Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 9 (Ikalawang Bahagi)

May isa pang isyu pagdating sa pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao. May ilang taong nagsasabing: “Nagsasalita ka ngayon tungkol sa pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao—ito ba ay dahil malapit nang dumating ang oras, narito na ang mga huling araw, at dumating na ang mga sakuna, at dahil narito na ang araw ng Diyos, kaya Mo hinihingi sa mga tao na bitiwan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin?” Iyon ba ang nangyayari? (Hindi.) Ang sagot ay hindi: Hindi! Kaya, pag-usapan natin ang partikular na dahilan. Dahil ang sagot ay hindi, tiyak na may ilang detalyadong isyu rito na kailangang pagbahaginan at maunawaan. Pag-usapan natin ito: Dalawang libo, o maging ilang daang taon na ang nakararaan, ang buong kapaligiran ng lipunan ay iba kaysa sa ngayon; ang kalagayan ng lahat ng sangkatauhan ay iba kaysa sa ngayon. Ang kapaligiran ng kanilang buhay ay napaka-organisado. Ang mundo ay hindi kasingsama ng sa ngayon, ang lipunan ng tao ay hindi kasinggulo ng sa ngayon, at wala pang mga sakuna noon. Kailangan pa rin bang bitiwan ng mga tao ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin? (Oo.) Bakit? Magbigay ng isang rason, at sabihin ang inyong partikular na kaalaman. (Ngayong ang sangkatauhan ay ginawang tiwali ni Satanas, mayroon silang tiwaling disposisyon ni Satanas, kaya kapag hinahangad nila ang kanilang mga mithiin at hangarin, ito ay para lamang sa paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Dahil hinahangad nila ang kasikatan at pakinabang, nagpapakahirap sila at nilalabanan nila ang isa’t isa, nakikipaglaban para sa buhay at kamatayan, at ang resulta ay na lalo silang nagagawang tiwali ni Satanas, lalong nawawalan ng wangis ng tao, lalong nalalayo sa Diyos. Kaya, makikita natin na ang landas ng paghahangad sa mga mithiin at hangarin ay mali. Hindi ito dahil malapit nang dumating ang araw ng Diyos kaya Niya hinihingi sa mga tao na bitiwan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin; bagkus, hindi dapat hinahangad ng mga tao ang mga bagay na ito sa simula pa lang. Dapat silang maghangad nang wasto, nang naaayon sa mga salita ng Diyos.) Sa palagay ninyo, ang pagbitiw ba sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao ay isang prinsipyo ng pagsasagawa? (Oo.) Ang pagbitiw ba sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao ay ang katotohanan? Ito ba ay isang hinihingi ng Diyos sa tao? (Oo.) Ito ay isang katotohanan, isang hinihingi ng Diyos sa tao. Kung gayon, ito ba ang daan na dapat sundin ng mga tao? (Oo.) Sapagkat ito ang katotohanan, isang partikular na hinihingi ng Diyos sa tao, at ang daan na dapat sundin ng mga tao, ito ba ay nagbabago batay sa panahon o karanasan? (Hindi.) Bakit hindi? Dahil ang katotohanan, ang mga hinihingi ng Diyos, at ang daan ng Diyos ay hindi nagbabago batay sa pagbabago ng panahon, lugar, o kapaligiran. Anuman ang oras, anuman ang lugar, at anuman ang kapaligiran, ang katotohanan ay palaging katotohanan, at ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa tao ay hindi nagbabago, pati na rin ang pamantayang hinihingi Niya sa Kanyang mga tagasunod. Kaya, para sa mga tagasunod ng Diyos, anuman ang oras, lugar, o konteksto, ang daan ng Diyos na dapat nilang sundin ay hindi nagbabago. Kaya, ang paghingi sa mga tao na bitiwan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin sa kasalukuyang panahon ay hindi isang hinihingi na isinusulong para sa tao dahil lang sa malapit na ang oras, o dahil narito na ang mga huling araw; hindi rin ito dahil sa ang mga araw ay iilan na lamang at ang mga sakuna ay malalaki, o dahil sa takot na ang tao ay masadlak sa sakuna, kaya mayroong ganoong agarang hinihingi sa tao, hinihingi sa kanilang gumawa ng mga labis-labis o radikal na mga paraan ng pagkilos, upang makamit ang pinakamabilis na pagpasok sa katotohanang realidad. Hindi ito ang dahilan. Ano ang dahilan kung gayon? Anuman ang panahon, kahit ilang daan o ilang libong taon na ang nakararaan—kahit na sa kasalukuyan—hindi nagbago ang mga hinihingi ng Diyos sa tao tungkol sa usaping ito. Sadya lamang na sa ilang libong taon na ang nakararaan, kahit hanggang sa anumang panahon bago ang kasalukuyan, hindi pa lantarang nailalathala ng Diyos ang mga salitang ito sa sangkatauhan nang detalyado, ngunit ang Kanyang mga hinihingi sa tao ay hindi kailanman nagbago sa anumang panahon. Simula noong panahong unang nagkaroon ng mga talaan ang sangkatauhan, ang mga hinihingi ng Diyos sa kanila ay hindi kailanman na masigasig nilang hangarin ang mundo, o isakatuparan ang sarili nilang mga mithiin at hangarin sa mundo. Ang mga hinihingi lamang Niya sa kanila ay ang makinig sila sa Kanyang mga salita, sundin ang Kanyang daan, na huwag magpakalugmok sa karumihan ng mundo, at huwag hangarin ang mundo. Hayaan ang mga tao sa mundo na pangasiwaan ang mga makamundong usapin; hayaan silang tapusin ang mga bagay na ito. Walang kinalaman ang mga ito sa mga nananampalataya at sumusunod sa Diyos. Ang tanging kailangang gawin ng mga nananampalataya sa Diyos ay ang sundin ang daan ng Diyos at sumunod sa Kanya. Ang pagsunod sa daan ng Diyos ay isang tungkuling dapat gawin ng mga nananampalataya at sumusunod sa Diyos. Hindi nagbabago ang usaping ito batay sa oras, lugar, o kapaligiran. Kahit sa hinaharap, kapag ang sangkatauhan ay naligtas at pumasok sa susunod na kapanahunan, hindi magbabago ang hinihinging ito. Ang pakikinig sa mga salita ng Diyos at ang pagsunod sa Kanyang daan ang saloobin at partikular na pagsasagawang dapat taglayin ng isang sumusunod sa Diyos. Sa pamamagitan ng pakikinig sa mga salita ng Diyos at pagsunod sa Kanyang daan, saka lamang matagumpay na magkakaroon ng takot ang tao sa Diyos at makakaiwas sa kasamaan. Kaya, ang paghingi ng Diyos sa mga tao na bitiwan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin ay hindi dahil sa oras, o dahil sa mga natatanging kapaligiran o pinagmulan; sa halip, hangga’t umiiral ang tao, kahit hindi malinaw na naibigay ng Diyos sa kanila ang mga salita, noon pa man ay hinihingi na Niya ang pamantayan at prinsipyong ito sa kanila. Gaano man karaming tao ang makakakamit nito, gaano man karaming tao ang kayang magsagawa ng Kanyang mga salita, o gaano man karaming salita Niya ang kaya nilang maunawaan, hindi nagbabago ang hinihinging ito ng Diyos. Tingnan mo sa Bibliya, kung saan may mga talaan ng mga natatanging taong pinili ng Diyos sa mga natatanging panahon—si Noe, Abraham, Isaac, Job, atbp. Ang mga hinihingi ng Diyos sa kanila, ang daang sinusunod nila, ang kanilang mga layon at direksiyon sa buhay, pati na ang mga layong kanilang hinahangad at ang mga partikular na paraan ng pagkilos na ginagamit nila para sa buhay at pag-iral, ay pawang kumakatawan sa mga hinihingi ng Diyos sa tao. Ano ang mga hinihingi ng Diyos sa tao? Kasama sa mga ito ay na dapat bitiwan ng mga tao ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin, tama ba? (Tama.) Sa espirituwal o pisikal man na aspekto, dapat nilang iwasan ang maingay, magulo, masamang sangkatauhan, at iwasan ang maiingay, magugulo, at masasamang kalakaran ng mga ito. Noon, may isang salita na hindi masyadong angkop—“pinabanal.” Sa realidad, ang kahulugan ng salitang ito ay hingin sa iyo na bitiwan ang iyong mga paghahangad, mithiin, at hangarin—upang hindi ka maging isang walang pananampalataya, o upang hindi mo gawin ang mga bagay na ginagawa ng mga walang pananampalataya, o upang hindi mo naisin ang mga paghahangad ng isang walang pananampalataya, at sa halip ay hikayatin kang hangarin ang mga bagay na dapat hangarin ng isang mananampalataya. Iyon ang ibig sabihin nito. Kaya, kapag sinasabi ng ilang tao na: “Dahil ba sa malapit na ang oras, narito na ang mga huling araw, at dumating na ang mga sakuna, kaya hinihingi ng Diyos na bitiwan ng mga tao ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin?” Ano ang dapat na maging sagot sa tanong na ito? Ang dapat na maging sagot dito ay na anuman at ang lahat ng mga hinihingi ng Diyos sa tao ay ang katotohanan, at ang daan na dapat sundin ng mga tao. Hindi nagbabago ang mga ito batay sa mga pagbabago ng oras, lugar, kapaligiran, heograpikal na lokasyon, o kalagayan ng lipunan. Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, ang katotohanang hindi nagbago mula pa noong unang panahon, na hindi magbabago magpakailanman—kaya, ang bawat hinihingi ng Diyos sa tao at ang bawat partikular na prinsipyo ng pagsasagawa na inilalatag Niya sa kanila ay nariyan na simula pa noong likhain Niya ang sangkatauhan, noong wala pa silang mga talaan ng panahon. Ito ay kasabay na umiiral ng Diyos. Sa madaling salita, mula sa sandaling nagkaroon na ng mga tao, nauunawaan na ng sangkatauhan ang mga hinihingi ng Diyos sa kanila. Anuman ang aspekto ng mga hinihingi, lahat ng ito ay walang-hanggan, at hindi magbabago. Sa kabuuan, ang mga hinihingi ng Diyos sa tao ay ang makinig sila sa Kanyang mga salita at sundin ang Kanyang daan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang mga hinihingi ng Diyos ay ganap na walang kaugnayan sa pag-unlad ng mundo, sa mga kalagayan ng lipunan ng tao, sa oras o lugar, o sa heograpikal na kapaligiran at espasyo kung saan namumuhay ang mga tao. Pagkatapos makinig sa mga salita ng Diyos, tama na panatilihin at isagawa ng mga tao ang mga ito. Wala nang ibang hinihingi ang Diyos sa mga tao. Kapag naririnig at nauunawaan nila ang Kanyang mga salita, sapat na para isagawa at sundin nila ang mga ito; makakamit nila ang pamantayan ng pagiging isang katanggap-tanggap na nilikha sa Kanyang mga mata. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kaya, anuman ang panahon, ang kapaligiran o kalagayan ng lipunan, o ang heograpikal na lokasyon, ang kailangan mong gawin ay makinig sa mga salita ng Diyos, unawain ang Kanyang sinasabi at ang Kanyang mga hinihingi sa iyo, at pagkatapos, ang susunod mong dapat gawin ay makinig, magpasakop, at magsagawa. Huwag mong ipag-alala ang mga bagay na tulad ng “Malalaki ba ang sakuna ngayon sa mundo sa labas? Magulo ba ang mundong ito? Mapanganib bang lumabas sa mundo? Magkakaroon ba ako ng nakakahawang sakit? Maaari ba akong mamatay? Masasadlak ba ako sa mga sakuna? May mga tukso ba sa labas?” Walang silbi na isipin ang mga gayong bagay, at walang kinalaman sa iyo ang mga ito. Ang paghahangad mo sa katotohanan at pagsunod sa daan ng Diyos ang tanging kailangan mong alalahanin, hindi ang kapaligiran ng mundo sa labas. Anuman ang kalagayan ng kapaligiran ng mundo sa labas, ikaw ay isang nilikha, at ang Diyos ang Lumikha. Ang relasyon sa pagitan ng Lumikha at nilikha ay hindi magbabago, hindi magbabago ang iyong pagkakakilanlan, at hindi magbabago ang diwa ng Diyos. Ikaw ay palaging magiging isang tao na dapat sundin ang daan ng Diyos, isang taong dapat makinig sa Kanyang mga salita at magpasakop sa Kanya. Ang Diyos ay palaging magiging ang Nag-iisang namumuno sa iyo, nagsasaayos ng iyong kapalaran, at umaakay sa iyo sa buhay. Hindi magbabago ang relasyon mo sa Kanya, hindi magbabago ang Kanyang pagkakakilanlan, at hindi magbabago ang iyong pagkakakilanlan. Dahil sa lahat ng ito, anuman ang panahon, ang iyong responsabilidad, obligasyon, at pinakamataas na tungkulin ay ang makinig sa mga salita ng Diyos, magpasakop sa mga ito, at isagawa ang mga ito. Hindi ito kailanman magiging mali, at ito ang pinakamataas na pamantayan. Nalutas na ba ang isyung ito? (Oo.) Ito ay nalutas na. Malinaw ba ang sinabi Ko? Mas tama ba ang Aking sinabi kaysa sa inyong sinabi? (Oo.) Sa anong paraan ako tama? (Nagsasalita lamang kami sa pangkalahatang paraan, ngunit masusing sinuri ng Diyos ang isyung ito, at ibinahagi rin Niya na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, ang mga landas na dapat sundin ng mga tao, at na dapat makinig ang mga tao sa mga salita ng Diyos at sundin ang Kanyang daan. Lahat ito ay malinaw na sinabi ng Diyos.) Ang sinasabi Ko ay isang aspekto ng katotohanan. Ang pariralang “isang aspekto ng katotohanan” ay isang teorya, kaya ano ang sumusuporta sa teoryang ito? Ito ay ang mga naunang nabanggit, mga partikular na katunayan at nilalaman. May ebidensiya ang lahat ng katunayang ito; wala ni isa sa mga ito ang inimbento lang, wala sa mga ito ang kathang-isip. Lahat ng ito ay mga katunayan, o ang mga ito ay ang diwa at realidad ng mga panlabas na penomena ng mga katunayan. Kung maiintidihan at mauunawaan mo ang mga ito, nagpapatunay ito na nauunawaan mo ang katotohanan. Ang dahilan kung bakit hindi ninyo ito masabi nang malakas ay dahil hindi pa ninyo nauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan, o hindi pa ninyo nauunawaan ang batayang diwa at realidad ng mga penomenang ito, kaya nagsasalita lamang kayo nang kaunti tungkol sa inyong mga damdamin at kaalaman, na malayong-malayo sa katotohanan. Hindi ba’t ito ang nangyayari? (Oo.) Nalutas na ang isyu na ito, kaya hayaan na natin ito. Tungkol naman sa paksa ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nagmumula sa mga hilig at libangan, kinakailangan bang isama ang tanong na ito bilang karagdagang punto? (Oo.) Kinakailangan ito. Ang bawat tanong ay may kaugnayan sa ilang katotohanan, ibig sabihin, may kaugnayan ito sa realidad at diwa ng ilang katunayan, at sa likod ng realidad at diwa ay naroon palagi ang mga pagsasaayos, plano, ideya, at kahilingan ng Diyos. At ano pa ba? Ang ilan sa mga partikular na pamamaraan ng Diyos, pati na rin ang batayan, mga layon, at ang pinagmulan ng Kanyang mga kilos. Ito ang realidad.

Matapos magbahaginan tungkol sa paksa ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nagmumula sa mga hilig at libangan, dapat tayong magbahaginan tungkol sa susunod na paksa. Ano ang susunod na paksa? Ito ay na dapat bitiwan ng mga tao ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nagmumula sa pag-aasawa. Malinaw na ang paksang ito ay sumasaklaw sa iba’t ibang problemang kaugnay ng pag-aasawa. Hindi ba’t medyo mas malaki ang paksang ito kaysa sa mga hilig at libangan? Ngunit huwag kayong matakot sa laki nito. Hihimay-himayin natin ito, unti-unti nating unawain at arukin ang paksang ito sa pamamagitan ng pagbabahaginan. Ang landas na tatahakin natin sa pagbabahaginan tungkol sa paksang ito ay ang pagsusuri sa isyu ng pag-aasawa mula sa mga perspektiba at aspekto ng diwa ng mga problema rito, positibo man o negatibo; ang iba’t ibang pagkaunawa ng mga tao sa pag-aasawa, tama man o mali; ang mga pagkakamaling nagagawa nila sa pag-aasawa, pati na ang iba’t ibang maling ideya at pananaw na ibinubunga ng isyu, na sa huli ay nagbibigay-daan sa mga tao na bitiwan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nagmumula sa pag-aasawa. Ang pinakamainam at pinakamadaling paraan upang makamit ang “pagbitiw” ay ito: Una, dapat malinaw mong makita ang diwa ng mga problema, at makilatis ang mga ito, kung positibo o negatibo man ang mga ito. Pagkatapos, dapat mong magawang harapin ang mga problema nang tama at makatwiran. Ito ang aktibong bahagi ng mga bagay-bagay. Sa pasibong bahagi naman ng mga bagay, dapat mong maunawaan at makilatis ang mga maling ideya, pananaw, at saloobing idinudulot sa iyo ng mga problemang ito, o ang iba’t ibang nakakapinsala at negatibong impluwensiyang ibinubunga ng mga ito sa iyong pagkatao, at mula sa mga aspektong ito, dapat magawa mong bumitiw. Sa madaling salita, kailangang maunawaan at makilatis mo ang mga problemang ito, nang hindi ka natatali o nagagapos sa mga maling ideyang ibinubunga ng mga problemang ito, at nang hindi hinahayaan ang mga ito na kontrolin ang iyong buhay at akayin ka sa mga baluktot na landas, o akayin ka na gumawa ng mga maling pasya. Sa madaling salita, nagbabahaginan man tayo tungkol sa positibo o negatibo, ang pinakalayon ay ang bigyang-daan ang mga tao na harapin ang problema ng pag-aasawa sa makatwirang paraan, na hindi gumamit ng mga nakalilinlang na ideya at pananaw para unawain at harapin ito, ni magkaroon ng mga maling saloobin tungkol dito. Ito ang tamang pagkaunawa sa pagsasagawa ng “pagbitiw.” Sige, magpatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nagmumula sa pag-aasawa. Una, ating tingnan ang kahulugan ng pag-aasawa, kung ano ang konsepto nito. Ang karamihan sa inyo ay hindi pa nag-aasawa, tama ba? Nakikita Ko na ang karamihan sa inyo ay mga nasa hustong gulang na. Ano ang ibig sabihin ng maging isang taong nasa hustong gulang na? Ibig sabihin nito ay umabot na kayo o lumagpas na sa edad na pwedeng mag-asawa. Kung ikaw man ay umabot na o lumagpas na sa edad na pwedeng mag-asawa, ang bawat tao ay medyo may mga nakasanayan nang pananaw, depinisyon, at konsepto tungkol sa pag-aasawa, tama man o mali. Kaya tuklasin muna natin kung ano ba talaga ang pag-aasawa. Una, sa sarili ninyong mga salita: Ano ba talaga ang pag-aasawa? Kung gusto nating pag-usapan kung sino ang kwalipikadong magsalita tungkol sa kung ano ang pag-aasawa, malamang ay iyon ang mga taong nakapag-asawa na. Kaya umpisahan muna natin sa mga nakapag-asawa na, at kapag tapos na silang magsalita, magpatuloy naman tayo sa mga hindi pa nakapag-asawa na nasa hustong gulang na. Maaari ninyong talakayin ang inyong mga pananaw tungkol sa pag-aasawa, at pakikinggan namin ang inyong pagkaunawa at depinisyon sa pag-aasawa. Sabihin ninyo ang kailangan ninyong sabihin, maganda man itong pakinggan o hindi—mga reklamo tungkol sa pag-aasawa o mga ekspektasyon sa pag-aasawa, lahat iyon ay ayos lang. (Bago mag-asawa, ang lahat ay may mga ekspektasyon. Ang ilang tao ay nag-aasawa para mamuhay nang masagana, samantalang mayroong iba na naghahangad ng masayang buhay may asawa, naghahanap ng isang prinsipeng nakasakay sa puting kabayo, nagpapantasyang mamumuhay sila nang masaya. May ilan ding nagnanais gamitin ang pag-aasawa upang makamit ang sarili nilang mga layon.) Kaya, sa iyong pananaw, ano ba talaga ang pag-aasawa? Ito ba ay transaksiyonal? Ito ba ay isang laro? Ano ito? Ang ilan sa mga sitwasyong binanggit mo ay tungkol sa pamumuhay nang masagana, na isang uri ng transaksiyon. Ano pa? (Para sa akin, ang pag-aasawa ay isang bagay lamang na pinananabikan ko, isang bagay na inaasam-asam ko.) Sino pa ang nais magsalita? Ano ang nalalaman ng mga taong may asawa tungkol sa pag-aasawa? Lalo na ang mga taong sampu o dalawampung taon nang may asawa—ano ang mga saloobin ninyo tungkol sa pag-aasawa? Hindi ba’t madalas kayong puno ng mga pagninilay-nilay tungkol sa pag-aasawa? Sa isang banda, mayroon kayong karanasan sa inyong sariling buhay may asawa, at sa kabilang banda, nakita ninyo ang buhay may asawa ng mga taong nasa paligid ninyo; kasabay nito, kinonsidera ninyo ang buhay may asawa ng ibang tao na nakikita ninyo sa mga aklat, literatura, at pelikula. Kaya mula sa mga aspektong iyon, sa tingin mo, ano ang buhay may asawa? Paano mo ito bibigyang-kahulugan? Ano ang iyong nauunawaan tungkol dito? Paano mo bibigyang-depinisyon ang buhay may asawa? Ang mga taong kasal na, iyong mga may asawa na sa loob ng ilang taon—lalo na kayong mga nagpalaki ng mga anak—ano ang saloobin ninyo tungkol sa buhay may asawa? Magsalita kayo. (Maaari akong magbahagi nang kaunti. Marami na akong napanood na palabas sa telebisyon mula noong bata pa ako. Palagi kong inaasam ang masayang buhay may asawa, ngunit pagkatapos mag-asawa, napagtanto ko na hindi ito kagaya ng iniisip ko. Pagkatapos mag-asawa, ang unang bagay na kailangan kong gawin ay ang magtrabaho nang husto para sa pamilya ko, na talagang nakakapagod. Isa pa, dahil sa hindi pagkakasundo ng ugali namin ng asawa ko, at pagkakaiba ng mga bagay na inaasam at hinahangad namin—lalo na ang pagkakaiba sa mga daan na tinatahak namin—nagkaroon kami ng maraming pagkakaiba sa buhay, hanggang sa puntong nag-aaway na kami. Mahirap ang buhay. Sa puntong ito, naramdaman ko na ang uri ng buhay may asawa na inaasam-asam ko noong bata pa ako ay hindi pala makatotohanan. Isa lamang iyong kaaya-ayang pangarap, ngunit ang totoong buhay ay hindi ganoon. Ito ang mga saloobin ko tungkol sa buhay may asawa.) Kaya ang iyong pagkaunawa sa buhay may-asawa ay na ito ay mapait, tama ba? (Oo.) Kaya, ang lahat ng iyong alaala at karanasan ay mapait, nakakapagod, masakit, at hindi mo kayang magbalik-tanaw sa mga ito; masama ang loob mo, kaya pagkatapos nito, wala ka nang inaasahan pang maganda tungkol sa buhay may asawa. Iniisip mo na ang pag-aasawa ay hindi umaangkop sa iyong mga kahilingan, na ito ay hindi maganda o romantiko. Ang pagkakaunawa mo sa pag-aasawa ay na isa itong trahedya—iyon ba ang ibig mong sabihin? (Oo.) Sa iyong buhay may asawa, sa mga bagay na iyong nagawa o sa mga bagay na ayaw mong gawin, talagang nakaramdam ka ng pagod at pait sa lahat ng bagay, hindi ba? (Oo.) Ang pag-aasawa ay mapait—iyon ay isang uri ng damdamin, isang damdaming nauunawaan o nararamdaman ng mga tao mismo. Anuman ang anyo, marahil ay marami-rami rin ang iba’t ibang pahayag tungkol sa buhay may asawa at pamilya sa mundo ngayon. Marami-rami rin ang nasa mga pelikula at libro, at may mga eksperto sa pag-aasawa at relasyon sa lipunan na nag-aanalisa at sumusuri sa lahat ng uri ng buhay may asawa, na nangangasiwa at lumulutas sa mga kontradiksyong lumilitaw sa buhay mag-asawa ng mga iyon, upang pumagitna sa mga ito. Sa huli, ginawang popular ng lipunan ang ilang kasabihan tungkol sa pag-aasawa. Alin sa mga popular na kasabihang ito tungkol sa pag-aasawa ang sinasang-ayunan ninyo o nakikisimpatya kayo? (O Diyos, madalas sabihin ng mga tao sa lipunan na ang pag-aasawa ay parang pagpasok sa libingan. Pakiramdam ko, pagkatapos mag-asawa, magtatag ng pamilya, at magkaanak, nagkakaroon ng mga responsabilidad ang mga tao, na kinakailangan nilang magtrabaho nang walang tigil upang suportahan ang kanilang pamilya, at maliban pa roon, ang hindi pagkakasundo ng dalawang tao na nagsasama, at lumilitaw ang lahat ng klase ng problema at suliranin.) Ano ang partikular na pariralang ito? “Ang pag-aasawa ay isang libingan.” May mga sikat at popular bang kasabihan sa Tsina? Hindi ba’t medyo popular ang pariralang “Ang pag-aasawa ay isang libingan”? (Oo.) Ano pa? “Ang pag-aasawa ay parang isang bayang sinasalakay—ang mga nasa labas ay nais pumasok, at ang mga nasa loob ay nais makalabas.” Ano pa? “Ang pag-aasawa nang walang pagmamahal ay imoral.” Iniisip nila na ang pag-aasawa ay isang tanda ng pagmamahal, at na ang pag-aasawa nang walang pagmamahal ay imoral. Ginagamit nila ang romantikong pagmamahal upang sukatin ang pamantayan ng moralidad. Ang mga iyon ba ang depinisyon at konsepto ng pag-aasawa na mayroon ang mga taong kasal na? (Oo.) Sa madaling salita, ang mga taong kasal na ay puno ng kapaitan. Ang pariralang maaaring maglarawan dito ay: “Ang pag-aasawa ay isang libingan.” Ganoon lang ba ito kasimple? Tapos nang magsalita ang mga may asawa, kaya ngayon, maaari na tayong makinig sa sasabihin ng mga hindi pa kasal, mga wala pang asawa. Sino ang gustong magsalita tungkol sa kanilang pagkaunawa sa pag-aasawa? Ayos lang kahit na ito ay pangbata, o isang pantasya o mga ekspektasyon na malayo sa realidad. (O Diyos, pakiramdam ko, ang pag-aasawa ay pagsasama ng dalawang tao bilang magkatuwang, isang buhay ng pang-araw-araw na pangangailangan.) Nakapag-asawa ka na ba dati? Mayroon ka bang personal na karanasan? (Wala.) Pang-araw-araw na pangangailangan, pagsasama bilang magkatuwang—iyan ba talaga ang tingin mo? Ganoon kapraktikal? (Sa aking mga mithiin, ang pag-aasawa ay hindi ganoon, ngunit iyon ang nakita ko sa pagsasama ng sarili kong mga magulang.) Ganito ang pagsasama ng iyong mga magulang bilang mag-asawa, ngunit hindi ganito ang iyong ideyal na pagsasama. Ano ang iyong nauunawaan at hinahangad pagdating sa pag-aasawa? (Noong maliit pa ako, ang aking pagkaunawa ay ang makahanap lang ng isang taong hinahangaan ko, at pagkatapos ay mamuhay nang masaya at romantiko kasama siya.) Gusto mong mamuhay kasama siya, hawakan ang kanyang kamay, at tumanda kayo nang magkasama, tama ba? (Oo.) Ito ang iyong partikular na pagkaunawa sa pag-aasawa, na may kinalaman sa iyong sarili mismo; hindi mo nakukuha ang pagkaunawang ito mula sa pagmamasid sa ibang tao. Ang iyong nakikita sa buhay may asawa ng iba ay ang panlabas na hitsura lamang ng mga ito, at dahil hindi mo pa mismo nararanasan ito, hindi mo alam kung ang iyong nakikita ay ang realidad ng mga pangyayari o isang panlabas na anyo lamang ng mga pangyayari; ang bagay na iniisip mong totoo ay magpakailanman na mananatili sa iyong mga ideya at pananaw. Isang parte ng pagkaunawa ng mga kabataan sa pag-aasawa ay ang mamuhay nang romantiko kasama ang kanilang minamahal, maghawak-kamay at sabay na tumanda, at mamuhay nang magkasama sa buhay na ito. May iba pa ba kayong pagkaunawa sa pag-aasawa? (Wala na.)

Sinasabi ng ilang tao: “Ang pag-aasawa ay tungkol sa paghahanap ng isang taong magmamahal sa iyo. Hindi mahalaga kung siya man ay romantiko o hindi, hindi mo rin siya kailangang mahalin nang sobra. Sa pinakamababa, dapat ikaw ay mahal niya, nasa puso niya, at mayroon kayong parehong mga paghahangad, mithiin, katangian, interes, at hilig, upang magkasundo kayo at mamuhay nang magkasama.” Sinasabi ng ibang tao: “Maghanap ka ng makakasama sa buhay na mahal mo at mahal ka rin. Sa gayon pa lang ay magiging masaya ka na.” At mayroong iba na ang pagkaunawa sa pag-aasawa ay: “Dapat makahanap ka ng maykaya sa buhay, para hindi mo na aalalahanin ang pananamit at pagkain sa iyong pagtanda, at para masagana ang iyong materyal na buhay, at hindi mo maranasan ang kahirapan. Kahit ano pa ang kanyang edad o hitsura, kahit ano pa ang kanyang ugali, at kahit ano pa ang kanyang mga hilig, ayos lang basta’t may pera siya. Katanggap-tanggap siya basta’t mabibigyan ka niya ng perang panggastos at matutugunan niya ang iyong materyal na mga pangangailangan. Ang mamuhay kasama ang ganitong tao ay nagdudulot ng kaligayahan, at magiging komportable ang iyong katawan. Ito ang pag-aasawa.” Ito ang ilan sa mga pangangailangan at depinisyon na ibinibigay ng mga tao sa pag-aasawa. Itinuturing ng karamihan sa mga tao ang pag-aasawa bilang paghahanap ng kanilang minamahal, ng kanilang pinapangarap, ng isang Prince Charming, at pamumuhay kasama nito at pagiging magkasundo nito. Halimbawa, iniisip ng ilang tao na ang kanilang Prince Charming ay isang sikat o kilalang tao, isang taong may pera, katanyagan, at kayamanan. Iniisip nila na tanging ang pamumuhay kasama ang gayong tao ang kapuri-puri at masayang buhay mag-asawa, isang perpektong buhay mag-asawa, at tanging ang gayong buhay ang masaya. Iniisip ng ilang tao na ang kanilang mapapangasawa ay isang taong may katayuan. Iniisip naman ng iba na ang kanilang mapapangasawa ay maganda at kaakit-akit. Iniisip ng ilang tao na ang kanilang mapapangasawa ay nanggaling sa isang kilala, makapangyarihan, at may-kayang pamilya, isang mayamang tao. Iniisip ng ilang tao na ang kanilang mapapangasawa ay may mataas na ambisyon at mahusay sa trabaho nito. Iniisip ng ilang tao na ang kanilang mapapangasawa ay may natatanging talento. Iniisip ng ilang tao na ang kanilang mapapangasawa ay may mga espesyal na katangian. Ang lahat ng ito at marami pang iba ay ang mga hinihingi ng mga tao sa pag-aasawa, at siyempre, ang mga ito ang kanilang mga imahinasyon, kuru-kuro, at pananaw tungkol sa pag-aasawa. Sa madaling salita, ang mga taong nakapag-asawa na ay nagsasabi na ang pag-aasawa ay isang libingan, na ang pagpasok sa pag-aasawa ay pagpasok sa libingan, o sa isang sakuna; iniisip ng mga walang asawa na ang pag-aasawa ay talagang masaya at romantiko, at puno sila ng pananabik at mga ekspektasyon. Ngunit walang malinaw na makapagsalita, nakapag-asawa man o hindi pa, tungkol sa kanilang pagkaunawa o pagkaintindi sa buhay mag-asawa, o kung ano nga ba ang tunay na depinisyon at konsepto ng pag-aasawa, hindi ba? (Wala nga.) Sinasabi ng mga nakaranas na ng pag-aasawa na: “Ang pag-aasawa ay isang libingan, ito ay mapait.” Sinasabi naman ng ilan sa mga walang asawa na: “Ang iyong pagkaunawa sa pag-aasawa ay mali. Sinasabi mo na masama ang pag-aasawa, iyon ay dahil sobra kang makasarili. Wala kang masyadong iniambag sa inyong buhay mag-asawa. Dahil sa iba’t iba mong kapintasan at problema, naging magulo ang pagsasama ninyong mag-asawa. Sinira at winakasan mo ang pagsasama ninyong mag-asawa sa sarili mong kagagawan.” Mayroon ding mga may asawa na nagsasabi sa mga hindi pa nag-aasawa: “Isa kang mangmang na bata, ano ba ang alam mo? Alam mo ba kung ano ang mayroon sa pag-aasawa? Ang pag-aasawa ay hindi tungkol sa isang tao, o sa dalawang tao lamang—ito ay tungkol sa dalawang pamilya, o sa dalawang angkan pa nga. Maraming isyung nakapaloob dito na hindi simple o tuwiran. Kahit sa isang mundo na may dalawang tao lamang, kung saan dalawang tao lang ang sangkot, hindi ito ganoon kasimple. Kahit gaano kaganda ang iyong pagkaunawa at pantasya tungkol sa pag-aasawa, habang lumilipas ang mga araw, matatabunan ito ng mga karaniwang gawain para sa mga pang-araw-araw na pangangailangan, hanggang sa kumupas na ang kulay at tamis nito. Wala ka namang asawa, kaya ano bang alam mo? Hindi ka pa nag-asawa kailanman, hindi ka pa kailanman nakapangasiwa sa pag-aasawa, kaya hindi ka kwalipikadong magbigay ng ebalwasyon o kritisismo tungkol sa pag-aasawa. Ang iyong pagkaunawa sa pag-aasawa ay imahinasyon lamang, isang ilusyon—hindi ito nakabatay sa realidad!” Sinuman ang nagsasalita tungkol dito, mayroong obhetibong katwiran, pero sa huli, ano nga ba talaga ang pag-aasawa? Aling perspektiba ang pinakatama, at pinaka-obhetibong paraan upang tingnan ito? Alin ang pinakanaaayon sa katotohanan? Paano ito dapat tingnan? Kung ang tinutukoy man ay ang mga nakapag-asawa na o ang mga hindi pa, sa isang banda, ang kanilang pagkaunawa sa pag-aasawa ay puno ng kanilang sariling mga imahinasyon, at sa isa pang banda, ang tiwaling sangkatauhan ay emosyonal tungkol sa papel na kanilang ginagampanan sa pag-aasawa. Dahil hindi nauunawaan ng tiwaling sangkatauhan ang mga prinsipyo na dapat nilang panghawakan sa iba’t ibang kapaligiran, at hindi nila nauunawaan ang papel na kanilang ginagampanan sa pag-aasawa o ang mga obligasyon at responsabilidad na kanilang dapat tuparin, ang ilan sa kanilang mga kasabihan tungkol sa pag-aasawa ay hindi maiiwasan na maging emosyonal, at kinapapalooban ng kanilang mga personal na kasakiman at pagiging mainitin ng ulo, atbp. Siyempre, may asawa man ang isang tao o wala, kung hindi niya nakikita ang pag-aasawa mula sa perspektiba ng katotohanan, at kung wala siyang tunay na pagkaunawa at kaalaman tungkol dito mula sa Diyos, kung gayon, maliban sa kanyang praktikal na personal na karanasan sa pag-aasawa, malaking bahagi ng kanyang pagkaunawa sa pag-aasawa ay naiimpluwensiyahan ng lipunan at ng buktot na sangkatauhan. Ito rin ay naiimpluwensiyahan ng atmospera, mga kalakaran, at mga opinyon ng publiko, pati na rin ng nakalilinlang, may kinikilingan—at ng maaaring mas partikular na tinatawag na di-makatao—na mga pahayag ng mga tao tungkol sa pag-aasawa sa bawat antas at pangkat ng lipunan. Dahil sa mga bagay na ito na sinasabi ng ibang tao, sa isang banda, hindi namamalayang maiimpluwensiyahan at makokontrol ang mga tao ng mga kaisipan at pananaw na ito, at sa isa pang banda, hindi namamalayang tatanggapin nila ang mga saloobin at paraang ito ng pagtingin sa pag-aasawa, pati na rin ang mga paraang ito ng pagharap sa pag-aasawa, at ang mga saloobin sa buhay ng mga namumuhay nang may asawa. Una sa lahat, ang mga tao ay walang positibong pagkaunawa sa pag-aasawa, ni wala silang positibo, tumpak na kaalaman at pagkaunawa rito. Bukod dito, ikinikintal sa kanila ng kapwa lipunan at masamang sangkatauhan, ang negatibo at nakalilinlang na kaisipan tungkol sa pag-aasawa. Kaya naman, ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao tungkol sa pag-aasawa ay nagiging baluktot, at nagiging masama pa nga. Hangga’t ikaw ay namumuhay at nananatiling buhay sa lipunang ito at may mga matang nakakakita, may mga tainga na nakaririnig, at isipan na nakapagninilay-nilay sa mga katanungan, sa magkakaibang antas, tatanggapin mo ang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw na ito, na hahantong sa mali, may kinikilingang pagkaunawa at kaalaman sa pag-aasawa. Halimbawa, sa nakaraang isang daang taon, hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang romantikong pag-ibig, at ang kanilang pagkaunawa sa pag-aasawa ay napakasimple. Kapag ang isang tao ay nasa tamang gulang na para mag-asawa, isang matchmaker ang magpapakilala sa kanila sa isa’t isa, ang kanilang magulang ang mangangasiwa sa lahat, at pagkatapos, sila ay ikakasal sa isang miyembro ng kabilang kasarian, papasok sila sa pag-aasawa, at mamumuhay nang magkasama sa paglipas ng panahon. Sa gayon, sasamahan nila ang isa’t isa sa buhay na ito, hanggang sa wakas. Ganoon kasimple ang pag-aasawa. Ito ay tungkol sa dalawang indibidwal—ng dalawang tao mula sa magkaibang pamilya na mamumuhay nang magkasama, sasamahan ang isa’t isa, aalagaan ang isa’t isa, at magsasama sa habambuhay. Ganoon lang ito kasimple. Pero dumating ang panahon na binanggit ng mga tao ang tinatawag na romantikong pag-ibig, at ang romantikong pag-ibig ay idinagdag sa nilalaman ng pag-aasawa, hanggang sa kasalukuyan. Ang terminong “romantikong pag-ibig,” o ang kahulugan at ideya nito, ay hindi na isang bagay na ikinahihiya ng mga tao sa kaibuturan ng kanilang puso o isang bagay na nahihirapan silang pag-usapan. Sa halip, lubos na likas itong umiiral sa mga kaisipan ng mga tao, at natural para sa mga tao na pag-usapan, hanggang sa punto na kahit ang mga wala pa sa hustong gulang ay nag-uusap tungkol sa tinatawag na romantikong pag-ibig. Kaya ang ganitong uri ng mga kaisipan, pananaw, at pahayag ay hindi nakikita ngunit naiimpluwensiyahan nito ang lahat, mga lalaki at babae, mga matanda at bata. Ang impluwensiyang ito ang dahilan kung bakit masyadong mataas ang pagpapahalaga ng lahat sa pag-aasawa—sa mas tumpak na salita, ito ay may kinikilingan. Lahat ay nagsimula nang pagkatuwaan ang pag-ibig at pagnanasa. Ang diumano’y “romantikong pag-ibig” ng tao ay ang pagsasanib lamang ng pag-ibig at ng simbuyo ng damdamin.[a] Ano ang ibig sabihin ng “pag-ibig”? Ang pag-ibig ay isang uri ng pagkagiliw. Ano ang ibig sabihin ng “simbuyo ng damdamin”? Ito ay nangangahulugan ng kahalayan. Ang pag-aasawa ay hindi na kasingsimple ng dalawang tao na pinapalipas ang mga araw bilang magkatuwang; sa halip, ito ay naging isang kasangkapan na para sa pagkagiliw at kahalayan. Hindi ba’t ito nga ang nangyayari? (Oo.) Ang pagkaunawa na ng mga tao sa pag-aasawa ay na isa itong pagsasanib ng kahalayan at pagkagiliw, kaya posible kayang maging maganda ang kanilang buhay mag-asawa? Hindi namumuhay nang tama ang mga lalaki at babae, hindi rin nila nagagampanan nang maayos ang kanilang mga responsabilidad, at ginugugol nila ang kanilang mga araw nang hindi praktikal. Madalas nilang pinag-uusapan ang pag-ibig, ang simbuyo ng damdamin, ang pagkagiliw at kahalayan. Sa palagay ninyo, maaari ba silang mamuhay nang maayos at matatag? (Hindi.) May tao bang kayang lagpasan ang mga tukso at pang-uudyok na ito? Walang may kayang lagpasan ang mga tukso at pang-uudyok na ito. Sa lipunan, ang mga tao ay puno ng kahalayan at pagkagiliw para sa isa’t isa. Ito ang tinatawag nilang romantikong pag-ibig, at ganito ang pagkaunawa ng mga tao ngayon sa pag-aasawa; ito ang kanilang pinakamahalagang pananaw sa pag-aasawa, ang pinakapinapaboran nila. Kaya, ang sitwasyon ng pag-aasawa ng mga tao sa kasalukuyan ay labis nang nagbago, at ito ay naging terible at magulo. Ang pag-aasawa ay hindi na kasingsimple ng usapin ng isang lalaki at isang babae; sa halip, ito ay naging usapin na ng lahat ng tao, mga lalaki at babae, na pinagkakatuwaan ang pagkagiliw at kahalayan—lubos na imoral ito. Sa pamamagitan ng pang-uudyok ng masasamang kalakaran, o sa pagkikintal ng masasamang kaisipan, ang pagkaunawa at perspektiba ng mga tao sa pag-aasawa ay nagiging baliko, hindi normal, at buktot. Dagdag pa rito, ang mga pelikula at palabas sa telebisyon ng lipunan, pati na ang mga literatura at sining, ay patuloy na naglalabas ng mas maraming buktot at imoral na interpretasyon at pahayag tungkol sa pag-aasawa. Detalyadong isinasalarawan ng mga direktor, manunulat, at aktor ang pag-aasawa bilang isang teribleng kalagayan. Ito ay puno ng kabuktutan at kahalayan, na nagdudulot ng kaguluhan sa mga mapayapang buhay mag-asawa. Kaya, simula nang magkaroon ng romantikong pag-ibig, nagiging mas madalas ang diborsiyo sa lipunan ng tao, pati na rin ang mga pakikiapid; mas maraming anak ang napipilitang tiisin ang pinsala ng pagdidiborsiyo ng kanilang mga magulang, napipilitang mamuhay na ang kasama lang ay ang kanilang ina o kaya ay ang kanilang ama, kaya ginugugol nila ang kanilang pagkabata at kabataan, o lumalaki sila sa mga hindi wastong sitwasyon ng buhay mag-asawa ng kanilang mga magulang. Ang dahilan ng lahat ng iba’t ibang trahedya ng pag-aasawa, ng mga mali o balikong buhay mag-asawang ito, ay na ang pananaw sa pag-aasawa na isinusulong ng lipunan ay may kinikilingan, buktot, at imoral, hanggang sa puntong wala na itong etika at moralidad. Dahil ang sangkatauhan ay walang tumpak na pagkaunawa sa mga bagay na positibo o wasto, hindi namamalayan ng mga tao na tinatanggap nila ang mga kaisipan at pananaw na ito na isinusulong ng lipunan, kahit gaano pa kabaliko ang mga ito. Ang mga bagay na ito ay parang lason, kumakalat sa buong katawan mo, sumisira sa bawat kaisipan at ideya mo, at sumisira sa mga wastong bahagi ng iyong pagkatao. Ang konsensiya at katwiran ng iyong normal na pagkatao ay agad na nagiging malabo, hindi malinaw, o mahina; pagkatapos, ang mga kaisipan at pananaw na ito na mula kay Satanas na baluktot, buktot, at walang etika at moralidad, ay nangingibabaw at nangunguna sa kaibuturan ng iyong mga saloobin at ng iyong puso, at sa iyong isipan. Pagkatapos mangibabaw at manguna ng mga bagay na ito, ang perspektiba mo sa mga isyu tulad ng pag-aasawa ay agad na nagiging mali at baluktot, at walang etika at moralidad, hanggang sa puntong nagiging buktot na ito, ngunit ikaw mismo ay hindi ito alam, at iniisip mo na ganap itong nararapat: “Lahat naman ay ganito mag-isip, kaya bakit hindi pwedeng ako rin? Nararapat lang na ganito mag-isip ang lahat, kaya hindi ba’t nararapat lang din na ganito ako mag-isip? Kaya, kung hindi nahihiya ang iba na mag-usap tungkol sa romantikong pag-ibig, wala rin akong dapat ikahiya. Noong una, medyo naiilang ako, medyo nahihiya, at mahirap para sa akin na magsalita. Pagkatapos makipagtalakayan tungkol dito nang ilang beses, naging ayos na ako. Habang mas nakikinig at nagsasalita tungkol dito, mas naisasaloob ko ito.” Totoo, ikaw ay nagsasalita at nakikinig, at naisasaloob mo ang bagay na ito, ngunit ang tunay, orihinal na pagkaunawa sa pag-aasawa ay hindi nagiging matatag sa kaibuturan ng isipan mo, kaya nawala na sa iyo ang konsensiya at katwiran na dapat mayroon ka bilang isang normal na tao. Ano ang dahilan ng pagkawala nito? Ito ay dahil tinanggap mo ang diumano’y “romantikong pag-ibig” na pananaw sa pag-aasawa. Nilamon nitong tinatawag na “romantikong pag-ibig” na pananaw sa pag-aasawa ang orihinal na pagkaunawa at pagkaresponsableng taglay ng iyong normal na pagkatao tungkol sa pag-aasawa. Agad-agad mong sinimulang personal na isagawa ang iyong sariling pagkaunawa sa romantikong pag-ibig. Patuloy kang naghahanap ng mga taong iyong nakakasundo, mga taong umiibig sa iyo o iniibig mo, at hinahangad mo ang romantikong pag-ibig sa pamamagitan ng marangal o hindi marangal na paraan, nagsisikap ka nang husto at nagiging walang kahihiyan, hanggang sa puntong buong buhay mong gugugulin ang iyong lakas alang-alang sa romantikong pag-ibig—at magiging katapusan mo na. Sa proseso ng paghahangad ng romantikong pag-ibig, halimbawa, nakahanap ang isang babae ng isang taong kanyang hinahangaan, at iniisip niya na: “Nagmamahalan tayo, kaya magpakasal na tayo.” Pagkatapos niyang magpakasal, naninirahan siya kasama ang taong iyon ng ilang panahon, pagkatapos ay napagtanto niyang may ilang kapintasan ito, at iniisip niya: “Hindi niya ako gusto, at hindi ko rin talaga siya gusto. Hindi kami bagay, kaya, isang pagkakamali ang aming romantikong pagmamahalan. Sige, magdidiborsiyo na kami.” Pagkatapos ng diborsiyo, kasama niya ang kanyang anak na dalawa o tatlong taong gulang at naghahanda siyang maghanap ng ibang mapapangasawa, iniisip niya: “Dahil walang pag-ibig ang naging huli kong pag-aasawa, kailangan kong siguruhin na ang susunod ay may totoong romantikong pag-ibig. Sa pagkakataong ito ay kailangan kong makasiguro, kaya kailangan kong maglaan ng oras sa pagsisiyasat.” Pagkaraan ng ilang panahon, may nakatagpo siyang ibang tao, “Ito na ang pinapangarap kong pag-ibig, ang taong naiisip kong magugustuhan ko. Gusto niya ako, at gusto ko rin siya. Hindi niya kayang mawalay sa akin at hindi ko rin kayang mawalay sa kanya; para kaming dalawang magnet na naaakit sa isa’t isa, palagi naming gusto na magkasama kami. Iniibig namin ang isa’t isa, magpapakasal na kami.” At kaya, nag-asawa siyang muli. Pagkatapos mag-asawa, nagkaroon siya ng isa pang anak, at pagkatapos ng dalawa o tatlong taon, iisipin niya na: “Marami-rami ang kapintasan ng taong ito; tamad siya at matakaw. Mahilig siyang magyabang at magmalaki, at makipagdaldalan. Hindi niya tinutupad ang kanyang mga responsabilidad, hindi niya ibinibigay ang kanyang kita sa pamilya, at nag-iinom at nagsusugal siya buong araw. Hindi ganito ang taong gusto kong ibigin. Hindi ganito ang taong iniibig ko. Hihiwalayan ko na siya!” Bitbit ang dalawang anak, nakipagdiborsiyo na naman siya. Pagkatapos makipagdiborsiyo, nagsimula siyang mapatanong: Ano nga ba ang romantikong pag-ibig? Wala siyang masabi. May ilang taong dalawa o tatlong beses nang nabigo sa pag-aasawa, at ano ang sinasabi nila sa huli? “Hindi ako naniniwala sa romantikong pag-ibig, naniniwala ako sa pagkatao.” Kita mo, nag-uurong-sulong sila, at hindi nila alam kung saan sila dapat maniwala. Hindi nila alam kung ano ang pag-aasawa; tinatanggap nila ang mga nakalilinlang na kaisipan at perspektiba, at ginagamit ang mga kaisipan at perspektibang ito bilang kanilang mga pamantayan. Personal nilang isinasagawa ang mga kaisipan at perspektibang ito, at kasabay nito, pinipinsala rin nila ang pag-aasawa at ang kanilang sarili, pati na rin ang ibang tao; sa iba’t ibang antas, ipinapahamak nila ang susunod na henerasyon at ang kanilang sarili, kapwa sa pisikal at espirituwal na aspekto. Ang mga bagay na ito ay bahagi ng dahilan kung bakit ang mga tao ay nakakaramdam ng pasakit at kawalan ng pag-asa tungkol sa pag-aasawa, kung bakit wala silang magandang saloobin tungkol sa pag-aasawa. Kakatapos Ko lang magbahagi tungkol sa iba’t ibang perspektiba at depinisyon ng mga tao sa pag-aasawa, pati sa sitwasyon ng pag-aasawa ng tao bilang resulta ng mga maling pananaw ng mga modernong tao tungkol sa pag-aasawa; sa madaling salita, mabuti ba o masama ang sitwasyon ng modernong pag-aasawa ng tao? (Masama ito.) Wala itong magandang kinabukasan, hindi ito optimistiko, at lalong nagiging napakagulo. Mula sa Silangan hanggang sa Kanluran, sa Timog hanggang sa Hilaga, ang buhay may-asawa ng tao ay nasa isang terible at magulong kalagayan. Ang mga tao ng kasalukuyang henerasyon—mga taong ang edad ay nasa apatnapu o singkwenta—ay pawang nakasasaksi sa kasawian ng pag-aasawa ng mga nakaraan at sumusunod na henerasyon, pati na rin sa mga pananaw ng mga henerasyong ito tungkol sa pag-aasawa, at sa mga bigong karanasan ng mga ito sa pag-aasawa. Siyempre, maraming tao na wala pa sa edad kuwarenta ang biktima ng iba’t ibang sawing pag-aasawa; ang ilan sa kanila ay mga solong ina, ang iba ay mga solong ama, bagamat siyempre, kung tutuusin, mas kaunti ang mga single father. May ilang taong lumalaki kasama ang kanilang tunay na ina at padrasto, at ang iba naman ay lumalaki kasama ang kanilang tunay na ama at madrasta, at ang iba ay lumalaki kasama ang kanilang mga kapatid mula sa ibang ina at ama. Ang iba ay may mga magulang na nagdiborsiyo at nag-asawang muli, at wala sa kanilang mga magulang ang may gustong kumuha sa kanila, kaya sila ay nagiging ulila, lumalaki sila tungo sa hustong gulang nang nangangapa sa lipunan; pagkatapos, sila ay nagiging padrasto o madrasta, o kaya ay nagiging isang solong ina o solong ama. Ito ang sitwasyon ng modernong pag-aasawa. Hindi ba’t ang pamamahala ng tao sa pag-aasawa sa ganitong antas ay resulta ng pagtitiwali ni Satanas sa kanila? (Oo.) Itong mahalagang aspekto, upang manatiling buhay at dumarami ang tao, ay lubos na sinira at ginulo. Sa palagay mo, paano namumuhay ang sangkatauhan? Nakakasama ng loob na makita ang buhay ng bawat pamilya; nakakapangilabot pa nga itong tingnan. Huwag na natin itong pag-usapan pa; kapag mas pinag-uusapan ito, mas nakakasama lang ng loob, hindi ba?

Talababa:

a. Ang orihinal na teksto ay hindi naglalaman ng pariralang “Ang diumano’y ‘romantikong pag-ibig’ ng tao ay ang pagsasanib lamang ng pag-ibig at ng simbuyo ng damdamin.”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.