Mga Salita sa Pagkilala sa Gawain at Disposisyon ng Diyos (Sipi 19)
Karamihan sa mga tao ay hindi nauunawaan ang gawain ng Diyos, kaya kulang na kulang ang kanilang pananampalataya. Hindi madaling malaman ang gawain ng Diyos; kailangan munang malaman ng isang tao na may isang plano sa lahat ng gawain ng Diyos at ginagawang lahat iyon ayon sa panahon ng Diyos. Hindi kailanman maarok ng tao kung ano ang ginagawa ng Diyos at kung kailan Siya gumagawa; ginagampanan ng Diyos ang isang gawain sa isang partikular na panahon, at hindi Siya nagpapaliban; walang sinumang makakasira sa Kanyang gawain. Ang gumawa ayon sa Kanyang plano at ayon sa Kanyang mga layunin ang siyang prinsipyong sinusunod Niya sa paggawa sa Kanyang gawain, at hindi ito mababago ng sinumang tao. Sa gayong paraan, dapat mong makita ang disposisyon ng Diyos. Hindi naghihintay kahit kanino ang gawain ng Diyos, at kapag oras na para gawin ang gawain, kailangan itong magawa. Naranasan ninyong lahat ang gawain ng Diyos nitong mga nakaraang taon. Sino ang kayang sumira sa paraan Niya ng pagtustos sa mga tao, ang makakapigil sa Kanya sa pagsasabi ng Kanyang mga salita kapag kailangan Niyang sabihin ang mga ito at sa pagsasagawa ng gawain kapag kailangan na itong magawa? Noong una nilang sinimulan ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, ang karamihan sa mga tao ay namigay ng mga libro ng mga salita ng Diyos sa mga nasa simbahan at sa mga relihiyosong tao. Ano ang naging bunga nito? Iilan-ilan lamang sa mga taong ito ang nag-imbestiga tungkol sa mga salita ng Diyos; ang karamihan sa kanila ay mapanirang-puri, mapanghusga, at puno ng pagkapoot. Sinunog ng ilan ang mga libro, ang ilan ay kinumpiska ang mga ito, ang ilan ay nanggulpi ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo at pinilit ang mga ito na umamin ng pagkakasala, at ang ilan ay tumawag pa nga ng pulis para arestuhin at usigin ang mga ito. Noong mga panahong iyon, ang lahat ng denominasyon ay hibang na nanlaban, ngunit sa huli, ang ebanghelyo ng kaharian ay lumaganap pa rin sa buong lupain ng Tsina. Sino ang makagagambala sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos? Sino ang makahahadlang sa paglaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos? Ang mga tupa ng Diyos ay nakikinig sa tinig ng Diyos, at ang mga makakamit ng Diyos ay makakamit sa malao’t madali. Ito ay isang bagay na walang sinumang makawawasak. Tulad ito ng isang pangungusap sa Kawikaan, na nagsasabing, “Ang puso ng hari ay nasa kamay ni Jehova na parang mga batis ng tubig: ikinikiling Niya ito saanman Niya ibigin” (Kawikaan 21:1). Totoo ito lalo na sa mga hamak na tao, tama ba? May sariling mga plano at pagsasaayos ang Diyos tungkol sa kung kailan Niya gagawin ang isang gawain. Laging hinuhusgahan ng ilang tao na imposible para sa Diyos na gawin ang ganito o ganyan, ngunit ang mga gayong ideya ay imahinasyon lang ng mga tao. Gaano man kalaking pinsala ang gawin ng mga tao at gaano man karaming gulo ang idulot ni Satanas, mauuwi ito sa wala, at hindi nila mapipigilan ang gawain ng Diyos. Ang gawain ng Banal na Espiritu ang nagtatakda sa lahat ng bagay, at walang magagawa ang mga tao kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu. Anong uri ng lohika ang dapat na taglay ng mga tao tungkol dito? Kapag napagtanto ng isang tao na hindi kumikilos ang Banal na Espiritu, dapat niyang bitiwan ang sarili niyang mga kuru-kuro at mag-ingat na hindi makagawa ng kahit na ano nang hindi ito nauunawaan. Ang pasyang may karunungan ay ang hanapin ang mga layunin ng Diyos at hintayin ang itinakda Niyang panahon. May ilang tao na laging umaasa sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyong pantao at na pinangungunahan ang Diyos, at ang bunga ay ang hindi pagkilos ng Banal na Espiritu at ang kanilang pagsusumikap ay nagiging walang saysay. Gayunpaman, dapat gawin ng mga tao ang dapat nilang gawin, at dapat nilang tuparin ang kanilang tungkulin. Hindi ka maaaring maghintay lamang nang walang ginagawa dahil sa takot na may magawa kang mali, at tiyak na hindi mo maaaring sabihing, “Hindi pa ito ginagawa ng Diyos, at hindi pa sinasabi ng Diyos kung ano ang gusto Niyang gawin ko, kaya wala muna akong gagawin sa ngayon.” Hindi ba’t isa itong kabiguang gawin ang iyong tungkulin? Kailangan mo itong pag-isipan nang maigi dahil hindi ito maliit na bagay, at ang isang kamalian sa pag-iisip ay maaaring makasira sa iyo at sa mga inaasahan mo.
Sa plano ng pamamahala ng Diyos, anumang gawain ang gawin ng Diyos ay ginagawa ayon sa itinakdang iskedyul, sa tamang oras, eksaktong-eksakto, at tiyak na hindi ayon sa imahinasyon ng mga taong nagsasabing, “Hindi ito uubra, hindi iyan uubra, wala kang mararating dito!” Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at walang mahirap para sa Diyos. Mula sa Kapanahunan ng Kautusan hanggang sa Kapanahunan ng Biyaya hanggang sa Kapanahunan ng Kaharian, ang bawat hakbang sa gawain ng Diyos ay ginawa nang taliwas sa mga kuru-kuro ng mga taong nag-iisip na hindi posible ang lahat ng ito. Gayunpaman, naging maayos ang lahat sa huli, at si Satanas ay ganap na napahiya at nabigo, at tinakpan ng lahat ng tao ang kanilang mga bibig. Ano ang maaaring gawin ng mga tao? Hindi man lamang nila maisagawa ang katotohanan, ngunit nagagawa pa rin nilang magyabang at palalo at isiping magagawa nila ang anuman, at ang kanilang puso ay puno ng labis-labis na mga pagnanasa, at hindi man lang sila nagsisilbing mga tunay na patotoo. May mga tao pa ngang nag-iisip na, “Malapit nang dumating ang araw ng Diyos, hindi na tayo maghihirap pa, magkakaroon tayo ng magandang buhay, at makikita na natin ang wakas.” Sinasabi Ko sa inyo, ang mga ganitong tao ay nakikisakay lamang at naglalaro lang, at sa huli, sila ay parurusahan lamang at wala silang mapapala. Ang pananalig ba sa Diyos para lamang makita ang araw ng Diyos at matakasan ang malaking sakuna ay makatutulong sa pagkakamit ng katotohanan at buhay? Ang sinumang nananalig sa Diyos para makatakas sa sakuna at makita ang araw ng Diyos ay mamamatay. Gayunman, ang mga nananalig para hangarin ang katotohanan, at para maligtas sa pamamagitan ng pagbabago ng disposisyon ay mabubuhay. Sila ang mga tunay na mananampalataya ng Diyos. Ang mga nalilitong mananampalataya ay walang makakamit sa huli, magtatrabaho lamang nang walang saysay, at bibigyan ng mas mabigat na parusa. May matinding kawalan ng kabatiran ang lahat ng tao. Ang mga nananalig sa Diyos ngunit hindi ginagawa ang kanilang trabaho at laging nag-iisip ng masasamang bagay ay masasama, sila ay mga hindi mananampalataya at maipapahamak lamang nila ang kanilang mga sarili. Hindi ba’t ang mga mananampalataya at ang mga walang pananampalataya ay parehong nasa mga kamay ng Diyos? Sino ang makakatakas mula sa mga kamay ng Diyos? Walang sinumang makakatakas! Ang mga makakatakas ay kailangang bumalik sa Diyos sa huli at maparusahan. Ito ay labis na maliwanag, bakit ito hindi makita nang malinaw ng mga tao?
Ang ilang tao ay walang anumang kaalaman sa pagiging makapangyarihan ng Diyos sa lahat, kahit pa nananalig sila sa Makapangyarihang Diyos. Sila ay patuloy na nalilito tungkol sa sumusunod na katanungan: “Yamang ang Diyos ay dakila, may awtoridad, at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, bakit nilikha pa rin Niya si Satanas, hinayaan ito na gawing tiwali ang sangkatauhan sa loob ng 6,000 taon at guluhin ang mundo? Bakit hindi pinupuksa ng Diyos si Satanas? Hindi ba’t magkakaroon ang mga tao ng magandang buhay kung aalisin si Satanas?” Ganito mag-isip ang karamihan sa mga tao. Maipapaliwanag ba ninyo ngayon ang isyung ito? May kinalaman dito ang katotohanan tungkol sa mga pangitain. Marami nang nagsaalang-alang sa tanong na ito, ngunit ngayong medyo may pundasyon na kayo, hindi na ninyo pagdududahan ang Diyos dahil dito. Gayunpaman, ang pagkalito tungkol dito ay dapat na linawin. May ilang taong nagtatanong, “Bakit hinayaan ng Diyos na pagtaksilan Siya ng arkanghel? Maaari kayang hindi alam ng Diyos na may kakayahan ang arkanghel na pagtaksilan Siya? Nabigo ba ang Diyos na kontrolin ito, pinahintulutan ba Niya ito, o may layon ba ang Diyos?” Normal lamang na itanong ito ng mga tao, at dapat nilang malaman na may kinalaman sa tanong na ito ang buong plano ng pamamahala ng Diyos. Isinaayos ng Diyos na magkaroon ng arkanghel at ang pagtataksil ng arkanghel na ito sa Diyos ay parehong pinahintulutan at isinaayos ng Diyos—tiyak na nasa saklaw ito ng plano ng pamamahala ng Diyos. Pinahintulutan ng Diyos ang arkanghel na gawing tiwali ang sangkatauhang nilikha Niya, matapos nitong magtaksil sa Kanya. Hindi sa nabigo ang Diyos na kontrolin si Satanas, kung kaya’t ang sangkatauhan ay natukso ng ahas at ginawang tiwali ni Satanas, kundi ang Diyos ang nagpahintulot kay Satanas na gawin ito. Pagkatapos Niyang ibigay ang Kanyang pahintulot para mangyari ito, saka lamang sinimulan ng Diyos ang Kanyang plano ng pamamahala at ang gawain Niya ng pagliligtas sa sangkatauhan. Kaya bang maarok ng tao ang misteryo dito? Nang napasama na ni Satanas ang sangkatauhan, noon sinimulan ng Diyos ang gawain ng pangangasiwa sa sangkatauhan. Una, ginawa Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan sa Israel. Makalipas ang dalawang libong taon, ginampanan Niya ang gawain ng pagpapapako sa krus sa Kapanahunan ng Biyaya, at natubos ang buong sangkatauhan. Sa panahon ng mga huling araw, nagkatawang-tao Siya upang lupigin at iligtas ang isang pangkat ng mga tao sa mga huling araw. Anong uri ng mga tao yaong mga naipanganak sa mga huling araw? Sila yaong mga napasailalim na sa libu-libong taon ng pagtitiwali ni Satanas, na napakalalim na ang pagkakagawang tiwali kaya wala na silang wangis ng tao. Pagkatapos maranasan ang paghatol, pagkastigo at paglalantad ng mga salita ng Diyos, pagkatapos na nalupig, natatamo nila ang katotohanan mula sa loob ng mga salita ng Diyos at taimtim na nahihikayat ng Diyos; natatamo nila ang isang pagkaunawa sa Diyos, at nakapagpapasakop sila sa Diyos nang lubusan at napalulugod ang Kanyang mga layunin. Sa katapusan, ang pangkat ng mga taong nakamit sa pamamagitan ng plano ng pamamahala ng Diyos ay magiging mga taong tulad nito. Ano sa tingin ninyo, ang tutugon ba sa mga layunin ng Diyos ay ang mga hindi nagawang tiwali ni Satanas, o ang mga nagawang tiwali ni Satanas at kalaunan ay naligtas? Ang mga taong kakamtin sa buong plano ng pamamahala ay isang grupo na nakauunawa sa mga layunin ng Diyos, na nakakamit ang katotohanan mula sa Diyos, at na nagtataglay ng uri ng buhay at wangis ng tao na hinihingi ng Diyos. Noong unang nilikha ng Diyos ang mga tao, sila ay mayroon lamang wangis ng tao at buhay ng tao. Gayunpaman, hindi nila taglay ang katotohanan na hinihingi ng Diyos sa tao at hindi nila maipamuhay ang wangis na laging inaasam ng Diyos na tataglayin ng mga tao. Ang grupo ng tao na makakamit sa huli ay ang mga mananatili hanggang sa dulo, at sila ang mga kakamtin ng Diyos, kung kanino Siya nalulugod, at ang nagbibigay-kasiyahan sa Kanya. Sa loob ng ilang libong taong pagtakbo ng plano ng pamamahala, ang mga taong ito na iniligtas Niya sa huli ang pinakamaraming nakamit; ang katotohanang nakamit ng mga taong ito ay ang mismong pagdidilig at pagtutustos na ibinigay sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pakikidigma kay Satanas. Ang mga tao sa grupong ito ay mas mainam kaysa sa mga nilikha ng Diyos noong pinakasimula; bagama’t sila ay nagawang tiwali, ito ay hindi maiiwasan, at ito ay nasa saklaw ng plano ng pamamahala ng Diyos. Ganap nitong inihahayag ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat at karunungan, pati na rin ang katotohanan na ang lahat ng isinaayos, pinlano, at nagawa ng Diyos ang ganap na pinakadakila. Kung pagkatapos ay tatanungin kang muli: “Kung ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, paano Siya napagtaksilan pa rin ng arkanghel? Pagkatapos ay ipinatapon ito ng Diyos sa mundo kung saan pinahintulutan Niya itong gawing tiwali ang sangkatauhan. Ano ang kabuluhan nito?” maaari mo itong sabihin: “Ang bagay na ito ay nakapaloob sa paunang pagtatalaga ng Diyos at ito ay labis na makabuluhan. Hindi ito ganap na maaarok ng tao, ngunit sa antas na kayang maunawaan at maabot ng tao, makikita na ang ginawa ng Diyos ay lubos na makabuluhan. Hindi nito sinasabi na may panandaliang pagkakamali ang Diyos, o na nawalan Siya ng kontrol at wala Siyang kaparaanan para pamahalaan ang mga bagay-bagay, at pagkatapos ay ginamit Niya ang mga panlilinlang ni Satanas laban dito, sinasabing, ‘Ang arkanghel ay nagtaksil na lang din naman, kaya mabuti pa ay sakyan Ko na lang din ito, at ililigtas Ko na lamang ang sangkatauhan matapos nitong gawing tiwali ang lahat.’ Hinding-hindi ito ang kaso.” Dapat ay malaman man lang ng mga tao na ang bagay na ito ay nasa saklaw ng plano ng pamamahala ng Diyos. Anong plano? Sa unang yugto, mayroong arkanghel; sa ikalawang yugto, ang arkanghel ay nagtaksil; sa ikatlong yugto, matapos magtaksil ng arkanghel, pumunta ito sa mga tao para gawin silang tiwali, at pagkatapos ay sinimulan ng Diyos ang gawain Niya ng pamamahala sa sangkatauhan. Kapag ang mga tao ay nananalig sa Diyos, kailangan nilang maunawaan ang pangitain ng plano ng pamamahala ng Diyos. Ang ilan ay hindi kailanman nauunawaan ang aspetong ito ng katotohanan, lagi nilang nararamdaman na maraming hindi malulutas na kontradiksyon. Dahil walang pagkaunawa, pakiramdam nila ay walang katiyakan, at kung sila ay walang katiyakan, wala silang lakas na sumulong. Kung walang katotohanan, mahirap magkaroon ng anumang pag-unlad, kaya mahirap talaga para sa mga hindi naghahanap sa katotohanan kapag sila ay nahaharap sa isang isyu. Nakatulong ba ang pagbabahaging ito para makaunawa ka? Pagkatapos ng pagtataksil ng arkanghel, saka lamang nagkaroon ang Diyos ng plano ng pamamahala para iligtas ang sangkatauhan. Kailan sinimulan ng arkanghel ang pagtataksil nito? Tiyak na may mga bagay na naghahayag ng pagtataksil nito, may proseso ang ginawang pagtataksil ng arkanghel, tiyak na hindi ito kasingsimple ng sinasabi ng teksto. Tulad ito ng pagtataksil ni Hudas kay Jesus—mayroon itong proseso. Hindi niya agad pinagtaksilan si Jesus matapos niyang sumunod kay Jesus. Hindi minahal ni Hudas ang katotohanan, naghangad siya ng salapi, at lagi siyang nagnanakaw. Ibinigay siya ng Diyos kay Satanas, binigyan siya ni Satanas ng mga ideya, at pagkatapos ay nagsimula siyang magtaksil kay Jesus. Unti-unting naging masama si Hudas, at sa ilang partikular na pagkakataon, nang dumating ang takdang oras, pinagtaksilan niya si Jesus. May regular na disenyo sa pagiging masama ng mga tao, at hindi ito kasingsimple ng naiisip ng mga tao. Sa sandaling iyon, hanggang doon lamang maaaring maunawaan ng mga tao ang mga bagay sa plano ng pamamahala ng Diyos, ngunit mas malalim nilang mauunawaan ang kabuluhan nito kapag lumago na ang kanilang tayog.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.