Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III
Ikalawang Bahagi
Pinag-uusapan pa lang natin ang tungkol sa lahat ng gawain na ginawa ng Diyos, ang sunod-sunod na mga gawaing isinakatuparan Niya sa unang pagkakataon. May kaugnayan ang bawat isa sa mga bagay na ito sa plano ng pamamahala ng Diyos, at sa kalooban ng Diyos. May kaugnayan din ang mga ito sa disposisyon ng Diyos Mismo at sa Kanyang diwa. Kung nais nating mas maunawaan kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, hindi tayo maaaring tumigil sa Lumang Tipan o sa Kapanahunan ng Kautusan—kailangan nating magpatuloy pasulong, sumusunod sa mga hakbang na tinahak ng Diyos sa Kanyang gawain. Kaya, yamang tinapos ng Diyos ang Kapanahunan ng Kautusan at sinimulan ang Kapanahunan ng Biyaya, hayaan ang ating sariling mga yapak na sumunod, tungo sa Kapanahunan ng Biyaya—isang kapanahunan na puno ng biyaya at pagtubos. Sa kapanahunang ito, gumawang muli ang Diyos ng isang napakahalagang bagay na hindi pa naisagawa noon. Ang gawain sa bagong kapanahunang ito kapwa para sa Diyos at sa sangkatauhan ay isang bagong pasimula—isang pasimula na binubuo ng isa na namang bagong gawain na ginawa ng Diyos na hindi pa nagawa noon. Walang katulad ang bagong gawaing ito, isang bagay na lampas sa mga kapangyarihan ng imahinasyon ng mga tao at lahat ng nilalang. Isang bagay ito na kilalang-kilala na ngayon ng lahat ng tao—sa unang pagkakataon, naging isang tao ang Diyos, at sa unang pagkakataon ay nagsimula Siya ng bagong gawain sa anyo ng isang tao, nang may pagkakakilanlan ng isang tao. Ipinahihiwatig ng bagong gawaing ito na natapos na ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, at na hindi na Siya gagawa o magsasalita ng anuman sa ilalim ng kautusan. Ni magsasalita o gagawa Siya ng anumang bagay sa anyo ng kautusan o alinsunod sa mga prinsipyo o mga patakaran ng kautusan. Ibig sabihin, ipinatigil na magpakailanman ang lahat ng Kanyang gawain batay sa kautusan at hindi na ipagpapatuloy, dahil nais ng Diyos na magsimula ng bagong gawain at gumawa ng bagong mga bagay. Muling nagkaroon ng bagong pasimula ang Kanyang plano, at kaya kinailangang pangunahan ng Diyos ang sangkatauhan tungo sa bagong kapanahunan.
Depende sa diwa ng bawat isang tao kung ito ay nakagagalak o nakatatakot na balita sa mga tao. Maaaring masabi na hindi ito nakagagalak na balita sa ilang tao, bagkus ay nakatatakot, sapagkat nang simulan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain, ang mga tao na sumunod lang sa mga kautusan at mga patakaran, na sumunod lang sa mga doktrina ngunit hindi natakot sa Diyos, ay malamang na gamitin ang lumang gawain ng Diyos upang kondenahin ang Kanyang bagong gawain. Para sa mga taong ito, nakatatakot na balita ito; ngunit sa bawa’t tao na inosente at bukas, na taimtim sa Diyos at handang tanggapin ang Kanyang pagtubos, lubhang nakagagalak na balita ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos. Sapagkat simula nang umiral ang mga tao, ito ang unang pagkakataon na nagpakita ang Diyos at namuhay sa piling ng sangkatauhan sa isang anyo na hindi ang Espiritu; sa pagkakataong ito, isinilang Siya ng isang tao at namuhay sa piling ng mga tao bilang Anak ng tao, at gumawa na kasama sila. Ito ang “unang” sumira sa mga kuru-kuro ng mga tao; lampas ito sa lahat ng imahinasyon. Higit pa rito, nagkamit ng totoong pakinabang ang lahat ng tagasunod ng Diyos. Hindi lang tinapos ng Diyos ang lumang kapanahunan, bagkus ay tinapos din Niya ang lumang mga pamamaraan ng paggawa at istilo ng paggawa Niya. Hindi na Niya hinihingi sa Kanyang mga sugo na ipaabot ang Kanyang kalooban, hindi na Siya nakatago sa mga ulap, at hindi na nagpakita o nakipag-usap sa mga tao nang nag-uutos sa pamamagitan ng kulog. Hindi gaya ng anumang bagay noong una, sa pamamagitan ng isang pamamaraang hindi lubos-maisip ng mga tao na mahirap para sa kanila na maunawaan o matanggap—ang maging tao—naging Anak ng tao Siya upang simulan ang gawain ng kapanahunang iyon. Lubos na hindi napaghandaan ng sangkatauhan ang gawang ito ng Diyos; napahiya sila dahil dito, sapagkat muling nagsimula ng bagong gawain ang Diyos na hindi pa Niya kailanman ginawa noon. Sa araw na ito, titingnan natin kung ano ang bagong gawain na isinakatuparan ng Diyos sa bagong kapanahunan, at isasaalang-alang natin kung ano ang dapat na matutuhan natin mula sa bagong gawaing ito tungkol sa disposisyon ng Diyos at sa kung ano ang mayroon at kung ano Siya.
Ang mga sumusunod ay mga salitang naitala sa Bagong Tipan ng Bibliya.
1. Mateo 12:1 Nang panahong iyon ay naglalakad si Jesus nang araw ng sabbath sa maisan; at nagutom ang Kanyang mga alagad at nagsimulang magsibunot ng mga uhay at magsikain.
2. Mateo 12:6–8 Datapuwat sinasabi Ko sa inyo, “Na dito ay may isang lalong dakila kaysa sa templo. Datapuwat kung nalalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, habag ang ibig Ko, at hindi hain, ay hindi sana ninyo kinondena ang mga walang kasalanan. Sapagkat ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath.”
Tingnan muna natin ang talatang ito: “Nang panahong iyon ay naglalakad si Jesus nang araw ng sabbath sa maisan; at nagutom ang Kanyang mga alagad at nagsimulang magsibunot ng mga uhay at magsikain.”
Bakit Ko napili ang talatang ito? Anong kaugnayan nito sa disposisyon ng Diyos? Sa tekstong ito, ang unang bagay na nalalaman natin ay araw iyon ng Sabbath, subalit lumabas ang Panginoong Jesus at pinangunahan ang Kanyang mga disipulo sa mga taniman ng mais. Ang lalo pang “mapanlinlang” ay na “nagsimulang magsibunot ng mga uhay at magsikain” pa sila. Sa Kapanahunan ng Kautusan, itinakda ng mga kautusan ng Diyos na si Jehova na ang mga tao ay hindi maaaring basta-bastang lumabas o makisali sa mga aktibidad sa araw ng Sabbath—maraming bagay ang hindi maaaring gawin sa araw ng Sabbath. Ang pagkilos na ito sa panig ng Panginoong Jesus ay nakalilito para doon sa mga nabuhay sa ilalim ng kautusan sa mahabang panahon, at pumukaw pa ito ng pamumuna. Tungkol sa kanilang kalituhan at kung paano sila nagsalita tungkol sa ginawa ni Jesus, isasantabi muna natin iyon sa ngayon at tatalakayin muna kung bakit pinili ng Panginoong Jesus na gawin ito sa araw ng Sabbath, sa lahat ng araw, at kung ano ang ninais Niyang ipagbigay-alam sa mga tao na nabubuhay noon sa ilalim ng kautusan sa pamamagitan ng pagkilos na ito. Ito ang kaugnayan sa pagitan ng talatang ito at ng disposisyon ng Diyos na nais Kong pag-usapan.
Nang dumating ang Panginoong Jesus, ginamit Niya ang Kanyang praktikal na mga pagkilos upang ipabatid sa mga tao na lumisan na ang Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at nagsimula na ng bagong gawain, at na hindi hiningi ng bagong gawaing ito ang pangingilin ng Sabbath. Ang paglabas ng Diyos mula sa mga hangganan ng araw ng Sabbath ay patikim pa lang ng Kanyang bagong gawain; darating pa ang tunay at dakilang gawain. Nang pasimulan ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain, iniwanan na Niya ang mga “tanikala” ng Kapanahunan ng Kautusan, at nilansag ang mga tuntunin at mga prinsipyo ng kapanahunang iyon. Para sa Kanya, walang bakas ng anumang may kaugnayan sa kautusan; itinakwil na Niya ito nang tuluyan at hindi na ito sinusunod, at hindi na Niya hinihingi sa sangkatauhan na sundin ito. Kaya nakikita mo rito na nagpunta ang Panginoong Jesus sa mga taniman ng mais sa araw ng Sabbath, at na hindi nagpahinga ang Panginoon; gumagawa Siya sa labas, at hindi nagpapahinga. Isang pagkabigla ang Kanyang pagkilos na ito sa mga kuru-kuro ng mga tao at ipinagbigay-alam nito sa kanila na hindi na Siya nabubuhay sa ilalim ng kautusan, at na iniwan na Niya ang mga hangganan ng Sabbath at nagpakita sa harap ng sangkatauhan at sa kanilang kalagitnaan sa isang bagong imahe, na may isang bagong paraan ng paggawa. Ang Kanyang pagkilos na ito ang nagpabatid sa mga tao na dala Niya ang isang bagong gawain, gawaing nagsimula sa paglabas mula sa pagiging nasa ilalim ng kautusan, at paglisan sa Sabbath. Nang isakatuparan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain, hindi na Siya nananangan sa nakaraan, at hindi na Niya iniintindi ang mga tuntunin ng Kapanahunan ng Kautusan. Ni naapektuhan Siya ng Kanyang gawain sa nakaraang kapanahunan, bagkus ay gumawa Siya sa araw ng Sabbath gaya ng ginawa Niya sa bawat iba pang araw, at nang nagutom ang Kanyang mga disipulo sa araw ng Sabbath, maaari silang pumitas ng mga bunga ng mais para kainin. Napakanormal ng lahat ng ito sa mga mata ng Diyos. Para sa Diyos, maaaring magkaroon ng bagong pasimula para sa karamihan ng bagong gawain na nais Niyang gawin at ng bagong mga salita na nais Niyang sabihin. Kapag nagsisimula Siya ng isang bagong bagay, hindi Niya binabanggit ang Kanyang nakaraang gawain ni ipinagpapatuloy na isakatuparan ito. Sapagkat may mga prinsipyo ang Diyos sa Kanyang gawain, nang nais Niyang magsimula ng bagong gawain, ito ay nang nais Niyang dalhin ang sangkatauhan sa isang panibagong yugto ng Kanyang gawain, at nang ang Kanyang gawain ay papasok sa isang mas mataas na yugto. Kung patuloy na kikilos ang mga tao alinsunod sa mga lumang kasabihan o mga tuntunin o patuloy na panghawakan nang mahigpit ang mga ito, hindi Niya maaalala o sasang-ayunan iyon. Ito ay dahil nagdala na Siya ng bagong gawain, at pumasok na sa bagong yugto ng Kanyang gawain. Kapag nagpapasimula Siya ng bagong gawain, nagpapakita Siya sa sangkatauhan sa isang ganap na bagong imahe, mula sa isang ganap na bagong anggulo, at sa isang ganap na bagong pamamaraan upang makita ng mga tao ang iba’t ibang aspeto ng Kanyang disposisyon at kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Ito ang isa sa Kanyang mga mithiin sa Kanyang bagong gawain. Hindi nananangan ang Diyos sa lumang mga bagay o tumatahak sa landas na madalas daanan; kapag gumagawa at nagsasalita Siya, hindi Siya mapagbawal gaya ng iniisip ng mga tao. Sa Diyos, may kalayaan at kasarinlan ang lahat, at walang pagbabawal, walang paghihigpit—kalayaan at kasarinlan ang dinadala Niya sa sangkatauhan. Siya ay isang buhay na Diyos, isang Diyos na tunay, totoong umiiral. Hindi Siya isang papet o isang nililok na luwad, at lubos na naiiba Siya sa mga idolo na dinadambana at sinasamba ng mga tao. Siya ay buhay at masigla, at ang dala ng Kanyang mga salita at gawain sa mga tao ay pawang buhay at liwanag, pawang kalayaan at kasarinlan, sapagkat hawak Niya ang katotohanan, ang buhay, at ang daan—hindi Siya nahahadlangan ng anuman sa alinman sa Kanyang gawain. Kahit anong sabihin ng mga tao at paano man nila tingnan o suriin ang Kanyang bagong gawain, isasakatuparan Niya ang Kanyang gawain nang walang pagkaligalig. Hindi Siya mag-aalala tungkol sa mga kuru-kuro o pag-aakusa ng sinuman na may kinalaman sa Kanyang gawain at mga salita, o maging sa kanilang matinding pagtutol at paglaban sa Kanyang bagong gawain. Walang sinuman sa lahat ng nilalang ang maaaring gumamit ng pantaong pangangatwiran, o pantaong imahinasyon, kaalaman, o moralidad upang sukatin o bigyang-kahulugan ang ginagawa ng Diyos, upang siraan, gambalain o isabotahe ang Kanyang gawain. Walang pagbabawal sa Kanyang gawain at sa kung ano ang Kanyang ginagawa; hindi ito mahahadlangan ng sinumang tao, ano mang pangyayari, o bagay, ni hindi ito magagambala ng anumang mga puwersa ng kaaway. Pagdating sa Kanyang bagong gawain, Siya ay palaging-nagwawaging Hari, at niyuyurakan sa ilalim ng Kanyang tuntungan ang anumang mga puwersa ng kaaway at ang lahat ng erehiya at mga kamalian ng sangkatauhan. Alinmang bagong yugto ng Kanyang gawain ang Kanyang isinasakatuparan, tiyak na lilinangin at palalawakin ito sa kalagitnaan ng sangkatauhan, at tiyak na isasakatuparan nang walang hadlang sa buong sansinukob hanggang sa matapos na ang Kanyang dakilang gawain. Ito ang pagka-makapangyarihan sa lahat at karunungan ng Diyos, ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan. Kaya, ang Panginoong Jesus ay malayang makalalabas at makagagawa sa araw ng Sabbath sapagkat sa Kanyang puso ay walang mga patakaran, walang kaalaman o doktrina na nagmula sa sangkatauhan. Ang mayroon Siya ay ang bagong gawain ng Diyos at ang daan ng Diyos. Ang Kanyang gawain ang daan upang mapalaya ang sangkatauhan, upang mapakawalan ang mga tao, upang tulutan silang umiral sa liwanag at upang mabuhay. Samantala, silang mga sumasamba sa mga idolo o huwad na mga diyos ay nabubuhay araw-araw nang nakagapos kay Satanas, pinipigilan ng lahat ng uri ng mga patakaran at mga pagbabawal—ipinagbabawal sa araw na ito ang isang bagay, bukas ay iba naman—walang kalayaan sa kanilang mga buhay. Para silang mga bilanggo na nakatanikala, namumuhay nang walang masasabing kagalakan. Ano ang kinakatawan ng “pagbabawal”? Kinakatawan nito ang mga paghihigpit, mga pagkaalipin, at kasamaan. Sa sandaling sumamba sa isang idolo ang isang tao, sumasamba sila sa isang huwad na diyos, isang masamang espiritu. Kasunod na ang pagbabawal kapag ginagawa ang gayong mga aktibidad. Hindi maaaring kumain ng ganito o ng ganoon, hindi maaaring lumabas sa araw na ito, hindi maaaring magluto bukas, hindi ka maaaring lumipat sa isang bagong bahay sa susunod na araw, may partikular na mga araw na dapat piliin para sa mga kasal at mga libing at maging para sa panganganak. Ano ang tawag dito? Tinatawag itong pagbabawal; ito ang pagkaalipin ng sangkatauhan, at ito ang mga tanikala ni Satanas at masasamang espiritu na kumukontrol sa mga tao at pumipigil sa kanilang mga puso at mga katawan. Umiiral ba ang mga pagbabawal na ito sa Diyos? Kapag pinag-uusapan ang kabanalan ng Diyos, dapat mo munang isipin ito: Walang mga pagbabawal sa Diyos. May mga prinsipyo ang Diyos sa Kanyang mga salita at gawain, ngunit walang mga pagbabawal, sapagkat ang Diyos Mismo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.
Tingnan natin ngayon ang mga sumusunod na talata mula sa mga kasulatan: “Datapuwat sinasabi Ko sa inyo, ‘Na dito ay may isang lalong dakila kaysa sa templo. Datapuwat kung nalalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, habag ang ibig Ko, at hindi hain, ay hindi sana ninyo kinondena ang mga walang kasalanan. Sapagkat ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath’” (Mateo 12:6–8). Ano ang tinutukoy ng salitang “templo” rito? Sa madaling salita, tumutukoy ito sa isang kamangha-manghang, mataas na gusali, at sa Kapanahunan ng Kautusan, ang templo ay lugar para sa mga saserdote upang sambahin ang Diyos. Nang sinabi ng Panginoong Jesus na “dito ay may isang lalong dakila kaysa sa templo,” sino ang tinutukoy na “isa”? Maliwanag, ang “isa” ay ang Panginoong Jesus sa katawang-tao, sapagkat tanging Siya ang mas dakila kaysa sa templo. Ano ang sinasabi ng mga salitang iyon sa mga tao? Sinasabi ng mga ito sa mga tao na lumabas sila sa templo—iniwan na ng Diyos ang templo at hindi na gumagawa sa loob nito, kaya dapat hanapin ng mga tao ang mga yapak ng Diyos sa labas ng templo at sundan ang Kanyang mga hakbang sa Kanyang bagong gawain. Nang sabihin ito ng Panginoong Jesus, may saligan sa likod ng Kanyang mga salita, na sa ilalim ng kautusan, itinuturing ng mga tao ang templo bilang isang bagay na higit na dakila kaysa sa Diyos Mismo. Ibig sabihin, sinamba ng mga tao ang templo sa halip na sambahin ang Diyos, kaya binalaan sila ng Panginoong Jesus na huwag sambahin ang mga idolo, bagkus sa halip ay sambahin ang Diyos, sapagkat Siya ang kataas-taasan. Kaya, sinabi Niya: “Habag ang ibig Ko, at hindi hain.” Maliwanag na sa mga mata ng Panginoong Jesus, hindi na sumasamba kay Jehova ang karamihan sa mga tao na namumuhay sa ilalim ng kautusan, bagkus ay basta na lamang ginagawa ang pagsasakripisyo, at tinukoy ng Panginoong Jesus na ito ay ibinilang na pagsamba sa idolo. Itinuring ng mga sumasambang ito sa idolo ang templo bilang isang bagay na mas dakila at mas mataas kaysa sa Diyos. Tanging ang templo ang nasa kanilang mga puso, hindi ang Diyos, at kung mawala sa kanila ang templo, mawawala sa kanila ang kanilang tahanang dako. Kung wala ang templo ay wala silang ibang mapagsasambahan at hindi maisasagawa ang kanilang mga pagsasakripisyo. Ang kanilang tinatawag na “tahanang dako” ay kung saan ginamit nila ang pagkukunwari ng pagsamba sa Diyos na si Jehova upang makapanatili sa templo at maisagawa ang sarili nilang mga gawain. Ang kanilang tinatawag na “pagsasakripisyo” ay walang iba kundi ang pagsasagawa nila ng kanilang sariling personal na kahiya-hiyang mga pakikitungo sa ilalim ng balatkayo ng pagsasagawa ng kanilang serbisyo sa templo. Ito ang dahilan kung bakit itinuring ng mga tao sa panahong iyon ang templo bilang higit na dakila kaysa sa Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus ang mga salitang ito bilang babala sa mga tao, sapagkat ginagamit nila ang templo bilang isang balatkayo, at ang mga sakripisyo bilang isang panakip para sa pandaraya sa mga tao at pandaraya sa Diyos. Kung gamitin ang mga salitang ito sa kasalukuyan, gayon pa rin kabisa at gayon pa rin nauukol ang mga ito. Bagaman naranasan na ng mga tao ngayon ang gawain ng Diyos na iba kaysa sa naranasan ng mga tao sa Kapanahunan ng Kautusan, magkatulad ang kalikasan at diwa nila. Sa konteksto ng gawain ngayon, gagawin pa rin ng mga tao ang kaparehong uri ng mga bagay gaya ng kinakatawan ng mga salitang “higit na dakila ang templo kaysa sa Diyos.” Halimbawa, itinuturing ng mga tao ang pagtupad ng kanilang tungkulin bilang kanilang trabaho; itinuturing nila ang pagpapatotoo sa Diyos at ang pakikipaglaban sa malaking pulang dragon bilang mga pagkilos na pulitikal sa pagtatanggol sa mga karapatang pantao, para sa demokrasya at kalayaan; ginagawa nilang karera ang kanilang tungkulin na gamitin ang kanilang mga kakayahan, ngunit itinuturing nila ang pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan bilang isang piraso lang ng relihiyosong doktrina na susundin; at iba pa. Hindi ba sadyang katulad ang mga gawing ito ng “higit na dakila ang templo kaysa sa Diyos”? Ang pinagkaiba, dalawang libong taon na ang nakaraan, isinasagawa ng mga tao ang kanilang personal na gawain sa pisikal na templo, ngunit ngayon, isinasagawa ng mga tao ang kanilang personal na gawain sa mga di-nahahawakang mga templo. Ang mga taong nagpapahalaga sa mga patakaran ay itinuturing ang mga patakaran na higit na dakila kaysa sa Diyos, ang mga taong umiibig sa katayuan ay itinuturing ang katayuan na higit na dakila kaysa sa Diyos, ang mga umiibig sa kanilang karera ay itinuturing ang kanilang karera na higit na dakila kaysa sa Diyos, at iba pa—ang lahat ng kanilang mga pagpapahayag ang nag-udyok sa Akin upang sabihing: “Pinupuri ng mga tao ang Diyos bilang pinakadakila sa pamamagitan ng kanilang mga salita, ngunit sa kanilang mga mata ang lahat ng bagay ay higit na dakila kaysa sa Diyos.” Ito ay dahil sa sandaling makakita ng pagkakataon ang mga tao sa kanilang daan ng pagsunod sa Diyos upang maitanghal ang sarili nilang mga talento, o upang maisagawa ang sarili nilang gawain o sarili nilang karera, inilalayo nila ang kanilang mga sarili mula sa Diyos at inilalagak ang kanilang mga sarili sa minamahal nilang karera. At tungkol naman sa ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, at sa Kanyang kalooban, matagal nang naitapon ang mga bagay na iyon. Anong pinagkaiba ng katayuan ng mga taong ito at yaong nagsagawa ng kanilang sariling gawain sa loob ng templo dalawang libong taon na ang nakararaan?
Sunod, tingnan natin ang huling pangungusap sa talatang ito: “Sapagkat ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath.” Mayroon bang praktikal na panig sa pangungusap na ito? Nakikita ba ninyo ang praktikal na panig? Nanggagaling mula sa puso ng Diyos ang bawat isang bagay na Kanyang sinasabi, kaya bakit Niya sinabi ito? Paano ninyo inuunawa ito? Maaaring nauunawaan ninyo ang kahulugan ng pangungusap na ito ngayon, ngunit sa panahon kung kailan ito sinabi ay iilang tao ang nakaunawa sapagkat kalalabas pa lang ng sangkatauhan sa Kapanahunan ng Kautusan. Para sa kanila, isang bagay na napakahirap gawin ang paglabas mula sa Sabbath, lalo na ang pag-unawa kung ano ang totoong Sabbath.
Ang pangungusap na “ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath” ay nagsasabi sa mga tao na ang lahat ng tungkol sa Diyos ay hindi materyal, at bagaman kayang tustusan ng Diyos ang lahat ng iyong materyal na mga pangangailangan, sa sandaling matugunan na ang lahat ng iyong materyal na mga pangangailangan, mapapalitan ba ng kasiyahan mula sa mga bagay na ito ang iyong paghahangad sa katotohanan? Malinaw na hindi posible iyon! Ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, na atin nang ibinahagi, ay kapwa ang katotohanan. Hindi masusukat ang halaga nito sa pamamagitan ng anumang materyal na bagay, gaano man kahalaga, ni mabibilang ang halaga nito batay sa salapi, dahil hindi ito isang materyal na bagay, at tinutustusan nito ang mga pangangailangan ng puso ng bawat isang tao. Para sa bawat isang tao, ang halaga ng di-nahahawakang mga katotohanang ito ay dapat na higit kaysa sa halaga ng anumang materyal na mga bagay na maaaring pahalagahan mo, hindi ba? Ang pahayag na ito ay isang bagay na kailangan ninyong pag-isipang mabuti. Ang pangunahing punto ng Aking nasabi na ay na kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos at ang lahat ng tungkol sa Diyos ay ang pinakamahahalagang bagay para sa bawat isang tao at hindi mapapalitan ng anumang materyal na bagay. Bibigyan kita ng isang halimbawa: Kapag nagugutom ka, kailangan mo ng pagkain. Maaaring kahit paano ay masarap ang pagkaing ito, o halos hindi kasiya-siya, subalit hanggang nabusog ka, mawawala na ang hindi magandang pakiramdam na iyon ng pagiging gutom—mapapawi na ito. Makauupo ka na nang payapa, at magpapahinga ang iyong katawan. Malulutas ng pagkain ang gutom ng mga tao, subalit kapag sumusunod ka sa Diyos at nadarama na walang pagkaunawa sa Kanya, paano malulutas ang kahungkagan sa iyong puso? Malulutas ba ito ng pagkain? O kapag sumusunod ka sa Diyos at hindi nauunawaan ang Kanyang kalooban, ano ang magagamit mo upang punan ang gutom na yaon sa iyong puso? Sa proseso ng iyong karanasan ng kaligtasan sa pamamagitan ng Diyos, habang naghahangad ng pagbabago sa iyong disposisyon, kung hindi mo nauunawaan ang Kanyang kalooban o hindi nalalaman kung ano ang katotohanan, kung hindi mo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, hindi ka ba makadarama ng lubhang pagkabalisa? Hindi ka ba makadarama ng isang matinding pagkagutom at pagkauhaw sa iyong puso? Hindi ba mahahadlangan ng mga damdaming ito na madama mo ang kapahingahan sa iyong puso? Kaya paano mo mapupunan ang pagkagutom na yaon sa iyong puso—mayroon bang paraan upang malutas ito? Namimili ang ilang tao, hinahanap ng ilan ang kanilang mga kaibigan upang magtapat, nagpapakasasa sa mahabang pagtulog ang ilang tao, nagbabasa ng mas maraming salita ng Diyos ang iba, o mas lalo silang nagsusumikap at gumugugol ng mas maraming pagsisikap upang tuparin ang kanilang mga tungkulin. Malulutas ba ng mga bagay na ito ang tunay mong mga paghihirap? Ganap na nauunawaan ninyong lahat ang mga ganitong uri ng mga pagsasagawa. Kapag nakadarama ka ng kawalan ng lakas, kapag nakadarama ka ng isang matinding pagnanais na magkamit ng kaliwanagan mula sa Diyos upang tulutan kang malaman ang realidad ng katotohanan at ang Kanyang kalooban, ano ang pinakakailangan mo? Hindi isang kumpletong pagkain ang kailangan mo, at hindi ilang mabuting salita, lalo na ang panandaliang aliw at kasiyahan ng laman—ang kailangan mo ay ang sabihin ng Diyos sa iyo nang tuwiran at malinaw kung ano ang dapat mong gawin at kung paano mo gagawin ito, na sabihin sa iyo nang malinaw kung ano ang katotohanan. Pagkatapos mong maunawaan ito, kahit na kakatiting lang na pagkaunawa ang nakamit mo, hindi ba mas masisiyahan ka sa iyong puso kaysa sa nakakain ka ng isang kumpletong pagkain? Kapag nasisiyahan ang puso mo, hindi ba nagkakamit ng tunay na kapahingahan ang iyong puso at ang iyong buong pagkatao? Sa pamamagitan ng paghahambing at pagsusuring ito, nauunawaan na ba ninyo ngayon kung bakit nais Kong ibahagi sa inyo ang pangungusap na ito, “ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath”? Nangangahulugan ito na kung anong mula sa Diyos, kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at ang lahat ng tungkol sa Kanya, ay higit na dakila kaysa sa anumang ibang bagay, kabilang ang bagay o ang tao na minsang pinaniwalaan mong pinakamahalaga sa iyo. Ibig sabihin, kung hindi nakapagkakamit ang isang tao ng mga salita mula sa bibig ng Diyos o hindi nila nauunawaan ang Kanyang kalooban, hindi sila makapagkakamit ng kapahingahan. Sa inyong mga karanasan sa hinaharap, mauunawaan ninyo kung bakit nais Kong makita ninyo ang talatang ito ngayong araw—napakahalaga nito. Ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos ay katotohanan at buhay. Ang katotohanan ay isang bagay na hindi maaaring mawala sa mga tao sa kanilang mga buhay, at isang bagay na hindi sila mabubuhay nang wala; maaari ring sabihin na ito ang pinakadakilang bagay. Bagaman hindi mo nakikita o nahahawakan ito, hindi maaaring balewalain ang kahalagahan nito sa iyo; ito ang tanging bagay na makapagbibigay ng kapahingahan sa iyong puso.
Kalakip ba ng sariling mga kalagayan ang inyong pagkaunawa sa katotohanan? Sa totoong buhay, dapat mo munang isipin kung aling mga katotohanan ang nauugnay sa mga tao, pangyayari, at bagay na iyong nakaharap na; matatagpuan mo sa mga katotohanang ito ang kalooban ng Diyos at maiuugnay kung ano ang iyong nakaharap na sa Kanyang kalooban. Kung hindi mo nalalaman kung aling mga aspeto ng katotohanan ang nauugnay sa mga bagay na iyong nakaharap na subalit sa halip ay dumiretso sa paghahanap sa kalooban ng Diyos, isang bulag na pamamaraan ito na hindi makapagkakamit ng mga resulta. Kung nais mong hanapin ang katotohanan at maunawaan ang kalooban ng Diyos, kailangan mo munang tingnan kung anong uri ng mga bagay ang nangyari na sa iyo, sa aling mga aspeto ng katotohanan nauugnay ang mga ito, at hanapin ang partikular na katotohanan sa salita ng Diyos na nauugnay sa kung anong naranasan mo na. At pagkatapos ay hanapin mo ang landas ng pagsasagawa na naaayon para sa iyo sa katotohanang iyon; sa ganitong paraan ay makakamit mo ang isang di-tuwirang pagkaunawa sa kalooban ng Diyos. Ang paghahanap at pagsasagawa sa katotohanan ay hindi pagsasabuhay ng isang doktrina nang wala sa loob o pagsunod sa isang pormula. Ang katotohanan ay hindi gaya ng isang pormula, hindi rin ito isang batas. Hindi ito patay—ito ay buhay mismo, ito ay isang buhay na bagay, at ito ang patakaran na dapat sundin ng isang nilikha habang nabubuhay at ang patakaran na dapat taglayin ng isang tao habang nabubuhay. Isang bagay ito na dapat mong, hangga’t maaari, ay maunawaan sa pamamagitan ng karanasan. Ano mang yugto ang narating mo na sa iyong karanasan, hindi ka maihihiwalay sa salita ng Diyos o sa katotohanan, at kung ano ang iyong pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos at kung ano ang iyong nalalaman sa kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay ipinahahayag lahat sa mga salita ng Diyos; nauugnay ang mga ito nang hindi maihihiwalay sa katotohanan. Ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay, mismong, ang katotohanan; ang katotohanan ay isang tunay na pagpapamalas ng disposisyon ng Diyos at ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Ginagawa nitong kongkreto ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at malinaw nitong ipinahahayag ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya; sinasabi nito sa iyo nang mas tuwiran kung ano ang gusto ng Diyos, kung ano ang hindi Niya gusto, kung ano ang nais Niyang gawin mo at kung ano ang hindi Niya pinahihintulutang gawin mo, kung anong mga tao ang kinamumuhian Niya at kung anong mga tao ang kinagigiliwan Niya. Sa likod ng mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos, makikita ng tao ang Kanyang kaluguran, galit, kalungkutan, at kasiyahan, gayundin ang Kanyang diwa—ito ang paghahayag ng Kanyang disposisyon. Maliban sa pagkaalam sa kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, at pagkaunawa sa Kanyang disposisyon mula sa Kanyang salita, ang pinakamahalaga ay ang pangangailangan na marating ang pagkaunawang ito sa pamamagitan ng praktikal na karanasan. Kung inaalis ng isang tao ang kanyang sarili mula sa tunay na buhay upang makilala ang Diyos, hindi nila magagawang makamtan iyon. Kahit na may mga tao na makapagkakamit ng kaunting pagkaunawa mula sa salita ng Diyos, limitado ang kanilang pagkaunawa sa mga teorya at mga salita, at doon nagbubuhat ang pagkakaiba-iba sa kung ano talaga ang Diyos Mismo.
Ang ating ipinagbibigay-alam ngayon ay nakapaloob lahat sa saklaw ng mga kuwentong naitala sa Bibliya. Sa pamamagitan ng mga kuwentong ito, at sa pagsusuri sa mga naganap na bagay na ito, mauunawaan ng mga tao ang Kanyang disposisyon at kung ano ang mayroon at kung ano Siya na Kanyang naipahayag na, tinutulutan sila na makilala ang bawat aspeto ng Diyos nang mas malawak, mas malalim, mas komprehensibo, at mas mabuti. Kung gayon, ang tanging paraan ba na makilala ang bawat aspeto ng Diyos ay sa pamamagitan ng mga kuwentong ito? Hindi, hindi ito ang tanging paraan! Sapagkat kung ano ang sinasabi ng Diyos at ang gawain na Kanyang ginagawa sa Kapanahunan ng Kaharian ay makatutulong nang mas maigi sa mga tao na makilala ang Kanyang disposisyon, at makilala ito nang mas lubusan. Gayunpaman, sa palagay Ko ay bahagyang mas madaling makilala ang disposisyon ng Diyos at maunawaan ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya sa pamamagitan ng ilang halimbawa o mga kuwentong naitala sa Bibliya na pamilyar sa mga tao. Kung gagamitin Ko ang mga salita ng paghatol at pagkastigo at ang mga katotohanan na inihahayag ng Diyos ngayon, salita-por-salita, upang magawa mong makilala Siya sa paraang ito, mararamdaman mo na masyado itong nakababagot at masyadong nakapapagod, at mararamdaman pa ng ilang tao na ang mga salita ng Diyos ay tila gaya ng isang pormula. Subalit kung gagamitin Kong mga halimbawa ang mga kuwentong ito sa Bibliya upang tulungan ang mga tao na makilala ang disposisyon ng Diyos, hindi sila maiinip dito. Masasabi na sa kalagitnaan ng pagpapaliwanag sa mga halimbawang ito, ang mga detalye ng kung ano ang nasa puso ng Diyos sa panahong iyon—ang Kanyang lagay ng loob o damdamin, o ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya—ay nasabi na sa mga tao sa wika ng tao, at ang mithiin ng lahat ng ito ay upang tulutan silang pahalagahan, upang maramdaman na kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay hindi gaya ng isang pormula. Hindi ito isang alamat, o isang bagay na hindi nakikita o nahahawakan ng mga tao. Isang bagay ito na talagang umiiral, na mararamdaman at mapahahalagahan ng mga tao. Ito ang sukdulang mithiin. Masasabi na pinagpala ang mga taong nabubuhay sa kapanahunang ito. Magagamit nila ang mga kuwento sa Bibliya upang makamit ang mas malawak na pagkaunawa sa nakaraang gawain ng Diyos; makikita nila ang Kanyang disposisyon sa pamamagitan ng mga gawain na Kanyang nagawa na; mauunawaan nila ang kalooban ng Diyos para sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga disposisyong ito na Kanyang naipahayag na, at mauunawaan ang kongkretong mga pagpapamalas ng Kanyang kabanalan at ng Kanyang pagmamalasakit para sa mga tao, at sa paraang ito ay maaabot nila ang isang mas detalyado at mas malalim na kaalaman sa disposisyon ng Diyos. Naniniwala Ako na nararamdaman na ninyong lahat ito ngayon!
Sa loob ng saklaw ng gawain na natapos ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, makikita mo ang isa pang aspeto ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos. Ipinahayag ang aspetong ito sa pamamagitan ng Kanyang katawang-tao, at nagawang makita at pahalagahan ito ng mga tao dahil sa Kanyang pagkatao. Sa Anak ng tao, nakita ng mga tao kung paano isinabuhay ng Diyos sa katawang-tao ang Kanyang pagkatao, at nakita nila ang pagka-Diyos ng Diyos na ipinahayag sa pamamagitan ng katawang-tao. Ang dalawang uri ng pagpapahayag na ito ay nagbigay-daan sa mga tao na makita ang isang talagang tunay na Diyos, at nagpahintulot sa kanila na makabuo ng isang naiibang konsepto ng Diyos. Gayunpaman, sa yugto ng panahon sa pagitan ng paglikha ng mundo at ng katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan, ibig sabihin, bago ang Kapanahunan ng Biyaya, ang tanging mga aspeto ng Diyos na nakita, narinig, at naranasan ng mga tao ay ang pagka-Diyos ng Diyos, ang mga bagay na ginawa at sinabi ng Diyos sa isang hindi materyal na dako, at ang mga bagay na Kanyang ipinahayag mula sa Kanyang tunay na persona na hindi maaaring makita o mahawakan. Kadalasan, nagdudulot ang mga bagay na ito sa mga tao ng pakiramdam na napakatayog ng Diyos sa Kanyang kadakilaan na hindi sila makalalapit sa Kanya. Ang impresyon na madalas ibinigay ng Diyos sa mga tao ay na aandap-andap Siya sa kanilang kakayahan na maunawaan Siya, at naramdaman pa nga ng mga tao na ang bawat isa sa Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay masyadong misteryoso at masyadong mailap na walang paraan para maabot ang mga ito, lalo na ang kahit magtangka na maunawaan at pahalagahan ang mga ito. Para sa mga tao, napakalayo ng lahat ng tungkol sa Diyos—napakalayo na hindi na ito kayang makita, hindi na ito kayang mahawakan ng mga tao. Tila ba nasa kaitaasan Siya ng langit, at tila hindi talaga Siya umiiral. Kaya para sa mga tao, ang pagkaunawa sa puso at isip ng Diyos o sa anuman sa Kanyang iniisip ay hindi kayang makamit, at hindi rin nila maaabot. Kahit na nagsagawa ang Diyos ng ilang kongkretong gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, at nagpalabas din Siya ng ilang partikular na mga salita at nagpahayag ng ilang partikular na mga disposisyon upang tulutan ang mga tao na pahalagahan at makita ang ilang tunay na kaalaman tungkol sa Kanya, subalit sa huli, ang mga pagpapahayag na ito ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay nagmula sa isang hindi materyal na dako, at kung ano ang naunawaan ng mga tao, kung ano ang nalaman nila ay tungkol pa rin sa maka-Diyos na aspeto ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Hindi makapagkamit ang mga tao ng isang kongkretong konsepto mula sa pagpapahayag na ito ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at ang kanilang impresyon ukol sa Diyos ay nananatili pa rin sa loob ng saklaw ng “isang espirituwal na katawan na mahirap malapitan, na aandap-andap sa kanilang kaunawaan.” Sapagkat hindi gumamit ang Diyos ng isang partikular na bagay o imahe na kabilang sa materyal na dako upang magpakita sa harap ng mga tao, nanatili sila na hindi kayang isalarawan Siya gamit ang wika ng tao. Sa mga puso at mga isip ng mga tao, palagi nilang ninais na gamitin ang kanilang sariling wika upang makapagtatag ng isang pamantayan para sa Diyos, upang gawin Siyang nahahawakan at gawin Siyang tao, gaya ng kung gaano Siya katangkad, kung gaano Siya kalaki, kung ano ang Kanyang hitsura, kung ano talaga ang gusto Niya at kung ano ang Kanyang personalidad. Sa katunayan, alam ng Diyos sa Kanyang puso na ganito ang pag-iisip ng mga tao. Napakalinaw Niya sa mga pangangailangan ng mga tao, at mangyari pa ay alam din Niya kung ano ang Kanyang dapat gawin, kaya isinakatuparan Niya ang Kanyang gawain sa naiibang pamamaraan sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang ganitong paraan ay kapwa maka-Diyos at nagawang makatao. Sa yugto ng panahon na gumagawa ang Panginoong Jesus, nakikita ng mga tao na maraming pantaong mga pagpapahayag ang Diyos. Halimbawa, nakasasayaw Siya, nakadadalo Siya sa mga kasalan, nagagawa Niyang makipagniig sa mga tao, makipag-usap sa kanila, at magtalakay ng mga bagay kasama nila. Bukod pa riyan, natapos din ng Panginoong Jesus ang maraming gawain na kumakatawan sa Kanyang pagka-Diyos, at mangyari pa na ang lahat ng gawaing ito ay isang pagpapahayag at isang pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos. Sa panahong ito, nang ang pagka-Diyos ng Diyos ay naisakatuparan sa isang karaniwang katawang-tao na maaaring makita at mahawakan ng mga tao, hindi na nila naramdaman na Siya ay aandap-andap sa kanilang kaunawaan o na hindi sila makalalapit sa Kanya. Sa kabaligtaran, masusubukan nilang maintindihan ang kalooban ng Diyos o maunawaan ang Kanyang pagka-Diyos sa pamamagitan ng bawat pagkilos, sa pamamagitan ng mga salita, at sa pamamagitan ng gawain ng Anak ng tao. Inihayag ng nagkatawang-taong Anak ng tao ang pagka-Diyos ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao at ipinarating ang kalooban ng Diyos sa sangkatauhan. At sa pamamagitan ng Kanyang pagpapahayag sa kalooban at disposisyon ng Diyos, ibinunyag din Niya sa mga tao ang Diyos na hindi nakikita o nahahawakan na nananahan sa espirituwal na dako. Ang nakita ng mga tao ay ang Diyos Mismo sa anyong nahahawakan, na gawa sa laman at dugo. Kaya ginawa ng nagkatawang-taong Anak ng tao ang mga bagay tulad ng pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, katayuan, imahe, disposisyon ng Diyos, at ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya, na kongkreto at nagawang makatao. Bagaman mayroong ilang limitasyon ang panlabas na kaanyuan ng Anak ng tao hinggil sa imahe ng Diyos, ang Kanyang diwa at ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay lubos na kayang kumatawan sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos Mismo—mayroon lang ilang pagkakaiba sa anyo ng pagpapahayag. Hindi natin maitatanggi na kinatawan ng Anak ng tao ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos Mismo, kapwa sa anyo ng Kanyang pagkatao at sa Kanyang pagka-Diyos. Sa panahong ito, gayunpaman, gumawa ang Diyos sa pamamagitan ng katawang-tao, nagsalita mula sa pananaw ng katawang-tao, at tumayo sa harapan ng sangkatauhan nang may pagkakakilanlan at katayuan ng Anak ng tao, at ito ang nagbigay ng pagkakataon sa mga tao na makaharap at maranasan ang tunay na mga salita at gawain ng Diyos sa sangkatauhan. Pinahintulutan din nito ang kabatiran ng mga tao sa Kanyang pagka-Diyos at sa Kanyang kadakilaan sa gitna ng pagpapakumbaba, gayundin ang magkamit ng isang paunang pagkaunawa at pakahulugan sa pagiging-tunay at realidad ng Diyos. Bagaman ang gawaing natapos ng Panginoong Jesus, ang Kanyang mga paraan ng paggawa, at ang pananaw kung saan Siya nagsasalita ay naiiba sa tunay na persona ng Diyos sa espirituwal na dako, ang lahat tungkol sa Kanya ay tunay na kumatawan sa Diyos Mismo, na hindi pa kailanman nakita ng sangkatauhan noon—hindi ito maitatanggi! Ibig sabihin, sa anumang anyo nagpapakita ang Diyos, sa alinmang pananaw Siya nagsasalita, o sa anumang imahe Niya hinaharap ang sangkatauhan, walang ibang kinakatawan ang Diyos kundi Siya Mismo. Hindi Siya maaaring kumatawan sa sinumang tao, ni sa sinuman sa tiwaling sangkatauhan. Ang Diyos ay ang Diyos Mismo, at hindi ito maitatanggi.
Pagkatapos, titingnan natin ang isang talinghaga na inilahad ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya.
3. Ang Talinghaga ng Nawalang Tupa
Mateo 18:12–14 Ano ang akala ninyo? Kung ang isang tao ay may isang daang tupa, at maligaw ang isa sa mga yaon, hindi baga iiwan niya ang siyamnapu’t siyam, at pasasa kabundukan, at hahanapin ang naligaw? At kung mangyaring masumpungan niya, ay katotohanang sinasabi Ko sa inyo, na magagalak ng higit dahil dito kaysa sa siyamnapu’t siyam na hindi nangaligaw. Gayon din na hindi nga kalooban ng inyong Amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.
Ang siping ito ay isang talinghaga—ano ang ipinadarama nito sa mga tao? Ang paraan ng pagpapahayag—ang talinghaga—na ginamit dito ay isang tayutay sa wika ng tao, at sa gayon ay nakapaloob sa saklaw ng kaalaman ng tao. Kung nagsalita ang Diyos ng kaparehong bagay sa Kapanahunan ng Kautusan, maaaring nadama ng mga tao na ang gayong mga salita ay hindi tunay na alinsunod sa kung sino ang Diyos, ngunit nang ipinahayag ng Anak ng tao ang mga salitang ito sa Kapanahunan ng Biyaya, ito ay nakaaaliw, nakasisigla, at malapit sa mga tao. Nang naging tao ang Diyos, nang nagpakita Siya sa anyo ng isang tao, ginamit Niya ang isang lubhang naaangkop na talinghaga na nagmula sa sarili Niyang pagkatao, upang ipahayag ang tinig ng Kanyang puso. Kinatawan ng tinig na ito ang sariling tinig ng Diyos at ang gawain na ninais Niyang gawin sa kapanahunang iyon. Kinatawan din nito ang isang saloobin na mayroon ang Diyos tungo sa mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Kung titingin mula sa pananaw ng saloobin ng Diyos tungo sa mga tao, inihambing Niya ang bawat isang tao sa isang tupa. Kung mawala ang isang tupa, gagawin Niya ang lahat upang mahanap ito. Kinatawan nito ang isang prinsipyo ng gawain ng Diyos sa panahong iyon kasama ng sangkatauhan, nang Siya ay nasa katawang-tao. Ginamit ng Diyos ang talinghagang ito upang isalarawan ang Kanyang kapasyahan at saloobin sa gawaing iyon. Ito ang kabutihan ng pagkakatawang-tao ng Diyos: Mapakikinabangan Niya ang kaalaman ng sangkatauhan at magagamit ang wika ng tao upang magsalita sa mga tao, at upang ipahayag ang Kanyang kalooban. Ipinaliwanag Niya o “isinalin” sa tao ang Kanyang malalim, maka-Diyos na wika na nahihirapan ang mga taong maunawaan sa wika ng tao, sa paraan ng tao. Nakatulong ito sa mga tao na maunawaan ang Kanyang kalooban at malaman kung ano ang nais Niyang gawin. Nagagawa rin Niyang makipag-usap sa mga tao mula sa pananaw ng tao, gamit ang wika ng tao, at magbigay-alam sa mga tao sa paraang nauunawaan nila. Nagagawa pa nga Niyang magsalita at gumawa gamit ang wika at kaalaman ng tao nang maaaring maramdaman ng mga tao ang kagandahang-loob at pagiging malapit ng Diyos, nang maaaring makita nila ang Kanyang puso. Ano ang nakikita ninyo rito? Mayroon bang anumang pagbabawal sa mga salita at mga pagkilos ng Diyos? Sa tingin ng mga tao, hindi posible na magamit ng Diyos ang pantaong kaalaman, wika, o mga pamamaraan ng pananalita upang pag-usapan ang tungkol sa kung ano ang ninais sabihin ng Diyos Mismo, ang gawain na ninais Niyang gawin, o upang ipahayag ang sarili Niyang kalooban. Subalit maling pag-iisip ito. Ginamit ng Diyos ang ganitong uri ng talinghaga upang maramdaman ng mga tao ang pagiging totoo at ang sinseridad ng Diyos, at makita ang Kanyang saloobin tungo sa mga tao sa yugto ng panahong iyon. Ginising ng talinghagang ito mula sa isang panaginip ang mga tao na nabubuhay sa ilalim ng kautusan nang mahabang panahon, at binigyang-inspirasyon din nito ang sali’t saling lahi ng mga tao na nabuhay sa Kapanahunan ng Biyaya. Sa pagbabasa ng siping ito ng talinghaga, nalalaman ng mga tao ang sinseridad ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan at nauunawaan ang bigat at halagang ukol sa sangkatauhan sa puso ng Diyos.
Tingnan natin ang huling pangungusap sa siping ito: “Gayon din na hindi nga kalooban ng inyong Amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.” Sariling mga salita ba ito ng Panginoong Jesus, o mga salita ng Ama sa langit? Sa unang tingin, tila ba ang Panginoong Jesus ang nagsasalita, ngunit kinakatawan ng Kanyang kalooban ang kalooban ng Diyos Mismo, kaya sinabi Niyang: “Gayon din na hindi nga kalooban ng inyong Amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.” Tanging ang Ama sa langit ang kinilala ng mga tao sa panahong iyon bilang Diyos, at naniwalang ang taong ito na kanilang nakita sa harap ng kanilang mga mata ay isinugo lang Niya, at hindi maaaring kumatawan sa Ama sa langit. Iyon ang dahilan kung bakit kinailangan ng Panginoong Jesus na idagdag ang pangungusap na ito sa hulihan ng talinghagang ito, upang tunay na maramdaman ng mga tao ang kalooban ng Diyos sa sangkatauhan at maramdaman ang pagiging-tunay at katumpakan ng Kanyang sinabi. Kahit na isang simpleng bagay ang pangungusap na ito para sabihin, sinabi ito nang may pagmamalasakit at pag-ibig at ibinunyag ang pagpapakumbaba at pagiging tago ng Panginoong Jesus. Naging tao man ang Diyos o gumawa man Siya sa espirituwal na dako, Siya ang nakakilala nang pinakamabuti sa puso ng tao, at nakaunawa nang pinakamahusay sa kung anong kinailangan ng mga tao, nakaalam sa kung anong ikinababahala ng mga tao, at kung anong nakalilito sa kanila, at kaya idinagdag Niya ang pangungusap na ito. Itinampok ng pangungusap na ito ang isang suliraning nakatago sa sangkatauhan: Nag-alinlangan ang mga tao sa sinabi ng Anak ng tao, na ang ibig sabihin, nang nagsasalita ang Panginoong Jesus kinailangan Niyang idagdag ang: “Gayon din na hindi nga kalooban ng inyong Amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak,” at tanging sa saligang ito makapamumunga ang Kanyang mga salita, upang papaniwalain ang mga tao sa katumpakan ng mga ito at pagbutihin ang kredibilidad ng mga ito. Ipinakikita nito na noong naging karaniwang Anak ng tao ang Diyos, nagkaroon ang Diyos at ang sangkatauhan ng isang di-mapalagay na ugnayan, at na ang kalagayan ng Anak ng tao ay talagang nakahihiya. Ipinakikita rin nito kung gaano kahamak ang katayuan ng Panginoong Jesus sa gitna ng mga tao sa panahong iyon. Nang sinabi Niya ito, ito ay upang sabihin talaga sa mga tao na: Makatitiyak kayo—hindi kinakatawan ng mga salitang ito kung ano ang nasa sarili Kong puso, bagkus ang mga ito ay ang kalooban ng Diyos na nasa inyong mga puso. Para sa sangkatauhan, hindi ba ito isang kakatwang bagay? Bagaman ang Diyos na gumagawa sa katawang-tao ay maraming kalamangan na wala sa Kanya sa Kanyang persona, kinailangan Niyang tiisin ang kanilang mga alinlangan at pagtanggi gayundin ang kanilang kamanhiran at kapurulan. Masasabi na ang proseso ng gawain ng Anak ng tao ay ang proseso ng pagdanas ng pagtanggi ng sangkatauhan at pagdanas ng kanilang pakikipagtunggali laban sa Kanya. Higit pa roon, ito ang proseso ng paggawa upang patuloy na makuha ang tiwala ng sangkatauhan at malupig ang sangkatauhan sa pamamagitan ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya, sa pamamagitan ng Kanyang sariling diwa. Hindi naman talaga naglunsad ang Diyos na nagkatawang-tao ng digmaan sa lupa laban kay Satanas; mas masasabi na naging isang karaniwang tao ang Diyos at nagsimula ng isang pakikibaka kasama ang mga sumusunod sa Kanya, at sa pakikibakang ito ay natapos ng Anak ng tao ang Kanyang gawain sa Kanyang pagpapakumbaba, sa kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at sa Kanyang pag-ibig at karunungan. Natamo Niya ang mga taong ninais Niya, nakuha ang pagkakakilanlan at katayuan na nararapat sa Kanya, at “bumalik” sa Kanyang luklukan.
Pagkatapos, tingnan natin ang sumusunod na dalawang sipi ng kasulatan.
4. Magpatawad nang Makapitongpung Pitong Beses
Mateo 18:21–22 Nang magkagayo’y lumapit si Pedro at sinabi sa Kanya, “Panginoon, makailang magkakasala ang aking kapatid laban sa akin na siya’y aking patatawarin? Hanggang sa makapito?” Sinabi sa kanya ni Jesus, “hindi Ko sinasabi sa iyo, hanggang sa makapito; kundi hanggang sa makapitongpung pito.”
5. Ang Pag-ibig ng Panginoon
Mateo 22:37–39 At sinabi sa kanya, “Dapat ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo. Ito ang dakila at pang-unang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, dapat ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
Sa dalawang talatang ito, nagpapahayag ang isa ng pagpapatawad at nagpapahayag naman ang isa ng pag-ibig. Talagang itinatampok ng dalawang paksang ito ang gawain na ninais isakatuparan ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya.
Nang naging tao ang Diyos, dinala Niyang kasama Niya ang isang yugto ng Kanyang gawain, na siyang partikular na mga gawain at ang disposisyon na ninais Niyang ipahayag sa kapanahunang ito. Sa panahong iyon, umikot ang lahat ng bagay na ginawa ng Anak ng tao sa gawain na ninais isakatuparan ng Diyos sa kapanahunang ito. Hindi Siya gagawa nang labis at nang kulang. Ang bawat isang bagay na Kanyang sinabi at bawat uri ng gawain na Kanyang isinakatuparan ay may kaugnayang lahat sa kapanahunang ito. Kung ipinahayag man Niya ito sa paraan ng tao nang may wika ng tao o sa pamamagitan ng wikang maka-Diyos, at kahit na alinmang paraan, o mula sa alinmang pananaw Niya ginawa iyon, ang Kanyang mithiin ay upang tulungan ang mga tao na maunawaan kung ano ang ninais Niyang gawin, kung ano ang Kanyang kalooban, at kung ano ang Kanyang mga hinihingi sa mga tao noon. Maaari Siyang gumamit ng iba’t ibang mga pamamaraan at magkakaibang mga pananaw upang tulungan ang mga tao na maunawaan at malaman ang Kanyang kalooban, at upang maunawaan ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Kaya sa Kapanahunan ng Biyaya ay makikita natin ang Panginoong Jesus na kadalasang gumagamit ng wika ng tao upang ipahayag ang ninais Niyang ipagbigay-alam sa sangkatauhan. Higit pa rito, nakikita natin Siya mula sa pananaw ng isang karaniwang patnubay na nakikipag-usap sa mga tao, tinutustusan ang kanilang mga pangangailangan, at tinutulungan sila sa kung ano ang kanilang hiniling. Hindi nakita ang paraang ito ng paggawa sa Kapanahunan ng Kautusan na dumating bago ang Kapanahunan ng Biyaya. Naging mas malapit at naging mas mahabagin Siya sa sangkatauhan, gayundin ay mas nagagawang magtamo ng praktikal na mga resulta kapwa sa anyo at sa pamamaraan. Ang metapora tungkol sa pagpapatawad sa mga tao nang makapitongpung pitong beses ay talagang nililinaw ang puntong ito. Ang layon na natamo ng bilang sa metaporang ito ay upang tulutan ang mga tao na maunawaan ang layunin ng Panginoong Jesus sa panahong sinabi Niya ito. Ang Kanyang layunin ay na dapat magpatawad ang mga tao sa iba—hindi isa o dalawang beses, at hindi rin nang pitong beses, kundi makapitongpung pito. Anong uri ng ideya ang nakapaloob sa ideya ng “makapitongpung pito”? Ito ay upang maging sanhi na gawing sariling pananagutan ng mga tao ang pagpapatawad, isang bagay na dapat nilang matutuhan, at isang “landas” na kung saan dapat silang manatili. Bagaman ito ay isa lang metapora, ginamit ito upang itampok ang isang mahalagang punto. Nakatulong ito sa mga tao na lubos na pahalagahan kung ano ang ibig Niyang sabihin at na hanapin ang wastong mga pamamaraan ng pagsasagawa at ang mga prinsipyo at mga pamantayan ng pagsasagawa. Nakatulong ang metaporang ito sa mga tao na malinaw na makaunawa at nagbigay sa kanila ng tamang konsepto—na dapat silang matutong magpatawad at magpatawad nang kahit ilang beses nang walang mga kondisyon, bagkus ay may saloobin ng pagpapaubaya at pag-unawa para sa iba. Nang sinabi ito ng Panginoong Jesus, ano ang nasa puso Niya? Talaga bang iniisip Niya ang bilang na “makapitongpung pito”? Hindi, hindi Niya iniisip. Mayroon bang dami ng beses na magpapatawad ang Diyos sa tao? Maraming tao ang totoong interesado sa “dami ng beses” na nabanggit dito, na nais talagang maunawaan ang pinagmulan at ang kahulugan ng bilang na ito. Nais nilang maunawaan kung bakit lumabas sa bibig ng Panginoong Jesus ang bilang na ito; naniniwala sila na mayroong mas malalim na pakahulugan sa bilang na ito. Subalit sa katunayan, ito ay tayutay lang ng tao na ginamit ng Diyos. Anumang pagpapahiwatig o kahulugan ay dapat na maintindihan kasama ng mga hinihingi ng Panginoong Jesus sa sangkatauhan. Nang hindi pa naging tao ang Diyos, hindi masyadong naunawaan ng mga tao ang Kanyang sinabi, sapagkat nanggaling ang Kanyang mga salita sa ganap na pagka-Diyos. Ang pananaw at ang konteksto ng Kanyang sinabi ay hindi nakikita at hindi naaabot ng sangkatauhan; ipinahayag ito mula sa espirituwal na dako na hindi nakikita ng mga tao. Para sa mga taong nabuhay sa laman, hindi nila kayang bagtasin ang espirituwal na dako. Subalit pagkatapos maging tao ng Diyos, nagsalita Siya sa sangkatauhan mula sa pananaw ng pagkatao, at Siya ay lumabas at hinigitan ang saklaw ng espirituwal na dako. Kaya Niyang ipahayag ang Kanyang maka-Diyos na disposisyon, kalooban, at saloobin sa pamamagitan ng mga bagay na maiisip ng mga tao, mga bagay na kanilang nakita at nakaharap sa kanilang mga buhay, at gamit ang mga pamamaraan na matatanggap ng mga tao, sa wika na kanilang mauunawaan, at nang may kaalaman na kanilang maiintindihan, upang tulutan ang sangkatauhan na maunawaan at makilala ang Diyos, upang maintindihan ang Kanyang layunin at ang Kanyang hinihinging mga pamantayan sa loob ng saklaw ng kanilang kakayahan at sa antas na kanilang makakaya. Ito ang pamamaraan at prinsipyo ng gawain ng Diyos sa pagkatao. Bagaman ang mga pamamaraan ng Diyos at ang Kanyang mga prinsipyo ng paggawa sa katawang-tao ay karamihang nakamit gamit ang o sa pamamagitan ng pagkatao, totoong nakapagtamo ito ng mga resulta na hindi matatamo sa pamamagitan ng tuwirang paggawa sa pagka-Diyos. Ang gawain ng Diyos sa pagkatao ay higit na kongkreto, tunay, at nakatuon, lalong higit na naibabagay ang mga pamamaraan, at hinigitan nito sa anyo ang gawaing isinakatuparan sa Kapanahunan ng Kautusan.
Sunod, pag-usapan natin ang tungkol sa pag-ibig sa Panginoon at pag-ibig sa kapwa gaya ng iyong sarili. Ito ba ay isang bagay na tuwirang ipinahahayag sa pagka-Diyos? Hindi, malinaw na hindi! Lahat ng ito ay mga bagay na sinabi ng Anak ng tao sa pagkatao; mga tao lamang ang magsasabi ng isang bagay gaya ng “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Ibigin ang kapwa gaya ng pagtatangi mo sa sarili mong buhay.” Eksklusibo sa tao ang ganitong pamamaraan ng pagsasalita. Hindi kailanman nagsalita sa ganitong paraan ang Diyos. Sa paanuman, hindi taglay ng Diyos ang ganitong uri ng wika sa Kanyang pagka-Diyos sapagkat hindi Niya kailangan ang ganitong uri ng prinsipyo, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili,” upang isaayos ang Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan ay isang likas na paghahayag ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Kailan pa ninyo narinig na nagsabi ang Diyos ng anumang gaya ng: “Iniibig Ko ang sangkatauhan gaya ng pag-ibig Ko sa Aking Sarili”? Hindi pa ninyo narinig, sapagkat nasa diwa ng Diyos ang pag-ibig at nasa kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan, at ang Kanyang saloobin, at ang paraan ng Kanyang pagtrato sa mga tao ay mga likas na pagpapahayag at pagbubunyag ng Kanyang disposisyon. Hindi Niya kailangang gawin ito nang sadya sa isang partikular na paraan, o sadyang sundin ang isang partikular na pamamaraan o isang pamantayang moral upang matamo ang pag-ibig Niya sa kapwa gaya sa sarili Niya—tinataglay na Niya ang ganitong uri ng diwa. Ano ang nakikita mo rito? Nang gumawa ang Diyos sa pagkatao, marami sa Kanyang mga pamamaraan, mga salita, at mga katotohanan ay ipinahayag sa paraan ng tao. Subalit kasabay nito, ang disposisyon ng Diyos, ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at ang Kanyang kalooban ay ipinahayag upang malaman at maunawaan ng mga tao. Ang kanilang nalaman at naunawaan ay ang Kanya mismong diwa at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, na kumakatawan sa likas na pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos Mismo. Ibig sabihin, ipinahayag ng Anak ng tao sa katawang-tao ang likas na disposisyon at diwa ng Diyos Mismo sa abot ng makakaya at nang tumpak hangga’t maaari. Hindi lang sa hindi isang balakid o isang hadlang ang pagkatao ng Anak ng tao sa komunikasyon at pakikipag-ugnayan ng tao sa Diyos sa langit, bagkus ay ito lang talaga ang paraan at ang tanging tulay para sa sangkatauhan upang makipag-ugnayan sa Panginoon ng paglikha. Ngayon, sa puntong ito, hindi ba ninyo nararamdaman na maraming pagkakatulad sa pagitan ng kalikasan at sa mga pamamaraan ng gawain na ginawa ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya at sa kasalukuyang yugto ng gawain? Gumagamit din ang kasalukuyang yugto ng gawaing ito ng napakaraming wika ng tao upang ipahayag ang disposisyon ng Diyos, at ng napakaraming wika at pamamaraan mula sa pang-araw-araw na buhay ng sangkatauhan at kaalaman ng tao upang ipahayag ang kalooban ng Diyos Mismo. Sa sandaling maging tao ang Diyos, nagsasalita man Siya mula sa pananaw ng isang tao o sa pananaw ng isang Diyos, marami sa Kanyang wika at mga pamamaraan ng pagpapahayag ay nagmumula sa paraan ng wika at mga pamamaraan ng tao. Ibig sabihin, nang maging tao ang Diyos, ito ang pinakamainam na pagkakataon upang makita mo ang pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos at ang Kanyang karunungan, at upang malaman ang bawat tunay na aspeto ng Diyos. Nang naging tao ang Diyos, habang lumalaki Siya, naunawaan, natutuhan, at naintindihan Niya ang ilan sa mga kaalaman ng sangkatauhan, sentido kumon, wika, at mga pamamaraan ng pagpapahayag sa pagkatao. Tinaglay ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga bagay na ito na nanggaling sa mga tao na Kanyang nilikha. Naging mga kasangkapan ang mga ito ng Diyos na nasa katawang-tao para sa pagpapahayag ng Kanyang disposisyon at ng Kanyang pagka-Diyos, at nagtulot sa Kanya upang gawin ang Kanyang gawain na mas naaangkop, mas tunay, at mas tumpak nang Siya ay gumagawa sa kalagitnaan ng sangkatauhan, mula sa pananaw ng isang tao at gamit ang wika ng tao. Ginawa nito ang Kanyang gawain na mas naaabot at mas madaling nauunawaan ng mga tao, sa gayon ay natatamo ang mga resultang ninais ng Diyos. Hindi ba higit na praktikal para sa Diyos na gumawa sa katawang-tao sa ganitong paraan? Hindi ba ito ang karunungan ng Diyos? Kapag nagkatawang-tao na ang Diyos, kapag naisabalikat na ng katawang-tao ng Diyos ang gawain na ninais Niyang isakatuparan, iyon ay kung kailan Niya praktikal na ipahahayag ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang gawain, at iyon rin ang panahon na maaari na Niyang opisyal na simulan ang Kanyang ministeryo bilang Anak ng tao. Nangangahulugan ito na wala nang “agwat ng salinlahi” sa pagitan ng Diyos at ng tao, na malapit nang itigil ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagbibigay-alam sa pamamagitan ng mga sugo, at na maaaring ipahayag nang personal ng Diyos Mismo ang lahat ng salita at gawain na ninais Niyang ipahayag sa katawang-tao. Nangangahulugan din ito na ang mga taong inililigtas ng Diyos ay naging mas malapit sa Kanya, na ang Kanyang gawain ng pamamahala ay nakapasok sa isang bagong teritoryo, at na malapit nang harapin ng buong sangkatauhan ang isang bagong panahon.
Nalalaman ng lahat ng nakabasa na sa Bibliya na maraming bagay ang nangyari nang ipanganak ang Panginoong Jesus. Ang pinakamatindi sa mga pangyayaring iyon ay nang tinutugis Siya ng hari ng mga diyablo, na isang napakalubhang pangyayari na anupa’t ang lahat ng bata sa bayan na edad dalawang taon pababa ay pinagpapatay. Maliwanag na sinuong ng Diyos ang napakalaking panganib sa pagkakatawang-tao kasama ng mga tao; maliwanag din ang napakalaking halaga na Kanyang binayaran para sa pagtatapos ng Kanyang pamamahala sa pagliligtas sa sangkatauhan. Maliwanag din ang dakilang mga pag-asa na pinanghawakan ng Diyos para sa Kanyang gawain sa gitna ng sangkatauhan sa katawang-tao. Nang magawa ng katawang-tao ng Diyos na gumawa kasama ng sangkatauhan, ano ang Kanyang naramdaman? Dapat na maunawaan ng mga tao iyon kahit papaano, hindi ba? Ano’t anuman, masaya ang Diyos sapagkat maaari na Niyang simulang isakatuparan ang Kanyang bagong gawain sa sangkatauhan. Nang nabautismuhan ang Panginoong Jesus at opisyal na sinimulan ang Kanyang gawain upang tuparin ang Kanyang ministeryo, napuno ng kagalakan ang puso ng Diyos dahil pagkatapos ng napakaraming taon ng paghihintay at paghahanda, maisusuot na Niya sa wakas ang katawang-tao ng isang normal na tao at masisimulan ang Kanyang bagong gawain sa anyo ng isang tao na may laman at dugo, na maaaring makita at mahawakan ng mga tao. Sa wakas ay maaari na Siyang makipag-usap nang harap-harapan at masinsinan sa mga tao sa pamamagitan ng pagkakakilanlan ng isang tao. Sa wakas ay maaari nang humarap ang Diyos nang mukhaan sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga paraan ng tao at wika ng tao; maaari na Niyang tustusan ang sangkatauhan, liwanagan sila, at tulungan sila gamit ang wika ng tao; maaari na Siyang kumain sa parehong hapag at mamuhay sa parehong lugar kasama sila. Maaari na rin Niyang makita ang mga tao, makita ang mga bagay, at makita ang lahat gaya ng kung paano nakikita ng mga tao ang mga ito at maging sa pamamagitan ng kanilang sariling mga mata. Para sa Diyos, ito na ang Kanyang unang tagumpay sa Kanyang gawain sa katawang-tao. Masasabi rin na ito ay katuparan ng isang dakilang gawain—ito mangyari pa ang lubos na ikinaliligaya ng Diyos. Simula noon, nadama ng Diyos, sa unang pagkakataon, ang isang uri ng kaaliwan sa Kanyang gawain sa sangkatauhan. Ang lahat ng mga kaganapang nangyari ay totoong praktikal at talagang likas, at ang kaaliwan na naramdaman ng Diyos ay napakatotoo. Para sa sangkatauhan, sa tuwing naisasakatuparan ang isang bagong yugto ng gawain ng Diyos, at sa tuwing nakararamdam ng kasiyahan ang Diyos, ay kung kailan maaaring mas mapalapit ang sangkatauhan sa Diyos at sa kaligtasan. Sa Diyos, ito rin ang paglulunsad ng Kanyang bagong gawain, sumusulong sa Kanyang plano ng pamamahala, at, higit pa rito, ito ang mga pagkakataon kung kailan ang Kanyang mga layunin ay nalalapit sa ganap na katuparan. Para sa sangkatauhan, mapalad ang pagdating ng gayong pagkakataon, at talagang mabuti; para sa lahat ng naghihintay sa pagliligtas ng Diyos, ito ay napakahalaga at nakagagalak na balita. Kapag isinasakatuparan ng Diyos ang isang bagong yugto ng gawain, mayroon Siyang isang bagong pasimula, at kapag inilunsad at ipinakilala ang bagong gawain at bagong pasimulang ito sa sangkatauhan, ito ay kung kailan natiyak na ang kalalabasan ng yugtong ito ng gawain at natapos na at nakita na ng Diyos ang panghuling epekto at bunga. Ito rin ay kung kailan mapalulugod ng mga epektong ito ang Diyos, at, mangyari pa, ito ay kung kailan masaya ang Kanyang puso. Panatag ang Diyos dahil, sa mga mata Niya, nakita at natukoy na Niya ang mga tao na Kanyang hinahanap, at nakamit na ang pangkat na ito ng tao, isang pangkat na magagawang maging matagumpay ang Kanyang gawain at magdudulot sa Kanya ng kaluguran. Kaya naman, isinasantabi Niya ang Kanyang mga pag-aalala, at nakararamdam Siya ng kasiyahan. Sa madaling salita, kapag ang katawang-tao ng Diyos ay makapagsisimula ng bagong gawain kasama ng tao, at sinimulan Niya, nang walang hadlang, na gawin ang gawain na dapat Niyang gawin, at kapag nararamdaman na Niyang natapos na ang lahat, kung gayon ay para sa Kanya, nakikita na Niya ang katapusan. Nasisiyahan Siya dahil dito, at masaya ang Kanyang puso. Paano naipahahayag ang kasiyahan ng Diyos? Naiisip ba ninyo kung ano kaya ang sagot? Maaari bang umiyak ang Diyos? Makaiiyak ba ang Diyos? Maipapalakpak ba ng Diyos ang Kanyang mga kamay? Makasasayaw ba ang Diyos? Makaaawit ba ang Diyos? Kung gayon, ano kayang aawitin Niya? Mangyari pa, makaaawit ang Diyos ng isang maganda, nakaaantig na awit, isang awit na kayang ipahayag ang galak at kasiyahan sa Kanyang puso. Magagawa Niyang awitin ito para sa sangkatauhan, para sa Kanya Mismo, at para sa lahat ng bagay. Maipapahayag sa anumang paraan ang kasiyahan ng Diyos—normal ang lahat ng ito sapagkat may mga kagalakan at mga kalungkutan ang Diyos, at ang Kanyang iba’t ibang damdamin ay maipahahayag sa iba’t ibang paraan. Ito ay Kanyang karapatan, at wala nang ibang mas normal at wasto. Hindi na dapat mag-isip ng anupaman dito ang mga tao. Hindi ninyo dapat subukang gamitin ang “orasyon sa paghihigpit ng benda”[a] sa Diyos, na sinasabi sa Kanya na hindi Niya dapat gawin ang ganito o ganoon, hindi Siya dapat kumilos nang ganito o ganoon, at sa paraang ito ay limitahan ang Kanyang kasiyahan o anumang damdaming maaaring mayroon Siya. Sa puso ng mga tao ang Diyos ay hindi magagawang maging masaya, hindi makaluluha, hindi makatatangis—hindi Niya magagawang magpahayag ng anumang emosyon. Sa pamamagitan ng ipinagbigay-alam na natin sa loob ng dalawang pagbabahaging ito, naniniwala Ako na hindi na ninyo titingnan ang Diyos sa ganitong paraan, bagkus ay hahayaan ang Diyos na magkaroon ng kaunting kalayaan at kaginhawahan. Napakainam na bagay ito. Sa hinaharap kung magagawa ninyong tunay na maramdaman ang kalungkutan ng Diyos kapag narinig ninyong malungkot Siya, at nagagawa ninyong tunay na maramdaman ang Kanyang kasiyahan kapag narinig ninyong masaya Siya, kung gayon kahit papaano ay magagawa ninyong malaman at maunawaan nang malinaw kung ano ang nakapagpapasaya sa Diyos at kung ano ang nakapagpapalungkot sa Kanya. Kapag nalulungkot ka dahil malungkot ang Diyos, at sumasaya dahil masaya ang Diyos, makakamit na Niya nang lubos ang iyong puso at wala nang magiging anumang hadlang sa pagitan mo at sa Kanya. Hindi mo na susubukang limitahan ang Diyos sa mga guni-guni, mga kuru-kuro, at kaalaman ng tao. Sa panahong iyon, ang Diyos ay magiging buhay at masigla sa iyong puso. Siya ang magiging Diyos ng iyong buhay at ang Panginoon ng lahat ng tungkol sa iyo. Mayroon ba kayong ganitong uri ng paghahangad? Nagtitiwala ka ba na matatamo mo ito?
Talababa:
a. Ang “orasyon sa paghihigpit ng benda” ay isang orasyon na ginagamit ng mongheng si Tang Sanzang sa nobelang Chinese na Journey to the West. Ginagamit niya ang orasyong ito para pigilan si Sun Wukong sa pamamagitan ng paghihigpit ng isang bendang bakal sa palibot ng ulo ng huli, na nagbibigay rito ng matitinding sakit ng ulo kaya nakokontrol niya ito. Naging isang metapora ito para ilarawan ang isang bagay na gumagapos sa isang tao.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.