Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Ang Awtoridad ng Diyos (I) Pagpapatuloy ng Unang Bahagi

Sa Pang-apat na Araw, ang mga Panahon, mga Araw, at mga Taon ng Sangkatauhan ay Sumapit Nang Muling Gamitin ng Diyos ang Kanyang Awtoridad

Ginamit ng Lumikha ang Kanyang mga salita para tuparin ang Kanyang plano, at sa paraang ito, pinalipas Niya ang unang tatlong araw ng Kanyang plano. Sa loob ng tatlong araw na ito, ang Diyos ay hindi nakitang naging abala o pinapagod ang Kanyang sarili; bagkus, pinalipas Niya ang kamangha-manghang unang tatlong araw ng Kanyang plano, at naisakatuparan ang dakilang gawain ng radikal na pagbabagong-anyo sa mundo. Isang bagung-bagong mundo ang lumitaw sa Kanyang harapan, at, nang paisa-isang piraso, ang magandang larawan na nakatago sa loob ng Kanyang mga iniisip ay nabunyag sa wakas sa mga salita ng Diyos. Ang paglitaw ng bawat bagong bagay ay parang kapanganakan ng isang bagong silang na sanggol, at nalugod ang Lumikha sa larawang minsan ay nasa Kanyang mga iniisip, ngunit ngayon ay nabigyan na ng buhay. Sa sandaling ito, nagkaroon ng munting kasiyahan ang Kanyang puso, ngunit kasisimula pa lamang ng Kanyang plano. Sa isang kisap-mata, isang bagong araw ang dumating—at ano ang susunod na pahina sa plano ng Lumikha? Ano ang sinabi Niya? At paano Niya ginamit ang Kanyang awtoridad? Samantala, anong mga bagong bagay ang dumating dito sa bagong mundo? Sa pagsunod sa paggabay ng Lumikha, natutuon ang ating pagtingin sa pang-apat na araw ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay, isang araw na isa na namang bagong pasimula. Siyempre, para sa Lumikha, walang duda na ito ay isa na namang kamangha-manghang panibagong araw, at panibagong araw na naman ito na sukdulan ang kahalagahan para sa sangkatauhan sa kasalukuyan. Tunay na ito ay isang araw na hindi masusukat ang halaga. Gaano ito kamangha-mangha, gaano ito kahalaga, at paanong hindi masukat ang halaga nito? Makinig muna tayo sa mga salitang binigkas ng Lumikha …

“At sinabi ng Diyos, ‘Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit upang maghiwalay ng araw sa gabi; at maging pinakatanda, at pinakabahagi ng panahon, ng mga araw at ng mga taon: At maging pinakatanglaw sa kalawakan ng langit, upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa’” (Genesis 1:14–15). Isa na naman itong paggamit ng awtoridad ng Diyos na ipinakita ng mga nilalang pagkatapos ng Kanyang paglikha ng tuyong lupa at ng mga halamang nasa loob nito. Para sa Diyos, ang naturang pagkilos ay kasing dali ng nagawa na Niya, dahil may ganoong kapangyarihan ang Diyos; kasinggaling ng Diyos ang Kanyang salita, at matutupad ang Kanyang salita. Iniutos ng Diyos na lumitaw ang mga tanglaw sa langit, at ang mga tanglaw na ito ay hindi lamang sumikat sa kalangitan at sa lupa, kundi nagsilbi ring mga tanda para sa araw at gabi, para sa mga panahon, mga araw, at mga taon. Sa paraang ito, habang binibigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita, ang bawat pagkilos na gustong maisakatuparan ng Diyos ay natupad ayon sa kahulugan ng Diyos at sa paraang itinalaga ng Diyos.

Ang mga tanglaw sa kalangitan ay pisikal na bagay sa himpapawid na magsisinag ng liwanag; paliliwanagin ng mga iyon ang papawirin, ang lupa at mga karagatan. Umiikot ang mga ito ayon sa ritmo at dalas na iniutos ng Diyos, at tinatanglawan ang iba’t ibang sakop ng mga panahon sa ibabaw ng lupa, at sa ganitong paraan, ang mga siklo ng pag-ikot ng mga tanglaw ay ang nagsasanhi na mapalabas ang araw at gabi sa silangan at kanluran ng lupa, at hindi lamang mga tanda para sa gabi at araw ang mga iyon, ngunit sa pamamagitan ng iba’t ibang siklo na ito ay natatandaan din ang mga pista at iba’t ibang espesyal na mga araw ng sangkatauhan. Ang mga iyon ay perpektong pambuo at kasama sa apat na panahon—tagsibol, tag-araw, taglagas, at taglamig—na ipinalabas ng Diyos, na kasama ng mga tanglaw na magkakaayong nagsisilbi bilang regular at tumpak na mga tanda para sa haba ng mga buwan, araw, at taon ng sangkatauhan. Bagama’t pagkatapos lamang na dumating ang pagsasaka na nagsimulang maintindihan at makita ng sangkatauhan ang paghahati-hati ng haba ng mga buwan, araw at taon na sanhi ng mga tanglaw na nilikha ng Diyos, sa katunayan ang haba ng mga buwan, araw, at taon na naiintindihan ng tao ngayon ay nagawa na noon pa man simula noong pang-apat na araw ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay, at gayundin ang nagpapalit-palit na mga siklo ng tagsibol, tag-araw, taglagas, at taglamig na naranasan ng tao ay nagsimula na noon pang ikaapat na araw ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay. Ang mga tanglaw na nilikha ng Diyos ay nagbigay-kakayahan sa tao na palagian, tumpak, at malinaw na malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng gabi at araw, at bilangin ang mga araw, at malinaw na subaybayan ang mga haba ng mga buwan at taon. (Ang araw ng kabilugan ng buwan ay ang pagkumpleto ng isang buwan, at mula rito, alam ng tao na ang pag-ilaw ng mga tanglaw ay nagsisimula ng isang bagong siklo; ang araw ng kalahating buwan ay ang pagkumpleto sa kalahati ng buwan, na nagsabi sa tao na nagsisimula na ang isang bagong buwan, at mahihinuha mula rito kung ilang araw at gabi ang mayroon sa isang buwan, kung ilang buwan ang mayroon sa isang panahon, at kung ilang panahon mayroon sa isang taon, at ang lahat ng ito ay ibinunyag nang may napakataas na regularidad.) Kaya madaling masubaybayan ng tao ang mga buwan, araw, at taon na may mga pananda ng mga kumpletong pag-ikot ng mga tanglaw. Mula sa puntong ito, hindi namalayan ng sangkatauhan at ng lahat ng bagay na namuhay sila na may maayos na pagpapalitan ng gabi at araw at mga pagpapalitan ng mga panahon na napalabas ng mga kumpletong pag-ikot ng mga tanglaw. Ito ang kabuluhan ng paglikha sa mga tanglaw sa pang-apat na araw ng Lumikha. Katulad nito, ang mga minimithi at kabuluhan ng pagkilos na ito ng Lumikha ay hindi pa rin naihiwalay mula sa Kanyang awtoridad at kapangyarihan. At kaya ang mga tanglaw na ginawa ng Diyos at ang halaga na nalalapit nang dalhin ng mga iyon sa tao ay isa pang kumpas ng kahusayan sa paggamit ng awtoridad ng Lumikha.

Sa bagong mundong ito, kung saan ay hindi pa lumilitaw ang sangkatauhan, naihanda na ng Lumikha ang gabi at umaga, ang kalawakan, lupain at mga karagatan, damo, halaman at iba’t ibang uri ng mga puno, at ang mga tanglaw, mga panahon, mga araw, at mga taon para sa bagong buhay na nalalapit na Niyang likhain. Ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha ay naipahayag sa bawat bagong bagay na Kanyang nilikha, at ang Kanyang mga salita at mga nagawa ay nangyari nang sabay, nang wala ni katiting na kaibahan, at nang wala ni katiting na pagitan. Ang paglitaw at pagsilang ng lahat ng mga bagong bagay na ito ay patunay ng awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha: kasing galing Niya ang Kanyang salita, at ang Kanyang salita ay matutupad, at ang natutupad Niya na ay mananatili magpakailanman. Hindi kailanman nagbago ang katunayang ito: ganoon sa nakaraan, ganoon din ngayon, at magiging ganoon sa buong kawalang-hanggan. Kapag muli ninyong titingnan ang mga salitang iyon sa kasulatan, nararamdaman ba ninyong bago ang mga iyon? May nakita na ba kayong mga bagong nilalaman, at nakagawa ng mga bagong pagtuklas? Iyon ay dahil naantig na ng mga ginawa ng Lumikha ang inyong mga puso, at ginabayan ang direksiyon ng inyong kaalaman sa Kanyang awtoridad at kapangyarihan, at binuksan ang pintuan ng inyong pagkaunawa sa Lumikha, at ang Kanyang mga ginawa at awtoridad ay nagbigay na ng buhay sa mga salitang ito. Kaya, sa mga salitang ito ay nakita na ng tao ang isang totoo at malinaw na pagpapahayag ng awtoridad ng Lumikha, tunay na nasaksihan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at namasdan ang pagiging di-pangkaraniwan ng awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha.

Ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha ay nagbubunga ng sunud-sunod na himala; inaakit Niya ang pansin ng tao, at walang magagawa ang tao kundi tumitig nang di-kumukurap sa mga kahanga-hangang gawa na nanggaling sa paggamit ng Kanyang awtoridad. Ang Kanyang di-pangkaraniwang kapangyarihan ay nagdudulot ng sunud-sunod na kasiyahan, at naiiwan ang tao na puno ng pagkamangha at labis na tuwa, at napapabuntong-hininga sa paghanga, tulala, at masaya; at higit pa rito, ang tao ay halatang naaantig, at nabubuo sa kanya ang paggalang, pagpipitagan, at pagkagiliw. May matindi at nakakalinis na epekto ang awtoridad at mga gawain ng Lumikha sa espiritu ng tao, at, bukod dito, labis na binibigyang-kasiyahan nito ang espiritu ng tao. Ang bawat iniisip Niya, bawat pagbigkas Niya, at ang bawat pagbubunyag ng Kanyang awtoridad ay isang obra maestra sa gitna ng lahat ng bagay, at isang malaking gawain na pinakakarapat-dapat sa malalim na pagkaunawa at pagkakilala ng nilikhang sangkatauhan. Kapag binibilang natin ang bawat nilikha na isinilang mula sa mga salita ng Lumikha, ang mga espiritu natin ay napapalapit sa pagiging kamangha-mangha ng kapangyarihan ng Diyos, at nakikita natin ang ating mga sarili na sumusunod sa mga yapak ng Lumikha hanggang sa susunod na araw: ang panlimang araw ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay.

Patuloy nating basahin nang isa-isa ang talata sa Kasulatan, habang tinitingnan natin ang mas marami pa sa mga ginawa ng Lumikha.

Sa Panglimang Araw, Itinanghal ng Iba-iba at Sari-saring Anyo ng Buhay ang Awtoridad ng Lumikha sa Magkakaibang Paraan

Sinasabi ng Kasulatan, “At sinabi ng Diyos, ‘Bukalan nang sagana ang tubig ng mga gumagalaw na nilikha na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa itaas ng lupa sa bukas na kalawakan ng himpapawid.’ At nilikha ng Diyos ang malalaking hayop sa dagat, at ang bawat may buhay na nilikha na gumagalaw, na ibinukal na sagana ng tubig, ayon sa kani-kanyang uri at ang lahat na may pakpak na ibon, ayon sa kani-kanyang uri: at nakita ng Diyos na ito ay mabuti” (Genesis 1:20–21). Malinaw na sinasabi sa atin ng Kasulatan na, sa araw na ito, ginawa ng Diyos ang mga nilalang sa mga katubigan, at ang mga ibon ng himpapawid, na ang ibig sabihin ay Kanyang ginawa ang iba’t ibang isda at ibon, at pinagsama-sama ang mga iyon ayon sa uri. Sa ganitong paraan, pinasagana ng paglikha ng Diyos ang lupa, ang mga papawirin, at mga katubigan …

Habang binibigkas ang mga salita ng Diyos, isang sariwang bagong buhay, na may kanya-kanyang anyo, ang nabuhay sa isang iglap sa kalagitnaan ng mga salita ng Lumikha. Dumating sila sa mundo na nakikipaggitgitan para sa tatayuan, nagtatalunan, nagkakatuwaan sa galak…. Naglanguyan sa mga katubigan ang mga isda na may iba’t ibang hugis at sukat, naglabasan sa mga buhanginan ang lahat ng klase ng kabibe; ang may kaliskis, may talukab, at walang-gulugod na mga nilalang ay agarang naglakihan na may mga iba’t ibang anyo, kahit pa malaki o maliit, mahaba o maikli. Gayundin ay nagsimulang lumaki nang mabilis ang iba’t ibang klase ng halamang-dagat, sumasabay sa galaw ng iba’t ibang mga nabubuhay sa tubig, umaalun-alon, hinihimok ang matining na mga katubigan, na para bang sinasabi sa kanila: “Igalaw mo ang paa mo! Isama mo ang iyong mga kaibigan! Dahil hindi ka na muling mag-iisa kailanman!” Simula sa sandali na ang mga iba’t ibang buhay na nilalang na ginawa ng Diyos ay nagsilitaw sa katubigan, ang bawat sariwang bagong buhay ay nagpasigla sa mga katubigan na naging tahimik nang napakatagal, at naghatid ng isang bagong panahon…. Simula sa puntong iyon, humimlay sila sa piling ng bawat isa, at sinamahan ang bawat isa, at hindi lumayo sa isa’t isa. Umiral ang katubigan para sa mga nilalang na nasa loob nito, pinalulusog ang bawat buhay na nanirahan sa loob ng yakap nito, at ang bawat buhay ay umiral alang-alang sa katubigan dahil sa pagpapakain nito. Bawat isa ay nagsalalay ng buhay sa isa’t isa, at kasabay niyon, ang bawat isa, sa parehong paraan, ay naging patotoo sa pagiging mahimala at dakila ng paglikha ng Lumikha, at sa di-mapapantayang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha …

Nang hindi na tahimik ang karagatan ay nagsimula na ring punuin ng buhay ang mga papawirin. Ang mga ibon, malaki at maliit, ay isa-isang nagliparan sa himpapawid mula sa lupa. Hindi tulad ng mga nilalang sa karagatan, may mga pakpak sila at balahibo na tumatakip sa kanilang mga payat at masiglang mga anyo. Ikinampay nila ang kanilang mga pakpak, mapagmalaki at mayabang na ipinakikita ang kanilang napakagandang balabal na balahibo at ang kanilang natatanging mga nagagawa at kakayahang ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha. Malaya silang pumailanglang, at bihasang nagpabalik-balik sa pagitan ng langit at lupa, patawid sa mga damuhan at mga kagubatan…. Sila ang mga ginigiliw ng hangin, sila ang mga ginigiliw ng lahat ng bagay. Di-maglalaon ay magiging bigkis sila sa pagitan ng langit at lupa, at magdadala ng mga mensahe sa lahat ng bagay…. Kumanta sila, masaya silang nandaragit, nagdulot sila ng aliw, halakhak, at kasiglahan dito sa minsan nang hungkag na mundo…. Gamit nila ang kanilang malinaw at malambing na pagkanta, gamit ang mga salita sa kanilang mga puso upang purihin ang Lumikha para sa buhay na ipinagkaloob sa kanila. Masaya silang sumayaw para ipakita ang pagkaperpekto at pagiging mahimala ng paglikha ng Lumikha, at ilalaan ang kanilang buong buhay sa pagpapatotoo sa awtoridad ng Lumikha sa pamamagitan ng natatanging buhay na Kanyang ipinagkaloob sa kanila …

Kung sila man ay nasa tubig, o sa mga papawirin, sa pamamagitan ng utos ng Lumikha, ang napakaraming bagay na ito na may buhay ay umiral sa iba’t ibang kayarian ng buhay, at sa utos ng Lumikha, nagsama-sama sila ayon sa kani-kanyang uri—at ang batas na ito, ang patakarang ito, ay di-kayang baguhin ng anumang mga nilalang. Hindi sila kailanman nangahas na lumampas sa mga hangganang itinalaga para sa kanila ng Lumikha, ni hindi nila ito magawa. Ayon sa pagtatalaga ng Lumikha, namuhay sila at nagpakarami, at mahigpit na sumunod sa takbo ng buhay at mga batas na itinalaga para sa kanila ng Lumikha, at sadya silang sumunod sa Kanyang mga di-binibigkas na mga utos at sa mga kautusan at tuntunin ng kalangitan na Kanyang ibinigay sa kanila, magpahanggang sa ngayon. Nakipag-usap sila sa Lumikha sa kanilang sariling natatanging paraan, at natutuhang pahalagahan ang kahulugan ng Lumikha, at sumunod sa Kanyang mga utos. Walang sinuman ang lumabag sa awtoridad ng Lumikha kailanman, at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at utos sa kanila ay naipapaabot mula sa loob ng Kanyang mga iniisip; walang mga salitang inilabas, ngunit ang awtoridad na natatangi sa Lumikha ang kumontrol nang tahimik sa lahat ng bagay na hindi nakapagsasalita at naiiba mula sa sangkatauhan. Ang paggamit ng Kanyang awtoridad sa natatanging paraang ito ay pumilit sa tao na magtamo ng bagong kaalaman, at makagawa ng bagong pakahulugan, sa natatanging awtoridad ng Lumikha. Dito, kailangan Kong sabihin sa inyo na sa bagong araw na ito, ipinakitang muli ng paggamit ng awtoridad ng Lumikha ang pagiging bukod-tangi ng Lumikha.

Susunod, tingnan natin ang huling pangungusap sa talatang ito ng kasulatan: “nakita ng Diyos na ito ay mabuti”. Ano sa tingin ninyo ang ibig nitong sabihin? Ang mga damdamin ng Diyos ay nakapaloob sa mga salitang ito. Pinanood ng Diyos na mabuo at di-matinag ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha dahil sa Kanyang mga salita, at unti-unting nagsimulang magbago. Sa sandaling ito, nasiyahan ba ang Diyos sa iba’t ibang mga bagay na Kanyang nagawa sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at sa iba’t ibang gawain na Kanyang naisakatuparan? Ang sagot ay “nakita ng Diyos na ito ay mabuti”. Ano ang nakikita ninyo rito? Ano ang tinutukoy ng “nakita ng Diyos na ito ay mabuti”? Ano ang sinisimbolo nito? Ibig sabihin nito ay may kapangyarihan at karunungan ang Diyos na tuparin ang Kanyang binalak at iniatas, para maisakatuparan ang mga mithiing Kanyang inilatag na makamit. Nang nakumpleto na ng Diyos ang bawat gawain, nakaramdam ba Siya ng pagsisisi? Ang sagot pa rin ay “nakita ng Diyos na ito ay mabuti.” Sa madaling salita, hindi lamang sa hindi Siya nagsisi, ngunit sa halip ay nasiyahan Siya. Ano ba ang ibig sabihin ng wala Siyang pagsisisi? Ang ibig sabihin nito ay perpekto ang plano ng Diyos, na perpekto ang Kanyang kapangyarihan at karunungan, at sa pamamagitan lamang ng Kanyang awtoridad na ang naturang pagkaperpekto ay matutupad. Kapag ang tao ay gumaganap ng isang gawain, makikita ba niya, tulad ng Diyos, na ito ay maganda? Ang lahat ng bagay ba na magagawa ng tao ay naaabot ang pagkaperpekto? Makukumpleto ba ng tao ang isang bagay nang minsanan at hanggang kawalang-hanggan? Tulad ng sinasabi ng tao, “walang perpekto, ang mayroon lamang ay pagpapabuti,” walang bagay na ginagawa ng tao na makakaabot sa pagkaperpekto. Nang nakita ng Diyos na ang lahat na Kanyang nagawa na at nakamtan ay mabuti, lahat ng ginawa ng Diyos ay itinalaga ng Kanyang mga salita, ibig sabihin, noong “nakita ng Diyos na ito ay mabuti”, ang lahat ng Kanyang nagawa ay naging permanente na ang anyo, pinagsama-sama ayon sa uri, at binigyan ng permanenteng posisyon, layunin, at tungkulin, nang minsanan hanggang sa kawalang-hanggan. Bukod dito, ang kanilang papel sa gitna ng lahat ng bagay, at ang paglalakbay na dapat nilang suungin sa panahon ng pamamahala ng Diyos sa lahat ng bagay, ay naitalaga na ng Diyos, at hindi na mababago. Ito ang batas ng kalangitan na ibinigay ng Lumikha sa lahat ng bagay.

“Nakita ng Diyos na ito ay mabuti”, ang simple at di-gaanong pinahahalagahang mga salitang ito, na kadalasang binabalewala, ay ang mga salita ng batas ng kalangitan at alituntunin ng kalangitang ibinigay sa lahat ng nilalang ng Diyos. Ang mga iyon ay isa pang pagsasakatawan ng awtoridad ng Lumikha, isang bagay na mas praktikal, at mas malalim. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, hindi lamang natamo ng Lumikha kung ano ang itinakda Niya na matamo, at nakamtan ang lahat ng itinakda Niyang makamtan, kundi mapipigilan din ng Kanyang mga kamay ang lahat ng Kanyang nilikha, at mapapagharian ang lahat ng bagay na Kanyang nagawa sa ilalim ng Kanyang awtoridad, at, dagdag pa rito, ang lahat ay sistematiko at regular. Ang lahat ng bagay rin ay lumaganap, umiral, at namatay sa pamamagitan ng Kanyang salita at, bukod diyan, umiral ang mga ito sa batas na Kanyang itinalaga sa pamamagitan ng Kanyang awtoridad, at walang hindi saklaw nito! Agad na nagsimula ang batas na ito sa mismong sandali na “nakita ng Diyos na ito ay mabuti”, at ito ay iiral, magpapatuloy, at gagana para sa kapakanan ng plano ng pamamahala ng Diyos hanggang sa araw na ipawawalang-bisa ito ng Lumikha! Ang natatanging awtoridad ng Lumikha ay hindi lamang naipapamalas sa Kanyang kakayahang likhain ang lahat ng bagay at utusan ang lahat ng bagay na mabuo, kundi sa kakayahan din Niya na pamahalaan at hawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ipagkaloob ang lakas at kasiglahan sa lahat ng bagay, at, bukod pa rito, sa Kanyang kakayahang magsanhi, nang minsanan at magpasawalang-hanggan, sa lahat ng bagay na gagawin Niya sa Kanyang plano na lumitaw at umiral sa mundong ginawa Niya na may perpektong hugis, at perpektong kayarian ng buhay, at isang perpektong gagampanan. Gayundin, naipakita ito sa paraan na ang mga iniisip ng Lumikha ay hindi sumailalim sa anumang mga limitasyon, at di-limitado ng oras, espasyo, o heograpiya. Tulad ng Kanyang awtoridad, ang natatanging pagkakakilanlan ng Lumikha ay mananatiling di-nagbabago mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan. Ang Kanyang awtoridad ay laging magiging pagkakatawan at sagisag ng Kanyang natatanging pagkakakilanlan, at ang Kanyang awtoridad ay iiral magpakailanman kaagapay ng Kanyang pagkakakilanlan!

Sa Pang-anim na Araw, Nagsalita ang Lumikha, at ang Bawat Uri ng Buhay na Nilalang sa Kanyang Isipan ay Lumitaw nang Isa-isa

Hindi mamamalayan na nagpatuloy ang paggawa ng Lumikha sa lahat ng bagay nang limang araw, kasunod agad na sinalubong ng Lumikha ang pang-anim na araw ng Kanyang paglikha ng lahat ng bagay. Isa na namang bagong pasimula ang araw na ito, at isa muling pambihirang araw. Ano kaya ang plano ng Lumikha sa bisperas ng bagong araw na ito? Anong mga bagong nilalang ang Kanyang ilalabas, ang lilikhain Niya? Makinig, iyan ang boses ng Lumikha …

“At sinabi ng Diyos, ‘Bukalan ang lupa ng mga may buhay na nilikha ayon sa kani-kaniyang uri, ng bakahan at ng mga nilikha na umuusad, at ng mga hayop sa lupa, ayon sa kani-kaniyang uri:’ at nagkagayon. At nilikha ng Diyos ang hayop sa lupa ayon sa kanyang uri, at ang bakahan ayon sa kanyang uri, at ang bawat umuusad sa ibabaw ng lupa ayon sa kani-kaniyang uri: at nakita ng Diyos na ito ay mabuti” (Genesis 1:24–25). Anong mga buhay na nilalang ang kasama rito? Sinasabi ng Kasulatan: mga baka, at mga gumagapang na nilalang, at mga hayop ng lupa ayon sa kanyang uri. Ibig sabihin, sa araw na ito, hindi lamang mayroong iba’t ibang uri ng mga buhay na nilalang sa lupa, kundi napagsama-sama silang lahat ayon sa uri, at gayon din naman, “nakita ng Diyos na ito ay mabuti.”

Tulad ng nakaraang limang araw, sa parehong tono, sa pang-anim na araw ay iniutos ng Lumikha ang pagsilang ng mga gusto Niyang mga buhay na nilalang, at lumitaw ang mga ito sa lupa, ang bawat isa ayon sa kanilang uri. Kapag ginagamit ng Lumikha ang Kanyang awtoridad, wala sa Kanyang mga salita ang nabibigkas nang walang saysay, at kaya, sa pang-anim na araw, ang bawat buhay na nilalang na nilayon Niyang likhain ay lumitaw sa itinakdang sandali. Tulad ng sinabi ng Lumikha, “Bukalan ang lupa ng mga may buhay na nilikha ayon sa kani-kanyang uri,” agad na napuno ng sigla ang mundo, at sa ibabaw ng lupain ay biglang naglitawan ang hininga ng lahat ng uri ng mga buhay na nilalang…. Sa madamong berdeng kaparangan, ang matatabang baka, na ikinakawag ang kanilang mga buntot nang paroon at parito, ay isa-isang lumitaw, ang mga umuungang tupa ay nagtipun-tipon tungo sa mga kawan, at ang humahalinghing na mga kabayo ay nagsimulang magsikabig…. Sa isang iglap, napuno ng sigla ang malaking kalawakan ng tahimik na damuhan…. Ang paglitaw ng sari-saring uri ng mga hayop na ito ay isang magandang tanawin sa payapang damuhan, at nagdulot ito ng walang hangganang kasiglahan…. Sila ang magiging mga kasama ng mga damuhan, at ang mga panginoon ng mga damuhan, bawat isa ay nakadepende sa isa’t isa; gayon din sila ang magiging tagabantay at tagapangalaga ng mga lupaing ito, na siyang magiging permanenteng tirahan nila, at siyang magbibigay sa kanila ng lahat ng kailangan nila at pagmumulan ng walang-hanggang pagkain para sa kanilang pag-iral …

Sa parehong araw na nabuhay ang iba’t ibang mga hayop na ito, sa pamamagitan ng salita ng Lumikha ay isa-isa ring lumitaw ang maraming insekto. Kahit na sila ang pinakamaliliit sa mga bagay na may buhay sa gitna ng lahat ng nilalang, ang puwersa ng kanilang buhay ay mahimalang paglikha pa rin ng Lumikha, at hindi sila dumating nang napakahuli…. Ikinampay ng iba ang kanilang maliliit na pakpak, habang ang mga iba ay dahan-dahang gumapang; ang iba ay tumalon at tumalbog, ang ilan ay sumuray-suray; ang ilan ay gumulong pasulong, habang ang iba ay mabilis na umurong; ang iba ay gumalaw nang patagilid, ang iba naman ay tumalon nang pataas at paibaba…. Abala ang lahat sa paghahanap ng mga tahanan para sa kanilang mga sarili: Ang ilan ay sumuot sa damuhan, ang ilan ay nagsimulang maghukay ng mga butas sa lupa, ang ilan ay lumipad pataas tungo sa mga puno at nakatago sa mga kagubatan…. Kahit na maliit, hindi nila gustong tiisin ang hirap kapag walang laman ang tiyan, at matapos makakita ng kanilang sariling mga matitirahan, nagmadali silang maghanap ng pagkain para pakainin ang kanilang mga sarili. Ang iba ay umakyat sa damo para kainin ang mga malalambot nitong dahon, ang iba ay umukab sa lupa at nilunok ito patungo sa kanilang mga tiyan, sarap na sarap at siyang-siya habang kumakain (para sa kanila, kahit ang lupa ay masarap na pagkain); ang ilan ay nakatago sa mga kagubatan, ngunit hindi huminto ang mga ito para magpahinga, dahil ang dagta sa loob ng makikintab at matitingkad na berdeng dahon ay nagkaloob ng napakasarap na pagkain…. Matapos magsawa ang mga ito, hindi pa rin huminto sa kanilang mga gawain ang mga insekto; bagama’t mababa ang katayuan, may taglay na napakatinding kalakasan at walang-limitasyong kasiglahan ang mga ito, at kaya sa lahat ng nilalang, ang mga ito ang pinakamaliliksi at pinakamasisipag. Hindi sila kailanman naging tamad, at kailanman ay hindi nagpasasa sa pamamahinga. Sa sandaling magsawa sa kakakain, nagtatrabaho pa rin ang mga ito alang-alang sa kanilang hinaharap, abala sila at nagmamadali para sa kanilang kinabukasan, para sa pagpapatuloy ng kanilang buhay…. Marahan silang humuni ng mga awitin na may sari-saring himig at ritmo para palakasin at himukin ang kanilang mga sarili na magpatuloy. Nagdulot din sila ng kasiyahan sa damuhan, mga puno, at sa bawat pulgada ng lupa, ginagawa ang bawat araw, at ang bawat taon, na natatangi…. Sa kanilang sariling mga wika at sa kanilang sariling mga paraan, nagdala ng kabatiran ang mga ito sa lahat ng bagay na may buhay sa kalupaan. Gamit ang kanilang sariling espesyal na pamumuhay, minarkahan nila ang lahat ng bagay, kung saan nag-iwan sila ng mga bakas…. Malapit ang relasyon nila sa lupa, sa damuhan, at sa mga kagubatan, at nagdulot sila ng kalakasan at kasiglahan sa lupa, sa damuhan, at sa mga kagubatan. Dinala ng mga ito ang mga pangaral at pagbati ng Lumikha sa lahat ng bagay na nabubuhay …

Tinitigan ng Lumikha ang lahat ng bagay na Kanyang nalikha, at sa sandaling ito ang Kanyang mata ay sandaling napako sa mga kagubatan at kabundukan habang umiikot ang isipan Niya. Habang ang Kanyang mga salita ay binigkas, sa makakapal na kagubatan, at sa ibabaw ng mga kabundukan, may lumitaw na isang uri ng nilalang na di-tulad ng ibang dati nang dumating: Ang mga iyon ay ang mababangis na hayop na binigkas ng bibig ng Diyos. Dapat sana ay noon pa, iniling-iling nila ang kanilang mga ulo at iwinasi-wasiwas ang kanilang mga buntot, bawat isa ay may kani-kanilang natatanging itsura. May mabalahibo, mayroong may kalasag, may naglabas ng mga pangil, may nakangisi, may mahaba ang leeg, may maikli ang buntot, mayroong mabangis ang tingin, may mahiyaing tingin, may nakayukong kumakain ng damo, mayroong may dugo sa kanilang mga bibig, may lumuluksu-lukso sa dalawang paa, may naglalakad gamit ang apat na malalaking paa, may nakatanaw sa malayo sa itaas ng mga puno, may naghihintay sa mga kagubatan, may mga naghahanap ng mga kweba para mamahinga, may masasayang nagtatakbuhan sa mga kapatagan, may mga umaali-aligid sa mga kagubatan…; may mga umuungol, may mga umaalulong, may mga tumatahol, may mga umiiyak…; may mga soprano, may mga baritono, may mga malagong, may mga malinaw at malambing…; may mga mabagsik, may mga maganda, may mga nakakadiri, may mga nakakatuwa, may mga nakakatakot, may mga walang-muwang na kaakit-akit…. Isa-isa silang naglabasan. Tingnan kung gaano sila kataas at kalakas, malaya, medyo mailap sa isa’t isa, hindi man lamang sumusulyap sa isa’t isa…. Bawat isa ay taglay ang partikular na buhay na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha, at ang kanilang sariling kabangisan, at kalupitan, lumitaw sila sa mga kagubatan at sa mga kabundukan. Hinahamak ang lahat, ganap na nangingibabaw—sila nga talaga ay mga tunay na amo ng mga kabundukan at kagubatan. Mula sa sandaling itinalaga ng Lumikha ang kanilang mga hitsura, “inangkin” na nila ang mga kagubatan at ang mga kabundukan, dahil isinara na ng Lumikha ang kanilang mga hangganan at tinukoy na ang sakop ng kanilang pag-iral. Sila lamang ang totoong mga panginoon ng mga kabundukan at kagubatan, at kaya napakabangis nila, napakasuwail. Tinawag silang “mababangis na hayop” sa tanging kadahilanan na, sa lahat ng nilalang, sila ang siyang tunay na mabangis, malupit, at hindi mapaamo. Hindi sila mapapaamo, kaya hindi sila maaalagaan, at hindi makakapamuhay nang kaayon ng sangkatauhan o magtrabaho para sa sangkatauhan. Ito ay dahil hindi sila maaalagaan, hindi makakagawa ang mga ito para sa sangkatauhan, na kailangang mamuhay ang mga ito nang malayo sa sangkatauhan, at hindi malalapitan ang mga ito ng tao. Bunga nito, dahil namuhay sila nang malayo sa sangkatauhan, at hindi malapitan ng tao, kaya nagawang tuparin ng mga ito ang responsibilidad na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha: ang pagbabantay sa mga kabundukan at sa mga kagubatan. Pinangalagaan ng kabangisan ng mga ito ang mga kabundukan at binantayan ang mga kagubatan, at ang pinakamahusay na pag-iingat at kasiguruhan ng kanilang pag-iral at pagpaparami. Kasabay nito, pinanatili at siniguro ng kabangisan ng mga ito ang pagiging balanse ng lahat ng bagay. Ang kanilang pagdating ay nagbigay ng suporta at kanlungan sa mga kabundukan at mga kagubatan; ang pagdating ng mga ito ay nagdala ng walang-hangganang kalakasan at kasiglahan sa tahimik at walang-buhay na mga kabundukan at mga kagubatan. Mula sa puntong ito, naging permanenteng tirahan na nila ang mga kabundukan at mga kagubatan, at kailanman ay hindi mawawala sa kanila ang kanilang tirahan, dahil lumitaw at umiral ang mga kabundukan at mga kagubatan para sa kanila; tutuparin ng mababangis na hayop ang kanilang mga tungkulin at gagawin ang lahat ng kanilang makakaya para bantayan ang mga iyon. Kaya, gayundin, ang mababangis na hayop ay mahigpit na susunod sa mga tagubilin ng Lumikha na panghawakan ang kanilang mga teritoryo, at patuloy na gamitin ang kanilang mababangis na kalikasan para panatilihin ang pagiging balanse ng lahat ng bagay na itinatag ng Lumikha, at ipakita ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha!

Sa Ilalim ng Awtoridad ng Lumikha, Perpekto ang Lahat ng Bagay

Ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, kasama ang mga nakagagalaw at ang mga di-nakagagalaw, tulad ng mga ibon at isda, tulad ng mga puno at mga bulaklak, at kasama ang mga hayop sa bukid, mga insekto, at mababangis na hayop na ginawa noong pang-anim na araw—mabuti ang lahat ng ito sa mata ng Diyos, at, dagdag pa rito, sa mata ng Diyos, ang mga bagay na ito, alinsunod sa Kanyang plano, ay nakaabot lahat sa rurok ng pagkaperpekto at naabot na ang mga pamantayan na nais makamit ng Diyos. Sa paisa-isang hakbang, ginawa ng Lumikha ang gawaing Kanyang nilayong gawin ayon sa Kanyang plano. Sunud-sunod na lumitaw ang mga bagay na Kanyang hinangad na likhain, at ang paglitaw ng bawat isa ay isang salamin ng awtoridad ng Lumikha, isang pagbubuu-buo ng Kanyang awtoridad; dahil sa mga pagbubuu-buong ito, walang magagawa ang lahat ng nilalang kundi maging mapagpasalamat para sa biyaya at sa pagtustos ng Lumikha. Habang ipinamamalas ng mapaghimalang mga gawa ng Diyos ang kanilang mga sarili, lumobo ang mundong ito, nang paisa-isang piraso, dahil sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, at nabago ito mula sa kaguluhan at kadiliman patungo sa kalinawan at kaliwanagan, mula sa patay na katahimikan patungo sa pagiging buhay na buhay at walang-hangganang kasiglahan. Sa lahat ng bagay ng sangnilikha, mula sa malaki hanggang sa maliit, mula sa maliit hanggang sa mikroskopiko, walang hindi nilikha sa pamamagitan ng awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha, at nagkaroon ng natatangi at likas na pangangailangan at halaga sa pag-iral ng bawat nilalang. Anuman ang mga pagkakaiba sa kanilang mga hugis at kayarian, kailangan silang magawa ng Lumikha para umiral sa ilalim ng awtoridad ng Lumikha. Kung minsan ang mga tao ay makakakita ng insekto, isa na napakapangit, at sasabihin nila, “Ang insektong iyan ay nakakatakot, hindi mangyayari na ang gayong kapangit na bagay ay magagawa ng Diyos—hindi mangyayari na makakalikha Siya ng isang bagay na napakapangit.” Napakahangal na pananaw! Ang dapat nilang sabihin ay, “Kahit napakapangit ng insektong ito, ginawa ito ng Diyos, kaya tiyak na mayroon itong natatanging layunin.” Sa isipan ng Diyos, sinadya Niya na bigyan ng kani-kanilang itsura, at lahat ng uri ng mga tungkulin at mga paggagamitan, ang iba’t ibang mga bagay na may buhay na Kanyang nilikha, at kaya wala sa mga bagay na ginawa ng Diyos ang kinuha mula sa parehong hulmahan. Mula sa kanilang panlabas hanggang sa kanilang panloob na komposisyon, mula sa kanilang nakasanayang pamumuhay hanggang sa lugar na kanilang nasasakupan—magkakaiba ang bawat isa. Ang mga baka ay may itsura ng mga baka, ang mga buriko ay may itsura ng mga buriko, ang mga usa ay may itsura ng mga usa, at ang mga elepante ay may itsura ng mga elepante. Masasabi mo ba kung alin ang pinakamaganda, at alin ang pinakapangit? Masasabi mo ba kung alin ang pinakamahalaga, at aling pag-iral ang pinakahindi kailangan? May mga taong gusto ang itsura ng mga elepante, ngunit walang tao ang gumagamit ng mga elepante para magtanim sa mga bukid; may mga taong gusto ang itsura ng mga leon at tigre, dahil ang kanilang itsura ang pinakakahanga-hanga sa lahat ng bagay, ngunit kaya mo ba silang gawing alagang hayop? Sa madaling salita, pagdating sa di-mabibilang na mga bagay sa sangnilikha, kailangang umayon ang tao sa awtoridad ng Lumikha, na ang ibig sabihin ay umaayon sa kaayusan na itinakda ng Lumikha sa lahat ng bagay; ito ang pinakamatalinong saloobin. Tanging ang saloobin ng paghahanap, at pagsunod, sa orihinal na mga layunin ng Lumikha ang tunay na pagtanggap at katiyakan ng awtoridad ng Lumikha. Mabuti ito sa mata ng Diyos, kaya anong dahilan ang mayroon ang tao para maghanap ng kamalian?

Kaya, ang lahat ng bagay sa ilalim ng awtoridad ng Lumikha ay tutugtog ng isang bagong simponya para sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, magsisimula ng isang maningning na pambungad para sa Kanyang gawain sa panibagong araw, at sa sandaling ito, ang Lumikha ay bubuklat din ng bagong pahina sa gawain ng Kanyang pamamahala! Ayon sa batas na itinakda ng Lumikha sa mga sariwang usbong sa tagsibol, sa pagpapahinog sa tag-init, sa pag-aani sa taglagas, at pag-iimbak sa taglamig, ang lahat ng bagay ay aayon sa plano ng pamamahala ng Lumikha, at kanilang sasalubungin ang kanilang sariling bagong araw, bagong simula, at bagong takbuhin ng buhay. Sila ay patuloy na mabubuhay at magpaparami nang sunud-sunod at walang katapusan para salubungin ang bawat araw sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha …

Wala sa mga Nilikha at Di-nilikha ang Makakapalit sa Pagkakakilanlan ng Lumikha

Mula nang sinimulan Niya ang paglikha sa lahat ng bagay, nagsimulang mahayag at mabunyag ang kapangyarihan ng Diyos, dahil gumamit ang Diyos ng mga salita para likhain ang lahat ng bagay. Kahit sa ano pa mang paraan Niya nilikha ang mga iyon, ano man ang dahilan kung bakit Niya nilikha ang mga iyon, ang lahat ng bagay ay nalikha at nanindigan at umiral dahil sa mga salita ng Diyos; ito ang natatanging awtoridad ng Lumikha. Noong panahon bago lumitaw ang sangkatauhan sa mundo, ginamit ng Lumikha ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad para likhain ang lahat ng bagay para sa sangkatauhan, at ginamit ang Kanyang mga natatanging pamamaraan para ihanda ang angkop na kapaligiran para sa pamumuhay ng sangkatauhan. Lahat ng Kanyang ginawa ay paghahanda para sa sangkatauhan, na hindi maglalaon ay tatanggap ng Kanyang hininga. Ibig sabihin, noong panahon bago nilikha ang sangkatauhan, naipakita ang awtoridad ng Diyos sa lahat ng nilalang na iba sa sangkatauhan, sa mga bagay na kasing laki ng kalangitan, ng mga tanglaw, ng mga karagatan, at ng kalupaan, at doon sa maliliit na hayop at mga ibon, gayon din sa lahat ng uri ng mga insekto at mikroorganismo, kasama na ang mga iba’t ibang mikrobyo na hindi nakikita ng mata. Binigyan ng buhay ang bawat isa sa pamamagitan ng mga salita ng Lumikha, lumaganap ang bawat isa dahil sa mga salita ng Lumikha, at namuhay ang bawat isa sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha dahil sa Kanyang mga salita. Kahit na hindi nila natanggap ang hininga ng Lumikha, ipinakita pa rin nila ang buhay at kasiglahan na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha sa pamamagitan ng kanilang mga iba’t ibang anyo at mga kayarian; kahit na hindi sila nakatanggap ng abilidad na makapagsalita na ibinigay sa sangkatauhan ng Lumikha, nakatanggap ang bawat isa ng paraan ng paghahayag ng kanilang buhay na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha, at naiiba sa wika ng tao. Ang awtoridad ng Lumikha ay hindi lamang nagbibigay ng kasiglahan ng buhay sa mga animo ay di-gumagalaw na mga materyal na bagay, para hindi sila kailanman maglaho, kundi nagbibigay rin ng likas na kaisipan sa bawat nabubuhay na manganak at magparami, para hindi sila maglalaho kailanman, at para, sa mga susunod na henerasyon, ipapasa nila ang ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha na mga batas at mga prinsipyo ng pananatiling buhay. Ang paraan kung paano ginagamit ng Lumikha ang Kanyang awtoridad ay hindi mahigpit na nakakapit sa malawak o malalim na pananaw, at hindi limitado sa anumang anyo; kaya Niyang pamahalaan ang pagtakbo ng sansinukob at hawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa buhay at kamatayan ng lahat ng bagay, at, higit pa rito, kaya Niyang patakbuhin ang lahat ng bagay para sila ay magsilbi sa Kanya; kaya Niyang pamahalaan ang lahat ng ginagawa ng mga kabundukan, ilog, at lawa, at pagharian ang lahat ng bagay na nakapaloob sa kanila, at, higit pa rito, ay kaya Niyang ibigay kung ano ang kailangan ng lahat ng bagay. Ito ang pagpapamalas ng natatanging awtoridad ng Lumikha sa lahat ng bagay bukod sa sangkatauhan. Ang naturang pagpapamalas ay hindi lamang panghabambuhay; ito ay hindi kailanman hihinto, o magpapahinga, at hindi ito mababago o masisira ng sinumang tao o bagay, ni madaragdagan o mababawasan ng sinumang tao o bagay—dahil walang makakapalit sa pagkakakilanlan ng Lumikha, at, samakatuwid, hindi mapapalitan ng anumang nilikha ang awtoridad ng Lumikha; hindi ito naaabot ng anumang di-nilikha. Halimbawa, ang mga mensahero at mga anghel ng Diyos. Hindi nila taglay ang kapangyarihan ng Diyos, mas lalong hindi nila taglay ang awtoridad ng Lumikha, at ang dahilan kung bakit hindi nila taglay ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay dahil hindi nila taglay ang diwa ng Lumikha. Ang mga di-nilikha, tulad ng mga mensahero at mga anghel ng Diyos, kahit na magagawa nila ang ilang bagay sa ngalan ng Diyos, hindi nila maaaring katawanin ang Diyos. Kahit na may ilang kapangyarihan sila na wala ang tao, hindi nila taglay ang awtoridad ng Diyos, hindi nila taglay ang awtoridad ng Diyos na likhain ang lahat ng bagay, na utusan ang lahat ng bagay, at hawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kaya hindi mapapalitan ng anumang di-nilikha ang pagiging natatangi ng Diyos, at, tulad nito, hindi mapapalitan ng anumang di-nilikha ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Sa Bibliya, may nabasa ka bang sinumang mensahero ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay? Bakit hindi inutusan ng Diyos ang sinuman sa Kanyang mga mensahero o mga anghel na likhain ang lahat ng bagay? Ito ay dahil hindi nila taglay ang awtoridad ng Diyos, at kaya wala silang abilidad na gamitin ang awtoridad ng Diyos. Tulad ng lahat ng nilalang, nasa ilalim silang lahat ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at nasa ilalim ng awtoridad ng Lumikha, at kaya sa parehong paraan, ang Lumikha rin ang kanilang Diyos at Pinakamataas na Pinuno. Sa bawat isa sa kanila—kung sila man ay marangal o hamak, may malaki o maliit na kapangyarihan—wala ni isa ang makakahigit sa awtoridad ng Lumikha, at kaya sa kanilang lahat, wala ni isa ang makakapalit sa pagkakakilanlan ng Lumikha. Kailanman ay hindi sila matatawag na Diyos, at kailanman ay hindi nila makakayang maging ang Lumikha. Ang mga ito ay di-nababagong mga katotohanan at realidad!

Sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa itaas, maaari ba nating masabi ang mga sumusunod: tanging ang Lumikha at Pinuno ng lahat ng bagay, Siya na may natatanging awtoridad at natatanging kapangyarihan, ang matatawag na natatanging Diyos Mismo? Sa puntong ito, maaari ninyong maramdamang masyadong malalim ang naturang katanungan. Sa ngayon ay wala kayong kakayahang unawain ito, at hindi mahiwatigan ang diwa nito, at kaya sa sandaling ito nararamdaman ninyo na mahirap itong sagutin. Kung gayon, ipagpapatuloy Ko ang Aking pagbabahagi. Susunod, hahayaan Ko kayong makita ang mga aktwal na ginagawa ng maraming aspeto ng awtoridad at kapangyarihang taglay lamang ng Diyos, at kaya hahayaan Ko kayong tunay na maunawaan, pahalagahan, at malaman ang pagiging bukod-tangi ng Diyos, at kung ano ang ibig sabihin ng natatanging awtoridad ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.