa pamamagitan ng paghihigpit ng isang bendang bakal sa palibot ng ulo ng huli, na nagbibigay rito ng matitinding sakit ng ulo kaya nakokontrol niya ito. Naging isang metapora ito para ilarawan ang isang bagay na gumagapos sa isang tao.

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kontakin Kami Gamit ang Messenger